You are on page 1of 6

TOVERA, Juris Justin M. Sept.

25, 2018
2018-03625 Kasaysayan I

I. Barangay: Sixteenth-Century Philippine Culture and Society


A.] Bago pa man masakop ng mga Kastila ang ating bansa, mayroon na tayong sariling
hiyerarkal na istruktura ng lipunan. Ayon kay Juan de la Isla, ang mga pre-hispanikong komunidad
sa Visayas ay nahahati sa tatlo – ang datos o ang mga naghaharing uri, ang mga timawa na binubuo
ng mga malaya ngunit pribelehiyadong mamamayan, at ang mga oripun o mga alipin.

Ang mga datos ang namumuno sa mga awtonomus o nagsasariling pre-Hispanikong


lipunan sa Kabisayaan. Nasa kanila ang respondibilidad na pamahalaan at protektahan ang
kanilang nasasakupan, ayusin ang mga sigalot sa pagitan ng kanyang mga tagasunod, at pamunuan
ang mga mandirigma nila sa laban. Ang kanilang pagka-pinuno ay nakabatay sa desendensya at
ang kanilang kapangyarihan ay nakadepende sa kanilang yaman, dami ng alipin at tagasunod, at
kakayahan. Bilang ‘pambayad’ sa kanilang pamumuno, ang mga datu ay nakatatanggap ng mga
tributo o di naman kaya’y mga boluntaryong paggawa sa pag-aani, pagsasagwan, at pagtatayo ng
kanilang tahanan. Bagamat sila ay nakalalamang sa kanilang yaman at kakayahan, hindi naman ito
nangangahulugan na sila ay nang-aabuso na lamang ng mga nakabababang-uri at nag-aastang mga
patabaing elepante – bagkus ay nasasalamin din ng kanilang mga kakayahan tulad ng
pagpapanday, pagmamando ng sasakyang pandagat, at iba pa ang kanilang tayog bilang mga
mamumuno.

Ang mga timawa naman ay ang mga “malalayang” mamamayan sa pre-Hispanikong


lipunan. Ang kalipunang ito ay binubuo ng mga anak ng datu sa mga di-maharlikang (karaniwang)
asawa o sa mga aliping kalunya, o di naman kaya ay mga aliping pinalaya ng kanilang mga
panginoon Sila ay nagbibigay ng tributo (buhis o handug) sa mga datu, at sinasabing malayang
makapamili ng datung susundin. Kabilang din sa pangkat na ito ang mga kampon o kasama ng
mga datu sa pakikipaglaban, na silang eksempsyon sa patakaran ng pagbabayad ng tributo o pag-
aalay ng lakas paggawa. Bagamat mangilan-ngilan din sa kanila ay may kakayahang pumasok sa
mga kasunduang pangkalakalan at magkaroon ng saganang yaman, sila ay napasasailalim pa rin
ng mga datu – kung kaya’t ang kanilang katayuan bilang mga “malalayang mamamayan” ay nasa
kagustuhan pa rin ng kanilang datu.
Ang huling uri sa hiyerarkiya ng lipunan ay ang mga oripun o ang mga alipin. Sila ay
kadalasang binubuo ng mga nagapi sa digmaan, mga bihag, o mga may pinagkakautangan. Ito ay
kahawig ng exploited class sa kasalukuyang panahon, ngunit dati ay itinuturing silang mga
pagmamay-ari na maaaring ibenta o ipang-kalakal, hindi lamang bilang isang kalipunang
pinagkukuhanan ng yaman o lakas-paggawa. Bagamat kolektibong itinuturing bilang mga
nakabababang-uri, nahahati pa sa dalawa ang kauriang oripun – ang mga mamahay o ang mga
aliping may sariling tirahan, at ang mga nasa pinakababang hanay na tinatawag na mga ayuey o
ang mga aliping naninirahan sa bahay ng kanilang mga panginoon. Ang antas ng pagka-alipin ay
maaaring nakabatay sa laki ng utang o di naman kaya’y sa desensya – kung saan ang mga
itinuturing na half at quarter-slaves ay naninilbihan lamang ng kalahati o sangkapat ng kabuuang
panahon ng paninilbihan ng isang karaniwang alipin. May mga pagkakataon ding ang mga oripun
ay gumaganap bilang mga mangayaw na mananagwan o mga magahat na mandirigma at
binibigyang-turing na kahawig (ngunit hindi katulad) ng mga katapat nilang timawa kapag
nakapagsilbi nang mabuti sa pakikipaglaban o sa pagsalakay.

B.] “Labinlimang Luha”

Sampu, labing-isa… binilang ko na lamang ang mga butil ng bigas sa aking paanan – ang
mga butil na inihagis ni Alimuom-man - sapagkat hindi ko maatim na tingnan ang magsing-irog
na sabay na umiinom sa gitna ng mga timaguang nagdiriwang…labindalawa, labing-tatlo… “Sina
Alimuom-man at Babaibruha ay iisa na. Sa panahong hindi magagampanan ng lalaki ang kanyang
tungkulin sa kanyang asawa, maaari syang iwanan ng babae nang walang pag-aalinlangan – at ang
babae ay hindi na nangangailangan pang ibalik ang bugay na natanggap ng kanyang pamilya at
maaari nang maikasal sa ibang lalaki…” wika ng matandang lalaki sa likuran ng magsing-irog,
“…at sa panahong mangalunya ang babae, o hindi magampanan ang kanyang tungkulin sa
pagdarapi, maaaring bawiin ng lalaki ang bugay na kanyang ibinigay sa pamilya ng babae, iwanan
siya, at magpakasal sa ibang babae.” - at natapos nang uminom ang pares. “Maging saksi nawa
kayo sa pagsasamang ito.”…labing-apat…Naghiyawan ang mga timagua at oripun sa paligid at
tumunog ang mga tambol at gangsa. Pinagdaop ng matandang lalaki ang mga kamay ng bagong-
kasal sa ibabaw ng isang salok ng bigas na nasa isang mala-gintong palayok, at inihagis ang bigas
sa mga manonood. Ang maliwanag na kapaligiran ay sumasalungat sa kulimlim na aking
nadarama. Tapos na, wala na… ang tanging mapasasaakin na lamang ay ang aming mga ala-ala.
***
Matagal nang ipinagkasundo sila Alimuom-man at Babaibruha sa isa’t isa - ayon na rin sa
kagustuhan ng kanilang mga ama na magkaroon ng alyansa sa pagitan ng kani-kanilang mga
nasasakupang balangay. Tanging ang napagkasunduang araw na lamang ng pag-iisang dibdib ang
hinihintay. “Subukan mo lang magmintis sa pagtarak ng aking sibat sa kanilang hagdan at ipahiya
mo lang ako sa pamilya nya, sinasabi ko sayo bukas makalawa ililibing ka kasama ng iyong
alipin”- ang pagbabanta sa akin ni Alimuom-man habang ibinibigay niya sa akin ang kanyang
sibat. Pinatutungo niya kami ng kanyang mga pinsan sa balangay ni Babaibruha nang pormal nang
masimulan ang pagsasaayos ng kanilang pag-iisang dibdib. Sapagkat ako ang laging kasa-kasama
ni Alimuom-man sa mga pagsalakay at pakikipagdigma, at dahil na rin sa aking katayuan bilang
isang respetadong timagua, ako ang napili nyang magtarok ng kanyang sibat sa hagdan ng babae.

Isang ilog, dalawang gubat. Kalahating araw na akong naglalakad kasama ng mga pinsan
ni Alimuom-man, at sa wakas narating na rin namin ang balangay ni Datu Homaba. Sumabog ang
malalakas na tunog ng mga gangsa sa paligid, at nagsimula nang magsilabasan ang ibang mga
kamag-anak ni Babaibruha. Tumungo kami sa tapat ng mismong tahanan ng babae, kung saan
sinalubong kami ng isang masungit na matandang babae – ang lola ni Babaibruha – at nagbigay
ng samu’t saring kundisyon para lamang ibaba niya ang hagdanan ng kanilang tirahan.

Nang ibinaba na niya ang hagdanan, dali-dali kong ibinaon dito ang sibat ni Alimuom-man
– habang iniisip ang kapaitan ng ugali ng matanda, at habang iniisip ang kapaitan na aking
nararamdaman. Pag-akyat sa kanilang tahanan, inihandog na namin kay Datu Homaba ang tatlong
buslo na punong-puno ng gintong alpiler, apat na sisidlan ng mga palayok at platong gawa sa pilak
at porselana, at limang balot ng kasuotang gawa sa mga mamahaling seda mula sa mga Intsik.
Tinanggap ito ng matandang datu at nagdesisyong gaganapin ang pagsasaayos ng pag-iisang
dibdib sa lalong madaling panahon.

Anim na gabi at pitong araw ang lumipas, at mabilis na naganap ang pagbibigay ng mga
pinsan ni Alimuom-man ng bugay sa mga kamag-anak ni Babaibruha. Hindi na ako sumama pa sa
kanila noong mga panahong iyon sapagkat hindi naman na ako kailangan sa prosesong iyon – at
bakit pa? Hindi ko na kayang makilahok pa sa pamimigay ng aking sinisinta sa iba, at mas lalong
hindi ko kakayanin pang bilangin ang mga sangang inililipat sa tuwing may napagkakasunduang
bugay – mga sangang nagsasabi na malapit na ngang maigapos sa ibang mga bisig ang aking
minamahal.

“Sing-aw!” tawag sa akin ni Alimuom-man, “Ikakasal ako kay Babaibruha sa ika-walong


araw ng ika-siyam na bulan! Makakasama ko na rin siya sa wakas!” tuwang tuwa niyang
pagkakabalita sa akin bago tumakbo papalusong sa ilog. Nakukuha ko naman ang pinagmumulan
ni Alimuom-man; sapagkat isang binokot si Babaibruha, hindi siya pinahihintulutang lumabas ng
kaniyang tahanan. Kaya siguro labis na lamang ang pananabik ng lalaki na makasama ang
kaniyang iniirog. Patawarin mo ako Alimuom-man, kung hindi ko magawang maging masaya para
sa inyong dalawa. Iniwasan ko si Alimuom-man magmula noon, at halos araw-araw akong
tumatanaw sa direksyon ng balangay ni Babaibruha, nananalangin, umaasang may mababago pa.

---Araw ng kasalan---
Nakatingin ako sa magsing-irog na magkatabi ngayon sa gitna ng mga timaguang nakasuot
ng seda at naaadornohan ng makikinang na alpiler at alahas na gawa sa mga ginto at iba pang bato.
Nasa malayo naman ang mga oripung nagkukumahog sa pag-iihaw ng mga baboy ramo at usa,
pagsasaing ng kanin sa mga naglalakihang palayok, at pagbubuhat ng mga bangang may alak na
pagsasaluhan naman ng mga panauhin pagkatapos ng seremonya.

Magkabugkos na ang buhok ng dalawa, at mababakas ang galak sa kanilang mga mata.
Makinang ang kasuotan ng magsing-irog, kaya’t makikitang mayaman at makapangyarihan ang
kanilang mga pinagmulan. Iniabot ng isang matandang lalaki ang palayok na naglalaman ng bigas
sa kanila, kung saan kumuha sila ng tig-isang dakma ng bigas at inihagis ito sa kung saan. Ito na.

***
Sampu, labing-isa, labindalawa, labintatlo… “Maging saksi nawa kayo sa pagsasamang
ito.”…labing-apat…Naghiyawan ang mga timagua at oripun sa paligid habang pinagdadaop ng
matandang lalaki ang mga kamay ng bagong-kasal sa ibabaw ng isang salok ng bigas na nasa isang
mala-gintong palayok, at inihagis ang bigas sa mga manonood. Tapos na… wala na…

Sa gitna ng hiyawan ng mga timagua at pagdiriwang ng mga kadatoan, at sa saliw ng mga


tambol at gangsang pinatutugtog ng mga oripun, pumatak ang aking ika-labinlimang luha. Hindi
na ako nanatili pa sa pagdiriwang. Bakit pa? Hindi ko na kakayanin pang makita si Alimuom-man
na masaya sa piling ni Babaibruha.
II. Political Hispanization

A.] Kaalinsabay ng pagpasok ng panahon ng kolonisasyong Kastila ang masidhing pagbabago


hindi lamang sa kultura’t paniniwala ng mga pre-Hispanikong Filipino kundi pati na rin sa sistema
ng pamamahala. Ang sistemang ito ay maihahalintulad sa mga sistemang pinaiiral nila sa kanilang
mga kolonya sa kanluran - partikular na sa Mexico – kung saan ang mga opisyal na direktiba ay
nagmumula sa mga Kastila at ipinatutupad ng mga nakatataas na indio sa kani-kanilang
nasasakupang yunit.

Ang pinakakilalang pagbabagong dinala ng kolonisasyong Kastila pagdating sa pulitika ay


ang pagkakatatag ng isang sentralisadong pamahalaan – isang sistemang nagbuklod sa mga
nagsasariling barangay noon at nagbigay-daan sa mas madaling pamamahala at pangongontrol.
Ang mga barangay na ito ang naging pinakamaliliit na yunit ng gobyerno na pinamumunuan ng
mga dating datu (na tinagurian nang mga cabeza de barangay) at binubuo ng aabot sa limampung
pamilya (na dating tinatayang mula tatlumpu hanggang isandaang pamilya bago ang
kolonisasyon). Ang dating sistema ng pagpili ng lider ayon sa disensya ay nagbago at nagbigay-
daan sa pagkakaroon ng halalan, at ang itinatagal ng cabeza sa posisyon ay hindi na nakabatay sa
kakayahan kundi sa limitasyong pinagtibay ng mga patakarang inihatag ng mga Kastila.

Dahil din sa pagkakaroon ng sentralisadong pamahalaan kung kaya’t nagkaroon ng


hiyerarkiya sa mga administratibong yunit (barangay-pueblo-alcaldia mayor o corregimiento), na
nangangahulugan din ng hiyerarkiya sa kapangyarihan (cabeza-gobernadorcillo-alcaldes mayores
o corregidor). Bukod pa rito, nagkaroon din ng pagbabago sa mga sistema ng paghalal tulad ng
pagtapik sa demokratikong pamamaraan (pagboto ng mga lalaking may-asawa) hanggang sa
pagdapo sa oligarkikal na istilo (pagnomina ng mga cabeza ng mga maaaring maging
gobernadorcillo at ang pagpili ng governador o ng alcaldes mayores mula sa mga ninomina ng
mga cabeza). Makikita na tanging ang mga naghaharing-uri lamang (na tinaguriang mga
principales) ang mayroong pagkakataong mamuno o makilahok sa pagpili sa mga mamumuno.

Nagkaroon na rin ng sistemang hudisyal na naglalayong makapag-ayos ng mga sigalot o


makapagpataw ng hustisya. Bagamat idealistiko, ang sistemang ito ay sinasabing hindi akma para
sa mga Pilipino sapagkat ito ay ginagamit lamang di umano ng mga Pilipino upang makahigit sa
kanilang mga kaaway o karibal, kung kaya’t ang kadalasang nangyayari ay pinagpapasyahan nang
walang konkretong basehan ang mga testimonya ng mga Pilipino.
Sa aking palagay, ang mga pagbabagong ito ay lubusang tinatanggap ng mga Pilipino
hangga’t tinatanggap ito ng kanilang mga pinuno. Mahihinuha ito sapagkat nabago ng mga Kastila
ang pre-Hispanikong orientasyon ng ating lipunan kahit hindi nila tinibag ang mga nauna nang
naghaharing-uri. Bagkus, binigyan pa nila ang mga ito ng posisyon sa lipunang kanilang itinatayo
at pinakikimkiman ng bahagi ng mga tributo upang sila ay sundin. Ito ay isang implikasyon ng
kaisipang “paluhurin mo ang isang hari, at lahat ng kanyang mga tagasunod ay luluhod din sa
harapan mo”. Pinaluhod ng mga Kastila ang mga naghaharing-uri sa iba’t ibang paraan – mula sa
pakikipagsanduguan ni Magellan kay Rajah Humabon, hanggang sa pagbibigay ng mga insentibo
sa mga naghaharing-uri na walang pag-aalinlangang sumusunod at gumagawa nang mahusay at
naaayon sa mga direktiba ng pamahalaang Kastila.

Naiisip ko rin na maaari ring tinatanggap ito nang maluwag ng mga Pilipino hangga’t ang
mga pagbabagong ito ay nasasalamin din sa mga katuruan – o panlilinlang – ng mga prayle sa
Simbahan. Kung ang paggamit ng mga prayle sa wikaing “Ibigay kay Caesar ang nararapat kay
Caesar, at ibigay sa Diyos ang nararapat sa Diyos” ay nagpapahiwatig na dapat magbayad ng mga
tributo o buwis sa pamahalaang Kastila, tatalima ang mga Pilipinong nakikinig dito sapagkat
idinidikta rin ng paniniwala nila na ang mga prayle ay bikaryo ng Diyos sa lupa at anumang sabihin
nila ang siyang ipinag-uutos ng Diyos.

B.] Sa ganang akin, makikitang may mga aspeto mula sa hiyerarkiyang panlipunan ng mga
pre-Hispanikong barangay na napanatili sa pagdating ng kolonisasyong Kastila. Kagaya ng
nabanggit, ang mga dating makapangyarihang datu na naghaharing-uri ang sila pa ring binigyan
ng Kastila ng posisyon at awtoridad bilang mga cabeza de barangay. Ngunit, ang tanging
kapangyarihang napanatili sa mga taong ito ay ang pangongolekta na lamang ng tributo – sapagkat
ang tungkulin – o ang kapangyarihang-- makapag-ayos ng mga sigalot at di-pagkakaunawaan sa
kanyang nasasakupan ay nasa kamay na ng audiencia, at ang tungkuling pamunuan ang barangay
sa pakikipagdigma o sa pagsalakay ay nabura na dahil sa pagkakaroon ng isang sentralisadong
pamahalaan at pagkakabuklud-buklod ng mga dating awtonomus na barangay.

Samakatuwid, ang mga aspetong napanatili sa panahon ng Hispanisasyon ay tanging mga


teknikalidad na lamang ng mga naghaharing-uri, sapagkat ang tunay na kapangyarihan ay wala na
sa mga datu kundi nasa kamay na ng Espanya. Isa pa, may makokonsidera pa bang mga malayang
mamamayan o mga timaguaa kung lahat tayo ay naging mga oripun na sa ating sariling bansa?

You might also like