You are on page 1of 8

PAGBASA AT PAGSUSURI NG IBA’T IBANG TEKSTOTUNGO SA PANANALIKSIK

BAITANG 1 1, YUNIT 2
Tekstong Impormatibo
Aralin 1
Katangian at Kalikasan ng Teksto

Layunin Natin
Pagkatapos ng araling ito, ang mga mag-aaral ay inaasahang natutukoy at
naipaliliwanag ang katangian at kalikasan ng tekstong impormatibo.

Mahalaga ang tekstong impormatibo dahil nagbibigay ito ng impormasyong


kailangang malaman ng mga tao. Ang impormasyong ito ay makatutulong upang
mapabilis, mapabuti, at mapadali ang mga gawain sa araw-araw. Ano ang tekstong
impormatibo? Ano ang mga uri ng impormasyong bumubuo sa tekstong impormatibo?
Ano ang mga halimbawa ng tekstong impormatibo?

Ang tekstong impormatibo ay tekstong nagbibigay o nagtataglay ng tiyak na


impormasyon tungkol sa isang tao, bagay, lugar, o pangyayari. Sinasagot nito ang mga
tanong na ano, sino, at paano tungkol sa isang paksa.

Masasabing obhetibo ang mga tekstong impormatibo dahil naglalahad ito ng


tiyak na katotohanan o kaalaman nang walang pagkiling.

Dalawang Uri ng Impormasyon


Upang masiguradong obhetibo ang mga detalye sa loob ng tekstong
impormatibo, maaari itong magkaroon ng dalawang uri ng impormasyon—tuwiran at
hindi tuwiran.
Sa tuwiran, ang impormasyon ay mula sa orihinal na pinagmulan nito o batay sa
kaalaman ng nagpapahayag o may-akda. Halimbawa, ang nagsasalaysay ay saksi sa
isang pangyayari.

Ang tuwirang pahayag ay naglalahad ng ensaktong mensahe o impormasyon


ipinahayag ng isang tao. Gumagamit ito ng mga panipi ( “ ”) upang ipakita ang buong
sinabi ng mamahayag.

Sa hindi tuwiran, ang impormasyon ay mula sa kuwento ng ibang tao na


naipasa na lamang sa iba. Halimbawa, isinasalaysay ng may-akda ang isang
pangyayaring naikuwento sa kaniya ng isang kaibigan.

Ang Hindi-Tuwirang pahayag ay binabanggit lamang muli kung ano ang tinuran o
sinabi ng isang tao. Hindi ito ginagamitan ng mga panipi. Madalas rin ay ginagamitan ito
nga mga pang-ukol tulad ng alinsunod sa/kay, batay sa/kay, ayon sa/kay atbp.

Sa pagbasa ng tekstong impormatibo na may tuwirang impormasyon, mas


maaasahan mong makatotohanan ito kaysa sa tekstong galing lamang sa
napagpasahan na ng impormasyon. Hindi man maiiwasan ang pagkakaroon ng hindi
tuwirang impormasyon, maaari naman tayong maging matalinong mambabasa na
marunong tumimbang ng katotohanan ng ating binabasa, at isa nang paraan ng pag-
alam nito ay sa pagtukoy kung tuwiran o hindi tuwi ran ang ating babasahin.

Mga Halimbawa ng Tekstong Impormatibo

Matapos nating malaman ang mga uri ng impormasyong mababasa sa isang


tekstong impormatibo, mainam ding malaman kung ano-ano ang halimbawa ng
tekstong impormatibo.

Ang balita ay impormasyon tungkol sa napapanahong pangyayari. Ito ay


maaaring nakalimbag, napanonood sa telebisyon, naririnig sa radyo, at nababasa
online. Nilalayon nitong makapagbahagi ng makabuluhang impormasyon sa publiko.
Ang halimbawang tekstong impormatibo sa simula ng ating aralin na
pinamagatang “Angeles, Makata ng Taon 2016” ay isang halimbawa ng balita.
Mababasa rito ang pangyayari ng pagkapanalo ng isang kalahok sa patimpalak na
isinagawa ng Komisyon sa Wikang Filipino. Naglalaman ito ng makabuluhang detalye
kung saan, kailan, at paano gagawaran ng premyo si Mark Anthony S. Angeles.

Ang patalastas ay anunsiyo tungkol sa produkto, serbisyo, o okasyong nais


ipaalam sa publiko. Ito ay maaaring inililimbag, napanonood sa telebisyon, naririnig sa
radyo, at nababasa online. Nilalayon nitong makabenta ng kaniyang ipinakikilalang
produkto, serbisyo, o okasyong nais padaluhan. Kapag kayo ay nanonood ng
telebisyon, nakikinig sa radio, o nagbabasa ng diyaryo, mayroong bubungad sa inyong
mga patalastas matapos ng ilang minuto o sa bawat pagbuklat ng pahina. Maaari itong
naglalaman lamang ng:
1) pangalan ng produkto
2) litrato o larawan ng produkto, at
3) pagpapaliwanag kung ano ang bentahe nito sa pamamagitan ng slogan.
Ang anunsiyo ay pormal na paglalahad sa publiko tungkol sa isang katunayan,
intensyon, gawain, o pangyayaring dapat malaman ng mga tao. Ito ay maaaring
inililimbag, napanonood sa telebisyon, naririnig sa radyo, at nababasa online. Nilalayon
nitong magbahagi ng impormasyon o magpadalo sa isang okasyong ipinatatangkilik
nito.

Sa halimbawang tekstong impormatibo na isang balita, maaaring isipin natin na


ang pagkakaroon ng patimpalak ay mula sa isang anunsiyo ng Komisyon sa Wikang
Filipino, na may binuksan itong paligsahan. Sa anunsiyo nito, naglaman ito ng detalye
tungkol sa ano ang patimpalak, sino ang maaaring sumali, paano sumali, saan at kailan
ang huling araw ng pagpasa ng mga entry.

Ang memorandum ay dokumentong naglalaman ng impormasyon tungkol sa


kautusang isasagawa, o dapat sundin, o hindi kaya ay naglalaman ng pagbabago sa
isang kautusang dati nang naipatupad. Ito ay mababasa sa nakalimbag na anyo at
maging online. Halimbawa ng memorandum ay ang mga memorandum na
pangkaragawan mula sa mga partikular na sangay ng pamahalaan, para sa kaniyang
mga opisyales at empleyado. Sulyapan sa kanang bahagi ang halimbawa nito mula sa
Department of Education. Makikita rito ang petsa, memorandum number, tiyak ang
listahan ng mga taong pinararatingan ng impormasyon, at sa ilalim nito ay ang
nilalaman ng memorandum.

Mga Kategorya ng Tekstong Impormatibo


Mula sa ating pagkakilala sa apat na halimbawa ng tekstong impormatibo,
maikakategorya ang mga aspekto nito sa:
1 ) midyum kung paano ito naipararating,
2) katangian ng haba nito,
3) paksa,
4) pinanggagalingan ng impormasyon,
5) layunin ng pagpaparating ng impormasyon, at
6) kung ano-anong detalye ang nilalaman nito.

Malalaman mula rito na ang balita ay komprehensibong pagpaparating ng


impormasyon sa mga napapanahong pangyayari, habang ang anunsiyo ay naiiba
rito, dahil ito ay pinaikli at maging kahit sino ay makapagbibigay nito. Ang
anunsiyo ay pareho sa patalastas na maikli, ngunit ang patalastas ay maaaring
impormasyon tungkol lamang sa produkto, serbisyo, o okasyon, at kung paano
ito nagkakaroon ng bentahe para sa mga tatangkilik nito. Mapapansin namang ang
patalastas ay may tiyak na layuning makapagbenta. Tulad ito sa
memorandum na may tiyak na layunin, subalit naiiba naman ang memorandum
dahil ito ay nais magparating ng impormasyon na kailangang sundin.

Dapat Tandaan
Paglalapat

Inaasahang Pag-uunawa
 Ang pagbabasa ng iba’t ibang uri ng teksto ay nakatutulong sa pagkakaroon ng
mas malawak na kaalaman.

 Lahat ng nababasa ay kailangang sinusuri upang masigurong ito ay tama.

 Ang pagkakaroon ng kaalaman sa iba’t ibang uri ng teksto ay nakatutulong


upang higit pang maunawaan ang kakanyahan ng bawat uri ng teksto.

Paglalagom

● Ang tekstong impormatibo ay tekstong nagbibigay o nagtataglay ng tiyak na


impormasyon tungkol sa isang tao, bagay, lugar, o pangyayari. Sinasagot nito
ang mga tanong na ano, sino, at paano tungkol sa isang paksa.

● Obhetibo ang mga tekstong impormatibo dahil naglalahad ito ng tiyak na


katotohanan o kaalaman nang walang pagkiling.

● Maaaring tuwiran o hindi tuwiran ang impormasyong hatid ng tekstong


impormatibo.

● May iba’t ibang uri o halimbawa ng tekstong impormatibo na maaaring


maikategorya pa ayon sa aspektong kinabibilangan nito.

You might also like