You are on page 1of 7

Adriano, Rain Sherylyn C.

BSBAFM 1-4

Pagtataya Blg. 2 at Maikling Pagsusulit Blg. 1

Ano nga ba ang kabuluhan ng Pagsasalin sa Kontekstong Filipino? Paano


nga ba nagsimula ang Pagsasalin? Saan nga ba nagsimula ang Pagsasalin? Iyan ang mga
katanungan na aking sasagutin sa sanaysay na ito upang mas mainam na maintindihan
ng mga mambabasa ang nilalaman ng papel na ito. Ayon sa aming kagamitang panturo,
ang Pagsasalin sa Kontekstong Filipino bilang Kurso ay naglalayong paunlarin ang
kasanayan sa pagsasalin na ginagabayan ng pananaliksik (saliksik-salin) na nakalapat sa
konseptong Filipinolohiya, sa pag-unawa sa kahulugan, teorya at kahalagahan ng
pagsasapraktika ng pagsasalin tungo sa Intelektuwalisasyon ng Wikang Filipino. Ang
pagsasalin bilang disiplinang nagbabanig sa kaisipan at kamalayang bayan ay naglalatag
sa kapangyarihan at kahalagahan ng Pambansang wika at mga katutubong wika tungo
sa paglikha ng mga teorya salig sa konseptong Filipinolohiya sa pagsasakonteksto ng
mga batayang pangangailagang kaalaman sa pag-unawa sa kalagayan ng lipunan sa
pagkakamit ng pambansang kaunlaran.

Ang Pagsasalin ay binigyang kahulugan ng iba’t ibang manunulat. Ayon kay


Dizon, ang pagsasalin ay isang pagsusuri sa pilosopiya ng wika, pinaliwanag niya ito sa
tatlong susing salita: wika, ideolohiya at pagsasalin. Sinasabi niyang ang pagsasalin ay
kadalasang nakasalig sa intension ng tagasalin batay sa kaniyang ideolohiyang taglay
kung kaya’t malaki ang kinalaman ng tagasalin sa perspektiba ng mga akdang isasalin.
Ayon naman kay Nida (1969), ang pagsasalin ay binubuo ng paglikha sa pinakamalapit
na likas na katumbas ng diwa sa pinagmulang wika, una sa kahulugan at sumunod sa
istilo. Ayon kina Liban at Iringan, ang pagsasalin ay kagamitan sa muling paglikha-
pagbabagong anyo na naayon sa pangangailangang diwa ng kaalaman sa patutunguhang
wika. Ayon kay Newmark, ang pagsasalin ay tumutukoy sa paglilipat ng kahulugn ng
isang teksto mula sa isang wika patungo sa ibang wika na nakatuon sa makabuluhang
kapakinabangan sa kahulugan. Iba-iba man ang pagkakahulugan ng mga manunulat sa
Pagsasalin, ngunit sa lahat ng ito ay ipinapakita ang kahalagahan ng wika bilang midyum
sa pakikipag-ugnayan.

Ang pagsasalin ay matagal nang isinasagawa sa ating bansa at lalo pa itong


nabigyang pansin nang dumating ang iba’t ibang mananakop sa ating bansa. Ayon sa
aking nakalap na impormasyon, mayroong apat na yugto ang Pagsasaling wika. Sa unang
yugto, sinasabi na nakilala ang pagsasaling wika nang dumating ang mga Kastilang
mananakop sa ating bansa. Ang pagsasalin ng mga prayle sa bibliya ang nag bigay sigla
rito o nagbigay anyo. Sinasabing ang pangunahing dahilan ng pag-unlad ng pagsasalin
sa ating bansa ay ang Relihiyong Kristyano. Ito ay dahil sa bantulot na pagtuturo ng mga
Kastila ng kanilang wika. Ang mga prayle ay nagsagawa ng pagsasalin sa iba’t ibang
katutubong wika upang maituro at mapalaganap ang Kristyanismo sa ating bansa. Sa
takot ng mga Kastila na mag-alsa ang mga Pilipino at matutunan ang kanilang wika, inaral
ng mga Kastila ang wika ng mga katutubo at magsagawa ng mga pagsasalin. Sa
isinagawang pagsasalin ng mga Kastila, mas naging madali sa mga katutubo ang
pagtanggap sa Kristyanismo sapagkat naririnig nila ito sa kanilang wika habang itinuturo
ng mga prayle. Talaga namang hindi maitatanggi na nagdala ng kasiglahan sa
pagsasaling wika ang mga Kastila noon. Sa kadahilanang hindi sumunod ang ilang mga
prayle sa dekreto ng hari ng Espanya na ituro ang Kristyanismo sa wikang Kastila,
lumaganap ang pagsasalin sa Pilipinas. Sinasabing mayroong tatlong rason kung bakit
mas pinili ng mga prayle na namumuno sa Pilipinas na isalin ang akdang panrelihiyon sa
wikang katutubo kaysa ituro ito sa sarili nilang wika at sumuway sa dekreto ng hari ng
Espanya. Una, batay na rin sa kanilang karanasan sa Timog at Hilagang Amerika, higit
na matagumapay ang pagpapalaganap ng kristyanismo kung wikang katutubo ang
kanilang gagamitin sa pagtuturo ng mga aral ng bibliya. Ikalawa, mas madaling
maunawaan ng mga katutubong Pilipino ang kanilang ibinabahaging aral ng mga prayle
kung ito ay nasusulat at sinasalita ng mga prayle gamit ang katutubo ng wika. Kaya mas
higit nilang pinaunlad ang kanilang mga sarili sa pag-aaral at pagsasalin ng mga aklat
panrelihiyon sa katutubong wika. At ang panghuli ay pinangangambahan ng mga prayle
ang pagkatuto ng mga Pilipino ng kanilang wika at maunawaan nito ang kanilang
kalagayang political at sila ay mag-alsa. Ayon sa aking pagsasalik, pinangunahan ni
Theodoro A. Agoncillo ang pagsasalin ng mga ilang piling akda sa ilalim ng Tagalog
Periodical Literature. Sa kabuuan ay may 209 ang lahat ng nakatalang salin ni Theodoro
Agonsillo na lahat ay tumatalakay sa religious work na karamihan ay salin o adapsyon
mulsa sa mga manuskrip,pamphlet aklat at iba pa na orihinal na nasusulat sa wikang
kastila. Kapansin pansinin na pinanatili ni Agoncillo ang aktwal na baybay ng mga salita
na ginamit ng manunulat. Sa madaling salita, ang unang yugto ng pagsasaling wika ay
nag bigay tuon sa mga akdang may kinalaman sa kagamitang panrelihiyon.

Hindi lamang sa panahon ng mga Kastila nakilala ang pagsasalin, mas


lumaganap ito noong dumating ang mga Amerikanong mananakop sa ating bansa. Sa
ikalawang yugto, naging mas maunlad ang pagsasalin sa panahon ng pananatili ng ma
Amerikano sa ating bansa. Batay sa aking nakalap na impormasyon, Ang mga Amerikano
ang nagpakilala ng Edukasyon sa mga Pilipino noong panahon ng pananatili nila rito sa
Pilipinas. Sa ikalawang yugto sinimulang isalin ang mga akdang pampanitikan mula sa
kanluran sa kadahilanang lansakan ang pagpasok ng mga pampanitikang kaunlaranin.
Sinimulan na ring isalin ang mga tanyag na akdang pambata na pinangunahan ng
National Bookstore. Maliban sa NBS, nagsagawa din ng pagsasalin ang Goodwill
Bookstore, binigyang pansin naman nila ang pagsasalin sa mga akda ng mga dakila at
sikat na pilosopo na sina Aristotle, Aquinas, Kant at ng ilan pang pilosopo. Naging
makabuluhan din sa panahon na ito ang pagsasalin sa mga Dula na itinatanghal sa teatro
sa kadahilanang wala pang telebisyon noon. Bukad pa riyan, higit na naging masigla ang
pagsasalin sa panahong ito dahil ito ay ipinagkait sa mga manunulat noong sinakop ang
bansa natin ng mga Kastila. Ayon sa aking pananaliksik, si Rolando Tinio ang kilala sa
pagsasalin ng mga klasikong Dulaang lumaganap sa Europa. Layunin ni Tinio na
maipaabot sa kamalayan ng mmga Pilipino ang mga dulaang pandaigdig sa pamamagitan
ng pagsasalin nito sarili wikang nauunawaan ng higit na nakararami Pilipino. Sinasabing
ang pagsasalin sa panahon ng mga Amerikano ay pagsasaling –di tuwiran sapagkat ang
ilan sa mga salin ay hindi na mula sa orihinal na wika kundi bunga na rin ng isang
pagsasalin.

Sa pagdaan ng panahon patuloy ang pagsasalin sa wikang Filipino ng


ilan sa materyales mula sa Ingles. Ayon sa aking nakalap na impormasyon, ang ikatlong
yugto ng pagsasalin ay nag bigay tuon sa patakarang bilinggwal. Sa yugtong ito isinalin
sa Filipino ang mga mataryales pampaaralan na nakasulat sa Ingles katulad ng aklat,
patnubay, sanggunian, gramatika atbp. Ang mga halimbawa ng mga isinalin sa panahong
ito ay Science, Home Economics, Good Manners and Right Conduct, Health Education, at
Music. Ang huli o ikaapat na yugto naman ay ang panahon ng pagsasalin ng mga
katutubong panitikang hindi Tagalog. Upang makabuo ng panitikang pambansa,
kailangang isalin ang mga katutubong panitikang hindi Tagalog. Sa panahong ito nabuo
ang LEDCO o Language Education Council of the Philippines at SLATE o Secondary
Language Teacher Education ng DECS at PNU noong 1987. Ang mga panitikang Cebuano,
Ilocano, Hiligaynon, Bicol, Samar-Leyte, Pampanga at Pangasinan ang ilan sa mga isinalin
sa Filipino. Mayroon ding pagsasalin sa ilang Chinese-Filipino Literature, Muslim at iba
pang panitikan ng mga minor na wika ng bansa. Dahil sa pagsasalin, ang mga kuwento
mula sa mga probinsya lalo na sa mga gawang Iloco ay nailagay at napasama sa
pambansang panitikan sapagkat mayroon nang bersyon sa wikang pambansa.

Sa nagdaang taon, makikita ang iba’t ibang pagbabago sa pagsasalin at


ang mga magandang naidulot nito sa iba’t ibang aspeto, lalo na sa ating bansa. Ang
layunin ng pagsasalin ayon kay Virgilio Almario (2016), Imitasyon at Reproduksyon ang
dalawang maituturing na pangkalahatang layunin sa pagsasalin. Ang Imitasyon o
panggagaya ang tawag sa gawaing sumasaklaw sa paghahanap ng katumbas na salita
para sa simulaang lengguwahe hanggang sa pagsisikap na gayahin ang anyo at himig ng
orihinal na akda. Ang Reproduksiyon o muling-pagbuo naman ay ang layuning higit na
tumutupad sa inaakalang interes o pangangailangan ng lipunan at panahon ng tagasalin.
Maaari itong mangahulugan ng pagsasapanahon, umabot sa paglalapat ng wikang higit
na naiintindihan ng mambabasa ng salin, mangahulugan ng paglilipat ng orihinal tungo
sa isang anyong ipinalalagay na mas ninanais basahin ang madla at salin ng anyong
pampanitikan ng orihinal tungo sa ibang anyong pampanitikan hanggang sa isang
pinahabang paglilinaw sa anyo’t nilalaman ng orihinal.

Hindi maisasagawa ang pagsasalin kung wala ang mga tagasalin. Ang
tungkulin nito ayon kay Walter Benjamin, ay hindi maihatid ang teksto sa mga
mambabasa o maging madali kung maaari, kundi ang bagong gampanin nito ay mapanitili
ang kaibahan nito sa orihinal na teksto. Ang tunay na Tagapagsalin ay hindi isang
tagapaghatid (tagapagbalita) o kodigong lihim ng mga tanda; sya ang kasamang
tagapaglikha ng may-akda. Ayon naman kay Aurora Batnag, tatlo ang tungkulin ng
tagasalin: tungkulin sa kanyang awtor, tungkulin sa kanyang mga mambabasa, at
tungkulin sa kanyang sining. Ang mga tagasalin batay kina Nida (1964), Savory (1968),
Santiago (2003), ay dapat may sapat na kaalaman sa mga wikang kasangkot, sapat na
kaalaman sa paksang isasalin at sapat na kaalaman sa kultura. Ayon sa akda ni E. Dolet,
may limang prinsipyo ang pagsasalin: Ganap na nauunawaan dapat ng tagasalin ang
diwa at kahulugan ng orihinal na awtor bagaman may laya siyang maglinaw ng ilang
kalabuan, ganap na may kaalaman dapat ang tagasalin sa simulaang wika at tunguhang
wika, iwasan dapat ng tagasalin ang salita-sa-salitang pagtutumbas, gumamit dapat ang
tagasalin ng mga karaniwang anyo ng pananalita at piliin at isaayos dapat ng tagasalin
ang mga angkop na salita upang malikha ang wastong himig. Sa pagsasaling
pampanitikan ang Tagasalin ay dapat na may sapat kakayahan sa pampanitikang paraan
ng pagpapahayag. Sa mabusising gawain ng pagsasalin ay kinakailangan rin ang sapat
na kalaman sa gramatika ng dalawang wikang kaugnay sa pagsasalin.

Matapos maisagot kung paano, saan, at layunin ng pagsasalin, nais ko


namang bigyang pansin ang kahalagahan at kabuluhan nito sa iba’t ibang aspeto. Ayon
sa aming kagamitang panturo, ang kahalagahan ng Pagsasaling Wika ay ang pagiging
kasangkapan nito sa pagpapayabong ng wika, pagpapayaman ng panitikan at maging sa
pagpapaunlad ng bansa, hindi lamang nagsisilbing tagapamagitan sa ugnayan kundi
nakalilikha ito ng pwersa sa kaisipan at realidad sampu ng kamalayan at kultura kasabay
ng pagbabago. Ang mga sumusunod ay ang iba pang kahalagahan ng Pagsasaling Wika:
Nakapagpapalawak ng kaisipan at kaalamang nakapaloob sa akda/ teksto;
Nakapagpapalapat ng madali sa kaalaman at kaisipan sa mga siyentipikong pananaliksik;
Higit na nauunawaan ang mga akda (panitikan) sa katutubong wika sa pagpapalakas sa
pagpapalalim sa kultura at pagpapayaman sa wikang pambansa; Napalalawak ang ang
bokabolaryo ng pakikipag-ugnayan at pag-unawa sa karanasan, kultura at kasaysayan n
gating kalapit bansa (Zafra 2002); at nakapagpapakilala sa mga bagong mambabasa ng
isang akdang itinuturing na makabuluhan ng isa o ilang tao.

Hindi lamang sa literatura makabuluhan ang pagsasalin. Ayon kay Ramos


(1998), bago pa man dumating ang mga taga kanluran, sigurado nang umiiral sa
kapuluan impormal na pagsasalin sa oral na komunikasyon. Mahalaga rin siguro ito sa
kanilang kabuhayan tulad ng barter system o pagpapalitan ng mga kalakal hindi lamang
sa pagitan ng mga katutubo kundi sa mga taga-ibang bayan sa silangan, tulad ng mga
Tsino na napadpad sa kapuluan ng Pilipinas. Makikita na nagamit rin ito upang makapag
kalakalan ang ating mga ninuno sa ibang lahi. Ito rin ay may malaking ambag upang
mapalaganap ang Kristyanismo sa ating bansa. Ayon muli kay Ramos (1998), sa mga
kolonisador nito, ang mga Kastila ang may pinakamalaking impluwensiya sa bansa lalo
na sa basehan ng unang wikang pambansa natin, ang Tagalog.’’ Nalaman natin ang mga
batayang aralin sa kristiyanismo sa pamamagitan ng Doctrina Christiana en la lengua
Espanola at mula sa iba pang mga salin tungkol sa simbahan o eklesyastik. Nagkaroon
tayo ng kaalaman sa pulitika dahil sa mga salin na pampulitika at nilalaman at layunin.
Sa batas at negosyong usapin, mahalaga rin ang pagsasalin. Karamihan ng mga botante
sa ating bansa ay nagmula sa middle class at low class families kung kaya’t may mga
pagkakataon na hindi nila naiintindihan ang mga usaping tungkol sa politika at batas dahil
pinag-uusapan ito sa Kongreso at iba pang sangay ng gobyerno gamit ang wikang Ingles.
Kaya naman mahalaga ang pagsasalin upang madali nilang maintindihan ang mga batas
at makasali sa diskurso patungkol sa mga problema ng ating bansa at maiboto ang
nararapat na mamuno sa ating bansa. Sa larangan naman ng negosyo, importante ang
pagsasalin upang mas makaudyok pa ng mga mamimili ang may-ari ng negosyo. Mas
nahuhumaling ang mga tao bumili kapag naiintindihan nila ang produkto o serbisyong
kanilang bibilhin kung ang wikang banyaga ay naka salin sa wikang Filipino. Bukod pa
riyan, maiiwasan din ang mga aksidente maiintindihan nila ang paraan kung paano
gamitin ng tama ang produktong kanilang binili. Panghuli, mas mapapadali ang
transaksyon ng pagluwas at pag-angkat ng produkto sa iba’t ibang lugar kung gagamitin
ang wika na kanilang nauunawaan.

Sa pangkalahatan, mula sa panahon ng Kastila hanggang sa kasalukuyan


ay makikita ang kabuluhan ng pagsasalin. Iyan ay naipakita at napanindigan sa mga
naunang teksto. Mahirap ang gawain ng mga tagasalin sapagkat mayroon silang mga
pamantayang kailangan sundin at hindi lamang basta wika ang kanilang kailangan isalin
kundi ang kaisipan din ng mga tekstong ito. Kapag magsasagawa ng isang pagsasalin,
may sapat na oras dapat na ilaan sa sarili kapag gumagawa nito. Tulad ng naunang
nakasaad, ang pagsasalin ay hindi isang biro. Ang pagsasalin ay kritikal para sa pagpapalit
ng kultura at palitan ng kaalaman sa isang pandaigdigang saklaw. Tayo ay nagpapakalat
at tumatanggap ng pamana ng sibilisasyon sa buong mundo dahil sa pagsasalin.
Halimbawa, ang mga gawa ng mga pilosopo na sila Aristotle, Plato, Socrates, at Buddha,
atbp. Mula sa kanilang mga akda ay naisulong natin ang ating mga paniniwala mula sa
relihiyon, agham, at iba pang aspeto ng kultura. Ang iba`t ibang mga kultura ay naka-
impluwensya sa atin. Naimpluwensyahan tayo ng mga Kastila, Amerikano, at Hapon dahil
na rin sa pagsasalin. Bilang karagdagan, ang pagsasalin ay dapat na simple upang
madaling maunawaan at matutuhan. Ang masang Pilipino ay maaaring makinabang sa
mga bagong teknolohiyang ipinakilala ng mga dayuhan sapagkat patuloy tayong
umuunlad sa iba`t ibang mga aspeto. Sa pamamagitan ng pagsasalin, madali nating
mauunawaan ang mga teknolohiyang galing sa mga dayuhan at makakasabay tayo sa
pag-unlad at pagbabago nito. Kinakailangan ang pagsasalin upang mailapat ang
nakaimbak na kaalaman sa mga librong nakasulat sa Ingles at iba pang mga intelektuwal
na wika. Tumutulong din ang pagsasalin na magkaroon ng mga bagong impormasyong
kultural ang mga iskolar na babasa ng salin. Ang pagpapakilala ng mga bagong
konseptong produkto ng pagsasalin ay nakatutulong sa intelektwalisasyon. Yumayaman
ang kultura ng Filipino sa pagdaragdag ng mga bagong leksikon. Sa ganitong paraan
napapayaman ang wikang Filipino at nabubuo ang kultura ng syensya at mga
asignaturang abstrak sa pamamagitan ng behikulong ginagamit.
SANGGUNIAN
GEED 10113 PAGSASALIN SA KONTEKSTONG FILIPINO.pdf
Kasaysayan ng pagsasaling wika sa pilipinas (slideshare.net)
https://pdfcoffee.com/kahalagahan-ng-pagsasalin-pdf-free.html

You might also like