You are on page 1of 4

ANG PAGBABAGO SA ANTAS NG PAGTANGGAP SA PAMAHIING PANINIWALA SA

MAKABAGONG PANAHON

Introduksyon

Ang bansang Pilipinas ay kilala sa isang mayamang kultura ng kaalaman at matatandang


paniniwala na patuloy na sinusubukang ipalaganap sa mga bagong henerasyon. Isa na dito ang paniniwala
at pagsunod sa mga pamahiin na ipinaliwanag ni Kohler, sinaad niya na ang pamahiin ay isang hindi
makatwiran o di-maka-siyentipikong paniniwala tungkol sa papel na ginagampanan ng pangyayari o
phenomena sa mundo at ang paniniwala na ito ay nabuo batay sa imitasyon o sinasamahan ng (kadalasan)
na masamang pagnanasa. Ang pamahiin ay isang espesyal na batas o alituntunin na ginagampanan ng
mga tao o pangkat ng mga tao na may isang paniniwala o pag-iisip na walang pang-agham na suporta at
ito ay tungkol sa isang bagay, sitwasyon o kaganapan.

Ayon sa pananaliksik ni Andrews (2010), mula sa panahong mayabong pa ang paniniwala sa mga
superstisyon, ay mahigpit na sinusunod ang mga pamahiin na may nilalaman na iba’t ibang mga
kadahilanan at mga layunin o bagay na nararapat na maiwasan. Subalit sapagkat sa pagbabago at pagiging
industriyalisado ng mundo, sumasabay din ang pagbabago sa konteksto o hindi naman kaya ay sa antas ng
paniniwala o pagtanggap sa mga matatandang mga paniniwala. Nagpapabago ito ng sistema ng
pagpapahalaga ng mga tao at maging ng kanilang kultura. Karaniwang sinasalamin nito ang mga
kaugalian, tradisyon, at gawi ng isang pangkat, na kung saan maaaring ibatay sa relihiyosong paniniwala,
opinyon, luma man o popular na mga gawi.

Sa kabila nito ay mapapansin pa din ang patuloy na pagbaba ng bilang ng mga naniniwala at
sumusunod sa mga pamahiing ito. Dahil sa pag-usbong ng pagpapalakas ng boses at ng personal na
paniniwala ng mga tao, ay tuluyan nang hindi naging isang mahigpit na patakaran ang pagsunod sa
pamahiin kaiba sa nakagisnan noong sinaunang panahon. Naging opsyonal na o hindi naman ay naging
pawang bahagi na lamang ng ating kultura ang ganitong paniniwala na kung saan ay hindi na nabibigyang
pansin at hindi na nagagawang seryosohin ang mga kaalaman at mga ipinagbabawal kasabay ng bunga at
kapinsalaan na maaaring mangyari sa mga sirkumstansya na hindi sinunod ang mga pamahiing nararapat.

Dahil sa modernisasyon at patuloy na pagbabago ng mundo, naiimpluwensyahan ng maraming


bagay ang isipan ng nakararami at hindi nabibigyang pansin ang mga sinaunang paniniwala o pamahiin.
May mga bagay na hindi natin mabigyan ng isang kumpleto at detalyadong eksplanasyon, ngunit ito pa
rin ay ating tinatanggap at sinusunod. Isa na itong bahagi ng ating pagka-Pilipino at naging parte na rin ng
ating kultura kaya marapat lamang na ating pahalagahan. Sa kabila ng pagbabago sa ating mundo, lahat
ay may nakalaan na paliwanag, lahat ay may siyentipikong eksplanasyon, subalit ang bagay na ito ang
tanging sumasalamin sa yaman ng ating kultura. Wala mang basehan at kung ang lahat ng ito ay may
katotohanan o nagkakataon lamang sa buhay ng tao. Hindi man kapani-paniwala ang mga kasabihan na
ito ay walang masama o mawawala kung susundin ito.

Pagtalakay

Sa pag-aaral na ito, mababatid ng mga mananaliksik kung anu-ano ang mga pamahiin na patuloy
pa ring nabubuhay at nananatili sa ating lipunan sa kabila ng makabagong panahon at ang kaugnay na
antas sa pagtanggap at pagsunod dito. Ang mga sumusunod ay ang iba’t ibang kategorya at gamit ang
mga pamahiin na naiuugnay naman sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Mayroong apat na kategorya na (maaaring) tumutukoy sa pagtangan sa mga sinaunang pamahiin,


ang una ay ang Pampasuwerteng Bagay o Lucky Charms. Marami sa mga Pilipino ang may kani-kaniyang
mga pampasuwerte o lucky charms. Ang isang klase ng paniniwala sa “magic” na takbo ng isip, ay ang
paniniwala sa mga pamahiin at mga ritwal na isinasagawa upang makapaghatid ito ng inaasahang bagay
na mangyari. Kung manalo ka ng isang premyo habang suot mo ang iyong pulang palda, baka maniwala
kang kapag isinuot mo itong muli ay mananalo ka na naman. Kapag pinagkrus mo ang mga daliri mo o
bumigkas ka ng isang tula at umubra itong minsan, baka maniwala kang makatutulong na manalo ka
kapag inulit mo ulit ang mga ito. Naniniwala ang karamihang Pilipino sa mga bagay-bagay na maaaring
makapagdala ng suwerte o ginhawa sa buhay. Kahit anong bagay ay may potensyal na gamitin bilang
pampasuwerte. Madalas nagiging masuwerte ang bagay para sa isang tao dahil sa magandang karanasan o
mabuting paniniwala na kaakibat nito.

Ang sikologo na si Lysann Damisch ng Unibersidad sa Koln, Alemanya, ay kabilang sa mga


naniniwala na ang mga pampasuwerteng bagay ay maaaring maging epektibo. Pinaghihinalaan na ang
pagsasaaktibo ng pamahiin sa pag-iisip nang direkta bago ang isang gawain ay maaaring mapalakas ang
tiwala ng isang tao sa kanyang kakayahang magtagumpay. Sumunod ay ang mga Kasabihan o Popular
sayings. Nakagawian na ng mga Pilipino na maghayag ng kanilang mga pilosopiya sa buhay, mga
karanasan at mga bunga ng pagmamasid-masid, sa pamamagitan ng mga salawikaing may tugma at mga
kasabihan. Ang kasabihan ay pahayag na nagbibigay ng payo o nagsasaad ng katotohanan kung saan ang
mga salitang ginagamit ay payak at madaling maintindihan.

Kapalaran at Palatandaan o Fate and Signs. Ang kapalaran ay tumutukoy sa hindi maiiwasang
takbo ng mga pangyayari. Maaaring isa-isip ito bilang hindi mapigilang kapangyarihan o operasyon na
tinatakda ang hinaharap, kahit na ito'y pangkalahatan o sa isang indibidwal. Ang palatandaan naman ay
isang bagay na nagbibigay ng pahiwatig hinggil sa mga kalagayan o mga pangyayari sa hinaharap;
gayundin, isang kababalaghan.

Ang huli ay ang Mahiwagang Pag-iisip o Magical Thinking. Paniniwala sa isang bagay na alam
mo na hindi totoo o dapat malaman na hindi totoo. Ito ay tinukoy bilang paniniwala na ang isang
pangyayari ay nangyayari bilang isang resulta na walang makatuwirang tugma ng pagsasagawa. Ang
"magical thinking" o mahiwagang pag-iisip ay tinukoy bilang paniniwala sa isang bagay, aksyon o
pangyayari na hindi lohikal na nauugnay sa isang kurso ng mga kaganapan na maaaring maka-
impluwensya sa kalalabasan nito. Ito ay isang paraan upang maintindihan ang hindi maunawaan at upang
makontrol ang nararamdaman na hindi mapigilan.

Ang mga uri ng pamahiing ito ay patuloy na ginagamit sa modernong panahon subalit nababago
ang pagkakabuo o hindi naman kaya ay ang antas ng paniniwala ng mga mamayan. Ayon sa pag-aaral ni
Lopez (2018), sa pinaghambing na Henerasyon X mga mula sa taong 1965 – 1976, Henerasyon Y, 1977 –
1995 at Henerasyon Z, 1996 hanggang kasalukuyan, lumabas na lamang ng tatlumpu’t tatlong bahagdan
ang mula sa Henerasyon X sa antas ng pagtanggap at pagsunod sa mga pamahiing nabanggit sa unang
bahagi. Samantalang pababa naman ng pababa ang antas sa patuloy na pagbabago ng mga henerasyon. Sa
kaparehong pag-aaral din nagkaroon ng tuklas na may mas mataas na hindi pagtanggap at hindi pagsunod
ang mga mula sa Henerasyon Z.

Bukod dito, nakasaad din sa pag-aaral ni Siojo (2015), na dahil sa malawakang impluwensya ng
makabagong teknolohiya at ang pag-usbong ng mga masulong na lebel ng siyensya ay nabubuksan ang
isipan ng mga taong nabuhay mula sa mga bagong henerasyon sa mga eksplanasyon ng pag-iral ng mga
bagay kung gayon ay hindi na gaanong pinaniniwalaan o tinatangkilik ang matandang mga pamahiin
dahil sa kakulangan sa siyentipikong eksplanasyon. Ang teknolohiya din ay isang midyum ng
komunikasyon kung saan ang mas nakababatang henerasyon ang mas may akses at nagbibigay ng
impluwensya at pagkakataon upang mapalawig ang isang paniniwala. Subalit sa modernong panahon, ay
hindi na ito nabibigyang pansin at nanatili na lamang bahagi ng kultura.

Ang pagbabago sa antas ng paniniwala sa mga pamahiing paniniwala ay mas pinalawig naman ng
pag-aaral ni Posadas (2015). Ayon sa kanya, karamihan ng mga sumusunod sa pamahiin ay dahil na
laman sa isang maka-Pilipinong dahilan na “wala naming mawawala kung gagawin.” Kung noon,
pinaniniwalaan at sinusunod ang mga pamahiin sa takot sa mga maaaring kahinatnan at sa matinding
paniniwala sa mga kapalit ng hindi pagsunod, ngayon ay dahil bahagi na lamang ito ng ating kultura. Isa
pa ay ang pagiging “out of trend” ng ganitong gawi. Ayon kay Lopez (2018), Bagaman ang malas na
tinutukoy sa mga pamahiin ay may tiyak na matinding kahihinatnan kapag hindi ito nagawa o nasunod,
maaaring ito ay maging dahilan upang ang mga kalahok ay makaramdam ng kaba at pagkabalisa na isa
ring dahilan ng kabawas sa antas ng paniniwala sa modernong panahon. Sinasabi na ang isang indibidwal
ay may paniniwala na ang suwerte ay isa sa kanilang kalidad bilang tao at ito ay kanilang nang taglay at
kontrolado (Darke, 1993; Darke & Freedman, 1997; Kramer & Block, 2010). Kaya naman, maaaring
sabihin na ang tao ay may kakayahang kontrolin ang kanilang suwerte at kamalasan sa pamamagitan ng
pagsunod sa pamahiin.

Buod at Kongklusyon

Sa pag-aaral na ito, nabatid ng mga mananaliksik na ang mga pamahiin ay patuloy pa ring
nabubuhay at nananatili sa ating lipunan sa kabila ng makabagong panahon subalit ang antas ay patuloy
na bumababa. May iba’t ibang kategorya at gamit ang mga pamahiin na naiuugnay naman sa pang-araw-
araw na pamumuhay. Dagdag pa rito, ang pagtanggap at pagsunod sa pamahiin ay lubos na
naiimpluwensyahan ng pamilya, pananampalataya sa Diyos, relihiyon, agham at iba pang sangay ng
lipunan. Subalit kalakip ng patuloy na pagbabago at pagiging industriyalisado ng mundo ay sumasabay
din ang unti-unting pagbaba ng antas sa paniniwala sa mga matatandang kasarinlan. Lumabas din sa
pananaliksiksik na ito na mayroong sumusunod sa pamahiin sa kabila ng kawalan nito ng paliwanag kung
bakit ito dapat sundin ngunit mayroon ding sumusunod na lamang kahit pa hindi ganoong katatag ang
paniniwala na siya naman kaiba sa nakaraan. Ang mga pamahiin din ay ginagamit bilang paliwanag o
dahilan sa mga pangyayaring hindi kanais-nais o hindi kontroladong kaganapan sa buhay. Nagkakaroon
din ng pagbabago sa istraktura ang pamahiin sa paglipas ng panahon. Ang mga pamahiin na nananaatili
ay may mga katangian na nagbibigay ng malaking pagbabago sa kaisipan, pag-uugali at damdamin ng
bawat indibidwal.
Lumalabas sa pag-aaral na ang uri ng pagtanggap at pag-uugali tungkol sa pamahiin ng ilang mga
kalahok ay patuloy na nakakaapekto sa kanilang pamumuhay. Nagiging bahagi ito ng kanilang pagkatao
sa pamamagitan nang kung papaano nila tingnan o bigyang paliwanag ang mga pangyayaring nagaganap
sa kanilang buhay at maging sa buhay ng ibang tao.Kadikit ng mayamang kultura ng bansang Pilipinas
ang iba’t ibang pamahiin na minsang naging gabay ng pamumuhay ng mga naunang Pilipino. Sa pagdaan
ng panahon, sa pagiging industralisado ng mundo, nagkaroon ng pagbabago sa konteksto o di kaya ay sa
antas ng pananaw ng mga Pilipino sa mga pamahiiing ito. Gayunpaman, isinusulong pa rin ng mga
nakakatanda ang pagtuturo sa bagong henerasyon ng mga pamahiin na wala mang siyentipikong
eksplanasyon ay patuloy pa rin nilang pinaniniwalaan at tinatangkilik. Sinasabi ring kahit patuloy ang
nakakatanda sa pagpasa ng mga paniniwala sa panibagong henerasyon, mas nanaig pa rin ang konsepto
ng pagpapalakas ng boses at personal na paniniwala ng tao. Mayroong apat na kategorya na tumutukoy sa
pagtangan ng mga pamahiin. Ang paniniwala sa mga pampasuwerteng bagay, mga kasabihan, mga
kapalaran at palatandaan at mahiwagang pag-iisip. Ang mga paniniwalang ito ay mababatid pa rin sa
makabagong panahon subalit naging opsyonal at hindi na mahigpit.

Sanggunian

Andrew, T. D., & Ilada-Andres, P. B. (2010). Understanding the Filipino. New Day Publisher.
Lopez, R. & Raboy, Y. (2018). Pamahiin nila noon, buhay pa ba ngayon? pagsusuri sa mga pamahiing
nananatili mula noon hanggang ngayon.

Siojo, R. (2015). The Philippines – Superstitions and Beliefs. Retrieved june 2015, from
http://aboutphilippines.ph/filer/Superstitions-and-Beliefs.pdf
Posadas, L. M., & Fernandez, R. G. (2015). Palaweños, Do We Know Where We’re Going To?: The
Dynamics of Generation Y and Z. In Filipino Generations in a Changing Landscape. Philippine Social
Science Council.
Waterworth, N. (2013). Generation X, Generation Y, Generation Z, and the Baby Boomers. Retrieved
june 2015, from Talented Herd: http://www.talentedheads.com/2013/04/ 09/generation-confused/

You might also like