You are on page 1of 3

LINGGO

FILIPINO SA PILING LARANG (AKADEMIK)


8

PAGSULAT NG LAKBAY-SANAYSAY

TALAKAYIN NATIN!
Ang paglalakbay at pagbabago ng kapaligiran ay nagbibigay ng bagong sigla sa isip,
ayon kay Seneca.

Tunay ngang bukod sa porma ng pagpapahinga ang paglalakbay, binibigyan din tayo
ng oportunidad na pansamantalang tumigil at pag-isipan ang nakasanayan.
Pinalalaya tayo ng paglalakbay sa regularidad ng buhay at pinalalawak ang ating
kamalayan at perspektiba. Sa pamamagitan ng paglalakbay, nagkakaroon ka ng
ideya at pagdanas sa kultura, pagpapahalaga at pamamaraan ng pamumuhay ng
ibang lahi. Nakapagmumuni ka sa sariling karanasan batay sa pagsasakonteksto nito
sa mas malawak na karanasan ng kapwa at lipunan.

Marami ring siyentipikong pag-aaral na napapakitang mabuti ang paglalakbay para sa


kalusugan. Sa isang pag-aaral na ginawa ng Global Commission on Aging,
Transamerica Center for Retirement Studies at U.S. Travel Association (2013),
napatunayan na naiiwasan ang mga sakit na kaakibat ng pagtanda gaya ng dementia
at Alzheimer’s disease sa pamamagitan ng paglalakbay. Lumabas din sap ag-aaral
na ang mga babaeng nagbabakasyon tuwing anim na taon o mas mababa pa ay may
mataas na kaso ng atake sa puso at pagkamatay sanhi nito kumpara sa mga
babaeng nagbabakasyon kada taon ay may 30% na mas mataas na pagkakataong
mamatay mula sa sakit sa puso. Ipinakita rin ng naturang pag-aaral na pinabubuti rin
ng paglalakbay ang mood at 86% ng kalahok na bumbiyahe kada taon ay may
positibong pagtingin sa buhay.

Tunay ngang mabuti para sa kaluluwa, maging sa kalusugan, ang paglalakbay. Lalo
na kung ang bawat paglalakbay ay maidodokumento hindi lamang sa mga larawan
kundi maging sa pagsulat ng sanaysay.

A. ANG PAGLALAKBAY AT ANG PAGSULAT

Mula sa mga positibong pag-aaral at karanasan sa paglalakbay humahalaw ang


maraming bahagi ng panitikan. Tiyak na madalas kang makapanood ng mga palabas
sa telebisyon sa estilong travelogue. Ang travelogue ay maaaring dokumentaryo,
pelikula, palabas sa telebisyon o ano mang bahagi ng panitikan na nagpapakita at
nagdodokumento ng iba’t ibang lugar na binisita at mga karanasan dito ng isang
turista at dokumentarista.

Kasabay ng paglaganap ng social media, lumaganap na rin ang travel blogging. Sa


pamamagitan ng mga travel blog, nabibigyan ng ideya ang mga manlalakbay kung
ano ang aasahang makita, mabisita, madanas at makain sa isang lugar. Ang ibang
travel blog ay nagbibigay rin ng ideya sa sa posibleng iteneraryo o iskedyul ng
pamamasyal sa bawat araw ng byahe at ang posibleng magiging gastos sa bawat
aktibidad. Malaki ang naitutulong ng mga travel blog para sa mga taong nagpaplano
pa lamang ng kanilang bakasyon.

Maraming tao ang hindi na lamang bumibyahe bilang turista kundi nagsusulat na rin
tungkol sa kanilang mga karanasan sa isang lugar at kabuuan ng paglalakbay.
Maging ang mga propesyunal na manunulat ay gumagamit sa kanilang kakayahan
upang makalibot sa daigdig, at kasabay nito ay kumita mula rito. Ang layunin ng
pagsulat tungkol sa isang paglalakbay ay makapagbigay ng malalim na insight at
kakaibang anggulo tungkol sa isang destinasyon. Sa ganitong uri ng pagsulat,
kailangang mahikayat ang mga mambabasa na danasin at bisitahin din ang lugar na
iyong sinusulat. Marami na ring kurso sa pagsulat tungkol sa paglalakbay na
magbibigay sa iyo ng malalim na pag-unawa kung paanong bumuo ng mga ideya at
propesyonal na artikulo at kung paano itong ibebenta sa merkado.

Nagbigay si Dinty Moore (2013) ng mga payo kung paanong epektibong


makapagsusulat habang naglalakbay:

1. Magsaliksik. Magsaliksik at magbasa nang malalim tungkol sa iyong


destinasyon bago dumating sa lugar. Huwag lamang magpakupot sa mga
guidebook, bagkus ay unawain ang kasaysayan, ekonomiya, kultura,
agrikultura, pagkain, relihiyon, at mga paniniwala ng isang lugar. Sa
pamamagitan nito, ayon kay Moore (2013), mas mauunawaan mo ang mga
kakaibang bahagi ng kultural na praktis at ang konteksto nito habang
naglalakbay.

2. Mag-isip nang labas sa ordinaryo. Kadalasang makikita sa mga guidebook


ang listahan ng mga hotel, kainan na pwede mong puntahan o mga aktibidad
na pwede mong gawin. Ngunit, bilang isang mananaysay, kailangan mong
magpakita ng mas malalim na anggulong hindi basta namamalas ng mata.
Kailangan mong magkwento ng karanasan, humanap ng malalim na
kahulugan at mailarawan ang lahat ng ito sa malikhaing paraan.

3. Maging isang manunulat. Magkaiba ang manunulat ng paglalakbay sa isang


turista. Nasa bakasyon ang isang turista habang may mas malalim na
tungkulin at layunin sa paglalakbay ang isang manunulat. Para sa epektibong
pagsulat, makabubuti ang pagkuha ng larawan at mga tala sa mga bagay na
naoobserbahan at naririnig mo.

B. MGA GABAY SA PAGSULAT NG LAKBAY-


SANAYSAY

Nagbigay rin si Moore (2013) ng mga gabay sa pagpili ng paksa at pagsulat ng


Lakbay-Sanaysay.

1. Hindi kailangang pumunta sa ibang bansa o malayong lugar upang


makahanap ng paksang isusulat. Halimbawa kung nasa probinsiya ka,
maaaring humanap ng isang sakahan o linangan na nagmamanupaktyur ng
gatas o keso. Kung sa urban, maaari ming maging karanasan ang ingay ng
Maynila sa gabi o kung may mga espesyal na pagdiriwang.

2. Huwag piliting pasyalan ang napakaraming lugar sa iilang araw lamang.


Kailangang malalim at malawak ang pagdanas sa karanasan sa isang lugar
uoang maging malalim din ang insight na maaaring ibigay sa sanaysay.
3. Ipakita ang kwentong-buhay ng tao sa iyong sanaysay. Malaki ang
adbentahe mo kung nauunawaan mo at nagagamit ang wika ng lokalidad,
ngunit kung hindi, maaari kang makipagkaibigan sa isang lokal na
nakakaunawa ng Filipino o Ingles upang lubos mong maunawaan ang paraan
ng pamumuhay sa isang lugar.

4. Huwag magpakupot sa mga normal na atraksiyon at pasyalan. Ibinigay na


halimbawa ni Moore (2013) si Pico Iyer, awtor ng The Global Soul: Jet Lag,
Shopping Malls, and the Search for Home. Sa antolohiya ng kanyang Lakbay-
Sanaysay sa Tsina, inilarawan ni Iyer ang mga napaka-ordinaryong karanasan
gaya ng obserbasyon sa kultura ng airport at eksplorasyon sa pinakamalaking
kainan ng Kentucky Fried Chicken (KFC) na matatagpuan sa Tiananmen
Square, malapit sa musoleo ni Mao Tse Tung. Ang simpleng paglalarawan ay
nagbibigay ng mabigat na insight, basta’t nasasapol ng isang manunulat ang
tamang anggulo. Huwag piliting isulat ang mga madalas nang nakikita sa
postcard ng mga turista.
5. Hindi lahat ng paglalakbay ay positibo at puno ng kaligayahan. Kung
habang naglalakbay ay nabiktima ka ng pagnanakaw o panloloko, isulat mo
kung ano ang naramdaman mo tungkol dito.

6. Alamin mo ang mga natatanging pagkain na sa lugar lamang na binisita


matitikman at pag-aralang lutuin ito. Maaaring magpaturo sa mga lokal na
makikilala sa lugar para sa layuning ito.

7. Sa halip na mga popular at malalaking katedral, bisitahin ang maliliit na


pook-simbahan ng mga taong hindi gaanong napupuntahan at isulat ang
kapayakan ng pananampalataya rito. Ito ang hindi madalas nababasa sa
mga aklat at iba pang babasahin, kung kaya ito ang magandang maging paksa
ng isang Lakbay-Sanaysay.

8. Isulat ang karanasan at personal na repleksiyon sa paglalakbay. Ibang-iba


ang kalalabasan ng isang Lakbay-Sanaysay na isinulat ng isang guro, sa
isinulat ng isang mag-aaral.

C. MGA DAHILAN SA PAGSULAT NG


LAKBAY-SANAYSAY

1. Upang itaguyod ang isang lugar at kumita sa pagsusulat.

2. Layunin nitong maka-likha ng patnubay para sa mga posibleng manlalakbay.

3. Maaari ding itala ang pansariling kasaysayan sa paglalakbay tulad paghihilom


o kaya’y pagtuklas sa sarili.

4. Upang maidokumento ang kasaysayan, kultura, at heograpiya ng lugar sa


malikhaing pamamaraan.

Sanggunian: Filipino sa Larangang Akademiko nina Rolando Bernales, Elimar A. Ravina,


Maria Esmeralda A. Pascual kasama sina Maria Elma B. Cordero, Ma. Lourdes R. Quijano,
Marlita D. Nilo, at Edison C. Leste.

You might also like