You are on page 1of 5

PAMAMARAANG SOKRATIKO

Lecture Notes ni Severo Brillantes

1. Gawain ng guro ayon kay Socrates

Ayon kay Socrates, ang gawain ng guro ay tulad ng isang komadrona (Theaetetus, Mga
Dayalogo ni Platon). Kung ang komadrona ay tumutulong sa isang buntis upang mapadali ang
kanyang panganganak, ang guro naman ay tumutulong sa mag-aaral upang mapadali ang
kanyang pagkatuto (kaya nga ang isang tawag sa guro ay facilitator; to facilitate: to make
something easier).

2. Paano ginagawa iyan ng komadrona? Guro?

Tinututulungan ng komadrona ang buntis sa pamamagitan ng pagpapaire sa kanya. Sa ganoong


paraan dahan-dahang maitutulak ng buntis ang sanggol palabas sa kanyang sinapupunan. Hinga,
ire; hinga, ire (Breathe; Push) hanggang mailuwal ng ina ang kanyang anak.

Ang guro naman, ay tinutulungan ang mag-aaral na matututo sa pamamagitan ng kanyang mga
pagtatanong, nang sa ganoong paraan ay mahikayat niya ang mag-aaral na mag-isip: 1) bigyang
linaw ang kanyang mga ideya, 2) maituwid ang kanyang mga maling pag-unawa at 3) sa
kalaunan ay mailuwal niya ang mas mayamang kaalaman na kanya mismong natuklasan.

3. Guro bilang gabay lamang

Maari bang sabihin ng komadrona na siya na lang ang manganganak para sa buntis? Gayundin,
hindi maaaring sabihin ng guro na siya na lang ang matututo para sa kanyang mag-aaral. Ito ay
nangangahulugan na hindi gawain ng guro na ibigay sa mga mag-aaral ang yari nang mga
kaalaman kundi upang gabayan lamang sila na sariling tumuklas ng katototohanan.

May hirap kung minsan, gaya rin ng ina na nakararanas ng kirot sa panganganak. Ngunit kay
saya kung kayo mismo ang nakatuklas ng kaalaman kaysa kung isasalin lamang ng guro ang
kanyang nalalaman sa inyo.

Ayon kay Socrates, may mga katanungan nang bumabalisa kay Theaetetus na hindi niya
mawaglit sa kanilang isipan dahil ang isipan niya ay hindi baog o walang laman at ang kaniyang
dinaranas ay tulad ng kirot at hapdi na nararamdaman ng buntis na malapit nang manganak (“My
dear Theaetetus, that is because your mind is not empty or barren. You are suffering the
pains of travail”; https://www.phy.ilstu.edu/pte/209content/theaetetus.html).

Tulad ng komadrona, wala siya mismong kakayahang mailuluwal ang karunungan, dahil
bagaman nagtatanong siya sa iba, wala naman daw siya mismong taglay na karunungan. Ang
nailuwal nilang maraming mga kahanga-hangang katotohanan ay sarili nilang natuklasan sa
kanilang kalooban (“I cannot myself give birth to wisdom… though I question others, I can
myself bring nothing to light because there is no wisdom in me… The many admirable
truths they bring to birth have been discovered by themselves from within”; ibid).

1
4. Anong kakayahan ang mahahasa sa mga mag-aaral? Paano ba mag fact check?
Sa pamamagitan ng pagtatanong ng guro, magsisimula kayong mag-usisa, magsiyasat, magsuri
kung ano nga ba ang totoo at may sapat bang batayan na iyon nga ay totoo. Mahahasa sa inyo
ang kakayahang mag-isip ng mapanuri.

a. ang pagiging mapanuri sa pag-iisip

Kailan ninyo masasabing mapanuri ang pag-iisip ng isang tao? Ibig sabihin ng may mapanuring
pag-iisip ay hindi kayo basta-basta bulag na maniniwala o tatanggi na lamang sa sinasabi ng iba
kundi inyong sisiyasatin at aalamin muna kung ang mga iyon ba ay totoo o kabulaaanan at kung
suportado ng sapat na katibayan o katwiran. Sa isang may mapanuring pag-iisip kung gayon,
ang batayan ng pagsang-ayon ay katwiran at katibayan. Ganyan mag fact-check.

Kung may sasabihin o isusubo ang guro sa inyo, lululunin ba ninyo ng buong-buo? Hindi.
Ngunguyain ninyo muna (ibig sabihin, susuriin muna ninyo) at kung hindi umayon sa inyong
panlasa inyong iluluwa. Iyan ang pagiging mapanuri.

b. di mapanuri ang marami

Ngunit kung kayo ay aktibo sa FB, ano ang mapapansin ninyo sa galaw ng mga Pilipino doon?
Mapanuri ba sila sa kanilang pag-iisip? Nakalulungkot na ang ilan ay mapapaniwalain;
nagpapadala na lamang sa damdaming napupukaw sa kanila, tulad ng awa, takot o paghanga sa
ilang tao.

Agaran silang naniniwala at ipinapalagay na ang isang pahayag ay totoo bagaman walang sapat
na katibayan dahil lamang ang kanilang nababasa o naririnig ay alinsunod sa kanilang mga
pagkiling at paunang hatol (biases and prejudices) na wala man lang pagsisikap na alamin kung
ang mga iyon ay nakasandig sa katwiran o katibayan.

1) halimbawa ng paunang hatol

Isang karaniwang paunang hatol natin ay dahil babae mahina. Kaya nga ayon sa ilan ang pangulo
ng Pilipinas dapat ay lalaki. Ngunit inalam ba nila kung may katibayan nga na ang isang babae
na tinutukoy nila ay tunay ngang mahina? Iyan ang katangian ng isang paunang hatol (prejudice
or pre-judgment): umaaayon o tumatanggi kahit hindi pa inaalam kung may sapat na katibayan.

Ngunit iyan daw ang nakalulungkot na kapanahunan natin ngayon, ang post-truth era, kung
saan ang mga pagtatalo ay batay lamang sa mga damdamin sa halip na sa katibayan o katwiran;
kung saan ang katotohanan ay hindi na mahalaga.

2) Reaksyon kapag walang katibayan

Kaya pag may nababasa ako sa FB ang lagi kong tanong sa nag-post o nag-comment,
“katibayan po ninyo?”. Ang ilan ay iibahin na ang usapan at aatakihin ang inyong pagkatao
(ang galing mo, siguro dapat ikaw ang maging pangulo) o sasabihin na naninira ka lamang,

2
gayong iba naman ang paninira sa pagsasabi ng katotohanan. Ang ilan ay mananahimik na
lamang. Hindi na iimik, na pag-amin na wala talaga silang katibayan.

Kaya hindi totoo na dahil hindi umiimik ay dahil ang bait ng tao na iyon, na kahit anong atake
daw sa kanya ay hindi pinapatulan. Ngunit ang nakakabinging pananahimik sa harap ng mga
paratang na nangangailangan ng katugunan kung hindi totoo ay isang uri ng pag-amin
“Admission by silence. - An act or declaration made in the presence and within the hearing or
observation of a party who does or says nothing when the act or declaration is such as naturally
to call for action or comment if not true, and when proper and possible for him or her to do so,
may be given in evidence against him or her (Section 33, Rule 130, Revised Rules of
Evidence).

Ang layon ng pag-aaral kung gayon ay hindi ang matutunan ninyo kung ano ang iisipin kundi
kung paano mag-isip. Hindi ko hangad na gawin kayong mga robot o tau-tauhan lamang, kundi
mga taong may kakayahan mag-isip at magpasya para sa inyong mga sarili.

6. komadrona ng pagbabago

Kaya paano magbabago ang lipunan kung ang mga mag-aaral ay nahuhubog na gayong mag-isip,
bulag na umaayon na lamang? Sa isang banda, tayo ay dapat maging mga komadrona rin,
komadrona ng pagbabago upang sa pamamagitan ng ating pagkilos ay mawasak ang
kasalukuyang lipunang mapagsamantala at di makatarungan.at mailuwal ang isang bagong
lipunan na makatao at makatarungan.

Ayon kay Frederick Engels, ang papel ng pagiging komadrona na magpapaluwal sa isang
bagong lipunan ay magagampanan lamang ng isang marahas na rebolusyon na ayon sa kanya ay
hindi maiiwasan (The State and Revolution ni Lenin), na hindi ko sinasang-ayunan. Ito ay sa
kadahilanang ang kongkretong mga kalagayan ng lipunan ang magpapasya ng pamamaraan ng
pagbabago ng lipunan.

7. Ano ang inaasahan sa mga mag-aaral?

Tulad ng ina, kailangan kayong maging buntis, buntis sa kaalaman. Iyan si _____ di naman siya
buntis. Pag umire nang umire, baka may ibang isilang. Iyong isinisilang niyo tuwing umaga.

8. Paano mabubuntis sa kaalaman?

Paano kayo mabubuntis sa kaalaman? Sa tulong ng inyong mga babasahin. Hindi ang
memoryahin at bulag na tanggapin ang nakasulat sa mga babasahin; hindi ang itrato na mga iyon
na ebanghelyo na tatanggapin ninyo batay sa pananampalataya, kundi paraan lamang upang kayo
ay maanyayahan na mag-isip, magtanong, mag-usisa at makabuo ng sarili ninyong mga
paninindigan na maari ninyong ibahagi: maaring tulad ng nasa mga babasahin o karagdagan sa
nasa babasahin o kahit pa salungat sa mga nabasa ninyo.

a. Paano isasagawa ang talakayan sa klase

3
Sisimulan natin lagi ang klase sa pagbabalik-aral, na susundan ng paghimay ng nasa mga
babasahin, sa tulong ng ilang mga katanungan galing sa akin o sa inyong mga kamag-aral.; mga
katanungan bilang paanyaya na kayo ay makiisa sa kolektibong pagsisiyasat at pagtuklas natin
ng katotohanan. Kaya ihanda ninyo ang inyong mga katanungan batay sa nabasa ninyo na
hihingiin ko naman sa inyong mga kamag-aral na hanapan ng kasagutan.

9. Ang kailangan upang matuto

Ayon kay Dr. Ariston Estrada na dati kong guro sa pilosopiya, may tatlong lubhang kailangan
(indispensable) upang matuto: kababaang loob ng isipan (intellectual humility), pagnanais
(desire) at pansin (attention). Kababaan ng loob ng isipan. Iyan ang aral ni Socrates.

10. Simula ng karunungan: kababaang loob ng isipan

Ayon sa orakulo ng Delphi, walang tao na mas higit kay Sokrates sa karunungan. Sa pamagitan
ng pagtatanong nabatid ni Socrates na wala silang alam ngunit inaakala na may alam sila. Wala
silang kamalayan sa kanilang kamangmangan. Ayon kay Socrates may kaunting kalamangan
siya at marahil ito ang ibig sabihin ng orakulo, dahil wala siyang alam ni inaakalang may alam
siya. ("I am better off than he is (others who claim to be wise) - for he knows nothing, and
thinks that he knows. I neither know nor think that I know. In this latter particular, then, I
seem to have slightly the advantage of him.")

Ano ang aral dito? Ang pagkilala sa inyong kamangmangan ang simula ng karunungan. Ito ang
kababaang loob ng isipan na mahalaga upang matuto.

Ang problema po may mga mangmang na di batid na sila ay mangmang at sila ay maligaya sa
kanilang kamangmangan (blissful ignorance) dahil sila ay alipin ng kamalian. Nawawasak na
pala ang buhay nila ngunit hindi pa nila iyon namamalayan.

11. Pagnanais

a. Bakit nandito sa klase natin

Bakit ba kayo nandito sa klase? Para mag-aral ng ________________? Bakit naman ninyo
kailangang pag-aralan ang ____________? Dahil lamang ba iyan ay requirement ng kurso
ninyo? Iyan lamang ba ang dahilan kaya nais ninyong mag-aaral ng ______________? Hindi ba
napakababaw na dahilan.

b. Halaga: batayan ng pagnanais

Noong nag-aaral ako ng Trigonometry na hindi ko naman alam kung bakit at nahihirapan na ako,
itinatanong ko sa aking guro na kung ako ba ay bibili ng kamatis sa palengke, magagamit ko ba
ang Trigonometry? O kaya sasabihin ko sa aking mga kaklase, sino ba ang nag-imbento ng
Trigonometry, halika gulpihin natin. Maaring ako ay nagbibiro lamang. Ngunit ang punto ko ay
hindi ko makita ang halaga nag aking pinag-aaralan at kung gayon ay hindi ko nararamdaman

4
ang pagnanais na pag-aralan iyon. Nanaisin lamang ninyo ang isang bagay kung nakikita ninyo
na iyon ay mabuti at may halaga.

Kilala ba ninyo si Vilma Santos? Minsan naitanong sa kanya kung may langit ba o impyerno at
ito ang kanyang naging kasagutan: magpakasal ka sa isang tao na hindi mo mahal, mararanasan
mo ang impyerno at makikilala mo ang demonyo. At kung wala kayong nakikitang halaga sa
subject na ito, wala kayong magiging pagnanais na pag-aralan iyon at di ba ito ay magiging
impyerno para sa inyo na kababagutan ninyo? At sino na lang ang makikita ninyo tuwing may
klase tayo? Ayaw ko namang ganyan ang mangyari?

c. Mga katanungan na dapat munang sagutin

Kaya bago tayo sumabak sa pag-aaral ng subject natin, linawin muna natin: mahalaga bang pag-
aralan ang ___________________? Para masagot iyan, kailangan natin munang linawin ang
mga sumusunod: 1) Ano nga ba ang _________________? 2) Ang ___________________ ay
isang sangay ng pilosopiya? Kaya kailangan nating linawin din ano ba ang pilosopiya at kung
mahalaga ba ito sa ating buhay.

12. Edukasyong mapagpalaya ni Paulo Freire

Makikita rin ang kababaang loob ng isipan sa pamamaraang dayalogo ni Paulo Freire. Para sa
kanya ang guro ay hindi isang nagtataglay ng katotohanan na ipapasa lamang niya sa kanyang
mga mag-aaral, kundi isang bagama’t mapanuri ay may bukas na isipan; may dalisay na
hangaring makinig at matuto sa kanila. Hindi na siya basta guro, na nagtuturo, kundi isang
gurong-mag-aaral; isang natututo rin bunga ng pakikipagdayalogo sa kanyang mga mag-aaral.
Ipinahihiwatig ng ganitong pamamaraan ang malalim na pagtitiwala ng guro sa kakayahan ng
mag-aaral na mag-isip at magpasya sa sarili; kababaang loob na di niya taglay ang lahat ng
kaalaman; na mayroon siyang maaaring matutunan sa iba; na di lamang siya ang may alam at
ang iba ay mga mangmang.

You might also like