You are on page 1of 7

Kabanata 25

Tawanan at Iyakan

May di karaniwang naganap sa Pansiteria Macanista de Buen Gusto kinagabihan. Labing-


apat na kabataan, buhat sa mga pangunahing pulo ng Kapuluan, mula sa lantay na Indio (kung
mayroon ngang lantay) hanggang sa Peninsular na Espanyol, ang nagkaisa upang idaos ang
bangketang ipinayo ni Padre Irene dahil sa nakikitang kalutasan ng usapin hinggil sa pagtuturo
ng Kastila. Inalkila nila ang lahat ng mesa, iniutos na dagdagan ang mga ilaw, at idikit sa
dingding kapiling ng mga tanawin at palamuting Tsino ang ganitong kakatwang taludtod:

Luwalhati kay Custodio sa Kaniyang mga Katalinuhan

At Pansit sa Lupa Para sa Mga Batang Mabuti ang Kalooban!

Ang isang bayang tinatapakan ng balabal ng kataimtiman ng lahat ng kabalbalan at


marami ang tumataas sa pamamagitan ng lakas ng usok at mainit na hangin, sa isang bayang
nakapagdudulot ng pinsala at nagiging sanhi ng gulo ang anumang seryo at matapat paglabas
mula sa puso, ito nga marahil ang pinakamabuting paraan upang ipagdiwang ang katalinuhan ng
magbunying si Don Custodio. Sinagot ng mga itinuya ang pangungutya sa pamamagitan ng
isang platong pansit!

Nagtawanan sila, nagbiruan bagaman halatang pilit ang kasiyahan. Umuugong nang may
pangangatal ang halakgakan, tumitilamsik ang tiis mula sa mga mata, mapapansin sa ilan ang
ningning ng luha. Sa kabila nito malulupit ang mga kabataang ito, hindi makatarungan! Hindi ito
ang unang pagkakataon na ginawaran ng gayong kapasiyahan ang higit pang maiinam na
kaisipan at dinaya ang pag-asa sa pamamagitan ng malalaking salita ay mumunting gawa. Bago
pa si Don Custodio, marami nang nauna, napakarami na!

Sa gitna ng bulwagan at sa lilim ng mga pulong parol, makikita ang apat na mesang
bilog, inayos nang pakuwadrado, at naliligid ng mga bangkitong kahoy at bilog din. Sa gitna ng
bawat mesa, alinsunod sa gawi ng pansiterya, may apat na platitong iba-iba ang kulay at may
lamang tig-aapat na pastel, saka apat na tasa ng tsaa na may mga takip na pulang porselana. Sa
tapat ng bawat bangkito, makikita ang isang botelya at dalawang kopa ng kumikinang na kristal.

Tila isang usyosong tinitignan at sinisiyasat ni Sandoval ang lahat, tinitikman ang
kakanin, sinusuri ang mga kuwadro, binabasa ang mga lista ng mga presyo. Nag-uusap ang iba
tungkol sa mga tampok na balita ng araw– ang sa ilan, natagpuang sugatan sa kalye ang alahero;
ayon sa iba, nagtangkang magpakamatay; at mangyaro pa, napalaot sila sa mga sapantaha.
Nagbigay si Tadeo ng kaniyang sariling haka, na buhat diumano sa isang mapagtitiwalaan, at
sinalakay diumano si Simoun ng isang hindi nakilala sa datong plasa ng Vivac, paghihiganti ang
motibo, at bilang katunayan, ayaw magbigay ng kahit katiting na paliwanag si Simoun.
Mula rito, nabaling ang pag-uusap hinggil sa mga mahiwagang paghihiganti, at mangyari
pa, sa mga kagagawan ng mga fraile. Ikinuwento ng bawat isa ang galing ng mga fraile sa kani-
kanilang bayan.

Isang kuwarteta, sa malaking titik na itim, ang nakaputong sa pinakatuktok ng dingding at


nagsasabing:

Ang tagapangasiwa nitong fonda

Lahat ay sinasabihan

Walang dapat maiiwang anuman

Sa ibabaw ng mga mesa o silya.

"Ano bang babala iyan!" bulalas ni Sandoval. "Tila may tiwala sa atin, eh? At ang berso!
Parang redondilya ni Don Tiburcio, may dalawang paa na mas maikli ang isa, at nasa pagitan ng
dalawang saklay. Kapag nakita ni Isagani, baka iregalo ito sa kaniyang magiging tiya!"

"Naririto na si Isagani!" sagot ng isang tinig mula sa hagdanan.

At lumitaw ang mapalad na binata, nagniningning sa kasiyahan, kasunod ang dalawang


deskamisadong Tsino na may dalang malalaking bandehang nagsasabog ng samyong katakam-
takam. Sinalubong sila ng masasayang bulalas.

Wala pa si Juanito, subalit dahil lampas na sa oras, nagsiupo silang masasaya. Lagi
namang mahirap asahan si Juanito.

"Kung si Basilio sa halip na siya ang kinumbida natin," ani Tadeo, "lalo tayong maaaliw.
Pwedeng lasingin natin siya para makakuha ng ilang sekreto."

"Ano, may mga sekreto ang maingat na si Basilio?"

"Totoo!" sagot ni Tadeo. "At napakahalaga. May mga mahiwagang sekreto na siya lamang ang
nakaaalam ng susi... Ang binatang naglaho, ang mongha..."

"Mga kasama lang-lang ang may sopas na pinakamasarap," sigaw ni Makaraig. "Tulad ng
nakikita mo, Sandoval, may mga kabute, hipon, pasta ng itlog, sotanghon, mga himay-himay na
manok, at kung ano-ano pa. Bilang unang ani, ialay natin ang mga buto kay Don Custodio.
Tignan natin kung ano ang magiging proyekto niya mula sa mga ito"

Isang malutong na halakhakan ang tumanggap sa pag-aalay.

"Kapag nalaman niya..."


"Patakbo siyang darating!" dugtong ni Sandoval. "Napakasarap ng sopas, ano nga ang
pangalan?"

"Pansit lang-lang, ito ang pansit Tsino upang maiba sa pansit na gawa rito."

"Bah! Mahirap tandaan ang pangalan. Sa karangalan ni Don Custodio, binibinyagan ko itong
sopas ng proyekto!"

Tinanggap ang bagong pangalan.

"Mga kasama," ani Makaraig na siyang pumili sa mga ulam. "May tatlong ulam pa tayo.
Lumpiyang Tsino na gawa sa karneng baboy..."

"Ialay kay Padre Irene!"

"Ikaw naman! Hindi makakain ng baboy si Padre Irene nang hindi muna magtatanggal ng ilong!"

"Ibagsak ang ilong ni Padre Irene!" sabay-sabay na sigaw ng lahat.

"Respeto, mga kasama, konting respeto!" tutol ni Pecson na nagkukunwang mapitagan.

"Ang ikatlong ulam ay tortang alimango..."

"Ialay sa mga fraile," dugtong ng taga-Visayas.

"Dahil sa kanilang pagkaalimango," patapos ni Sandoval.

"Tama, at tawaging torta ng mga fraile !"

"Respeto, mga kasama, konting respeto!" sigaw muli ni Pecson na namumuwalan.

"Ang ikaapar ay pansit gisado na iaaalay... sa gobyerno at sa bayan!"

Lumingon ang lahat kay Macaraig.

"Hanggang kumakailan lamang mga kasama," patuloy niya, "inaakalang sa Tsino o


Hapon,lumilitaw na Filipino ito, bagaman mga Tsino ang nagluluto at nakikinabang. Ito rin,
itong-ito rin ang nangyari sa gobyerno at sa Filipinas. Mukha silang Tsino, ngunit kung totoo nga
ito o hindi, may mga doktor ang banal na Ina...

Kinakain ito at kinasisiyahan ng lahat bagaman may nagkukunwang pihikan at nandidiri,


katulad ng nangyari sa bayan at gobyerno. Nabubuhay ang lahat sa pawis ng bayan, nilalahukan
ng lahat ang pagdiriwang at pagkatapos, wala nang bansang higit na masama kaysa Filipinas,
wala nang higit pang magulo kaysa gobyerno. Ialay natin ang pansit sa bayan at sa gobyerno!"

"Ialay!: sabay-sabay nilang sigaw.

"Tutol ako!" bulalas ni Isagani.


"Respeto ng bata, respito sa mga biktima!" maugong na sigaw ni Pecson at itinaas amg isang
buto ng manok.

"At ng mga tagasilangan!" tugon ng tinukoy at gumuhit ng isang bilog sa hangin sa pamamagitan
ng kaniyang kutsara upang ibilang ang lahat ng kasalo.

"Bawal sumabad!"

"Humingi ng lumpiya ang lahat at nasisiyahang naupo si Tadeo na nakalusot sa kagipitan.

Hindi sikat ang ulam na inalay kay Padre Irene at malupit itong ipinakilala kay Sandoval
sa ganitong paraan: "Nangingintab sa mantika ang labas at baboy ang nasa loob! Dalhin dito ang
ikatlong ulam, ang torta ng mga fraile!"

Hindi pa luto ang torta. Naririnig ang sagitsit ng mantika sa kawali. Sinamantala ang
lahat ng patlang upang uminom at hinilingan nilang magsalita si Pecson.

Taimtim na nagkrus si Pecson, tumindig nang halos hindi mapigil ang tawang hangal,
ginagad ang isang Agustinong predikador na bantog noon, at nagsimulang bumulong ang inuusal
wari ang paksa ng isang sermon.

"Si tripa plena laudat Deum, tripa famelica laudabit fatres. 'Kung nagpupuri sa Diyos ang
bitukang busog, magpupuri ang bitukang gutom sa mga fraile.' Mga salitang winika ni Don
Custodio sa bibig ni Ben Zayb sa peryodikong El Grito de la Integridad, ikalawang artikulo,
kabalbalang sandaan at limampu't pito.

"Minamahal kong mga kapatid kay Hesukristo!"

"Inihihihip ang kasamaan ang marumi nitong hininga sa luntiang baybayin ng Frailanda,
sa hamak na Kapuluang Filipino! Hindi sumisikat ang isang araw nang hindi dumadagundong
ang isang salakay, nang hindi narinig ang uyam laban sa mga reberendo, benerando, at
peryodikanong korporasyon, na walang pananggalang at kulang sa lahat ng tagaguyod.
Ipinahintulot ninyo, mga kapatid, na sandali akong maging isang laglag na kabalyero upang
aking maipagtanggol ang mahihina, ang mga banal na korporasyong nagtuturo sa atin, at minsan
pang patunayan ang ikaapat na ideya ng kasabihang nagpupuri sa Diyos ang bitukang busog,
samakatwid, magpupuri ang bitukang gutom sa mga fraile."

"Bravo, bravo!"

"Sandali lamang," wikang taimtim ni Isagani, ibig kong ipaalam sa inyo na kapag tungkol sa mga
fraile, isa ang iginagalang ko."

Si Sandoval na masaya na'y nagsimulang umawit:

Isang fraile, dalawang fraile, tatlong fraile sa koooro


May gawaing kawangis ng nag-iisang tooooro!

"Makinig, mga kapatid, lumingon kayo sa magandang araw ng inyong kamusmusan,


sikapin ninyong suriin ang kasalukuyan, at itanong sa inyong sarili hinaharap. Ano mayroon
kayo? Mga fraile, mga fraile, at mga fraile! Bininyagan kayo ng isang fraile, kinumpilan,
dinalaw sa eskuwelahan nang may masuyong malasakit. Isang fraile ang duminig sa inyong mga
unang lihim, siya ang unang nagpakain sa inyo ng isang Diyos, ang nagturo sa inyo! landas ng
buhay. Mga fraile ang inyong una't huling mga guro. Fraile ang magbubukas sa puso ng inyong
mga nobya upang ihanda sila sa inyong mga buntonghininga. Isang fraile ang magkakasal sa
inyo, ang magpapalakbay sa inyo sa iba't ibang pulo upang matuto kayo ng ibang klima at
libangan. Siya ang tutulong sa inyong pag-aagaw-buhay at kahit pa kayo umakyat sa bibitayan,
naroon ang fraile upang samahan kayo ng kaniyang mga dasal at luha at matahimik kayo,
sapagkat hindi niya kayo iiwan hanggang sa makita kayong patay na at binitay.

"Gayunman, hindi nagtatapos doon ang kaniyang kawanggawa. Kapag patay na,
pinagsisikapan niya kayong ilibing nang buong rangya, makikipaglaban upang dumaan ang
inyong bangkay sa simbahan, tumanggap ng mga panalangin sa patay at masaya lamang siyang
makapagpapahinga kapag naibigay na kayo sa kamay ng Maykapal nang nilinis na rito sa lupa.
Salamat sa mga parusa, pasakit, at kahihiyang tinatamo sa buhay na ito. Maalam sa aral ni Kristo
na ipinid ang pinto ng langit sa mayayaman, sila ang mga bagong manunubos, ang mga tunay na
ministro ng Tagapagligtas, at ginagamit ang lahat ng talino upang alisin sa inyo ang inyong mga
kasalanan, ang mahusay na kuwapi– o salapi– na ipinadadala sa malayo, napakalayo, doon sa
tinitirhan ng mga kondenadong Tsino at Protestante, upang manatiling malinis, dalisay at
malusog ang ating kapaligiran. Sa gayong paraan, kahit hanap-hanapin natin pakuwan, wala na
tayong matatagpuang kahit isang kusing ukol sa ating kapahamakan!

"Kung kailangan nga sila sa ating kaligayahan, kung kahit saan natin idako ang ating
ilong ay nakatatagpo tuwina ng isang malambot na kamay, na gutom sa mgq halik, na
pinalalapad pang lalo araw-araw ang nabugbog na bahagi ng ating mukha, bakit hindi na lamang
natin sila purihin at patabain at bakit hihingin ang kanilang di napapanahong pagpalayas? Isipin
sandali ang napakalaking guwang na iiwan sa ating lipunan ng kanilang paglisan!

"Walang pagod na manggagawa, pinauunlad at pinararami nila ang mga lahi. Kapag
winawatak tayo ng mga inggitan at alitan, binubuklod tayo ng mga fraile sa iisang mahigpit na
pagkakabuklod, napakahigpit kaya hindi maikilos ng marami ang kanilang mga siko! Alisin
ninyo ang mga fraile, mga kasama, at makikia ninyo kung paano bubuway ang gusaling Filipino
kung wala ang matitipunong balikat at balbuning binti, magiging kainip-inip ang buhay Filipino
kung wala ang mga librito at mga sermong nakakahalakhak, kung wala ang katawa-tawang
kaibhan ng malalaking nagkukunwang maliliit ang bungo, kung wala ang buhay na larawan sa
araw-araw, mula sa mga kuwento nina Bocacio at La Fontaine! Kung wala ang mga kordon at
eskapularyo, ano ang ibig ninyong gawin mula ngayon ng ating kababaihan? Magsipag-ipon ng
mga salaping pambili at marahil maging mga maramot at sakim? Kung wala ang mga misa, mga
nobena at prusisyon, saan kayo makatatagpo ng panggingge na makapagpapalipasan nila ng
oras? Mauwi sila sa mga gawaing pambahay at sa halip na magbasa ng masasayang kuwento
tungkol sa mga himala, kailangang bigyan natin sila ng mga akdang hindi pa nalilbag.

"Alisin ninyo ang mga fraile at maglalaho ang kabayanihan, masusuot ang taumbayan sa
mga gawaing pampolitika. Alisin ninyo sila at hihintong mabuhay ang mga Indio. Ang fraile ang
Ama, ang Indio ang Salita; ang una ang eskultor, ang huli ang estatwa. Utang natin sa mga fraile
ang ating buong pagkatao, ang ating pag-iisip, at ang ating ginagawa. Bunga ng kanilang tiyaga,
ng kanilang mga gawa, ng kanilang tatag sa loob ng tatlong siglo ang pagbabago sa anyong
kaloob sa atin ng Kalikasan! At kung walang fraile at walang Indio sa Filipinas, ano kaya ang
mangyayari sa kawawang gobyerno sa kamay ng mga Tsino?"

"Kakain ng tortang alimango!" sagot ni Isagani na nababagot sa talumpati ni Pecson.

"At iyan ang dapat nating gawin! Tigil na ang mga talumpati!"

Sapagkat hindi pa lumilitaw ang Tsinong magdadala ng ulam, tumayo ang isa sa mga mag-aaral
at pumunta sa likuran, sa dako ng balkong nakaharap sa ilog. Subalit bumalik ito kaagad at
humuhudyat ng buong hiwaga.

"Tinitiktikan tayo. Nakita ko ang paborito ni Padre Sibyla!"

"Talaga?" bulalas ni Isagani at tumindig.

"Sayang, umalis nang makita ako."

At lumapit ito sa bintana, tumanaw sa gawing plasa. Pagkatapos humudyat muli sa


kaniyang mga kasama upang magsilapit. Nakita nilang lumabas sa pintuan ng pansiterya ang
isang kabataang palinga-linga at sumakay kasama ang isang di-makilala sa isang karwaheng
naghihintay malapit sa bangketa. Karwahe iyon ni Simoun.

"Aba!" bulalas ni Makaraig. "Naglingkod ang alipin ng Bise Rektor sa Amo ng Heneral!"

Mga Tala

1. Kuwarterteta: Sa orihinal, cuarteta, isang saknong na may apat na taludtod.

2. Redondilya: Sa orihinal, redondila, isang uri ng kuwarteto na may walong pantig bawat
taludtod at may tugmaang abba o may labing-isang pantig bawat taludtod at may tugmang abab.

3. Pansit lang-lang: Luto ng pansit miki na uso noon, hinaluan ng hiniwang karne ng manok,
hipon at itlog, at may sabaw.
4. Pagpapalayas (sa mga fraile): Ang talumpati ni Pecson ay isang magandang satira labam sa
malaganap na kuro-kuro noon na kailangan ang mga pari sa lahat ng aspeto ng lipunang kolonyal
at kaya nawawasak ang buong eskulturang pampolitika kapag umalis ang mga fraile. Ang
pagpapalayas sa mga fraile ay inirekomenda na ni Simon de Anda. Muli irong binuhay sa
magiting na pagbubulgar na ginawa ng mga gobernadorsilyo ng mga distrito ng Maynila at
isinumete kay Gobernador Heneral Emilio Terrero y Perinant noong 1888. Noong ding panahon
ni Gobernador Heneral La Torre, pinangunahan ni Don JoaquinPardo de Tavera ang isang
pangkat na may katulad na petisyon.

5. Boccacio: Si Giovanni Boccacio (1313-1375), dakilang manunulat na Italyano at may-akda ng


Decameron.

6. La fontaine: Si Juan de la Fontaine (1621-1695), makata at pabulistang Pranses.

Gabay na Tanong

 Ano-anong mga sitwasyon ang sabay na iniyakan at pinagtawanan sa kabanatang ito?

You might also like