Bagama’t hindi tuwirang teoryang linggwistik ang behaviorism, malaki ang nagging
impluwensya nito bilang teorya sa pagkatuto ng una at pangalawang wika. Ipinahahayag ng teoryang behaviorism na ang mga bata ay ipinanganak na may kakayahan sa pagkatuto at ang kanilang kilos at gawi ay maaaring hubugin sa pamamagitan ng pagkokontrol ng kanilang kapaligiran. Ang kakayahang intelektwal ng mga bata ay mapapayaman at mapapaunlad sa tulong ng mga angkop na pagpapatibay rito. Binigyang- diin ni Skinner (1968), isang pangunahing behaviorist, na kailangang “alagaan” ang pag- unlad na intelektwal sa pamamagitan ng pagganyak at pagbibigay-sigla at pagpapatibay sa anumang mabuting kilos o gawi. Ayon sa mga behaviorist, ang pagkatuto ng wika ay bunga ng panggagaya, paulit-ulit na pagsasanay hanggang sa mamaster ang tamang anyo nito, at positibong pidbak. May paniniwala rin si Skinner na maaaring maisagawa ng bata ang anumang Gawain kung tuturuan at bibigyan siya ng tamang direksyon. Halimbawa, posibleng pagkaanak pa lamang ay maaaring hubugin na ng mga magulang ang kanilang anak para maging isang doctor o isang abugado. Ang mga gurong umaayon sa paniniwalang ito ni Skinner ay palaging kariringgan ng mga papuring “Magaling.” “Tama ang sagot mo.” Kahanga-hanga ka.” “Sige, ipagpatuloy mo.” Ang teoryang behaviorism sa pagkatuto ay nagbibigay sa mga guro ng set ng mga simulain at mga pamaraang madaling isagawa sa pagtuturo. Ang Audio-Lingual Method (ALM) na nagging popular noong mga taong 1950 at 1960 ay ibinatay sa teoryang behaviorism. Ang mga pangunahing katangian ng ALM ay inilahad sa ibaba.
· Binibigyang-diin ang mga kasanayang pakikinig at pagsasalita;
· Binibigyang-diin ang pag-uulit at mga dril; · Paggamit lamang ng target na wika; · Kagyat na gantimpala/pagpapatibay sa bawat tamang sagot; · Kagyat na pagwawasto ng kamalian; at · Ang pagtuturo at pagkatuto ay nakatuon sa guro