You are on page 1of 4

LAKBAY-SANAYSAY

Mahilig ka bang maglakbay o mamasyal sa iba't ibang lugar? Ano-ano sa mga lugar na napuntahan mo
ang iyong labis na naibigan?

Likás sa mga Pilipino o sa bawat tao ang pumunta sa iba't ibang lugar upang maglibang o magliwaliw. Sa
kasalukuyan, ang paglalakbay o pagsasagawa ng tour ay itinuturing nang isang mahalagang libangang
isinasagawa ng marami. Kaya naman, bagama't minsan ito ay magastos, ito ay pinag-iipunan at kasama
na sa plano ng maraming tao taon-taon. 'Ika nga, maraming bagay ang natututuhan sa paglalakbay. Mga
karanasang di mababayaran.

Naibabahagi ang karanasan sa paglalakbay

Ibahagi ang iyong karanasan sa paglalakbay o pamamasyal sa pamamagitan ng pagpuno sa graphic


organizer sa ibaba.

 Lugar/mga lugar kung saan nakapaglakbay


 Petsa ng paglalakbay at mga kasama
 Mahalagang Impormasyon o kaalamang nakuha mula sa paglalakbay

Ang paglalakbay ay laging kinapapalooban ng mayayamang karanasan. Ito ay kadalasang punumpuno ng


masasayang pangyayari, pagkamangha, o paghanga sa magagandang lugar na unang napuntahan, mga
alaalang magiging bahagi ng buhay ng isang tao. Ang mga kilalang lugar na sa mga aklat mo lamang
nababasa o nakikita ay nagiging totoo at buhay na buháy sa iyong paningin at pandama. Ngunit ang mga
alaalang ito ay agad ding naglalaho kasabay ng pagpanaw ng isang taong nakaranas nito. Kayá
mahalagang matutuhan ng taong nagsasagawa ng paglalakbay, lalo na kung ito ay nagtataglay ng
mayamang kaalaman at karanasan, na maitala o maisulat ang karanasan upang ito ay manatili at
mapakinabangan ng mga taong makababasa.

Kaya naman, sa araling ito ay matututuhan mo ang isa sa pinakapopular na anyo ng panitikan ang pagbuo
ng lakbay-sanaysay at pictorial essay.

Ang lakbay-sanaysay

Ang lakbay-sanaysay ay tinatawag ding travel essay o travelogue. Ito ay isang uri ng lathalaing ang
pangunahing layunin ay maitala ang mga naging karanasan sa paglalakbay. Ayon kay Nonon Carandang,
ito ay tinawag niyang sanaylakbay kung saan ang terminolohiyang ito, ayon sa kanya, ay binubuo ng
tatlong konsepto: sanaysay, sanay, at lakbay. Naniniwala siyang ang sanaysay ang pinakaepektibong
pormat ng sulatin upang maitala ang mga naranasan sa paglalakbay. Aniya, nanghihinayang siya sa mga
nakalipas niyang paglalakbay sa iba't ibang lugar sa Europa at sa marami pang bansa sa mundo dahil
nakaligtaan niya o sadyang nabalewala niya ang pagtatala. Maaaring naikuwento niya ang kanyang mga
karanasan sa ilan niyang mga kaibigan, mag-aaral, at kamag-anak ngunit kalaunan ang mga ito ay
nalilimutan din. Tanging sa mga larawang di naman nakapagsasalita niya iniasa ang pagbabalik-tanaw sa
kanyang mga ginawang paglalakbay. Kaya naman, sa kanyang panayam sa naganap na UP Writers
Workshop noong ika-10 ng Abril 2014 ay kanyang winika sa kanyang mga tagapakinig na sisikapin
niyang isulat ang mga nangyari at kanyang naranasan sa kanyang mga paglalakbay sa pamamagitan ng
paglalahad gamit ang sanaysay.
Mga dahilan ng pagsulat ng lakbay-sanaysay

Ayon kay Dr. Lilia Antonio, et al. sa kanilang aklat na Malikhaing Sanaysay (2013), may apat na
pangunahing dahilan ng pagsusulat ng lakbay-sanaysay. Una, upang itaguyod ang isang lugar at kumita sa
pagsusulat. Isang halimbawa nito ay paggawa ng travel blog kung saan ito ay maituturing na isang
libangan at gayundin naman ay maaaring pagkakitaan. Marahil ay nakabasa ka na ng blog kung saan
isinasalaysay ng may-akda ang mga paglalakbay na kanyang isinagawa. Pangalawa, layunin din nitong
makalikha ng patnubay para sa mga posibleng manlalakbay. Marami ang nakikinabang sa travelogue lalo
na sa mga taong nais magkaroon ng paunang kaalaman sa lugar na kanilang bibisitahin bago nila ito
puntahan. Sabi nga ni Rizal sa kanyang nobelang Noli Me Tangere, kung nais mong higit na makilala ang
katangian at kultura ng bansang iyong pupuntahan, mahalagang alamin mo muna ang taglay nitong
kasaysayan. Pangatlo, sa lakbay-sanaysay, maaari ding itala ang pansariling kasaysayan sa paglalakbay
tulad ng espiritwalidad, pagpapahilom, o kaya'y pagtuklas sa sarili. Kadalasang naisasagawa ito sa
pamamagitan ng paggamit ng daily journal o diary. Ginagawa ito upang maitala ang mga bagong bagay
na kanyang nakita, narinig, naranasan, at iba pa sa kanyang ginawang paglalakbay. Madalas itinatala rin
sa journal ang mga realisasyon o mga natutuhan sa proseso ng paglalakbay. Pang-apat ay upang
maidokumento ang kasaysayan. kultura, at heograpiya ng lugar sa malikhaing pamamaraan. Tipikal na
halimbawa nito ang ginawa ni Antonio Pigafetta na isang Venetian iskolar na tumungo sa Pilipinas
kasama ni Ferdinand Magellan. Siya ang nagtala ng mahahalagang datos na kanilang nakita sa Pilipinas
na may kinalaman sa mga halaman, hayop, klima, heograpiya, at kultura ng mga sinaunang Pilipino
bilang bahagi ng kanilang ulat sa hari at reyna ng Espanya sa kanilang pagbabalik sa kanilang bansa.
Gayundin ang pagtatalang ginawa ni Marco Polo, isa namang mangangalakal na Venetian na sumulat ng
librong pinamagatang “The Travels of Marco” bunga ng kaniyang pagtungo sa Asya at resulta na rin ng
kaniyang paninirahan sa Tsina sa loob ng labimpitong taon.

Anuman ang dahilan ng paglalakbay, ang lakbay-sanaysay ay kadalasang naglalaman ng mga tala ng
karanasan ng awtor o sumulat sa paglalakbay. Ang pagtatalang ito ay isang paraan ng manunulat na
maibahagi ang karanasan at kasiyahan sa paglalakbay.

Mga dapat tandaan sa pagsulat ng lakbay-sanaysay

1. Magkaroon ng kaisipang manlalakbay sa halip na isang turista.

Upang makagawa ng isang masining at makabuluhang lakbay- sanaysay, dapat na isaisip ng taong
naglalakbay na siya ay tutungo sa isang lugar hindi bilang isang tursita kundi isang manlalakbay.
Mahalagang malinaw sa kanyang isip ang kanyang pakay o layunin. Kadalasan, ang isang turista ay
nagpupunta sa isang lugar upang maglibang, magliwaliw, at makita ang magagandang tanawin, mga
gusali, at iba't ibang lugar. Karaniwang may nakatakda nang itinerary o talaan ng magagandang lugar na
pupuntahan gaya halimbawa ng pamamasyal sa Bohol tiyak na hindi mawawala sa listahan ang Chocolate
Hills, Ilog ng Loboc, simbahan ng Baclayon, Isla ng Panglao, Man-made Forest sa Bilar, Hinagdanan
Cave, at iba pa. Samantala, para sa isang manlalakbay ay pangalawa na lamang ang mga bagay na ito.
Kasabay ng kanyang paglalakbay sa iba't ibang lugar ay sinisikap niyang maunawaan ang kultura,
kasaysayan, heograpiya, hanapbuhay, pagkain, at maging uri ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga
tao. Mahalaga ang mga ito upang sa kanyang pagsulat ng kanyang lakbay-sanaysay ay hindi lamang
nakabatay sa mga kuhang larawan ang mga kaisipan o impormasyong itatala kundi malalim niyang
maipaliliwanag o mailalarawan ang mga bagay o lugar na kanyang nakita o namalas.

2. Sumulat sa unang panauhang punto de-bista.

Ginagamit sa pagsulat ng lakbay-sanaysay ang unang panauhang punto de-bista. Ang karamihan sa
nilalaman ng sanaysay ay mula sa mga nakita, narinig, naunawaan, at naranasan ng manunulat.
Kadalasang napakapersonal ng tinig ng lakbay-sanaysay. Ayon kay Antonio (2013), ang susi sa mainam
na pagsulat nito ay ang erudisyon o ang pagtataglay ng sapat na kaalanian at pagkatuto sa isang
paglalakbay. Tumutukoy rin ito sa pagkilala at pagpapakilala sa sarili at sa pagmumuni sa mga naranasan
sa proseso ng paglalakbay. Bukod sa matamang obserbasyon hinggil sa paligid o mga pangyayari,
mahalagang maranasan din ng manlalakbay ang mga bagay-bagay upang lubos na maunawaan at
mabigyang-kahulugan ang mga pangyayari. Sikaping maisali ang sarili sa mga gawain bilang bahagi na
rin ng imersiyon sa mga pangyayari. Makipamuhay kagaya ng mga taong naninirahan sa lugar na iyong
pinuntahan, kumain ng mga natatanging pagkain sa lugar, makisalamuha sa mga tao, at higit sa lahat ay
maging adbenturero. Subukin ang iba't ibang karanasan at mga hamon tulad ng pag-akyat sa bundok,
paglangoy sa dagat, surfing, pagpasok sa mga yungib, pagsakay sa mga kakaibang sasakyan o rides, at
pagkain ng mga kakaiba o katutubong pagkain sa lugar. Sa pamamagitan ng pagsasagawa nito, magiging
makatotohanan at may lalim ang gagawin mong paglalahad ng iyong mga karanasan.

3. Tukuyin ang pokus ng susulating lakbay-sanaysay.

Mahalaga ring matukoy kung ano ang magiging pokus ng susulating lakbay-sanaysay batay sa human
interest. Tandaang iba-iba ang kinahihiligan o kinawiwilihang paksa na maaaring itampok sa paglalakbay
at maging sa pagsulat ng lakbay-sanaysay. Ito ay maaaring ibatay kung ano ang dahilan o layunin ng
paglalakbay. Ito ay maaaring tungkol sa espiritwal na paglalakbay gaya halimbawa ng pagtungo sa
Lupang Pangako ng mga Kristiyano o ang pagpunta sa Mecca ng mga Muslim. Ito ay maaaring
pagtatampok naman ng magagandang pook, kilalang landmark, liwasan, simbahan, at mga gusali at
establisimiyento. Maaari ding gawing paksa ang tungkol sa mga hayop o halaman, mga kakatwa o
kakaibang bagay, mga pagkain, libangan, kultura, at marami pang iba. Maaaring bigyang- pansin mismo
ang pakikipagsapalarang mararanasan sa paglalakbay. Ang pagtukoy sa tiyak na paksa ay makatutulong
upang matiyak ang sakop ng nilalaman ng lakbay-sanaysay. Tinatawag itong delimitasyon sa pagsulat ng
isang akda.

4. Magtala ng mahahalagang detalye at kumuha ng mga larawan para sa dokumentasyon habang


naglalakbay.

Ang mga pangunahing gamit na dapat dalá ng taong susulat ng lakbay- sanaysay ay ang panulat,
kuwaderno o dyornal, at kamera. Mahalagang maitala ang pangalan ng mahahahalagang lugar, kalye,
restoran, gusali, at iba pa. Ang wastong detalyeng may kinalaman sa mahahalagang lugar na nakita,
nabisita o napuntahan ang magbibigay ng kredibilidad sa sanaysay. Makatutulong din nang malaki kung
makukuhanan ng litrato o larawan ang mga lugar, tao, o pangyayari. Mahalaga ito para sa wastong
dokumentasyon ng sanaysay. Para sa mga larawan, mahalagang maglagay ng mga impormasyon para sa
mga mambabasa. Maaaring ilagay ang eksaktong lokasyon kung saan ito matatagpuan, maikling
deskripsiyon nito, o kaya naman ay maikling kasaysayan nito. Iwasang maglagay ng napakadetalyadong
deskripsiyon upang ito ay kawilibang basahin ng mga mambabasa.

5. Ilahad ang mga realisasyon o mga natutuhan sa ginawang paglalakbay. Bukod sa paglalahad ng
mga karanasan at mga nakita sa paglalakbay,

mahalaga ring maisama sa nilalaman ng sanaysay ang mga bagay na natutuhan habang isinasagawa ang
paglalakbay. Ito ang magsisilbing pinakapuso ng sanaysay kung saan dito ibabahagi sa mga mambabasa
ang mga gintong aral na nakuha bunga ng epekto ng ginawang paglalakbay. Maaaring talakayin kung
paano nabago ang buhay o pananaw ng may- akda, kung paano umunlad ang kanyang pagkatao mula sa
kanyang mga naging karanasan, at mga karagdagang kaalamang natuklasan mula sa ginawang
paglalakbay.

6. Gamitin ang kasanayan sa pagsulat ng sanaysay.

Dahil ang iyong gagawin ay isang lakbay-sanaysay, mahalagang taglayin ng may-akda ang sapat na
kasanayan sa paggamit ng wika. Sikaping ang susulating sanaysay ay maging malinaw, organisado,
lohikal, at malamán. Gumamit ng akmang salita batay sa himig ng lakbay-sanaysay na iyong bubuoin.
Maaari ding gumamit ng mga tayutay, idyoma, o matalinghagang salita upang higit na maging masining
ang pagkakasulat nito. Tiyaking makakukuha ng atensiyon ng mambabasa ang iyong susulating akda.

Sa pangkalahatan, sa pagsulat ng lakbay-sanaysay, maging obhetibo sa paglalatag ng mga impormasyon.


Sikaping mailahad ang katotohanan sa pamamagitan ng paglalahad ng mga positibo at negatibong
karanasan at maging ng kondisyon ng lugar na pinuntahan. Ito ay makatutulong nang malaki sa mga
makababasa nito. Maaaring ipakita ang mga ito sa tulong ng photo essay. Sikaping hindi nakatuon sa
sarili ang mga larawan sa photo essay kundi ang mahahalagang larawan na kailangan para mapagtibay
ang sanaysay. Sa pagsusulat, laging baunin sa isipan ang depenisyong ibinigay ni Nonon Carandang na
ang lakbay-sanaysay ay laging kinapapalooban ng tatlong mahahalagang konsepto: sanaysay, sanay, at
lakbay. Kung saan ang sanaysay na iyong gagawin ay kasasalaminan ng kasanayan sa paghabi ng mga
aral ng buhay mula sa ginawang paglalakbay.

Narito ang halimbawa ng isang mahusay na lakbay-sanaysay na ginawa nina Gng. Teresita Buensuceso at
G. Ariel Marasigan. Basahin at suriin kung paano nila ito binuo batay sa balangkas na makikita sa loob ng
kahon.

You might also like