You are on page 1of 8

KABANATA XXXV

ANG BALI-BALITA
Marami at iba’t ibang balita ang madaling lumaganap sa buong bayan. Hindi naubos-maisip ng
tanang nakabatid ang tunay na nangyari, kaya’t bawat isa’y nagkaroon ng kani-kanyang palagay.
Anang ilan, si Padre Damaso ay napatay at nang saklolohan daw ay dugu-duguan at hindi na
humihinga.
 “Patawarin nawa siya! Ang nawika ng isang binata. Iyo’y pagbabayad lamang sa kanyang mga
utang. Hayu’t may ginagawa na naman siya sa kumbento kaniyang umaga.”
 “Bakit? Ano ang ginawa niya? Sinaktan na naman ba niya ang koadhutor?” ang usisa ng isa.
 “Sabihin mo nga sa amin kung ano ang kanyang ginawa.” ang pilit ng isa pa.
 “Napansin ba ninyo kanina ang maagang pag-alis ang isang mistisong Kastila nang kasalukuyang
nagsesermon ang kura?”
 Oo, masama ang tingin sa kanya ni Padre Damaso.”
 Pagkatapos ng’sermon ay ipinatawag siya at hiningan ng paliwanag kung bakit siya umalis. Sinabi
na siya’y hindi marunong nang tagalog. Pasigaw na itinanong sa kanya ni Padre Damaso kung bakit
niya kinutya ito sa pagsasabing ang sermon narinig niya’y Griyego. Ang pagtatanong ay sinabayan
ng isang mariing buntal ni Padre Damaso. Gumanti ang binata, at silang dalawa’y nagbuntalan.
“Ewan ko, kung sa akin nangyari iyon…” anang isang nakikinig.
“Hindi naman makatwiran ang ginawa ng Pransiskano,” ang sagot ng isa. Ang pananampalataya ay hindi
dapat ipilit sa isang tao, at ano mn ang maging kuru-kuro niya hinggil doon ay hindi dapat parusahan.
Nakikilala ko ang binatang iyon. Siya’y taga-San Pedro, Makati at mahusay naman managalog. Ibig niyang
ipaalam na bagong galing siya sa Rusya at hindi siya sanay sa wika nang kanyang mga magulang.”
“Sila-silay nangag-iiringan, gayong kapwa sila nilalang ng Diyos.”
“Hindi natin dapat paraanin ang gayong mga asal sapagkat maaaring mangyari yaon sa sinuman sa atin.
Waring nauulit na naman ang panahon ni Neron!” anang isang nag-aaral.
“ Tila namamali ka,” ang sagot ng isa. “Si Neron ay isang mahusay na artista samantalang si Padre Damaso
nama’y nakayayamot magtalumpati.”
Sa isang munting bahay sa labas ng bayan ay matiyagang naghihintay ang ilang matanda. Ang kanilang
salitaan ay ibang- iba sa mga kabataan.
“ Hindi natin matiyak kung sino talaga ang may katuwiran. Kung si G. Ibarra lamang ay nakapagtimpi,
sana’y”
“Ang sabihin ninyo’y kung si Padre Damaso ang nakapagtimpi nang higit kaysa kay G. Ibarra,” ang salo
agad ni Don Filipo. “Ang nangyari’y ang matanda ang nag-asal-bata at ang bata ang nag-asal-matanda.”
“ Ang sabi ninyo’y walang sinumang umawat, maging mga prayle o ang Alkalde, liban na sa anak na
dalaga ni Kapitang Tiyago? Iyan ang masama! Walang sinumang makapagpapatawad sa kanya sapagkat
siya’y kinatatakutan. A, talagang masama ang nangyari sa kanya.”
“Iyon po ba ang pagkaalam niyo? Ang tanong ni Kapitang Basilio.
“Inaasahan kung siya’y lilingapin ng ating mgs kababayan,” ang wika ni Don Filipo, “ alang-alang man
lang sa naitulong ng kanyang ama at sa naitutulong niya ngayon. Kung sakali namang ang baya’y
magsawalang-kibo dahil ditto dahil sa pagkatakot, bahala na ang ang kanyang mga kaibigan…”
“ Sa palagay ninyo, mga ginoo,” ang putol ng Kapitan sa bayan, “ay ano naman ang maitutulong sa
bayan? Ang mga prayle ang lagi nang nasa katwiran!”
“ Nasa katwiran sila sapagkat tayo’y lagi nang nagpapadaig,” ani Don Filipo sa tinig na may
pagkayamot. “ Kahit minsan ay bigyan naman natin ng katwiran ang ganang atin at saka tayo magsalita.”
“ Ay, kaypusok na kalooban! Waring hindi na ninyo matatanto ang bayan natin at ang ating mga
kababayan! Ang mga prayle ay masalapi at nagkakaisa; tayo’y dukha at watak-watak.
Subukin ninyong ipagtanggol siya at kayo’y mag-isang pipisanan.”
“ Totoo nga,” ang tugon ni Don Filipo na waring nag-iisip.
“Iyan ang mangyayari habang naghahari sa ating kalooban ang pagkatakot at pagpapaumanhin.
Pinalalampas ang anumang kasamaang nangyari at hindi naman pinahahalagahan ang kabutihang dapat
manaig. Sumasaisip sa atin agad ang takot at hindi ang pagtitiwala. Walang minamabuti ang iba kundi ang
ganang kanyang sarili at hindi na naaalaala ang sa ganang iba, kaya’t tayo’y palaging mahina”
“ Ang sabihin ninyo, ang karuwagan ay nanggagaling sa labis na pagmamahal sa sarili at humantong
sa bagay na kahiya-hiya,” ang nagngingitngit na tugon ng tinyente mayor. “Kaya mabuti pa’y ipabatid ko sa
Alkalde ang balak kong pagbibitiw yayamang wala rin lamang akong magagawang ano mang kabutihan sa
sinuman. Paalam na sa inyo.”
Ang nga babae ay may kani-kanya ring palagay.
“Ay, talaga ganyan ang mga kabataan!” ang pabuntong hiningang wika ng isang babae. ”Ano kaya ang
isasaisip ng kanyang ina kung nabubuhay pa? Paris din nitong anak kong lalaki, mainit ang ulo. Ay talaga
nga naman yatang mamamatay ka sa sama ng loob.”
“ Aba, hindi isasama ng loob ko ang ganyang mangyayari sa aking dalawang anak,” ang sagot nang
isa.
“ Bakit gayon ang sinabi ninyo. Kapitang Maria? Anang isang banal na napadaop-kamay.
“Ipagkakapuri ko kung maipagtatangol ng aking mga anak ang kanilang mga magulang kahit patay na.
Kapitana tinay, Halimbawang kayo’y ay balo na at may isang umalimura sa inyong yumaong asawa. Ano
ang isasaloob ninyo kundi hindi ipagtanggol ng anak niyong Si Antonio at siya’y magsawalang-imik na
lamang?”
“E, hindi ko na siya babasbasan,” ang tugon ni Hermana Rufa.
“Aba hindi dapat gawin iyon,” ang sambot ni Kapitana Tinay. “Ni sabihin ng isang ina ay hindi dapat
iyon. Ewan ko nga ba kung ano ang gagawin ko kung sa akin mangyayari ang gayon.... Malamang
mamatay ako… o kaya’y… hindi ko na siya pakikiharapang muli.
“ Kahit na gayon ang mangyari, sa palagay ko’y hindi dapat pagbuhatan nag kamay ang isang taong
banal,” ang wika ni Hermana Rufa.
Sagrado rin naman ang magulang,” ang giniit ni Kapitana Maria. “Ni ang Papa, ni ang isang Padre
Damaso o sinuman ay walalng karapatang lumapastangan sa isang yumao na.”
“ Tila nga totoo iyan.” ang sang-ayon ni Kapitana Tinay. “Saan ba ninyo nahagilap ang mga katwirang
iyan??

You might also like