You are on page 1of 604

Ang Aklatang Bayan Online:

Pagpapalaot sa at Pagpapalawig ng Paglalathala

Noong 1989, pinagtibay at ipinatupad sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) ang Patakarang


Pangwika na naglalayong gamitin at hustuhin ang wikang Filipino bilang midyum ng
pagtuturo, pananaliksik, at paglilimbag. Itinatag ang Sentro ng Wikang Filipino (SWF)
sa parehong taon upang tuparin ang mandatong ito. Bukod sa pagtalima sa probisyong
pangwika ng Konstitusyon ng Pilipinas, ang Patakarang Pangwika ng UP ay pagsandig at
pagtindig na pinakamabisa at pinakaangkop ang sariling wika upang isulong at palakasin
ang makabayan, makatao, siyentipiko, at makatarungang oryentasyon ng edukasyon.
Unang hakbang ang pagkakaroon ng Patakarang Pangwika sa UP. Sa
pamamagitan ng Sentro ng Wikang Filipino, pinagyayaman at pinauunlad ang produksyon
at distribusyon ng kaalaman gamit ang wikang Filipino. Noong 1994, sinimulan ang
proyektong Aklatang Bayan na naglalayong maglimbag sa wikang Filipino at mga wika
sa bansa ng mga aklat at pananaliksik sa iba’t ibang disiplina.
Sa panunungkulan ng dating direktor na si Dr. Rommel B. Rodriguez, pinalawak
ang maaabot ng UP Sentro ng Wikang Filipino-Diliman (UP SWF-Diliman) sa ilalim ng
proyektong e-Bahagi o Aklatang Bayan Online. Sinimulan ito bilang pag-a-upload sa
seksyong e-Bahagi ng dating website ng UP SWF-Diliman ng mga PDF (portable document
format) na bersiyon ng isina-aklat na mga piling tesis at disertasyon sa UP, anuman ang
disiplina, na gumagamit ng wikang Filipino. Malaya rin itong nada-download.
Sa ika-30 taon ng SWF noong 2019, ininstitusyunalisa ang Aklatang Bayan
Online at pinalawig ang paglalathala online ng mga pananaliksik, pag-aaral, akdang
pampanitikan, at iba pang lathalain. Itinaguyod ang institusyonalisasyong ito ng bagong
direktor ng UP SWF-Diliman at Punong Editor ng Aklatang Bayan Online na si Dr. Mykel
Andrada, kasama ang Katuwang na Editor (agham at kalusugan) na si Gng. Maria
Olivia O. Nueva España at ang Digital na Editor na si G. Michael Balili. Sinuportahan at
pinondohan ito ng dating Tsanselor ng UP Diliman na si Dr. Michael L. Tan.
Simula noong 2020, sinusuportahan at pinopondohan ang Aklatang Bayan
Online ng kasalukuyang Tsanselor ng UP Diliman na si Dr. Fidel R. Nemenzo. Ibinukas
ang paglilimbag ng limitadong kopya ng mga aklat sa ilalim ng Proyektong Silid-Aklatan
katuwang ang mananaliksik na si Gng. Katherine Tolentino-Jayme. Ngayong 2021,
pinalawig din ang editoryal na pamamahala ng Aklatang Bayan Online sa pamamagitan ng
pagdaragdag ng mga Katuwang na Editor: G. Emmanuel Jayson Bolata (humanidades at
kasaysayan), Gng. Elfrey Vera Cruz-Paterno (malikhaing akda at panitikan), Gng. Angelie
Mae T. Cezar (agham panlipunan at ekonomiya), Gng. Gemma Cabrera-Dalmacion
(teksbuk at manwal), at G. John Christopher DG. Lubag (iba pang larangan). Kasama
rin sa produksyon ang mga administratibong kawani na sina Gng. Ma. Evangeline O.
Guevarra, G. Odilon B. Badong Jr., G. Marcopolo P. Pelaez, at G. Guian Fidelson.
Nagpapatuloy pa rin sa pangangalap ng mga manuskrito ang UP SWF-
Diliman para sa Aklatang Bayan Online. Patuloy pa ring tumutugon sa panawagan ang
maraming mga guro, iskolar, mananaliksik, at manunulat upang magsumite ng kanilang
mga manuskrito sa layuning maibahagi ito sa pinakamalawak na mambabasa. Tulad
ng logo ng Aklatang Bayan Online, nasa iisang bangka ang mga manunulat, iskolar,
mananaliksik, at mamamayan: nagpapalaot, sumusulong, at lumalaban sa gitna ng mga
hamon ng pandemya at pasismo.
Bahagi ito ng masidhing paninindigan para sa pagpapalakas at pagsusulong
ng wikang Filipino at mga sariling wika, at ng makabayang diskurso. Dahil naninindigan
ang pamunuan at opisina ng UP SWF-Diliman na dapat malaya at mapagpalaya ang
kaalaman—na hindi ito dapat para sa iilan lamang, at na dapat naaabot nito ang
pinakamalawak na hanay ng mamamayan. Dahil para saan pa ang kaalaman kung
mabubulok lamang ito sa malalamig at inaagiw na espasyo ng kahungkagan.
Sa gitna ng pagharap sa pagpaslang sa wikang Filipino sa kolehiyo, sa gitna
ng pandemya at sa krisis sa pamahalaan, sa gitna ng pasismo at banta sa kalayaan at
karapatan, at sa gitna ng hindi normal na “new normal,” higit na naninindigan ang UP
SWF-Diliman na ang wikang Filipino at mga wika sa bansa bilang mga wikang malaya
at mapagpalaya ay napakahalaga para sa pagpapagaling at pagtatanggol ng bayan.
I-download. I-save. I-share. I-print. Ipasa pagkabasa.

Serye ng isina-Filipinong mga akda at pananaliksik


sa dayuhang wika at sa mga wika ng Pilipinas. Sa
wikang Bisaya nagmula ang “bahandi,” na ibig sabihi’y
“kayamanan.” Pagpapayaman sa kulturang Filipino ang
pagkakaroon ng salin sa wikang pambansa ng mga
itinuturing na mahalagang panitikan ng daigdig at ng
bansa. Inililimbag sa serye ang mga aklat na nagtataguyod
sa pag-unlad ng pambansang panitikan mula sa ambag ng
panitikan ng daigdig at ng mga rehiyon sa Pilipinas.
Pagkakasala + Kaparusahan
Feodor
Dostoy
Pagkakasala
at Kaparusahan

yevsky
BAGONG SALIN MULA SA ORIHINAL NA RUSO NI

Herman Manalo Bognot

SENTRO NG WIKANG FILIPINO


Unibersidad ng Pilipinas-Diliman
Lungsod Quezon
Pagkakasala at Kaparusahan
©2020 Herman Manalo Bognot
at Sentro ng Wikang Filipino-UP Diliman

Sinusuportahan ng Sentro ng Wikang Filipino – Unibersidad ng Pilipinas Diliman


(SWF-UPD) ang bukas na pag-akses (open access). Libreng maaakses, mada-down-
load, maibabahagi, masisipi, at magagamit nang buo ang mga aklat at materyales ng
Aklatang Bayan Online at P2P Digital. Hinihiling namin na akmang banggitin ang mga
aklat at mga awtor at/o patnugot nito at ang SWF-UPD bilang orihinal na batis at tag-
apaglathala, at na huwag babaguhin at gagamitin para sa komersyal na layunin ang
mga dinownload na teksto.

The National Library of the Philippines CIP Data

Recommended entry:

Dostoyevsky, Feodor, 1821-1881.


Pagkakasala at Kaparusahan / Feodor Dostoyevsky ;
bagong salin mula sa orihinal na Ruso ni Herman Manalo Bognot. --
Quezon City : Sentro ng Wikang Filipino – UP Diliman, [2020], c2020.
pages, cm

1. Filipino fiction -- Translations from Russian. 2. Russian fiction --


Translations into Filipino. 2. Murder -- Fiction. 3. Russia (Federation) --
St. Petersburg -- Fiction. 4. Crime -- Psychological aspects -- Fiction.
I. Bognot, Herman Manalo. II. Title.

899.2113 PG3327.F55 P920200009

ISBN 978-621-8196-03-2

Kinikilala ng Sentro ng Wikang Filipino-UP Diliman ang Opisina ng Tsanselor


ng Unibersidad ng Pilipinas para sa pagpopondo ng proyektong ito.

Herman Manalo Bognot John Christopher DG. Lubag


May-akda Editor Pangwika

Michael Francis C. Andrada Portrait of Feodor Dostoyevsky ni


Pangkalahatang Patnugot Vasily Perov (–1882)
ng Proyektong Aklatang Bayan Larawan sa Pabalat
Direktor, Sentro ng Wikang
Filipino-UP Diliman Michael Balili
Disenyo ng Aklat at Pabalat
Maria Olivia O. Nueva España
Tagapamahalang Patnugot Inilathala ng:
ng Proyektong Aklatang Bayan Sentro ng Wikang Filipino-UP Diliman
3/Palapag Gusaling SURP, E. Jacinto St.,
UP Campus, Diliman, Lungsod Quezon
Telefax: 8924-4747
Telepono: 8981-8500 lok. 4583
Panimula ng Tagasalin

Sa salin ng pamagat ay sinunod ko noong una ang alam kong higit na kilalang  “Krimen
at Kaparusahan” bagama’t ito ay galing na sa Ingles na “Crime and Punishment”. Mas
nakatatak na kasi ito sa isip ng marami at baka hindi agad makikilala ang salin kung
iba ang gagamiting pamagat. Sa totoo lang kasi ay mas nakakiling akong gamitin
sa salin ang pamagat na Pagkakasala at Kaparusahan kaysa Krimen at Kaparusahan
sapagkat ang salitang “Преступление” (Pristuplyeniye) sa Ruso ay maaaring isalin
sa ating wika na “krimen” o kaya ay “pagkakasala”. Ang “krimen” ay hiram lamang
samantalang ang “pagkakasala” ay taal nating salita. Ang “pristuplyeniye” ay may
konotasyong paglampas sa hangganan at tumutukoy rin naman sa anumang paglabag
sa batas. Ang “pagkakasala” sa ating wika ay maaaring paglabag din sa batas o lampas,
kulang, paggawi sa kaliwa, sa kanan, at basta pagsala o pagsablay sa tamang puntirya.
Samantalang iba rin ang “pagkakasala” sa “kasalanan” na sa Ruso ay “грех” (griekh) at
may relihiyosong pakahulugang gaya ng “kasalanan.” Mas malawak pa ang terminong
“pagkakasala” kaysa “pristuplyeniye” ngunit nagtutugma sa maraming kahulugan at
paggamit. Ang “krimen” ay analitikal at tiyak ang kahulugang paglabag sa batas. Sa
buong nobela ay tinatalakay, hindi lamang ang usapin ng paglabag sa batas ng tao,
kundi higit pa roon: ang pagsablay at paglabag sa mismong itinatakda ng sariling puso, 
at ng konsiyensya. Ang kaparusahang pisikal, multa o pagkabilanggo ay mas madali
pang dalhin kaysa pagpapahirap o pagpaparusa ng sariling budhi. Samakatwid higit
viii HERMAN MANOLO BOGNOT

pa ngang mabigat ang espiritwal na dimensyon, ang walang-katapusang pagtatalo


sa kalooban ng masama at mabuti, ng katuwiran at kabuktutan, at paghahanap sa
kahulugan ng lahat­—ng buhay at pagkilos, sa mismong puso, isipan, at kaluluwa ng
isang tao. Higit na mabigat dalhin sa sariling kalooban ang anumang kaparusahan
na dulot ng kusang paglabag sa sariling pananaw, paninindigan, at pananampalataya
kaysa parusang maaaring ipataw ng sinuman at alinmang hukuman ng tao. Ngunit
ang nobelang ito ay klasiko ng pandaigdigang panitikan at ngayon pa lamang
maisasalin sa ating wika mula sa orihinal na Ruso. Napakatagal na itong kilala ng
ating mga mambabasa mula sa salin sa wikang Ingles na Crime and Punishment. Ito
na ang alam ng marami. Sa kasamaang-palad ay nahirati na tayong matutuhan ang
lahat ng iba pang bagay tungkol sa buong mundong-ibabaw at ilalim na dumaraan
sa filter o salaan ng wikang Ingles. Kaya’t kasabay ng “tulong” na naibibigay ng Ingles
ay nawawalan tayo ng tuwirang pakikipag-ugnayan sa ibang mga kultura. Mahirap
ang buong proseso ng pagsasalin at dapat amining mayroon pa ring mga nawawala.
Kasabay nito ay maaari rin namang gandahang mabuti  habang pinananatili at
pinalilinaw pa ang kahulugan sa salin. At ang hirap at pagdurusang ito, na sana
ay siya ring mag-aambag sa pagpapaunlad sa sariling wika, ay nawawala sapagkat
napakadalang gawin at magkaminsan nga ay may nagsasalin pa na mula na sa salin
sa Ingles at hindi na mula sa orihinal na wika. May kabuluhan pa rin ang gayon
subalit lalo na ngang may nawawala mula sa orihinal. Pinakamainam pa rin ang salin
mula sa orihinal tungo sa sariling wika. Madalas pa sa ating pag-aaral, pagbabasa,
pagsasalita, at pagsusulat ay hindi na sariling dila at isip ang ginagamit sa pagkilala sa
ibang dayuhang kultura, at lahat ng iba pang bagay sa daigdig kundi dila at isip ng
Ingles. Kapag tinatanong mo nga ang mga mag-aaral sa ating unibersidad kung saang
wika sila nag-iisip ay malalaman mong ang iba ay sa wikang Ingles na nag-iisip. Ang
marami naman ay hindi agad makasagot. Nais ko na lamang manalangin na sana ay
nag-iisip pa rin silang mabuti. Ang kulturang ito ng mananakop, na kung tutuusin,
ay siya pa ngang nanlinlang sa atin at patuloy pa rin tayong pinaglilinlangan sa loob
ng mahigit isandaang taon. Ito rin ang wikang ginamit at ginagamit upang tayo ay
diktahan at pasunurin. Pinahihirapan pa natin ang sarili pati mga bata ay nalalagyan
ng balakid sa pagtuklas ng mga karunungan at lihim ng kalikasan, lipunan, at sarili.
Isa sa pinakamahalagang layunin ng pag-iral sa mundong ito ay ang maunawaan ang
katuturan at kahulugan ng buhay at kalikasan. Usapin at gawaing alam nating hindi
payak at labis ang kasalimuotan. Pinaka-epektibong gamit sa layuning ito ang sariling
wika ngunit alang-alang sa interes ng mga dayuhang mananakop ay itinakda nila
Panimula ng Tagasalin ix

noong una pa man ang Ingles bilang wika ng edukasyon, pamahalaan, at kalakalan.
Kahit pa nang maitakda na ang Filipino, na batay sa Tagalog bilang opisyal na wika sa
kasalukuyang Saligang Batas, ay patuloy pa rin sa pamamayagpag ang wikang Ingles
sa buong bansa. Nais kong bigyang-diin na walang masama sa wikang Ingles o sa
kahit alin pang wika sa daigdig. Mas mainam nga ang mag-aral tayo nang mag-
aral ng ibang wika sa abot nang ating makakaya. Ngunit ang masama ay ang hindi
paggamit sa sariling wika sa lahat ng pagkakataon hangga’t maaari. Iisa lamang ang
tiyak na paraan sa pagpatay sa wika, maliban pa sa masaklap na katotohanan ng
tuwirang pagpatay sa mga taong nagsasalita nito: ito ay ang mismong hindi paggamit
sa wika. Ngunit ang katotohanan ay laging bumubulaga sa atin at hindi ito maaaring
talikdan. Sa dakong huli, ang kalooban pa rin ng masa ang dapat mangibabaw
kahit anong proseso pa ang dinaanan kung papaanong nagkaganoon ang kanilang
pagkaalam, pananaw, at kalagayan. Kaya’t kasabay ng pagkilala ko, na mayroon din
namang tunay at malakas na katangian ang sariling wika sa pag-angkin ng ibang
termino at kaisipang dayuhan, ay kailangang mangibabaw kung hindi man laging
sariling salita at wika at gagamitin hangga’t maaari sa lahat ng pagkakataon at dako.
May katuturan ang pag-angkat ng mga salita at kaisipang dayuhan at mahalaga pa
nga ito hangga’t hindi itinatakwil ang sariling mga salita at kung laging ginagamit ang
sariling wika sa lahat ng oras at pagkakataon hanggat maaari. Kung kaya, ipinasya ko
sa dakong huli na Pagkakasala at Kaparusahan na ang gamiting pamagat ng saling ito
sa ating pambansang wika. 
Isa sa mga sinasabi sa nobela, na labis na ikinatatakot ng tao, ay  ang
paglalahad ng “sariling salita.” Mas malawak at malalim ang tinutukoy rito ngunit
ang lahat ay nagsisimula sa pinakapayak at pinakasimpleng pang-unawa. Higit na
mahirap maglahad ng “sariling salita” na wikang dayuhan ang ginagamit at ang
masaklap pa ay hindi gaanong mauunawaan ng pinaglalaharan ang maglalahad.
Nahihirapan lang ang lahat. Pinakamagaan at pinakanatural pa ring maglahad ng
“sariling salita” gamit ang sariling wika. Mula sa simpleng paggamit ay tutuloy ito
sa pag-unlad at pagdalisay ng sariling wika at kalinangan. Isa raw sa makapagbibigay
ng imortalidad ay ang pagsusulat ng aklat. Kapani-paniwala na magiging walang-
kamatayan ang sinumang makapagsusulat ng dakilang aklat; ngunit dapat idagdag
na ang masa ng mga mambabasa na rin ang magbibigay ng kawalang-kamatayang ito
sa manunulat. Sa pagsusulat sa wikang Ingles ng mga manunulat na kababayan ay
hindi rin naman makaaasa na babasahin sila ng masa ng mamamayan sa mga bansang
nagsasalita sa wikang Ingles. At hindi rin sila babasahin ng higit na nakararaming
x HERMAN MANOLO BOGNOT

kababayang may ibang sariling wika. At ang Ingles kailanman ay palaging ituturing
na wikang dayuhan kahit mayroong iilan na inaangkin na ito bilang sariling wika.
Kahit na ituring pa ng isang awtor ang Ingles bilang wikang sarili niya, na inangkin
na raw, ay mananatili itong dayuhang wika sa puso at kaluluwa ng mga kababayan.
Ang Espanyol nga ay mahigit 300 taong namayani ngunit hindi rin naging wika ng
karamihan. Ang Ingles pa kaya na mahigit 100 taon pa lang na ipinipilit ng bayan
sa iba’t ibang kaparaanan. Isa pa ay napakaraming ibang mas mahalagang bagay ang
dapat unahin ng masang Filipino kaysa magbasa sa Ingles. Sino ang magbibigay
-imortalidad sa ating mga manunulat kung wala namang gaanong nagbabasa sa
kanilang mga akda? Wala. Sa kabila ng labis na kagalingan at kabayanihan ni Dr. Jose
Rizal ay gaano ba karami ang mga kababayan nating totoong nakabasa na sa kaniyang
akda sa orihinal? Napakakaunti. Kaya tuloy hindi gaanong naitanim ang kaniyang
mga mabubuting turo, at lalo na ang paglaban niya sa mga masamang gawain ng mga
alagad ng Simbahang Katoliko. Ang mga dakilang manunulat na Ruso, kasama na si
Dostoyevsky, ay nagsipagsulat sa sariling wikang Ruso lamang. Magsusulat lamang
sila sa wikang dayuhan kung ang target na mambabasa ay dayuhan. Sariling bayan
muna ang kumilala sa kanila bago sila kinilala ng buong mundo. Sa ating kalagayan
ay imposibleng unahin pa tayong basahin ng mga mamamayang Amerikano kaysa
sarili nilang mga awtor tungkol sa anumang paksa.  Habampanahon na bang hindi
tayo maglalahad ng “sariling salita?” Pinakamahirap, sabi nga ni Dostoyevsky, ngunit
makakaya at kailangang isagawa. Ang paglalahad ng “sariling salita” ay masalimuot,
mahirap, punung-puno ng pasakit na proseso ng pagtuklas sa kahulugan ng
pinakamahalagang bagay sa ating buhay, at pag-iral na ginagamitan ng sariling isip,
pang-unawa, at salita. At hindi pag-uulit o memorisasyon lamang ng ilang linyang
nabasa mula sa kung sinong dakilang awtoridad o manunulat. Gaano man kagaling
at kadakila ang pinagmulan ng ideya, kung ito naman ay hindi sumulpot at likas na
nagkaugat sa sariling lupa at kinaroroonan, ay hindi ito lubos na makatutulong sa
atin bagama’t maaaring may matutunan mula rito.
Ang nobelang Pagkakasala at Kaparusahan ay ang una sa apat na dakilang
obra maestra ng manunulat na Rusong si Feodor Dostoyevsky. Kahanay nito
ang mga kathang “Ang Magkakapatid na Karamazov,” “Ang Idiot,” at ang “Ang
mga Sinasaniban.” Ang mga ito ay repleksyon ng kanilang panahon, ng Europa
sa pangkalahatan, at ng Rasya ng ika-XIX na siglo, sa partikular. Ang Krimen at
Kaparusahan ay inilathala noong 1866 nang buwanang hulugan mula Enero hanggang
Disyembre. Pagkatapos nito ay muling pinagsama-sama ang labingdalawang bahagi
Panimula ng Tagasalin xi

upang mabuo ang libro. Humingi na ng paunang bayad ang awtor kaya’t mahuhulaang
malakas ang presyur sa pagsusulat dahil may iba pa siyang kompromiso sa ibang mga
palimbagan. Dahil dito ay mararamdaman ng nagsasalin na parang magaspang pa
o kaya ay may hindi tamang pagkakaugnay ang ilang mga pangyayari at kabanata.
Sa kabilang dako ay nagbigay rin ito ng pambihira at natatanging halina sa nobela.
Mistulang gaya ng isang dilag na parang napagaganda pang lalo ng angking hiwaga
at lalim o taas na hindi basta-basta maaarok. Marahil nakaragdag pa sa hiwagang
ito ang pagbabago-bago ng tagapagsalaysay sa nobela. Kung minsan ay tila isa itong
omnisiyenteng tinig, kung minsan ay mabuti, at kung minsan ay tila mabalasik na
nakasasaksi sa lahat, at bigla itong mapapalitan ng panloob na tinig ni Raskolnikof,
o ng sinumang mahalagang tauhan sa nobela. Itinuturing na dakilang master ng
nobelang sikolohikal si Dostoyevsky. Nailarawan niya ang sukdulang kasalimuotan
ng puso at isipan ng tao, ang matinding banggaan ng mga ideya at kaisipan, na tila
imposibleng mapagkasundo ngunit inilalagay niya sa iisang tao lamang. Makikita
ito sa mga tauhang may matinding salungatan sa sarili, gaya ni Raskolnikof
mismo na isang marangal, matalino, at mabuting binata na inaalala ang kapwa at
kinabukasan, hindi lamang ng sarili at pamilya, kundi ng buong sangkatauhan, Sa
bugso ng damdamin, sa awa, at pakikiramay, ay ibinibigay niya ang huling barya sa
bulsa sa mga sawimpalad samantalang siya rin ay halos walang makain. Siya rin ang
mamamatay-tao at magnanakaw na humataw ng palakol sa ulo ng matandang babae
at ng kaniyang maamong kapatid. Si Sonya naman, na isang kimi at napakabait na
dalaga, ay isa ring pakakak ngunit busilak ang puso. Siya rin ang babaeng nagbebenta
ng laman at aliw sa sinumang kalalakihan. Si Marmeladof, na nagnanakaw ng huling
baryang pangkain sana ng pamilya upang ipanglaklak ng alak, na hinihingi pati ang
natitirang pera ng sariling anak na nalulunod sa kumunoy ng prostitusyon upang
maglasing lamang, ay siya ring may labis na pananampalataya sa Diyos, at kababaang-
loob na umaasang mauunawaan ng Maykapal ang kaniyang kahinaan at patuloy na
magmamahal sa kaniya, at magliligtas sa dakilang araw ng paghuhukom, kahit alam
niyang hindi siya karapat-dapat. Si Svidrigailov naman ay mapagsamantala ngunit
iniligtas ang buhay ng mga paslit na tuluyan na sanang mapaririwara. Ipinamigay
niya ang lahat ng pera at saka nakangiting nagpakamatay. Sa nobelang ito, at sa
iba pang akda ng awtor, ay masasalamin hindi lang ang personal na kaisipan ng
mga tauhan, kundi ang espiritu ng panahon. Ang mga kaganapan sa Rasya at mga
karatig-bansa ay hindi maaaring hindi makabagabag sa loob at damdamin ng isang
sensitibong nilalang na gaya ni Dostoyevsky.
xii HERMAN MANOLO BOGNOT

Limang taon bago inilathala ang nobela, noong 1861, nilagdaan ni Tsar
Alexander II ang batas na magpapalaya sa mga alipin o kasama. Nabigyan na ng
karapatang magmay-ari ng lupa ang mga kasama. Maaari na rin silang mag-asawa
at mangalakal na hindi na kailangan ang pahintulot ng panginoong maylupa.
Maaari nang mapasakanila ang kalahati ng lupang sinasaka kung magbabayad at
kung walang pambayad ay sangkapat (¼) ng lupa ang mapupunta sa kanila nang
libre.  Kung tutuusin, si Tsar Alexander II ang pinakamasugid sa lahat ng namuno
sa Imperyong Rasya na magtaguyod ng higit na kalayaan at reporma sa buhay
panlipunan. Tinatawag din siyang Tsar na Mapagpalaya ngunit siya ang pinatay ng
mga naghahangad din ng tunay na kalayaan. Isa pa nga si Alexander Ulyanof, na
kapatid ni Vladimir Ulyanof na mas kilala sa taguring “Lenin,” ang pinarusahan ng
kamatayan kaugnay sa asasinasyong ito. Kaya’t malapit sa puso ng awtor ang usapin
ng kalayaan at karahasan. Mula pagkabata ay kahalubilo rin niya ang mga mahihirap 
na magsasaka. Ang mga anak ng mga aliping-magsasaka ang mga kalaro ng batang
Dostoyevsky nang naglilingkod pa ang kaniyang ama bilang doktor sa isang hospital
na pangmilitar. Noong 1821 ipinanganak si Feodor Dostoyevsky. Ito rin ang taon ng
kamatayan ni Emperor Napoleon Bonaparte ng Pransiya. Sa mga taon bago lumitaw
sa mundo si Dostoyevsky ay nililindol ng matinding pagbabago ang lipunan at
pamahalaan sa Europa sa pamumuno ni Napoleon. Umaalingawngaw pa hanggang
sa Rasya ang mga rebolusyon at digmaan sa Amerika at Europa. Nagbabagsakan ang
mga monarkiya at sa kanilang mga guho ay nagtatayuan ang mga republika. Naririnig
pa ang mga sigawan mula sa Barikada ng Bastille hanggang sa mga umpukang
sosyalista sa Mosku at San Peterburgo: “Kalayaan, Kapatiran, Pagkapantay-pantay,
o Kamatayan!” Nakapaloob sa islogang ito ang buong kahulugan ng buhay at
pakikibaka ng mga sumangkot sa rebolusyon. Mas madali sanang maunawaan ito
ng mga sumunod na salinlahi kung hindi iniaalis ang pansukdulang  “o kamatayan”
sa dulo. Mas palasak at alam ang unang tatlong salita ngunit hindi ang tila malaking
pagbabantang “o kamatayan!” sa dulo. Laging laman ng buhay at panulat ni
Dostoyevsky ang usapin ng kalayaan at katarungang panlipunan. Mas matanda si
Dostoyevsky kaysa kay Georgiy Plekhanov ngunit nagpang-abot sila. Si Plekhanov
ay ipinanganak noong 1856 at siyang kinikilalang ama ng Marxismo sa Rasya. Si
Lenin naman ay higit na mas bata dahil noong 1870 siya ipinanganak. Nakagitna kay
Lenin at Plekhanov si Jose Rizal, na ipinanganak naman noong 1861. Ganunpaman,
karamihan sa mga radikal, sosyalista, marxista, anarkista, at rebolusyonaryong Ruso
ay maituturing na mga makakanluran (Zapadnichestvo) samantalang si Dostoyevsky
Panimula ng Tagasalin xiii

ay kabilang sa mga maka-Rasya (Slavophilia) na nagnanais ng pag-unlad sa sariling


bayan na nakabatay sa sariling kasaysayan at kalinangang Ruso. Hindi pumapanig si
Dostoyevsky sa Zapadnichestvo ngunit napakalaki ng impluwensiya nila sa pagsulat
ni Dostoyevsky. Sina Rizal at Dostoyevsky naman ay kapwa kritikal sa Simbahang
Katoliko. Isa sa pangunahing kaibahan ni Dostoyevsky sa mga kilalang manunulat
at rebolusyonaryo sa kaniyang bansa ay ang hindi lubusang pagpapatangay sa agos
ng Kanluran. Apektado man siya at bukas sa mga kaganapan at kaisipang mula
sa Kanluran, na buong sigasig din naman niyang ninamnam, ay higit niyang
pinahahalagahan ang sariling kalinangan na patuloy sa pag-inog at pag-unlad. Laging
may elemento ng Slavophilia ang mga kilusang pangkalinangan sa Rasya. Kahit
napakalakas ng pagtatangkang pasunurin at ipailalim sa kapangyarihan ng dayuhang
mananakop ang Rasya ay hindi ito kailanman lubusang napasunod. Hindi gaya ng
ating bansa na halos lubusang mawasak at mabura ng mga dayuhang mananakop
ang sariling kasaysayan at kalinangan. Gayumpaman, hindi pa rin nga lubus-lubusan
at magpasahanggang-ngayon ay abala pa rin sa pangungubkob ang mga dayuhan sa
iba’t ibang anyo at kaparaanan. Ang kahandaang makipaglitan ng yaman, galing,
at kakayahan ay makabubuti sa buhay ng alinmang mamamayan ngunit hindi ang
namamayaning panlalamang at pagkalugi ng sariling bayan. Tahasang panlilinlang at
pang-aapi ang nagaganap na kalakaran sa pandaigdigang ugnayan. Mulat na Slavophil
si Dostoyevsky sa pag-iisip at pagsulat kaya’t hindi napasailaim sa Kanluran, usapin
man ng mga kaisipang sosyal, pilosopikal, politikal, o pananampalataya. Malinaw
itong makikita sa mahahalagang tauhan at mga makahulugang tagpo sa kaniyang
nobela.
Si Rodion Romanovich Raskolnikof ay simbolo ng kabataang namumulat
sa masaklap na realidad na kinasasadlakan ng sarili, ng pamilya, ng kapaligiran, at ng
buong bansang kinabibilangan. Nagtatanong na siya ukol sa kahulugan ng sariling
buhay at pag-iral kaugnay ng lahat sa mundo. Ano ba ang saysay ng mabuhay? Bakit
natatakot na maglahad ng “sariling salita” ang tao at gumawa ng “sariling hakbang?”
Para saan pa ang mabuhay sa mundo kung wala namang maiaambag na kahit ano
sa ikabubuti ng kalagayan ng lipunan? Kailangang kumilos at humakbang at hindi
puro salita, ayon kay Rodion Raskolnikof. Kaya wala siyang nagagawa ay dahil puro
na lang siya salita. Siya na nakauunawa sa mabuti at masama, alam kung ano ang
nararapat at makatuwiran ay kailangang maging higit na mapagpasya, determinado,
at mapangahas kaysa sa karamihan ng mga naluklok sa kapangyarihan na wala naman
daw utak at ibang katangian kundi ang kakapalan ng mukha at apog. Walang sinisino,
xiv HERMAN MANOLO BOGNOT

walang-pakundangan sa kapwa, walang-moralidad, gamit ang lahat ng panlilinlang


at kaparaanan ay kukunin lamang ang kapangyarihan upang magpakasasa. Lahat ay
maaari at pinapayagan. Pinulot lamang ang lahat ng batas at karapatan at gagamitin
sa sariling kapakanan. Bakit nga ba hindi maglakas-loob ang kabataang idealista,
marangal, at makatarungan? Ako ba ay kabilang sa mga malalakas at nakahihigit na
uri ng tao? Ito ang mga gumugulo sa isipan ni Raskolnikof. 
Matingkad din kay Dostoyevsky ang tema ng Simbahang Katoliko na
tumalikod kay Kristo upang sumama sa espiritu ng pagkawasak. Tinutukoy niya ang
mga Heswita na wala raw kinikilalang moralidad at pinahihintulutan ang anumang
paraan, gaano man kabuktot at kasama kung alang-alang sa ikatatagumpay ng
kanilang mabuti at dakilang gawain. Sentro rin ang paksang ito sa maikling kuwento
ni Ivan kay Alyosha sa “Ang Dakilang Tagausig” na nakapaloob sa nobelang “Ang
Magkakapatid na Karamazov”. Ang pagsunog sa daan-daan o libo-libong erehe ay
alang-alang na rin daw sa lalong ikadadakila ng Diyos. Ngunit ang mga karumal-
dumal na pagpatay na ito, ang tahasang pagtalikod kay Kristo, at pagsama kay
Satanas ay akto rin ng pagtalima sa utos ng Diyos na ibigin ang kapwa, nang walang
hanggang pag-ibig sa mga kapos-palad. Ito ay lubusang pagpapakasakit at sakripisyo
alang-alang sa sangkatauhan sapagkat handa na ang Kardinal at kaniyang mga kabaro
na magdusa sa walang-hanggang apoy ng impiyerno mailigtas lamang ang mga
simpleng mananampalataya. Inako na raw ng simbahan ang lahat ng kasalanan ng
sanlibutan at pinagaan ang pagdurusa ng lahat ng tao. Ang paglalahad ni Raskolnikof
ng “sariling salita” ay kailangan dahil doon nagsisimula ang lahat ng dakilang gawa.
Pagkatapos nito ay sisimulan niya ang paggawa ng kabutihang makatutulong sa
buong sangkatauhan, kagaya ng isang Napoleon, na nagdulot man ng maraming
luha at kamatayan, nagpabagsak man sa mga kaharian, ay nagbigay naman ng Batas
ni Napoleon, ng bagong kalakaran kung saan magtatamo ang lahat ng tao sa mundo
ng higit na kalayaan at karapatan. Sa abo ng mga autokrasya ay nagtayuan ang mga
“malayang” republika. “Nagsalita” nga at “humakbang” si Raskolnikof ngunit labis
siyang binagabag ng sariling budhi at hindi niya kinaya ang bigat. Lalo na at hindi
naman siya talaga nakaligtas sa imbestigador na si Porfiry Petrovich. Maganda ang
mensahe rito na pananagutan pa rin at dapat lang na harapin ng salarin ang lahat ng
ibubunga ng ginawang pagkakasala.
May mga tagpo na halaw sa sariling karanasan ni Dostoyevsky, bagay na
totoo din sa maraming manunulat. Ngunit hindi maraming manunulat ang humarap
na nang malapitan kay Kamatayan at pagkatapos ay muling nagpatuloy na mabuhay.
Panimula ng Tagasalin xv

Sa paglahok sa Sirkulong Petrashevsky ay nahatulan din ng kamatayan si Dostoyevsky


ngunit ilang minuto bago ipatupad ang hatol ay binawi ito at ipinakulong na lang siya
sa Siberia. Nagbigay-daan ito kay Dostoyevsky sa isang espiritwal na karanasan kung
saan “naipasok niya sa loob ng isang saglit ang walang-hanggan”. Ang tama ng mga
silahis ng araw sa gintong tore ng simbahan ay nagpadama sa kaniya sa kaluwalhatian
ng langit. Kahit ala-ala ng pag-ibig at pagmamahal ay muling nadama sa pinakadalisay
niyang anyo. Ito ang tunay na langit na sa lupa lamang madarama. Namnamin nang
buong damdamin ang bawat saglit ng kaligayahang ito habang naririto ka sa lupa at
ang pinakasimple mang bagay, mahinhing amoy man ito ng ilang-ilang, titig o ngiti
ng minamahal, o kahit kaluskos man lamang ng laylayan ng kaniyang palda at galaw
ng kaniyang buhok ay langit nang walang-kaparis. Sa nobela ay may isa pang dalisay
na pag-ibig ang matutunghayan sa liham ng ina kay Raskolnikof. Kung saan ang mga
Ruso katulad din ng mga Hudyo ay may tanging pagtingin sa mga anak na lalaki lalo
na kung panganay. Ang bawat anak na lalaki ay potensyal na maging Tagapagligtas
at ang bawat anak na babae ay potensyal na maging Birheng Mariang Ina ng Diyos. 
“Ikaw ang aming tanging pag-asa at tagapagligtas” ang turing ng ina sa kaniya. Ang
kaniyang “inang nagmamahal sa kaniya hanggang sa libingan”. Ganyan karubdob
tinapos ng ina ang liham sa anak. Walang alinlangan dito si Raskolnikof na handa
ring magdusa at magsakripisyo alang-alang sa kaniya ang ina at kapatid na si Dunya
bagay na hindi matatanggap ng binata sapagkat mas pipiliin niyang siya ang magdusa
buhay at maghirap para sa mga mahal sa buhay. Ang wagas na pag-ibig na ito ang
tuluyang nagtulak sa kaniya upang pumatay.
Si Marmaeladof ay simbolo ng nagdurusang sangkatauhan. Sugapa sa
alak ngunit labis-labis ang pagmamahal sa kaniyang asawa at mga anak bagama’t
siya rin ang nagiging dahilan ng kanilang paghihirap at pagdurusa. Sapagkat siya
ay marupok at mahina. Sagad ang kaniyang paghihirap sapagkat malinaw niyang
nakikita ang dahilan at wala siyang lakas upang ito ay maigpawan. Ipinagpasadiyos
niya ang lahat at matibay ang pananalig na si Kristo ay nagkatawang-tao alang-alang
sa mga mahihina. Hindi ginawang mahina at marupok ng Diyos ang mga tao upang
pagkatapos ay parurusahan sa walang-hanggang apoy ng impiyerno dahil na rin sa
karupukan at kahinaang ito. Si Sonya, ang anak na dalaga ni Marmaeladof, ay simbolo
ng pakakak na busilak ang puso. Minabuti pa isakripisyo ang sarili at lumubog sa
kumunoy ng kasalanan, upang iligtas ang mga kapatid sa tiyak na kagutuman at
kamatayan. Nagtitiis siya ng lahat ng kutya at pasakit alang-alang sa mga mahal sa
buhay. Ibinibigay niya sa ina-inahan ang lahat ng kita sa prostitusyon. Kung may
xvi HERMAN MANOLO BOGNOT

natirang kaunti ay ibibigay pa sa amang alam naman niyang sugapa sa alak. Ngunit
ang sakripisyong ito, ayon kay Raskolnikof, ay walang-katuturan sapagkat pinahahaba
lamang niya ang paghihirap nilang lahat. Upang makatulong sa mga mahal sa buhay
o kahit kanino ay kailangan munang maging malakas ang tumutulong. At si Sonya
ay walang-lakas at lalong mawawalan ng lakas habang nagtatagal kaya’t hindi talaga
siya nakakatulong. Tulungan muna ang sarili bago ka magkaroon ng karapatang
tumulong sa iba. Walang kahit anong pag-asa. Ngunit ang kawalang-pag-asang ito ay
niluhuran ni Raskolnikof. Lumuhod siya sa paanan ni Sonya at kapwa umaagos ang
luha sa kanilang mga mata. Niluhuran niya ang kaawa-awa, ang walang-pag-asa, at
nagdurusang sangkatauhan. Ngunit si Sonya ay simbolo din ng wagas na pag-ibig.
Sinamahan niya si Raskolnikof hanggang sa kulungan, hanggang sa dulo ng mundo.
Siya ang nagsilbing pag-asa, hindi lang ni Raskolnikof, kundi pati ng mga bilanggo.
Siya ang lalong maningning na bituin sa napakadilim na gabi. 
Ang pagpatay ni Raskolnikof sa magkapatid na Alyona at Lizaveta ay
parang pagkitil na rin sa sarili. Hindi niya halos makayanan ang bigat at pagdurusang
umuusig sa sariling budhi. Nasa pagharap at pagpasan ng parusa ang kaligtasan at
muling pagkabuhay. Kailangan niyang lumuhod sa sangangdaan, humalik sa lupang
nagawan ng kasalanan, at ikumpisal sa sangkatauhan ang ginawang kasalanan.
Dinala ni Raskolnikof ang bibliya hanggang sa kulungan ngunit hindi binabasa at
tinutunghayan. Isinapuso lang niya ito. Dinama niya at inunawa ang diwa ng banal
na kasulatan at hindi na ang mga titik nito. Ito ang tunay na pananampalataya at
kaligtasang hindi mahihigitan sa tibay at tigas kahit ng batong-buhay o diyamante.
Ang mga nagsasapuso ng pananampalataya ay nagkauunawaan sa pagtama pa lamang
ng kanilang mga mata. Samantalang ang mga nagsusunog ng kilay at lubos na
nagpapakahirap sa pag-unawa sa bawat titik, sapagkat walang kahit isang letra o iota
man lamang ang dapat na madagdag o mabawas, ay nagbabangayan at nagpapatayan
sa “tindi” ng pananampalataya. Handa nilang patayin o bulukin sa kulungan ang
sinuman upang “ituwid” daw sa kanilang nalihis na landas. Sa dakong huli, ang
mga sermon na nagdiriin sa kahalagahan ng pagsunod sa Diyos, ang mga awiting
gaya ng “Mag-utos ka Panginoon ko. Dagling tatalima ako…” ay humahantong
nga sa pagtalima at pagsunod ng mananampalataya sa taong nagsasalita sa kaniyang
harapan sapagkat wala namang nakaririnig nang tuwirang utos mula sa Diyos. Ang
tuwirang naririnig lamang ng mga mananampalataya ay ang pari at ang institusyong
kaniyang kinakatawan. Kaya’t sino pa ang susundin ng mga tao kundi silang
nagsasalita at nag-uutos sa pulpito? May mga ads ngayon na nagsasabing kung
Panimula ng Tagasalin xvii

gusto mong makausap ang Diyos ay magtext o tumawag sa ibinibigay na numero


ng telepono. Ang nakatatanggap ng mga text na “kumakausap sa Diyos” ay hindi
naman Diyos o kahit diyos-diyosan lamang. Sabi nga ng Kardinal ni Dostoyevsky,
na tigib ng hirap at pagtitiis, ay magsisinungaling sila alang-alang sa ikapapanatag
ng kalooban ng mga kaawa-awang nilalang na labis nilang minamahal. Alam naman
ng mga tao na ang tinapay ng buhay na ibinibigay sa kanila ng pari ay galing din sa
sarili nilang pawis at dugo ngunit sila ay maligaya at panatag ang kalooban. Noon
kasi, ang tinapay ay nagiging bato sa kanilang kamay; ngunit ngayon, ang bato ay
nagiging tinapay na sa kamay ng simbahang nagbibigay ng tinapay ng buhay. Alam
ng lahat na walang himala ngunit ang isip ay mahimalang nagpapaniwala sa sarili, sa
kahit anong bagay na makapagpapanatag ng kalooban. Ngunit hindi makokondena
ninuman si Dostoyevsky sa kakulangan ng pananampalataya kay Kristo sapagkat
higit kaninuman ay baka nga siya ang may pinakamatibay dahil nasa diwa at hindi
titik ang kaniyang isinasapuso. Kahit nga sabihin, ayon kay Dostoyevsky, alang-alang
sa pangangatuwiran, na mapatunayang mali si Kristo, ay buong-puso at kaluluwa pa
rin siyang yayakapin ni Dostoyevsky. 
Ang usapin ng katarungang panlipunan at pagtatangkang isaayos ang
buhay ng tao sa mundong ito, kung saan matatagpuan kung sakali man  o maitatatag
ang tunay na langit, ay sentral na usapin sa mga akda ni Dostoyevsky. At kung
ang dakilang Karl Marx, sa kaniyang Das Kapital ay nagpasyang tutukang suriin
ang kalakal bilang pinakapayak na salik sa ugnayang pangkabuhayan upang lalong
maunawaan ang buhay panlipunan, kasabay nitong iginuhit ang paraan at landas
na maaaring tahakin ng manggagawa para sa kaniyang lubusang paglaya, hanggang
umabot sa konklusyong walang mawawala sa manggagawa kundi ang tanikala ng
pang-aalipin kaya’t dapat baguhin ang daigdig. Hindi sapat ang iba’t ibang uri at
paraan ng paglalarawan at pagpapaliwanag sa mundo. Ang kailangan sa manggagawa
ay bumalikwas, bumangon, at ibagsak ang mga naghaharing-uri. At magtatag
ng pamahalaan ng mga manggagawa, na  magsusulong sa lubos na pag-unlad ng
indibidwal, magpapayabong sa kaniyang kakayahan, at lahat ng potensyal sa
isang makatarungan, malaya, masagana, mapayapa, at ganap na lipunan. Wala na
marahil itong kaibahan sa paraiso at langit sa lupa ni Dostoyevsky. Isa pa, hindi
gaya ni Mikhail Bakunin at ni Ludwig Feuerbach, hindi naman lubusang itinatwa
ni Marx ang pananampalataya sa Diyos. Nang kaniyang sabihing ang relihiyon ay
ang opium ng masa ay agad din niyang idinugtonga; “at ang puso at kaluluwa ng
walang-puso at kaluluwang daigdig.” Ano ito? Mabulaklak na pananalita lamang
xviii HERMAN MANOLO BOGNOT

ng isang pilosopo? Hindi. May pitagan si Marx sa pagsilang, paglitaw, at pag-unlad


ng mga buhay na ideya. Pinag-aralan niya maging ang pilosopiya ng mga Griyego,
Hudyo, at mga kontemporaneo. Ngunit gaya ni Dostoyevsky, nanghinawa na siya
sa puro salita at paliwanag. Siya ay labis na nagnasang humakbang na at kumilos
na nang buong determinasyon. Tinutukan namang suriin ni Dostoyevsky, hindi
ang walang-buhay na kalakal, kundi ang mismong tao, ang kaniyang isipan, puso,
at kaluluwa. Maaaring sabihin na kinainggitan ni Dostoyevsky si Marx dahil mas
praktikal at may katiyakan ang piniling obheto ng pagsusuri kaysa kaniya. Iyon ay
kung hindi maituturing ang tao bilang isa ring uri ng kalakal. Hindi dapat. Ngunit
sa kasamaang-palad ay kalakal talaga ang turing sa tao ng kasalukuyang kalakaran.
Ang mga Filipino ay halos wala nang ipinagkaiba sa mga alipin. Tayo na yata ang
Aliping Sagigilid sa buong mundo. Sa lahat ng panig ng mundo ay mayroon nang
mga Filipinong katulong. Sa ibang bansa pa nga, “katulong” na ang ibig sabihin ng
salitang “Filipina”. Ang paggawa ay isang kalakal at ang mga manggagawa ay mga
makabagong alipin rin ngunit ang paninilbihan bilang katulong sa mga kakabahayan
ay sinauna pang anyo ng pang-aalipin, malapit nga sa ating aliping sagigilid noon
pang unang panahon. Ngunit higit pa ring masalimuot ang tao kaysa kalakal na gawa
ng tao. Lalo na kung kalooban, puso, at kaisipan niya ang tutukuyin. Hindi pa rin
lubos na nauunawaan ng tao ang sarili hanggang ngayon, maliban marahil sa mga
asketiko na sadyang ipinagdurusa ang sarili at nagmemeditasyon sa mga kuweba ng
Tibet at India, at walang-katapusang nagmumuni-muni ukol sa kalikasan ng tao.
Inilalarawan ni Dostoyevsky ang pagdurusang dinaranas ng tao upang magkaroon
ng kahit kaunting liwanag sa pagkaunawa sa sarili. Nais niya ng “tinapay” ngunit
hindi lang tinapay, kailangan din niyang maramdaman ang kahulugan ng buhay at
pag-iral. At maraming mga alipin ang makasusumpong sa kahulugan ng buhay sa
pakikibaka upang matamo ang kalayaan. Kung kina Marx at Bakunin ay layunin
nga ng buhay at pakikibaka ang kalayaan upang makapagtatag ng makatarungang
lipunan, kay Dostoyevsky ay hindi kayang dalhin ng pangkaraniwang taong mahina
at marupok ang kalayaang ito. Mayroon lamang na iilang malakas at makabubuhat
ng pabigat. Kahit binibigyan na ni Kristo ng kalayaan ang pangkaraniwang tao
ay nagkukumahog ito sa paghahanap ng mapag-aalayan ng kalayaan. Lagi siyang
maghahanap ng Diyos na luluhuran, kahit pa mawala na ang Diyos sa daigdig ay
luluhod naman siya sa mga diyos-diyosan at sa mga nagsasabing sila ang kinatawan
ng Diyos sa lupa. Kung tutuusin, malalim ang pananaw ni Dostoyevsky at ang
pananaw na ito ay hindi niya ganoon kagaan tinatanggap. Nakadudurog ng kaniyang
Panimula ng Tagasalin xix

puso ngunit tinatanggap niya ang masaklap na katotohanan ng kawalan ng kalayaan


kahit sukdulang ikabiyak ng kaniyang ulo sa sakit at ikapangisay ng buong katawan.
Samantalang ang dakilang si Marx, sa puna ni Bakunin, ay naglalayong ibagsak
ang estadong sumisikil sa karapatan at kalayaan upang pagkatapos ay magtatag ng
mas makapangyarihang estado, at mas masahol pa rito ay magiging diktadura ng
proletaryado. Maaaring mawala ang paring nagkukunwaring kinatawan ng diyos sa
lupa ngunit mananatili at lalo pang lalakas ang estado na binago lang ang pangalan.
Ano ang kabutihang idudulot nito sa bayan? Mas mainam nga ba para sa taumbayan
na ang latigong ipinanghahampas sa kanilang duguang katawa at puno ng latay ay
kunin, palitan, at tatawaging demokratikong latigo at muli itong ipanghahampas sa
taumbayan nang mas malakas? Hindi rin. Ipinakita na ng kasaysayan ang dalawang
higanteng bansang nagtatag ng sosyalistang lipunan. Walang-dudang maraming
kahigitan sa bulok na kapitalistang lipunan ngunit sikil pa rin ang kalayaan ng tao at
sa ibang usapin ay mas maigting ang pagkakasakal. Katulad ni Marx, naghahangad
din ang dakilang anarkistang si Bakunin ng makatarungang lipunan, kung saan
walang uring nang-aapi at naaapi, walang herarkiya, at higit sa lahat ay may tunay na
kalayaan. At upang magkaroon ng tunay na kalayaan ay hindi maaaring magkaroon
ng estado. Ayon kay Bakunin, lalong hindi maaaring magkaroon ng Diyos sapagkat
kung may Diyos ay walang kalayaan. Kapag walang Diyos ay posible pang magkaroon
ng kalayaan kaya’t upang magkaroon ng kalayaan ay kailangang alisin ang Diyos. At
ang kalayaan ay ang lubos na pag-unlad ng lahat ng kakayahan at kapangyarihan
ng tao na matatamo sa pag-aaral at pagsasanay, pagpapakadalubhasa sa lahat ng
agham at sining na kinahihiligan, at pagkakaroon ng masaganang pamumuhay. Ang
kalayaan kasabay ay ang pakikibaka laban sa lahat ng awtoridad, maging ng banal
na Diyos man, ng kolektibo man, o ng isang indibidwal. Sapat na para sa kaniya
ang ganoong kalayaan upang magtatag ng mga likas na malayang pamayanan na
nagtutulungan, nagbibigayan, at nakikipamuhay sa iba pang pamayanan sa loob
ng malayang pederasyon. Hindi na kakailanganin pa ng higit na mapanganib na
gobyerno at diktadura. Inilarawan ni Marx si Bakunin bilang isang sentimental na
idealista. At tama si Marx. 
Sa isang mundong pinaghaharian ng mga ganid at mapagsamantala, at
yaong ayon kay Dostoyevsky ay mga makakapal ang mukha na gumawa ng sariling
mga batas upang pasunurin ang lahat samantalang sila ay mamamayagpag sapagkat
itinuturing ang sariling higit sa mga batas. Gaano ang itatagal ng mga itatayong
malalayang pamayanan kung may tsansa man na sila na maitayo? Agad silang
xx HERMAN MANOLO BOGNOT

buburahin sa lupa, pati sa kasaysayan ng mga naghahari-harian. Hindi ito tahasan


at tuwirang tinatalakay ni Dostoyevsky sa nobelang Krimen at Kaparusahan ngunit
si Raskolnikof, ang urong-sulong na binatang mag-aaral ng batas ay nangangarap
lumikha ng mga pagbabagong makatutulong sa lahat. Napakabigat para sa isang
indibidwal ang lumabag sa batas ng kalooban at halos hindi niya ito nakayanan,
muntikan nang mabaliw o magpakamatay. Ngunit paano kung ang isang Raskolnikof
ni Dostoyevsky ay maging isangdaan,  isang libo, o daanglibo na nagsama-sama sa
loob ng isang organisadong kilusan? Iba ang magiging katapusan ng kaniyang nobela.
Kung sa bagay, hindi niya pinatay si Raskolnikof. Lalabas ito sa kulungan na bata
pa rin, malakas pa, at labis na pinatibay ng hirap at pagtitiis sa bilangguan. Mga
gaya niya ang naging Lenin o Stalin. Sila ay lumitaw sa tamang oras at kalagayan
kaya’t nakapagtatag ng bago at naiibang pamahalaan at lipunan. Nilikha nila ang
pinaka-enggrandeng eksperimentong panlipunan sa kasaysayan ng sangkatauhan.
Bumagsak man at nagkawatak-watak ang Unyong Sobyet, na maituturing na
kabiguan ng iba dahil sa pagbagsak ay napakarami pa ring matututuhan ng daigdig
sa karanasang ito. Marami sa mga yumaman bago at pagkatapos magkawatak-watak
ang Unyong Sobyet, ay mga nanggaling sa kulungan, kung hindi man ay mga isip-
kriminal na magnanakaw sa kaban-yaman ng bayan. Ngunit hindi lubusang sang-
ayon si Dostoyevsky sa mga kilusang rebolusyonaryo ng kaniyang panahon, lalo na
sa anarkismo na naglalayong pabagsakin ang tsarismo sa Rasya. Sa kaniyang nobelang
Ang mga Sinasaniban ay inilarawan niya ang kawalang-kabuluhan ng mga katulad na
pagkilos. Sa pamagat pa lamang na “sinasaniban” ay tinutukoy niya ang mga nihilista
na labis na naiimpluwensiyahan at mistulang sinasaniban na nga ng masasamang
espiritu o ideyang mula sa Kanlurang Europa. Dito ay ipinahihiwatig niya sa mga
kababayan at mambabasa na ang kasagutan ay matatagpuan sa sariling lupa, sariling
kalinangan, mga aral sa sariling kasaysayan, at sariling isip at kaparaanan.  Sumapi
din naman si Dostoyevsky sa isang progresibong grupo—ang Sirkulo Petrashevsky,
kung saan ang pangunahing gawain ay pag-aralan at talakayin lamang ang mga
pilosopiya at kaisipang galing din sa Kanlurang Europa, kahit na ipinagbabawal
sa Rasya. Kritikal si Dostoyevsky sa kalagayang panlipunan sa kaniyang bansa,
lalo na sa kalunos-lunos na buhay ng mga magsasakang alipin. Bagama’t may
mga elementong radikal sa grupo, na handang gumamit ng karahasan, wala silang
tunay na naisagawang proyekto hanggang sa naaresto na ang kasapian. Kasama si
Dostoyevsky sa mga hinuli, hinatulan ng kamatayan ngunit nang nakapila na siya
upang barilin ay ibinaba ang hatol sa pagkabilanggo. Sa nobela ay kusang-loob na
Panimula ng Tagasalin xxi

hinarap ni Raskolnikof ang kaparusahan sa pagkakasala. Labis na pinagdusahan


ang ginawa ngunit may pahiwatig na hindi naman niya sadyang pinagsisisihan ang
pagpatay. Ang mga paglabag ay nagiging pagkakasala kapag hindi nakayanang dalhin
ng gumawa, ayon sa kaniya. Sa bilangguan sa Siberia, isang taon niyang halos hindi
kibuin si Sonya kahit na napakalaki ng sakripisyong ginawa ng huli. Iniwan din ni
Sonya ang lahat at sumunod kay Raskolnikof sa napakalamig na Siberia na dulo
na yata ng mundo. Naiinis si Raskolnikof sa sarili kung bakit siya sumuko at hindi
na lang nagpakamatay. Marahil ay lalo lamang siyang natauhan sa napakasaklap
na katotohanang kinasasadlakan niya at ng buong sangkatauhan. Bago magtapos
ang nobela ay mayroong masamang panaginip na inilarawan si Dostoyevsky, na
magbibigay sa atin ng kaunting linaw sa tinutukoy niyang mapait na realidad ng
mundo.
Makahulugan ang masamang panaginip ni Raskolnikof, na paulit-ulit niyang
naaalala at gumuguhit nang malalim na impresyon sa puso at isipan. Napanaginipan
niyang lumaganap daw sa buong mundo ang isang bagong nakatatakot, hindi pa
naririnig, at hindi pa nakikitang salot, na nagmula sa kalangitan ng Asya at ngayo’y
patungo sa Europa. Napakaraming namatay, liban na lamang sa iilan at kakaunting
hinirang. May lumitaw raw na bagong virus, mga nilikhang mikroskopiko na
sumasanib sa mga tao. Ang mga nilikhang ito’y may mga espirito na may angking
talino at sariling kalooban. Ang mga taong sinasaniban ay agad na nawawala sa sarili
ngunit parang nababaliw sa katalinuhan. Hindi kailanman naging ganoon katalino
ang mga tao at ganoon katiyak sa katotohanan. Kailanman ay hindi sila naging ganito
katiyak sa kanilang mga itinakda, sa mga konklusyon sa agham, moral na kombinasyon
at pananampalataya. Buong mga pamayanan at bayan ang nangahawa at nangabaliw
sa katalinuhan. At ang lahat ay hindi magkaunawaan. Bawat isa’y nag-aakalang
tanging siya lamang ang nakaaalam sa katotohanan. Walang mapagkasunduan ang
lahat. Nagpapatayan ang mga tao dahil lamang sa walang-kuwentang pagtatalo. Sa
wakas, may nabuong sandatahang lakas upang alisin ang mga hadlang at maisabuhay
ang pinakamagagandang pangarap para sa sangkatauhan; ngunit sa pagmartsa pa
lamang ay naglaban-laban na mismo ang mga sundalo, nag-away-away, nagpatayan,
naggilitan ng leeg, nagkagatan, at tahasan na silang nagkainan. Ito ang paglalarawan
sa mapait na kalagayan ng daigdig. Mukhang walang-pag-asa at walang masusulingan
ang mga tao. Kahit sa pelikula, sa kasalukuyang panahon, ay hindi pa naipakikita
ang ganitong eksena, kung saan ang mga tao, na tila mga zombie na sinasaniban o
nahawa ng napakabagsik na virus o espiritu, ay naging labis na matalino, at matindi
xxii HERMAN MANOLO BOGNOT

ang yakap sa mga prinsipyo, doktrina, at ideolohiyang sumanib sa kanila. Sila lamang
ang tama at wala nang iba pa. Handa silang gawin ang kahit ano, magbaka ng hirap at
pasakit, lumaban, pumatay, kumain ng buhay na kapwa-tao upang isulong ang mga
layuning makatuwiran at makatarungan sa kanilang pananaw. Gayumpaman, hindi
naman lubusang magiging impiyerno ang daigdig at hindi malulunod, masusunog,
at malulusaw nang dahan-dahan sa kumukulong lawa sa impiyerno ang mga tao
habang naririto pa sa lupa. Hindi ganoon kawalang-pag-asa ang lahat. May kasagutan
at solusyon sa suliranin. May binabanggit si Dostoyevsky na iilang maaaring
makapagligtas sa sangkatauhan. Makikita nila ang tamang landas at maituturo sa mga
nagkaligaw-ligaw at wala nang masulingang hindi na malaman ang patutunguhan.
Sila ang mga hinirang at malilinis ang puso, na magsisimula ng bagong uri ng tao at
bagong buhay sa mundo. Pag-iibayuhin at lilinisin nila ang buong daigdig. Ngunit
wala pang nakakakita sa kanila saan mang lupalop, ni nakaririnig ng kanilang mga
salita at tinig. Malinis na puso ang sinasabing kaligtasan ni Dostoyevsky. Hindi
pa nakikita ang mga taong ito na maghahatid ng tunay na pagbabago at hindi pa
rin naririnig ang kanilang mga salita at tinig, sapagkat puso ang makadarama. Ang
pinakamahalaga ay mayroon pa ring ganitong pag-asang nakita si Dostoyevsky.
Makabagbag-damdamin ang paglalarawan ni Dostoyevsky sa hirap ng
buhay, gayundin, ang napakapait na salungatan sa puso at isipan ng tao. Walang-
patawad niyang dinuro, pati ang mga pinakasensitibong usapin sa paniniwala
at pananampalataya. Buong-linaw na ipininta ang tila kawalang-kabuluhan ng
lahat ng pagpupunyagi ng tao. Sayang lang at wala ring kabuluhan, at walang
kapupuntahan ang lahat. Pati ang mga bagay na sagrado at pinakamalapit sa
puso ay nagiging panlilinlang lamang pala at kasinungalingan. Kahit ang mga
pakikipaglaban sa ikatatamo ng kalayaan, kapatiran, pagkapantay-pantay, at iba pang
layuning nagbibigay ng kahulugan sa buhay at pag-iral ay pagpapailalim lamang sa
manipulasyon ng ilang walang-pakundangan sa pagkamal ng kapangyarihan at yaman.
Kumbaga, sa madaling salita, wala lang. Ganoon nga ba? Si Dostoyevsky ay hindi
natakot na “humakbang” at maglahad ng sariling “bagong salita.” Masigasig niyang
pinag-aralan ang lahat ng mga progresibong kaisipan ng kaniyang panahon. At hindi
lang pasibong nag-aral dahil aktibo siyang lumahok sa nasumpungang progresibong
grupo na tumugon sa kaniyang pagnanais. Ngunit hindi siya basta nagpapatangay
lamang sa lakas, taginting, at ganda ng argumento ng kahit sinong awtoridad.
Hinuhubaran niya sa sariling mga mata ang bawat ideya, kaisipan, paniniwala, at
pananampalataya. Ninanamnam niya ang tamis, kagandahan, asim, at katangian ng
Panimula ng Tagasalin xxiii

hubog, ng bawat kurbada, umbok, at hukay, pati na ang mga bahaging nakakubli,
at hindi ipinakikita kaninuman. Pinakamahalaga ay hindi siya nagpapalinlang
sa mismong sarili. Sa pagnanais kasi ng iba na masumpungan na ang pinakatama
at pinakatumpak na tutugon sa lahat ng kanilang pinakamatamis na pangarap at
pinakasagradong pagnanasa, na magbibigay ng pinakamakulay at pinakamahalagang
kabuluhan sa buhay, ay maaari nilang malinlang ang sarili nang hindi sinasadya at
maniwala na ito na nga, nasumpungan na ang sukdulang katotohanan. At pikit ang
mata at may ngiti sa mga labing buong-higpit na itong yayakap at magpapatangay.
At iyan ay yaong mga naghanap, paano na ang maraming yumakap na lamang nang
buong-higpit sa kahit anong nasumpungan sa kaniyang paligid, iyong nakagisnan na
lamang mula pa sa pagsilang, o aksidenteng nadaraanan sa landas ng buhay? Masarap
pag-aralan ang mga ideyang Kanluranin. Ang mga pananaw, kuro, natuklasan, at aral
ng mga dakilang pilosopo, paham, guro, mula noong panahong Griyego hanggang
kina Kant, Hegel, Marx, Bakunin, Tolstoy, Hugo, Cervantes, Herzen, Belinsky,
Pushkin, at marami pang iba, ay umimpluwensya lahat kay Dostoyevsky. Tinanggap
niya lahat ng mga ito nang mulat, kritikal, at may pasasalamat. Ngunit ang mga
kasagutan sa mga kasalukuyang kinahaharap ng sariling lipunan bagama’t may
matututuhan sa mga nabanggit na dakilang henyo, pilosopo, manunulat, lider, at
guro ay kailangan ding hanapin, pangunahin sa sariling isip, kalagayan, kasaysayan,
pananampalataya, at kalinangan ng sariling bansa. Ito ay isa sa mahalagang aral na
iniwan ni Dostoyevsky. Hindi naman nagkamali ang pangamba nila ni Bakunin
sa kinahinatnan ng Unyong Sobyet, o maging ng Tsina. Naganap ang masamang
panaginip ni Dostoyevsky nang ang mga “nasasaniban” ng mga Kanluraning kaisipan
ay magpatayan dahil sa hindi pagkakaunawaan. Kahit sa Pilipinas ay nangyari rin
na ang mga makakaliwang grupo, na lahat naman ay makabayan, sosyalista, at
rebolusyonaryo ay nagpatayan sa iba-ibang kadahilanan. Makabubuti pa ang umiwas
na lamang sa kung ano-anong katawagan at pagbabansag sa isa’t-isa, na halaw sa
dayuhang pananaw. Angkinin nang buo ang mga ideya, salain, at dalisayin sa sariling
wika at karanasan. Magpahayag ng pambansang “sariling salita” at humakbang ng
“sariling hakbang”. Ano nga ba ang ating “pambansang ideya”? Huwag hayaan ang
pakikialam ng kahit sinong dayuhan o bansang may awtoridad, maliban sa sarili.
Pagkatapos ay itakda ang sariling landas na tatahakin tungo sa kaunlarang pambansa.
Ito marahil ang mga kaisipang hindi na literal na inilahad ni Dostoyevsky ngunit
ipinahiwatig naman sa kaniyang kilos at mga akda. Sa dakong huli, ang mga larawang
batbat ng kadiliman at pagdurusa ay binigyan niya ng kaunting liwanag at pag-asa.
xxiv HERMAN MANOLO BOGNOT

Pag-asang nagmimistula ring pananampalataya sa kawalang-katiyakan. Ngunit sapat


na ang gayung pananampalataya sapagkat kung walang kadiliman ay wala ring
liwanag. 
Malaking suliranin sa pagsasalin tungo sa sariling wika ang katotohanang
hindi ganoon kalawak ang paggamit ng Filipino sa sariling bansa. Kahit Filipino
na ang opisyal na wikang pambansa, ayon sa Saligang Batas, ay nasasapawan pa rin
ito ng Ingles at patuloy itong namamayagpag bilang wika ng gobyerno, negosyo,
at panturo. Kahit Filipino na rin ang isinusulong na wikang panturo sa UP, mula
pa noong kapanahunan ni Pres. Jose Abueva, ay mas malawak at laganap pa rin
ang paggamit ng Ingles sa mga silid-aralan. Sa buong bansa ay Ingles ang mistulang
opisyal na wika samantalang pinakalaganap na ang wikang Filipino, na batay sa
Tagalog, kung karaniwang pakikipagtalastasan ang pag-uusapan sa lahat ng dako sa
bansa. Lahat ng ito ay nagpapahirap sa pagsasalin at maaaring makapagpababa sa
pagiging epektibo ng salin dahil hindi patuloy na nahahasa sa wikang Filipino ang
mismong mga mambabasa. Gayunman, mahalaga pa rin at dapat lalong palaguin
ang pagsasalin tungo sa wikang pambansa. Ang bagay lamang na mababasa na natin
ang salin sa Filipino, mula sa orihinal na nobela ni Dostoyevsky, na isa sa itinuturing
na pinakamagaling na manunulat sa buong kasaysayan ng panitikang pandaigdig,
ay kasiyahan na para sa tagasalin. At kung may mambabasang makararamdam ng
matinding damdamin sa pagbabasa ng saling ito ay magiging lubos ang kaniyang
kasiyahan. 
Pasasalamat

Salamat sa NCCA sapagkat sila ang unang nagbigay-daan upang maisalin ito
sa pamamagitan ng pagbibigay nila noon ng pondo. Ngunit hindi naituloy ang
paglalathala sapagkat hindi na iyon kasama sa pondong ibinigay na para lamang talaga
sa pagsasalin. Matagal na panahong nakatabi lamang ang ilang kopya ng manuskrito
sa departamento, sa opisina, sa bahay, at sa hard drive ng kompyuter. Pagkatapos ng
sunog sa FC noong 2016, ang akala ko ay wala nang natirang kopya ng manuskrito.
Wala na akong makitang kopya kahit saan. Kaya’t laking pasasalamat ko kay Ginoong
Ricky Ornopia, manunulat at makatang nag-aral sa Sentro ng Malikhaing Pagsulat
sa UP Diliman, nang malaman kong nasa kaniya ang isang kopya ng manuskrito,
na aking ibinigay noon kay Prof. Lilian Torres ng PUP. Buong kabutihang-loob
na ibinalik niya ito sa akin nang walang hinihinging kapalit. Nagkasundo kaming
ipalalathala ito at gagawan niya ng panimula ngunit hindi niya ito nagawan dahil
sa labis na kaabalahanan sa pagpapakadalubhasa. Maraming salamat kay Dr. Mykel
Andrada sapagkat binigyan niya ng pagkakataong mailathala ng Sentro ng Wikang
Filipino ang saling ito. Pumayag siyang tingnan ang manuskrito at ilathala ito kung
maaari. At siyempre pa, salamat sa aking mahal na kabiyak, si Susan, na walang
sawang tumutulong sa pagtutudling ng salin sa Filipino. Salamat din sa aking anak na
si Prado at sa kaniyang partner sa Exelentech Corporation, na si Kaye Comandante,
dahil sa napakabilis nilang nabigyan ng elektronikong kopya ang mahigit na 720
pahinang manuskritong papel ng salin. Sa loob lamang ng isang araw ay handa na
ang elektronikong kopya ng salin upang muli kong rebisahin at ayusin. 
Maraming salamat sa inyong lahat.           
Pagkak
at Kapar
kasala
rusahan
vii PANIMULA NG TAGASALIN
xxv PASASALAMAT

3 Unang Bahagi
93 Ikalawang Bahagi
201 Ikatlong Bahagi
291 Ikaapat na Bahagi
375 Ikalimang Bahagi
453 Ika-anim na Bahagi

551 Epilogo

571 TUNGKOL SA TAGASALIN


Pagkakasala
at Kaparusahan
Unang

e Bahagi
I

SIMULA NG HUNYO. Hapon na at di-pangkaraniwan ang alinsangan ng


panahon. Lumabas mula sa inuupahang silid ang binata at dahan-dahang tumungo
sa tulay na tila nag-aalinlangan.
Pinalad siya kaninang hindi masumpungan sa hagdan ang iniiwasan
niyang kasera. Nasa tuktok ang inuupahan niyang silid, halos nasa bubong ng
mataas na limang palapag na gusali. Mas mukha itong aparador kaysa silid.
Kasama na sa upa ang pagkain at pagsisilbi. Nakatira naman ang kasera sa
kasunod na palapag lamang. Sa tuwing umaalis siya, tiyak na madaraan siya sa
may kusina ng kaniyang kasera, na sadyang palaging iniiwanang bukas ang pinto
para tanaw ang hagdan. Tuwing papalabas at natatapat siya rito, nakadarama
ng kung anong bigat ng kalooban o pangamba ang binata. Napapakunot-noo
na lamang siya at lihim na ikinahihiya ang gayong pakiramdam. Baon na siya
sa pagkakautang sa may-ari kaya’t ayaw niya itong makasalubong man lamang.
Hindi ito dahil sa isa siyang duwag o wala na ni katiting na pag-asa,
marahil ay kabaligtaran pa nga. Ngunit nitong mga huling araw ay laging
mainit ang kaniyang ulo at napakabigat ng kaniyang pakiramdam. Parang
may hypochondriasis1 na yata siya. Bago pa man ito ay nagpakalulong na siya

1 Kalagayang sikolohikal ng isang tao kung saan siya ay labis na nag-aalala sa pagkakaroon ng
malalang karamdaman.
6 FEODOR DOSTOYEVSKY

sa sariling agam-agam, laging nag-iisa, at iniiwasan ang pakikipag-usap, hindi


lamang sa may-ari kundi kahit kanino. Dagan siya ng kahirapan sa buhay. Ngunit
ngayon, kung tutuusin ay hindi na rin niya ito alintana, tinalikdan na niya at
ayaw nang pagkaabalahan ang mga bagay na noo’y itinuring niyang mahalaga.
Ang totoo, wala naman siyang ikinatatakot na maaaring gawin sa kaniya ng kahit
sinumang kasera. Ngunit ang hindi niya matagalan ay ang mapahinto sa hagdan
at makarinig ng kung ano-anong walang-kawawaang bagay mula sa kasera: mga
bagay na wala siya ni kahit katiting na pakialam, gaya ng paniningil, pagbabanta,
at pagrereklamo. Lalong mabigat sa kalooban dahil kailangan niyang umalo o
umagapay, magkunwari, magpaumanhin o kaya ay magsinungaling. Kaya’t wala
nang bubuti pa sa patingkayad na pagpanaog at pagpuslit na parang pusa na
walang sinumang nakapapansin.
Gayumpaman, siya mismo ay nagtaka kung bakit kanina nang
papalabas siya sa daan ay ganoon na lamang ang kaniyang pangamba na makita
ang pinagkakautangan.
“Kung ano-anong bagay na ang pinapangahasan at pinag-iisipan kong
gawin samantalang kinakabahan na ako sa ganitong kasimpleng dahilan!” wika
niya sa sarili habang namumutawi ang kakatwang ngiti sa kaniyang mga labi.
“Hmmm ... Hindi ba’t nakasalalay lahat sa kamay ng tao at yaong mga nasasayang
dahil lamang sa kaniyang karuwagan? ... Hayan ang kaisipan! Alin nga ba ang
higit na kinatatakutan ng tao? Labis ang pagkatakot ng tao sa anumang bagong
hakbangin at sa anumang bagong salita na rin niya mismo! Ahhh, masyado
akong madakdak! Siguro, dahil na rin sa wala akong ginagawa kaya ako
nagdadadakdak. O kaya…dahil puro ako dakdak kaya wala akong ginagawa!”
“Nitong mga huling araw ay natuto na akong makipag-usap sa sarili habang
nakahilata sa isang sulok at iniisip na lang si Jack at ang kaniyang mahiwagang
buto. Teka muna, bakit nga ba ako pupunta roon? Kaya ko nga kayang gawin iyon?
Seryoso nga ba ako? Hindi! Hindi ito seryoso. Lalo lamang ginugulo ng mga
bungang-isip na ito ang aking kalooban. Oo, laro lamang ito ng aking hinagap.”
Napakainit2 sa labas, maalinsangan, di ka halos makahinga, nakakabagot.
Idagdag pa ang amoy-kalburo, mga nagkalat na kahoy, alikabok, at singaw ng tag-

2 Mainit at maalinsangan sa Rasya sa panahon ng tag-araw. Ngunit sa umaga at gabi ay malamig ang
hangin. Kakailanganin mo pa rin ng damit na panlamig.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 7

araw. Alam ito ng lahat ng taga-Petersburg na walang matakbuhang dacha3 sa labas


ng lungsod. Sabay-sabay na tumimo ang mga bagay na ito sa magulo na ngang
isip ng binata. Nakaragdag pa sa malungkot at nakasusulak pa ngang tanawin ang
umaalingasaw na amoy-alak na galing sa maraming tindahan at inuman sa dakong
ito, at ang mga taong sumusuray na sa kalasingan kahit maliwanag pa ang paligid.
Gumuhit ang pagkadismaya sa mapitagang mukha ng binata. Kung pagmamasdang
mabuti ay may kakisigan din siya, maganda ang mga matang kulay itim, kaligatan
ang pagka-Ruso, katamtaman at maganda rin naman ang tikas ng katawan. Sandali
pa at mukhang napakalayo na ng kaniyang iniisip, tila wala sa sariling nagpatuloy
ito sa paglalakad, hindi alintana ang paligid at walang pagnanais na pansinin pa ito.
Paminsan-minsan ay may kung anong ibinubulong sa sarili. Nasanay na rin siya
at tanggap na ang ganoong monologo. Talos din niya ang kaguluhan ng kaniyang
isip at panghihina ng katawan. Dalawang araw nang halos wala siyang kinakain.
Hindi maganda ang kaniyang pananamit, kahit siguro yaong talagang
mahirap ay baka mahiyang lumabas sa ganoong suot-basahan. Pero sa lugar na
ito, bihira kang makakita ng taong magtataka tungkol sa kasuotan ng iba kahit
pa masagwa ito. Malapit na sa palengke at naglipana rito ang iba’t ibang uri ng
pagkakakitaan, komersyo, tindahan, at pagawaan. Karamihan ng mga nakatira
rito ay manggagawa, artisano, at maliit na mangangalakal na nagsisiksikan sa
lungsod. Sa ganitong lugar, hindi na nakapagtataka ang makakita ng naiibang
mukha at kasuotan. At sa dami nang naipong kapaitan sa dibdib ng binata, ang
pinakahuling maaari niyang pagkaabalahan ngayon ay ang saplot sa kaniyang
katawan. Ibang usapan siyempre kung ang makakaharap niya ay kaibigan o
kakilala na iniiwasan niyang makita. Nang walang ano-ano’y isang lasing na
nakasakay sa isang magarang karwaheng hindi alam kung saan nanggaling o
saan papunta ang dumaan at bigla siyang sinigawan: “Hoy, ikaw, nakasombrerong
Aleman!” ubod-lakas nitong isinigaw na nakaturo pa sa kaniya. Biglang napahinto
ang binata at tigagal na hinawakan ang sombrero. Ang sombrero ay mataas,
pabilog na yaring Zimmerman, ngunit lumang-luma na, gasgas, may mga butas
at mantsa, walang pinakasahig, at nakatupi sa isang gilid nang walang kaayos-
ayos. Hindi hiya ang kaniyang naramdaman pagkatapos ng insidente, kundi takot.
“Sabi ko na nga ba!” bulalas niyang nagugulumihanan, “Ito na nga ba
ang iniisip ko, ang pinakamasama sa lahat! Ah, ganito lang kawalang-kuwentang

3 Ang dacha ay bahay at lupa ng mga Ruso sa labas ng lungsod, na kadalasa’y malapit sa isang lawa o
ilog. Nakapagpapahinga sila rito sa tag-araw at nakapagtatanim-tanim din.
8 FEODOR DOSTOYEVSKY

bagay! Pinakamaliit mang detalye ay makasisira sa buong plano! Oo, masyadong


halatain ang sombrerong ito ... katawa-tawa ... kaya tuloy, pansinin. Dapat sa suot
ko ay ibang suklob sa ulo, kahit pa bibingkang panis, huwag lang ang pangit na ito.
Wala nang nagsusuot ng ganito. Kahit pa isang kilometro ang layo ay mapupuna,
matatandaan. Dapat ay hindi kapansin-pansin hangga’t maaari. Ang maliliit na
bagay ang siyang pinakamahalaga! Maliliit ang laging tumatapos sa lahat!”
Kaunti na lang ang kaniyang lalakarin. Alam pa nga niya eksakto kung
ilang hakbang pa hanggang sa tarangkahan ng kaniyang tirahan: tamang-tamang
pitong daan at tatlumpu. Nang minsang lumabas siyang lutang sa pangangarap
ay binilang na niya ito. Noon ay hindi pa siya naniniwala sa sariling pinag-
iiisip; nagagalit lamang sa kapangitan ng mga ito ngunit nagaganyak naman sa
kanilang taglay na kapangahasan. Ngayon, makalipas ang isang buwan, iba na
ang kaniyang pag-iisip. Bagama’t sa kaniyang mga diyalogo ay umuukilkil ang
kaniyang kawalang-lakas at determinasyon, ang masamang panaginip na ito ay
unti-unting nagiging makatotohanan na kailangang subuking isagawa, kahit ayaw
pa rin niyang maniwala sa sariling iniisip. Ngayon nga ay nagsasagawa na siya ng
pagsasanay para roon at bawat hakbang niya ay nagpapaalpas sa bilis ng pintig ng
dibdib.
Nanlalamig ang puso at nanginginig siya sa lakas ng kaba habang
papalapit sa bahay, na ang isang dingding ay nakaharap sa ilog at ang isa nama’y sa
kalye. Ang buong gusali ay pinartisyon sa maliliit na kuwarto at pinauupahan kung
kani-kanino: mga mananahi, magsusuri, kusinero, iba’t ibang klaseng Aleman,
mga babaeng pinag-iigi ang paghahanapbuhay, namamasukan sa opisina, at iba
pa. Patuloy ang paglabas-masok ng mga tao sa dalawang tarangkahan at bakuran
ng gusali. Tatlo o apat ang bantay na nagtatrabaho roon. Tumuloy ang binata at
napanatag ang loob nang wala ni isa man sa kanila ang kaniyang nasalubong.
Kumanan, at tumuloy na siya sa hagdan. Makitid at madilim ang hagdan, ngunit
kabisado niya ang daraanan sa dilim na iyon. Gusto niya ang gayon, sa dilim na
iyon na ang pinakamausisa mang mata ay hindi na mapanganib. “Kung ngayon
pa lang ay ganito na ang nararamdamang takot, papaano pa kaya kung totohanan
na?” Hindi niya naiwasang itanong sa sarili nang siya ay nasa ikaapat na palapag
na. Dito ay nakaharang sa daraanan ang ilang kargador, mga dati silang kawal, na
naglalabas ng mga muwebles mula sa isang silid. Ang alam niyang nakatira roon
ay isang namamasukang Aleman. “Kung ganoon ay aalis na ang Alemang ito at
ang ibig sabihin ay mag-iisa na lamang sa ikaapat na palapag ang matandang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 9

may-ari. Hmm ... mabuti. Kung ano’t anuman ay ... ” At pinatunog niya ang
kampanilya sa tahanan ng matanda. Ang kampanilya’y nagbigay ng mahinang
tunog, mistulang yari sa lata at hindi sa tanso. Ganoon ang lahat ng kampanilya sa
gusali. Nakalimutan na nga niya ang tunog na ito. Ngayon ay tila ito paos na tunog
na biglang nakapagpaalala at gumising sa kaniya. Nagulantang pa siya. Labis na
ang inihina ng kaniyang loob. Ilang sandali pa’y bahagyang bumukas ang pinto.
Mula sa siwang ay sinilip siya ng nakatira, halatang nagdududa, mata lamang ang
makikitang kumikislap sa dilim. Nang mapunang marami namang tao sa labas ay
lumakas na ang loob at tuluyan nang binuksan ang pinto. Tumuloy na sa madilim
na pasukan ang binata na nakahiwalay mula sa maliit na kusina. Nakatayo lang
ang matanda na nagtatanong ang pagkakatitig sa binata. Siya ay matandang maliit,
nanunuyot ang balat, mga animnapung taong gulang, mailap at matalim ang mga
mata, matangos ang maliit na ilong, malangis ang kaniyang buhok na hindi pa
gaanong mauban. Nakapaikot sa kaniyang payat at mahabang leeg, na tila binti
ng inahing manok, ang isang parang basahang panyo. At sa magkabilang balikat,
kahit na maalinsangan ang panahon, ay nakasampay ang nakakalbong balabal na
yari sa balat ng hayop. Manaka-nakang umuubo at pumuputok ang lalamunan ng
matanda. Marahil ay kakaiba ang pagkakatingin ng binata sa kaniya kung kaya’t
maaaninag sa kaniyang mukha ang kawalang-tiwala.
“Ako po ay si Raskolnikov,4 estudyante. Galing na ako rito sa inyo noong
nakaraang buwan,” dagling inilahad ng binata. Nakayuko siya nang kaunti, naalala
niyang dapat siyang maging mas magalang.
“Natatandaan ko, binata, tandang-tanda ko na nanggaling kayo rito,”
malinaw at may diing tinuran ng matandang hindi iniaalis ang pagkakatitig sa
kaniya.
“Muli akong naparito sa ganoon ding sadya ... ” pagpapatuloy ni
Raskolnikov. Medyo hindi na mapakali at nababahala sa kawalang-tiwala ng
kaharap.
“Marahil ay talagang ganito siya, hindi ko lang napuna noong una,”
naisip niyang tila naaalibadbaran.
Hindi sumagot ang matanda at may pag-aatubiling nagbigay-daan,
itinuro ang pinto ng sala, pinauna ang panauhin, “Tuloy ka, binata.”
Nadidikitan ng dilaw na wallpaper ang maliit na kuwartong tumambad

4 Ang pangunahing tauhan sa nobela. Rodion Romanovich Raskolnikov ang buo niyang pangalan.
Rodya ang palayaw. Ang Romanovich ay patronymic na kuha sa pangalan ng amang si Roman.
10 FEODOR DOSTOYEVSKY

sa pumasok na binata, may halamang Geranium, may kurtinang mosul sa


bintana, maliwanag at natatanglawan ng papalubog na araw ang kuwarto ng mga
oras na iyon. “Pag naganap iyon ay ganito rin ang magiging liwanag ng araw,”
hindi sinasadyang gumitaw kay Raskolnikov ang kaisipang ito. Mabilis niyang
nilibot ng tingin ang buong kuwarto upang mapag-aralan at matandaan ang
pagkakaayos nito. Ngunit wala namang kakaiba rito: ang mga muwebles na
naninilaw ay yari sa kahoy at pawang mga luma, ang sofa ay may napakalaking
sandalang medyo nakabaluktot patalikod, may biluhabang mesa sa harap ng sofa,
isang tokador na may salamin ang nakadikit sa dingding, mga upuan sa gilid, at
dalawa o tatlong larawang nakapaloob sa dilaw na kuwadro, kung saan nakaguhit
ang ilang dalagang Alemang nilalaro ang mga ibon. Sa isang sulok naman, may
lamparang tumatanglaw sa imahen. Iyan ang lahat ng kasangkapan. Malinis na
malinis ang kakabahayan, ang sahig, sampu ng mga muwebles ay kumikintab sa
kalinisan. “Gawang Lizaveta,” sa loob-loob ng binata. Ni alikabok nga ay hindi
makikita sa bahay. “Ang ganitong linis ay bagay nga sa masusungit at matatandang
biyuda,” pagpapatuloy ng binata sa sarili. At mausisang tinapunan ng tingin ang
ikalawang kuwartong nahaharangan ng kurtina. Naroon ang ngayon lang niya
napansing higaan at aparador ng matanda. Sa kabuuan, dalawa lamang ang silid
ng kakabahayan: sala at tulugan.
“Ano’ng kailangan mo?” Pagpasok sa sala ay tuwirang itinanong ng
matanda at gaya ng dati ay nakatayo sa mismo niyang harapan upang masusi
siyang tingnan.
“Nagdala ako ng maisasangla. Heto.” Kinuha niya mula sa bulsa ang
isang luma, malapad na relong yari sa pilak. Nakaguhit sa likod nito ang globo. At
ang pinakakuwintas na hawakan naman ay gawa sa bakal.
“Pero ‘yong huli mong sangla ay paso na. Isang buwan at tatlong araw na
ngayon ang nakalilipas.”
“Magbabayad po ako ng porsyento para sa isang buwan. Kaunting
paghihintay lang po sana.”
“Depende na iyon sa kabaitan ko, binata, kung maghihintay pa o ibebenta
na ngayon din ang iyong gamit.”
“May kamahalan din siguro ang relong ito, di ho ba, Alyona Ivanovna?”
“Mga kung ano-anong abubot lang ang dinadala mo rito, binata. Noong
nakaraan ay dalawang rublo ang ibinigay ko para sa singsing. Ngunit maaari
palang bilhin sa halagang uno singkuwenta lang sa mag-aalahas.”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 11

“Dito sa relo’y apat na rublo5 na ang ibigay ninyo. Tiyak namang tutubusin
ko dahil minana ko pa ito sa aking ama. May matatanggap akong pera galing sa ... ”
“Uno singkuwenta, menos porsyento, kung gusto mo ... ” putol ng
matanda.
“Uno singkuwenta!” bulalas ng binata.
“Ikaw ang bahala ... ” At ibinalik ng matanda ang relo.
Galit na kinuha ito ng binata at sadyang aalis na sana nang makapag-
isip-isip at maalalang wala naman siyang pagpipilian. Isa pa’y may iba pa siyang
layunin. “Akin na ang pera,” magaspang niyang hiling.
Kinapa ng matanda sa bulsa ang mga susi at nagtuloy sa kuwartong
natatabingan ng kurtina. Naiwang mag-isa sa sala ang binata, mausisang nakinig
at nag-ulik-ulik. Dinig niya kung paanong binuksan ng matanda ang aparador.
“Malamang na iyo ang drower sa itaas,” patuloy sa pag-iisip ang binata, “at sa
kanang bulsa pala niya itinatago ang mga susi, sama-sama sa isang singsing na
bakal. May isang pinakamalaki sa lahat, may ngipin naman ang isa na hindi
pang-aparador. Ibig sabihin, may iba pa siyang kahon o lalagyan ... hmmm ...
mahalagang malaman ito. Ganoon ang susi ng mga baul ... ngunit ... hindi! ...
kabaliwan ang lahat ng ito!”
Nagbalik na ang matanda.
“O, heto na, binata. Tulad ng napag-usapan, diyes sa bawat rublo bawat
buwan, kaya’t sa isa’t kalahati ay kinse kopek. Kukunin ko na ang para sa isang
buwan at doon naman sa dalawang rublo ninyo ay bente kopek ang bawas, lahat-
lahat ay trenta’y singko. Para sa relo ninyo kung ganoon, makatatanggap kayo ng
rublo at labing-limang kopek. Heto, tanggapin n’yo.”
“A, ganoon, ngayo’y isang rublo at kinse kopek na lang!”
“Ganoon na nga.”
Hindi na nakipagtalo pa ang binata at kinuha na lamang niya ang pera.
Habang papalabas, palingon-lingon siya sa matanda na parang may gusto pang
sabihin o gawin, hindi lang niya matiyak kung ano at papaano.
“Mayroon pa akong dadalhin sa inyo, Alyona Ivanovna, bukas o sa
makalawa ... Pilak ... kaha ng sigarilyo ... Pagkagaling ko muli… mula sa isang
kakilala ... ” medyo nagugulumihanang nauntol siya.
“Saka na natin pag-usapan iyan pag naririyan na, binata.”

5 Rublo ang tawag sa pera ng mga Ruso. Ang 1 rublo ay binubuo ng 100 kopek.
12 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Kung gayon ay tutuloy na ako. Kayo ba ay laging nag-iisa? Hindi ba’t


mayroon kayong kapatid?” tanong niya, habang pinipilit maging kaswal hangga’t
maaari bago lumabas ng pinto.
“Bakit? Ano naman ang kinalaman mo sa kaniya?”
“Wala naman, naitanong lang. Disin sana kayo’y ... sige ho, tutuloy na
ako, Alyona Ivanovna.”
Magulo ang isipang lumisan si Raskolnikov. Kalituhang lalo pang
lumala. Makailang ulit pa siyang napahintong natitigagal sa kaniyang pagpanaog
sa hagdan. At sa wakas noong nasa kalsada na siya, pahimutok na: “Diyos ko,
karumal-dumal ang lahat ng ito! At pati ba naman ako’y ... Hindi! Ito ay malaking
kalokohan, kabaliwan!,” matigas niyang dugtong. “Papaanong pumasok sa isip
ko ang kakila-kilabot na bagay na ito? At bakit nasisikmura ko ang ganoong
kababaan. Ang dumi, nakasusulak! ... at mantaking isang buwang singkad kong ... ”
Ngunit hindi niya kayang ihayag nang lubos, pasalita man o pahiyaw,
ang kaniyang matinding agam-agam. Walang-hanggang pagkasuklam ang kanina
pa nagsimulang dumagan at nagpasikip ng kaniyang dibdib habang papunta sa
matanda. Ngayon ay lalo itong tumindi at damang-dama niya ang kumukubkob
na dilim sa kaniyang buong pagkatao. Naglakad siya sa kalsadang tila lango at
lasing, di pansin ang mga nagdaraan, minsa’y nakabubungguan pa niya, namalayan
na lang niyang nasa kabilang kalye na siya. Lumingon-lingon at natanaw ang
isang bahay-inuman sa tabi. Ang pinto ng inuman ay nasa ibaba pa ng bangketa,
sa may beysment ng gusaling kinalalagyan. Noon nama’y papalabas ang dalawang
magkaakbay na lasing at nagmumurahang binagtas ang kahabaan ng daan. Hindi
na nag-atubili si Raskolnikov at pumanaog na siya sa inuman. Kailanma’y hindi
pa siya pumunta sa lugar-inumang gaya nito, ngunit ngayo’y umiikot ang kaniyang
paningin, tuyong-tuyo ang kaniyang lalamunan sa uhaw. Parang gusto niyang
uminom ng malamig na serbesa. Sa palagay niya’y dala ng gutom ang kaniyang
panghihina. Sa madilim at maruming sulok ay umupo siya sa isang malagkit-
lagkit na upuan, umorder ng serbesa at tila hayok na tinungga niya ang unang
baso. Kagyat na naginhawahan at bahagyang nagising ang isip. “Ah, lahat ng ito’y
kalokohan lamang at wala naman talagang dapat na ikabahala,” bulong niyang
nagkapag-asa nang kaunti. “Pagod lang ito, isang baso lang ng serbesa, kaunting
pagkain, pagkatapos ay mas mabuti na’t malinaw ang pag-iisip, mas buo na rin ang
loob ... Pwe! Kabuhungan ang lahat ng ito!” Ngunit sa kabila ng pang-uuyam sa
sarili, gaya ng isang nakalampas sa isang matinding pagsubok ay mas masigla na
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 13

siya ngayon, di gaya ng dati. May pagkagiliw niyang nilibot ng tingin ang lahat ng
naroroon. Gayunman, kahit sa mga sandaling tila umaaliwalas ang lahat ay may
nahihiwatigan pa rin siyang matinding kapaitan.
Nang mga oras na iyon ay kakaunti na lang ang natitira sa inuman. Ang
dalawang lasing na lumabas kanina ay sinundan ng lima katao kasama ang isang
dalagang may hawak na harmonya. Pagkaalis nila’y tumahimik at lumuwag. Natira
ang isang hindi pa gaanong lasing na nakaharap pa rin sa kaniyang iniinom,
mukhang may kaya din naman sa buhay. Ang kaniyang kainuman ay isang malaki
at matabang lalaki, naka-jacket, maputi ang balbas, lasing na lasing at natutulog
sa kaniyang bangko. Panaka-nakang parang nananaginip na bigla na lang gagalaw
ang mga daliri at ibubuka ang mga kamay, umiindak, at sumasayaw ang ulo at
itaas na bahagi ng katawan habang nananatili sa pagkakaupo. Sabay bunghalit ng
walang-kawawang awit na pilit inaalala:

Buong taong nilambing ang giliw.


Bu-ong ta-ong ni-lam-bing ang gi-liw ...

O kaya’y muling maaalimpungatan at kakanta ng:



Nagpunta siya sa ibayo
Nakita ay dating kasuyo ...

Ngunit wala yatang nakikibahagi sa kaniyang pagsasaya. Pati ang


kaniyang kasama ay tila inis pa at walang-tiwala sa ipinakikita ng kaniyang
kainuman. Mayroon pang isang naiwan sa inuman na mukhang retiradong kawani
ng gobyerno. Hiwalay ang pagkakaupo, madalang galawin ang pagkain at inumin,
na tila nagmamasid lang sa kaniyang paligid. Siya man ay hindi mapakali.
II

HINDI MAHIRATI SI Raskolnikov sa talpa6. Ang totoo nga’y iniiwasan niya


ang anumang pagtitipon, lalo na nitong mga nakaraang araw. Ngunit biglang may
parang kung anong humihila sa kaniya patungo sa lipunan. Bagong pakiramdam,
kasabay ay ang tila pagkauhaw sa mga tao. Ganoon na lang ang pagod niya sa
buong buwang pagkabagot at madidilim na bugso ng damdamin. Kung kaya’t
nais niyang magpahinga muna sa ibang daigdig, anupaman ito, ni hindi nga niya
pansin ang maruming kapaligiran at panatag na itong nanatili sa inuman.
Nasa ibang silid sa itaas ang may-ari, madalas ay bumababa ito sa hagdan
tungo sa inuman. Una pa ngang lumilitaw ang kaniyang gamit at gasgas na botang
may malaking pulang bukasan. Naka-amerikana siya at nanlilimahid sa duming
tsaleko, hindi nakakurbata, at ang mukha ay tila hinilamusan ng grasang gaya ng
kandadong bakal. May batang mga labing-apat na taong gulang ang nakatayo
sa counter at isa pang mas bata naman ang nagsisilbi sa mga parokyano. May
ipinagbibiling hiniwang burong pipino, biskotsong itim, at hinati-hating isda.
Lahat ng ito’y nagbibigay ng masangsang na amoy. Umaalingasaw na amoy ng
alak, para bang sa amoy pa lang ay malalasing ka na sa loob lamang ng limang
minuto.
May mga kakaibang pagtatagpo. Kung minsan, basta na lang, sa unang
tingin ay mapupukaw ang iyong interes ng isang hindi kakilala, kahit hindi

6 Ang talpa sa wikang Ruso ay umpukan din ng maraming tao.


PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 15

mo pa siya nakakausap. Ganoon ang impresyon ni Raskolnikov sa panauhing


mukhang retiradong kawani ng gobyerno na nakaupo sa di-kalayuan. Pagkatapos
ay makailang ulit ding naalala ng binata ang naramdaman niya sa tagpong ito na
ipinagpapalagay niyang bahagi ng kaniyang intuwisyon. Panay ang tingin niya
sa dating kawani dahil sa ganoon din naman ang tao na nakatuon ang pansin sa
binata at halatang nais makipag-usap. Hindi pansin at pangkaraniwan lamang
ang tingin ng kawani sa iba pang nasa inuman, kasama ang may-ari. May bahid
pa nga ng pagmamataas ang hindi nito pagpansin sa kanila, na para bang sila
ay mas mababa ang kalagayan at kaisipan kumpara sa kaniya. Hindi sila ang
taong maaari niyang makausap nang matino. Ang kawani ay may limampung
taong gulang, katamtaman ang taas at siksik ang pangangatawan, mauban ang
nakakalbo na niyang ulo, mukha’y bahagyang namamaga at naninilaw dulot ng
palagiang paglalasing, medyo nakaluwa ang maliliit, namumula ngunit buhay na
buhay na mga mata. Gayumpaman, may kakaiba sa taong ito, tila nagbubunyi
ang kaniyang titig, may bahid din naman ng muni at talino ngunit kasabay nito
ay may bakas ng kakulangan ng bait sa sarili. Ang suot niya’y gulanit, gusot na
tailcoat na itim, nangatanggal na ang butones at iisa na lang ang natitirang maayos
namang nakakabit. Halatang nais pa niyang mangunyapit sa natitirang huling
hibla ng kaniyang dignidad. Nakasungaw mula sa kaniyang tsaleko ang lamukot at
napakarumi niyang panloob na damit, halatang lagi siyang nag-aahit noon ngunit
ngayon ay nagsisimula nang mag-igkasan ang makapal na abuhing balbas. Mukha
nga itong solidong opisyal sa anyo at kilos, ngunit talagang hindi ito mapakali,
magkaminsan ay hinahagod o kaya’y ginugulo ng dalawang kamay ang kaniyang
buhok, pagkatapos ay ipinapatong ang siko sa mamasa-masa at malagkit na
mesa. Sa wakas, tumitig ito nang tuwid kay Raskolnikov at malakas na nagsabi:
“Ipagpaumanhin ninyo, butihing ginoo, ang aking paglalakas ng loob na makipag-
usap sa inyo. Dahil kahit na payak ang inyong kasuotan, ang aking karanasan
ay nagsasabing kayo’y taong kagalang-galang, may pinag-aralan, at hindi sanay
uminom. Iginagalang ko ang karunungang may kaakibat na mabuting kalooban.
Ako ay si Marmeladov, isang Tituladong Tagapayo7. Maaari bang malaman kung
kayo’y galing sa serbisyo?”

7 Ang Tituladong Tagapayo ay opisyal ng pamahalaan sa panahon ng Imperyong Ruso. 14 ang mga
ranggo noon. 1 ang pinakamataas at 14 ang pinakamababa. Si Marmeladov ay pang-9. Katumbas na
rin ito ng Kapitan kung sa kanilang kapulisan.
16 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Hindi. Ako ay nag-aaral pa lamang,” sagot ng binatang bahagyang


nagtataka sa mapitagang pananalitang tuwirang patungkol sa kaniya. Kahit
kanina lang ay nakaramdam siya ng pagnanasang muling makihalubilo sa tao,
ngayong mayroon nang nais makipag-usap sa kaniya at nang narinig na niya ang
mga salita ay nanumbalik ang dating di kanais-nais na pakiramdam at pagkaasiwa
sa kaninumang sumasaling o nais man lang kumanti sa kaniyang pagkatao.
“Estudyante o dating estudyante!” sigaw ng kawani, “sabi ko na nga ba,
karanasan, butihing ginoo, makailang-ulit na karanasan!” at inilagay niya ang daliri
sa ulo bilang tanda ng pagpuri. “Kayo’y dating estudyante o dili kaya’y nagdaan
sa pagpapakadalubhasa. Oh ipahintulot ninyo ... ” umusod at tumayo ito, tinangay
ang kaniyang plato’t baso at lumipat malapit sa binata sa may tagiliran nito. Lasing
na siya ngunit magaling pa rin at tuwiran kung magsalita. Kung magkaminsan
lang ay nasisinok o kaya’y hinihila ang mga salita. May pagkauhaw na hinarap
niya si Raskolnikov. Tulad niya’y may isang buwan na rin itong walang sinumang
kinakausap.
“Butihing ginoo,” simula niyang tila nagdiriwang. “Hindi masama
ang maging dukha, totoo iyan. Alam ko rin naman na ang paglalasing ay hindi
kabutihang maituturing. Ano pa nga ba? Ngunit ang pagpapalimos, butihing
ginoo, ay masama. Sa kahirapan, mapananatili pa ng tao ang likas na kabutihan
ng loob at puso ngunit sa pagpapalimos ay hindi ninuman at kailanman. Hindi
pamalo kundi walis lang ang ipinampapalayas sa pulubi palayo sa sangkatauhan
nang sa gayon ay lalong maging mas kauyam-uyam ang kaniyang kalagayan. At ito
ay makatarungan lamang dahil sa pagpapalimos ay handang hamakin ng tao ang
sarili. Ito ang tunay na pagdurusa at pasakit. Butihing ginoo, noong nakaraang
buwan ay sinaktan ni Ginoong Lebezyatnikov ang aking asawa. Ngunit iba ako sa
asawa ko! Naiintindihan ba ninyo? Ipahintulot ninyong itanong ko sa inyo alang-
alang sa pagiging mausisa. Nasubukan na ba ninyo ang matulog at magpalipas ng
magdamag sa Nieva, sa mga dayami sa barko?”
“Hindi pa naman,” sagot ni Raskolnikov, “Ano bang tanong iyan?”
“A, ako ay galing doon, at ikalimang gabi ko na ... ”
Sinalinan niya ang kaniyang baso, tinungga, at nag-isip. Makikita nga
sa kaniyang damit, maging sa kaniyang buhok ang ilang natitirang dumikit na
dayami. Malamang din na limang araw na siyang hindi nagpapalit ng damit
at hindi naliligo. Lalong marumi ang kaniyang mga nanggigitatang kamay at
nangingitim na mga kuko.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 17

Ang kaniyang pananalita’y pumukaw ng tamad na atensiyon ng lahat.


Nagsimulang humagikhik ang mga nakababata. Ang may-ari nama’y bumaba
mula sa kaniyang kuwarto upang pakinggan ang “nagpapatawa.” Umupo ito sa
may di-kalayuan, matamad na humikab-hikab habang pinananatili ang kunwa’y
mukhang kagalang-galang. Sabihin pa, matagal nang kilala rito si Marmeladov.
Marahil din ay nasanay na siya sa mapitagang pananalita dahil sa kaniyang madalas
na pakikipag-usap sa iba’t ibang taong nagagawi sa bahay-inuman. Ang ganito ay
nakagagawian at nagiging pangangailangan ng ilang manginginom, lalo na yaong
pinaghihigpitan at hinahawakan ang leeg sa kanilang sariling pamamahay. Kung
kaya, sa pag-inom ng alak ay lagi nilang tinatangkang bigyang-saysay ang sarili at
kung maaari ay umani pa ng paggalang at papuri.
“Nagpapatawa ka!” malakas na sabat ng may-ari. Kung ikaw ay opisyal
bakit hindi ka pumapasok sa trabaho at hindi naglilingkod?”
“Bakit hindi ako naglilingkod? A, butihing ginoo,” sambit ni Marmeladov,
na si Raskolnikov lang ang kinakausap, na para bang siya ang nagtanong. “Bakit
hindi ako naglilingkod? Bakit? Hindi ba nahihirapan ang aking kalooban habang
ako’y gumagapang dito? Nang saktan ng sariling kamay ni Ginoong Lebezyatnikov
ang aking asawa habang ako nama’y lasing na nakatihaya, sa palagay ba ninyo’y
hindi ako nagdusa? Ipagpaumanhin ninyo, binata, nangyari na ba sa inyo ang
mangutang nang walang pag-asa?”
“Nangyaring ... ano? Walang pag-asa?”
“Walang pag-asa, ibig sabihin bago pa man ay alam na ninyong walang
mangyayari. Alam na ninyo, halimbawa, na ang taong lalapitan, sa kabila ng
kaniyang pagiging kapaki-pakinabang sa lipunan bilang mamamayan, at kilalang
may mabuting layunin ay hinding-hindi magbibigay ng pera, at bakit naman
siya dapat magbigay? E, alam niyang hindi ko na ibabalik. Bakit nga ba siya
magbibigay? Sa habag? Ipinagbabawal na raw ang maawa sa ating panahon. Iyan
ang paliwanag niya, palibhasa’y masugid na sumusubaybay sa takbo ng agham kaya
ganoon si Ginoong Levezyatnikov. Sabi pa niya’y ganoon na raw ang ginagawa sa
Inglatera ngayon kung saan laganap ang teorya ng Ekonomiyang Politikal. Bakit
pa nga naman siya magbibigay? Pero hayun nga, kahit alam ko na ay pinuntahan
ko pa rin siya.”
“Bakit pa nga ba kayo pumunta?” habol ni Raskolnikov.
“E, dahil sa wala nang iba pang pupuntahan at paroroonan! Di ba? Dapat
lang naman siguro na kahit sinong tao ay mayroon sanang matakbuhan sa oras ng
18 FEODOR DOSTOYEVSKY

pangangailangan, kahit sino pa o nasaan man siya? Sapagkat sadyang dumarating


ang pagkakataon na mayroon kang dapat na matakbuhan. Nang ang kaisa-isa
kong anak na dalaga ay binigyan ng dilaw na sedula,8 noon ako naghanap ng
matatakbuhan ... dahil ang anak ko nga ay mayroong dilaw na sedula na ... ” ulit
niya sa sarili at may pag-aalalang tumingin sa binata. “Walang anuman, walang
anuman, butihing ginoo!” mabilis niyang sabi at pinilit maging mahinahon.
Natawa ang mga bata at nangiti ang may-ari. “Sabi ko’y walang anuman! Hindi
ko ikinababahala ang ganoong pagkutya dahil hindi lingid sa kaalaman ng lahat.
Isa pa’y walang lihim na di nabubunyag. Ako nama’y di namumuhi. Tanggap ko
na ang bagay na ito. Pabayaan na natin ang ibang tao. Ngayon ay ipagpaumanhin
ninyo, binata, maaari ba ninyong ... teka muna, mas tumpak at malinaw kung
sa halip na “maaari” ang aking tanong ay gawin kong ganito: “Makakaya kaya
ninyong tingnan ako nang tuwid sa mata at matapat na sabihing hindi ako baboy?”
Hindi umimik ang binata.
Hinintay lang ng orador na matapos ang hagalpakan. Iniangat ang
kaniyang noo at pilit na itinayo ang karangalang nagpahayag, “Oo, ako nga ay
baboy, ngunit ang aking maybahay ay isang butihing babae! Ako ay hayop ngunit
ang aking mahal na kabiyak na si Katerina Ivanovna ay may mataas na pinag-aralan
at mula sa mataas at kilalang angkan! Hindi na bale kung ako ay walang-hiya
ngunit siya ay may malinis na kalooban at damdaming dinalisay ng karunungan.
Kaya lang sana’y ... sana’y kaawaan niya ako! Butihing ginoo, oh, butihing ginoo,
di ba dapat lang na ang isang tao ay may matatakbuhang lugar, kung saan alam
niyang siya ay kinaaawaan? Ngunit si Katerina Ivanovna, bagama’t napakabuting
babae, ay hindi masasabing makatarungan ... Naiintindihan ko na sinasabunutan
man niya ako, iyon ay hindi dahil sa galit, kundi dahil sa habag. Inuulit ko at
hindi ikinahihiyang sabihing ako’y sinasabunutan niya,” tila may pagmamalaki pa
niyang ipinamukha sa gitna ng hagalpakan. “Panginoon, kung kahit minsan lang
sana siya’y ... hindi ... wala nang kabuluhan ito at wala nang dapat sabihin pa,
wala na! Dahil makailang ulit na rin at hindi lang minsan na natupad ang aking
hinahangad. Hindi lang minsan na ako’y kaniyang kinaawaan ngunit, a, sadyang
ganito ang aking ugali: ako ay talagang hayop!”
“E, ano pa nga ba?” puna ng naghihikab na may-ari.

8 Ang dilaw na sedula o dilaw na pasaporte ay dokumentong ibinibigay sa mga babaeng nagbebenta
ng aliw. Ganito ang ginagawa noon sa Rasya at ibang bansa sa Europa upang makontrol ang prosti-
tusyon.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 19

Malakas na sinuntok ni Marmeladov ang mesa. “Ganito na yata talaga


ako! Alam ba ninyo, butihing ginoo, alam ba ninyo na pati stocking niya ay ipinang-
inom ko? Hindi sapatos, ha, dahil kung sapatos ay malapit pa sa normal, pero
stocking ang ipinambili ko’t ipinang-inom. Pati ang kaniyang balahibuhing balabal
ay ipinang-inom ko rin, lumang regalo sa kaniya pa naman iyon. Nakatira kami
sa isang malamig na sulok at ngayong tagyelo ay dinapuan siya ng karamdaman,
inuubo na may kasamang dugo. Tatlo ang aming maliliit na anak. Nagtatrabaho
si Katerina Ivanovna mula umaga hanggang gabi, naglalampaso, naglilinis, at
naghihilamos ng mga bata. Nasanay siya sa kalinisan mula pagkabata ngunit
mahina ang kaniyang baga at malamang na matuyot. Nararamdaman ko. Kaya
ako umiinom ay naghahanap ako ng pakikiramay at pang-unawa. Naglalasing ako
dahil sadyang gusto kong magdusa!” at buong kasawian niyang inilungayngay ang
ulo sa mesa.
Muli siyang umupo nang tuwid at nagpatuloy, “Ginoo, sa mukha ninyo
ay nababasa ko ang hinagpis, agad ko itong napuna kaninang pagpasok ninyo kaya
nga kinausap ko kayo.”
Sa paglalahad ko ng aking tanang buhay, na alam na ng lahat, ay hindi ko
hangad na hamakin pa ang sarili sa harap ng mga nariritong mahilig sa kasiyahan,
kundi naghahanap ako ng taong may damdamin at pinag-aralang gaya ninyo.
Para sa inyong kaalaman, ang aking asawa’y nag-aral sa aristokratikong paaralan
at sa kaniyang pagtatapos ay pinakiusapang maghandog at sumayaw ng Sayaw
ng Balabal9 sa harap ng mismong gobernador at iba pang matataas na opisyal.
Doon ay pinarangalan siya ng gintong medalya at plake ng papuri. Ang medalya
ay ... matagal nang naibenta ... ang plake ng papuri naman ay nakatago pa rin
sa baul. Kailan lang ay ipinagparangalan pa niya ito sa aming kasera. At kahit
walang katigil-tigil ang away sa kanilang pagitan, kahit minsan ay nais din naman
niyang ipagmalaki at ibahagi kaninuman ang masasayang araw na nagdaan sa
kaniyang buhay. At hindi ko siya masisisi, hindi ko siya sinisisi ... iyon na lang
ang tamis na iniingatan niya sa kaniyang alaala at ang lahat ng iba pa ay pawang
kabiguan na lamang! Oo, siya ay babaeng matigas, mapagmalaki, at matibay ang
determinasyon. Kahit siya mismo ang naglalampaso sa aming sahig at tanging itim
na tinapay10 ang ipinantatawid-gutom ay hindi niya pinahihintulutang libakin

9 Ang Sayaw ng Balabal ay sayaw ng kadalagahang Ruso na kabilang sa alta sosyedad noong XIX
na siglo.
10 Itim na tinapay (Chorniy khleb) na ang pinakakain ng mga Ruso. Sinasabayan ito ng karne o
20 FEODOR DOSTOYEVSKY

siya ninuman. Kung kaya’t hindi niya naatim na palampasin ang kagaspangan ni
Ginoong Lebezyatnikov at nang patulan siya, nito ay naratay siya hindi dahil sa
karamdaman ng katawan, kundi sa matinding sama ng kalooban. Biyuda na siya
nang aking pakasalan, may tatlong maliliit na anak. Sundalong opisyal ang una
niyang asawa na mahal na mahal niya kaya’t sumama siyang magtanan dito. Labis
ang pag-ibig niya sa unang asawa kahit iyon ay nagumon sa sugal, nademanda, at
iyon na rin ang naging sanhi ng kaniyang maagang kamatayan. Bugbog-sarado
rin siya sa unang asawa at hindi niya ito pinalalampas nang walang gumaganti.
Alam na alam ko iyon at para na ring dokumentado ang lahat. Magkaganoon
man ay lagi pa rin siyang laman ng kaniyang alaala at madalas ay luhaan niya itong
ipinamumukha sa akin. Ako nama’y maligaya, maligaya na ring isipin na kahit
man lang sa kaniyang imahinasyon ay naging maligaya siya. Iniwan nga siyang
kasama ng tatlong maliliit na supling sa isang malayo at liblib na lugar, baon sa
kahirapang walang pag-asa. Nagkataon na ako’y naroroon din nang mga panahong
iyon at doon ko nga siya unang nakita, biyudo na rin ako at may anak na babae
mula sa unang asawa, mga labing-apat na taong gulang na siya noon. Marami na
rin akong hirap at pakikipagsapalarang dinanas ngunit di ko kayang ilarawan at di
matatagalan ang ganoong pagdurusa. Inalok ko siya ng aking pag-ibig ngunit siya’y
mapagmalaki, labis ang pagmamalaki. Ang lahat naman ng kamag-anak ay tutol.
Kung kaya’t mahuhulaan kung gaano na katindi ang kanilang paghihikahos nang
siya, isang edukada at mula sa isang kilalang pamilya, ay pumayag na magpakasal
sa akin! Kahit umiiyak, luhaan, pilit ang sarili, ay humarap siyang kasama ko sa
altar! Wala na lang talaga siyang ibang mapuntahan. Ngayon, butihing ginoo,
naiintindihan na ba ninyo, naiintindihan na ninyo ang ibig sabihin ng walang
ibang masusulingan? Hindi, iyon ay hindi pa ninyo maiintindihan. Sa loob ng
isang taon ay matapat kong tinupad ang aking tungkulin. At sa linis ng aking
hangarin, hindi ko siya ginalaw (idinikit ang dulo ng daliri sa bunganga ng pitsel),
dahil ako ay may damdamin at pakiramdam. Ngunit hindi ko rin siya napasaya.
Pagkatapos ay nawalan pa ako ng trabaho dahil sa pagbabago sa pamamahala at
hindi ko kagagawan. Noon ko pa lang siya ginalaw! Mag-iisa’t kalahating taon na
ngayon mula nang kami ay mapadpad sa maganda, napapalamutian, maraming
monumentong lungsod, ang kabiserang St. Petersburg. Dito ay nakakita naman
ako ng hanapbuhay ... nakahanap ngunit muling nawalan ... pero sa pagkakataong

anumang ulam sa oras ng pagkain.


PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 21

ito’y kasalanan ko na sapagkat lumitaw na ang tunay kong pagkatao ... Ngayon ay
naninirahan kami sa isang sulok na pag-aari ni Amalia Feodorovna Lippevekhsel.
Pero kung paano kami nakararaos sa upa at pagkain ay sadyang hindi ko na alam.
Ang kapangit-pangitang lugar na iyon ay Sodom ang katulad ... a ... Oo, dito na
rin nagdalaga ang aking anak sa unang asawa. Ang kaniyang mga tiniis habang
lumalaki’t nagkakaisip sa piling ng kaniyang madrasta ay hindi ko na ikukuwento.
Bagama’t napakabuti ng kalooban ni Katerina Ivanovna, siya’y mainitin at
madaling magalit, anupa’t agad nananakit ... ganoon nga! A, hindi na dapat pang
salingin iyon! Kagaya nang maaaring asahan si Sonya ay hindi na nakapag-aral.
Sinubukan kong ako mismo ang magturo sa kaniya ng Heograpiya at Kasaysayan
ng Daigdig; ngunit ako nama’y hindi ganoon kagaling doon. Isa pa’y wala ang
mga kailangang kagamitan, ano na ba naman ang mangilan-ngilan kong aklat ...
hmmm, nangawala na rin ang mga iyon. Doon na nagtapos ang kaniyang pag-
aaral. Nakarating naman kami hanggang kay Haring Cyrus ng Persia. At nang
lumaki na siya’t nagkaisip ay mag-isang nagbasa ng ilang romantikong aklat.
Kamakailan din, sa pamamagitan ni Ginoong Lebezyatnikov, ay tinapos niya
ang aklat sa Physiology ni Lewes. Narinig na ba ninyo ang aklat na ito? Ganyak
na ganyak siya sa pagbabasa at ikinukuwento pa nga sa amin ang ilang bahagi.
Iyan na ang kabuuan ng kaniyang pinag-aralan. Ngayon, butihing ginoo, maaari
ba ninyong masagot ang aking personal na katanungan? Ang isa bang mabuting
dalagang kagaya niya ay may pagkakataong kumita nang malaki sa pamamagitan
ng tapat na paghahanapbuhay? Kinse kopek lang isang araw at ni biskotso ay
hindi makabibili ang suweldo ng isang masipag at subsob sa paggawang walang
napag-aralan at walang natatanging kaalaman! At kilala ba ninyo ang konsehal na
si Ivan Ivanovich Klapshtok? Hindi na niya binayaran ang pinatahing kamiseta na
hanggang ngayon ay pinagtabuyan pa’t tinapakan, minura nang katakot-takot ang
aking si Sonya, dahil kesyo raw mali ang sukat, hindi tama ang estilo ng kuwelyo
... samantalang nagugutom ang mga bata ... at si Katerina Ivanovna nama’y hindi
mapakali, namamantal ang buong pisngi dahil sa karamdaman, paroo’t parito sa
loob ng kuwarto, hindi malaman ang gagawin at ... “Ako, isang linta, nakatira rito,
kumakain, umiinom, nagkakanlong sa init ... ” Ano kayang kinakain o iniinom nila
gayong tatlong araw na ngang kahit mumo’y walang natatanaw ang mga bata?!
Samantalang ako naman ay ... e, ano pa kundi lasing at nakahilata …”
“Narinig ko ang tinig ni Sonya (lagi siyang walang-imik, madalang
paalpasin ang maliit na tinig, blonde ang buhok, hapis at laging maputla ang
22 FEODOR DOSTOYEVSKY

pisngi), ‘Katerina Ivanovna, huwag po ninyong sabihin na pati ang ganoong


gawain ay susuungin ko?’ Sa tulak ng kasera ay tatlong ulit nang nagpupunta sa
bahay si Daria Frantsevna, isang babaeng may masamang reputasyon at kilalang-
kilala ng pulis. ‘E, ano pa nga ba?’ pauyam na sagot ni Katerina Ivanovna, ‘Ano ba
ang dapat mong pag-ingatan? Banal mong kabang-yaman, ha?’
“Huwag, butihing ginoo, huwag ninyo sana siyang pakasisihin! Nang
sabihin niya ang gayon ay wala siya sa katinuan, labis na nangangamba, maysakit,
masama ang pakiramdam, at natutulig sa pagpalahaw ng mga batang nagugutom
at hindi pa rin kumakain. Isa pa’y hindi naman niya tinototoo ang mga salitang
iyon, sinabi lang niya iyon upang manakit ng damdamin. Ganoon talaga si
Katerina Ivanovna. Kapag ang mga bata nama’y nagsimulang umiyak dahil sa
hapdi ng sikmura, sasabayan sila ng pananakit ng sariling ina. At napansin ko si
Sonya, bandang alas-sais, nagsuot ng panyo at balabal, at umalis ng bahay. Nang
siya’y magbalik ay mag-aalas-nuwebe na ng gabi. Pagdating niya ay tuloy-tuloy
siya kay Katerina Ivanovna, walang-imik na ipinatong ang tatlumpung rublo sa
ibabaw ng mesa, ni isang salita’y walang binitiwan, lumingon at kinuha lamang
ang isang malaking kulay luntiang balabal (mayroon kaming balabal na gamit
ng buong mag-anak, pambabaeng drap de dames), tinakpan ang mukha at ulong
humiga sa kamang patalikod, nakaharap sa dingding, nangangatal ang balikat
at buong katawan ... habang ako nga’y nakahilata pa rin at lasing pa ... at noon
ko nasaksihan, butihing binata, si Katerina Ivanovna, kung papaano at walang
kakibo-kibong lumapit sa paanan ng higaan ni Sonya. Doon ay magdamag siyang
lumuhod na lumuluha, ayaw na niyang umalis hanggang sa makatulog ... nagyakap
... ang dalawa ... at ako? Oo, di pa rin makagulapay sa kalasingan …” Tumahimik
bigla si Marmeladov, parang naipit ang lalamunan, pagkatapos ay dagli-dagling
nagsalin ng alak sa baso, tinungga, at dumahak na pinaluwag ang lalamunan.
“Magmula noon, ginoo,” pagpapatuloy niya makalipas ang ilang
sandaling pagkapipi, “Dahil sa isang di-magandang pangyayari at sa ulat ng ilang
may masasamang hangarin, sa pangunguna ni Daria Frantsevna, na hindi raw
pinakitaan ng nararapat na paggalang. Magmula noon, ang anak kong si Sophia
Simeonovna, ay binigyan na ng dilaw na sedula para sa mga babaeng nagbebenta
ng aliw. At hindi na rin siya maaaring manirahan kasama namin dahil hindi na
raw mapapayagan ni Amalia Feodorovna, ang kasera, na mayroong ganoong
klase ng babae sa kaniyang pamamahay; samantalang siya itong nagyaya kay
Daria Frantsevna na pumunta sa aming kuwarto upang magyakag. At iyong
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 23

usapin nila ni G. Lebezyatnikov ay may kinalaman lahat kay Sonya. Una’y may
pinakita rin siyang hangarin kay Sonya, pagkatapos, kunwa’y itinayo ang dangal
na nagpahayag: “A, di makapapayag ang isang taong kagaya kong may mataas
na pinag-aralan na manirahang kasama ang babaeng ganyan sa iisang bubong!”
Iyon ang hindi pinalampas ni Katerina Ivanovna ... nakipagtuos ... at naganap
na nga ... Kagat na ang dilim kung pumunta ngayon sa bahay si Sonechka11, ang
aking anak, pilit na inaaliw si Katerina Ivanovna at inaabutan ng maipangtutustos.
Nangupahan siya kay Kapernaumof, isang sastreng maingay, makati ang dila, at
may malaking pamilya. Ang buong pamilya niya’y makati rin ang dilang gaya ng
kaniyang asawa ... Lahat sila’y nagkakasya sa iisang kuwarto, nilagyan lang ng
dibisyon ang para kay Sonya. Oo, ang mga tao’y hikahos sa buhay at makakati
ang dila. Minsa’y maaga akong gumising, nagbihis, humingi ng pagpapala sa
langit, at nagtungo sa kagalang-galang na si Ivan Afanasyevich, kilala ninyo, hindi
ba? Kung gayo’y hindi ninyo kilala ang makadiyos na taong ito! Siya ay parang
kandila na ... nauupos sa harapan ng Panginoon! Mangiyak-ngiyak siya nang
marinig ang lahat. At nagwika, ‘Marmeladov, sinira mo na ang aking pag-asa at
paniniwala sa iyo ... ngunit minsan pa kitang kukunin at ngayon ay personal kong
pananagutan, tandaan mo iyan, sige, humayo ka!’ Ganoon ang sinabi niya, sa aking
isip ay halos hagkan ko pati ang alikabok sa kaniyang paa, at alam ninyo na siya’y
matalinong taong nakakaalam, sa lahat ng makabago at huling mga kaalaman
sa agham panlipunan, pampamahalaan, at iba pang karunungan. Pagbalik ko sa
bahay, upang maibalita sana sa lahat na may trabaho na ako at magkakasuweldo
na ay ... O, Panginoon, ganoon na lang ang…”
Muling napatigil si Marmeladov at sumasal ang kaba ng dibdib. Noon
nama’y pumasok sa inuman ang isang grupo ng mga lasing, pumailanlang mula
sa pinto ang tinig ng isang upahang mang-aawit, kasabay ang matinis na tinig ng
isang batang lalaking may pitong taong gulang. Inaawit nila ang Munting Bayan.
Biglang sumigla, inasikaso ng may-ari, sampu ng katulong, ang mga bagong
dating. Hindi naman pinansin ni Marmeladov ang mga dumating at nagpatuloy
ito sa pagkukuwento. Mahinang-mahina na siya ngunit habang nalalasing ay
lalong tumatabil, nagiging mas masalita. Ang mga gunita ng nakaraan lang na
tagumpay ay tila bumuhay sa kaniyang loob, sa mukha niya’y masisinag ang
pagsilay ng liwanag. Matamang nakinig si Raskolnikov.

11 Iisang tao ang Sofia, Sonya, at Sonechka. Sa Ruso ay nag-iiba ang tawag depende sa kalagayan at
antas ng paglalambing. Pinakamalambing ang Sonechka.
24 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Butihing ginoo, limang linggo na ngayon ang nakalilipas ... oo ... O,


Panginoon ko! Pagkaalam na pagkaalam nina Katerina Ivanovna at Sonechka ko
ay para akong biglang lumipat ng tirahan sa kaharian ng langit. Dati’y hihila-hilata
akong parang hayop at minumura-murang mistulang busabos! Ngayon, pati mga
bata ay patingkayad na kung maglakad at sinasabihang huwag mag-ingay at si
Simeon Zakharich ay pagod, nagpapahinga, galing sa trabaho. Bago ako pumasok
sa trabaho ay ipinagtitimpla ako ng kape at ipinag-iinit pa ng krema. Narinig ninyo?
Hinahainan ako ng tunay na krema! At kung paano nila napagkasya ang labing-isa
at kalahating rublo upang mabigyan ako ng magarang unipormeng maisusuot ay
hindi ko pa rin lubos-maisip: bota, tsalekong malambot, ang lahat ay sa halagang
onse y medya rublo! Kahanga-hanga! Unang araw ng trabaho, pagdating ko ay
nakapaghanda na si Katerina Ivanovna ng sabaw na may karne at labanos, na
nakalimutan ko na yata ang lasa. Ang asawa ko’y walang magagarang damit ...
ngunit nakabihis siya na parang may papasyalan, maganda ang pagkakaayos ng
tinahi niya mula sa luma, magdudugtong lang siya rito ng malinis na kuwelyo,
manggas at ibang-iba na ang resulta, gumanda na siya at nagmukhang mas bata
pa. Si Sonechka naman, ang mahal kong anak, ay nagbibigay pa rin ng pera at
sabay na sinasabing hindi siya dapat mamalagi sa bahay, pagdilim na lang para
walang makapansin sa kaniya. Pagkakain ay naidlip muna ako. Nagpasya naman si
Katerina Ivanovna na yayain ang kasera naming si Amalia Feodorovna na magkape
sa bahay kahit na nag-away lamang sila noong nakaraang linggo. Dalawang oras
silang nagbulungan at nagkuwentuhan: ‘Alam ba ninyong si Simeon Zakharich ay
nagbalik na sa serbisyo at tumatanggap na uli ng mabuting suweldo? Siya mismo
ang lumapit sa Kaniyang Kagalang-galangan at ang Kaniyang Kagalang-galangan
naman ang sumalubong sa kaniya, pinaghintay ang lahat ng iba pa, inakay sa kamay
ang asawa ko at inanyayahan sa loob ng opisina.’ Nakikita ninyo at alam ba ninyo
ang sinabi ng Kaniyang Kagalang-galangan? ‘Simeon Zakharich, natural na hindi
ko nalilimutan ang iyong matapat na paglilingkod ngunit naririyan pa rin ang
mababaw mong kahinaan. Gayumpaman, dahil sa ngayon ay nangangako kang
magbabago na ay panghahawakan ko ang marangal mong salita, isa pa ay mahirap
din pag wala ka dito.’ Ang totoo ay pinaglubid-lubid lang niya ang lahat ng iyon,
hindi dahil sa kapritso lamang o pagmamayabang! Hindi! Ang totoo’y naniniwala
siya mismo sa kaniyang kathang-isip. Inaaliw lang niya ang kaniyang sarili! O,
sumakaniya nawa ang Panginoon! Hindi ko siya sinisisi, hindi ko siya sinisisi!
Ika-anim na araw, pagkatanggap ko ng unang suweldo ay ibinigay ko nang buo
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 25

ang dalawampu’t tatlong rublo at apatnapung kopek. Maligaya siya at malambing


akong tinawag na ‘mahal kong giliw!’ Alam ninyo, kaming dalawa lang noon ...”
“Ito ba’y dahil sa magaling at mabuti akong asawa?” Ngumiti lang siya
at masuyo akong hinalikan sa pisngi at muling ibinulong ang ‘mahal kong giliw.’
Tumigil si Marmeladov, tinangkang ngumiti, ngunit nanginig bigla
ang baba. Napigil naman niya ang sarili. Ang bahay-inuman, ang kawalang
-aayusan, ang limang gabi sa dayamihan sa barko, ang matinding pag-ibig niya’t
pagmamahal sa asawa’t pamilya ay may kapangyarihan ding nakapagpapapigil sa
mga nakikiusyoso. Naghihirap ang loob na matamang nakikinig si Raskolnikov,
na iniisip kung bakit ba siya napasok sa lugar na ito.
“Butihing ginoo, butihing ginoo!” humarap at malakas na nagwika ito
sa binata, “O, ginoo, baka ito’y pawang katatawanan lang sa inyo, kagaya ng iba, o
baka naaabala ko lang kayo ng mga kabulastugan ukol sa miserableng detalye ng
personal kong buhay, ngunit para sa akin, o, ginoo, ay hindi! Dahil umuukit ito sa
aking laman ... at sa pagpapatuloy ng sumandaling buhay-paraiso ay pinalipas ko
ang ilang gabi at magdamag na lumilipad, nangangarap kung papaano kong muling
isasaayos ang lahat: dadamitan ko ang mga bata; ang kaisa-isahan kong dalaga’y
matiwasay kong ibabalik sa kandungan ng pamilya ... at marami ... marami pang
iba ... ayon sa nararapat.” Napakislot si Marmeladov, nagtaas ng ulo at tumitig sa
kaniyang kaharap, “Ngunit ... nang sumunod na araw, kinagabihan, makaraan ang
matamis kong pangangarap ay buong katusuhan at gaya ng magnanakaw sa gabi,
kinuha ko ang susi mula sa baul ni Katerina Ivanovna at tinangay ko ang lahat
ng natitira pa sa ibinigay kong suweldo, hindi ko na matandaan kung magkano
lahat, at heto nga, kayong lahat, masdan ninyo ako! Limang araw na akong hindi
umuuwi, tiyak na hinahanap na ako, wala na rin ang trabaho ko, ang uniporme
ko’y naroroon sa isa pang taberna, sa tulay Ehipsiyo, ipinagpalit ko sa suot kong
ito ... a, tapos na ang lahat!”
Mariing sinuntok ni Marmeladov ang sariling ulo, nagngangalit ang mga
ngipin, pikit ang mga mata, at mariing idiniin ang mga kuko sa mesa. Ngunit
makaraan ang ilang saglit, nagbago ang himagas ng kaniyang mukha, tumitig kay
Raskolnikov at humahalakhak na nagsabi:
“Kanina ay pinuntahan ko si Sonya upang hingan ng ipang-iinom, he,
he, he!”
“Ha? At huwag mong sabihin na binigyan ka pa?” sigaw ng isa sa mga
bagong dating at tumawa nang ubod-lakas.
26 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Ito! Ito mismong baso ng alak na ito ay galing sa perang ibinigay niya,”
bigkas ni Marmeladov na si Raskolnikov lang ang kinakausap. “Kinuha ni Sonya
ang natitira pa niyang tatlumpung kopek at ibinigay sa akin. Iyon ang lahat at
huling pera niya, alam ko, nakita ko mismo ... walang-imik, tahimik lang na
tumingin sa akin at iniabot ... Ginoo, ang ganoong kabaitan ay hindi panglupa
kundi nababagay lang sa langit! Doon na kung saan tayo’y inaalala, iniiyakan
ngunit hindi sinisisi ... ngunit iyon ay mas masakit, mas mahapdi kung hindi ka
sinisisi. Tatlumpung kopek ang ibinigay niya, oo nga, ngunit di ba mas kailangan
niya iyon? Anong palagay ninyo, ginoo? Dapat ay nag-aayos siya ngayon, mahal
din ang magpaganda sa panahon ngayon, di ba? Kailangang bumili ng pomada,
at hindi rin maaari na basta na lang palda ang isuot, ang kailangan ay iyong
may porma para naman di-nakakahiyang ilabas ang mapuputing binti kapag
humahakbang sa maputik na lubak. At heto akong ama sa dugo, kinuha ko pa ang
tatlumpung kopek para lang ipang-inom. Ngayon nga’y umiinom at nakainom na
nga! At sino ngayon ang maaawa sa isang gaya ko? Ha? Ano, ginoo, naaawa ba
kayo sa akin? O hindi?” sabay tawa, “he, he, he!”
Magsasalin pa sana ito ng alak mula sa pitsel ngunit wala na pala itong
laman.
“Ano naman ang dapat kaawaan sa iyo, ha?” sigaw ng may-ari na naroroon
na pala sa kanilang tabi.
Umalingawngaw ang halakhakan at saka murahan. Ang mga nakikinig
naman, sila-sila’y tigas sa katatawa at kamumura, pati na ang di-nakikinig ay
natatawa rin pagtingin pa lang sa hugis ng ganoong retiradong opisyal.
“Kaawaan! Bakit ako dapat kaawaan?” Biglang tayo, pasigaw na nakalahad
ang kamay ni Marmeladov, tila inspiradong iyon lang ang salitang hinihintay. “Ang
sabi mo’y bakit ako dapat kaawaan? Oo, hindi ako dapat kaawaan! Ang dapat sa
aki’y ipako, ipako sa krus at hindi dapat kahabagan! Kaya’t ipako ninyo ako, mga
hukom, ipako, ngunit pagkapako ... saka ninyo kahabagan! Ako mismo ay tutungo
sa aking kalbaryo. Hindi ako uhaw sa kaligayahan, kundi luha at pait ang hanap
ko! Ikaw, tindero, sa akala mo ba’y ligaya ang ibinibigay sa akin ng iyong pitsel?
Pagdurusa at sama-ng-loob lamang ang hinihigop ko mula sa kaniyang pinakasaid
na sahig, iyon lang ang aking natatagpuan. Ngunit siya na nakauunawa at naaawa
sa lahat ay magdadalang-habag sa atin. Kaaawaan niya tayo. Siya ay kaisa-isahan.
Siya lang ang hukom na darating sa takdang araw at magtatanong: ‘Nasaan ang
butihing anak na hindi natakot, bagkus ay kinahabagan pa ang amang hayop at
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 27

talamak na lasenggo?’ at idurugtong pa niya, ‘Halika, minsan na kitang pinatawad


... minsan pa’y patatawarin ... pinatatawad din ang iba mo pang kasalanan ...
sapagkat ikaw ay tapat, lubos, at labis magmahal ... ” Alam kong patatawarin niya
ang aking si Sonya ... alam ko ... iyon ay natitiyak ko tuwing kaharap ko siya.
Nararamdaman ko.”
“Lahat ay titimbangin at ... patatawarin: ang mabuti at masama, ang
paham at karaniwan. Pagkatapos ay magwiwika rin siya sa atin: ‘Halikayo! mga
manginginom, mga mahihina, mga kahiya-hiya!’ At tayo’y tatayo di mahihiyang
lalapit. Sasabihin niya: ‘Mga baboy! Hinugis kayo sa hayop at dala ninyo ang
kaniyang tanda, ngunit halikayo sa akin!’ at magtatanong ang pantas at matalino;
“Panginoon, pati ba sila ay inyong tatanggapin?” Ang tugon ay: ‘Oo, tatanggapin
ko sila. Alam mo ba kung bakit, Pantas? Tatanggapin ko sila dahil wala isa man
sa kanila ang nag-akalang karapat-dapat siya sa aking kaharian.’ Ibubuka niya ang
kaniyang kamay, tanda ng malugod na pagtanggap sa atin at tayo’y magpapatirapa,
mananangis ... at mauunawaan ang lahat! Doon natin mauunawaan ang lahat!
Ang lahat ay makakaunawa na ... maging si Katerina Ivanovna ... O, Panginoon,
mapasaamin ang kaharian mo!”
At umupo na siya, nanghihinang tila naubusan ng lakas, hindi nakatingin
kahit kanino na parang nakalimutan ang paligid at natulos sa malalim na
pagninilay. Ang mga binitiwan niyang salita’y sandaling tumalab sa mga nakikinig.
Sumandaling namayani ang katahimikan bago muling sumambulat ang tawanan
at pagkutya:
“Marunong palang mangatuwiran!”
“Magsisimulang muli ... ”
“Hayan, ang opisyal!”
At kung ano-ano pa.
“Ginoo, lumakad na tayo,” sabi ni Marmeladov, iniangat ang ulo at
kinausap si Raskolnikov, “Maaari ba ninyo akong maihatid sa bakuran ng gusaling
Kozel. Oras na ... pupuntahan ko si ... Katerina Ivanovna ... ”
Kanina pa gustong umalis ni Raskolnikov. Sumagi rin sa isip niya na
alalayan ang lasing. Higit ang panghihina ng tuhod ni Marmeladov kaysa pilantik
ng dila, mahigpit siyang kumapit sa binata. Mga dalawang daan hanggang
tatlong daang hakbang din ang lalakarin. Habang papalapit sa patutunguhan ay
sinasakmal ng pag-aalala at pangamba ang lasenggo.
“Hindi si Katerina Ivanovna ang kinatatakutan ko ngayon,” bulong
28 FEODOR DOSTOYEVSKY

niya sa sariling kinakabahan. “Hindi rin ang pagsabunot niya sa akin, ano ba ang
kuwenta ng buhok! Kahit ano pa ang sabunutan niya o anuman ang gawin sa
akin ay hindi ako natatakot ... ako ay takot na tingnan ang kaniyang mga mata ...
takot din akong tingnan ang mapupulang pantal sa kaniyang pisngi ... isa pa’y ang
kaniyang paghinga ... Alam mo rin ba kung paano huminga ang isang maysakit
na kagaya ng kaniya, lalo na’t masasal ang tibok ng dibdib ... ang pagpapalahaw
ng mga bata ... dahil kung hindi sila pinakain ni Sonya, aywan ko kung ano na
ang nangyari ... hindi ko alam! Ginoo, hindi ako takot sa bugbog, ang pananakit
ay hindi nagpapahirap sa akin, ang totoo’y nagdudulot pa ito ng katiwasayan ng
loob, ng tuwa ... dahil hindi ko rin kaya ang walang pahirap. Mabuti pa nga ang
ganoon ... Pakialalayan ...”
Pumasok sila sa bakuran at pumanhik sa ikaapat na palapag. Habang
papaakyat ay papadilim sa hagdan. Halos mag-aalas onse na ng gabi at kahit wala
naman talagang gabi sa St. Petersburg12 sa tag-araw ay madilim talaga sa hagdan.
Isang maliit at maruming pinto ang nakabukas sa may dulo ng hagdan.
Naiilawan ng kandila ang napakaliit na kuwartong sasampung hakbang ang haba.
Mula sa pasukan ay kita ang kabuuan ng kuwarto. Makalat at walang-kaayusan
ang loob, nakasabog ang mga damit ng bata. Sa sulok ay nakalapag ang butas-
butas na puting kumot. Dalawang upuan lamang at isang luma, tagpi-tagping
sofa ang makikitang nasa harapan ng lumang mesang kainan, gawa sa kahoy ng
Pino, walang pahid ng pintura at walang mantel man lang. Nasa dulo ng mesa
ang nauupos nang kandilang nakatayo sa kandelaryang bakal. Ang kuwarto ni
Marmeladov ay nakahiwalay, hindi sulok, ngunit daanan. Ang pinto patungo sa
iba pang pinauupahang kuwarto o hawla ni Amalia Feodorovna ay bukas din.
Maririnig ang ingay, usapan, at tawanan. Malamang ay naglalaro sila ng baraha
at umiinom ng tsaa. Kung minsa’y may nagpapalipad ng mga malalaswang salita.
Agad nakilala ni Raskolnikov si Katerina Ivanovna. Siya ay matangkad,
balingkinitan, magandang kumilos, may napakagandang mamula-mulang buhok,
ngunit siya’y payat na payat at totoong punong-puno ng pulang pantal ang kaniyang
mukha. Paroo’t parito siya sa loob ng munting silid, nakakuyom ang kamay sa dibdib,
nabibitak ang mga labi, at habol nito ang paputol-putol na paghinga, mata niya’y
gaya ng sa inaapoy sa matinding lagnat, matalim at matigas ang kaniyang tingin.

12 Ang St. Petersburg ay ang kapitolyo ng Imperyong Rasya. Dahil malapit na ito sa North Pole
ay may mga panahon sa tag-araw na hindi dumirilim sa maghapon at magdamag. Hindi lubusang
lumulubog ang araw.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 29

Nakapanlulumong masdan ang kaniyang nag-aalalang mukhang sinisinagan ng


huling aandap-andap na liwanag ng nauupos na kandila, habang tila nanginginig
ang kaniyang maputlang pisngi. Sa tingin ni Raskolnikov, siya’y mga tatlumpung
taong gulang lamang, sadyang hindi bagay kay Marmeladov. Hindi niya narinig,
ni napansin ang mga pumasok. Tila wala ito sa sarili, walang naririnig, wala ring
nakikita. Maalinsangan sa kuwarto ngunit hindi niya binuksan ang pinto. May
amoy ang hangin na galing sa hagdan, ngunit iniwan niyang bukas ang pinto roon
at hindi lang basta nakaawang. Mula naman sa loob ng gusali’y umaagos na parang
alon ang usok-tabako na lalong nagpapaubo sa kaniya. Ang pinakabatang babae,
na marahil ay anim na taong gulang, ay natutulog sa sahig, nakaupo, nakasandal,
at nakahilig ang ulo sa sofa. Ang batang lalaki naman, na siguro’y mas matanda ng
isang taon ay nangangatal at humihikbi sa isang sulok, mukhang katatapos lang
saktan. Ang siyam na taong gulang na batang babae, payat, matangkad, parang
palito ng posporo, ay nakasuot ng maiksi at butas-butas na damit, nakasampay sa
kaniyang hubad na balikat ang isang lumang balabal na tinahi niya mismo, mga
dalawang taon na ang nakararaan at ni hindi na ito nakaaabot sa kaniyang tuhod.
Nakatabi siya sa sulok, sa tabi ng kaniyang nakababatang kapatid, yakap ng payat
na kamay ang tuyot at manipis nitong leeg. Patuloy niya itong binubulungan,
inaalo, at kinakalamay ang loob habang sinusundan ng kaniyang matang itim na
itim ang sariling ina, lalong lumaki ang mata dahil sa payat at humpak na pisngi.
Hindi tumuloy si Marmeladov, sa halip ay itinulak papasok si Raskolnikov at
lumuhod sa bungad ng kuwarto. Pagkakita ng babae sa di-kilalang tao ay sandali
itong nag-alala, pagkaraan ay pinabayaan na lang ang binata, tumayo na lang
ito at tumungo sa pinto upang mas lalo pa itong buksan. Napasigaw siya nang
malakas, nangangatal, nang makita ang asawang nakaluhod. “A, ang pusakal! Ang
walang-hiya! Nagbalik! Nasaan, nasaan ang pera! Bakit iba ang suot mo, nasaan
ang damit? Ang pera, ipakita mo! Ang bulsa! Magsalita ka!”
Sinimulan nga siyang kapkapan ng asawa, itinaas pa ni Marmeladov ang
kamay upang mapadali ang lahat, ngunit wala na ni isang kusing.
Pasigaw na, “Nasaan ang pera! O, Panginoon ko! Ipinang-inom yatang
lahat! Labindalawang buo pa ang natitira ... ang bulsa mo ... ipakita mo! Sa
sama-ng-loob ay pasabunot niyang hinila si Marmeladov, na upang mapagaan
pa ang ginagawa sa kaniya ng asawa ay pagapang itong sumusunod. “Gi-no-o,
hin-di ito maa-sa-kit kun-di na-ka-pag-pa-pa-li-gaaa-ya sa akin!” sigaw niya
habang hinihila sa buhok. Makailang ulit pa ngang nauntog ang ulo nito habang
30 FEODOR DOSTOYEVSKY

kinakaladkad. Umiyak ang batang natutulog sa sahig na gulat nang magising.


Nagpapalahaw naman ng iyak ang batang lalaki, nanginginig, at halos wala sa
sariling nagsusumiksik sa takot sa kaniyang ateng namumutlang parang papel.
“Ipinanglaklak mo ng alak, ipinanglaklak mo lang! Paano na sila, ang
mga bata’y gutom na gutom!,” sigaw ng babae. Biglang binalingan si Raskolnikov,
“Kayo, magkasama kayo sa inuman, ano? Magkasama nga! Hindi ka ba nahihiya?
Layas!”
Nagmamadali sa pag-alis ang binata, walang iniwan ni isang salita. Naka-
awang naman ang pinto at nakikinig ang ilang tsismoso, mga nakatawang mukha,
may sigarilyo, tabako, baraha, at hinahangin ang damit pang-tag-araw. Pigil na
pigil ang tila napakasarap na tawa, lalo na nang marinig ang sigaw ni Marmeladov
habang nasasarapang sabunot na hinihila papasok sa kuwarto. Makakapal ang
mukhang nagpasukan pa ang ilan upang makiusyoso hanggang sa si Amalia
Lippivechsel na ang sumugod at inayos ang lahat. Sinigawan nito ang kawawang
babae at tinakot pa nang isandaang ulit sa pamamagitan ng bantang pagpapalayas
sa kanila kinabukasan din. Samantalang si Raskolnikov, bago tuluyang lumisan, ay
dumaklot sa bulsa at inilagay ang lahat ng laman sa pasamano.
Nang nasa hagdan na ay nag-isip na nag-atubili, “Ano bang kalokohan
ang ginawa ko? Kailangan ko rin ng pera, sila nama’y may Sonya.” Hindi na rin
siya makababalik ngayon at hindi na rin niya kukunin ulit iyon. Iwinasiwas na
lang ang kamay at nagtuloy na ang binata sa kaniyang tirahan. May maasim na
ngiting sumilay sa labi. “Kailangan din ni Sonya ng pera ... upang magpaganda
at magpabango ... pomada, damit ... hindi yata biro ang mangaso ng mainit at
mayaman ... mina, mina ang kanilang natagpuan at mahihirati sila. Bukas ay di
na nila kakailanganin ang pera ko. Iiyak man ay masasanay rin sila kalaunan.
Nasasanay rin ang tao sa kawalang-hiyaan.”
At nag-isip-isip siya. “Ngunit papaano kung ako’y nagkakamali? Na ang
tao pala’y hindi naman talagang masama, pati na ang buong sangkatauhan. Ibig
sabihin ay haka-haka lamang ang lahat, puro hungkag na pag-aalala lamang at
walang anumang hadlang sa bawat layunin. Ganoon ang dapat!”
III

KINAUMAGAHAN AY TANGHALI na siyang bumangon. Matapos ang


magdamag na punong-puno ng agam-agam, nagising siyang masama ang
pakiramdam, mainit ang ulo, at namumuhing iginala ang paningin sa kakabahayan.
Ito ay maliit na hawla, mga anim na piye lamang ang haba, nakalulunos ang
hitsura; naninilaw ang lumang pantapal sa dingding na punong-puno ng alikabok
at hindi nagagalaw, bukod pa ang napakababang kisame, lumaki lang nang kaunti
kaya nagkakasya ang tao. Ang pakiramdam ay para bang sa tuwina’y mauuntog
ka. Nababagay naman ang mga kagamitan sa lugar: tatlong lumang silyang hindi
nakukumpuni at isang taburete na kinapapatungan ng ilang kuwaderno at libro.
Sa unang tingin pa lang ay mahihinuhang matagal na silang hindi nagagalaw
,gaya ng alikabok na nakakumpol, at panghuli’y ang sofang hindi nababagay sa
laki, sakop na nito ang buong dingding at halos kalahati na ng buong kuwarto;
dati’y may magarang sapin ngunit ngayo’y lukot at luma na, na naging tulugan
na lang ni Raskolnikov. Kadalasan ay natutulog siya na hindi na nagpapalit ng
damit. Nakasuksok ang ilang kagamitan niya sa gilid upang kahit umangat lamang
ang ulo sa pagkakahiga ay para na rin siyang nakaunan. Sa harapan ng sofa ay
mayroong maliit na upuan.
Hindi nga masyadong makagalaw at hirap pang bumaba mula sa lugar
si Raskolnikov, ngunit para sa kaniya’y nababagay iyon sa kalagayan ng kaniyang
32 FEODOR DOSTOYEVSKY

kaluluwa. Ipinasya niya na talagang pabayaan ang lahat, gaya ng pagong na itinago
ang ulo mula sa lahat ng bagay. Maging ang katulong na paminsan-minsan ay
dumadalaw upang linisin ang kuwarto ay ayaw niya halos makausap o makaharap
man lang. Halos nagdulot ito sa kaniya ng pait at kombulsyon. Ganoon ang
nangyayari sa mga laging nag-iisa na labis ang pagtutuon ng pansin sa iisang
bagay. Dalawang linggo nang pinatigil ng may-ari ang pagpapahatid ng pagkain
sa kaniya subalit ni hindi siya nagtatangkang makipag-usap man lang kahit pa
nga hindi na rin siya hinahatiran ng hapunan. Si Nastasya naman, kaisa-isahang
tagalinis at katulong ng may-ari, ay natutuwa rin sa ganoong ugali ng naninirahan.
Tuluyan na rin niyang itinigil ang paglilinis at pagwawalis, siguro’y minsan na
lang sa loob ng isang linggo kung datnan pa ng gana. Ngayon nama’y siya pa ang
gumising kay Raskolnikov.
“Tumayo ka na! Ano pa ang itinutulog mo? Mag-aalas-diyes na!” sigaw
niya. “Dinalhan kita ng tsaa, tsaa man lang ay lamnan mo ang iyong sikmura.”
Napakislot ang nangungupahan, ibinuklat ang mga mata at dagling
nakilala si Nastasya. “Mula ba sa may-ari ang tsaang iyan?” tanong niya habang
painot na bumabangong mabigat ang anyo:
“Ano’ng galing sa may-ari!” Inilagay niya ang lalagyan ng tsaa sa kaniyang
harapan, malamig na ang tsaa, at dalawang naninilaw na pirasong asukal.
Kumapkap ng barya si Raskolnikov at iniabot kay Nastasya, “Heto,
bumili ka ng tinapay at kahit na mumurahing longganisa.” Sumagot ito, “Ngayon
din ay dadalhan kita ng tinapay, pero sa halip na salami, baka gusto mo ng shi o
sabaw ng repolyo. Masarap, kahit kahapon pa ang shing ito. Itinira ko para sa iyo
ngunit hindi ka nga dumating.”
Pagkadala ng sabaw na shi ay kinain na ito ng binata. Si Nastasya nama’y
umupo sa kaniyang tabi at nagsimulang magkuwento. Siya ay taga-bukid at
talagang madaldal.
“Gusto ka nang isumbong sa pulisya ni Praskovya Pavlovna.”
Napangunot-noo si Raskolnikov, “Sa pulis? Bakit, ano ba ang gusto niya?”
“Hindi ka nagbabayad ng upa, tapos hindi ka nagpapakita ni anino ...
alam mo na kung ano ang gusto.”
“A, heto pa, ito na lang ang kulang,” bulong niyang nagngangalit ang
ngipin, alam na kalabisan na ito, “Baliw siya!” malakas at idinugtong na bukas na
bukas din ay makikipag-ayos siya sa may-ari.
“Oo nga, sira siya, kagaya ko, e, ikaw, ano? Matalino? Nakahiga kang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 33

parang supot at hindi nagpapakita? Sabi mo’y gusto mong magturo sa mga bata,
pero ngayon ay ano? Wala ka nang inaatupag.”
“Ako ay may ginagawa ... ,” matigas at parang ayaw magsalita ni
Raskolnikov.
“Ano ang iyong ginagawa?”
“Trabaho ... ”
“Ano’ng trabaho?”
“Pag-iisip,” seryosong sagot ng binata at tumahimik.
Tigas na katatawa ni Nastasya. Siya’y sadyang palatawa at pag napatawa
nama’y nanginginig ang buong katawan, bubuka ang bibig ngunit walang tinig na
maririnig hanggang sa halos himatayin na’t hindi makahinga.
“Akk-aaal-aa mo maa-pee-raa!” sa wakas ay nasabi niya.
“Kung wala bang sapatos ay hindi ka na makapagtuturo sa mga bata ... a,
wala akong pakialam, pwe!”
“Huwag ka lang dudura sa balon!”
“Binabayaran ang pag-aaral. Ano ang magagawa ng barya?” walang
ganang sagot ni Raskolnikov na parang sarili lang ang kinakausap.
“Gusto mo ba, nasa iyo na agad ang lahat ng kapital?”
Tigagal na napatitig ang binata sa katulong at matigas na sumagot, “Oo,
buong kapital,” at siya ay tumahimik.
“Naku, dahan-dahan lang at baka ka mabulunan. Nakatatakot naman
ang iyong mga mata. Ano, kukuha na ako ng tinapay?”
“Bahala ka.”
“Siyanga pala, nakalimutan ko na, kahapong wala ka ay may dumating
na sulat para sa iyo.”
“Sulat para sa akin? Galing kanino?”
“Kung kanino galing ay hindi ko alam pero nagbayad ako ng tatlong
kopek sa kartero. Bayaran mo ako.”
“Siyempre, dalhin mo rito, taong ito, oo.”
Ilang minuto pa at heto na ang sulat. Tulad ng dapat asahan, galing sa
kaniyang ina mula sa probinsiya. Matagal na siyang hindi nakatatanggap ng sulat,
namutla pa siya nang tanggapin ito, ngunit ngayon lang siya kinabahan nang husto
at tila may sumasakmal sa kaniyang puso.
“Nastasya, utang-na-loob, iwan mo na ako, heto ang iyong tatlong kopek
at parang awa mo, umalis ka na.”
34 FEODOR DOSTOYEVSKY

Nanginginig ang sulat sa kaniyang kamay, ayaw niya itong basahin na


may nakamata. Nais niyang mapag-isang kasama ang sulat. Pagkaalis ni Nastasya
ay masuyong hinalikan ng binata ang sulat, matagal na tinitigan ang adres at ang
kilala niyang maliliit at nakapahilig na sulat ng sariling ina, na noon ay nagturo
sa kaniyang bumasa at sumulat. Mabagal si Raskolnikov, parang may kung anong
kinatatakutan. Sa wakas, binuksan niya ito: mahaba ang sulat, baligtaran, at
makapal, dalawang papel na punong-puno ng maliliit na titik:

Mahal kong Rodya,


Dalawang buwan na nga nang huli akong makipag-usap sa iyo sa
pamamagitan ng liham. Ako mismo’y nahihirapan at may mga gabing hindi
nakatutulog sa pag-iisip. Ngunit, marahil ay hindi mo naman ako sisisihin sa
aking pananahimik na di ko naman kagustuhan. Alam mo kung gaano kita
kamahal. Nag-iisa ka para sa akin, para sa amin ni Dunya, ikaw ang lahat
sa amin, ang aming pag-asa, ang aming kaligtasan. O, ano’ng saklap nang
malaman kong ilang buwan ka nang tumigil sa pagpasok sa unibersidad
dahil wala na kaming ipantutustos sa iyong mga kailangan. Paano ka ba
matutulungan ng aking siyento benteng pensiyon sa loob ng isang taon? Ang
kinse rublo na ipinadala ko sa iyo, apat na buwan na ang nakalilipas, tulad
ng alam mo, ay inutang ko lang sa tagaritong mangangalakal na si Afanasii
Ivanovich Vachrushin, prenda ang aking pensiyon. Siya ay mabait na tao
at kilala rin ng iyong ama. Ngunit dahil sa siya ang tumanggap ng aking
pensiyon ay wala akong makuha hangga’t hindi ko nababayaran sa kaniya
ang aking utang. At ngayon ko nga lang iyon nabayaran. Kaya’t wala nga
akong maipadala sa iyo noon ni isang kusing. Ngunit ngayon, salamat sa
Diyos, ay maaari na kitang padalhan uli at ang totoo’y maaari pa kaming
magbalita ng magandang kapalaran, ukol dito’y nagmamadali nga akong
ibalita sa iyo. Una, alam mo ba na isang buwan at kalahati na kaming
magkasama ngayon ng iyong kapatid at hindi na kami maghihiwalay pa.
Purihin ang Diyos, at natapos din ang kaniyang pagdurusa. Ngunit iisa-
isahin kong ikuwento sa iyo upang malaman mo lahat kung bakit kami’y tila
sukat na nawala na lamang. Noong sumulat ka, dalawang buwan na ang
nakararaan at nagtanong tungkol kay Dunya, dahil narinig mo na labis ang
paghihirap niya sa kamay ni Svidrigailov, gusto mong alamin ang buong
katotohanan mula mismo sa akin. Ngunit ano ang maaari kong isagot sa iyo?
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 35

Kung isinulat ko sa iyo ang katotohanan ay tiyak na iiwanan mo ang lahat


at kahit maglakad ay pupunta ka rito, alam ko ang iyong ugali at damdamin,
hindi mo hahayaang maapi ang iyong kapatid. Ako mismo ay labis na
nagdurusa ngunit ano ang aking gagawin? Ako man ay hindi nakaaalam sa
buong katotohanan noon. Ang buong pangyayari ay ganito:
Si Dunya ay namasukan bilang katiwala kina Svidrigailov,
tumanggap siya ng paunang-bayad na isandaang rublo sa kondisyon na
buwanang ibabawas iyon sa kaniyang suweldo. Ganoon na nga ang nangyari
at hindi siya makaalis hanggat di natutumbasang lahat ang paunang-bayad.
Ngayon ay maipaliliwanag ko na ang lahat, pinakamamahal na Rodya.
Kinuha niya ang perang iyon upang ipadala sa iyo ang kailangang-kailangan
mong animnapung rublo, na natanggap mo noong nakaraang taon.
Nagsinungaling kami sa iyo, sinabi namin na ang perang iyon ay galing sa
ipon ni Dunya, ngunit iyon ay hindi totoo. Ngayon ay sinasabi ko sa iyo ang
lahat ng ito sapagkat nagbago na ang lahat tungo sa kabutihan, sa tulong ng
Diyos, at para malaman mo rin kung gaano ka kamahal ng iyong kapatid na
si Dunya, napakalinis ng kaniyang puso. Totoo na noong una ay napakagaspang
sa kaniya ni Svidrigailov, may mga kawalang-pitagan at pangungutya
siyang ginawa kay Dunya, maging sa harap ng hapag-kainan ... ngunit
hindi na ako magtatagal pa sa ganitong detalye upang hindi ka na lang mag-
alala, lalo ngayo’t mabuti na ang lahat. Sa madaling salita, maganda man
ang pakikitungo nina Martha Petrovna, asawa ni Ginoong Svidrigailov,
sampu ng kaniyang mga anak, kay Dunya, ay hirap na hirap pa rin siya, lalo
na’t naroroon si Ginoong Svidrigailov, ang kaniyang nakagawiang ugaling
militar at paglalasing, nasa ilalim lagi ng kapangyarihan ni Bacchus13. At
ano pa ang sumunod na pangyayari? Ipagpalagay na ang sira-ulong iyon ay
mayroong pagnanasa kay Dunya at pilit lang ikinukubli sa pagmamalabis at
galit sa kaniya. Marahil ay nahihiya siya at di rin masikmura na ang
matandang gaya niya ay bulag na nagnanasa kaya’t gayon na lang ang
pagkamuhi kay Dunya. O kaya nama’y ginagawa lang niya iyon upang hindi
mahalata ng lahat. Sa wakas ay hindi na nakapagtimpi at nagtapat kay
Dunya, kasabay nito ay pinangakuan siya ng kung ano-ano. Itatakas na lang
siya at pupunta raw sa ibang bayan. Mararamdaman mo kung papaano na

13 Si Bacchus ay ang Diyos ng alak at pagdiriwang sa sinaunang Gresya.


36 FEODOR DOSTOYEVSKY

lang ang hirap ng loob ni Dunya! Hindi maaaring iwanan ang trabaho, di
lang dahil sa utang kundi sa awa kay Martha Petrovna, na makatutunog at
siyang magbubunga ng gulo sa pamilya. Maging para kay Dunya, kung
nagkataon, ay isa ring napakalaking eskandalo dahil hindi naman iyon basta
mapalalampas. Napakaraming dahilan kaya’t sa loob ng anim na buwan ay
hindi makaalis-alis si Dunya mula sa isinumpang bahay na iyon. Kilala mo
si Dunya, kung paano siya mag-isip at gaano katibay ang pag-uugali. Kahit
ano pa ang suliranin at kalagayan ay may puso at lakas ng loob si Dunya na
ito ay harapin at lampasan, ganoon siya katibay, ni wala nga siyang sinabi sa
akin bagama’t madalas kaming nagkakabalitaan upang hindi ako maghirap.
Hindi nga sinasadya ang pagkakatuklas ng lahat. Hindi sinasadya ay narinig
ni Martha ang kaniyang asawa na nakikiusap kay Dunya sa halamanan. At
nang akalain na may nangyayaring katiwalian ay sinisi pati si Dunya,
akala, siya ang puno’t dulo ng lahat. Noon din ay naganap ang eskandalo sa
halamanan: sinaktan pa ni Martha Petrovna si Dunya at ayaw makinig sa
anumang paliwanag at nagsisigaw na roon. Iniutos na ora mismo ay ihatid
na si Dunya sa akin. Noon din nga ay itinambak kahit papaano na lang ang
lahat ng kagamitan niya sa simpleng kareta, gaya ng damit, pantulog, at iba
pa. nang di-nakaayos o nakatali man lang, at pinaalis na. Noon nama’y
bumuhos ang malakas na ulan at ang kaawa-awang si Dunya, inalipusta’t
pinahiya ngayo’y maglalakbay pa ng humigit sa 17km. Kasama ng kutsero,
sakay ng walang-bubong na karetang pang-alipin. Kaya’t ano ngayon ang
maisasagot ko sa sulat mo, dalawang buwan na ang nakararaan? Ako man ay
naguluhan at hindi nagkalakas-loob na isiwalat sa iyo ang buong katotohanan
sapagkat alam kong hindi mo iyon ikatutuwa, bagkus ay ikasasama lang ng
iyong loob at labis na ikagagalit. Kilala kita. At isa pa’y ano pa ang magagawa
mo? Lalo ka lang mahihirapan, at saka ipinagbawal din ni Dunya na sabihin
sa iyo. Hindi ko naman magagawang punuin ang sulat ng kung ano-ano o
dili kaya’y magsusulat ng tungkol sa ibang bagay gayong punong-puno ng
kapaitan ang aking puso. Isang buwang umikot ang sabi-sabi tungkol sa
istoryang iyon, dumating pa sa puntong hanggang sa simbahan ay hindi kami
makaligtas sa mapang-uyam na tingin at usap-usapan ng mga tao. Kung
minsan nga, kahit sa aming harapan ay iyon din ang pinagbubulungan. Wala
nang bumati at lumayo ang lahat ng kakilala namin. Upang lalo tayong
maliitin ay may ilan pang tindera at nagpapautang nang may patubo ang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 37

nagpahid ng itim na pintura sa ating tarangkahan. Pinaaalis naman kami


ng kasera. Ang lahat ay dahil kay Martha Petrovna. Siniraan at ipinagdiinan
si Dunya sa buong bayan. Kakilala niya halos lahat ng tagarito sa atin at
madalas siyang magpunta rito ng mga araw na iyon. Siya’y may kadaldalan
at makuwento ukol sa sariling buhay pampamilya, mareklamo rin ukol sa
sariling asawa sa kahit sinong makaharap, kung kaya’t sa loob lamang ng
isang buwan ay naikalat na niya, hindi lamang sa bayan kundi pati sa mga
liwasan ang tungkol kay Dunya. Nagkasakit ako, si Dunechka naman ay mas
matibay sa akin. A, kung nakita mo lang kung papaanong tiniis ni Dunya
ang lahat. Pilit pa niya akong inaaliw at pinalalakas ang loob. Isa siyang
anghel. At sa awa ng Diyos ay naibsan ang aming pagdurusa. Matapos
makapagnilay ay nagsisi si Ginoong Svidrigailov, kinaawaan din niya
marahil si Dunya kung kaya’t ipinakita niya ang katunayan ng kawalang-
kasalanan ni Dunya: isang liham na isinulat ni Dunya bago pa man sila
datnan ni Martha Petrovna sa hardin. Dito’y tinanggihan niya ang lahat ng
panliligaw, pamimilit, at pakikipagkita sa hardin. Naiwan ang sulat na ito
sa mga kamay ni Ginoong Svidrigailov nang lumisan si Dunya. Sa sulat ay
buong katapangan niyang nilibak sa di-matuwid na inaasal at pakikitungo
nito kay Martha Petrovna. Ipinamukha niyang siya’y ama ng tahanan at
kahiya-hiyang pahirapan niya ang nagdurusa na nga’t walang kalaban-
labang dalaga. Sa madaling salita, mahal kong Rodya, ang liham na ito’y
isinulat nang puno ng damdamin. Ako mismo’y umiiyak at di maaaring di
lumuha sa tuwing babasahin ito. Maliban pa roon, bilang pagpapawalang-
sala ay naglitawan ang iba pang patotoo ng mga katulong na kadalasan ay
higit ang nalalaman at nakikita kaysa ipinagpapalagay ni Ginoong
Svidrigailov. Labis ang pagkamangha ni Martha Petrovna at “muling
namatay” gaya ng kaniyang pag-amin. Gayumpaman, naalis ang anumang
pag-aalinlangan ukol sa kawalang-kasalanan ni Dunya. Kinabukasan din
ay nagtuloy ito sa simbahan, nakaluhod at lumuluhang nanalangin sa
Birheng Maria, na sana’y bigyan siya ng sapat na lakas upang balikatin ang
bagong pagsubok na dumating sa kaniyang buhay, na sana’y magampanan
niya ang tungkuling dapat gawin. Pagkatapos, mula sa simbahan ay nagtuloy
siya sa atin. Ikinuwento niya habang mapait na lumuluha ang lahat sa amin.
Buong pagsisising niyakap niya si Dunya at nagsumamo ng kapatawaran.
Kinaumagahan din, mula sa bahay ay nagtuloy siya nang walang-
38 FEODOR DOSTOYEVSKY

patumangga sa lahat ng kakabahayan sa bayan upang luhaan ding


magkuwento ng mga pangyayaring pabor sa iyong kapatid, sa gayon ay
naibalik niya ang magandang pangalan at reputasyon ng kagandahang asal
at kabutihang loob ni Dunya. Hindi lamang iyon, binasa pa niya nang
malakas at ipinakita ang liham ni Dunya kay Ginoong Svidrigailov.
Hinayaan pa niyang kopyahin ito ng iba (na sa aking palagay ay talagang
kalabisan na). Ilang araw ding ganoon ang kaniyang ginawa, sunod-sunod
na pinuntahan ang mga kakilala sa bayan. Ang iba’y nagsimulang
magdamdam dahil ang iba nga nama’y minarapat na puntahan at
pagsabihan. Kung kaya’t nagkapilahan na kung sino ang susunod na
pupuntahan. Sa mga kakabahayan ay alam na kung saan pupunta si Martha
Petrovna upang magbalita at magbasa ng sulat. At sa bawat pagbabasa ay
nagtitipon iyon ding nakarinig na sa sariling pamamahay at sa bahay pa ng
mga kakilala. Sa tingin ko’y talagang marami, napakaraming kalabisan ang
nangyari, ngunit talagang ganoon ang karakter ni Martha Petrovna.
Magkaganoon ma’y tuluyan niyang naibalik ang dangal at puri ni Dunya.
Lahat ng kahihiyan na hindi na kailanman maitutuwid ay napukol sa
kaniyang asawa bilang pangunahing maysala na tuloy ay nagmukhang
kaawa-awa. Labis naman yatang naging malupit ang lahat sa luku-lukong
iyon. Noon ay naglitawan ang mga paanyaya kay Dunya na magturo sa
kani-kanilang mga anak, ngunit siya na rin ang tumanggi. Bigla’y naging
kagalang-galang siya sa karamihan. Ito rin ang naging pangunahing daan
tungo sa isang di-inaasahang pangyayari na babago sa tadhana nating lahat.
Mahal kong Rodya, dapat mo ring malaman na may nanligaw kay Dunya
na nasagot na rin niya. Ito ang nais ko ring maipaabot agad sa iyo. At kahit
na ito ay nangyari nang lingid sa iyong kaalaman, sana naman ay huwag
kang magdamdam sa amin ng iyong kapatid. Nakikita mo rin siguro na
alangan namang ipagpaliban ang lahat at hintayin muna ang iyong opinyon
ukol dito. At siyempre, hindi rin naman agad-agad na mapag-aaralan ang
lahat. Ganito iyon: siya si Pyotr Petrovich Luzhin, isang abogado at malayong
kamag-anak ni Martha Petrovna na nagsilbing tulay sa dalawa. Sa
pamamagitan niya ay ipinaabot ni Pyotr Petrovich ang kaniyang pagnanais
na kami’y makilala. At tulad ng nararapat ay dumalaw, tinanggap namin
nang maayos, pinainom ng kape, at sa sumunod na araw rin ay nagpadala ng
sulat kung saan buong paggalang na inihayag ang kaniyang mungkahi at
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 39

pagsamo nang mabilis na katugunan. Siya’y maraming ginagawa, abala at


nagmamadaling bumalik sa Petersburg kung kaya’t pinahahalagahan ang
bawat minuto. Siyempre, sa simula ay lubha kaming nagulat dahil masyadong
mabilis at di-inaasahan ang lahat. Maghapong pinag-aralan at pinag-
isipan namin ang lahat. Siya ay taong maaasahan at maykaya, may kapital
at dalawa ang hanapbuhay. Oo nga’t kuwarenta’y singko anyos na pero may
kagandahang lalaki naman at magugustuhan pa rin ng mga babae. Siya ay
talagang solido ang dating at maayos manamit, may pagkaseryoso lamang at
tipong mapagmataas. Ngunit marahil iyon ay sa unang tingin lamang. Kung
kaya’t pinaaalalahanan kita, mahal kong Rodya, na kung magkikita tayo sa
Petersburg, sa lalong madaling panahon, ay huwag magpadalos-dalos sa
paghusga sa kaniya kung mayroon ka mang hindi magustuhan sa kaniya sa
unang tingin. Alam kong ikaw pa naman ay may ganoong ugali. Sinasabi ko
ito sa iyo kung ano’t anuman bagama’t alam kong magiging mabuti ang
impresyon mo sa kaniya. Hindi lamang sa kaniya, kundi sa lahat ng tao, ay
dapat maging maingat at marahan sa paghusga upang maiwasan ang
anumang pagkakamali at pag-aakala na pagkatapos ay napakahirap ituwid
at ayusin. Si Pyotr Petrovich naman, sa maraming pamantayan, ay taong
maginoo. Sa kaniyang unang pagdalaw ay nagwika siya na siya raw ay taong
kahit sa kabuuan ay sumasang-ayon sa tinatawag niyang “paniniwala ng
pinakabago nating salinlahi” at kalaban ng lahat ng batay lamang sa haka-
haka. Marami pa siyang ibang sinabi, palibhasa’y may pagkamapagparangalan
at mukhang siyang-siya kapag pinakikinggan. Siyempre, kaunti lamang ang
aking naintindihan. Ipinaliwanag na lamang ni Dunya na siya’y taong
bagama’t di-gaanong mataas ang pinag-aralan ay matalino at mukhang
mabait. Kilala mo ang iyong kapatid, Rodya. Siya’y babaeng matigas,
matalino, matiisin, at napakabait bagama’t alam na alam kong mapusok ang
damdamin. Oo nga’t sa panig ni Dunya at sa panig niya ay wala naman
talagang pag-ibig. Ngunit si Dunya, maliban pa sa kaniyang talino, ay may
butihing pusong mala-anghel, kaya’t makapagpapaubaya at
makapagpapaligaya sa kaniyang asawa na siya namang mangangalaga sa
kabutihan niya. Sa huli’y wala pa naman tayong sapat na dahilan upang
mag-alinlangan kaya’t sa lalong madaling panahon ay namamag-asa akong
magiging mabuti ang lahat. Siya naman ay taong mapag-adya at makikita
niyang may katiyakan ang kaniyang buhay may-asawa kung magiging
40 FEODOR DOSTOYEVSKY

maligaya si Dunya sa kaniyang piling. At kung mayroon pang anumang


pagkukulang sa pag-uugali, dating nakagawian, kaibahan sa pagtingin sa
buhay (bagay na di maiiwasan kahit sa pinakamatagumpay na pagsasama),
sinabi mismo ni Dunechka na siya’y nananalig sa sarili. Wala raw anumang
dapat na ipangamba dahil marami siyang kayang pagtiisan sa kondisyong
magiging matapat at makatuwiran ang kanilang magiging pagsasama.
Noong una, ang akala ko rin ay tila may kagaspangan siya ngunit iyon
marahil ay dala ng pagiging deretsahan niya, at ito ay ganoon na nga. Tulad
noong kaniyang pangalawang dalaw, sinagot na siya ng “oo,” sinabi niya na
kahit noong hindi pa niya nakikilala si Dunya, ang nais talaga niyang
mapangasawa ay yaong babaeng dumanas na ng matinding kahirapan sa
buhay dahil hindi dapat magkaroon ng anumang utang ang lalaki sa babae at
higit na mabuti kung itinuturing ng babae na kaniyang tagapagligtas ang
kaniyang asawa. Nais kong idagdag na mas malambot at maganda ang
kaniyang pagkakasabi kaysa pagkakasulat ko. Nakalimutan ko na kasi ang
eksaktong pagpapahayag kaya’t ideya na lamang ang aking natatandaan. Isa
pa’y hindi niya siguro sinasadyang sabihin iyon kundi nadulas lamang at
natangay sa init ng usapan. Pagkatapos ay pilit pa nga niyang pinagaan at
itinuwid ang bagay na iyon. Ngunit parang nagaspangan pa rin ako at ito’y
binanggit ko rin kay Dunya. Ngunit may katigasan pa ang naging tugon
niyang “ang salita ay hindi pa gawa” at sa palagay ko ay tama siya. Pinag-
isipan niyang mabuti ang kaniyang naging pasya. Nang gabing iyon ay
magdamag siyang hindi nakatulog at nang akala niyang ako’y himbing na
himbing na ay tumayo siya’t matagal na nagparoo’t parito sa kuwarto. Sa
wakas ay lumuhod at taimtim na nanalangin sa imahen. Kinaumagahan
nga’y ipinahayag niya sa aking tapos na ang kaniyang pasya.
Nabanggit ko na sa iyong si Pyotr Petrovich ay pupunta ngayon sa
Petersburg. Siya’y may malaking trabaho riyan at nais daw niyang magbukas
ng law office sa Petersburg. Matagal na siyang may nilalakad na mga usapin
at iba’t ibang kaso, kamakailan lang ay mayroon siyang isang mahalagang
kaso na naipanalo. Sa Sabado ay kailangan niyang pumunta riyan dahil may
aasikasuhin sa Senado. Kung kaya, mahal kong Rodya, maaari rin siyang
maging kapaki-pakinabang para sa iyo sa lahat ng bagay. At sa palagay
namin ni Dunya, magmula sa araw na ito ay maaari mo nang simulan nang
may katiyakan ang iyong propesyon at ipagpalagay na may nakahanda nang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 41

lugar para sa iyo. O, napakalaking biyaya kung magaganap ang lahat ng


ito! At maituturing na ito nga’y galing sa Dakilang Maylikha. Iyon lamang
ang pinapangarap ni Dunya. Nangahas na rin kaming sabihin ang tungkol
dito kay Pyotr Petrovich at maingat naman siyang tumugon, na tutal ay
kakailanganin din niya ng kalihim, sa halip na ibang tao ay kamag-anak na
lamang ang kaniyang susuwelduhan kung ito naman daw ay may kakayahan
(ikaw pa ba ang sabihing walang-kakayahan!). Gayumpaman, nagpahayag
din siya ng pag-aalala na baka ang iyong pag-aaral sa unibersidad ang hindi
makapagbigay ng panahon sa iyo upang magtrabaho pa sa kaniyang opisina.
Doon na nagtapos ang aming usapan ngunit sa ngayon ay wala nang iba
pang iniisip si Dunya kundi iyon. Ilang araw na rin ngayon na parang laging
nagmamadali at di-mapakali si Dunya. May naisip na siyang kumpletong
plano upang pagkatapos ay makasama mo o kaya’y maging kumpanyero ni
Pyotr Petrovich sa kaniyang mga hinahawakang kaso. Hindi ba’t ikaw rin ay
nag-aabogado? Ako man, Rodya, ay lubos na sumasang-ayon at nakikiisa sa
lahat ng kaniyang plano at pag-asa dahil posible ang lahat ng ito. Madaling
maunawaan kung bakit tila umiiwas si Pyotr Petrovich. Hindi ka nga
naman niya kakilala. Matibay naman ang paniniwala ni Duniya, tiyak na
magiging maganda ang kaniyang impluwensya sa mapapangasawa. Siyempre
pa ay hindi muna namin ipinaalam sa kaniya ang aming pangarap para sa
iyo at ang pinakamahalaga nga sa lahat ay ang pagiging magkumpanyero
ninyo kung sakali. Siya ay taong praktikal at tiyak na malamig lamang ang
kaniyang isasagot sa bagay na iyon dahil tila pangarap lamang iyon. Wala
rin sa aming dalawa ni Dunya ang bumanggit sa kaniya ni kalahating salita
ukol sa aming pag-asang tutulong siya sa pagtustos sa iyo habang ikaw ay
nag-aaral pa sa unibersidad. Hindi na namin binanggit dahil sa iyon ay
magiging natural na lamang at baka nga siya pa mismo ang magmungkahi ng
gayon kahit wala nang marami pang salita (matatanggihan ba naman niya
si Dunechka). Lalo na’t sa malaon ay magiging kanang-kamay ka na niya
kaya’t ang matatanggap mong tulong ay hindi na bilang kawang-gawa kundi
bilang pinaghirapang sahod. Ganyan ang gustong mangyari ni Dunechka at
ako’y lubos na sumasang-ayon sa kaniya. Ikalawa, hindi namin sinabi dahil
gusto naming maging magkapantay ang inyong posisyon sa oras na kayong
dalawa’y magkaharap. Nang ipagmalaki ka ni Dunya sa kaniya ay sinabi
niyang kailangang makita muna ng isa ang sinumang tao nang malapitan
42 FEODOR DOSTOYEVSKY

bago niya ito husgahan at siya mismo ang lilikha ng opinyon tungkol sa iyo
makaraang kayo ay magkakilala. Alam mo ba, mahal kong Rodya, na sa
palagay ko, sa pag-iisip ko (ito ay walang kinalaman kay Pyotr Petrovich
kundi pansarili lamang, o baka kapritsong matanda), mas mabuti na marahil
na pagkatapos ng kanilang kasal ay mainam nang ako’y manirahang mag-
isa, kagaya ngayon na hindi sila kasama. Lubos naman ang aking paniniwala
na siya’y magiging mapagmalasakit at maunawaing manugang, na kusang
mag-aanyaya at mag-aalok sa akin upang kami’y hindi na muli pang
magkahiwalay ng aking anak. At kung magpahanggang-ngayon ay wala pa
siyang binabanggit na ganoon, iyon ay dahil sa ang ganoong bagay ay hindi
na dapat pang sabihin dahil hindi na nangangailangan ng salita at ganoon
na nga ang ipinagpapalagay na dapat mangyari. Ngunit ako na mismo ang
tatanggi pagkaanyaya niya. Sa buhay na ito ay aking napuna nang ilang ulit
na hindi nagkakasundo ang mga magbiyenan. At di lamang dahil sa ayokong
maging pabigat kahit kaunti kaninuman, kundi nais ko rin namang maging
malaya. Sa ngayon, ako’y maligaya na sa pagkakaroon ng anak na kagaya
ninyo: ikaw at si Dunya. Kung maaari lamang ay maninirahan akong
malapit sa inyong dalawa.
Rodya, ang pinakamasayang bahagi ay inilagay ko sa hulihan
ng liham. Alam mo ba, mahal kong anak, na sa lalong madaling panahon
ay muli tayong magkikita-kitang tatlo, muling magkakayakap makalipas
ang mahigit na tatlong taong paghihiwalay! Sa tingin ko’y tuloy na tuloy
na ang pagpunta namin ni Dunya riyan sa Petersburg. Kung kailan ang
eksaktong petsa ay hindi ko pa alam ngunit malapit na malapit na, baka
nga sa susunod na linggo na. Ang lahat ay depende kay Pyotr Petrovich.
Aayusin lamang niya ang ilang bagay riyan sa Petersburg at ipaaalam na
niya agad sa amin. Sa ilang kadahilanan ay nais niyang idaos na agad
ang kasalan, kung maaari ay ngayong kapistahan ng Mahal na Birhen
o kaya’y pagkatapos na mismo, kung hindi maihahabol. Oh, napakalaking
kaligayahan ang muli kang mayakap nang buong-higpit at madama ang
tibok ng iyong dibdib! Si Dunya ay halos di na makapaghintay sa labis na
tuwang hatid ng muli ninyong pagkikita. Minsan nga ay pabiro niyang
sinabi na kahit man lamang sa dahilang iyon ay handa na siyang magpakasal
kay Pyotr Petrovich. Isa siyang anghel! Hindi siya nakasulat sa iyo ngayon at
hiniling na lamang na iparating na napakarami niyang nais sabihin sa iyo,
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 43

at sa dami ay hindi makayang hawakan ang panulat dahil wala rin siyang
masasabi sa pamamagitan lamang ng ilang salita, bagkus ay lalo lamang
bibigat ang kaniyang nararamdaman. Gusto raw niyang ipaabot sa iyo ang
mahihigpit na mga yakap at maraming-maraming halik. Kahit sandali na
lamang at kami mismo’y pupunta na riyan ay padadalhan pa rin kita ng
pera bukas o sa makalawa, ipadadala ko ang pinakamarami kong makakaya.
Nang malaman ng lahat na pakakasal si Dunechka kay Pyotr Petrovich ay
biglang tumaas ang aking kredito, at sa palagay ko’y pahihiramin ako ngayon
ni Athanasy Ivanovich, kahit pitumpu’t limang rublo, ang aking pensiyon
pa rin ang prenda. Kaya’t mapadadalhan kita ng dalawampu’t lima o kahit
tatlumpung rublo. Mas malaki pa sana ang ipadadala ko kung hindi lamang
ako nag-aalala na baka magkulang ang aming gastusin papunta riyan. Kahit
pa buong kabaitang nagpresenta si Pyotr Petrovich, na siya ang bahala sa
aming dala-dalahan, kasama ang malaking maleta (sa tulong ng ilan niyang
kakilala), ay dapat pa ring isipin ang ukol sa pagdating namin sa Petersburg.
Dapat ay mayroon kaming bubong na masisilungan kahit sa mga unang
araw man lamang. Natuos na naming lahat ni Dunya at lumilitaw na
kakaunti lamang ang gastusin sa biyahe. Mula sa atin hanggang sa estasyon
ng tren ay mga siyamnapung kilometro lamang at may kinausap na kaming
tao na maghahatid sa amin. Tapos ay matiwasay na kaming sasakay ng third
class na tren. Kaya’t malamang na tatlumpung rublo at hindi dalawampu’t
lima ang pipilitin kong maipadala sa iyo. Hanggang dito na lamang at
nakakadalawang pahinang punung-puno na rin ako, halos wala na nga
akong pagsulatan pa. Biruin mo ba namang naririto na ang buo naming
kasaysayan. Papaano nama’y tunay na napakaraming nangyari! At ngayon,
pinakatatangi kong Rodya, niyayakap kita nang napakahigpit hanggang sa
napipinto nating pagkikita. Binabasbasan kita bilang iyong ina. Mahalin
mo sana ang iyong kapatid na si Dunya, gaya ng pagmamahal niya sa iyo.
Tandaan mong mahal na mahal ka niya, higit pa sa kaniyang sarili. Siya ay
talagang anghel at ikaw, Rodya, ikaw ang lahat ng aming pangarap at pag-
asa sa buhay. Maging maligaya ka lamang ay maligaya na rin kami. Rodya,
magdarasal ka sanang palagi gaya ng dati. Naniniwala ka pa ba sa walang-
hanggang kabutihan ng Maylikha at ng ating Tagapagligtas? Nangangamba
akong baka pati ikaw ay naanod na rin sa nauuso ngayong kawalan ng
pananampalataya. Hindi ba? Kung magkaganoon man ay ipinapanalangin
44 FEODOR DOSTOYEVSKY

pa rin kita. Natatandaan mo pa ba, anak, noong bata ka pa at buhay pa ang


iyong ama ay humahabi ka ng mga panalangin habang tayo’y nakaluhod?
O, ano’ng saya natin noon! Paalam na o mas mabuti’y hanggang sa muling
pagkikita! Mahigpit na yakap at walang katapusang halik sa iyo!

Nagmamahal hanggang sa libingan,

Pulheria Raskolnikova14

Basang-basa ng luha ang mukha ni Raskolnikov magmula pa kanina


nang simulan, niyang basahin ang liham. Ngunit pagkatapos ay namutla, bumigat
ang pakiramdam, at napangingiwi sa panginginig. Isang mapait at balintunang
ngiti ang gumuhit sa kaniyang mga labi. Inihilig ang kaniyang ulo sa kaniyang
makapal at maruming unan at nag-isip, matagal na nag-isip. Masasal ang tibok ng
puso at gulong-gulo ang isipan. Pagkatapos ay inalinsanganan at pakiwari niya’y
lalong sumikip ang kulay dilaw niyang kulungan, na mas mukha pang aparador
o kahon. Naghahanap ang kaniyang pananaw at isip ng mahihingahang mas
malawak na lugar. Hinablot nito ang sombrero at lumabas, ngayo’y hindi na nag-
aalala kahit sino pa ang makasalubong. Nakalimutan na niya ang tungkol doon.
Tinahak niya ang Vasilyef Avenue na patungo sa Isla Vasilyef, nagmamadali na tila
may talagang pakay. Gaya ng dati’y bumubulong-bulong, kung minsan pa nga’y
malakas na kinakausap ang sarili, na labis na ipinagtataka ng mga nakakasalubong.
Akala ng karamihan ay lasing lamang siya.

14 Ang mga apelyidong Ruso ay nilalagyan ng “a” sa dulo para sa mga babae. Halimbawa, ang
Raskolnikov ay panglalaki. Raskolnikov ang bigkas at Raskolnikof naman ang pagsulat. Sa babae ito
ay nagiging Raskolnikova.
IV

LABIS NA NAGULUMIHANAN si Raskolnikov sa liham ng ina. Ngunit


wala siya ni katiting na alinlangan ukol sa pinakamahalaga, at ni isang saglit ay
hindi siya nagdalawang-isip ukol sa bagay na ito, kahit kanina habang binabasa
pa lang niya ang liham. May pasya na siya, may panghuling hatol na siya ukol
sa pinakaimportante: “Walang ganitong kasalang magaganap habang ako’y
nabubuhay! At suma-impiyerno na lang si Ginoong Luzhin!”
“Sapagkat malinaw ang lahat,” bulong niya sa sarili, tiim-bagang ngunit
may ngisi na parang ipinagdiriwang nang maaga ang tagumpay ng kaniyang
naging pagpapasya. “Mama, Dunya, huwag na ninyo akong linlangin. Kunwa’y
nagpapaumanhin pa’t hindi na ipinaalam sa akin at nagpasya na nang wala ako!
Siyanga naman! Akala marahil ay wala nang makapipigil pa ngayon! Tingnan
natin, kung maaari o hindi maaari! Ano ba namang klaseng usapan iyon? At
si Pyotr Petrovich, a, magaling na tao, at sa galing ay hindi makapag-aasawa
kung hindi sa pamamagitan lamang ng sulat o kung maaari pa nga’y sa tren na
lamang! O, hindi! Dunechka! Lahat ay nakikita ko na at nalalaman, alam ko
46 FEODOR DOSTOYEVSKY

kung bakit napakarami mo raw gustong sabihin sa akin; alam ko kung ano ang
magdamag mong pinag-isipan habang paroo’t parito sa kuwarto; at kung ano ang
ipinanalangin mo sa Ina ng Diyos ng Kazan na nasa silid ng nanay. Mahirap
ang umakyat sa bundok ng Golgotha. Hmm, ibig ninyong sabihin na tapos na
ang lahat: si Avdotia Romanovna ay magpapakasal sa isang magaling na lalaking
rasyonal at mayroon ng sariling kapital (‘mayroon,’ malakas, at nakatatangay na
salita), dalawa ang hanapbuhay, at sumasang-ayon sa paniniwala ng pinakabagong
salinlahi (tulad ng isinulat ni mamasha15), at ‘mukha’ raw mabait sabi ni Dunya.
Pinakamagaling sa lahat ang pagkakasabing “mukhang mabait”. At ito namang
si Dunya ay habambuhay nang magpapatali rito sa ‘mukhang mabait’ na ito.
Magaling! Napakagaling! ... ”
“Ang nakatutuwa’y para saan kaya’t isinulat ni mamasha ang ukol sa mga
‘pinakabagong salinlahi’? Para ilapit ang loob ko kay G. Luzhin? O, katusuhan!
Siguro’y mainam ding malaman kung gaano sila kabukas sa isa’t isa nang araw
na iyon, noong gabi sa kuwarto, at sa mga sumunod pang araw. Tuwiran kayang
binigkas nila ang mga ‘salita’ o dili kaya’y kapwa nakaunawa na iisa ang laman ng
kanilang puso’t isipan kaya’t wala nang anumang dapat o kailangan pang iparinig.
Marahil ay ganoon na nga ang nangyari at kita naman iyon sa sulat. Sa tingin
ni mamasha ay ‘may kagaspangan’ at ang simple kong mamasha ay nagtangkang
magsabi ng kaniyang mga puna kay Dunya. Ito namang isa, natural, ay nagalit at
‘may katigasan ang tugon’. Ano pa nga ba? Sino ba naman ang hindi mag-iinit
kung malinaw at tapos na ang lahat. Wala nang puwang ang mga pambatang
tanong at wala nang dapat pang sabihin. ‘Mahalin mo si Dunya, Rodya, ikaw
ay minamahal niya nang higit pa sa sarili.’ Parang pinahihirapan siya ng sariling
budhi sa pagpayag na isakripisyo ang kaniyang dalaga alang-alang sa kaniyang
binata. “Ikaw ang lahat sa amin, ang aming pag-asa!” “O, mamasha!” Papaigting
nang papaigting ang galit na nararamdaman ng binata at kung makikita lang niya
ngayon si Ginoong Luzhin, pakiramdam niya’y mapapatay niya ito sa suklam.
“Hmm, totoo, oo nga naman, totoo ... ” pagpapatuloy niyang sinusundan
ang takbo ng isip, “Totoong dapat na maging maraha’t maingat sa paghusga sa
kaninumang tao upang siya ay matalos. Ngunit malinaw na malinaw kung ano
itong si Ginoong Luzhin. At pangunahin ay negosyante raw at mukhang mabait.

15 Ang mama ay singkahulugan lang ng mamasha, mamochka, at iba pa sa Ruso. Ginagamit ito
depende sa kalagayan, pamilyaridad, at paglalambing. Pinakamalambing ang mamochka; samantalang
ang mamasha ay may pagkapamilyar ang tono.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 47

Nagbibiro pa yata at siya na raw ang sasagot sa bagahe at malaking maleta? Mabait
nga naman! Eh, papaano naman ang dalawa? Isasalpak lamang ang babaeng
kaniyang pakakasalan sa karetang banig ang bubungan! Hindi sana bale kung ako
na lalake ang sasakay roon! Walang anuman daw, tutal ay siyamnapung kilometro.
lamang ngunit pagkatapos ay sasakay sa tersera-klaseng pinakamurang tren ng
isang libong kilometro! Siyempre naman, kung ano lamang ang makakayanan.
Ngunit bakit ka naman ganoon, Ginoong Luzhin? Nasabi pa namang ‘nobya’ mo
... at di maaaring di mo alam na uutangin lamang nila ang kanilang pamasahe,
prenda ang kaniyang isang buong taong pensiyon. A, sabagay, sosyo nga naman sa
puhunan, ang negosyo’y para sa kapakanan ng isa’t isa, hati sa kita kaya’t hati rin sa
gastos. Wika nga’y ‘salo sa tinapay at asin ngunit kani-kaniya ng tabako.’ A, medyo
nautakan pa sila ng negosyante: mas mura nga naman ang bagahe na maaari pang
ilibre kaysa pamasahe ng dalawa. Wala ba silang nakikita o nagbubulag-bulagan
lamang? At kuntento na! Kung iisipin ay bulaklak pa lamang iyan, ang tunay na
bunga ay di pa nakikita. Ang mahalaga rito ay hindi ang kakuriputan kundi ang
tono, ang tono ng lahat ng ito. Dahil ito na rin ang tono ng kanilang pagsasama
pagkatapos ng kasal. Hindi ko malaman kung bakit binibili ito ni mamasha. Ano
naman ang gagawin niya rito sa Petersburg? Aanhin niya ang tatlo o dalawang
rublo? Paano siya mabubuhay sa Petersburg? Nakikinita na niya, hindi pa man,
na hindi rin siya maaaring makisama kina Dunya pagkatapos ng kasal. Siguro’y
naghihintay na baka ‘madulas’ na naman ang tinamaan ng kulog at yayain si
mamasha na sa kanila na tumira na taas-kamay namang iiling. ‘Ako na mismo ang
tatanggi,’ sulat niya. E, ano ba ang inaasahan niya? Ang isang daan at dalawampung
rublo kada taon, babawasan pa ng inutang kay Athanasii Ivanovich? Doon nga ay
nananahi pa siya ng balabal at guwantes ngunit alam kong dalawampung rublo
lamang taon-taon ang naibibigay niyon at lalo lamang lumalabo ang kaniyang
mga mata dahil sa pananahi. Ibig lang sabihin ay umaasa pa rin siya kahit papaano
sa ‘kabutihang-loob’ ni Ginoong Luzhin. Umaasa na aanyayahan pa rin siya,
pipiliting sumama sa kanila. A, tumangan na lamang kayo sa inyong bulsa! Bakit
nga ba ganoon ang mga taong payak at malinis ang kalooban, sa dakong huli, gaya
ng mga tauhan ni Schiller, ay umaasa pa rin sa kabutihan at hindi sa kabuktutan
ng tao? Bakit pilit na pinalalamutian ang sino na lang ng makukulay na pakpak
ng anghel? Kahit na nakikinita-kinita ang kabaligtaran ng medalya ay ayaw pa rin
itong paniwalaan, dalawang kamay pang itinataboy ang katotohanan hanggang sa
sariling kamay na rin ang hindi makapaghuhubad sa tunay na anyo ng taong pilit
48 FEODOR DOSTOYEVSKY

pinagaganda. Teka, meron kayang medalya si Ginoong Luzhin? Malamang na


may itinatago itong medalya ni Czarina Anna, na inilalabas tuwing makahaharap
ang mga kontratista at mangangalakal. Siyempre pa, isusuot din sa araw ng kasal.
A! Demonyo!”
“At si mamasha ... wala nang magagawa pa sa kaniya ... matanda na siya
... ngunit pati ba naman si Dunya ay ... ? Dunechka, mahal kong kapatid, kilala ko
kayo! Dalawampung taon na kayo nang huli tayong magkita, alam ko ang inyong
pagkatao. Gaya ng isinulat ni mamasha, ‘Maraming kayang tiisin si Dunya,’ alam
ko iyon. Dalawa’t kalahating taon ko nang alam at ganoon na rin katagal na nasa
isip ko ang bagay na ‘maraming matitiis si Dunya.’ Si Ginoong Svidrigailov at
ang mga sumunod na pangyayari ay patunay na nga ng kaniyang pagkamatiisin.
Ngayon naman ay heto at pati si mamasha ay nakapag-isip na kaya na rin niyang
magtiis sa piling ni Ginoong Luzhin, na halos sa pinakaunang pagkikita pa lang
ay naglahad na ng teorya ukol sa kahigitan ng babaeng iniligtas at sinagip ng lalaki
mula sa pagkalugami. Ipagpalagay nang baka nga nadulas ang lintik kahit siya’y
taong rasyonal (o baka naman hindi nadulas kundi iyon talaga ang ibig sabihin?).
Ngunit si Dunya, bakit pati naman si Dunya! Alam niya kung anong klaseng tao
ito, mapakikisamahan ba niya ang gayon nang habambuhay? Kahit puro itim na
tinapay na lang at asin ang kakainin ay hindi niya kayang ibenta ang kaluluwa,
lalong hindi niya maipagpapalit ang kalayaang moral sa kaunting kaalwanan sa
buhay. Hindi siya bibigay kahit sa isang Schleswig-Goldstein, sa isang Luzhin
pa kaya? Hindi. Sa abot ng alam ko’y hindi ganoon si Dunya at ngayon ba’y ... ?
A, hindi! Alam kong hindi pa rin siya nagbabago. Ano pa ba ang dapat sabihin?
Talagang mabigat ang mga Svidrigailov, mabigat ang habambuhay na magpaalila sa
halagang dalawang daang rublo. Ngunit kilala ko ang aking kapatid, mas malamang
na pakasal siya sa negro at pumunta na lamang sa plantasyon, o kaya’y sumama sa
taga-Latvia, sa Alemang hilaw, kaysa hayaang masira ang damdamin at saloobing
moral sa pagpapakasal sa isang taong hindi iginagalang o pinahahalagahan. A! Para
saan ang kapakanang pansarili? Kahit pa puno ng brilyante at ginto ang Ginoong
Luzhin, hindi rin siya makapapayag na magpakasal sa kaniya. Ngunit bakit nga ba
pumapayag na siya ngayon? Sa ano kayang kadahilanan? Ano ang sagot sa bugtong
na ito? Malinaw na ang lahat: kung para lang sa sarili at sariling kapakanan, kahit
pa para sa kaniyang kaligtasan ay hinding-hindi niya ipagbibili ang sarili, ngunit
kung alang-alang sa iba ay kaniyang gagawin! Ipagbibili ang sarili alang-alang
sa mahal sa buhay! Hayan kung bakit! Para sa ina at kapatid ay ibebenta na ang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 49

lahat! Sa pangyayaring ito ay nasasakal pati ang ating damdaming moral, pati
kalayaan, katahimikan, maging budhi ay inilalapag sa maruming pamilihan. Sige,
ibenta mo ang iyong buhay! Di bale sana kung magiging matiwasay rin ang iyong
pagkataong pinakaiingat-ingatan! Gumawa na ang tao ng sariling teorya ng mga
sanhi at kadahilanan. Natuto na rin tayo sa mga Heswita. Pagdating ng panahon
tayo na mismo ang kakalma at magpapapaniwala sa sarili na kailangan nga ang
ganoon para sa mabuting layunin. Ganoon nga ang tao at ito ay malinaw pa sa
sikat ng araw. Malinaw na rito ay pangunahing isinasa-alang-alang si Rodion
Romanovich Raskolnikov at ang kaniyang kapakanan. E, papaano pa nga ba
maaaring matiyak ang kaniyang kaligayahan? Pinaaral sa unibersidad, tapos ay
gagawing kumpanyero sa opisina, pagagandahin ang kinabukasan at sa wakas ay
magiging mayaman, na kinikilala at iginagalang o kung maaari ay itanghal na
dakilang tao sa oras ng kamatayan! Paano naman ang ina? A, ang mahalaga’y
si Rodya, ang walang-singhalagang panganay na si Rodya! At papaano nga
namang hindi isasakripisyo ang babaeng anak alang-alang sa ganoong panganay?
O! Mga busilak na pusong hindi makatarungan! At kami ba’y hindi tatanggi sa
kapalarang gaya ng kay Sonya? O, Sonechka, habang naririto ang daigdig ay wala
kang kamatayan, Sonechka! Ngunit tinimbang ba ninyo ang bigat ng inyong
sakripisyo? Ganoon nga ba? Ito ba ay kaya ninyong balikatin? Ito ba ay tunay na
makatutulong? Maituturing ba ito na isang tamang pagpapasya? Nalalaman ba
ninyo, Dunechka, na hindi mas masaklap ang kapalaran ni Sonya kaysa pagsama
ninyo kay Ginoong Luzhin? ‘Dito’y hindi maaaring magkapag-ibig,’ sulat ni
mamasha. Papaano kung sa halip na pagmamahalan at paggalang ay matatagpuan
ang kabaligtaran: galit, pagdududa, at pagkasuklam? Papaano na kung ganoon?
Muli ay babalik tayo sa dati na kailangan ang ‘kalinisan.’ Hindi ba? Nauunawaan ba
ninyo? Nauunawaan ba ninyo ang ibig sabihin ng ‘kalinisang’ ito? Nauunawaan ba
ninyo na ang “kalinisang” Luzhin ay hindi naiiba sa ‘kalinisang’ Sonya o marahil ay
mas masahol, masagwa, at nakasusuklam pa nga? Dahil kayo, Dunechka, ay nag-
iisip nang labis na kaginhawahan samantalang sa kabila ay gutom at kamatayan
ang kadahilanan. Mama, Dunechka, napakamahal ng “kalinisan”. At paano kung
pagkatapos ay hindi pala ninyo matagalan at kayo’y magsisi? O, anong kahihiyan,
kahapisan, sumpa, at gaanong luha ang aagos mula sa sariling mga mata na inyong
ikukubli sa mata ng lahat dahil hindi kayo si Martha Petrovna? At paano na ang
ina? Ngayon pa lamang ay hindi na siya matahimik at nagdurusa na. Paano pa
kung lubusan nang lilinaw sa inyo ang lahat? At ako? Naisip ba ninyo ang tungkol
50 FEODOR DOSTOYEVSKY

sa akin? Ayoko ng inyong sakripisyo, Dunechka, ayoko, mamasha! Habang ako ay


nabubuhay, hindi iyon magaganap! Hindi ko iyon kailanman matatanggap!”
Nang bigla’y tila nahimasmasan si Rodya at tumigil. At kausap ang
sariling, “Hindi mangyayari? At ano naman ang magagawa mo upang ito ay
hindi mangyari? Ipagbawal? At ano naman ang iyong karapatan? Ano naman
sa iyong panig ang maipapangako sa kanila upang magkaroon ng ganoong
karapatan? Ihandog sa kanila ang iyong buhay at kinabukasan pagkatapos ng pag-
aaral? Narinig na namin ‘iyan’ at iyan ay isang ‘satsat’. Ang tanong ay kung ano
ang magagawa mo sa ngayon? Oo, ngayon, mayroon kang dapat gawin ngayon,
naiintindihan mo ba? At ano ang ginagawa mo sa ngayon? Kinukunan mo sila
ng ikabubuhay. Ang perang matatanggap mo ngayon ay galing pa sa kaniyang
pensiyon at paunang-bayad ni Ginooong Svidrigailov. Paano mo naman sila
maipagtatanggol mula sa mga Svidrigailov at Athanasii Ivanovich Vachrushin?
Ikaw ba ay pulis o isang Zeus na may tangan sa kanilang kapalaran? Baka sakaling
may magawa ka pagkaraan ng sampung taon. Oo at sa loob ng sampung taon ay
bulag na sa katatahi ng balabal ang iyong ina o kaya ay sa kaluluha, tuyot na rin sa
gutom, at pagtitika. Paano naman ang iyong kapatid? Sige, isipin mo kung ano ang
mangyayari sa kaniya makalipas o sa loob ng sampung taon. Nahuhulaan mo ba?”
Pinahirapan niya ang sarili at sinurot-surot pa ng ganiyang mga
tanong. Sa katotohanan ay hindi na bago ang mga tanong na ito, hindi basta
na lang lumitaw kundi matagal nang umuukilkil sa kaniyang isip. Matagal na
nilang pinupunit at winawarak ang kaniyang puso. Matagal na ring nabubuhay
ang ganitong paghihirap ng loob at nito ngang nahinog na’t nabuo ang isang
nakatatakot, mabangis, at malahalimaw na katanungang nagpaparusa sa puso
at isip, naghuhumiyaw na humihingi ng katugunan. At ngayon nga’y tila kulog
na bumingi sa kaniya ang mga ito sa pamamagitan ng sulat ng ina. Malinaw na
ngayon: ang ganti ay hindi na dapat puro malalalim na buntong-hininga lamang,
pagdurusang walang-imik, at bagama’t katuwiran na rin ang nagsasabing walang
sagot sa mga tanong ay kailangang may dapat gawin! Ngayon na o sa lalong
madaling panahon! Ano man ang mangyari’y may dapat siyang gawin, anuman
iyon, kung hindi ay ...
“Kung hindi’y talikdan na nang lubusan ang buhay na ito!” biglang sigaw
niyang sumisikdo ang dibdib, “Masunuring tanggapin ang anumang kapalaran, sa
una’t huling pagkakataon ay tuluyan nang pigilin ang lahat ng nasa loob, tanggihan
ang lahat ng karapatang kumilos nang malaya, kasama na rin ang mabuhay at
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 51

umibig nang lubos!”


“Nauunawaan ba ninyo, butihing ginoo, nauunawaan ba ninyo ang
ibig sabihin ng wala nang iba pang mapuntahan?” bigla’y nagbalik sa kaniyang
alaala ang itinanong ni Marmeladov: “Dahil dapat namang may matakbuhan ang
sinuman ... ”
Bigla siyang napakislot. Isang kaisipang gaya ng kahapon ang biglang
pumasok sa isip. Napakislot siya hindi dahil sa biglang naalala kundi dahil sa
alam na niya at naramdaman na tiyak itong darating. Hinihintay na niya ito. Ito
ay hindi gaya ng kahapon. Ano ang kaibahan? Noong nakaraang buwan o kahit
kahapon lamang ang ideyang ito’y isa lamang malayong panaginip ngunit ngayon
... bigla itong dumating di-gaya ng isang panaginip kundi gaya ng isang bago,
nakatatakot na anyong hindi pa niya nakikita hanggang sa unti-unti na niyang
matalos ... Nangulap ang kaniyang mga mata at nakaramdam ng pagbigat ng ulo.
Nagmamadali siyang nagpalinga-linga na tila may hinahanap. Parang
gusto niyang maupo’t maghanap ng mauupuan. Kasalukuyan siya noong naglalakad
sa Boulevard K. Sa dakong harapan, mga isang daang hakbang na lamang ang layo
ay may makikita siyang upuan. Mabilis siyang nagtungo papunta roon. Ngunit
habang papunta ay may naganap na munting insidente, bagay na kumuha ng
kaniyang atensiyon sa loob ng ilang sandali. Habang tinatanaw ang upuan ay may
napuna siyang babaeng naglalakad, na may dalawampung hakbang lamang mula
sa kaniya. Una’y hindi niya ito pinagtuunan ng pansin, gaya ng lahat ng bagay
na tila kumikislap-kislap lamang sa kaniyang harapan. Maraming pagkakataon
na rin, halimbawa, ang makauwi siyang hindi natatandaan ang dinaanan. Sanay
na siyang maglakad nang ganoon. Ngunit sa unang tanaw pa lamang ay tila may
kakaiba sa babaeng ito kaya’t dahan-dahang napagtuunan niya ito ng pansin.
Una’y tila mabigat pa ang loob at parang sapilitan lamang hanggang lumakas na
nang lumakas. Nais niyang malaman, ano nga ba ang kakaiba? Una, mukhang
napakabata pa niya, naglalakad sa ganoong init, bilad ang buhok, wala man
lang payong o guwantes, at katawa-tawang iwinawasiwas ang mga kamay. Ang
damit niya’y malambot na seda ngunit kakaiba rin ang pagkakasuot; hindi halos
nakabutones, punit sa likod sa may balakang sa simula ng palda, may bahaging
naiwan na bibitin-bitin, may munting balabal na nakatabinging nakasampay
sa hubad na leeg. At sa huli’y mabuway ang kaniyang paglalakad, natatapilok,
at humahapay-hapay. Ang tanawing iyon ay lubos na gumising sa buong ulirat
ni Raskolnikov. Nakasabay pa niya ang babae hanggang sa mismong upuan.
52 FEODOR DOSTOYEVSKY

Pagdating ng babae sa upuan ay ibinagsak nito ang katawan sa gilid, isinandal ang
ulo, at pumikit sa labis na kapagalan. Sa tingin pa lamang ay mahihinuhang lasing
siya. Kakatwa at nakapaninibago ang sumaksi sa ganoong tanawin. Naitanong pa
niya sa sarili kung hindi siya pinaglalaruan ng paningin: sa kaniyang harapan ay
napakamurang mukha, siguro’y labinlima o kaya’y labing-anim na taong gulang
lamang, maliit, blonde ang buhok, maganda, ngunit pulang-pula ang buong
katawan na parang namamaga nang bahagya. Sa lahat ng palatandaan ay malabo
ang ulirat ng babae at mukhang hindi namamalayan na siya ay nasa kalsada.
Hindi umupo si Raskolnikov ngunit hindi naman makaalis. Nakatayo
itong nagugulumihanan sa harapan ng babae. Madalas ay walang tao sa boulevard
na iyon, lalo na’t mainit ang panahon at alas-dos ng hapon. Ngunit sa isang tabi,
mga labinlimang hakbang lamang ang layo ay tumigil ang isang lalaki sa dulo
ng boulevard, kitang-kita na gustong-gustong lumapit sa babae na may sariling
balak. Marahil mula sa di-kalayuan ay nakita rin niya ang babae, sinundan, at
naabala lamang siya ni Raskolnikov. Masama ang pilit na ikinukubling tingin
nito sa binata, inip na naghihintay sa pag-alis ng istorbong yagit. Sinuman ay
makahahalata sa pagnanasa nito. Siya’y mga tatlumpung taong gulang, malaki’t
mataba, mukhang maasukal ang dugo, mapula ang labi, may bigote, at pormang-
porma ang pananamit. Kumulo ang dugo ni Raskolnikov. Nakaramdam siya bigla
ng kagustuhang hiyain ang matabang lalaki. Iniwan niya sandali ang dalagita at
lumapit sa lalaki.
“Hoy! Svidrigailov, anong gusto ninyo?” sigaw niyang nakatikom ang
kamao at nagngangalit ang bagang sa pagkamuhi.
“Ano’ng ibig sabihin nito?” mapagmataas pa rin at seryosong tanong ng
lalaki bagama’t nagulat at napangunot-noo.
“Ang ibig sabihin ay ... layas!”
“Aba’t ang kapal ng apog ng basahang ito!” at itinaas nito ang tangang
tungkod.
Sinugod siya ni Raskolnikov, una ang mga kamao. Hindi na inalalang
sa laki ng lalaki ay makakaya nito kahit dalawang gaya niya. Nang sandaling iyon
ay may matipunong kamay ang pumigil mula sa kaniyang likuran. Pumagitna sa
dalawa ang isang pulis.
“Awat na, mga ginoo. Huwag sana kayong mag-away sa pampublikong
lugar. Mahigpit na hinarap nito si Raskolnikov nang mapuna ang gulanit na
kasuotan. “Sino kayo? Ano’ng kailangan ninyo?”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 53

Matamang tinitigan ni Raskolnikov ang pulis. Matigas ang mukha nito,


may puting bigoteng medyo nakapaikot ang magkabilang dulo, at may matalinong
titig.
“Kayo ang aking kailangan,” sagot nitong humawak sa kaniyang kamay.
“Ako’y si Raskolnikov, dating estudyante ... para rin sa inyong kaalaman
... ” baling nito sa lalaki. “At kayo, kailangang makita ninyo ito,” dinala nito ang
pulis sa kinaroroonan ng dalaga.
“Hayan, masdan ninyo, lasing na lasing siya kaninang naglalakad sa
daan. Hindi ko rin kakilala pero hindi naman mukhang ‘ganoon’ ang trabaho.
Malamang na nilasing at ... niloko ... sa unang pagkakataon ... naiintindihan
ba ninyo? Pagkatapos ay iniwan na lang sa kalsada. Masdan ninyo ang punit na
damit at ang pagkakasuot ay halatang hindi siya mag-isang nagdamit, kundi
binihisan ng di-bihasang kamay—kamay-lalaki. Halata, di po ba? At ang lokong
ito na aking nakaaway ay hindi ko kakilala; ngayon ko lang siya nakita. Napansin
din niya ang babaeng ito sa daan, lasing, wala sa sarili, at ganoon na lang ang
pagnanasang lapitan ito at kuhanin dahil nga sa ganoon ang kaniyang kalagayan
upang marahil ay dalhin kung saan. Malamang ay ganoon na nga iyon at maniwala
kayong hindi ako nagkakamali. Nakita ko mismo kung papaano niya ito sinundan
at minatyagan. Ako lamang ang nakapigil sa kaniya at naghihintay lamang na
ako’y umalis. Ngayon ay medyo lumayo siya, kunwa’y magsisindi ng sigarilyo ...
papaano ba namang hindi siya tatamaan? Papaano kayang mapauuwi iyan?”
Madali namang naintindihan at naliwanagan ng pulis ang kalagayan.
Halatang ‘nanghihinayang’ talaga sa dalagita si Taba. Sinipat nang malapitan ng
pulis ang babae at sa kaniyang mukha’y gumuhit ang totoong pagkaawa. “Kawawa
naman, binibini ... binibini ... ipagpaumanhin ninyo sana ... tagasaan ba kayo?”
Idinilat ng dalaga ang mga pagod at namumungay na mata, tulalang tiningnan
ang nagtatanong at kinampay lamang nang minsan ang kamay.
Kinapkap ni Raskolnikov ang bulsa at nakaapuhap naman ng
dalawampung kopek, “Makinig kayo. Narito ang dalawampung kopek, tumawag
kayo ng kutsero at ipag-utos na ihatid siya sa kaniyang tirahan. Kailangan lamang
nating malaman ang kaniyang adres.” Kinuha ng pulis ang barya at muli’y tinangka
niyang gisingin ang dalaga. “Binibini ... binibini ... tatawag ako ng kalesa at ako na
mismo ang maghahatid sa inyo. Saan ba? Saan nga ba kayo nakatira?”
“Pwe! ‘Kakainis namang ... ” bulong ng dalaga at muli’y iwinasiwas lang
ang kamay.
54 FEODOR DOSTOYEVSKY

“A, hindi na maganda iyan, binibini, isang kahihiyan!” Napaiiling ang


naaawa, napahihiya, at naiinis na pulis. “Ito ang problema!” Muli’y humarap ito
kay Raskolnikov, mabilis na sinuri mula ulo hanggang paa. “Kakaiba ang binatang
ito; suot-basahan ngunit nakapagbibigay pa ng pera,” bulong nito sa sarili.
“Saan ba ninyo sila unang nakita?” tanong niya sa binata.
“Tulad ng sabi ko’y dito na rin sa boulevard. Nasa harapan ko lamang at
hahapay-hapay hanggang sa bumagsak na nga diyan sa upuan.”
“A, ano’ng kahihiyan itong nasuungan nating dalawa, ginoo. Batang-bata
pa’y labis nang naglalasing! Oo, mukhang napagsamantalahan nga ito. May punit
pa ang laylayan ng damit ... ano’ng kawalang-hiyaan ang ginagawa ngayon ng tao.
Mahirap man o mayaman, sa panahon ngayon ay maraming nangyayaring ganito.
Mukhang galing sa aristokratikong pamilya ... ” at muli nitong pinagmasdan ang
dalaga.
Marahil ay may anak ding dalaga ang pulis na nag-iisip pa ring ...
“mukhang mahinhing bata, nakapag-aral at sumasabay sa uso ... ”
“Ang mahalaga’y papaano pa siya maililigtas mula sa lokong iyon!” sabad
ni Raskolnikov, “Lalo pa niyang durungisan ... halata kung ano ang gusto, hayun
at naghihintay pa rin ang walang-hiya! Malakas ang tinig ni Raskolnikov at
nakaturo pa sa matabang lalaki. Narinig siya at pigil ang galit na matalim tumingin.
Marahang lumayo pa ng sampung hakbang at saka muling huminto. “Mailalayo
natin ito sa kaniya kung malalaman lamang natin kung tagasaan ... ” nag-iisip ang
pulis. “Binibini ... binibini ... ” muli nitong tawag sa dalaga. Nagmulat naman ng
mata ang dalaga, matamang luminga-linga, parang nahihimasmasang tumayo at
naglakad na pabalik sa pinanggalingan. “Ay, talagang ayaw akong tantanan ng mga
walang-hiya!” pabulong at muling nagwasiwas ng kamay. Mabilis ang kaniyang
mga sumusuray na hakbang. Sumunod kaagad ang lalaki sa kabilang kalsada at
hindi niya ito hinihiwalayan ng tingin.
“Huwag kayong mag-alala at hindi ko siya pababayaan!” matigas
na binitiwan ng pulis at sumunod na sa dalawa. “A, ano’ng kamunduhan ang
nangyayari ngayon!” malakas nitong sabi, sabay buntong-hininga.
Sa sandaling iyon ay may kung anong parang sumakmal kay Raskolnikov,
sa isang iglap lamang ay parang may bumaligtad sa kaniyang pag-iisip.
“Hoy, sandali lang!” sigaw niya sa pulis. Paglingon ng tinawag ay ...
“Bayaan na ninyo! Iwan na ninyo’t hayaan na ninyo siyang magpakasasa (nakaturo
kay Taba), e, ano ba sa inyo?!”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 55

Nanlaki ang mga mata ng pulis na hindi makapaniwala sa narinig.


Malakas ang halakhak ni Raskolnikov.
“Ano’ng ... ” bumubulong ang pulis na nagwasiwas na lamang ng kamay
at sumunod na sa dalawa. Inakala na lamang marahil na si Raskolnikov ay isang
baliw o masahol pa roon.
“Tinangay pa ang aking dalawampung kopek.” Galit na bumubulong ang
binatang naiwang nag-iisa. “A, hayaan na nga sila kahit kunan na lamang niya
ng pera si Taba at ibigay na sa kaniya ang babae. Ganoon na lamang magtatapos
ang ... at bakit ako nakialam pa na parang may maitutulong? Ako pa ba ang
makatutulong? Mayroon ba akong karapatang tumulong? Ano ba ang pakialam
ko kahit magkainan pa sila nang buhay! At ba’t di ako nahiyang ibigay ang
dalawampung kopek? Akin ba ang perang iyon?”
Kakaiba ang mga binitiwan niyang salita, ngunit pagkatapos ay bumigat
ang kaniyang pakiramdam. Umupo siya sa iniwanang bangko. Sabog ang kaniyang
isip at hirap nang mag-isip ukol sa anupaman. Kung maaari lang ay nais niyang
makalimot, kalimutan ang lahat, upang pagkatapos ay magising at magsimulang
muli nang panibago ...
“Kawawang bata!” sabi niya, pagkatingin sa bakanteng gilid ng bangko.
Pag nahimasmasan iyon ay luluha, tapos malalaman ng ina ... pagagalitan, sasaktan
nang walang-habas, pagkatapos ay buong sama-ng-loob at kahihiyang palalayasin.
Kung di man mapalayas ay maaamoy naman ng mga gaya ni Daria Frantsevna.
At magsisimula na siyang pumuslit-puslit dito o roon upang pagkatapos ay sa
ospital ang tuloy (ganoon ang kadalasang nangyayari sa mga may inang butihin at
malilinis ang puso, magkasama sa simula tapos ay maghihiwalay). Makaraan ang
ilang panahon ay muling babalik sa ospital ... muli’y alak, sigarilyo ... pagamutan na
naman ... at makalipas ang dalawa-tatlong taon ay isa nang imbalido. Mabubuhay
lamang ng labingwalo o labingsiyam na taon. Hindi. Nakakita na ako ng ganyan.
Ano ang nangyayari sa kanila? Hayun, ganoon na nga ang nangyayari sa kanila.
Pwe! Hayaan mo na nga! Sabi nila’y nararapat lamang iyon. May nagsasabi na
ilang porsiyento talaga ng mga nabubuhay sa mundo ang kailangang mawaldas
taon-taon tungo sa impiyerno upang ang iba ay maliwanagan at makatuloy sa
kalangitan. Ilang porsiyento raw! Magagaling na pananalita! Nais magpakalma
ng damdamin, magaling! Wika nga’y ilang porsiyento lamang naman at wala
nang dapat ipangamba. Baka mas makapagpapayapa ng damdamin kung ibang
pagpapaliwanag pa ang ginawa. E, paano kung si Dunechka rin ay mahulog
56 FEODOR DOSTOYEVSKY

sa nasabing porsiyento? Kung hindi man sa isa ay sa ibang paraan. Teka, saan
ba ako papunta?” bigla niyang naitanong. “Kakatwang mayroon akong tiyak na
patutunguhan dahil pagkabasa ko ng sulat ay tumuloy na ako sa ... a, natatandaan
ko na, sa Isla Vasilyefsky, doon ko balak pumunta kay Razumikhin. Pero bakit
nga ba? At bakit biglang pumasok sa isip ko na kailangan kong puntahan si
Razumikhin, lalo na ngayon? Nakatatawa!”
Maging siya ay nagugulat sa sarili. Si Razumikhin ay isang mabuting
kaibigan sa unibersidad. Kapuna-puna na si Raskolnikov ay halos walang
kaibigan sa pamantasan, mailap sa lahat, walang pinamamalagian, at hindi rin
halos tumatanggap ng bisita. Kaya’t di-katagalan ay malayo na rin ang loob ng
lahat sa kaniya, ni wala siyang sinasalihang kahit anong pagkakaabalahan: kasiya-
siyang gawain, diskusyonan, pag-aaliw, kahit kanino ay hindi siya nakikihalubilo.
Subsob siya sa pag-aaral, hindi iniinda ang sarili. Dahil dito ay iginagalang siya
ngunit hindi kinagigiliwan. Lagi siyang kapos sa pera ngunit di-palakibo at labis
na mataas ang pagkakilala sa sarili, at para bang may itinatago. Ang lahat ay
itinuturing niyang parang bata na naunahan niya sa lahat ng bagay: sa talino, pag-
unlad, at pananalig. At ang pananalig at interes ng iba ay daig ng kaniya.
Sa kung anong dahilan ay nakasundo naman niya si Razumikhin.
Hindi sa talagang kasundo, kundi mas kinakausap niya at mas bukas siya rito.
Kay Razumikhin ay mahirap namang maging iba ang pakikitungo. Hindi
pangkaraniwan ang kaniyang saya at pagiging palakaibigan, simpleng-simple
at napakabait. Bagama’t sa likod ng kaniyang kasimplehang ay may nakatagong
lalim at pagkamarangal. Nauunawaan ito ng kaniyang mga malalapit na kaibigan
kung kaya’t siya’y minamahal. Sadyang hindi mahina ang kaniyang ulo ngunit
totoong kadalasan ay napakapayak talaga. Sa panlabas na kaanyuan ay matangkad,
payat, madalang at laging hindi pulido kung mag-ahit, at itim ang buhok. Kung
minsan ay nag-iingay at ipinagmamagaling ang lakas at tibay ng katawan. Isang
gabing kasama ang mga kabarkada ay pinatumba niya sa isang suntok ang isang
napakalaking guwardiya. Maaari siyang maglasing nang walang-katapusan ngunit
kaya ring bitasang di-tumikim ng alak. Kung minsan ay napakagulo’t napakakuwela
ngunit kaya rin namang manahimik. Kapuna-puna rin si Razumikhin dahil tila
hindi siya kayang tinagin ng anumang kamalasan at kahit ano pang kahirapan
ay hindi makasasakal sa kaniya. Makapaninirahan yata siya kahit sa bubungan,
tiisin ang mala-impiyernong gutom, at sumisigid sa butong lamig. Mahirap din
siya at mag-isang binubuhay ang sarili. Kahit anong trabaho ay pinapasok upang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 57

kumita lang ng pera. Alam naman niya ang sibol na maaaring mapagkakitaan.
Minsan ay hindi pinainitan ang inuupahang kuwarto sa buong tagyelo at
pinangangalandakan pang mas mainam pa raw iyon dahil napakasarap matulog
kung malamig. Sa kasalukuyan ay napilitan din siyang huminto sumandali sa pag-
aaral sa unibersidad ngunit di-magtatagal ay magpapatuloy rin siya. Ginagawa
niya ang lahat ng paraan upang ito ay maisaayos. Apat na buwan nang hindi
nakapupunta roon si Raskolnikov at hindi naman alam ng kaibigan kung saan siya
nakatira. Minsan, dalawang buwan na marahil ang nakararaan ay magsasalubong
sana silang dalawa sa daan ngunit kusang umiwas si Raskolnikov at lumipat pa ng
kalsada. Napuna siya ni Razumikhin ngunit nagpatuloy na lamang sa paglalakad,
minabuting huwag nang gambalain ang “kaibigan.”
V

“KAMAKAILAN LANG AY talagang gusto kong magpatulong kay Razumikhin


na magkatrabaho, kahit pagtuturo o kahit ano pa ... ” nag-iisip si Raskolnikov,
“Ngunit ano ngayon ang maitutulong niya sa akin? Ipagpalagay nang mabibigyan
niya ako ng matuturuan, o kahit maibigay pa niya ang kaniyang huling kopek,
kung may kopek pa siya. Sabihin nang makatutulong ito upang makabili ako ng
sapatos at maayos na damit na gagamitin sa pagtuturo ... hmm ... pagkatapos ay
ano?”
“Ano ang gagawin ko sa kaunting barya?”
“Iyon lang ba ang kailangan ko ngayon? Tama, nakatatawang pumunta
pa ako kay Razumikhin …”
Kung bakit naisipang tumungo kay Razumikhin, ay isa ngayong
katanungan na nagpakaba sa kaniya nang higit pa sa kaniyang akala. Ang simpleng
ginawa niya ay nagpagulo sa kaniyang kalooban at pilit na inihahanap iyon ng
masamang kahulugan.
“Hindi baga’t si Razumikhin ang ipang-aayos ko sa lahat, alangan namang
nakikita ko sa kaniya ang kalunasan?” tigagal niya itong naitanong sa sarili.
Kinakamot niya ang noo at nag-isip, at di-sinasadyang makaraan ang
matagal na pagninilay ay pumasok sa isipan ang kakatwang ideya.
“Hmm ... oo nga, kay Razumikhin,” bulong niyang panatag na panatag,
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 59

“Tama, pupunta ako kay Razumikhin, ngunit hindi ngayon ... saka na, pupuntahan
ko siya makaraang matapos ko na ito at ang lahat ay magsisimula nang panibago.”
Bigla ay napagtanto niya.
“Pagkatapos!” sigaw niyang napatayo mula sa bangko, “teka muna,
mangyayari nga ba iyon?”
At nagmamadali niyang iniwan ang upuan, halos patakbo. Nais sana
niyang bumalik pauwi, ngunit labag na labag sa kaniyang kalooban ang umuwi
ng bahay ngayon. Dahil doon mismo sa sulok ng mala-aparador niyang tirahan
nabuo ang bagay na iyon, at naglakad siyang walang-tiyak na patutunguhan.
Ang sikdo ng dibdib ay naging tila nakahihilong lagnat, parang nais
niyang antukin, sa tindi ng init ay nanlamig ang buo niyang katawan. Hindi niya
namamalayan ang pagpupumilit, na para bang iyon ang kailangan, na masdan
ang lahat ng nakasasalubong na bagay, para bang nagpupumilit sa paghahanap
ng libangan, ngunit hindi niya ito makaya, minsa’y nahuhulog pa rin sa malalim
na pag-iisip. At mapakikislot, itataas ang ulo at muli’y malilimutan na naman
kung ano ang nasa isip, maging ang kinaroroonan. Ganoon niyang binagtas ang
buong Isla Vasilyefsky, lumusot sa Munting Nieva, binagtas ang tulay at tumungo
sa mga isla. Agad niyang nagustuhan ang luntiang mga halaman at kasariwaan
ng paligid, kaginhawaan sa mga matang nahirati sa alikabok ng lungsod, sa tisa,
malalaki’t nagsisikipang kakabahayan na tila dumadagan sa kaniya. Dito’y wala
ang alinsangan, ang singaw, maging ang inuman. Ngunit di-nagtagal ang bago
at masarap na pakiramdam ay naging masakit at nakasasakal. Paminsan-minsa’y
humihinto sa tapat ng mga bahay na pinaganda ng mga halaman, tinitingnan
ang bakuran, at mula sa kalayua’y makikita sa mga balkon at terasa ang nakaayos
na kababaihan at mga batang naghahabulan sa halamanan, lalong-lalo na sa mga
bulaklak, matagal niyang pinagmamasdan ang mga ito. Nakasalubong din niya
ang ilang magagandang karwahe, mga nangangabayong babae’t lalaki na magiliw
niyang sinundan ng tingin, ngunit makaliligtaan na ang ukol sa kanila hindi pa
man naglalaho ang mga ito sa kaniyang paningin. Minsang tumigil at binilang
ang kaniyang pera: may tatlumpung kopek pa siya. Dalawampu sa pulis, tatlo kay
Nastasya para sa sulat ... “ibig sabihi’y apatnapu’t pito o limampung kopek ang
ibinigay ko kahapon sa mga Marmeladov.” Naitanong niya sa sarili kung bakit
nga ba binilang ngunit hindi kaginsa’y nalimutan na rin kung bakit inilabas mula
sa bulsa ang pera. Nang mapadaan siya sa isang kainan ay naalala at naramdaman
ang gutom. Pagkapasok ay uminom siya ng isang tagay ng vodka at kumain ng
60 FEODOR DOSTOYEVSKY

kung anong kalamay. Sa daan na niya ito inubos. Napakatagal na niyang hindi
umiinom ng vodka, kaya’t kahit isang tagay lang ay agad itong umepekto sa kaniya.
Madaling bumigay ang kaniyang mga paa at nakaramdam ng matinding antok.
Lumakad na siya pauwi ngunit pagdating sa Isla Petrovsky ay tumigil na hinang-
hina, pumunta sa damuhan, nahiga, at tuluyan nang nakatulog.
Ang panaginip ng taong maysakit ay naiiba sa pangkaraniwan: mas
malinaw, matingkad, at may natatanging pagkahawig sa tunay na buhay. Kung
minsan ay lumilitaw ang anyo ng isang halimaw, ngunit ang kalagayan, proseso,
at pangyayaring nakapalibot dito ay tunay na tunay, maging ang mga mumunting
detalye ay may mataas na antas ng sining at nakapagtatakang naaayon sa
kumpletong larawan ng katotohanan, ganoon kalinaw na kung gising lamang
ang nananaginip ay hindi niya ito kayang ipasok sa isip, kahit siya pa si Pushkin
o si Turgenef.16 Ang ganoong mga panaginip, panaginip ng maysakit, kadalasa’y
matagal na matatandaan at nag-iiwan ng malalim na bakas sa naguguluhan at
nag-aalab na ngang organismo ng tao.
Nagkaroon ng masamang panaginip si Raskolnikov. Ang napanaginipan
niya’y tagpo noong siya’y bata pa sa kanilang bayan. Pitong taong gulang pa
lamang siya noon, kasama ang amang namamasyal isang hapon sa kabayanan
nang minsang may pagdiriwang. Maulap at madilim ang panahon. Ang lugar ay
ganoong-ganoon din gaya ng natatandaan niya, parang mas malabo pa nga ito
sa kaniyang alaala kumpara sa nakikita niya ngayon sa kaniyang panaginip. Ang
pamayanan ay bukas na bukas gaya ng palad, sa palibot ay wala ni halaman. Sa
napakalayo, sa mismong dulong parang umaabot sa langit ay nangingitim ang
gubat. Ilang hakbang mula sa pinakahuling bakuran ay may isang taberna, malaking
inuman na laging nagbibigay sa kaniya ng masamang impresyon, maging takot, sa
tuwing kaniyang daraanan. Doon ay lagi nang may maraming tao, nagsisigawan,
naghahagalpakan, nagmumurahan, nag-aawitan ng mga pangit at masasagwang
awitin, at madalas mag-away. Sa palibot ng taberna ay nagkalat ang mga lasing at
mapapangit na mukha. Pag nakasasalubong sila ay mahigpit siyang kumakapit sa
ama at nangangatal ang buong katawan. Sa tabi ng taberna ay may isang daang
patungo sa baryo na laging maalikabok. Ang alikabok doon ay laging maitim.
Ito’y daang liko-liko, mga tatlong daang hakbang paliko sa kanan ay matatagpuan
ang sementeryo ng bayan. Sa gitna ng sementeryo ay isang simbahang bato na

16 Si Alexander Pushkin ay itinuturing na Ama ng Panitikang Ruso. Si Ivan Turgenef naman ay


kontemporaneo ni Dostoyevsky at isa sa mga pinakasikat na manunulat.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 61

kulay berde ang simboryo. Doon ay pumupunta siya dalawang beses sa isang taon,
kasama ang kaniyang ina at ama kapag ipinagpapamisa ang kaniyang yumaong
lola na matagal nang panahon ang nakalilipas nang mamatay at ni hindi nga
niya ito nakita kahit minsan. Sa ganoong pagkakataon ay lagi silang nagdadala
ng nakabalot na kalamay na nasa puting lalagyan. Matamis ito na gawa sa bigas
at nilagyan ng mga pasas na inayos upang maghugis-krus. Gustong-gusto niya
ang simbahang ito, ang mga lumang imaheng naroroon na karamiha’y walang
mga kuwadro, at ang matandang paring nanginginig-nginig ang ulo. Katabi ng
libingan ng kaniyang lola ay ang munting himlayan ng kaniyang nakababatang
kapatid na lalaking namatay noong anim na buwang gulang pa lamang. Hindi rin
niya ito nakita at wala siyang alaala man lamang tungkol sa kaniya. Nasabi lamang
sa kaniya na siya’y nagkaroon ng nakababatang kapatid kaya’t tuwing dumadalaw
siya sa sementeryo ay nag-aantada siya’t umuusal ng panalangin sa harap ng
munting libingan. At heto ang kaniyang panaginip:
Magkasama sila ng kaniyang ama patungo sa sementeryo at dinaraanan
nila ang taberna. Nakakapit siya sa kamay ng ama at takot na sumisilip-silip sa
taberna. May kakaibang bagay ang umagaw ng kaniyang pansin.
Sa pagkakataong iyon ay parang may malaking kasiyahan. May pulutong
ng mga tagaroong bihis na bihis: mga babae, kani-kanilang mga asawa, at kung
sino-sino pang tao. Lahat ay lasing, lahat ay nag-aawitan, at sa tabi ng pinto ng
inuman ay may nakaparadang karwaheng gaya ng malalaking karwahe na hinihila
ng mga maliliksing kabayo. May mga karga itong kalakal at tapayan ng alak.
Gustong-gusto niyang tingnan ang mga malalaki at makikisig na panghilang
kabayo, ang kanilang makapal na balahibo sa batok (iskombris), matatabang paa,
malumanay na paglalakad, parang sinusukat ang bawat hakbang at humihila ng
gabundok na dalahin, ni hindi nahihirapan na para bang mas magaan ang may
hila kaysa wala. Ngunit ngayon ay nakapagtataka, sa napakalaking karwahe ay
nakatorno ang maliit, payat na kabayong pambukid, gaya ng madalas niyang
makitang hirap na humihila ng mataas na salansan ng panggatong o ani sa bukid,
lalo na’t kung nalulubak sa putik. Sa gayon ay hahagupitin siya nang husto ng
latigo, sa mismong mukha at mata. Sa tuwing nakikita niya iyon ay habag na habag
siya, mangiyak-ngiyak at palagi’y inilalayo na lang siya ng ina mula sa bintana.
Bigla’y lalong umingay, sa inuman ay nagsisigawan, nag-aawitan, tumutugtog ng
balalaika ang ilang lasing na lasing na lalaking nakapula at asul, nakasampay ang
panlamig sa balikat. “Sakay, sakay kayong lahat!” sigaw ng isang bata-bata pang
62 FEODOR DOSTOYEVSKY

may matabang leeg, malaman, at pulang-pula ang pisngi gaya ng karot. “Ihahatid
ko kayong lahat!” Noon di’y umalingawngaw ang tawanan at sigawan.
“Iyan bang hayop na iyan ang maghahatid?”
“Ano ka ba naman Mikolka, ikaw ba’y nasa wastong pag-iisip at ganitong
bisero ang ini-ulma mo sa ganiyang kareta?”
“Aba’y dalawampung taong gulang na iyan, a!”
“Sakay na kayo, lahat ay ihahatid ko!” muling sigaw ni Mikolka sabay
talon sa kareta, hinawakan ang renda at tumayo sa unahan. “Lalakad na ang kabayo
ni Matvei,” sigaw niya mula sa kareta, “Pinasasama lang ng hayop na ito ang aking
dibdib. Mapapatay ko na yata ito, sayang lang ang nilalamon. Tayo na, sakay na
kayo! Patatakbuhin ko ito nang matulin! Padadambahin!” Hinawakan na niya ang
latigo at nasasabik na humanda nang hagupitin ang kabayo.
“O, ano pa, sakay na, pakariripasin daw,” tawanan ang talpa.
“Ano’ng kakaripas, eh, sampung taon na yatang ni hindi iyan
nakalulundag.”
“Kakaripas ito!”
“Huwag maawa mga ‘igan. Kuha kayo ng kahit anong pamalo, humanda
kayo!”
“O, hayan na, sige!”
Lahat ay nagpanhikan sa kareta ni Mikolka, tawanan, at harutan. Sumakay
ang anim na katao, humila pa ng isang matabang babaeng namumula ang pisngi.
Siya ay nakapulang kaliko, may kristal na palawit, nangungukot pa ng mani. Sa
palibot ay tigas na tawanan, ba’t nga naman hindi matatawa, e, kapayat na kabayo’y
pahihilahin nang ganoon kabigat! Dalawang binata ang agad na humampas ng
latigo upang tulungan si Mikolka. Malakas na ‘Hyaaa!’ ang narinig, buhos-lakas
na pumiksi ang kabayo, ngunit umusad lamang nang kaunti, naninigas lamang
ang mga tuhod, humahalinghing, at napauupo lamang sa latay ng tatlong latigong
lumalagapak na parang pumuputok na balatong. Dumoble ang tawanan ng talpa
at ng mga nasa kareta, ngunit nanggagalaiti naman sa galit si Mikolka, sinunod-
sunod ang paghagupit sa kabayo, tila tiwalang iyon ang magpapakaripas ng takbo
sa kawawang kabayo.
“Pasakay rin, mga kapatid!,” sigaw ng isang binatang nanonood na
mukhang ginanahan.
“Sakay! Sakay kayong lahat!” sigaw ni Mikolka, “Ihahatid ko kayong
lahat. Papatayin ko ito sa palo!” Latigo ito nang latigo at kung minsa’y hindi na
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 63

alam kung ano ang ihahampas sa galit.


“Papochka, papochka,” sigaw niya sa ama, “Papochka, ano’ng ginagawa
nila?! Papochka, pinapatay nila ang kabayo!”
“Tayo na, tayo na!” sabi ng ama, “Mga lasing iyan, mga luko-lukong
nagpapakasaya. Tara na, huwag mo na lang tingnan!” at inilayo niya ang bata, ngunit
nakawala siya at tumakbo papunta sa kabayo. Hirap na hirap ang kabayo, hindi
halos makagulapay na hihinto at muling hihila, muntik-muntikang masubasob.
“Patayin sa palo!” sigaw ni Mikolka, “Lakad, kundi’y papatayin kita!”
“Wala ka bang Kristo, wala kang awa!,” sigaw ng isang matandang
nanonood.
“Ganyan ba ang bigat na nababagay sa ganiyang kabayo?,” dagdag ng isa.
“Mapapatay mo iyan!,” sigaw ng ikatlo.
“Huwag kayong makialam! Akin ito, kung ano ang gusto ko, siyang
gagawin ko!”
“Sige, sakay pa kayo. Lahat! Gusto ko’y kumaripas ito ng takbo!”
Muling lumakas ang tawanan na kumubkob sa lahat. Hindi na matiis
ng payat na kabayo ang sakit ng sunod-sunod na paghataw at ubos-lakas na pilit
sumisipa. Maging ang matanda ay hindi nakapagpigil na humagikgik. Oo nga
naman, ganoon kapayatot na kabayo’y sumisipa pa!
Dalawang binata mula sa nanonood ang nakakuha ng pamalo at
patakbong hinalibas din ng palo sa tagiliran ang hayop. At nagkani-kaniya na sila
ng hagupit.
“Sa mukha, sa mata, sa mata ninyo tirahin!,” sigaw ni Mikolka.
“Kanta, mga kapatid!,” may sumigaw na isa sa mga nakasakay at
nagsimulang mag-awitan ang lahat. Narinig ang mga malalaswang awitin,
kinakalansing ang tamburin at nagpapaswitan. Humahagikgik ang babaeng
mataba habang abala sa pagbasag ng mani.
Tumatakbo ang bata sa tabi ng kabayo at kitang-kita niya kung papaanong
hinahampas ito sa mata, sa mismong mata! Umiyak siya, masasal ang dibdib
at umaagos ang luha. Isa sa mga naglalatigo ang nakatama sa kaniyang mukha
ngunit hindi niya ito ininda. Sumisigaw at nanginginig ang mga kamay na tinakbo
ang mamang matandang puti na rin ang balbas, iiling-iling itong labag ang loob sa
nangyayari. Isang babae ang tumangan sa kamay ng bata at nagtangkang ilayo ito
ngunit nakaalpas na naman siya at muling tumakbo sa kabayo. Habol na ng huli
ang hininga at muli’y nagsimulang sumipa.
64 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Aba’t ang demonyo!” galit na sigaw ni Mikolka. Binitiwan ang latigo,


yumuko at hinugot mula sa ibaba ng kareta ang isang mahaba at makapal na kahoy.
Hinawakan ng dalawang kamay sa dulo ang kahoy at nabibigatang iwinasiwas ito
sa harap ng kabayo.
“Dudurugin yata!”
“Papatayin!”
“Akin ito!” ang sigaw ni Mikolka at ubod-lakas na pumalo. Narinig ang
malakas na kalabog.
“Sige, patayin ninyo! Dali!,” sigaw ng mga tao.
Muli’y humampas nang malakas si Mikolka at ito’y tumama sa gulugod
ng kaawa-awang nilikha. Napaaatras ito’t napasusulong, ngunit umiigtad pa rin
at gumagalaw. Umiigtad pa rin sa iba’t ibang direksiyon upang makawala. Ngunit
saanman humarap ay sinasalubong siya ng anim na pamalo. Muli’y tumaas ang
kahoy at sa ikatlo-ikaapat na ulit ay lumagapak na pawang malalakas. Nagwawala
na si Mikolka dahil hindi niya ito mapatay sa isang bira.
“Buhay pa!” sigaw sa paligid.
“Ngayo’y tiyak na babagsak na iyan, mga kapatid, katapusan na niya!,”
sigaw ng isang nasisiyahan.
“Palakulin na natin! Minsan lang iyan!,” sigaw ng ikatlo.
“A, mangangain ng lamok! Tumabi kayo!” galit na sigaw ni Mikolka.
Muling dumukwang sa ibaba ng kareta at may hinilang baretang bakal.
“Humanda ka!,” sigaw nito at ubod-lakas na pinalo ang kawawang
kabayo. Lumagapak, gumewang ang kabayo, tinangkang umigtad ngunit muling
tumama nang ubod-lakas ang bareta sa kaniyang likod at ito’y bumagsak sa lupa,
apat na paa ang sumisipang sumalubong sa kaniya. “Tapusin na!” sumisigaw na
lumundag mula sa kareta si Mikolka. Ilang kabinataan, pulang-pula rin at lasing,
ang naghagilap ng kahit anong maaapuhap: latigo, kahoy, tabla, at tumakbo sa
naghihingalong kabayo. Sa gilid naman ito sinimulang paluin ng bareta ni
Mikolka. Umunat ang kabayo, hinugot ang huling hibla ng hininga, at binawian
ng buhay.
“Pinatay mo!” sigawan ang mga tao.
“Ayaw tumakbo, e!”
“Akin ito!” hawak ni Mikolka ang bareta, pulang-pula ang mata nitong
nawisikan ng dugo. Nakatayo siyang natitigagal, nanghihinayang din at wala na
siyang papaluin.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 65

“Wala ka ngang Kristo sa dibdib!,” sigaw ng maraming tinig mula sa


talpa.
Wala na sa sarili ang batang kawawa. Sumisigaw siyang sumingit sa mga
tao tungo sa kabayo, niyakap niya ito nang mahigpit, ang malamig at duguan
nitong mukha, pinaghahagkan ito sa mata, sa bibig ... Pagkatapos ay biglang
tumayo, tiim-bagang na sumugod kay Mikolka. Tikom ang mumunting kamao
nang bigla’y pinigil siya ng amang kanina pa sumusunod at hinila siya papalayo
sa mga tao.
“Tayo na, tayo nang umuwi!,” sabi sa kaniya.
“Papochka, bakit nila pinatay ang ... kawawang kabayo?!” bunghalit ng
bata, pasigaw ang mga salitang lumalabas sa naninikip niyang dibdib.
“Mga lasing na nagkakatuwaan, wala tayong magagawa, tara na!”
Dalawang kamay na tinanganan niya ang ama, ngunit naninikip pa rin ang
kaniyang dibdib. Gusto niyang pigilan ang paghinga at sumigaw nang malakas
... nang siya’y magising. Nagising siyang pawisan, basa ng pawis ang buhok, di
-makahinga at nangangatal na bumangon.
“Salamat sa Diyos at panaginip lang pala! Hindi kaya ako nilalagnat at
nagkakaroon ako ng ganoon kasamang panaginip!”
Parang basag ang buo niyang katawan, maulap, at madilim ang kaluluwa.
Ipinatong niya ang mga kamay sa tuhod at pagkatapos ay dalawang kamay na
hinagod-hagod ang ulo.
“Diyos ko, magagawa ko ba talaga na kumuha ng palakol at palakulin siya
sa ulo ... babasagin ang bungo ... mapupuno sa malagkit at mainit niyang dugo,
bubuksan ang kandado, magnanakaw, at manginginig, magtatagong basang-basa
ng dugo ... may palakol ... Diyos ko, hindi!” Nanginginig siyang parang dahon
habang sinasabi ito.
“A, ano ba ito?!” pagpapatuloy niya, nakaupong tila napakalalim ng iniisip,
“Alam ko naman na hindi ko makakaya. Bakit ba pinahihirapan ko ang aking
sarili! Kahapon pa man, kahapon nang sinubukan ko ... ay natiyak ko nang hindi
ko magagawa ... bakit ngayon ay ... ? Ano pa ba ang aking pinag-aalinlangan?
Kahapon, habang papanaog ako sa hagdan, ako mismo ang nagsabing ito’y
masama, karumal-dumal, kababawan ... sa isip pa lang ay naduruwal na ako ...
Iwinawaksi ko …”
“Hindi, hindi ko makakaya! Kahit pa nga ba walang pagkakamali sa
aking pagtataya, kahit na ipinasya ko na ngayong buwang ito, malinaw na gaya ng
66 FEODOR DOSTOYEVSKY

araw, malinaw na gaya ng aritmetika. Diyos ko! Hindi ko rin magagawa! Hindi ko
makakaya! Hindi makakaya! Ano at hanggang ngayon ay …”
Tumayo siya at gulat na iginala ang tingin sa paligid na para bang
nagtataka at bakit siya nakarating sa kinaroroonan at tumuloy na sa tulay.
Namumutla siya, nag-aapoy ang mga mata at nangangalay ang buong katawan,
ngunit mas maluwag na ang kaniyang paghinga. Naramdaman niyang tila nawala
na ang malaki, nakatatakot na pabigat, na matagal nang nakadagan sa kaniya.
Ang kaniyang kaluluwa ay biglang gumaan at pumayapa. “Panginoon ko,” taimtim
niyang dasal, “Tanglawan mo ang aking landas at tatalikuran ko ang kasumpa-
sumpa kong iniisip!”
Habang binabagtas ang tulay ay tahimik at payapa niyang minasdan ang
Ilog Nieva, ang makulay na paglubog ng maliwanag at mapulang araw. Bagama’t
hinang-hina ang pakiramdam ay tila hindi siya napapagod. Ang tila bara sa puso
niyang isang buwan nang nakaharang ay tila biglang naalis. Kalayaan, kalayaan!
Malaya na siya mula sa kapangyarihan ng engkanto, sumpa, at pagsanib!
Kung inisa-isa niya pagkatapos ang mga nangyari sa kaniya nang araw
na iyon, bawat minuto, bawat punto, at bawat bahagi ay may isang bagay ang labis
na nagpapamangha sa kaniya. Bagama’t ito’y naging tagapagtakda ng kaniyang
kapalaran: ito ay ang hindi niya pagdaan sa pinakamalapit na daanan. Hindi niya
mawawaan at maipaliwanag kung bakit siya, na pagod at masama ang pakiramdam,
ay dumaan pa sa may palengke sa Plaza Sennaya na mas malayo. Hindi man
ganoon kalayo pero kitang-kita pa rin at talagang hindi na kailangan. Sabagay,
kung sampung beses lamang ay nangyari na ang umuwi siyang di natatandaan
ang dinaanan. Ngunit para saan nga ba? Lagi niyang tanong, bakit ang ganoon
kahalaga at makabuluhang pagtatagpo para sa kaniya ay maganap nang hinding-
hindi rin sinasadya, sa ganoong oras, sa ganoong kalagayan ng kaniyang pag-iisip at
kaluluwa, sa ganoon mismong kalagayan na posible ang ganoong pagkikita, upang
mag-iwan siya ng pinakamalalim at malakas na epekto sa kaniyang kapalaran?
Talaga bang hinintay siya?
Mag-aalas-nuwebe na nang siya’y magdaan sa palengke. Lahat ng
nagtitinda sa mga upuan, bangketa, at kani-kaniyang puwesto ay nagsasara o
nagliligpit na ng mga paninda, nag-uuwian na sa kani-kaniyang tahanan gaya
ng mga mamimili. Sa mababang lugar, sa tabi ng bakuran ng mga marurumi at
mababahong kabahayan sa palengke, lalo na sa mga inuman ay nagtitipon ang mga
mangangalakal at iba’t ibang namumulot ng basura. Ito ang paboritong tunguhin
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 67

ni Raskolnikov, gaya ng alinmang pinakamalapit na kanto, tuwing lalabas nang


walang-patutunguhan. Ang mga taong ito’y hindi nagmamataas, kaya’t maaaring
maglakad anuman ang suot at walang sinumang maeeskandalo. Sa may kanto ng
K., sa sulok, ay may mag-asawang nagtitinda ng kung ano-anong abubot: sinulid,
pamburda, tinahing panyo, at iba pa. Papanhik na rin sila sa bahay nang lumapit
ang isang kakilala. Ang kinausap na kakilala ay walang-iba kundi si Lizaveta
Ivanovna o simpleng Lizaveta para sa mga kakilala. Siya ang nakababatang
kapatid ni Alyona Ivanovna, ang matandang tumatanggap ng mga sangla,
pinuntahan siya ni Raskolnikov kahapon upang isangla ang relo at ‘subukin.’ Alam
na niya ang lahat tungkol kay Lizaveta at medyo kilala na rin siya ng babae. Siya
ang matangkad, lampahin, mabait, at tahimik na babaeng may edad tatlumpu’t
lima taon na mukhang tanga. Siya’y halos alipin ng kapatid, nagtatrabaho para
sa kaniya araw at gabi, nanginginig sa takot sa kapatid na nananakit sa kaniya.
Malalim siyang nag-isip sa harapan ng mag-asawa at taimtim na nakikinig. Buhay
na buhay naman sa pagsasalita ang dalawa. Nang makita siya ni Raskolnikov ay
nakaramdam ito ng kakaibang damdamin, pagkatigagal, bagama’t wala namang
nakakagulat tungkol doon.
“Kung kayo na sana, Lizaveta Ivanovna, ang mag-isang magdesisyon
tungkol dito. Pumunta kayo rito bukas, mga alas-siyete at sila’y darating,” malakas
na sabi ng lalaki.
“Bu ... bukas?” mahaba at patanong na bigkas ni Lizaveta na parang di
makapagpasya.
“E, natatakot yata kayo kay Alyona Ivanovna!” gagad ng madaldal na
asawa ng tindero. “Para kayong maliit na bata kung makakilos. E, hindi nyo naman
siya kapatid na buo, kundi kapatid lang sa ina. Tingnan ninyo kung paano kayo
paikutin.”
“Sa pagkakataong ito’y wala kayong anumang sasabihin kay Alyona
Ivanovna,” sabad ng lalaki, “Ang payo ko’y pumunta kayo rito bukas nang hindi
nagpapaalam. Mapagkakakitaan ito. Maiintindihan din iyon pagkatapos ng
inyong kapatid.”
“A-anong oras?”
“Bukas, alas-siyete, at darating din sila. Kayo nang mag-isa ang magpasya.”
“Ihahanda rin natin ang samovar17 para sa tsaa,” dugtong ng babae.

17 Ang samovar ay pakuluan ng tubig at tsaa na naglalaman ng tatlo hanggang sampung litro, o higit
pa. Bahagi ito ng anumang handaan o kasiyahan sa buhay Ruso.
68 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Si-sige, darating ako,” mahinang sabi ni Lizaveta, nag-iisip pa rin at


dahan-dahang kumilos.
Lumampas si Raskolnikov at wala na siyang narinig pa. Tahimik siyang
nakaramdam ng yelong gumapang sa kaniyang gulugod. Napag-alaman lamang
niya ngayon nang hindi inaasahan na bukas sa ganap na alas-siyete ng gabi ay aalis
sa bahay si Lizaveta, ang kapatid at nag-iisang kasambahay ng matanda, kaya’t
maiiwan itong mag-isa.
Ilang hakbang na lamang at siya’y nasa bahay na. Pumasok siya sa kaniyang
kuwartong tila nahatulan ng kamatayan. Hindi na siya nangatuwiran at sadyang
hindi na siya makapangatuwiran, buong katauha’y naramdaman na wala na siyang
kalayaan pang mangatuwiran, ni makapamili, lahat ay tapos na’t napagpasyahan na
...
Kahit isang taon pa siguro siyang maghintay ay hindi na magkakaroon pa
ng ganito kaganda at kalinaw na pagkakataon para sa ikatatagumpay ng kaniyang
balak. Sa ano’t anupaman ay mahirap malaman ang ganito nang may katiyakan, na
wala nang mapanganib na pagtatanong o pagsisiyasat upang matiyak, halimbawa,
na sa ganitong oras, maiiwanang mag-isa sa bahay ang matandang babaeng
pinagbabalakan niyang patayin.
VI

MAKARAAN AY NALAMAN din ni Raskolnikov kung bakit inimbitahan


ng mama at ale si Lizaveta. Napakasimpleng bagay lamang at walang anumang
natatanging dahilan. Dala ng mahigpit na pangangailangan ay ibinebenta ng isang
bagong-saltang mag-anak ang lahat ng kanilang kagamitan, tulad ng mga damit
at kung ano-ano pang gamit pambabae. Dahil sa hindi kapaki-pakinabang na
ipagbili ang mga ito sa palengke ay naghanap sila ng tindera at ginagawa nga ito
ni Lizaveta. Nangungumisyon lamang at ginagawa na ang dapat gawin. Marami
na siyang karanasan sa ganoong bagay. Dahil sa napakamatapat na tao ay laging
pinakamababang presyo na ang itinuturing. Kung ano ang halagang sinabi ay iyon
na talaga ang presyo. Sadyang hindi masalita at tulad ng nasabi na ay tahimik
lamang at matatakutin ...
Ngunit sa huli’y naging lubhang mapamahiin si Raskolnikov. Matagal
na mananatili sa kaniyang halos di-natitinag ang mga bakas ng pamahiing ito.
At sa lahat ng mga kaganapang tinutukoy ay may ugali siyang tingnan ang mga
pangyayari na para bang ang mga ito’y tunay na kakatwa, parang may kung anong
lihim, parang mayroong natatanging impluwensya at pagkakatugma ng mga
pangyayari. Noong nakaraang tagyelo ay nalaman niya sa kakilalang estudyanteng
si Pikariof, bago ito pumunta sa Kharkof, ang adres ng matandang Alyona Ivanovna
upang kung sakali mang kailanganin niyang magsangla ay alam na niya kung saan
70 FEODOR DOSTOYEVSKY

pupuntahan. Matagal bago niya ito pinuntahan dahil nga sa nakapagtuturo pa


siya at kahit papaano ay nakararaos naman. Mga isa’t kalahating buwan na ang
nakalilipas ay naalala niyang muli ang adres. Mayroon siyang dalawang gamit na
maaaring isangla: ang lumang relong pilak mula sa ama at isang maliit na gintong
singsing na may tatlong maliliit na batong kulay pula, na ibinigay sa kaniya ng
kapatid na babae bilang alaala nang sila’y magpaalaman. Ipinasya niyang dalhin
ang munting singsing, hinahanap, at natagpuan ang matanda. Sa unang tingin
pa lamang, kahit wala pa naman siyang gaanong alam tungkol sa matanda ay
nakadama na siya ng di-matingkalang pagkamuhi. Kinuha niya ang dalawang
rublong papel at sa daan ay tumuloy sa isang may kapangitang kainan. Bumili siya
ng tsaa, naupo, at malalim na nag-isip-isip. Kakaibang kaisipan ang nabubuo sa
kaniyang diwa, gaya ng sisiw na lumalabas mula sa itlog, na tila labis na nakaaaliw
sa kaniya.
Halos katabi lamang niya sa isa pang mesa ang nakaupong isa pang
estudyanteng hindi niya kilala at hindi rin naaalala, kasama nito ang isang
batang opisyal. Naglaro sila ng bilyar at nagsimulang uminom ng tsaa. Bigla’y
naulinigan niyang nagkukuwento ang estudyante tungkol kay Alyona Ivanovna,
na tumatanggap ng sangla at ipinaalam nito ang adres ng matanda sa opisyal.
Palagay ni Raskolnikov ay kakaiba rin ito: kagagaling lamang niya roon at dito’y
tungkol din doon ang nagkataong pinag-uusapan. Siyempre nagkataon lamang
ngunit ngayo’y hindi siya makabitiw sa isa pang kakaibang impresyon. At ngayo’y
parang may kung sinong nakikinig at sumusulsol sa kaniya. Biglang nagbigay ang
estudyante sa kasama ng mga detalye ukol kay Alyona Ivanovna.
“Okey siya,” sabi niya, “anumang oras ay may pera. Mayamang gaya ng
Hudyo, kahit limang libo ay agad makapagbibigay. Hindi iniinda ang prendang
pera. Maraming kakilala natin ang pabalik-balik doon. Kaya lang, grabe talaga
kung magalit ... ”
At ikinuwento niya kung gaano siya kabagsik at kapritsosa. Isang araw
lamang na mapaso ang isinanla mo ay wala na ang gamit mo. Sangkapat na
bahagi lamang ng halaga ng gamit o mas maliit pa ang ibinibigay. Lima o pitong
porsiyento pa kada buwan ang kinukuha at iba pa. Nagdaldal na ang estudyante
at ibinalita pa na ang matandang maliit at nakaririmarim ay may kapatid, ang
pangalan ay Lizaveta, na bagama’t napakalaki’t halos anim na talampakan ang taas
ay minu-minutong binubugbog at sadyang alipin kung ituring.
“Isa ring penomeno!” bulalas ng estudyante sabay halakhak.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 71

Pinag-usapan nila si Lizaveta. Nagkuwento ang estudyante tungkol sa


kaniya nang may natatanging saya at laging natatawa. Interesadong nakinig naman
ang opisyal at pinakiusapan ang estudyante na papuntahin ito sa kaniya upang
paglabahin ng maruming kumot. Walang pinalampas ni isang salita si Raskolnikov
at sa isang iglap ay alam na niya ang lahat: si Lizaveta ay nakababatang kapatid ng
matanda sa ama at tatlumpu’t limang taong gulang na. Nagtatrabaho siya para sa
kapatid araw-gabi bilang kusinera at labandera. Maliban pa rito ay nananahi ng
mga ititinda at namamasukang tagalinis ng bahay. Lahat ng kinikita ay ibinibigay
niya sa kaniyang kapatid. Wala siyang kinukuhang trabaho at hindi naglalakas-
loob na tumanggap ng anumang mapagkakakitaan nang walang pahintulot ng
matanda. Samantala’y ginawa na ng matanda ang kaniyang huling testamento,
na alam na rin ni Lizaveta, kung saan wala siyang matatanggap ni isang kusing
maliban na lamang sa mga ari-arian, upuan, at iba pa. Lahat ng pera ay mapupunta
sa isang monasteryo sa probinsya upang idalangin ang katiwasayan ng kaniyang
kaluluwa magpakailanman. Si Lizaveta nama’y simple at hindi talaga maayos
magdala ng sarili, masyadong mataas, may mahahaba, at tila nakaliko-palabas na
mga paa na laging nakasuot ng saping yari sa balat ng kambing; gayunman, palagi
siyang malinis. Higit sa lahat ng ipinagtataka at pinagtatawanan ng estudyante ay
ang pangyayaring lagi raw itong nabubuntis ...
“Di ba’t pangit siya, ‘ika mo?” puna ng opisyal.
“Oo, itim at parang sundalong sinampayan ng damit, ngunit hindi naman
talagang pangit. Napakabait ng kaniyang mukha at mga mata. Sa katunayan nga
ay marami ang nagkakagusto sa kaniya. Tahimik, mahinhin, hindi palasagot, at oo
lang nang oo. At ang kaniyang ngiti’y talagang matamis.”
“Aha! May gusto ka rin sa kaniya!” halakhak ng opisyal.
“Ano ka! Pero ito lang ang masasabi ko, siguro’y mapapatay ko at
mananakawan ang kasumpa-sumpang matanda na hindi man lang matitigatig ang
aking konsensya,” mainit na dugtong ng estudyante.
Muling tumawa ang opisyal, kinabahan naman si Raskolnikov at
manghang-mangha sa pagkakatugma.
“Ipahintulot mo ang ganitong katanungan,” nag-init na ang estudyante.
“Alam mong nagbibiro lang ako ngayon ngunit tingnan mo: isang buwisit, walang-
kuwenta, masama, at matandang hukluban, na hindi kailangan ninuman, sa totoo’y
perwisyo pa sa lahat, ni siya mismo’y hindi nakakaunawa sa kahulugan ng sariling
buhay, at bukas-makalalawa’y mamamatay na ring kusa, hindi ba? Naiintindihan
72 FEODOR DOSTOYEVSKY

mo?”
“O ... oo,” sagot ng opisyal, at matamang sinuri ang nag-init na estudyante.
“Heto pa. Sa kabilang dako naman ay gaano karami ang mga bata at
sariwang kakayahan na nasasayang nang walang tumutulong man lang? Libo-
libo, sila’y nasa lahat ng dako! Isang daan o isang libong mabubuting gawain at
simulain sana ang mapaggagamitan ng pera ng matanda na masasayang lang sa
monasteryo! Napakaraming buhay ang maitutuwid, mga mag-anak na maililigtas
mula sa karukhaan, pagkawatak-watak at kamatayan, mula sa pagkahumaling sa
kamunduhan, at sakit na dulot nito. Lahat ng ito’y maaaring magawa ng pera.
Patayin na lang siya at pagnakawan upang pagkatapos, sa tulong ng kaniyang
salapi, ay ialay ang lahat sa paglilingkod sa buong sangkatauhan at kabutihan
ng lahat. Ano sa palagay mo? Hindi ba maitutuwid ng libo-libong mabubuting
gawa ang isang munting krimen? Isang buhay kapalit ng libong nailigtas mula
sa pagkabulok at pagkaagnas! Isang kamatayan na ang katumbas ay isang daang
buhay? Hayan ang aritmetika! At ano ba naman ang katuturan ng buhay ng
gayong ubuhin, mangmang, at maitim ang budhing matanda sa pangkalahatang
timbangan ng buhay? Hindi nakahihigit sa buhay ng kuto o ipis, dili kaya’y mas
mababa pa dahil siya’y masama! Lumalamon siya ng buhay ng iba. Minsan nga ay
kinagat niya dahil sa ngitngit ang daliri ni Lizaveta, muntik na niya itong maputol!”
“Siguro nga’y hindi marangal ang kaniyang buhay ngunit ganyan talaga
ang kalikasan,” sabi ng opisyal.
“A, kapatid, ang kalikasan ay isinasaayos at itinutuwid, kung hindi ay
pare-pareho tayong malulunod sa mga kathang-isip. Kung hindi ganoon ay wala
sanang lumitaw ni isang dakilang tao sa mundo. Madalas sabihin ang ukol sa
katungkulan at konsensya at hindi ako laban sa katungkulan at konsensya ngunit
paano ba natin nauunawaan ang mga ito? Sandali lang, mayroon pa akong
itatanong sa iyo, makinig ka!”
“Hindi, teka muna, ako ang may itatanong sa iyo.”
“O, sige.”
“Magaling ang iyong talumpati, ngayon, sabihin mo sa akin, ikaw ba
mismo ang papatay sa matanda o hindi?”
“Siyempre, hindi! Ako ay para lang sa katarungan ... ngunit hindi para sa
akin ang gawaing iyan ... ”
“A, sa tingin ko, dahil ikaw mismo ay hindi makapagpasya. Eh, wala na
kahit na anong katarungan pa! O, isang laban pa!”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 73

Malakas ang kaba sa dibdib ni Raskolnikov. Pero ang mga ito’y


pinakapangkaraniwan lamang at di-miminsang narinig na niya sa mga usapan ng
kabataan. Marahil ay sa ibang tema at hugis lamang ngunit ganoon din ang laman
ng kaisipan. Subalit bakit ngayon pa mismo niya narinig ang ganoong usapan at
ideya, ngayon na ganoon ding ideya ang namumuo sa kaniyang isipan? At bakit
ngayon pa, na mula sa matanda, ay dala-dala na niya sa isip ang bagay na iyon. Bakit
ito pa ang natiyempuhan niyang usapan ukol sa matanda? Ang pagkakataong iyon
ay lagi niyang ikinamamangha. Ang walang-katuturang usapang ito sa kainang
iyon ay may malaking kabuluhan sa mga susunod pang mangyayari sa kaniyang
buhay, para bang mayroon ditong nakatakdang mangyari na isang kautusan.
Mula sa palengke ay pabagsak siyang naupo sa sofa, matagal siya sa
ganoong posisyon. Dumilim na at hindi pa rin siya nagsisindi ng kandila, ni
hindi ito sumagi sa kaniya. Hindi na niya maalala kung may iniisip siya nang oras
na iyon. Sa huli’y muli niyang naramdaman ang lagnat at antok at maligayang
nahulaan na maaari siya ngayong umunat nang mabuti sa sofa. Di-katagalan ay
tila dinaganan siya ng mabigat na troso sa pagkakatulog.
Napakatagal ng kaniyang pagkakatulog nang walang panaginip. Mag-
aalas-diyes na ng umaga nang pumasok si Nastasya at pinilit siyang gisingin.
Dinalhan siya nito ng tsaa at tinapay. Muli, ang tsaa ay makalawang ulit nang
pinakuluan at nasa pakuluan ng tsaa.
“Naku! Tulog pa pala,” sigaw niyang pagulat, “Tulog pa hanggang
ngayon!”
Pinilit niyang tumayo kahit masakit ang ulo, tumindig sa sariling mga
paa, pumihit, at muling bumagsak sa kaniyang higaan.
“Ano, matutulog ka uli!” sigaw ni Nastasya, “May dinaramdam ka ba?”
Hindi siya tumugon.
“Baka gusto mo ng tsaa?”
“Saka na,” ang pilit niyang sagot, muling pumikit at humarap sa dingding.
Nakatayo lamang si Nastasya sa kaniyang tabi.
“Siguro nga’y may sakit,” sabi nitong tumalikod at umalis na.
Alas-dos ng hapon nang siya’y magbalik, may dalang sabaw. Nakahiga pa
rin ang binatang parang troso. Hindi pa rin nagagalaw ang tsaa. May sama pa ng
loob, galit na niyugyog nito ang binata.
“Ano’t nagbabatog ka?” sigaw niyang may halong pagkainis. Siya nama’y
bumangon at umupo ngunit walang anumang sinabi nakatingin lamang sa sahig.
74 FEODOR DOSTOYEVSKY

“May sakit ka ba?” tanong ni Nastasya. Wala rin siyang natanggap na


sagot.
“Lumabas ka man lang sana nang mahipan ng hangin. Kakain ka ba o
hindi?”
“Saka na,” mahinang sagot niya, “Sige, lakad na,” at ikinumpas ang kamay.
Nanatili pa nang kaunti si Nastasya, may pagmamalasakit namang
tumingin sa binata at saka lumabas.
Makaraan ang ilang minuto ay iniangat nito ang mukha, matagal na
tumitig sa tsaa at sabaw, kinuha ang tinapay at nagsimulang kumain.
Kaunti lamang ang kaniyang nakain, mga tatlo hanggang apat na
subo, parang pinilit lamang ang sarili. Nabawasan nang kaunti ang sakit ng
ulo. Pagkakain ay muli itong nahiga sa sofa, ngunit hindi na siya inantok, wala
itong kakilos-kilos sa pagkakahiga, itinakip ang unan sa mukha. At nangarap
siya, mga kakaibang pangangarap nang gising: nasa Africa raw siya, sa Ehipto,
sa isang oasis. Nagpapahinga ang karabana at nakaupo ang mga kamelyo. Sa
palibot ay may mga puno ng palma; lahat ay kumakain. Siya nama’y umiinom
ng tubig mula sa mismong sibol, na nasa tabi lamang, umaagos at bumubulwak.
Masarap at kayganda, napakaganda ng makulay na batuhan at ginintuang kislap
ng buhanginan ... Nang bigla’y malinaw niyang narinig ang kalembang ng orasan.
Kumislot siya’t nagising, nag-angat ng ulo. Tumingin sa bintana at nahimasmasan.
Kung anong oras na, at bigla siyang tumayo na parang may humila mula sa
higaan. Patingkayad na lumapit sa pinto, marahang binuksan at nakinig sa may
hagdan, para bang tulog na ang lahat ... At naisip niyang kagaguhan na makatulog
siya’t malimutan ang lahat pagkatapos ng nangyari kahapon, ni walang ginawa
o inihanda ... alas-sais na yata ... At sa halip na pagkaantok at tulog ay binalot
siya ng di-pangkaraniwang lagnat at kung anong sabog na pagkainip. Hindi
naman marami ang dapat ihanda. Tinipon niya ang lahat ng kakayahan upang
makapag-isip at walang anumang makalimutan habang sa lakas ng tibok ng puso
ay nahihirapan na siyang huminga. Una’y kailangang gumawa siya ng sabitan at
tahiin ito sa loob ng kaniyang damit panlamig; sandali lamang iyon. Kinapa niya
ang ilalim ng unan at hinugot ang napitpit nang puting kumot, kasama ang isang
luma, gulanit, at di-nalabhang kamiseta. Mula sa kaniyang basahan ay pumunit
siya ng piraso, isang pulgada ang lapad at apat naman ang haba at saka niya ito
itinupi. Sinimulang tahiin ang magkabilang dulo ng basahan sa ilalim ng kilikili sa
loob ng kaisa-isahan niyang panlabas na kasuotang pantag-araw. Nanginginig ang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 75

mga kamay nito habang nananahi, ngunit maayos din niyang natapos, pagsuot niya
ay walang anumang makikitang pinagtahian sa labas. Matagal nang nakahanda
ang kaniyang karayom at sinulid na nasa papel sa may taburete. Ang ukol naman
sa sabitan ay mag-isa niyang napag-isipan—ito ay para sa palakol. Hindi naman
puwedeng dala-dala mo sa kamay ang palakol habang nasa daan. Halatain din
naman kung isusuksok lamang ito ng kamay sa loob ng damit. Kaya’t ngayon na
may sabitan ay wala siyang gagawin kundi isuksok lamang ang ulo ng palakol sa
sabitan sa loob ng kaniyang makapal na damit at tahimik na itong bibitin-bitin sa
kilikili habang nasa daan. Kapag naman inilagay ang mga kamay sa bulsa ng damit
ay maaari niyang tanganan ang hawakan ng palakol upang hindi ito magalaw sa
pagkakabitin. Dahil sa napakalaki ng kaniyang makapal na damit na mistulang
sako ay hindi na kapansin-pansin kung mayroon man siyang tangan sa loob nito.
Noong makalawang linggo pa niya naisip ang tungkol sa ganitong sabitan.
Pagkatahi ay isinuot niya ang kamay sa maliit na siwang sa pagitan ng
kaniyang magarang sofa at sahig, kinapa sa may kaliwang gilid ang matagal nang
nakahanda at nakatagong isasangla. Ang isasangla niyang iyon ay hindi naman
talaga pansangla, ito’y pinakinis lamang, pinanipis, at pinagmukhang kahang
pilak. Ang kaha ay napulot niya nang minsang naglalakad-lakad siya sa isang
bakuran, kung saan di-kalayuan ay may pagawaan. Ipinatong niya rito ang isang
makinis, manipis na pirasong bakal, malamang na natanggal na bahagi ng kung
ano, na napulot din niya noon. Pinagdikit niya ang dalawa, mas maliit nang kaunti
ang bakal kaysa kahoy. Mahigpit na itinaling pakrus-krus ng sinulid. Pagkatapos
ay ibinalot nang matagal at mabuti sa malinis na puting papel. Itinali sa ganoong
paraan na mahihirapan ang sinumang magkakalas. Ito ay upang maging abala ang
matanda habang tinatanggal ang buhol, nang sa gayon ay magkakaroon pa siya ng
ilang sandali. Ang piraso naman ng pilak ay idinagdag upang bumigat ang sangla
at hindi agad mahulaan ng matanda na ito’y kahoy lamang. Pagkakuha niya ng
sangla ay may narinig siyang sigaw na nanggagaling sa labas:
“Mag-aalas-siyeta na!”
“Ha! Panginoon ko!”
Tumakbo agad siya sa may pinto, nakiramdam. Kinuha ang sombrero at
maingat, walang-ingay na gaya ng pusang bumaba sa hagdang may labintatlong
hakbang. Ngayon ay ang pinakamahalagang gawain: nakawin ang palakol sa
kusina. Kung bakit palakol ang gagamitin ay matagal na niyang napagpasyahan.
Mayroon din siyang kutsilyong panghalaman; ngunit hindi siya nagtitiwala sa
76 FEODOR DOSTOYEVSKY

kutsilyo, lalo na sa sariling lakas kung kaya’t palakol na ang napag-isipan. May
mapupuna tayong kakaibang katangian ng mga napagpasyahang may kinalaman
sa gawaing ito: habang papalapit sa katapusan ay nagkakaroon ito ng kapangitan
at kawalang katinuan. At bagama’t may mga matitinding tunggaliang nagaganap
sa kaniyang kalooban kailanma’y hindi siya lubos na naniniwala sa kaganapan ng
kaniyang mga iniisip.
Kahit pa mangyari na matapos na’t mapagpasyahan ang lahat hanggang
sa pinakamaliit na detalye at wala ni katiting na alinlangan sa ikatatagumpay
nito ay parang tatanggihan pa rin niya ang malaking kalokohan, karumal-dumal,
at imposibleng bagay na ito. Ngunit napakarami pang di-tapos at pag-urong-
sulong gaya ng malawak na kawalan, kung saan naman kukuha ng palakol ay
siya nang pinakamadali at walang anumang dapat ipangamba. Itong si Nastasya
nama’y madalas umalis kung gabi, nariyang sumasaglit sa palengke o kaya’y sa
mga kapitbahay at kadalasa’y iniiwang bukas ang pinto. Iyon lamang ang pinag-
aawayan nila ng may-ari. Kailangan lamang niyang pumasok nang walang-
kaabog-abog sa tamang oras (pagkatapos ng lahat). Ngunit heto ang isang pag-
aalinlangan: halimbawa ngang babalik siya makaraan ang isang oras upang ibalik
sa dati ang palakol ngunit nakabalik na si Nastasya. Siyempre, lalampas muna siya
at maghihintay na muling lumabas ang babae. Paano kung noon ay kailanganin
niya ang palakol, maghahanap, at mangangalampag? Hayan, puwede siyang
pagdudahan, mayroon nang dahilan ng pagdududa.
Pero iyon ay maliit na bagay lamang na ni hindi na niya pinag-isipan
at pinag-abalahan man lamang. Ang pinagtuunan lamang niya muna ay ang
mahalaga. Ang ukol sa maliit ay saka na lamang kapag nakatitiyak na siya. Ngunit
mukhang hindi rin ito maisasagawa, ganyan ang palagay niya, ni hindi niya makita
ang sarili na huminto na sa kaiisip, lalakad na’t basta na lamang pupunta roon
... Maging ang pagsubok na ginawa niya kamakailan lamang (ang pagdalaw
niyang ang layunin ay pag-aralang mabuti ang lugar) ay pagsubok lamang at
malayo sa katotohanan. Ito yung tipong, “matingnan nga’t masubukan at nang
hindi puro imahinasyon na lang.” Ngunit hindi rin niya nakayanan, nais tumakas
at nagngingitngit sa sarili. Habang sa sariling pagsusuri niya ukol sa moral na
aspekto ng gawain ay pulido nang gaya ng matalim na labahang pumutol sa
anumang mulat na pagtutol. Ngunit sa huli’y hindi pa rin siya naniniwala sa sarili
at buong katigasan ng ulo, gaya ng aliping pilit na kumakapa sa hinagap at tabi-
tabi ng maitututol, na para bang may nagtutulak at pumipilit lamang sa kaniyang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 77

gawin ang bagay na iyon. Ngunit nitong huling araw ay di-inaasahan at bigla na
lamang na parang may gumanang mekanikal: para bang may hindi maunawaan,
bulag, at makapangyarihang lakas na nagpapakilos sa kaniyang kamay na hindi
niya mapigilan. Para bang naipit ang dulo ng kaniyang damit sa gulong ng makina
at ito’y nagsimulang humila sa kaniya.
Noon pa mang una’y mayroon na siyang katanungan: bakit halos lahat
ng mga kriminal ay madaling nahuhuli at malinaw ring nasusundan ang kanilang
kagagawan? Dahan-dahang nakaabot siya sa mahugis at kakatwang konklusyon:
sa kaniyang palagay, ang pangunahing dahilan ay hindi lamang ang materyal na
imposibilidad na itago ang krimen, kundi ang mismong kriminal; halos bawat
kriminal sa oras ng krimen ay nasa kung anong pasalin-saling kababaan ng
determinasyon at katinuan, kasama na rin ang penomenal na kababawan ng isip,
gaya ng sa bata, samantalang iyon ang mismong oras kung kailan kailangan ang
ibayong ingat at talino. Sa kaniyang konklusyon, ang pagdilim na ito ng isip at
pagbagsak ng lakas-ng-loob ay kumakapit sa taong gaya ng isang karamdaman,
marahang lumalaganap at aabot sa pinakamapanganib na yugto—ilang sandali
bago maganap ang krimen, ganoon din pagkatapos depende sa indibidwal; tapos
ay lumilipas ding gaya ng anumang karamdaman. Ito ang katanungan: ang
mismong karamdaman ba ang nagluluwal sa krimen o ang krimen mismo dahil
sa kaniyang kalikasan ay lagi nang may kaakibat na karamdaman? Wala pa siyang
lakas upang sagutin ito.
Pagdating sa ganitong konklusyon ay nagpasya siya na sa kaniya ay
walang mangyayaring ganitong sakit, na ang talino at tatag ay mananatili’t hindi
hihiwalay sa oras ng pagsasagawa ng kaniyang binabalak, lalo na’t ang kaniyang
balak gawin ay “hindi naman talaga krimen.” Iwan na natin ang prosesong naghatid
sa kaniya sa huling pagpapasya. Masyado na tayong nauna ... Idagdag na lamang
na pangalawa lamang sa kahalagahan ang mga balakid sa aktuwal at praktikal na
pagsasagawa ng kaniyang balak. Kailangan lamang na panatilihing buo ang isip at
matatag ang kalooban, at ang mga iyon ay mapagtatagumpayan kapag nakaharap
na sa mga detalye ng gawain ... Ngunit hindi pa nga ito nagsisimula ... Patuloy
siyang hindi naniniwala sa huli niyang pasya at nang dumating na ang oras, ang
lahat ay hindi tulad ng inaasahan, naiiba, at hindi inaakala.
Bago pa man siya bumaba ng hagdan ay may isang napakamunting
bagay na ang nagpataranta sa kaniya. Pagtapat sa kusina ng may-ari na laging
naiiwang bukas, maingat niya itong sinilip upang alamin kung wala roon si
78 FEODOR DOSTOYEVSKY

Nastasya o ang kasera, kung wala roon, nakasara bang mabuti ang pinto ng silid
upang hindi makasulyap pagkakuha niya ng palakol? Ngunit gayon na lamang
ang kaniyang pagkadismaya nang matuklasang nasa bahay si Nastasya at mayroon
pang pinagkakaabalahan sa kusina: nagsasampay ng mga nilabhang kumot sa
lubid. Pagkakita sa kaniya ay huminto siya at matagal na tumingin. Binawi ni
Raskolnikov ang tingin at nagpatuloy na tila walang napansin. Ngunit tapos na
ang gawain—wala ang palakol! Labis ang kaniyang panghihinayang.
“A, bakit ko ba inisip na tiyak na wala siya sa bahay ngayong sandaling
ito? Bakit? Bakit ganoon ang akala ko?” naisip niya sa pagliko pababa. Para siyang
dinaganan at nanliliit ang pakiramdam. Sa inis ay nais niyang pagtawanan ang
sarili ... isang mapurol at malahayop na galit ang nagsimulang kumulo sa kaniya.
Tumigil siyang nag-iisip sa may tarangkahan. Ayaw naman niyang
kunwa’y lalabas lamang at magpapahangin sa daan, mas labag naman sa kaloobang
bumalik pa sa bahay. “Malaking pagkakataon ang aking pinalampas!” bulong
nitong nakatayong walang-layon sa may tarangkahan, sa mismong harapan ng
madilim na silid ng katiwala ng bakuran, ito’y nakabukas din. Mula sa kuwarto ng
katiwala, mga dalawang hakbang lamang ang layo mula sa ilalim ng patungan ay
may kung anong kumislap. Luminga siya sa paligid ... walang tao. Dahan-dahang
lumapit siya sa kuwarto, bumaba ng dalawang hakbang at mahinang tinawag ang
bantay. “Wala nga!” Siguro’y nasa may di-kalayuan lamang dahil sa bukas nga ang
pinto. Dali-dali niyang kinuha ang palakol na nakapagitan sa dalawang putol ng
kahoy.
Noon din ay ipinasok niya ito sa kaniyang sabitan, ipinasok ang dalawang
kamay sa bulsa at lumabas na ng bakuran na walang sinumang nakapansin. “Kung
hindi katuwiran ay demonyo na ang bahala!” naisip niyang kakaiba ang ngisi. Ang
pangyayaring iyo’y labis na nagpalakas ng kaniyang loob.
Marahan, hindi nagmamadali, at tahimik lamang siyang naglakad sa
daan upang hindi pagsuspetsahan. Hindi rin gaanong tumitingin sa mukha ng
mga nagdaraan upang maging di-kapansin-pansin hangga’t maaari. Nang maalala
niya ang kaniyang sombrero. “Diyos ko, tatlong araw akong may pera, ni hindi ko
napalitan ang sombrero!” mula sa kaluluwa’y pagsumpa ang lumabas.
Hindi sinasadya’y napasulyap siya sa may tindahan at nakita niya sa
orasan na 7:10 na. Kailangang magmadali at umikot upang makarating sa bahay
mula sa kabilang daan.
Dati, kapag naiisip niyang gawin ito ay inakala niyang matatakot siya
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 79

nang husto. Ngunit ngayo’y hindi siya gaanong natatakot, sa katunaya’y wala nga
siyang nadaramang takot. May mga pumapasok pa ngang ideya sa kaniyang isip
nang pasaglit-saglit. Habang nagdaraan sa may Hardin ni Yusupof ay nalibang
pa sa pangangarap na magpatayo roon ng mataas na fountain na magpapasariwa
sa hangin sa buong plaza. Nasa loob din na palawakin pa ang buong Liwasang
Marsovo hanggang sa Hardin ni Michael.18 Ito’y malaking tulong sa buong bayan.
Bigla’y naitanong niya kung bakit nga ba sa malalaking lungsod pinipili ng mga
tao ang manirahan? Hindi lamang dahil sa pangangailangan. Sa mga bahagi
ng lunsod kung saan walang hardin o fountain, ay roon pa pinipili, kung saan
marumi, mabaho, at iba pang kapangitan. Naalala niya ang sariling pamamasyal
sa palengke at sandaling natauhan. “A! Ano’ng kabaliwan, mabuti pa ang walang
anumang isipin!”
“Ganoon din marahil ang mga dinadala sa bitayan. Lahat na lamang ng
makita sa daan ay nadirikit sa kaisipan.” Kumislap ito sa kaniyang ulo, ngunit
kumislap lamang na gaya ng kidlat at kapagdaka’y mag-isa ring pinatda iyon sa
isip ... malapit na, hayun na ang bahay at ang tarangkahan. Bigla’y narinig niya ang
minsang batingaw ng orasan. “Ano? 7:30 na? Imposible! Takbo!”
Suwerte niya at sa tarangkahan ay madali siyang nakalusot. Maliban
pa roon, parang sinasadya, nang oras ding iyon ay may nagdaang malaking
kareta ng dayami na tumakip sa kaniya habang pumupunta sa bakuran, mabilis
siyang kumanan at pumasok. Habang sa kabila ng mga dayami ay may mga
tinig na sumisigaw at nagtatalo, ngunit wala ring nakakita sa kaniya, wala ring
nakasalubong. Marami ang mga bukas na bintana sa harapan ngunit hindi siya
nag-angat ng ulo, wala siyang lakas. Malapit na ang hagdan patungo sa matanda,
ngayon sa kanan. Nasa hagdan na siya ...
Pinalakas ang loob na diniinan ng kamay ang tapat ng sumisikdong
dibdib, noon di’y nasalat at iniayos ang palakol. Marahan at tahimik itong umakyat
sa hagdan, tuwina’y nakikiramdam. Sarado ang mga pinto sa hagdan at walang
tao, wala siyang nakasalubong. Sa ikalawang palapag ay mayroong nakaawang,
mayroong ilang karpintero ang nagtatrabahong hindi rin lumingon. Tumayo
muna siya, nag-isip, at tumuloy na rin. “Siyempre, mas mainam kung wala sila rito,
ngunit ... may dalawang palapag pa.”
Heto na ang ikaapat na palapag, heto na ang pinto, sa harapan ay walang-

18 Ang Liwasang Marsovo, Mga Hardin ni Yusupov, at Michael ay malalawak at magagandang parke
na paboritong pasyalan ng mga taga-Petersburg.
80 FEODOR DOSTOYEVSKY

laman. Sa ikatlong palapag, sa lahat ng palatandaan, sa ibaba ng matanda ay wala


ring tao, ang tarhetang pambisitang nakalagay sa pinto ay inalis na ... Umalis na!
Hindi siya makahinga. Sa isang iglap ay pumasok sa isip, “Umalis na kaya ako?”
Hindi siya sumagot at pinakiramdaman ang tirahan ng matanda: katahimikan.
Matagal uling pinakiramdaman ang hagdan ... taimtim ... Sa huling pagkakataon
ay luminga, lumapit sa pinto at sinubukan ang palakol sa sabitan. “Hindi kaya ako
masyadong namumutla? Masyado yata ang kaba ko? Walang tiwala ang matanda
kaninuman ... Maghintay muna kaya ako ... hanggang tumahimik ang pusong
ito…
Ngunit hindi tumahimik ang dibdib, sa halip ay lalo pa itong bumilis sa
pagpintig, palakas nang palakas. Hindi na siya nakapagtimpi at marahang binagting
ang kampanilya. Makaraan ang kalahating minuto ay muling nagpatunog nang
mas malakas.
Walang sagot. Ang magpatuloy sa pagpapatunog ng kampanilya ay wala
nang kuwenta at wala rin naman sa lugar. Nasa bahay ang matanda ngunit nag-
iisa nga at nagdududa. Medyo alam na niya ang ugali ng matanda. At minsan pa’y
idinikit ang tainga sa may pinto. Ganoon na ba katalas ang kaniyang pakiramdam
o talagang naramdaman niyang tila may marahang humawak sa pihitan at parang
may lagaslas ng damit sa may pinto. Mayroon ding nakatayo sa may pinto sa loob
at gaya niya’y nakikiramdam, at parang idinikit din ang tainga sa pinto ...
Sinadya niyang gumalaw, malakas na may sinabing kung ano upang
hindi mapaghinalaang nagtatago. Pagkatapos ay muling tumawag sa ikatlong
pagkakataon ngunit mahinang maayos at walang anumang pagmamadali. Malinaw
at maliwanag na kumintal nang habampanahon sa kaniya ang pangyayaring ito.
Pagkatapos, hindi niya lubos mawari kung saan galing ang ganoong katusuhan,
lalo na’t sumandaling tila napugto ang kaniyang kamalayan, at ang katawan nama’y
tila patang walang pandama. Ilang saglit pa’t narinig ang pagbukas ng kandado.
Nang sa bumukas nang kaunti ang pinto ay muling may dalawang
malilikot at di-mapagtiwalaang mga mata ang nakaharap sa kaniya mula sa dilim.
At dito nagawa ni Raskolnikov ang mahalagang pagkakamali.
Sa pag-alalang baka matakot ang matanda at dadalawa lamang sila, lalong
hindi niya inaakalang mapapawi ng kaniyang anyo ang pangamba ng matanda.
Bigla niyang hinawakan ang pinto at hinila patungo sa kaniya upang hindi na ito
maisara ng matanda, kung gugustuhin man nito. Hindi naman hinila ng matanda
pasara ang pinto, ngunit hindi ito bumitiw sa hawakan, kaya’t muntik na itong
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 81

matangay kasama ng pinto sa hagdan. Pagkatapos ay tumayo ang matanda sa gitna


ng pinto at hinarangan ang binata. Diniretso siya ng binata. Napaurong sa takot
ang matanda. Nais sanang magsalita ngunit walang lumabas sa bibig at nanlalaki
ang matang tumingin sa kaniya.
“Magandang gabi po sa inyo, Alyona Ivanovna,” simula niyang
tinatangkang maging malumanay ang boses hangga’t maaari, ngunit hindi siya
sinunod ng sariling tinig, nautal, at nanginginig ... “Tingnan ninyo ... ” Nilampasan
nito ang matanda at nagtuloy na sa loob nang walang pahintulot. Hinabol siya ng
matanda at tila nakawala ang dila: “Panginoong Diyos! Ano ba ito? Sino ba kayo?
Ano’ng gusto ninyo?”
“Alyona Ivanovna naman, kilala ninyo ako ... si Raskolnikov ... dala ko
iyong isasangla na sinabi ko sa inyo ... ” at iniabot ang isasangla.
Sumulyap sandali sa bagay ang matanda ngunit dagling binawi at
tuwirang tinitigan sa mata ang hindi inimbitahang bisita; mataman, matalim, at
di-nagtitiwala. Makaraan ang ilang saglit, tila nababasa nito sa mata ng matanda
ang pang-uuyam, na para bang nahuhulaan na ang lahat. Tila siya’y matataranta,
nagsimulang makadama ng takot at sa pakiramdam niya’y ilang minuto pa na
titigan siya nang ganoon ng matanda ay tatakbo na siya.
“Ba’t ganoon kayo kung tumingin, hindi nga ba ninyo ako nakikilala?”
bigla rin niyang sinabing pagalit. “Kung gusto ninyo’y kunin ninyo, kung ayaw
naman ay makapunta na sa iba at ako’y walang panahon.”
Ni hindi niya inaasahang masasabi ang bagay na iyon, bigla na lang
dumulas. Nag-isip-isip ang matanda, tila ang desididong tono ng binata’y
nakapagpalakas pa ng loob nito.
“Ano ka ba namang bata ka, nakabibigla ka kasi ... ano ba iyan?” tanong
niyang nakatingin sa sangla.
“Kaha ng sigarilyong yari sa pilak, tulad ng sinabi ko sa inyo noong
nakaraan.”
Iniunat ng matanda ang kamay. “Bakit ba kayo namumutla? Nanginginig
ang inyong mga kamay! Naligo ba kayo nang matagal?”
“La-lagnat,” paputol-putol niyang sabi, “Hindi mo man gusto’y
mamumutla ka ... lalo’t hindi kumakain,” dagdag niyang halos di-bumubuka ang
bibig. Muli’y parang tinatakasan siya ng lakas. Ngunit ang sagot niya’y mukhang
totoo at kinuha ng matanda ang sangla.
“Ano ba ito?” tanong niya at muling matamang tinitigan si Raskolnikov
82 FEODOR DOSTOYEVSKY

habang tinitimbang sa kamay ang sangla.


“Iyan ay kaha ng sigarilyo ... pilak ... tingnan ninyo.”
“Ba’t parang hindi pilak ... grabeng pagkakabalot.” Habang pinipilit
buksan ang pagkakabalot ay tinungo nito ang bintana para mas masipat sa
liwanag (lahat ng bintana niya’y nakasara kahit na maalinsangan), iniwan muna
at tinalikuran sandali ang binata. Inialis naman niya sa pagkakabutones ang
damit, inihanda ang palakol ngunit hindi muna inilabas, hinawakan lamang ng
kanang kamay na nakapaloob pa rin sa damit. Hinang-hina ang kaniyang mga
kamay, nararamdaman niya na sa bawat saglit ay tila siya’y napapata at naninigas.
Kinabahan siya na baka mabitiwan at mahulog ang palakol ... nang biglang umikot
ang kaniyang paningin.
“Ano bang klase itong pagkakabalot!” naiinis at malakas na pagkakasabi
ng matanda at nagsimula na itong pumihit paharap sa kaniya.
Hindi na maaari pang magsayang kahit isang saglit. Inilabas niya ang
palakol, dalawang kamay itong mahigpit na hinawakan, halos hindi nararamdaman
ang sarili, tila makinang hinataw ang matanda sa likod ng ulo ng palakol. Parang
wala siyang lakas. Ngunit pagtama ng palakol ay muli siyang nagkalakas.
Tulad ng dati, ang matanda’y laging walang salong sa ulo, ang kaniyang
manipis at maputing buhok, tulad ng nakagawian ay malagkit at pinahiran ng
pomada. Sa may batok ay nakaumbok ang suklay na yari sa suwag—ito ang umiipit
sa kaniyang buhok. Ang palo ay tumama sa kaniyang bumbunan dahil nga sa
siya’y maliit. Impit ang sigaw na bumagsak ito sa sahig. Nakayanan pang sapuhin
ng dalawang kamay ang ulo, habang sa isa’y tangan pa rin ang sangla. Pinalo
pa niya nang pinalo ang ulo ng matanda, lahat ay sa likod ng palakol. Umagos
ang masaganang dugong tulad ng tubig sa itinumbang baso at humandusay ang
katawan ng matanda. Hinayaan lamang niya itong lumagabog at agad tiningnan
ang mukha: patay na! Nakaluwa ang mga mata na tila lalabas, ang noo at buong
mukha ay kunot na kunot at nakangiwi sa sakit.
Hinila niya ang palakol sa sahig sa tabi ng bangkay at dagling kinapkapan
ang bulsa nito, nag-ingat na hindi mamantsahan ng umaagos na dugo, sa kanang
bulsa, kung saan niya nakitang hinugot nito ang mga susi.
Malinaw na ang kaniyang isip, wala na ang paninilim ng paningin
at pagkahilo, bagama’t nanginginig pa rin ang mga kamay. Pagkatapos nito’y
matatandaan niyang siya’y nag-ingat na mabuti upang di-maduguan. Nakuha niya
ang susi na sama-sama pa rin sa bakal na singsing. Noon di’y tinakbo niya ang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 83

silid-tulugan dala ang mga susi. Ang silid ay maliit na kuwartong napalilibutan ng
mga imahen. Sa isang dingding ay nakadikit ang malaking kamang natatakpan ng
malinis, pinagtagni-tagning retaso ng sedang kobre-kama. Sa ikatlong dingding ay
ang baul. Nakapagtataka: nang simulan pa lamang niyang ipasok ang susi sa susian
ng baul, narinig pa lamang niya ang langitngit ay para na naman siyang nangatal at
gustong ihinto na ang lahat at lumisan. Ngunit saglit lamang iyon, huli na upang
umalis. Pinagtawanan lamang niya ang sarili nang bigla’y matinding agam-agam
ang pumasok sa ulo: parang naramdaman niyang buhay ang matanda at magigising
pa. Iniwan nito ang susi at baul, tumakbo pabalik sa matanda, kinuha ang palakol
at muling iniamba sa kaniya, ngunit hindi na inihataw. Walang-alinlangang patay
na siya. Malapitang yumuko itong tiningnan ang matanda, malinaw na nabasag
ang bungo nito at bahagyang natabingi pa ang ulo. Nais sana niyang damhin pa
ng daliri, ngunit inilayo ang kamay, hindi na kailangan. Samantala’y marami na
ang tumulong dugo. Nang may mapuna siyang nakatali sa leeg nito, hinila niya
ito ngunit matibay ang tali at di napigtal, isa pa’y basa ito ng dugo. Tinangka niya
itong hugutin mula sa dibdib, ngunit may sagabal, naipit ito sa kung saan. Sa inip
ay muli nitong itinaas ang palakol at putulin na mismo sa katawan, ngunit hindi
na rin itinuloy. Makaraang mabahiran ng dugo ang kamay at palakol, at dalawang
minutong pakikipagbuno ay natanggal din niya ang tali nang hindi na sumayad
ang palakol sa bangkay ng matanda. Hindi siya nagkamali ng akala—pitaka nga!
May dalawang krus sa tali: isang siprus at tanso. Mayroon ding maliit na imaheng
pilak, kasamang nakasabit ang di-kalakihang pitakang balat na napalilibutan ng
manipis na bakal at singsing. Punong-puno ang pitaka at dagli itong isinuksok
ni Raskolnikov sa bulsa. Ang mga krus ay itinapon sa dibdib ng matanda. Muli’y
kinuha ang palakol at mabilis na bumalik sa tulugan.
Halos mataranta sa pagsuksok ng mga susi sa kandado, ngunit hindi
tumama-tama. Hindi lamang dahil sa nanginginig ang mga kamay kundi talagang
nagkakamali siya. Halimbawa’y kita na niyang hindi iyon ang tamang susi ngunit
isinusulot pa rin. Nang maalala niya ang malaking susi na may mga ngipin na
kumakalansing, na kasama ng ibang maliliit ay tiyak na hindi sa aparador at
noon di’y naghanap sa ilalim ng kama, alam na kadalasa’y doon itinatago ng mga
matatanda ang baul. Mayroon ngang baul doon, tatlong piye ang haba, nakaumbok
ang takip na natatakpan ng pulang balat, at nababaunan ng mga aserong pako.
Lumapat ang susing may mga ngipin at ang baul ay nabuksan. Sa itaas, sa ilalim
ng puting sapin ay may makapal na pangyelong yari sa balahibo ng kunehong may
84 FEODOR DOSTOYEVSKY

pulang palamuti. Sa ilalim nito’y mga kasuotang seda, tapos ay balabal, at iba pa.
Mukhang walang-laman ang baul kundi mga damit.
Ang unang ginawa niya’y ipinunas ang duguang kamay sa pulang damit.
“Pulang damit ... Puwes, hindi na halata ang pulang dugo,” pangangatuwiran
niya nang bigla itong nakapag-isip, “Panginoon, nawawala na ba ako sa sarili?”
nahintakutan niyang bulalas.
Ngunit pagkagalaw pa lamang niya sa damit ay nahulog mula sa ilalim ng
panlamig ang gintong relo. Sinimulan niyang ibaligtad ang lahat. At totoo ngang
sa pagitan ng mga damit ay nakalagay ang mga gintong kagamitan. Malamang ay
mga sanglang matutubos o hindi na matutubos: polseras, kuwintas, hikaw, pin, at
iba pa. Ang ilan ay nasa lalagyang kahon, ang iba’y maayos at maingat na nakabalot
sa dyaryo at nakateyp nang mabuti. Hindi nag-aksaya ng panahong pinuno nito
ang mga bulsa ng pantalon at damit panlamig, hindi na namili o binuksan man
lamang ang kahon o pagkakabalot. Ngunit hindi pa siya nakararami ay ...
Naramdaman niyang parang may naglalakad sa kuwarto, kung nasaan
ang matanda. Tumigil siya at tumahimik nang halos hindi humihinga. Ngunit
wala siyang narinig, marahil ay guniguni lamang niya. Nang bigla’y malinaw na
narinig ang impit na sigaw, parang may kung sinong umiyak at natahimik. Muli’y
isa o dalawang minutong ganap na katahimikan. Nakatalungko siya sa may baul
na naghihintay, halos walang lakas, nang biglang tumayo, kinuha ang palakol,
patakbong lumabas mula sa tulugan.
Sa gitna ng kuwarto’y nakatayo si Lizaveta, may malaking balutan sa
kamay, tigagal na nakatingin sa pinatay na kapatid, puting-puting gaya ng papel
at tila walang-lakas na magpalahaw. Nang makitang lumabas siya mula sa silid
ay nangangatal ang buo nitong katawan, nanginginig na gumuhit ang ngiwi sa
kaniyang mukha, itinaas ang kamay, nakanganga ngunit hindi sumigaw, marahang
napaatras sa sulok palayo sa kaniya. Nanlalaki ang mga matang titig na titig sa
kaniya, hindi pa rin sumisigaw, hindi sapat ang hangin upang sumigaw. Lumapit
siya dala ang palakol, nakangiwi ang mga labing tila nagmamakaawang gaya ng
mga munting bata kapag may kinatatakutan, titig na titig at saka sisigaw. Sakmal
ng takot ang kaawa-awang Lizaveta, ni hindi nakayanang takpan ng mga kamay
ang mukha na siyang kailangan at karaniwang reaksyon sa ganitong pagkakataon,
dahil nakataas na ang palakol sa kaniyang mukha. Bahagya lamang itinaas ang
malaya nitong kaliwang kamay, malayo sa mukha, at marahang iniunat sa binata
na para bang nagtataboy. Sa bungo tumama ang talim ng palakol at agad nabiyak
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 85

ang itaas na bahagi ng noo hanggang sa bumbunan. Bumagsak si Lizaveta. Wala


sa sarili si Raskolnikov, hinablot ang balutan, muling itinapon, at tumakbo sa may
pinto.
Palakas nang palakas ang pagkakasaklot ng takot sa kaniya, lalo na
pagkatapos ng di-inaasahang pangalawang pagpatay. Nais niyang agad nang
lisanin ang lugar na ito. At kung sa sandaling ito ay nasa kalagayan lamang siya
upang makakita at mangatuwiran nang tama; kung kaya lamang niyang ilarawan
ang hirap ng kaniyang kalagayan, ang kawalang-pag-asa, ang kapangitan at
kabaliwan, mauunawaan niya kung gaanong pagdurusa o kaya’y kabuhungan
pa ang kailangan niyang malampasan upang makaalis at makauwi na sa bahay,
malamang o pinakamalamang na iwan na niya ang lahat at tumuloy na sa pagsuko,
hindi dahil sa takot lamang sa sarili, kundi dahil sa pagkadiri at pagkasuklam
sa nagawa. Tumitindi ang kaniyang pagkasuklam sa sarili sa paglipas ng bawat
sandali. Ngayon, hinding-hindi na siya mapababalik sa baul man o sa tulugan ng
matanda.
Unti-unti’y natatangay siya ng kung anong sabog na pag-iisip.
Nakalilimutan niya ang mahalaga at natutuon sa maliliit. Napatingin siya sa
kusina at namataan ang isang timba na puno ng kalahating tubig, nahulaang dapat
linisin ang mga kamay at palakol. Duguan ang mga kamay niya’t nanlalagkit.
Nilagay niya ang palakol sa timba, una ang talim, hinablot ang kapirasong sabon
na nasa basag na platitong nakapatong sa bintanilya, nagsimulang hugasan ang
mga kamay, deretso sa timba. Pagkalinis nito ay ang palakol naman, hinugasan ang
bakal, matagal-tagal, halos tatlong minutong pinunasan ang kahoy na naduguan,
tinanggal ang dugo sa pamamagitan ng sabon. Tapos ay pinunasan ng pinatutuyong
damit na nakasampay sa kusina, matagal na matamang sinuri ang palakol sa may
bintana. Wala nang natitirang bakas, kahoy na lamang ang natitirang basa. Maayos
na muling isinuksok ang palakol sa sabitang nasa loob ng panlamig. Pagkatapos
ay sinuri naman ang damit, pantalon, at sapatos na tanglaw ang may kalabuang
ilaw sa kusina. Sa unang tingin, mukhang wala naman maliban sa sapatos na may
mantsa. Binasa niya ang basahan at pinunasan ang sapatos. Alam niyang hindi
niya gaanong nakikita at maaaring mayroon pa ring mapupukulan ng tingin na
hindi niya napapansin. Tumayo siya, nag-isip-isip. Mga mabibigat at madirilim
na kaisipan ang gumugulo sa kaniya: na siya’y nababaliw, na siya’y walang-sapat
na lakas upang mag-isip o dili kaya’y ipagtanggol ang sarili, na mas malamang
marahil na ang ginagawa niya ngayo’y siyang hindi dapat gawin ... “Diyos ko!
86 FEODOR DOSTOYEVSKY

Kailangan ko’y tumakbo, takbo!,” bulong nito sa sarili at tumakbo na sa may pinto.
Dito’y labis na pagkatakot ang bumulaga sa kaniya, takot na ni minsan ay hindi
pa niya naranasan.
Tigagal siyang nakatayo at di-mapaniwalaan ng sariling mga mata. Ang
pinto sa harapan, ang pinto kung saan siya tumawag at pumasok ay nakabukas
at nakatiwangwang nang buong isang dangkal; hindi nakasarado, hindi
nakakandado, magmula pa kanina! Hindi isinara ng matanda kaninang pagpasok
dala marahil ng pag-iingat. Ngunit, Panginoon, di ba’t nakita niya si Lizaveta! At
papaano, papaanong hindi niya naisip na siyempre may dinaanan siya! Hindi siya
maglalagos sa dingding!
Humangos siya sa pinto at ikinandado ito.
“Hindi, mali na naman! Dapat ay umalis, umalis na ako ... ”
Inialis ang pagkakandado, binuksan ang pinto at nakinig sa may hagdan.
Matagal siyang nakikiramdam. Sa di-kalayuan, sa ibaba, marahil sa
tarangkahan ay malakas na maririnig ang sigawan, pagtatalo, at pagmumurahan
ng dalawang tinig. “Ano kayang nangyayari? ... ” Matiyaga itong naghintay. Sa
wakas ay tumahimik na, tumigil at naghiwalay. Aalis na sana siya nang maingay na
bumukas ang pinto sa sumunod na palapag sa ibaba, may bumaba habang umaawit
ng isang himig. “Ang iingay ng mga ito!” kumislap sa kaniyang isip. Muling
ipininid ang pinto at naghintay. Sa wakas, tumahimik na ang lahat, wala na rin ni
isang kaluluwa. Nakaisang hakbang na siya pababa nang may mga bagong yabag
na namang narinig.
Malayo pa ang mga yabag, nasa pinakaunahan pa lamang ng hagdan
ngunit malinaw at tandang-tanda niya na sa unang pagkarinig pa lamang ay
malakas na ang kaniyang kutob, na tiyak na papunta ang mga ito sa mismong
ikaapat na palapag—sa matanda. Bakit? Kilala ba niya o kakaiba ang mga yabag?
Mabibigat, pantay-pantay, at hindi nagmamadali ang mga hakbang. Nilampasan
ang unang palapag at pumanhik pa, palakas nang palakas! Maririnig ang malalim
na paghinga ng dumating. Nagsimula na sa ikatlo ... nandito na nga! Naramdaman
niya ang biglang paninigas, para bang isang masamang panaginip at maaabutan
na nga, at ngayon nga’y parang napako na lamang siya sa kinalalagyan, ni hindi
maigalaw ang mga kamay.
At sa wakas, nang ang panauhin ay magsimula nang umakyat sa ikaapat na
palapag ay noon lamang siya natauhan at nagawa pang buong ingat na makabalik
sa loob ng bahay at isara ang pinto. Kinuha ang kandado, tahimik, at walang-ingay
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 87

na isinuksok ito sa saraduhan. Nakatulong ang kaniyang instinct. Pagkatapos ay


pigil ang hiningang nagtago sa may likuran ng pinto. Ang mga di-inanyayahang
panauhin ay nasa pinto na rin. Magkatapat na silang nakatayo ngayon, pinto na
lamang ang nakaharang sa kanilang pagitan, gaya nila kanina ng matanda. At
siya’y matamang nakiramdam.
Ilang ulit na huminga nang mabigat ang panauhin. “Siguro’y malaki at
mataba,” hula ni Raskolnikov habang mahigpit na hawak ang palakol. Sadyang
parang panaginip lamang ang lahat. Malakas na pinatunog ng panauhin ang
kampanilya.
Pagkakalembang ng kampanilyang tunog lata, parang may naramdaman
siya sa loob ng bahay. Ilang saglit din siyang matamang nakinig. Ang di-kilalang
panauhin ay muling tumawag…
“Hindi ba’t ikatlong araw pa lang ngayon nang tatlong sunod-sunod ko
kayong matalo sa bilyar sa Gambrinus!”
“A-a-a ... ”
“Wala ba sila? Nakapagtataka! Hindi maintindihan, nakaiinis. Ngayon
pa namang may kailangan ako saka pa wala.”
“Ganoon din ako, kaibigan!”
“E, ano’ng magagawa natin? Tayo na! Akala ko pa naman ay may
mapagkukunan na ako, ng pera!” bulalas ng isa.
“Ano pa nga ba, e, alis na tayo. Magtatakda ng oras, tapos ... Ang bruha
mismo ang nagsabing ganitong oras ako magpunta. Malayo ito sa amin, ah! At
saang impiyerno naman pupunta iyon, hindi ko maintindihan? Buong taong
nakaupo lang dito, pumapanghi, sumasakit ang mga paa, at ngayo’y biglang
mamamasyal?!”
“Tanungin kaya natin ang bantay?”
“Ano’ng itatanong?”
“Kung saan siya pumunta at kailan babalik.”
“Hmm ... demonyo ... itatanong? Wala naman siyang ibang pinupuntahan
... ” at minsan pa’y niyugyog ang hawakan. “Demonyo, wala talagang magagawa,
tayo na!”
“Sandali lang!” sigaw ng binata, “Tingnan ninyo. Kung papaanong
gumalaw ang pinto kapag niyuyugyog.”
“Ngayon?”
“Ibig sabihin ay hindi nakasusi, kundi nakaharang lang ang kandado!”
88 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Pakinggan nyo kung paano umingit ang harang.”


“E, ano?”
“Hindi ba ninyo naiintindihan? Ibig sabihin, may tao sa loob, isa sa
kanila. Kung lahat ay umalis, dito sa labas isususi at hindi nakakandado sa loob.
Pakinggan ninyo kung paano kumalugkog ang harang. At upang maikandado mo
mula sa loob, dapat nasa loob ng bahay, di ba? Kung kaya nasa bahay sila, ayaw
lang magbukas.”
“Aba! Oo nga, ano,” nabigla pa si Kokh. “Nandito nga sila!” at walang-
patumanggang niyugyog ang pinto.
“Sandali lang!” sigaw muli ng binata. “Huwag na ninyong yugyugin ...
May kung anong kakaiba rito ... di ba’t kanina pa kayo tumatawag at nag-iingay
rito? Hindi pa rin nagbubukas, baka parehong walang-malay o kaya’y …”
“Ano?”
“Ganito ... halika, puntahan natin ang bantay, hayaan nating siya ang
gumising sa kanila.”
“Tama!” at nagsimula na silang bumaba.
“Teka, maiwan na kaya kayo rito at ako na lang ang kakaon sa bantay.”
“Bakit pa magpapaiwan?”
“Malay natin kung ... ”
“Puwede bang …”
“Ako ay estudyante ng abogasya! Malinaw. Ma-li-naw na may problema
rito!” mainit na sigaw ng binata at patakbo na itong pumanaog sa hagdan.
Naiwan si Kokh at pinagalaw nang mahina ang kampanilya, na nagbigay
naman ng isang tunog.
Pagkatapos ay tahimik na tila nag-iisip at nagsusuring ginalaw ang
harapan ng pinto, iikot, at bibitiwan upang matiyak na hindi nga nakasusi.
Pagkatapos ay yumuko’t nagsimulang sumilip sa butas ng susian, ngunit sa loob ay
nakasuksok ang susi kaya’t walang anumang makikita.
Nakatayo lamang at mahigpit ang hawak sa palakol ni Raskolnikov.
Umiikot ang paningin nito at handang makipaglaban sa dalawa, sakali mang
pumasok ang mga ito. Nang sila’y kumakatok at nag-uusap kanina ay makailang
ulit na pumasok sa kaniyang isipang tapusin na ang lahat, sumigaw mula sa
kabilang pinto. Naisip din niyang murahin ang mga ito, galitin habang hindi pa
nabubuksan ang pinto, sigawan ng “Bilisan n’yo!”
“Ngunit ano kayang kademonyohan?” Lumipas ang ilang sandali wala ay
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 89

pa ring dumarating. Naiinip na si Kokh.


“Kademonyohan!” bulalas nitong naiinip, iniwan ang binabantayan, at
nagmamadali na ring bumabang kumakatok ang mga sapatos sa hagdan.
Tumahimik.
“Diyos ko, ano kayang gagawin ko?”
Inalis ni Raskolnikov ang kandado, binuksan ang pinto ... tahimik pa rin.
At hindi na nag-isip, isinarang mabuti ang pinto at nanaog.
Nakatatatlong hagdan na siya nang bigla’y makarinig ng malakas na
ingay sa ibaba.
“Saan kaya ako susuong?” Ngunit wala siyang mapagtataguang iba kundi
ang tumakbo siyang pabalik sa bahay ng matanda.
“Hoy, demonyo! Hawakan mo!”
May maingay na pumanaog mula sa kung saang tirahan, hindi lang
patakbo kundi parang nahulog ito sa hagdang sumisigaw ng ubod-lakas.”
“Mitka! Mitka! Mitka! Mitka! Mitka! Ang loko, hawakan ninyo!”
Ang sigaw ay natapos sa tili. Sa bakuran na narinig ang huling ingay bago
tumahimik. Kasabay ang may ilang taong malakas na nag-uusap ang pumanhik,
mga tatlo o apat siguro. Narinig niya ang matunog na tinig ng binata. “Sila nga!”
Sa kawalang-pag-asa ay nagpasya itong salubungin sila, mangyari na
ang mangyayari! Kung pipigilan siya ay tapos na ang lahat; kung palalampasin
naman ay ganoon din dahil matatandaan siya. Malapit na silang magsalubong
nang bigla ay ... kaligtasan! Ilang hakbang na lamang sa kanan ay isang bukas at
walang-lamang apartment. Ito ay ang apartment sa ikalawang palapag kung saan
nagpipintura kanina ang ilang manggagawa at kanina nga’y parang sinasadyang
nag-alisan, nagsisigawang nagtakbuhan. Kapipintura lamang ng sahig. Sa gitna
ng kuwarto’y nakahambalang ang isang timba at basag na pasong may pintura at
brush. Sa isang iglap ay nakasingit siya sa nakabukas na pinto at nagtago sa likod
ng dingding. Saglit lamang ay nasa daungan na sila, pagkatapos ay lumiko paitaas
at nilampasan na siyang tumuloy sa ikaapat na palapag habang malakas na nag-
uusap. Naghintay siya nang kaunti, patingkayad na lumabas at tumakbong pababa.
Walang tao sa hagdan, ganoon din sa bakuran. Mabilis niya itong tinahak
at kumaliwa na sa kalsada.
Nakatitiyak siya na sa sandaling iyon ay nasa kuwarto na sila; labis na
nagtaka nang makitang bukas ang pinto samantalang kanina lamang ay nakasarado;
nakita na nila ang mga bangkay at agad mahuhulaang katatakas lamang ng
90 FEODOR DOSTOYEVSKY

pumatay, nakuhang magtago at maiwasan sila, na marahil ay nasa paupahan na


walang-laman kaninang papanhik sila. Samantala, hindi siya naglakas-loob kahit
kaunti na bilisan ang paglalakad, kahit na may mga isang daan pang hakbang
hanggang sa unang kanto.
“Pumasok na lang kaya ako sa isang bakuran at maghintay ng oras sa
kahit saang hagdan? Hindi, mali! Itapon na lang kaya ang palakol kung saan?
Tumawag kaya ako ng kalesa? Wala, nadisgrasya na!”
Sa wakas ay heto na ang kanto, lumiko siya ritong hindi halos humihinga;
alam niya na halos ligtas na siya. Hindi na gaanong mapaghihinalaan, lalo na’t
nag-ipon dito ang maraming tao, kaya’t para lamang siyang butil na nahalo sa
buhanginan. Ngunit labis siyang nanghina sa pangamba at halos hindi na
makalakad. Basang-basa ang kaniyang leeg sa tumatagaktak na pawis. “Nagilitan
ka ba?” may sumigaw sa kaniya nang siya’y dumaan sa may sapa.
Wala pa rin siya sa sarili at habang papalayo ay lalo yatang lumalala.
Bigla lamang siyang nahimasmasan at nahintakutan nang paglampas niya sa ilog
ay mapunang kakaunti ang mga tao at baka siya mahalata. Parang gusto niyang
magbalik sa kanto. Bagama’t hinang-hina at halos hindi makagulapay ay umikot
pa rin ito at nakauwi mula sa kabilang daan.
Hindi pa rin siya lubos na nahihimasmasan nang makarating sa bakuran
ng kaniyang tirahan. Nasa hagdan na siya nang maalala ang ukol sa palakol. At
naisip niyang mayroon pa siyang napakahalagang dapat gawin: ibalik ito nang
hindi kapuna-puna sa dating kinalalagyan. Oo, wala na siyang sapat na lakas
upang matanto na mas mabuti pang huwag na lamang ibalik ang palakol sa dating
lugar at itapon na lamang pagkatapos sa kahit saang bakuran.
Ngunit sinusuwerte pa rin siya. Nakapinid ang pinto ng bantay ngunit
hindi nakakandado, pinakamalamang na nasa bahay lamang siya. Dahil sa hindi na
nga ito makapag-isip nang mabuti ay tuloy-tuloy ito sa kuwarto. Kung madatnan
niya siguro ang bantay at matanong kung anong kailangan niya ay ibibigay na
lamang siguro nito ang palakol. Ngunit wala rin doon ang bantay at nagawa
niyang ilagay ang palakol sa dating lugar, at tulad kanina’y natakpan pa niya ng
kahoy. Wala rin siyang nakita ni isang kaluluwa hanggang sa makarating siya sa
kaniyang kuwarto. Sarado rin ang pinto ng kasera. Pagpasok sa kuwarto’y bagsak
siya sa sofang gaya kanina. Hindi siya nakatulog dahil lumilipad ang kaniyang
isip. Kung mayroong pumasok sa kaniyang kuwarto, siguro’y mapatatayo siya’t
mapasisigaw. Gumigitaw sa kaniyang pangitain ang mga himaymay at bahagi ng
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 91

iba’t ibang kaisipan; ngunit hindi siya makaapuhap ng kahit isa, anumang pilit
niya ay di siya matigil ...
e
Ikalawang
Bahagi
I

MATAGAL SIYANG NAKAHIGA. Manaka-naka’y naidlip at napansin na


lamang niyang kumagat na ang dilim ngunit wala pa rin siyang balak na tumayo.
Nang muli siyang malingat ay maliwanag na. Blangko pa rin siyang nakahiga sa
sofa, hindi pa rin nahihimasmasan sa matagal na pagkawala sa sarili. Nakaabot sa
kaniyang pandinig ang nakagugulat na panaghoy ng kawalang-pag-asa mula sa
kalsada. Naririnig niya ito gabi-gabi bago mag alas-tres. Iyon din ang gumising
sa kaniya ngayon. “A, naglalabasan na ang mga lasing sa inuman,” naisip niya,
“Lampas na ng alas-dos,” bigla’y napatayo siya na parang may humila mula sa sofa.
“Ano, lampas na ng alas-dos?!” Muli siyang naupo at naalala na niya, sa isang iglap
ay naalala na niya ang lahat.
Una’y naisip niyang nababaliw yata siya. Bumalot sa kaniya ang labis na
lamig, lamig na dala na rin ng lagnat na kanina pang natutulog siya nagsimula.
Nangangatog ang mga ngipin niya, pati na ang buong katawan. Binuksan niya ang
pinto at nakiramdam: tulog na ang lahat. Tiningnan niya ang sarili at ang buong
kuwarto, hindi niya maunawaan kung paanong pag-uwi niya kahapon ay hindi
man lamang ikinandado ang pinto at nagtuloy na sa higaang ni hindi nakapagpalit
ng damit o nag-alis man lang ng sumbrero, na gumulong at ngayo’y nasa lapag
sa tabi ng unan. “Kung may pumasok dito, ano kaya ang iisipin niya? Na ako ay
lasing ngunit ...” Tumakbo siya sa bintana. Maliwanag na nga. Muli’y mabilis na
96 FEODOR DOSTOYEVSKY

sinuri ang sarili, mula ulo hanggang paa, tiningnan ang damit kung walang bakas.
Ngunit hindi maaaring ganoon lamang. Binaligtad niya ang mga ito, hanggang
sa huling manggas at sinulid, nang tatlong beses upang lalong makatiyak. Ngunit
wala, mukhang walang kahit na anong naiwang bakas, maliban sa dakong ibaba
ng pantalon, sa may dekorasyong palawit ay nakadikit ang makapal na bakas
ng natuyong dugo. Kinuha niya ang malaking kutsilyo at pinutol ang palawit.
Maliban doon ay mukhang wala na. Naalala niyang bigla ang pitaka at mga bagay
na kinuha niya sa matanda mula sa baul—nasa bulsa pa rin niya hanggang ngayon!
Ni hindi niya naalalang kunin ang mga ito at itago. Maging ngayon, habang
sinusuri ang damit niya’y hindi rin niya naisip iyon. “Ano ba ang mga ito?” Mabilis
niyang kinapa ang mga ito at inihagis sa mesa. Pagkakuha sa lahat ay binaligtad
pa niya ang bulsa upang matiyak na wala na ngang natira. Pagkatapos ay inilipat
niya ang lahat ng ito sa sulok. Doon sa sulok sa ibaba kung saan naipon ang mga
papel na pantapal sa dingding, doon sa ilalim ng mga papel na may butas. Doon
niya isinuksok ang mga ito. Nagkasya lahat, pati na ang pitaka. “Pasok!” masaya
niyang naisaloob pagkatayo niya at blangkong tumitig sa lalong umumbok na
butas. Nang bigla siyang napakislot na nahihintakutan: “Diyos ko!” bulong niya,
“Ano ang nangyayari sa akin? Nakatago na ba ito sa lagay na iyan? Ganyan ba ang
magtago?”
Kung sabagay, pera lang ang inakala niyang makukuha at hindi naghanda
ng paglalagyan para sa iba. “Pero ngayon, ano ang dapat kong ikatuwa? Ganito ba
kung magtago? A, hindi na nga ako makapag-isip!”
Napaupo siyang nanghihina sa sofa at noon din ay inatake siya ng di-
mapigilang panginginig. Wala sa loob na hinila ang nakalapag sa malapit na
damit panlamig na pang-estudyante, mainit iyon ngunit mukhang basahan na rin.
Pinantalukbong niya ito at noon din ay muli na naman siyang dinalaw ng antok
at pagdedeliryo. At siya’y nakatulog.
Mga limang minuto lamang ay napatindig din siya at naguguluhang
hinarap muli ang damit. “Papaano akong nakatutulog gayong wala pa akong
nagagawa? Oo nga! Oo nga pala, hanggang ngayo’y di ko pa tinatanggal itong
sabitan sa may kilikili! Iyon lang ay nakalimutan ko pa, napakaliit na bagay!”
Hinugot niya ang tali, pinagpira-piraso, at inipit sa ilalim ng unan. “Ang
mga piraso ng pinunit na tela ay hindi magdudulot ng pagdududa, “Ganoon yata,
ganoon na nga siguro,” ulit niya habang nakatayo sa gitna ng kuwarto at muli’y
iginala ang paningin sa paligid. Pilit na pinagbubuting maigi ang pagmamasid sa
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 97

sahig at sa lahat ng bahagi ng kuwarto, wala na kaya siyang anumang nakaligtaan?


Kinakabahan at halos di na matiis ang pag-aalala sa paniniwalang pinapanawan
na siya ng memorya at maging ng simpleng imahinasyon. “Alangan naman na ito
na, na nagsisimula na ang matinding parusa? Oo, oo, ganoon na nga!” At ganoon
na nga—ang piraso ng tela na pinunit niya mula sa pantalon ay kakalat-kalat sa
sahig upang unang matapunan ng pansin! “Ano ba ang nangyayari sa akin?” sigaw
niyang tila nawawala sa sarili.
Pumasok sa isip niya ang isang kakatwang pangitain: baka duguan
ang kaniyang damit at punong-puno ng mantsa na hindi lang niya napupuna o
nakikita dahil sa malabo, mahina, at basag na ang kaniyang ulirat ... Bigla’y naalala
niyang nagkaroon ng dugo ang pitaka. “Ibig sabihin ay may dugo rin ang bulsa ko
dahil basa pa ito nang ipinasok ko!” Mabilis niyang ibinaligtad ang kaniyang bulsa
at sa ibaba nito’y may bakas—may mantsa nga ng dugo. “Kung ganoon ay di pa
naman ako tuluyang iniwan ng aking bait. Mayroon pa naman akong imahinasyon
at katinuan dahil mag-isa ko itong naalala at nahulaan.” Nagdiriwang niyang
naisip kasabay ng masaya at malalim na paghinga. “Panandaliang panghihina
at pagkahilo lang na sanhi ng lagnat ...” At tinanggal niya ang buong kaliwang
bulsa ng pantalon. Nang mga sandaling iyon ay tinamaan ng liwanag ng araw ang
kaniyang kaliwang sapatos. Sa bahagyang nakalabas na medyas ay mukhang may
mantsa rin. Inalis niya ang sapatos at tunay ngang may bakas! Punong-puno ng
dugo ang dulo ng kaniyang medyas. Malamang na natapakan niya ang umagos
na dugo ng matanda. “Ano ngayon ang gagawin ko rito sa medyas, tela, at bulsa?”
Dakot niya ang mga ito habang nakatayo sa gitna ng kuwarto. “A, sa
pugon? Kaya lang ay magtatagal pa ito roon. Kung susunugin nama’y ni wala
akong posporong pansunog sa mga ito. A, mabuti pa’y itapon ko na lang sa kung
saan,” ulit niya at muling naupo sa sofa. “Ngayon din at huwag nang ipagpaliban
pa ...” Ngunit kasabay nito ay humilig ang ulo niya sa unan. Muli ay dinalaw siya
ng di-mapigilang antok at muli niyang hinila ang kaniyang panlamig. Matagal,
mga ilang oras na naudlot lamang ng minsang pag-aagam-agam. “Ngayon na
siguro. Wala nang anumang pag-aantala. Umalis na’t pumunta na sa kung saan
upang itapon ang lahat at maalis na sa paningin. Bilis, bilis!”
Ilang ulit niyang tinangkang bumangon mula sa higaan ngunit talagang
di niya kaya. Tuluyan na lamang siyang ginising ng malalakas na katok sa pinto.
“Buksan mo ang pinto! Ano ba? Buhay ka pa ba? Nagbabatog pa rin!”
sigaw ni Nastasya habang kinakalabog ang pinto. “Maghapong natutulog na
98 FEODOR DOSTOYEVSKY

parang aso! Aso nga! Bubuksan mo ba o hindi? Pasado alas-diyes na!”


“Baka walang tao!” tinig lalaki. Boses ng katiwala.
Nagtataka ang tingin ni Nastasya sa kaniya. Samantalang sumulyap nang
may paghahamon at desperasyon ang binata sa katiwala. Ito nama’y di-kumikibong
iniabot lang ang isang abuhin, nakatupi, at selyadong papel.
“Notice mula sa estasyon,” binanggit niya habang iniaabot ang papel.
“Estasyon ng ... ano?”
“Sa estasyon ng pulisya. Alam mo na.”
“Sa pulisya! Bakit?”
“At paano ko naman malalaman? Kung pinatatawag ka, e, pumunta ka,”
matamang tinitigan nito ang binata. Tiningnan ang buong paligid at tumalikod
na’t umakma sa paglisan.
“Hindi ka pa rin yata nakababawi mula sa pagkakalagnat mo kahapon?”
puna ni Nastasyang hindi binabawi ang tingin sa binata.
Hindi siya tumutugon. Hawak ang papel at hindi ito binubuksan.
“O, huwag ka nang bumangon,” patuloy ni Nastasyang naaawa
nang makitang ibinaba niya ang mga paa mula sa higaan. “Kung masama ang
pakiramdam mo ay huwag ka nang magpilit. O, ano ba ang hawak mo?”
Pagsulyap ng binata ay nakita niya ang pira-pirasong tela, medyas, at
hinablot na bulsa na nakatulugan niyang tangan-tangan. Napag-isipan niya ang
tungkol dito at pagkatapos ay naalala niyang pinipiga niya ang mga ito hanggang
sa siya’y makatulog.
“Nakatulog nang hawak ang mga basahan. Akala mo’y kayamanan,” at
inihit na ng tawa si Nastasya. Sa isang iglap ay ipinasok niya ito sa kaniyang damit
at matamang tinitigan ang mga mata ng babae.
Bagama’t hindi pa rin gaanong malinaw ang isip niya nang mga sandaling
iyon, naramdaman naman niyang hindi ganoon ang pakikiharap ng mga dadakip
sa taong huhulihin. “At ang mga pulis ...”
“Uminom ka ng tsaa. Kung gusto mo ay dadalhan kita. Mayroon pang
natitira ...”
“Hindi na ... aalis na ako, lalakad na ako,” bulong niya at saka siya tumayo.
“Aalis ka? Baka mahulog ka sa hagdan?”
“Aalis ako.”
“Bahala ka.”
At tumalikod na si Nastasya at saka sumunod sa katiwala.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 99

Noon din ay mabilis niyang tiningnan sa liwanag ang medyas at


kapirasong tela. “May mantsa ngunit di gaanong halata, medyo nabura at nag-iba
na ng kulay. Kung walang-alam bago pa man ay walang anumang mahahalata.
Wala namang napuna si Nastasya mula sa kinatayuan nito. A, purihin ang Diyos!”
Nanginginig at dagli niyang binuksan ang kalatas at saka binasa. Matagal-matagal
niya itong tiningnan at sa wakas ay naintindihan din. Ito ay pangkaraniwan lang
na imbitasyong pumunta sa estasyon sa susunod na araw sa ganap na alas-nuwebe
y medya sa opisina ng hepe.
“Kailan pa ba ito nangyari? Hindi ako nagkaroon ng anumang usapin sa
pulisya! At bakit ngayon pa?” tanong niyang labis pa ring nagtataka. “Panginoon,
tapusin mo na ito!” Akma sana siyang luluhod upang manalangin ngunit siya’y
napahalakhak. Hindi niya pinagtawanan ang pagdalangin kundi ang sarili.
Nagmamadali siyang nagbihis. “Kung malasin ako ay ano ba sa akin!” Pareho lang.
“A, isusuot ko ang medyas!” bigla niyang naisip, “Lalo itong matatakpan ng dumi
at mawawala ang bakas.” Ngunit pagkasuot niya’y dagli niya itong hinugot nang
may pandidiri at hilakbot. Pagkahugot ay naalala niyang wala rin siyang ibang
gagamitin kaya’t kinuha niya ito at muling isinuot, at muli’y napahalakhak. “Lahat
ng ito’y pansamantala. Lahat ay relatibo. Lahat ng ito’y mga kaanyuan lamang.”
Ito ay mahinang kumislap sa dulo ng kaniyang hinagap. Nanginginig pa rin ang
buo niyang katawan.
“O, isinuot ko naman! Nauwi rin naman sa pagsusuot ko nito!” Ngunit
ang kaniyang pagtawa’y agad pinalitan ng desperasyon. “Hindi. Hindi ko kaya
...” naisip niya. Nanginginig ang kaniyang mga paa, “Sa takot,” bulong niya sa
sarili. Nahihilo siya at mabigat ang ulo dahil sa lagnat. “Katusuhan! Lolokohin nila
ako ng kanilang katusuhan upang pagkatapos ay ipagkakanulo nang buong-buo!”
pagpapatuloy niya. Tumuloy na siya sa hagdan. “Ang masama nito ay para akong
nagdedeliryo ... baka makagawa ako ng kahangalan ...”
Habang nasa hagdan ay naalala niyang iwan na lang nang ganoon ang
mga gamit sa butas ng papel sa dingding. “E, paano kung maghalughog nang
wala siya?” tumigil siya ngunit mas kumubabaw ang labis na kawalang-pag-asa at
pagkutya sa sarili. Ikinumpas na lamang niya ang kamay at nagpatuloy na.
“Basta ba bilisan lang ...”
Napakainit sa daan. Kaunting patak lang sana ng ulan ay isa ng
kaalwanan. Muli ay ang alikabok, tisa at apog, amoy ng tindahan at inuman ng
serbesa, mga lasing, at gegewang-gewang na kariton. Nakasisilaw ang matinding
100 FEODOR DOSTOYEVSKY

sikat ng araw at nahihirapan siyang tumingin. Lalo itong nagpabigat sa kaniyang


ulo. Ganyan ang karaniwang pakiramdam ng isang may lagnat, na biglang lumabas
sa maliwanag na sikat ng araw.
Pagdating niya sa kantong dinaanan kahapon ay may hapdi sa dibdib na
nilingon ito, pati ang bahay na iyon ... at dagli ring binawi ang tingin.
“Kung tatanungin ako ... palagay ko’y sasabihin ko na,” naisaloob niya
habang papalapit sa estasyon.
Sangkapat na kilometro pa ang layo ng estasyon na kalilipat lamang sa
bagong gusali sa ikaapat na palapag. Naparaan na rin siya sa dating estasyon pero
matagal na iyon. Pagpasok niya sa bakuran ay nakita niya ang hagdan sa kanan
at namataan ang isang lalaking may tangang libro, “Katiwala. Ibig sabihin ay may
opisina nga rito,” at nagsimula na siyang pumanhik, nagbabakasakali. Ayaw niyang
magtanong sa kahit na kanino.
“Pagpasok ko’y luluhod na ako’t aaminin ang lahat,” iniisip niya habang
papunta sa ikaapat na palapag.
Ang hagdan ay makitid, maiksi, at marumi. Lahat ng kusina ng mga yunit
sa ikaapat na palapag ay bukas na nakaharap sa hagdang ito buong maghapon. Ito
ang dahilan ng matinding alinsangan. Panhik-manaog ang iba’t-ibang tao, babae’t
lalake. Ang iba’y may mga ipit na papeles sa kilikili at ang iba’y mga bumibisita
rin sa pulisya. Ang pinto ng pulisya ay bukas din. Pumasok siya’t naghintay sa
tanggapan. Marami naman ang mga lalaking naroong nangakatayo at naghihintay.
Dito’y grabe ang alinsangan at init, dagdag pa ang naninigid sa ilong na amoy
ng di-pa lubos na natutuyo’t mabahong pinturang amoy masangsang na mantika.
Pinatungan ng pintura ang mga nasabing kuwarto. Naghintay siya nang kaunti
at nagpasyang tumuloy sa sumunod na kuwarto. Lahat ng mga silid ay maliliit at
mabababa ang kisame. Habang tumatagal ay hinihila siya ng matinding pagkainip.
Walang pumapansin sa kaniya. Sa ikalawang kuwarto ay may mga
nakaupo at nagsusulat. Sila’y nakadamit nang mas maayos at mukhang iba ang
pakay kaysa kaniya. Tinanong niya ang isa sa kanila:
“Ano ba ang lakad mo?”
Ipinakita nito ang kalatas mula sa estasyon.
“Kayo ba’y estudyante?” itinanong naman ng tao na tiningnan din ang
kalatas ng binata.
“Oo, dating estudyante.”
Sinulyapan ng isa sa mga tagasulat ang binata na walang anumang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 101

kuryosidad. Isa itong mamang mukhang magulo at marumi, na mukhang sarado


rin ang pananaw.
“Mula sa taong ito’y wala kang malalamang anuman dahil wala naman
siyang pakialam sa lahat,” palagay ni Raskolnikov.
“Doon kayo tumuloy sa clerk,” sabi ng tagasulat at itinuro ang
pinakahuling kuwarto.
Pumasok siya sa itinurong kuwarto na ikaapat sa linya. Ito ay masikip at
puno ng tao na mas maayos ang pananamit. May nakaupo sa harap ng estenograpo
na nagsusulat naman ng kaniyang sinasabi. Ang ikalawa’y babaeng napakataba,
mamula-mula, at may mga pasa. Mukhang maykaya at napakagarbo ng pananamit,
may alpiler sa dibdib na sinlaki ng platitong pangtasa ng tsaa. Nakatayo ito sa tabi
at mistulang may hinihintay.
Iniabot ni Raskolnikov ang kalatas sa clerk na lumingon sandali sabay
sabing, “Maghintay kayo,” at hinarap muli ang babaeng nakaluksa.
Nakahinga nang maluwag-luwag ang binata, “Palagay ko’y iba!” Unti-
unti ay sumisigla siya. Pinalakas niyang mabuti ang puso’t kalooban at pilit
pinalilinaw ang isip.
“Maipagkakanulo ko ang sarili nang dahil lang sa isang kamalian o
munting kawalang-ingat! A, sayang at walang hangin dito,” dagdag nito, “Lalong
umiikot ang ulo ko ... pati isip ...”
Nakatatakot na kawalang-kaayusan ang nararamdaman niya sa sarili.
Mismong siya’y natatakot na baka di niya makontrol ang sarili. Pinilit niyang
kumapit sa kahit anong ideya o kaya’y mag-isip tungkol sa kahit anong tunay na
kakaibang bagay ngunit hindi niya magawa. Gayunman, nagkainteres siya sa clerk.
Parang gusto niya itong hulaan ayon sa hilatsa ng pagmumukha nito at sukatin
ang pagkatao. Batang-bata pa ang clerk. Marahil ay labindalawang taong gulang.
May kaitiman at aktibong pangangatawan, mukhang matanda kaysa edad nito.
Maayos ang pananamit at talagang mulat na sumasabay sa uso, may hati pa ang
buhok nito sa likod, na maayos ang pagkakasuklay at napopomadahang mabuti.
May maraming singsing sa mapuputi’t pinalinis nang hustong mga daliri at mga
ginintuang borloloy sa damit. Kinausap pa niya nang matino ang isang panauhing
dayuhan nang kaunting Pranses.
“Luisa Ivanovna, maupo kayo,” sabi ng clerk sa babaeng nakadamit
krimson na nakatayo pa rin. Akala mo’y hindi magkalakas-loob umupo kahit may
upuan sa kaniyang tabi.
102 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Ich danke19,” mahina niyang sabi at umupong lumikha ng kaluskos ng


seda—ang mangasul-ngasul niyang damit na may puting pabilog na palamuti.
Akala mo’y lobong lumilipad na pumaikot sa upuan at muntik nang punuin ang
kalahati ng kuwarto. Umalingasaw ang kaniyang pabango. Samantala’y lihim na
ikinagalak ng babae na nasakop niya halos ang kalahati ng kuwarto at nanggagaling
sa kaniya ang mahalimuyak na pabango. Tila mahiyain naman ang kaniyang ngiti
ngunit sinasabayan ng kakapalan ng apog. Halatang di pa rin mapakali.
Sa wakas ay natapos na ang babaeng nakaluksa at tumayo na. Maingay
na pumasok ang may kabataang opisyal. Sa bawat hakbang ay pinagegewang
niyang mabuti ang balikat. Itinapon niya sa lamesa ang dalang kalatas na nakatali
nang magara at ang opisyal na laso. At umupo sa sofa. Napaigtad sa kinauupuan
ang babaeng nakakuntodo-bihis, may halong paghangang umayos nang upong
parang may ipinagmamalaki. Ngunit ni hindi siya tinapunan ng pansin ng opisyal.
Matapos iyon ay di na naglakas-loob pang magpapansin ang babae. Ang opisyal ay
tenyente at katuwang ng hepe ng presinto. May matutulis na kulay blonding bigote
sa magkabilang gilid, na sadyang maninipis ang mga guhit at bahagi, mukhang
walang gaanong ekspresyon, liban sa kakapalan ng mukha. May pagtatakang
tiningnan nito si Raskolnikov, hindi niya ito kursunada. Napakasagwa ng kasuotan
ngunit sa kabila ng kaabahan nito ay mayroon pa ring dating na mahuhusgahan,
hindi na sa damit. Sa kawalang-ingat naman ay napatagal ang tuwid na tingin ng
binata sa opisyal na ikinaasar ng isa, “O, ano ba’ng gusto mo?” sigaw nitong may
pagkagulat at ang isang mokong na gaya niya ay hindi man lamang nasindak sa
kaniyang malakidlat at matatalim na titig.
“Pinatawag ako .... heto ang kalatas ... ” naisipang isagot ni Raskolnikov.
“Tungkol iyan sa paniningil ng pera sa estudyante,” biglang singit ng
clerk. Sumandaling binitiwan ang ginagawa. “Heto, o!” Ipinakita ang lugar at
inihagis kay Raskolnikov ang kuwaderno. “Basahin ninyo.”
“Pera? Anong pera?” nag-isip si Raskolnikov, “Pero ... kung ganoon ay
iba nga ito!” At napakilig siya sa ligaya. Bigla’y sukdulang kaginhawahang di-
maipaliwanag ang kaniyang naramdaman. Naalis ang lahat ng pabigat sa balikat!
“At anong oras ang itinakda para sa inyong pagpunta, Ginoo?” sigaw ng
tenyente, na hindi alam kung ano ang ikinagagalit. “Alas-nuwebe ang nakasulat
samantalang alas-onse pasado na!”

19 “Ang Ich danke ay salitang Aleman na ang ibig sabihin ay “Ako ay nagpapasalamat.”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 103

“Kabibigay lang sa akin nito. Kinse minutos pa lang ang nakalilipas!”


malakas at paraan sa balikat na sagot ni Raskolnikov na biglang nagalit. Kahit
siya’y di-inaasahan ang ganoon. Kasabay nito ay nakaramdam siya ng kung anong
kagalakan. “Isa pa’y masama ang aking pakiramdam at nilalagnat pero pumunta
pa rin ako.”
“Huwag kayong sumigaw!”
“Aba, hindi ako sumisigaw. Napakalumanay ng aking pagsasalita. Kayo
itong sumisigaw sa akin. Ako ay isang estudyante at hindi ko pahihintulutan ang
sariling sumigaw.”
Dito na napuno ang katuwang. Sa unang ilang sandali ay hindi nito
nakuhang magsalita at kung anong bulong lamang ang lumabas sa labi. Napatindig
ito mula sa kinauupuan.
“Tumahimik kayo! Bisita lang kayo at huwag magmagaspang!”
“Kayo man ay bisita rin!” sigaw ni Raskolnikov, “At liban sa inyong
pagsigaw ay naninigarilyo pa kayo. Pinahihirapan ninyo kaming lahat!” Pagkasabi
nito’y nakadama nang dimatingkalang ligaya ang binata.
Nangingiting tiningnan sila ng clerk. Natigilan ang nag-init na tenyente.
“Wala na kayong pakialam! A, pakiabot nga ang papel nito at nang
malaman kung anong gusto sa kaniya. Alexander Gregoryevich, ipakita ninyo sa
kaniya. May reklamo sa inyo! Hindi kayo nagbabayad! Hayan, malinaw pa sa mata
ng agila!”
Ngunit hindi na nakikinig si Raskolnikov at ganid na inagaw ang papel.
Naghahanap ng anumang pahiwatig. Binasa at inulit ngunit di pa rin nakuha.
“Ano ba ito?” tanong niya sa clerk.
“Pinagbabayad na kayo ng utang. Naririto, nasasaad sa liham ng
pagkakautang. Kailangan ninyong bayarang lahat, pati tubo, porsiyento, at iba pa
o kaya’y gumawa ng promisoring nagsasaad kung kailan kayo magbabayad. Hindi
rin muna kayo maaaring umalis ng kabisera. Hindi kayo maaaring magtago o
magbenta ng mga ari-arian. May karapatan ang nagpautang sa inyo na ibenta ang
inyong ari-arian at makipagkasundo sa inyo sa pamamagitan ng batas.
“A, wala akong pinagkakautangan!”
“Hindi na namin alam iyan. Tumutupad lang kami sa batas. Dumating sa
amin itong reklamo laban sa inyong makalawang ulit na di-pagbabayad ng utang,
na nagkakahalaga ng isang daan at limampung rublo, kasama na ang multa. Galing
ito sa nagpapautang na si Zarnitsina. Siyam na buwan na kayong di nagbabayad.
104 FEODOR DOSTOYEVSKY

Mula rin sa biyudang Zarnitsina na ipinababayad ang inyong pagkukulang sa


konsehal na si Chebarov. Iyan ang dahilan ng aming pag-imbita sa inyo.”
“E, siya ang aking kasera.”
“O, ano kung siya ang kasera?”
Tiningnan siya ng clerk. Mapagpakumbabang ngumiting naaawa ngunit
kasabay nito ay may pagdiriwang na akala mo’y nakakita ng baguhang nakatakdang
barilin. “Paano ngayon? Ano ang pakiramdam mo?”
Ngunit ano sa kaniya ang paniningil, kahit pa ang multa! Mangangamba
pa ba siya ngayon o papansinin man lang ito?! Tumayo siya, nagbabasa, sumasagot,
at nagtatanong din ngunit ang lahat ng ito ay malamakina lamang niyang ginawa.
Tagumpay, preserbasyon ng sarili, at kaligtasan mula sa nakaambang panganib—
ang mga ito ang pumupuno nang lubos sa kaniyang pagkatao ng mga sandaling
iyon. Hindi nakita, hindi sinuri, hindi hinulaan, walang-pagdududa, at wala
nang tanong-tanong. Iyon ay sandali ng lubos na kaligayahan, tunay, at wagas
na kasiyahang malahayop. Ngunit nang mga sandali ring iyon ay tila nagkakulog
at kidlat sa estasyon. Ang tenyente, na hanggang ngayo’y nasasaktan pa rin sa
kawalang-pitagang naganap, ay nais makaganti at itayo ang narungisang mataas
na ihi. Inatake niya nang buong lakas ang kaawa-awang magarbong babae, na
kanina pa nakatingin pagpasok na pagpasok pa lamang niya at buong katangahan
pa ring nakangiti sa kaniya.
“At ikaw na babae ka ... ganito ... ganoon,” Ubod-lakas na sigaw nito.
Lumabas na ang babaeng nakaluksa. “Ano ang nangyari sa iyo noong nakaraang
gabi, ha? Nag-eskandalo ka na naman sa kalsada. Malaking kahihiyan na naman!
Palaging away at inuman! Kailan ka magiging masunurin? Sinabi ko na sa iyo,
binalaan na kita nang sampung beses at sa ika-labing-isa’y di na kita pagbibigyan!
Ngunit heto na naman ... na naman ... ikaw na babae ka!”
Nahulog tuloy ang hawak na papel ni Raskolnikov at gulilat na tiningnan
ang babaeng tinatalupan nang walang-seremonyas. Ngunit saglit lang iyon at
naunawaan na ng binata ang lahat. Sa oras ding iyon ay tila nalibang na siya sa
buong istorya. Mataman siyang nakinig nang may kasiyahan, na kalauna’y parang
gusto na niyang humalakhak nang humalakhak. Lahat ng kaniyang ugat ay nais
pumitlag.
“Ilya Petrovich!” simula ng clerk na nag-aalala ngunit tumigil din at
naghintay dahil alam niyang di rin mapipigilan ang tenyente kung di rin lamang
gagamitan ng lakas. Alam na niya ito sa kaniyang personal na karanasan.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 105

Ang marikit na binibini nama’y nagulantang nang una sa “kulog at kidlat.”


Ngunit ang nakapagtataka, habang dumarami at tumitindi ang pagmumura
ng tenyente ay lalo namang nagiging malambing at matamis ang kaniyang
pagkakangiti sa nakatatakot na sundalo. Siya’y nakaupo pa rin at nagpapaganda sa
kaniyang kinaroroonan at sabik na naghihintay ng pagkakataong muling magsalita
hanggang:
“Wala namang ingay at away na nangyari, Herr Kapitan20,” agad nitong
sinabi, malakas ang tonong Aleman ngunit malinaw na Ruso, “At wala, walang
anumang eskandalo. Lasing silang dumating at ikukuwento ko ang lahat ...
Herr Kapitan ... wala akong kasalanan ... maayos at kagalang-galang ang aking
pamamahay, Herr Kapitan, at marunong akong makipagkapwa-tao. Herr Kapitan,
ako ay palaging umiiwas sa anumang eskandalo pero lasing na lasing na sila nang
dumating at humihingi pa ng tatlong bote. Pagkatapos ay may isang nagtaas ng paa
at pinatugtog ang piano sa pamamagitan ng paa. E, hindi na maganda ang ganoon
sa isang matinong pamamahay. Sisirain niya ang fortepiano, sabi ko’y wala siyang
mabuting asal. Ngunit kumuha siya ng isang bote at itinusok lahat sa puwitan.
Tinawag ko ang bantay. Dumating si Karl ngunit nasuntok lang siya sa mata.
Ganoon din si Henriet, nasuntok ang mata at ako’y limang beses na sinampal
sa pisngi. Napakasama nito para sa isang mabuting tahanan, Herr Kapitan, kaya
ako’y nagsisigaw. At binuksan naman niya ang bintana sa may kanal at doon sa
kalsada ay gumibik na parang biik. Nakahihiya! Paanong sa bintana sa daan ay
parang biik na gigibik?! Pwe! Hinila siya sa tailcoat ni Karl mula sa bintana at
totoo, Herr Kapitan, na napunit niya ang kaniyang Sein Rock. At isinigaw niya
na kailangan siyang bayaran ng labinlimang rublo. Binayaran ko siya mismo ng
limang rublo para sa kaniyang Sein Rock. Walang-hiyang bisita! Gumagawa
ng eskandalo. Herr Kapitan, sinabi pa niya na magkakaroon ng katatawanan at
pagkutya sa akin dahil kaya niyang magsulat sa lahat ng diyaryo.”
“Manunulat ba?”
“Opo, Herr Kapitan, walang-pitagang bisita sa mapitagang pamamahay!”
“O-o-o! Tama na! Sinabi ko na sa iyo, sinabi ko na, sinabi ko na kasi, e ...”
“Ilya Petrovich,” muling tumawag nang makahulugan ang clerk. Mabilis
siyang nilingon ng tenyente at marahang tumango ang clerk.
“Ganito, kagalang-galang na Laura Ivanovna, ang aking huling masasabi,

20 Ang Herr Kapitan sa Aleman ay Ginoong Kapitan sa Tagalog.


106 FEODOR DOSTOYEVSKY

at huling pagkakataon na ito,” pagpapatuloy ng tenyente, “Minsan pang may


maganap na eskandalo, kahit isa lang sa iyong marangal na pamamahay ay ako
mismo ang maglalagay sa iyo sa Zugender, sa mataas na pananalita. Narinig
mo? Ganoon, ha, isang manunulat ang nakakuha ng limang rublo sa “marangal
na pamamahay” dahil sa palda. Ganyan ang mga manunulat!” at sumulyap
nang matalim kay Raskolnikov. “Kamakalawa ay may kumain sa kantina pero
ayaw magbayad. Pagkatapos ang sabi’y magsusulat daw ng kung ano-anong
katatawanan tungkol sa may-ari. Noong isang linggo naman sa barko ay ganoon
din. Pinagsabihan ng masasamang salita ang mag-anak, asawa’t anak na babae
ng isang kagalang-galang na konsehal. Sa tindahan naman ng kendi ay may
isang pinalayas at pinagtutulakan. Ganyan ang mga manunulat, literador, at
estudyante—mga manloloko. Pwe! O, ikaw, lakad na! Ako mismo ang pupunta sa
iyo ... iyon ang pag-ingatan mo! Narinig mo ba?”
Natataranta man ay magiliw pa rin si Laura Ivanovna at di-malaman
kung saan mauupo hanggang sa makaabot sa may pinto. Di-sinasadya’y nabunggo
niya sa likuran ang isang kilalang opisyal, na may maaliwalas at sariwang mukha,
at may makapal na puting bigote. Siya ang inspektor ng estasyon na si Nikodim
Fomin. Muntik nang mapaupo si Laura Ivanovna sa sahig. At sa mumunting
hakbang ay nagmamadaling nilisan ang estasyon.
“Maingay na naman. May kulog, kidlat, buhawi, at bagyo na naman ...”
mabait at pabirong sabi ni Nikodim Fomich kay Ilya Petrovich. “Binagabag na
naman ang iyong puso, nag-init na muli! Naririnig ko na kaninang nasa hagdan
pa lang ako.”
“Hi-hin-di naman.”
“Hindi naman!” malambot na pagtanggi ni Ilya Petrovich habang
papalapit sa ibang lamesa na may dalang mga papel. Iginagalaw nito ang balikat
habang humahakbang. Kung nasaan ang paa, doon din ang bagsak ng balikat.
“Ipahintulot ninyong tingnan, ginoong manunulat, este, dating estudyanteng
hindi nagbabayad ng utang, nagbibigay ng pangako, hindi naglilinis ng tirahan,
hindi natitigil ang reklamo laban sa kanila, at naglalakas-loob na magreklamo
dahil sa aking paninigarilyo sa kanilang harapan. Sila pa ang makapal ang mukha
at heto, tingnan po ninyo sila, hayan sa kanilang pinakanakahahalinang kaayusan.”
“Ang kahirapan ay hindi kasalanan, kaibigan! Alam natin na di-kayang
tiisin ng kasalanan ang kaunting kahihiyan. Anumang totoo na laban sa kaniya
ang inyong mababanggit ay tiyak na makasasama ng loob at di-makapagpipigil
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 107

sa kaniya,” pagpapatuloy ni Nikodim Fomich na magiliw na kumakausap kay


Raskolnikov, “Ngunit sayang, pinagpipitagang Ginoo. Ang masasabi ko ay
talagang maingay ang paputok! Gayunman, kung biglang magalit, mag-init, at
pumutok ay mawawala na rin pagkatapos. Lilipas agad ang lahat. Ang resulta ay
ginintuang puso pa rin. Kaya nga ang tawag sa kaniya sa batalyon ay “Tenyente
Paputok ...”
“At matinding batalyon!” sabad ni Ilya Petrovich na masaya na’t kiniliti
siya nang ganoon ngunit mainit pa rin.
Naramdaman na lang ni Raskolnikov na parang gusto niyang magsalita
ng anumang talagang kawili-wili.
“Ipagpaumanhin ninyo, Kapitan,” pagsisimula niyang sadyang magaan
ang pakiramdam kay Nikodim Fomich, “Ngunit kayo man ang lumagay sa aking
kalagayan ... Handa akong humingi ng kapatawaran kung ako ma’y sadyang
nagkamali. Ako ay isang mahirap, may karamdamang estudyante, at winawasak
ng kahirapan (“winawasak” ang ginamit niyang salita). Dating estudyante na
lang ako ngayon dahil hindi ko na kayang tustusan ang aking sarili ngunit may
matatanggap ako mula sa aking ina at kapatid na nasa probinsya. Pagkapadala sa
akin ng pera ay magbabayad ako agad. Mabait ang aking kasera ngunit nagalit
lamang siya nang nawala na ang aking mga tutorials. Hindi na rin ako hinahatiran
ng pagkain. Kung ano ang beksel na iyon ay di ko pa rin maintindihan! Ngayon
ay sisingilin niya ako batay sa sulat na iyan. Ano naman ang maibabayad ko sa
kaniya? Kayo na ang humatol!”
“Ngunit wala na kami roon ...” muling puna ng clerk.
“Ipagpaumanhin ninyo, sang-ayon ako sa lahat ng sinasabi ninyo
ngunit hayaan ninyo akong magpaliwanag,” balik ni Raskolnikov sa clerk ngunit
kausap pa rin si Nikodim Fomich. Kasabay nito ay pinipilit pa ring harapin nang
mahusay si Ilya Petrovich na kunwa’y abalang-abala sa mga papel at hindi siya
pinapansin, “Ipahintulot ninyo na aking ipaalam na ako’y tatlong taon nang
nangungupahan sa kaniya magmula pa nang una akong dumating dito mula sa
probinsya. Ipinagtatapat ko sa inyo na noon pa man ay ipinangako ko sa kaniyang
pakakasalan ang kaniyang anak na dalaga. Salita lamang iyon at walang anumang
gapos. Samantalang ang babaeng iyon ay ... gusto ko naman ... ngunit hindi ko
minamahal ... sa ibang salita ay ... dala lamang ng kapusukan ng kabataan. Ang
ibig kong sabihin ay pinauutang niya ako nang malaki dati at ako nama’y nabuhay
nang ganoon ... masyado akong nagwalang-bahala ...”
108 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Ginoo, hindi naman kailangan ang ganyang pagtatapat at wala tayong


oras para sa ganyan,” magaspang at matagumpay na putol ni Ilya Petrovich, ngunit
matigas siyang napatigil ni Raskolnikov na parang nahirapan sa paghinga.
“Ngunit ipahintulot din ninyong isalaysay ko sa inyo kung ano ang
nangyari ... bagama’t sang-ayon ako na kalabisang ikuwento ang lahat. Ngunit
noong nakaraang taon ay namatay ang babaeng iyon dahil sa tipus at ako
nama’y nanatiling nangungupahang gaya ng dati. Pagkalipat naman ng kasera sa
tinitirhan niya sa kasalukuyan ay sinabi niya sa akin, gaya ng isang kaibigan, na
lubos ang pagtitiwala niya sa akin, at kung gusto ko raw ay magbigay na lamang
ako ng promisori sa halagang isang daan at limampung rublo na siya kong utang
sa kaniya. At para sa inyong kaalaman, sinabi rin niya sa akin, pagkabigay ko sa
kaniya ng sulat na ito, na pauutangin niya akong muli ng kahit na magkano at
sa sarili ring salita ay nagsabing hinding-hindi niya gagamitin ang papel laban
sa akin at hihintayin niyang ako’y makapagbayad. At ngayong wala na rin akong
tinuturuan at wala na ring makain ay isusuplong niya ako? Ano ngayon ang aking
sasabihin?”
“Lahat ng emosyonal na detalyeng ito’y wala kaming pakialam,”
magaspang na putol ni Ilya Petrovich, “Ang kailangan ninyo’y tumugon at
mangakong magbayad. Ang tungkol naman sa wika ninyong umibig kayo at iba
pang trahedya ay wala kaming anumang pakialam.”
“O, masyado ka namang malupit ...” banggit ni Nikodim Fomich na
naupo na rin sa lamesa at tiningnan ang mga pipirmahan. Nakadama siya ng kung
anong kahihiyan.
“Magsulat na kayo,” ang sabi ng clerk kay Raskolnikov. “Anong isusulat
ko?” sagot naman niyang may kagaspangan.
“Ididikta ko.”
Dama ni Raskolnikov na matapos niyang magsalaysay ay naging
magaspang at matalim ang clerk sa kaniya. Ngunit nakapagtatakang siya nama’y
lalo ring naging matigas at determinado, anuman ang maging opinyon ng kaharap.
Ang pagbabagong ito’y naganap sa isang kisapmata, sa loob lamang ng isang saglit.
Kung makapagsusuri lang siya kahit kaunti ay magugulat pa siya sa sarili
at ganito na siya makiharap sa mga taong ito ngayon samantalang kanina lang ay
di siya makawala sa sariling emosyon. At saan galing ang mga damdaming ito?
Kabaligtaran marahil ang mangyayari kung ang presintong ito’y napupuno, hindi
ng mga pulis, kundi ng mga kaibigan niya. Siguro’y walang lalabas sa kaniyang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 109

bibig ni isang salita. Matapos ang kaisipang ito’y nakadama siya ng kahungkagan
sa puso. Napuno ang kaniyang kaluluwa ng matinding pangungulila, pagdurusang
dala ng matinding kalungkutan, pagdurusang dala ng walang-katapusang lumbay,
at pag-iisa. Nadama niya ito, hindi dahil sa kababaan ng kaniyang pagbubuhos ng
damdamin sa harapan ni Ilya Petrovich at hindi rin ang kababaan ng tenyente ang
nagpabaligtad sa kaniyang puso. O, ano pa nga ba ngayon ang pakialam niya sa
sariling kawalang-hiyaan, sa iba pang hangarin ng mga tenyente, Aleman, tungkol
sa paniningil, presinto, at iba pa! At kahit pa hinatulan siya ngayon ng kamatayan sa
pamamagitan ng pagsunog ay baka ni hindi siya kikibo o makikinig man lang nang
mataman. Hindi niya kailanman naramdaman ang nangyayari sa kaniya ngayong
oras na ito. Ito ay bago at bigla na lang. Hindi dahil sa naiintindihan niya ngunit
damang-dama ng buo niyang pandama na hindi na niya maaari pang pakiharapan
ang mga taong ito sa presinto, at kahit pa ito’y mga tunay niyang kapatid at
hindi mga tauhan sa presinto ay hindi rin niya haharapin, anuman ang mangyari.
Hindi kailanman nangyari sa kaniya ang ganitong kakaiba at nakakikilabot na
damdamin. At ang mas masakit ay naramdaman niya ito. Damdamin ito at hindi
kaisipan o kamalayan. Tuwirang pandama at pinakamasakit na pakiramdam, na
dinaanan niya sa kaniyang buong buhay.
Nagsimula naman siyang diktahan ng clerk ng mga karaniwang pahayag
sa ganitong pagkakataon, na hindi pa siya makapagbabayad at nangangakong
magbabayad sa ganitong petsa, na hindi aalis sa siyudad, hindi magbebenta ng
ari-arian, hindi rin magreregalo, at iba pa.
“Hindi ba kayo makasulat at hindi mawasto ang pluma sa inyong kamay,”
puna ng kawani at sumulyap nang may kuryosidad kay Raskolnikov, “May sakit
ba kayo?”
“Oo, umiikot ang aking paningin. Ipagpatuloy ninyo ...”
“Tapos na. Pirmahan ninyo na lang.”
Inalis ng clerk ang papel at iba na naman ang inasikaso.
Ibinigay na ni Raskolnikov ang panulat ngunit sa halip na tumayo na’t
umalis ay ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa lamesa. Pagkatapos nito ay
sinapo niya ang kaniyang ulo. Parang ipinapako ang kaniyang noo. Bigla’y ibang
ideya ang pumasok sa ulo niya: tumayo ngayon din at isalaysay ang lahat kay
Nikodim Fomich ang tungkol sa nangyari kahapon. Lahat hanggang sa huling
detalye. Pagkatapos ay sasamahan siyang pumunta sa paupahan at ipakita ang
mga bagay na nasa butas sa may sulok. Malakas ang bugsong iyon at nakatayo na
110 FEODOR DOSTOYEVSKY

siya upang isakatuparan ito. “Hindi na ba ako mag-iisip nang kahit isang sandali?”
pumasok sa kaniyang isipan. “Hindi. Mabuti pa’y wala nang pagninilay at tapusin
na ang lahat!” Ngunit napahinto siyang parang ipinako. Mainit na kinausap ni
Nikodim Fomich si Ilya Petrovich at ganito ang kaniyang narinig:
“Imposible! Pakawalan silang pareho! Una ay kontradiksyon ang lahat.
Timbangin ninyo, bakit pa nila tatawagin ang bantay kung iyon ang kanilang
kagagawan, upang ipahamak ang sarili? O katusuhan? Hindi, masyado namang
katusuhan iyon! At sa huli’y nakita rin ng dalawang ginoo at isang mamamayan
ang estudyanteng si Pestryakov sa mismong tarangkahan nang sandaling ito
ay pumasok. May kasama siyang tatlong kaibigan at naghiwa-hiwalay sa may
tarangkahan. At nagtanong pa tungkol sa tirahan habang kaagapay pa ang mga
kasama. Magtatanong pa ba tungkol sa tirahan kung ganoon ang balak? At si
Koch naman, bago pumunta sa matanda ay kalahating oras nang nasa ibaba sa
magpipilak at eksaktong labinlimang minuto bago mag-alas-otso nang pumanhik
sa itaas. Ngayon, isipin ninyo.”
“Ngunit ipahintulot ninyo ... Paano naman nangyari ang ganitong
kontradiksyon? Sila mismo’y nagsabi na kumakatok sila at sarado ang pinto pero
makaraan lang ang tatlong minuto nang sila’y magbalik, na kasama ang bantay, ay
bukas na ang pinto?”
“Iyan na nga ang katawa-tawa! Nandoon ang salarin at nagkulong sa loob.
Tiyak na matitiklo sana siya roon kung hindi lang pumalpak si Koch at umalis
upang puntahan ang bantay. At sa pagitan ng mga sandaling iyon ay nasalisihan
sila sa kung papaanong paraan. Nakababa ang salarin nang hindi nila namalayan.”
Si Koch ay nagkrus nang dalawang kamay at nagsabing: “Kung nagtagal akong
mag-isa roon, e, baka lumabas iyon at ako’y hinataw rin ng palakol.” Natatawang
dagdag naman ng inspektor, “Nais nga niyang magpamisa ng pasasalamat. He-
he-he!”
“At walang sinumang nakakita sa mamamatay-tao?”
“Saan mo naman makikita? Ang bahay na iyon ay arko ni Noah,” puna
ng clerk na nakikinig mula sa kinauupuan.
“Malinaw na ang lahat!” malakas na ulit ni Nikodim Fomich.
“Hindi! Napakalabo!” matigas na tugon ni Ilya Petrovich.
Iniangat ni Raskolnikov ang sumbrero at tumungo na sa pinto. Ngunit
hindi siya nakaabot ...
Nang mahimasmasan ay nakaupo na siya at sa kanan ay sinusuportahan
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 111

ng isa at sa kaliwa nama’y lalaking may tangang dilaw na basong puno ng manilaw-
nilaw na tubig. Nakatayo naman sa kaniyang harapan si Nikodim Fomich at
mataman itong tinitingnan. Tumayo ang binata sa pagkakaupo.
“Ano iyon? May sakit ba kayo?” biglang tanong ni Nikodim Fomich.
“Pagkapirma niyan ay ganyan na siya, parang kontrolado ng pluma,”
puna ng clerk na umupo na uli sa silya at muling hinarap ang mga papel.
“Matagal na ba kayong may sakit?” sigaw ni Ilya Petrovich mula sa
kinauupuan na tumingin din sa mga papel. Sabihin pa’y inusyoso rin niya ito
kanina nang mawalan ng malay ang binata at lumayo na lamang nang magising.
“Kahapon pa ...” pabulong na sagot ni Raskolnikov.
“Hmm ... kahapon ba’y umalis kayo ng bahay?”
“Umalis.”
“May sakit?”
“Mayroon.”
“Anong oras?”
“Makalipas ang alas-siyete.”
“Saan kayo pumunta?”
“Sa daan lang.”
Maikli at malinaw.
Sumasagot si Raskolnikov nang bigla at paputol-putol. Puting-puti itong
gaya ng panyo. Hindi inaalis ang maiitim at magang mga mata kay Ilya Petrovich.
“Halos hindi makatayo sa sariling mga paa ang tao, ikaw nama’y ...” puna
ni Nikodim Fomich.
“Hindi na bale!” may diing naibulong ni Ilya Petrovich.
Nais pa sanang mahigpit na tumutol ni Nikodim Fomich ngunit minabuti
niyang hindi na kumibo nang masulyapan niyang titig na titig sa kaniya ang clerk.
Lahat ay tumahimik. Hindi ito pangkaraniwan.
“Okey, okey ... hindi ka namin pipigilin,” pagtatapos ni Ilya Petrovich.
Lumabas na si Raskolnikov. Naririnig pa niya kung papaanong paglabas
niya’y nagsimulang muli ang maingay na pag-uusap, na kung saan nangingibabaw
ang pagtatanong ni Nikodim Fomich. Sa kalsada na siya tuluyang nahimasmasan.
“Pagsisiyasat, oo nga, magsisiyasat ang mga iyon!” ulit niya sa sariling
nagmamadali. “Naghihinala ang mga tulisan!” Muli ay sinaklot siya ng matinding
takot mula ulo hanggang paa.
II

“E, PAANO KUNG nagsiyasat na? Paano kung madaratnan ko na lang sila roon
sa kuwarto ko?”
Heto na nga ang kaniyang kuwarto. Ngunit walang-laman at walang
kahit na sino! Walang sumilip. Maging si Nastasya ay hindi kumanti. Ngunit,
Panginoon, bakit basta na lang niya iniwan sa butas na iyon ang lahat?
Humahangos siya sa may butas at isinuot ang kamay sa ilalim ng
wallpaper. Pinagkukuha niya ang laman niyon at pinuno ang mga bulsa. May
walong piraso ang naroroon: dalawang maliliit na kahon na may hikaw o parang
ganoon sa loob, hindi na niya tiningnang mabuti; may apat na lalagyang yari sa
balat; isang kuwintas na nakabalot lang sa diyaryo; at isa pang nakabalot sa diyaryo
... mukhang medalya ...
Inilagay niya ang lahat sa iba’t ibang bulsa ng pantalon sa paraang hindi
nakaaagaw-pansin. Kasabay na rin niyang kinuha ang pitaka. Pagkatapos ay
lumabas na siya ng kuwarto, na ngayo’y iniwan niyang bukas.
Mabilis at tiyak ang kaniyang mga hakbang. Bagama’t basag pa rin ang
pakiramdam ay may muwang pa rin. Ikinatatakot niya ang pagtugis sa kaniya,
na baka makaraan lamang ang kalahating oras o ikapat lamang ay lalabas na ang
order na siya’y subaybayan. Kaya’t kailangang anuman ang mangyari, habang may
panahon pa ay ikubli na ang mga ebidensya. Kailangang ayusin ang lahat habang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 113

may natitira pa siyang kaunting lakas at anumang pangangatuwiran ... Saan siya
tutungo?
Matagal na niya itong napagpasyahan: “Itapon ang lahat sa kanal. Sa
tubig ay mawawala ang bakas at tapos na ang usapin!” Ganito ang napagpasyahan
niya kagabi nang mga sandaling naalimpungatan siya at sinasabi sa sariling, “Dali,
dali! Itapon ang lahat!” Ngunit napakahirap palang itapon ng mga ito.
Kalahating oras na o higit pang naglalakad-lakad siya sa gilid ng
Ekaterinski Kanal at makailang ulit na tumingin kung saan may mga hagdan
pababa sa tubig. Ngunit hindi maaaring gawin ang kaniyang balak. Nariyan
nang may balsa sa mismong hagdan, kung saan may mga naglalaba o kaya’y may
bangkang nakadaong. Saanman siya tumingin ay may mga taong naglipana: sa
pampang, sa paligid, at kahit saan. Takaw-pansin kung may taong bababa upang
magtapon ng kung ano sa tubig. At paano kung di lumubog ang mga kahon at
lumutang? Ganoon na nga. Makikita ng lahat. Ngayon pa lamang ay nakatingin
na at lumilingon ang mga nakasasalubong niya, na para bang siya na lamang ang
pinagkakaabalahan. “Bakit nga ba? O sa akala ko lamang!” naisip niya. Sa wakas ay
pumasok sa isip niya na baka mabuting magtungo na lamang siya sa Nieva. Doon
ay mas kaunti ang tao at mas makahihinga-hinga siya nang maluwag. At ang
pinakamahalaga ay malayo sa lugar na ito. Nagulat na lamang siya nang mapag-
isipan na kalahating oras na siyang pagala-galang mukhang balisa sa mapanganib
na lugar. Paanong kanina’y di niya iyon naisip! Kaya’t kalahating oras ang nasayang
sa walang-kawawaang bagay; samantalang napagpasyahan na niya kaninang siya’y
natutulog at nananaginip kung ano ang gagawin. Masyado siyang nagiging sabog
at makakalimutin. Nalalaman niya ito. Kailangan na talagang magmadali!
Tumungo siya sa Nieva at tinahak ang boulevard. Ngunit habang nasa
daan ay naitanong niya, “Bakit sa Nieva? Bakit sa tubig? Hindi kaya mas mabuting
sa ibang lugar na lang? Sa malayong-malayo. Sa mga isla, halimbawa. Sa kung
saang ilang lugar doon sa gubat, sa ilalim ng mga halaman at mga puno. Mapupuna
pa ba?” At kahit nararamdaman niyang wala siya sa kalagayan upang malinaw at
maiging mangatuwiran, sa tingin niya’y hindi siya nagkakamali.
Ngunit hindi siya nakatakdang makarating sa mga isla at iba ang nangyari.
Bigla ay napansin niya sa dakong kaliwa ang daan papasok sa isang bakuran, na
lubusang napalilibutan ng mataas na bakod. Sa dakong kanan, pagkapasok na
pagkapasok sa kahabaan ng bakuran ay may mataas na kulay puting pader, na
katabi ng gusaling may apat na palapag. Sa kaliwa naman, na katapat ng mataas
114 FEODOR DOSTOYEVSKY

na pader, ay may bakod na yari sa kahoy. Siguro’y dalawampung hakbang papasok


sa bakuran at pagkatapos ay liliko-pakaliwa. Ito ay isang tahimik at abandonadong
lugar kung saan nakakalat ang ilang mga bagay. Sa dako pa roon sa dulo ng bakuran
mula sa bakod ay makikita ang gilid ng isang mababa’t maruming kamalig na bato,
na mukhang bahagi ng isang pagawaan.
Marahil nga’y dati itong pagawaan ng mga kareta o kung anong
karpinterya. Nagkalat hanggang sa mismong pasukan ang alikabok at uling.
“Hayan, dito na lang itapon at saka na umalis!” bigla niyang naisip. Nang walang
makitang sinuman sa loob ng bakuran ay humakbang na siya papasok. Agad niyang
nakita, sa mismong tarangkahang nakasandal sa bakod, ang isang lababo. Madalas
sa ganoong mga bahay ay nagkalat ang kung ano-anong mga retaso, materyales,
pako, at iba pa. At sa itaas ng lababo, sa mismong bakod ay may nakasulat sa tisa,
“Mahigpit na ipinagbabawal ang tumambay rito!” Tulad ng palaging ginagawa sa
ganitong sitwasyon, mas magaling at wala talagang maghihinala na pumasok siya
at pumarito. “Ngayo’y isuksok na kung saan at makaalis na agad!”
Minsan pa siyang lumingon at isinaksak na ang kamay sa bulsa nang
bigla niyang napansin sa tabi mismo ng pader, sa pagitan ng tarangkahan at
lababo, ang isang malaking di-tabas na batong marahil ay tatlumpung kilo ang
bigat. Nakasandal ito sa batong pader sa may lansangan. Nasa likod ng pader na
ito ang daanan ng mga tao. Maririnig ang paghangos ng mga taong nagdaraan
at sa dakong ito’y hindi sila kakaunti palagi. Ngunit mula sa kabila ng bakod ay
walang makakakita sa kaniya, liban na lamang kung may pumasok sa bakuran mula
sa daan na napakaposible ring mangyari. Kaya’t dapat talaga siyang magmadali.
Yumuko siya, niyapos ang bato, at ubod-lakas itong itinihaya. Sa ilalim
ng bato ay may nalikhang di-kalalimang hukay. Agad niyang pinaglalagay roon
ang lahat ng laman ng bulsa. Ang pitaka ay napunta sa pinakaitaas at may natitira
pang lugar sa hukay. Pagkatapos ay muli niyang dinukwang ang bato at sa isang
igkas ay ibinalik ito sa dating lugar. Tamang-tama lamang, medyo tumaas lang
nang kaunti. Tinabunan niya ng kaunting lupa ang paligid ng bato at tinapak-
tapakan. Hindi na halata.
Lumabas na siya at nagtungo sa plaza. Muli’y nakadama siya sumandali
ng matinding ligaya, gaya ng kanina sa presinto. “Nakabaon na ang mga ebidensya!
At sino nga naman ang maghahanap ng ebidensya sa ilalim ng batong iyon? Baka
nandoon na iyon bago pa man itayo iyong bahay at magtatagal pa ito roon. Kahit
pa may makakita, sino naman ang mag-aakalang ako ay ... Ayos na! Wala nang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 115

gusot!” at siya’y nagtatawa. Ngunit pagkatapos nito ay matatandaan niyang ang


mahabang tawa niyang iyon ay ninenerbiyos, paputol-putol, impit, at halos di-
marinig. Nagpatuloy ang ganitong pagtawa habang tinatawid niya ang plaza.
Ngunit nang nasa boulevard na siya, kung saan tatlong araw na ngayon ang
nakararaan mula nang makita niya ang babaeng iyon ay nawala ang kaniyang tawa.
Ibang kaisipan ang pumasok sa kaniyang ulo. Sa pakiramdam niya’y nakatatakot
na ngayong dumaan man lamang sa tabi ng upuan, kung saan siya naupo noon
at nag-isip pag-alis ng babae. Nakakikilabot na rin ngayong makasalubong ang
mabalbas na binigyan niya noon ng dalawampung kopek. “Kademonyohan!”
Naglakad siyang sabog at mainit ang ulo. Lahat ngayon ng iniisip niya’y
umiikot na lamang sa isang punto. At talagang napagtanto niya na ito nga ang
pinakamahalagang punto na kinahaharap niyang mag-isa ngayon, sa unang
pagkakataon, makaraan ang dalawang buwan.
“A, kademonyohan ang lahat ng ito!” bigla niyang bunghalit sa matinding
galit. “Kung naririyan na, e, naririyan na iyan at wala nang magagawa pa. Anong
pagbabagong-buhay?!”
“O, Diyos ko, anong kabobohan ito? Kung ano-anong kasinungalingan
ang pinaghibla-hibla ko ngayong araw na ito. Nakapanlalamig ang aking mga
pagkukunwari at kakapalan ng mukhang ipinakita sa walang-hiyang si Ilya
Petrovich! E, ano ngayon? Wala akong pakialam sa lahat ng ito at sa kanilang
lahat! E, ano kung nagsinungaling ako at lahat! Hindi! Hindi dapat ganito ang ...”
Ngunit bigla ay natigagal siya. Isang bago at sadyang di-inaasahan na
simpleng katanungan ang tumimo at nagpahinto sa kaniya nang matagal at mapait.
“Kung talagang ang lahat ay ginawa ng isang taong mulat, matino, at di-
nababaliw, kung talagang ikaw ay may tiyak na pakay, bakit hanggang ngayon ay di
mo man lang sinisilip ang laman ng pitaka at hanggang ngayon ay di mo man lang
alam kung ano ang napunta sa iyo na siyang dahilan ng lahat mong paghihirap
at pagyakap sa lahat ng masama, mababaw, at karumal-dumal na gawain? Di ba’t
nais mo pa nga itong itapon sa tubig ngayon-ngayon lang? Kasama ang lahat ng
laman nito, na ni hindi mo pa nasusulyapan. Ano ba naman iyan?”
Ganoon nga, ganoon na nga ang lahat. Dati na niyang alam ito at hindi
na bagong katanungan. Nang gabing magdesisyon siya na itapon ang mga ito sa
tubig ay wala siya ni katiting na pagdadalawang-isip na parang ganoon lang talaga
ang nararapat gawin at wala nang iba pa. Oo, alam niya at natatandaan ang lahat
ngunit parang pakiramdam niya’y hindi ganoon ang naging kapasyahan niya, lalo
116 FEODOR DOSTOYEVSKY

na nang nasa harapan niya ang baul at binubuksan ang takip nito. Hindi ba?
“Iyon ay dahil sa masamang-masama ang aking pakiramdam,” malungkot
niyang pagdadahilan. Pinahihirapan at pinarurusahan ko ang sarili at di ko alam
ang aking ginagawa. Kahapon at nang mga nakaraang araw ko pa pinahihirapan
ang aking sarili. A, di bale ... paggaling ko ay di na ako magpapakahirap pa ... Paano
kung di na ako gumaling? A, Panginoon ko, sawang-sawa na ako!” Nagpatuloy siya
sa walang-tigil na paglalakad. Ang tanging nais niya ngayo’y makalimot ngunit
paano? Hindi niya alam kung ano ang gagawin. At ngayon ay nararamdaman
niya ang dahan-dahan at di-mapigilang paglukob sa kaniya ng isang damdamin:
isang walang-katapusan at halos pisikal na pagkamuhi sa nakapaligid at sa lahat
ng nakasasalubong niya—matindi at malakas na pagkamuhi. Nakasusulasok ang
lahat ng kasalubong: ang kanilang mukha, paglalakad, at lahat ng galaw. Para
bang duduraan niya o kaya’y kakagatin ang sinumang magkamaling bumati at
makipag-usap sa kaniya.
Huminto siya nang makarating sa pampang ng munting Nieva sa Isla
Basilief sa may tulay. “Doon, doon sa bahay na iyon siya nakatira,” sa loob-loob
niya. “Hindi. Bakit naman ako pupunta kay Razumikhin? Gaya na naman ba ng
dati? Pero kakatwa, mag-isa naman akong pumunta o nakarating dito, a? Hindi
na nga bale, di ba sabi ko sa sarili na sa ikatlong araw pagkatapos ng lahat ay
pupuntahan ko siya. O, paano? Makatuloy na nga. Bakit ba hindi? Hindi ba ako
makararaan ngayon, e, narito na ako?”
At pinuntahan nga niya si Razumikhin sa ikalimang palapag.
Nasa bahay si Razumikhin—nagsusulat sa kaniyang kuwarto. Siya mismo
ang nagbukas ng pinto. Mag-aapat na buwan na rin silang di nagkikita. Suot niya
ang kaniyang luma at mukhang basahang pambahay, nakatsinelas, hindi nakapag-
ahit, at hindi pa nakaliligo. Bakas sa mukha niya ang bahagyang pagkamangha.
“Ikaw pala!” malakas na sabi niya at tiningnan ang kaibigan mula ulo
hanggang paa. Pagkatapos ay natahimik at nagwika:
“Ganyan ka na ba kahirap? Bakit naman masyado mo na yatang ginasgas
iyan, kapatid,” dagdag niya habang tinitingnan ang suot ni Raskolnikov. “Upo ka
muna at para kang pagod na pagod.” At nang siya ay pabagsak na naupo sa tagpi-
tagping sofa, na mas bulok pa sa kaniyang upuan ay napagkuro ni Razumikhin na
may sakit ang kaniyang panauhin.
“Masama ang lagay mo, a. Alam mo ba?” Dinama niya ang pulso ni
Raskolnikov. Sabay hugot naman ng kamay ng binata.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 117

“Huwag na,” sabi niya, “Pumunta ako rito dahil wala akong tutorials ...
nais ko sanang ... A, hindi. Hindi ko kailangan ang mga klase ...”
“Teka muna, nagdedeliryo ...” at tumayo si Raskolnikov. Hindi pa niya
tiyak kung bakit siya pumunta kay Razumikhin. Basta’t alam niya na kailangan
silang magkaharap. Ngunit ngayon sa isang iglap ay napagkuro niya na wala siya
sa katayuan upang makipagharap sa kahit na kanino at kahit na saan. Matinding
lungkot ang kumubabaw sa kaniya at galit na galit sa sarili kung bakit inabala pa
si Razumikhin.
“Aalis na ako, sige ...” ang bigla niyang sabi at tumuloy na sa pinto.
“O, saan ka pupunta? Teka muna, ano ka bang tao ka?!”
“Hindi na, sige ...” at inalis ang pagkakahawak ni Razumikhin sa kaniyang
kamay.
“Aba, e, bakit ka pa naparito! Wala ka ba sa iyong sarili? Aba’y nakasasakit
ka na ng loob niyan. Sa palagay mo ba’y paaalisin kita?”
“Alam mo, pinuntahan kita dahil ikaw lang ang kakilala ko na maaaring
makatulong ... dahil mabuti ka at ... nakauunawa. Ikaw lang ang talagang
nakakausap ko ... ngunit ngayon ay nakikita kong wala na akong kailangan pang
tulong. Wala nang kahit anuman at mula kanino man. Kaya ko nang mag-isa. A,
tama na nga ito. Hayaan mo na lang akong mag-isa.”
“Sandali lang. Ano ka ba? Nasisiraan ka na ba ng ulo? Bahala ka. Pero
alam mo, ganito ngayon: wala rin akong hawak na tutorials pero okey lang dahil
mayroong palimbagan sa palengke, na si Keruvimov, at para na rin akong may
tinuturuan. Hindi ko na siya maipagpapalit, kahit sa limang lisyon ngayon. Marami
siyang pinalilimbag, pati nga ukol sa siyensiya at kalikasan. At tumutubo rin. Isang
titulo lang ay magkano na ang inaabot! Di ba madalas ay sinasabi mong luko-luko
ako. Pero, brad, may mas luko-luko pa sa akin. At puwede ka rin dito. Kayang-
kaya mo at di ka mahihirapan. Siyempre pa, pagaganahin kita. Heto, tingnan mo
ito, mahigit dalawang pahinang teksto sa Aleman. Sa tingin ko’y napakapurol na
charlatan nito. Sa madaling salita ay sinusuri rito kung ang babae ba ay tao! At
siyempre pa, ang buong taginting na ipinahahayag na tao nga! Ito ang ginagawa
ngayon ni Keruvimov tungkol sa usapin ng kababaihan. Ang dalawa’t kalahating
pahinang ito ay paaabutin niya ng anim. Ang bawat takaw-pansin na bahagi pa
lang ay gagawing kalahating pahina at bawat pahina’y isa’t limampung rublo. Ayos
ba? Para sa pagsasalin naman ay mayroon akong labinlimang rublo. Anim na rublo
naman ang kinukuha ko bilang abanse. Pagkatapos nito ay sisimulan natin ang
118 FEODOR DOSTOYEVSKY

tungkol sa mga balyena. Pagkatapos ay ang Pagtatapat ni Russeau, iyong ikalawang


bahagi na puro tsimis ang ipinasasalin. May nagsabi yata kay Keruvimov na si
Russeau ay parang si Radichev. Siyempre pa, hindi ko na kokontrahin. Bahala siya
sa buhay niya! O, ano? Gusto mo bang isalin itong ikalawa—Ang Babae Ba ay Tao?
Kung gusto mo ay kunin mo na ngayon ang teksto, pati ang panulat at papel. Lahat
ng iyan ay supply. Sa iyo na rin ang tatlong rublo dahil kinuha ko na ang lahat ng
bayad para sa pagsasalin sa una at pangalawa. Kaya deretso na sa iyo ang tatlong
rublo. Pag natapos mo iyan ay bibigyan pa kita ng tatlong rublo. Isa pa’y huwag
mo itong ituring na utang-na-loob. Sa kabaligtaran pa nga, dahil pagpasok mo pa
lang ay naisip ko na agad kung paano kita mapakikinabangan. Una, mahina ako
sa ortograpiya. Pangalawa’y pulpol din ang aking Aleman, kung kaya’t kadalasan
ay parang sariling sanaysay ko na lang ang aking ginagawa. Kinakalma ko na lang
ang sarili na dahil doon ay mas maganda ang lumalabas. Pero, sino ba ang talagang
nakaaalam. Baka ang kinalalabasan ay hindi mas maganda, kundi mas pangit! O,
kukunin mo ba o hindi?”
Walang-imik na kinuha ni Raskolnikov ang mga pahina ng artikulo.
Dinampot ang tatlong rublo at lumabas na wala ni isang salita. Gulat na sinundan
siya ng tingin ni Razumikhin. Ngunit nang makababa si Raskolnikov ay bigla
siyang umakyat ulit at bumalik kay Razumikhin. Inilapag ang mga tekstong
Aleman sa mesa, pati ang tatlong rublo at muli’y walang sali-salitang tumalikod
na paalis.
“Aba’y nasisiraan ka nga yata ng bait!” sigaw ng napunong si Razumikhin.
“Nagkokomedyante ka ba? Ano ba ang ipinunta mo rito, putris!”
“Hindi na ... hindi ko na kailangan ng mga pagsasalin,” ang narinig
habang papanaog sa hagdan si Raskolnikov na bumubulong.
“Ano bang kademonyohan ang kailangan mo?” sigaw ni Razumikhin
mula sa itaas. Walang-imik namang pumanaog na nang tuluyan ang tinatanong.
“Teka muna! Saan ka ba nakatira ngayon?” Wala ring sagot.
“A, demonyo! Bahala ka sa sarili mo!”
Ngunit nasa kalsada na si Raskolnikov. Nang nasa tulay ng Nikolayevsky
na siya ay minsan pa siyang tuluyang nahimasmasan dahil sa isang labis na di-
kasiya-siyang insidente. Malakas na lumatay sa likod niya ang latigo ng isang
kutsero ng kalesa dahil muntik na siyang masagasaan ng mga kabayo, kahit tatlo o
apat na beses na siyang sinigawan ng kutsero. Sa sakit ng hagupit ay napalundag
siya sa may gitna ng daan at naglakad hanggang sa kalagitnaan ng tulay. Tiim-
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 119

bagang at nagngangalit ang mga ngipin. Tawanan naman ang mga tao sa paligid.
“Hayan ang napapala ...”
“Tiyak, may latay.”
“Naglalakad nang lasing at halos sumuot sa gulong ng kalesa. Sino ang
mananagot?”
“Malalim siguro ang iniisip ...”
Ngunit habang nasa gitna siya, ngatal, at galit na sinusundan ng tingin
ang papalayong kalesa at pilit na hinahagod ang likod. Nang walang ano-ano’y
naramdaman niyang may nagsiksik ng pera sa kaniyang kamay mula sa isang
matandang mamimili, kasama ang isang dalaga na marahil ay anak nito. “Mama,
tanggapin ninyo, sa ngalan ni Kristo.” Kinuha naman niya at nilampasan na siya ng
mga ito. Dalawampung kopek. Sa anyo at kasuotan ay malamang na pinagkamalan
siya ng mga ito na isang pulubing humihingi ng limos sa daan. At inabutan siya ng
dalawampung kopek dahil sa habag na dulot ng pagkakalatigo sa kaniya.
Hawak pa rin ang pera at naglakad na siya. Nang makasampung hakbang
ay humarap siya sa Nieva, patungo sa palasyo. Maaliwalas ang langit, ni walang
kaulap-ulap. Ang tubig nama’y halos kulay bughaw. Madalang magkaganoon
ang Ilog Nieva. Mula sa dakong ito, higit saan pa man, ang pinakamagandang
tanawin ay ang tore ng simbahan. Di-lalampas ng dalawampung hakbang mula
sa simbahan. Sa tulay na ito ay matatanaw ang bawat palamuti’t dekorasyon,
lalo na’t malinis ang hangin. Nawala na ang kirot ng latigo at nalimutan na ni
Raskolnikov ang pagkakahampas sa kaniya. Ngunit isang malinaw na kaisipan
ang gumagambala sa kaniya ngayon at ito lamang ang bukod-tanging laman ng
kaniyang isip. Nakatayo lamang siya nang matagal at matamang nakatanaw sa
malayo—kilalang-kilala siya sa lugar na ito. Noong nag-aaral siya sa unibersidad,
sa tuwing papauwi na siya ay lagi siyang humihinto sa eksaktong lugar na ito, mga
isang daang beses na siguro, upang pagmasdan at manggilalas sa napakagandang
panorama at lagi ay namamangha pa rin siya sa di-maapuhap at di-malirip niyang
damdamin sa tuwing naririto. Hindi maipaliwanag na panlalamig ang bumabalot
sa buo niyang katawan sa tuwing matatambad sa kaniyang paningin ang
kagandahang ito. Para sa kaniya, ang kaaya-ayang larawang ito ay puno ng tahimik
at malalim na kapangyarihan. Lagi niyang ipinagtataka ang ganoong madilim at
di-maunawaang impresyon, ngunit ipinagpapaliban niya ang pagtatangkang ito’y
maunawaan. Hindi niya ipinauubaya sa sarili ang bagay na ito. At ngayon nga, bigla
niyang naalala ang kaniyang mga katanungan at pagtataka. Pakiwari niya ay hindi
120 FEODOR DOSTOYEVSKY

nagkataon lamang na ang mga ito’y mabalik sa kaniyang isip ngayon. Pakiramdam
niya’y nakapagtataka rin na nakatayo na naman siya rito sa dati ring lugar, na
para bang nahuhulaan na magkakainteres ulit siya sa mga dati ring tanawin at
kaisipan ... kamakailan lamang. Muntik na siyang matawa ngunit kasabay nito
ang biglang pagsikip ng kaniyang dibdib. Sa ibaba, sa ilalim ng kaniyang mga
paa ay tila malabong nababanaagan niya ang mga nagdaang ito. Lahat ng mga
kaisipan, gawain, usapin, impresyon, at buong panorama, maging ang sarili ... at
lahat-lahat. Para bang bigla siyang bumulusok kung saan, paitaas at lahat ay unti-
unting pumapanaw sa kaniyang pananaw ... Pinilit niyang igalaw nang marahan
ang kamay at naramdaman niya ang dalawampung kopek sa kaniyang palad na
mariing nakatikom. Ibinuka niya ang palad. Matamang pinagmasdan ang barya,
itinaas ang kamay, at malakas na ibinalibag ito sa tubig. Pagkatapos ay bumalik
at tumuloy na siya sa bahay. Pakiwari niya’y para niyang pinutol sa pamamagitan
ng gunting ang lahat ng kaniyang kaugnayan sa paligid at sa lahat ng bagay sa
sandaling iyon.
Nang makarating siya sa bahay ay hapon na. Mga anim na oras siguro
ang nakalipas. Wala siyang matandaan kung saan siya nagdaan at kung paano
siyang nakarating sa bahay. Nagpalit siya ng damit. Nanginginig ang katawang
tila pinahirapang kabayo. Nahiga siya sa sofa, hinila ang kumot, at noon din ay
nakatulog.
Madilim na nang magising siya sa malakas na sigaw. Hindi pa siya
nakarinig ng ganoong nakagigimbal na ingay sa tanang buhay niya. Hindi pa siya
nakasaksi o nakarinig ng ganoong away, sigawan, palahaw, murahan kahit kailan, ni
hindi niya mailagay sa imahinasyon ang ganoong pag-aaway at kaguluhan. Gulat
itong gumising at naupo sa higaan. Minu-minuto ay nagugulat at naiinis. Ngunit
lalo pang tumindi ang away, sigawan, at murahan. At sa kaniyang matinding
pagtataka ay narinig niya ang tinig ng kaniyang kasera. Mabilis siyang nagsasalita
na parang hinahabol, tarantang bumibigkas ng mga salita, hindi mawawaan
ng nakaririnig ang mga sinasabi niya. May kung ano siyang ipinapakiusap, na
sana’y huwag na siyang saktan dahil siya’y walang-awang sinasaktan habang
nasa hagdan. Nakatatakot ang galit ng nananakit, na sa tindi ay tila umuungol.
Mayroon din siyang sinasabi na sa bilis ay di rin maintindihan. Nauutal siya sa
galit. Biglang nangatal na parang dahon si Raskolnikov. Nakilala niya ang boses.
Ito ay tinig ni Ilya Petrovich. Narito si Ilya Petrovich at binubugbog ang kasera!
Pinagsisipa niya ito at iniuumpog ang ulo sa baitang ng hagdan. Malalaman
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 121

ito sa tunog, sigaw, at mga kalabog! Ano ba ito? Baligtad na ba ang daigdig?
Mararamdaman ding nag-uumpukan na ang mga tao sa bawat palapag. Maririnig
ang mga tinig, sigawan, takbuhan, pagkalog, at kalampagan ng mga pinto. “Bakit
kaya? Papaanong nagkaganito?” ulit niya at matamang nag-iisip o baka siya’y
naguguluhan lang. Ngunit hindi, napakalinaw ng kaniyang naririnig! At marahil
ay sa kaniya sila papunta ngayon ... dahil sa ... oo nga ... dahil sa nangyari kahapon
... Diyos ko! Nais sana niyang ikandado ang pinto ngunit hindi umangat ang
kaniyang kamay ... at hindi na rin kailangan pa ... Ang takot ay parang malamig na
yelong dumaragan sa kaniyang kaluluwa, nagpapahirap, at pumupulupot sa kaniya
... At sa wakas, makalipas ang mga sampung minuto ay dahan-dahang tumahimik
na ang lahat ng pag-iingay. Ang kasera’y umiiyak pa rin; samantalang patuloy
sa pagmumura si Ilya Petrovich hanggang sa siya’y huminto na rin at hindi na
marinig ang kaniyang boses. “Umalis na nga ba talaga, Panginoon!” Lumabas na
rin ang may-aring humihikbi at umiiyak ... at malakas na sumara ang pinto ... Ang
mga nag-uumpukang tao’y nagpuntahan na rin sa kani-kaniyang tirahan. Gulat,
nagtatalo, nag-uusap, magkaminsa’y may nagtataas ng boses at sumisigaw, ang
iba’y nagbubulungan. Malamang na marami talagang tao, halos lahat ng nakatira
sa gusali. “Ngunit, Diyos ko naman, maaari ba naman iyon? Bakit? Bakit siya
naparito?”
Walang-lakas na bumagsak sa sofa si Raskolnikov, ngunit hindi na
mapikit ang kaniyang mga mata. Kalahating oras siyang nakahiga sa ganoong
kalagayan habang sakmal ng walang-hanggang takot, na kailanman ay di pa niya
naranasan. Nang bigla’y napuno ng liwanag ang kaniyang kuwarto. Pumasok si
Nastasya na may dalang kandila at isang pinggang sopas. Matamang sinipat niya
si Raskolnikov at nang mahinuhang hindi siya natutulog ay inilagay niya ang
kandila sa mesa at sinimulang ayusin ang kaniyang mga dinalang tinapay, asin,
pinggan, at kutsara.
“Kahapon ka pa hindi kumakain. Maghapon kang naglalakad samantalang
ang taas ng iyong lagnat.”
“Nastasya ... bakit binugbog ang kasera?” Gulat na tinitigan siya ni
Nastasya.
“Sino ang bumugbog sa kasera?”
“Ngayon lang ... mga kalahating oras pa lang ang nakararaan. Si Ilya
Petrovich, ang katuwang ng hepe ng pulisya—sa hagdan ... Bakit ... ba siya
pumarito?”
122 FEODOR DOSTOYEVSKY

Walang-imik na nakatingin sa kaniya si Nastasya ... matagal. Nakaramdam


si Raskolnikov ng pagkaasiwa na may halo pa ngang takot sa ganoong pagkatitig.
“Nastasya, bakit di ka sumasagot?” sa wakas ay tanong niya sa malumanay
at nanghihinang boses.
“Iyan ang dugo ...” mahina niyang naging sagot na para bang sarili ang
kausap.
“Dugo! Anong dugo?” bulong niyang namumutla at napaurong sa
dingding.
Nagpatuloy si Nastasya sa walang-imik na pagtitig sa binata.
“Walang bumugbog sa may-ari,” matigas at nakatitiyak niyang sagot.
Titig na titig ang binata sa kaniya, na tila hindi humihinga.
“Narinig ko mismo ... hindi ako tulog ... nakaupo lang ako rito,” garalgal
niyang sabi. “Matagal kong pinakinggan ... dumating ang katuwang ng hepe ng
pulisya … nagtakbuhan nga ang lahat sa may hagdan mula sa bawat paupahan ...”
“Walang sinumang pumunta rito. Dugo mo lang iyan na nagngangalit.
Kung ito’y talagang nasusukol ay nagsisimulang uminit. Ito’y madadarang nang
husto at magsisimulang magalit ... Kakain ka ba o hindi?”
“Painom naman, Nastasya.”
Bumaba ang babae at makaraan ang mga dalawang minuto ay nagbalik
siya na may dalang isang pitsel ng tubig. Pagkatapos ay wala na siyang matandaan.
Alam lamang niya na uminom siya ng isang lagok ng malamig na tubig. Nabasa
niya ang dibdib ng tubig mula sa pitsel. Pagkatapos ay wala na siyang maalaala.
III

GAYUMPAMAN, HINDI NAMAN sa wala na siyang maalaala sa buong


panahon ng kaniyang pagkakasakit. Para siyang nagdedeliryo, parang nananaginip
na kalahating gising. Makaraan nito ay marami siyang muling maaalala. Kaiba
ang kaniyang pakiwari: akala mo’y pinag-uumpukan siya ng maraming tao,
nais kunin at dalhin sa kung saan; pinagtatalunan siya at pinag-aawayan; bigla
nama’y parang nag-iisa siya sa kuwarto, lahat ay nag-alisang natatakot sa kaniya;
at paminsan-minsa’y may bahagyang nagbubukas ng pinto at tumitingin sa
kaniya, pinagtatawanan, at ginagalit. Natatandaan niya ang isang taong tila
nakikilala, ngunit kung sino nga ba siya’y talagang di niya maisip. Inis na inis siya
at mangiyak-iyak pa nga siya sa inis. Minsan, pakiramdam niya’y isang buwan
na siyang nakahiga. Minsan naman, ang pakiramdam niya’y araw ang mabagal
lumakad. Ngunit ang tungkol doon ay lubusan na niyang kinalimutan sapagkat
bawat saglit ay alam niyang mayroon siyang kung anong nakalilimutan na hindi
dapat kalimutan. Pinipilit niya, tinatangka, at nagpapakahirap upang ito’y maalala.
Umuungol siya, nagwawala, at nanginginig sa di-matingkalang takot. Kung kaya’t
bigla siyang tumayo sa kinaroroonan. Nais niyang kumaripas ng takbo ngunit
laging may lakas na pumipigil sa kaniya. At muli ay pinanawan siya ng lakas at
malay hanggang sa siya ay muling matauhan.
Iyon ay nangyari nang alas-diyes ng umaga. Noon ay maaliwalas at may
araw nang sumisikat sa kaniyang kanang dingding at nasisinagan ang sulok sa
124 FEODOR DOSTOYEVSKY

tabi ng pinto. Sa may higaan niya ay nakatayo si Nastasya at ang isa pang tao.
Ang lalaki ay gagad na patingin-tingin sa kaniya. Hindi niya ito kakilala. Siya
ay nakasuot ng mahabang damit panlabas, may balbas, at mukhang kartero. Sa
nakaawang na pinto ay nakasilip ang kasera.
“Nastasya, sino siya?” tanong ni Raskolnikov na ang tinutukoy ay ang
lalaki.
“Gising ka na pala!” sabi nito.
“Gising na pala kayo,” puna ng bisita. Nang mahulaang gising na ang
binata ay nagtago ang kaserang sumisilip at ipininid na ang pinto. Sadyang may
pagkamahiyain ito at nahihirapan sa mga pakikiharap at paliwanagan. Mga edad
apatnapu, malapad, at mataba, itim ang mga mata at kilay, mukhang malambot na
dala ng katabaan, at kawalan ng mabigat na trabaho. Sa sarili ay masyadong di-
maayos at mahiyaing higit sa nararapat.
“Sino kayo?” pagpapatuloy niya sa pagtatanong sa kausap na mismong
kartero. Nang sa bubukas muli ang pinto at nakayukong pumasok ang matangkad
na si Razumikhin.
“O, kabina ba ito ng barko!” sigaw niyang papasok. “Nauumpog lagi ang
noo ko, a. Paupahan ba ito?”
“Tol, gising ka na ba? Ngayon ay makababalita ka kay Pasha.”
“Ngayon lang nagising,” sabi ni Nastasya.
“Ngayon ay magigising kayong talaga,” nakangiting dagdag ng kartero.
“Sino ba kayo, kung inyong mararapatin?” tanong ulit ni Razumikhin sa
kaniya. “Ako naman, sa inyong pahintulot ay si Vrazumikhin, hindi Razumikhin,
gaya ng pagdakila sa akin ng lahat, kundi Vrazumikhin. Ako ay isang estudyante,
anak ng Dvoryanin21, at siya ay aking kaibigan. Sino nga ba kayo?”
“Ako ay mensahero ng aming opisina. Kawani ng negosyanteng si
Shelopayef. At narito ako dahil sa trabaho ko.”
“Maupo kayo rito.” Si Razumikhin naman ay naupo sa isang upuan,
sa kabila ng bangko. “Ikaw naman, utol, mabuti ang ginawa mo na gumising
na,” kausap niya si Raskolnikov. “Ikaapat na araw nang halos di ka kumakain at
umiinom. Mabuti at binibigyan ka ng kahit tsaa sa kutsara. Dalawang ulit ko
nang dinala rito si Zosimov. Natatandaan mo ba si Zosimov? Tiningnan ka
niyang maigi at agad sinabing walang anuman iyan. May tama ka lang. Nasa

21 Ang Dvoryanin ay nanggaling sa salitang Ruso na Dvoryanstvo, na ang ibig sabihin ay mga dugong
Maharlika o mas tamang sabihing Maginoo, na mataas na uri ng tao sa lipunan.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 125

isip lang ‘yan. Nerbiyos lang daw, masama rin ang rasyon ng pagkain. Sabi pa’y
masyado raw kaunti ang tanggap mo ng serbesa at labanos na maanghang kaya
ka nagkasakit. Pero, di bale, lilipas din iyan at ikaw ay lalakas. Ayos si Zosimov.
Magaling siyang gumamot! O, hindi sa inaabala ko kayo,” muli niyang hinarap
ang mensahero, “Maaari ba ninyong ipaliwanag ang inyong pakay? Alam mo
ba, Rodya, na dalawang beses nang may pumunta rito mula sa kanilang opisina.
Noong una ay hindi siya ang pumunta rito. Nagkaliwanagan na rin kami noong
una. Sino ba iyong unang pumunta rito?”
“A, noong kamakalawa siguro, oo nga. Si Aleksei Semyonovich iyon.
Kasamahan namin sa opisina.”
“Parang mas masalita yata kaysa inyo iyon, di ho ba?”
“Aba, oho, mas matindi iyon.”
“Magaling! Magpatuloy kayo.”
“Kung mararapatin ninyo ... Heto nga po, sa pamamagitan ni Afanasii
Ivanovich Vakhrushin, na nabanggit ko na, at sa pakiusap ng inyong ina ay dumaan
sa aming opisina itong padala para sa inyo,” sabi ng kartero kay Raskolnikov.
“Kung napag-alaman na ninyo ay may tatlumpu’t limang rublo na padala para sa
inyo. Ito po ay natanggap namin ayon kay Simeon Simeonovivh mula kay Afanasii
Ivanovich sa pakiusap ng inyong ina. Gayundin ho ang ipinaaalam ko sa inyo.
Marahil ay alam na ninyo!”
“Oo, natatandaan ko ... si Vakhrushin,” bulong ni Raskolnikov na nag-
iisip.
“O, narinig ninyo. Kilala niya ang negosyanteng si Vakhrushin. Bakit
nga naman di makikilala?” malakas na sabi ni Razumikhin. “Ngayon ko nalaman
na magaling din pala kayo. A, masarap pakinggan ang matamis at matalinong
pananalita!”
“Ganoon na nga po. Si Vakhrushin Afanasii Ivanovich, sa pakiusap
ng inyong butihing ina, gaya ng dati na hindi tumatanggi ay ipinaaabot sa inyo
ni Simeon Simeonovich at inihahatid ngayon sa inyo ang halagang tatlumpu’t
limang rublo sa pag-aasam ng higit na kabutihan.”
“Hayun! ‘Sa pag-aasam ng higit na kabutihan.’ Masarap pakinggan ang
sinabi ninyong iyan. Hindi rin masama ang inyong butihing ina. O, ano sa palagay
mo? Malinaw naman ang kaniyang alaala, di ba?”
“Ayos lang sa akin. Kailangan lang ang kaniyang pirma rito.”
“Iyon lang ba, ano bang dala ninyo, libro?”
126 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Libro nga, heto.”


“Halika, Rodya, umayos ka muna riyan. Tutulungan kita. O, Raskolnikov,
kunin mo na ang pluma at pirmahan mo na. Utol, marami tayong pera ngayon.”
“Hindi na,” sabi ni Raskolnikov na inilayo ang pluma.
“Anong hindi na?”
“Hindi ko pipirmahan iyan.”
“O, anong kademonyohan ... Paanong uubrang di mo pipirmahan?”
“Di ko kailangan ... ng pera.”
“Anong di mo kailangan ng pera? Utol, iyan naman ay kasinungalingan
na. E, saksi ako ...”
Hinarap ni Razumikhin ang kartero. “Huwag po kayong mag-alala.
Naglalakbay-diwa na naman iyan. Ganoon ho talaga iyan kahit na gising ... Kayo
naman ay taong makatuwiran, tulungan lang natin siya nang kaunti. Hawakan
lang natin ang kaniyang kamay at siguradong pipirmahan na niya. Halikayo ...”
“Ang mabuti pa siguro’y babalik na lang ako.”
“Hindi. Bakit magdodoble pa kayo ng balik. Naiintindihan naman
ninyo ... O, Rodya, huwag mo nang abalahin pa ang panauhin ... tingnan mo at
naghihintay!” At talagang hinawakan na niya ang kamay ni Raskolnikov.
“O, ako na lang ...” sabi niya. Kinuha ang pluma at pumirma sa libro.
Iniabot ng kartero ang pera at saka lumayo.
“Bravo! O, ngayon, utol, gusto mo bang kumain?”
“Gusto,” sagot ni Raskolnikov.
“May lugaw ba kayo?”
“Tira kahapon,” sagot ni Nastasya, “Naroroon pa rin hanggang ngayon.”
“Lugaw na patatas at kanin?”
“Oo, patatas at kanin.”
“Alam na alam ko. Magdala ka na rin ng tsaa.”
“Magdadala ako.”
Tinitingnan ni Raskolnikov ang lahat nang may halong matinding
pagtataka, mapurol, at nakadarama ng walang-kawawaang takot. Nagpasya siyang
tumahimik at maghintay na lang sa susunod na mangyayari. “Mukhang di ako
nananaginip, mukhang totoo ang lahat ...” naiisip niya.
Makaraan ang dalawang minuto ay nagbalik na si Nastasya dala ang
lugaw at nagsabing susunod na ang tsaa. May dala rin siyang dalawang kutsara,
dalawang pinggan, at lahat ng kailangan: asin, sili, mustasa para sa karne, at iba pa
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 127

na matagal nang di inilalabas. Malinis din ang sapin sa mesa.


“Hmm ... magaling, Nastasya. Ngunit mas mabuti kung magpapadala
rito ng dalawang boteng serbesang maiinom si Praskovya Pablovna.”
“Sinusuwerte ka talaga, a!” bulong ni Nastasya at tumalikod na rin upang
sumunod.
Masama pa rin at mabigat ang paningin ni Raskolnikov. Si Razumikhin
naman ay lumipat na ng pagkakaupo sa sofa. Kaya naman ni Raskolnikov na
mag-isang umupo, ngunit inalalayan pa rin siya ng kaibigan. Hinawakan nito ng
kaliwang kamay ang ulo niya na asiwang gaya ng oso. Sa kanang kamay naman ay
isinusubo ang kutsara ng lugaw para sa kaibigan matapos hipan nang ilang beses
upang hindi makapaso. Mainit pa ang lugaw. Gutom na nilunok ni Raskolnikov
ang unang kutsara, makatapos ay ang pangalawa, at ang pangatlo. Mga ilang subo
pa ay huminto si Razumikhin at nagsabing dapat ikonsulta kay Zosimov ang mga
susunod na hakbang.
Pumasok si Nastasya na may dalang dalawang bote ng serbesa.
“Tsaa, gusto mo?”
“Oo.”
“Pakidala agad ang tsaa, Nastasya. Basta tsaa, kahit wala nang iba pa.
“Aba, heto na ang serbesa.” Lumapit ito sa sariling upuan, inilapit ang sabaw at
karne, at masarap na kumain, na tila tatlong araw nang di kumakain.
“Ngayon, kapatid kong Rodya, ngayon ay araw-araw na akong kakain
dito sa inyo nang ganito,” sabi niyang ang bibig ay puno ng pagkain. “At ito ay
dahil kay Pashenka, ang iyong kasera na buong puso at kaluluwang tumatanggap
sa akin. Ako naman, siyempre, ay hindi namimilit at hindi rin tumatanggi. O, heto
na si Nastasya at ang tsaa. Maaasahan talaga! Nastasya, gusto mo ba ng serbesa?”
“Ano ka, nagpapatawa?”
“Sige, tsaa.”
“O, lagyan mo ang tasa. Teka muna, ako na lang ang maglalagay para sa
iyo. Maupo ka rito.”
Noon din ay inayos niya ito. Isinalin ang tsaa sa una at sa pangalawang tasa.
Pagkatapos ay iniwan ang pagkain at lumipat na naman sa sofa. Muli ay inalalayan
ng kaliwang kamay ang ulo ng may sakit, iniupo, at marahang pinaiinom ito ng
tsaa. Muli ay walang-tigil ang pag-ihip niya sa kutsara at mas malakas na para
bang sa pag-ihip nakasalalay ang kaligtasan at paggaling ng binata. Tahimik lang
at di naman ito pinigilan ni Raskolnikov, kahit sa pakiramdam niya’y may sapat
128 FEODOR DOSTOYEVSKY

naman siyang lakas na iangat ang katawan at maupo nang kahit di tinutulungan.
At hindi lamang sa hindi niya kayang hawakang mag-isa ang kutsara, kundi
malamang ay kaya rin niyang maglakad. Ngunit sa kung anong malahayop na
katusuhan ay napag-isipan niyang ilihim sa ngayon ang tunay niyang lakas, itago
muna ito, at kung kailangan ay magkunwaring hindi pa nakauunawang gaano.
Ngunit kasabay ang magmatyag at makinig na mabuti sa mga nagaganap. Ngunit
di rin niya napigilan ang mamuhi sa sarili. Pagkalagok ng mga sampung kutsarang
tsaa ay bigla niyang inialis ang ulo at makapritsong itinulak ang kutsara at muling
bumagsak sa unan. Ngayon sa ilalim ng kaniyang ulo ay may tunay na unan na—
malambot at malinis. Napuna niya ito at agad napagkuro.
“Kailangan sigurong magpadala si Pashenka ngayong araw na ito ng
jam na mula sa sampinit22 upang mabigyan natin ng inumin si Rodya,” ang sabi
ni Razumikhin. Umupo siya sa kaniyang lugar at muling hinarap ang lugaw at
serbesa.
“At saan ka naman niya ikukuha ng raspberry?” tanong ni Nastasya.
Hawak sa nakaladlad na mga daliri ang pinggan habang umiinom ng tsaang may
asukal.
“Ang raspberry, kaibigan ko, ay kukunin niya sa tindahan. Rodya, alam
mo ba na may malaking istoryang naganap nang bigla ka na lang umalis na parang
nanloloko, ni hindi sinasabi kung saan ang tirahan. Sa galit ko ay ipinasya kong
hanapin ka at katayin. Nang araw ring iyon ay nagsimula ako. Naglakad ako
nang naglakad at pinagtatanong ka. Itong tirahan mo sa kasalukuyan ay aking
nakalimutan. At kailanman ay hindi ko natandaan dahil hindi ko naman talaga
alam. Pero iyong dati mong inuupahan ay natatandaan ko, na nasa may panlimang
kanto lamang, sa Kharlamov Bldg. iyon pero wala ka roon. Iyon pala ay hindi
Kharlamov kundi Bukha. A, kung minsan talaga ay nakalilito ang mga tunog ng
pangalan. Nakaiinis talaga. Pero hanap pa rin ako nang hanap. Nang sumunod
na araw ay ipinagtanong na kita sa Information Desk at alam mo ba, na sa loob
lamang ng dalawang minuto, ay natagpuan kita: nakasulat ka roon!”
“Nakasulat doon!”
“Samantalang si Gen. Kobelyov ay hindi mahanap doon! A, mahabang
istorya. At pagdating ko nga rito ay nalaman ko agad ang lahat ng mga usapin
mo. Lahat ng mga bagay ay alam ko na. Hayan, siya ang saksi. Nakaharap ko na

22 Ang malina sa Ruso ay kahawig ng ating sampinit sa Banahaw. Ito ay raspberry sa Ingles.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 129

rin si Nikodim Fomich, si Ilya Petrovich, ang bantay, si Ginoong Zamiotov, si


Aleksander Grigorief, na clerk sa malapit na opisina, at sa wakas ay si Pasha. At
iyon na ang sukdulan. Alam din ni Nastasya.”
“Pinagaganda mo pa ang istorya,” sabi ni Nastasya na humahagikgik.
“Hindi naman, Nastasya Nikiforovna. Ang mabuti pa ay iyang inumin
ninyo ang inyong asikasuhin.”
“Tuta ka talaga!” biglang sigaw ni Nastasya, sabay hagikgik na naman. “At
saka Petrovna23 ako, hindi Nikiforovna,” dagdag niya nang mahinto sa pagtawa.
“Suriin natin ito, utol. Hindi naman sa pagmamayabang pero nais ko
sanang magpalagay ng elektrisidad dito upang lubos na pumanaw ang lahat ng
maling akala ukol sa lugar na ito. Ngunit naging matagumpay si Pashenka. Pero,
utol, hindi ko akalain na ganoon pala siya kagaling. Anong palagay mo?”
Hindi kumikibo si Raskolnikov bagama’t hindi siya hinihiwalayan ng
pagkabahala ay patuloy siyang nakatitig kay Razumikhin.
“At napakagaling talaga kahit saang anggulo,” pagpapatuloy ni
Razumikhin na di man lang pinapansin ang pagsasawalang-kibo ng binata, na
para lang inaayunan ang natanggap na salita.
“Hayup ka!” bunghalit ni Nastasya na halatang parang nakikiliti at
tuwang-tuwa sa mga naririnig.
“Ang masama lang, ‘tol, ay kung bakit di mo nagawang pakibagayan
siya sa una pa lang. Hindi dapat ganoon. Dahil sa siya’y ibang klaseng tao talaga!
Kung anong klase ay saka na tayo magpaliwanagan ... Pero paanong nakarating
sa ganoong sitwasyon na nagkalakas-loob siyang di ka na hatiran ng pagkain?
O, kaya’y ang beksel na ito? Nababaliw ka na ba at ayaw mo pang pirmahan? O,
kaya’y ang hindi natuloy na pagpapakasal mo kay Natalya Yegorovna noong siya’y
nabubuhay pa ... Alam ko ang lahat! Gayumpaman, nalalaman ko na sensitibo ang
mga tali na nagagalaw ko at ako’y masyadong nanghihimasok. Ipagpaumanhin
mo, ngunit tungkol sa kamangmangan, ‘tol, sa tingin mo ba’y bobo si Praskovya
Pavlovna? Ngunit hindi siya ganoon kabobo sa unang tingin, di ba?”
“O ... oo nga ...,” ayon ni Raskolnikov na sumusulyap sa gilid ng mga
mata. Naiisip niya na mas mabuting ituloy ang salitaan.
“Totoo, di ba?” napasigaw si Razumikhin, halatang natuwa nang siya ay
sagutin. “At hindi rin naman katalinuhan, di ba? Ibang klase talaga! Pero kung

23 Ang ibig sabihin ng Petrovna ay anak siya ni Petro at hindi ni Nikifor.


130 FEODOR DOSTOYEVSKY

minsan ay nalilito ako. Mahigit apatnapung taon na siya pero ang sinasabi’y
tatlumpu’t anim lang. Sa palagay ko ay may karapatan siyang sabihin iyon, lalo
na’t sinasabi ko sa iyo na tatawaran ko ang edad niya, hindi sa taon, kundi sa
isip. Metapisikal iyan! Kaya, utol, ganito ang lagay natin ngayon. Wala pa rin
akong naiintindihan sa iyong algebra. A, kalokohan ang lahat! Nang malaman
niyang hindi ka na estudyante at di na rin nagtuturo, at wala na ring uniporme,
pagkamatay ng dalaga ay wala na ring dahilan upang panatilihin ka pa na parang
kamag-anak. At siya ay kinabahan, lalo na’t nagmukmok ka na lang dito sa iyong
sulok at di na gaya ng dati. Ipinasya niyang patalsikin ka na sa iyong tirahan.
Matagal na niya itong balak pero nanghinayang lang sa iyong beksel. Isa pa’y
tiniyak mo na magbabayad ang mahal mong ina.”
“Sinabi ko lang iyon dala ng sariling kabuktutan ... Ang ina ko’y halos
mamalimos sa hirap ... Nagsinungaling lang ako upang panatilihin at pakainin
dito,” malakas at malinaw na sinabi ni Raskolnikov.
“Makatuwiran at tama lang ang iyong ginawa. Ang kaso nga lamang ay
nasangkot itong si G. Chebarov, na tagapayo at negosyante. Kung hindi sa kaniya
ay walang magagawa si Pashenka na masyadong mahiyain. Siyempre, posible bang
makakuha ng beksel ang negosyante? Ang sagot ay oo. Dahil mayroong ina na
may isang daan at dalawampung rublo na pensiyon, kahit siya mismo’y hindi na
kumain ay ibibigay pa rin ang pera sa kaniyang Rodenko24. Mayroon ding ganoong
ate na handang magpaalipin alang-alang sa kapatid. Ganyan ang kaniyang
batayan kaya’t magdadalawang-isip pa ba? ‘Tol, alam ko na ngayon pati ang iyong
mga kuko. Hindi ka dapat naging ganoon katapat kay Pashenka nang ikaw ay
itinuturing pang parang manugang. Ngayon ang masigla kong sinasabi ay ganito:
ang matapat at sensitibong tao ay nagsasabi ng totoo; samantalang ang negosyante
ay nakikinig pero kumakain at pagkatapos ay lalamon. Kaya’t pinagbigyan na niya
si G. Chebarov sa beksel at ito na rin ang bayad niya sa kaniya. Si Chebarov
naman ay di-nagdalawang-isip na hilingin ang ganoon. Nang malaman ko iyon
ay pinagbalakan ko siyang gantihan para sa ikaluluwag ng aking dibdib. Noon
ay nagkasundo at naging magkaibigan na kami ni Pashenka. Ipinatigil ko ang
ginagawa ni G. Chebarov. Ipinatawag ko siya, itinapal sa bibig ang sampung rublo,
at ibinalik na niya ang mga papeles. Tiniyak ko naman na mababayaran mo ang
iyong utang. ‘Tol, narinig mo, ha? Ako ang tumataya para sa iyo. Kaya’t ngayon ay

24 Ang Rodenko ay galing din sa pangalang Rodion, na pampalambing din na gaya ng Rodya.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 131

karangalan ko na ibigay sa iyo ang mga papel na ito. Ngayon ay matapat ko kayong
pinagkakatiwalaan. O, kunin ninyo, gaya ng dapat ay pinunit ko na ...”
Inilagay ni Razumikhin sa mesa ang sulat. Sinulyapan ito ni Raskolnikov
at walang-imik na tumalikod at humarap sa dingding.
Maging si Razumikhin ay nasaktan. “‘Tol, mukhang niloloko mo na ako
niyan. Nais ko pa naman na aliwin ka at pasayahin man lang sa kakukuwento
ngunit mukhang pinalulungkot lang kita,” nasabi niya makalipas ang ilang saglit.
“Ikaw ba’y hindi ko nakilala nang ako’y nagdedeliryo?” tanong ni
Raskolnikov makaraan ang ilang saglit ding pananahimik nang hindi pa rin
lumilingon.
“Ako nga at palagi ka pang nagwawala, lalo na nang kasama ko si
Zamyotov.”
“Si Zamyotov ang clerk, bakit?” biglang bumalikwas si Raskolnikov at
matamang tumitig kay Razumikhin.
“O, bakit ka ganoon ... Anong ikinababahala mo? Ninais ka niya sanang
makita dahil marami kaming napag-usapan tungkol sa iyo. Kaya nga’t marami rin
akong nalaman tungkol sa iyo. ‘Tol, magaling siya at nakawiwili talaga. Ngayo’y
magkaibigan na kami. Halos araw-araw ay nagkikita kami dahil ako ay lumipat na
rin malapit dito. Hindi mo pa ba alam? Kalilipat ko lang. Dalawang ulit na kaming
pumunta kay Laviza. Natatandaan mo pa ba si Laviza, si Laviza Ivanovna?”
“Nagdeliryo nga ba ako?”
“Oo! Walang-wala ka sa sarili mo.”
“Mayroon ba akong pinagsasabi?”
“Ano pa nga ba! Kung ano-ano. Alam ng lahat kung ano-ano. O, utol,
upang walang masayang na oras ay lalakad na ako at ako’y may gagawin pa.”
Tamayo na siya at kinuha ang sumbrero.
“Anong sinabi?”
“Ayos lang iyon! May kinatatakutan ka bang sekreto? Huwag kang
mag-alala at wala kang anumang sinabi tungkol sa Grafina. Mayroon kang
sinabi tungkol sa bulldog, mga hikaw at kung anong kuwintas, tungkol sa isla ng
Krestov, kay Nikodim Fomich, at marami tungkol kay Ilya Petrovich, at sa hepe
ng pulisya. Isa pa’y interesadong-interesado ka sa sarili mong medyas. Tigas na
pakiusap mo na ibigay sa iyo ang medyas. Si Zamyotov mismo ang naghalughog
sa lahat ng sulok ng iyong kuwarto upang hanapin ang medyas. At ang malilinis
at mababangong kamay niya mismo na nakaguwantes ang nag-abot ng basurang
132 FEODOR DOSTOYEVSKY

ito. Noon ka lang natahimik at maghapon mong yakap ang basahang iyan. Hindi
maialis ninuman. Siguro’y nasa ilalim ng iyong kumot ngayon. Minsan nama’y
hiningi mo ang bulsa ng iyong pantalon, a. Nakaiiyak talaga! Pero sinubukan
din namin. Kaya lang ay anong bulsa? Wala namang bulsa roon. O, sige, ang
mahalaga ay heto ang tatlumpu’t limang rublo. Kukunin ko na ang sampung
rublo at makaraan ang mga dalawang oras ay may ipakikita akong kuwenta sa iyo.
Ipaaalam ko rin kay Zosimov pero dapat ay narito na siya dahil alas-dose na. At
kayo, Nastasya, ay dalas-dalasan ninyo ang pagbisita rito para sa pagkain, inumin
o anumang kakailanganin ... Ako na ang bahala kay Pashenka. Hanggang sa muli!”
“Aba’t Pashenka na talaga ang tawag! Tuso ka talaga!” pahabol ni Nastasya.
Pagkatapos ay bahagyang binuksan niya ang pinto, nakinig, at nang hindi na
makatiis ay tumakbo na rin pababa. Interesado lang siyang malaman kung ano
ang sasabihin ni Razumikhin sa kasera. Kitang-kita na natutuwa siya sa binata.
Pagkaalis ni Nastasya at kasasara pa lamang ng pinto ay sabay hagis ng
maysakit sa kaniyang kumot at parang wala sa sarili na bumalikwas sa pagkakahiga.
Kanina pa siya di-mapakali at inip na inip sa pag-alis nila upang gawin ang dapat
gawin. Ngunit ano ba iyon? Anong gagawin? Ngunit ngayo’y para na niyang
nakalimutan. “Diyos ko, sabihin mo lamang sa akin kung alam na nila o hindi pa?
Paano kung alam na nila pero nagkukunwari lang at sinusubukan lang nila habang
ako’y nakaratay. Pagkatapos ay bigla na lang darating at sasabihing matagal na
nilang alam ang lahat. Ano na ngayon ang aking gagawin? Nalimutan ko pa kung
ano? A, naalala ko na!”
Nakatayo siya sa gitna ng silid, mabigat ang loob, at wari’y di pa rin
makatiyak sa gagawin. Binuksan ang pinto at nakiramdam. Bigla’y parang naalala
n. Tumakbo siya sa butas sa dingding, ipinasok ang kamay, at kumapa, ngunit hindi
rin ito. Lumapit siya sa pinagdapugan, binuksan, at kinalkal ang abo. Nandoon ang
laylayan ng pantalon at kapirasong tela ng bulsa ng pantalon, na nakakalat gaya ng
ito’y kaniyang iwan. Malamang na walang nakakita nito. Doon ay naalala niya ang
medyas na binanggit ni Razumikhin. Tama. Naroroon nga ito sa sofa, sa ilalim ng
kumot, lukot-lukot, at napakarumi kaya’t tiyak na walang mapupuna si Zamyotov.
“Si Zamyotov ... ang presinto ... bakit ako pinatatawag sa presinto?
Nalilito ako. Ano na kasi ang kailangan nila? Tiningnan ko rin noon ang medyas
pero ngayon ... ngayon ay may sakit ako. Bakit pumarito si Zamyotov? Bakit siya
dinala rito ni Razumikhin?” bulong niyang nanghihina at muling naupo sa sofa.
“Ano ba ito? Nagdedeliryo pa ba ako o totoo na ito? Kailangan kong tumakas ...
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 133

tumakas mula rito? Nasaan ang aking damit? Wala ring sapatos! Kinuha nila at
itinago, alam ko. A, heto ang aking makapal na damit. Tiningnan nila ito! Heto
ang pera sa mesa. Salamat sa Diyos! Heto rin ang beksel ... Dadalhin ko ang
pera, aalis ako, at hahanap ng ibang mauupahan. Hindi nila ako makikita. E, ang
Information Desk? Makikita ako at malalaman ni Razumikhin! Mabuti pa’y
magpakalayo-layo ... sa Amerika at bahala na sila! Dadalhin ko rin ang beksel at
mapakikinabangan ito roon. Ano pa ba ang dadalhin ko? Akala nila’y may sakit
ako! Hindi nila alam na kaya kong maglakad ... He-he-he! Sa mga mata nila ay
nahuhulaan kong alam na nila! Wala kayang bantay roon o kaya’y pulis? Teka, ano
ba ito, tsaa? At mayroon pang malamig na serbesa!”
Hinablot niya ang isang bote ng serbesa na may natitira pang isang
baso at uhaw na ininom nang malalaking lagok. Ngunit wala pang isang sandali
ay tinamaan na siya ng serbesa. Nakaramdam siya ng matamis na haplos ng
pagkaantok sa likod at gulugod. Nahiga siya at itinakip ang kumot. Magulo ang
kaniyang isipan, may sakit, at walang-kawawaan. Parang umiikot ang kaniyang
panimdim at sandali lamang ay lumukob ang magaan at matamis na antok.
Nasasarapang sumiksik ang ulo niya sa unan, tila naghahanap ng magandang
lugar. Pinag-igi pa ang pagkakabalot ng bagong kumot na gawa sa malambot na
bulak, hindi gaya ng dating punit na tela. Malumanay na huminga nang malalim
at mahimbing na mahimbing na nakatulog.
Nagising siya nang maramdamang may pumasok, binuksan ang mga
mata, at nakita si Razumikhin na nakatayo sa gitna ng nakaawang na pinto. Nag-
aalangan siyang tumuloy. Mabilis na naupo si Raskolnikov at tumitig sa kaniya na
para bang may pilit na inaalala.
“O, hindi ka na pala natutulog. Heto uli ako. Nastasya, dalhin mo nga rito
ang balutan!” sigaw niya sa ibaba. “Ibibigay ko sa iyo ang kuwenta ...”
“Anong oras na ba?” tanong ni Raskolnikov na mukhang kinakabahan.
“Malalim ang tulog mo, ‘tol. Madilim na sa labas at mag-aalas-sais na.
Nakatulog ka nang mahigit anim na oras ...”
“Diyos ko! Ano ba naman ako ...”
“Bakit ba? Mabuti iyon sa iyong kalusugan! Saan ka naman nagmamadali?
May katipanan ka ba? Atin ngayon ang lahat ng oras. Tatlong oras na akong
naghihintay. Dalawang beses na akong pumunta rito ngunit tulog ka pa rin.
Dalawang beses din ako kina Zosimov ngunit wala siya sa bahay. Hindi bale at
darating din iyon! Inayos ko rin ang mga dapat kong gawin dahil ngayon lang
134 FEODOR DOSTOYEVSKY

talaga ako lumapit ... Kalilipat ko lang ngayong araw na ito kasama ang aking tiyo.
Magkasama kami ngayon. Okey, tama na nga ang rikutitos. Nastasya, akin na nga
iyang balutan! Kumusta na ba ang iyong pakiramdam, utol?”
“Malakas na ako at wala nang sakit. Kanina ka pa ba rito, Razumikhin?”
“Sabi ko nga’y tatlong oras na.”
“Hindi. Bago pa iyon?”
“Anong bago pa?”
“Ano ka ba naman? Kanina ko pa ikinukuwento sa iyo. Paulit-ulit na.
Hindi mo pa rin natatandaan?”
Nag-isip si Raskolnikov. Parang panaginip lamang ang lahat. Hindi niya
maalalang mag-isa at patanong na nakatitig kay Razumikhin.
“Hmm ... nakalimutan mo nga! Sabi ko na nga ba at hindi ka pa rin
lubos na nahihimasmasan. Pero mukhang nakatulong ang iyong pagkakatulog ...
mas maganda na ang iyong kulay at tingin. Magaling! Dito na tayo sa mahalaga!
Ngayon ay maaalala mo na ... tumingin ka rito, mabuting tao!”
Sinimulan niyang kalagin ang balutan nang may pananabik.
“Alam mo, ‘tol, espesyal ito para sa akin at malapit sa puso ko dahil
kailangan kang magmukhang tao. Heto na ... nakikita mo ba ang kahong
ito?” Kinuha niya mula sa balutan ang isang maganda pero pangkaraniwan at
mumurahing sumbrero. “Pakisukat mo nga!”
“Saka na lang,” sabi ni Raskolnikov na tumatanggi.
“‘Tol, Rodya, huwag ka nang umayaw at baka maging huli na ang lahat.
Alam mo bang magdamag akong di nakatulog dahil hindi ko alam ang iyong
sukat at hinulaan ko lang ...” “Ayos!” sigaw niya, “Tamang-tama ang
sukat! Ang sumbrero, ‘tol, ang siyang pinakauna sa mga kasuotan. Iyan ang aking
rekomendasyon. Ang aking kakilalang si Tolstyakov, halimbawa, tuwing papasok
sa alinmang pampublikong lugar ay lagi nang nag-aalis ng kaniyang takip sa ulo,
kahit na lahat ng naroroon ay nakamahabang damit at sumbrero pa rin. Akala
ng lahat ay dahil iyon sa kababaang-loob. Pero ang totoo ay ikinahihiya niya ang
kaniyang sumbrerong mukhang pugad ng ibon. A, mahiyaing masyado! O, ano,
Nastasya, ang pipiliin mo sa dalawang sumbrerong ito, itong Palmestone (kinuha
niya sa sulok ang isinusuot ni Raskolnikov, na sa hindi malamang dahilan ay
tinatawag na Palmestone) o ang modelong ito? Tingnan mo nga, Rodya, ano sa
palagay mo, magkano ang bili rito? Ikaw, Nastasya?” baling niya sa babae nang
mahinuhang tahimik pa rin ang una.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 135

“Siguro’y dalawang rublo,” sagot ni Nastasya.


“Dalawang rublo? Sira!” sigaw niya na kunwa’y nasaktan. “Hindi ka na
makabibili ngayon ng ganito sa dalawang rublo. Walong rublo ito at iyon ay dahil sa
gamit na! At mayroon pa itong promo: gamitin mo ngayon at sa susunod na taon ay
bibigyan ka ng isa pang libreng sumbrero. O, di ba! At tulad ng sinasabi sa eskuwela,
‘Tuloy na tayo sa Amerika!’ Pero ipinauuna ko sa inyo na ipinagmamayabang ko
talaga ang pantalon!” Iniunat niya sa harapan ni Raskolnikov ang isang kulay
abong pantalon na yari sa magaan at magandang seda. “Tamang-tamang pantag-
araw. Walang butas at mantsa. Bagama’t gamit na ay puwedeng-puwede pa. Iisa
ang kulay na gaya ng uso. E, ano kung gamit na? Mas maganda nga iyon, sa
totoo lang—mas magaan at malambot. Alam mo kasi, Rodya, kung minsan, upang
magtagumpay rito sa daigdig ay sapat na ang sumunod sa uso. Kung Enero ay
di mo kakailanganin ng ganito at makatitipid ka ng ilang rublo. Gayundin ang
napamili kong ito. Ngayon ay tag-araw, di ba? Pantag-araw itong binili ko dahil
sa taglagas ay kakailanganin nang mas mainit na kagamitan. Kaya’t ang mga ito
ay itatabi ko muna, hindi lang dahil sa baka masira, na bago pa man ang tamang
panahon, kundi dahil sa baka iba na ang gusto o uso, na likas nating kahinaan.
O, ano sa palagay mo? Presyuhan mo nga—dalawang rublo lang at dalawampu’t
limang kopek! At tandaan mo na may ganoon ding kondisyon: pagkalipas ng isang
taong paggamit ay bibigyan ka ng bago! Ganoon lang ang bentahan sa tindahan
ni Fedyayef. Minsan ka lang magbabayad at panghabambuhay na dahil sa susunod
ay di ka na rin bibili. Ngayon naman ay tingnan natin ang mga bota kung anong
klase! Halatang gamit na rin pero maisusuot pa ng mga dalawang buwan dahil
ginawa ito sa ibang bansa at doon din galing ang materyales na ginamit. Ibinenta
ito ng kalihim ng Pasuguan ng Ingglatera noong nakaraang linggo. Anim na araw
lang niyang ginamit at kinapos lang siya sa pera. Alam mo kung magkano, isang
rublo lang at limampung kopek! Suwerte, ano?”
“Baka naman hindi kasukat!” puna ni Nastasya.
“Anong hindi kasukat? E, ano ito?” at hinugot niya sa bulsa ang isang
tarheta, na bahagi ng luma at naninigas sa duming bota ni Raskolnikov. “May dala
yata akong bala at sa tulong ng halimaw na ito ay natantiya ko ang tunay na sukat
niya. Sinabi ko na, na seryoso tayo rito! Tungkol sa mga kumot ay nagkaayos na
kami ng kasera. Kaya heto ang tatlong polo na nakatupi at nakaayon sa uso ang
pang-itaas ... at saka ... walumpung kopek para sa sumbrero, dalawang rublo at
dalawampu’t limang kopek para sa ibang damit, na ang suma ay tatlong rublo at
136 FEODOR DOSTOYEVSKY

limang kopek; isang rublo at limampung kopek para sa bota, dahil sa napakaganda,
na ang suma ay apat na rublo at limampu’t limang kopek; limang rublo ang lahat
ng kumot—package deal. Ang suma total ay siyam na rublo at limampu’t limang
kopek. May sukli pang tatlumpu’t limang kopek na barya. Heto at pakikuha ...
Sa ganitong paraan, Rodya, ay lubos ka nang nakabawi sa mga kasuotan. At ang
iyong palto25, sa tingin ko ay di lang maaaring magsilbi kundi nagbibigay pa ng
pitagan sa nagsusuot. Ito ay gawa pa sa Charmer! Tungkol naman sa medyas at
iba pa ay ipinauubaya ko nang lahat sa iyo. Mayroon pa tayong natitirang pera na
dalawampu’t limang rublo. Huwag ka nang mag-alala tungkol kay Pashenka at sa
bayad sa kuwarto. Sinasabi ko sa iyo na maaari na tayong magkautang dito kahit
na magkano. ‘Tol, ngayon nama’y ipahintulot mong palitan na natin ang mga takip
ng higaan dahil diyan na lang at sa mga damit mong suot nakakapit ang sakit ...”
“Huwag! Ayoko!” pagtanggi ni Raskolnikov na nainis sa mapaglaro
ngunit may tensyong pagsasalaysay ni Razumikhin tungkol sa pagbili ng mga
damit.
“‘Tol, hindi puwede iyan! Para saan pa’t dala-dala ko pa ang iyong bota?”
pagpupumilit ni Razumikhin. “Nastasya, huwag kayong mahiya. Tulungan ninyo
ako. Hayan ... ganyan!” At sa kabila ng pagtutol ni Raskolnikov ay napalitan din
nila ang mga takip ng higaan. Napadapa siya sa higaan at dalawang minutong
di-kumikibo.
“Hindi rin ito magtatagal!” naisip ni Raskolnikov. Anong pera ang
ipinambili nito?” sa wakas ay naitanong niya na tumitingin sa dingding.
“Pera? O, hayan! Sarili mong pera! Di ba’t kagagaling lang dito ng kartero
mula kay Vakhrushin? Nagpadala ang iyong ina. Nakalimutan mo na ba?”
“Oo nga pala ... naalala ko na,” bulong ni Raskolnikov makaraan ang
matagal at malalim na pag-iisip. Napakunot-noo si Razumikhin at nag-aalalang
tumingin sa kaniya.
Bumukas ang pinto at pumasok ang isang matangkad at matabang lalaki
na parang namumukhaan ni Raskolnikov.
“Sa wakas! Si Zosimov!” sigaw ni Razumikhin na biglang sumaya.

25 Ang palto ay mahabang damit-panlamig ng mga Ruso. Karaniwang ginagamit ito sa tagyelo.
Mayroon ding manipis-nipis na ubra ring pantaglagas o tagsibol, o proteksyon lang sa malakas at
malamig na hangin.
IV

SI ZOSIMOV AY MATANGKAD at mataba, may matambok na pisngi,


walang-kulay, at maputla ang mukhang ahit na ahit. Ang kaniyang buhok ay unat
at maputing-madilaw, nakasalamin, at may malaking gintong singsing sa kaniyang
namimintog na daliri. Siya ay nasa edad na dalawampu’t pito. Ang suot niya’y
maluwang at magaang na mahabang damit at nakapantag-araw na pantalong
manipis. Sa kabuuan, ang lahat ng tungkol sa kaniya ay malaki, maluwang, at
maayos. Ang damit niya ay hindi mapipintasan. Malaki rin ang tila kuwintas na
pabitin para sa relo. Marahan ang kaniyang kilos, parang mahina, ngunit natural
at mukhang bilang ang kilos. Lumalabas ang kaniyang pilit na ikinukubling
pagpapahayag sa sarili habang tumatagal at pasulyap-sulyap. Lahat ng mga
nakakikilala ay nabibigatan sa kaniya ngunit sinasabing alam niya ang kaniyang
trabaho.
“Brad, dalawang beses kitang pinuntahan ... Kita mo? Nagising na ...”
“Oo, nakikita ko. O, kumusta na ba ang ating pakiramdam?” hinarap
niya si Raskolnikov at pinagmasdang mabuti. Umupo siya sa may paanan ng sofa,
umupo nang komportable.
“Mabigat pa rin ang kaniyang pakiramdam. Kapapalit lang namin ng
linen at muntik nang umiyak,” sabi ni Razumikhin.
“Siyempre, puwede naman sana itong gawin pagkatapos kung ayaw niya
138 FEODOR DOSTOYEVSKY

… Malakas na ang pulso. Masakit pa ba ang ulo mo, ha?”


“Magaling na ako. Magaling na magaling na!” mariin at pagalit na sinabi
ni Raskolnikov, na biglang bumangon mula sa sofa at iminulagat ang mga mata
ngunit agad ding bumagsak sa unan at humarap sa pader. Masusing sinuri naman
siya ni Zosimov.
“Mabuting-mabuti ... gaya lang ng dapat,” mahinang bigkas niya. “May
kinain na ba siya?” Nagtanong siya kung ano ang maaaring ipakain.
“Halos lahat ay puwedeng ibigay: lugaw at tsaa. Huwag lang munang
kabute o pipino. Huwag din munang bigyan ng karne. Kahit di na sabihin ito sa
inyo ...” Lumingon siya kay Razumikhin, “Hindi na kailangan ang gamot. Bukas
ay titingnan ko ulit siya ... o kaya ay mamaya lang ...”
“Bukas ng hapon ay ipapasyal ko siya!” pasya ni Razumikhin, “Dadalhin
ko siya sa Hardin ng Yusupov at pagkatapos ay sa Palasyong Kristal.”
“Bukas kung ganoon ay di ko muna siya dadalawin ... kaunti na lang at
okey na ... malalaman natin.”
“Naku ... may kaunting pagdiriwang pala ako ngayon ... bagong lipat,
e! Malapit lang ako rito—mga dalawang hakbang. Kung puwede lang sana siya,
kahit pa nakahiga sa sofa sa pagitan natin! Pero ikaw ay paroroon,” baling ni
Razumikhin kay Zosimov, “Huwag mong kalilimutan at nangako ka sa akin.”
“Mahuhuli siguro ako. Ano ba ang inihanda mo?”
“Wala naman ... Tsaa, vodka, at mayroon ding turon. Tayo-tayo lang ...”
“Sino-sino nga ba?”
“Tagarito lahat at puro baguhan, liban siguro sa matanda kong tiyuhin.
Pero siya man ay baguhan din. Kararating lang niya kahapon sa Petersburg at may
kailangang asikasuhin. Minsan lang kami magkita sa loob ng limang taon.”
“Sino ba siya?”
“Permanente siyang Punong Kartero at ngayo’y animnapu’t limang
anyos na. Isa na siyang pensiyonado at kung gaano ang pensiyon ay di na dapat
pang sabihin. Pero mahal ko siya ... magkagayon man. Darating din si Porfiri
Simyonovich, ang hepeng imbestigador dito, na isa ring abogado. Kilala mo siya,
di ba?”
“Kamag-anak mo rin ba?”
“Malayo na. O, bakit ka napangunot-noo? Dahil ba sa nagtalo kayo
minsan ay hindi ka na pupunta?”
“Pwe! Anong pakialam ko!”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 139

“E, di magaling! May estudyante, guro, empleyado, musikero, at pulis ding


pupunta, Zamyotov ... Nais ko lang sanang malaman, ano ba ang pagkahahawig
natin o meron kayo na meron din ako?” medyo ininguso ni Zosimov si Raskolnikov.
“Magaling! Prinsipyo! Lahat ay mahigpit na nakabatay sa prinsipyo.
Hindi nito magagawang suwagin ang sariling kalooban. Ang prinsipyo ko’y ito:
basta ang tao ay mabuti ay okey na at wala na akong gugustuhin pa mula sa kaniya.
Si Zamyotov ay napakabuting tao.”
“At nagpapainit ng kamay ... nagpapasuhol.”
“E, ano kung nagpapasuhol? Ano naman ang pakialam natin?” sigaw
bigla ni Razumikhin na parang hindi natural ang pagkagalit. “Ipinagmamalaki ko
ba na nagpapasuhol siya? Sinabi ko lang na may kabutihan din siya. Bakit, kung
magiging estrikto ba tayo ay marami ang matitirang mabuting tao sa mundo? Sa
tingin ko nga, kung ako ma’y magagantimpalaan sa aking mga mabubuting gawa
ay suwerte na kung bibigyan ako ng isang inihaw na sibuyas. At iyon ay kung
tutulungan mo ako!”
“Kulang iyon. Kung ako’y bibigyan kita ng dalawa ...”
“Ako’y isa ... isa lang at maanghang pa! Si Zamyotov ay parang bata.
Hahagurin ko pa ang buhok niya dahil ang kailangan ay kunin ang kaniyang
atensyon at hindi itulak. Kung itutulak mo lang ang tao ay hindi mo siya
maitutuwid, lalo na kung siya’y bata pa. Sa mga bata ay ibayong pag-iingat ang
kailangan. A, papalala ang inyong kabobohan! Wala kayong naiintindihan. Hindi
ninyo iginagalang ang tao, e. Sarili naman ang sinasaktan ... At dahil sa itinatanong
mo ay sasabihin ko na mayroon tayong iisang usapin ngayon na dapat harapin.”
“Nais kong malaman.”
“Tungkol sa karpintero, pintor pala ... Kukunin natin siya! Walang
anumang masama roon. Dahil ngayon ay malinaw na malinaw na! Kaunting tulak
lang ...”
“Sino bang pintor iyan?”
“Bakit, hindi ko pa ba ikinukuwento? Hindi pa nga pala. Nasimulan ko
lang ... Tungkol iyon sa pagpatay sa matandang alaherang tumatanggap ng sangla
... ngayo’y nasangkot ang pintor.”
“Narinig ko na ang kuwento mo tungkol sa pinatay na matanda. Naging
interesado rin ako nang kaunti ... at may nabasa rin ako sa diyaryo.”
“Pati ba naman si Lizaveta ay pinatay?” napagibik si Nastasya na
nakatingin kay Raskolnikov. Naroon lang siya sa kuwarto, nakasandal sa may
140 FEODOR DOSTOYEVSKY

pinto at nakikinig.
“Si Lizaveta?” mahinang bulong ni Raskolnikov.
“Si Lizaveta, iyong tindera? Hindi mo ba kilala? Pumupunta siya riyan sa
ibaba. Sinulsihan pa nga niya iyong damit mo.”
Humarap si Raskolnikov sa dingding kung saan may maruming paperwall
na may mga nakalarawang mapuputing bulaklak. Pumili siya ng isang alanganing
puting bulaklak na may mga guhit na kulay-balat at mataman itong pinagmasdan.
Iilan lang ang mga talulot nito. Ang iba’y tila pamaypay at ang ilan ay may mga
guhit-guhit lamang. Dama niya’y parang nawala at namanhid ang kaniyang mga
kamay at paa. Hindi siya nagtangkang kumilos at nakatitig lang sa bulaklak.
“O, ano ang nangyari sa pintor?” may kainipang putol ni Zosimov sa
pagdaldal ni Nastasya. Siya nama’y huminga nang malalim at di na umimik.
“A, pinaghihinalaan!” mainit na pagpapatuloy ni Razumikhin.
“May ebidensya ba?”
“Anong ebidensya! Hayun na nga! Gumagawa ng ebidensya. E, ang
ebidensya ay hindi nga ebidensya! Iyon ang kailangang patunayan!”
“Ganoon na nga! Unang pinaghinalaan at dinampot sina Koch at
Pestryakov. Pwe!”
“Napakatanga talaga! Kaya nga’t kahit di natin trabaho ay nakaiinis pa
rin. Baka puntahan ako ngayong araw na ito ni Pestryakov ... Siya nga pala, Rodya,
nabalitaan mo na ba ito? Naganap ito bago ka magkasakit. Isang araw bago ka
nawalan ng malay sa estasyon ng pulisya habang pinag-uusapan ang bagay na ito.”
May kuryosidad na tumingin si Zosimov kay Raskolnikov. Siya nama’y
hindi gumagalaw.
“Alam mo ba, Razumikhin? Napupuna ko na napakaabala mo palang
tao”, puna ni Zosimov.
“Ipagpalagay na. Pero kukunin natin sila!” sigaw ni Razumikhin
na napasuntok sa mesa. “Dahil nakasasama talaga ng loob, di ba? Hindi dahil
sa nagsisinungaling sila. Ang pagsisinungaling ay maaari pang mapatawad.
Magaan lang ang kasinungalingan dahil ito’y patungo rin sa katotohanan. Hindi
ang pagsisinungaling ang nakahihiya, kundi ang pagsamba sa kasinungalingan.
Iginagalang ko si Porfiry ... ngunit ano ba naman ang una nilang pinaggagawa?
Nang una’y sarado ang pinto ngunit nang bumalik kasama ang bantay ay bukas na
ito. Kaya’t ang ibig sabihin ay sina Koch at Pestryakov ang pumatay! Ganyan ang
kanilang lohika!”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 141

“O, huwag kang mag-init!”


“Dinetina lang sila sa pulisya. Wala namang ibang ... Nakaharap ko na
pala ang Koch na iyan. Bumibili pala siya sa matanda ng mga pasong sangla.”
“Manggagantso! Bumibili rin siya ng beksel. Negosyante pero wala na
tayo roon. Alam mo, hindi iyon ang ikinagagalit ko. Galit ako sa kanilang bulok,
masama, at lumang routine. Sa kaso lang na ito ay maaari nang magpasimula ng
mga bagong paraan. Sa sikolohikal lang na batayan sa kasong ito ay maaari nang
matukoy ang tunay na salarin. Mayroon ba tayong mga batayan? Ang mga batayan
ay hindi pa kumpleto, kalahati pa lang. Ang mahalaga ay kung papaano gagamitin
ang mga batayan!”
“Ikaw ba’y nakaiintinding gumamit ng mga batayan?”
“Oo. Kaya lang, hindi ka matatahimik na lang kung nararamdaman mo,
nasasalat mo na may maitutulong ka sa kaso ... a! Alam mo ba ang detalye ng
kaso?”
“Heto nga’t hinihintay ko ang tungkol sa pintor.”
“O, nakita mo na? Makinig ka sa istorya: eksaktong tatlong araw,
pagkatapos ng pagpatay, umaga, nang binabantayan pa nila sina Koch at Pestryakov,
kahit na pinatunayan na nila ang lahat ng ginawa at malinaw na malinaw na ang
lahat! May nangyaring sadyang hindi inaasahan. May isang magsasaka, si Dushkin,
mayroon din siyang tindahan ng serbesa, na nasa harap mismo ng bahay na iyon.
Nagsadya siya sa opisina ng pulisya na dala ang isang kahon na may mga gintong
hikaw. Siya ay nagsalaysay ng buong kuwento: “Papagabi na nang humahangos na
dumating ang pintor, siguro’y pasado alas-siyete,” punahin mo ang araw at oras, “
... dala ni Mikolai ang kahong ito. Bago iyon ay pumarito rin siya, na may hikaw
at bato na isinangla sa halagang tatlong rublo. Nang aking tanungin kung saan
ito galing ay napulot daw sa daan. Hindi ko na siya tinanong pa,” pagpapatuloy
ni Dushkin, “Binigyan ko siya ng rublo, isang rublo, naisip ko, na kung hindi sa
akin ay sa iba niya ito isasangla at isa lang ang patutunguhan—ipang-iinom. Kaya
mabuti nang sa akin muna matago. Habang inilalayo mo ay lalong dumaraling
makuha at kung ano’t anuman ay isusumbong ko.”
“Siyempre, si Dushkin ay nagkukuwento ng panaginip. Sinungaling
na parang kabayo. Kilala ko siya, tumatanggap siya ng mga sangla at itinatago
ang nakaw na kahong nagkakahalaga ng mga tatlumpung rublo. Hindi upang
isumbong si Mikolai, natakot lang siya. A, demonyo!”
Ganito pa ang pagpapatuloy ni Dushkin: “Ang magsasakang iyon, na si
142 FEODOR DOSTOYEVSKY

Mikolai Demetyef, ay kilala mula pagkabata. Tagaroon din sa aming probinsya


at baryo—sa Sarayski. Pareho kaming taga-Ryazan. Hindi naman lasenggo pero
malakas ding uminom. Alam namin na sa bahay ring iyon siya nagtatrabaho bilang
isang pintor, kasama si Mitrey. Magkababayan din sila ni Mitrey. Pagkatanggap
niya ng pera ay uminom siya agad ng dalawang baso. Kinuha ang sukli at lumakad
na. Hindi ko nakitang kasama niya si Mitrey noon. At kinabukasan nga ay narinig
namin na pinatay sa pamamagitan ng palakol si Alyona Ivanovna at kaniyang
kapatid na si Lizaveta Ivanovna. Sila ay kilala namin. Nagsimula ang pagdududa
ko—may kaugnayan sa hikaw. Dahil sa alam naming tumatanggap siya ng mga
sanglang alahas. Pumunta ako sa kanilang bahay at maingat na nagsaliksik.
Maingat ang bawat hakbang at una kong inalam kung naroon si Mikolai. Ang
sabi ni Mitrey ay nagbatog daw si Mikolai sa trabaho at madaling araw na nang
umuwi. Sandali lang siya sa bahay, mga sampung minuto lang at muling lumabas.
Tapos ay hindi na siya nakita pa ni Mitrey at mag-isa na lang niyang tinapos
ang trabaho. Ang ginagawa nila ay sa iisang hagdan sa ikalawang palapag. Nang
malaman namin ang lahat ay wala kaming sinumang sinabihan,” sabi pa ni
Dushkin, “Inalam namin ang lahat ukol sa pagpatay at bumalik na kami sa bahay.
Tumibay ang aming hinala. At ngayon ngang umaga—alas-otso at ikatlong araw
na—nakita kong dumating si Mikolai. Hindi naman masyadong lasing at hindi
rin talagang nahimasmasan pa ngunit malinaw na makauusap. Umupo at walang-
kibo. Sa mga oras na iyon, liban sa kaniya ay may isa ring taong di ko kilala at
isang tulog sa upuan na kilala ko. Naroon din ang dalawa naming katulong na
lalaki. Tinanong ko si Mikolai kung nakita niya. Sabi’y hindi. Tatlong araw na raw
siyang wala rito. E, tinanong ko kung saan siya nagpapalipas ng gabi. Sa Peski raw,
sa mga Kolomenski. ‘Saan mo kinuha ang mga hikaw?’ tanong ko. Sa daan daw.
Ang pagsagot niya ay hindi kapani-paniwala at di siya tumitingin. Sinabi ko na
nabalitaan ko ang nangyari kay ganoon sa ganitong gabi at oras sa hagdang iyon.
Sabi niya’y di raw niya iyon alam. Pero nakikinig siya’t papungas-pungas ng mata.
Bigla siyang namuting akala mong tisa. Habang nagkukuwento ako’y kinuha niya
ang sumbrero at tumayo. Gusto ko siyang pigilin: ‘Sandali lang, Mikolai, di ka ba
iinom?’ Kinindatan ko ang bata upang isara ang pinto. Lumabas ako mula sa bar
pero nasalisihan niya ako’t tumakbo na siya sa kalsada at nakaliko. Iyon na ang huli
kong pagkakita sa kaniya. Noon ko natiyak ang aking pagdududa. Dahil halata
ang may kasalanan ...”
“Oo nga!” sigaw ni Zosimov.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 143

“Teka muna, pakinggan mo hangang dulo. Siyempre, hinanap na nang


husto si Mikolai. Detinado si Dushkin at hinalughog. Gayundin si Mitrey.
Pinaghalughog din ang mga Kolomenski. Ikatlong araw na nang makuha si
Mikolai. Nahuli siya malapit sa isang inuman sa dulo ng bayan. Pagdating niya’y
inalis ang kuwintas na krus na pilak sa leeg at ipinagpalit sa alak. Binigyan naman
siya. Makaraan ang ilang minuto ay pumunta ang isang babae sa kural at nasilip
niya sa butas na naroon si Mikolai sa kabila at nagtali ng lubid sa biga. Pilit niyang
ipinapasok ang leeg sa silo. Malakas na tumili ang babae at marami ang dumating
nang pahangos. ‘Ano bang ginagawa mo?’ tanong nila kay Mikolai. ‘Dalhin ninyo
ako sa ganitong presinto at lahat ay ipagtatapat ko.’ Dinala nga siya rito sa estasyon
nang may eskort tulad ng nararapat. At pinagtatanong na nga siya: ‘Sino? Ano?
Ilang taon na?’ Dalawampu’t dalawa raw ... at kung ano-ano pa.”
“Nang nagtatrabaho kayo ni Mitrey, may nakita ba kayo sa hagdan sa
ganoon at ganitong oras?”
“Oo, may mga taong dumaan, malamang. Kaya lang, di namin napansin.”
“May narinig ba kayong ingay? Ganito? Ganoon?”
“Wala naman kaming narinig na ganoon.”
“Alam mo ba na sa ganitong araw at oras, Mikolai, ay pinatay at ninakawan
ang balo at kaniyang kapatid?”
“Wala akong alam at wala akong nakita. Una kong nalaman iyan kay
Afanasi Pavlich, sa inuman, makalipas ang tatlong araw.”
“Saan mo kinuha ang hikaw?”
“Nakita ko sa daan.”
“Bakit hindi ka nagpakita sa trabaho o kay Mitrey noong sumunod na
araw?”
“Dahil nga nag-alat ako.”
“Saan ka nagliwaliw?”
“Sa ganito, sa ganoon.”
“Bakit mo tinakbuhan si Dushkin?”
“Natakot lang ako.”
“Anong ikinatakot mo?”
“Baka ako pagbintangan.”
“Ano ang ikatatakot mo kung alam mong wala kang kasalanan?”
“A, maniwala ka man o hindi, Zosimov, ganoon ang itinanong ng mga
iyon. Sa ganoon mismong paraan. Alam na alam kong tama ang pagkasalaysay sa
144 FEODOR DOSTOYEVSKY

akin. Ano ba ito?”


“Pero, ano ... may ebidensya?”
“Hindi na ang ebidensya ang sinasabi ko, kundi ang mga tanong. Alam
ba nila ang kahulugan ng mga ito? Ha! Kademonyohan! Kaya hayun, idiniin siya.
Idiniin nang idiniin hanggang sa umamin sa wakas!
“Hindi ko ito nakita sa kalsada, kundi sa bahay na pinipinturahan namin
ni Mitrey.”
“Paano?”
“Ganito lang: maghapon kaming nagpipinta ni Mitrey hanggang alas-
otso. Nang papaalis na kami ay kinuha ni Mitrey ang brush at pinintahan ang
mukha ko. Pagkapinta niya sa mukha ko’y sabay siyang tumakbo nang mabilis.
Hinabol ko siya. Habang hinahabol ko’y malakas ang aking sigaw. Nang nasa
hagdan na ako at papaliko ay biglang nabunggo ako sa bantay at isang lalaki. Kung
ilang tao ang naroon ay di ko na matandaan. Dahil doon ay pinagalitan ako ng
bantay. Gayundin, minura rin ako ng isa pang bantay. Pati ang asawa ng bantay ay
lumabas at nagalit din. Isa pang lalaki na may kasamang babae ang nagalit din dahil
nakaharang kami ni Mitrey sa kanilang daraanan. Nasunggaban ko ang buhok
ni Mitrey at bumagsak siya. Siya’y aking pinagsusuntok. Nakapailalim si Mitrey
nang mahagilap din niya ako sa buhok at pinagsusuntok. Iyon ay ginawa namin
hindi dahil sa galit, kundi nagkakatuwaan lang at larong magkaibigan. Tapos ay
nakawala si Mitrey sabay takbo na sa daan. Hinabol ko siya ngunit di ko inabutan.
Mag-isa akong nagbalik sa bahay upang mag-ayos at magligpit. Nagsimula ako at
hinintay si Mitrey na dumating. Sa may pinto papasok, sa may sulok, ay natapakan
ko ang isang kahong lalagyan. Tiningnan ko at nakita kong nakabalot sa papel.
Inalis ko ang papel at nakita ko ang maiging pagkakatali at pagkakabuhol. Kinalag
ko ito at lumitaw ang mga hikaw na laman ng kahon ...”
“Sa likod ng pinto? Sa likod ba ng pinto? Sa likod ba ‘ka mo ng pinto?”
biglang sigaw ni Raskolnikov, na nanlalabo ang paningin at takot na tumitig kay
Razumikhin. Marahan siyang tumayong kumakapit sa sofa.
“Oo ... o ... bakit? Anong nangyayari sa iyo? Bakit ka nagkakaganyan?”
tumayo rin si Razumikhin.
“Wala,” mahinang sagot ni Raskolnikov na di halos marinig. Muli siyang
humilig sa unan at humarap sa dingding. Lahat ay natahimik sandali.
“Nangangarap siguro ... nananaginip,” sa wakas ay nasabi ni Razumikhin
nang may pagtatakang nakatingin kay Zosimov na marahan namang umiiling.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 145

“Sige, ituloy mo. Anong sumunod?” sabi ni Zosimov.


“Anong sumunod? Pagkakita niya sa hikaw ay nalimutan na niya ang
bahay at si Mitrey. Agad siyang tumakbo kay Dushkin at gaya ng ating alam ay
binigyan siya ng rublo. Nagsinungaling na napulot niya ito sa daan at pagkatapos
ay nagliwaliw na. Tungkol naman sa pagpaslang ay pinatutunayan ng kaniyang
sinabi na: ‘Wala akong alam at wala akong nakita. Makalipas lang ang tatlong
araw nang una kong narinig ang tungkol doon.’
“At bakit ang tagal mong hindi lumitaw?”
“Dahil sa takot.”
“Anong ipinag-aalala mo?”
“Baka ako pagbintangan.”
“O, hayan ang buong istorya. O, ano sa palagay mo? Ano ang kanilang
naging konklusyon mula rito?”
“Ano pa ba ang pag-iisipan? May ebidensya, kahit papaano, may batayan.
Pakakawalan mo pa ba ang pintor?”
“Pero tuwiran na siyang ituturing ngayon bilang mamamatay-tao! At
wala na ni kaunting pagdududa ...”
“Mali ka. Hindi ka dapat masyadong mag-init. O, paano iyong
hikaw? Hindi ba’t sang-ayon ka, na sa araw at oras na iyon napasakamay ni
Mikolai ang kahon ng hikaw ng matanda? O, siyempre, napunta sa kaniya iyon
sa kung papaanong paraan, di ba? Madalas ay ganoon ang nangyayari sa mga
imbestigasyon.”
“Oo nga, e, papaanong napunta sa kaniya?” sigaw ni Razumikhin. “Huwag
mong sabihin na ikaw, isang doktor, na ang pangunahing gawain ay pag-aralan ang
kalikasan ng tao, dapat ay alam mo, higit kaninuman. Wala sa natural ni Mikolai
ang ganoon? Hindi mo ba nakikita na lahat ng sinabi niya sa imbestigasyon ay
pawang sagradong katotohanan? Bumagsak iyon sa kaniyang mga kamay. Eksakto
kung papaano niya ipinakita! Natapakan niya ito at dinampot!”
“Sagradong katotohanan?! Pero siya mismo’y umamin na nagsinungaling
siya sa una pa lang.”
“Makinig kang mabuti sa akin. Ang bantay, si Koch at Pestryakov, isa
pang bantay, ang asawa ng unang bantay, isa pang babae, na nakaupo noon sa
kaniyang bakuran, at ang konsehal, na si Kryukov, na noong sandaling iyon ay
bumaba sa kalesa, at pumasok na hawak sa kamay ang isang babae. May walo
o sampung saksi na iisa ang sinasabi, na dagan ni Mikolai sa lupa at sinusuntok
146 FEODOR DOSTOYEVSKY

at nahagilap din ng isa ang una sa buhok at pinagsusuntok din. Nakahiga sila sa
gitna ng daan at hinaharangan ang daraanan. Kabi-kabila ang bulyaw sa kanila at
sila naman ay parang mga batang munti (eksaktong ekspresyon ng mga saksi) na
nakadagan sa isa’t isa, nagsisigawan, nagsusuntukan, at nagtatawanan. Parehong
walang-tigil sa katatawa, katawa-tawa ang hitsura, naghahabulan, at talagang
parang mga bata na nakawala sa kalsada. Naririnig mo? Ngayon, pag-aralan mong
mabuti. Ang bangkay sa itaas ay mainit pa, narinig mo? Mainit pa nang kanilang
matagpuan! Kung sila ang pumatay o kahit si Mikolai lamang, at ninakaw pa ang
laman ng baul o kaya’y bahagi lamang ang ninakaw, ay pahintulutan mo akong
magbigay ng isang katanungan: “Naaayon ba ang kanilang espiritwal o panloob na
kalagayan? Magkabagay ba ang sigla, tawanan, at away ng mga paslit sa bakuran
sa palakol, dugo, katusuhang may masamang balak, pag-iingat, at pagnanakaw?
Kung ang lahat ay naganap lima o sampung minuto pa lang ang nakararaan?
Hindi! Hindi ba, kasi nga mainit pa ang mga bangkay? Tapos, iiwanan ng mga ito
na bukas ang pinto, kahit alam pa na may mga taong papunta roon? Pagkatapos
ng kagagawan ay lalabas na parang mga maliliit na batang naglolokohan sa daan,
naghahagalpakan, at kinukuha ang atensyon ng lahat? Ganoon ba? May sampung
saksi na nagtutugma ang sinasabi!”
“Siyempre, kakaiba! Mukhang imposible nga pero ...”
“Hindi, utol. Hindi ‘pero’ kundi ‘kung.’ Kung nakita sa kamay ni Mikolai
nang oras na iyon ang hikaw at talagang mahalagang katibayan ng pulisya laban
sa kaniya, at ang mga tuwirang paliwanag niya nang siya’y iniimbestigahan ay
kontradiksyong pinagtatalunan pa. Dapat naman na pagsamahin sa isipan ang
mga tunay at mga patotoo dahil ang mga ito’y katibayang di-mapasusubalian. Ano
sa palagay mo, nasa katayuan ba ang ating Hurisprudensiya upang tanggapin, kung
may kakayahan man na tanggapin, ang ganoong patunay na nakabatay lamang sa
kaimposiblehang sikolohikal o panloob na kalagayan? Ito’y di-mapasusubaliang
patunay na nagwawasak sa lahat ng katibayang esensyal, anuman ang mga ito na
nagdiriin sa napagbibintangan, hindi ba? Hindi nga. Anuman ang mangyari ay di
nila matatanggap dahil nga sa nakita ang kahon. Isa pa’y nagtago siya ‘na hindi
raw mangyayari kung alam niyang wala siyang kasalanan.’ Iyon ... iyon daw ang
pangunahing tanong kung kaya’t nag-iinit ako! Nakukuha mo ba?”
“Oo, nakikita ko na nagagalit ka. Sandali lang ... Nakalimutan mong
itanong kung ano ang nagpapatunay na galing sa baul ng matanda ang kahon?”
“Napatunayan iyan,” sagot ni Razumikhin. Napakunot-noo siyang parang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 147

napipilitan. “Nakilala ni Koch ang hikaw at itinuro ang may-ari, na positibong


nagpatunay na kaniya nga iyon.”
“Masama. Ngayon, heto pa ... Wala bang nakakita kay Mikolai nang oras
na pumanhik sina Koch at Pestryakov? At mapatutunayan ba ito?”
“Iyon na nga, e, walang nakakita,” malungkot na sagot ni Razumikhin.
“Ang masama pa, maging sina Koch at Pestryakov ay di nakita nang sila’y papanhik.
Hindi na rin gaanong mahalaga ang kanilang patotoo ngayon: ‘Nakita naming
bukas ang pinto. Malamang na may nagtatrabaho roon. Pero nang maraanan
namin ay di-gaanong pansin at di namin natandaan kung may mga trabahador
doon o wala na nang mga oras na iyon.’
“Hmm ... Kung ganoon, mayroon lang tayong patotoo na sila’y
nagsuntukan at nagtawanan. Ipagpalagay na natin na iyon ay malakas na patunay.
Pero ... ipahintulot mo, ngunit ikaw, paano mo ngayon maipaliliwanag ang
katotohanang nasa kaniya nga ang hikaw at talaga namang nakita niya. Paano ito
maipaliliwanag?”
“Paano ito maipaliliwanag? Ano pa ba ang dapat ipaliwanag?
Napakalinaw na ng lahat. Ito man lang sana ang tinahak na paraan—malinaw at
napatunayan na ng mismong kahon. Naihulog lang ng tunay na mamamatay-tao
ang mga hikaw na ito. Ang pumatay ay nasa itaas nang kumakatok sina Koch at
Pestryakov. Nakakulong lang siya sa loob. Sira lang si Koch at kung bakit bumaba.
Noon nakalabas ang pumatay at kumaripas na rin pababa dahil wala siyang ibang
lalabasan. Sa hagdan ay nagtago siya mula kina Koch, Pestryakov, at bantay sa
walang-lamang paupahan. Wala noon at naghahabulan na sina Mitrey at Mikolai
nang mismong mga sandaling iyon. Tumayo siya sa likod ng pinto, nakiramdam
sumandali habang ang bantay at iba pa ay umaakyat hanggang sa mawala ang mga
yabag. At maingat na maingat na siyang bumaba. Sina Mitrey at Mikolai naman
ay nasa labas na naghahabulan. Lahat ay nag-alisan na at wala nang natira sa
bakuran. Kung nakita man siya ay di na rin napansin dahil hindi rin kakaunti ang
mga taong nagdaraan. Ang kahon naman ay nahulog mula sa kaniyang bulsa nang
hindi niya namamalayan sapagkat marami siyang iniisip na iba. Pinatutunayan ng
kahon na roon mismo siya nakatayo. Iyan ang buong usapin!”
“Tuso! Hindi, ‘tol, masyadong tuso iyan. Pinakatuso sa lahat!”
“Bakit naman? Bakit?”
“Paano’y masyado namang masuwerte ... masyadong tugma ang lahat ...
walang iniwan sa teatro.”
148 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Ha!” sigaw ni Razumikhin. Nang sandaling iyon ay bumukas ang


pinto at pumasok ang isang bagong mukha. Walang sinuman sa naroroon ang
nakakikilala sa kaniya.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 149

SIYA AY LALAKING HINDI na gaanong kabataan. Matikas tumayo, matigas


ang leeg, may maingat, at nakaiilang na pagmumukha. Sa simula pa lamang
ay tumayo na siya sa may pinto at inilibot ang paningin sa lahat ng naroroon
na halatang nagtataka. Ang kaniyang tingin ay parang nagtatanong ng “Saan
ba ako napadpad?” May halong di-pagtitiwala at kaunting kabang minasdan
niya ang masikip at mababang kabina ni Raskolnikov. Gayundin ang kaniyang
pagkamangha nang malipat at mapako ang kaniyang tingin kay Raskolnikov, na
mismong nakahubad, magulo, marumi, at nakahiga sa kaniyang aba’t maruming
sofa. Mataman din siyang nakatitig sa kaniya. Pagkatapos ay mabagal na inusisa
ng mata ang marumi, hindi naaahit, at di-nasusuklayang ayos ni Razumikhin, na
matigas at tuwid na nakipagtitigan sa mga mata niya, at tila nagtatanong nang
hindi natitinag sa kinaroroonan. Sandali ring namayani ang sikil na katahimikan.
Hanggang sa wakas, tulad ng dapat asahan ay naganap ang ilang pagbabago sa
eksena. Marahil ay napag-isip-isip niya, dala ng ilang tiyak na bagay, na walang
mapapala ang kaniyang labis na pagmamatikas dito—sa bangkang ito. Inilambot
ng pumasok na ginoo ang kaniyang estilo, bagama’t naroon pa rin ang pagka-
estrikto. Magalang niyang binigkas ang kaniyang tanong na pinalilinaw ang bawat
kataga:
150 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Kayo ba ang estudyante o dating estudyanteng si Romanich


Raskolnikov?” Nakatingin siya kay Zosimov.
Bahagyang gumalaw si Zosimov at marahil ay tumugon, kung di lang
biglang sumagot ang di-pinapansing si Razumikhin na di-nagbigay-babala.
“Hayan siya, nakahiga sa sofa! Ano ba ang kailangan ninyo?”
Ang pamilyar na “Ano ba ang kailangan ninyo?” ay di-inaasahan ng
lalaking matikas. Muntik na niyang lingunin si Razumikhin ngunit nakuha pa
ring pigilin ang sarili sa tamang sandali at muling hinarap si Zosimov.
“Hayan si Raskolnikov!” ang sabi ni Zosimov at ininguso ang maysakit.
Pagkatapos ay nag-inat nang matagal na di-pangkaraniwan ang laki ng
pagkakabuka ng bibig. Pagkatapos ay mabagal na isinuksok ang kamay sa bulsa,
kinuha ang relong yari sa ginto, binuksan, tiningnan, at ibinalik sa ganoon ding
bagal at tamad na tamad na paraan.
Si Raskolnikov nama’y patuloy na walang-imik na nakadapa at matigas
ang pagkakatitig sa pumasok, kahit wala namang anumang nasa isip. Napakaputla
ng kaniyang mukha. Iniwan na niya ng tingin ang nakatawag-pansing bulaklak sa
paperwall. Mababakas din ang matinding pagdurusa na para bang katatapos lang
ng isang napakasakit na operasyon o kaya’y kadaraan lamang niya sa matinding
pagpapakahirap. Dahan-dahan ngunit papatindi nang papatindi ang atensyong
ibinigay niya sa pumasok na panauhin, na sinundan ng pagkalito, at pagkatapos
ay kawalang-tiwala, na parang may kasamang takot. Nang ituro siya ni Zosimov
at nagsabing, “Hayan si Raskolnikov,” ay bigla siyang bumangon, umigtad, umupo
sa sofa, at sa tinig na tila naghahamon ngunit paputol-putol ay mahinang nagsabi:
“Oo, ako nga si Raskolnikov. Ano ang kailangan ninyo?”
Matamang tinitigan siya ng panauhin at di-kumukurap na bumigkas:
“Ako ay si Pyotr Petrovich Luzhin. Inaasahan kong hindi naman ninyo
lubusang hindi kilala ang aking pangalan.”
Ngunit dahil siguro sa iba ang inaasahan ay parang tulalang nakatitig
lamang sa kaniya si Raskolnikov, nag-iisip, at hindi sumasagot. Parang ngayon
lamang talaga niya narinig sa unang pagkakataon ang pangalang Pyotr Petrovich.
“Ano? Huwag ninyong sabihin na hanggang ngayon ay wala pa kayong
natatanggap na kahit anong impormasyon?” tanong ni Pyotr Petrovich na
bahagyang nag-aalangan.
Ang naging kasagutan ni Raskolnikov sa tanong na iyon ay muling
paghilig sa unan. Inilagay niya ang kamay sa ulo at pinagmasdan ang kisame.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 151

Gumuhit ang inip sa mukha ni Luzhin. Samantala’y lalong naging kuryoso sina
Zosimov at Razumikhin na sumusulyap sa panauhing nagugulumihanan.
“Tinantiya ko kasi at inakala,” mahinang sabi niya, “na ang sulat na
ipinadala mga sampung araw na ngayon ang nakararaan. Halos dalawang linggo
na ay ...”
“Makinig kayo. Bakit ba kayo’y nakatayo sa may pinto?” biglang putol
ni Razumikhin, “Tutal, mayroon kayong ipinaliliwanag, maupo kayo. Nastasya,
masikip para sa inyong dalawa ang pinto. Nastasyushka, paraanin mo siya.
Halikayo, tumuloy kayo. Heto ang upuan. Maupo kayo.”
Itinulak niya ang upuan palayo sa mesa upang magkaroon ng puwang sa
pagitan ng tuhod at lamesa. May pagkainip na hinintay niyang sumuot sa butas
ang bisita. Tamang-tama ang pagpili ng sandali upang hindi makatanggi ang
panauhin at siya ay tumuloy sa makitid na lugar. Nagmamadali siya at bahagyang
napapatid pa. Naupo siya at kabadong tumingin kay Razumikhin.
“Huwag kayong mag-alala. Ikalimang araw nang may sakit si Rodya at
tatlong araw nang nagdedeliryo. Ngayon lang siya nahimasmasan at nagkaganang
kumain. Ang nakaupong ito ay ang kaniyang doktor na katitingin lang sa kaniya.
Ako naman ay kaibigan ni Rodya, dati ring estudyante at ngayo’y siyang nag-
aalaga sa kaniya. Huwag ninyo kaming alalahanin at huwag kayong mahiya. Ituloy
lang ninyo kung anuman ang inyong kailangan.”
“Salamat sa inyo. Hindi kaya naaabala ang maysakit sa aking pagparito at
pakikipag-usap?” humarap si Pyotr Petrovich kay Zosimov.
“Hi-hindi,” sagot ni Zosimov, “Marahil ay maaaliw pa siya,” at muli
siyang tumahimik.
“Kaninang umaga pa siya nahimasmasan,” pagpapatuloy ni Razumikhin.
Napuna ni Pyotr Petrovich na ang pamilyar na tono ni Razumikhin ay tapat at di-
gawa-gawa lamang, bagay na nagpasigla rin sa kaniya. At dahil din sa magaspang
at luko-lukong ito ay nakuha pang magpakilala bilang isang estudyante.
“Ang inyong mamasha ...” simula ni Luzhin.
“Hmm!” malakas na ungol ni Raskolnikov. Patanong siyang tiningnan
ni Luzhin.
“Walang anuman ... magpatuloy kayo ...”
Nagkibit-balikat na lang si Luzhin.
“Ang inyong mamasha ... ay nagsulat ng liham para sa inyo habang
ako’y nasa kanila. Pagdating ko rito ay sinadya kong magpalampas muna ng ilang
152 FEODOR DOSTOYEVSKY

araw bago pumarito upang sana’y malaman na ninyo ang lahat ngunit sa aking
pagkamangha ay ...”
“A, alam ko ... alam ko na!” biglang sambit ni Raskolnikov. Nasa mukha
niya ang pagkainip at pagkaasar. “Kayo pala? Ang nobyo? Alam ko na ... at tama
na!”
Malinaw na nasaktan si Pyotr Petrovich ngunit nanatiling nagsawalang-
kibo. Pinilit niyang mabuti na intindihin ang kahulugan ng lahat ng ito.
Sandaling namayani ang katahimikan. Samantala’y marahang humarap sa kaniya
si Raskolnikov. Muli niya itong pinagmasdan nang may natatanging kuryosidad,
na para bang hindi pa niya ito napagmamasdang mabuti o kaya’y mayroong kung
anong bago sa kaniya na nakatawag-pansin. Bumangon pa siya para lamang
siya’y sipatin. Tunay ngang sa kabuuang ayos ni Pyotr Petrovich ay may kung
anong kapuna-puna na para bang nagpapatunay sa katawagang “nobyo” na bigla
na lamang iniukol sa kaniya ngayon. Una’y kita at halatang-halata na nagmadali
si Pyotr Petrovich na gamitin ang ilang araw sa kabisera upang magpatikas at
magpagandang-lalaki habang hinihintay ang nobya, bagay na katanggap-tanggap
din naman. Maging ang kaniyang personal na akala, masyado nga lamang matiwala
sa kaniyang maayos na kaanyuan, na mapatatawad din dahil nga naman sa siya’y
naghahandang magpakasal. Lahat ng kaniyang kasuotan ay kagagaling lamang
sa sastre at maayos lahat. Kaso nga lamang ay masyadong bago at masyadong
natutukoy ang halatang layunin. Maging ang kaniyang bago, nasa uso, at bilog
na sumbrero ay sumasaksi rin sa nasabing pakay. Sobra ang paggalang at maingat
na paghawak dito ni Pyotr Petrovich. Maging ang kaniyang magandang pares
ng guwantes na lila, pasadyang Louvain, ay ganoon din ang sinasabi, kahit man
lamang sa bagay na hindi ito nakasuot, kundi hawak lamang sa kamay upang
ipagmagaling. Ang damit naman ni Pyotr Petrovich ay pawang matingkad ang
kulay at pangkabataan. Suot niya’y ternong pantag-init na matingkad na kulay
kayumanggi. Bagong-bago ang kaniyang magarang kurbata na may guhit-guhit
na kulay rosas. Ang pinakamaganda pa nga’y bagay ang lahat ng ito sa mukha ni
Pyotr Petrovich. Sariwang-sariwa ang kaniyang pagmumukha, makisig naman,
at mukhang bata kaysa kaniyang edad na apatnapu’t limang anyos. Ang kaniyang
maiitim at makakapal na bigote’y nagpapatingkad sa magkabilang bahagi ng
pisngi at bagay na bagay sa kaniyang makintab din at bagong ahit na baba. Maging
ang kaniyang buhok na may kaunting puti sa ilang bahagi, na inayos at kinulot sa
barberya ay di naman mukhang katawa-tawa, di gaya ng mga sitwasyong ganito na
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 153

laging nagpapaalala sa isang Aleman na patungo sa altar. Kung tunay mang may
nakaaasiwa o nakaiinis sa maganda at maayos na kaanyuang ito, iyon ay dahil sa
ibang kadahilanan. Makaraang suriin nang lubos ni Raskolnikov si G. Luzhin ay
makamandag na ngiti ang gumuhit sa kaniyang labi. Pagkatapos ay muling nahiga
at tumingin sa kisame.
Ngunit nagmatigas na si G. Luzhin at nagpasyang di na muna papansinin
ang mga kakaibang gawing ito.
“Ikinalulungkot ko na maabutan kayo sa ganitong kalagayan,” muli
niyang simula at pilit na pinupunit ang katahimikan. “Kung nalaman ko lang
ang tungkol sa inyong karamdaman ay agad na sana akong pumarito. Alam kasi
ninyo’y mayroon din akong mahalagang nilalakad sa Senado. Maliban pa sa ilang
alalahanin na marahil ay inyo nang nahuhulaan. Sa bawat oras ay hinihintay ko
ang inyong mamasha at kapatid.”
Gumalaw si Raskolnikov at may kung anong nais sanang sabihin. Sa
kaniyang mukha’y bakas ang pagdaramdam. Huminto si Pyotr Petrovich at
naghintay ngunit dahil sa wala namang sumunod ay nagpatuloy, “ ... bawat oras.
Ngunit una ay inihanap ko sila ng matutuluyang paupahan.”
“Saan?” mahinang binitiwan ni Raskolnikov.
“Napakalapit lang mula rito. Sa bahay ng mga Bakaleyef.”
“Sa Voznesenski iyon,” sabad ni Razumikhin, “Nasa dalawang palapag
ang mga kuwarto. Si Yushin na mangangalakal ang namamahala. Galing na ako
roon.”
“Oo, mga kuwarto ...”
“Napakapangit na lugar: marumi, nangangamoy, at di-mapagkakatiwalaan.
Kung ano-ano ang nangyayari roon. A, alam ng demonyo kung sino-sino ang mga
nakatira roon! Ako man, minsan ay naeskandalo roon. Isa pa’y ... mumurahin.”
“A-Ako ma’y baguhan din dito kaya’t di ko nalalaman ang mga ganyang
impormasyon,” paiwas na tutol ni Pyotr Petrovich. “Pero dalawang napakalinis
na kuwarto ang kinuha ko ... maikling panahon lang ... Nakakita na ako ng tunay
na ... paupahan na titirhan sa hinaharap at ngayo’y inaayos pa,” sabi niya kay
Raskolnikov.
“Pansamantala, ako may sumisiksik sa isang kuwarto, dalawang hakbang
lang mula rito. Sa paupahan ng aking nakababatang kaibigang si Andrei Semyonich
Lebezyatnikov, sa pinauupahan ni Gng. Lippevechsel. Si Andrei Semyonich din
ang nagturo sa akin sa bahay ng Bakaleyef.”
154 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Lebezyatnikov?” marahang bulong ni Raskolnikov na parang


natatandaan.
“Oo, Andrei Semyonich Lebezyatnikov. Nagtatrabaho sa Ministry. Kilala
yata ninyo?”
“Hi ... hindi,” sagot ni Raskolnikov.
“Ipagpaumanhin ninyo. Akala ko kasi’y kakilala ninyo. Minsan kasi’y ako
ang kasama niya. Magaling na binata ... at nakasasabay ... Ako’y nasisiyahan kapag
kasama ang kabataan. Sa kanila’y malalaman mo ang lahat ng bago.” May pag-
asang tiningnan ni Pyotr Petrovich ang lahat ng naroroon.
“Saang bagay naman?” tanong ni Razumikhin.
“Sa pinakaseryoso, ibig sabihi’y sa pinakabuod ng mga usapin,” salo agad
ni Pyotr Petrovich na parang natuwa sa tanong. “Alam ninyo’y sampung taon na
akong di napupunta sa St. Petersburg. Lahat kasi ng bagong reporma, ideya, at iba
pa ay nakaaabot din nang bahagya sa probinsya. Ngunit upang mas malinawan at
makita ang lahat, dapat ay nasa St. Petersburg ka. At ang pananaw ko ay ganito:
mas marami kang mapupuna at matututuhan kung susuriin mo ang kabataan—
ang bagong henerasyon. Inaamin kong nasisiyahan ako ...”
“Ano ang ikinasisiya ninyo?”
“Malawak ang inyong tanong. Maaari akong magkamali ngunit ang
nakikita ko’y mas malinaw na pananaw. Kung sasabihi’y mas kritikal at praktikal.”
“Tama,” kabig ni Zosimov.
“Mali ka. Walang praktikalidad,” dugtong ni Razumikhin. “Mahirap
magkaroon ng praktikalidad at ito’y halos dalawang daang taon nang malayo sa
tunay na gawa ... Gayunman, pakalat-kalat pa rin ang mga ideya.” At hinarap niya
si Pyotr Petrovich, “Naririyan ang kagustuhang gumawa ng kabutihan kahit pa
isip-bata. May makikita ring katapatan bagamat napakaraming manloloko; ngunit
wala pa ring praktikalidad. Ito ay nasa loob lang ng mga bota.”
“Hindi ako sang-ayon sa inyo!” tutol ni Pyotr Petrovich na halatang
nagaganyak. “Siyempre may pagkakataong ang tao’y natatangay ng init ng
damdamin at nakagagawa ng mali ngunit kailangan ding maging mapagpatawad.
Ang matinding nasa ay nagpapatunay lang ng init at kagustuhan sa ginagawa o
kaya’y dala ng maling panlabas na sitwasyon, oras, at panahon. At kung kakaunti
man ang nagawa ay dahil sa maikli ang oras. Hindi ko na sasabihin pa kung
ano-ano ang mga pamamaraan. Sa aking personal na opinyon, kung mararapatin
ninyo, ay masasabi kong mayroon na ring nagawa. Kumakalat ang mga bago at
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 155

mapakikinabangang kaisipan. Marami na ring mga bago at kapaki-pakinabang na


mga akda, di-tulad ng dating mga mapangarapin at romantikong kasulatan. Ang
ating panitikan ay nahihinog na’t nagkaka-edad. Iwinaksi na at pinagtatawanan
ang maraming masasamang superstisyon. Sa maikling salita ay tuluyan na nating
inihiwalay ang sarili mula sa nakaraan. Kaya’t sa palagay ko’y mayroon na ring
nagawa ...”
“Minemorya lang niya iyan at nagmamagaling!” biglang bigkas ni
Raskolnikov.
“Ano?!” Parang hindi gaanong narinig ni Pyotr Petrovich ngunit di rin
siya nakasagot.
“Tama lahat ang sinabi ninyo,” nagmamadaling sinabi ni Zosimov.
“Totoo, hindi ba?” pagpapatuloy ni Pyotr Petrovich na malugod na
sumulyap kay Zosimov. Pagkatapos ay humarap siya kay Razumikhin. “Sumasang-
ayon kayo na may mga tagumpay o kung tawagin ngayon ay progreso, kahit man
lang sa ngalan ng agham o kaalamang pangkabuhayan,” sabi niyang may himig ng
panalo at kahigitan, at muntik nang idagdag ang taguring “bagong tao.”
“Pangkaraniwang lugar!”
“Hindi. Hindi ito pangkaraniwan! Kung halimbawang lagi nang sinasabi
sa akin ang “mahalin ang kapwa” at ako nama’y nagmahal, ano ang kahulugan
nito?” pagpapatuloy ni Pyotr Petrovich. At sa labis na pagmamadali, marahil
ay idinugtong, “Lumalabas na hinati ko ang aking suot at ibinigay ang kalahati
sa aking kapwa. Kaya’t pareho kaming naging kalahating hubad. Sabi nga ng
salawikaing Ruso, ‘Kapag humabol ka sa ilang kuneho nang sabay-sabay ay wala
kang mahuhuli ni isa.’ Sabi naman ng agham ay mahalin mo una sa lahat ang sarili
dahil ang lahat sa daigdig ay nakabatay sa sarili. Kung mamahalin mo lamang
ang sarili ay matatapos ang mga gawang gaya ng nararapat at ang iyong kasuotan
ay mananatiling buo. Idinagdag pa rito ang kaalamang pang-ekonomiya na
habang dumarami ang mga gawaing pribado sa lipunan o mga buong “kasuotan”
ay dumarami rin ang malalakas nitong pundasyon at gayundin ang mga usaping
pangkalahatan na lumalawak. Kung kaya’t habang dumarami ang mga biyaya at
yamang naiipon ko para sa sarili lamang ay parang nagkakaroon na rin ang lahat
ng iba pa at ito ay patungo sa sitwasyon kung saan ang kapwa ko ang magkakaroon
ng higit pa sa kaputol na damit. Ito ay hindi magmumula sa kabutihang-loob ng
iilang indibidwal, kundi dulot ng pangkalahatang progreso. Ang ideya ay simple
lamang ngunit sa kasamaang-palad ay matagal nang di-nasusumpungan dahil
156 FEODOR DOSTOYEVSKY

nababalumbunan ng pagkamapangarapin at labis na pananabik. Kinakailangan


lamang ng kaunting talas ng isip upang mahulaan ...”
“Ipagpaumanhin ninyo, ngunit hindi rin matalas ang aking isipan,”
matalim ang pagputol ni Razumikhin, “Kaya’t itigil na natin ito. Binuksan ko
ang tema dahil may layunin ako ngunit lahat ng mga salitang pampasaya lang ng
sarili, lahat ng mga walang-patlang, at tigil na mga pangkaraniwang kaisipan ay
tatlong taon ko nang pinagsasawaan. Ayaw ko nang sinasabi at lalo na’t marinig
na sinasabi ng iba. Maliwanag na nagmamadali kayong ipagparangalan ang
inyong mga napag-aralan. Iyan ay sadyang mapatatawad naman at di ko kayo
hinuhusgahan. Ngayo’y nais ko na lang malaman kung sino ba kayo dahil alam
ninyo, nitong mga huling araw, ay napakaraming klaseng tao ang yumayakap sa
sinasabing pangkalahatang gawain, at lahat ng kanilang masaling ay binabaluktot,
ayon sa sariling interes. Kaya’t ang lahat ay nasisira nila. Hmm ... tama na nga!”
“Mahal na Ginoo,” pagsisimula ni G. Luzhin na natigilan ngunit
punong-puno pa rin ng labis na kagustuhang makapagparangalan, “Maaari ba
ninyong sabihin, kung iminumungkahi ninyo na ako man ay ...”
“O, marangal na Ginoo, magagawa ko ba naman ang ganoon!” putol ni
Razumikhin at mabilis na hinarap si Zosimov upang ipagpatuloy ang kanilang
usapan kanina.
Lumitaw na may sapat na talino si Pyotr Petrovich upang noon din ay
tanggapin ang sinabi ng binata at nagpasyang makalipas lang ang mga dalawang
minuto’y lumisan na.
Sinabi niya kay Raskolnikov, “Umaasa ako na magpapatuloy ang ating
pagkakakilala kapag lumakas na ang inyong pakiramdam. Inaasam ko ang inyong
mabilis na paggaling at paglakas ng katawan ...”
Ni hindi lumingon si Raskolnikov. Tumayo na si Pyotr Petrovich.
“Tiyak na nagsasangla ang pumatay!” matiim na sabi ni Zosimov.
“Sigurado na nagsasangla,” susog ni Razumikhin. “Hindi ipinaaalam ni
Porfiri ang nasa isip subalit lahat ng mga nagsasangla ay kaniyang inuusisa ...”
“Inuusisa ba ang mga nagsasangla?” malakas na tanong ni Raskolnikov.
“Oo. Bakit?”
“Wala.”
“Paano niya nalalaman ang mga tao?” tanong ni Zosimov.
“Ang iba’y itinuro ni Koch, ang iba’y nakasulat sa balot ng mga isinangla,
at ang iba’y sila mismo ang pumunta matapos mabalitaan ...”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 157

“A, tuso at makaranasan. Siguro’y matigas talaga! Matapang at


determinado!”
“Iyon nga ang hindi!” putol ni Razumikhin. “Iyan ang pagkakamali
ninyong lahat! Ang sabi ko nama’y hindi tuso, hindi makaranasan, at malamang
ay baguhan. Kung ipagpalagay na planado at tantiyado ang lahat ay lilitaw na
imposible. Kung ipagpapalagay naman na baguhan ay lilitaw na suwerte lamang
ang nagligtas sa kaniya at ano ang di magagawa ng suwerte? Malamang na ni
hindi niya nakinita ang hadlang. At ano ang kaniyang ginawa? Kinuha niya ang
mga tigsasampu o tigdadalawampung rublong bagay na nakabalot sa basahan at
pinuno ang bulsa. Samantalang sa baul, sa itaas na kahon, at sa kabinet ay may
mga perang nagkakahalaga ng isang libo’t limangdaang rublo, liban pa sa mga
papel. Hindi siya marunong magnakaw, nakapatay lang. Baguhan ang sabi ko at
nataranta. Nakalusot dahil sinuwerte lang at di dahil tantiyado ang lahat.”
“Palagay ko, ito’y tungkol sa pagpatay sa matanda ...” sumali ulit si Pyotr
Petrovich, na kinausap si Zosimov. Siya’y nakatayo na’t hawak sa mga kamay
ang sumbrero at guwantes, at nagpasyang bago tuluyang umalis ay mag-iwan ng
ilang matalinong pangungusap. Malinaw na nagmamadali sa kagustuhan niyang
magkaroon ng magandang impresyon at pilit na pinaiikot nito ang isipan.
“Oo. Narinig na ba ninyo?”
“Siyempre, mula sa mga kapitbahay.”
“Alam ba ninyo ang detalye?”
“Hindi ko masasabi. Ngunit mayroon akong ibang interes, ibang
katanungan. Kahit hindi na sabihin ay sadyang dumarami ang kriminalidad
sa pagitan ng mga nakabababang-uri sa lipunan nitong huling limang taon.
Gayundin ang walang-humpay na nakawan at sunugan. Ang lubos ko lang na
ipinagtataka ay ang pagtaas din ng kriminalidad sa nakatataas na uri ng lipunan.
Bakit sabay? May maririnig ka na roon na may dating estudyanteng nangharang
ng kartero sa daan. Doon nama’y may mga kilalang tao na gumagawa ng pekeng
pera. Doon sa Mosku ay buong sindikato ang nahuling gumagawa ng pekeng
tiket sa lotto. At dito’y sangkot ang isang propesor ng Pandaigdigang Kasaysayan.
Doon naman sa ibang bansa ay pinatay ang isa nating Kinatawan dahil sa pera
o di-malamang dahilan ... at ngayon nga ay pinatay ng isa sa mga nagsasangla
ang matandang namomorsyento. Malamang na ang pumatay ay galing din sa mas
mataas na antas ng lipunan dahil hindi naman makapagsasangla ng ginto ang
karaniwang tao. Paano ba maipaliliwanag ang ganitong pagkasira ng sibilisadong
158 FEODOR DOSTOYEVSKY

bahagi ng ating lipunan?”


“Maraming pagbabagong pangkabuhayan ...” sagot ni Zosimov.
“Paano nga ba ipaliliwanag?” dagdag ni Razumikhin.
“Dahil nga sa masyadong namihasa ang tao sa kawalang-ginagawa.”
“Bakit nga ba?”
“Ganito ang naging sagot ng propesor sa Mosku nang siya ay tanungin
kung bakit siya gumagawa ng pekeng tiket: “Lahat ay yumayaman sa iba’t-ibang
paraan kaya’t ginusto ko ring magpayaman agad.”
“Di ko matandaan ang mga eksaktong salita ngunit ang laman ay
ganoon na nga—yumaman nang hindi nagpapakahirap! Sanay na tayo na lahat
ay nakahanda na para sa atin, nabubuhay sa tulong ng iba, at kinakain natin ang
nginuya na ng iba. Nang dumating ang takdang panahon ay ipinagpalit ng bawat
isa ang tunay na pinaniniwalaan ...”
“Ngunit paano ang moralidad? Ang mga patakaran?”
“Ano ang ikinababahala ninyo?” di-inaasahang pakikihalubilo ni
Raskolnikov, “Sang-ayon iyon sa inyong teorya!”
“Papaanong ayon sa aking teorya?”
“Ituloy ninyo hanggang sa dulo ang kanina pa ninyo ipinagpaparangalan
at lalabas na puwedeng ... kumatay ng tao!”
“Maghunos-dili kayo!” sigaw ni Luzhin.
“Hindi. Hindi ganoon!” reaksyon ni Zosimov.
Nakahiga si Raskolnikov. Maputla, nanginginig ang pang-itaas na labi,
at nahihirapang huminga.
“May hangganan ang lahat!” mapagmataas na pagpapatuloy ni
Luzhin, “Ang ideyang pang-ekonomiya ay hindi paanyayang pumatay at kung
ipagpapalagay lamang na ...”
“Pero totoo ba na kayo ...” biglang sabad ni Raskolnikov, na nanginginig
ang boses sa galit. Kasabay nito ang nararamdamang saya dahil sa nakasasakit
ito ng damdamin, “Totoo ba na sinabi ninyo sa inyong kasintahan ... nang oras
mismong nakuha ninyo ang kaniyang sagot ... na labis ninyong ikinatutuwa ... na
siya’y isang pulubi ... dahil mas kapaki-pakinabang na kuning mapangangasawa
yaong mula sa kahirapan upang pagkatapos ay pagharian siya ... at gumawa ng
tunay na kabutihang-loob para sa kaniya?”
“Mahal na ginoo!” galit at nanginginig na sigaw ni Luzhin na nag-init at
nataranta, “ ... Mahal na ginoo ... papaanong nabaluktot nang ganoon ang ideya
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 159

ko ... ipagpaumanhin ninyo ngunit dapat kong sabihin na ... ang mga tsismis na
nakarating ... o ipinarating sa inyo ... ay wala ni anino ng katinuan ng isip ... at ako
... sa hinala ko ... sa madaling salita ... ang paninirang-puri na ito ... ay galing sa
inyong mamasha ... Ang akala ko pa nama’y sa kabila ng lahat ay may maganda rin
siyang katangian ... mabait at may pagka-idealista’t romantisista ... Hindi ko pa rin
maisip at malayo sa aking hinagap na mababaluktot niya nang ganoon at ganoon
niya naiintindihan ang ibig kong sabihin at gawin ... sa wakas ... sa wakas ...”
“A, alamin ninyo ito!” sigaw ni Raskolnikov. Bumangon siya at matalim
ang nangingislap niyang mga mata sa pagkakatitig, “Alamin ninyo na ...”
“Ano?” tumigil si Luzhin at naghintay na masama ang loob na tila
naghahamon. Ilang sandaling katahimikan.
“ ... na minsan pang maglakas-loob kayong banggitin man lang o ipaalala
ang ... aking ina ... ay ihuhulog ko kayo sa hagdan!”
“Ano ka ba?” sigaw ni Razumikhin.
“A, ganoon pala, ha!” namutla si Luzhin at kagat-labing sinabi, “Makinig
ka, Ginoo,” sabi niyang nananantiya at buong lakas na pinipigil ang sarili ngunit
ipit ang paghinga, “Kanina pa nang una pa lang ay hula ko na ang inyong pagkainis.
Nagtagal ako upang higit itong malaman. Kaya kong patawarin ang maysakit at
kamag-anak ngunit ngayon ... kayo ... di kailanman ...”
“Wala akong sakit!” sigaw ni Raskolnikov.
“Lalo na ...”
“Lumayas kayo! Pumasa-impiyerno na kayo!”
Ngunit nakalabas na si Luzhin at di na tinapos ang sasabihin. Muli
siyang dumaan sa pagitan ng mesa at upuan. Sa pagkakataong ito’y tumayo si
Razumikhin upang siya’y paraanin. Hindi siya tumingin kahit kanino, ni hindi
niya tinanguan si Zosimov, na kanina pa tumango upang pabayaan na ang
maysakit. Nang lumabas si Luzhin at yumuko sa may pinto ay bahagyang inilagay
ang sumbrero sa may balikat dala ng pag-iingat. Maging ang kurbada ng kaniyang
gulugod ay nagsasabing dala niya ang matinding pagkapahiya at sama-ng-loob.
“Puwede ba naman ang ganoon?” sabing naguguluhan ni Razumikhin at
napaiiling.
“Iwan ninyo akong mag-isa!” nagwawalang sigaw ni Raskolnikov. “Iiwan
ba ninyo ako? Mga berdugo! Hindi ako natatakot sa inyo. Wala! Wala na akong
kinatatakutan ngayon! Layuan ninyo ako! Nais kong mapag-isa, mag-isa, mag-
isa!”
160 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Tayo na!” sabi ni Zosimov na tinanguan si Raskolnikov.


“Teka muna, maaari ba natin siyang iwan sa ganitong kalagayan?”
“Tayo na!” mapilit na ulit ni Zosimov at lumabas na. Nag-isip si
Razumikhin at mabilis na humabol.
“Mas masama kung di natin siya susundin,” sabi ni Zosimov nang sila’y
nasa hagdan na. Hindi siya dapat galitin …”
“Anong nangyayari sa kaniya?”
“Kung may mabuting bagay man lang sana na makapagpapahinahon
sa kaniya ngunit heto pa ang nangyari. Kanina’y medyo malakas na siya ... alam
mo ba na parang may nakabibigat sa kaniyang isipan? Mayroong nakadagan,
nagpapahirap sa kaniya ... iyon ang tunay kong kinatatakutan.”
“Siguro’y ang taong iyon. Si Pyotr Petrovich nga ba? Sa usapan kanina
ay lumilitaw na pakakasal siya sa kaniyang kapatid. At tungkol doon ang sulat na
natanggap ni Rodya bago siya magkasakit.”
“Oo nga. Demonyo ang nagpadpad sa kaniya rito. Siguro nga’y nasira
niya ang lahat. Pero napansin mo ba na wala siyang pakialam sa lahat? Isa lang ang
kaniyang interes na pinakikinggan: ang pagpatay.”
“Oo nga!” sagot agad ni Razumikhin. “Napuna ko talaga! Interesado na
natatakot. Iyon din ang tumakot sa kaniya sa presinto kaya’t nawalan ng malay-
tao.”
“Ikuwento mo iyan sa akin nang detalyado mamayang gabi at meron
akong ipaaalam sa iyo. Interesado rin ako sa kaniya ... interesado ... Mga kalahating
oras ay babalik ako ... mawawala na ang kaniyang lagnat ...”
“Salamat sa iyo! Maghihintay na lang ako kina Pashenka at oobserbahan
siya sa tulong ni Nastasya.”
Naiwan si Raskolnikov. Hindi makapaghintay at naiinip na tumingin kay
Nastasya na hindi nagmamadaling umalis.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 161

VI

PAGKALABAS NIYA AY TUMAYO ang binata at isinusi ang pinto. Kinalag


ang dinala kanina ni Razumikhin na maiging nakabalot at siya’y nagbihis
na. Nakapagtatakang bigla siyang naging panatag. Wala na ang tila baliw na
pagdedeliryong gaya kanina. Wala na ring panik at takot gaya nitong huli. Isa
itong sandali ng bigla at kakaibang katahimikan. Ang kaniyang kilos ay malinaw
at tiyak. Dito’y makikita ang matigas na determinasyon. “Ngayong araw ring ito!
Ngayong araw ring ito!” bulong niya sa sarili. Gayumpaman, alam niyang mahina
pa siya ngunit ang malakas na espiritwal na tensyon na nagbigay-kapanatagan
at tiyak na kaisipan ay nagpalakas pa sa kaniya at nagbigay-tiwala sa sarili.
Umaasa siyang hindi babagsak sa daan. Isinuot niya ang mga bagong damit at
namataan ang perang nakapatong sa mesa. Siya’y nag-isip at ibinulsa ang mga ito.
Dalawampu’t limang rublo ang pera. Kinuha rin niya ang mga baryang tansong
sukli ni Razumikhin sa sampung rublong ipinambili niya ng damit. Pagkatapos ay
tahimik na inalis ang kandado, lumabas sa kuwarto, bumaba sa hagdan, at sumilip
sa nakabukas na kusina. Si Nastasya ay nakatalikod. Nakayukong hinihipan ang
samovar ng kaserang may-ari. Wala siyang anumang narinig. At sino ang mag-
aakalang siya ay lalabas? Makaraan ang ilang sandali’y nasa kalsada na siya.
Kanina pa lumubog ang araw. Mag-aalas-otso na. Ang alinsangan
ay ganoon pa rin katindi ngunit uhaw niyang nilanghap ang hangin, ang baho,
162 FEODOR DOSTOYEVSKY

at ang alikabok ng lungsod. Nagsimulang umikot nang bahagya ang kaniyang


paningin. May kung anong ligaw na lakas ang kumikislap sa kaniyang maiinit na
mata at maimpis na namumutlang mukha. Hindi niya alam at di niya inisip kung
saan pupunta ngunit iisa ang nasa isip: kailangang tapusin ang lahat sa araw na
ito. Minsanan, ngayon din. Hindi siya babalik sa bahay na hindi ito natatapos,
sapagkat ayaw na niyang mabuhay nang ganito.
Kung paano at sa anong paraan ay hindi niya alam at ayaw niyang pag-
isipan. Itinataboy niya ang lahat ng ideya na nagpapahirap naman sa kaniya.
Nararamdaman lamang niya na kailangang lahat ay magbago sa kung papaanong
paraan. “Anuman ang mangyari,” ulit niya sa sariling may desperasyon at di-
matinag na tiwala at katiyakan.
Gaya ng dating nakaugalian ay nagdaan siya sa dating dinaraanan at
nagtuloy sa Sennaya. Hindi pa nakaaabot sa Sennaya, sa may tulay sa harap ng
tindahang sari-sari, ay nakatayo ang ilang musikero na may maitim na buhok at
umiihip ng isang napakasentimental na awit. Sinasabayan nila ang isang batang
babae na nasa edad labinlima. Nakatayo ito sa tabing daan. Magara ang kaniyang
damit, may krinoling mantel, nakaguwantes, at may sumbrerong may kulay apoy
na balahibo. Lahat ay gasgas at gamit na. Pangkalsada ang kaniyang magaspang
ngunit maganda rin naman at malakas na boses na umaawit ng romantikong kanta
sa pag-asang maaabutan ng dalawang kopek ng tindahan. Tumigil si Raskolnikov.
Katabi siya ng dalawa-tatlong nakikinig. Nakinig siya at kumuha ng limang kopek
at ibinigay sa babae. Biglang pinutol ng babae ang pagkanta sa pinakamataas at
sensitibong parte ng pag-awit at matalim ang sigaw sa tumutugtog: “Mayroon na!”
At sabay nang lumapit sa kabilang tindahan.
“Gusto ba ninyo ng kantang pangkalsada?” tanong niya sa katabi. Di na
kabataang nagdaan na nakatayo sa tabi ng manunugtog. Ito’y nagtaka at gulat na
tumingin sa kaniya. Nagpatuloy si Raskolnikov, “Gustong-gusto ko ang nakikinig
...” Ngunit sa anyong tila hindi naman ang pag-awit sa daan ang tinutukoy. “Gusto
ko ang pag-awit habang sinasaliwan ng organo sa malamig, madilim, at basang
gabi ng taglagas. Iyon talagang basa ang paligid, kung kailan lahat ng nagdaraan ay
maputla, berde, at mukhang maysakit. O, kaya’y mas maganda kung bumabagsak
ang natutunaw na yelo. Iyong tuloy-tuloy na walang hangin, di ba? Tapos ay may
ilaw na de-gaas ang kumikislap ...”
“Hindi ko alam ... Ipagpaumanhin ...” bulong nitong lumipat sa kabilang
daan. Natakot sa tanong at kakaibang anyo ni Raskolnikov.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 163

Nagpatuloy si Raskolnikov at nakarating sa may kanto sa Sennaya kung


saan nagtawanan ang isang lalaki at babaeng nakipag-usap noon kay Lizaveta.
Ngunit wala sila ngayon doon. Nang makilala ang lugar ay huminto siya. Luminga-
linga at tinungo ang isang binata na nakapulang damit at nakatayo sa pasukan ng
tindahan ng mais.
“Nasaan ba rito iyong lalaking nagtitinda sa kanto na kasama ang asawa?”
“Maraming nagtitinda rito,” sagot ng binatang mapagmataas at sinusukat
si Raskolnikov.
“Anong pangalan niya?”
“Kung ano ang ibininyag, iyon ang tawag!”
“Taga-Saray ka, di ba, anong probinsya?” muling tinitigan ng binata si
Raskolnikov.
“Kamahalan, hindi probinsya ang amin, kundi distrito.”
“Hindi ako gaanong umaalis sa bahay kaya di ko alam ... Ipagpaumanhin
ng inyong kamahalan. Kainan ba ang nasa itaas na iyon?”
“Oo at mayroon ding bilyaran. Makakakita ka rin ng mga prinsesa ...
Hoy!”
Tinahak ni Raskolnikov ang plaza. Sa may sulok ay nakatayo ang
maraming tao, puro mga lalaki. Sumingit siya sa pinakamasikip na parte habang
tumitingin sa mga mukha ng naroroon. Kung bakit parang gusto niyang kausapin
ang lahat. Ngunit hindi siya pinansin ng mga lalaki. Lahat ay nag-iingay at kani-
kaniyang grupo. Sandali siyang tumayo, nag-isip, at lumiko sa kanan. Nagtungo
na siya sa daan kung saan di na kailangang bagtasin pa ang plaza para umabot sa
kanto.
Dati na siyang nagdaraan sa maikling kantong ito na kumukurba at
naglalagos mula sa plaza tungo sa Sadovaya. Nitong huli’y parang hinihila siyang
magpunta sa mga ganitong lugar sa tuwing siya’y nababagot ... Marahil ay upang
lalong mabagot.
Ngayon ay nagtuloy siyang walang anumang iniisip. Doon ay may
malaking gusali. Maraming maiinom at iba pang lugar na makakainan o
mapaglalasingan. Manaka-naka’y makakakita ng mga humahangos na babaeng
nakadamit na akala mo’y nasa bahay lamang, nakayangyang ang buhok at manipis
ang damit. May dalawa o tatlong nag-umpukang grupo sa tabing daan, lalo na sa
may pinto sa unang palapag kung saan may iba’t ibang bahay-aliwan. Sa isa sa mga
ito ay maririnig ang ingay at kasiyahan sa buong kalsada: tugtog ng gitara, awitan,
164 FEODOR DOSTOYEVSKY

at pagkakasayahan. Malaking grupo ng kababaihan ang nag-iipon sa may pinto.


Ang iba’y nakaupo sa hagdan, ang iba nama’y sa tabing daan, at ang iba’y nakatayo
at nagkukuwentuhan.
Sa may malapit na tulay ay may malakas na nagmumurahan at
humahapay ang isang lasing na sundalong naninigarilyo, na parang may gustong
pasukin ngunit nalimutan kung alin. Isang sisiga-siga ang nakikipag-away sa isa
pa at may isa namang halos patay na sa kalasingan ang nakabalagbag sa daan.
Huminto si Raskolnikov sa may malaking grupo ng kababaihan. Malakas ang
kanilang kuwentuhan. Lahat sila’y nakadamit na yari sa bulak at sapatos na balat
ng kambing. Sila ay mga walang sumbrero. Ang iba’y nasa mga edad apatnapu na,
ngunit ang iba’y may labimpitong taong gulang pa lamang. Lahat ay namumugto
ang mga mata.
Kung bakit parang nagugustuhan niya ang awitan, saya, at pag-iingay
sa ibaba ... Mula roo’y naririnig sa pagitan ng halakhakan at sigawan, kasabay
ng matinis na pag-awit at tunog ng gitara, ang nagwawalang pagsayaw ng isang
isinasabay ang tunog ng takong sa tugtog. Mataman, malungkot, at tila malalim
ang iniisip na siya’y nakinig. Yumuko siya sa may bungad at mula roo’y kuryosong
sumilip sa loob:
“O, giliw kong tunay na magaling,
Huwag mo naman akong basta bugbugin!”
Pumaiilanlang ang matinis na tinig ng mang-aawit. Gusto lamang
malaman ni Raskolnikov kung ano ang kaniyang inaawit. Iyon lamang.
“Pumasok kaya ako?” naisip niya. “Nagkakasayahan. Iinom ako. Bakit
nga ba hindi ako magpakalasing?”
“Hindi ba kayo tutuloy, butihing binata?” tanong ng isa sa mga babae sa
matunog at tila di pa nahihimasmasang boses. Isa siya sa naroroong grupo na bata
pa at hindi masama ang hitsura.
“Hmm ... maganda,” sabi niyang dumiretso at tumingin sa babae.
Napangiti ang babae at nagustuhan niya ang papuri.
“Kayo man ay napakakisig!” sabi niya.
“Ang payat!” puna ng isa sa mababang boses, “Kalalabas lang yata ng
ospital.”
“Lahat sila’y mukhang anak ng heneral—puro pango ang ilong!” putol ng
isang lalaking biglang lumapit, na masayang nakangiti at maluwag na nakabukas
ang amerikana. “Masaya rito!”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 165

“O, tuloy na, dumating ka na rin lang!”


“Papasok na ako, darling!” At siya’y mabilis na bumaba.
Nagpatuloy si Raskolnikov sa paglalakad.
“Sandali lang, binata!” sigaw ng dalaga.
“Bakit?”
Nag-atubili ito sa pagsagot, “Lagi kong ikatutuwa, o, butihing binata,
na pagsaluhang kasama ninyo ang mga oras pero ngayon, kung hindi ninyo
masasamain, maaari ba ninyo akong bigyan, o mabuting kabalyero, ng kahit anim
na kopek lang na pang-inom?”
Dumukot sa bulsa si Raskolnikov at ibinigay kung ilan ang nakuha na
labinlimang kopek.
“O, napakabait na binata!”
“Anong pangalan mo?”
“Itanong n’yo lang si Duklida.”
“Hindi. Iba na iyan!” biglang puna ng isa sa grupo na umiiling kay
Duklida. “Iyan ang hindi ko na kaya—ang humingi! Hindi makakaya ng aking
konsensya ...”
Kuryosong tumingin si Raskolnikov sa nagsalitang babae. Siya’y mga nasa
tatlumpung taong gulang, mapekas ang mukha, nangangalumata, at namamaga
ang pang-itaas na labi. Ang pananalita niya’t paghusga ay panatag at seryoso.
“Saan na kasi iyon?” inaalala ni Raskolnikov habang patuloy sa paglalakad.
“Saan ko kasi nabasa na ang isang pinatawan ng parusang kamatayan, isang oras
bago bitayin, ay nagsalita at nag-iisip na di na baleng mabuhay siya kahit sa
isang mataas na lugar, isang talampas o kapirasong lupa lang, na tamang-tamang
dalawang paa lang niya ang nakatutungtong; samantalang sa buong paligid ay
bangin, dagat, walang-hanggang karimlan, pag-iisa, at walang-katapusang unos,
at mananatili siya roong nakatayo sa tuktok ng kalawakan habambuhay, isang
libong taon o walang-hanggan, ay mas nanaisin na niya, basta’t mabuhay lang at
huwag mamatay ngayon. Kahit papaano pa, basta’t mabuhay lang, mabuhay nang
mabuhay! Ganyan ang katotohanan! O, Panginoon, ano ang katotohanan? Ang
tao ay masama ... at masama rin ang taong nagsasabi na masama siya dahil doon,”
idinagdag niya makaraan ang isang sandali.
Lumabas siya sa kabilang kalsada. “Aba, Palasyong Kristal! Kanina’y may
sinabi si Razumikhin tungkol sa Palasyong Kristal. Ito lang ang gusto ko ... oo,
nabasa ko ... sabi rin ni Zosimov na nabasa niya sa diyaryo ...”
166 FEODOR DOSTOYEVSKY

“May diyaryo ba?” tanong niya pagpasok sa malawak at maganda ring


restawran at tirahan na may ilang mga kuwarto. Ang ilan ay bakante. May
dalawa-tatlong parokyano na umiinom ng tsaa at sa isang kuwarto sa dulo ay may
nakaupong apat na kataong umiinom ng champagne. Sa tingin ni Raskolnikov ay
parang naroon si Zamyotov. Pero mula sa malayo ay di mo talaga mapagsisino. “A,
di bale!” naisip niya.
“Oorder ba kayo ng vodka?” tanong ng tagapagsilbi.
“Bigyan mo ako ng tsaa at dalhan mo ako ng mga diyaryo ... mga luma,
hanggang iyong mga limang araw na kaluma. Bibigyan kita ng pang-vodka.”
“Masusunod. Heto ang mga diyaryo, pati ngayong araw at saka tsaa, di
ba?”
Dala ang tsaa at lumang diyaryo, umupo si Raskolnikov at nagbukas na
may hinahanap. “Hmm ... hmm ... hmm ... Pwe! Demonyo! A, heto ang ilang
balita: Nahulog sa hagdan; lalaking nasunog sa alak; sunog sa Peski; sunog sa
Peterburg, sunog pa sa Petersburg; at isa pang sunog sa Petersburg. Hmm ... hmm
... hmm ... A, heto ...”
Sa wakas ay nakita niya ang hinahanap at binasa. Naglulundagan ang
mga linya ng titik sa kaniyang mga kamay habang inililipat ang mga pahina
dahil sa matinding pananabik na di-makapaghintay. Nang biglang may umupo sa
kaniyang tabi, sa kaniyang mesa. Sinulyapan niya at ... Si Zamyotov nga. Gayundin
ang kaniyang ayos—may guwantes, kuwintas, may umaalong kulot na itim na
buhok, may hati at napopomadahan, suot ang magandang waistcoat, bahagyang
lukot na amerikana, at linen na di-bago. Masaya siya, napakasigla, at malugod na
ngumiti. Ang kaniyang bilog na pisngi ay bahagyang nag-iinit dahil sa nainom na
champagne.
“Ano? Narito kayo?” simula niyang nagtataka at sa tonong isang siglo
na silang magkakilala. “Sabi sa akin ni Razumikhin kahapon na wala pa kayo sa
inyong sarili. Nakapagtataka! Galing ako sa inyo kahapon, a!”
Alam ni Raskolnikov na lalapitan siya nito. Isinara niya ang diyaryo at
humarap kay Zamyotov. May ngiti ng pang-uuyam sa kaniyang mga labi at sa
ngiting iyon ay mababakas ang galit at inip.
“Alam ko iyon na naroon kayo ...” sagot niya, “Narinig kong hinanap
ninyo ang medyas ... alam ba ninyo, buhos ang loob sa inyo ni Razumikhin. Sabi
niya’y magkasama kayong pumunta kay Laura Ivanovna, na tinangka ninyong
kaibiganin noon ... Kinindatan pa ninyo tungkol dito yung mainit na tenyente
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 167

ngunit wala siyang naintindihan, naaalala ba ninyo? A, paanong di maintindihan


samantalang malinaw naman ang lahat, di ba?”
“Pero ang init niya talaga, ano?”
“‘Yong tenyente?”
“Hindi. Ang kaibigan ninyong si Razumikhin.”
“A, maganda ang buhay ninyo, G. Zamyotov. Nakapapasok kayo sa
pinakamagandang lugar na walang-gastos! Sino ngayon ang nagpainom sa inyo
ng champagne?”
“A, umiinom tayo, di ba? Kaya naglagay sa baso, di ba?”
“Honoraryum! A, nagagamit ninyo lahat!” tumawa si Raskolnikov. “Okey
lang, mabait na bata, okey lang!” dagdag niya sabay tapik sa balikat ni Zamyotov.
“Huwag namang masamain, ako nama’y nagbibiro lang sa isang kaibigan,
parang ‘yong trabahador na nang-away kay Mitka, ‘kita mo? ‘Yong nangyari sa
matanda?”
“At paano ninyong nalaman?”
“Siyempre, baka nga mas marami pa akong alam kaysa inyo.”
“Talagang kayo’y nakapagtataka ... Maysakit pa kayo. Hindi kayo dapat
lumabas ...”
“Sa tingin ba ninyo’y nakapagtataka ako?”
“Oo. Ano ba iyang binabasa ninyo, diyaryo?”
“Diyaryo.”
“Puro sunog ang isinusulat.”
“Hindi sunog ang binabasa ko.” At makahulugan siyang tumingin kay
Zamyotov. Ang kaniyang ngiting mapang-uyam ay muling nagpaliko sa kaniyang
mga labi. “Hindi tungkol sa sunog ang binabasa ko,” pagpapatuloy niyang kumindat
pa kay Zametov, “At magtapat ka, butihing binata, na labis ang kasabikan ninyong
malaman kung ano ang binabasa ko.”
“Hindi. Hindi ako interesado. Naitanong ko lang. Bakit? Masama bang
itanong? E, hanggang ngayon kayo’y ...”
“Hindi ba’t edukado kayo at ilustrado?”
“Tapos ako ng Ikaanim na Baitang sa Gymnasium,” sagot na may
pagmamalaki ni Zamyotov.
“Ikaanim na Baitang! O, magaling na pipit! Sa iyong malaking singsing
sa daliri ay... mayaman kang tao! A, magaling na bata!” At biglang inihit ng
nakababahalang tawa si Raskolnikov sa tapat ng mismong mukha ni Zamyotov,
168 FEODOR DOSTOYEVSKY

na napaurong dahil sa pagkagulat.


“A, nakabibigla kayo!” seryosong sabi ni Zamyotov, “Wala na akong duda
na kayo’y nagdedeliryo pa.”
“Nagdedeliryo? Mali ka, pipit! Okey, kakaiba ako, pero kuryoso ka sa
akin, di ba?”
“Oo, kuryoso.”
“ ... na malaman kung ano ang aking binasa, kung ano ang aking hinanap?
Tingnan mo nga kung ilang diyaryo ang ipinadala ko! Nakapagdududa, di ba?”
“O, sige, sabihin ninyo.”
“Butas sa tenga?”
“Anong butas sa tenga?”
“Saka ko na sasabihin kung ano at ngayon, kaibigan, ay ipinaaalam ko
sa inyo ... Hindi. Mas mabuting sabihin na ‘ipinagtatapat ko’ ... hindi. Hindi
rin ganoon ... mas tama na ‘magbibigay ako ng salaysay at kayo ang kukuha.’
Ganoon nga! Isasalaysay ko kung ano ang aking binasa, pinag-interesang hinanap,
at inimbestigahan.” Iminulagat pa ni Raskolnikov ang mga mata at naghintay,
“Pumasok ako rito upang imbestigahan ang ukol sa pagpatay sa matanda.” Sa
wakas ay nabanggit niyang pabulong at itinutok nang napakalapit ang mukha
sa mukha ni Zamyotov. Titig na titig sa kaniya si Zamyotov, na di-tumitinag at
hindi rin inilalayo ang mukha sa mukha ni Raskolnikov. Ipinagtaka rin ng labis ni
Zamyotov na eksaktong isang minuto silang walang-kibo at gayundin katagal na
nakatitig sa isa’t isa.
“O, ano nga ba ang inyong binabasa?” bigla niyang isinigaw na
naguguluminahan at naiinip. “Ano ba ang pakialam ko, kung anuman?”
“Ukol din sa matandang iyon,” pagpapatuloy ni Raskolnikov, na
bumubulong sa di pa rin tumitinag na si Zamyotov, “Siya na nga mismo, nang
pagkuwentuhan siya sa presinto, ay nawalan ako ng malay-tao. O, naiintindihan
na ninyo ngayon?”
“Ano ba ito? Anong naiintindihan na?” bigkas ni Zamyotov na halos
kinakabahan na.
Sa isang iglap ay nagbago ang matigas at seryosong mukha ni Raskolnikov
at bigla’y inihit na naman ng nakababahalang halakhak, gaya kanina na parang wala
siyang anumang lakas upang pigilin ang sarili. At sa isang kisapmata ay naalala
niya nang buong linaw ang pakiramdam niya noong sandaling siya’y nakatayo
sa likod ng pinto, noong sa harap ng pinto’y may nagmumurahan at nagtatalo.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 169

Samantalang siya naman ay parang gusto nang sumigaw, murahin, pakitaan ng


dila, galitin, pagtawanan sila, at tumawa nang tumawa nang tumawa.
“Nababaliw na kayo o kaya’y ...” bulong ni Zamyotov. At natigilan sa
biglang pumasok sa isip at kumislap.
“O kaya’y ano? Anong ‘o kaya?’ Sabihin ninyo!”
“Wala!” galit na sagot ni Zamyotov, “Kalokohan!”
Kapwa sila tumahimik. Makaraan ang bigla at di-mapigil na matinding
pagtawa ay malungkot na nagsawalang-kibo at malalim na nag-isip si Raskolnikov.
Yumuko siyang sapo ng kamay ang ulo at nagmukmok sa kinalalagyan. Sa
wari’y nalimutan na ang lahat tungkol kay Zamyotov. Matagal na naghari ang
katahimikan.
“Bakit di ninyo iniinom ang inyong tsaa? Lalamig na iyan,” sabi ni
Zamyotov.
“Ha? Ano? Tsaa? A ... oo ...” Lumagok sa baso si Raskolnikov. Sumubo
siya ng kapirasong tinapay at nang mapatingin kay Zamyotov ay para bang nabigla
na naalala ang lahat. Muling bumakas sa mukha niya ang kaninang nang-uuyam
na tawa. Muli siyang uminom ng tsaa.
“Maraming manggagantso ang naglitawan ngayon,” sabi ni Zamyotov,
“Kamakailan lang, nabasa ko sa Balitang Mosku na may buong sindikatong
gumagawa ng huwad na pera ang nahuli. At may buong organisasyon na
namemeke ng tiket.”
“O, matagal na iyan! Isang buwan na ang nakararaan nang aking mabasa
iyan,” mahinahong sagot ni Raskolnikov. “Sa tingin ninyo’y mga manloloko sila?”
dagdag niya na tumatawa.
“Ba’t di magiging manloloko?”
“Ang mga iyon? Mga bata, mga mangmang, at hindi manloloko!
Limampung katao ang mag-iipon-ipon para sa ganoong layunin! Puwede ba iyon?
Baka tatlo ay puwede pa at iyon ay kung mas mataas ang tiwala ng bawat isa sa
isa’t-isa kaysa sarili! Dahil may isa lang na magkamaling madulas ay babagsak
na ang lahat! Mga bobo! Umupa ng mga di-mapagkakatiwalaang tao upang
mameke ng pera! Pagkakatiwalaan mo ba ang kahit na sinong makasalubong mo
sa ganoong bagay? Ipagpalagay mang nagawa nilang makapagpalit ng pera, kahit
milyon bawa’t isa, pagkatapos ay paano na? Habambuhay nang magiging depende
ang bawat isa sa isa’t-isa? A, mabuti pang magpakamatay na lang! Pero ni hindi
sila marunong magpapalit. Nang magpapalit na sa palitan ng pera at makakuha
170 FEODOR DOSTOYEVSKY

ng limang libo ay nanginig na ang mga kamay. Ang apat na libo’y binilang ngunit
ang ikalima’y kinuha na lang nang hindi binilang. Ibinulsa na’t nagmamadaling
makaalis. Kaya’t pinagdudahan sila at nasira ang lahat dahil sa isang gago! Puwede
ba naman ang ganoon?”
“Kung nanginig ba ang kamay?” salo ni Zamyotov, “Posible nga! Hindi
buo ang tiwala ko na posible nga. Hindi mo mapipigilan.”
“Ganoon na nga, di ba?”
“A, kayo ba’y mapipigilan ninyo? Kung ako’y di ko mapipigilan! Gagawin
ang ganoon para lang sa isang daang rublong gantimpala! Saan ka tutuloy nang
may dalang pekeng pera, sa bangko, kung saan nadale ang hunghang? Hindi.
Mag-aalangan ako. Kayo ba’y hindi magdadalawang-isip?”
Bigla’y may matinding pagnanasang naramdaman si Raskolnikov na
ilabas ang dila ngunit gumagapang sa kaniyang gulugod ang suma-sumandaling
matinding antok.
“Hindi ganoon ang gagawin ko kung ako,” tila wala sa sarili niyang sabi,
“Kung ako, ganito ko ipagpapalit: bibilangin ko ang unang isang libo nang apat
na beses at titingnang mabuti ang bawat papel. Pagkatapos ay isusunod ko ang isa
pang libo. Bibilangin ko hanggang kalahati, huhugot ako ng isang lilimampuing
rublong papel, at aaninawin kong mabuti sa liwanag. Babali-baligtarin ko pa at
baka peke. At kukuwentuhan ko siya tungkol sa kamag-anak na kunwa’y nawalan
ng dalawampu’t limang rublo sa ganoong paraan. At sisimulan ko ang pagbibilang
sa ikatlong libo at matitigilan ako. Bibitiwan ko at babalikan ang pangalawang libo,
na kunwa’y nagkamali ako sa ikapitong daan. Ganoon ang gagawin ko hanggang
sa ikalimang libo. At pagkatapos ng lahat ay huhugot ako mula sa ikalima
at ikalawang libo, at muli’y itatapat ko sa liwanag at nag-aalinlangang babali-
baligtarin upang ipagpalit sa iba. A, pagpapawisan nang husto sa akin ang kahera
at di na alam kung paano ako paaalisin! Aasamin niyang matapos na ang lahat
at pagbubuksan pa ako ng pinto upang makalayas na. Ngunit, ipagpapaumanhin
nila dahil babalik ulit ako upang humingi ng paliwanag. Ganoon! Ganoon ang
gagawin ko kung ako!”
“Ha! Kung ano-anong kalokohan ang sinasabi ninyo!” sabing tumatawa ni
Zamyotov, “Pero, iba ang salitaan lang pagdating sa gawa. Palagay ko’y matatapilok
kayo. Pero ganito ang masasabi ko, hindi lang ako at ikaw—tayo. Pero maging
ang sanay at desperadong tao ay hindi rin nakatitiyak sa ganoong pagkakataon.
Kahit hindi na tayo lumayo pa. Halimbawa na lang ang matandang pinatay rito sa
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 171

atin. Nakipagsapalaran ang desperadong tao, may araw pa at maliwanag. Milagro


nga lang ang nagligtas sa kaniya. Pero nanginig din ang kamay at hindi talaga
nakuhang magnakaw. Hindi nakayanan ... kitang-kita ...”
Parang nasaktan si Raskolnikov.
“Kitang-kita pala! Sige, hulihin ninyo. Dalhin ninyo siya rito ngayon!”
sigaw niyang nakaloloko.
“Ano pa nga ba? Mahuhuli iyon.”
“Sino ang huhuli, kayo? Hirap kayo dahil ang mahalaga sa inyo ay kung
gagastos ba ang tao o hindi? Kung walang pera ang isa, pagkatapos ay bigla na
lang gumastos, ay siya na nga! Pag ganyan, kahit sinong bata, kung gugustuhin, ay
maililigaw kayo!”
“Ganoon na nga. Ganoon ang ginagawa nilang lahat,” sagot ni Zamyotov,
“Papatay nang buong katusuhan, pati buhay ay itinataya. Pagkatapos ay babagsak
lang sa inuman. Doon sila hinuhuli sa paggasta. Hindi naman lahat ay gaya
ninyong matalino. Siyempre, hindi kayo tutuloy sa inuman, di ba?”
Kunot-noong tinitigan ni Raskolnikov si Zamyotov.
“Mukhang nasisiyahan kayo. Siguro’y nais ninyo ring malaman kung ano
ang ginawa ko kung ako iyon?” tanong niyang di-natutuwa.
“Oo,” matigas at seryoso nitong sagot.
“Gustong-gusto?”
“Gustong-gusto!”
“Sige. Kung ako iyon ay ganito ang aking gagawin,” simula ni Raskolnikov
na muling titig na titig na itinutok ang mukha sa mukha ni Zamyotov at muli’y
pabulong na nagsalita, na sa pagkakataong ito’y napakislot ang isa, “Kukunin ko
ang mga pera at alahas at tuloy-tuloy na lalabas. Wala akong ibang pupuntahan,
kundi sa walang taong lugar, tahimik, doon sa mga bakod lang, at walang sinuman.
Mayroon na akong alam doon sa bakurang iyon, na may malaking batong mabigat
sa isang sulok, na matagal nang naroroon, na noon pa mang itinayo ang bahay ay
nakalatag na roon. Iaangat ko ang batong iyon at sa ilalim nito ay tiyak na may
hukay. Ilalagay ko ang lahat ng pera at gamit doon. Pagkaayos ay tatakpan ko ulit
ang bato sa ganoon ding ayos, tatapakan ng paa, diriinan, at aalis na. Magpapalipas
ako ng isa, dalawa o tatlong taon, at di ko iyon gagalawin. Maghanap kayo! At
ewan ko kung ano ang lalabas!”
“Nasisiraan kayo ng bait!” pabulong ding sabi ni Zamyotov at inilayo
ang mukha sa kung anong dahilan. Kumikislap ang mga mata ni Raskolnikov na
172 FEODOR DOSTOYEVSKY

putlang-putla. Kumikibot at nanginginig ang kaniyang itaas na labi. Tinutukan


niya ulit si Zamyotov, tutok na tutok. Gumagalaw ang mga labi ngunit walang
salitang lumalabas. Alam niya ang ginagawa ngunit di niya mapigilan ang
sarili. Nakatatakot na mga salita, gaya ng lumulundag na kandado ng pinto, na
kumakawala sa kaniyang labi—lalabas na, pakakawalan na, babanggitin na!
“Paano kung ako nga ang pumatay kay Lizaveta?” nasabi niyang bigla at
... natauhan.
Napamulagat si Zamyotov at namutlang gaya ng sapin sa mesa. Ang
mukha niya’y nakangiwing napangiti.
“A, puwede ba iyon?” nasabi niyang halos di-marinig.
Matalim siyang tinitigan ni Raskolnikov. “Magtapat kayo na
pinaniniwalaan ninyo ito, di ba? Oo, di ba?”
“Hinding-hindi! Ngayon, higit kailanman ay hindi ako naniniwala,”
nagmamadaling sabi ni Zamyotov.
“Huli kayo sa wakas! Huli ang pipit. Lumilitaw na naniniwala kayo dati
dahil tulad nga ng sabi ninyo na ‘ngayon, higit kailanman ay hindi ako naniniwala!’”
“Hindi. Hindi talaga!” sigaw ni Zamyotov na mukhang naguluhan. “Ito
ba ang dahilan kung bakit tinakot ninyo ako? Para malaman ito?”
“Di pala kayo naniniwala, e, ano ang sinabi ninyo noong lumabas ako sa
presinto? At bakit ako inimbestigahan ni Lt. Paputok pagkatapos kong mawalan
ng malay-tao?” Tumayo siya, kinuha ang guwantes , at tinawag ang nagsisilbi.
“Waiter, magkano?”
“Tatlumpung kopek lahat,” sagot nitong nagmamadali sa paglapit.
“Heto pa ang dalawampung kopek na pang-vodka. O, daming pera!” At
ipinakita niya kay Zamyotov ang mga pera sa kaniyang nanginginig na kamay:
may mga pula, asul, at dalawampu’t limang rublo. “Saan ba galing ang mga ito?
Saan galing ang bagong damit? Di ba, alam ninyong wala ako ni kopek! Pati nga
kasera ko ay inuusisa ... A, tama na nga. Tama na ang dakdak! Hanggang sa muli
... hangad ko ang inyong kasiyahan!”
Lumabas siyang nangangatal ang buong katawan sa kung anong
matinding nararamdaman. Ngunit naroon din ang di-mapigilang kasiyahan.
Kasabay nito ang labis na pagkahapo at kalungkutan. Nakangiwi rin siyang akala
mo’y inatake ng kung ano. Lalo siyang nanghihina. Kanina’y bigla siyang nag-
init. Lumakas ngunit kung gaano ang bigla niyang paglakas ay gayundin ang
panghihina ng kaniyang katawan, kasabay ng paghina rin ng kaniyang pandama.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 173

At si Zamyotov, na naiwang mag-isa, ay matagal na nakaupo at nag-iisip


sa kinalalagyan. Hindi sinasadya ay nabaligtad lahat ni Raskolnikov ang isipan ni
Zamyotov tungkol sa ilang bagay at tuluyang pinatigil ang kaniyang sapantaha.
“Sira-ulo si Ilya Petrovich!” patapos niyang pasya.
Pagbukas pa lang ni Raskolnikov sa pinto palabas ng daan sa may hagdan
ay biglang nakabangga niya si Razumikhin. Isang hakbang na lamang ang layo’y
di pa nila nakita ang bawat isa. Kaya’t muntik nang magkabanggaan ng ulo. Ilang
sandaling sinukat nila ang isa’t isa. Gulat na gulat si Razumikhin. Ngunit napalitan
ng galit ang pagkagulat. Tunay na galit na ang mga mata’y naniningkit.
“Narito ka lang pala!” buong lakas niyang sigaw. “Tumakas mula sa
pagkakahiga! At ako nama’y naghanap sa kaniya, maging sa ilalim ng sofa! Pati
likod ay ginalugad namin! Maging si Nastasya’y muntik ko nang saktan nang
dahil sa iyo ... A, heto ka lang pala, Rodya! Ano ang ibig sabihin nito? Sabihin mo
ang buong katotohanan. Magtapat ka! Narinig mo ba?”
“Ang ibig sabihin ay sawang-sawa na ako sa inyong lahat! Nais kong
mapag-isa!” matigas na sagot ni Raskolnikov.
“Mag-isa? Hindi ka pa nga makatayo kanina! Ang balat mo’y maputlang
parang papel at di-makahinga? Baliw! Ano ang ginagawa mo rito sa Palasyong
Kristal? Ipagtapat mo na agad!”
“Pabayaan mo ako!” sabi ni Raskolnikov. Nais niyang lampasan ito, bagay
na nagpapuno kay Razumikhin at malakas niyang pinigilan sa balikat ang binata.
“Pabayaan? May lakas-loob ka pang magsabi na pabayaan ka? Alam mo
ba kung ano ang gagawin ko sa iyo ngayon? Kukunin kita, igagapos, bibitbitin, at
dadalhin sa kuwarto!”
“Makinig ka, Razumikhin,” tahimik at panatag na bukas ni Raskolnikov,
“Hindi mo ba nakikita na ayaw ko ng iyong pagmamalasakit? Bakit ka
nagmamadaling gumawa ng kabutihan sa taong ... ayaw naman nito? Lalo na sa
mga nabibigatan lang dito? At bakit ba hinanap mo ako nang ako’y magkasakit?
Baka masaya naman akong mamatay? Hindi pa ba sapat ang sinabi ko sa iyo
na pinahihirapan mo lang ako? Sawa na ako sa iyo! Pag hinahabol ka ay talaga
namang maiinis ka! Ipinaliliwanag ko sa iyo na lahat ng ito’y pumipigil lamang sa
tuluyan kong paggaling dahil lagi akong naaasar! Alang-alang sa Diyos, iwan mo
ako! At ano ang karapatan mo upang pigilin ako ng lakas? At di mo ba nakikita
na matinong-matino ko itong sinasabi sa iyo ngayon? Ano pa ba ang gagawin
ko, ituturo ko o idadalangin ko sa iyo upang di mo na ako guluhin pa at di ka
174 FEODOR DOSTOYEVSKY

na magmagandang-loob? Maging walang-utang na loob ako, kahit na maging


mababa ako, basta’t iwan lang ninyo akong mag-isa. Alang-alang sa Diyos, iwan
ninyo ako! Iwan, iwan, iwan!”
Panatag siyang nagsimula at ninanamnam ang sayang idinudulot ng
inihasik na kamandag. Ngunit natapos na di-mapakali’t di-makahingang gaya
kaninang kaharap si Luzhin.
Sandaling natigilan si Razumikhin, nag-isip, at ibinaba ang kamay.
“Lumayas ka na’t pasademonyo!” mahina niyang nasabing natitigilan. At
nang akmang aalis na si Raskolnikov ay bigla niyang naisigaw, “Sandali lang!”
“Pakinggan mo ako. Puro kayo mga madadakdak at mapagkunwari!
Kapag nagkaproblema na ay parang inahing manok na nangingitlog! Kahit ngayon
ay ginagaya n’yo lang ang ibang awtor. Wala ni bakas ng pagkasarili! Gawa ka yata
sa kandila at sa halip na dugo ay dagta ang nasa ugat! Wala akong pinaniniwalaan
sa inyo. Ang unang nais ninyong mangyari sa anumang pagkakataon ay ang di-
magmukhang-tao! Hinto!” sigaw niyang doble ang lakas nang mapunang umaalis
na naman si Raskolnikov.
“Pakinggan mo lahat. Alam mo na may pagtitipon sa lugar ko ngayon
dahil ako’y bagong lipat. Malamang na naroon na sila ngayon. Iniwan ko lang
sandali ang tiyuhin ko at siya na ang tatanggap sa kanila. Kaya kung hindi ka
baliw, hindi lubos na baliw, at hindi wala nang pag-asang baliw, hindi salin lang
mula sa banyaga, ay pupunta ka sa amin ngayon at uupo sandali sa halip na
gasgasin lang ang iyong sapatos. Tutal, lumabas ka na at wala nang magagawa.
Bibigyan kita ng malambot na upuan, mayroon ang aking kasera. Magtsa-tsaa
at magkukuwentuhan. Pero kung ayaw mo’y matulog ka roon. Kahit papaano’y
makapagpapahinga ka roon sa gitna ng mga kaibigan. Nandoon din si Zosimov.
Ano, dadaan ka?”
“Hindi.”
“Kalokohan!” sigaw ni Razumikhin na nawalan na ng pasensiya.
“Hindi mo alam ang sinasabi mo. Hindi mo pa mapangangalagaan ang
iyong sarili ... Makalibong ulit na sigurong winalang-halaga ko ang mga taong gaya
mo ngunit nagbababalik din ako ... mahihiya at lalapitan ko ulit! Kaya tandaan mo
... Gusaling Pochinkov, ikatlong palapag ...”
“Ganoon ba kayo, Ginoong Razumikhin? Pahihintulutan ninyong
bugbugin kayo para lang gumawa ng kabutihan?”
“Sino, ako? Sa ganoong guniguni ay pipingot ako ng ilong! O, Pochinkov
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 175

Bldg. #47, pag-aari ng opisyal na si Babushkin ...”


“Hindi ako pupunta, Razumikhin.” Tumalikod si Raskolnikov at umalis
na.
“Para sa sangla mo, hindi ka pupunta?” pahabol niyang sigaw kay
Raskolnikov.
“Kung hindi’y ... kung hindi’y hindi na kita kilala! Sandali lang. Hoy! Si
Zamyotov, naroon?”
“Naroon.”
“Nakita mo ba?”
“Nakita.”
“Nakausap mo?”
“Oo.”
“Tungkol saan? A, pasademonyo ka na’t huwag nang magsalita. Pochinkov
Bldg. #47, kina Babushkin. Tandaan mo!”
Umabot si Raskolnikov sa Sadovaya at lumiko sa kanto. Sinundan siya
ng tingin ni Razumikhin na nag-iisip. Sa wakas ay iwinasiwas niya ang kamay at
pumasok na ngunit napahinto sa gitna ng daan.
“Demonyo!” halos marinig na sabi niya, “Sinasabi kung ano ang nasa isip
na parang ... pero, sira ako! Di ba kung wala sa sarili ay lumalabas ang nasa loob?
Iyong palagay ko ang ikinatatakot ni Zosimov!” napasapo siya sa noo, “Paano kung
... bakit ko siya hinayaang mag-isa! Paano kung magpakalunod ... ‘Ay, naku! Di
dapat!”
At tumakbo siyang pabalik na humabol kay Raskolnikov ngunit hindi
na niya ito nakita. Dumura siya at mabilis na nagbalik sa Palasyong Kristal upang
tanungin agad si Zamyotov.
Tumuloy si Raskolnikov sa isang tulay. Tumayo siya sa may gitna at
dalawang kamay na humawak sa harang at tumingin sa malayo. Kaninang
maghiwalay sila ni Razumikhin ay nanghina siya nang husto, na halos di na
nga nakarating sa kinaroroonan. Gusto niyang maupo o mahiga sa daan kanina.
Pagkadungaw sa tubig ay awtomatiko siyang tumingin sa mga huling mala-rosas na
liwanag na naiwan ng paglubog ng araw, sa mga hanay ng kabahayan na dumirilim
at unti-unting binabalot ng takipsilim, sa isang malayong bintana, at sa itaas ng
bahay na nasa kaliwang pampang. Ito ay kumikislap na akala mo’y apoy mula
sa huling silahis ng araw, na sa isang kisapmata’y tumatama rito at sa dumirilim
nang tubig sa ilog. At parang nahalina siya sa tubig. Sa wakas ay tila umikot sa
176 FEODOR DOSTOYEVSKY

kaniyang mga mata ang mga bilog na pula, ang mga bahay, ang mga nagdaraan, at
ang pampang na tila umiikot-ikot at nagsasayaw sa kaniyang paligid. Nang bigla
siyang napakislot at mistulang nakaligtas sa tuluyang pagkahilo dahil sa isang
pangit at masamang pangyayari. Parang naramdaman niya sa kaniyang tabi, na
abot-kamay, ay may tao. Isang babaeng matangkad na may balabal sa ulo, may
naninilaw, pahaba at pagal na mukha, namumula, at nanlalalim ang mga mata.
Tuwid ang pagkakatingin sa kaniya ngunit parang walang-nakikita o nakikilala.
Bigla nitong ipinatong ang kanang kamay sa harang ng tulay. Itinaas ang kanang
paa at isinampa. Pagkatapos ay ang kaliwa naman at lumundag sa ilog. Bumagsak
siya sa maruming tubig. Sa isang iglap ay nilulon ng tubig ang kaniyang biktima
ngunit sandali lamang at ang nagpapakalunod ay lumutang at tahimik na tinangay
ng agos pababa. Ang kaniyang ulo at paa ay nakalubog sa tubig, ang gulugod ay
nakalitaw, at parang unan namang lumobo sa tubig ang kaniyang palda.
“Nalulunod! Nalulunod!” sigaw ng dosenang boses. Nagtakbuhan ang
mga tao at ang magkabilang pampang ng tulay ay napuno ng mga nag-uusyoso.
Napalibutan si Raskolnikov ng mga tao, na humaharang at tumutulak sa kaniya.
“Tatay ko po! Si Afrosenya natin iyon, a!” narinig kung saan ang
nagpapalahaw na boses-babae.
“Mga tao, sagipin ninyo! Mga ama, kunin ninyo!”
“Kuha ng bangka, bangka!” sigaw ng talpa.
Ngunit hindi na rin kailangan ang bangka. Tumakbo ang isang pulis sa
hagdan pababa sa ilog. Hinubad nito ang malaking panlamig at sapatos sabay
talon sa tubig. Hindi siya nahirapan. Tinangay ng tubig ang nagpapakalunod,
na ang lapit ay mga dalawang hakbang lamang mula sa pampang. Sinaklot ng
kaniyang kanang kamay ang damit ng babae at ang kaliwa nama’y matagumpay
na nakakapit sa kahoy na iniabot sa kaniya ng kasama. Noon din ay nahila ang
babaeng nalulunod. Ilang sandali pa’y nahimasmasan na ang babae. Bumangon,
umupo, bumahing, at umubo. Wala sa sariling pinunasan ang basang kamay gamit
ang damit. Hindi siya kumikibo.
Nag-alisan na ang mga tao. Samantalang sinamahan pa ng mga pulis
ang nagpakalunod. May kung sinong sumigaw na dalhin sa presinto. Pinanood ni
Raskolnikov ang lahat nang may kakaibang damdamin, ng kawalan-ng-pakialam
o pakikisangkot man lamang. Nakadama siya ng pandidiri.
“Hindi ... marumi ang tubig ... Hindi na kailangan,” bulong niya sa sarili.
“Wala ring mangyayari,” dagdag niya. “Wala na ring hihintayin pa ... para saan ang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 177

presinto ... at bakit wala si Zamyotov sa presinto? Pasado alas-nuwebe ay bukas


pa ang presinto.” Patalikod siyang umurong sa harang at tiningnan ang palibot.
“O, paano pa ... Sige!” matibay niyang pasya at kumilos na siya sa
direksyon ng presinto. Hungkag at bingi ang kaniyang puso at ayaw niyang mag-
isip. Inabutan pa siya ng pagkainip. Wala na ni bakas ng taglay na lakas kaninang
lumabas siya ng bahay upang tapusin ang lahat. Lubos na kawalang-pakialam ang
pumalit.
“Ito na nga ba ang kalalabasan?” tahimik siyang nag-iisip at mabagal
na naglalakad sa pampang ng kanal. “Matatapos ko na rin ang lahat dahil aking
ginusto ... Ganito na nga ba ang resulta? Pareho lang! Magkakaroon din kahit
isang dipang dako. A, anong klaseng katapusan! Katapusan na nga ba? Sasabihin
ko ba sa kanila o hindi? A, demonyo! Pagod na ako! Saan kaya ako makauupo o
makahihiga agad? Ang pinakanakahihiya lang sa lahat ay ang katangahan. A, bakit
ko iyon aalalahanin?! A, kung ano-anong kalokohan ang pumapasok sa ulo ko!”
Upang pumunta sa estasyon ay deretso lamang at kakaliwa sa ikalawang
kanto. Mula roon ay dalawang hakbang na lang. Ngunit pagdating sa unang
kanto ay huminto siya. Nag-isip, lumiko sa eskinita, at paikot na dinaanan ang
dalawa pang kalsada upang pahabain pa ang oras nang kahit isang minuto lang at
makakuha ng panahon. Nakatungo siya sa lupa habang naglalakad. Nang bigla’y
parang may kung sinong bumulong ng kung ano sa kaniyang tainga. Itinaas niya
ang kaniyang ulo at nakita niyang nakatayo siya sa gusaling ‘iyon’ sa mismong
kanto. Magmula nang ‘gabing iyon’ ay hindi pa siya nanggaling o dumaan dito.
Hindi niya maipaliwanag at may di-mapigilang pagnanasa siyang
pumanhik doon ang sumaklot sa kaniya. Pumasok siya sa gusali at tinahak ang
buong daan papasok. Pagkatapos ay pumasok siya sa unang pinto sa kanan at
pumanhik sa kilalang hagdan sa ikaapat na palapag. Sa makitid at matarik na
hagdan ay napakadilim. Humihinto siya sa bawat palapag at may kasabikang
nagmamasid. Ang bintana sa unang palapag ay inalisan ng balangkas. “Hindi ito
ganito dati,” naisaloob niya. “Heto na ang paupahan sa ikalawang palapag kung
saan nagtatrabaho sina Mitka at Mikolai. Sarado at bagong pintura ang pinto. Ibig
sabihin ay pinauupahan na. Heto ang ikatlo ... at ikaapat ... dito!” Natigilan siya
nang makitang bukas ang pinto ng paupahan. May mga tao at dinig ang kanilang
boses, bagay na hindi niya inaasahan. Nagdadalawang-isip man ay inakyat niya
ang huling baitang at pumasok sa paupahan.
Ang paupahan ay inaayos din. Nasa loob ang mga gumagawa, bagay
178 FEODOR DOSTOYEVSKY

na parang gumulat pa sa kaniya. Kung bakit ang buong akala niya’y ganoon pa
rin niya itong madaratnan, gaya nang iniwanan niya ang mga bangkay, na nasa
dating lugar ng sahig. Ngunit ngayo’y pawang mga pader na lamang, ni walang
kagamitan. Kakaiba ang lahat! Pumunta siya sa bintana at umupo sa pasamano.
Dadalawa lamang ang nagtatrabaho at parehong bata pa. Mas may edad
ang isa at malaki ang kabataan ng pangalawa. Dinidikitan nila ng bagong wallpaper
ang mga pader. Ang disenyo ng idinidikit nila ay puting bulaklak na lily, kapalit ng
dating dilaw, madilim, at may punit. Kung bakit hinding-hindi ito nagustuhan ni
Raskolnikov. Galit na tinitingnan niya ito at labis na nanghihinayang kung bakit
lahat ay pinapalitan.
Malinaw na nag-overtime ang mga trabahador at ngayo’y inaayos ang
mga gamit upang umuwi na. Hindi nila napuna ang pagdating ni Raskolnikov
dahil mayroon silang pinag-uusapan. Naghalukipkip si Raskolnikov at nakinig.
“Pinupuntahan niya ako sa umaga,” sabi ng may edad sa nakababata,
“Maagang-maaga na hubo’t hubad. Tanong ko sa kaniya, ‘Bakit ka nag-le-lemon
sa aking harapan?’ Sabi ko pa’y ‘Bakit ka nag-o-o-range sa aking harapan?’ Sabi
naman niya’y ‘Nais ko, Tit Vacilyich. Magmula ngayon ay gagawin ko ang lahat
ng gusto ninyo!’ Ganoon na nga iyon. At kapag nakahubad, akala mo talaga ay sa
magasin, sa magasin talaga!”
“E, ano ang magasin, Kuya?” tanong ng nakababata na parang may
natututuhan sa nakatatanda.
“A, magasin? Iyon, ‘tol, ay magagandang litratong ipinadadala mula sa
ibang bansa at tuwing Sabado ay dinadala rito ng kartero. Ipinakikita rin kung
paano magdamit ang mga tao at kung ano ang uso para sa lalaki man o babae.
Nakaguhit lahat. Ipinakikita ang kasuotan. Matino ang para sa mga lalaki pero
‘yong para sa mga babae, ibigay mo nang lahat sa akin ay kulang pa rin!”
“Ano pa ba ang wala rito sa Piter26?” masayang tanong ng nakababata,
“Puwera lang ang tatay at nanay, e, narito nang lahat!”
“‘Tol, hindi lang iyan, kundi lahat ay makikita mo rito!” turo ng
nakatatanda.
Tumayo si Raskolnikov at tumuloy sa kabilang kuwarto, kung saan
naroroon dati ang kabinet, kama, at baul. Sa tingin niya’y napakaliit ng kuwarto
kung walang kagamitan. Dati pa rin ang wallpaper. Sa sulok ay bakas na bakas pa

26 Ang Piter ay maikling taguri ng mga Ruso sa St. Petersburg.


PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 179

sa papel ang kahong kinaroroonan ng mga Santo. Tiningnan niya ito at nagbalik
sa bintana. Nang bigla siyang nasilip ng nakatatandang trabahador.
“Anong kailangan ninyo?” tanong niya kay Raskolnikov.
Sa halip na sumagot ay tumayo si Raskolnikov. Lumabas siya sa pinto
at pinatunog ang kampanilya. Iyon pa rin ang kampanilya. Iyon pa rin ang
dating basag na tunog. Hinila pa niya ito ng pangalawa at pangatlong ulit. Ang
nakapagpapahirap, nakakakaba, at pangit na naramdaman niya ay nanumbalik sa
kaniyang alaala, palinaw nang palinaw, at siya’y napaiigtad sa bawat tunog, ngunit
habang tumatagal ay nagugustuhan na niya ito.
“Ano bang gusto mo? Sino ka ba?” sigaw ng trabahador na sumunod sa
kaniya. Muling pumasok sa pinto si Raskolnikov.
“Gusto kong umupa ng bahay,” sabi niya, “Tinitingnan ko ito.”
“Hindi gabi kung maghanap ng uupahan at saka dapat ay makipag-usap
kayo sa katiwala.”
“Nilinis ang sahig. Pipinturahan pa ba?” pagpapatuloy ni Raskolnikov,
“Wala bang dugo?”
“Anong dugo?”
“May pinatay ritong matanda, pati ang kapatid niya. Ang daming dugo
rito.”
“Sino ka bang tao ka?” sigaw na di-mapakali ng trabahador.
“Ako?”
“Oo.”
“Gusto mo bang malaman? Pumunta tayo sa presinto at doon ko
sasabihin.” Napatinging di-mapakali ang mga trabahador sa kaniya.
“Oras na para umalis kami. Overtime na. Alyoshka, tara na. Ikakandado
ito,” sabi ng nakakatandang trabahador.
“Sige, tara na!” panatag ang kaloobang sabi ni Raskolnikov. Nauna na
siyang lumabas at mabagal na pumanaog sa hagdan. “Hoy, bantay!” sigaw niya
paglabas.
May ilang nakatayo sa mismong pasukan ng gusali sa kalsada na
tumitingin sa mga dumaraan: ang dalawang bantay, isang babae, mga tagaroon na
nakamahabang damit, at ilan pang tao. Dumiretso si Raskolnikov sa kaniya.
“Anong kailangan ninyo?” tanong ng isa sa mga katiwala.
“Galing ka ba sa presinto?”
“Oo, ngayon lang. Bakit?”
180 FEODOR DOSTOYEVSKY

“May tao ba roon?”


“Mayroon.”
“‘Yong katuwang, naroon?”
“Oo. Sandali, bakit ba?”
Hindi sumagot si Raskolnikov na malalim ang iniisip at nakatayo lang
siyang kasama nila.
“Pumunta siya para tingnan ang paupahan,” sabi ng lumapit na
nakatatandang trabahador.
“Aling paupahan?”
“Iyong pinagtatrabahuhan namin. Tinanong niya, ‘Bakit ninyo nilinis
ang dugo?’ Sabi pa niya’y ‘May patayang nangyari rito at ako’y naparito para
mangupahan.’ Pagkatapos ay pinatunog niya ang kampanilya, muntik nang masira.
At pagkatapos ay namimilit pagkasabing ‘Tara sa presinto. Doon ko sasabihin ang
lahat.’
Naguguluhan at kunot-noong tinitigan ng katiwala si Raskolnikov.
“Sino ba kayo?” tanong nitong nakagugulat.
“Ako ay si Rodion Romanich Raskolnikov, dating estudyante, nakatira sa
Schill Bldg., sa may kantong di-kalayuan mula rito, sa Apartment 14. Tanungin
ninyo ang bantay at kilala ako ...” sinabi ni Raskolnikov na tila tinatamad at may
ibang iniisip. Hindi siya lumilingon at di inaalis ang pagkakatitig sa dumilim nang
kalsada.
“Bakit kayo pumunta sa paupahan?”
“Tumingin.”
“Anong makikita roon?”
“Kunin na kaya iyan at dalhin sa presinto?” salo ng isa at tumahimik.
Tiningnan siyang patagilid ni Raskolnikov, matamang tiningnan.
Tahimik at mabagal na sinabi, “Tayo na!”
“Sige, dalhin na iyan!” dugtong ng taong nagkalakas-loob. “Bakit siya
pumunta roon? Ano ang nasa isip niya?”
“Lasing o di-lasing, Diyos lang ang may-alam kung ano,” bulong ng
isang trabahador.
“Bakit nga ba?” muling sigaw ng bantay na nagsimula nang magalit
talaga, “Ano bang gusto mo?”
“Ano, naduwag ka ba sa presinto?” may pagkutyang bulong ni Raskolnikov
sa kaniya.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 181

“Anong naduwag? Ano bang gusto mo?”


“Luko-luko iyan!” sigaw ng babae.
“Huwag ka nang makipagtalo riyan!” sigaw ng isa pang bantay, isang
malaking lalaking nakabukas ang jaket at may mga susi sa baywang, “Alis, luko-
luko. Alis!”
At sinunggaban niya sa magkabilang balikat si Raskolnikov at ibinalibag
sa kalsada. Napasubasob si Raskolnikov ngunit hindi natumba. Tumayo siya nang
tuwid, tahimik na tumingin sa lahat ng nanonood, at umalis na.
“Kakatwang tao,” nasabi ng trabahador.
“Iba na talaga ang mga tao ngayon,” sabi ng babae.
“Dapat sana’y dinala sa presinto,” dagdag ng lalaki kanina.
“Huwag na tayong makisangkot,” pasya ng katiwalang malaki ang
katawan, “Luko-luko siya. Kung ano-ano ang sinusuutan. Pero kung sasangkot
ka’y di ka na makaaalis ... Alam natin.”
“Ano, tutuloy pa ba ako o hindi?” nag-iisip si Raskolnikov. Huminto
siya sa gitna ng sangang-daan sa may tulay at tumingin sa palibot na parang
naghihintay ng huling payo mula kung kanino. Ngunit walang dumarating mula
saanman. Lahat ay tahimik at patay, gaya ng batong kaniyang tinutungtungan. Para
sa kaniya, lahat ay walang-buhay, liban sa kaniya ... Nang bigla, mula sa malayo,
mga dalawang daang hakbang mula sa kaniya, sa dulo ng daan na napakadilim,
ay naaninaw at narinig niya ang usapan at sigawan ng mga tao ... Sa pagitan ng
talpa ay may isang karwahe ... Kumikislap sa gitna ng daan ang apoy ng sulo.
“Ano iyon?” Lumiko sa kanan si Raskolnikov at tinungo ang mga tao. Sadyang
kumakapit na siya at malamig na ngumingiti sa lahat. Naisip niya ang tungkol
sa presinto at matigas ang pasyang alam na ang gagawin ... tatapusin na niya ang
lahat ngayon.
VII

SA GITNA NG DAAN ay nakaparada ang isang karwaheng maganda at


pangmayaman. Dalawang magarang kabayong kulay abo ang nasa harapan nito.
Wala sa kaniyang upuan ang kutsero at nasa tabi ng bagon ng karwahe. Hawak
niya ang renda ng mga kabayo.
Sa palibot naman ay siksikan ang mga taong nasa harapan ng mga pulis.
May hawak na sulong nakasindi ang isa sa kanila. Nakayuko ito at may iniilawan
sa may mismong gulong. Lahat ay nagsasalita, sumisigaw, at nabibigla sa nakikita.
Naguguluhan naman ang kutsero at minsa’y inuulit.
“Diyos ko, kaylaking kasalanan! Kaylaking kasalanan!”
Nakipagsiksikan si Raskolnikov nang husto at sa wakas ay nakita ang
dahilan ng lahat ng pag-uusyosong tila walang-kawawaan. Nakahiga sa lupa
ang isang taong nasagasaan ng mga kabayo. Mukha siyang nawalan ng malay,
pangit ang kasuotan, at duguang-duguan. Mula sa ulo at mukha ay umaagos ang
dugo, ang mukha niya’y bugbog, gasgas, at nakangiwi. Halatang hindi biro ang
pagkakasagasa.
“Mga ginoo!” usal ng kutsero, “Nakita ninyo kung paano nangyari ito!
Nagpapatakbo ako. Mabagal lang at di-nagmamadali. Sigaw ako nang sigaw sa
kaniya pero hindi pa rin siya kumikilos—ang bagal pa rin. Nakita ninyong lahat.
Lasing siya na di-makapagsisindi ng kandila. Nakita ko siyang tumatawid sa
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 183

daan, pasuray-suray, at halos matumba. Sinigawan ko siya, pangalawa, pangatlo, at


pinigil ko pa ang kabayo. Pero tuloy-tuloy siyang bumagsak sa mga paa mismo ng
kabayo. Sinasadya ba niya o lasing na lasing lang siya ... Ang mga kabayo’y bata at
malalakas, at handang kumaripas ... Pinigil ko pero sumigaw siya ... kaya’t lalong
sumama ... Hayan, nadisgrasya.”
“Ganoon na nga ang nangyari!” sigaw ng isa sa mga nakasaksi sa mga
naroroon.
“Totoo nga na tatlong beses niyang sinigawan,” sagot ng isa pang boses.
“Eksaktong tatlong beses nga. Narinig naming lahat!” sigaw ng ikatlo.
Samantala, ang kutsero ay hindi naman masyadong kinakabahan at hindi
natatakot. Halatang mayaman at makapangyarihan ang may-ari ng karwahe, na
marahil ay naghihintay sa kaniya kung saan. Abala naman ang mga pulis na ayusin
ang ganitong sitwasyon. Kailangan ding dalhin ang natapakan sa ospital. Walang-
nakaaalam sa kaniyang pangalan.
Sumiksik muli si Raskolnikov at tiningnan pa nang mas malapit. Nang
mailawan ng sulo ang mukha ng kawawang naaksidente ay nakilala niya ito.
“Kilala ko siya! Kilala ko siya!” sigaw niyang hinawi ang iba pa’t pumunta
na sa pinakaharap. “Siya ang retiradong kawani’t Tituladong Tagapayo na si
Marmeladov. Diyan lang siya nakatira sa bahay ng mga Kozel ... Tumawag kayo
ng doktor. Bilis! Ako na ang magbabayad.” Bumunot siya ng pera sa bulsa at
ipinakita sa pulis. Labis-labis ang kaniyang kaba.
Nakahinga nang maluwag-luwag ang mga pulis nang malaman kung sino
ang nasagasaan. Ipinakilala rin ni Raskolnikov ang sarili. Ibinigay niya ang adres
nito at buong lakas na kinumbinsi ang mga naroroon na dalhin ang naaksidenteng
walang-malay sa kanilang bahay na akala mo’y sariling kamag-anak.
“Dito lang. Paglampas ng tatlong bahay,” pagmamadali niya, “Sa bahay
ng mga Kozel mayamang Aleman ... Malamang nga na lasing siyang pauwi ng
bahay. Kilala ko siya ... isa siyang lasenggo ... Naroon ang kaniyang pamilya, asawa,
at mga anak, na may isang babae. Sa halip na sa ospital dalhin ay sa bahay na lang
at may doktor din doon. Ako ang magbabayad! Aasikasuhin din siya ng sariling
kamag-anak at kung dadalhin pa sa ospital ay baka di na umabot ...”
Nakuha pa ni Raskolnikov na may iniabot nang palihim, bagay na
katanggap-tanggap naman at ayon sa batas, lalo na’t kailangan talaga ng tulong.
Binuhat ng mga tao ang naaksidente. Ang bahay Kozel ay mga tatlumpung
hakbang lamang ang layo.
184 FEODOR DOSTOYEVSKY

Nasa likod lamang si Raskolnikov. Maingat niyang sinusuportahan ang


ulo ni Marmeladov at itinuturo ang daan.
“Dito, dito! Iuna dapat ang ulo paakyat sa hagdan. Iikot natin ... Ganyan!
Pasasalamatan ko kayo at babayaran,” sabi niya.
Tulad ng dati, magkaroon lamang ng libreng minuto si Katerina Ivanovna
ay paroo’t parito na siya sa kaniyang munting kuwarto. Mula sa bintana hanggang
sa pugon ay mahigpit na nakakrus ang mga kamay sa dibdib. Kinakausap ang
sarili at umuubo. Nitong mga huling araw ay lalong dumadalas ang pakikipag-
usap niya sa kaniyang nakatatandang anak na babaeng sampung taong gulang
na si Polenka. Kahit marami pang hindi naiintindihan ay nauunawaan namang
mabuti ang kailangan ng ina. Kaya’t laging nakasunod dito ang kaniyang malalaki
at matatalinong mata. Buong tuso rin itong nagkukunwari na naiintindihan niya
ang lahat. Pero ngayon ay pinapalitan niya ang damit ng nakababatang kapatid
na maghapong masama ang pakiramdam upang ihanda na sa pagtulog. Habang
hinihintay na mapalitan ang damit, na lilinisin din mamayang gabi, ay nakaupo
lamang ang batang lalaki sa bangko. Wala siyang kibo. Tulala siyang nakatuon sa
harapan, nakaunat ang mga paang magkadikit, at labas na labas ang talampakan.
Naririnig niya kung ano ang sinasabi ng ina sa kapatid: itikom ang mga labi, idilat
ang mga mata, at huwag gagalaw. Ganyan ang matatalinong batang binibihisan
para matulog. May batang babaeng mas maliit sa kaniya na suot-basahan talaga.
Siya ay nakatayo sa may harang at naghihintay sa kaniyang oras para bihisan.
Nakabukas ang pinto sa may hagdan upang makahinga nang kaunti mula sa usok
ng sigarilyong nanggagaling sa ibang kuwarto, na siyang malakas magpaubo sa
kawawang babaeng maysakit. Sa linggong ito ay mukhang lalong namayat si
Katerina Ivanovna, maging ang mga pulang bakas sa kaniyang pisngi ay lalong
tumingkad.
“Hindi ka makapaniniwala, Polenka, ni hindi mo kayang isipin,” sabi nito
habang naglalakad sa kuwarto, “Kung gaano kami kasaya at karangya noon sa
bahay ng iyong Papa, kung papaanong pinapatay ako ng lasenggong iyon, at kung
papaano niya kayo papataying lahat! Ang iyong Papa ay dating koronel at halos
gobernador na, kaunti na lang, isang hakbang na lang. Pinupuntahan siya ng lahat
at sinasabing, ‘Ivan Mikhailich, kayo ang kinikilala naming gobernador.’ Nang
ako’y ... akh ... uhhu! Nang ako’y ... uhu ...” nag-uubo siya, “Uhu ... uhu ... uhhhhu!
Buwisit na buhay ito!” sigaw niyang inaalis ang harang sa lalamunan at salo ang
dibdib. “Nang ako’y ... akh ... nang ako’y makita ng Prinsesa Bezzemelnaya sa
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 185

huling sayawan, siya rin ang bumasbas sa akin nang ako’y magpakasal sa iyong
ama. Alam mo Polya, tinanong niya: ‘Hindi ba siya ang magandang dalagang
nakabalabal na napakagaling sumayaw kanina?’ Polenka ... kailangang tahiin iyang
butas. Kumuha ka na ng karayom at gawin na ngayon tulad ng itinuro ko sa iyo.
Kung ipagpapabukas ay ... uhu! Uhu! Uhu! Bukas ... uhu ... uhu ... uhu! lalaki
pa ang punit!” sigaw niyang ubo nang ubo. “Nang kararating lang sa Petersburg
ni Prinsipe Schegolskoi, isang kammerjunker, ay isinayaw niya ako ng Mazurka
at kinabukasan ay nais niyang bumalik upang manligaw ... ngunit nagpasalamat
lang ako sa kaniyang mga papuri at sinabing matagal nang may nagmamay-ari sa
aking puso. Ang tinutukoy ko ay ang iyong ama, Polya ... galit na galit noon ang
Papa ... Handa na ba ang tubig? Iabot mo ang damit at ang medyas, Lida!” tawag
niya sa pinakabatang anak, “Ngayong gabi’y matulog ka munang walang kamison
at hubarin mo na rin ang medyas ... Lalabhan ko nang pareho ... Bakit kaya wala
pa ang buwisit na lasenggong iyon? Kung magdamit ay talagang gagasgasin at
gagawing basahan sa katawan ... Sabay na sanang malabhan para minsanan na lang
at di na dalawang gabing magpakahirap! Diyos ko! Uhu ... uhu ... uhu! Ano iyon?”
napasigaw siya nang mamataan ang maraming tao sa hagdan. Nagsisiksikang
pumasok sa kanilang kuwarto at may kung anong binubuhat. “Ano iyon? Anong
binubuhat nila? Mahabag kayo sa amin!”
“Saan dito ilalagay?” tanong ng pulis na tinitingnan ang palibot nang
maipasok na sa loob ang duguan at walang-malay na si Marmeladov.
“Sa sofa! Ideretso ninyo sa sofa. Dito ang ulo. Ganyan!” turo ni
Raskolnikov.
“Nasagasaan sa kalsada. Lasing!” sigaw ng isang nasa hagdan.
Nakatayo at namumutla si Katerina Ivanovna. Hindi siya makahinga.
Natakot ang mga bata. Napasigaw ang munting si Lida at sumiksik kay Polya.
Yumakap nang mahigpit at nanginginig ang buong katawan.
Nang maihiga si Marmeladov ay nilapitan ni Raskolnikov si Katerina
Ivanovna.
“Alang-alang sa Diyos, huminahon kayo at huwag matakot!” mabilis
niyang sabi. “Nasagasaan siya ng karwahe. Huwag kayong mag-alala, magigising
din siya. Iniutos ko na dalhin siya rito ... galing na ako rito ... Natatandaan ba
ninyo? Magigising siya … Magbibigay ako ng pera.”
“Napala niya!” sigaw ni Katerina Ivanovna at desperadong sumugod sa
asawa.
186 FEODOR DOSTOYEVSKY

Agad napuna ni Raskolnikov na ang babaeng ito’y hindi gaya ng ibang


agad nawawalan ng malay. Saglit lang at nagkaunan sa ulo ang naaksidente,
walang nakaisip nito kanina. Sinimulang alisan ng damit ni Katerina Ivanovna
ang nakahiga at sinuri. Hindi siya nawalan-ng-loob. Kagat-labing pinipigil ang
pagpalahaw na handa nang sumabog sa dibdib.
Samantala’y kinausap ni Raskolnikov ang isa sa mga naroon na sunduin
ang doktor na nakatira sa kabilang bahay.
“Nagpatawag ako ng doktor,” pagpapalakas loob niya kay Katerina
Ivanovna, “Huwag kayong mag-alala sa babayaran. Ako ang bahala. May tubig
ba? At saka napkin, tuwalya o kahit ano. Bilisan n’yo ... Hindi pa natin alam kung
gaano kalubha ang sugat ... May sugat siya ngunit hindi pa patay, maniwala kayo
... sasabihin ng doktor!”
Humangos si Katerina Ivanovna sa may bintana. Sa may maliit na
bangko sa sulok ay may malaking palanggana na may tubig para panghilamos ng
mga bata bago matulog at panlaba rin ng damit ng asawa. Ginagawa na mismo
ni Katerina Ivanovna ang paglalaba kung gabi, dalawang beses sa isang linggo o
higit pa. Dumating na sa puntong halos wala nang ipampalit sa suot na damit.
Bawat miyembro ng pamilya ay tig-isang damit na lamang. Hindi matitiis ni
Katerina Ivanovna ang dumi at minabubuti na niya ang magpakahirap sa gabi
at inuubos ang lakas habang tulog ang lahat nang sa gayon ay mapatuyo niya ang
mga damit bago mag-umaga na isinasabit niya sa sampayan. Ibibigay niya ito sa
umaga sa mga kasama sa bahay at kahit papaano’y napananatili ang kalinisan sa
bahay. Kinuha niya ang palanggana sa hiling ni Raskolnikov at muntik pa itong
madapa. Nakadampot na ng tuwalya si Raskolnikov. Binasa niya ito ng tubig at
pinunasan ang duguang mukha ni Marmeladov. Nakatayo rin doon si Katerina
Ivanovna, hirap na pinalalakas ang loob at sapo ng mga kamay ang dibdib. Siya
man ay nangangailangan ng tulong. Pumasok tuloy sa isip ni Raskolnikov na baka
mali ang kaniyang pasya na ipakiusap na rito na ituloy ang nasagasaan. Nakatayo
rin ang pulis na di malaman ang gagawin.
“Polya,” sigaw ni Katerina Ivanovna, “Puntahan mo si Sonya. Dali! Kung
di mo maabutan ay ipasabi mo pa rin na natapakan ng mga kabayo ang ama upang
pagdating niya’y tumuloy na agad dito. Bilisan mo, Polya. O, heto, magtalukbong
ka ng panyo!”
“Takbo habang may lakas!” biglang sigaw ng batang nakaupo. Pagkasabi
noo’y muling bumalik sa kaniyang walang-imik na pagkakaupo sa bangko,
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 187

nakamulagat ang mga mata, nakaunat ang mga tuhod, at labas ang mga paa.
Hindi mabagsakang mansanas ang dami ng tao sa kuwarto. Nag-
alisan na ang mga pulis, liban sa isa, na pansamantalang naiwan upang paalisin
ang mga taong nagkakaipon sa hagdan at muling umakyat. Pero sa mismong
loob ay nagsipasok ang lahat ng nangungupahan kay Gng. Lippevechsel. Una’y
nagsisiksikan sa pinto. Pagkatapos ay naghungusan na sa loob ng kuwarto. Napoot
si Katerina Ivanovna.
“Hayaan man lang ninyong pumanaw nang mapayapa ang tao!” sigaw
niya sa lahat. “Para kayong nanonood ng palabas! May mga sigarilyo pa ... uhu ...
uhu ... uhu! Sige, magsumbrero kayong lahat! At meron ngang nakasumbrero ...
Igalang man lang ninyo ang patay!”
Hindi siya makahinga sa ubo ngunit nakatulong ang kaniyang galit.
Natakot sa kaniya ang mga tao. Isa-isang nagbalikan sa pinto ang mga nakatira
sa gusali, taglay ang kakaibang kasiyahan na laging nararamdaman ng tao sa
ganoong pagkakataon. Kahit sa mga pinakamalapit na kamag-anak na inabot ng
di-inaasahang aksidenteng walang sinumang nakaliligtas. Ganoon nga kahit pa
sabihing naroroon ang tunay na awa at pakikiramay.
Sa may pinto ay may nagsabing dapat itong dalhin sa ospital at di na
kailangan pang manggulo rito.
“Ano? Hindi ba dapat mamatay?” sigaw ni Katerina Ivanovna, na sumugod
sa pinto upang tuluyan nang magtatalak at mang-away ngunit nakita niya sa may
pinto si Gng. Lippevechsel, na kababalita lamang sa aksidente’t humahangos
upang ilagay sa ayos ang lahat. Siya ay isang Aleman na magulo at palaaway.
“O, Diyos ko!” kumukumpas ang kaniyang kamay, “Asawa n‘yo, lasing,
kabayo tapak! Sa ospital dalhin! Ako ang may-ari!”
“Amalia Ludwigovna, pakiusap lang na isipin ninyo kung ano ang
inyong sinasabi,” mapagmataas na simula ni Katerina Ivanovna (laging mataas
ang tono niya tuwing kausap ang may-ari upang maunawaan niya ang kaniyang
tamang lugar, kahit ngayon ay hindi pa rin siya tumatanggi sa ganoong munting
kasiyahan). “Amalia Ludwigovna ...”
“Sabi ko na sa inyo palagi, huwag kayo lakas-loob. Ako tawag Amalia
Ludwigovna. Ako ay Amalia-Ivan!”
“Hindi kayo Amalia-Ivan, kundi Amalia Ludwigovna. At dahil ako’y
hindi gaya ng mga sipsip na tulad ni G. Lebezyatnikov, na tumatawa sa likod
ng pinto (nagtawanan nga sa likod ng pinto at nagsigawan ng “huli”) kaya’t lagi
188 FEODOR DOSTOYEVSKY

ko kayong tatawaging Amalia Ludwigovna. Pero lubos ko mang isipin ay di ko


maintindihan kung bakit ayaw ninyo ito. Nakikita naman ninyo kung ano ang
nangyari kay Simeon Sakharovich, naghihingalo na siya. Pakiusap lamang na isara
ninyo ngayon din ang pinto nang huwag makapasok ang sinuman. Hayaan man
lamang ninyong mamatay siya nang mapayapa. Kung hindi ay tinitiyak ko sa inyo
na malalaman bukas na bukas din ng Gobernador Heneral ang inyong ginawa.
Kilala niya ako mula pagkabata at alam din niya si Simeon Sakharovich, na
maraming beses na rin kayong tinulungan. Alam ng lahat na maraming kaibigan
at kakilalang mataas na tao si Simeon Sakharovich. Kusa niyang iniwan ang mga
ito dahil sa marangal na pagmamalaki nang maramdaman ang sawimpalad na
panghihina. Ngunit ngayon (itinuro niya si Raskolnikov) ay tinutulungan kami
nitong napakabuting binata, may kakayahan, at koneksyon, na kakilala ni Simeon
Sakharovich mula pagkabata. Magtiwala kayo, Amalia Ludwigovna ...”
Mabilis ang pagkabigkas ng lahat ng ito. Habang tumatagal ay lalong
bumibilis ngunit miminsan siyang pinuputol ng kaniyang pag-ubo. Nang
magising ang naghihingalo at umuungol, humangos si Katerina Ivanovna sa
kaniya. Nagmulat ng mata ang maysakit, hindi pa nakauunawa at nakakikilala,
at minasdan niya ang nakatayo sa kaniyang harapang si Raskolnikov. Mabigat,
malalim, at madalang ang kaniyang paghinga. Sa gilid ng bibig ay bumubulwak ang
dugo at pinagpapawisan ang kaniyang noo. Nang hindi makilala si Raskolnikov ay
di-mapakaling iniikot ang paningin. Malungkot na nakatitig sa kaniya si Katerina
Ivanovna, ngunit mahigpit ang pagkakatingin at sa kaniyang mga mata’y tumutulo
ang luha.
“Diyos ko! Wasak ang buong dibdib niya! Dugo, dugo!” nasabi niyang
gulong-gulo. “Kailangang alisin ang kaniyang pang-itaas na damit. Tumagilid ka
nang kaunti, Simeon Sakharovich, kung kaya ninyo,” sigaw niya sa kaniya.
Nakilala siya ni Marmeladov.
“Tumawag kayo ng pari!” nabanggit niya sa ipit na tinig.
Pumunta si Katerina Ivanovna sa may bintana, isinubsob ang ulo sa
pasamano, at masamang-masama ang loob na napabunghalit:
“O, isinumpang buhay!”
“ ... Pari!” muling sabi ng naghihingalo makaraan ang sandaling
katahimikan.
“Tumawag na!” sigaw sa kaniya ni Katerina Ivanovna. Narinig niya ang
sigaw at tumahimik. Marubdob at punong-puno ng lumbay ang kaniyang mga
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 189

matang nakatingin kay Katerina Ivanovna na muling lumapit sa kaniya at pumunta


sa dakong ulunan. Bahagyang kumalma siya ngunit sandali lamang. Namataan
nito ang maliit na si Lida (ang kaniyang paborito), na nanginginig sa isang sulok,
mistulang inaatake, at gulat na gulat na nakamulagat ang malalaking mata.
“A ... a ...” di-mapakaling turo ng maysakit sa kaniya. Mayroon siyang
kung anong nais sabihin …
“Ano iyon?” sigaw ni Katerina Ivanovna.
“Nakatapak! Nakatapak!” bulong niyang mabaliw-baliw na itinuturo ng
mata ang nakatapak na batang babae.
“Tumahimik ka!” nanginginig na sigaw ni Katerina Ivanovna, “Alam mo
kung bakit siya nakatapak!”
“Salamat sa Diyos, heto na ang doktor!” masayang sigaw ni Raskolnikov.
Pumasok ang doktor. Isang matandang Aleman, maayos, at tumingin-
tingin na mukhang di-nagtitiwala. Lumapit siya sa maysakit, pinulsuhan, at
matamang sinalat ang ulo. Sa tulong ni Katerina Ivanovna ay inalis ang mga
butones ng duguang damit ng maysakit at tumambad ang kaniyang dibdib. Ang
buong dibdib niya’y wasak, lamog, at bali-bali. Ilang buto at tadyang niya sa
kanan ang wasak. Sa kaliwa naman, sa mismong puso ay pinakagrabe, malaki,
madilaw-dilaw, at itim na sugat—malupit na sipa ng kabayo. Napangiwi ang
doktor. Ikinuwento ng pulis na ang nasagasaan ay tinangay pa ng gulong ng halos
tatlumpung hakbang sa kalsada.
“Nakapagtataka kung papaano pa siya nagising,” mahinang bulong ng
doktor kay Raskolnikov.
“Ano pang masasabi ninyo?”
“Mamamatay na rin siya ngayon.”
“Di yata’t wala nang pag-asa?”
“Kahit kaunti’y wala na. Naghihingalo na talaga. Isa pa’y napakasama ng
sugat sa ulo ... Hmm ... Maaari siyang salinan ng dugo ... ngunit ... hindi na rin
makatutulong ... lima o sampung minuto na lang at mamamatay rin siya.”
“Kung ganoon ay salinan na rin ng dugo!”
“Sige ... ngunit ipinauuna ko na wala na ring magagawa ito.”
Nang muli’y makarinig ng mga yabag sa hagdan, naggalawan ang mga
tao at lumitaw sa may pinto ang pari, isang matandang puti ang buhok at dala-
dala ang mga gamit na panghuling sakramento. Sa daan pa’y kasunod na niya ang
pulis. Noon din ay nagbigay-daan ang doktor at nakipagpalitan ng makahulugang
190 FEODOR DOSTOYEVSKY

titig dito.
Pinakiusapan ni Raskolnikov ang doktor kung maaaring maghintay pa
ito nang kaunti. Ito ay nagkibit-balikat at nanatili na rin.
Lahat ay lumayo. Napakatagal ng kumpisal. Malabong mayroon pang
anumang naiintindihan ang nakaratay. Nakabibigkas lamang siya ng paputol-
putol sa di-maintindihang tunog. Hinila ni Katerina Ivanovna si Lida at
kinuha ang batang lalaki sa upuan. Pumunta sa sulok sa may kalan at lumuhod.
Pinaluhod niya ang mga bata sa kaniyang harapan. Nanginginig ang batang babae.
Samantalang nakaluhod ang batang lalaki, na sabay itinataas ang mga kamay,
nagkukrus, at yumuyuko sa sahig na tumatama sa noo, bagay na nagbibigay sa
kaniya ng natatanging kasiyahan. Kagat ni Katerina Ivanovna ang labi at pigil na
pigil ang luha. Nananalangin din siya. Paminsan-minsa’y inaayos ang damit ng
bata at nagawa rin niyang takpan ng balabal ang hubad na balikat ng batang babae.
Ang balabal ay nakuha niya sa baul nang nakaluhod at patuloy sa pananalangin.
Samantala’y muling napuno ng mga ususero ang pinto ng kuwarto na ngayo’y
nakabukas. Sa may hagdan ay lalong nagsiksikan ang mga nanonood. Ang lahat
ng nakatira yata sa gusali ay naroroon na. Ngunit hindi naman sila tuluyang
pumapasok sa kuwarto. Isang kandila lamang ang tumatanglaw sa buong kuwarto.
Sa mga sandaling ito, mula sa hagdan, hirap mang makipagsiksikan ay
humahangos na dumating si Polya na tumawag sa kapatid. Pumasok siya na halos
di-makahinga sa mabilis na pagtakbo. Inalis ang balabal at inapuhap ng tingin ang
ina. Lumapit at nagsabi: “Parating na siya. Nakasalubong ko sa daan.”
Siya ay pinaluhod ng ina sa kaniyang tabi. Mula sa kumpol ng mga tao
ay walang-ingay at bakas ng takot na lumusot ang isang dalaga. Kakatwa ang
bigla niyang paglitaw sa silid na iyon, sa gitna ng karukhaan, malabasahang damit,
sama-ng-loob, at kamatayan. Siya man ay suot-basahan, mumurahin, ngunit
punong-puno ng kolorete, ayon sa panlasa at patakarang umiiral sa kaniyang
natatanging daigdig, malinaw, at walang-kahihiyang ibinibilad ang layunin. Si
Sonya ay tumayo lamang sa may pinto ngunit hindi pumapasok at nakatingin na
parang wala sa sarili, hindi na rin alintana o nakalimutan ang tungkol sa kaniyang
suot na sedang apat na beses nang nagpasalin-salin sa kamay ng iba bago niya
nabili. Hindi nababagay sa okasyon ang makulay niyang damit, may napakahaba
at nakakatawang buntot. Ang napakalaking paldang krinolin na humaharang
sa buong pinto, makukulay na bota, munting payong na di-kailangan sa gabi
ngunit dala-dala pa rin niya, at ang nakatutuwang bilog na sumbrerong buling
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 191

na may matingkad at kulay apoy na balahibo. Sa ilalim ng sumbrerong nakasuot


na patagilid, akala mo’y bata. Maaaninag ang hapis, namumutla, at hintakot na
munting mukha. Nakabuka ang labi at matang di-matinag sa nerbyos. Si Sonya
ay maliit, labingwalong taong gulang, payat, ngunit maganda. Kulay blonde ang
buhok at may napakagandang asul na mata. Walang-kurap ang pagkakatitig
niya sa higaan at sa pari. Habol niya ang kaniyang paghinga dahil sa mabilis na
paglalakad. Sa wakas, tila nakarating sa kaniya ang bulungan at salitaan. Nakayuko
siyang pumasok sa loob ng kuwarto ngunit naroon pa rin sa may pinto.
Natapos ang kumpisal at komunyon. Muling lumapit si Katerina
Ivanovna sa higaan ng asawa. Umurong ang pari at sa pag-alis ay bumanggit ng
ilang salita ng pakikiramay at pampalubag-ng-loob para kay Katerina Ivanovna.
“At saan ko dadalhin ang mga iyan?” pabigla at nanginginig na putol ni
Katerina Ivanovna na nakaturo sa mga bata.
“Ang Diyos ay maawain. Umasa tayo sa tulong ng Maykapal ...” anang
nagsimula ng pari.
“A, maunawain nga. Pero hindi sa amin!”
“Kasalanan iyan, Ginang, kasalanan,” puna ng paring umiiling.
“E, iyan, hindi ba kasalanan?” sigaw ni Katerina Ivanovna, itinuturo ang
naghihingalo.
“Marahil naman, sinuman ang naging dahilan nito, di man sinasadya, ay
papayag na bayaran kayo bilang katumbas ng kawalan ninyo ng kabuhayan …”
“Hindi ninyo ako naiintindihan!” galit na sigaw ni Katerina Ivanovna
na iwinasiwas ang kamay. “At bakit ako babayaran? E, siya mismo ang lasing
na sumuot sa ilalim ng mga kabayo! Anong kabuhayan? Wala siyang ibinibigay
kundi pagdurusa dahil siya ay lasenggo. Lahat ay ipinang-iinom! Ninakawan pa
kami at dinala lang sa inuman. Doo’y inubos pati buhay ko! Salamat sa Diyos at
mamamatay na siya! Mababawasan ang gastos!”
“Dapat ay magpatawad kayo sa oras ng kamatayan, Ginang. Malaking
kasalanan ang ganyang damdamin.”
Di malaman ni Katerina Ivanovna ang gagawin sa maysakit. Naroong
bigyan ng maiinom, pinupunasan ang pawis at dugo sa ulo, inaayos ang unan
habang nakikipag-usap sa pari, at paminsan-minsa’y lumilingon sa kaniya habang
abala sa ginagawa. Ngunit ngayo’y tila desperadong sumugod ito sa kaniya.
“O, Padre, puro salita lang iyan! Patawarin?! Kung halimbawa man
na umuwi siya ngayon, lasing at hindi nasagasaan, suot pa rin ang dating
192 FEODOR DOSTOYEVSKY

damit, maruming-maruming tila basahan, ay babagsak na lang siya’t bubulagta.


Magdamag ko namang lalabhan ang mga damit niya at ng mga bata. Pagkatapos
ay patutuyuin sa may bintana at bago magbukang-liwayway ay maisusuot na
nila. Ganyan lilipas ang aking magdamag! Ngayon, ano pang pagpapatawad ang
sinasabi ninyo? Ipinagpatawad ko nang lahat!”
Pinutol ang kaniyang pagsasalita ng malalim at nakagugulat na pag-ubo.
Itinakip niya ang panyo sa bibig at pagkatapos ay ipinakita ito sa pari habang
tutop ng isa pang kamay ang naninikip na dibdib. Ang panyo ay puno ng dugo ...
Yumuko ang pari at di-bumigkas ni isa mang salita.
Huling paghihirap na ni Marmeladov. Hindi niya iniaalis ang
pagkakatingin sa mukha ni Katerina Ivanovna na muling nakatungo sa kaniya.
Mayroon siyang gustong sabihin sa kaniya. Pilit niyang iginagalaw ang dila at
pilit nagsasalita ngunit walang maintindihan. Ngunit naiintindihan siya ni
Katerina Ivanovna na nais niyang humingi ng patawad. Noon din ay pautos siyang
sinigawan nito.
“Tumahimik ka! Hindi na kailangan! Alam ko ang gusto mong sabihin!”
At tumahimik ang nakaratay ngunit nang mga sandaling iyon nahagip ng kaniyang
nanlalabo at gumagalang paningin ang pinto at nakita niya si Sonya ... Kanina pa
niya ito di-napapansin. Siya ang nakatayo sa sulok, ang anino sa dilim.
“Sino iyon? Sino iyon?” sabi niya sa mahina at impit na tinig. Punong-
puno ng agam-agam, nanlalaki, at hintakot ang matang nakapukol sa pinto, kung
saan nakatayo ang anak. Pilit siyang bumangon.
“Higa! Higaaa!” palahaw ni Katerina Ivanovna.
Ngunit nagawa niyang tumukod sa kamay sa halos di-pangkaraniwang
lakas. Gulilat siyang tumitig sa anak nang ilang saglit na parang di ito nakikilala.
Hindi pa niya ito kailanman nakita sa ganoong kasuotan. At siya’y nakilala niya,
abang-aba, durog, maharot ang kasuotan, hiyang-hiya, at tahimik na naghihintay
sa kaniyang pagkakataong magpaalam sa naghihingalong ama. Walang-hanggang
pagdurusa ang bumahid sa mukha ng ama.
“Son-ya! A-nak koooo! Pa-ta-wa-rin mo a-koooo!” naibulalas niya at nais
sana niyang iunat ang kamay sa anak ngunit nawalan ito ng timbang at nahulog.
Kumalabog siya mula sa sofa na una ang mukha sa sahig. Nagmamadaling iniangat
siya at inihiga ngunit siya’y nauubusan na ng hininga. Impit ang sigaw ni Sonya.
Patakbong niyakap ang ama, matagal siyang di-kumikilos sa pagkakayakap. At
siya ay namatay sa kaniyang kandungan.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 193

“A! Nakuha niya ang gusto niya!” palahaw ni Katerina Ivanovna nang
makita ang bangkay ng asawa. “O, ano ngayon ang gagawin ko? Paano ko siya
ipalilibing? At sila, ano ang ipapakain ko sa kanila?”
Lumapit si Raskolnikov kay Katerina Ivanovna.
“Katerina Ivanovna,” pagsisimula niya, “Noong nakaraang linggo ay
isinalaysay lahat sa akin ng inyong namayapang asawa ang buong buhay niya
at kalagayan ... Maniwala kayo sa akin na punong-puno siya ng marubdob
na paggalang sa inyo. Nang gabing iyon, nang aking matalos kung gaano siya
katapat, lalo na sa inyo, Katerina Ivanovna, kung gaano niya kayo iginagalang at
minamahal ... sa kabila ng kaniyang sawing kahinaan. Magmula nang gabing iyon,
kami ay naging magkaibigan ... Pahintulutan ninyo ako ... bilang pagkilala ... at
pakikiramay sa aking pumanaw na kaibigan ... Heto ang ... dalawampu’t limang
rublo ... at sana’y may maitulong kahit papaano ... Ako ay babalik ... tiyak na
babalik ... Marahil, bukas ay paparito ako ... Paalam!”
At mabilis siyang lumabas ng kuwarto. Nagmamadaling gumitgit sa mga
taong nasa hagdan ngunit sa talpa ay nasumpungan niya bigla si Nikodim Fomich,
na nakaalam sa aksidente at nagnais na personal na ayusin ito. Magmula nang
pangyayari sa presinto ay hindi na sila muling nagkita ngunit agad siyang nakilala
ni Nikodim Fomich.
“Kayo ba iyan?” tanong nito sa kaniya.
“Patay na,” sagot ni Raskolnikov. “May dumating na doktor at pari. Nasa
ayos na ang lahat. Huwag na ninyong gambalain ang kaawa-awang babae. Labis
na ang kaniyang pagdurusa ... ngunit palakasin na lang ninyo ang loob sa abot ng
inyong makakaya. Alam kong ... kayo’y mabuting tao ...” mapang-uyam niyang
dugtong na nakatingin nang tuwid sa mga mata.
“At paano kayo nalagyan ng dugo,” puna ni Nikodim Fomich nang
mailawan ng sulo ang ilang bakas ng sariwang dugo sa damit ni Raskolnikov.
“Oo. Napuno ako ng dugo!” sabi ni Raskolnikov na may kakaibang anyo.
Pagkatapos ay ngumiti, tumango, at tumuloy na sa ibaba ng hagdan.
Tahimik siyang bumaba. Hindi siya nagmamadali, inaapoy ng lagnat,
at di niya namamalayan na isang bago, di-matingkalang damdamin ang biglang
nagbigay ng sigla, lakas, at buhay sa kaniya. Ang damdaming iyon ay katulad
ng nadama ng isang pinatawan ng parusang kamatayan at bigla, di-inaasahan,
ay gagawaran ng kapatawaran. Sa kalagitnaan ng hagdan ay inabutan siya ng
papauwing pari. Walang-imik siyang pinaraan ni Raskolnikov at tahimik na
194 FEODOR DOSTOYEVSKY

nagbigay-galang. Nang palampas na siya sa huling baitang ay bigla niyang narinig


ang mga nagmamadaling yabag mula sa likuran. May kung sinong humahabol sa
kaniya—si Polenka. “Makinig po kayo, makinig po kayo!”
Nilingon niya ito. Si Polenka’y nasa huling hagdan na at huminto sa
mismong harapan ni Raskolnikov, mas mataas ng isang baitang. Nang papasok
ang mahinang sinag ng liwanag sa bakuran at nasulyapan ni Raskolnikov ang
payat ngunit magandang mukha ng batang babae, masaya itong nakangiti sa
kaniya, tulad ng isang paslit. Tumakbo siyang may sinusunod na utos na halatang
gustong-gusto niyang gawin.
“Pakinggan po ninyo ako. Ano ang pangalan ninyo? At isa pa’y saan kayo
nakatira?” nagmamadali niyang tanong na habol ang hininga.
Inilagay ni Raskolnikov ang dalawang kamay sa balikat niya at may
ligayang tinitigan ito. Tuwang-tuwa siyang tinitingnan si Polenka. Siya mismo’y
di-nakaaalam kung bakit.
“At sinong nag-utos sa iyo?”
“E, inutusan po ako ni Ate Sonya,” sagot ng batang mas sumaya ang
pagkakangiti.
“Alam ko na ang Ate Sonya mo ang nag-utos sa iyo.”
“Inutusan din po ako ni Mama. Nang sabihan ako ni Ate Sonya ay
lumapit din ang Mama at nagsabing, “Sige, Polenka, takbo. Bilis!”
“Mahal mo ba ang Ate Sonya mo?”
“Pinakamamahal ko siya sa lahat!” may natatanging diin na sagot ni
Polenka at ang ngiti niya’y naging mas seryoso.
“E, ako ba’y mamahalin din ninyo?”
Sa halip na sagot ang nakita niya ay lumapit ang mukha ng bata,
nakatikom, at nakaumbok ang mga labi. Walang-muwang siyang pilit inaabot
upang mahagkan. Di kaginsa’y niyakap siya nang napakahigpit ng mga payat at
patpating kamay ng bata. Inihilig ang ulo sa balikat niya at tahimik na umiyak,
pahigpit nang pahigpit ang pagkakadaiti ng pisngi sa kaniya.
“Naaawa ako sa Papa,” nabanggit niya makaraan ang ilang sandali.
Iniangat niya ang luhaang mukha at pinupunasan ng mga kamay ang luha.
“Nagdatingan na ngayon ang puro kamalasan,” hindi inaasahan niyang dugtong.
Matigas ang kaniyang anyo na pilit ginagawa ng mga bata tuwing nagnanais
magsalitang gaya ng matatanda.
“Minahal ba kayo ng inyong Papa?”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 195

“Mahal niya sa aming lahat si Lida,” seryoso niyang pagpapatuloy. Hindi


ngumingiti, para talagang matanda, “Mahal niya dahil sa siya ang maliit. Isa pa’y
may sakit. Lagi siyang may pasalubong sa kaniya. Kami naman ay tinuruan niyang
magbasa. Tinuruan din niya ako ng balarila at mga utos ng Diyos,” dagdag niyang
may pagmamalaki. “Hindi umiimik si Mama, ngunit alam namin na natutuwa siya
at alam iyon ni Papa. Gusto rin ni Mama na turuan ako ng Pranses dahil panahon
na para ako ay mag-aral.”
“Marunong ba kayong manalangin?”
“O, siyempre, marunong kami! Matagal na! Ako, dahil malaki na ay
tahimik nang umuusal ng panalangin. Pero si Kolya at Lida, kasabay ng Mama,
ay nananalangin nang malakas. Una ay “Ave Maria” ang binibigkas. Pagkatapos
ay isa pang panalangin na “Panginoon, patawarin at basbasan si Ate Sonya” at
pagkatapos ay isa pang “Panginoon, patawarin at basbasan ang aming isa pang
Papa.” Kasi ‘yong mas matanda naming Papa ay patay na at iyon ay iba kaya
nananalangin din kami.
“Polenka, ako ay si Rodion. Kung may pagkakataon ay ipanalangin ninyo
rin ako—ang aliping si Rodion. Iyon lang.”
“Buong buhay ko kayong ipananalangin mula ngayon!” marubdob na sabi
ng batang babae. Kapagdaka’y tumawa at muling yumakap sa kaniya.
Sinabi ni Raskolnikov ang kaniyang pangalan, adres, at nangakong
bukas ay babalik. Masayang-masayang tumalikod ang bata. Alas-onse na nang
si Raskolnikov ay lumabas sa daan. Makaraan ang limang minuto ay nakatayo na
siya sa tulay ring iyon, kung saan kanina lamang ay may tumalong babae.
“Tama na!” matibay at may katapusan niyang pasya, “Tama na ang mga
malikmata. Tama na ang mga likhang-isip na takot. Tama na ang mga pangitain!
Mayroon pang buhay! Hindi ba’t buhay pa ako? Hindi natapos ang buhay ko,
kasabay ng matandang babae! Sumalangit nawa ang kaniyang kaluluwa. Oras na
niya para mamahinga! Ngayo’y maghahari ang katuwiran ... determinasyon ... at
lakas ... Makikita natin ngayon!” matatag niyang dugtong. Akala mo’y kausap
niya’t hinahamon ang kapangyarihan ng kadiliman. “Di ba’t sumang-ayon na
akong mabuhay sa isang dipang lugar!”
“ ... Mahina pa rin ako ngunit ... mukhang lipas na ang karamdaman.
Alam kong lilipas din, naisip ko kanina paglabas. Oo nga pala, ang Pochinkov
Bldg. ay malapit lang dito. Tutuloy ako kay Razumikhin, kahit pa di malapit ...
Makatutulong ang sangla ... Hayaang siya’y matahimik. Di bale … sige! Pero
196 FEODOR DOSTOYEVSKY

kailangan ng lakas … lakas. Kung walang lakas ay walang magagawa. At ang lakas
ay dapat kunin sa dahas. ‘Yon ang hindi nila alam!” nagmamalaki at matiwala niyang
dagdag at tumuloy nang halos di-sumasayad ang paa sa tulay. Ang pagmamalaki
at tiwala niya sa sarili ay lumalakas sa bawat paglipas ng sandali. Ilang sandali pa’y
hindi na siya ang taong katulad ng dati. Ano ba ang nangyari at halos bumaligtad
ang kaniyang pagkatao? Siya man ay hindi nakaaalam. Gaya ng taong kumakapit
sa lubid ay bigla niyang naramdaman na “maaari pa siyang mabuhay, na may buhay
pa, at hindi ito natapos, kasabay ng matandang hukluban!” Marahil ay masyadong
mabilis ang kaniyang konklusyon, ngunit hindi na niya ito pinag-isipan pa.
“Pero ipinakiusap ko na ipanalangin ang aliping si Rodion” biglang
kumislap sa kaniyang isipan, “Iyon ay kung ano’t anuman!” dugtong niya. At
siya man ay napatawa sa kaniyang parang paslit na pagpapalusot. Napakagaan at
napakalakas ng kaniyang loob.
Madali niyang natunton si Razumikhin na kilala na sa gusaling
Pochinkov bilang bagong nangungupahan. Agad itinuro sa kaniya ng bantay ang
daan papunta sa pakay. Sa kalagitnaan pa lamang ng hagdan ay maririnig na ang
ingay at masiglang usapan ng mga nagkakatipon-tipon. Ang pintong nakaharap
sa hagdan ay nakabukas. Dinig ang mga malalakas na usapan at pagtatalo. Malaki
rin ang kuwarto ni Razumikhin. Siguro’y labinlimang katao ang nagkakatipon.
Huminto si Raskolnikov sa may pasukan, kung saan sa may harang ay abala ang
dalawang katulong sa dalawang samovar, mga bote, pinggan, mga minatamis, at
pulutan mula sa kusina. Nagpasabi si Raskolnikov kay Razumikhin na masayang-
masayang sumalubong sa kaniya. Sa unang tingin pa lamang ay halatang marami
nang nainom si Razumikhin. Bagama’t di pa siya kailanman talagang nalasing,
ngunit ngayo’y halatang tinamaan na rin.
“Pakinggan mo ako,” pagmamadali ni Raskolnikov. “Pumunta lang ako
upang sabihin na mabuti na lang at nakuha mo ang aking isinangla. Kung hindi’y
walang makapagsasabi kung ano na ang mangyayari rito. Hindi na ako papasok.
Mahina pa ako at baka bumagsak lang. Kaya salamat na lang at ako’y lalakad na!
Puntahan mo na lang ako bukas ...”
“Alam mo, mabuti pa’y ihahatid na kita! Lalo na’t ikaw na ang may sabing
nanghihina ka pa ...”
“Paano ang mga bisita? Sino ‘yong kulot na sumilip dito?”
“Iyon? Demonyo lang ang nakaaalam! A, kakilala ng tiyo, malamang, o
baka basta lang pumunta ... bahala na si tiyo sa kanila. Napakahalaga sa akin ng tiyo
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 197

ko. Sayang at hindi kita maipakikilala ngayon. A, bayaan na nga natin sila. Wala
na muna akong pakialam sa kanila at saka kailangan kong magpahangin. At ‘tol,
buti at dumating ka, kung hindi’y mapapaaway na siguro ako, ilang sandali na lang.
O, Diyos ko! Basta na lang ... puro kalokohan! Hindi mo aakalain, kung gaano at
hanggang saan mababaluktot ang tao! Ba’t hindi natin aakalain? Hindi ba’t tayo
man ay kung ano-anong sinasabi? Hayaan na nga natin silang magdadakdak para
matigil na pagkatapos ... Sandali lang, tatawagin ko si Zosimov.”
May pananabik pang humangos si Zosimov kay Raskolnikov. Kita na
may natatanging interes si Zosimov sa kaniya. Sandali lang at umaliwalas ang
kaniyang mukha.
“Kailangan mong matulog,” pasya niya pagkasuri sandali sa pasyente,
“Makabubuti ang pag-inom ng gamot. Iinom ba kayo? Kanina ko pa inihanda ...
heto, isang pulbos.”
“Kahit dalawa pa,” sagot ni Raskolnikov. Noon din ay ininom niya ang
pulbos.
“Mabuti at ihahatid mo siya,” sabi ni Zosimov kay Razumikhin. “Bukas
ay titingnan ko kung ano ang pagbabago. Pero ngayon ay hindi na masama. Malaki
ang iginanda kaysa kanina. Matuto habang nabubuhay ...”
“Alam mo ba kung ano ang ibinulong kanina sa akin ni Zosimov nang
tayo’y papalabas?” naibulalas ni Razumikhin pagkalabas na pagkalabas pa lang sa
kalsada. “Ako, ‘tol, ay tapat na nagsasabi sa iyo ng lahat pagkat sila’y mga luko-
luko. Sinabihan ako ni Zosimov na daldalin ka habang nasa daan at hayaan ka
ring magdadaldal at ikuwento ang lahat sa kaniya pagkatapos dahil may akala siya
na ... ikaw ... ay nasisiraan daw ng bait ... Isipin mo iyon! Una, mas matalino ka
nang tatlong ulit sa kaniya. Pangalawa, kung ikaw ay di-nasisiraan ay wala ka nang
pakialam sa anumang kalokohang nasa isipan niya! Ikatlo, ang kapirasong karneng
iyon, na siruhano ang espesyalisasyon ngayon ay nakikihalo sa mga suliraning
pang-isipan. Tungkol sa iyo, ang naging usapan ninyo ni Zamyotov kanina, ang
tuluyang nakakumbinsi sa kaniya.”
“Ikinuwento lahat sa iyo ni Zamyotov?”
“Lahat. At mabuti nga na ginawa niya. Ngayon ay alam ko na ang lahat
hanggang talampakan at gayundin si Zamyotov ... Oo, Rodya, sa madaling salita ...
ang bagay na ito ... ang ideyang ... alam mo na, di ba? Dahil walang sinuman ang
magkalakas-loob na sabihin dahil malaking kalokohan, walang-katuturan. Lalo na
pagkakuha roon sa pintor. Lahat ng iyon ay tuluyan nang bumagsak at naglaho.
198 FEODOR DOSTOYEVSKY

Pero bakit ba sila mga sira? Medyo pinagalitan ko nga si Zamyotov. Atin-atin
lang, ha? ‘Tol, pakiusap lang, huwag kang magpapahalata na alam mo. Napuna
ko na sensitibo siya tungkol kay Laviza. Pero ngayon, ngayon ay malinaw na ang
lahat. Isa pa iyang si Ilya Petrovich! Masyado niyang binigyang-kahulugan ang
sumandaling pagpanaw ng iyong ulirat sa presinto. Pero ngayon ay napahiya siya
sa sarili. Alam ko ...”
Hayok sa pakikinig si Raskolnikov habang lasing na nagdadaldal si
Razumikhin.
“Bumagsak ako noon dahil sa sobrang alinsangan at sa maalingasaw na
amoy-pintura,” sabi ni Raskolnikov.
“Nagpapaliwanag pa! Oo at hindi lang dahil sa pintura, kundi sa sakit
mo na isang buwan na halos! Kitang-kita iyon ni Zosimov! Kung gaano ang
pagkapahiya niya ngayon, ‘tol, di mo kayang isipin! “Hindi ako katumbas, maging
hinliliit lang ng taong iyon!” Ganyan ang sabi niya patungkol sa iyo. Kung minsan,
‘tol, ay may mabuti rin siyang loob. Ngunit ang natutuhan niyang leksyon ngayon
sa Palasyong Kristal, iyon ang tugatog ng perpeksyon! Dahil una ay tinakot mo
siya na halos ikapangatal ng kaniyang katawan! Halos mapaniwala mo siya sa lahat
ng kabuktutang walang-kapararakan at pagkatapos ay bigla mong ... nilabasan ng
dila: “O, ano ngayon ang napala mo! Perpekto! Bagsak at wasak! Magaling ka
talaga! Ipasa-Diyos man ay bagay sa kanila iyon! A, sayang at wala ako noon!
Ngayon ay tigas na kahihintay niya sa iyo. Gusto ka ring makilala ni Porfiri ...”
“At bakit naman pinagkamalan akong baliw?”
“Hindi naman sa baliw ... ‘Tol, kung ano-ano na yata ang pinagsasabi ko
... Labis lang niyang ipinagtaka noong una ... Alam mo kasi ... kung bakit tila iyon
lang ang puntong pinagkakainteresan mo ... Malinaw na ang lahat kung bakit,
lalo na ngayong alam na ang buong sitwasyon ... at ganoon na lang ang galit mo
noon, nasabay pa sa iyong karamdaman ... ‘Tol, ako ay medyo lasing, a. Demonyo
lang ang nakaaalam! Sinasabi ko sa iyo na nakikihalo siya na hindi dapat sa mga
karamdamang pang-isipan. At huwag mo na lang pansinin ...”
Sandaling katahimikan.
“Siya nga pala, Razumikhin,” pagsasalita ni Raskolnikov, “Nais kong
sabihin sa iyo nang tuwiran: kagagaling ko lang sa patay. Isang dating kawani
ang namatay ... ibinigay ko roon ang lahat ng aking pera ... At liban pa riyan
ay hinalikan ako kanina ng isang nilikha kung kaya’t kung mayroon man akong
pinatay ay ... Sa ibang salita ... mayroon pa akong nakitang isa pang nilikha ... may
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 199

nag-aapoy na pakpak ... a, walang-kawawaan ... hinang-hina ako. Hawakan mo


ako ... heto na ang hagdan ...”
“Anong nangyayari sa iyo? Anong nangyayari?” tanong ng kinabahang si
Razumikhin.
“Medyo nahihilo ako at hindi lang iyon, napakalungkot ko.
Napakalungkot! Para akong babae! Ano iyon? Tingnan mo! Tingnan mo!”
“Alin ba?”
“Hindi mo ba nakikita? May ilaw sa ‘king kuwarto, kita mo? Sa kuwarto
ko ...”
Sila ay nasa huling hagdan sa tabi ng pinto ng may-ari at sadyang
makikita mula sa ibaba na may ilaw nga sa kuwarto ni Raskolnikov.
“Nakapagtataka! Baka si Nastasya,” hula ni Razumikhin.
“Hindi siya pumupunta riyan sa ganitong oras at kanina pa tulog iyon.
Pero ... pareho lang sa akin! Paalam!”
“Ano ka ba? Sasamahan na kita. Sabay tayong papasok!”
“Alam ko na sabay tayong papasok ngunit gusto ko na ring makipagkamay
sa iyo rito at magpaalam. O, ibigay mo na ang iyong kamay at paalam!”
“Ano ba ang nangyayari sa iyo, Rodya?”
“O, sige na, tara! Ikaw ang magiging saksi …”
At pumanhik na sila sa hagdan. Kumislap sa isip ni Razumikhin na baka
nga tama si Zosimov. “A, naguluhan pa yata dahil sa aking kadadaldal!” bulong
nito sa sarili. Nang paglapit nila sa pinto ay nakarinig sila ng mga boses.
“Anong nangyayari rito?” sigaw ni Razumikhin.
Unang tinungo ni Razumikhin ang pinto at binuksan ito. Parang
natuklaw na natigagal sa may pinto si Raskolnikov.
Nakaupo sa sofa ang kaniyang ina at kapatid, isa’t kalahating oras nang
naghihintay. Kung bakit sa lahat ay sila ang hindi niya pinakahihintay at ni hindi
sila sumasaling sa kaniyang isipan gayong ilang ulit na rin niyang narinig ang
balita na sila ay lumuwas, paparito na, at darating na nga.
At sa buong isa’t kalahating oras ay panay ang tanong nila kay Nastasya
na nakatayo at nasa kanilang harapan. Naikuwento na niya sa kanila ang lahat-
lahat. Ganoon na lamang at sukat ang kanilang pangamba nang marinig na siya ay
“tumalilis” nang may karamdaman at gaya ng kuwento ay nagdedeliryo! “Diyos ko,
ano ang nangyayari sa kaniya?” Pareho silang umiiyak. Isa’t kalahating oras nilang
pasan ang mabigat na krus ng agam-agam at paghihintay.
200 FEODOR DOSTOYEVSKY

Sigaw ng ligaya at tuwa ang sumalubong sa paglitaw ni Raskolnikov.


Tumakbo agad nang payakap ang dalawa sa kaniya ngunit siya’y nakatayong parang
patay. Para siyang ginulantang ng halos di-makayanang malakas na kulog, bagay na
nagpabalik sa kaniyang ulirat at kamalayan, ni hindi umangat ang kaniyang mga
kamay upang sila’y yakapin. Hindi niya ito makayanan. Mahigpit na mahigpit ang
yakap ng ina at kapatid. Pinaghahalikan siya, tumatawa, at umiiyak ... Humakbang
siya, gumewang, at bumagsak sa sahig na walang-malay.
Pangamba, sigaw ng takot, at palahaw ... Si Razumikhin na nasa pinto
ay biglang pumasok sa kuwarto, sabay hawak kay Raskolnikov ng kaniyang
matipunong kamay at sa isang iglap ay nasa sofa na siya.
“Walang anuman ito!” sigaw ni Razumikhin, “Walang anuman ang
pagkahilong ito! Kasasabi lang ng doktor na malaki na ang ibinuti ng kaniyang
kalagayan at siya’y magaling na! Tubig! O, hayan, nahihimasmasan na. O, gising
na!”
At kumapit siya sa kamay ni Dunya. Sa lakas ay halos malinsad ang buto
nito. Hinila niya ito upang ipakita na “siya ay gising na.” Tinitingnan ng mag-ina
si Razumikhin na akala mo’y tagapagligtas nang may matinding damdamin at
pasasalamat. Nalaman na nila mula kay Nastasya kung ano ang ginawa niya para
sa kanilang si Rodya sa oras ng kaniyang pagkakaratay. “Napakagaling na binata”
ang itinawag mismo ni Pulheria Aleksandrovna Raskolnikova sa kaniyang sariling
pakikipag-usap kay Dunya nang gabi ring iyon.
e
Ikatlong
Bahagi
I

BUMANGON SI RASKOLNIKOV at naupo sa sofa.


Mahinang sinenyasan nito si Razumikhin upang ihinto na ang walang-
tigil, walang-kawawaan, at maiinit na pampalubag-loob sa ina at kapatid.
Hinawakan niya ang kamay ng dalawa at walang-imik na nagpalipat-lipat ng
pagkakatitig sa ina at kapatid. Nakadama ng takot ang ina sa kaniyang titig. Sa
kaniyang pagkatitig ay maaaninag ang marubdob na damdamin ng pagdurusa.
Ngunit kasabay nito ay may kung anong di-tumitinag na halos wala ring bait.
Napaiyak si Pulheria Aleksandrovna. Maputla si Avdotia Romanovna. Ang kamay
niya’y nanginginig sa kamay ng kapatid.
“Umuwi na kayo ... kasama niya,” sabi niyang paputol-putol at nakaturo
kay Razumikhin, “Hanggang bukas ... bukas na lang ang lahat ... Kailan pa kayo
dumating? Matagal na ba?”
“Ngayong gabi, Rodya,” sagot ni Pulheria Aleksandrovna, “Masyadong
huli ang tren. Pero, Rodya, hinding-hindi na kita iiwan ngayon! Dito na ako
matutulog sa ...”
“Huwag na ninyo akong pahirapan!” sagot niyang naiinis at iwinasiwas
ang kamay.
“Mananatili ako ritong kasama niya!” malakas na bigkas ni Razumikhin,
“Hindi ko siya iiwan kahit isang sandali! At bahala na iyong mga nasa aking bahay,
204 FEODOR DOSTOYEVSKY

kahit mag-akyatan pa sila sa dingding! Bahala na roon ang Tiyo ko.”


“Paano, paano ko kayo mapasasalamatan nang lubos?” pagsisimula ni
Pulheria Aleksandrovna. Muli niyang pinisil ang mga kamay ni Razumikhin.
Ngunit bigla siyang pinutol ni Raskolnikov.
“Hindi ko kaya, hindi ko kaya!” ulit niyang naiinis, “Huwag na ninyo
akong pahirapan! Tama na, umalis na kayo! Hindi ko na kaya!”
“Tayo na, Mama, kahit doon lang tayo sandali sa labas ng kuwarto,”
bulong ng takot na si Dunya, “Halatang pinahihirapan lang natin siya.”
“Ni hindi ko ba siya matitingnan pagkatapos ng halos tatlong taon?”
umiiyak si Pulheria Aleksandrovna.
“Sandali lang!” muli nitong pagpigil sa kanila. “Kanina pa kasi ninyo ako
pinuputol, naguguluhan tuloy ako ... Nakita na ba ninyo si Luzhin?”
“Hindi pa, Rodya, ngunit alam na niya ang aming pagdating. Narinig
namin, Rodya, na naging napakabuti ni Pyotr Petrovich upang dalawin ka ngayong
araw na ito,” maramdaming idinugtong ni Pulheria Aleksandrovna.
“Oo ... napakabait ... Dunya. Kanina ay sinabihan ko na ihuhulog ko siya
sa hagdan, pinalayas ko, at ang sabi ko’y huwag na siyang magpakitang muli …”
“Rodya, ano? Marahil ... di mo nais sabihin na ...” kinakabahang sabi ni
Pulheria Aleksandrovna ngunit huminto nang mapatingin kay Dunya.
Matamang tinitigan ni Avdotia Romanovna ang kapatid at naghintay.
Naibalita na sa kanila ni Nastasya ang tungkol sa gulo kanina sa abot ng kaniyang
pang-unawa at kakayahang magpaliwanag. Ito ay labis na nagpagulo ng kanilang
kalooban habang alalang-alalang naghihintay.
“Dunya,” hirap na pagsasalita ni Raskolnikov, “Hindi ko gusto ang
kasalang ito, kung kaya’t bukas na bukas din ay tanggihan mo na agad si Luzhin
upang ni anino niya ay di na makita pa.”
“Diyos ko!” sambit ni Pulheria Aleksandrovna.
“Kapatid ko, isipin mo naman ang sinasabi mo!” mainit na simula ni
Avdotia Romanovna ngunit pinigilan ang sarili. “Marahil ay wala ka ngayon sa
tamang disposisyon. Pagod ka lang,” maikling banggit nito.
“Nagdedeliryo? Hindi ... Pakakasal ka kay Luzhin nang dahil sa akin.
Hindi ko tinatanggap ang iyong pagpapakasakit. Kaya’t bukas din ay sumulat ka
ng liham ... liham ng pagtanggi ... Ipabasa mo sa akin bukas ng umaga. Tapos!”
“Hindi ko magagawa iyan!” napahihiyang sigaw ng dalaga. “Anong
karapatan mong ...”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 205

“Dunechka, magpadalos-dalos ka rin. Tumigil ka, bukas na ... Hindi mo


ba nakikita na …” takot na yumakap ang ina kay Dunya. “O, mabuti pa nga’y
umalis na tayo!”
“Nagdedeliryo pa rin!” sigaw ng nahimasmasang si Razumikhin, “Kung
hindi ay di niya gagawin ito! Bukas ay maglalaho ang lahat ng kaguluhang ito ...
Pero ngayong araw na ito ay talagang pinalayas niya si Luzhin. Ganoon ang tunay
na nangyari. At iyong isa naman ay nagalit ... Nagtatalumpati ritong nagpapakita
ng kaniyang karunungan at umalis na bahag ang buntot ...”
“Totoo ba iyon?” sigaw ni Pulheria Aleksandrovna.
“Hanggang bukas, kapatid ko,” may dalamhating sabi ni Dunya, “Tayo
na, Mama. Paalam, Rodya!”
“Ate, makinig ka,” ulit ni Raskolnikov na inipon ang lahat ng natitirang
lakas, “Hindi ako nagdedeliryo. Ang kasalang ito ay kamuhi-muhi! Hindi na
baleng ako’y maging masama ngunit hindi ka dapat ... kung kanino na lang ...
Kahit na ako ay maging masama ngunit hindi ko na kikilalaning kapatid ang
ganoon ... Ako o si Luzhin! Mamili ka ...”
“Nababaliw ka! Diktador!” angal ni Razumikhin. Ngunit hindi na
sumagot si Raskolnikov. Wala nang lakas pa upang sumagot. Nahiga siya sa sofa at
humarap sa pader, pagod na pagod. Kuryosong tiningnan ni Avdotia Romanovna
si Razumikhin. Kumikislap ang kaniyang mga itim na mata. Napakislot pa nga
si Razumikhin dahil sa tinging ito. Natitigilang nakatayo lamang si Pulheria
Aleksandrovna.
“Hinding-hindi ako makaaalis,” bulong niyang di-malaman ang gagawin
kay Raskolnikov, “Maiiwan ako rito. Basta ... ihatid ninyo sina Dunya.”
“At sisirain ninyo ang lahat!” bulong ni Raskolnikov na tila nawawala sa
sarili.
“Lumabas po tayo kahit sa may hagdan lang. Nastasya, kandila! Sinasabi
ko sa inyo, sumpa man,” pagpapatuloy niyang pabulong din, “Kanina lang ay halos
suntukin niya ako at ang doktor. Nauunawaan ba ninyo? Mismong doktor! Iniwan
na lang namin siya upang hindi na mapagalit pang lalo. Ako naman ay naiwan
sa ibaba para magbantay pero nagbihis naman siya at tumalilis. At ngayo’y baka
umalis din dahil ginagalit ninyo. Gabi pa naman at baka kung ano ang gawin sa
sarili.”
“O, ano bang sinasabi ninyo?”
“At hindi maaaring iwang mag-isa si Avdotia Romanovna na hindi ninyo
206 FEODOR DOSTOYEVSKY

kasama sa kuwarto! Alam ba ninyo kung anong lugar ang tinitigilan ninyo? Dahil
ang walang-hiyang si Pyotr Petrovich ay hindi yata makakita ng mas maayos na
matitirhan ... A, alam pala ninyo ... Medyo nakainom ako kaya ... nakapagmura ...
ipagpaumanhin ninyo ...”
“Pero ... pupuntahan ko na lang ang may-ari rito,” pagpipilit ni
Pulheria Aleksandrovna, “Pakikiusapan ko na bigyan kami ni Dunya ng sulok
na matutulugan kahit ngayong gabi lang. Hindi ko siya maiiwan nang ganyan.
Hindi!”
Pinag-usapan nila ito habang nakatayo sa may hagdan, sa may landing
sa tapat mismo ng kusina ng may-ari. Iniilawan sila ni Nastasya mula sa ibabang
baitang. Hindi pangkaraniwan ang kasiglahan ni Razumikhin. Kalahating oras pa
lamang ang nagdaan habang inihahatid si Raskolnikov sa bahay ay napakadaldal
niya ngunit alam niya iyon, malinaw ang isip, at halos di na lasing, kahit ubod
ng daming alak ang nainom nang gabing iyon. At ngayon, ang nararamdaman
niya’y napakatinding damdaming halos magpalutang sa kaniya sa ulap. Ang alak
na nainom ay parang doble pa ang tama. Nakapagitan siya sa dalawang babae
at sabay na tinanganan ang kanilang mga kamay, kinukumbinsi, at matapat na
ipinakita ang mga dahilan, at marahil ay upang mapagtibay pa ang paniniwala sa
bawat salita niya’y malakas na pinipisil ang kamay ng dalawa na halos masaktan.
Tinititigan niya si Avdotia Romanovna na akala mo’y kakainin, di-kababakasan
ng anumang hiya ang binata. Kung minsan ay kinakalas ng mag-ina ang kamay
sa sakit mula sa malaki at butuhang kamay ngunit hindi ito nauunawaan ni
Razumikhin, kung bakit kaya’t lalo niyang hinihigpitan at hinihila ang kanilang
mga kamay. Ang totoo, kung sakali mang iutos ngayon ng mag-ina sa kaniya,
bilang paglilingkod na magpatihulog sa hagdan na una ang ulo, ay agad siyang
tatalima nang hindi na mag-iisip o mag-aalinlangan. Punong-puno ng pag-aalala
si Pulheria Aleksandrovna tungkol kay Rodya. Bagama’t nararamdaman niya na
tila wala sa sarili si Razumikhin at napakasakit ng pagkakapisil nito sa kaniyang
kamay ay ayaw pa rin niyang punahin ang mga eksentrikong detalyeng ito dahil
si Razumikhin nga ay mistulang Tagapagligtas. Kahit may ganoong pag-aalala rin
si Avdotia Romanovna at kahit hindi rin matatakutin ay may pagtataka, at halos
may takot na sinalubong ng kaniyang mga mata ang kakaibang apoy sa titig ng
kaibigan ng kaniyang kapatid. Tanging ang walang-hanggang pagtitiwalang dulot
ng mga kuwento ni Nastasya tungkol sa kakaibang binatang ito ang pumipigil sa
kaniyang pagnanasang kumaripas ng takbo kasama ang ina. Ngunit nauunawaan
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 207

din niya na ngayon ay hindi na siya makatatakbo mula sa taong ito. Makaraan
lang ang mga sampung minuto ay huminahon na ang dalaga. Si Razumikhin ay
may katangiang sa ilang saglit lamang ay naipaliliwanag ang lahat, anuman ang
kondisyon, kaya’t madaling napapalagay ang loob ng kausap.
“Hindi uubra sa may-ari. Hinding-hindi talaga!” malakas nitong
pagkumbinsi kay Pulheria Aleksandrovna.
“Kahit pa kayo ang ina, kung mananatili kayo roon, ay baka magwala rin
at hindi natin alam kung ano ang mangyayari! Makinig kayo, ganito ang aking
gagawin: sasamahan muna siya ni Nastasya. Kayo naman ay ihahatid ko muna
sa inyo dahil hindi kayo puwedeng mag-isa lang sa daan. Dito sa St. Petersburg,
pagdating sa bagay na iyan ay ... wala tayong magagawa! Pagkatapos, mula sa inyo
ay tatakbo ako pabalik dito at ipinapangako ko na sa loob ng labinlimang minuto
ay babalitaan ko kayo kung kumusta na siya, natutulog ba o hindi, at iba pa.
Pagkatapos, mula sa inyo ay sasaglit ako sa amin. May mga bisita ako roon na puro
lasing. Kukunin ko si Zosimov, ang doktor na gumagamot sa kaniya. Nandoon
din siya ngayon sa aking lugar, hindi lasing. Hindi iyon lasing. Kailanman ay hindi
iyon nalasing! Hihilahin ko siya kay Rodya. Pagkatapos ay tutuloy ako agad sa
inyo. Ibig sabihin, sa loob ng isang oras ay makababalita kayo sa kaniya nang
dalawang beses. At mula sa doktor, mula sa mismong doktor! Iba iyon kaysa balita
lang mula sa akin. At kung hindi maganda, ipinapangako ko na dadalhin ko kayo
rito; kung maganda naman ay matulog na kayo’t magpahinga. Ako naman ay rito
na matutulog sa labas ng kuwarto. Hindi niya ako maririnig. Si Zosimov naman ay
patutulugin ko roon sa may-ari para narito lang siya sa malapit. O, sino ba ang mas
mabuting tumingin sa kaniya ngayon, kayo o doktor? Siyempre, mas magaling
kung doktor. O, uwi na tayo! Dito sa may-ari ay hindi puwede. Ako, pwede pa.
Pero kayo ... hindi. Bakit? Kasi ... sira! Pagseselosan niya nang dahil sa akin si
Avdotia Romanovna at kung gusto ninyong malaman, e, pati kayo ay pagseselosan
niya ... Pero tiyak na magseselos kay Avdotia Romanovna. Ibang-iba ang ugali ng
taong iyon. Pero ako man ay luko-luko ... A, huwag ninyo akong intindihin! Tayo
na. Nagtitiwala ba kayo sa akin? O, nagtitiwala ba kayo o hindi?”
“Tayo na, Mama,” sabi ni Avdotia Romanovna, “Sa tingin ko’y gagawin
niya kung ano ang sinabi.” Iniligtas na niya ang aking kapatid at kung totoo na
papayag ang doktor na matulog dito, ano pa ang mas mabuti?”
“O, kayo ... kayo ... kayo’y nakauunawa sa akin sapagkat kayo’y ... anghel!”
masayang sambit ni Razumikhin. “Tayo na! Nastasya, panhik na agad at bigyan
208 FEODOR DOSTOYEVSKY

mo muna siya ng ilaw. Babalik ako pagkatapos ng labinlimang minuto ...”


Bagama’t hindi lubos na pumapayag ay hindi na rin tumutol si Pulheria
Aleksandrovna. Hinawakan niya ang dalawa sa kamay at isinama nang pumanaog
sa hagdan. Maging ang dalaga ay medyo napanatag. “Oo nga’t magaling at mabait
pero nasa kondisyon kaya siya upang tuparin ang pangako? Tingnan mo naman
ang ayos ...”
“Alam ko, iniisip ninyo na ganito na ang ayos ko!” naputol at nahulaan
ni Razumikhin ang daloy ng kaniyang isip. Malalaki ang kaniyang hakbang sa
daan, halos hindi makasunod ang dalawang babae, na hindi naman niya napupuna.
“Kalokohan! Ibig sabihin, e, lasing akong gaya ng loko. Pero hindi ako lasing sa
alak, kundi dahil sa nakita ko kayo at para akong pinukpok sa ulo ... A, huwag
ninyo akong pansinin, huwag. Nagsasabi-sabi lang ako ... Hindi ako karapat-dapat
sa inyo ... Hindi ako nararapat sa inyo sa anumang panukat! Pagkahatid ko sa inyo,
dito mismo sa ilog ay agad kong bubuhusan ang ulo ko ng dalawang timbang
tubig at handa na ako. Kung nalalaman ninyo lang kung gaano ko kayo kamahal
na dalawa! Huwag kayong tumawa at huwag magagalit! Kagalitan na ninyo ang
lahat ngunit huwag sana ako! Ako ay kaibigan ni Rodya, kaya’t kaibigan din ninyo.
Ganoon ang gusto ko ... Nakinita ko na ito ... noong nakaraang taon ... isang
kisapmata lang ... Marahil ay hindi ko rin nahulaan dahil para kayong nahulog
mula sa langit. At ako, kahit hindi ako matulog nang magdamag ... Kanina’y
kinabahan si Zosimov na baka nababaliw si Raskolnikov ... kaya’t hindi siya dapat
gambalain ...”
“Anong pinagsasasabi ninyo?” napasigaw ang ina.
“Ano, doktor mismo ang nagsabi nang ganyan?” hintakot na tanong ni
Avdotia Romanovna.
“Sinabi pero hindi totoong ganoon, malayo. Binigyan din niya ng gamot
at pulbos. Nakita ko at siya namang dating ninyo ... A, siguro kung nagpalipas pa
kayo ng isang araw! Pero mabuti nang umalis tayo roon. Paglipas ng isang oras
ay si Zosimov na mismo ang maglalahad sa inyo. Hindi iyon lasing! At hindi na
rin ako lasing ... Bakit ba napakadaldal ko? A, iyon kasing mga taong iyon ay
nakipagtalo nang husto sa akin, mga tinamaan ng kulog! Sumumpa na akong di
na makikipagtalo! Puro kalokohan ang sinasabi nila! Muntik na akong makipag-
away! Iniwan ko roon ang tiyo upang siyang mamahala ... Maniniwala ba kayo?
Ipinipilit nila na dapat daw ay lubos na mawala ang indibidwal, ang kasarinlan! At
doon daw sila makatatagpo ng tunay na kapanatagan! Paano raw naging iba ang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 209

sarili at ang sarili ay hindi na katulad ng sarili! Iyon ay itinuturing nilang rurok ng
progreso at pag-unlad! Mabuti sana kung nagkukunwari lang pero ang kaso ...”
“Makinig kayo,” malumanay na putol ni Pulheria Aleksandrovna. Ngunit
lalong naglagablab si Razumikhin.
“Ano ang palagay ninyo?” malakas na sabi ni Razumikhin na lalong
itinaas ang boses.
“Sa tingin ba ninyo ay inaakala kong sila’y nagdadadaldal lang nang
walang-katuturan? Hindi! Gusto ko nga kapag salita nang salita. Ang pagdakdak
ang natatanging katangian ng sangkatauhan kumpara sa lahat pa ng nilalang.
Magdaldal ka at baka masumpungan mo ang katotohanan! Kaya nga ako o ang
tao ay nagsasalita. Ngunit, wala tayong masusumpungang katotohanan nang hindi
magsasasalita ng mga labing-apat na beses o kaya’y isang daan at labing-apat na
beses. At iyon ay may kaagapay ring karangalang masasabi. Ngunit hindi tayo
makapagsalita na gamit ang sariling isip! Sige, daldalin mo ako. Pero daldalin
mo ako ng sariling utak at mahahagkan kita dahil ang pagsasalita, gamit ang
sariling pang-unawa, ay higit pa sa katotohanang ayon sa iba. Sa unang kalagayan,
ikaw ay tao ngunit sa pangalawa ay ibon na lang! Ang katotohanan ay hindi aalis
ngunit ang buhay ay maaaring pahirapan. May mga halimbawa na. At ano na
tayo ngayon? Lahat tayo, walang itinatangi, batay sa agham, pag-unlad, pag-iisip,
pagtuklas, ideyal, pagnanais, liberalismo, katuwiran, karanasan, at lahat-lahat-
lahat-lahat na ay nasa unang baitang pa lang ng mababang paaralan. Mas gusto
nating ibang ideya ang isinasabuhay. Nasanay na tayo sa ganoon, di ba? Ganoon,
di ba? Tama ba ako?” sigaw ni Razumikhin na niyuyugyog at pinipisil ang kamay
ng dalawang babae, “Hindi ba?”
“O, Diyos ko, hindi ko alam,” nasabi ng kawawang si Pulheria
Aleksandrovna.
“Ganoon nga ... bagama’t sang-ayon ako, hindi sa lahat ng inyong
sinasabi,” seryosong idinugtong ni Avdotia Romanovna at sabay na napaaray dahil
pinisil na naman nang mahigpit ang kaniyang kamay.
“Ganoon? Ang sabi ninyo’y “ganoon nga?” O, matapos ito ... kayo ...
kayo ...” sigaw niya sa matinding tuwa, “Kayo ay bukal ng kabutihan, kadalisayan,
katuwiran ... at perpeksyon! Akin na ang inyong kamay ... ibigay rin ninyo
ang inyong kamay. Nais kong halikan ang inyong mga kamay rito—ngayon at
nakaluhod!”
Lumuhod siya sa gitna ng daan. Mabuti na lang at walang tao.
210 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Tumigil kayo, nakikiusap ako. Ano ang ginagawa ninyo?” kabang-


kabang sigaw ni Pulheria Aleksandrovna.
“Tumayo kayo! Tayo!” tumatawa pero kinakabahan din si Dunya.
“Hindi ako tatayo hangga’t di ninyo ibinibigay ang inyong kamay!”
“Hayan, hmm ... tatayo na ako at tayo na! Ako ay isang kawawang
luko-luko. Hindi ako nararapat sa inyo ... ako ay lasing ... at nahihiya. Hindi ako
karapat-dapat upang kayo’y mahalin ngunit tama lang na ako ay magpugay sa
inyo ... Heto na ang inyong kuwarto. At tama si Rodion na pinalayas niya kanina
si Pyotr Petrovich! Ito ay eskandalo! Alam ba ninyo kung sino ang mga tumutuloy
rito? Pero kayo ay nobya. Nobya kayo, hindi ba? A, ang masasabi ko’y walang-hiya
ang inyong nobyo!”
“Makinig kayo, Ginoong Razumikhin, ngunit kayo ay nakalilimot ...”
pagsasalita ni Pulheria Aleksandrovna.
“Oo. Oo, tama ang inyong tinuran. Nakalimot ako. Ipagpaumanhin po
ninyo,” wika ni Razumikhin. “Ngunit huwag ninyo akong kagalitan kung ganoon
man ang sinabi ko dahil matapat akong nagsasalita at hindi dahil sa ... Hmm!
Kung ganoon ... hindi na kailangan ... wala na akong sasabihin pa ... hindi ako
maglalakas-loob! Pero agad naming naramdaman pagpasok pa lang niya. Alam na
naming ang taong iyon ay hindi kabilang sa aming lipunan. Hindi dahil sa dumating
siyang kagugupit lang mula sa barberya, hindi rin dahil sa nagmamadali siyang
ipagyabang ang talino, kundi dahil sa siya’y maniniktik at isang espekulante. Isa
siyang makapal ang pagmumukha at sira-ulo. Sira-ulo! A, hindi kayo magkabagay!
O, Diyos ko! Alam kasi ninyo, mga butihing babae,” napahinto siya habang
papanhik sa hagdan papunta sa kuwarto nila, “Kahit puro lasing ang nandoon sa
lugar ko ay puro matatapat naman! At kahit kami ay nagdadadakdak, ako rin ay
madaldal, baka sa kasasalita namin ay matisod namin ang katotohanan dahil kami
ay nasa daan ng kabutihan. Pero si Pyotr Petrovich ... wala sa mabuti at marangal
na daan. Kahit pinagmumura ko ang mga kasama ko roon ay iginagalang ko silang
lahat, maging si Zamyotov, kahit di ko iginagalang ay mahal ko naman dahil para
siyang tuta! Maski ang hayop na si Zosimov dahil siya ay matapat at alam niya
ang kaniyang trabaho. Tama na nga! Lahat ay nasabi na at napatawad. Napatawad
na nga ba? Ganoon ba? Tayo na. Alam ko ang koridor na ito. Nanggaling na ako
rito. Dito sa ikatlong silid ay may naganap nang eskandalo ... O, saan ba kayo
rito? Anong numero, ikawalo? Sige, magkulong na lang kayo ngayong gabi at
walang sinumang papapasukin. Makaraan ang sangkapat na oras ay babalik ako’t
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 211

magbabalita. Pagkatapos ay babalik ako makaraan ang kalahating oras, kasama si


Zosimov. Makikita ninyo! Paalam na muna at tatakbo na ako!”
“Panginoon ko! Dunechka, ano ang mangyayari?” tanong ni Pulheria
Aleksandrovna na nag-aalala at natatakot para sa anak.
“Huwag kayong mag-alala, Mama,” sagot ni Dunya na nag-alis
ng sumbrero at balabal. “Ipinadala ng Diyos sa atin ang taong iyon. Bagama’t
kagagaling lang niya sa lasingan ay puwede siyang asahan. Magtiwala kayo. At
lahat ay ginagawa niya para sa aking kapatid ...”
At sumungaw ang luha sa kaniyang mga mata.
“Hindi. Hindi ‘yon ganoon, Mama. Hindi lang ninyo nakita dahil
panay ang inyong pag-iyak. Napakasama lang ng kaniyang pakiramdam dahil sa
malubhang sakit. Iyon ang lahat ng dahilan.”
“At ang karamdaman niya! Ano ang nangyayari? At kung paano ka niya
kinausap, Dunya!” sabi ng ina na masuyong tumititig sa mga mata ng anak upang
basahin ang lahat ng nasa loob at bahagyang napapanatag na sa pagsasanggalang
ni Dunya kay Rodya. Ibig sabihi’y napatawad na niya ito. “Naniniwala akong
bubuti ang kaniyang kalagayan bukas,” anang idinugtong at umaasam pa rin na
magsasalita pa ang anak.
“Ako nama’y naniniwala na sasabihin pa rin niya ... ang tungkol doon,”
sabad ni Avdotia Romanovna. Iyon na ang hangganan dahil iyon ang punto
na talagang kinatatakutang kantiin ni Pulheria Aleksandrovna. Nilapitan siya
ni Dunya at hinagkan. Siya nama’y walang-imik na yumakap. Kabado siyang
umupo’t naghihintay sa pagbabalik ni Razumikhin at masuyong sinusundan
ng tingin ang anak. Si Dunya’y naghalukipkip na naghihintay rin, di kawasa’y
nagparoo’t parito sa kuwartong nag-iisip nang malalim. Karaniwang ugali na ni
Avdotia Romanovna ang magparoo’t parito sa mga sulok ng kuwarto habang may
malalim na iniisip. Kadalasa’y parang nangingimi naman ang inang gambalain siya
sa pag-iisip sa ganoong pagkakataon.
Oo nga’t nagpadalos-dalos si Razumikhin sa kaniyang bigla at lasing
na paglalahad ng kaniyang pagkagusto kay Avdotia27 Romanovna. Ngunit kung
pagmamasdan si Avdotia Romanovna, lalo na ngayon, habang nakahalukipkip
at palakad-lakad sa kuwarto, malungkot, at malalim ang iniisip, ay katangi-tangi
ang kaniyang kagandahan. Kaya’t madaling mapatawad si Razumikhin, lalo nga’t

27 Si Avdotia ay tinatawag ding Dunya at Dunechka.


212 FEODOR DOSTOYEVSKY

lasing siya’t talagang eksentriko. Si Avdotia Romanovna ay mataas, napakaganda


ng katawan, malakas, at matiwala sa sarili, bagay na nakikita sa bawat kilos nito,
na bahagya ma’y hindi nakababawas sa kaniyang lambot at lambing ng kilos.
Sa mukha’y magkahawig sila ng kapatid at siya’y sadyang maganda. Ang buhok
niya’y tsokolateng madilim ngunit mas malinaw kaysa kapatid. Ang mga mata
niya’y halos itim, makislap, may pagmamalaki, at kung minsa’y kababakasan ng
di-pangkaraniwang kabaitan. Maputla siya ngunit hindi putla ng karamdaman.
Ang mukha niya’y sariwa at malusog, mas maliit ang kaniyang bibig, ang kaniyang
ibabang labi ay mamasa-masa, at mapula na bahagyang nakasulong, gayundin
ang kaniyang baba. Iyan lamang ang di-tama sa napakagandang mukha ngunit
nagbibigay rin ng natatanging karakter at para bang may pagmamataas. Ang
ekspresyon ng kaniyang mukha ay higit na seryoso kaysa masayahin. Palaisip siya
ngunit ang ngiti niya ay gaya ng kaniyang tawa na masaya, pambata, at malaya.
Kaya’t madaling maunawaan na ang mainit, bukas, payak, matapat, at malakas na
parang mandirigma, at lasing na Razumikhin ay hindi pa nakakita na ang ganoon
kaganda ay mawala sa sarili sa unang tingin pa lamang. Isa pa’y ang kalagayang
parang sinasadya na nang una niyang makita si Dunya ay nakaaantig na tagpo
ng pagmamahal at tuwa ng pagkikita ng magkapatid. Nasaksihan din niya kung
papaanong nanginig ang kaniyang ibabang labi habang sinasagot ang matatalim,
walang-pasasalamat, at malupit na pag-uutos ng kapatid, bagay na di-matagalan
ni Razumikhin.
Sa katunayan ay totoo ang kaniyang sinabi nang nagsasalita siya
kanina sa hagdan na ang kakaibang kasera ni Raskolnikov, na si Praskovya
Pavlovna28, ay magseselos, hindi lang kay Avdotia Romanovna, kundi maging kay
Pulheria Aleksandrovna. Kahit apatnapu’t tatlong taong gulang na si Pulheria
Aleksandrovna ay mababakas pa sa kaniyang mukha ang dating kagandahan. Isa
pa’y higit siyang mukhang bata kaysa kaniyang edad, na karaniwan na sa mga
babaeng napanatili ang linaw ng kaluluwa, kasariwaan ng mga impresyon at
kaisipan, matapat, at wagas na lagablab ng apoy ng puso hanggang sa katandaan.
Masasabi natin na ang pagpapanatili ng lahat ng ito ay ang natatanging paraan
upang mapanatili ang kagandahan hanggang sa katandaan. Nagsisimula nang
magkauban at numipis ang kaniyang buhok. Matagal nang lumitaw ang mga

28 Si Praskovia Pavlovna ay ang kasera ni Rodion. Tinatawag din siyang


Pasha at Pashenka ni Razumikhin.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 213

maliliit na hibla ng mga guhit sa palibot ng kaniyang mga mata at lubog at tuyot
na ang kaniyang mga pisngi sa pag-aalala at pait ng karanasan. Gayumpaman,
maganda pa rin ang kaniyang mukha. Ito ay larawan din ni Dunya, makaraan lang
marahil ang dalawampung taon. Isa pa’y ang ekspresyon ng kaniyang ilalim na
labi na hindi nakausli nang bahagya. Sensitibo si Pulheria Aleksandrovna ngunit
hindi sentimental. Malambot at mapagbigay ngunit may tiyak na hangganan.
Maraming bagay ang maaari niyang ipagpaubaya, makapapayag maging ito man
ay labag sa kaniyang paniniwala, ngunit laging naririyan ang mga katangian ng
katapatan, at ilan pang mga panuntunan at prinsipyong anuman ang sitwasyon ay
hindi niya maaaring labagin.
Eksaktong dalawampung minuto pagkaalis ni Razumikhin ay narinig
ang dalawang di-kalakasan ngunit nagmamadaling katok sa pinto. Nagbalik na
siya.
“Hindi na ako papasok. Wala tayong oras!” pagmamadali niya nang
buksan ang pinto. “Tulog na tulog. Tahimik, magaling, at sana’y ipahintulot ng
Diyos na makatulog nang sampung oras. Si Nastasya ay naroon pa rin at sinabihan
kong huwag umalis hanggang di ako dumarating. Ngayon ay susunduin ko na
si Zosimov. Siya ang maglalahad sa inyo at pagkatapos ay magpahinga na kayo.
Nakikita kong labis na ang inyong kapagalan ...”
At umalis na siya’t tumuloy sa koridor.
“Magaling talaga at matapat na binata!” sambit ni Pulheria Aleksandrovna
na tuwang-tuwa.
“Tingin ko’y napakabuting tao!” marubdob na sagot ni Avdotia
Romanovna na muling nagparoo’t parito sa kuwarto.
Makaraan ang halos isang oras ay narinig ang mga yabag at mga katok
sa pinto. Naghintay ang dalawang babae ngunit sa pagkakataong ito’y lubos
ang tiwala sa pangako ni Razumikhin. At totoo nga na nagawa nitong dalhin si
Zosimov. Agad sumang-ayon si Zosimov na iwan ang kasayahan at tingnan si
Raskolnikov. Ngunit sa mga babae’y ayaw niyang tumuloy kanina. Nagdadalawang
isip siya at hindi naniniwala sa lasing na si Razumikhin. Ngunit agad na napayapa
ang kaniyang loob at parang nasaling ang kaniyang pagpapahalaga sa sarili nang
makitang hinihintay talaga siya ng mga babae na parang orakulo. Sampung minuto
siyang naupo at lubos na pinakalma at napaniniwala si Pulheria Aleksandrovna.
Ang tinig niya’y may himig ng natatanging pakikiramay ngunit pigil at
pinipilit maging seryoso at sadyang tulad ng dalawampu’t pitong taong gulang
214 FEODOR DOSTOYEVSKY

na doktor na nasa importanteng konsultasyon. Wala ni isang salitang lumalayo


sa tama ng usapan at wala ring pagtatangkang munti man ang sumangkot sa
mga personal na usapin at relasyon sa mga babae. Napuna rin niya pagpasok pa
lamang ang nakasisilaw na kagandahan ni Avdotia Romanovna. At noon din ay
pinilit niyang huwag itong pansinin at sa buong inihaba ng pagdalaw ay tanging si
Pulheria Aleksandrovna lamang ang kinausap. Lahat ng ito’y nagdulot sa kaniya
ng labis na kasiyahang panloob. Tungkol naman sa maysakit ay inihayag niyang
sa kaniyang pagsusuri, ito ay totoong nasa mas mabuting kalagayan na at ang
kaniyang karamdaman, liban pa sa bunga ng masamang kondisyong materyal
nitong mga huling buwan, ay mayroon ding ilang panloob na kadahilanan.
“Masasabing ito’y produkto ng maraming masalimuot na panloob at panlabas
na impluwensya, agam-agam, pag-aalala, suliranin, ilang mga kaisipan ... at iba
pa.” Nang mapuna sa sulok ng mga mata na matamang nakikinig si Avdotia
Romanovna ay pinalawak pa ni Zosimov ang usaping ito. Sa nag-aalala at hintakot
na tanong ni Pulheria Aleksandrovna ukol sa ‘ilang sapantaha na siya’y nasisiraan
ng bait’ ay malumanay at matapat siyang nagwika na ang mga salitang iyo’y labis
na pinalaki. “Oo nga’t mapupuna sa maysakit ang pagkakaroon ng kung anong di-
matinag na laman ng isipan, na parang monomania.” Nitong huli’y nagpakita ng
interes si Zosimov sa bahaging ito ng medisina, “Ngunit dapat ding isaalang-alang
na halos hanggang sa araw na ito ay nagdedeliryo pa siya ... at ... siyempre, ang
pagdating ng mga kaanak ang magpapalakas, magpapakalma, at makatutulong
nang malaki sa kaniyang paglakas, lalo na kung maiiwasan ang ilang bago’t
matitinding kabiglaanan,” dagdag niyang makahulugan.
Matapos nito ay tumayo siya, magalang, at mapitagang nagbigay-
pugay, kasabay ng mga basbas, mainit na pasasalamat, at dalangin. At iniabot
naman ni Avdotia Romanovna ang kaniyang palad upang makipagkamayan at
magpasalamat. Umalis siyang masaya sa ginawang pagdalaw at higit na natutuwa
sa sarili.
“At bukas na muli tayo mag-usap. Kailangan na ninyong magpahinga!”
matinding paalala ni Razumikhin sa kanila paglabas niya kasabay ni Zosimov.
“Bukas ng maagang-maaga ay babalitaan ko kayo.”
“Gayumpaman, napakaganda ni Avdotia Romanovna. Katakam-takam!”
puna ni Zosimov, na halos dinidilaan ang labi, nang sila’y nasa daan na.
“Katakam-takam! Sinabi mo ba na katakam-takam?” galit si Razumikhin
at bigla’y sinunggaban niya si Zosimov at sinakal sa leeg.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 215

“Kapag naglakas-loob ka na ... naiintindihan mo? Intiyende?” sigaw


niyang niyugyog at isinandal sa pader si Zosimov, “Narinig mo?”
“A ... pakawalan mo ako ... demonyong lasing!” hulagpos ni Zosimov.
Pagkatapos na siya’y pakawalan, mataman niyang pinagmasdan ang kaibigan at
inihit ng tawa. Nakatayo si Razumikhin sa kaniyang harapan, nakababa ang mga
kamay, malungkot, at seryosong napaisip.
“Talagang ako’y ... isang kambing,” bulong niyang madilim na gaya ng
ulap, “Pero ... di ba’t ikaw rin.”
“O, hindi, ‘tol. Hindi mo ako gaya. Hindi ako nangangarap ng kalokohan.”
Tahimik silang nagpatuloy sa paglalakad. Nang malapit na sila sa tirahan
ni Raskolnikov ay alalang-alalang pinunit ni Razumikhin ang katahimikan.
“Makinig ka,” sabi niya kay Zosimov, “Ikaw ay may kagalingan din
ngunit liban pa sa iba mong masamang katangian ay isa ka pang maruming
isda. Ikaw ay laging nag-aalangan, mahina-ang-loob, kapritsyosong mataba, at
wala kang pinatatawad! Iyan ay tinatawag kong dumi sapagkat papunta talaga
sa dumi! Nagpakataba ka nang ganyan at inaamin kong hindi ko makita kung
papaano ka pa magiging mabuti at debotong manggagamot! Isa kang doktor pero
natutulog sa kamang yari sa pakpak at balahibo, at kung gabi’y bumabangon para
gumamot! Paglipas ng tatlong taon ay hindi ka na tatayo para sa maysakit ... A,
kademonyohan! Hindi iyon ang mahalaga. Ngayong gabi ay roon ka matutulog sa
bahay ng kasera (pinaghirapan kong patanguin iyon!) at ako naman ay sa kusina.
Hayan ang daan para mas mabilis kayong magkakilala! Hindi gaya ng iniisip mo,
‘tol! ‘Tol, anino man niyan ay wala ...”
“Aba! Wala akong anumang nasa isip.”
“‘Tol, nasa kaniya ang lahat ng pagkamahiyain, walang-imik, kasimplehan,
at iba pang mahihigpit na birtud. Ngunit siya’y natutunaw ... natutunaw na parang
kandila! Isalba mo ako mula sa kaniya sa ngalan ng lahat ng demonyo sa daigdig!
Napakaselosa! Utang ko sa iyo ang aking buhay kung ...”
Mas malakas ang hagalpak ni Zosimov kaysa kanina.
“Talagang desperado ka! E, aanhin ko siya?”
“Sinasabi ko sa iyo, kaunti lang ang gagawin. Basta’t magsalita ka lang
nang kahit anong gusto mo’t maupo ka lang sa tabi niya at magkuwento. Isa pa’y
doktor ka, di ba? Simulan mo siyang gamutin. Kahit ano. Ipinapangako ko, hindi
ka magsisisi. Mayroon siyang piano. Alam mo naman na tumutugtog ako nang
kaunti. Mayroon akong kanta na bagay riyan, tunay na pang-Ruso—Umaagos ang
216 FEODOR DOSTOYEVSKY

Aking Maiinit na Luha. Gusto niya ng mga makabago ... Kaya sa awit magsimula.
Di ba’t birtuso ka sa pagtugtog, sukat, at Rubinstein ... Maniwala ka, hindi ka
magsisisi!”
“Bakit? Pinangakuan mo ba ng kung ano? Kontrata ba? O, baka
pinangakuan mo ng kasal?”
“Wala, wala talaga kahit ano! At saka hindi naman siya ganoon. Si
Chebarov, sinubukan ang ganoon ...”
“E, di iwan mo na lang!”
“Hindi puwede ang basta na lang itapon!”
“At bakit naman hindi?”
“Oo, hindi puwede. Basta hindi! Kasi, ‘tol, may atraksyon sa una.”
“E, bakit mo inakit?”
“Hindi, a. Hindi ko inakit. Baka nga ako ang nagkainteres nang una dahil
sa kalokohan ko. Pero sa kaniya’y pareho lang—ikaw o ako. Basta’t mayroon lang
nakaupo sa tabi niya at humihinga. ‘Tol, di ko lang maipaliliwanag sa iyo. Di ba’t
magaling ka sa matematika at ngayo’y nag-aaral ka pa ... alam ko ... Ano, a, turuan
mo kaya ng Integral Calculus ... Diyos, hindi ako nagbibiro. Seryoso kong sinasabi
na pareho lang sa kaniya ang lahat. Tititigan ka lang niya at panay ang malalim
na paghinga, kahit buong taong ganyan. Halimbawa nga ako, dalawang araw kong
singkad na ikinuwento sa kaniya ang tungkol sa Bulwagan ng mga Panginoon sa
Prusya (e, ano ba ang sasabihin sa kaniya?) at panay lang ang hinga niya nang
malalim! Pero huwag magsasalita ng anuman ukol sa pag-ibig at sobra talaga
ang pagkamahiyain. Ipakita mo lang na parang di mo maiwan-iwan at ayos na!
Napakakomportable mo pagkatapos. Magbasa ka, maupo, mahiga o magsulat ...
para kang nasa sariling pamamahay ... Maaari mo ring halikan, maingat ka lang ...”
“E, ano ba siya sa akin?”
“Hindi ko talaga alam kung paano ipaliliwanag sa iyo! Alam mo kasi,
bagay na bagay kayong dalawa! Noon pa man ay naiisip na nga kita ... dahil
gayundin ang kalalabasan para sa iyo! Kaya okey, di ba? Sa malao’t madali, iyon,
‘tol, ang sinasabi kong malambot na kama! At hindi lang basta kama! Narito ang
nakagagana: kung katapusan na ng daigdig, may angkla ka, tahimik na kanlungan,
sa pusod ng daigdig, mayroon kang tatlong isdang salalayan, may pampatamis ng
bibingka, malinamnam na empanada, samovar kung gabi, maligamgam at tahimik
na paghinga, mainit na balabal, at masarap na higaan. O, hayan, e, ano pa ang gusto
mo? Patay ka ngayon at saka buhay rin! Kapaki-pakinabang sa inyong dalawa! Ha-
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 217

ha-ha! O, ‘tol, napadaldal tayo, demonyo! Matulog na tayo! Oo nga pala. Minsa’y
nagigising ako sa gabi. Pupuntahan ko si Rodion at titingnan. Para lang malaman
kung okey lang siya at mabuti ang lahat. Ikaw nama’y huwag masyadong mag-
alala at nang di maabala. Pero kung gusto mo ay tingnan mo rin kahit minsan. At
kung may mapuna ka, deliryo o lagnat, o kahit ano ay agad mo akong gisingin.
Pero, hindi naman siguro ...”
218 FEODOR DOSTOYEVSKY

II

NAGISING NANG SUMUNOD na araw si Razumikhin nang seryoso at may


pag-aalala. Mag-aalas-otso na. Maraming bago at di-nakinitang pagkabahala
ang gumugulo sa kaniya nang umagang iyon. Hindi niya kailanman inakala na
magigising siya sa ganitong kalagayan. Natatandaan niya lahat, pati ang munting
detalye ng mga nangyari kahapon. Nauunawaan niyang may naganap na di-
pangkaraniwan at mayroon siyang impresyong di pa kailanman naramdaman at
di-katulad ng lahat ng naranasan. Kasabay nito ay malinaw niyang inaamin na ang
pangarap na sumiklab sa kaniyang isipan ay sadyang di maaaring magkaroon ng
katuparan. Sapat upang makaramdam siya ng hiya kaya’t mabilis niyang ibinaling
ang pansin sa mas mahalagang gawain at problema na hatid ng isinumpang
kahapong nagdaan.
Ang pinakanakasusulasok niyang alaala kahapon ay ang pagiging
‘mababa at marumi’ niya. Hindi lamang dahil sa kaniyang kalasingan, kundi dahil
sa kaniyang pagmumura sa harap ng dalaga. Minura niya ang kasintahan ng babae
at sinamantala ang kalagayan dahil sa kaniyang biglang pagseselos na walang-
batayan, ni hindi nga niya alam kung gaano na kalalim ang pagkakaunawaan at
tungkulin ng dalawa sa isa’t isa, at ni hindi niya talagang kilala ang lalaki! At
ano ang karapatan niyang husgahan ito nang ganoon kadali at kabilis? At sinong
tumawag sa kaniya upang humusga? At maaari ba na ang isang nilalang na gaya ni
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 219

Avdotia Romanovna ay papatol sa isang di-karapat-dapat na lalaki dahil lamang


sa pera? Malamang na karapat-dapat din siya at marangal. Ang mga kuwarto?
Paano nga naman niya malalaman kung anong klaseng kuwarto ang mga iyon?
Nagpapagawa nga siya ng tirahan ... Pwe! Nakahihiya! Anong klaseng kadahilanan
ang sabihing siya’y lasing? Ang mga walang-kawawaang pagdadahilan na ito ay
lalo lamang nagpapababa sa kaniya! Sa alak ay makikita ang totoo at katotohanan
nga ang lumalabas ngayon.
“Kita ang lahat ng karumihan ng aking mapanaghili at magaspang na
puso! Siya bang si Razumikhin ay maaaring mangarap nang ganoon? Sino ba
siya kumpara sa ganoong dalaga? Siya na maingay at mayabang na lasing kagabi?
Puwede ba ang ganoong sinikal at katawa-tawang pagtatambal?” Namula si
Razumikhin sa ideyang iyon nang biglang sumiksik sa mga iglap na iyon ang
alaala ng kung paanong sinabi niya sa kanila kahapon sa hagdan na pagseselosan
ng may-ari si Avdotia Romanovna ... Iyon ay hindi na niya nakayanan. Ubod-
lakas niyang sinuntok ng kamao ang kalan sa kusina. Nasugatan ang kaniyang
kamay at tumilapon ang isang bloke.
“Siyempre,” bulong niya sa sarili makaraan ang sandali na may
pagpapakumbaba, “Siyempre, hindi ko na mapagaganda pa ang lahat ng mga
kabalbalang iyon at di na kailanman maitutuwid ... at siguro’y hindi na rin dapat
pag-isipan. Magpapakita man ako’y ... di dapat kumibo ... at gampanan ang
pangakong ... tahimik rin ... at di ako hihingi ng tawad at wala na ring sasabihin ...
at ... ngayo’y tapos na ang lahat!”
Gayunman, nang nagbibihis siya ay tiningnan niya ang suot nang mabuti
tulad ng dati. Wala naman siyang ibang maisusuot at kung mayroon man, marahil
ay di rin niya isusuot o sasadyain talagang di isuot. Ngunit anuman ang dahilan
ay di siya mananatiling sinikal at marumi. Wala siyang karapatang saktan ang
damdamin ng iba, lalo na’t sila’y umaasa at tumatawag sa kaniya. Nilinis niyang
mabuti ang damit gamit ang brush. Lagi namang desente ang kaniyang pananamit,
sa bagay na iyon ay lagi siyang maayos.
Nang umagang iyon ay naglinis siya nang husto. May ibinigay na sabon
si Nastasya. Hinugasan niya ang buhok, leeg, at lalo na ang kamay. Nang dumating
sa tanong na aahitin ba ang balbas o hindi? (May magagaling na pang-ahit si
Praskovia Pavlovna, na iniingatan at pag-aari ng namayapang si G. Zarnitsin).
Ang sagot niya ay matigas na “hindi.” “Hayaan nang manatiling ganyan! Ano ang
iisipin? Na nag-ahit upang ... tiyak na iisipin! Hinding-hindi na, kahit ano pang
220 FEODOR DOSTOYEVSKY

mangyari!”
“Ang mahalaga’y ganoon siya kagaspang, marumi, ang pananalita niya’y
bulgar, at ... ipagpalagay na alam niya, kahit kaunti, na siya’y matinong tao ... E, ano
bang dapat ipagmalaki na matinong tao nga? Bawat isa’y dapat maging matinong
tao at ... mas malinis ... at ... naalala niya na meron ding ganoong pangyayari sa
kaniyang buhay ... Hindi naman ganoon kawalang-katapatan pero kahit na! At
kung ano-ano pa ang pumasok sa isip! Hmm ... at lahat ay ikumpara kay Avdotia
Romanovna! A, kademonyohan! Bahala na! A, sige, ganoon na lang ako. Marumi,
magaspang, at bulgar ang salita’t kilos! Dadagdagan ko pa!”
Naabutan siya ni Zosimov sa ganoong monologo. Natulog nga siya sa
bahay ni Praskovya Pavlovna.
Pauwi na siya at sumaglit lamang sa maysakit. Ipinaalam niya kay
Razumikhin na ito’y tulog pa na gaya ng daga. Inihabilin ni Zosimov na huwag
gisingin at hayaang mag-isang gumising. Nangako siyang babalik mamayang alas-
onse.
“Kung nasa bahay siya,” dagdag nito, “Pwe, demonyo! Kung hindi mo
kontrolado ang maysakit, paano mo gagamutin! Ni hindi mo alam kung siya ang
pupunta sa kanila o sila ang pupunta rito?”
“Sa palagay ko ay sila,” sagot ni Razumikhin na naunawaan ang tanong,
“At siyempre, pag-uusapan ang ilang usaping pampamilya. Aalis ako. Pero ikaw,
bilang doktor ay may higit na karapatan.”
“Hindi ako pari. Darating ako at aalis din. Marami akong ibang gawain.”
“May isang nagpapagulo sa akin,” putol ni Razumikhin na nakakunot-
noo. “Kahapon sa kalasingan ko ay nagdaldal ako sa kaniya tungkol sa iba’t ibang
kalokohan ... iba’t iba ... kasama roon ang ... sabi ko’y natatakot ka na ... baka siya’y
nasisiraan …”
“Sinabi mo rin iyan sa mga babae kahapon?”
“Alam ko na kalokohan! Kahit suntukin mo ako! Pero talaga bang
nagkaroon ka ng ganoong matibay na ideya?”
“A, kalokohan ang masasabi ko! Anong matibay na ideya? Ikaw ang
mismong naglarawan sa akin habang sinusundo ako na siya’y may monomania29
... Pero kahapon ay isinigaw pa natin. Ikaw sa mga kuwento mo ...tungkol sa
karpintero. Okey lang ang usapan nang siya’y parang nawala sa sarili at sukat!

29 Ang Monomania ay isang sikolohikal na kondisyon, na labis ang tuon at yakap sa isang bagay.
Mistulang nasasaniban na nito ang may karamdaman.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 221

Kung alam ko lang ang lahat ng detalye tungkol sa nangyari sa presinto at


mayroong kung sinong pinagdudahan siya nang dahil doon. Nasaktan ang loob!
Hmm ... disin sana’y hindi ko iyon pinabayaan. Dahil itong monomania ay lilikha
ng karagatan mula sa isang patak ng tubig at makikita ang mga bagay na di-
umiiral ... Kahapon, natatandaan kong pagkatapos ng kuwento ni Zamyotov ay
malinaw na ang kalahati ng usapin para sa akin. Hindi ba? May alam akong isang
pangyayari na nang hindi na makayanan ng isang hypochondriac, edad apatnapu,
ang mga araw-araw na panlalait ay kinatay niya sa lamesa ang isang walong taong
gulang na bata! At dito ay nagsisimula pa lang ang karamdaman. Suot niya ay
basahan at isang pulis ang magsususpetsa sa kaniya! Anong mangyayari kung
ganoong hypochondriac ang pagdududahan mo? Habang matinding nagwawala’t
isinusuka ang lahat? Hayan ang simula ng lahat ng kaniyang karamdaman! A,
demonyo! Pero iyang si Zamyotov, grabe ang kadaldalan!”
“Sino ba ang kinuwentuhan? Ikaw at ako?”
“At si Porfiry.”
“E, ano kung pati kay Porfiry?”
“Oo nga pala, may impluwensya ka ba kahit papaano sa ina at kapatid
niya? Dapat maging mas maingat kay Raskolnikov ngayon ...”
“Makauusap,” bantulot na sagot ni Razumikhin.
“Bakit ba galit siya roon sa Luzhin na iyon? May pera at mukhang hindi
naman inaayawan ng babae ... Di ba’t wala sila ni kusing, ha?”
“Ano ba ang gusto mong usisain?” galit na sigaw ni Razumikhin, “Paano
ko malalaman kung may pera o wala? Itanong mo at baka sakaling malaman!”
“A! Bakit ba kung minsa’y luko-luko ka? Hindi ka pa nga ba
nahihimasmasan? Paalam. Iparating mo ang aking pasasalamat kay Praskovya
Pavlovna sa pagpapatuloy sa akin. Nagkulong yata at hindi sumagot sa aking bati
kanina samantalang alas-siyete pa lang ay gising na. Dinalhan siya ng samovar
mula sa kusina at nagdaan sa koridor, ni hindi ako naging karapat-dapat na
tingnan man lamang niya ...”
Ganap na alas-diyes nang dumating si Razumikhin sa paupahan ng
mga Bakaleyef. Hinihintay na siya ng dalawang babae at punong-puno na ng
pagkainip. Bumangon sila kanina pang alas-siyete o mas maaga pa. Pumasok
siyang sinlungkot ng gabi. Yumuko ng paggalang at agad ding nagalit ... sa
kaniyang sarili. Inaasahan niyang wala siyang madaratnan. Sumugod agad sa
kaniya si Pulheria Aleksandrovna. Hinawakan agad ang dalawang kamay niya
222 FEODOR DOSTOYEVSKY

at kulang na lamang ay paghahagkan. May pag-aalinlangang sumulyap siya kay


Avdotia Romanovna. Maging sa mapagmalaking anyong iyon ay mababakas
ang pasasalamat at pakikipagkaibigan. Lubos at di-maikubli ang inis sa sarili ng
binata. Sa katunayan ay magiging mas madali sa kaniya kung sinalubong siya ng
pagmumura ngunit ngayo’y lalo siyang naguguluhan. Mabuti na lamang at may
nakalaang pag-usapan kaya’t mabilis niya itong binuksan.
Nang marinig na “hindi pa nagigising” ngunit “mabuti ang lahat” ay
sinabi ni Pulheria Aleksandrovna na iyon ang mas mainam dahil kailangang-
kailangan niya ang makipag-usap muna. Sumunod ang paanyayang uminom ng
tsaa nang sabay-sabay. Sila man ay di pa rin umiinom sa kanilang paghihintay
kay Razumikhin. Tumawag si Avdotia Romanovna at tumugon naman ang isang
marusing at maruming katulong. Umorder siya ng tsaa na sa wakas ay inihatid
naman ngunit sa ganoong karumi at kasagwang paraan na sukat ikapahiya ng mga
babae. Matindi ang sinimulang pagpuna ni Razumikhin sa kuwarto at serbisyo
ngunit nang maalala si Luzhin ay natahimik at nag-alinlangan. Laking-tuwa niya
nang paulanan siya ni Pulheria Aleksandrovna ng walang-puknat na tanong.
Halos isang oras niyang sinagot ang mga tanong, kung minsa’y nauutal
at muling itinatanong. Naipaalam niya ang pinakamahalaga at pinakakailangang
impormasyon na alam niya ukol sa buhay ni Rodion Romanovich nitong huling
taon. Tinapos niya ang kuwento sa pagkakasakit nga ng binata. At marami siyang
pinalampas at di na ikinuwento, kasama ang eksena sa presinto at kaugnay na
pangyayari.
Uhaw na pinakinggan ang kaniyang kuwento. Ngunit nang akalain
niyang tapos na siya at nasiyahan na ang mga nakikinig ay lumilitaw na para sa
kanila na hindi pa siya nagsisimula.
“Sabihin ninyo kung ano ang inyong sapantaha ... O, ipagpaumanhin
ninyo, hanggang ngayon ay hindi ko pa alam ang inyong pangalan,” pagmamadali
ni Pulheria Aleksandrovna.
“Dmitri Prokofich.”
“A, Dmitri Prokofich, gustong-gusto ko sanang malaman ... sa kabuuan
... ano na ang tingin niya ngayon sa mga bagay-bagay? Ibig kong sabihin ay ... kung
naiintindihan ninyo ako ... Paano ko ba sasabihin ... o mas mabuting itanong kung
ano na ang gusto niya at di-gusto? Lagi ba siyang ganoon kainit ang ulo? Ano
ang kaniyang mga naisin? Ano ang kaniyang pangarap? Kung maaaring itanong
ang ganoon? Ano ang sa kasalukuyan ay may pinakamalakas na impluwensya sa
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 223

kaniya? Sa ibang salita’y nais ko sanang ...”


“O, Mama, paano ba namang sasagutin ang lahat ng iyan nang ganoon
na lamang?” puna ni Dunya.
“O, Diyos ko! Paano naman ay hinding-hindi ko inakala na makikita ko
siya nang ganoon, Dmitri Prokofich.”
“Ngunit natural lang naman ang ganoon,” sagot ni Dmitri Prokofich.
“Ako’y wala nang ina. Pero ang aking tiyo nama’y pumupunta rito taon-taon at
palagi nang halos di ako makilala kahit sa pangalan, pero taong matalino iyon.
At sa tatlong taon ninyong di-pagkikita ay maraming tubig ang umagos. At
ano ang masasabi ko sa inyo? Isa’t kalahating taon ko nang kakilala si Rodion.
Tahimik, malungkutin, mapagmataas, at mapagmalaki. Nitong huling araw
(siguro’y matagal na) ay naging mapaghinala at masyadong balisa. Ngunit siya’y
may malaking puso at mabait. Hindi niya ipinakikita ang kaniyang damdamin.
Mararapatin pa ang gumawa ng kalupitan kaysa buksan ang puso. Kung minsan
ay hindi naman ganoon kabalisa kundi malamig lamang at mistulang walang-
pakiramdam na parang di na tao. Totoo na dalawang magkatunggaling pag-
uugali ang papalit-palit sa kaniya. Kung minsa’y napakawalang-imik, wala siyang
panahon sa lahat. Lahat ay nakaaabala sa kaniya pero siya nama’y nakahiga lang
pagkatapos at walang anumang ginagawa. Hindi siya napupuna’t nakikilala, hindi
dahil sa wala siyang talas, kundi dahil sa wala siyang panahon sa mga ganoong
walang-kuwentang bagay. Hindi niya pinakikinggan nang tapos ang mga sinasabi
sa kaniya. Wala siyang interes sa kasalukuyang pinagkakainteresan ng iba. Grabe
ang taas ng pagtantiya sa sarili at palagay ko’y hindi sa wala siyang karapatan. At
ano pa ba? Sa tingin ko’y ang inyong pagdating ang makatutulong nang malaki
sa kaniya.”
“O, ipahintulot nawa ng Diyos!” usal ni Pulheria Aleksandrovna, na
naghihirap sa mga salita ni Razumikhin ukol sa anak na si Rodya.
At sa wakas ay tumitig si Razumikhin nang mas may lakas-ng-loob kay
Avdotia Romanovna. Madalas siyang sumusulyap sa kaniya habang nag-uusap
ngunit pahapyaw isang iglap lamang at agad inaalis ang paningin. Si Avdotia
Romanovna naman ay nandiyang maupo sa upuan. Nandiyang matamang makinig,
naririyang tatayo muli, at magpapalakad-lakad tulad ng nakagawian. Paroo’t parito
sa sulok, nakakrus ang mga kamay, kagat-labi, at magkaminsa’y nagtatanong
na hindi tumitigil sa paglakad nang nag-iisip. Mayroon din siyang ugali na di-
tinatapos pakinggan ang sinasabi ng kausap. Suot niya’y kung anong madilim na
224 FEODOR DOSTOYEVSKY

kulay na yari sa magaang na tela at sa leeg niya ay may nakalagay na puting panyo.
Sa maraming senyales ay natanto ni Razumikhin na napakahirap ng kalagayan ng
dalawang babae. Kung nagkataon na ang kasuotan ni Avdotia Romanovna ay gaya
ng sa prinsesa ay hinding-hindi siya kakabahan. Ngunit ngayon nga, dahil marahil
sa mismong kalagayan na ganoon kadukha ang kaniyang kasuotan at dahil napuna
niya ang labis na kaabahang ito ay tumarak sa puso niya ang kahalintulad na takot.
At siya’y kinabahan sa bawat salita niya at bawat kilos, bagay na nakahihiya para
sa isang tao na hindi mababa ang tiwala sa mismong sarili.
“Marami kayong binanggit na kuryosong bagay ukol sa karakter ng aking
kapatid ... at ito’y sinabi ninyo nang walang-pagpapasubali. Mabuti ang ganoon
dahil ang akala ko’y labis ninyo siyang kinikilala,” puna ni Avdotia Romanovna
na may ngiti sa labi. “Sa palagay ko’y tama kayo sa tinurang marapat lang na may
babae sa kaniyang tabi,” dagdag niyang nag-iisip.
“Hindi ko sinabi ang ganoon ... pero marahil ay tama kayo ... Lamang ...”
“Ay ano?”
“Lamang ay wala siyang minamahal. Baka kailanman ay di-matututong
magmahal,” tutol ni Razumikhin.
“Ibig sabihi’y walang-kakayahang magmahal?”
“Alam ba ninyo, Avdotia Romanovna, kayo mismo ay katulad na katulad
ng inyong kapatid, maging sa lahat ng bagay!” biglang nasabi ni Razumikhin,
hindi niya akalain mismo, ngunit noon din ay naalala ang kasasabi pa lang tungkol
sa kaniyang kapatid. Siya ay namulang gaya ng talangka at nagulumihanan. Hindi
napigilan ni Avdotia Romanovna ang humalakhak na nakatingin sa kaniya.
“Tungkol kay Rodya ay maaari kayong magkamaling dalawa,” susog ng
naaanghangang si Pulheria Aleksandrovna. “Hindi ang tungkol sa ngayon ang
sinasabi ko, Dunya, kundi ang isinulat ni Pyotr Petrovich sa liham na ito ... at kung
ano ang ipinagpalagay nating dalawa.”
“Maaari akong magkamali ngunit hindi ninyo aakalain, Dmitri Prokofich,
kung ganoon siya kaimposible o tulad ng sabi ninyo’y kapritsyoso. Hindi ko
kailanman lubos na natatalos ang kaniyang ugali, kahit na noong labinlimang
taong gulang pa lamang siya. Naniniwala ako na hindi inaasahan ay basta na lang
siya gagawa nang ganoon sa sarili na walang sinuman at kailanman ang makaiisip
gumawa. Hindi na natin kailangan pang lumayo. Alam ba ninyo na isa’t kalahating
taon na ang nakararaan nang bigla na lang niyang naisipan na pakasalan si ...
anong pangalan ... ang anak ni Zarnitsina, ang kaniyang kasera?”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 225

“May alam ba kayong mga detalye tungkol sa istoryang iyon?” tanong ni


Avdotia Romanovna.
“Sa palagay ba ninyo,” mainit na pagpapatuloy ni Pulheria Aleksandrovna,
“ay mapipigilan siya noon ng aking mga luha, ng aking mga pakiusap, ng aking
karamdaman o maging ng aking kamatayan, ng inip at kalungkutan o ng aming
karukhaan? Hindi. Walang anumang lalampasan niya ang lahat ng hadlang. Hindi
naman siguro totoo na hindi niya kami mahal, di ba?”
“Wala siya kailanmang ikinuwentong ganyang istorya sa akin,” maingat
na sagot ni Razumikhin, “Ngunit mayroon akong kung anong narinig mula kay
Praskovya Pavlovna mismo, na hindi rin gaanong palakuwento. Ang narinig ko ay
medyo kakaiba.”
“Ano? Ano ang iyong narinig?” sabay na tanong ng dalawang babae.
“Wala naman talagang masyadong kakaiba. Nalaman ko lang na ang kasalang iyon
ay handang-handa na at hindi lang natuloy dahil sa kamatayan ng kasintahang
babae. Hindi rin sang-ayon si Praskovia Pavlova sa kasalan. May nagsasabing hindi
raw maganda ang babae ... sinasabi na pangit daw ... walang-alam ... at kakaiba
... Pero palagay ko’y mayroon ding mabuting katangian. Tiyak na mayroon ding
kagalingan, kung hindi ay talagang di na maiintindihan ...Wala rin namang mana
... at sa mana’y hindi rin siya siguro tumitingin ... Pero mahirap kasing humusga
sa ganoong bagay.”
“Naniniwala ako na karapat-dapat siyang babae,” maikling pakli ni
Avdotia Romanovna.
“Patawarin nawa ako ng Diyos ngunit ikinatuwa ko noon ang kaniyang
kamatayan bagama’t hindi ko alam kung nagkataon. Sino kaya ang naging sanhi
ng kamatayan, siya sa anak ko o ang anak ko sa kaniya?” pagtatapos ni Pulheria
Aleksandrovna. Pagkatapos nito ay maingat, paputol-putol, at panay ang sulyap
kay Dunya, na halatang di-nasisiyahang muling nagtanong tungkol sa eksena
kahapon sa pagitan nina Rodya at Luzhin. Mapupuna na ang insidenteng iyon
ang labis na gumugulo sa kaniya, pinangangambahan, at kinatatakutan. Inulit
muli ni Razumikhin ang pagsasalaysay mula sa simula ng lahat ng detalye. Ngunit
sa pagkakataong ito ay nagdagdag sa kaniyang konklusyon kung tuwiran niyang
sinisi si Raskolnikov sa panlalait kay Luzhin. Ito ay kaniyang pinag-isipan at
ngayo’y hindi na niya gaanong idinahilan ang karamdaman nito.
“Bago pa man siya magkasakit ay pinlano na niya iyon,” dagdag pa niya.
“Gayundin ang iniisip ko,” sabi ni Pulheria Aleksandrovna na lungkot
226 FEODOR DOSTOYEVSKY

na lungkot. Ngunit ipinagtataka niya ngayon ang napakaingat na pagsasalita ni


Razumikhin tungkol kay Pyotr Petrovich, na para bang may paggalang. Ito rin ang
ipinagtataka ni Avdotia Romanovna.
“Ganoon pala ang tingin ninyo kay Pyotr Petrovich?” di-napigilang
itanong ni Pulheria Aleksandrovna.
“Hindi ako maaaring magkaroon ng ibang opinyon tungkol sa magiging
asawa ng inyong anak,” matigas at marubdob na sabi ni Razumikhin, “At ito’y
sinasabi ko hindi lamang dahil sa payak na kabutihang asal, kundi ... dahil ... dahil
man lang sa bagay na boluntaryong pinili siya mismo ni Avdotia Romanovna
upang maging asawa. Kung anuman ang sinabi ko tungkol sa kaniya kahapon,
iyon ay dahil lang sa kalasingan, karumihan ng iniisip ... at pagkawala sa sarili. Oo,
wala sa sarili, walang-isip, nababaliw nang lubos ... at ngayo’y ikinahihiya ko iyon!”
Namumula siya at tumahimik. Lumakas rin ang kaba ni Avdotia Romanovna
ngunit hindi niya binasag ang katahimikan. Hindi na siya bumigkas ni isa mang
salita magmula nang sandaling nabanggit si Luzhin.
Si Pulheria Aleksandrovna naman ay di rin makapagsalita’t makapagpasya
kung walang-suporta ng anak. Sa wakas, nagdadalawang-isip siya at patingin-
tingin pa rin sa anak nang naglahad na labis siyang ginagambala ngayon ng isang
kalagayan.
“Alam ninyo kasi, Dmitri Prokofich,” simula niya.
“Magiging tapat ako nang lubos kay Dmitri Prokofich, ha, Dunechka?”
“Opo, siyempre po, Mama,” mariing sagot ni Avdotia Romanovna.
“Ganito ang kalagayan,” pagmamadali niya na para bang inalisan
ng nakadagang bundok nang mabigyan ng pahintulot ng anak na ilabas ang
hinanakit. “Kanina, umagang-umaga, ay nakatanggap kami ng kalatas mula kay
Pyotr Petrovich bilang kasagutan sa balitang dumating na kami kahapon. Alam
ninyo, kahapon sana ay sasalubungin niya kami, tulad ng kaniyang pangako, sa
estasyon ng tren. Sa halip ay inutusan ang kung sinong tao na salubungin kami na
dala nga ang adres ng mga kuwartong ito. Ipinakita niya sa amin ang daan. Iniutos
ni Pyotr Petrovich na ipaalam sa amin na pupuntahan niya kami rito ngayong
umaga nang personal. Sa halip ay natanggap namin ngayong umaga ang sulat na
ito na galing sa kaniya ... pinakamabuti ay basahin ninyo. Naririyan ang punto na
labis kong ikinababahala ... Makikita ninyo kung alin iyon at ... sabihin ninyo ang
inyong matapat na opinyon, Dmitri Prokofich. Kayo ang higit na nakaaalam sa
karakter ni Rodya at higit kanino man, kayo ang makapagpapayo. Ipinauuna ko
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 227

lang na nagpasya na si Dunya, sa simula pa lang. Ngunit ako, hindi ko pa alam


kung ano ang gagawin at ... at hinihintay ko kayo.”
Binuksan ni Razumikhin ang sulat na ang petsang nakasulat ay kahapong
nagdaan at binasa ang mga sumusunod:

Mahal na Ginang Pulheria Aleksandrovna,

Karangalan ko na ipaalam sa inyo na dahil sa di-inaasahang


pangyayari ay hindi ko kayo masasalubong sa estasyon ng tren, ngunit
inutusan ko ang isang taong maaasahan. Gayundin ay pinagkakaitan
ko ang sarili ng karangalang makita kayo bukas ng umaga dahil sa hindi
makapaghihintay na gawain sa Senado at upang hindi na rin maabala ang
inyong pakikipagkita sa inyong anak at ni Avdotia Romanovna sa kaniyang
kapatid. Magkakaroon ako ng karangalang dalawin kayo at magbigay-pugay
sa inyong tirahan bukas na ng gabi sa ganap na alas-otso. Kasabay nito ay
maglalakas-loob na rin akong hilingin nang buong pagsusumamo, at idagdag
pa rito, nang buong higpit na pakiusap na sa ating pagkikita ay wala na sana si
Rodion Romanovich dahil sa kaniyang kawalang-galang at walang-katulad
na pambabastos sa akin kahapong dalawin ko siya sa kaniyang pagkakasakit.
At meron akong karampatan at mabigat na paliwanag sa nabanggit na punto.
Ukol dito’y nais ko ring malaman ang inyong personal na pananaw. Nasa
akin din ang karangalan na maagang ipagbigay-alam na sa inyo na, kung sa
kabila ng aking pakiusap ay makahaharap ko pa rin si Rodion Romanovich,
ay mapipilitan akong lumayo na agad at pag nagkataon ay tanging mga sarili
na lamang ninyo ang masisisi. Sumulat ako sa inyo ngayon sa pagpapalagay
na si Rodion Romanovich, na sa tingin ko ay matindi ang karamdaman
nang aking dalawin, makaraan ang dalawang oras, ay biglang gumaling at
lumabas ng bahay, marahil ay pinuntahan kayo. Nakita ko at napatunayan
ng sarili kong mga mata sa tahanan ng isang lasenggo na nadaganan ng mga
kabayo na namatay rin. Ang anak ay babaeng mababa ang lipad at binigyan
niya ng mga dalawampu’t limang rublo para diumano’y pampalibing, bagay
na sukat kong ikinabigla dahil alam ko kung gaanong hirap ninyo upang
makalikom ng ganoong halaga. Kasabay nito ay ipinaaabot ko ang aking
natatanging pagpupugay sa iginagalang kong Avdotia Romanovna. Sana’y
tanggapin ninyo ang aking lubos at walang-katapusang katapatan ng dibdib
228 FEODOR DOSTOYEVSKY

bilang inyong masunuring lingkod.


P. Luzhin

“Ano ngayon ang dapat kong gawin, Dmitri Prokofich?” nasabi ni Pulheria
Aleksandrovna na halos maluha. “Paano ko sasabihin kay Rodya na huwag siyang
pumunta? Kahapon ay matigas na hiling niyang tanggihan na si Pyotr Petrovich
at ito namang isa’y nag-uutos na huwag siyang papuntahin! Lalong pupunta iyon,
sasadyain pa niya pag nalaman at ... ano na ang mangyayari?”
“Gawin ninyo kung anuman ang magiging pasya ni Avdotia Romanovna,”
noon din ay malumanay na sagot ni Razumikhin.
“O, Diyos ko! Sabi ni Dunya ay ... Diyos ang may alam ng kaniyang
sinasabi at di-ipinaaalam sa akin ang layunin! Sabi niya’y mas mabuti pa nga.
Hindi naman sa talagang mas mabuti, kundi kailangang-kailangan din daw na
pumunta rito si Rodya sa ganap na alas-otso upang sila’y tiyak na magkita ... ako
nama’y ... ni ayaw kong ipakita sa kaniya ang sulat at kung papaano’y gumawa ng
paraan upang sa tulong ninyo ay hindi na siya pumunta ... dahil sa napakamainitin
ng kaniyang ulo ... at wala akong maintindihan ... Anong lasenggo raw na namatay
at anong anak na dalaga at papaanong ibinigay niya sa babaeng iyon ang lahat ng
natitirang pera ... na ...”
“Na napakalaking hirap bago ninyo nakuha, ha, Mama?” itinuloy ni
Avdotia Romanovna.
“Wala siya sa kaniyang sarili kahapon,” naibulong ni Razumikhin na
malalim ang iniisip. “Kung alam ninyo lang kung ano ang pinagsasabi niya kahapon
sa inuman. Matalino man ay ... hmm! Talagang may sinasabi siya kahapon tungkol
sa patay at kung anong babae nang kami’y pauwi kahapon ngunit wala akong
maintindihan ... Paano, ako man kahapon ay ...”
“Ang pinakamabuti sa lahat, Mama, puntahan natin siya roon at
maniwala kayo sa akin, agad nating malalaman kung ano ang dapat gawin. At
saka oras na! Panginoon! Alas-onse na!” laking gulat niya pagtingin sa kaniyang
malaking gintong relong may enamel na nakabitin sa kaniyang leeg sa manipis na
kuwintas de-venecia, na sadyang di-nababagay sa iba pa niyang kasuotan. “Regalo
ng kasintahan,” naisip ni Razumikhin.
“Hay, naku! Oras na, Dunechka! Oras na!” nag-aalala at nagmamadali si
Pulheria Aleksandrovna, “Isipin na lang, kahapon ay laking galit natin dahil ang
tagal nating di lumalakad. O, Diyos ko!”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 229

Habang sinasabi ito ay itinalukbong na niya ang balabal at isinuot ang


sombrero. Si Dunechka man ay nagbihis na rin. Ang kaniyang mga guwantes
ay hindi lamang sa luma na kundi gasgas pa, bagay na napuna ni Razumikhin.
Ang malinaw na kahirapan ng kasuotan ng dalawa ay nagbibigay sa kanila
ng natatanging marangal na anyo. Ang ganoon ay madalas mangyari sa mga
marunong magdala ng lumang kasuotan. May malaking paghangang tiningnan
ni Razumikhin si Dunechka at nakadama siya ng pagmamalaki sapagkat siya
ang maghahatid sa kaniya. “Ito ang prinsesa na tinahi ang sariling stockings sa
kulungan at habang ito’y kaniyang ginagawa ay mas mukha siyang prinsesa kaysa
panahong siya’y nasa pinakamarangyang pagdiriwang at prusisyon.”
“O, Panginoon ko!” palatak ni Pulheria Aleksandrovna, “Hindi ko
kailanman inisip na katatakutan ko ang pagkikita namin ng aking anak, ng
aking mahal, mahal na Rodya. Gaya nito, natatakot ako! Natatakot ako, Dmitri
Prokofich!” pahabol niyang malugod at payukong nakatingin sa kay Razumikhin.
“Huwag kayong matakot, mamenka,” ang sabi ni Dunya na humalik sa
kaniya. “Mas mabuti ang maniwala kayo sa kaniya. Naniniwala ako.”
“A, Panginoon ko! Naniniwala rin ako at buong magdamag na di-
nakatulog!” bunghalit ng kawawang babae.
At sila’y lumabas na sa kalye.
“Alam mo ba, Dunechka, pagkaidlip ko nang kaunti kaninang umaga
ay napanaginipan ko si Martha Petrovna ... puting-puti ang kaniyang suot ...
Lumapit siya sa akin, hinawakan ang aking kamay, at itinatango ang ulo sa akin.
Napakahigpit niya, mahigpit na parang nanghuhusga ... Mabuti kaya iyon? O,
Diyos ko! Dmitri Prokofich, hindi pa ninyo alam si Martha Petrovna? Namatay
na siya!”
“Hindi ko kilala si Martha Petrovna. Sino siya?”
“Bigla ang kaniyang pagkamatay! At isipin ninyo ...”
“Saka na, mamenka30,” hadlang ni Dunya, “Hindi pa nila alam kung sino
si Martha Petrovna.”
“A, hindi pa ninyo alam? Akala ko ay alam na ninyo ang lahat.
Ipagpaumanhin ninyo, Dmitri Prokofich, nitong mga araw na ito ay isip na lang
sa halip na katwiran ang nagdadala sa akin. Ang totoo’y itinuturing ko kayo na
aming Tagapagligtas kung kaya’t buo ang sampalataya ko na alam na ninyo ang

30 Isa ring katawagang nagpapalambot sa “mama.”


230 FEODOR DOSTOYEVSKY

lahat. Itinuturing ko kayong kamag-anak ... Huwag ninyong sukat ikagalit kung
ganito akong magsalita, ha? Diyos ko, bakit may sugat ang inyong kanang kamay?”
“Opo, nasugatan,” sagot ng naliligayahang si Razumikhin.
“Kung minsan ay labis na galing sa puso ang aking sinasabi kung kaya’t
itinutuwid ako ni Dunya ... Ngunit, Panginoon ko! Maliit na kahon lang ang
tirahan niya! Gising na kaya siya? At ang babae na iyon, ang may-ari, sa tingin
ba niya ay kuwarto iyon? Pakinggan ninyo ako, ang sabi ninyo ay ayaw niyang
inihahayag ang laman ng puso. Baka kaya ako ay ... baka naiinis na siya sa aking
... kahinaan? Matuturuan kaya ninyo ako, Dmitri Prokofich? Paano ako kikilos
sa kaniyang harapan? Ako’y ... alam ninyo, ay parang nawawala, naliligaw sa
paglalakad.”
“Huwag na ninyo siyang gaanong tatanungin sa anumang bagay kapag
nakikita ninyong napakukunot-noo, lalo na tungkol sa kalusugan. Huwag na
huwag ninyong matanong at ayaw na ayaw niya ang ganoon.”
“O, Dmitri Prokofich, napakahirap talagang maging isang ina! At heto
na ang hagdan ... napakapangit na hagdan!”
“Mamasha, namumutla kayo. Huminahon kayo, mahal kong mamasha,”
sabi ni Dunya na naglalambing sa kaniya, “Dapat nga siyang matuwa dahil
makikita niya kayo. Pero pinahihirapan naman ninyo ang inyong sarili,” dagdag
niyang itinuon ang tingin sa hagdan.
“Sandali lamang at mauuna ako. Sisilipin ko kung gising na.”
Nagpahuli ang dalawang babae sa nauna nang umakyat na si Razumikhin.
Nang matapat sila sa ikaapat na palapag, sa tirahan ng may-ari, ay napuna nilang
bahagyang nakaawang ang pinto at may dalawang mabibilis at maiitim na mata
ang tumitingin sa kanila mula sa dilim. Nang magtama ang mga tingin nila
ay biglang bumukas at kumalabog ang pinto nang ubod-lakas. Muntik nang
mapasigaw sa takot si Pulheria Aleksandrovna.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 231

III

“MALAKAS NA! MALAKAS NA!” masayang bati ng sumalubong na si


Zosimov. Sampung minuto na ang nakararaan nang siya’y dumating at naupo sa
kaniyang sulok kahapon sa sofa. Nakaupo naman si Raskolnikov sa kabilang dulo
ng sofa. Nakabihis, malinis na malinis, at nakasuklay ang buhok, bagay na matagal
nang di-nangyayari sa kaniya. Agad napuno ang kuwarto ngunit nagawang
sumunod ni Nastasya sa mga pumasok at nakinig.
Totoo nga na halos malakas na nang lubos si Raskolnikov, lalo’t
ihahambing sa kaniyang kalagayan kahapon. Lamang ay namumutla pa siya,
sabog ang isipan, at malungkot. Sa tingin ay mukha siyang taong nasugatan o
kaya’y nagtitiis sa matinding pisikal na sakit. Ang mga kilay niya’y tila wala sa
lugar, tikom na tikom ang mga labi, at nag-aapoy ang tingin. Kung magsalita
siya’y maikli at parang napipilitan lang, na kinakailangan pa ng dagdag na lakas o
kaya’y may ginagampanang tungkulin lamang, at makikita sa kaniyang mga kilos
magkaminsan ang kung anong pagkabalisa.
Kulang na lang ay tali sa kamay o kaya’y plaster sa daliri upang
makamukhang lubos ang isang taong naputol ang daliri o nasugatan ang kamay,
o naaksidente kaya.
Gayumpaman, ang maputla at malungkot niyang mukha’y biglang
nagliwanag nang pumasok ang ina at kapatid. Ngunit iyon ay nagdagdag lamang
232 FEODOR DOSTOYEVSKY

sa kaniyang damdamin. Ang dating sabog na kalungkutan at hapis ay naging tila


kumpol na pagdurusa. Mabilis na lumipas ang liwanag ngunit ang dusa’y natira
sa kaniyang pasyente. Ipinagtaka ng doktor na sumusuri at nag-aaral sa kaniyang
pasyente, buhos ang interes ng isang baguhang manggagamot. Ang pagpasok
ng mga kamag-anak, sa halip na tuwa ay naroon ang mabigat at nakatagong
determinasyon na danasin ang panibagong oras ng pagtitiis at pagdurusang di-
maiiwasan. Nakita rin niya pagkatapos kung papaanong bawat salita sa usapan ay
tila sumasaling sa kaniyang sugat at nag-iiwan ng hapdi at sakit ngunit kasabay
nito ay nagulat siya sa kakayahan ng may karamdaman na pigilin ang sarili at itago
ang damdamin. Kahapon ay malinaw ang monomania at munting dalos lamang ay
sukat ipagwala ng binata.
“Oo, dama ko mismo na halos magaling na magaling na ako,” sabi ni
Raskolnikov na ginawaran ng halik ang ina at kapatid. Agad itong nagpasigla at
nagpaaliwalas kay Pulheria Aleksandrovna. “At ang pagsasalita kong ito’y di na
gaya kahapon,” sabi niya kay Razumikhin at pinisil nito ang kaniyang kamay na
gaya ng isang kaibigan.
“Nagulat pa nga ako sa kaniya ngayon,” simula ni Zosimov na nasisiyahan
din sa kanilang pagdating dahil sa sampung minuto ay naubusan na siya ng
masasabi sa pasyente. “Tatlo o apat na araw lang kung magpapatuloy ang ganito ay
lubos na manunumbalik ang kaniyang dating lakas gaya noong nakaraang buwan
... dalawa ... o tatlo? Dahil matagal na ito at dahan-dahang nahinog ... di ba?
Inaamin na ninyo ngayon na baka kasalanan rin ninyo?” idinagdag niyang may
maingat na ngiti na parang nangangamba pa ring pagalitin ito.
“Mas malamang,” malamig na sagot ni Raskolnikov.
“Iyan nga ang sinasabi ko,” pagpapatuloy ni Zosimov na may sigasig,
“Ang inyong paggaling ay nakabatay nang higit sa inyong sarili. Ngayon na maaari
na kayong kausapin ay nais ko sanang ilagay sa inyong kaisipan na kailangang
alisin ang mga pangunahin at ugat ng inyong pagkakasakit. Sa ganoon ay
magiging lubusan ang inyong paggaling, kung hindi ay sasama pa. Ang mga
dahilan at ugat na ito ay hindi ko natatalos ngunit natatalos ninyo. Kayo’y taong
matalino at tiyak na nasusuri rin ang sarili. Sa palagay ko, ang simula at isang
dahilan ng inyong karamdaman ay dahil sa paglabas ninyo sa unibersidad. Dapat
ay may pinagkakaabalahan kayo. Hindi maaaring wala. Kaya’t anumang gawain at
layuning ilalagay sa harapan ay makatutulong sa inyo.”
“Oo, oo, tama ang inyong mga sinabi ... kaya’t ako’y babalik agad sa
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 233

unibersidad at ang lahat ay magiging maayos at durulas na parang may langis ...”
Nagtaka si Zosimov nang pagkatapos ng kaniyang matalinong habilin,
na umepekto rin sa mga babae, ay nasulyapan niyang parang may pagkutya’t
pagtatawa sa mukha ng kaniyang tagapakinig. Sabagay, isang iglap lamang iyon
sapagkat noon din ay pinasalamatan siya ni Pulheria Aleksandrovna, lalo na sa
pagdalaw niya sa kanila kagabi.
“Ano? Pumunta rin siya sa inyo kagabi?” tanong ng tila nag-alalang si
Raskolnikov. “Ibig sabihin ay di pa rin kayo natutulog pagkatapos ng biyahe?”
“Rodya, iyon nama’y bago mag-alas-dos. Hindi kami natutulog ni Dunya
nang mas maaga sa alas-dos sa ating bahay.”
“Hindi ko rin alam kung paano siya pasasalamatan,” patuloy
ni Raskolnikov na kumunot-noo at tumango, “Maliban sa pagbabayad,”
ipagpaumanhin ninyo kung aking nabanggit,” humarap siya kay Zosimov. “Hindi
ko alam kung paano ako naging marapat sa ganoong espesyal na atensyon. Hindi
ko talaga maintindihan ... at ... nabibigatan ako dahil hindi ko lubos maisip. Ito ay
buong tapat kong isinisiwalat.”
“Huwag kayong labis na mag-alala,” pinilit tumawa ni Zosimov,
“Ipagpalagay na lang ninyo na kayo ang aking unang pasyente. At ang nagsisimula
pa lang mag-ensayo ay nagmamahal sa kaniyang mga pasyente na parang sariling
anak, kung minsan nga’y umiibig talaga. At ako nama’y hindi mayaman sa
pasyente.”
“Hindi lang tungkol sa kaniya,” dugtong ni Raskolnikov na tinutukoy si
Razumikhin, “Liban sa mga panlalait at sakit ng ulo ay wala pa siyang nakita sa
akin.”
“O, ano na naman ang pinagsasabi! Bakit sentimental ba ang mood mo
ngayon?” bunghalit ni Razumikhin.
Nakita sana niya kung mas nagtatagos lamang ang kaniyang paningin
na walang sentimental na kalagayan, mayroong halos kabaligtaran nito. Ngunit
iyon ay napuna agad ni Avdotia Romanovna. Mataman at may pag-aalalang
pinagmasdan niya ang kilos ng kapatid.
“Tungkol sa inyo, mamenka, ay hindi na ako maglalakas-loob pang
magsalita,” pagpapatuloy niya na parang kaninang umaga pa niya pinag-aralang
sabihin. “Ngayon ko lamang napag-isipan, kahit papaano na rito, kahapon, ay labis
ang inyong pag-aalala sa paghihintay sa aking pagbabalik.” Pagkasabi niyon ay
tahimik niyang iniabot nang may ngiti sa labi ang kamay ng kaniyang kapatid. At
234 FEODOR DOSTOYEVSKY

sa ngiti niya sa pagkakataong ito ay kumikislap ang isang tunay at di-gawa-gawang


damdamin. Noon din ay ginagap ni Dunya ang iniaabot na kamay at mainit niya
itong pinisil-pisil. Maligaya siya’t may pagpapasalamat. Ito ang unang pagharap
niya sa kaniya matapos ang samaan-ng-loob kahapon. Sumilay sa mukha ng ina
ang liwanag ng tuwa at ligaya sa tuluyan at walang-imikang muling pagbabatian
ng magkapatid.
“Iyan ang dahilan kung bakit ko siya mahal!” bulong ni Razumikhin na
pinalalaki ang ibig sabihin. Mabilis siyang bumaling sa kinauupuan. “Mayroon
siyang mga ganoong pagkilos!”
“Bagay na bagay sa kaniya ang ganoon!” tahimik na iniisip ng ina,
“Napakarangal pagmasdan ng ilan niyang simbuyo at pagkilos. Napakadali niyang
inayos ang di nila pagkakaunawaang magkapatid. Napakapino. Iniabot lang ang
kamay at siyempre, tumingin-tinging mabuti ... at ang kaniyang mga mata ...
napakagaganda ... at ang mukha ay puspos din ng kagandahan! Masasabing mas
maganda pa kaysa kay Dunya ang kaniyang mukha ... Diyos ko, at ang kaniyang
suot ... terible ... Si Vasya sa tindahan ni Afanasi Ivanovich ay mas matino pa ang
damit! Nais ko sanang humangos sa kaniya at yumakap at ... lumuha sa kaniyang
balikat ... Ngunit natatakot ako, natatakot ... Bakit ganoon siya, o, Diyos ko!
Malambing naman siyang mangusap, ngunit natatakot pa rin ako! Ano ba ang
ikinatatakot ko?”
“A, Rodya, di ka makapaniniwala,” biglang sabad niya at nagmamadaling
sumagot sa kaniyang puna, “Kung gaano kami ... kalungkot ni Dunya! Ngayong
tapos na at nakaraan na ang lahat ay muli na kaming masaya. Maaari ko nang
ikuwento sa iyo ... Isipin mo, nagmamadali kami sa pagpunta rito upang ikaw
ay yakapin kahit deretso mula sa tren, ngunit ang sabi ng isang babae ... a, heto
siya! Magandang araw, Nastasya! Sabi niya’y nakaratay ka sa mataas na lagnat
at katatakas lamang mula sa doktor, nagdedeliryo, at ikaw nga ay pinaghahanap!
Di mo mapaniniwalaan kung ano ang nangyari sa amin! Naalala ko kung paano
kalumbay ang pagkamatay ni Lt. Potenchikof, na kakilala namin at kaibigan ng
iyong ama. Di mo na siya naaalala, Rodya. Mataas din ang kaniyang lagnat at sa
gayunding paraan tumalilis sa daan at sa isang bakuran ay nahulog sa balon. Nang
sumunod na araw na lang siya naiahon. Kami naman ay pinalalaki pa namin ang
larawan. Nais sana naming hanapin si Pyotr Petrovich upang sa kaniyang tulong
ay ... dahil nag-iisa kami, kami lang na mag-isa.” Impit at mahaba ang kaniyang
nagmamakaawang boses nang bigla siyang matigil ... Naalala na nabanggit niya
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 235

si Pyotr Petrovich, bagay na mapanganib pa sa ngayon, kahit pa ang lahat ay


masayang-masaya na naman.
“Oo, lahat ng ito ay sadyang ... nakaiinis ...” pabulong na sagot ni
Raskolnikov, ngunit kalat, halos wala sa paksa ang atensyon at di-nakikinig kaya’t
nagtatakang tinitigan siya ni Dunechka.
“Ano pa kasi ang gusto ko?” pagpapatuloy niya at pinipilit makaalala,
“Oo nga pala, mamenka at ikaw, Dunya, huwag sana ninyong isipin na ayaw kong
pumunta sa inyo at hinintay ko lang kayo na maunang pumarito.”
“Rodya, ano bang sinasabi mo?” pasubali ni Pulheria Aleksandrovna
na nagulat. “Sumasagot lang ba siya na parang gumaganap ng tungkulin?”
iniisip ni Dunechka, “At nakikipagbati at humihingi ng tawad, na parang may
pinaglilingkuran o kaya’y leksyong pinag-aaralan.”
“Pagkagising ko pa lang ay nais ko nang umalis ngunit pinigilan ako ng
aking damit. Nakalimutan ko kagabing sabihin sa kaniya ... kay Nastasya ... na
linisin ang dugong ito ... kasusuot ko lang uli ngayon.”
“Dugo! Anong dugo?” kinabahan si Pulheria Aleksandrovna.
“Huwag kayong mag-alala, ganito iyon ... ang dugong ito ay galing kagabi
... nang ako’y gumagalang medyo negdedeliryo ... Natagpuan ko ang isang taong
nasagasaan ... isang empleyado ...”
“Deliryo? Pero natatandaan mo ang lahat,” sabad ni Razumikhin.
“Tama,” parang maingat na sagot ni Raskolnikov, “Natatandaan ko ang
lahat, pati ang maliliit na detalye. Ngunit kung itatanong kung bakit ko ginawa,
bakit doon pumunta, at bakit ganito ang sinasabi ay di ko maipaliliwanag nang
mabuti.”
“Palasak ang ganyang penomeno,” salo ni Zosimov, “Magagawa nang
maayos ang isang bagay, minsan nga’y napakagaling, ngunit ang pagkontrol dito at
ang dahilan ng paggawa ang suliranin at depende na lang sa maraming impresyon
ng maysakit katulad ng panaginip.”
“Mabuti na rin siguro at itinuturing niya akong nasisiraan ng bait,”
naisaloob ni Raskolnikov.
“Ngunit maging ang matitino at malulusog na tao ay gayundin,” puna ni
Dunechka. Hindi mapakali ang tingin niya kay Zosimov.
“Totoo rin naman ang inyong tinuran,” sagot nito. “Sa ganoong pananaw
ay tunay ngang lahat tayo, kadalasan, ay parang mga baliw. Mayroon lang maliit
na pagkakaiba. Ang mga baliw ay higit na ‘naguguluhan’ kaysa atin. Dito natin
236 FEODOR DOSTOYEVSKY

makikita ang pagkakaiba. Halos walang taong harmonyus at talagang balanse.


Siguro’y sasampu o kaya’y isa lang ang matatagpuan sa gitna ng ilang daang libo
katao at mahinang klase pang halimbawa ...”
Ang salitang ‘baliw’ na nabanggit nang walang-ingat ni Zosimov sa
kaniyang pagbibida ukol sa paboritong paksa ay nakapagpakunot-noo sa lahat.
Nakaupo lamang si Raskolnikov, walang napapansin, malalim ang iniisip, at
may kakaibang ngiting pumupunit sa mapuputlang labi. Patuloy ang kaniyang
paglalakbay-diwa.
“O, ano ba iyong nasagasaan, ‘ika mo? Puputulin ko ang sinasabi mo,”
mabilis na agap ni Razumikhin.
“Ano?” parang nagising siya, “A, ... oo ... at basang-basa siya ng dugo nang
siya’y tuluyan kong madala sa kaniyang pamamahay ... at siya nga pala, mamenka,
may nagawa akong walang-kapatawarang bagay kahapon. Wala talaga ako sa
sariling-isip. Kahapon, lahat ng pera na ipinadala ninyo sa akin ay ... ibinigay ko
... sa kaniyang asawa ... pampalibing. Ngayo’y balo na, maysakit, kaawa-awang
babae ... tatlong maliliit na ulila at gutom ... walang kasangkapan sa bahay ...
mayroon pang isang anak na babae ... Marahil kayo man ay ibibigay ninyo kung
nakita lang ninyo ... Ngunit wala akong anumang karapatan, inaamin ko, lalo na’t
alam ko kung gaanong hirap ninyo upang maipon ang mga perang iyon. Upang
makatulong, una’y dapat magkaroon ng karapatang gawin iyon at hindi “Crevez
chiens, si vous n’êtes pas contents!”31 at siya’y humalakhak, “Hindi ba ganoon,
Dunya?”
“Hindi! Hindi ganoon!” matigas na sagot ni Dunya.
“Aba! At ikaw pala’y may mabuting layunin!” gagad nito at tumingin kay
Dunya na halos napopoot at maanghang ang ngiti, “Ano pa nga ba? Magaling!
Mabuti para sa iyo ... at nakaaabot ka hanggang sa di mo na kaya. Kawawa ka,
ngunit kung malalampasan mo ay lalo kang magiging kawawa ... A, kalokohan
ang lahat ng iyan!” dagdag niyang nagagalit at naiinis sa kaniyang pagkakatangan
sa sarili. “Gusto ko lang sanang humingi ng patawad sa inyo, Mama!” matalim at
bigla niyang pagputol.
“Tama na, Rodya. Naniniwala akong lahat ng ginagawa mo’y napakabuti!”
sabi ng nagagalak na ina.
“Huwag kayong pakatitiyak,” sagot nitong tumabingi ang bibig sa

31 Mula sa salitang Pranses na ang ibig sabihin ay “Kung wala kayong kasiyahan ay mamatay na kayo,
mga aso!”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 237

pagkakangiti. Sumunod ang katahimikan. May kung anong mabigat sa usapang


ito, sa katahimikan, maging sa pagkakasundo at pagpapatawad. Lahat ay nakadama
nito.
“Pero talagang takot sila sa akin,” nasasaloob ni Raskolnikov na
nakayukong nakatingin sa ina at kapatid. Totoong habang tumatagal ang pagiging
walang-imik ni Pulheria Aleksandrovna ay nagpapalakas sa kaba ng kaniyang
dibdib.
“Mahal na mahal ko sila, nang sila’y wala rito,” kumislap sa utak ni
Raskolnikov.
“Alam mo ba, Rodya, na patay na si Martha Petrovna?” naitanong ni
Pulheria Aleksandrovna.
“Sinong Martha Petrovna?”
“O, Diyos ko! Si Martha Petrovna Svidrigailova! Sinulatan kita nang
marami tungkol sa kaniya.”
“A, oo, natatandaan ko ... patay na ba? Talaga?” Bigla’y napaigtad siya na
para bang nagising. “Patay na nga ba? Anong dahilan?”
“Akalain mo ba? Biglaan!” mabilis ang pagsasalita ni Pulheria
Aleksandrovna na nabuhayan ng loob sa ipinakitang interes, “Nagkataon na nang
mismong sinulatan kita, nang mismong araw na ipadala ko sa iyo ang sulat na
iyon! Isipin mo, ang nakakikilabot na taong iyon ay naging dahilan ng kaniyang
kamatayan. Sabi nila’y sinaktan niya ito nang husto!”
“Ganoon ba ang kanilang pagsasama?” tanong niya sa kapatid.
“Hindi. Sa kabaligtaran nga. Siya ay palaging matimpiin sa kaniya,
magalang pa nga. Sa maraming pagkakataon ay masyado siyang mapagpakumbaba
sa pag-uugali ng asawa. Pitong taong singkad na nagsasama ... Bigla na lang
nawalan ng timpi?”
“Lumilitaw na hindi naman siya ganoon kasama dahil sa pitong taong
nagtiis? Ikaw, Dunya, bakit parang ipinagtatanggol mo siya?”
“Hindi, hindi! Siya’y masamang tao! Wala nang sasama pa marahil sa
kaniya!” halos manginig sa pagsagot si Dunya na kunot ang noo at nag-isip.
“Nangyari iyon nang isang umaga,” mabilis na pagpapatuloy ni Pulheria
Aleksandrovna, “Pagkatapos ay iniutos na ihanda ang mga kabayo upang pagkakain
ay tutuloy siya sa bayan. Sa mga ganoong oras ay lagi siyang pumupunta sa bayan,
kumakain ng masasarap, at nakikipagkuwentuhan ...”
“Kahit bugbog?”
238 FEODOR DOSTOYEVSKY

“ ... Ganoon na talaga ang nakasanayan niya ... ugali na ... pagkakain,
upang di mahuli ay agad nang tutuloy sa paliguan ... Alam mo kasi, sabay na ang
pagpaligo at pagpapagamot niya. Mayroon silang malamig na tubig at regular
niyang ipinampapaligo iyon araw-araw. At pagtapak nga niya sa tubig ay bigla na
lang ang atake.”
“Ganoon na nga!” sabi ni Zosimov.
“Binugbog ba nang husto?”
“Pero pareho lang iyon,” salo ni Dunya.
“Hmm! Pero magana kayo, Mama, na magkukuwento ng mga ganoong
bagay,” nasabi ni Raskolnikov na may pagkainis sa sarili.
“O, kaibigan ko, hindi ko na nga alam kung ano ang sasabihin ko,” ang
nasabi na lang ni Pulheria Aleksandrovna.
“Ano ba kayo? Lahat ba kayo’y natatakot sa akin?” sabi ni Raskolnikov na
may baluktot na ngiti.
“Oo, totoo nga. Tama ka,” sabi ni Dunya nang tuwid na mahigpit ang
tingin sa kapatid. “Pagpanhik namin kanina sa hagdan ay nagkrus pa sa takot si
Mama.”
Ngumiwi ang mukha niya na parang mangingisay.
“Dunya, ano ka ba? Huwag ka sanang magalit, Rodya ... Dunya, bakit?
Labis na nabahala si Pulheria Aleksandrovna, “Ako’y pumunta rito na habang nasa
daan ay nangangarap na makita ka! Magkikita tayo at mag-uusap nang matagal ...
Napakaligaya ko at halos di makita ang dinaraanan! At ngayon, maligaya rin ako
ngayon ... Dunya, di ba? Ngunit masaya pa rin ako, Rodya ... dahil nakita kita!”
“Tama na, Mama,” sabi niyang naguguluhan. Hindi siya tumitingin sa
kaniya ngunit pisil ang mga kamay ng ina, “Magkakaroon pa tayo ng oras para sa
mahabang pag-uusap!”
Pagkasabi nito ay agad din siyang naguluhan at namutla. Muli niyang
nadama ang nakatatakot na tila paghaplos ng patay na lamig sa buo niyang
kaluluwa. Luminaw sa kaniya ngayon na nakabanggit siya ng matinding
kasinungalingan dahil kailanman ay hindi na siya makikipag-usap nang lubusan,
kailanman at kaninuman ay hindi na siya maaaring magsalita. Napakalakas ng
bulong ng mapagparusang isipang iyon, na sa ilang saglit ay nakalimot siya sa
sarili, tumayo sa kinaroroonan, di-tumitingin kaninuman, at lumabas ng silid.
“Ano ka ba?” sigaw ni Razumikhin at hinila siya sa kamay. Muli siyang
naupo at tahimik na tumingin-tingin.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 239

“A, nakapag-iisip naman kayong lahat!” bigla niyang sigaw nang di-
inaasahan, “Magsalita kayo nang kahit ano. Bakit nga ba tayo nakaupo lang dito?
O, magsalita kayo. Mag-usap na tayo ... Nakaumpok tayo rito at nagsasawalang-
kibo ... kahit ano, mag-usap tayo!”
“Purihin ang Diyos! Akala ko’y nagsimula na naman ang kahapon,”
nasabi ng nagkrus na Pulheria Aleksandrovna.
“Ano bang ginawa mo, Rodya?” nagdududang tanong ni Avdotia
Romanovna.
“Wala naman. Mayroon lang akong naalala,” sagot niya at bigla na lang
nagtatawa.
“Kung mayroong naalala ay walang anuman! Ako man ay nag-isip na
baka ...” bulong ni Zosimov na tumayo sa pagkakaupo sa sofa. “Gayumpaman,
kailangan ko nang umalis. Baka sakaling bumalik pa ako ... kung daratnan ko ...”
Yumuko siya at lumabas na.
“Ang galing na tao!” puna ni Pulheria Aleksandrovna.
“Oo, magaling, katangi-tangi, may pinag-aralan, at matalino ...” biglang
salitang mabilis ni Raskolnikov na may kakaibang sigla. “Hindi ko lang matandaan
kung saan ko siya nakita bago ako magkasakit ... alam ko na nagkita na kami ...
Siya rin ay mabuting tao!” tango niya kay Razumikhin “ ... Gusto mo ba siya,
Dunya?” bigla niyang tinanong ang kapatid at saka basta na lamang nagtatawa.
“Oo,” sagot ni Dunya.
“Ha, anong klase kang ... baboy!” bigkas ng labis na nagulumihan at
namulang si Razumikhin sabay tayo sa upuan. Napangiti nang kaunti si Pulheria
Aleksandrovna. Si Raskolnikov naman ay malakas na humahalakhak.
“O, saan ka pupunta?”
“Ako? Doon ... kailangan ko nang umalis ...”
“Anong kailangang umalis? Maiwan ka riyan! Umalis lang si Zosimov
ay aalis ka na rin. Huwag kang umalis ... Anong oras na ba? May alas-dose na ba?
Ang ganda ng iyong relo, Dunya! Bakit ang tahimik ninyo? Ako lang ... Oo, ako
lang ang nagsasalita!”
“Ito ay regalo ni Martha Petrovna,” sagot ni Dunya.
“At napakamahal,” dugtong ni Pulheria Aleksandrovna.
“A, ang laki, parang di-pambabae.”
“Gusto ko nang ganito,” sabi ni Dunya.
“Hindi pala regalo ng nobyo,” naisip ni Razumikhin at sa kung sa anong
240 FEODOR DOSTOYEVSKY

dahilan ay kaniyang ikinasiya.


“Akala ko pa naman ay regalo ni Luzhin,” sabi ni Raskolnikov.
“Hindi. Wala pa siyang anumang inireregalo kay Dunya.”
“A, natatandaan ba ninyo, Mama, minsan ay umibig ako at nagnais
magpakasal?” bigla niyang sinabi na nakatingin sa inang hindi nakasabay sa
biglang pagbabago ng tema at tono ni Raskolnikov.
“Ha? Oo, anak ko, oo!” napasulyap si Pulheria Aleksandrovna kay
Dunechka at Razumikhin.
“Hmm! Oo! At ano ang ikukuwento ko sa inyo? Kaunti na lang ang aking
naaalala. Maysakit siyang babae,” pagpapatuloy niya na muling nag-isip at tila
nag-aalinlangan, “Mahinang-mahina ang katawan niya. Lagi siyang nagbibigay-
limos sa mga pulubi at madalas mangarap ukol sa monasteryo. Minsa’y napaluha
pa siya nang ikuwento sa akin ang tungkol doon. Oo, tandang-tanda ko na ...
Mapangit siya ... Ang totoo’y hindi ko alam kung bakit ako nakipag-ugnayan
sa kaniya. Siguro’y dahil na nga sa palaging may sakit ... Kahit pa siguro siya’y
pilay o kuba. Siguro’y lalo ko lang siyang mamahalin ...” ngumiti siyang nag-iisip,
“Siguro’y deliryo lang iyon ng tagsibol!”
“Hindi. Hindi lang deliryo ng tagsibol,” may siglang turing ni Dunechka.
Mataman at matindi niyang tiningnan ang kapatid ngunit hindi niya
narinig o naunawaan ang sinabi nito. Pagkatapos ay malalim ang iniisip na tumayo
ito, lumapit sa ina, hinagkan ito, at bumalik na sa pagkakaupo.
“Mahal mo pa ba siya magpahanggang-ngayon?” nasabi ng natinag na
Pulheria Aleksandrovna.
“Siya? Ngayon? A, kung tungkol sa kaniya ay hindi. Ito ay lumipas na
lahat ngayon at siya’y nasa ibang daigdig na ... at napakatagal na. At lahat ay
parang hindi na rito nagaganap kundi sa dako pa roon.
Malugod siyang tumingin sa kanila.
“Heto lang kayo ... ngunit parang tinitingnan ko kayo mula sa malayo,
libong dipa ... A, demonyo! Bakit ba ito ang pinag-uusapan natin? At para saan
ang mga pag-uusisa?” dugtong niyang naaasar at tumahimik. Kinagat niya ang
kaniyang kuko at muling nagmuni-muni.
“Rodya, ang pangit ng tirahan mo, parang kabaong,” biglang nabanggit ni
Pulheria Aleksandrovna na bumasag ng katahimikan, “Naniniwala akong kalahati
ng dahilan ng iyong labis na kalungkutan ay ang kuwartong ito.”
“Ang tirahan?” sagot niyang tila nakatulala, “Oo, maraming nagagawa
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 241

ang tirahan ... naiisip ko rin ang tungkol doon ... kung alam ninyo lang, Mama,
kung anong kakaibang ideya ang binanggit ninyo ngayon,” dagdag niyang bigla
na lamang tumawa.
Kaunti na lamang at ang pagkikita’t usapan nilang mag-anak pagkatapos
ng tatlong taong paghihiwalay ay magkakaroon na ng pamilyar na tono at ang
lubos na kaimposiblehang pag-usapan ang anuman ay hindi na niya makakayanan
pa. Ngunit mayroong isang bagay na hindi maaaring ipagpaliban. Ito ay kailangang
lutasin ngayon din. Ipinasya na niya ito kanina pang pagkagising niya. Ngayon ay
natutuwa siya’t aayusin na niya ang bagay na ito.
“Dunya, makinig ka,” pagsisimula niyang seryoso at tuyo ang himig,
“Oo, nagpapaumanhin ako sa iyo sa nangyari kahapon ngunit tungkulin ko ang
muling ipaalala sa iyo na hindi nagbabago ang aking mahalagang posisyon: ako
o si Luzhin. Hayaan nang ako’y maging walang-hiya ngunit ikaw ay hindi dapat.
Pumili ka lang ng isa. Kung pakakasal ka kay Luzhin ay itatakwil kita at di na
kikilalaning kapatid.”
“Rodya, Rodya! Ganyan ka rin kahapon!” malungkot na palahaw ni
Pulheria Aleksandrovna. “At bakit mo tinatawag ang sarili na ‘walang-hiya’?
Hindi ko na ito makakayanan! Ganyang-ganyan ka rin kahapon ...”
“Kapatid ko,” matigas at tuyo rin ang pananalita ni Dunya, “Iyan ang
iyong pagkakamali. Buong gabi kong inisip at hinanap kung saan ang pagkakamali.
Ang lahat ay dahil sa inaakala mong iniaalay ko ang sarili bilang sakripisyo para sa
iba o para sa kung sinong tao. Hindi iyon ganoon. Mag-aasawa ako, simple lang,
para sa aking sarili, dahil nahihirapan na rin ako at siyempre, ikatutuwa ko kung
ako’y makatutulong sa aking mga mahal sa buhay. Ngunit sa aking pagpapasya ay
hindi iyon ang pinakamahalagang dahilan.”
“Sinungaling!” naisaloob niya habang kagat ang mga kuko sa galit.
“Nais pang magmalaki! Ayaw pang umamin na gusto lamang niyang gumawa
ng kabutihan! Mapagmataas! O, mabababang karakter! Sila’y umiibig at sabay na
namumuhi! O, gaano ang pagkamuhi ko sa kanilang lahat?”
“Sa madaling salita, ako ay magpapakasal kay Pyotr Petrovich,”
pagpapatuloy ni Dunechka, “Dahil sa dalawang masama ay pinipili ko na ang mas
maliit. Ako ay nakahandang tapat na tuparin ang lahat ng dapat niyang asahan sa
akin at hindi ko siya niloloko ... Bakit ngumingiti ka nang ganyan?”
Siya man ay napikon na at makikita sa kaniyang mga mata ang galit.
“Gagawin mo ang lahat?” tanong niyang nakangiting makamandag.
242 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Hanggang sa tiyak na hangganan. Naipakita ng paraan at anyo ng


pagligaw sa akin ni Pyotr Petrovich kung ano ang inaasahan niya sa akin. Oo nga’t
masyadong mataas ang tingin niya sa kaniyang sarili ngunit umaasa ako na ako
man ay kaniyang pinahahalagahan ... Bakit ka tawa nang tawa?”
“At bakit ka namumula? Nagsisinungaling ka, kapatid ko. Sinasadya
mong magsinungaling. Iyan ay katigasan ng ulong pambabae. Nagsisinungaling
ka para lamang ipilit ang sa iyo ... Hindi mo maaaring igalang si Luzhin. Nagkita
na kami at nagkausap. Para mong ipinagbibili ang sarili alang-alang sa pera.
Saanman tingnan ay kababaan ang ganyang pagkilos at ako’y natutuwa sapagkat
kahit papaano ay namumula pa ang iyong pisngi!”
“Hindi yan totoo! Hindi ako nagsisinungaling!” sigaw ni Dunechka na
nawalan na ng lahat ng pagtitimpi, “Hindi ako pakakasal sa kaniya kung hindi ako
naniniwalang may tunay na pagpapahalaga at pagmamahal siya sa akin at kung
hindi ako lubos na naniniwalang maigagalang ko siya mismo. Sa kabutihang-
palad ay maaari kong malaman ang lahat ngayong araw na ito. At ang ganoong
kasalan ay hindi kawalang-hiyaang tulad ng sinasabi mo! At kung totoo man na
tama ka, kung ako man ay tunay na nagpasyang gumawa ng kawalang-hiyaan,
hindi ba napakalupit mo naman upang ito’y ipamukha mo sa akin nang ganyan?
Bakit hinihingi mo sa akin ang kabayanihang marahil ay wala rin sa iyo? Iyan ay
despotismo at sapilitan! Kung papatay man ako ay sarili ko na lamang! Wala pa
akong sinumang ginilitan ng leeg! Bakit ganyan ang tingin mo sa akin? Bakit ka
namumutla? Rodya, anong nangyayari sa iyo? Rodya, mahal ko ...”
“Diyos ko! Nahilo mo yata!” bulalas ni Pulheria Aleksandrovna.
“Hindi. Hindi ... Walang anuman ito! Medyo umikot lang ang aking
paningin. Hindi ako babagsak ... Puro himatay ang nasa ulo ninyo. Hmm! Ano
ba ang gusto kong sabihin? Oo, at papaano mong malalaman ngayong araw na ito
kung maigagalang mo siya at ... pahahalagahan ba, ‘ika mo? At parang sinabi mo
na ngayon ding araw na ito, tama ba?”
“Mama, ipakita ninyo sa kapatid ko ang sulat ni Pyotr Petrovich,” sabi
ni Dunya.
Nanginginig ang kamay na iniabot ni Pulheria Aleksandrovna ang sulat.
Malakas ang kuryosidad na kinuha niya ito. Ngunit bago niya ito buksan ay may
pagtataka itong tumingin kay Dunechka.
“Bakit ba?” bulong niya sa sarili na parang pinasukan siya ng ibang
kaisipan, “Bakit ba ako nanggugulo? Para saan ang lahat ng pag-aalsa? Sige,
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 243

magpakasal ka sa kahit kanino mo gusto!”


Ang salita niya’y para lamang sa sarili, ngunit lumabas din sa kaniyang
bibig at ilang sandali itong tumitig sa kapatid na parang naguguluhan.
Sa wakas ay binuksan niya ang sulat na nanatili pa rin ang anyong tila
nagtataka. Pagkatapos ay marahan at mataman niya itong binasa, at binasa pa nang
dalawang ulit. Hindi mapakali si Pulheria Aleksandrovna. Lahat ay naghintay ...
“Nakagugulat ito,” pagsisimula niya makaraan ang sandaling pag-iisip
at ibinalik ang sulat sa ina, ngunit wala siyang partikular na kinausap, “Di ba’t
may mga nilalakad na papeles, abogado raw, pati pagsasalita niya’y ganoon ...
pretensyoso. Pero kung magsulat ay parang di nag-aral.”
Lahat ay kumibo at iba ang kanilang inaasahan.
“Pero ganoon silang magsulat lahat,” paputol-putol na puna ni
Razumikhin.
“Bakit? Binasa mo rin ba?”
“Oo.”
“Ipinakita namin, Rodya, kanina’y ... humingi kami ng payo,” nag-
aalangang sabi ni Pulheria Aleksandrovna.
“Iyan ay estilo sa korte,” sabad ni Razumikhin, “Ganyan talaga kung
magsulat sa korte hanggang ngayon.”
“Pangkorte? Oo nga, pangkorte, pantrabaho ... Hindi naman sa talagang
di nag-aral. Pero hindi rin naman pampanitikan, pantrabaho nga.”
“Hindi itinatago ni Pyotr Petrovich na di-kataasan ang kaniyang
edukasyon at ipinagmamalaki pa nga na siya mismo ang naghawan ng kaniyang
daraanan,” puna ni Avdotia Romanovna na may himig pagdaramdam sa bagong
tono ng kapatid.
“Kung nagmamalaki, e, siguro’y may dapat ngang ipagmalaki. Hindi
ako tumututol. Kapatid, mukhang nasaktan ka dahil sa ganoon lamang ang mga
punang nakita ko sa sulat. Marahil ay iniisip mong sinasadya kong turan ang mga
walang-kapararakang bagay upang pagalitin ka. Sa kabaliktaran, tungkol sa estilo
ay nakita kong may mahalagang bagay tayong dapat makita. Doon ay may pahayag
na ‘sarili na lamang ninyo ang masisisi.’ Ito ay kitang-kita at napakalinaw, liban pa
roon ay may banta pa na siya ay aalis kung ako ay darating. Ang bantang iyon ay
gaya na rin ng pananakot na kayo ay iiwanan kung hindi magiging masunurin. At
iiwanan ngayong narito na kayo’t dinala na niya sa Petersburg. Ano sa palagay mo,
makasusulat ba at gagawin ang ganitong pananalitang nakasasakit ng damdaming
244 FEODOR DOSTOYEVSKY

tulad ni Luzhin kung ang sulat ay galing sa kaniya (tinukoy si Razumikhin) o


kaya’y kay Zosimov o kahit sino sa amin?”
“Hindi,” sagot ni Dunechka na sumigla, “Lubos kong naunawaan na
masyadong magaspang ang pagkakasulat. Marahil ay talagang di siya ganoon
kagaling sumulat ... Magaling ang pagtantiya mo, kapatid, ni hindi ko nga inakala
...”
“Inihayag na pangkorte at kung sa ganoong istilo ay wala na ngang
ibang paraan ng pagsulat at lumabas na mas magaspang kaysa siguro sa gusto
niya. Mayroon pang isang bagay ang marahil ay ikapanlulumo mo. Mayroon pang
isang pahayag sa sulat na iyan, isang kasinungalingang laban sa akin na sadyang
may kapangitan. Ang pera ay ibinigay ko kahapon sa biyudang maysakit na labis
ang kasawian at hindi kunwari’y abuloy. Iyon ay para ilibing talaga ang pumanaw
at hindi sa kamay ng anak na dalaga, na tulad nang sabi’y ‘mababa ang lipad’
(na noon ko pa lamang nakita sa tanang buhay ko), kundi ibinigay ko sa biyuda.
Halata ang kaniyang pagmamadali na ako’y siraan sa inyong harapan at ako’y
inyong kagalitan. Muli ay nakasulat sa paraang ginagamit sa korte, masyadong
malinaw ang layunin at kakatwang pagmamadali. Marahil ay matalino rin siyang
tao ngunit upang maging matalino ang mga gawain, kulang ang basta talino lang.
Lahat ng ito’y naglalarawan sa tao at ... ang totoo’y hindi ko iniisip na mataas ang
pagpapahalaga niya sa iyo. Sinasabi ko lang ito para sa iyong kaalaman dahil tapat
kong hinahangad ang iyong kabutihan ...”
Hindi na kumibo si Dunechka. Kanina pa siya nakapagpasya at hinihintay
na lang niyang gumabi.
“Ano ang pasya mo, Rodya?” tanong ni Pulheria Aleksandrovna na
ngayo’y higit ang pag-aalala kaysa kanina dahil sa biglang pagbabago ng tono, na
akala mo’y usapang pantrabaho.
“Anong pasya?”
“Di ba’t ang sulat ni Pyotr Petrovich ay nagsasabing wala ka dapat doon
mamayang gabi at kung darating ka ay aalis siya? Kaya’t anong gagawin mo?”
“Hindi na ako ang magpapasya niyan. Una, kayo, kung ang ganoong
kahilingan ni Pyotr Petrovich ay hindi nakasasakit ng inyong damdamin. Ikalawa,
si Dunya, kung hindi rin siya nasasaktan. Ako nama’y gagawin ko kung ano ang
mabuti para sa inyo,” tuyo niyang dagdag.
“Nagpasya na si Dunya at ako’y lubos na sumasang-ayon sa kaniya,”
pagmamadaling sabi ni Pulheria Aleksandrovna.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 245

“Nagpasya na ako na pakiusapan ka, Rodya. Mahigpit na pakiusapang


pumaroon ka sa oras ng pagkikita,” sabi ni Dunya, “Darating ka ba?”
“Darating ako.”
“Pinakikiusapan ko rin kayo na pumunta sa amin sa ganap na alas-otso,”
sabi niya kay Razumikhin, “Mama, inaanyayahan ko po sila.”
“Mabuti kung ganoon, Dunechka. Kung anuman ang mapagpapasyahan
ninyo roon ay hayaan nang magkaganoon,” dagdag ni Pulheria Aleksandrovna.
“Mas mabuti na rin para sa akin. Ayaw ko nang pagkukunwari at kasinungalingan.
Mas mabuting sabihin natin ang buong katotohanan ... Magalit ka na kung
magagalit ka ngayon, Pyotr Petrovich!”
FEODOR DOSTOYEVSKY

IV

NANG MGA SANDALING iyon ay marahang bumukas ang pinto. Pumasok


ang isang dalaga na may pakundangang tumingin sa mga naroroon. Lahat ay
nagtaka at nagulat sa kaniya. Sa kaniya napukol ang tingin ng lahat. Hindi siya agad
nakilala ni Raskolnikov. Siya ay si Sofia Simeonovna Marmeladova. Nakita niya
ito kahapon sa kauna-unahang pagkakataon ngunit sa ganoong oras, sitwasyon,
at kasuotan, kung kaya’t sa kaniyang alaala ay nakintal ang halos ibang katauhan.
Ngayon ay isa siyang simple at dalagang dukha ang kasuotan, napakabata pa, at
halos mukhang batang babae na tahimik at kaaya-ayang kumilos, may maaliwalas
ngunit bahagyang hintakot na mukha. Ang suot niya’y napakasimpleng damit
pambahay. Sa ulo’y may simpleng palamuti at sumbrerong lumang uso. Nasa
kamay niya ang sumbrerong dala niya kahapon. Nang makitang di-inaasahan
ang maraming tao sa kuwarto ay hindi lamang siya nag-alangan, kundi talagang
nataranta at natakot na parang bata. Humakbang siya patalikod ...
“A, kayo pala!” sabi ni Raskolnikov na labis na nagtataka at siya man ay
naguluhan.
Noon din ay naisaloob niya na sa pamamagitan ng sulat ni Luzhin ay
alam na ng kaniyang ina at kapatid ang “dalagang mababa ang lipad.” Kapoprotesta
lamang niya tungkol sa kasinungalingan ni Luzhin. Binanggit niya na noon
lang niya nakita ang babaeng iyon at ngayo’y heto’t bigla na lamang pumapasok.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 247

Natatandaan niyang hindi siya tumutol ni kaunti sa sinabing “mababa ang lipad.”
Lahat ng ito’y mabilis at di-malinaw na sumaglit sa kaniyang isip. Ngunit nang
tingnan niyang mas mabuti ay natanto niyang ito’y isang kaawa-awang nilalang,
napakaaba, at bigla siyang nakadama ng awa. Nang siya’y akmang tatalilis ay may
kung anong kumislot sa kaniya.
“Hinding-hindi ko kayo inaasahan,” pagmamadali niya at pinahinto niya
ito ng kaniyang tingin. “Pakiusap, kung inyong mararapatin na maupo. Marahil ay
pinapunta kayo ni Katerina Ivanovna. Pahintulutan ninyo, huwag dito, doon kayo
maupo ...”
Pagpasok ni Sonya ay tumayo si Razumikhin, na nakaupo sa isa sa mga
bangko sa tabi ng pinto upang siya ay paraanin. Nang una’y itinuro ni Raskolnikov
ang dulo ng sofa, kung saan naupo si Zosimov upang paupuin si Sonya. Ngunit
naalala niya na ang lugar na iyon ay masyadong pamilyar na lugar dahil doon na
rin siya natutulog at nagmamadaling itinuro ang upuan ni Razumikhin.
“At ikaw ay rito maupo,” sabi niya kay Razumikhin at pinaupo ito sa
sulok kung saan nakaupo si Zosimov.
Naupo si Sonya na halos manginig sa kaba at nahihiyang tumingin sa
dalawang babae. Makikita na maging siya ay hindi makaunawa kung papaano
siyang nagkaroon ng karapatang maupo sa kanilang tabi. Nang maisip iyon ay
bigla siyang tumayong muli at lubos na naguguluhang kinausap si Raskolnikov.
“Dumaan lang ako sandali, ipagpaumahin ninyo kung ako ma’y
nakaabala,” sabi niyang nauuntol, “Tinubod ako ni Katerina Ivanovna dahil wala
siyang ibang mauutusan ... at inutusan ako ni Katerina Ivanovna na pakiusapan
kayong mabuti na dumalo sa libing bukas ng umaga sa Mitrofanievski. Pagkatapos
ay may munting salusalo sa amin ... Sa kaniya ... ito ay karangalan niyang ituturing
... Iyan ang kaniyang pakiusap.” Napahinto siya at di na muli pang nangusap.
“Pipilitin kong makapunta ... pupunta ako,” sagot ni Raskolnikov.
Tumayo rin at nauuntol at di tinapos ang sasabihin, “Pakiusap, maupo kayo,” bigla
niyang sinabi, “Kailangan ko kayong makausap, kung nagmamadali man kayo ay
nakikiusap ako na bigyan ninyo ako ng kahit dalawang minuto ...”
At inilapit nito ang upuan. Muling naupo si Sonya, nag-aalangan, di-
malaman ang gagawin, mabilis na sumulyap sa dalawang babae, at napayuko.
Ang maputlang mukha ni Raskolnikov ay pumula, para siyang kinusog at
maalab ang kaniyang mga mata.
“Mama,” sabi niyang malakas at matigas, “Ito ay si Sofia Simeonovna
248 FEODOR DOSTOYEVSKY

Marmeladova, anak ng walang-suwerteng si Ginoong Marmeladov, na kahapon,


sa aking harapan, ay natapakan ng mga kabayo, na nasabi ko na sa inyo ...”
Tinitigan ni Pulheria Aleksandrovna si Sonya at bahagya itong
napakunot-noo. Sa kabila ng lahat ng kaniyang pag-aalala sa harap ng mainit at
tila naghahamong sulyap ni Rodya ay hindi pa rin niya maipagkait sa sarili ang
munting kasiyahang iyon. Si Dunechka nama’y matamang tumapat sa mukha
mismo ng kawawang dalaga at sinusuri itong may pagtataka. Nang marinig ni
Sonya ang pagpapakilala ay iniangat nito ang mga mata ngunit lalo lamang itong
nahiya kaysa dati.
“Nais ko sana kayong tanungin?” harap sa kaniya ni Raskolnikov, “ Paano
inayos ang lahat sa inyo? Hindi ba kayo ginagambala ... ng mga pulis, halimbawa?”
“Hindi naman. Nakaraos ang lahat ... ‘kita naman kung bakit namatay.
Walang gumambala. Ang mga nakatira lang doon ang galit.”
“Bakit?”
“Matagal daw ang burol ... e, mainit ngayon, malakas ang singaw ... Kaya
ngayon pa lang, mamayang gabi ay dadalhin na sa sementeryo ang bangkay, sa
kapilya muna hanggang bukas. Una’y ayaw ni Katerina Ivanovna ngunit ngayo’y
nakikita niya mismo na hindi talaga pupuwede na ...”
“Ngayon na?”
“Pakiusap niya’y bigyang-karangalan n’yo siya bukas sa simbahan at
pagkatapos ay samahan sila sa munting salusalo sa bahay.”
“May ihahanda siyang salusalo?”
“Oo, kaunti lang. Pasalamatan ko raw kayo sa ginawa ninyong pagtulong
... Kung hindi sa inyo ay wala talaga kaming ipampapalibing.” At nanginig ang
kaniyang labi at baba ngunit tinibayan niya ang loob, pinigil ang sarili, at mabilis
na yumukong muli.
Habang nag-uusap ay masusing tinitingnan siya ni Raskolnikov. Ang
mukha niya’y hapis na hapis at maputla. Maliit ito na parang hindi tama, maliit
ang ilong at baba. Hindi siya matatawag na maganda ngunit maaliwalas ang
asul na mga mata at kapag makislap ang mga ito’y mukha siyang napakabait at
napakasimple. Ito ang nagbibigay-ganda sa kaniya. Sa kaniyang mukha at hugis ay
mayroong natatanging katangian, bagama’t labingwalong taong gulang na siya ay
para pa ring bata na kung minsa’y makikita sa ilang nakatatawang pagkilos.
“Ngunit maaari nang kaligtaan ni Katerina Ivanovna ang ilang
detalye gaya ng salusalo. Bakit naghanda pa siya?” tanong ni Raskolnikov na
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 249

ipinagpapatuloy pa rin ang usapan.


“Simple lang ang kabaong ... Lahat ay simple lang kaya’t hindi naman
mahal ... Nakuwenta na naming lahat ni Katerina Ivanovna at ang matitira ay
para sa salusalo ... Ganoon ang gusto ni Katerina Ivanovna. Dahil hindi naman
puwedeng ... iyon ay ikapapayapa ng kaniyang kalooban ... alam naman ninyo siya
...”
“Naiintindihan ko, oo ... Bakit ganyan ang tingin ninyo sa aking kuwarto?
Sabi nga ng Mama ko ay mukhang kabaong.”
“Ibinigay ninyo lahat sa amin kahapon,” nasabi ni Sonya bilang kasagutan,
na mabilis, halos bumubulong lamang at muli’y yukong-yuko ... nanginig ang labi
at baba. Kanina pa siya gulat na gulat sa abang kalagayan ni Raskolnikov at ngayon
ay kusang lumabas sa kaniya ang mga salita. Sumunod ang katahimikan. Parang
umaliwalas ang mga mata ni Dunechka. Samantalang halos pabati naman ang
pagkakatingin ni Pulheria Aleksandrovna kay Sonya.
“Rodya,” sabi niyang tumayo, “Kami ay sabay manananghalian. Dunechka,
tayo na ... at Rodya, ikaw manapa’y magpasyal muna at saka magpahinga, matulog,
at pumunta ka na agad doon ... Napagod ka yata namin. Iyan ang ikinakaba ng
aking dibdib ...”
“Oo, oo, darating ako,” sagot niyang tumayo na rin at pautal na, “Mayroon
din akong ... dapat gawin ...”
“Huwag ninyong sabihin na magkahiwalay pa kayong kakain?” tutol ni
Razumikhin at gulat na nakatingin kay Raskolnikov, “Bakit ba?”
“Oo, tiyak na darating ako ... At ikaw, maiwan ka muna sandali. Hindi
naman ninyo siya kailangan ngayon, ha, Mama? O, hindi ko siya dapat kunin?”
“Hindi naman! Dmitri Prokofich, sasalo ba kayo sa amin? Saluhan ninyo
kami.”
“Sana’y pumunta kayo,” sabi ni Dunya.
Yumukod si Razumikhin, masayang masaya. Isang kisapmatang parang
lahat ay kakatwang nag-alangan.
“Paalam, Rodya, e, hanggang sa muli. Hindi ko gustong sinasabi ang
‘paalam.’ Paalam, Nastasya ... Ay, paalam na naman ang nasabi ko.”
Nais din sanang magpaalam ni Pulheria Aleksandrovna kay Sonya ngunit
hindi na nakuha’t nakalabas na siya ng kuwartong nagmamadali.
Ngunit parang naghintay naman ng kaniyang pagkakataon si Avdotia
Romanovna at sa pagsunod sa ina, nang matapat kay Sonya, ay yumukod,
250 FEODOR DOSTOYEVSKY

mataman, magalang, at maayos na pagyuko. Si Sonya’y nag-alangan, yumuko


na parang nahihiya at natatakot, may masisinag sa kaniyang mukha na hapdi na
para bang ang galang at atensyon na iniukol sa kaniya ni Avdotia Romanovna ay
mabigat at nakapagpapahirap sa kaniyang loob.
“O, Dunya, paalam na!” sigaw ni Raskolnikov nang sila’y palabas na.
“Ibigay mo naman ang kamay mo!”
“Iniabot ko naman, a, nakalimutan mo?” sagot ni Dunya na malambing
at nakatawang bumaling sa kapatid.
“E, ano, iabot mo ulit!”
At mahigpit nitong pinisil ang kaniyang mga daliri. Nginitian siya ni
Dunechka, namula at mabilis na humulagpos ang kamay at sumunod na sa ina na
kung bakit ay masaya rin.
“Hayan! Magaling!” sabi niya kay Sonya at bumalik na sa kaniyang lugar.
Tiningnan niyang mabuti si Sonya. “Papayapain ng Diyos ang mga patay at ang
mga buhay ay mamumuhay! Ganoon nga ba, ha? Ganoon, di ba?”
May pagtataka pang tumingin si Sonya sa biglang umaliwalas na mukha
ni Raskolnikov. Ilang sandaling wala itong imik at matamang tumititig sa kaniya.
Ang buong kuwento sa namayapa niyang ama ay biglang bumalik sa alaala ng
binata.
“O, Diyos ko, Dunya!” nasambit agad ni Pulheria Aleksandrovna
pagkalabas nila sa kalsada. “Heto at masaya na ako. Mabuti’t umalis na tayo, mas
magaan na ang aking pakiramdam. Inisip ko pa kahapon nang nasa tren pa tayo
na ikasasaya ko ito!”
“Muli kong sinasabi sa inyo, Mama, may sakit pa siya. Hindi ba ninyo
nakikita? Baka nagdurusa nang dahil sa atin kaya siya nagkasakit. Kailangan
nating magpakumbaba at marami ... marami ang maaaring ipagpatawad ...”
“Pero ikaw ay hindi naging mapagpakumbaba!” mainit at masiglang
putol agad ni Pulheria Aleksandrovna. “Alam mo ba, Dunya, kapag tinitingnan
ko kayong dalawa ay ikaw ang eksaktong larawan ng iyong kapatid. Hindi lang
sa anyo, kundi sa kaluluwa. Pareho kayong malungkutin, malumbay, at mainitin,
parehong mapagmalaki at ubod ng bait ... Hindi siya maaaring maging egoista,
di ba, Dunechka? Iniisip ko pa lang kung ano ang mangyayari sa atin mamayang
gabi ay parang lulundag na ang puso ko!”
“Huwag kayong mag-alala, Mama, mangyayari ang dapat mangyari!”
“Dunechka, isipin mo lang kung ano ang kalagayan natin ngayon! Paano
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 251

na kung tumangi si Pyotr Petrovich?” di-maingat na nadulas ang kawawang


Pulheria Aleksandrovna.
“At ano ang magiging halaga niya pagkatapos?” matalim at napopoot na
sagot ni Dunya.
“Mabuti ang ginawa natin na umalis na tayo,” nagmamadaling sinabi ni
Pulheria Aleksandrovna, “Nagmamadali siyang gawin ang isang bagay. Hayaan
nating maglakad at lumanghap ng hangin ... Grabe ang alinsangan sa kaniyang
... pero saan ba rito may sariwang hangin? Dito sa labas ay para ka ring nasa
kuwartong walang-bintana. Panginoon, anong klaseng bayan ito? Sandali lang,
tabi ka at baka ka tamaan. May dinadalang kung ano! Fortepiano iyon, a! Tingnan
mo nga kung paano itulak ... Kinatatakutan ko rin ang babaeng iyon ...”
“Sinong babae, Mama?”
“Sino pa nga ba? E, di si Sofia Simeonovna ... iyong naroon ...”
“Bakit naman?”
“Wala. Pakiramdam ko lang, Dunya. Maniwala ka man o hindi, pagpasok
pa lang niya ay pumasok na agad sa isip ko, heto na ... mangyayari na ...”
“Walang anumang mangyayari!” malakas na tutol ni Dunya. “Ano ba
naman, Mama, iyang mga pakiramdam ninyo? Kahapon lang sila nagkita. Hindi
nga niya nakilala kaninang pumasok, e!”
“Sige, makikita mo! May nararamdaman ako sa kaniya. Makikita mo!
Takot na takot nga ako. Tinitingnan niya ako at ganoon ang kaniyang mga mata,
muntik na akong umalis sa pagkakaupo. Natatandaan mo ba kung papaanong
ipinakilala? Nagtataka ako. Ganoon ang sabi sa kaniya ni Pyotr Petrovich ngunit
siya nama’y ipinakilala sa atin. O, anong masasabi mo? Malamang na mahalaga
sa kaniya!”
“Ano naman kung sumulat nang gayon! Nalimutan na ba ninyo na
nagsasalita at sumusulat din ng tungkol sa atin? Sa palagay ko’y ... napakaganda
niya at kung anumang iba pa ay ... kalokohan!”
“Siya nawa.”
“At si Pyotr Petrovich ay sinungaling at walang-hiya!” biglang diin ni
Dunya.
Wala nang nasabi pa si Pulheria Aleksandrovna at ang usapan ay natapos
na.
“Ganito sana ang kailangan ko sa inyo ...” sabi ni Raskolnikov na inilapit
si Razumikhin sa bintana.
252 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Sasabihin ko na kay Katerina Ivanovna na darating kayo ...” pagmamadali


ni Sonya.
“Sandali lang, Sofia Simeonovna, hindi naman lihim ang aming pinag-
uusapan at hindi kayo nakaaabala ... May nais pa sana akong sabihin sa inyo ...”
Bigla rin siyang bumaling kay Razumikhin, “Hindi ba’t kilala mo si ... anong
pangalan ... Porfiry Petrovich?”
“Siyempre, kamag-anak ko iyon. Bakit?” dagdag niya na biglang
nagkainteres.
“Siya yata ang nag-iimbestiga sa ... pagpatay ... di ba, sabi ninyo kahapon?”
“Oo, bakit?” nanlalaki ang mata ni Razumikhin.
“Iniimbestigahan ang mga nagsangla at meron din akong sangla roon,
mga kung ano-anong abubot lang. Pero naroon din ‘yong singsing na regalo sa
akin ng aking kapatid nang ako ay pumunta rito sa Petersburg at saka ang pilak
na relo ng tatay ko. Nagkakahalaga lang siguro ng lima o anim na rublo ngunit
mahalaga sa akin iyon bilang alaala. Ano ngayon ang gagawin ko? Ayoko sanang
mawala ang mga iyon, lalo na ang relo. Kinabahan ako kanina na baka itanong
ng Mama nang mapag-usapan ang relo ni Dunya. Iyon na lang ang tanging
alaalang naiwan ng ama. Magkakasakit siya kapag nawala iyon! Alam mo na ang
mga babae! Kaya turuan mo ako! Paano na ngayon? Alam kong dapat kunin sa
presinto. Pero hindi kaya. Mas mabuting kausapin na lang si Porfiry Petrovich.
Ano sa palagay mo? Dapat kasi’y makuha agad. Tingnan mo man at bago kumain
ay itatanong na ng Mama!”
“Hindi sa presinto, kundi kay Porfiry dapat!” hindi karaniwan ang tuwa
ni Razumikhin.
“A, masaya ako! Tara na, ano pang hinihintay natin? Dalawang hakbang
lang mula rito at sa palagay ko’y maaabutan natin siya!”
“Sige, pupunta na tayo.”
“At matutuwa nang husto iyon na ikaw ay makilala! Marami na akong
sinabi sa kaniya tungkol sa iyo sa iba’t ibang pagkakataon ... kahapon, halimbawa.
Tara! Kilala mo pala ang matanda? Hayun! Ma-ga-ling ang kalalabasan nito! O,
Sofia Ivanovna ...”
“Sofia Simeonovna,” pagtutuwid ni Raskolnikov, “Sofia Simeonovna, ito
ang kaibigan kong si Razumikhin. Siya ay mabuting tao ...”
“Kung kailangan na ninyo ngayong lumakad ...” simula ni Sonya na hindi
talaga tumingin kay Razumikhin, na lalo tuloy naguluhan.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 253

“Tayo na!” pasya ni Raskolnikov, “Pupunta ako sa inyo mamaya rin, Sofia
Simeonovna. Sabihin ninyo lang kung saan kayo nakatira.”
Hindi niya nais putulin ang kaniyang pagsasalita na parang nagmamadali
at umiiwas sa tingin ng dalaga. Ibinigay ni Sonya ang kaniyang adres na namumula
ang pisngi. Sabay-sabay silang lumabas.
“Hindi ka ba nagkakandado?” tanong ni Razumikhin habang papababang
kasunod nila sa hagdan.
“Hindi kailanman! Pero dalawang taon ko nang gustong bumili ng
kandado,” dagdag niyang parang walang anuman. “Mapalad ang mga taong wala
namang dapat ikandado!” sabi niyang nakangiti kay Sonya.
Sa labas ay tumayo sila sa may bakuran.
“Kakanan ba kayo, Sofia Simeonovna? Siya nga pala, paano ninyo ako
natagpuan?” tanong niya na parang may iba pang nais sabihin. Gusto pa niyang
pagmasdan ang kaniyang tahimik at makislap na mga mata ngunit hindi niya
magawa.
“Sinabi ninyo kahapon ang inyong adres kay Polya.”
“Polya? A, oo ... Polechka! Iyong ... maliit ... na kapatid ninyo? Naibigay
ko ba sa kaniya ang aking adres?”
“Nakalimutan na ba ninyo?”
“Hindi ... natatandaan ko na ...”
“May narinig na ako tungkol sa inyo mula sa namayapa ... Hindi ko
lang alam noon ang inyong apelyido at hindi rin niya alam ... At ngayon nga ay
pumarito ako ... dahil nalaman ko na kahapon ang inyong apelyido ... nagtanong
ako, “Saan ba nakatira si G. Raskolnikof ?” At hindi ko alam na nangungupahan
din pala kayo. Paalam na. Sasabihan ko si Katerina Ivanovna …”
Masaya at maluwag ang kalooban ni Sonya nang siya’y makaalis na sa
wakas. Halos mapatid at nagmamadali siya upang mabilis na makalayo kahit
papaano sa kanila. Dalawampung hakbang na lang bago kumanan sa kanto at sa
wakas ay mag-iisa na siya. Doon ay mabilis siyang maglalakad na walang sinumang
pinapansin. Ang iniisip niya, tinatandaan, at inaalala ay ang bawat salitang
binitiwan sa kaniya at ang bawat sitwasyon. Kailanman ay hindi pa siya nakadama
nang ganoon. Isang buong daigdig na hindi niya nauunawaan at nakikilala ang
sumanib sa kaniyang kaluluwa. Bigla niyang naalala na nais siyang puntahan ni
Raskolnikov mamaya o kaya’y sa umaga, o kaya’y ngayon!
“Huwag lang ngayon. Huwag sana ngayon!” bulong niyang nanlalamig
254 FEODOR DOSTOYEVSKY

ang puso na para bang may hinihingan ng awa o parang batang natatakot. “Diyos
ko! Kung pupuntahan niya ako sa kuwarto ko ... makikita niya ang ... O, Diyos ko!”
Kaya’t imposible niyang mapuna nang mga sandaling ito ang isang di
niya kilalang lalaki na maingat na sumusunod sa kaniya. Kanina pa siya nakatingin
nang nasa bakuran pa lamang silang tatlo nina Razumikhin at Raskolnikov.
Nang sila’y huminto sa tabing-daan at sandaling nag-usap, nalampasan sila ng
nagdaraan at di-sinasadya’y naulinigan nito ang sinabi ni Sonya, “... Saan nakatira
rito si G. Raskolnikov?” Tinitigan nitong mabuti ang tatlo, saglit lang, lalo na
si Raskolnikov na kinakausap ni Sonya. Pagkatapos ay tiningnan ang bahay at
tinandaan ito. Lahat ng ito ay naganap sa isang iglap lamang habang naglalakad.
At ang dumaraang ito ay maingat, ni ayaw ipakita ang mukha, at lumampas
lạmang. Pagkatapos ay binagalan ang mga hakbang na parang may hinihintay.
Hinintay-hintay niya si Sonya hanggang sa makita niyang naghiwalay na ang tatlo
at tutuloy na si Sonya sa tinitirhan.
“Saan kaya nakatira? Nakita ko na ang mukhang ito,” pilit niyang inaalala
ang mukha ni Sonya. “Kailangang malaman ko.”
Nang makarating sa likuan ay lumipat siya sa kabila ng kalsada, tumingin
sa likod, at nakitang kasunod na niya si Sonya na walang napupuna. Sa pagliko
ay roon din siya lumiko. Sinundan na niya ang dalaga at hindi hinihiwalayan ng
tingin mula sa kabilang gilid ng kalsada. Nang makalakad ng mga limampung
hakbang ay muli siyang lumipat sa kabila kung saan naglalakad si Sonya. Inabutan
niya ito at sumunod na ang layo nang limang hakbang lamang.
Siya ay lalaking limampung taong gulang, mas mataas sa karaniwan,
malaki, malapad, at mabilog ang balikat kung kaya’t mukha siyang nakayuko
nang kaunti. Maayos ang kaniyang pananamit at mukhang maykayang ginoo.
May hawak siyang magandang tungkod na sa bawat hakbang ay kumakalatok sa
daan at ang mga kamay niya ay may bagong guwantes. Ang kaniyang malapad at
maumbok na panga ay nababagay sa kaniyang mukha. Ang kaniyang buhok ay
makapal, kulot, at may kaunting puti. Ang kaniyang mahaba at makapal na balbas
ay mas matingkad kaysa kaniyang buhok. Kulay asul ang kaniyang mga matang
malamig tumitig, mataman, at malalim. Mapula ang kaniyang mga labi. Siya ay
sadyang mas batang tingnan kaysa kaniyang edad. Napreserba niyang mabuti ang
pangangatawan at anyo.
Nang lumabas si Sonya sa may ilog ay naiwan silang dalawa sa daan. Sa
pagsuri niya sa dalaga ay napuna niya ang kaniyang malalim na pag-iisip na tila
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 255

wala sa sarili. Pagdating sa kaniyang tirahan ay lumiko siya sa bakuran, sumunod


siya, at bahagyang nagtataka. Pagpasok sa bakuran ay kumanan siya sa sulok kung
saan may hagdan patungo sa kaniyang inuupahan. “Aba!” bulong ng di-kilalang
tao at sumunod na rin paakyat sa hagdan. Dito na siya napuna ni Sonya. Tumuloy
siya sa ikatlong palapag, lumiko sa koridor, at kumatok sa ikasiyam na silid. Sa
pinto ay may nakasulat sa tisa: Kapernaumof - Sastre. “Aba!” ulit ng di-kilalang
lalaking nagulat sa insidenteng ito. Kumatok siya sa ikawalong silid. Ang pagitan
ng dalawang kuwarto ay mga anim na hakbang.
“Kayo ay nakatayo sa pinto ni Kapernaumof !” sabi niyang nakatingin kay
Sonya at nakatawa. “Kahapon ay inayos niya ang aking damit. Ako naman ay rito
nakatira sa tabi ninyo—kay Madam Reslich, Gertrudes Karlovna. Nagkataon!”
Mataman siyang tiningnan ni Sonya.
“Kapitbahay,” pagpapatuloy niyang may kasiyahan. “Tatlong araw pa lang
ako rito sa lungsod. Hanggang sa muli.”
Hindi sumagot si Sonya. Binuksan niya ang pinto at siya’y pumasok na sa
kaniyang tirahan. Para siyang napahiya at kinabahan ...
Masiglang-masigla si Razumikhin habang papunta kay Porfiry.
“‘Tol, magaling,” ilang beses niyang inulit ito, “At ako’y masayang-
masaya!”
“At anong ikinatutuwa mo?” sa loob ni Raskolnikov.
“Hindi ko alam na ikaw ay nagsasangla rin sa matanda. At ... matagal na
ba? Kailan ka ba huling nagpunta?”
“Napakasimple ng utak ng luko-luko!”
“Kailan?” tumigil si Raskolnikov at tila inaalala, “Tatlong araw yata bago
siya mapatay. Tsk. Hindi ko na ngayon matutubos ang mga iyon. Isang rublong
pilak na lang ang pera ko ... dahil sa isinumpang deliryo na iyon!”
Binigkas niya nang may tanging diin ang salitang deliryo.
“A, oo!” nagmamadali at sarili’y di-maintindihan kung bakit umaayon,
“Kaya pala ... nababahala ... ka noon ... sa pagdedeliryo mo’y may hinahanap kang
singsing at kuwintas! Ngayon ay alam ko na ... malinaw na ang lahat.”
“Hayun! Nasa isip nilang lahat iyon! Ang taong ito ay sasama sa aking
magpapako sa krus at ngayo’y naghahanap ng singsing sa pagdedeliryo! Natanim
na iyon sa isip nilang lahat!”
“Maabutan kaya natin siya?” tanong niya upang marinig.
“Oo, maaabutan natin,” sabi agad ni Razumikhin. “‘Tol, makikita mo,
256 FEODOR DOSTOYEVSKY

magaling na tao iyon! Medyo iba. Ibig kong sabihin ay sopistikado. Ang ibig kong
sabihin sa ‘medyo iba’ ay napakagaling, talagang napaka, hindi bobo, ‘ika nga. Pero
ibang mag-isip ... hindi agad nagtitiwala, eseptiko, siniko ... at mahilig niyang
pangunahan ang ibang tao. Hindi lang pangunahan, kundi gawing katawa-tawa.
Pero tagasunod siya ng lumang sirkumstansyal na paraan at alam na alam ang
trabaho. Noong nakaraang taon ay mayroon siyang nalutas na kaso tungkol sa
pagpatay na halos wala talagang kabakas-bakas! Gustong-gusto ka nga niyang
makilala!”
“Bakit gustong-gusto?”
“Hindi naman dahil sa anupaman ... alam mo kasi nang magkasakit ka
ay naikuwento kita sa kaniya. Nakinig naman siya at nang malaman na nag-aaral
ka ng abogasya at hindi nakapagpatuloy dahil sa sitwasyon ay nanghinayang siya.
Ang tingin ko nga ... mula sa lahat ... kahapon dahil kay Zamyotov ... Rodya, di
ba’t nagdaldal ako sa iyo kahapong ako’y nakainom nang tayo’y pauwi ... Kaya, ‘tol,
nag-aalala lang ako na baka masyado mong pinalalaki ...”
“Ang alin? Na akala nila’y nababaliw ako? Baka nga ... tama sila,” mariin
siyang nakakunot-noo.
“O ... oo. Pwe! Ang ibig kong sabihin ay hindi! Naku, ang lahat ng sinabi
ko ay walang-katuturan. Dahil lang iyon sa alak.”
“Bakit ka ba nagpapaumanhin! Nagsasawa na ako!” kunwa’y galit na si
Raskolnikov. Nagkukunwa lamang siya na inis at galit.
“Alam ko, nauunawaan ko. Umasa ka na naiintindihan ko. Nakahihiya
ngang sabihin na ...”
“Nakahihiya pala, e, di huwag na lang sabihin!”
Pareho silang natahimik. Hindi nababawasan ang sigasig ni Razumikhin,
na nararamdaman ni Raskolnikov na naiinis. Naalarma rin siya tungkol sa sinabi
ni Razumikhin kay Porfiry.
“Dapat doon maglalahad ng mga reklamo,” naisaloob niyang namumutla
at kumakaba ang dibdib, “At reklamong kapani-paniwala. Ang pinakakapani-
paniwala sa lahat ay wala na lang sabihin! Pilitin talagang walang sabihin! Pero
kung pipilitin ay hindi na rin natural ... A, kung paano na lang titiklop doon
... malalaman ... na lang ... maganda ba o hindi na pupunta ako? Mag-isa nang
pumupunta ang paruparo sa silo. Ang masama ay kinakabahan ako. Iyon ang
talagang masama!”
“Diyan sa bahay na kulay abo,” sabi ni Razumikhin.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 257

“Ang pinakamahalaga sa lahat ay kung alam ni Porfiry o hindi na galing


ako roon sa bahay ng bruhang iyon kahapon ... at nagtanong tungkol sa dugo.
Kailangang malaman ko agad iyon. Pagpasok ko palang ay malalaman na sa
mukha. Aalamin ko ... kahit anong mangyari ...”
“Alam mo ba?” biglang baling niyang nakangisi kay Razumikhin, “Napuna
ko, kanina pang umaga, na parang di-pangkaraniwan ang iyong sigla, tama?”
“Anong sigla? Hindi, wala namang kakaiba!” tanggi ni Razumikhin.
“Hindi, ‘tol, halata talaga. Nakaupo ka kanina sa paraang di mo kailanman
ginagawa. Nasa dulo ka at parang lagi kang iigtad. Kung anong bagay lang ay
napalulundag ka. Minsa’y galit at minsa’y parang napakatamis na kamatis. Namula
ka, lalo na nang imbitahan kang kumain. Pulang-pula ka!”
“Hindi, wala iyon. Kalokohan! Bakit ba?”
“O, ba’t para kang batang namimilipit? Hay, naku! Namumula ka na
naman!”
“Luku-luko ka talagang baboy ka!”
“O, ba’t ka natataranta, Romeo! Sandali lang at maikukuwento ko ito
mamaya. He-he-he! Matatawa si Mama ... at si ...”
“Teka muna! Seryoso na yata ito! Ano ba? Pagkatapos ng lahat, e,
demonyo!” Napikon na si Razumikhin na nanlalamig sa kaba. “Ano ang ikukuwento
mo? ‘Tol, sira ka talaga!”
“Rosas sa tagsibol! Romeong napakatangkad! At napakalinis mo
ngayon! Pati kuko’y malinis talaga. Kailan ka pa nagkaganyan? Tingnan mo nga,
nakapomada ka pa!”
“Baboy!”
Tawa nang tawa si Raskolnikov na di-mapigilan ang sarili. Pumasok
sila sa bahay ni Porfiry Petrovich na tawa pa rin nang tawa. Iyon ang kailangan
ni Raskolnikov, na hanggang sa kuwarto ay maririnig silang pumapasok na
nagtatawanan.
“Isa pang salita at kita’y ... sasapakin!” bulong na halos magwala ni
Razumikhin habang hawak sa balikat si Raskolnikov.
FEODOR DOSTOYEVSKY

PUMASOK NA SI RASKOLNIKOV sa kuwarto na para bang ubod-lakas


niyang pinipigil ang sarili upang di-matawa. Kasunod niya ang galit at pulang-
pulang si Razumikhin na di-tuloy magkandatuto at napahihiya. Mukha talaga
siyang nakatatawa nang mga sandaling iyon kaya’t may dahilan ang tawa ni
Raskolnikov. Yumuko ang hindi pa ipinakikilalang si Raskolnikov sa may-ari.
Inilahad ang palad at kinamayan siya na halata pa ring pigil na pigil ang sariling
kasiyahan at nagtangkang kahit maikli’y magpakilala. Ngunit nang magawang
magpakaseryoso ng anyo at mapatingin kay Razumikhin ay hindi na nakayanang
pigilin ang pagtawa. Inihit siya ng tawa at habang pinipigil ay lalong tumitindi.
Ang di-pangkaraniwang galit at inis ni Razumikhin ay lalo pang nagbigay ng
makatotohanang tuwa at saya sa eksenang ito. Parang sinasadya na tumulong pa si
Razumikhin sa paggawa nito.
“A, demonyo!” ngingit niyang humampas at tinamaan ang maliit na
mesang bilog kung saan nakapatong ang isang tasang pinag-inuman ng tsaa. Nag-
ingay at nagtalsikan ang mga ito.
“Mga Ginoo, bakit kailangan pang manira ng mga kagamitan? Kabawasan
iyan sa kaban,” masayang bulalas ni Porfiry Petrovich.
Kaya’t ganito ang larawan ng sala ni Porfiry Petrovich. Tumatawa
pa rin si Raskolnikov nang hindi pa naaalis ang pagkakakamay sa kausap.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 259

Ngunit naghihintay lamang ng tamang oras at pagkakataon na matapos ito


sa natural na paraan. Nalubos ang kalituhan ni Razumikhin sa pagkatumba
ng mesa at pagkabasag ng tasa. Tiim-bagang siyang tumingin sa mga basag,
bubog, at bumubulong na humarap sa bintana. Blangko siyang tumitig dito
habang nakatalikod sa mga kasama. Bagama’t mahihinuhang kailangan niyang
magpaliwanag. Sa isang sulok ay nakaupo si Zamyotov. Tumayo siya kanina nang
pumasok ang mga bisita. Naghihintay at nakangiti ngunit may pagtataka at may
di-pagtitiwalang nagmamasid sa nangyayari, lalo na kay Raskolnikov.
“Anong ibig sabihin nito?” isip niya.
“Ipagpaumanhin ninyo,” simula niyang naguguluhan, “Raskolnikov ...”
“ ... Magandang hapon, ikinagagalak ko na pumarito kayo ... at ... ano ba,
ni ayaw na niyang bumati?” tinutukoy ni Porfiry Petrovich si Razumikhin.
“Hindi ko alam kung bakit galit na galit siya sa akin. Sinabi ko lang sa
kaniya sa daan na kamukha niya si Romeo at ... pinatunayan lang niya. Wala nang
iba pa, sa palagay ko.”
“Baboy!” sagot ni Razumikhin na di-lumilingon.
“Ang ibig lang sabihin ay may napakabigat na dahilan upang sa isang
salita ay magalit nang ganyan,” nagtawa si Porfiry.
“O, imbestigador na ang nagsasalita!”
“ ... Demonyo kayong lahat!” bunghalit ni Razumikhin at bigla’y inihit na
rin siya ng tawa. Sumaya na ang mukha nito na parang walang anumang nangyari
at lumapit kay Porfiry Petrovich.
“Tama na ang puro kalokohan! Magseryoso na tayo. Si Rodion
Romanovich Raskolnikov, aking kaibigan. Nang una pa mang marinig ang
tungkol sa inyo ay nais na kayong makilala. Pangalawa, mayroon ding maliit na
ilalapit sana sa inyo ... Aba, Zamyotov! Bakit ka naririto? Magkakilala ba kayo?
Matagal na ba?”
“Bakit ba narito ito?” may pag-aalala si Raskolnikov.
Parang nagtaka si Zamyotov ngunit saglit lang.
“Kagabi. Sa inyo kami nagkakilala,” malumanay nitong sagot.
“Ibig sabihin ay Diyos na ang nagtulot. Noong nakaraang linggo’y tigas
na pakiusap sa akin na ipakilala ko, Porfiry. Pero nagkaayos na kayo ... Nasaan ang
iyong tabako?”
Si Porfiry Petrovich ay nakapambahay na mahaba’t puting-puting damit
at nakasuot ng tsinelas. Siya ay tatlumpu’t limang taong gulang. Ang taas ay maliit
260 FEODOR DOSTOYEVSKY

sa karaniwan, mataba, at may tiyan, bagong ahit, walang bigote at balbas, at manipis
ang pagkakagupit ng buhok sa malaki’t bilog na ulo, na mas maumbok ang parteng
batok. Kurbada nang bahagya ang kaniyang ilong at ang pisngi niya’y matambok,
mabilog na parang kulay ng maysakit, at madilaw na mukha ngunit malusog
at masayahin. Siguro’y masasabing mabait din kundi lamang sa ekspresyon ng
kaniyang mga mata na mamasa-masa ang kislap at nalalambungan ng maputi at
kumukurap na talukap. Ang sulyap ng kaniyang mata’y di-bumabagay sa kaniyang
tikas at tindig na kung tutuusin pa nga’y parang malambot at pambabae. Ito ang
nagbibigay sa kaniya ng higit na seryosong anyo kaysa unang tingin.
Pagkarinig ni Porfiry Petrovich na may sadya sa kaniya ang mga bisita
ay agad niya itong pinaupo sa sofa. Samantalang siya’y naupo sa kabilang dulo at
humanda nang makinig sa paglalahad ng nagsadya. Buhos na buhos ang pansin
nito na sa labis na pagkaseryoso ay maaari pang makabahala’t makabigat sa
nagsasalita, lalo na’t kung hindi siya masyadong kilala at lalo na kung sa loob mo
mismo ay di naman ganoon kahalaga ang iyong sinasabi upang bigyan ng ganoong
pagpapahalaga at atensyon. Ngunit sa maikli at malinaw na pananalita ay nailahad
na mabuti ni Raskolnikov ang kaniyang kailangan. Nasiyahan pa siya sa sarili
dahil nasuri rin niyang mabuti si Porfiry. Hindi rin siya hiniwalayan ng tingin
ni Porfiry Petrovich habang siya’y nagsasalita. Si Razumikhin naman, na naupo
sa tapat nila, ay masigasig na nakikinig sa pagpapaliwanag ng kanilang sadya.
Paminsan-minsa’y inililipat ang tingin mula sa isa tungo sa isa, na bahagyang
lumalampas na sa nararapat.
“Baliw!” pagmumura sa loob-loob lamang ni Raskolnikov.
“Kailangan ninyong sumulat ng kalatas sa pulisya,” seryosong sumagot si
Porfiry, “na nabalitaan ninyo ang tungkol sa pangyayari o ang tungkol sa pagpatay.
Ipinagbibigay-alam ninyo sa imbestigador na inatasang magsuri na mayroon
kayong pag-aari na ganito at ganoon at nais sana ninyong tubusin ... o kaya’y ...
isusulat na roon na ito ay para sa inyo.”
“Iyon na nga ang problema. Sa kasalukuyan ay ...” pinilit ipakita ni
Raskolnikov na siya’y nag-aalangan ... Wala akong ganoong pera ngayon ... Kahit
barya nga lang ay di ko kaya ... Nais ko lang sanang ipaalam sa inyo na akin ang
mga iyon at kung magkakapera ay ...”
“Gayundin,” sagot ni Porfiry Petrovich na malamig na pinakinggan ang
pagpapaliwanag ukol sa pera, “Pero maaari rin, kung nais ninyo, na deretso na sa
akin sumulat. Gayundin ang laman, nabalitaan ninyo ang ganoon at ipinaaalam
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 261

ninyo ang tungkol sa inyong kagamitan. Pakiusap na ...”


“Sa simpleng papel lang?” nagmamadaling sabad ni Raskolnikov na
interesado ulit sa aspektong pinansyal na usapin.
“Oo, sa pinakasimple ...” At bigla’y parang may panunuyang tiningnan
siya ni Porfiry Petrovich. Kumunot-noo ito at parang kumindat sa kaniya. Bagama’t
iyon ay baka akala lamang ni Raskolnikov dahil saglit lamang iyon. Gayumpaman,
may kung anong naganap na gaya noon. Makasusumpa si Raskolnikov na talagang
kinindatan siya, kung bakit ay walang nakaaalam.
“Alam yata!” parang kidlat din na gumuhit sa isip.
“Ipagpaumanhin na ninyo kung naabala ko kayo nang dahil sa
mumunting bagay,” pagpapatuloy niyang bahagyang nag-aalangan, “Ang mga iyon
ay nagkakahalaga lang ng limang rublo ngunit may natatangi silang kahalagahan
para sa akin bilang alaala ng mga nagbigay at inaamin ko na nang malaman ko ay
labis ang aking pangamba ...”
“Kaya ka kinabahan kahapon nang sabihin ko kay Zosimov na inuusisa
ni Porfiry ang lahat ng nagsangla!” nasabi ni Razumikhin na may malinaw na
intensyong suportahan si Raskolnikov.
Ngunit hindi na ito nakayanan ni Raskolnikov at humarap ito kay
Razumikhin na nagliliyab ang mga itim na mata sa galit. Agad naman itong
nakapag-isip.
“‘Tol, mukhang pinagtatawanan mo ako?” sabi nitong pigil ang pagkagalit,
“Alam ko na maaaring sa tingin mo ay labis ang pag-aalala ko sa mga walang-
kuwentang gamit na iyon. Ngunit hindi mo naman ako masasabing egoista o
sakim nang dahil dito. Sa mata ko, ang dalawang munting bagay na iyon ay hindi
patapon. Sinabi ko na sa iyo na ang relong pilak na mumurahin ay siyang tanging
naiwan ng ama. Pagtawanan ninyo ako ngunit naririto ngayon ang ina ko,” at bigla
siyang humarap kay Porfiry, “At kung malalaman niya ...” muling humarap kay
Razumikhin sa boses na pinipilit manginig, “na wala na ang relong iyon ay tiyak
na siya’y magdaramdam! Babae kasi!”
“Hindi! Hindi ganoon ang ibig kong sabihin! Kabaligtaran pa nga, e!”
malakas na banggit ni Razumikhin na masama-ang-loob.
“Mabuti kaya? Natural ba? Hindi ko ba masyadong inaartehan?” nag-
aalala si Raskolnikov. “Bakit ko pa sinabi ang ‘Babae kasi’?”
“Dinalaw ka ba ng iyong ina?” inalam ni Porfiry.
“Oo.”
262 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Kailan pa?”
“Kagabi.”
Hindi na kumibo si Porfiry na nag-iisip.
“Hinding-hinding maaaring mawala ang inyong mga gamit,” malumanay
at malamig niyang pagpapatuloy, “At matagal ko na nga kayong hinihintay rito.”
At parang walang anuman na may pag-aalalang inilapit nito ang ashtray
kay Razumikhin, na walang-habas na pinipitik ang abo sa carpet. Kinabahan si
Raskolnikov ngunit parang hindi siya pinansin ni Porfiry, na nag-aalala pa rin sa
sigarilyo ni Razumikhin.
“Ano? Hinintay mo! Bakit? Alam mo ba na siya man ay nagsangla rin?”
tanong ni Razumikhin.
Tuwid na hinarap ni Porfiry Petrovich si Raskolnikov.
“Ang inyong dalawang gamit ay nasa kaniya na at nakabalot sa papel. At
sa papel ay malinaw na nakasulat ang inyong pangalan, kasama ang petsa nang
ito’y kunin mula sa inyo ...”
“Napupuna pala ninyong mabuti ang mga bagay ...” napatawang
alanganin si Raskolnikov at pilit itong tumititig nang tuwid sa kausap ngunit
hindi siya nakatagal at saka niya idinagdag, “A, malamang ay napuna rin ninyo na
napakaraming nagsasangla ... kaya’t mahirap nang maalala ninyo silang lahat ...
Pero sa kabaligtaran, natatandaan ninyo silang lahat ... at …”
“Bobo! Mahina! Bakit ko pa ba sinabi iyon!”
“Kilala na halos lahat ang mga nagsasangla. Sa katunayan niyan ay
kayo na lang ang di pa nagpapakita,” sagot ni Porfiry na may kaunting himig ng
pangungutya.
“Nagkasakit ako.”
“Alam ko. Narinig ko rin na labis ang inyong pagkabahala. Kahit ngayon
nga ay parang maputla pa kayo!”
“Hindi ako maputla ... sa kabaligtaran ... napakalusog ko na!” magaspang
at galit na pagtanggi ni Raskolnikov na pinalitan ang tono. Hindi niya mapigilan
ang kumukulong galit. “Sa galit ko ay madurulas ako nito!” gumuhit sa kaniyang
isip, “Bakit kaya ako pinahihirapan nito?”
“Hindi pa magaling!” agap ni Razumikhin, “Nagpapatawa ka ba? Kahapon
lang ay halos wala ka sa sarili mo na nagdedeliryo ... A, maniniwala ka ba, Porfiry,
halos di makatayong mag-isa. At pagkatalikod namin ni Zosimov ay nagbihis at
tahimik na tumalilis at nagpaikot-ikot kung saan hanggang hatinggabi. Lahat ng
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 263

ito ay habang walang-puknat ang pagdedeliryo. Maniniwala ka ba? Kakaibang


pangyayari!”
“Talaga bang nagdedeliryo? Pakipaliwanag nga!” iniugoy ni Porfiry ang
ulo nang may pagkaalanganin.
“A, putsa! Hindi kayo naniniwala! E, talaga namang hindi kayo
naniniwala!” sumabog sa galit si Raskolnikov. Ngunit parang wala ring narinig na
naiibang salita si Porfiry Petrovich.
“Paano mo nakuhang lumabas kung nagdedeliryo ka?” galit na si
Razumikhin. “Bakit ka lumabas? Para saan? At bakit patalilis? Malinaw ba ang
isip mo noon? Ngayong lipas na ang panganib ay tuwiran kong itinatanong sa iyo!”
“Kahapo’y punong-puno na ako sa kanila,” harap ni Raskolnikov kay
Porfiry na matigas at naghahamon ang kaniyang ngiti. “Tinakasan ko sila upang
maghanap ng ibang matitirhan upang ako’y hindi nila matagpuan. Nagdala rin
ako ng maraming pera na nakita ni G. Zamyotov. O, ano, G. Zamyotov, matino ba
ako kahapon o wala sa sarili? Sige nga, ikaw ang lumutas ng usapan.”
Tila sinakal niya nang mga sandaling iyon si Zamyotov. Hindi na niya
nagustuhan ang tingin at katahimikan nito.
“Sa tingin ko’y matalino ang pananalita ninyo kahapon. Masasabi pa nga
na tuso pero masyado lang mainit ang ulo,” tuyo ang pahayag ni Zamyotov.
“At ngayon ay sinabi sa akin ni Nikodim Fomich,” muli si Porfiry
Petrovich, “na nakasalubong kayo kahapon sa bahay ng isang empleyadong
nasagasaan ng mga kabayo ...”
“Kahit na sa empleyadong iyon!” pasok si Razumikhin, “Hindi ba para
kang wala sa sarili mo noon? Lahat ng pera mo ay ibinigay mo sa biyuda para
ipampalibing! Kung gusto mong tumulong ay magbigay ka ng labinlima o kaya’y
dalawampu, o kaya’y tatlong rublo man lang ay mag-iwan ka para sa sarili. Pero
hindi naman lahat ng dalawampu’t lima ay ibibigay mo!”
“Baka may natagpuan akong kayamanan at hindi mo lang alam! Kahapon
ay lubos akong nagbukas-puso ... Hayan si Zamyotov, alam niyang nakakita ako ng
kayamanan! Ipagpaumanhin sana ninyo ...” hinarap niya si Porfiry na nanginginig
ang mga labi, “na naabala namin kayo nang dahil sa maliit na bagay. Nakasasawa,
di ba?”
“Hindi. Kabaligtaran, kabaligtaran nga! Kung alam lang ninyo kung
gaano ang interes ko sa inyo! Ang tingnan lang kayo at pakinggan ... at inaamin
ko na natutuwa ako at sa wakas ay minarapat ninyong pumarito.”
264 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Oo nga. Kahit tsaa man lang at natutuyo na ang aking lalamunan!”
bulalas ni Razumikhin.
“Magaling na ideya! Para mas mainam ang ating pag-uusap. Baka gusto
ninyo ng mas ... mabigat bago mag-tsaa?”
“Hindi na.”
Lumabas si Porfiry Petrovich upang humingi ng tsaa.
Umaalimpuyo ang mga ideya sa isip ni Raskolnikov. Siya ay pikon na
pikon. “Ang mahalaga’y ni hindi nila itinatago at di rin nagpapatumpik-tumpik!
At ano naman ang dahilan na pag-uusapan ninyo ako ni Nikodim Fomich
kung ako nama’y di ninyo kakilala? Ibig sabihin ay hindi nila itinatago na ako’y
sinusubaybayang gaya ng pulutong ng aso! Harapan talaga kung mangyurak!”
panginginig niya sa galit, “Kung ganoon ay diretsahin ninyo at huwag parang
pusang nilalaro ang daga. Hindi na kabutihang-asal iyan, Porfiry Petrovich. At
isa pa’y hindi ko mapapayagan ... Tatayo ako’t ipamumukha ko sa lahat ang buong
katotohanan at makikita ninyo kung gaano ang aking pagkamuhi sa inyo!” hirap
siyang huminga, “Paano kung akala ko lang? Paano kung ito’y malikmata lang at
ako’y nagkakamali? Dala ng kakulangan ng karanasan ay nagagalit ako. At di ko
ba makayanan ang gumanap ng masama? Baka naman wala silang sinasadyang
gawin? Lahat ng kanilang salita ay pangkaraniwan, ngunit may laman ... Lahat ng
ito’y maaaring sabihin anumang oras ngunit may laman. Bakit niya sinabing nasa
kaniya mismo? Bakit idinugtong ni Zamyotov na ako’y tuso? Bakit ganoon ang
tono ng kanilang pagsasalita? Oo ... tono ... Bakit si Razumikhin na nakaupo rin
ay parang wala namang ibang napupuna? Pero itong walang-dungis na ugok na
ito, kailanman ay walang mapupuna! Ano, deliryo ulit? Kanina’y kinindatan ako ni
Porfiry o hindi? Kalokohan! Bakit naman kikindatan? Gusto ba akong pakabahin
o iniinis lang ako? O malikmata lang ang lahat o kaya’y baka alam na nila! Kahit
nga si Zamyotov ay malakas ang loob ... Malakas nga ba ang loob ni Zamyotov?
Nagbago ang isip ni Zamyotov sa loob ng magdamag. Naramdaman ko na nga
na magbabago! Parang nasa sariling bahay siya rito samantalang ngayon pa lang
pumunta, ni hindi siya itinuturing na bisita ni Porfiry at siya’y nakaupo sa kaniyang
likuran. Nakaamoy! Tiyak na may naaamoy sa akin! Siguradong pinag-uusapan
nila ako bago pa kami dumating ... Alam na kaya nila ang tungkol sa paupahan?
Sana’y matapos na ito! Nang sabihin ko na lumayas ako kahapon para maghanap
ng paupahan ay pinalampas niya ... hindi nagtanong ... sinasadya ko ang tungkol
sa paupahan at pagkatapos ay mapakikinabangan! Deliryo pala, ha! Ha-ha-ha!
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 265

Alam niya lahat ng tungkol sa kagabi! Hindi niya alam ang pagdating ng inay!
Pero isinulat pala ng bruha ang petsa ng lapis! Sige, mag-usisa kayo at di ako
bibigay! Hindi pa katibayan ang mga iyan. Lahat ng iyan ay malikmata lamang!
Magbigay kayo ng katibayan! Maging ang paupahan ay hindi katunayan, kundi
satsat lamang. Alam ko ang sasabihin sa kanila! Alam na kaya nila ang tungkol sa
paupahan? Hindi ako aalis na hindi iyon nalalaman! Bakit ba ako pumarito? Pero
ang galit ko ngayon ay katibayan! Pwe! Ba’t ba napakamainitin ko? Baka naman
mabuti iyon. Nasasaktang papel ... Mararamdaman niya ako. Titirahin niya. Bakit
pa ba ako pumarito?”
Lahat ng ito’y parang kidlat na gumuhit sa kaniyang isip.
Mabilis na nakabalik si Porfiry Petrovich. Bigla’y para itong sumaya.
“Kaibigan, medyo mabigat pa rin ang ulo ko dahil sa kasiyahan kagabi sa
inyo,” pagsisimula niyang iba ang tono na nakangiti kay Razumikhin.
“Bakit? Masaya ba? Paano’y iniwan ko kayo kagabi sa pinakamasarap na
parte. Sino ang nanalo?”
“Siyempre, wala! Nagsimula sa mga walang-katapusang pagpapatunay, e,
di natapos na parang usok na tinangay ng hangin!”
“Isipin mo, Rodya, kung ano ang pinagtalunan kahapon. Mayroon ba o
walang krimen? Malayo ang narating nila, sabi ko sa iyo!”
“Ano ang nakapagtataka? Iyan ang karaniwang kalagayang panlipunan,”
malumanay na sagot ni Raskolnikov.
“Hindi ganoon ang pagkakatanong,” puna ni Porfiry.
“Hindi nga eksaktong ganoon,” agad na pumanig si Razumikhin na
nagmamadali at nag-iinit na gaya ng dati, “Tingnan mo, Rodion, makinig ka at
sabihin mo pagkatapos ang iyong opinyon. Nais ko sanang sagutin mo. Kahapon
ay nakipagbunuan ako sa kanila at hinihintay kita. Sinabi ko rin sa kanila na ikaw
ay darating ... Nagsimula kami sa palasak na pananaw sosyalista. Ito ay nagsasabi
na ang krimen ay protesta laban sa di-normal na kaayusang panlipunan. Iyon at
iyon lamang, wala nang iba pang dahilan ang katanggap-tanggap. Wala na ...”
“At nagsalita!” sigaw ni Porfiry Petrovich. Halata na ito’y sumigla at
magkaminsa’y tumatawang nakatingin kay Razumikhin na lalong gumagatong sa
kaniya.
“Wala nang iba pa!” mainit na dugtong ni Razumikhin, “Hindi ako
nagsisinungaling! Ipakikita ko sa inyo ang kanilang mga libro. Dahil lahat ay
“nilamon ng kapaligiran at wala nang iba pa!” Iyan ang paborito nilang parirala!
266 FEODOR DOSTOYEVSKY

Kung isasaayos lang ang lipunan ay agad na ring mawawala ang kriminalidad
dahil sa wala nang dapat pang iprotesta sapagkat lahat ay makatarungan na. Hindi
isinasaalang-alang ang kalikasan ng tao, iniaalis ito, at hindi pinagbabatayan! Ang
kanilang sangkatauhan ay hindi umuunlad sa makasaysaya’t buhay na paraan na
kusang mararating sa dakong huli ang isang normal na lipunan. Ang kanila’y
isang sistemang panlipunan na bunga ng kung anong matematika at pagtantiya
ng isipan ng tao na agad magsasaayos sa buong sangkatauhan at sa isang iglap
ay gagawin itong matuwid at walang-bahid kasalanan sa paraang mabilis kaysa
anumang buhay na proseso. Wala nang istorikal at buhay na daan! Iyan din ang
dahilan kung bakit instinktibong ayaw nila sa kasaysayan. Puro raw ito kapangitan
at kabaliwan. At ang kabaliwang ito ang ipinampapaliwanag sa lahat! Iyan din ang
dahilan kung bakit ayaw nila sa may buhay na proseso ng buhay. Hindi na raw
kailangan ng buhay na kaluluwa! Ang buhay na kaluluwa ay nangangailangan ng
buhay. Ang buhay na kaluluwa ay hindi susunod sa mekanikal lamang. Ang buhay
na kaluluwa ay mapagduda. Ang buhay na kaluluwa ay magkaminsa’y paurong!
Ang gusto nila’y iyong kahit amoy-patay at maaaring gawin mula sa goma, basta’t
hindi buhay, walang sariling kalooban, alipin, at hindi kailanman mag-aalsa! At
ang lumalabas na resulta ay tanging kamada ng mga bato at pag-aayos ng mga
koridor at kuwarto ng phalanstery. Handa na ang phalanstery pero ang kalikasan
ng tao ay hindi handa sa ganoon. Dahil kailangan niya ng buhay at hindi pa tapos
ang buhay na proseso. Maaga pa para sa sementeryo! Hindi malalampasan lamang
ng lohika ang proseso ng buhay at kalikasan ng tao! Maaaring mahulaan ng lohika
ang tatlong pagkakataon ngunit dito’y milyon ang mga ito. Alisin ang milyon at
itira ang nag-iisang katanungan ukol sa kaginhawahan! Pinakamadaling solusyon
sa problema! Nakaaaya ang kasimplehan at di na kailangan pang mag-isip! Iyon
ang mahalaga. Hindi na kailangang mag-isip! Lahat ng lihim at hiwaga ng buhay
ay magkakasya sa dalawang pahina!”
“Nakaalpas ang nagtatambol! Hawakan ninyo ang kamay!” tumawa si
Porfiry. “Isipin ninyo,” harap niya kay Raskolnikov, “ganyan din kagabi sa isang
kuwarto at anim ang nagtatalong boses na kaiinom lang ng punch! Alam mo
na mismo kung paano ang kagabi! Pero, ‘tol, mali ka riyan. Malaki ang papel ng
‘kapaligiran’ pagdating sa krimen. Patutunayan ko sa iyo.”
“Alam ko na marami. O, sabihin mo. Isang apatnapung taong gulang na
lalaki na gumahasa sa sampung taong gulang na bata. ‘Kapaligiran’ ba ang nagtulak
sa kaniya na gawin iyon?”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 267

“Ano pa nga ba? Sa estriktong kahulugan ay masasabing kapaligiran din,”


may pambihirang pagpapahalagang sabi ni Porfiry, “Ang krimen laban sa batang
babae’y puwedeng-puwedeng ipaliwanag na naganap dahil sa kapaligiran.”
Halos magwala si Razumikhin.
“Kung gusto mo ay patutunayan ko sa iyo na ang iyong puting pilikmata
ay galing lamang sa Dakilang Ivan na labindalawang metro ang taas. Patutunayan
ko nang malinaw, eksakto, at progresibo, na may bahid pa ng liberalismo. O, ano?
Pustahan tayo!”
“Sige! Tingnan natin kung paano mo mapatutunayan.”
“Lahat ay gawa-gawa lamang!” sigaw ni Razumikhin na tumayo at
iwinasiwas ang kamay. “Dapat pa bang sabihin sa iyo? Dahil sinasadya lang niya
ang lahat. Hindi mo pa siya kilala, Rodion! Kahapon ay kumampi siya sa panig nila
upang lokohin lamang silang lahat. At ang mga sinabi niya kahapon, Panginoon!
Pero tuwang-tuwa sila sa kaniya! Dalawang linggo niyang matatamisin ang
ganoon. Noong nakaraang taon ay pinapaniwala niya kami na siya ay papasok sa
seminaryo. Dalawang buwan niyang pinanghawakan iyon! Kamakailan naman ay
pinapaniwala kami na siya’y mag-aasawa na at kami’y bumati lahat sa kaniya. Pero
walang lumitaw na kasintahan. Wala lahat. Puro lang guni-guni!”
“Sabi-sabi ko lang iyon! Gumawa na ako ng damit pangkasal dati pero
ngayo’y naisipan kong papaniwalain kayo sa bagong damit.”
“Totoo ba na ganoon kayo mapagkunwari?” tanong na magaspang ni
Raskolnikov.
“Akala ba ninyo’y hindi totoo? Sandali lang at ipakikita ko sa inyo.
He-he-he! Hindi naman, pero alam ninyo, sasabihin ko na sa inyo ang buong
katotohanan. Tungkol sa katanungan ng krimen, kapaligiran, at batang babae ay
naalala ko ang isa ninyong artikulong pinagka-interesan ko—ang Ukol sa Krimen.
O, paano ba ninyo pinamagatan ... nakalimutan ko na ang pamagat. Dalawang
buwan na ang nakararaan nang magkapalad akong mabasa ito sa Periodikal na
Pahayag.
“Aking artikulo sa Periodikal na Pahayag?” nagtatakang tanong ni
Raskolnikov, “May sinulat nga akong isang artikulo tungkol sa isang libro,
kalahating taon na ang nakararaan noong ako’y umalis sa unibersidad. Ngunit
ito ay ipinadala ko sa diyaryong Lingguhang Pahayag at hindi sa Periodikal na
Pahayag. Pero napunta sa Periodikal?”
“Paano’y wala na ang Lingguhan kaya hindi na nailathala roon.”
268 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Tama iyon. Pero bago mawala ay sumanib ito sa Periodikal kaya lumabas
ang artikulo ninyo, dalawang buwan na ang nakalilipas sa Periodikal. Hindi ba
ninyo nabasa?”
Hindi talaga alam ni Raskolnikov.
“Aba, puwede ninyong kunin ang bayad sa inyong artikulo! Anong klaseng
ugali iyan? Nabubuhay kayo nang nakahiwalay at ni hindi ninyo nalalaman ang
mga bagay na tuwirang may kaugnayan sa inyo. Aba, ganun na nga.”
“Bravo, Rodya! At hindi ko rin alam!” sigaw ni Razumikhin. “Ngayon
ding araw na ito ay sasaglit ako sa aklatan at hihingi ng kopya. Dalawang buwan
ba ‘ka mo ang nakararaan? Anong petsa? Hindi bale, hahanapin ko! ‘Yon lang ang
problema, hindi mo rin masasabi!”
“At paano ninyong nalaman na akin ang artikulo? Letra lang ang pirma
ko roon!”
“Pagkakataon at kumakailan lang. Kakilala ko ang patnugot ...
Nagustuhan ko kasi.”
“Natatandaan ko na aking sinuri roon ang kalagayang sikolohikal ng
kriminal sa pagpapatuloy ng krimen.”
“Oo at ipinagpapalagay ninyo na ang akto ng pagsasakatuparan ng
krimen ay laging sinasabayan ng pagkakasakit. Napaka-orihinal ngunit ... hindi
iyon ang bahaging pinakagusto ko sa inyong artikulo, kundi ang ilang ideya sa
huling bahagi ng inyong isinulat, na sa malas ay ipinahihiwatig lamang ninyo at
hindi malinaw ... Sa ibang salita, kung matatandaan ninyo ay inyong ipinahihiwatig
na sa mundo’y umiiral ang ilang tao na maaaring ... hindi lang maaari, kundi may
lubos na karapatang gumawa ng anumang katampalasanan o krimen na para bang
sa kanila’y walang-batas na nasusulat.”
Napangiti si Raskolnikov sa labis at sinasadyang pagbaluktot ng kaniyang
ideya.
“Ano? Ano iyon? Karapatan sa krimen? Pero hindi dahil sa ‘nilamon ng
paligid?’ may takot pang inusisa ni Razumikhin.
“Hindi. Hindi naman sa ganoon,” sagot ni Porfiry. “Ang kaso kasi,
sa artikulong iyon, lahat ng tao ay nahahati sa dalawa: karaniwan at di-
pangkaraniwan. Ang mga karaniwang tao ay kailangang mabuhay na masunurin
at walang-karapatang lampasan ang batas dahil nga sa sila ay mga pangkaraniwan.
Samantalang ang mga di-pangkaraniwan ay may karapatang gumawa ng anumang
krimen at anumang paglabag sa batas dahil nga sa sila’y di-pangkaraniwan. Ganyan
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 269

yata ang isinulat ninyo, kung di ako nagkakamali.”


“Anong ganoon? Hindi maaaring magkaganoon!” hindi makapaniwalang
bulong ni Razumikhin.
Muling napangiti si Raskolnikov. Agad niyang naunawaan kung ano
ito at kung saan siya gustong itulak. Natatandaan niya ang kaniyang artikulo at
nagpasya siyang tanggapin ang hamon.
“Hindi ganyan ang ibig kong sabihin,” simple at mapagpakumbaba ang
kaniyang tinig, “Gayunman ay sinasabi kong halos tama ang inyong pagkakalahad
at kung gusto ninyo’y perpekto (nasisiyahan pa nga siyang sumang-ayon na ang
kausap ay lubos na tama). Ang tanging kaibahan lamang ay hindi ko pinaninindigan
na ang mga di-pangkaraniwan ay dapat o may pananagutang gumawa ng mga
kalapastanganan sa lahat ng panahon. Sa akala ko nga’y ni hindi hahayaang
mailathala ang ganoong artikulo. Ipinahiwatig ko lang na ang di-pangkaraniwang
tao ay may karapatan ... hindi opisyal na karapatan, kundi personal na karapatang
lampasan ng sariling konsiyensya ang ilang hadlang at tanging sa kondisyon lamang
na hinihingi ito ng pagsasakatuparan ng kaniyang mithiin (na maaaring magligtas
sa buong sangkatauhan kung magkaminsan). Binanggit ninyo na hindi malinaw
ang aking artikulo. Nakahanda akong linawin ito sa abot ng aking makakaya.
Maaari ring hindi ako nagkakamali kung ipagpalagay ko na iyon din ang inyong
nais. Sa aking palagay, kung ang mga tuklas na ideya nina Newton o Kepler, nang
dahil sa ilang dahilan, ay hindi maaaring malaman o makarating sa kabatiran ng
mga tao kung hindi isasakripisyo ang buhay ng isa, sampu, sandaan o higit pang
katao, na siyang sagabal sa ikatutuklas noon o nakaharang talaga sa landas, ay may
karapatan si Newton at obligado siya na ... alisin ang sampu o isang daang kataong
ito upang maiparating sa buong sangkatauhan ang kaniyang mga natuklasan. Mula
rito, gayumpaman, hindi puwedeng ipagpalagay na may karapatan si Newton na
patayin ang sinumang naisin, makasalubong o matagpuan. Hindi rin maaaring
araw-araw ay magnakaw sa palengke. Natatandaan ko rin na tinalakay ko sa aking
artikulo na lahat … halimbawa ng tagapagtatag at ama ng sangkatauhan mula
noong sinauna, na ipinagpatuloy ng mga Likurgus, Solon, Mohammed, Napoleon,
at iba pa, bawat isa sa kanila ay mga kriminal kahit man lamang sa dahilang
nagbigay sila ng mga bagong batas at nilabag ang mga sinaunang kalakarang
banal at iginagalang ng lipunan at ng mga ninuno. At siyempre, hindi rin sila
uurong sa madugong labanan kung dugo lamang (kung minsan ay dugo ng mga
inosente na buong kadakilaang ibinuhos alang-alang sa sinaunang batas) ang
270 FEODOR DOSTOYEVSKY

makatutulong. Kapuna-puna rin na marami sa mga bayani at amang tagapagtatag


ng sangkatauhan ay mararahas na nagbubo ng dugo. Sa isang salita, ang aking
konklusyon na lahat, hindi lamang mga dakila, maging iyong mga nakaaangat
lamang nang kaunti sa karaniwan, na may kaunti lamang na kakayahang magsalita
ng anumang bago, ay likas na kriminal. Humigit kumulang ay ganyan ang aking
sapantaha. Kung hindi ay mahihirapan silang lumabas mula sa kulumpon. At
hindi sila makapapayag na manatili sa tumpok dahil sa kanilang kalikasan na rin
ay obligado silang hindi pumayag. Sa maikling salita, tulad ng nakikita ninyo, ay
wala namang bago at naiiba rito. Makalibong ulit nang naisulat ito at nabasa. Ukol
naman sa paghahati ko sa mga tao sa karaniwan at di-karaniwan ay sang-ayon ako
na sarili ko lamang iyon, ngunit hindi naman ako bumabatay sa eksaktong numero.
Naniniwala lamang ako sa aking mahalagang ideya na ang mga tao, ayon sa batas
ng kalikasan, ay nahahati sa dalawang uri: sa mababa o pangkaraniwan na ang
pangunahing layunin ay manganak ng kapareho at sa mga taong may kakayahan o
talentong ipahayag ang sariling salita. Natural na ang mga klase sa ilalim ng bawat
uri ay walang-katapusan, ngunit ang pangunahing katangian ng dalawang uri ay
masasabing malinaw. Ang una, sa kabuuan, ay mga konserbatibo, nakapailalim, at
nabubuhay sa pagiging masunurin, at gustong sumunod. Sa tingin ko’y obligado
silang maging masunurin dahil iyon ang kanilang kabuluhan at ito’y hindi kahihiyan
para sa kanila. Ang pangalawang uri ay lumalabag sa batas, nangwawasak o may
ingklinasyong ganoon na nakabatay sa kakayahan. Ang krimen ng mga ito ay
relatibo at maraming kahulugan. Malaking bahagi nila’y nagnanasa ng pagwasak
sa kasalukuyan sa ngalan ng mas maaliwalas na bukas. At kung kailangan niya o
ng kaniyang ideya ng labanan, maging kamatayan at dugo, ay pahihintulutan ng
sariling konsiyensya at gagawin alang-alang dito. Ito ay depende rin sa ideya at sa
antas nito. Sa ganoong kahulugan ko lang tinitingnan ang kanilang karapatan na
gumawa ng krimen. Hindi ba’t nagsimula tayo sa katanungan ng Hurisprudensiya.
Gayumpaman, wala ring gaanong dapat na ipangamba. Kailanman ay hindi
tinatanggap ng masa ang karapatang ito. Kadalasan ay pinapatay sila o binibigti,
ni iyong matapat na sumusunod sa kanilang pagkakonserbatibo. Ngunit ang
masa ring ito sa susunod na salinlahi ang maglalagay sa kanila sa pedestal at
hahandugan ng papuri. Ang unang uri ay panginoon ng kasalukuyan; samantalang
ang pangalawa nama’y panginoon ng kinabukasan. Pinangangalagaan ng una ang
daigdig at pinaparami ito; ang pangalawa nama’y nagtutulok sa daigdig patungo
sa kaniyang layunin. Ang una at huli ay may pantay na karapatan sa pag-iral. Sa
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 271

ibang salita, lahat sila, para sa akin ay may pantay na karapatan at vive la guerre
eternelle32! Natural hanggang sa Bagong Herusalem!”
“Naniniwala pala kayo sa Bagong Herusalem?”
“Naniniwala ako,” matigas na sagot ni Raskolnikov, na magmula pa
kaninang nagsasalita siya ay nakatuon lamang sa isang tuldok sa karpet.
“At ... sa Diyos, naniniwala rin kayo? Ipagpaumanhin ninyo ang aking
kuryosidad.”
“Naniniwala,” ulit ni Raskolnikov na iniangat ang tingin kay Porfiry.
“At ... sa muling pagkabuhay ni Lazarus ay naniniwala rin kayo?”
“Nani ... niwala ako. Bakit ninyo kailangang malaman ang lahat ng ito?”
“Literal na naniniwala?”
“Oo.”
“Ganoon ... interesado lang ako. Ipagpaumanhin ninyo. Ngunit
ipahintulot ninyo ...” muli’y humarap sa kaniya, “Pero hindi sila laging napapatay.
Kung minsan ay ang kabaligtaran ...”
“Kung magtatagumpay habang nabubuhay pa? Oo, ang iba’y nakukuhang
maabot ang tagumpay sa buhay na ito at ...”
“Sila na ang papatay?”
“Kung kailangan. Alam ninyo iyan at kung magkataon nga ay ganoon
ang nangyayari. Magaling ang inyong puna.”
“Salamat. At sabihin ninyo, paano makikilala ang di-pangkaraniwan
mula sa pangkaraniwan? Pagkasilang ba’y may tanda na sila o ano? Ang ibig kong
sabihin ay kailangan dito ng katiyakan, ng mas malinaw na pagkakakilanlan.
Ipagpaumanhin ninyo ngunit mayroon akong likas na pangamba, pag-aalala
ng taong praktikal, at may mabuting layon. Hindi ba maaari ang espesyal na
kasuotan o kaya’y simbolo? Dahil kung magkaroon, halimbawa ng pagkakamali,
mapagkamalan ng isang nasa unang uri na siya’y nasa pangalawa at magsimulang
alisin ang mga balakid, tulad ng napakaganda ninyong naipahayag, ay papaano na
lang ...”
“O, napakadalas mangyari nang ganyan! Ang puna ninyong ito’y mas
matalino pa kaysa kanina.”
“Salamat ...”
“Walang anuman. Ngunit isipin ninyo na ang pagkakamali ay posible

32 Nangangahulugang “Mabuhay ang eternal na pakikibaka!” sa wikang Pranses.


272 FEODOR DOSTOYEVSKY

lamang sa mga nasa unang uri o pangkaraniwang tao (maaaring hindi napakapalad
ng aking pagkakatawag sa kanila). Sa kabila ng kanilang likas na pagiging
masunurin, dala ng mapaglarong kalikasan, na maging ang baka sakali, ay hindi
sinasanto. Marami sa kanila ang talagang matapat na nag-aakalang sila’y kabilang
sa mga progresibong uri ng mapangwasak kaya’t nakikihalubilo sa bagong salita.
Ang mga tunay na bago nama’y hindi napapansin o dili kaya’y kinamumuhian na
parang mga napag-iwanan ng panahon at mga taong mabababaw ang pananaw.
Sa aking palagay naman ay walang gaanong mapanganib sa ganitong kalagayan
at kayo sa katunaya’y walang dapat ipangamba dahil kailanma’y hindi rin sila
nakalalayo. Sa kanilang kahumalingan ay maaari silang pigilin upang maipaalala
ang kanilang tamang lugar at kinalalagyan. Dito’y hindi na rin kailangan ng
tagapagpatupad dahil kusa na silang nagpapahuli at labis na pinahihirapan ng
kanilang konsiyensya. Ang iba’y sila-sila na ang gumagawa ng pampahirap sa
kasama. Ang iba nama’y sila na mismo ang nananakit sa sarili ... Samantalang
ang iba’y nagpapahayag ng pagsisisi at pagpapakasakit sa publiko na lumalabas
namang maganda at kapani-paniwala. Kaya wala kayong dapat ipangamba ... May
ganoong batas.”
“Hmm. Sa parteng iyan ay medyo napapanatag ninyo ang aking
kalooban. Ngunit heto ang disgrasya. Sabihin ninyo, marami ba ang ganoong tao
na may karapatang sumikil sa buhay ng iba, mga di-pangkaraniwan? Handa akong
yumuko sa kanila, ngunit sumang-ayon kayo, paano kung napakarami nila?”
“O, huwag din ninyong ipag-alala iyan,” gayundin ang tonong nagpatuloy
si Raskolnikov, “Sa kabuuan ay napakakaunti ng taong may bagong ideya o kahit
iyong may kahit anong bago lang na masasabi. Madalang maipanganak ang
mga ganoon, nakapagtatakang kakaunti. Isa lang ang malinaw: ang sistema ng
pagdami at pagkapanganak ng mga tao sa bawat uri at klase ay tiyak na naaayon
sa takdang batas ng kalikasan. Ang batas na ito ay hindi pa nalalaman ng tao,
ngunit naniniwala ako na ito’y umiiral at darating ang araw na ito’y matutuklasan.
Dahil dito kaya umiiral ang napakaraming bilang ng tao sa daigdig upang sa
pamamagitan ng pagpupunyagi at paggamit ng magpahanggang-ngayo’y lihim na
proseso, marahil ay pagsasanib ng iba’t ibang uri at klase, sa wakas ay isisilang mula
sa isang daang libo ang kahit isang taong may kasarinlan o kahit mangilan-ngilan
lamang. Ang mga henyo’y isa sa ilang milyon at mga dakilang henyo, na rurok ng
pagkatao, ay isa sa ilang bilyong katao sa lupa. Sa madaling salita ay wala akong
alam kung papaanong lahat ng ito ay nagaganap, ngunit natitiyak kong may batas
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 273

na nasusunod. Dito’y walang-puwang ang aksidente.”


“Ano ba kayo? Parehong nagbibiro o ano?” sa wakas ay napapalatak
si Razumikhin. “Naglolokohan ba kayo o ano? Nakaupo at bawat isa’y
pinagtatawanan! Seryoso ka ba, Rodya?”
Walang-imik na itinaas ni Raskolnikov sa kaniya ang mukhang maputla
at malungkot na hindi sumagot. Ipinagtaka ni Razumikhin, na sa tabi ng tahimik
at malungkot na mukha, ay ang mabalasik at makamandag na anyo ni Porfiry,
hindi niya ito itinatago, bagkus ay magaspang, mapilit, at mainit.
“‘Tol, kung talagang seryoso ka ay ... tama rin ang sinabi mong hindi na ito
bago at katulad ng sabi mo’y makalibong beses na nating nabasa at narinig. Ngunit
alin ba ang talagang orihinal sa lahat ng ito? Ang tunay na galing sa iyo lamang,
sa aking hilakbot ay ang pagpapahintulot ng konsiyensya mismo sa pagdanak ng
dugo. At ipagpaumanhin mo ngunit sinasabi mo ito nang may ganoong fanatismo
... Iyon, samakatuwid, ang pangunahing pagdanak ng dugo ng konsiyensya ... na sa
aking palagay ay mas masahol pa at nakatatakot kaysa opisyal na pagpapahintulot
nang ayon sa batas sa pagdanak ng dugo ...”
“Tama iyon! Mas nakatatakot nga!” sumagot si Porfiry.
“Hindi, palagay ko’y napalabis ka! May mali rito. Babasahin ko ang iyong
artikulo. Sa palagay ko’y nagkakamali ka! Hindi maaaring ganyan ang iniisip mo
... Babasahin ko.”
“Wala iyan sa aking artikulo. Doo’y puro pahiwatig lamang,” bulong ni
Raskolnikov.
“Ganoon na nga,” hindi mapakali si Porfiry, “Ngayon ay halos malinaw na
sa akin kung ano ang pananaw ninyo tungkol sa krimen ngunit ... ipagpaumanhin
ang aking pagpupumilit (labis ko kayong ginagambala). Kanina’y napayapa ninyo
ako ukol sa ibubunga ng pagkakahalo ng mga uri ng tao ngunit ... mayroon pang
praktikal na bagay ang gumagambala sa akin! Paano kung may isang lalaki o
kabataan kaya na mag-akalang isa siyang Likurgus o kaya’y Mohammed ... ng
panghinaharap, siyempre. At aalisin niya ang lahat ng sagabal ... sa harapan ay
naghihintay pa ang mahaba’t matagal na paglalakbay at para sa krusada ay kailangan
ng pera ... kaya’t magsisimulang lumikom para sa krusada ... kuha ninyo?”
Biglang napaungol si Zamyotov sa kaniyang sulok, ni hindi siya tiningnan
ni Raskolnikov.
“Dapat lang akong sumang-ayon na ang ganoon ay posible ngang
mangyari,” malumanay niyang sagot. “Nahuhulog sa ganitong patibong ang mga
274 FEODOR DOSTOYEVSKY

mangmang at palalo, na kadalasan ay kabataan.”


“Nakikita rin ninyo. At papaanong hindi?”
“Oo, ganoon nga,” napangiti si Raskolnikov, “Hindi ko na kasalanan
kung ganoon nga at magkakaganoon pa rin sa hinaharap. Sinabi niya ngayon
(tumango siya kay Razumikhin) na pinapahintulutan ko ang pagdanak ng dugo.
Ano pa nga ba ang magagawa? Ang lipunan naman ay maraming kakulangan,
paraan ng pagpapatapon, tagapag-usig ng batas, pagpaparusa, at iba pa. Ano ang
dapat ikabahala? Hanapin lang ninyo ang salarin!”
“At kung mahuli?”
“Iyon ang kaniyang tadhana.”
“Lohikal ang inyong tinuran. Ngunit paano ang kaniyang konsensya?”
“Bakit? Ano naman ang inyong pakialam doon?”
“Alang-alang man lamang sa pagkamakatao.”
“Magdurusa ang may konsensya kung kikilalanin ang pagkakamali. Iyon
din ang kaniyang kaparusahan, kasama ang pagkakulong.”
“At paano ‘yong tunay na henyo?” tanong ni Razumikhin, “Silang may
karapatang pumatay. Sila ba’y hindi na kailangang magdusa, kahit man lang sa
kadahilanang dumanak ang dugo?”
“Para saan ang salitang ‘kailangan?’ Dito ay walang pagpapahintulot o
dili kaya’y pagbabawal. Hayaang magdusa kung siya’y naaawa sa naging biktima
... ang paghihirap ng kalooban at pagdurusa ay laging kaakibat ng malawak na
pang-unawa at malalim na puso. Sa aking palagay, ang tunay na dakilang tao ay
lagi nang sakbibi ng malabis na kalungkutan sa daigdig na ito,” dagdag niyang
malalim ang iniisip at wala na sa dating tono ng usapan.
Itinaas niya ang paningin at nag-iisip na tumingin sa lahat, ngumiti, at
kinuha na ang sumbrero. Napakapanatag na niya, kumpara kaninang pagpasok
nila. Naramdaman niya ito. Lahat ay tumayo.
“Ngunit ... murahin na ninyo ako o kaya’y kagalitan subalit hindi ko
mapigilan,” muling pananalita ni Porfiry Pertrovich, “Ipahintulot ninyo ang isa
pang munting katanungan, bagama’t masyado ko na kayong inaabala. Gusto
ko lang sanang bigyang-puwang ang isang ideya upang ito man lang ay hindi
makaligtaan ...”
“Sige, sabihin ninyo ang inyong ideya,” seryoso at namumutlang
naghihintay sa kaniyang harapan si Raskolnikov.
“Dahil ito sa ... hindi ko malaman kung papaanong maihayag ito sa mas
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 275

magandang paraan ... Masyadong mapaglaro ang ideyang ito ... sa sikolohikal na
paraan. Nang inyong sinusulat ang nasabing artikulo ay ... hindi maaring hindi
ninyo ituring o ipagpalagay ang sarili na ... kahit kaunti lang ... na kabilang sa mga
taong di-pangkaraniwan at nagpapahayag ng bagong salita. May katuturan ito sa
inyo ... hindi ba?”
“Napakaposible,” namumuhing sagot ni Raskolnikov at napakislot si
Razumikhin.
“At dahil diyan, hindi pa ba kayo nagpasya bunsod ng araw-araw na
kagipitan o kamalasan, o kaya’y alang-alang sa ikasusulong, kahit papaano ng
buong sangkatauhan ay igpawan na ang ilang hadlang? Halimbawa’y ang pumatay
at magnakaw?”
At muli’y para siyang kinindatan ng kaniyang kaliwang mata na para
bang humahalakhak nang hindi naririnig. Ganoong-ganoon ding gaya kanina.
“Kung nilampasan ko man ay tiyak na hindi ko sasabihin sa inyo,”
naghahamon, pagalit, at mapangmatang sagot ni Raskolnikov.
“Hindi naman. Interesado lang ako na higit na maunawaan ang inyong
artikulo sa pampanitikang pananaw ...”
“Pwe! Masyado itong lantaran at garapalan!” namumuhing nasaisip ni
Raskolnikov. “Ipahintulot ninyo na aking banggitin. Hindi ko itinuturing ang
aking salita, na gaya ng isang Mohammed o Napoleon ... o kaninumang tao na
kapara nila at dahil sa ako’y di isa sa kanila, ay di kita mabibigyan ng sapat na
kasiyahan sa aking sagot kung paano ang gagawin ko.”
“O, sino ba ngayon sa Rasya ang di-itinuturing ang sarili na isang
Napoleon?” bigkas ni Porfiry sa napakapamilyar na tono. Maging sa intonasyon
ng kaniyang boses sa pagkakataong iyon ay mayroon nang linaw.
“Hindi kaya isang Napoleon ng hinaharap ang humataw ng palakol kay
Alyona Ivanovna noong nakaraang linggo?” biglang saad ni Zamyotov mula sa
sulok.
Hindi umimik si Raskolnikov. Matuwid at matigas ang kaniyang titig kay
Porfiry. Malungkot na napakunot-noo si Razumikhin. Parang may nararamdaman
na siya kanina pa. Galit na inikot niya ang tingin sa paligid. Lumipas ang isang
sandali ng malungkot na katahimikan at tumalikod na si Raskolnikov upang
umalis.
“Aalis na ba kayo?” banayad ang boses ni Porfiry at napakagalang nang
pagkakaunat ng kamay. “Labis ang tuwa ko sa ating pagkakakilala. Tungkol naman
276 FEODOR DOSTOYEVSKY

sa inyong pakiusap ay huwag kayong mag-alinlangan. Sumulat kayong gaya ng


aking ipinaliwanag. Pero ang pinakamabuti’y puntahan ninyo ako roon sa mga
araw na darating ... kahit bukas. Nandoon na ako nang mga alas-onse, malamang.
Aayusin natin ... mag-uusap tayo ... Kayo, bilang isa sa mga huling pumaroon, ay
may maaaring sabihin sa amin ...” dagdag niya sa napakabait na anyo.
“Gusto ninyo akong opisyal na imbestigahan gaya ng nararapat?” matalim
ang tanong ni Raskolnikov.
“Para saan? Sa ngayon ay hindi naman kailangan. Hindi ganoon ang
pagkakaintindi ninyo. Hindi ko na palalampasin ang pagkakataong ito upang
ipaliwanag sa inyo. Alam ninyong lahat ng mga nagsangla ay kinausap ko na ...
kinunan ko na ng testimonya ang iba ... at kayo bilang huli ... oo nga pala!” sigaw
niyang bigla na parang may ikinatuwa, “Oo nga pala, ano ba naman ako!” humarap
siya kay Razumikhin, “Di ba’t ikaw ang halos bumasa sa tainga ko sa kasasabi
tungkol kay Nikolai ... alam ko, alam ko mismo,” balik siya kay Raskolnikov, “na
malinis ang tao pero ano ang magagawa ko, si Mitka rin ay kinailangang gambalain
... Iyon lang talaga ang buong kaso. Ipagpaumanhin ninyo nang kayo’y umakyat sa
hagdan, di ba’t lampas na ng alas-siyete nang kayo’y naroon?”
“Oo,” sagot ni Raskolnikov na nakadama ng panghihinayang kung bakit
iyon ang isinagot.
“Nang papanhik kayo sa hagdan, lampas alas-siyete, di ba ninyo nakita
man lang na nakabukas ang pinto ng paupahan sa ikalawang palapag at ang mga
nagtatrabaho, o kahit isa lang sa kanila? Nagpipintura sila roon, napuna ba ninyo?
Napakahalaga noon para sa kanila!”
“Nagpipintura? Hindi, wala akong nakita ...” mabagal at parang may
inaalalang sumagot si Raskolnikov. Kasabay nito ay pinagagana niya ang buong
pagkatao at halos pigain ang kakayahang malaman kung ano ang patibong na ito
at ano ang dapat pakaingatan. “Hindi, hindi ko nakita ang paupahan na bukas?
Hindi ko napansin ... Pero sa ikaapat na palapag (nakuha na niya kung ano ang
bitag at lihim na nagdiriwang) natatandaan ko na mayroong isang empleyado ang
lumilipat ng tirahan ... katapat ni Alyona Ivanovna ... natatandaan ko ... Iyon ang
malinaw kong natatandaan ... May mga sundalong nagdadala ng sofa at nagitgit
pa nga ako sa pader ... pero nagpipinta? Hindi ko natatandaan na may nagpipinta
... pero paupahang nakabukas ... wala kahit saan. Oo, wala nga ...”
“Ano ka ba?” biglang sigaw ni Razumikhin na parang may naalala at
nalinawan, “Ang mga nagpipinta ay naroon sa mismong araw ng pagpatay at siya’y
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 277

naroon, tatlong araw bago ang krimen. Ano bang itinatanong mo?”
“Pwe! Nalito ako!” napapukpok si Porfiry sa kaniyang noo, “Putris, oo,
nalilito ako nang husto ng kasong ito!” sabi niya kay Raskolnikov na parang
nagpapaumanhin. “Napakahalaga kasi naming malaman kung may nakakita sa
kanila sa paupahan nang pasado alas-siyete. Ang akala ko’y may masasabi kayo
ukol doon ... a, nalilito ako!”
“Dapat ay maging mas masusi,” madilim ang mukha ni Razumikhin.
Kanina pa nasabi ang mga salita ng pamamaalam. Inihatid sila ni Porfiry
Petrovich hanggang sa may pinto nang buong galang. Lumabas sila na parehong
malungkot at madilim ang mukha. Ilang hakbang din na wala silang imikan.
Huminga nang malalim si Raskolnikov ...
278 FEODOR DOSTOYEVSKY

VI

“ ... HINDI AKO NANINIWALA! Hindi ako makapaniwala!” ulit ng naguguluhang


si Razumikhin na buong kakayahan at nagpupumilit na pabulaanan ang mga
pangangatuwiran ni Raskolnikov. Malapit na sila sa paupahan ng mga Bakaleyef
kung saan sila’y hinihintay kanina pa nina Pulheria Aleksandrovna at Dunya.
Magkaminsa’y napahihinto si Razumikhin habang nasa daan sa init ng pagtatalo.
Siya’y naguguluhan at kabado dahil sa bagay na ngayon lamang nila ito napag-
usapan nang malinaw.
“Huwag mong paniwalaan kung di mo kaya!” sagot ni Raskolnikov na
may malamig at walang-pakundangang ngiti, “Tulad ng iyong nakagawian ay wala
kang anumang napansin samantalang tinitimbang ko ang bawat salita.”
“May iniisip ka kasi kaya ka naninimbang ... hmm ... Kung sabagay, sang-
ayon ako sa iyo, iba ang tono ni Porfiry at lalo na ang walang-hiyang si Zamyotov
... Tama ka, parang may kung ano siyang nasa loob, pero bakit? Bakit?”
“Nagbago ang kaniyang isip sa magdamag.”
“Pero kabaligtaran! Kung iniisip man nila ang walang-kawawaang bagay
na iyon, dapat ay gagawin nila ang lahat upang itago at ingatan ang kanilang
baraha upang pagkatapos ay manghuli ... Pero ngayon ... garapal sila at walang-
ingat.”
Kung mayroon silang katibayan, tunay na katibayan o kahit man lamang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 279

matitibay na haka-haka, ay noon lamang nila tunay na itatago ang laro sa pag-
asang lalo pang manalo (disin sana’y matagal na silang naghalughog). Ngunit
wala silang katibayan kahit isa! Lahat ay guni-guni, lahat ay walang batayan at
lumilipad sa hangin. Iyan ang dahilan kung bakit idinaraan nila sa kapalan ng
mukha. O, kaya’y nagagalit talaga’t wala ngang anumang katibayan at napipikon
na sa inis. Baka mayroon siyang binabalak ... Mukha siyang matalinong tao ...
Maaaring gusto niya akong takutin sa kaniyang sikolohiya ... Ngunit nakaiinis
ipaliwanag ang mga ito. Tapusin na natin ito!”
“At mapanghamak, mapanlait! Nauunawaan kita! At dahil sa malinaw
na nating napag-usapan ito ngayon, magtatapat ako sa iyo na matagal ko nang
napupuna sa kanila ang ganoong ideya, kaunti lang, pahapyaw. Ngunit kahit
pahapyaw, bakit? Paano silang nagkalakas-loob? Saan, saan nakatago ang ugat
ng mga ito? Kung alam mo lang kung gaano ang galit ko! Paano? Dahil ba sa
ang isang estudyante’y mahirap, pinaging-aba ng karukhaan, nasa bingit ng
malupit na karamdaman at nagdedeliryo, palaisip, mapagmahal sa sarili, alam
ang sariling kakayahan at halaga, anim na buwang walang sinumang nakauusap
sa kaniyang sariling sulok, suot-basahan at sapatos na walang-suwelas, nakatayo
lang sa harapan ng kung sinong mga pulis, at nagtitiis sa kanilang pang-iinsulto.
At pagkatapos ay ang di-inaasahang pautang na nakalatag sa harapan, pasong
beksel ni konsehal Chebarov, umaalingasaw na amoy ng pintura, 30°C na kulob na
hangin, maraming tao, kuwento ukol sa pagpatay sa isang tao na kumakailan lang
ay pinuntahan, at lahat ng ito habang kumukulo ang tiyan! At paano ka namang
di-mahihilo? At ang lahat ay riyan lang ibabatay! Kademonyohan! Nauunawaan
ko na lahat ng ito’y nakasasakal ng kalooban, ngunit kung ako sa iyo, Rodya, ay
tatawanan ko sila sa kanilang harapan o mas mabuti pa’y duduraan silang lahat sa
mukha. Pagduduraan ko sa lahat ng direksyon nang dalawampung beses. Ganyan
ang dapat sa mga matatalinong gaya nila! Ganoon ko tatapusin! Pwe! Huwag
kang manghina! Nakahihiya sila!”
“Gayumpaman, magaling ang kaniyang pagkakalahad,” sa loob ni
Raskolnikov.
“Pwe! At bukas ay imbestigasyon ulit!” mapait nitong bulong. “Di yata’t
magpapaliwanag pa ako sa kanila? Naaasar nga ako’t ako’y nagpakababa sa inuman
sa harap ni Zamyotov ...”
“Kademonyohan! Pupuntahan ko na mismo si Porfiry bukas! At siya’y
idiriin kong tulad ng isang kamag-anak. Aalamin ko ang lahat sa kaniya hanggang
280 FEODOR DOSTOYEVSKY

kaugat-ugatan. Kung si Zamyotov ay ...”


“Sa wakas at nahulaan!” sa loob ni Raskolnikov.
“Sandali lang!” sigaw ni Razumikhin na bigla siyang hinagip sa balikat,
“Hintay, nagkakamali ka! Sa tingin ko’y mali ka! Paano iyon naging patibong?
Sabi mo’y patibong lang ang tanong tungkol sa mga nagpipinta? Isipin mo na
kung ikaw nga ang may gawa noon, maaari ka bang madulas na nakita mo sila at
ang pagpinta nila sa paupahan? Siyempre, sasabihin mo na wala kang nakita kahit
pa mayroon! Sino ba ang tetestigo laban sa sarili?”
“Kung ako ang gumawa niyon ay tiyak kong sasabihin na nakita ko ang
mga manggagawa at paupahan,” walang-gana at halatang nasusuklam na sagot ni
Raskolnikov.
“At bakit ka naman magsasalita laban sa sarili?”
“Dahil sa ang mga walang-alam at walang karanasan lamang ang agad na
tumatanggi sa lahat ng tanong sa oras ng imbestigasyon. Kung medyo may alam
naman, kahit kaunti lang, ay pipilitin nitong umamin sa lahat ng mga panlabas
at di-maitatangging katotohanan, magbibigay na lang ng ibang dahilan at
kapaliwanagan, na di-inaasahan at katangi-tangi nang sa gayon ay magkakaroon
ng ibang kahulugan, at sila’y malalagay sa alanganing sitwasyon. Maaaring ganoon
ang tantiya ni Porfiry na ganoon nga ang aking isasagot at sasabihin na nakita ko.
Ito’y magiging kapani-paniwala at gagawa na lang ako ng ibang paliwanag ...”
“E, di sinabi niya agad na dalawang araw bago mangyari iyon ay hindi
puwedeng may manggagawa roon kaya’t lumilitaw na ikaw ay naroon sa araw na
mangyari ang krimen, lampas alas-siyete. Agad ka nang nahuli.”
“Iyon na nga ang kalkulasyon niya, na hindi ko agad maiisip at agad
akong sasagot sa mas kapani-paniwala at makalilimutan nang hindi puwedeng
magkaroon ng trabahador doon, dalawang araw bago maganap ang krimen.”
“Paanong nalimutan?”
“Napakadali. Sa ganoong simpleng bagay nahuhuli ang mga tuso.
Habang mas tuso ang tao ay lalo niyang nalilimutan at di-aakalain na huhulihin
siya sa simpleng bagay. Ang pinakatusong tao ay dapat hulihin sa pinakasimpleng
paraan. Hindi ganoon kabobo si Porfiry gaya ng iyong iniisip ...”
“Patutunayan niyang walang-hiya siya!”
Hindi napigilan ni Raskolnikov ang tumawa. Ngunit kasabay nito
ay nagtataka siya sa sariling sigla at init nang pagkakapaliwanag niya sa huli.
Samantalang kanina’y mapait na pagkamuhi ang naramdaman niya sa usapan.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 281

Marahil ay dahil sa layunin at pangangailangan.


“Ginaganahan ako sa ilang bagay,” naisaloob niya.
Ngunit sa sandali ring iyon ay bigla siyang nabalisa, para bang sinaklot
siya ng di-inaasahan at nakagagambalang kaisipan. Lumalakas ang kaniyang kaba.
Nakarating na sila sa mismong bungad ng paupahan ng mga Bakaleyef.
“Ikaw na lang ang tumuloy,” biglang sabi ni Raskolnikov, “Babalik ako
agad.”
“Saan ka pupunta? Narito na tayo!”
“Mayroon akong kailangang ... gawin … babalik ako pagkatapos ng
kalahating oras ... sabihin mo roon.”
“Bahala ka. Sasamahan kita!”
“Ano? Gusto mo ba akong pahirapan?” sigaw niya na may pait at galit.
Ganoon kadesperado ang tingin na nagpababa sa mga kamay ni Razumikhin.
Ilang sandali rin siyang nakatayo sa may hagdan at malungkot na tumingin habang
si Raskolnikov ay mabilis na humahakbang patungo sa kanto. Sa wakas ay kagat-
labi at tiim ang kamaong sumumpa na ngayong araw ring ito ay pipigain niyang
parang dalandan si Porfiry. Pumanhik na siya sa itaas upang papanatagin ang loob
ng nag-aalalang si Pulheria Aleksandrovna dahil sa matagal nilang pagkawala.
Pagdating ni Raskolnikov sa bahay ay basa ng pawis ang kaniyang buhok
at mabigat ang paghinga. Nagmamadali siyang umakyat sa hagdan, pumasok
sa di-nakasusing kuwarto, at agad na nagkandado. Pagkatapos ay hintakot at
mistulang wala sa sarili na tumakbo agad sa sulok, doon sa butas sa dingding
kung saan nakalagay noon ang mga gamit. Ipinasok niya ang kamay at ilang
sandali ring kumapa-kapa sa butas, lahat ng mga sulok at tiklop ng paperwall.
Nang walang makita ay tumayo at huminga nang malalim. Kaninang papalapit na
sila sa paupahan ng mga Bakaleyef ay bigla niyang naalala na baka may naiwang
anuman sa butas: kuwintas, tarheta o kahit papel na pinagbalutan, at may sulat ng
matanda, na nakaligtaan at nakakalat sa isang tabi at pagkatapos ay magagamit na
di-inaasahan at di-mapasusubaliang ebidensya.
Nakatayo siyang malalim ang iniisip at kakaiba nang bigla’y may halos
walang katinuang ngiti ang gumuhit sa kaniyang mga labi. Sa wakas ay kinuha
niya ang sumbrero at tahimik na lumabas ng kuwarto. Gulong-gulo ang kaniyang
isip hanggang sa may tarangkahan.
“Hayun siya!” sigaw ng isang malakas na tinig,” iniangat niya ang
kaniyang ulo.
282 FEODOR DOSTOYEVSKY

Nakita niya ang bantay na nakatayo sa pinto ng kaniyang kuwarto at


itinuturo siya sa isang di-matangkad na lalaki na mukhang manggagawa, na ang
suot ay mahabang damit na panlamig at kung mula sa malayo ay para itong babae.
May suot siyang lumang sumbrero na nakahilig pababa. Ang buong katawan
niya’y hukos. Ang kaniyang maumbok at magatlang mukha ay mga limampung
taong gulang. Ang maliliit na matang halos matakpan ng pisngi ay malungkot,
mahigpit, at walang-katiwasayan.
“Bakit?” tanong ni Raskolnikov na lumapit sa bantay.
Tiningnan siya ng tao, pailalim, matalim, mataman, at di-kumukurap.
Marahang tumalikod na hindi bumanggit ni isang salita at lumabas na sa bakuran
tungo sa daan.
“Ano ba?” sigaw ni Raskolnikov.
“E, nagtatanong iyon, kung dito raw nakatira ‘yong estudyante. Binanggit
ang pangalan ninyo at kung kanino kayo nangungupahan. Siya namang labas
ninyo, itinuro ko, at umalis na siya. Nakita naman ninyo.”
Medyo nalilito rin ang bantay. Nag-isip-isip lang nang kaunti at muli
nang bumalik sa kaniyang kuwarto.
Sinundan ni Raskolnikov ang lalaki na nakita niyang nasa kabilang
panig ng kalsada, pantay, at di-nagmamadali ang hakbang. Nakayuko ito sa lupa
na parang nagmumuni-muni. Madali niya itong naabutan ngunit ilang sandali
rin siyang bumubuntot sa likuran. Sa wakas ay inabutan niya at mula sa gilid ay
hinarap niya ito. Agad siyang napuna nito, mabilis na luminga ngunit muling
ibinaba ang tingin. Naglakad sila nang ganoon sa loob ng isang sandali, magkatabi,
at di-nagkikibuan.
“Ipinagtanong ninyo ako ... sa bantay?” sabi sa wakas ni Raskolnikov na
napakahina ng boses.
Hindi sumagot ang tao ni kataga, ni hindi ito tumingin. Muli ay
katahimikan.
“Aba, ano ba kayo? Pupunta kayo ... at magtatanong tapos ay di kayo
kumikibo. Ano ba talaga ito?” paputol-putol ang boses ni Raskolnikov na parang
ayaw magsalita nang malinaw.
Noon nagtaas ng tingin ang lalaki at nanlilisik ang malungkot na matang
tumingin kay Raskolnikov.
“Mamamatay-tao!” bulong nitong bigla sa mahina ngunit malinaw na
boses… Patuloy sa paglalakad si Raskolnikov sa tabi ng lalaki. Biglang nanghina
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 283

nang husto ang kaniyang mga paa, nanlamig ang kaniyang gulugod, at parang
sa isang iglap ay huminto ang tibok ng kaniyang puso. At pagkatapos ay biglang
bumilis ang tibok nito na parang nakawala sa pagkakandado. Isang daang hakbang
halos ang nilakad nila nang ganoon at walang-kaimik-imik.
Hindi siya tinitingnan ng lalaki.
“Ano ‘ka ninyo ... ano ... sino ang mamamatay-tao?”
“Ikaw ay mamamatay-tao,” bigkas niya na mas marahan at mariin na
parang may ngiti ng namumuhing tagumpay. Muli ay tuwid ang pagkatitig nito sa
maputlang mukha ni Raskolnikov at sa kaniyang mga matang nawalan ng buhay.
Nasa sangang-daan na sila. Ang lalaki’y lumiko sa kaliwa at lumakad nang walang-
sulyap-sulyap. Naiwan si Raskolnikov at matagal na sinundan ng tingin ang lalaki.
Nakita niya nang ito’y makalakad ng mga limampung hakbang ay lumingon at
tumingin sa kaniya, na nakatayo pa rin at di-kumikilos sa kinaroroonan. Hindi mo
na mapagsisino ngunit sa pakiramdam ni Raskolnikov ay ngumiti ang lalaki nang
isang malamig, namumuhi, at matagumpay.
Marahan at nanghihinang hakbang, nanginginig ang mga tuhod, at
nanlalamig ang buong katawan na bumalik si Raskolnikov at pumanhik sa kaniyang
kuwarto. Inalis niya at ipinatong ang sumbrero sa mesa. Sampung minuto siyang
nakatayo sa tabi nitong hindi tumitinag. Pagkatapos ay nanghihina siyang nahiga
sa sofa. Bumunot siya ng isang mahinang ungol ng isang may karamdaman at
napapikit ang kaniyang mga mata. Kalahating oras siyang nakahiga nang ganoon.
Wala siyang anumang iniisip. May ilang ideya, bahagi ng kaisipan, at
kung anong mga saloobing walang-kaayusan at kaugnayan ang lumilipad at
nagsasalitan sa kaniyang isip. Mga mukha ng tao na nakita niya noong bata pa
siya o minsan lamang nakita kung saan na hindi na niya maaalala kailanman kung
tutuusin. Halimbawa’y kampanaryo ng isang simbahan, bilyaran sa isang restoran,
at isang opisyal sa bilyar; amoy ng sigarilyo sa isang puwesto ng tindahan ng
sigarilyo, bahay inuman, maitim na hagdan, itim na itim, punong-puno ng dumi at
balat ng itlog; at mula kung saan ay tila alingawngaw ng nakagigising na kampana
... Ang ilan ay kaniyang nagustuhan at kumakapit siya sa mga ito, ngunit sila’y
nawawala na lamang at sukat. Ngunit may kung anong nararamdamang pabigat
sa kaniyang kalooban bagama’t di gaano. Minsa’y natutuwa pa siya ... Hindi siya
dinalaw ng magaang antok at iyon ay halos mabuti rin sa kaniyang pakiramdam.
Narinig niya ang tinig at nagmamadaling yabag ni Razumikhin. Ipinikit
niya ang mga mata at nagkunwang natutulog. Binuksan ni Razumikhin ang pinto
284 FEODOR DOSTOYEVSKY

at ilang sandali siyang nakatayo sa may pinto nang nag-iisip. Marahang pumasok
at maingat na lumapit sa sofa. Narinig ang bulong ni Nastasya: “Huwag mong
gisingin. Hayaan mong makatulog at pagkatapos ay hayaang makakain.”
“Kung sabagay,” sagot ni Razumikhin.
Maingat na lumabas ang dalawa at isinara ang pinto. Makaraan ang isa
pang kalahating oras. Nagmulat ng mata si Raskolnikov. Balik ulit sa pagkakahiga
at inilagay ang mga kamay sa ulunan ...
“Sino siya? Sino ba ang taong iyon na mukhang iniluwal ng lupa? Saan
siya galing at ano ang nakita? Walang-duda na nakita niya ang lahat. Nasaan ba
siya noong nakatayo at nakasaksi? Bakit ngayon lang siya nagpakita? At paano
niya nakita? Posible ba? Hmm,” nanlalamig at nanginginig si Raskolnikov, “Paano
‘yong kuwintas na napulot ni Mikolai sa likuran ng pinto, posible rin ba iyon?
Palatandaan! Napakaliit na guhit lang ang iyong nakaligtaan ay makabubuo ka na
ng tanda sa Pyramid ng Ehipto! Lumipad ang langaw at kaniyang nakita! Puwede
ba iyon?”
Tigagal niyang naramdaman ang kaniyang panghihina, pisikal na
panghihina.
“Dapat ay alam ko na iyon!” naisip niyang may mapait na pangungutya.
“At bakit ako nagkalakas-loob samantalang kilala ko ang sarili? Kilala ang sarili
pero kinuha pa rin ang palakol at umutang nga ng buhay! Tungkulin ko ang alamin
iyon nang mas maaga ... A! Pero noon ko pa alam!” bulong niyang nanghihina ang
loob.
Minsan ay natitigilan siya sa naiisip.
“Hindi ganoon ang pagkakagawa ng mga taong tinutukoy ko. Ang
tunay na di-pangkaraniwang tao o Panginoon na may karapatan at pinapayagan
sa paggawa ng anupaman, gaya ng paglusob sa Toulon, pagpatay sa Paris, pag-
iwan ng hukbo sa Ehipto, pagpapabaya sa kalahating milyong katao sa krusada
sa Mosku, at pagkatapos ay pagsasaya sa Vilnius. Pagkamatay niya ay tatanghalin
siyang Diyos. At lahat nga ay pinahihintulutan para sa kaniya. Hindi! Ang mga
taong ito’y may katawang bronse.”
Isang ideya ang biglang lumitaw na halos magpahalakhak sa kaniya:
“Napoleon, Pyramid, Waterloo, at matandang huklubang tumatanggap
ng sangla, na nakikipanubo na may pulang baul sa ilalim ng kama. Paano ito
maipagsasama maski ni Porfiry Pertrovich! Saan niya ito maipagkakasundo? Ang
mismong estetika ay hadlang. Gagapangin ba ni Napoleon ang ilalim ng kama ng
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 285

matanda! A, kalokohan!”
Ilang sandaling sa pakiramdam niya’y muli siyang nagdedeliryo at
nilagnat ngunit masigasig ang pandama.
“Ang matandang iyon ay walang-kuwenta!” mainit at masilakbo
niyang naisaloob, “Marahil ay isang pagkakamali ang matanda ngunit hindi
siya ang mahalaga! Ang matanda ay isa lamang karamdaman ... Nais kong agad
nang lampasan ... Hindi tao ang aking pinatay, kundi prinsipyo. Napatay ko
ang prinsipyo ngunit hindi rin ako nakalampas. Narito pa rin ako sa kabila ...
Nakayanan ko lang ang pumatay! At iyon ay hindi ko nagawa ... Prinsipyo? Bakit
ba minumura kanina ni Razumikhing luko-luko ang mga sosyalista? Masisipag
na tao at nakikipagkalakalan. Ang hanap nila ay kasiyahang pangkalahatan ...
Hindi. Minsan lang ako mabigyan ng buhay at ito’y di na mauulit pa. Hindi
ko na mahihintay pa ang kasiyahang pangkalahatan. Gusto ko ring mabuhay
nang marangya, kundi’y mabuti pa ang di na mabuhay, hindi ba? Ayaw ko lang
makitang nagugutom ang aking ina at daklot ay isang rublo sa bulsa habang
naghihintay ng kasiyahang pangkalahatan. Dadalhin ko lang ang munti kong
ambag sa kasiyahang pangkalahatan at doo’y madarama ko ang kapanatagan ng
puso. Ha-ha-ha! Bakit ninyo ako pinawalan? Minsan lang ako mabuhay at gusto
ko ring ... A, ako ay isa lang marikit na kuto at wala nang iba pa!” idinagdag
niya’t nagtatawa na parang wala sa sarili. “Oo, ako’y isang kuto,” pagpapatuloy
niyang galit na kumakapit sa naiisip, nilalaro, at nilalasap ito nang husto. “Dahil
sa una’y nangangatwiran ako na ako nga’y kuto! Pangalawa, buong buwan kong
inabala ang Pinakamakapangyarihang Diyos na maging saksi ko na ang lahat ay
hindi lamang para sa laman at hilig, kundi para sa dakila at magandang layunin.
Ha-ha-ha! Ikatlo, sa abot nang makakaya ko’y iginawad ko ang pinakaposibleng
katarungan sa timbang, sukat, at bilang. Mula sa kanilang lahat ay pinili ko ang
pinakawalang-kabuluhan. Pinatay ko siya at kinuha ko kung magkano lang ang
kailangan ko para makapagsimula. Walang-labis at walang-kulang (ang natitira ay
mapupunta sa monasteryo, gaya ng kaniyang huling habilin. Ha-ha-ha!) Kaya nga
ako’y isang tunay na kuto,” dagdag niyang nagngangalit ang mga ngipin, “Dahil
ako, malamang, ay higit na masama at nakadidiri kaysa patay na kuto at bago
pa man ay naramdaman ko na ito’y aking sasabihin pagkatapos kong pumatay!
May maihahambing pa ba sa ganoong kasuklam-suklam na bagay? O, kawalang-
hiyaan! O, kababaan! Kaya naiintindihan ko na ang propetang may sable na
nakasakay sa kabayo, “Sundin ang iniuutos ni Allah! Mga nilikhang nanginginig
286 FEODOR DOSTOYEVSKY

sa takot!” Tama! Tama ang propeta sa paglalagay ng magandang harang sa daan


at pagtitirahin kapwa ang maysala at walang-sala nang walang-pali-paliwanag
pa! Nanginginig sa takot na nilikha, sumunod ka at huwag nang mangarap pa!
Sapagkat hindi mo na gawain iyon! Hindi, hindi ko mapatatawad ang hukluban!”
Basang-basa ng pawis ang kaniyang buhok. Ang kaniyang nanginginig
na labi at ang kaniyang di-gumagalaw na mga mata ay nakatuon sa kisame.
“Labis kong minahal ang aking ina at kapatid! Bakit ko sila kinamumuhian
ngayon? Oo, kinamumuhian ko sila sa pisikal. Hindi ko na matiis na sila’y
makapiling pa! Kanina ay nilapitan ko at hinalikan ang nanay, natatandaan ko
... Naisip kong kung alam lang niya ay ... alangan naman na sabihin ko pa iyon
sa kaniya! Para sa akin iyon ay ... hmm! Marahil ay gayundin siya kung paano
ako,” dagdag niya na para bang pinipigil niyang magdeliryo. “O, kinamumuhian
ko talaga ang huklubang iyon! Siguro’y mapapatay ko uli kung muli siyang tatayo!
Kawawang Lizaveta! Sonya! Mga maliit na kaawa-awa ... mumunti’t magagandang
mata! Bakit hindi sila umiiyak? Bakit hindi nagluluksa? Mga titig ... Sonya, Sonya!
O, tahimik na Sonya!”
Nakalimot siya at nagtataka, ni hindi niya namalayan kung paano
siya nakarating sa kalsada. Madilim na ang gabi at nilagom na nito ang
takipsilim. Papaliwanag nang papaliwanag ang bilog na buwan, ngunit
sadyang maalinsangan ang singaw ng hangin. Marami pa ring tao sa daan.
Mga manggagawa at abalang taong nag-uuwian sa bahay, at ang iba nama’y
namamasyal. Nangangamoy semento, alikabok, at kanal. Malungkot at nag-
aalalang naglakad si Raskolnikov. Alam niya na may balak siya kaninang lumabas
ng bahay, may dapat gawin. Nagmamadali siya ngunit nalimutan niya ngayon
kung ano iyon. Nang mapahinto siya at nakitang sa kabila ng daan ay may taong
nakatayo at kumakaway sa kaniya. Tumawid si Raskolnikov papunta sa kaniya
ngunit ang taong ito’y tumalikod at nagpatuloy sa paglalakad. Nakayuko ang ulo
at di-lumilingon na para bang wala siyang tinawag. “Di ba’t tumatawag siya?” ani
Raskolnikov na humahabol. Hindi pa siya nakasasampung hakbang ay nakilala
na niya ito at kinabahan. Ito iyong lalaki kanina na nakasuot-tunika at hukos.
Sumunod si Raskolnikov na may kalayuan ang agwat, malakas ang tibok ng
kaniyang puso. Lumilingon ang lalaki. “Alam kaya niya na ako’y sumusunod?” sa
loob ni Raskolnikov. Pumasok ang lalaki sa bakuran ng isang malaking bahay.
Nagmadaling lumapit si Raskolnikov sa tarangkahan at luminga-linga. Baka
lumingon iyon at tawagin siya. Totoo ngang nang papasok na ang lalaki ay bigla
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 287

itong lumingon at muli’y kinawayan siya. Lapit agad si Raskolnikov ngunit


pagdating niya sa may looban ay wala na ang lalaki. Lumilitaw na pumasok
na siya sa unang hagdan. Sumunod agad si Raskolnikov. At tunay ngang may
dalawang hagdan pa sa itaas. Maririnig ang pantay at di-nagmamadaling
mga hakbang. May pagtatakang napuna niya na alam niya ang lugar na ito!
Hayun, ang bintana sa unang palapag, malumbay at mahiwagang naglalagos
ang liwanag ng buwan sa salamin. Heto na ang pangalawang palapag at ... Ito
ang paupahan kung saan nagpipintura ang mga trabahador ... Bakit di niya agad
nakilala? Tumahimik ang mga yabag ng taong naglalakad. Siguro’y huminto o
kaya’y nagtago kung saan. Heto na ang ikatlong palapag. Nagdalawang-isip siya
kung tutuloy pa at nakatatakot ang katahimikan ... ngunit tumuloy siya. Ang
kaluskos ng sariling hakbang ang nagpapakaba at tila nagbababala sa kaniya.
“Diyos ko, ang dilim! Siguro’y nagtatago lamang sa sulok ang lalaking iyon. A,
bukas ang pinto ng paupahan!” naisaloob niya at sabay pasok. Pagpasok niya’y
napakadilim at hungkag ang kabahayan, wala ni isang kaluluwa na parang ang
lahat ay inilipat. Marahan at patingkayad siyang pumasok sa sala. Ang buong
kuwarto ay napupuno ng maliwanag na sinag ng buwan. Ganoon pa rin ang
lahat gaya ng dati—ang upuan, salamin, dilaw na sofa, at mga litrato sa kuwadro.
Nakasilip nang tuwiran sa kuwarto ang malaki at bilog na buwang matingkad ang
pagkadilaw. “Dahil sa buwan kaya ganito katahimik. Marahil ay hinuhulaan niya
ngayon ang palaisipan,” sa loob-loob ni Raskolnikov. Nakatayo siya’t naghintay.
Matagal na naghintay at habang tumatahimik ang buwan ay lalong lumalakas
ang sikdo ng kaniyang puso, na habang tumatagal ay nakadarama ng hapdi.
Katahimikan ang lahat. Nang bigla’y nakarinig siya ng langitngit na parang may
nabaling tuyong sanga at muli’y katahimikan. Isang langaw na nagising ang
biglang lumipad at bumangga sa salamin, nagmamakaawa itong sumasagitsit.
Nang may mapansin siya nang mga sandaling iyon, sa sulok, sa pagitan ng maliit
na kabinet at bintana na parang nakasabit na kapa. “Bakit may kapa rito?” sa loob
niya, “Wala naman ito dati.” Marahan siyang lumapit at naramdamang parang
may nagtatago sa kapa. Dahan-dahan at maingat niyang hinawi ng kamay ang
kapa. Sa upuang ito ay nakaupo ang matanda. Nakabaluktot at yuko ang ulo
kaya’t di niya makita ang mukha, ngunit iyon ay siya! Tumayo si Raskolnikov
sa kaniyang harapan, “Natatakot!” naisip niya at dahan-dahan niyang inalis
ang palakol sa sabitan, at ibininit sa bumbunan ng matanda at isa pa! Ngunit
nakapagtatakang ni hindi ito tuminag sa pagkakaupong parang kahoy. Natakot
288 FEODOR DOSTOYEVSKY

si Raskolnikov. Yumuko siya at sinipat-sipat ang matanda, na lalong iniyuko ang


ulo. Kaya’t yumuko pa nang todo si Raskolnikov sa sahig upang tingnan mula sa
ibaba ang mukha nito. Ngunit natigagal siya pagkasilip: nakaupong tumatawa
ang matanda, mahina, at di-halos marinig. Pinilit naman ni Raskolnikov ang
makakaya upang tuluyang walang-marinig. Di kaginsa’y parang bumukas ang
pinto ng kuwartong tulugan at doo’y may nagtawanan at sumusutsot. Wala sa
sariling ubod-lakas na pinaghahataw ni Raskolnikov sa ulo ang matanda, ngunit
sa bawat hataw ng palakol ay lalong lumalakas ang hagikgikan at sutsutan sa
kuwarto. Alumpihit naman sa katatawa ang matanda. Sabay-karipas ng takbo
si Raskolnikov, ngunit puno na ng tao ang sofa, ang pinto patungo sa hagdan
na nakabukas, sa may pinto, sa hagdan, at sa ibaba ay punong-puno na rin ng
tao. Bawat isa’y nakatingin ngunit tahimik at di-kumikibo. Tila napako ang
kaniyang mga paa ... Nais niyang sumigaw at ... siya’y nagising.
Mabigat ang kaniyang paghinga ngunit ang nakapagtataka’y parang
nagpapatuloy lamang ang panaginip. Nakabukas ang kaniyang pinto at doo’y
may nakatayong hindi niya kakilalalng lalaki na matamang nakatingin sa kaniya.
Hindi pa tuluyang nabubuksan ni Raskolnikov ang mga mata ay dagli
niya itong ipinikit muli. Dumapa siya at di-gumagalaw. “Nananaginip pa ba
ako o hindi na?” at unti-unting binuksan ang talukap ng mata upang tumingin.
Nandoon pa rin ang di-kilalang lalaki. Nakatayo at nakatingin. Nang maingat
itong pumasok sa loob, marahang ibinukas pa ang iniwang pinto at lumapit
sa mesa, naghintay sandali. Hindi nito inaalis ang pagkakatingin sa kaniya.
At tahimik, walang-ingay na umupo sa silyang nasa tabi ng sofa. Inilapag ang
sumbrero sa gilid ng sahig at dalawang kamay na tumuon sa tungkod, at ipinatong
ang baba sa mga kamay. Halatang handa siyang maghintay nang matagal. Mula
sa abot at kaya ng pakurap-kurap na talukap ng mata ni Raskolnikov ay nahinuha
niyang ang taong ito’y hindi na rin bata, malaki ang pangangatawan, at malago
ang kaniyang halos puting-puti ng balbas ...
Makaraan ang mga sampung minuto, kani-kanina lamang ay maliwa-
liwanag pa ngunit ngayo’y papadilim na. Napakatahimik sa kuwarto. Maging
mula sa hagdan ay walang-maririnig ni kaunting tunog. Sagitsit lamang at ingay
ng isang malaking langaw na bumabangga sa salamin ang maririnig. Sa wakas ay
hindi na ito nakayanan ni Raskolnikov. Bigla siyang bumangon at naupo sa sofa.
“O, sige, magsalita kayo. Ano ang inyong kailangan?”
“Sabi ko na nga ba at hindi kayo tulog at nagtutulug-tulugan lang,”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 289

kakatwang sagot ng di-kilalang panauhin na tumatawa. “Ipahintulot ninyong


ako’y magpakilala. Ako ay si Arkadii Ivanovich Svidrigailov ...”
e
Ikaapat na
Bahagi
I

“PANAGINIP DIN BA ITO?” muli’y naisip ni Raskolnikov na maingat at


walang-tiwala ang tingin sa di-inaasahang panauhin.
“Svidrigailov? Kalokohan! Hindi maaari!” malakas na nasabi niya sa
sariling di-makapaniwala.
Ngunit tipong ni hindi nagtaka ang bisita sa kaniyang pagkabigla.
“Ako ay naparito sa dalawang dahilan. Una, nais ko kayong makilala dahil
matagal na akong maraming naririnig na magaganda at nakaeengganyong bagay
tungkol sa inyo. Pangalawa, umaasa akong hindi ninyo bibiguin ang paglapit ko
upang humingi ng tulong sa isang bagay na may tuwirang kinalaman sa inyong
kapatid na si Avdotia Romanovna. Dahil kung ako lang, malamang, na ni hindi
niya ako papapasukin sa bakuran dala ng ilang palagay, ngunit sa inyong tulong ay
maaari itong mabaligtad at ako’y makaaasang ...”
“Masama ang inyong ipinagpapalagay,” putol ni Raskolnikov.
“Kararating lang nila kahapon? Pahintulutan ninyo ang aking
pagtatanong.”
Hindi sumagot si Raskolnikov.
“Alam ko na kahapon. Dahil ako man ay kararating lang kamakatlo.
Hmm. Ano ang masasabi ko sa inyo, Rodion Romanovich tungkol dito? Sa tingin
ko’y kalabisan ang bigyang-katuwiran ang sarili, ngunit hayaan ninyong aking
294 FEODOR DOSTOYEVSKY

itanong. Ano ba, sa totoo lang, ang nagawa ko, na sa kabuuan, ang masasabi ngang
krimen, kung talagang titimbangin nang may malinaw na pag-iisip at hindi pala-
palagay lang?”
Patuloy lang sa walang-imik na pagtitig sa kaniya si Raskolnikov.
“Dahil ba sa pagsunod-sunod ko sa isang walang-kalaban-labang dalaga
at pag alipusta ko sa kaniya sa pamamagitan ng mga malalaswang proposisyon?
(Uunahan ko na kayo!) Ipagpalagay na natin na ako ay isang taong et nihil humanum33.
Sa ibang salita ay may kakayahan akong magkagusto at umibig (na hindi na sakop
ng ating kapangyarihan). Kung magkagayon ay madali nang maipaliliwanag ang
lahat. Ang tanong ko ay ako ba ay halimaw o biktima? At paanong biktima?
Dahil nang anyayahan ko ang layon ng aking pagtangi na magtanan sa Amerika o
Switzerland ay nasa akin ang pinakamagandang damdamin sa kaniya at nasa isipan
ang kaligayahan naming dalawa. Ang katuwiran ay naglilingkod sa pagnanasa, di
ba? O marahil ay lalo ko lang pinapatay ang sarili?”
“Hindi iyan ang kaso,” may pagkamuhing putol ni Raskolnikov. “Tama
man kayo o mali ay kamuhi-muhi pa rin kayo! Kung ayaw sa inyo o ayaw malaman
ang tungkol sa inyo at pinaaalis kayo ... e, umalis na kayo!”
Nagtatawa si Svidrigailov.
“Hindi pala kayo mapaiikot!” sabi nitong tumatawa nang natural. “Inisip
ko na paikutin kayo ngunit agad-agad ninyong tinumbok ang punto!”
“Kahit ngayon ba naman ay nagtutuso pa rin kayo?!”
“Hmm ... ano pa nga ba?” tikhim ni Svidrigailov na nakatawa pa rin,
“Bonne guerre34” ang tawag dito at katusuhang sadyang pinahihintulutan! Ngunit
ako, gayumpaman, ay inyong pinutol. Gayunman o di-ganoon ay wala naman
talagang eskandalo, kundi lang insidente sa halamanan dahil si Martha Petrovna
ay ...”
“Ang balita’y tinapos na rin ninyo si Martha Petrovna?” magaspang ang
putol ni Raskolnikov.
“A, narinig na ninyo ang tungkol doon? Paano nga ba namang di
mababalitaan? Kung tungkol sa tanong ninyong iyan, ang totoo ay hindi ko alam
kung paano ba sasabihin sa inyo, ngunit ang konsensya ko’y sadyang malinis sa
bagay na iyan. Huwag ninyong isipin na may pinangangambahan akong anuman

33 Salitang Latin na ang ibig sabihin ay “walang-kuwentang tao.”


34 Wikang Pranses na ang ibig sabihin ay “magandang laban.”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 295

tungkol doon. Lahat ay nangyari nang maayos at may lubos na katiyakan. Ang
awtopsiya ay nagsasabing apoplexy ang dahilan. Nangyari dahil sa pagligo
agad pagkatapos ng masaganang pagkain. Naligo siya pagkatapos kumain nang
masarap at uminom pa’t halos inubos ang isang bote ng alak! At wala nang iba
pang namalayan pagkatapos ... Ang inisip ko ring matagal-tagal, lalo na habang
nakaupo sa tren, ay kung naging dahilan din ako, kahit papaano ng kamalasang
iyon. Halimbawa’y ang bigat ng kalooban na aking idinulot sa kaniya o anumang
gaya noon? Ngunit natimbang kong hindi maaaring positibo ang sagot.”
Tumawa si Raskolnikov.
“Dapat nga lang na ikabahala ninyo ang bagay na iyan!”
“Bakit kayo tumatawa? Isipin ninyo, dalawang ulit ko lang siyang
hinampas ng pamalo na ni hindi nga nagkabakas ... Huwag ninyo sana akong
ituring na isang siniko. Alam ko na kahiya-hiya iyon sa aking panig, ngunit
sa palagay ko’y ikinatuwa pa ni Martha Petrovna ang aking kabiglaanan. Ang
kuwento tungkol sa inyong kapatid ay nasaid na nang husto. Tatlong araw nang
hindi siya makaalis ng bahay at wala na siyang maipakitang bago sa bayan. Isa
pa’y nagsawa na ang lahat sa kaniyang sulat. Alam din ninyo ang pagbasa niya ng
sulat, di ba? At bigla, mula sa langit, ay tila ibinagsak ang dalawang palo! Iniutos
niya agad na ihanda ang kareta. Hindi ko na sasabihin na may ganyang ugali
ang mga babae. Minsa’y gustong-gusto nila ang sinasaktan. Kahit na ipamarali
nila nang husto ang kanilang pagkainsulto. Lahat tayo’y may ganyang ikinikilos.
Kung magkaminsa’y gustong-gusto ng tao ang siya’y apihin. Napupuna ba ninyo?
Ngunit lalo na ang mga babae. Maaari pa ngang sabihin na iyon lang ang kanilang
tanging kasiyahan.”
May pagkakataong parang gusto nang tumayo ni Raskolnikov at
tapusin na ang usapan. Ngunit may ilang interes at maging kaunting pitagan ang
sumandaling pumigil sa kaniya.
“Ikinatutuwa ba ninyo ang pakikipag-away?” tanong niyang walang-
pakundangan.
“Hindi, hindi talaga,” malumanay na sagot ni Svidrigailov. “Halos hindi
kami nag-aaway ni Martha Petrovna. Magkasundo kami palagi at maligaya naman
siya sa akin. Sa loob ng pitong taon naming pagsasama ay makalawa ko lang siya
pinalo (kung hindi na ibibilang ang ikatlo na tunay namang walang-katiyakan
ang kahulugan). Una’y dalawang buwan matapos ang aming kasal, pagdating
namin sa probinsya, at ito ngang pangyayaring ito ang huli. Akala ba ninyo’y isa
296 FEODOR DOSTOYEVSKY

akong halimaw, retrogrado, at berdugo? He-he-he. At hindi ba ninyo naaalala,


Rodion Romanovich, ilang taon na ang nakararaan, sa magaling na panahon
ng kalayaan sa pamamahayag ay ipinahiya at niratsada nang husto ang isang
dvoryanin (aristokrat), nakalimutan ko na ang apelyido, nang kaniyang saktan ang
isang babaeng Aleman sa bagon? Noon iyon nang taong ipinalabas ang pangit na
katampalasanan ng siglo. Tinutukoy ko ang Mga Gabing Ehipsyano. Natatandaan
pa ba ninyo nang ipinalabas? Mga maiitim na mata! O, nasaan ang ginintuang
panahon ng ating kabataan? Ang masasabi ko’y ganito: hindi ako nakikiramay sa
ginoong nanakit ng babae dahil sa totoo lang ... ano ang dapat kong ipakiramay?
Ngunit kasabay nito ay hindi ko maaaring di sabihin na kung minsan ay mayroon
talagang nakapipikon na babaeng Aleman, na isa mang progresibong tunay,
ay hindi makatitiyak sa sarili. Walang-tumingin sa usaping iyan noon mula sa
ganoong pananaw, bagama’t iyon ang tunay na makataong pananaw. Ganoon na
nga iyon!”
Pagkasabi nito’y muling nagtawa si Svidrigailov. Malinaw na kay
Raskolnikov na may pakay ang taong ito na sadyang pinagpasyahan.
“Marahil ay ilang araw na kayong walang sinumang nakauusap?” tanong
niya.
“Halos. Nagtataka ba kayo at ako’y madaling makibagay?” tanong niya.
“Hindi. Ang ipinagtataka ko’y masyado kayong nakikibagay.”
“Dahil ba sa hindi ako nagdaramdam sa gaspang ng inyong tanong?
Ganoon nga ba? Bakit naman ako magdaramdam? Samantalang kung paano kayo
magtanong ay gayundin ako kung sumagot,” dagdag niya na may pambihirang
kapayakan.
“Sa ngayo’y wala na talaga akong hangad pa,” pagpapatuloy niyang
tila malayo ang iniisip, “Lalo na ngayong wala na rin akong pinagkakaabalahan.
Maaari ninyong isipin na mayroon akong gustong mangyari, lalo na’t sinabi ko na
mayroon akong lakad sa inyong kapatid. Matapat kong sinasabi sa inyo na itong
huling tatlong araw ay sadyang nakababagot kaya’t natutuwa ako’t nakita ko kayo.
Huwag ninyong ikagagalit ngunit may pakiramdam akong kayo’y kakaibang-
kakaiba. Bahala kayo ngunit sa tingin ko’y mayroon kayong mabigat na dahilan
ngayon, hindi ngayong sandaling ito ngunit sa kabuuan, sa kasalukuyan ... Sige,
hindi na! Huwag kayong magkunot-noo! Hindi naman ako oso, gaya ng inyong
akala.”
Madilim ang titig ni Raskolnikov.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 297

“Malamang na hindi talaga kayo oso. Sa tingin ko nga’y galing kayo sa


mabuting lipunan o kung hindi ma’y taong alam dalhin ang sarili depende sa
hinihingi ng pagkakataon.”
“Wala akong gaanong interes tungkol sa opinyon ninuman,” tuyo at
may bahid ng pagmamayabang na sagot ni Svidrigailov, “Kung kaya’t bakit di ka
magdamit nang simple kung iyon ang pinakamagaang isuot sa ating klima at lalo
na kung may likas kang pagkiling sa ganoon,” dagdag niya at muling tumawa.
“Gayumpaman, aking napag-alaman na kayo’y maraming kakilala rito.
Kayo’y hindi taong walang-koneksyon, wika nga. Bakit ninyo ako pinuntahan
kung ganoon? May kaugnayan marahil sa inyong layunin?”
“Tama kayo. Marami nga akong kakilala,” agap ni Svidrigailov na hindi
sumasagot sa mahalagang punto. “Nakita ko ang ilan. Tatlong araw na nga akong
nagpapahinga. Nakikilala ko pa naman ang ilan, ang iba nama’y nakakikilala rin
sa akin. Natural lang. Itinuturing din akong maykaya, maganda ang pananamit, at
hindi kami gaanong naapektuhan ng reporma sa lupa. Dahil puro gubat lang at
tubigan ang naroroon kaya’t ganoon din ang kita. Pero hindi na ako pupunta roon,
sawang-sawa na ako. Tatlong araw na ako rito pero di pa talaga ako naglalantad
kahit kanino ... Tingnan mo ang siyudad na ito! Paano ba ito nagkaganito, pakisabi
nga? Siyudad ng mga empleyado ng gobyerno at iba’t ibang klase ng estudyante!
Totoo na marami akong di-napansin dati, mga walong taon na ang nakararaan
nang ako’y nagpapakasasa ... Pero ngayo’y anatomiya na lang ang gusto ko.”
“Anong anatomiya?”
“Nariyan pa ang isang progreso: mga club, Dussauts,35 at mga parada!
Pero hahayaan natin ang mga iyan. Uubra sila kahit wala tayo,” patuloy niyang
hindi na naman napuna ang tanong. “Sino ba ang gustong maging balasador?”
“Naging balasador ba kayo?”
“Papaanong hindi? Buong grupo kami noon, napakagaling na grupo
pero walong taon na ang nakararaan. Sama-sama kami sa lahat ng bagay. Mga
taong may pangalan, mga makata, at negosyante. Sa atin namang lipunan ay kung
sino ang nalalamog ay siyang may pinakamabuting asal. Napupuna ba ninyo?
Pumunta na lang ako sa probinsya. Pero nakulong ako noon dahil sa utang sa isang
Griyega mula sa Nezhin. Doon lumitaw si Martha Petrovna at nagbigay siya ng
piyansang tatlumpung libong rublo. Ang buong pagkakautang ko ay pitumpung

35 Ang Dussauts ay isang sikat na otel/restawran kung saan madalas nagtitipon ang mga progresibong
miyembro ng lipunang Ruso.
298 FEODOR DOSTOYEVSKY

libong rublo. Nagpakasal kami at noon din ay tinangay na niya ako sa probinsya
na mistulang kayamanan. Mas matanda kasi siya sa akin nang limang taon at
minahal niya ako nang husto. Pitong taon kaming di-umaalis ng probinsya. At
isipin ninyo, habampanahon niyang pinanghahawakan ang dokumentong iyon, na
katunayang ako’y may utang na tatlumpung libong rublo kaya’t kung magkamali
ka man na magrebelde ay agad nang may patibong! At gagawin niya iyon! Para sa
mga babae’y karaniwan lang iyon.”
“Kung hindi dahil sa papel na iyon, mananatili ba kayo?”
“Di ko alam kung papaano sasabihin. Hindi rin ang papel na iyon
ang pumigil sa akin. Wala akong gustong puntahan. Dalawang beses akong
inanyayahan ni Martha Petrovna na mangibang-bansa nang makitang ako nga’y
naiinip. Para ano? Pumunta na ako sa mga ibang bansa pero lagi rin akong
nalulungkot doon. Pagmasdan mo ang papalitaw na araw, ang baybayin ng Naples,
ang dagat, at sa kung anong dahilan ay makararamdam ka ng kalungkutan. Iyon
ang pinakamasama dahil talaga namang ano ba ang dapat ikalungkot? Hindi.
Maganda pa rin sa sariling bayan. Dahil dito, kahit papaano, ay isinisisi mo
ang lahat sa iba; samantalang ang sarili’y binibigyang-katuwiran. Baka ngayo’y
sumama ako sa ekspedisyon sa Dulong Hilaga dahil ja le vin mauvais36 at ayaw ko
ring umiinom ng alak. Kaya lang, liban sa alak, ay wala nang iba pa. Sinubukan
ko na. Totoo ba na sa Linggo ay lilipad si Berg37 mula sa Yusupof Garden at nag-
aanyaya ng pasaherong sasama at magbabayad?”
“Bakit? Kung sakali ba ay sasakay kayo?”
“Ako? Hindi ... naitanong ko lang ...” bulong niya na talagang nag-iisip.
“Ano ba talaga ang pakay nito?” isip ni Raskolnikov.
“Hindi. Hindi ako pinigilan ng papel,” tuloy ni Svidrigailov na nag-iisip,
“Kusa akong hindi umaalis ng probinsya. Isang taon na rin ang lumipas nang
ibalik sa akin ang dokumentong nakapangalan na sa akin at dinagdagan pa ng
malaking halaga. Mayroon talaga siyang kapital. “Tingnan ninyo, kung gaano ang
pagtitiwala ko sa inyo, Arkady Ivanovich,” ganoon mismo ang sinabi niya. Hindi
kayo naniniwala na ganoon ang sinabi niya? Alam ba ninyo na naging mabait
akong amo sa probinsya! Nakilala ako ng mga tao. Umorder din ako ng mga libro.
Noong una’y pinapanigan ni Martha Petrovna pero kalaunan ay natakot na baka

36 Wikang Pranses na ang ibig sabihin ay “ginagawa akong palaban ng alak.”


37 Ang berg ay isang stuntman na nagpapasaya sa mga tao sa pamamagitan ng pagsakay at paglipad
sa lobo.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 299

masobrahan ako ng aral.”


“Parang hinahanap-hanap din ninyo si Martha Petrovna?”
“Ako? Baka. Oo, posible. Siya nga pala, kayo ba’y naniniwala sa mga
multo?”
“Sa anong multo?”
“Sa karaniwang multo, ano pa ba!”
“Kayo ba’y naniniwala?”
“Alam ninyo, hindi, pour vous plaire38. Pero hindi naman sa hindi ...”
“Nagpapakita ba?”
Parang may pagkabiglang tumingin si Svidrigailov sa kaniya.
“Minamabuti ni Martha Petrovna na ako’y dalawin,” sabi niyang ngumiti
na kibit ang mga labi.
“Anong minamabuting dalawin?”
“Tatlong beses na siyang nagpakita. Una’y noong mismong araw ng
libing, isang oras pagkagaling sa sementeryo. Balak ko na ring pumunta noon
dito. Ikalawa ay noong kamakatlo sa aking paglalakbay papunta rito bago sumikat
ang araw sa estasyon ng Malaya Vishera. Pangatlo ay dalawang oras pa lang ang
nakararaan sa aking tinutuluyang kuwarto. Nag-iisa ako noon.”
“Gising kayo?”
“Oo, gising ako sa tatlong beses na iyon. Darating at pagkatapos ay
makikipag-usap nang isang minuto at lalagos na sa pinto, palaging sa pinto.
Parang maririnig nga.”
“Kung kaya’t naisip ko na malamang ay may nangyayari sa inyong
kahalintulad niyan,” biglang nasabi ni Raskolnikov at sabay na nagulat siya kung
bakit niya iyon nasabi. Malakas ang kaniyang kaba.
“Ano? Iniisip ninyo iyon?” gulat na tanong ni Svidrigailov, “Sabi ko na
nga ba’t mayroon tayong pagkakapareho!”
“Hindi ninyo iyan kailanman sinabi!” matalim at mainit niyang sinabi.
“Hindi ko sinabi?”
“Hindi!”
“Akala ko’y sinabi ko kaninang pagpasok ko at nakita kayong nakahiga
na nakapikit ang mga mata at nagkukunwaring tulog. Sinabi ko sa sarili: “Ito na
nga siya!”

38 Wikang Pranses na ang ibig sabihin ay “para sa inyong ikasisiya.”


300 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Anong ito na nga siya? Ano ba ang ibig ninyong sabihin,” sigaw ni
Raskolnikov.
“Tungkol saan? Ang totoo’y di ko alam ...” matapat na sabing tila nalilito
rin si Svidrigailov.
Sandali silang natahimik at sila’y titig na titig sa bawat isa.
“Kalokohan!” may pagkabagot na sabi ni Raskolnikov, “At ano naman
ang kaniyang sinasabi kapagka siya’y dumarating?”
“Siya? Isipin ninyo, dahil lang sa mga pinakawalang-kuwentang bagay ay
manggugulat ng tao. Iyon nga ang ikinagagalit ko. Nang una siyang pumasok (Ako,
alam ninyo, ay pagod. Lahat ng seremonyas ng libing, pagkatapos ay pagpapakain.
Hanggang sa maiwan akong mag-isa sa kuwarto, nagsisigarilyo, at nag-uulik-
ulik), bigla siyang sumulpot sa may pinto at nagsabi: “Masyado kayong naging
abala sa araw na ito, Arkady Ivanovich, kaya nalimutan ninyong kuwerdasan ang
relo sa may kainan.” At totoo namang sa loob ng pitong taon, linggo-linggo ay
kinukuwerdasan ko ang relong iyon at kung makaligtaan man ay lagi niyang
ipinaaalala sa akin. Nang sumunod na araw ay umalis na ako papunta rito. Pagpasok
namin sa estasyon ay papasikat na ang araw. Nakatulog ako sa magdamag nang
dahil sa pagod. Pagkamulat ng mga mata’y kumuha ako ng kape at bigla’y nakita
ko si Martha Petrovna na umupo sa aking tabi. Hawak sa kaniyang kamay ang
mga baraha: “Ayaw ba ninyong hulaan ko kayo, Arkady Ivanovich, habang nasa
daan?” Magaling siyang manghula sa baraha. At hindi ko mapatatawad ang sarili
ko na hindi nagpahula! Tumalilis ako at natakot at saka tumunog ang kampanilya.
Kanina namang pagkatapos ng masamang tanghalian sa kantina ay nakaupo ako’t
naninigarilyo na mabigat ang tiyan nang muling lumitaw si Martha Petrovna na iba
na ang kasuotan. Siya ay nakadamit ng kulay berdeng seda na may napakahabang
pabuntot: “Magandang araw, Arkadii Ivanovich! Maganda ba ang aking kasuotan?
Hindi makatatahi nang ganito si Aniska.” (Si Aniska ay mananahi sa probinsya
namin, dating utusan na nakapagsanay sa Mosku, magandang dalaga.) Umikot
siya sa aking harapan. Tiningnan ko ang damit pagkatapos at tinitigan ko nang
mataman sa mukha: “Maligaya ba kayo, Martha Petrovna, na dahil lang sa ganyang
mga munting bagay ay nagpapakita kayo at ako’y ginagambala?”
“O, Diyos ko naman! Hindi ka na ba maaaring gambalain?” ang sabi
niya sa akin. At upang inisin siya ay sinabi kong, “Martha Petrovna, gusto kong
mag-asawa.” Sumagot siya ng, “Talagang kayo, Arkady Ivanovich! Karangalan ba
kung halos di pa naililibing ang asawa ay gusto na ninyong maghanap ng iba?
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 301

Hindi sana bale kung pipili kayong mabuti ngunit alam ko na hindi siya liligaya at
gayundin kayo. Pagtatawanan lang kayo ng mga mabubuting tao!” Pagkasabi nito
ay umalis nang hila ang pabuntot na kumakaluskos. Anong kabalbalan, di ba?”
“Baka puro kasinungalingan lang iyan!” sabi ni Raskolnikov.
“Madalang akong magsinungaling,” sagot ni Svidrigailov na hindi
napuna ang kagaspangan ng salita.
“Pero bago ba mangyari ang ganyan ay hindi kayo dating nakakakita ng
multo?”
“Minsan lang sa buhay ko, anim na taon na ang lumipas. Mayroon akong
utusan noon, si Filka. Kalilibing lang sa kaniya pero nalimutan ko at ako’y sumigaw,
“Filka, ‘yong tabako ko!” Pumasok siya at tumuloy sa paminggalang kinalalagyan
ng tabako. Naisip ko na lang, nakaupo ako noon, na paghihigantihan niya ako
dahil bago siya mamatay ay nagkagalit kami nang husto. Muli ko siyang sinabihan,
“Bakit ka naglakas-loob na pumasok dito na may butas ang iyong siko? Layas,
walanghiya!” tumalikod lang siya, lumabas, at di na muling bumalik. Hindi ko na
iyon ikinuwento kay Martha Petrovna. Gusto ko pa nga sana siyang ipagpamisa
ngunit nahiya ako.”
“Dumalaw kayo sa doktor.”
“Alam ko iyan kahit di ninyo sabihin. Hindi ako malusog bagama’t di
ko alam ang aking sakit. Gayunman ay mukhang mas malusog ako nang limang
beses kaysa inyo. Pero hindi ko itinatanong kung naniniwala kayong nagpapakita
ang mga multo? Tinanong ko, sa kabuuan, kung naniniwala kayong may multo?”
“Hindi. Hinding hindi ako naniniwala!” matigas na sabi ni Raskolnikov.
“Ganyan ang karaniwang sinasabi, di ba?” bulong ni Svidrigailov na
parang kausap ang sarili. Tumingin siya sa tabi na bahagyang nakayuko ang ulo,
“Sinasabi nila, “Maysakit ka kaya lahat ay bunga lang ng guni-guni mo at di-
talagang umiiral.” Pero walang estriktong lohika rito. Sang-ayon ako na ang mga
multo ay nagpapakita lamang sa mga maysakit. Ngunit pinatutunayan lang nito
na ang mga multo ay maaari lamang magpakita sa mga may karamdaman at hindi
pinatutunayan na hindi sila umiiral.”
“Siyempre, hindi!” giit ni Raskolnikov.
“Hindi? Iyon ba ang inyong palagay?” tuloy ni Svidrigailov at dahan-
dahan itong humarap sa kaniya. “Paano kung ganito ang ating pangangatuwiran
(pakitulungan ninyo ako)? Ang mga multo ay susi, bahagi, at simula ng ibang
daigdig. Hindi sila makikita ng malusog na tao dahil ang malusog na tao ay higit
302 FEODOR DOSTOYEVSKY

na nakapaloob sa daigdig na ito at kailangang mabuhay nang dito lamang para sa


kapupusan at kaayusan ng pamumuhay. At kaunting magkasakit ay nalalabag ang
normal na takbo ng organismo at nagiging posible ang pakikipagdaiti sa ibang
daigdig. Habang lumalala ang sakit ay lalo itong nakauugnay sa ibang daigdig.
Kaya’t pagkamatay ng tao ay tuluyan na siyang lilipat sa ibang daigdig. Matagal ko
nang ikinakatuwiran iyan. Kung kayo’y naniniwala sa susunod na buhay pagkatapos
ng kamatayan ay maaari ninyong paniwalaan ang ganitong kapaliwanagan.”
“Hindi ako naniniwala sa susunod na buhay,” sabi ni Raskolnikov.
Nakaupong nagmumuni si Svidrigailov. “Papaano kung doon ay puro
gagamba lang o tipong ganoon?”
“Nasisiraan ito,” palagay ni Raskolnikov.
“Iniisip natin na ang eternidad ay isang ideyang mahirap unawain,
na labis-labis ang laki at lawak! At bakit naman kailangang malaki? Paano
kung sa halip, isipin ninyo, ay maliit lang na kuwarto na parang sauna sa baryo,
nangingitim sa dumi, at sa bawat sulok ay may mga gagamba, at iyan na ang buo
mong eternidad. Pagdating diyan, alam ninyo, e, kumukunot-noo na lang ako.”
“Talaga bang wala na kayong ibang naiisip na mas nakapagpapaluwag ng
kalooban o mas makatarungan kaysa riyan!” nasusulak na sigaw ni Raskolnikov.
“Mas makatarungan? Paano malalaman? Baka nga iyon ang makatarungan.
Kung siguro’y sasadyain ko pa na magkaganoon!” sagot ni Svidrigailov na di
malaman kung bakit nangingiti.
Biglang sinaklot ng kung anong lamig si Raskolnikov sa balintunang
sagot. Iniangat ni Svidrigailov ang ulo, matamang tumingin sa kausap, at biglang
humalakhak.
“Ito ang tingnan ninyo,” malakas niyang sabi, “Nitong nakaraang taon,
hindi pa natin nakikita ang bawat isa ay nagtuturingan na tayong magkaaway.
Mayroon pa tayong dapat pag-usapan pero kung ano-ano ang ating hinarap at
tinalikuran ang usapin. O, anong sabi ko sa inyo? Iisang taniman lang ng prutas
ang ating pinanggalingan, di ba?”
“Pakiusap,” naiinis na si Raskolnikov, “Pakibilisan ninyo ang
pagpapaliwanag sa akin at sabihin kung bakit pinarangalan ninyo ako ng inyong
pagdalaw ... at ... nagmamadali ako ... wala na akong oras at kailangan ko nang
umalis ...”
“Marapatin ninyong itanong ko. Ang inyong kapatid, si Avdotia
Romanovna, pakakasal nga ba kay Pyotr Petrovich Luzhin?”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 303

“Hindi ba kayo maaaring makapagtanong ukol sa aking kapatid na hindi


na binabanggit ang kaniyang pangalan? Hindi ko nga maintindihan kung bakit
kayo nagkalakas-loob na banggitin sa akin ang kaniyang pangalan kung kayo nga
si Svidrigailov.”
“Kaya nga ako pumunta rito ay dahil sa kaniya. Paano kong hindi
ipaaalala ang kaniyang pangalan?”
“Sige na. Sabihin na ninyo!”
“Naniniwala akong may opinyon na kayo tungkol sa Ginoong Luzhin
na iyon, kamag-anak ko sa asawa, kung siya’y nakita na ninyo, kahit kalahating
oras lang o kaya’y kung mayroon na kayong tamang narinig tungkol sa kaniya.
Hindi siya nababagay kay Avdotia Romanovna. Sa palagay ko’y masyado ang
pagpaparaya ni Avdotia Romanovna sa bagay na ito alang-alang sa ... kaniyang
pamilya. Ipinagpapalagay ko, batay sa aking narinig tungkol sa inyo, na diumano’y
ikatutuwa ninyo kung di-matutuloy ang kasal sa paraang hindi mababalewala
ang mga alalahanin. Ngayong nakilala ko kayo nang personal ay lalo na akong
naniwala.”
“Napakasimple naman yata ng paningin ninyo, ipagpaumanhin, ngunit
ang ibig kong sabihin ay ang kapal naman ng inyong pagmumukha,” sabi ni
Raskolnikov.
“Ang ibig ninyong sabihin ay iniingatan ko ang sarili kong bulsa? Huwag
kayong mag-alala, Rodion Romanovich, kung iniisip ko lang ang sariling bulsa ay
hindi ako magpapahayag nang ganoon kaderetsahan. Hindi naman ako lubos na
tanga. Sa bagay na ito ay ipagtatapat ko sa inyo ang isang kakatwang sikolohiya.
Kaninang binibigyang-matuwid ko ang aking pag-ibig kay Avdotia Romanovna
ay sinabi kong ako ang biktima. Pero ngayon ay dapat ninyong malaman na wala
na akong nararamdamang anumang pag-ibig, walang-wala. Ako man ay nagtataka
ngayon dahil mayroon talaga akong naramdaman dati ...”
“Dala ng pagkalango sa pagpapakasaya at imoralidad,” putol ni
Raskolnikov.
“Oo nga, ako’y taong imoral at mahilig sa saya. Ngunit napakaraming
katangian ng inyong kapatid at mahirap na hindi kahit papaano’y magkagusto.
Ngunit lahat ng iyon ay walang-saysay, gaya ng nakikita ko na ngayon.”
“Matagal na ba ninyong nalaman?”
“Noon pa man ay naramdaman ko na ngunit lubusan kong nalaman
nitong kamakatlo, halos sa mismong pagdating ko sa St. Petersburg. Dahil noong
304 FEODOR DOSTOYEVSKY

nasa Mosku ay nagbabalak pa akong kunin ang kamay ni Avdotia Romanovna at


makipagkaribal kay Ginoong Luzhin.”
“Ipagpaumanhin ninyo kung pinuputol ko ang inyong sinasabi ngunit
hindi ba maaaring tumbukin na ninyo ang inyong pakay. Nagmamadali ako at
kailangan ko nang umalis ...”
“Ikasasaya ko nang labis. Pagdating ko rito at nagpasyang maglakbay
pa ... ay minabuti kong magtakda ng ilang habilin. Ang aking mga anak ay
mamamalagi sa kanilang tiyahin. Sila’y mayaman at hindi naman nila ako
kailangan. At anong klase ba akong ama! Ang kinuha ko lang ay ang ibinigay sa
akin ni Martha Petrovna noong nakaraang taon. Iyon ay sapat na. At ngayon, sa
inyong pahintulot, ay ipaliliwanag ko na ang aking pakay. Bago ako umalis, na
malamang ay matutuloy, ay tatapusin ko ang lahat kay Ginoong Luzhin. Hindi
naman sa talagang kinamumuhian ko siya kaya ganoon. Ngunit dahil sa kaniya
kaya kami nag-away ni Martha Petrovna. Nang malaman kong inaareglo nga niya
ang kasalang ito. Nais ko sanang makipagkita ngayon kay Avdotia Romanovna
sa pamamagitan ninyo at sana’y kasama kayo. Ipaliliwanag ko sa kaniya na una,
wala siyang mapapala kay Ginoong Luzhin, sa halip ay mawawalan pa nga.
Pagkatapos ay hihingi ako ng paumanhin sa lahat ng mga kapighatiang dulot ng
mga pangyayari at kung ipahihintulot niya ay ibibigay ko ang halagang sampung
libong rublo nang sa ganoon ay magiging madali ang pagputol ng relasyon kay
Luzhin. Paghihiwalay na sa paniniwala ko’y hindi rin tututulan ng inyong kapatid
kung magkakaroon lang ng pagkakataon.”
“Talaga nga palang sira-ulo kayo!” hindi lang nagalit kundi nagulat din si
Raskolnikov, “Ang lakas ng loob ninyong magsalita nang ganyan!”
“Alam ko na sisigawan ninyo ako, ngunit una, hindi man ako mayaman
ay labis sa akin ang sampung libong ito. Talagang hindi ko kailangan ang mga ito.
Kung hindi kukunin ni Avdotia Romanovna ay wawaldasin ko lang sa walang-
kuwentang bagay. Pangalawa, malinis ang aking konsensya. Ang mga perang ito
ay iniaalok ko nang walang-kapalit. Maniwala man kayo o hindi ay mapagtatanto
ninyo ito sa huli ni Avdotia Romanovna. Totoo akong nagdulot ng mga suliranin
at sama-ng-loob sa kagalang-galang ninyong kapatid. Ako ay tapat na nagsisisi.
Marubdob kong hangad ang makagawa ng kahit anong kabutihan para sa kaniya,
hindi upang tumbasan o bayaran ang aking kasalanan. Hindi ko naman pribilehiyo
ang gumawa ng puro kasamaan lamang. Kung mayroon akong hinihintay na
kahit kaunting kapalit lang ng alok na ito ay hindi ako mag-aalok nang ganito
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 305

kaderetso. At hindi lang sampung libo ang iaalok ko dahil limang linggo lang
ang nakalilipas ay higit na malaki ang ibinibigay ko. Maliban pa riyan ay malapit
na akong ikasal sa isang dalaga sa lalong madaling panahon. Kaya’t lahat ng
pagdududa na daraanin ko sa dahas ang pagkuha kay Avdotia Romanovna ay agad
nang mapapawi. Bilang pagtatapos, nais kong sabihin na kukunin din ni Avdotia
Romanovna ang halagang iyon sa pamamagitan ng pagpapakasal kay Ginoong
Luzhin. Kaya nga lang, e, mula sa ibang mga kamay ... Huwag kayong magagalit,
Rodion Romanovich, mangatuwiran kayo nang mahinahon at malamig.”
Habang binabanggit ang mga bagay na ito ay makikita ang hinahon at
lamig ni Svidrigailov.
“Pakiusap ko na tapusin na natin ito,” sabi ni Raskolnikov, “Paano mo
man tingnan ay hindi mapatatawad ang ganitong kapangahasan.”
“Hindi kaunti man. Kung magkakaganoon ay pawang kasamaan lang
ang puwedeng gawin ng tao sa kapwa at walang-karapatang gumawa ng anumang
kabutihan para sa iba dahil lamang sa mga pormal at hungkag na kalakalan.
Walang-saysay ang ganoon. Dahil kung sakali mang ako ay mamatay, halimbawa,
at ipamamana sa inyong kapatid ang nasabing halaga ay imposible namang hindi
niya tanggapin.”
“Malamang.”
“Hindi. Hindi ganoon. Pero kung hindi ay hindi. Ganoon na lang.
Ngunit malaking bagay ang sampung libo kung magkakataon. Ano’t anuman ay
nakikiusap akong ipaalam kay Avdotia Romanovna ang aking mga sinabi.”
“Hindi. Hindi ko ipaaalam.”
“Kung ganoon, Rodion Romanovich, ako na mismo ang gagawa ng paraan
upang makipagkita sa kaniya at hindi ko maiiwasang siya’y aking gambalain.”
“At kung ipaaalam ko, hindi na ba kayo makikipagkita sa kaniya?”
“Aywan ko kung papaano sasabihin sa inyo, ngunit nanaisin ko pa ring
kahit minsan lang ay makipagkita.”
“Huwag na kayong umasa.”
“Sayang. Hindi ninyo ako kilala, baka sakaling magkasundo tayo.”
“Sa palagay ninyo ba’y magkakasundo tayo?”
“At bakit hindi?” nakangiting sabi ni Svidrigailov na tumayo na at kinuha
ang sumbrero.
“Naparito ako hindi upang gambalain kayo nang labis. Kaninang papunta
ako rito ay hindi ko nga matantiya ang mangyayari, bagama’t nang makita ko kayo
306 FEODOR DOSTOYEVSKY

kaninang umaga ay ikinagulat ko ang ...”


“Saan ninyo ako nakita kaninang umaga?” may pangambang tanong ni
Raskolnikov.
“Hindi sinasadya ... Ngunit may pakiramdam akong mayroon tayong
pagkakahawig ... Huwag kayong mag-alala. Ako ay hindi taong madaling
magsawa. Nakisama ako sa mga sugarol, hindi rin nainip sa akin si Prinsipe Svirbei,
na malayo kong kamag-anak at malaking tao. Naguhitan ko pa ng Madonna ni
Rafael ang album ni Gng. Prilukovna. Pitong taon kaming nagsama ni Martha
Petrovna na di ko iniwanan ni minsan. Tumira ako sa Vyazemekovo sa Sennaya
noon. Ngayon ay malamang na sasakay ako sa paglipad ng sasakyang-lobo kasama
si Berg.”
“O, sige. Ipahintulot ninyong itanong ko, malapit na ba kayong umalis
upang maglakbay?”
“Anong paglalakbay?”
“Iyong paglalakbay na sinabi ninyo kanina.”
“Biyahe? A, oo! May sinabi nga akong biyahe ... ngunit iyon ay malawak
na tanong ... A, kung alam lang ninyo ang inyong itinatanong!” dugtong niya na
biglang tumawa nang malakas at maikli. “Baka sa halip na paglalakbay ay mag-
asawa na lang ako. Inihahanda na nga ang pamamanhikan ko.”
“Dito?”
“Oo.”
“Buti’t nagka-oras kayo.”
“Ngunit nais ko sanang makipagkita kay Avdotia Romanovna kahit
minsan lang. Seryoso akong nakikiusap. O, hanggang sa muling pagkikita ... Ay,
may nalimutan pala ako! Iparating ninyo, Rodion Romanovich, sa inyong kapatid
na sa huling testamento ni Martha Petrovna ay iniwanan siya ng tatlong libong
rublo. Iyon ay totoo. Inihanda ito ni Martha Petrovna, isang linggo bago siya
mamatay. Naroroon ako nang kaniyang hilingin. Dalawa o tatlong linggo mula
ngayon ay matatanggap ni Avdotia Romanovna ang pera.”
“Totoo ba ang inyong sinasabi?”
“Totoo. Ipaalam ninyo. Ako naman, ang inyong lingkod, ay nakatira sa
di-kalayuan lamang mula rito.”
Muntik pang makabangga ni Svidrigailov si Razumikhin paglabas nito
sa pinto.
II

MAG-AALAS-OTSO NA ng gabi. Ang dalawa’y nagmamadali upang


makarating sa Bakaleyef nang mas maaga kaysa kay Luzhin.
“Sino ba iyon?” tanong ni Razumikhin paglabas nila sa kalsada.
“Iyon si Svidrigailov. Iyong panginoong maylupa kung saan naalipusta
ang aking kapatid nang siya’y namamasukan bilang mayordoma. Dahil sa
panliligaw niya kay Dunya ay pinalayas ng kaniyang asawang si Martha Petrovna
ang aking kapatid mula sa kanilang pamamahay. Makaraan iyon ay humingi ng
patawad si Martha Petrovna kay Dunya ngunit pagkatapos ay biglang namatay.
Siya ang pinag-usapan namin kanina. Hindi ko alam kung bakit ngunit labis ang
takot ko sa taong iyon. Dumating siya pagkalibing ng kaniyang asawa. Kakaiba
siya at mukhang may binabalak gawin ... parang mayroon siyang nalalaman ...
Kailangang ingatan si Dunya mula sa kaniya ... Iyon ang gusto ko sanang sabihin
sa iyo. Naririnig mo ba?”
“Ingatan! Ano ba ang masamang magagawa niya laban kay Avdotia
Romanovna? Pero salamat sa iyo, Rodya, at ganyan ang sinasabi mo sa akin ... Oo,
iingatan natin! Saan ba nakatira ‘yon?”
“Hindi ko alam.”
“Bakit di mo itinanong? Sayang! Di bale, malalaman ko!”
“Nakita mo ba siya?” tanong ni Raskolnikov matapos ang katahimikan.
308 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Oo, nakita ko. Tiningnan kong mabuti.”


“Nakita mong mabuti? Malinaw?” ulit ni Raskolnikov.
“Oo, malinaw kong natatandaan. Sa isang libo ay matutukoy ko siya.
Matandain ako sa mukha.”
Muli’y katahimikan.
“Hmm ... parang ...” bulong ni Raskolnikov. “Alam mo ... naisip ko ... sa
palagay ko ... baka pantasya lang ang lahat.”
“Ano bang sinasabi mo? Hindi kita maintindihan.”
“Lahat kayo ay nagsasabi,” tuloy ni Raskolnikov na ngiwi ang
pagkakangiti, “na nababaliw ako. Pakiramdam ko’y wala nga ako sa aking sarili at
guni-guni lang ang aking nakita.”
“Bakit ka ba ganyan?”
“Sinong nakaaalam? Baka nga talagang nasisiraan na ako at lahat ng mga
nangyari nitong nakaraang mga araw ay pawang sa isip lamang ...”
“A, Rodya, ginulo ka naman ulit! Ano ba ang sinabi niya? Ano ang pakay
niya?”
Hindi sumagot si Raskolnikov. Sandali namang tumahimik si
Razumikhin.
“Pakinggan mo ang aking sasabihin,” simula niya, “Nang puntahan kita
kanina ay tulog ka. Kumain kami at pumunta kay Porfiry. Naroroon pa si Zamyotov.
Gusto ko sanang buksan ang usapan pero walang nangyari. Hindi kami makapag-
usap nang matino. Hindi talaga sila makaintindi at ayaw umintindi pero hindi
naman naguguluhan. Dinala ko si Porfiry sa may bintana at doon kinausap ngunit
sa kung anong dahilan ay hindi rin ganoon ang kinalabasan. Pareho kaming
nakatingin sa kabilang direksyon. Sa huli ay inilapit ko sa kaniyang mukha ang
aking kamao at sinabing babasagin ko ang kaniyang mukha gaya ng isang kamag-
anak. Tumingin lang siya sa akin. Nagkibit-balikat na lang ako’t umalis. Iyon na
ang lahat. Kabobohan talaga. Wala akong sinabing anuman kay Zamyotov. Pero
‘kita mo, nagulo ko sila. At nang pababa na ako sa hagdan, bigla’y may naisip
akong magandang ideya. “Bakit ba kayo nagpapakahirap?” Kung nagkaroon man
ng panganib sa iyo roon o kung saan man. E, ano sa iyo iyon ngayon? Wala ka
nang kinalaman doon at huwag na natin silang pansinin. Kung ako sa iyo ay
lalo ko lamang silang pagtatakahin. Para lalo silang mapahiya pagkatapos! Sige,
magpakahirap sila at pahihirapan pa natin. Pero ngayo’y tumawa muna tayo!”
“Ganoon na nga!” sagot ni Raskolnikov. “At ano naman ang sasabihin mo
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 309

bukas?” sa sarili lang niya. Nagtataka siya’t kailanman ay hindi niya naisip kung
ano ang iisipin ni Razumikhin kung sakaling malaman niya. Tinitigan nitong
mabuti si Razumikhin. Hindi siya interesado ngayon sa kuwento ng kaibigan ukol
sa pagbisita nito kay Porfiry. Napakarami nang nadagdag at nangyari mula nang
magpunta sila roon.
Sa koridor ay nakita nila si Luzhin. Eksaktong alas-otso itong dumating
at hinahanap ang kuwarto kaya’t magkakasamang dumating ang tatlo na hindi
nag-uusap o nagbatian man lang. Naunang pumasok ang mga binata. Si Pyotr
Petrovich naman, bilang kabutihang-asal, ay bahagyang nagtagal sa may pasukan at
nag-alis ng amerikana. Agad na lumabas si Pulheria Aleksandrovna at sinalubong
siya sa pinto. Binati naman ni Dunya ang kapatid.
Pumasok si Pyotr Petrovich nang mapitagan at doble ang tikas na
nagbigay-pugay sa mga babae. Bagama’t mukha itong naalangan at hindi pa
nakababawi. Si Pulheria Aleksandrovna man ay di-magkandatuto na agad
pinaupo ang lahat sa bilog na mesa, kung saan kumukulo na ang samovar. Si
Dunya at Luzhin ay nakaupo sa magkabilang dulo ng lamesa. Kaharap naman
nina Raskolnikov at Razumikhin si Pulheria Aleksandrovna. Mas malapit si
Razumikhin kay Luzhin at si Raskolnikov nama’y sa kapatid.
Namayani ang sandaling katahimikan. Marahang hinugot ni Pyotr
Petrovich ang kaniyang panyong cambric na umalingasaw ang pabango at
bahagyang suminga, na bagama’t di naman ganoon kasagwa ay dala pa rin
ang pahiwatig na nasaktan ang kaniyang dignidad at nangangailangan siya ng
mabuting paliwanag. Kanina pa ay pumasok na sa isipan niya na huwag nang
alisin ang amerikana at umalis na bilang parusa sa dalawang babae nang sa ganoon
ay maramdaman ng lahat. Ngunit hindi siya tuluyang nakapagpasya nang ganoon,
isa pa’y tao siyang ayaw sa mga kalabuan. Samantala, dito’y kailangan nga ng
pagpapaliwanag. Kung ganito kalinaw ang paglabag sa kaniyang utos, ang ibig
sabihin ay may dahilan. Mas mabuti nang malaman ito agad. Lagi namang may
oras para magparusa at iyon ay nasa kaniyang mga kamay.
“Umaasa akong naging mabuti naman ang inyong paglalakbay,” sabi
nitong opisyoso at nakatingin kay Pulheria Aleksandrovna.
“Sa awa ng Diyos, Pyotr Petrovich.”
“Ikinatutuwa kong malaman. At hindi rin kayo napagod, Avdotia
Romanovna.”
“Ako ay bata pa at malakas, hindi ako mapapagod. Ngunit hirap na hirap
310 FEODOR DOSTOYEVSKY

si Mama,” sagot ni Dunechka.


“Wala tayong magagawa, napakahaba ng ating mga pambansang kalsada.
Malawak ang tinatawag nating Inang Rasya ... Ako naman, sa kabila ng aking
kagustuhan, ay hindi makapagmadaling kayo’y salubungin. Gayumpaman, umaasa
akong wala namang naging gaanong hirap.”
“O, hindi, Pyotr Petrovich. Kami’y labis na pinanghinaan ng loob,” may
natatanging intonasyong mabilis na pahayag ni Pulheria Aleksandrovna, “At
kung hindi lang mismong Diyos siguro ang nagpadala kay Dmitri Prokofich ay
tuluyan na kaming napariwara. Hayan siya, si Dmitri Prokofich,” dugtong niyang
ipinakikilala si Razumikhin.
“Hindi nga ba ... kahapon ay nagkakilala na kami,” bulong ni Luzhin na
may pagkainis na tiningnan sa sulok ng mga mata si Razumikhin. Pagkatapos nito
ay kumunot-noo siya at tumahimik. Sa kabuuan ay kabilang si Pyotr Petrovich
sa mga taong napakagiliw sa mga sosyal na pagtitipon. Ito’y bagay na sadyang
sinisikap niyang gawin. Ngunit kaunti lang na maalangan ay wala na rin ang lahat
ng katangian at nagmumukhang supot na lang ng arina kaysa masasaya at buhay na
buhay na grupong mga kabalyero. Muli ay tumahimik ang lahat. Hindi umiimik si
Raskolnikov. Ayaw namang basagin ni Avdotia Romanovna nang ganoon na lang
ang katahimikan. Wala namang dapat sabihin si Razumikhin. Muli’y nag-alala si
Pulheria Aleksandrovna.
“Si Martha Petrovna ay patay na. Narinig na ba ninyo?” simula niyang
gamit ang kaniyang pangunahing balita.
“Oo naman. Agad itong ipinaalam sa akin at naparito rin ako upang
ipaalam sa inyo na si Arkadii Ivanovich Svidrigailov, pagkatapos na pagkatapos ng
libing, ay nagmamadaling pumarito sa St. Petersburg. Iyan ang pinakadetalye ng
impormasyong napag-alaman ko.”
“Sa St. Petersburg? Dito?” may pangambang tanong ni Dunya na
napasulyap sa ina.
“Ganoon na nga at siyempre pa, may pakay iyon at di basta na lang pupunta
rito. Lalo na’t papansinin ang kaniyang pagmamadali at ang mga pangyayari.”
“Panginoon! Talaga bang hindi niya patatahimikin si Dunya?” bunghalit
ni Pulheria Aleksandrovna.
“Sa palagay ko’y wala naman kayong dapat o maging si Avdotia
Romanovna na lubos ikabahala kung hindi ninyo nanaising kusa na makipagkita
sa kaniya at iwasan ang anumang pakikipag-ugnayan sa kaniya. Ako naman ay
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 311

sumusubaybay at ngayo’y inaalam ko ang kaniyang tirahan dito.”


“O, Pyotr Petrovich, hindi ninyo aakalain kung gaano ninyo ako natakot!”
tuloy ni Pulheria Aleksandrovna. Dalawang beses ko lang nakita ang taong iyon
at sa tingin ko’y nakatatakot siya, nakatatakot! Naniniwala akong siya ang dahilan
ng kamatayan ng namayapang Martha Petrovna.”
“Hindi natin matitiyak ang tungkol diyan. Isa pa’y mayroon akong tiyak
na kaalaman. Hindi ko itinatanggi na posibleng pinabilis na lang niya ang takbo
ng pangyayari dala ng pananakit ng damdamin. Ngunit kung tungkol sa moral
na angulo ng pagdadala ng sarili at ugali niya ay sang-ayon ako sa inyo. Hindi
ko alam kung mayaman na siya ngayon at kung ano ang ipinamana sa kaniya ni
Martha Petrovna. Iyon ay malalaman ko sa lalong madaling panahon. Nakatitiyak
akong kung narito siya sa St. Petersburg at may kaunting pera ay agad na niyang
gagawin ang dating gawi. Siya na ang pinakabaluktot at lunod sa kasalanang-
uri ng tao! May sapat akong batayan upang ipagpalagay na ang kaawa-awang si
Martha Petrovna, na sa kamalasan ay umibig sa kaniya, na tumubos sa kaniyang
pagkakautang, walong taon na ang nakararaan, ay sinuklian lamang niya ng
pighati. Si Arkady Ivanovich ang dahilan ng kaniyang mabilis na pagtanda. Sa
simula pa lang ay nagsilbi na siyang biktima ng karumal-dumal na krimen at di-
lubos maisip na pagsikil sa kaluluwa. Iyon lang ay sapat na upang ipatapon siya sa
Siberia. Ganyang klaseng tao siya kung gusto ninyong malaman.”
“O, Diyos ko!” anas ni Pulheria Aleksandrovna. Matamang nakikinig si
Raskolnikov.
“Totoo ba ang sinabi ninyo na mayroon kayong tiyak na kaalaman
tungkol doon?”seryoso at mariing tanong ni Dunya.
“Ang binabanggit ko lang ay ang mismong lihim na sinabi sa akin ng
namayapang si Martha Petrovna. Masasabing sa mata ng batas, ito ay madilim na
usapin. Dati’y may naninirahan ditong isang dayuhan, ang apelyido ay Resslich.
Dito pa rin yata siya nakatira hanggang ngayon. Siya ay maliit na nakikipanubo at
may iba pang pinagkakakitaan. Sa babaeng Resslich na iyon ay malapit na malapit
at may lihim na relasyon si G. Svidrigailov. Nakitira sa kaniya ang isang malayong
kamag-anak, na pipi at bingi, at ang edad ay labinlima o labing-apat na taong gulang
yata. Kinamumuhian nang labis ni Resslich ang batang iyon at pinagagalitan sa
munting kibot lang. Walang-awa, halos di-makatao ang pananakit niya rito. Isang
araw ay natagpuang nakabigti ang bata sa kisame. Lumitaw sa imbestigasyon na
siya’y nagpatiwakal. Makaraan ang karaniwang proseso ng pag-uusisa ay isinara
312 FEODOR DOSTOYEVSKY

na ang kaso. Ngunit may lumitaw na ulat na ang bata ay ... labis na nilapastangan
ni Svidrigailov. Totoo na malabo ang lahat dahil ang ulat ay galing din sa isa
pang babaeng Aleman na bulgar at hindi mapagkakatiwalaan. Kaya’t sa buod ay
wala ring lumitaw na ulat. Salamat sa pagsusumikap at salapi ni Martha Petrovna.
Lahat ay hanggang tsismis na lamang. Gayumpaman, maraming ibig sabihin ang
mga balitang iyon. Siyempre, Avdotia Romanovna, narinig ninyo rin ang istorya
ukol kay Philip, na namatay sa pagmamaltrato, anim na taon na ang nakalilipas,
noong panahon pa ng pang-aalipin.”
“Ang narinig ko ay kusang nagbigti ang Philip na iyon.”
“Ganoon na nga ngunit siya’y pinilit o maaaring sabihin na itinulak
siya sa sapilitang kamatayan ng walang-tigil na pagtugis at pag-alipusta ni G.
Svidrigailov.
“Hindi ko alam iyan,” tuyot ang sagot ni Dunya, “Narinig ko lang ang
kakaibang kuwento. Si Philip daw ay malungkutin, namimilosopiya, sabi ng mga
tao’y nasisiraan ng bait, at nagpakamatay siya hindi dala ng pagkutya o pananakit
ni G. Svidrigailov. Nakikita ko naman na mapitagan siya sa mga tao. Minahal pa
nga siya ng mga tao kahit sinisisi siya sa pagkamatay ni Philip.”
“Napupuna ko, Avdotia Romanovna, na bigla’y mas kinikilingan ninyo
ngayon ang pagwawalang-sala sa kaniya,” puna ni Luzhin at makahulugan ang
kaniyang ngiti. “Tunay ngang siya’y taong tuso at madaling paniwalaan ng mga
babae. Ang nakaiiyak na halimbawa ay si Martha Petrovna na kahina-hinala ang
pagkamatay. Gusto ko lamang kayo at ng inyong Mama na mapaalalahanan ukol
sa posibleng layon at binabalak gawin ng taong iyon. At sa aking pananaw naman
ay matibay ang paniniwala kong walang-kaduda-duda na lulubog siyang muli sa
utang. Kailanman ay hindi binalak ni Martha Petrovna na siya’y pagkatiwalaan
sa anuman, lalo na’t inaalala niya ang kinabukasan ng mga anak. Kung may
iiwan man sa kaniya ay ang pinakakailangan lamang, mumurahin, at panandalian
lamang, bagay na hindi aabot nang kahit isang taon man lang sa gaya niya.”
“Pyotr Petrovich, nakikiusap ako,” sabi ni Dunya, “Huwag na nating pag-
usapan pa si G. Svidrigailov at ako’y labis na nabibigatan.”
“Pinuntahan niya ako ngayon-ngayon lang,” biglang sinabi ni Raskolnikov
na nagsalita sa unang pagkakataon. Lahat ay napamaang at tumingin sa kaniya,
maging si Pyotr Petrovich ay kinabahan.
“Isa’t kalahating oras na siguro ang nagdaan nang ako’y natutulog,
pumasok siya, ginising ako, at nagpakilala,” patuloy ni Raskolnikov. “Malaya siyang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 313

nagsalita, mukhang masaya, at lubos na naniniwalang kami’y magkakasundo.


Siya nga pala, marubdob ang kaniyang pakiusap na makipagkita sa iyo, Dunya.
Nakiusap din siya na ako’y maging tagapamagitan sa pagkikitang iyon. Mayroon
siyang iniaalok sa iyo na ipinaalam niya sa akin. Liban pa riyan ay positibo
niyang ipinagbigay-alam na isang linggo bago mamatay si Martha Petrovna ay
iniwanan ka niya ng mana sa halagang tatlong libong rublo. Ang mga perang ito
ay matatanggap mo sa lalong madaling panahon.”
“Papuri sa Diyos!” sigaw ni Pulheria Aleksandrovna at nagkrus.
“Ipanalangin mo siya, Dunya, ipanalangin mo!”
“Totoo nga iyon,” napapalatak si Luzhin.
“Ano pa?” nagmamadali si Dunya.
“Sinabi pa niya na siya’y hindi mayaman at lahat ng pag-aari ay mapupunta
sa mga bata na ngayo’y nasa tiyahin. Sabi rin niya na tumutuloy siya di-kalayuan
mula sa akin. Kung saan ay hindi ko alam at di ko na tinanong ...”
“At ano naman ang gusto niyang ialok kay Dunya?” tanong ng hintakot
na si Pulheria Aleksandrovna. “Sinabi ba niya sa iyo?”
“Oo, sinabi.”
“Ano nga?”
“Saka ko na sasabihin,” tumahimik si Raskolnikov at hinarap ang tsaa.
Hinugot ni Pyotr Petrovich ang kaniyang relo at tiningnan ito.
“Kailangan ko nang umalis, may aasikasuhin pa ako at nang sa gayo’y
hindi na ako makaabala,” dagdag niyang may anghang at tumayo na sa kinauupuan.
“Dumito muna kayo, Pyotr Petrovich,” sabi ni Dunya. “Di ba’t inilaan
ninyo ang gabing ito para rito. Isa pa’y isinulat ninyo mismo na may ipaliliwanag
kayo kay Mama.”
“Ganoon nga, Avdotia Romanovna,” mariing sabi ni Pyotr Petrovich na
muling umupo ngunit hawak pa rin sa kamay ang sumbrero. “Nais ko talagang
may ipaliwanag sa inyo at sa iginagalang na inyong ina tungkol sa napakahalagang
bagay. Ngunit dahil sa ang inyong kapatid ay ayaw magpaliwanag sa aking pandinig
ukol sa ilang alok ni G. Svidrigailov ay hindi ko na rin nais na magpaliwanag pa
tungkol sa ilang ... napakahalagang bagay. Isa pa’y hindi natupad ang isa kong
napakahalaga at matapat na pakiusap ...” mapait ang anyo ni Luzhin at tumahimik
nang buong dignidad.
“Ang inyong kahilingan na sa ating pagkikita ay wala dapat ang aking
kapatid ay hindi natupad dahil sa aking pagpipilit,” sabi ni Dunya. “Sinulat ninyo
314 FEODOR DOSTOYEVSKY

na diumano’y pinahiya kayo ng aking kapatid. Sa tingin ko, ito’y dapat agad
malinawan at nang kayo’y magkasundo. At kung talagang ipinahiya kayo ni Rodya
ay dapat lang na siya’y humingi ng paumanhin sa inyo.”
Agad na itinigas ni Pyotr Petrovich ang posisyon.
“Avdotia Romanovna, may ilang pagpapahiya na anumang buti ng
hangaring maisantabi ay hindi pa rin maaaring kalimutan. Lagi nang may
hangganang guhit na mapanganib kung lalampasan. Dahil minsang marating mo
ay hindi ka na makababalik.”
“Hindi iyan ang sinasabi ko sa inyo,” may kawalan ng timping putol ni
Dunya, “Unawain ninyo sanang mabuti na ang buong kinabukasan natin ngayon ay
depende kung magkakaliwanagan at maaayos ang lahat ng ito sa lalong madaling
panahon o hindi. Agad ko nang sinasabi una pa man na hindi ko ito matitiis.
At kung ako’y pinahahalagahan ninyo, kahit kaunti, ay dapat nang matapos ang
usaping ito ngayon din. Inuulit ko, kung maysala ang aking kapatid ay hihingi siya
ng paumanhin.”
“Nagtataka ako kung bakit ganyan ninyo inilalagay ang tanong, Avdotia
Romanovna,” painit nang painit si Luzhin, “Pinahahalagahan at minamahal ko
man kayo ay maaaring hindi ko ibigin sinuman sa inyong kasambahay. Hangad
ko man ang kaligayahan at inyong kamay ay hindi ko na kargo ang di-sumasang-
ayon ...”
“A, alisin na muna ninyo ang pagkamaramdamin, Pyotr Petrovich,”
emosyonal na sagot ni Dunya, “Sana’y maging matalino at mapitagan kayong
tulad ng aking pagkakilala sa inyo. Napakalaki ng ipinangako ko sa inyo at ako ay
ang inyong kasintahan. Pagtiwalaan ninyo ako sa bagay na ito at makikita ninyong
nasa akin ang kakayahang timbangin ang lahat nang walang-kinakatigan. Kung
ang pagganap ko ngayon sa papel ng isang huwes ay sorpresa sa inyo, ito ay ganito
rin para sa aking kapatid. Nang siya ay aking imbitahan ngayon na pumunta rito
para sa ating pagkikita-kita, makaraan ang inyong sulat, ay wala akong sinabi
sa kaniyang anuman tungkol sa aking binabalak. Unawain ninyo na kung hindi
kayo magkakasundo ay mapipilitan akong mamili ng isa sa inyong dalawa: kayo o
siya. Ganyan ang katanungan sa panig ninyo at niya. Ayaw ko at hindi ako dapat
magkamali sa pagpasya. Alang-alang sa inyo ay kailangan kong makipagkalas sa
aking kapatid o alang-alang sa aking kapatid ay kailangan kong makipagkalas sa
inyo. Ito ang nais ko at maaari kong malaman ngayon: kapatid ko pa ba siya o kayo
pa ba ang mapangangasawa ko? Mahal ba ninyo ako at pinahahalagahan?”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 315

“Avdotia Romanovna,” may hinanakit ang tinig ni Luzhin,


“Napakamakahulugan ng inyong mga sinabi para sa akin. Sa katunayan ay masakit
kung isasaalang-alang ang aking katayuan na pinalad na inyong makaugnayan.
Kahit huwag nang banggitin ang nakasasama ng loob at nakapagtatakang
paghahambing ninyo sa akin sa isang batang impertinente. Ang masaklap ay
maaari ninyong pahintulutan na masira ang inyong pangako sa akin. Ang sabi
ninyo’y ‘kayo o siya?’ Ipinakikita ninyo kung gaano kababa ang pagpapahalaga
ninyo sa akin ... hindi ko mapapayagan ang gayon sa uri ng ating relasyon at ...
obligasyon sa bawat isa.”
“Ano?” sumiklab si Dunya, “Inihahanay ko ang inyong interes katabi ng
mula’t mula pa’y mahalaga na sa buong buhay ko, na lagi nang bumubuo sa tanang
buhay ko, at kayo’y nasasaktan dahil binibigyan ko kayo, wika ninyo, ng kaunting
pagpapahalaga?”
Walang-imik si Raskolnikov. Makamandag ang kaniyang mga ngiti.
Hindi mapakali si Razumikhin. Samantala’y hindi tinanggap ni Luzhin ang
protesta. Sa halip ay lalo siyang nag-iinit at nagwawala na parang nasisiyahan.
“Ang pag-ibig sa magiging katuwang sa buhay, sa asawa ay mas mahalaga
kaysa pag-ibig sa kapatid,” bigkas nitong tila nagpapataw ng kahatulan. “At sa ano’t
anuman ay hindi ako makapapayag na ako’y ipinapantay lang sa ... Bagama’t sinabi
ko na ayaw kong makasama ang inyong kapatid at di ako magpapaliwanag sa
kaniyang harapan. Ngunit ngayo’y nais ko sanang bigyan ang inyong iginagalang
na Mama ng karampatang paliwanag ukol sa isang napakahalaga at masaklap
na punto para sa akin.” At winika niya kay Pulheria Aleksandrovna, “Labis na
sinaktan ang aking damdamin ng inyong anak sa pamamagitan ng pagbaluktot ng
aking ideya na ipinaalam ko noon sa inyo habang umiinom tayo ng kape. Sinabi
ko na ang pagpapakasal sa isang dukhang babae, na nagdanas na ng kapaitan sa
buhay, ay mas mabuti sa buhay may-asawa kaysa babaeng pulos kaginhawahan
ang pinagdaanan dahil ito’y nakabubuti sa puso’t kalooban. Masyadong pinalabo
ng inyong anak ang kahulugan ng aking sinabi sa walang-katuturang layon, na
nagpapakitang may masama akong balak. Sa tingin ko ay ibinatay niya ang ganoong
haka sa mga isinulat ninyo sa kaniya. Magiging maligaya ako kung kayo, Pulheria
Aleksandrovna, ay makapagpapatunay sa kabaligtaran ng mga pangyayari. Ang
gayon ay sadyang makapagpapatahimik ng aking kalooban. Maaari bang sabihin
ninyo sa akin kung papaano ang pagkakabalita ninyo ng aking salita sa inyong
sulat kay Rodion Romanovich?”
316 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Hindi ko na matandaan,” sagot ni Pulheria Aleksandrovna, “Ibinalita ko


lang kung papaano ko naintindihan. Hindi ko na alam kung papaano ko ipinaalam
sa iyo, Rodya ... Baka naman mayroon siyang pinalalaki.”
“Wala siyang palalakihin kung wala kayong pinahiwatig.”
“Pyotr Petrovich,” marangal ang pagbigkas ni Pulheria Aleksandrovna,
“Ang katunayan na hindi namin tiningnan ang inyong sinabi sa napakapangit na
kahulugan ay ang katotohanang kami ngayon ay naririto!”
“Tama kayo, Mama,” pagsang-ayon ni Dunya.
“Kung ganoon ay ako ang may kasalanan!” may hinanakit si Luzhin.
“Pyotr Petrovich, kanina pa ninyo sinisisi si Rodion. Samantalang kayo
mismo’y sumulat nang di-totoo tungkol sa kaniya,” dagdag ng nagkalakas-loob na
si Pulheria Aleksandrovna.
“Hindi ko maalala na mayroon akong isinulat na hindi totoo.”
“Isinulat ninyo,” matalim ang tinig ni Raskolnikov na hindi lumilingon
kay Luzhin, “na kahapon ay ibinigay ko ang pera, hindi sa nabiyuda, tulad ng tunay
na nangyari, kundi sa kaniyang anak na babae (na kahapon ko pa lamang nakita
sa aking tanang buhay). Isinulat ninyo ang ganoon upang siraan ako sa aking mga
mahal sa buhay at idinugtong pa ninyo sa malaswang pananalitang tumutukoy sa
kilos ng dalaga na hindi naman ninyo kakilala. Lahat ng iyon ay kasinungalingan
at kababaang-asal.”
“Ipagpaumanhin ninyo, Ginoo,” nanginginig sa galit na sumagot si
Luzhin, “Nagsulat ako sa aking liham tungkol sa inyong mga katangian at gawi
bilang pagsunod lamang sa pakiusap ng inyong kapatid at ina na ang mga ito’y
ilarawan sa kanila, kung papaano kayo nang aking makita at kung ano ang
impresyong ibinigay ninyo sa akin. At kung anuman ang ipinahiwatig ko sa
aking sulat ay tingnan ninyo kung kayo’y makakakita ni isang guhit ng kawalang-
katarungan. Hindi ba ninyo ginasta ang inyong pera sa mag-anak na iyon?
Bagama’t sawimpalad, walang naroroon ang higit na di-kagalang-galang.”
“Sa palagay ko, kayo, sa kabila ng inyong mga kagalingan, ay hindi
singhalaga ng kahit hinliliit man lamang ng kawawang babaeng iyon na inyong
pinupukulan ng bato.”
“Kung kaya’t ipinasya ninyong ihalubilo na siyang kasama ng inyong ina
at kapatid?”
“Ginawa ko na iyan kung nais ninyong malaman. Kanina ay pinaupo ko
siya sa tabi ng Mama at ni Dunya.”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 317

“Rodya!” napasigaw si Pulheria Aleksandrovna. Namula si Dunya.


Gumalaw ang mga kilay ni Razumikhin. Mapagmataas naman at makamandag
ang ngiti ni Luzhin.
“Ngayon ay kayo na mismo ang nakasasaksi, Avdotia Romanovna. Maaari
pa ba ang pagkakasundo rito?” sabi ni Luzhin. “Umaasa ako na ang usaping ito ay
tapos na at naliwanagan na nang husto at sarado na. Ako nama’y aalis na upang di-
magambala ang pagkikita ng mag-anak at pag-uusap ng mga lihim.” Tumayo na
siya’t kinuha ang sumbrero, “At sa aking paglabas ay nais kong banggitin na sana’y
malibre na ako sa mga ganitong pagkikita at mga, wika nga’y, kompromiso. Lalo
na kayo, iginagalang kong Pulheria Aleksandrovna, ay pinakikiusapan kong muli
sa bagay ring ito, lalo na’t sa inyo nakapangalan ang sulat at hindi kaninuman.”
Bahagyang nasaktan ang damdamin ni Pulheria Aleksandrovna.
“Bakit masyado ninyo naman kaming ipinaiilalim sa inyong
kapangyarihan, Pyotr Petrovich? Sinabi na sa inyo ni Dunya ang kaniyang dahilan
kung bakit hindi natupad ang inyong kahilingan at mayroon siyang mabuting
dahilan. Kung magsulat kayo sa akin ay malinaw na kayo’y nag-uutos. Bawat
kahilingan ba ninyo’y dapat naming ituring na utos? Ito ang masasabi ko sa inyo.
Magmula ngayon ay maging marahan kayo at mapagpakumbaba dahil ang lahat
ay iniwan namin at pumunta rito na nagtitiwala sa inyo. Dahil doon pa lang ay
nagpasakop na kami sa inyo.”
“Iyan ay di-gaanong makatuwiran, Pulheria Aleksandrovna, lalo na
sa puntong ito na naibalita na ang ukol sa tatlong libong rublong pamana ni
Martha Petrovna, na marahil ay siyang dahilan at nag-iba na ang tono ng inyong
pakikipag-usap sa akin,” matalim nitong dagdag.
“Batay sa puna ninyong iyan ay talagang maipagpapalagay na sadyang
umasa kayo sa aming kawalan ng makakapitan,” galit na sabi ni Dunya.
“Ngunit ngayon, kaunti ma’y hindi ko na iyon maaasahan at lalong
ayaw kong makaabala sa pagbabalita ng lihim na alok ni Arkady Ivanovich, na
ipinagkatiwala sa inyong kapatid. Sa tingin ko’y may malaki, at malamang, ay
matamis na kahulugan ito para sa inyo.”
“Ay, Panginoong Diyos!” bunghalit ni Pulheria Aleksandrovna.
Hindi mapakali sa pagkakaupo si Razumikhin.
“Hindi ka ba nahihiya ngayon, Dunya?” tanong ni Raskolnikov sa kapatid.
“Nahihiya ako, Rodya,” sabi ni Dunya, “Pyotr Petrovich, lumayas na
kayo!” bigkas niyang namumutla sa galit.
318 FEODOR DOSTOYEVSKY

Hinding-hindi inakala ni Pyotr Petrovich ang ganoong katapusan. Labis


ang tiwala nito sa sarili, sa kaniyang kapangyarihan, at sa kawalang-masisilungan
ng kaniyang biktima. Hindi siya halos makapaniwala sa narinig. Namutla siya at
nanginig ang mga labi.
“Avdotia Romanovna, pag lumabas ako sa pintong ito ay dapat ninyong
malaman na hindi na ako babalik kailanman. Mag-isip kayong mabuti. Hindi
mapapakli ang aking sinabi.”
“Ang lakas ng loob ninyo!” sigaw ni Dunya na napatayo sa kinauupuan,
“At ayaw ko nang magbalik pa kayo!”
“Ano! Ganoon pala, ha!” sagot ni Luzhin na hanggang sa huling saglit
ay di pa rin makapaniwala na humantong na sa ganito kaya’t di-malaman ang
sasabihing, “Ganoon, ha!” “Ngunit alam ninyo, Avdotia Romanovna, na maaari
akong magprotesta ...”
“Anong karapatan ninyong kausapin siya nang ganyan!” mainit na
nagsalita si Pulheria Aleksandrovna. “Ano naman ang irereklamo ninyo? Anong
karapatan ninyo? Sa palagay ba ninyo’y maibibigay ko pa sa isang gaya ninyo si
Dunya? Lumayas kayo! Iwan na ninyo kami nang tuluyan! Kasalanan namin kung
bakit sumang-ayon sa isang di-matapat na gawain, ngunit higit sa lahat, ako ang
...”
“Pero, Pulheria Aleksandrovna,” galit na galit si Luzhin, “Ako ay pinaasa
ninyo ng inyong pangako na ngayon ay inyong wina-walang-halaga ... at ... at
dahil dito’y nagkagastos ako ...”
Ang huling pagkukunwaring iyon ay tuluyan nang nagpalitaw sa ugali ni
Pyotr Petrovich. Si Raskolnikov na namumutla na rin sa galit at sa pagtatangkang
pigilin ang sarili ay biglang napatawa nang malakas. Ngunit si Pulheria
Aleksandrovna ay di-nakapagpigil.
“Gastos? Anong gastos? Huwag ninyong sabihing tinutukoy ninyo ang
aming maleta? Aba’y pinalibre lang iyon ng konduktor. At, Panginoon, paano ka
namin itinali! Mahimasmasan kayo, Pyotr Petrovich, kayo ang nagtali sa amin sa
paa at kamay at hindi kami sa iyo!”
“Tama na, Mama, pakiusap lang, tama na!” paninikluhod ni Dunya,
“Pyotr Petrovich, utang-na-loob, umalis na kayo!”
“Aalis na ako ngunit ito ang sasabihin ko!” sabi nitong di na kontrol ang
sarili, “Tuluyan na yatang nalimutan ng inyong ina na nagpasya akong ibangon
kayo pagkatapos ng ugong-ugong sa buong bayan tungkol sa inyong reputasyon.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 319

Winalang-halaga ko ang opinyon ng maraming tao at likas lamang na aasa ako


at talagang maaaring umasa sa inyong pagganti ng utang-na-loob. Maaari ko
pang hingin ang inyong ganting pasasalamat ... Ngunit ngayon lang nabuksan ang
aking mga mata! Nakikita ko na, malamang, ay nagkamali ako nang ginawa at di-
pinansin ang opinyon ng mga tao ...”
“Akala yata nito’y dalawa ang ulo niya!” sigaw ni Razumikhin na napatayo
sa upuan at handa nang basagin ang “isang” ulo.
“Isa kang mababa at masamang tao!” sabi ni Dunya.
“Huwag ka nang magsalita at gumawa ng anuman!” sabi ni Raskolnikov
na pinigilan si Razumikhin. Lumapit siya kay Luzhin, tutok na tutok.
“U-m-a-l-i-s na kayo!” tahimik at madalang niyang bigkas, “At huwag
nang magsalita kundi ay ...”
Namumutla at napangingiwi sa galit ang mukha ni Raskolnikov, na
tinitigan ng ilang sandali ni Pyotr Petrovich. Pagkatapos ay tumalikod na si Pyotr
Petrovich, lumabas, at sa puso’y poot na poot kay Raskolnikov. Siya at tanging siya
lang ang sinisisi niya sa lahat ng nangyari. Ngunit nang siya’y pababa na sa hagdan
ay pumasok sa kaniyang isip na baka hindi pa lubos na talo ang lahat sa kasong ito
at tungkol sa mga babae ay puwedeng-puwede pang ayusin.
III

PANGUNAHIN SA LAHAT ang pangyayaring hanggang sa huling sandali


ay hinding-hindi niya inakala ang ganoong pagtatapos. Namamayagpag siya
hanggang sa huli at hindi man lang ipinagpalagay ang posibilidad na ang
dalawang abang-aba at walan-sanggalang na babae ay makawawala pa mula sa
kaniyang kapangyarihan. Idinulot ang paniniwalang ito ng labis na tiwala sa sarili
at kapalaluan na mas tamang tawaging pag-ibig sa sarili. Galing sa kahirapan si
Pyotr Petrovich, sakit na niya ang humanga sa sarili, mataas ang pagtaya niya sa
sariling karunungan at kakayahan, at kung minsan, kapag nag-iisa ay nakikisigan
sa sariling matagal na nakaharap sa salamin. Ngunit ang pinakamamahal niya sa
buong daigdig ay ang perang pinaghirapan niya at nakuha sa iba’t ibang paraan.
Ang mga perang ito’y katumbas, para sa kaniya, ng lahat ng nakatataas sa sarili.
Nang ipaalala niya kanina nang buong kapaitan kay Dunya na siya’y
kaniyang kinuha kahit masama ang sinasabi sa tungkol sa kaniya ng tao ay
matapat ang kaniyang pagsasalita at nakararamdam ng malalim na sama-ng-
loob dahil sa ganoong “maitim na pasasalamat.” Kasabay nito, nang alukin niya
si Dunya ay lubos ang kaniyang paniniwala sa kalokohan ng lahat ng mga balita’t
paninirang-puring ito na pinabulaanan na ni Martha Petrovna mismo sa buong
bayan. Matagal na ring napawalang-sala si Dunya sa mata ng mga tao. Pero kung
sakali’y hindi siya magtatapat na ang lahat ng ito ay noon pa niya alam. Gayundin
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 321

ay mataas pa rin ang pagtaya niya sa desisyong iangat si Dunya at itinuturing niya
itong kabayanihan. Nang banggitin niya ang mga kaisipang ito kay Dunya ay
inilahad na rin niya ang lihim na ideyang inalagaan na di-miminsang hinangaan.
Hindi niya maunawaan kung bakit ang iba’y hindi namamangha sa kaniyang
kabayanihan. Noong dalawin niya si Raskolnikov ay dumating siyang ang
pakiramdam ay isa siyang nagpapakabayaning handa na ring pitasin ang bunga
ng kaniyang “kabutihang-loob” at makinig ng lahat ng matatamis na papuri. At
ngayon nga habang papababa siya sa hagdan ay dama niya ang matinding kaapihan
at di-makatarungang pagkilala.
Kailangan niya si Dunya. Hindi niya lubos-maisip kung paano iwanan
ang dalaga. Matagal na, ilang taon na ring pinapangarap niya nang buong tamis
ang kasalang ito, ngunit naghintay siya at nag-ipon. Taimtim at lihim talaga
niyang dalangin ang isang butihin at mahirap na dalaga (kailangan ay mahirap
talaga), batang-bata, magandang-maganda sa mukha at pag-uugali, nakapag-aral,
takot na takot, maraming dinanas na pasakit sa buhay, lubusang nagpapakumbaba
sa kaniyang harapan, kikilalanin siyang tagapagligtas, magmamahal sa kaniya,
susunod at mamamangha sa kaniya, at tanging sa kaniya lamang. Sa kaniyang
imahinasyon ay nakabakat ang ilang mga eksena at matatamis na tagpo ukol sa
nakawiwili at masayang temang ito na kaniyang nilalasap tuwing nagpapahinga
mula sa mga gawain! At malapit na ngang matupad ang maraming taon niyang
pangangarap. Pinahanga siya ng ganda at talino ni Avdotia Romanovna. Ang labis
na paghihikahos niya’y nagpasikdo nang sagad sa kaniyang puso. Nakita pa niya
ang ilang bagay na higit pa sa kaniyang pangarap. Lumilitaw ang isang dalagang
may maipagmamalaki, malakas ang personalidad, mabait, butihin ang puso, at
ramdam niyang ang dalaga’y may mas matalino, at maunlad na kaisipan kaysa
kaniya. Ganoong nilalang ang buong buhay na magpapaalipin at magpapasalamat
sa kaniyang pagpapakabayani at kusang-loob na magpapawasak sa kaniyang
harapan! Siya nama’y lubos at walang-katapusang mamamanginoon. Parang
sinasadya, di-katagalan, matapos ang paghihintay at pangangarap, at tuluyan na
siyang nagbago ng trabaho, at sinimulan ang mas malawak na gawain. Dahan-
dahan ay lumilipat siya sa mataas na lipunang matagal na rin niyang marubdob
na hangad. Ipinasya na nga niyang subukan ang St. Petersburg. Alam niya na sa
pamamagitan ng mga babae ay maaaring maraming maabot. Ang alindog ng isang
maganda, mabait, at matalinong babae’y tunay na makabubuti’t makapagpapagaan
sa kaniyang landas, makakakuha ng pansin ng iba, makalilikha ng awra ... ngunit
322 FEODOR DOSTOYEVSKY

ang lahat nga ay bumagsak! Ang biglaan at pangit na paghihiwalay kanina ay


tumimo sa kaniyang ulong tila tinamaan ng kulog. Para itong napakasamang
biro’t malaking kalokohan! Nagtigas-tigasan lang siya nang kaunti, hindi nga siya
masyadong nakapagsalita, nagbiro nang kaunti, natangay, at natapos nang ganoon
kaseryoso! Sa huli’y mahal din niya si Dunya sa kaniyang sariling paraan. At sa
kaniyang panaginip ay ipinailalim na niya ito sa kaniyang kapangyarihan, ngunit
bigla’y ... hindi! Bukas na bukas din ay dapat muling bawiin, gamitin, ayusin, at
higit sa lahat ay ... durugin ang matigas ang ulo’t dumededeng bata, na siyang
naging sanhi ng lahat. Naalala rin niyang may sama-ng-loob si Razumikhin kahit
di-sinasadya. Ilang sandali pa’y naging kalmado na siya. Sino ba sila upang itabi sa
kaniya? Sino ba talaga ang talagang kinatatakutan niya? Kung mayroon man ay si
Svidrigailov ... Sa ibang salita ay marami pa siyang dapat gawin...
“Ako, ako ang higit na dapat sisihin!” sabi ni Dunya na yumakap at
humalik sa ina. “Ako ang natukso sa kaniyang pera ngunit isinusumpa ko, Rodya,
hindi ko akalain na ganoon siya kahindi nararapat. Kung agad ko lang siyang
nakilalang mabuti ay di na sana ako natukso. Huwag mo na sana akong sisihin,
kapatid ko!”
“Iniligtas tayo ng Diyos! Iniligtas tayo ng Diyos!” bulong ni Pulheria
Aleksandrovna na tila wala pa rin sa sarili at parang di pa lubusang nauunawaan
ang mga nangyari.
Makaraan lang ang ilang sandali’y nakahinga na nang maluwag ang lahat.
Limang minuto pa’y nagtatawanan na sila. Ngunit magkaminsa’y namumutla
si Dunya at napakukunot-noo sa tuwing maaalala ang nangyari. Hindi sumagi
sa isip ni Pulheria Aleksandrovna na siya ma’y matutuwa. Kaninang umaga’y
disgrasya ang palagay niya kung makikipagsira kay Luzhin. Samantala’y maligaya
si Razumikhin. Hindi pa niya lubos na naipahahayag ngunit halos nanginginig ang
kaniyang laman na parang nilalagnat, parang naalisan siya ng mabigat na dagan
sa dibdib. Ngayon ay may karapatan na siyang paglingkuran sila habambuhay
... Ano ba ang imposible ngayon? May kaba sa dibdib na iginala pa niya ang
imahinasyon sa hinaharap, ngunit di na naglakas-loob pang ito ay ituloy. Tanging
si Raskolnikov lamang ang nanatiling nakaupo sa kinaroroonan, malungkot at
kalat ang isip. Kanina’y siya ang pinakamapilit sa pagpapalayas kay Luzhin ngunit
ngayo’y parang wala siyang pakialam sa nangyari. Naisip tuloy ni Dunya na baka
galit pa sa kaniya ang kapatid. May kaba sa dibdib na tiningnan siya ni Pulheria
Aleksandrovna.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 323

“Ano ba ang sabi sa iyo ni Svidrigailov?” lumapit sa kaniya si Dunya, “A,


oo nga pala!” naalala ni Pulheria Aleksandrovna.
Iniangat ni Raskolnikov ang ulo.
“Nagpipilit siyang bigyan ka ng sampung libong rublo at nagpahayag ng
pagnanais na kahit minsan ay makipagkita sa iyo na kasama ako.”
“Hindi! Anuman ang mangyari ay hindi maaari!” sigaw ni Pulheria
Aleksandrovna, “At bakit ang lakas-ng-loob niyang mag-alok ng pera?”
Walang-ganang ipinaalam ni Raskolnikov ang naging usapan nila ni
Svidrigailov. Inumit niya ang tungkol sa multo ni Martha Petrovna upang hindi na
matalakay pa ang walang-kaugnayang tema. Ayaw niyang may iba pang mapag-
usapan liban sa pinakamahalaga.
“Ano ang sagot mo sa kaniya?” tanong ni Dunya.
“Una’y sinabi kong wala akong ipaaalam sa iyo. Noon niya sinabi na
gagawin niya ang lahat ng paraan upang makipagkita sa iyo. Pinaniniwala niya
akong ang damdamin niya sa iyo’y lumipas na, paghanga lamang at ngayo’y wala
na iyon ... Ayaw niyang makasal ka kay Luzhin ... Pero sa kabuuan ay di-malinaw
ang kaniyang sinasabi.”
“Sa palagay mo ba’y ano talaga ang gusto niya? Ano ang tingin mo sa
kaniya?”
“Inaamin ko na hindi ko siya masyadong maintindihan. Gustong
magbigay ng sampung libo pero siya rin ay nagsasabing hindi siya mayaman.
Sabi’y gusto niyang umalis at maglakbay kung saan pero makaraan ang sampung
minuto’y nakalimutan na sinabi ang ganoon. Pagkatapos ay gusto raw mag-
asawa at inaayos na nila ang kasal ... Pero tiyak na may plano siya ... malamang ay
masama. Ngunit hindi rin natin basta maipagpapalagay na ganoon siya kabobo
kung may masama ngang balak sa iyo ... nakapagtataka ... Siyempre, tinanggihan
ko ang lahat, para sa iyo, at ang pera, nang patapos. Sa tingin ko’y kakaiba siya ...
at parang may senyales na wala sa sarili. Ngunit maaari akong magkamali. Baka
masyado ko lang pinalalaki ang pangyayari. Sa palagay ko’y naapektuhan siya ng
pagkamatay ni Martha Petrovna.”
“Sumalangit nawa ang kaniyang kaluluwa!” usal ni Pulheria
Aleksandrovna, “Lagi ko siyang ipananalangin habampanahon. Ano na ang
mangyayari sa atin ngayon, Dunya, kung hindi sa tatlong libong ito! Diyos ko,
hulog ito ng langit! O, Rodya, kung alam mo lang na tatatlong rublo ang laman
ng aming bulsa kaninang umaga. Iniisip na nga namin ni Dunya kung saan agad
324 FEODOR DOSTOYEVSKY

maisasangla ang relo para huwag lang manghiram sa taong iyon hangga’t di niya
nahuhulaang mag-isa.”
Ikinagulat nang labis ni Dunya ang alok ni Svidrigailov. Nakatayo lang
siya’t malalim na nag-iisip.
“May kung anong masama siyang binabalak!” bulong niya sa sariling
halos manghilakbot. Napuna ni Raskolnikov na natatakot si Dunya.
“Susubaybayan natin siya. Masusubaybayan ko siya nang husto!” sigaw
ni Razumikhin. “Hindi ko siya hihiwalayan ng tingin! May pahintulot sa akin
si Rodya. Kaninang umaga ay sinabi niyang “ingatan mo ang aking kapatid.”
Pahihintulutan ba ninyo ako, Avdotia Romanovna?”
Ngumiti si Dunya at iniabot ang kamay sa binata ngunit hindi pa rin
nawawala ang bakas ng pag-aalala sa mukha. May pag-aalalang nakatingin kay
Dunya si Pulheria Aleksandrovna na magkaganoon ma’y tila napayapa ng tatlong
libong rublo.
Makaraan ang sangkapat na oras, lahat ay masigla nang nag-uusap.
Maging si Raskolnikov, bagama’t hindi nagsasalita ay matamang nakikinig.
Nagtatalumpati naman si Razumikhin ...
“At bakit, bakit kailangan pa ninyong umalis?” may pagsamo ang
mataginting na boses, “At ano ang gagawin ninyo sa maliit na bayan? Ang
mahalaga’y naririto kayo’t magkakasama. Kailangan ninyo ang bawat isa. Alam
ninyo kung gaano kailangan! Hindi ba? Kahit ilang panahon lang ... At ako
nama’y ibilang ninyong isa sa inyong mga kaibigan, kasama, at maniwala kayo sa
akin na makabubuo tayo ng magandang negosyo. Ipaliliwanag ko sa inyo nang
detalyado ang buong proyekto. Kaninang umaga, nang wala pang nangyayari ay
pumasok na ito sa aking isip ... Ganito, ako ay may tiyuhin. Ipakikilala ko siya sa
inyo. Siya’y mabait at kagalang-galang! Ang tiyo ko’y may isang libong rublong
kapital. Samantalang siya ay may pensiyon na at iyon ay sapat na. Dalawang taon
na niyang pinipilit na kunin ko ang isang libo niya at bayaran na lang nang anim
na porsiyentong tubo. Nakikita ko kung bakit. Gusto lang niya akong tulungan.
Ngunit noong nakaraang taon ay hindi ko kinailangan at ngayong taong ito’y
hinintay ko lang talaga siya at tatanggapin ko na. Pagkatapos ay idaragdag ninyo
ang isang libo mula sa inyong tatlong libo at sapat na iyon sa una, at magkakatuwang
na tayo. Ano naman ang ating gagawin?”
Dito’y pinalawak na ni Razumikhin ang kaniyang plano. Marami siyang
sinabi tungkol sa halos lahat ng mga nagbebenta, manlilimbag na kakaunti ang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 325

alam tungkol sa kanilang produkto kung kaya’t alinmang matinong publikasyon


ay makabebenta at tutubo nang malaki. Pinapangarap ni Razumikhin ang
paglimbag. Dalawang taon na siyang nagtatrabaho sa iba at nakaiintindi ng tatlong
wikang Europeo. Bagama’t sinabi niya, anim na araw na ang nakararaan, kay
Raskolnikov na hirap siya sa Aleman. Ginawa lang niya iyon upang kumbinsihin
si Raskolnikov na kunin ang kalahati ng trabaho at ang tatlong rublong paunang-
bayad. Nagsinungaling lang siya noon at alam iyon ni Raskolnikov.
“Bakit, bakit natin palalampasin ang pagkakataon? Ngayong mayroon na
tayong sariling pera na isa sa pinakamahalaga sa negosyo,” ganado si Razumikhin.
“Siyempre, kailangan talagang magtrabaho. At magtatrabaho tayo. Kayo, Avdotia
Romanovna, ako, at si Rodion ... Malaki ang kinikita ng ilang publikasyon!
At ang pangunahing gawain ng ating negosyo ay pagsasalin. Magsasalin tayo,
maglilimbag, at sabay na mag-aaral. Dito ako makatutulong dahil may karanasan
na ako. Magdadalawang taon na akong nakikisama sa lahat ng mga palimbagan at
alam ko na ang lahat ng kanilang sekreto. Maniwala kayo sa akin, hindi santo ang
humuhubog ng putik! At bakit natin itatapon ang pagkain! Isa pa’y alam ko na ang
sekreto. Upang maisalin ang dalawa-tatlong sanaysay at maihayag ang kahulugan
ay magagawa ito sa halagang isang daang rublo bawat libro. Maililimbag ang mga
ito pero mahina ang limang daang rublong balik sa iyo ng bawat libro! Sa palagay
ba ninyo’y ipagsasabi ko ito kahit kanino? Tungkol naman sa mga problema sa
tipograpiya, papel, at pagpapalaganap ay ipaubaya na ninyo sa akin! Alam ko
ang bawat sulok! Magsimula tayo sa maliit at makararating tayo sa malaki! Sa
anupaman ay mabubuhay tayo at magbabalik ang ating kapital.”
Kumikislap ang mga mata ni Dunya.
“Gusto ko ang mga sinasabi ninyo, Dmitri Prokofich,” sabi niya.
“Wala akong alam diyan,” nasabi naman ni Pulheria Aleksandrovna,
“Siguro nga’y maganda iyan, alam ng Diyos. Ngunit hindi maiiwasan ang manatili
muna rito kahit na ilang panahon man lamang ...” at tumingin siya kay Rodya.
“Ano sa palagay mo, Rodya?” tanong ni Dunya.
“Sa tingin ko’y mayroon siyang napakagandang ideya,” sagot niya. “Pero
mukhang maaga pang pag-isipan ang tungkol sa kumpanya. Ngunit kung lima o
anim na libro ay tiyak na magiging matagumpay. Ako, halimbawa’y may alam na
isang obra na tiyak na papatok. Tungkol naman sa kung kaya niyang patakbuhin
ang ganoong negosyo ay wala akong duda ... Pero may panahon pa para mapag-
usapan ninyo iyan ...”
326 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Ayos!” sigaw ni Razumikhin, “At ngayo’y dumito muna kayo sandali.


Dito ay may paupahan, sa gusali ring ito. Pareho lang ang may-ari. Ito ay espesyal
at nakahiwalay sa iba pang mga kuwarto at iba ang pasukan. May mga kasangkapan
na at di-kamahalan. Mayroon itong tatlong kuwarto. Kunin na ninyo. Bukas ay
isasangla ko ang relo at ibabalik sa inyo ang mga pera at palagay ko’y maisasaayos
ang lahat. Ang mahalaga’y magkakasama kayong tatlo. Si Rodya’y makasasama
ninyo ... Rodya, saan ka pupunta?”
“Ano, Rodya, aalis ka ba?” may halong takot na tanong ni Pulheria
Aleksandrovna.
“Sa ganitong sandali?!” naisigaw ni Razumikhin.
Napatingin si Dunya sa kapatid nang may pagtataka at di-makapaniwala.
Hawak na ni Rodya ang sumbrero at handa na ngang umalis.
“Bakit ba parang inililibing na ninyo ako o walang-katapusan ang
paalaman?” wala sa lugar na sabi nito. Tinangka niyang ngumiti ngunit parang
hindi ngiti ang sumilay sa kaniyang mga labi.
“Sino nga ba ang nakaaalam? Baka ito na ang huli nating pagkikita!”
sa loob-loob lang sana ni Raskolnikov ang mga salitang ito ngunit kung bakit
nabanggit niya na naririnig nila.
“Ano ang nagyayari sa iyo?” sigaw ng ina.
“Saan ka pupunta, Rodya?” nagtatakang tanong ni Dunya.
“Kailangang-kailangan kong umalis,” sagot niyang tila nalalabuan
at parang nag-aatubili sa sasabihin. Ngunit sa kaniyang maputlang mukha ay
mapapansin ang matigas na kapasyahan.
“Papunta pa lang dito ay ... binalak ko nang sabihin ... sa inyo, Mama
at ... sa iyo, Dunya, na makabubuting maghiwalay muna tayo sandali. Hindi
maganda ang aking pakiramdam at di ako matahimik ... Babalik ako, kusa akong
babalik kapag … maaari nang bumalik. Naaalala ko kayo palagi at minamahal ...
Hayaan muna ninyo ako! Hayaan ninyo akong mag-isa! Kapasyahan ko na iyan,
bago pa man ... iyan ang aking pasya … Upang kung anuman ang mangyari sa
akin, mamatay man ako o hindi ay nais kong mapag-isa. Kalimutan na ninyo ako!
Mabuti pa nga ... huwag din ninyo akong hanapin at alalahanin. Kung kailangan
ay kusa akong darating o kaya’y ... ipatatawag ko kayo. Baka sakaling lahat ay
magkabuhay muli! At ngayon, kung ako’y mahal ninyo ay maghihiwalay tayo ...
Kung hindi’y kamumuhian ko kayo! Nararamdaman ko ... Paalam!”
“Diyos na mahabagin!” naisigaw ni Pulheria Aleksandrovna.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 327

Sinaklot ng pangamba ang mag-ina. Gayundin si Razumikhin.


“Rodya, Rodya, magbalik ka sa amin at magsasama tayong gaya ng dati!”
pahinuhod ng kawawang ina.
Marahang tumungo si Raskolnikov sa pinto at lumabas na ng kuwarto.
Hinabol siya ni Dunya.
“Rodya! Ano itong ginagawa mo sa inay?” bulong niyang nangangalit
ang mga mata.
Mabigat ang tingin ni Raskolnikov sa kaniya, “Wala. Babalik ako.
Maglalakad lang ako,” mahina niyang sabi na hindi rin alam kung ano ang gustong
sabihin at lumakad na.
“Walang pakiramdam! Wala kang puso. Egoista!” sigaw ni Dunya.
“Wala siya sa kaniyang sarili at hindi walang pakiramdam! Siya ay wala
sa sariling katinuan. Hindi ba ninyo nakikita? Kayo ang walang pakiramdam kung
nagkataon!” mainit na bulong ni Razumikhin sa mismong tainga ni Dunya at
mahigpit na pinisil nito ang kaniyang kamay.
“Sandali lang ako!” sabi niya sa tigagal na Pulheria Aleksandrovna at
sabay-takbo na sa labas.
Hinihintay siya ni Raskolnikov sa dulo ng koridor.
“Alam ko na hahabol ka,” sabi niya. “Bumalik ka sa kanila at samahan
mo sila ... Dumoon ka rin sa kanila bukas ... at palagi. Marahil ay ... babalik ako ...
kung maaari. Paalam.”
At hindi iniabot ang kamay na lumayo na si Raskolnikov.
“Saan ka pupunta? Ano ka ba? Ano ang nangyayari sa iyo? Puwede ba
naman ang ganyan?” usal ng tuluyan nang naguluminahang si Razumikhin.
Muling huminto si Raskolnikov.
“Magmula ngayon ay huwag mo na ulit akong tatanungin. Wala na
akong maisasagot pa sa iyo ... Huwag mo na rin akong pupuntahan. Siguro’y ako
na lang ang pupunta rito ... Iwan mo na ako ngunit sila ay ... huwag mong iiwan.
Naiintindihan mo ba ako?”
Madilim sa koridor. Sila ay nakatayo sa tabi ng ilaw. Sandaling tinitigan
nila ang bawat isa nang tahimik. Ang nag-aalab at matamang pagkakatitig ni
Raskolnikov ay tila lumalakas sa bawat kisapmata. Pinupunit nito ang kaniyang
kaluluwa at kamalayan. Bigla’y napaigtad si Razumikhin. Sa kanilang dalawa’y
parang may kung anong kakatwang namagitan ... Kung anong ideya ang dumaan,
parang tanda ng kung anong karumal-dumal at pangit na agad naunawaan ng
328 FEODOR DOSTOYEVSKY

bawat panig ... Namutlang tila bangkay si Razumikhin.


“Nauunawaan mo na ba ngayon?” sabi ni Raskolnikov na nakangiwing
tila nasasaktan. “Magbalik ka na. Puntahan mo na sila,” dagdag niya at mabilis na
itong tumalikod at umalis.
Hindi ko na ilalarawan kung ano ang nangyari kina Pulheria
Aleksandrovna nang gabing bumalik si Razumikhin, kung paano sila pinayapa nito,
pinaliwanagan na dapat hayaang magpahinga si Rodya sa kaniyang karamdaman,
na babalik siya at papasyal araw-araw, na masamang-masama ang kaniyang
pakiramdam at hindi siya dapat gambalain, na aasikasuhin siya ni Razumikhin;
ikukuha ng magaling na doktor, pinakamagaling, at ipasusuri siyang mabuti ... Sa
madaling salita, magmula nang gabing iyon, si Razumikhin ay naging anak nila
at kapatid.
IV

SI RASKOLNIKOV NAMA’Y tumuloy sa bahay, sa may ilog, kung saan nakatira


si Sonya. Ang gusali ay may tatlong palapag, luma na, at kulay berde.
Pinagtanungan niya ang katiwala at nakakuha ng di-malinaw na
paliwanag kung saan nakatira si Kapernaumov na sastre. Sa isang sulok ay nakita
niya ang maliit na pintong papasok sa makitid at madilim na hagdan. Pumanhik
siya at nakarating sa ikalawang palapag kung saan tinahak niya ang koridor na
patungo sa kabilang gilid ng gusali. Habang naglalakad siya sa dilim at di-malaman
kung paano makikita ang tirahan ni Kapernaumov ay bigla na lang bumukas ang
isang pinto, mga tatlong hakbang lang ang layo mula sa kaniya. Agad niya itong
hinawakan nang wala-sa-loob.
“Sino iyan?” may agam-agam na tanong ng isang tinig babae.
“Ako ... kayo ang pakay ko,” sagot ni Raskolnikov. Dumako siya sa maliit
na pinto. Sa isang sirang upuan ay nakatayo ang kandila na nakapatong sa isang
baluktot na kandelabrang tanso.
“Kayo ba iyan? Diyos ko!” mahinang sabi ng nabiglang si Sonya na di-
nakakilos.
“Saan ba ang inyo? Dito ba?”
At hindi tumitingin sa kaniyang nagmamadaling pumasok si Raskolnikov
sa kuwarto.
330 FEODOR DOSTOYEVSKY

Makaraan ang ilang saglit ay pumasok na rin si Sonya na may dalang


kandila at tumayo sa kaniyang harapan na di-malaman ang gagawin at di-
mailarawan ang kaba ng dibdib, mukhang nagulat sa kaniyang di-inaasahang
pagdalaw. Kagyat na namula ang kaniyang maputlang mukha at maluha-luha
pa siya. Parang sumama ang kaniyang pakiramdam, nahihiya ngunit kasabay ay
naliligayahan ... Mabilis na tumalikod at naupo si Raskolnikov sa upuan sa may
mesa. Sandali niyang tiningnan ang kabuuan ng kuwarto.
Malaki ang kuwarto ngunit napakababa ng kisame. Ito ang tanging
pinauupahan ng mga Kapernaumov. Ang isang saradong pinto sa kaliwa ng
dingding ay patungo sa mga kuwarto nila. Sa kabila naman, sa kanan ng dingding
ay isang pintong permanente nang nakasarado. Doon ay naroon ang isa pang
kuwarto pero sa kabilang paupahan na at iba na ang numero. Ang kuwarto ni Sonya
ay mukhang kural. Di-eskuwalado ang pagkakuwadrado, bagay na nagpapapangit
dito. Ang pader na may tatlong bintana ay nakaharap sa may ilog at patagilid
ang pagkakahati sa kuwarto. Kaya’t napakatalim ng isang sulok nito na parang
papalayo kung saan. Kung mahina ang ilaw ay di ka rin makaaaninag nang husto.
Ang kabilang sulok naman ay mukhang mapurol at pangit. Halos walang-lamang
kagamitan ang buong kuwarto. Sa kanang sulok ay naroroon ang kama, sa tabi
ng kama, malapit sa pinto, ay may isang upuan. Sa pader ding iyon, kung nasaan
ang kama, sa may mismong pintong patungo sa katabing paupahan, ay nakatayo
ang isang simpleng mesa na may takip na kulay asul, sa tabi ng mesa ay may
dalawang upuan. Sa kaharap na pader naman, malapit sa matulis na sulok, ay may
maliit at simpleng kabinet na kahoy na mistulang nawala sa disyerto. Iyan na lahat
ang laman ng kuwarto. Ang manilaw-nilaw, punit-punit, at lumang wallpaper ay
nangingitim sa bawat sulok. Malamang na mamasa-masa at mahamog dito kung
tagyelo. Halata ang kahirapan sa buhay, ni walang kurtinang tumatakip sa tulugan.
Tahimik na nakatingin si Sonya sa kaniyang bisita, na masusi at
walang-pasintabing sumusuri sa kaniyang kuwarto. Sa dakong huli’y para itong
manginginig sa takot na akala mo’y nasa harapan ng hukom na hahatol sa kaniyang
kapalaran.
“Gabi na ako ... may alas-onse na ba?” tanong nito na hindi pa rin
tumitingin at nag-aangat ng mukha.
“Mayroon na,” sagot ni Sonya, “O, oo, mayroon na,” mabilis na ulit niya
na para bang nakakita na ng pagkakataon. “Narinig ko na ang tunog ng relo ng
may-ari ... mayroon na.”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 331

“Pinuntahan ko kayo sa huling pagkakataon,” malungkot si Raskolnikov,


“Bagama’t ito rin ang una. Marahil ay di ko na kayo makikita pang muli.”
“May pupuntahan ba kayo?”
“Hindi ko alam ... bukas na lang ang lahat ...”
“Hindi kayo makapupunta bukas kina Katerina Ivanovna?” nanginig ang
boses ni Sonya.
“Hindi ko alam. Bukas ng umaga ay malalaman ko ang lahat ... Ngunit
hindi iyon ang dahilan ng pagpunta ko rito. Mayroon sana akong nais sabihin ...”
Itinaas ni Raskolnikov ang kaniyang malamlam na mga mata kay Sonya.
Napuna niyang nakatayo pa rin si Sonya sa kaniyang harapan habang siya’y
nakaupo.
“Bakit kayo nakatayo? Maupo kayo,” sabi niyang naging mahina at
malambing ang tinig.
Naupo siya. Si Raskolnikov ay magiliw at may pakikiramay na tumitig sa
kaniya nang ilang sandali.
“Ang payat ninyo! Tingnan ninyo ang inyong kamay! Halos maglagos
ang liwanag. Ang mga daliri ninyo’y parang mga patay,” kinuha ni Rodya ang
kaniyang mga kamay. Bahagyang ngumiti si Sonya.
“Ganito na ako noon pa man,” sabi niya.
“Noong nasa bahay pa ninyo kayo?”
“Oo.”
“Oo, siyempre!” bigkas niyang paputol-putol at muling nagbago ang
ekspresyon ng kaniyang mukha at tinig. Muli niyang iniikot ang paningin.
“Kay Kapernaumov ba kayo nangungupahan?”
“Oo.”
“Nariyan ba sila sa likod ng pinto?”
“Oo, ganito rin ang kuwarto nila.”
“Sama-sama?”
“Sama-sama.”
“Kung ako’y matatakot mag-isa sa inyong kuwarto tuwing gabi.”
“Mababait at malalambing ang mga may-ari,” sagot ni Sonya na parang
hindi pa lubos na nahihimasmasan. “Ang mga kasangkapan ... ay sa kanilang lahat.
Napakabuti nila sa akin, pati mga bata ay gayundin sa akin.”
“Mga nabubulol sila, di ba?”
“Oo ... bulol siya at pilay rin. Ang asawa man ... hindi naman sa bulol
332 FEODOR DOSTOYEVSKY

talaga pero mayroong di-nasasabi. Napakabait ng babae. Ang lalaki’y dating


utusan. Pito ang kanilang mga anak ... at ang panganay lang ang bulol. Ang lahat
ng iba pa ay hindi bulol ngunit may mga sakit. Bakit alam ninyo ang tungkol sa
kanila?” dagdag niyang nagtataka.
“Ikinuwento lahat sa akin ng iyong ama ... lahat tungkol sa inyo ...
tungkol sa pag-alis ninyo ng ala-sais at pagbalik ng alas-nuwebe, at tungkol din sa
pagluhod ni Katerina Ivanovna sa inyong higaan.”
Nagulumihanan si Sonya.
“Nakita ko talaga siya kanina,” bulong niyang nag-aalinlangan.
“Sino?”
“Ang Tatay. Naglalakad ako sa daan at doon sa may kanto, bandang alas-
nuwebe, ay naglalakad siya sa aking harapan. Talagang parang siya. Nais ko sanang
pumunta kina Katerina Ivanovna ...”
“Namasyal kayo?”
“Oo,” bulong ni Sonya na muling naguluhan at kinabahan.
“Halos saktan kayo ni Katerina Ivanovna sa mismong harap ng ama
ninyo, di ba?”
“Hindi! Ano bang sinasabi ninyo? Hindi!” may takot halos ang tingin ni
Sonya sa kaniya.
“Ibig sabihin ay mahal mo siya?”
“Siya? Siyempre!” diin ni Sonya at mabigat ang loob na pinagtagpo
ang dalawang kamay. “A, kung siya ... kung siya ay kilala lang ninyo. Para lang
siyang bata ... Magulo lang ang kaniyang isipan ... dahil sa pagdadalamhati. Dati’y
napakatalino niya ... napakabait ... at bukas-puso! Wala kayong nalalaman sa
kaniya, wala ... a!”
Abot ang pagdaramdam ni Sonya habang nagsasalita, nangangamba,
nagdurusa, at tumataas ang mga kamay. Muling pumula ang kaniyang maputlang
pisngi at sa mga mata’y makikita ang matinding hirap-ng-loob. May mga nasaling
sa kaniyang puso at may nais siyang ihayag at sabihin ngunit nagdadalawang-
isip. Sa bawat guhit ng kaniyang mukha’y sumungaw ang di-matighaw na
pakikidalamhati, kung maaaring sabihin ang ganoon.
“Sinaktan! Ano ba kayo? Panginoon ko, sinaktan daw! Kahit nga ba
sinaktan! Ano ngayon? Ano ngayon? Wala kayong alam, wala! Kaawa-awa siya,
o, nakaaawa! At may sakit ... Ang hanap niya ay katarungan ... Siya ay malinis.
Naniniwala siya na may katarungan sa lahat at ito’y kaniyang hinihingi ... at kahit
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 333

siya’y inyong pagdusahin ay hindi siya gagawa ng di-makatarungan. Hindi niya


makita na imposibleng maging matuwid ang mga tao at iyon ay labis niyang
ikinagagalit ... Para siyang bata, parang bata! Siya ay matuwid, matuwid!”
“Ano na ang mangyayari sa inyo?”
Nagtatanong ang titig ni Sonya.
“Sila ngayon ay naiwan na sa inyo. Sabagay, dati na ninyo silang dinadala.
Maging ang namayapa na ay sa inyo humihingi ng pang-inom. Ano na ngayon
ang mangyayari?”
“Hindi ko alam,” malungkot na sagot ni Sonya.
“Mananatili ba sila roon?”
“Hindi ko alam. May dapat pa silang bayaran doon. Subalit pinaaalis na
sila ng may-ari, narinig kong sinabi niya. Sabi naman ni Katerina Ivanovna’y hindi
na siya mananatili pa roon ni isang sandali.”
“Bakit ang tapang-tapang niya? Umaasa ba sa inyo?”
“Hindi. O, huwag kayong magsalita nang ganyan! Kami’y nagkakaisa at
nagkakaunawaan,” muli’y ang pag-aalala at hinanakit. “Paano ang gagawin niya?
Paano?” tanong niyang nag-iinit at nangangamba. “Iyak siya nang iyak kanina!
Gulong-gulo ang kaniyang isipan. Hindi ba ninyo napansin? Gulong-gulo.
Naririyang mag-alala na dapat ay maayos na maayos bukas, may pagkain at lahat
... Naririyang pinipilipit ang kamay, umuubo ng dugo, umiiyak, at pagkatapos
ay biglang iuumpog ang ulo sa dingding na desperadang-desperada. Pagkatapos
ay biglang kakalma at puno ng pag-asa sa inyo. Sabi niya’y kayo ang tutulong
sa kaniya, na mayroon siyang mapagkukunan ng pera at babalik na sa kaniyang
bayan. Isasama niya ako at doo’y magtatayo ng eskuwelahan o pansion para sa
mga dalagang mula sa mabubuting pamilya. Ako ay gagawin daw niyang katiwala.
Magsisimula kami nang panibago at maligayang buhay. At pinaghahagkan
ako, niyakap, at pinakakalma ang kalooban. Tiwalang-tiwala siya! Naniniwala
sa pantasya! Maaari ko ba siyang kontrahin? Ngayon ay maghapon siyang
nagpunas, naglinis, nag-ayos, at mag-isa siyang trabaho nang trabaho samantalang
napakahina ng katawan. Hinila niya sa kuwarto ang ipinanlilinis, nagsikip ang
paghinga, at bumagsak na lang sa higaan. Kaninang umaga ay pumunta pa kami
sa palengke upang ibili ng sapatos sina Polya at Lida dahil wala na silang maisuot
na matino. Ngunit kulang na ang dala naming pera, napakaraming kulang. Ang
gaganda pa naman ng kaniyang pinili. Alam naman ninyong iba ang kaniyang
panlasa ... sa mismong tindahan ay nag-iiyak sa harap ng mga nagtitinda ... Ay,
334 FEODOR DOSTOYEVSKY

nakaaawang tingnan.”
“Malinaw na pagkatapos ng gayon, kaya kayo ay ... ganyan ang
pamumuhay,” may pait ang tanong ni Raskolnikov na pilit ngumiti.
“Kayo ba’y hindi naaawa? Hindi ba?” tanong muli ni Sonya. “Alam ko
na ibinigay ninyo ang lahat at kahuli-hulihang pera, kahit wala pa talaga kayong
nakita at nalalaman. Paano na kung ang lahat ng ito ay nakita ninyo? O, Diyos
ko! Ilang beses ko siyang pinaiyak, ilang beses! Oo, noong nakaraang linggo lang.
Isang linggo bago siya namatay! Naging napakalupit ko! At maraming beses kong
ginawa ang ganoon! Napakasakit ngayon na maalala man lang iyon!”
Halos mapilipit ni Sonya ang sariling kamay sa tindi ng sama-ng-loob.
“Kayo pa ang malupit?”
“Oo. Ako! Ako! Nang dumating ako noon ...” sabi niyang lumuluha,
“ ... nakiusap sa akin ang namayapa na basahan ko raw siya at masakit ang
kaniyang ulo. May iniabot siyang libro sa akin na galing kay Andrei Simeonich
Lebezyatnikov. Siya ay roon din nakatira, laging may nakatutuwa siyang aklat.
Ang sabi ko’y, “Kailangan ko nang umalis.” Ayaw ko talagang magbasa. Pumunta
lang ako sa kuwarto nila upang ipakita kay Katerina Ivanovna ang mga murang
kuwelyo at laylayan, magaganda, bago, at may mga disenyo. Gustong-gusto ni
Katerina Ivanovna. Isinuot niya, nagsalamin, at talagang nasiyahan. Sabi niya,
“Iregalo mo na sa akin ito, Sonya, sige na naman.” Nakiusap siya at nagsabing,
“Sige na naman.” Talagang gusto nga. Ano pa nga ba ang gagawin niya. Alaala
na lamang ng masasayang nagdaan. Masaya siyang tumitingin sa salamin ngayon
dahil ilang taon na siyang walang maisuot. Walang-wala na siyang damit, walang-
wala na siyang kagamitan! Kailanman ay wala siyang hiningi kaninuman dahil
siya’y may dignidad. Mas mamatamisin pa niyang ibigay ang natitira niya pero
heto’t nakikiusap. Nagustuhan niya ang mga iyon. Ako nama’y nanghinayang na
ibigay, “Aanhin ninyo ang mga ito, Katerina Ivanovna?” Ganoon ang sinabi ko,
“Aanhin.” Iyon ay hindi ko na dapat sinabi sa kaniya! Tiningnan niya ako nang
ganoon na lamang, napakabigat ng kaniyang damdamin dahil tinanggihan ko siya.
Nakapanlulumong pagmasdan ang lahat ng iyon. Nasaktan siya at nanlumo, hindi
dahil sa mga ginantsilyo, kundi dahil sa tinanggihan ko siya. Kitang-kita ko. A,
kung maibabalik lang ang lahat ay papalitan ko ang nangyari at ang aking mga
sinabi ... O, ako talaga! Bakit ba? Wala naman kayong kinalaman!”
“Kilala ba ninyo si Lizavetang tindera?”
“Oo, alam ba ninyo?” may pagtatakang usisa ni Sonya.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 335

“Si Katerina Ivanovna ay may tuberkulosis, masama ang kaniyang


lagay. Malamang ay di na siya magtatagal,” sabi ni Raskolnikov at pagkatapos ay
tumahimik na siya’t hindi na sinagot ang tanong.
“O, hindi, hindi, hindi!” Wala sa sariling ginagap ni Sonya ang dalawang
kamay ni Raskolnikov na parang nakikiusap na huwag sana.
“Hindi ba’t mas mabuti ang kamatayan para sa kaniya?”
“Hindi. Hindi mas mabuti. Hinding-hindi!” takot at hindi namamalayang
ulit ni Sonya.
“At ang mga bata, paano? Saan sila pupulutin kung hindi ninyo kukunin?”
“O, hindi ko na alam,” desperadong tugon ni Sonya. Sinapo niya ang
kaniyang ulo at mahahalatang ang kaisipang iyon ay matagal nang gumugulo sa
kaniyang isipan. Ngayo’y natakot siyang muli ni Raskolnikov sa ideyang iyon.
“Paano kung ngayong buhay pa si Katerina Ivanovna, kayo man, ay
magkasakit at dadalhin din sa ospital. Ano na ang mangyayari pagkatapos noon?”
walang-awang giit niya.
“O, ano ba ang pinagsasabi ninyo? Hindi iyon mangyayari!” takot na
nakangiwi si Sonya.
“Anong hindi maaari?” patuloy ni Raskolnikov na magaspang ang ngiti,
“Hindi naman kayo nakasisiguro sa ganoon, di ba? Ano na noon ang mangyayari
sa kanila? Hubad na kakalat na lang sila sa kalsada. Siya nama’y uubo at hihingi
ng limos at iuumpog na lang ang ulo sa kung saang pader, gaya ngayon at ang mga
bata’y mag-iiyakan ... Mahihimatay siya, dadalhin sa presinto, at pagkatapos ay sa
ospital at doon na mamamatay. Ang mga bata’y ...”
“Diyos ko! Hindi! Hindi ipahihintulot ng Diyos!” humulagpos sa wakas
mula sa naninikip na dibdib ni Sonya. Kanina’y nakinig siyang kasabay ang
panalanging nakatingin kay Raskolnikov. Tahimik na nakikiusap ang mga kamay
na nakatupi. Para bang ang lahat ay nakadepende kay Raskolnikov.
Tumayo si Raskolnikov at naglakad-lakad sa kuwarto. Lumipas ang
sandali. Si Sonya’y nakatayo, nakayuko, at nakababa ang mga kamay na labis ang
pag-aalala.
“Hindi ka ba nakapag-impok para kung dumating man ang mahihirap
na panahon ay makapaghanda?” bigla niyang tanong na humarap kay Sonya.
“Hindi.”
“Palagay ko nga’y hindi ninyo makakaya! Pero sinubukan ba ninyo?”
dagdag niyang parang nangungutya.
336 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Sinubukan.”
“At hindi umubra! Siyempre! Ano pa ba ang itatanong!”
At muli siyang naglakad-lakad sa kuwarto nang isang minuto.
“Hindi ba kayo kumikita araw-araw?”
Lalong di-mapakali si Sonya at parang sinampal ang namula nitong
pisngi.
“Hindi,” bulong niyang hirap at pilit.
“Siguro’y ganyan din ang mangyayari kay Polya,” bigla niyang sabi.
“Hindi! Hindi! Hindi maaari!” malakas na sigaw ni Sonya, desperado,
para siyang sinaksak ng patalim. “Hindi ipahihintulot ng Diyos ang ganoong
kasamaan!”
“Hinahayaan niyang mangyari ito sa iba.”
“Hindi! Hindi! Siya ay iingatan ng Diyos!” ulit niyang di na mawawaan
ang sarili.
“Paano kung wala naman talagang Diyos?” sagot ni Raskolnikov na may
halong panunuya. Humalakhak siya’t tumingin sa kawawang si Sonya.
Biglang nagbago ang anyo ni Sonya. Humagod ang panginginig. Di-
matingkalang galit ang pagkakatitig niya sa binata. May kung ano siyang nais
sabihin ngunit walang lumabas sa kaniyang mga labi. Napahikbi na lang siya na
ubod ng pait at tinakpan ng mga kamay ang mukha.
“Ang sinabi ninyo’y gulong-gulo ang isip ni Katerina Ivanovna. Kayo
man ay ganyan din,” sabi ng binata makaraan ang sandaling katahimikan.
Makaraan ang limang minuto. Siya’y paroo’t parito rin, walang-imik at di-
tumitingin kay Sonya. Sa wakas ay lumapit sa kaniya, hinawakan niya ang dalaga
sa magkabilang balikat at tuwid na tumingin sa kaniyang luhaang mukha. Ang
titig niya’y tuyo, nag-aapoy, matalim, at ang labi niya’y nanginginig ... Pagkatapos
ay bigla siyang lumuhod sa kaniyang paanan at hinalikan ang mga paa ng dalaga.
Hintakot na napaurong si Sonya mula sa kaniya, na akala mo’y nasisiraan ng bait.
Talagang mukhang nababaliw ang binata.
“Ano ba kayo? Ano ang ginagawa ninyo sa akin?” bigkas ni Sonya na
namumutla at nagsisikip nang husto ang dibdib.
Tumayo si Raskolnikov.
“Lumuhod ako, hindi sa iyo, kundi sa pagdurusa ng buong sangkatauhan,”
bigkas niyang kakaiba ang himig at tumungo ito sa bintana. “Makinig ka,” dagdag
niyang muling bumalik makaraan ang ilang sandali, “Kanina’y sinabihan ko ang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 337

isang taong mapagmataas na hindi siya katumbas kahit ng iyong daliring hinliliit
... na binigyang-dangal ko ang aking kapatid kanina nang ika’y paupuin ko sa
kaniyang tabi.”
“Sinabi ba ninyo iyon sa kanila? Naroroon siya?” may pangambang
bulalas ni Sonya, “ ... na ang makatabi ko ay karangalan?! Di ba ninyo alam na ako
ay ... walang-dangal! O, bakit ninyo sinabi iyon?”
“Ang sinabi ko tungkol sa iyo ay hindi dahil sa kawalang-karangalan o
kasalanan, kundi dahil sa labis mong pagdurusa. Kung sa pagiging makasalanan
lang ay makasalanan ka nga,” dagdag niyang halos mataginting ang tinig. “At ang
pinakamasaklap sa lahat ay nagpakasama ka, pinatay, at pinagtaksilan ang sarili nang
walang-katuturan. Hindi ba nakapanghihilakbot? Hindi ba nakapanghihilakbot
na ikaw ay nananahan sa karumihang ito samantalang pinandidirihan mo at alam
mo (kailangan lamang na buksan ang mga mata) na wala ka ring natutulungan at
wala ka ring maililigtas ni isa man! Maaari bang sa wakas ay sabihin mo sa akin,”
mabilis niyang sabing halos nagwawala, “kung papaanong ang ganoong karumal-
dumal at kababaan ay nagagawa mo kasabay ng kanilang mga kabaligtaran—
ang kabanalan ng kalooban? Hindi ba’t makatarungan lang, isang libong ulit na
makatarungan at makatuwiran, na magpakalunod na lang at tapusin na ang lahat?!”
“At ano na ang mangyayari sa kanila pagkatapos?” mahinang bulong
ni Sonya. Nagdurusa ang tingin nito sa kaniya ngunit kasabay nito ay parang
hindi ipinagtataka ang huling tinuran ng binata. Gulat na tumingin sa kaniya si
Raskolnikov.
Sa isang tingin ay nabasa na niya agad. Naisip na rin pala ng dalaga ang
bagay na iyon. Marahil ay maraming beses nang seryosong inisip sa kawalang-
pag-asa kung papaanong tapusin na ang lahat. Ngayon ay ni hindi na siya nagtaka
sa ganoong panukala, ni hindi niya pinuna ang kalupitan ng kaniyang pananalita.
Nakita rin niya na maging ang kaniyang panunuya at natatanging pananaw sa
kaniyang kasawian at kababaan ay di rin pinansin ni Sonya. Ngunit malinaw na
naunawaan ni Raskolnikov kung gaano ang labis at matinding sakit na nalasap ng
babae kanina pa nang mabuksan ang ukol sa kawalang-karangalan at nakahihiyang
kalagayan niya. “Ano nga ba ang noon pa pumipigil sa kaniya upang wakasan na
ang lahat?” naisip ni Raskolnikov. At ngayon lang niya lubusang naunawaan kung
ano ang kahulugan para kay Sonya ng mga bata, ng mga kaawa-awang naulilang
bata, at ang halos mabaliw na si Katerina Ivanovna, ang kaniyang sakit at ang pag-
umpog ng kaniyang ulo sa pader.
338 FEODOR DOSTOYEVSKY

Gayunman, alam din niya na sa ugali at isip ni Sonya ay hindi siya


mananatili sa kinalalagyan. Naroroon pa rin sa kaniyang isip ang katanungang
bakit sa itinagal-tagal na niya sa ganoong katayuan ay hindi pa siya nawawalan ng
katinuan kung hindi naman kayang magpakalunod! Oo nga’t nauunawaan niya
na ang kalagayan ni Sonya ay isang di-sinasadyang penomeno sa lipunan, ngunit
sa kasamaang-palad ay hindi siya nag-iisa o natatangi. Ngunit ang mismong
aksidente na ito, ang kaunlarang naabot ng pagkatao, at ang mga karanasan, ay
maaaring pumatay sa kaniya sa unang hakbang pa lang sa landas ng maruming
pamumuhay. Ano ang pumipigil sa kaniya? Hindi kaya kamunduhan? Dahil
ang lahat ng karumihang ito’y malinaw na sumaling man sa kaniya’y mekanikal
lamang, hindi pa talagang nababahiran ni gapatak ng kamunduhan ang kaniyang
puso. Kitang-kita niya ito habang siya’y naririto’t nakatayo sa kaniyang harapan ...
“Tatlo ang kaniyang pagpipilian: lumundag sa ilog, bumagsak sa
mental ospital o kaya’y ... tuluyan nang lumublob sa putik na sumisira sa isip
at nagpapatigas ng puso.” Ang huling posibilidad ang pinakapangit para kay
Raskolnikov. Ngunit siya’y isa nang eseptiko, bata pa, at hindi tuon ang pansin
kung kaya’t matigas. Dahil dito’y hindi siya makapaniwala na ang huling daan o
tuluyang pagpapakasama ang siyang pinakaposible.
“Ganoon nga kaya?” naisip ni Raskolnikov na may pagkabahala, “Di
yata’t ang nilalang na ito, na napananatili pa ang kalinisan ng kalooban, ay tuluyan
na at mulat na mahihigop sa nakapandidiri at makasalanang hukay. Nagsimula na
ba ang paghigop sa kaniya? Kung kaya’t nakapagtitiis siya at ang kasalanang ito’y
hindi na ganoon karima-rimarim sa kaniya? Hindi, hindi maaari!” sigaw niyang
gaya ni Sonya kanina. “Ang pumipigil sa kaniya na magpakalunod ay ang ideya
ng kasalanan at sila ... kung hindi pa rin siya nababaliw ay ... Ngunit sino ba
ang nagsabing hindi pa siya nababaliw? Matino pa ba ang kaniyang kaisipan?
Maaari bang magsalita na gaya niya? Kung malinaw ba ang isip ay maaaring
mangatuwiran na gaya niya? Maaari bang magwalang-bahala samantalang hayan
na ang kamatayan, sa tabi’y hukay ng kasalanan, na humihila sa kaniyang paa? Siya
nama’y kibit-balikat at tinatakpan lang ang tainga kapag sinasabihan ng ukol sa
panganib? Milagro na lang ba ang kaniyang hinihintay? Siguro’y ganoon nga. Iyan
ba’y hindi tanda ng kabaliwan?”
Matagal niyang pinagtuunan ang kaisipang iyon. Mas gusto niya kung
ganoon ang kalalabasan nang higit sa iba pa. Mataman niyang tinitigan ang dalaga.
“Taimtim ba ang mga panalangin mo sa Diyos, Sonya?”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 339

Hindi kumibo si Sonya. Siya nama’y nakatayo sa tabi niya’t naghihintay


ng kasagutan.
“Bakit? Ang kailangan ba’y wala na akong Diyos?” mabilis at mapuwersang
bulong nito sa kaniya. Sandali nitong tinapunan ang binata ng nag-aapoy na mga
mata at mahigpit na pinisil ang kamay ni Raskolnikov.
“A, ganoon na nga!” isip niya.
“At ano naman ang iginaganti sa iyo ng Diyos?” tanong niyang patuloy
na nanunubok.
Matagal na hindi sumagot si Sonya, para bang hindi makasagot. Ang
kaniyang mahinang dibdib ay patuloy na idinuruyan sa kaba.
“Tumahimik na kayo! Huwag nang magtatanong! Hindi kayo karapat-
dapat!” bigla niyang sigaw. Mahigpit at matalim ang kaniyang titig kay Raskolnikov.
“Ganoon na nga! Ganoon na nga!” ulit niyang nakatitiyak sa sarili.
“Ginagawa Niya ang lahat!” agad ding ibinulong ni Sonya at muling nag-
alinlangan.
“Hayun ang labas! Hayun ang paliwanag na kinalabasan!” pasya niya sa
sarili at may kasabikan ang pagsusuri at tingin nito kay Sonya.
May panibago, naiiba, at halos masama-ang-loob na tinitingnan ni
Raskolnikov ang maputla, hapis, at di-ayos na makantong mukha ni Sonya.
Ang kaniyang maliliit at bughaw na mata na nakapagpapaalab ng ganoong
apoy, ganoong matigas at malakas na damdamin, sa ganoong maliit na katawang
nangangatal pa sa indignasyon at galit. Habang tumatagal ay lalong nagiging
nakapagtataka at imposible ang lahat. “Baliw sa pananampalataya!” tigas niya sa
sarili.
Sa kabinet ay may isang aklat. Tuwing magpaparoo’t parito siya ay lagi
niya itong napupuna. Kinuha niya at tiningnan: Bagong Tipan, salin sa wikang
Ruso. Ang aklat ay luma, gamit, at balat ang takip.
“Saan galing ito?” sigaw niya sa kabilang sulok ng kuwarto. Si Sonya’y
nakatayo pa rin sa dating kinalalagyan, mga tatlong hakbang mula sa lamesa.
“Dinala lang sa akin,” sagot niyang parang napipilitan at di-tumitingin
sa kaniya.
“Sinong nagdala?”
“Dinala ni Lizaveta nang aking hilingin.”
“Si Lizaveta! Nakapagtataka!” naisip niya. Lahat ng bagay ukol kay Sonya
ay lalong nagiging nakapagtataka at kagila-gilalas sa bawat sandali. Inilapit niya
340 FEODOR DOSTOYEVSKY

ang aklat sa kandila at nagsimulang tingnan ang mga pahina.


“Saan ba rito ang tungkol kay Lazarus?” bigla niyang tanong.
Si Sonya’y matuon ang pagkakatitig sa sahig at hindi sumasagot.
Nakatayo siyang bahagyang nakagilid sa mesa.
“Tungkol sa muling pagkabuhay ni Lazarus. Pakihanap mo nga, Sonya.”
Tiningnan siya ni Sonya mula sa sulok ng mga mata.
“Hindi riyan sa tinitingnan ninyo ... Hanapin ninyo sa ikaapat na
Ebanghelyo ...” magaspang ang pagkakasabi niyang hindi lumalapit sa kaniya.
“Pakihanap mo nga at basahin sa akin,” sabi niyang naupo sa upuan,
inilagay ang mga siko sa mesa, at hinagod ang kaniyang ulo. Malungkot siyang
lumagay sa may sulok at naghandang makinig.
“Malamang na makaraan ang tatlong linggo ay dadalhin na ako roon,
pitong kilometro mula rito! Malamang na roon ako mapupunta o mas masama
pa!” bulong nito sa sarili.
Atubiling lumapit si Sonya sa mesa. May alinlangang pinakinggan ang
kakaibang kahilingan ni Raskolnikov. Kinuha niya ang aklat.
“Hindi ba ninyo ito binabasa?” tanong niyang pailalim ang titig sa kaniya
mula sa kabilang gilid ng mesa. Patigas na nang patigas ang kaniyang tinig.
“Matagal na ... noong nag-aaral pa ako. Basa na.”
“Sa simbahan ba’y di ninyo naririnig?”
“Hindi ako ... pumupunta. Ikaw, madalas?”
“Hindi,” bulong ni Sonya.
Napangiti si Raskolnikov.
“Naiintindihan ko ... Bukas siguro’y di ka na rin pupunta sa libing ng
iyong ama, ano?”
“Pupunta ako. Noong nakaraang linggo ay nakipaglibing ako’t nakinig
ng requiem.”
“Pamisa para kanino?”
“Para kay Lizaveta. Pinatay siya, pinalakol.”
Napakalakas ng kaba sa dibdib ni Raskolnikov. Umikot ang kaniyang
paningin.
“Kaibigan mo ba si Lizaveta?”
“Oo ... napakabait niya ... kung minsan ay pumupunta siya rito ... hindi
lang niya maaaring dalasan. Kasama ko siyang nagbabasa ng bibliya ... nag-uusap.
Matatagpuan niya ang Diyos.”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 341

Kakaiba ang pandinig niya sa mga salitang ito na pambibliya. Muli


niyang natuklasan ang isa pang bagay: ang pagkakahawig niya kay Lizaveta. Sila
ay kapwa panatiko.
“Ikaw rin ay magiging panatiko niyan, nakahahawa!” naisip niya. “Basa
na!” biglang sigaw niyang malapit at pagalit.
Atubili si Sonya. Lumulundag ang kaniyang puso. Kung bakit hindi siya
magkalakas-loob na siya’y basahan. Si Raskolnikov nama’y halos magdusa habang
tumitingin sa “kawawang-magulo ang kaisipan.”
“Para saan? Hindi naman kayo naniniwala, di ba?” mahina niyang bulong
na parang di-makahinga.
“Magbasa ka! Gusto ko!” pamimilit niya, “Di ba, binabasahan mo si
Lizaveta?”
Binuksan ni Sonya ang aklat at hinanap ang lugar. Nanginginig ang
kaniyang kamay at hindi siya magkaroon ng sapat na tinig. Dalawang ulit na sana
siyang magsisimula ngunit di niya mabigkas ang mga kataga.
“Ngayon, mayroong isang maysakit na nagngangalang Lazarus. Siya ay
taga-Betania ...” Sa wakas ay nabigkas niyang pilit na pilit ngunit nang itutuloy na
ay nabasag ang kaniyang boses, para bang kuwerdas na masyadong nahila. Parang
may bumara sa lalamunan at naninikip ang kaniyang dibdib.
Nauunawaan ni Raskolnikov, sa isang dako, kung bakit hindi
makapagpasyang basahan siya ni Sonya at habang naiintindihan niya ay lalo itong
nagiging magaspang at mapilit na siya ay basahan. Alam na alam niya ngayon kung
bakit napakabigat para kay Sonya na ihayag at ilantad ang kaniyang itinatago.
Naintindihan niya na totoong ito, marahil, ang tunay at matagal na niyang lihim.
Marahil ay noon pa mang dalagita pa lang siya, noong sa pamilya’y kasama pa ang
sawimpalad na ama at baliw sa hinagpis na madrasta, sa piling ng mga gutom na
bata, at walang-kawawaang ingay at paninisi. Ngunit kasabay nito ay nalaman din
niya na malamang, bagama’t nahihirapan siya at may kung anong kinatatakutan
ay nagsimula itong magbasa dahil nagdurusa man ay gusto rin niyang magbasa sa
kabila ng lahat. Magbasa para sa binata mismo upang marinig niya ito ngayon din
“ ... anuman ang mangyari pagkatapos ...” Nabasa niya ito sa kaniyang mga mata,
nalaman sa kaniyang matinding kaba ... Pinalakas ni Sonya ang sarili, pinigil ang
pagbara ng lalamunan na humarang sa kaniyang tinig, at nagpatuloy sa pagbabasa
ng ika-labing-isang kabanata ng Ebanghelyo ni Juan. Nakarating siya hanggang
sa ika-labing-siyam na talata:
342 FEODOR DOSTOYEVSKY

“At marami sa mga Hudyo ang pumunta kina Marta at Maria upang
makiramay sa kanila sa pagkamatay ng kanilang kapatid. Kaya pagkarinig ni
Marta na dumating si Hesus ay sinalubong nito ito. Si Maria naman ay nakaupo
sa bahay. At sinabi ni Marta kay Hesus: “Panginoon, kung naririto ka lang, hindi
sana namatay ang aking kapatid. Ngunit kahit na ngayon, alam kong anuman ang
hilingin mo sa Diyos ay ibibigay sa iyo.”
Dito ay muli siyang napatigil. Napahihiyang naramdaman na nangangatal
at muling naiipit ang boses ...
“Sinabi sa kaniya ni Hesus: “Babangon ang kapatid mo.” Sinabi naman
sa kaniya ni Marta: “Alam kong babangon siya sa pagkabuhay sa huling araw.”
Sinabi sa kaniya ni Hesus: “Ako ang pagkabuhay at ang buhay. Mabubuhay ang
nananalig sa akin, kahit pa siya mamatay. Hinding-hindi mamamatay kailanman
ang bawat nabubuhay at nananalig sa akin. Pinaniniwalaan mo ba ito?” ang sabi
niya sa kaniya. At parang sadyang pinatibay ang loob, malakas, at paputol-putol
na binasa ni Sonya ang sumusunod, na parang naririnig na pangungumpisal sa
simbahan.
“Oo, Panginoon. Nananalig nga ako na ikaw ang Kristo, ang Anak ng
Diyos na dumating sa Mundo.”
Huminto siya, mabilis na iniangat ang tingin sa kaniyang mga mata, at
muling pinalakas ang sarili at nagpatuloy sa pagbasa. Nakaupo si Raskolnikov
at nakikinig na di-gumagalaw, hindi lumilingon, nakapatong ang siko sa mesa,
at nakatingin sa kabila. Nakarating siya sa pagbasa hanggang sa ika-tatlumpu’t
dalawang talata:
“Pagkarating ni Maria sa kinaroroonan ni Hesus at pagkakita sa kaniya,
nagpatirapa siya sa paanan nito at nagwika sa kaniya: “Panginoon, kung narito
ka lang, hindi sana namatay ang aking kapatid.” Kaya nang makita ni Hesus na
humahagulhol siya, pati ang mga Hudyong nangagsisama sa kaniya, nabagbag
ang kaniyang loob at naligalig ang sarili. At kaniyang itinanong: “Saan n’yo siya
inilagay?” Sinabi nila sa kaniya: “Panginoon halika’t tingnan mo.” Lumuha si
Hesus. Kaya sinabi ng mga Hudyo: “Tingnan n’yo kung gaano ang pag-ibig niya
sa kaniya.” Sinabi naman ng ilan sa kanila: “Pinadilat nga niya ang mga mata ng
bulag, hindi rin kaya niya mapipigilan ang kamatayan ng taong ito?”
Nilingon siya ni Raskolnikov at may pag-aalalang tumingin sa kaniya:
“Ganoon na nga!” Si Sonya’y nangangatal at talagang nilalagnat. Inasahan niya
ang ganoon. Papalapit na si Sonya sa pinakadakila at hindi pa naririnig na hiwaga.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 343

Si Sonya’y sapupo ng di-matingkalang damdamin ng tagumpay. Matunog ang


kaniyang tinig na gaya ng metal. Pumaiilanlang sa pandinig ni Raskolnikov ang
tagumpay at kaligayahan. Ito ang nagpalakas sa kaniya. Malabo ang mga titik sa
kaniyang harapan sapagkat nagdirilim ang kaniyang paningin ngunit memoryado
niya ang kaniyang binabasa. Sa huling talata: “Pinadilat niya ang mga mata ng
bulag hindi kaya ...” ibinaba niya ang kaniyang tinig, mainit, at maramdaming
inihayag ang pag-aalinlangan, pagkutya ay di-pagkilala ng mga di-naniniwala at
bulag na Hudyo na ngayo’y makalipas ang sandali ay parang tatamaan ng kidlat na
babagsak, magpapalahaw, at mananampalataya. Sinumang makaririnig ngayon ay
maniniwala na rin! Oo, ngayon nga! Nangangarap siya at nanginginig sa masayang
paghihintay.
“Muling nabagabag ang sarili ni Hesus at dumating siya sa libingan.
Isang yungib na natatakpan ng bato. Sinabi ni Hesus: “Alisin ninyo ang bato.”
Sinabi sa kaniya ni Martang kapatid ng yumao: “Panginoon, nangangamoy na
siya ngayon dahil apat na araw na ang nakalilipas.” Mariin at malakas ang bigkas
niya sa salitang ‘apat.’ Sinabi sa kaniya ni Hesus: “Di ba’t sinabi ko sa iyo na kung
nananalig ka, masasaksihan mo ang kaluwalhatian ng Diyos?”
At inalis nila ang bato.
Tumingala naman si Hesus at nagsabi: “Ama, pinasasalamatan kita pagkat
dininig mo ako. Alam kong lagi mo akong dinirinig ngunit dahil sa mga taong
nakapaligid kaya ako nangusap upang manalig sila na ikaw nga ang nagsugo sa
akin.” Pagkasabi nito ay buong lakas siyang sumigaw: “Lazarus, halika sa labas!” At
lumabas ang patay ...” Malakas at mataginting ang kaniyang pagbasa, nanginginig,
at nanlalamig na parang nakita niya’t nasaksihan ang lahat.
“ ... na natatalian ng telang panlibing ang mga paa at kamay, at
napupuluputan ng panyo ang mukha niya. At sinabi ni Hesus sa kanila: “Kalagan
siya nang makalakad.”
“Kaya nanalig sa kaniya ang marami sa mga Hudyong pumunta kay
Maria at nakasaksi sa kaniyang ginawa.”
Hindi na niya binasa ang mga sumusunod pa at hindi na niya makaya.
Isinara nito ang aklat at mabilis na tumayo mula sa kinauupuan.
“Lahat ay tungkol sa muling pagkabuhay ni Lazarus,” bigla at matigas na
bulong niya, tumalikod, at nakatayong di-kumikilos, hindi nagtatangka na parang
nahihiyang tumingin sa kaniya. Patuloy pa rin ang kaniyang lagnat at panginginig.
Matagal nang nanghihina ang apoy ng kandila sa baluktot na kandelabra. Malabo
344 FEODOR DOSTOYEVSKY

nitong iniilawan sa abang silid ang isang mamamatay-tao at isang napaririwara na


nakapagtataka ma’y nagsama sa pagbabasa ng banal na aklat.
Lumipas ang mahigit limang minuto.
“Pumunta ako rito dahil sa isang bagay,” malakas at kunot-noong sabi
ni Raskolnikov. Tumayo siya at lumapit kay Sonya na tahimik na tumingin sa
kaniyang mga mata. Ang tingin niya ay matigas at kung anong mabangis na
determinasyon ang ipinahihiwatig nito.
“Kanina’y iniwan ko na ang aking mga kaanak,” sabi nito, “Ina at kapatid.
Hindi ko na sila babalikan pa. Pinutol ko na ang lahat sa kanila.”
“Bakit?” naguguluhang tanong ni Sonya. Nag-iwan sa kaniya ng naiibang
impresyon ang pakikipagkilala niya kanina sa kaniyang ina at kapatid, bagama’t di
niya malinawan mismo kung ano. Ang balita ukol sa paghihiwalay ay labis niyang
ikinalungkot.
“Ngayo’y ikaw na lang ang naiwan sa akin,” dagdag niya. “Sumama ka na
sa akin ... ikaw talaga ang sadya ko. Pareho tayong isinumpa. Magsasama tayong
dalawa!”
Kumikislap ang kaniyang mga mata. “Parang nababaliw,” naisip ni Sonya.
“Saan tayo pupunta?” may takot na tanong niya at napahakbang siya
paurong.
“Paano ko malalaman? Ang alam ko lang ay iisa ang ating landas. Iyon
lang ang alam ko—iisang layunin!”
Nakatitig si Sonya sa kaniya at walang-maunawaan. Ang alam lang niya’y
labis at walang-hanggan ang kalungkutan ng binata.
“Walang sinumang makauunawa sa kanila, sabihin mo man,” patuloy si
Raskolnikov, “Ngunit naiintindihan ko. Kailangan kita kaya kita pinuntahan.”
“Hindi kita maintindihan ...” bulong ni Sonya.
“Saka mo na maiintindihan. Hindi ba’t gayundin ang ginawa mo?
Nilampasan mo rin ... nagawa mong makalampas. Ipinataw mo ang iyong kamay,
lumagot ka ng buhay ... ng sariling buhay (pareho lang iyon!). Maaari ka sanang
mabuhay sa pamamagitan ng espiritu at katuwiran ngunit babagsak sa Sennaya, sa
palengke ... Hindi ka nakapagtiis at kung mananatili kang mag-isa ay mababaliw
kang gaya ko. Ngayon pa lang ay parang wala ka na sa sarili. Kaya’t mabuti pang
sumama ka na sa akin. Iisa ang ating landas! Tayo na!”
“Bakit? Bakit kayo nagkakaganyan?!” tanong ni Sonya na gulat, tumututol,
at kinakabahan sa sinasabi niya.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 345

“Bakit? Dahil hindi maaaring manatiling ganyan! Hayan kung bakit! Sa


wakas ay kailangang tapatan at seryosong bigyan ng katuwiran ang lahat. Huwag
maging parang bata na iiyak at magpapalahaw na hindi raw pahihintulutan ng
Diyos! Ano ang mangyayari kung sakali ngang bukas ay itakbo ka sa ospital? Ang
isa’y wala sa sarili, may tuberkulosis, at malapit nang mamatay. Paano na ang mga
bata? Hindi ba mamamatay si Polya? Hindi ka ba nakakakita rito ng mga batang
ipinanghihingi ng limos ng sariling ina? Nalaman ko kung saan nakatira ang
ganoong mga ina at kung ano ang kalagayan sa buhay. Doon ay hindi mananatiling
bata ang mga bata. Doon, ang isang pitong taong gulang ay nagiging masama at
magnanakaw. Samantalang ang mga bata’y kawangis ni Kristo! “Nasa kanila ang
kaharian ng Diyos.” Iniutos niyang sila’y pahalagahan at mahalin pagkat sila’y ang
kinabukasan ng sangkatauhan ...”
“Ano nga ba ang dapat gawin?” histerikal ang iyak at galaw ng kamay ni
Sonya.
“Anong gagawin? Ang kailangan ay wasakin na ngayon at kailanman.
Iyon lamang at dalhin sa sarili ang pagdurusa! Ano? Hindi mo naiintindihan?
Saka mo na mauunawaan ... Kalayaan at kapangyarihan. Ang pinakamahalaga’y
ang kapangyarihan sa lahat ng nanginginig na nilalang at lahat ng langgam! Iyan
ang layunin! Tandaan mo iyan! Iyan ang aking habilin sa iyo! Baka ito na ang huli
kong pakikipag-usap sa iyo. Kung hindi ako makararating bukas ay mababalitaan
mo rin ang lahat. Kung magkaganoon ay tandaan mo ang mga sinabi ko sa iyo
ngayon. At darating ang araw, pagkatapos, mga taon kaya o buong buhay, marahil,
ay mauunawaan mo na ang ibig kong sabihin. Kung darating ako bukas ay
sasabihin ko sa iyo kung sino ang pumatay kay Lizaveta. Paalam!”
Napakislot sa takot si Sonya.
“Alam ba ninyo kung sino ang pumatay?” tanong niya na di-makakilos sa
takot at gulilat na nakatitig sa binata.
“Alam ko at sasabihin ko sa ... sa iyo at tanging sa iyo lamang! Ikaw
ang aking napili. Hindi ako darating upang humingi ng tawad sa iyo, kundi
sasabihin ko lang. Matagal na kitang pinili upang sa iyo sabihin ito, noon pa mang
ikinuwento ka sa akin ng iyong ama. Noong buhay pa si Lizaveta ay naisip ko na.
Paalam. Huwag mong iabot ang iyong kamay. Bukas!”
Lumabas na siya. Ang tingin ni Sonya sa kaniya’y mistulang nasisiraan
ng ulo ngunit siya man ay parang walang-katinuan, ramdam niya ito. Umiikot ang
kaniyang paningin. “Panginoon, paano niyang nalaman kung sino ang pumaslang
346 FEODOR DOSTOYEVSKY

kay Lizaveta? Ano ang ibig sabihin ng kaniyang mga salita? Nakatatakot!” Ngunit
hindi pumasok ang bagay na iyon sa kaniyang isipan. Hinding-hindi. “O, marahil
ay talagang napakalungkot ng kaniyang buhay! Bakit niya iniwan ang ina at
kapatid? Bakit? Ano ba ang nangyari? Ano ang mga binabalak niya? At ano ang
sinabi ni Raskolnikov sa kaniya?” Lumuhod siya at hinalikan siya sa paa at ...
nagsabi (malinaw niyang sinabi) na hindi na siya mabubuhay nang wala siya ...
“O, Diyos ko!”
Magdamag na nilalagnat at nagdedeliryo si Sonya. Minsan ay
napababangon siya, umiiyak, at nag-aalumpihit o kaya’y mahihimbing muli na
mataas ang lagnat. Napanaginipan niya si Polya, si Katerina Ivanovna, si Lizaveta,
ang pagbabasa ng bibliya at siya ... siya at ang kaniyang maputlang mukha at
nagbabagang mga mata ... Siya na luhaang humahalik sa kaniyang mga paa ...
“Diyos ko!”
Sa may pinto sa kanan na humahati sa kuwarto ni Sonya, mula sa paupahan
ni Gertrudes Karlovna Resslich, ay may nakapagitang kuwarto. Dito ay matagal
nang walang naninirahan. Bahagi ito ng kanilang paupahan at pinauupahan din.
Sa labas ng bakuran at mga bintanang nakaharap sa kanal ay may mga nakapaskil
na karatula. Matagal nang itinuring ni Sonya na walang nakatira sa kuwartong
ito. Ngunit kanina pa nagtatago roon sa likod ng pinto ng bakanteng kuwarto si
G. Svidrigailov at nakikinig. Paglabas ni Raskolnikov ay naiwan siyang nakatayo,
nag-iisip, at patingkayad na tumungo sa kaniyang kuwarto na katabi ng bakanteng
silid. Kumuha siya ng bangko at tahimik na dinala ito sa pinto patungo sa kuwarto
ni Sonya. Naging kaiga-igaya at kapana-panabik para sa kaniyang pandinig ang
usapan doon. Kaya nga nagdala pa siya ng upuan dahil nagustuhan talaga niya
ang usapan. Upang sa susunod, bukas, halimbawa, ay hindi na siya mahihirapan
pang tumayo nang buong oras, kundi komportableng uupo at magiging lubos ang
kaniyang kasiyahan.
V

KINAUMAGAHAN, EKSAKTONG alas-onse, ay pumasok si Raskolnikov sa


presinto sa Departamento ng Imbestigasyon. Ipinaabot niya kay Porfiry Petrovich
ang kaniyang pakay. Nagtaka pa siya kung bakit pinaghintay siya nang matagal.
Marahil ay sampung minuto ang nakalipas bago siya ipinatawag. Ang akala niya’y
agad siyang huhulihin. Nakatayo siya sa may tanggapan at nilampas-lampasan
lang siya ng mga tao na mukhang walang-pakialam sa kaniya. Sa katabing kuwarto
na mukhang opisina ay nakaupo at nagsusulat ang ilang kawani at malinaw na
wala ni isa man sa kanila ang may nalalaman tungkol sa kung sino ba o ano ba
si Raskolnikov. Kabado at di-nagtitiwala ang kaniyang pagsuri sa paligid. Wala
kayang nagmamasid sa kaniya? O sinumang inatasang bantayan siya upang hindi
makaalpas? Ngunit walang anumang kahalintulad noon ang kaniyang napuna. Ang
tanging nakikita niya’y mga nag-oopisina at may mumunting pinagkakaabalahang
tao, at iba pa na walang kailangan sa kaniya, magparoo’t parito man siya sa apat
na sulok ng nasabing silid. Lalong tumibay sa kaniyang isipan na kung totoo man
ang lalaki kagabi, ang pangitaing iyon na animo’y galing sa ilalim ng lupa, na
alam at nakita ang lahat, hahayaan ba siyang tumayo at maghintay nang ganito
kapanatag? At hihintayin ba siya nito hanggang alas-onse hangga’t hindi siya
kusang magpapasyang pumarito? Lumalabas na ang taong iyon ay hindi pa nag-
uulat o kaya’y ... wala rin siyang alam at walang anumang nakita ang mga mata (at
348 FEODOR DOSTOYEVSKY

paano niyang makikita?). Ang ibig lang sabihin ay pangitain lamang ang lahat ng
nangyari sa kaniya, kay Raskolnikov, bunga lamang ng kaniyang labis na nerbiyos
at maysakit na imahinasyon. Kagabi pa niya ito nahulaan habang dinaranas ang
pinakamatinding kaba at pag-aalala. Patuloy itong tumibay sa kaniyang isipan.
Habang isinasaloob ang mga bagay na ito at naghahanda sa panibagong pakikibaka
ay naramdaman niyang siya’y nanginginig. Kumulo ang kaniyang ngingit nang
maisip na nanginginig siya dahil sa takot sa kamuhi-muhing si Porfiry Petrovich.
Nasusukal ang loob niyang muling makipagkita sa taong ito. Kinamumuhian niya
ito nang labis at walang-katapusan, sapat upang katakutan niya ang mismong
pagkamuhi niya at baka ito’y mahalata. Ang lakas ng kaniyang galit ay agad na
nagpatigil sa sariling panginginig. Humanda siyang pumasok na may malamig at
matigas na anyo. Nangako siya sa sariling hangga’t maaari ay mananahimik lang
siya at kahit sa pagkakataon lang na ito ay mapagtagumpayan ang likas niyang
pagkamaramdamin. Nang mga sandaling iyon ay ipinatawag na siya ni Porfiry
Petrovich.
Nag-iisa si Porfiry Petrovich nang mga oras na iyon sa kaniyang opisina.
Ang opisina niya ay di-kalakihan at di rin naman kaliitang kuwarto. Dito ay may
malaking mesang sulatan sa harap ng sofa na nababalutan ng balat, patungan ng
mga dokumento, kabinet na lalagyan ng libro sa sulok, at ilang mga upuan. Lahat
ay kagamitang pang-opisina na yari sa binarnisang kahoy. Sa sulok ng pader sa
likuran, o mas tamang sabihin na harang, ay may saradong pinto. At lampas sa
harang na ito, sa may likuran, ay malamang na may isa pang kuwarto. Pagpasok ni
Raskolnikov ay isinara na ni Porfiry Petrovich ang pinto at sila’y naiwang mag-isa.
Sinalubong nito ang kaniyang panauhin sa pinakamasayahin at palabating anyo.
Ilang sandali lang ay napuna ni Raskolnikov na parang alangan ang ikinikilos nito
o kaya’y naantala sa ginagawang lihim.
“A, kagalang-galang! Heto kayo ... sa aming teritoryo ...” simula ni
Porfiry Petrovich na iniunat ang dalawang kamay, “Maupo kayo, ginoo! O, hindi
yata ninyo gusto ang tinatawag na kagalang-galang at ... ginoo kaya’t tout court39?
Huwag sana ninyong ituring na pamilyaridad ... Dito kayo maupo sa sofa.”
Umupo si Raskolnikov na hindi inaalis ang pagkatitig sa kaniya.
“Sa aming teritoryo.” Paumanhin sa pagiging pamilyar, ang salitang
pranses tout court at iba pa, lahat ay karaniwang tanda. “Iniabot niya sa akin ang

39 Salitang Pranses at katulad ng nasa itaas ay ginagamit na pagpapaumanhin sa pagpapalit ng tono


at pagiging masyadong pamilyar. Wala itong tuwirang salin sa Filipino.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 349

dalawang kamay ngunit isa man ay walang ipinangkamay. Inialis agad,” may
pagdududa si Raskolnikov. Kapwa sila nagmamatyag sa isa’t isa ngunit kapag
nagtatama ang tingin ay mabilis pa sa isang iglap na binabawi at inilalayo.
“Dinala ko ang papel ... para sa relo ... naririto. Tama na ba ang
pagkakasulat o uulitin pa?”
“Alin? Ang papel? A, ayos na iyan ... huwag kayong mag-alala,” mabilis
na sabi ni Porfiry Petrovich, na akala mo’y nagmamadali kung saan. Nakuha na
agad ang papel at natingnan. “Oo, ganito nga. Wala nang iba pang kailangan.”
Gayundin kabilis ang kaniyang patunay at inilagay na ang papel sa mesa. Makaraan
ang isang sandali ay iba na ang pinag-uusapan. Kinuha niya itong muli at inilagay
sa ibabaw ng kaniyang mesa.
“Sinabi yata ninyo kahapon na nais ninyo akong tanungin ... nang pormal
... tungkol sa kaugnayan ko sa ... pinatay?” pagsisimula ni Raskolnikov, “Bakit ba
nilagay ko pa ang ‘yata?’ mabilis na gumuhit sa kaniyang isip. “Bakit ba ako mag-
aalala kung ginamit ko man ang ‘yata,’ biglang balik din ang ideya.
At naramdaman na ang kaniyang pagkabahala dala ng pakikipag-ugnayan
kay Porfiry dahil lang sa dalawang salita o dalawang sulyap pa lang sa isang iglap
ay lumaking gadambuhala ... Ito’y nakatatakot at mapanganib. Nangangatal siya at
lumalakas ang kaba. “Naloko na! Madurulas na naman ako nito!”
“O, huwag kayong mabahala! Makapaghihintay ang oras,
makapaghihintay,” sabi ni Porfiry Petrovich na pabalik-balik sa may mesa na
mukhang wala namang layunin. Naroong pumunta sa bintana, sa kabinet, at
pagkatapos ay babalik sa mesa. Naroong umiiwas sa nagdududang tingin ni
Raskolnikov o kaya’y hihinto sa kinaroroonan at matamang tititig sa kaniya.
Sadyang kakaiba sa pakiramdam ni Raskolnikov ang kaniyang maliit at bilog na
pangangatawan. Parang bola na gumugulong sa bawat gilid at biglang tatalbog sa
mga pader at sulok.
“Makararating tayo riyan, makararating! Naninigarilyo ba kayo? May
dala ba kayo? Heto, o, sigarilyo,” patuloy niyang nag-alok ng sigarilyo sa panauhin
... “Alam ninyo, e, tinanggap ko kayo rito, bagama’t narito lang ang tirahan ko sa
paglampas sa bakod ... pag-aari ng gobyerno. Pero sa ngayo’y sa labas muna ako
pansamantala. Mayroon pa akong ipinakukumpuni rito. Halos patapos na nga
... Alam ninyo, bawat pabahay ng gobyerno ay talagang mabuti ... di ba? Anong
palagay ninyo?”
“Oo, talagang mabuti,” sagot ni Raskolnikov na may halong pagkutyang
350 FEODOR DOSTOYEVSKY

nakatingin sa kaniya.
“Magaling talaga, magaling talaga ...” ulit ni Porfiry Petrovich na parang
may ibang pinag-iisipan, “Oo, magaling talaga!” halos pasigaw at pagkatapos ay
biglang binalingan si Raskolnikov at saka tumayo, mga dalawang hakbang lang
ang layo mula sa kaniya. Ang paulit-ulit at walang-katuturang, “ang pabahay ng
gobyerno ay magaling talaga” ay masyadong malayo at di-nababagay sa seryoso,
nag-iisip, at mahiwagang pagkakatitig niya ngayon sa kaniyang panauhin.
Ito ay lalong nagpakulo sa galit ni Raskolnikov at hindi na niya
nakayanang pigilin pa ang pakutya at walang-ingat na paghamon:
“Alam ba ninyo na,” bigla niyang tanong at may kataliman ang titig nito
kay Porfiry Petrovich at parang nakararamdam ng ligaya sa kaniyang kagaspangan,
“may umiiral yata na legal na patakaran at ayon sa batas na paraan para sa lahat
ng uri ng imbestigador. Sa simula’y magsisimula lang sa malayo, sa mga walang-
kuwentang bagay o kahit seryoso pero walang gaanong kaugnayan para lang
palakasin ang loob o dili kaya’y aliwin ang iniimbestigahan, pahinain ang kaniyang
pagkamaingat at pagkatapos ay bigla siyang titirahin nang di-inaasahang banat sa
mismong bumbunan sa pamamagitan ng nakamamatay at mapanganib na tanong,
hindi ba? Ang tungkol dito ay mariing itinuturo sa mga aralin at patakaran.”
“Ganoon? Sa palagay ba ninyo’y iyon ang dahilan kung bakit ko sinasabi
ang tungkol sa pabahay, ha?” Pagkasabi noo’y napakunot-noo si Porfiry Petrovich
at kumindat. Masaya at tuso ang anyo ng mukha. Ang pagkakunot ng noo ay naalis,
lumiit ang mga mata, nabanat ang mga guhit ng mukha, at biglang inihit nang di-
mapigil at mahabang tawang nanginginig ang buong katawan. Ngunit tuwid na
nakapukol ang tingin kay Raskolnikov na pinilit din ang sariling tumawa. Ngunit
nang makita ni Porfiry na siya’y tumatawa rin ay lalo itong humagalpak ng tawa’t
pulang-pula na ang kulay. Dito na umalpas ang galit ni Raskolnikov at nilampasan
ang anumang pag-iingat. Huminto siya sa pagtawa, kumunot ang noo, at matagal
na tinitigan si Porfiry na suklam na suklam. Hindi niya ito hinihiwalayan ng tingin
habang nagtatatawa na parang sinasadyang di-matapos-tapos. Ang kawalang-
ingat ay nasa dalawang panig. Parang pinagtatawanan ni Porfiry Petrovich nang
harapan ang kaniyang bisita na nasusuklam naman sa kaniyang pagtawa, bagay
na hindi naman nakabagabag sa kaniya. Ito ay napuna rin ni Raskolnikov na
hindi nag-alangan si Porfiry Petrovich kaunti man sa ganitong sitwasyon. Sa
kabaligtaran, si Raskolnikov ang mistulang nahuli sa bitag. Malinaw na mayroon
siyang hindi alam na balak ni Porfiry. Maaaring anumang oras ngayon ay kaniya
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 351

nang madidiskubre at lalagapak ...


Noon din ay kumilos siya, tumayo, at kinuha ang sumbrero. “Porfiry
Petrovich,” may determinasyon ang kaniyang salita ngunit malakas ang kaba,
“Kahapon ay inihayag ninyo ang pagnanais na ako’y pumarito upang imbestigahan
(idiniin niya nang husto ang “imbestigahan”). Narito na ako, at kung kailangan
ninyong magtanong ay gawin ninyo, kung hindi naman ay pahintulutan na
ninyo akong umalis. Mayroon akong dapat asikasuhin at wala na akong oras ...
Kailangan kong pumunta sa libing ng opisyal na nasagasaan ng mga kabayo na
alam ... din ninyo ...” dagdag niya na pagkasabi pa lang ay nagalit na sa sarili kung
bakit dinagdag pa iyon at lalo pa siyang nagalit sa naisip, “Sawang-sawa na ako
kanina pa! Naririnig ba ninyo? Kaya nga ako nagkasakit dahil din diyan!” halos
sumigaw siya. Naramdaman niyang ang ukol sa sakit ay di na dapat ipinaalala. “Sa
madaling salita, gawin na ninyo ang nararapat. Tanungin ako o paalisin na ngayon
din ... at kung magtatanong kayo, kailangang ay ayon sa tamang paraan! Kung
hindi ay hindi ko na ito mapahihintulutan dahil wala na tayong dapat gawin pang
dalawa.”
“Diyos ko naman! Bakit kayo ganyan! Ano naman ang itatanong ko
sa inyo?” gagad ni Porfiry Petrovich na noon din ay pinalitan ang tono at anyo.
Sa isang iglap ay huminto ang kaniyang pagtawa. “Huwag sana kayong mag-
alala,” pakiusap niya at pagkatapos ay bumalik na naman sa pagparoo’t parito,
at nagpapakaabala sa pagpapaupo kay Raskolnikov, “Makapaghihintay ang oras.
Walang anuman ang mga bagay na iyan! Sa kabaligtaran nga, ako’y natutuwa
at sa wakas ay dinalaw mo kami ... Kayo’y tinangap ko bilang isang panauhin.
At ipagpatawad ninyo sana, Rodion Romanovich, ang isinumpa kong pagtawa.
Rodion Romanovich? Ganyan ang katawagan sa inyo, di ba? Alam ninyo’y
nerbiyoso talaga ako. Masyado akong nataranta sa galing ng inyong mga puna.
Kung minsan nga ay para akong goma na bumabaluktot sa loob ng kalahating
oras sa katatawa … Sa kalagayan kong ito’y ikinatatakot ko pati paralisis. Maupo
muna kayo! Pakiusap, Ginoo, kundi’y iisipin ko na nagalit kayo ...” Hindi umimik
si Raskolnikov na nakinig at nakiramdam ngunit galit pa ring nakakunot-noo.
Umupo siya na hindi binibitiwan ang sumbrero.
“Mayroon akong sasabihin sa inyo, Rodion Romanovich, na tungkol sa
akin upang malaman ninyo ang aking pagkatao,” patuloy ni Porfiry Petrovich at
gaya kanina’y nagparoo’t parito sa kuwarto at umiiwas sa mga mata ng panauhin.
“Alam ninyo, ako ay isang binata, hindi kilala at di-nakikihalubilo sa mataas
352 FEODOR DOSTOYEVSKY

na lipunan. Narating ko na ang dulo at ako’y manhid na, patapos na ... at ... at
napupuna ba ninyo, Rodion Romanovich, na rito sa atin sa Rasya, lalo na sa St.
Petersburg, kapag ang dalawang matalinong tao, na hindi lubusang nakakikilala
ngunit gumagalang sa bawat isa, ay nagtagpo, gaya natin, halimbawa, na nagkasama
rito, ay hindi agad makakakita ng paksang pag-uusapan, kahit buong kalahating
oras nang magkaharap. Kapwa sila namamanhid at nag-aalinlangan. Samantalang
ang lahat ay may temang pinag-uusapan. Ang mga nasa sosyedad, halimbawa,
ang mga taong may matataas na tono, ay laging may paksang pinag-uusapan,
c’est de riguerur40, pero ang mga panggitnang-uri na gaya natin ay puro mga nag-
aalinlangan at di-palasalita ... nag-iisip kasi. Bakit kaya ganoon, Ginoo? Wala ba
tayong interes-panlipunan? O masyado tayong matatapat at hindi nagnanais na
lokohin ang bawat isa? Aywan ko! Ano sa palagay ninyo? Bitiwan muna ninyo
ang sumbrero, parang papaalis na kayo, hindi ako mapakali habang nakikita ... Sa
totoo’y napakasaya ko at ...”
Inilapag ni Raskolnikov ang sumbrero, wala pa ring imik, seryoso, at
kunot-noong nakinig sa hungkag at walang-kaisto-istoryang daldal ni Porfiry.
“Ano ba talaga? Inaaliw ba niya ako ng kaniyang walang-kawawaang pagdaldal?”
“Hindi ko kayo maaalok ng kape, wala tayo sa lugar. Ngunit bakit
hindi muna makipagkuwentuhan kahit limang minuto lang sa kaibigan upang
masiyahan?” walang-puknat si Porfiry. “Alam ninyo kasi, ang lahat ng obligasyon
sa trabaho ... at Ginoo, sana’y huwag ninyong ikagalit ang aking pagparoo’t parito.
Ipagpaumanhin ninyo, Ginoo, ayaw na ayaw kong kayo’y masaktan ang damdamin
ngunit kailangan ko talagang lumakad. Masaya na ako kung ako’y makauupo nang
limang minuto at ... hemorrhoid ... balak ko ngang gamutin sa pamamagitan ng
gymnastics. Sabi nila’y sabik na naglalaro roon ang mga opisyal, maging mga
lihim na tagapayo ay naglulundag-lubid. Tingnan mo nga naman ang agham sa
ating panahon ... Tungkol naman sa kanina ay ipinaalala ninyo ang interogasyon.
Alam ninyo, totoo, na kung minsan ay mas nalilito pa ang nag-iimbestiga kaysa
iniimbestigahan ... Tungkol doon, Ginoo, ay tumpak ang inyong tinuran kanina
lamang. Marapat at makatuwiran ninyong punahin (walang sinabing ganoon
si Raskolnikov). Nalilito! Totoo na nalilito talaga! Ganoo’t ganoon din, parang
tambol! Kung kaya’t may repormang ipinatutupad at kahit sa katawagan man
lang ay magbabago kami. He-he-he! Tungkol naman sa mga pamamaraang legal

40 Wikang Pranses na ang ibig sabihin ay “ito ang patakaran.”


PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 353

gaya ng matalino ninyong pagpapahayag ay lubos akong sumasang-ayon sa inyo.


Sabihin ninyo, sino ba sa lahat ng nasasakdal, kahit na ang pinakamapurol na lalaki,
ang hindi nakaaalam na sa una’y sisiluin siya ng mga walang-halagang katanungan
(ayon sa mapalad na pahayag ninyo) at pagkatapos ay biglang babanatan sa
mismong bumbunan, sa mapurol na bahagi. He-he-he! Sa mismong bumbunan,
ayon sa mapalad ninyong pagkakasabi! He-he-he! Talaga bang inakala ninyo na
nais ko kayong sa pamamagitan ng pabahay ay ... He-he-he! Kakatwa kayong tao.
Sige, hindi na! A, alam ninyo, ang isang salita ay nagpapalitaw ng ibang salita at
ang isang ideya ay nagpapalitaw ng iba pa. Hayan, kanina’y ipinaalala rin ninyo
ang ukol sa anyo ng interogasyon ... Ano ba ang anyo? Ang anyo, alam ninyo, sa
maraming sitwasyon ay lumalagpak. Kung minsan ay mas mabuti pa ang mag-
usap na parang magkaibigan at kailanman ay di-mawawala ang anyo. Dito ay
pahintulutan ninyo akong patahimikin kayo nang kaunti. At ano ba ang diwa ng
anyo? Kung tatanungin ko kayo? Kailanman ay hindi dapat makapigil ang anyo
sa bawat hakbang ng imbestigador. Maaaring sabihin na ang trabaho ng isang
imbestigador ay uri ng malayang sining ... He-he-he!”
Sumandaling nagpahinga si Porfiry Petrovich. Kanina pa siya daldal
nang daldal nang walang-tigil ng mga hungkag na pananalita. Magkaminsang
bumibitiw ng mga makahulugang kataga at muling papalaot na sa kawalang-
katuturan. Sa loob ng kuwarto ay halos tumatakbo na siya sa pabilis nang pabilis
na paghakbang ng kaniyang matatabang paa, nakatungo, at nasa likuran ang
kanang kamay; samantalang ang kaliwa’y walang-tigil sa pagkumpas at paggawa
ng iba’t ibang galaw na nakapagtatakang laging hindi ayon sa sinasabi. Napuna
ni Raskolnikov na habang patakbo-takbo sa kuwarto ay makalawang ulit siyang
huminto sa may pinto sandali na parang may pinakinggan ... “Mayroon ba siyang
hinihintay?”
“Pero tama nga kayo,”masayang saad ni Porfiry na may di-pangkaraniwang
kasimplehan ang pagkatitig kay Raskolnikov (na nagpakislot at nagpaging-handa
sa kaniya), “Tama kayo na minabuti ninyong pagtawanan ang ganoon nating legal
na pamamaraan. Matalinong pagpuna. He-he-he! Dahil itong (siyempre ilan lang
dito) mga pinag-isipan nang husto at sikolohikal na paraan ay masyadong magulo
at kung minsan pa nga ay walang-kuwenta, lalo na kung masyadong mahigpit ang
paraan at anyo. Hayan, nagbalik na naman ako sa anyo. Halimbawa, alam ko o
mas tamang sabihin na pinaghihinalaan ko ang isa, ikalawa o ikatlong tao na isang
kriminal, at gumawa ng usaping ipinaiimbestiga sa akin ... Hindi ba’t nag-aaral
354 FEODOR DOSTOYEVSKY

kayo ng abogasya, Rodion Romanovich?”


“Oo, nag-aaral.”
“O, sabihin ninyo, bilang halimbawa lang para sa inyong gawain
sa hinaharap. Huwag ninyong isipin na naglalakas-loob akong turuan kayo
dahil ang galing ng mga isinusulat ninyong salaysay ukol sa krimen! Ano lang,
bilang totoong nangyari, maglalakas-loob ako na magbigay-halimbawa: kung
pinaghihinalaan ko ang isang tao na gumawa ng krimen, bakit ko siya tatanungin?
E, di nagulo ko siya nang mas maaga kaysa dapat, kahit pa may ebidensya ako
laban sa kaniya. Kung minsan ay tungkulin ko na hulihin ang isa agad pero ang
iba’y sa iba namang pagkakataon, o kaya’y bakit hindi ko siya hayaan na pumasyal
muna sa bayan? He-he-he! Sa tingin ko’y hindi ninyo masyadong naiintindihan
kaya ipaliliwanag ko nang mas malinaw. Kung ikukulong ko siya nang mas
maaga, halimbawa, ay tataasan ko lang at palalakasin ang kaniyang moral. He-
he-he! Tumatawa ba kayo? (Walang-wala sa loob ni Raskolnikov ang tumawa.
Mahigpit niyang itinikom ang mga labi at hindi inaalisan ng nagbabagang tingin
si Porfiry Petrovich). Pero ganyan lang talaga. Sa bawat subheto ay iba dapat ang
paraan dahil napakaraming klase ng tao. Samantalang sa lahat ay isa lang ang
praktika. Maaaring itanong ninyo ang ebidensya. Pero sa kadalasan, ang dalawa
ay mukha nang ebidensya. Ako ay imbestigador at inaamin kong mahina ako.
Kung maaari lang sana na malinaw at matematikal kong ipresenta ang kaso; kung
maaari lang sana na mapasakamay ang ganoong ebidensya, kung saan lilitaw na
ang dalawa at dalawa ay apat! Magiging tuwiran at di-mapasusubaliang katibayan
ito! Pero kung huhulihin ko siya nang wala sa oras, kahit pa naniniwala akong siya
na nga, ay aalisan ko ang sarili ng gagamitin upang siya ay ilantad pagkatapos.
Bakit? Dahil binigyan ko siya ng malinaw na sitwasyon. Magkakaroon siya ng
kapanatagan at kaalamang sikolohikal. Tatakasan niya ako at magtatago na lang!
Sabi nila ay takot na takot noon ang mga matatalino sa Sevastopol pagkatapos ng
gulo at baka biglang sumalakay ang kalaban at agad agawin ang Sevastopol. Nang
malamang mas pinili ng kalaban ang sistematikong pag-atake at magbubukas ng
unang parallel ay nasiyahan pa’t napanatag ang kalooban. Matatalino! Alam nila
na kung ganoong atake ang gagawin ay aabutin sila ng kahit dalawang buwan!
O, tumatawa na naman kayo. Hindi na naman kayo naniniwala? Siyempre,
tama rin kayo, tama, tama! Sang-ayon ako na iyon ay kakaibang kaso. Iba nga
ang sitwasyong iyon na inilarawan ko! Pero, ano ba ang dapat tingnan doon,
butihing Rodion Romanovich, na walang pangkalahatang kalagayang nasusulat
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 355

sa mga aklat na kung saan ibinabatay at ipinagkakasundo ang lahat ng legal na


anyo at pamamaraan? Walang-umiiral na ganoon. Lahat ng usapin, kahit ano pa,
maging krimen, halimbawa, pag nangyari na ito sa tunay na buhay, noon din ay
magiging partikular na kaso na. Kung magkaminsan pa nga ay wala itong kaparis
sa nakaraan. Kung minsan pa nga ay talagang nakatatawa ang mga nangyayari.”
“Hahayaan ko siyang mag-isa, hindi gagalawin at hindi gagambalain
ngunit alam niya sa bawat oras at bawat minuto o pinaghihinalaan man lamang
niya na alam ko ang lahat, bawat detalye at sumusubaybay sa kaniya araw at gabi,
na hindi ko tinantanan ang pagbabantay sa kaniya. Sa gayon ay mamamalagi
siyang nagdududa at natatakot. Alam ng Diyos, iikot ang kaniyang ulo at kusang
pupunta rito. Baka nga gumawa pa nang ganoong bagay na magpapatunay sa lahat
ng walang-duda, matematikal, wika nga, na dalawa at dalawa ay apat. Mas magaan
ang ganoon, di ba? Ang ganyan ay maaaring mangyari sa isang karaniwang tao
pero sa ating kapatid na moderno at matalino, at nakapag-aral pa, sigurado! Kaya,
kaibigan, napakahalaga ring malaman kung ano ang napag-aralan ng tao. At
nalimutan din ninyo ang kaba, ang nerbiyos! Laging kabado iyan, ninenerbiyos!
At ang lagay ng lapay, grabe! Sinasabi ko sa inyo, para itong patibong! Kaya’t ano
ang dapat kong ikabahala, maglakad man siya sa bayan nang hindi nakagapos!
Hayaan mo siyang pumasyal-pasyal. E, alam ko namang siya’y nasa kamay ko na at
hindi na siya makawawala! Saan naman siya tatakas? He-he-he! Mangingibang-
bansa? Kung Polano pa ay lalabas pero hindi siya, lalo na’t sumusubaybay ako
at mayroon nang inihanda, ano? Magtago sa kasulok-sulukan ng ating bansa?
Pero roon ay nakatira ang ating mga barako, mga tunay at magagaling na Ruso.
Mamatamisin ng isang moderno at nakapag aral na mapunta na lang sa kulungan
kaysa manirahang kasama ng mga “dayuhang” Ruso natin. He-he-he! Pero wala
iyan at mababaw pa. Anong tatakas? Sa anyo lang iyan. Ang mahalaga ay hindi
siya makatatakas, hindi lang dahil sa wala siyang matatakbuhan, kundi dahil
sa hindi siya makatatakas mula sa akin sa sikolohikal na kadahilanan! He-he-
he! Ang ganda nang pagkakasabi! Ayon sa batas ng kalikasan ay hindi niya ako
matatakasan, kahit pa mayroon siyang mapupuntahan. Nakakita na ba kayo ng
paruparo sa harap ng kandila? Ganyan din siya, nasa tabi kong paikot-ikot gaya
ng pag-ikot niya sa kandila. Hindi na niya mamatamisin ang kalayaan, mag-iisip,
malilito, at mahihilo siya sa sariling pag-ikot, parang bitag, sarili’y mapapatay sa
labis na pag-aalala! Hindi lang iyan, siya na mismo ang maglalahad sa akin ng
tipong dalawa at dalawa ay apat upang hindi ko na pahabain pa ang kaniyang
356 FEODOR DOSTOYEVSKY

pamamahinga ... at palapit na nang palapit ang pag-ikot niya sa akin, paliit na nang
paliit ang radius at ... plok! Deretso siya sa aking bibig at siya’y aking lulunukin!
Napakasarap! He-he-he! Hindi kayo naniniwala?”
Hindi sumagot si Raskolnikov. Nakaupo lang siya, maputla, at hindi
kumikilos. Ganoon pa rin ang tiim ng pagkatitig niya kay Porfiry.
“Magaling ang leksyon!” naisip niyang nanlalamig. “Hindi na ito pusa at
dagang gaya kahapon. Hindi likas ang walang-patumanggang ipinakikita sa akin
at ... nagtuturo ng dapat kong gawin ... hindi, masyadong matalino iyon para sa
kaniya ... Iba ang gusto nito, pero ano? A, kalokohan. Tinatakot mo lang ako at nais
isahan, ‘tol! Wala kang katibayan at hindi umiiral ang taong iyon kahapon! Gusto
mo lang akong lituhin at magalit nang wala sa oras at durugin. Sinungaling! Hindi
ka magtatagumpay! Pero, bakit? Bakit hanggang sa ganoon kalayo’y sinasabihan
niya ako kung anong gagawin? Tinatantiya ba niya ang aking nerbiyos ... ang
aking karamdaman? Hindi, ‘tol, walang mangyayari kahit ano pa ang balak mo!
Tingnan natin kung ano ang balak mong gawin.”
Tiim-bagang siyang humanda sa nakatatakot at di-nalalamang
katastropiya. Minsa’y parang gusto na niyang dambahin at doon din ay sakalin
si Porfiry. Pagpasok pa lang niya rito kanina ay ikinatakot na niya ang ganoong
galit. Dama niyang natuyo ang kaniyang mga labi, lumulundag ang puso, at may
mga bula nang sumusungaw sa labi. Ngunit ipinasya niyang tumahimik at di-
magsasalita nang kahit ano. Naisip niyang ito ang pinakamagandang taktika sa
kaniyang kalagayan dahil hindi na siya madurulas sa pagsasalita, maiinis pa niya
ng kaniyang pananahimik ang kaniyang kalaban. Ganoon ang kaniyang inasahan.
“Hindi. Sa tingin ko’y hindi kayo naniniwala. Akala ninyo’y puro walang-
muwang na biro ang ibinibigay ko,” gagap ni Porfiry na lalong sumasaya at
walang-tigil ang pagngisi sa kasiyahan at muling inikutan ang kuwarto, “Oo, tama
kayo, siyempre, maging ang Diyos ay nagbigay sa akin ng ganitong katawan upang
maging katatawanan lamang sa isip ng iba. Maaaring nakatatawa pero ito ang
masasabi ko at inuulit ko. Kayo, Ginoong Rodion Romanovich, ipagpaumanhin
ninyo, ay bata pa at dahil sa kabataan ninyo ay pinahahalagahan nang higit sa
lahat ang katuwiran ng tao. Ganyan ang kabataan. Ang mapaglarong talim ng isip,
matataas, at magagandang bunga ng pangangatuwiran ay nakapagpapahanga sa
inyo. Ganyan ang nangyari sa dating Austrianong Hof-krigsrat sa abot ng aking
kaalamang sa mga pangyayari at usaping militar. Sa papel ay kanilang tinalo at
naging bilanggo si Napoleon. Ito ay pinlano, inihanda, at matalinong iginuhit sa
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 357

kanilang opisina. Pero kamukat-mukat ay sumuko si Heneral Mac at ang buong


sandatahan niya. He-he-he! Nakikita ko, nakikita ko na pinagtatawanan ninyo
ako, Rodion Romanovich, dahil ako’y rito nagtatrabaho, isang sibilyan at lahat ng
aking halimbawa’y tungkol sa kasaysayang militar. Anong magagawa ko? Gustong-
gusto ko ng mga usaping militar. Ito ang aking kahinaan. Binabasa ko ang lahat ng
mga usaping pangmilitar ... Sadyang nagkamali ako ng pinasok na trabaho. Dapat
ay nasa militar ako. Kung hindi man ako maging isang Napoloeon ay kahit Major
man lamang. He-he-he! Ngayon, ‘tol, sasabihin ko na ang lahat ng katotohanan
tungkol sa partikular na pangyayaring iyon. Ang katotohanan ng mga pangyayari
at kalikasan ng tao, Ginoo, ang mahalagang bagay. Kung minsan ay naililigaw nila
ang pinakatumpak na pagtataya! Hoy, pakinggan ninyo ang matanda, seryoso ang
sinasabi ko, Rodion Romanovich (Pagkasabi nito, ang tatlumpu’t limang taong
gulang na si Porfiry Petrovich ay para ngang tumanda, nagbago ang boses nito,
at nahukos ang katawan). Isa pa’y bukas-palad akong tao ... Matapat ba ako o
hindi? Ano sa palagay ninyo? Sa tingin ko nga’y napakahalaga ng mga bagay
na ipinapaalam ko sa inyo at libre pa, wala akong hinihinging kapalit. He-he-
he! Ipagpapatuloy ko, sa palagay ko’y mabuti ang may matalas na isipan. Iyon
ay tinatawag kong kagandahang taglay ng ating Lumikha ng kagulat-gulat na
malikmata. Kaya’t kung minsan ay hindi na rin alam ng kawawang imbestigador
kung saan siya naroroon. Dahil siya man ay tao rin at sinong magliligtas sa
kawawang imbestigador?! Hindi na ito maiisip ng kabataang nahahaling sa
katuwiran habang “nilalampasan ang lahat ng hadlang” (gaya ng matalino at
tusong paglalahad ninyo kahapon). Ipagpalagay natin na siya’y magsisinungaling,
ang natatangi nating kaso, ang incognito, magsisinungaling siya sa pinakatusong
paraan. Parang tagumpay na ang lahat at maaari nang magpakasaya na bunga
ng kaniyang katalinuhan, ngunit plok! Sa pinakamasaya at pinakatugatog ng
tuwa ay biglang babagsak nang walang-malay. Ipagpalagay na nating may sakit o
kaya’y ang alinsangan sa kuwarto. Gayumpaman, nagbigay pa rin ng palaisipan!
Magaling ang kaniyang pagsisinungaling ngunit hindi niya natantiya ang sariling
kalikasan. Hayan, nariyan ang katusuhan! Minsan nama’y habang nasisiyahan
sa likot ng katuwiran at sinimulang iligaw ang naghihinala sa kaniya ay parang
sinasadyang mamumutla, parang laro ngunit masyadong natural ang pamumutla,
masyadong malapit sa katotohanan at muli’y palaisipan! Maaaring sa una’y maloko
niya pero makapagkukuro iyon, lalo’t hindi naman tanga. Ganyan ang bawat
hakbang. Mauuna pa siya, magsasalita nang magsasalita kapag hindi tinatanong
358 FEODOR DOSTOYEVSKY

at hindi kailangan. Kung kailan tinatanong at saka naman magsasawalang-kibo o


kaya’y kung ano-anong alegorya ang ibibigay. He-he-he! Ang gayon ay maaaring
mangyari sa pinakamatalinong tao, sikologo o literador! Ang kalikasan ng tao ay
salamin, pinakatagusang salamin. Tingnan mo siya at hayaan, hayan! Bakit ganyan
na lang ang inyong pamumutla? Rodion Romanovich, inaalinsangan ba kayo?
Bubuksan ko ba ang bintana?”
“O, huwag kayong mag-alala, pakiusap,” sabi ni Raskolnikov at bigla
itong nagtatawa, “Pakiusap, huwag kayong mabahala!”
Huminto si Porfiry sa kaniyang harapan, naghintay, at bigla’y nagtatawa
ring kasunod niya. Tumayo si Raskolnikov at nabigla ring pinutol ang kaniyang
matinding pagtawa.
“Porfiry Petrovich!” malakas at malinaw ang kaniyang salita, bagama’t
di-halos makatayo sa nanginginig na mga paa, “Sa wakas ay nakikita ko na, na
talagang pinaghihinalaan ninyo ako sa pagpatay sa matandang iyon at sa kaniyang
kapatid na si Lizaveta Ivanovna. Sa aking panig ay nais kong malaman ninyo na
matagal na akong sawang-sawa. Kung sa tingin ninyo ay mayroon kayong legal
na karapatan upang ako ay usigin ay usigin ninyo, kung kailangang dakpin ay
dakpin na ninyo. Ngunit ang harapang pagtawanan at guluhin ako ay hindi ko
mapahihintulutan!”
At nanginig ang kaniyang labi, nag-apoy ang mga matang tila walang-
bait, at ang pigil na boses ay kumawala.
“Hindi ko pahihintulutan!” bigla niyang sigaw at ubod-lakas na sumuntok
sa mesa, “Naririnig ba ninyo, Porfiry Petrovich? Hindi ko pahihintulutan!”
“A, Diyos ko! Hayan na naman kayo!” sigaw ng tila nahintakutang Porfiry
Petrovich, “Ginoo! Rodion Romanovich! Anong nangyayari sa inyo?”
“Hindi ko pahihintulutan!” minsan pang sigaw ni Raskolnikov.
“Ginoo, tahimik lang kayo! Maririnig nila at magpupuntahan dito!
Ano na ang sasabihin natin? Isipin ninyo!” bulong ni Porfiry Petrovich na parang
natatakot at inilapit ang mukha sa mukha ni Raskolnikov.
“Hindi ko pahihintulutan! Hindi ko pahihintulutan!” ulit ni Raskolnikov
ngunit ngayo’y pabulong na rin.
Mabilis na tumalikod si Porfiry Petrovich at mabilis na tumungo sa
bintana.
“Papasukin ang sariwang hangin! Ang mabuti pa’y uminom kayo ng
tubig at umaatake na naman.” At tumakbo ito sa pinto upang humingi ng tubig
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 359

samantalang sa sulok ay mayroon namang tubig.


“Ginoo, inumin ninyo,” bulong niyang inilapit kay Raskolnikov ang
pitsel, “Makatutulong ito ...” Ang takot at kilos ni Porfiry Petrovich ay natural
na natural. Tumahimik si Raskolnikov at kuryosong sinuri si Porfiry. Hindi niya
ininom ang tubig.
“Rodion Romanovich, kaibigan, baka mawala kayo sa sarili niyan, a!
Uminom kayo kahit kaunti lang!”
Pinilit nitong kunin ang tubig. Wala sa loob namang inilapit niya ito sa
labi ngunit nang matauhan ay may pagkamuhing ipinatong ito sa mesa.
“O, sinumpong na naman kayo! Baka magbalik niyan ang inyong
karamdaman,” gagad ni Porfiry Petrovich na may pag-aalala ng kaibigan, bakas
pa rin ang kabiglaanan. “Panginoon! Maaari ba ang ganyang kawalang-ingat?
Kahapon ay pinuntahan ako rito ni Dmitri Prokofich. Oo, oo, sang-ayon ako na
makamandag at masama ang aking ugali. Pero ano ang ginawa nila? Panginoon!
Dumating kahapon pagkatapos ninyo. Kumain kami at nagsalita siya nang
nagsalita. Itinaas ko na lamang ang aking mga kamay. Palagay ko’y ... a, Panginoon!
Galing ba siya sa inyo? Maupo muna kayo, sa ngalan ni Kristo!”
“Hindi. Hindi sa akin! Ngunit alam ko na pumunta siya sa inyo at alam
ko rin kung bakit,” matalim ang sagot ni Raskolnikov.
“Alam ninyo?”
“Alam ko. At ano ngayon?”
“Rodion Romanovich, ginugulat ninyo ako. Hindi ko alam na nakagagawa
kayo nang ganoon. Alam ninyo lahat! Pero alam ko rin kung paano kayong naghanap
ng paupahan kahit gabi na’t madilim, nagbatingting ng kampanilya, nagtanong
tungkol sa dugo, at ginulo ang mga trabahador at katiwala. Pero alam ko ang
kondisyon ng inyong kalooban noon ... Kapag ganyan kayo’y talagang mawawala
kayo sa sarili! Panginoon! Mahihilo kayo! Alam kong labis ang sama ng inyong
loob, Ginoo, dahil sa mga natanggap na pasakit, sa kapalaran at sa pulisya. Kung
kaya’t takbo kayo roon at dito upang agad na makausap ang lahat at tapusin na
nang minsanan ang usaping ito. Sawang-sawa na kayo sa mga walang-katuturang
paghihinalang ito! Ganoon, di ba? Nahulaan ko ang kondisyon? Ngunit hindi lang
ang inyong sarili ang maililigaw sa ganoong paraan, kundi pati na si Razumikhin.
Alam ninyo na masyado siyang mabuting tao para sa ganoon. Kayo ay maysakit,
sa kaniya nama’y kabutihan ng loob, at ang karamdamang iyan ay makahahawa sa
kaniya ... Kaibigan, kakalmahin lang kita at pagkatapos ay may ikukuwento ako sa
360 FEODOR DOSTOYEVSKY

iyo ... Maupo muna kayo, sa ngalan ni Kristo. Pakiusap, magpahinga muna kayo.
Puting-puti na ang inyong mukha. Maupo muna kayo.”
Naupo si Raskolnikov. Nanginig at uminit ang buo niyang katawan.
Malalim ang desperasyon at pigil ang hiningang pinakinggan ang takot,
ngunit magiliw na umaasikaso sa kaniya si Porfiry Petrovich. Ngunit hindi
niya pinaniniwalaan isa mang salita nito, kahit may nararamdamang kakaibang
pagkiling na maniwala. Ganap siyang ginulat ng di-inaasahang salita ni Porfiry
tungkol sa paghahanap niya ng paupahan. “Paano niya nalaman ang tungkol sa
paupahan?” naisip niya, “At ikinukuwento pa niya sa akin.”
“Oo, mayroong halos gayunding pangyayaring sikolohikal sa praktika ng
pambabatas, isang masakit na pangyayari,” mabilis na sabi ni Porfiry, “May isang
umamin sa pagpatay at pinanindigan ito. Puro bungang-isip ang pinagkukuwento.
Nagbigay ng mga katibayan, inilarawan ang sitwasyon, nagkagulo-gulo, nalito
ang lahat, at ano ang nangyari? Hindi sinasadya ay talagang naging dahilan siya
ng pagpatay, bahagi lang ng dahilan, at nang malaman niya na nabigyan niya ng
daan ang mga pumatay upang isakatuparan ang krimen ay nabahala siya, halos
mabaliw, at kung ano-ano na ang nakita’t naisip, at pinaniniwala ang sarili na
siya ang kriminal. Sa wakas ay tiningnan ng Korte Suprema ang kaso at siya ay
pinawalang-sala at pinagamot na lang. Salamat sa Korte Suprema! Hay! Ganyan,
Ginoo, ang puwedeng mangyari kapag humuhulagpos ang inyong nerbiyos.
Gabi na ay bumabatingting pa sa kampanilya at nagtatanong tungkol sa dugo!
Ang sikolohiyang ito ay napag-aralan ko na sa aking trabaho. Dahil sa ganyan,
kung minsan, ay parang nag-aanyaya ang bintana o ang kampanaryo, kaya upang
mula roon ay lumundag ang tao. Mandaraya ang ganoong pakiramdam! At ang
kampanilya ay ... karamdaman, Rodion Romanovich, karamdaman. Labis yata
ninyong napababayaan ang inyong karamdaman! Dapat ay kumonsulta kayo sa
makaranasang doktor dahil ano ba naman itong si Taba! Wala kayo sa sarili! Lahat
ay nagaganap sa deliryo ninyo!”
Saglit na umikot ang buong paligid ni Raskolnikov.
“Di yata’t ... nagsisinungaling din siya ngayon?” kumislap sa kaniya, “Hindi
maaari, hindi maaari!” pilit niyang iwinaksi ang ideyang ito. Nararamdaman niya
kung hanggang saan siya madadala ng kalituhan at galit. Dama niya na maaaring
makabaliw ang labis na kalituhan.
“Hindi iyon deliryo. Totoo iyon!” sigaw niya na kinakatas ang utak upang
makapasok sa laro ni Porfiry, “Totoo iyon at gising ako! Naririnig ba ninyo?”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 361

“Oo, naiintindihan ko at naririnig! Kahapon man ay sinabi ninyong hindi


kayo nagdedeliryo, mariin nga na pinipilit na hindi iyon deliryo! Lahat ng maaari
ninyong sabihin ay naiintindihan ko. A, Rodion Romanovich, makinig kayo sa
akin, kahit man lang sa sitwasyong ito. Sige, ipagpalagay na natin na kayo nga
ang kriminal o kaya’y kung sa papaanong paraan ay nasangkot sa isinumpang
gawaing iyon. Ipipilit ba ninyo, kayo mismo, na ang lahat ay ginawa nang hindi
nagdedeliryo at sa kabaligtaran ay malinaw ang pag-iisip? At talagang ipipilit
nang ganoon na lamang? Puwede ba? Puwede bang magkaganoon, sabihin ninyo?
Sa tingin ko nga’y kailangan ang kabaligtaran. Kung mayroon pa kayong kahit
anong damdamin man lang ay kailangan ninyong ipilit na nagdedeliryo nga at
wala sa sarili! Hindi ba? Ganyan, di ba?”
May halong katusuhan ang kaniyang tanong. Napaatras ang katawan ni
Raskolnikov sa pagkakaupo sa sofa nang yumuko at tutukan uli siya nang mukha
sa mukha ni Porfiry, na walang-imik, mataman, at naguguluhang tumingin sa
kaniya.
“O kaya’y tungkol kay Ginoong Razumikhin, kusa ba siyang pumunta
rito kahapon o dahil sa pag-instiga ninyo? Dapat ay itago ninyo ngayon na kayo
nga ang nagpapunta sa kaniya rito! Pero hindi ninyo itinatago! At ipinagpipilitan
pa ninyo na kayo nga ay nagpapunta!”
Hindi kailanman ginawa ni Raskolnikov ang bagay na iyon. Gumapang
ang lamig sa kaniyang gulugod.
“Puro kayo kasinungalingan,” sabi ni Raskolnikov, mabigat at mahina
habang gumuguhit ang masaklap na ngiti sa kaniyang mga labi, “Gusto ninyong
ipakita sa akin na alam ninyong mabuti ang aking buong laro, na alam na ninyo ang
lahat ng isasagot ko,” sabi niya na halos ay maramdaman ding hindi na tinitimbang
ang tamang sasabihin, “Gusto ninyo akong takutin ... o kaya’y pinagtatawanan
lang ako ...”
Tinitingnan pa rin niya ito nang tuwid habang nagsasalita at muli’y
walang-hanggang galit ang kumislap sa kaniyang mga mata.
“Puro kayo kasinungalingan!” sigaw niya. “Alam na alam ninyo na
ang pinakamagandang lusot ng kriminal ay ang sabihin hangga’t maaari ang
katotohanan ... hangga’t maaari ay huwag itago ang maaaring hindi itago. Hindi
ako naniniwala sa inyo.”
“Napakatuso pala ninyo!” bungisngis ni Porfiry, “A, Ginoo, mahirap
makipagkasundo sa inyo. May kung anong monomania ang lumulukob sa inyo.
362 FEODOR DOSTOYEVSKY

Hindi ninyo pinaniniwalaan, ha? Pero sasabihin ko sa inyo na naniniwala rin


kayo sa akin, kahit bahagya at pipilitin kong maging buo ang paniniwala ninyo
sa akin sapagkat tapat ko kayong iginagalang at tunay na hangad ko ang inyong
kabutihan.”
Nanginig ang mga labi ni Raskolnikov.
“At nais ko sanang sabihin sa inyo iyon,” patuloy niya, marahan at gaya
ng isang kaibigang humawak sa braso ni Raskolnikov, “Sinasabi ko ito, lalo na’t
nakikita kong kayo’y may karamdaman. Isa pa’y pinuntahan kayo ngayon ng
inyong pamilya. Isipin ninyo sila. Dapat sana’y bigyan ninyo sila ng kapanatagan
at kasiyahan ngunit sila’y tinatakot ninyo ...”
“Ano ang pakialam ninyo? Bakit alam ninyo ang tungkol sa kanila? At
bakit kayo gayon kainteresado? Sinusubaybayan ninyo talaga ako. Ito ba ang nais
ninyo patunayan sa akin?”
“Ginoo! Pero sa inyo ko nalaman, mula sa inyo mismo! Hindi lang ninyo
napuna nang dahil sa inyong kaba na sinabi na ninyo sa akin ang lahat. Kahapon
ay marami rin akong nalamang kasiya-siyang bagay tungkol sa inyo mula kay
Ginoong Razumikhin. Naputol ninyo ang sinasabi ko. Ngunit sa kabila ng inyong
talino ay nawawala ang inyong karaniwang katuwiran dahil sa mga pagdududa.
Kahit ihalimbawa na lang natin ang tungkol sa kampanilya. Ganoon kahalagang
bagay (buong katotohanan iyan) ay inilantad ko sa inyo ng bukas ang kamay at paa!
Samantalang ako ay ang imbestigador! At hindi ninyo ito nakikita? Aba’y kung
pinagsususpetsahan ko kayo nang kahit kaunti man lang ay ipaaalam ko pa ba sa
inyo? Sa kabaligtaran, dapat sana ay alisin ko muna ang inyong duda at huwag
magpahalata na may alam na ako at dadalhin ko ang inyong atensyon sa kabilang
dako at saka ko kayo babanatan sa bumbunan (tulad ng sarili ninyong ekspresyon).
At ano, Ginoo, ang ginagawa ninyo sa paupahan ng pinatay noong mga alas-diyes
ng gabi o halos alas-onse na yata? At bakit binatingting pa ninyo ang kampanilya?
Bakit kayo nagtanong tungkol sa dugo? At bakit din ninyo niyaya ang mga naroon
na pumunta sa presinto? Ganyan sana ang ginawa ko kung may gapatak man
lamang akong suspetsa laban sa inyo. Sana’y kinuha ko na mula sa inyo ang lahat
ng posibleng ebidensya ayon sa nararapat gawin—sisiyasatin, hahalughugin, at
aarestuhin ... Ibig lang sabihin ay hindi ko kayo pinagsususpetsahan kung kaya’t
hindi ganoon ang aking ginawa! Nawala na ang inyong sentido-kumon at wala
nang iba pang nakikita, inuulit ko!”
Nanginig ang buong katawan ni Raskolnikov na malinaw na napuna ni
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 363

Porfiry Petrovich.
“Nagsisinungaling kayo!” sigaw niya, “Hindi ko alam ang inyong layunin
ngunit nagsisinungaling kayo ... Kanina’y hindi ganyan ang laman ng inyong
pananalita. Hindi ako maaaring magkamali ... nagsisinungaling kayo!”
“Ako? Nagsisinungaling?” gagad ni Porfiry na parang nag-iinit ngunit
naroon pa rin ang masaya at natatawang anyo. Mukha rin itong di-nababahala ni
kaunti man sa magiging opinyon sa kaniya ni Raskolnikov. “Nagsisinungaling ako,
bakit? Paano ba ang ginawa ko sa inyo kanina? (Ako pa rin ang imbestigador).
Ako na mismo ang nagturo at nagpakita ng ganitong sikolohiya: karamdaman at
deliryo, nasaktan nang labis, melankoliya, at mga pulis, at lahat ng iba pa, di ba?
Ha? He-he-he!”
“Magkagayon man ay sasabihin ko na lahat ng sikolohikal na depensa
at dahilang ito ay sadyang hindi maaasahan at dalawa ang mukha: karamdaman,
deliryo, isipan at iba pa. Ganoon na nga, pero bakit kaya, kaibigan, na sa iyong
karamdaman at pagdedeliryo ay ganoon na nga ang inyong nakita at hindi iba?
Hindi ba’t posibleng iba ang mga ito, di ba? He-he-he!”
Mapagmalaki pa rin at may pagkamuhing tinitigan siya ni Raskolnikov.
“Sa madaling salita,” matigas at malakas niyang sabi matapos tumayo at
bahagyang itinulak si Porfiry, “Sa madaling salita ay nais kong malaman kung ako
ay tuluyan ninyong itinuturing na malaya mula sa inyong pagbibintang o hindi?
Magsalita kayo, Porfiry Petrovich, magsalita kayo nang malinaw at patapos ngayon
din!?”
“Ano ito, utos?” sagot ni Porfiry na masaya, may katusuhan, at bahagya
ma’y di-nababahala ang anyo, “At bakit kailangan ninyong malaman? Bakit ninyo
kailangang malaman pati iyon? Ni hindi pa nga kayo nagagambala ng mga ito?
Para kayong batang humihingi ng apoy! Bakit nga kayo mababahala? Ano ang
dahilan at kayo mismo’y nag uusisa nang ganyan sa amin? He-he-he!”
“Inuulit ko,” galit na sigaw ni Raskolnikov, “Hindi ko na matatagalan pa
ang ganito ...”
“Anong hindi na matagalan? Hindi naman natin alam?” putol ni Porfiry.
“Huwag ninyo akong galitin! Sinasabi ko sa inyo na ayaw ko ... ayaw
ko! Hindi ko kaya at ayoko! Naririnig ba ninyo? Naririnig ninyo?” sigaw niya at
muling sumuntok ang kamao sa mesa.
“Huwag kayong mag-ingay! Tahimik lang kayo at baka tayo marinig!
Pinaaalalahanan ko kayo, ingatan ang inyong sarili. Hindi ako nagbibiro!” Ngunit
364 FEODOR DOSTOYEVSKY

sa pagkakataong ito’y wala na ang malambot at tila takot na ekspresyon sa mukha


nito. Sa kabaligtaran, ngayon ay tuwiran itong nag-utos. Nagsalubong ang mga
kilay na para bang lumabag sa lahat ng lihim at pagdadalawang-loob. Ngunit iyon
ay sa isang iglap lamang. Naguluhan at di-malaman ni Raskolnikov ang gagawin,
ngunit ang nakapagtataka’y muli niyang sinunod ang utos na huwag mag-ingay,
kahit na nasa rurok na siya ng pagwawala.
“Hindi ko hahayaang ako’y pahirapan!” bulong niyang gaya kanina. Sa
isang iglap ay nakadama siya ng sama-ng-loob at muhi sapagkat napagtanto na
hindi siya maaaring hindi sumunod sa utos na lalong nagpasiklab ng galit sa kaniya,
“Arestuhin ninyo ako, kapkapan, ngunit kumilos kayo nang ayon sa nararapat at
huwag ninyo akong paglaruan! Huwag ...”
“Huwag kayong mag-alala tungkol sa kung ano ang nararapat,” sabad
ni Porfiry, nakangiting tila nanunuya at para bang nasisiyahan at naaaliw kay
Raskolnikov. “Ngayon ay inanyayahan ko kayo rito, kailangan, na parang nasa
aking pamamahay, gaya ng isang kaibigan!”
“Hindi ko hangad ang inyong pakikipagkaibigan, wala akong pakialam!
Narinig ninyo? Kukunin ko na ang aking sumbrero at ako’y aalis na. O, ano ngayon
ang masasabi mo kung gusto mo akong arestuhin?”
Kinuha niya ang sumbrero at pumunta na sa may pinto.
“Ayaw ba ninyong makita ang munti kong sorpresa?” hagikhik ni Porfiry
na muling humawak sa braso ni Raskolnikov at pinahinto sa may pinto. Lalong
nagiging masaya at mapaglaro ang kaniyang mukha na tuluyang nagpagalit kay
Raskolnikov.
“Anong sorpresa? Ano iyon?” tanong niya. Napahinto siya at takot na
tumingin kay Porfiry.
“Nariyan lang sa loob ng pinto ang aking sorpresa. He-he-he!” Itinuro
niya ang saradong pinto sa may harang na papunta sa kaniyang tirahan, “Isinusi
ko nga para hindi makaalis.”
“Ano iyon? Nasaan? Ano?” lumapit si Raskolnikov sa pinto at nais sana
itong buksan ngunit nakasusi.
“Nakasusi iyan. Heto ang susi!” At totoo ngang hinugot nito sa bulsa ang
susi at ipinakita sa kaniya.
“Nagsisinungaling ka lang!” sigaw niyang hindi na nakapagpigil,
“Sinungaling, isinumpang Punchinello!” At siyang sumugod kay Porfiry na
umurong sa may pinto, ngunit kaunti ma’y di-natatakot.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 365

“Naiintindihan ko, naiintindihan ko ang lahat!” daluhong nito sa kaniya,


“Nagsisinungaling ka at ginagalit mo ako upang malantad ako ...”
“Hindi na kita mailalantad pa nang higit, Rodion Romanovich, dahil
galit na galit na kayo. Huwag kayong sisigaw kundi’y tatawagin ko ang mga tao.”
“Sinungaling! Walang mangyayari! Tawagin mo ang mga tao! Alam
mong ako’y maysakit at nais mo akong galitin nang husto upang ipahuli ang
sarili. Iyon ang layunin mo! Magpakita ka ng mga katibayan! Alam ko na wala
kang katibayan! Puro mga haka-haka at mga walang-kuwentang hula, gaya ni
Zamyotov! Alam mo ang aking ugali. Nais mo talaga akong lituhin nang husto at
pagkatapos ay babagsakan mo ako ng mga obispo at deputados. Hinihintay mo
sila? Ano pa ang iyong hinihintay? Nasaan na? Ipakita mo!”
“Anong mga deputados? Kung ano-anong pumapasok sa isip! Hindi
naman puwedeng umaksyon ayon sa nararapat na anyo, tulad ng inyong sinabi.
Hindi ninyo alam ang problema, kaibigan, hindi ninyo alam ... Pero ang anyo ay
hindi mawawala, makikita ninyo!” sabi ni Porfiry na nakiramdam sa may pinto.
Nang mga oras na iyon ay sadyang may narinig na kung anong ingay.
“Hayan na!” sigaw ni Raskolnikov, “Ipinatawag mo sila! Hinintay mo sila.
Tinantiya mo ... Sige, papuntahin mo silang lahat dito. Mga deputados, saksi, at
kahit sino pang gusto mo ... dito! Nakahanda ako! Nakahanda!”
Ngunit dito’y naganap ang kakatwang pangyayari. Sa karaniwang takbo
ng mga bagay ay hinding-hindi sasagi sa isip ni Raskolnikov at maging ni Porfiry
Petrovich.
Walang sinumang nag-akala na magkakaganito.
VI

PAGKATAPOS AY GANITO ang naaalala ni Raskolnikov ukol sa mga naganap


ng mga sandaling iyon:
Lumakas ang mga narinig kaninang yabag sa may pinto at bahagyang
bumukas ito.
“Ano iyan?” inis ang sigaw ni Porfiry Petrovich, “Hindi ba’t nagbilin ako
na ...”
Wala agad sumagot ngunit kitang maraming tao sa likod ng pinto at
mukhang may kung sinong itinutulak.
“Ano bang nangyayari riyan?” ulit na naalarma ni Porfiry Petrovich.
“Dinala rito ang isang arestado, si Mikolai,” narinig ang isang boses.
“Huwag muna! Maghintay kayo! Bakit napunta iyan dito? Anong
kaguluhan ito?” sigaw ni Porfiry sabay hangos sa pinto.
“Siya ang ...” simula ng tinig na biglang naputol.
Dalawang segundo marahil at hindi lalampas ay nagkaroon ng tunay
na bunuan at may malakas na nagtulak sa isang tao, kasunod ang isang taong
maputlang-maputla na tumuloy sa opisina ni Porfiry Petrovich.
Ang kaanyuan ng lalaking ito sa unang tingin pa lang ay sadyang kakatwa.
Nakatingin siya sa kaniyang harapan ngunit parang walang nakikita. May kislap
ng determinasyon ang kaniyang mga mata ngunit kasabay nito ay patay ang kulay
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 367

na bumabalot sa kaniyang mukha na parang dinala siya sa kaniyang kamatayan.


Ang kaniyang puting-puting mga labi ay bahagyang nanginginig.
Napakabata pa niya, pangkaraniwang tao ang kasuotan, katamtaman
ang taas, may kapayatan, ang buhok ay ginupitang pabilog, at may maninipis na
parang tuyong guhit ang mukha. Biglang itinulak ni Mikolai ang taong pumipigil
sa kaniya ngunit muling nakahabol sa kaniya sa kuwarto at dinakma ang kaniyang
balikat. Muling nakahulagpos sa pagkakayapos si Mikolai.
Sa may pinto ay nagkulumpon ang ilang ususero. Ang ilan sa kanila’y
nagmamadaling pumasok.
Ito’y naganap nang halos isang iglap lamang.
“Umalis muna kayo! Maghintay hangga’t di tinatawag! Bakit dinala
ninyo iyan dito agad?” galit na sabi ni Porfiry Petrovich na mistulang nawala sa
tiyempo. Ngunit biglang lumuhod si Mikolai.
Sampung segundong namayani ang katahimikan. Mistulang napipi ang
lahat. Maging ang sumusubaybay kanina ay natigilan at hindi na lumapit kay
Mikolai. Umurong siya sa pinto at di-kumikilos.
“Ano ‘kamo?” sigaw ni Porfiry Petrovich nang lumipas ang saglit na
pagkabigla.
“Ako ang ... mamamatay-tao ...” ulit ni Mikolai pagkatapos ng sandaling
pananahimik.
“Paanong ... ikaw? Sino ang iyong ... pinatay?”
Halatang nalito si Porfiry Petrovich.
Muli’y di-umimik sandali si Mikolai, “Si Alyona Ivanovna at ang
kaniyang kapatid na si Lizaveta Ivanovna ... sa pamamagitan ng palakol. Nagdilim
ang aking isipan ...” dagdag niya at muling tumahimik. Nakaluhod pa rin siya.
Ilang sandaling nakatayo si Porfiry Petrovich, nag-iisip, nang biglang
parang natauhan at pinalabas ang mga di-tinawag na saksi na mabilis namang
lumabas at isinara ang pinto. Pagkatapos nito ay tumingin kay Raskolnikov na
nakatayo sa sulok at takang-takang bumaling kay Mikolai. Lalapitan sana nito si
Raskolnikov at pagkatapos ay huminto at tumitig sa kaniya, at muli, kay Mikolai.
Pagkatapos ay kay Raskolnikov ulit at muli ay kay Mikolai. At bigla, parang
nawiwiling humangos kay Mikolai.
“Ano? Masyado mo akong minamadali ng iyong pagdirilim ng isip!” sigaw
niyang halos di-mapigilan ang galit, “Hindi pa kita tinatanong kung nagdilim nga
ang iyong isip ... Magsalita ka, pumatay ka ba?”
368 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Ako’y mamamatay-tao. Patutunayan ko ...” sabi ni Mikolai.


“A! Anong ipinampatay mo?”
“Palakol. Inihanda ko iyon.”
“Nagmamadali talaga! Mag-isa?”
Hindi nakuha ni Mikolai ang tanong.
“Mag-isa. Si Mitka ay walang-kasalanan at walang anumang kinalaman.”
“O, huwag kang magmadali kay Mitka!”
“Papaano ka tumalilis sa hagdan noon? Papaano? Nakita kayong dalawa
ng mga katiwala?”
“Iyon ay para lang ... magdahilan noon ... tumakbong kasama si Mitka,”
mabilis at natataranta na parang inihanda na ni Mikolai ang gayong kasagutan.
“A, ganoon na nga!” galit na sigaw ni Porfiry, “Hindi mo salita ang mga
iyan!” sabi niya sa sarili at muli’y napatingin kay Raskolnikov.
Halata na napatuon ang kaniyang pansin kay Mikolai at sandaling
nalimutan si Raskolnikov. Nang maalala niya’y naguluhan pa siya ...
“Rodion Romanovich, Ginoo! Ipagpaumanhin ninyo!” lumapit siya sa
kaniya, “Masyado ko kayong naaabala ... dumalaw na lang kayo ... kita ninyo ...
maging ako’y nasosorpresa! Pasyalan ninyo ako ...” hinawakan niya ito sa kamay
at inihatid sa pinto.
“Mukhang hindi ninyo ito inaasahan?” nasabi ni Raskolnikov na hindi pa
rin talaga nalilinawan ang lahat, ngunit gumaan na nang husto ang pakiramdam.
“Kayo man, Ginoo, ay hindi nag-akala. Tingnan ninyo ang panginginig
ng inyong kamay. He-he-he!”
“Kayo man, Porfiry Petrovich, ay nanginginig.”
“At ako rin, hindi ko inakala ...”
“E, ang sorpresa, hindi na ninyo ipakikita?” tanong ni Raskolnikov.
“Nagsasalita pa kahit nag-uumpugan ang mga ngipin. He-he-he!
Kakatwa kayong tao, oo! Sige, hanggang sa muli!”
“Para sa akin ay paalam na!”
“Kung ano ang itatakda ng Diyos!” sabi ni Porfiry na parang ikinukubli
ang ngiti.
Habang palabas ng presinto ay napuna ni Raskolnikov na maraming
mata ang masusing tumitingin sa kaniya. Sa tanggapan ng mga bisita, kung saan
maraming tao ay nasulyapan niya ang dalawang bantay ng gusaling pinuntahan
niya, na niyaya niyang pumunta sa presinto noong gabing iyon. Nakatayo silang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 369

may hinihintay. Ngunit pagkalabas pa lang niya sa may hagdan ay muli niyang
narinig ang boses ni Porfiry Petrovich. Paglingon niya’y nakita niyang hinahabol
siya nito at humihingal.
“Isang bagay lang, Rodion Romanovich, tungkol sa lahat ng iba pa ay
itatakda ng Diyos, ngunit kakailanganin pa ring tanungin ko kayo ng ilang bagay
... kaya’t magkikita pa rin tayo, ha?”
Nakangiti sa kaniyang harapan si Porfiry.
“Okey?” ulit niya.
Maaaring isipin na mayroon pa siyang nais sabihin ngunit hindi na
naihayag.
“At ipagpaumanhin na sana ninyo, Porfiry Petrovich, ang tungkol
kanina. Nag-init ako,” simula ng tuluyang sumiglang si Raskolnikov, na dala ang
matinding pagnanasang ipakita ang kaniyang kalamigan.
“Walang anuman iyon,” halos masayang salo ni Porfiry, “Ako man
ay ... makamandag ang estilo, inaamin ko! O, paano? Magkikita pa tayo. Kung
ipahihintulot ng Diyos ay maraming ulit pa.”
“Upang tuluyang makilala ang bawat isa?” dugtong ni Raskolnikov.
“Upang tuluyang makilala ang bawat isa,” agap ni Porfiry Petrovich.
Makaraan ay kumunot-noo at seryosong tumingin sa kaniya, “Ngayo’y tutuloy ka
na sa isang pagdiriwang ng kaarawan?”
“Hindi. Sa libing.”
“Oo nga pala, sa libing! Ingatan ninyo sana ang inyong kalusugan.”
“A, ni hindi ko alam sa aking panig kung ano ang hangad para sa
inyo!” sagot ni Raskolnikov na nagsimula nang bumaba sa hagdan. Di kawasa’y
muli itong lumingon at nagwika kay Porfiry, “Hangad ko ang inyong malaking
tagumpay. Dahil ‘kita niyo naman ang inyong tungkulin kung gaano kakomiko!”
“Bakit naging komiko?” parang nanulis ang tainga ng papaalis na rin
sanang Porfiry Petrovich.
“Papaanong hindi? Malamang na piniga ninyo nang husto at pinahirapan
ang kawawang si Mikolai sa inyong sikolohikal na paraan hanggang hindi siya
magtapat. Marahil ay araw at gabing pinatutunayan ninyo sa kaniya na, “Ikaw
ang pumatay! Ikaw ang pumatay!” at ngayong nagtapat na siya ay muli ninyong
bubulatlatin ang kaniyang bawat buto at sasabihin namang, “Sinungaling!
Hindi ikaw ang pumatay! Hindi maaaring ikaw! Hindi mo sariling salita iyan!”
Papaanong hindi magiging katawa-tawa ang inyong tungkulin pagkatapos?
370 FEODOR DOSTOYEVSKY

“He-he-he! Napuna rin pala ninyo na sinabi ko kay Mikolai na hindi


niya salita ang sinasabi.”
“Papaanong di-mapupuna?”
“He-he-he! Matalino talaga kayo. Lahat ay napupuna ninyo! Tunay na
mapaglaro ang isip! Agad ninyong nakikita ang nakatatawang panig ... He-he-he!
Ganyan si Gogol41! Sa lahat ng manunulat ay sinasabing siya ang may ganoong
katangian sa pinakamataas na antas.”
“Oo. Si Gogol nga.”
“Si Gogol nga ... Hanggang sa masaya nating muling pagkikita ...”
“Hanggang sa masaya nating muling pagkikita ...”
Tumuloy si Raskolnikov sa bahay. Tuliro siya at gulong-gulo. Pagdating
niya sa bahay ay bumagsak agad siya sa kaniyang sofa at sangkapat na oras na
nakaupo’t walang ginagawa. Tinatangka niyang kahit papaano’y ayusin ang takbo
ng isipan. Hindi na siya nag-isip pa nang marami tungkol kay Mikolai. Ngunit
dama niya ang labis na pagkamangha sa pag-amin nito. Dito ay may di-kayang
ipaliwanag, nakapagtataka. Ngayo’y hinding-hindi niya maunawaan. Ngunit
ang pag-amin ay totoong nangyari. Malinaw na rin sa kaniya ang susunod na
mangyayari dulot ng kaniyang pag-amin. Hindi maaaring hindi matuklasan ang
kasinungalingan at muling haharapin siya. Ngunit pansamantala ay malaya pa siya
hangga’t hindi pa dumarating ang panahong iyon. At mayroon siyang kailangang
gawin sapagkat posible pa ang panganib.
Ngunit gaano kaposible? Nagsimula nang lumitaw ang sitwasyon niya.
Tuwing naaalala niya, kahit paputol-putol lang ang kabuuan ng mga eksena
kanina nila ni Porfiry, ay di niya maiwasang manginig sa takot. Oo nga’t hindi pa
niya alam ang buong layunin at di rin niya maabot ang lahat ng mga pagtatantiya
ni Porfiry. Ngunit nalantad na ang ilang bahagi ng laro at wala nang iba pang
nakaaalam nang higit sa kaniya kung gaano nakababahala ang hakbang na ginawa
ni Porfiry. Kaunti na lang at nailantad na niya ang sarili nang lubos. Dahil alam ni
Porfiry ang karamdaman niya at sa unang tingin pa lang ay sinunggaban na siya at
natural nang halos na tama ang naging pagkilos bagama’t masyado lang nakatitiyak.
Walang-duda na kanina’y labis na nakompromiso si Raskolnikov bagama’t hindi
pa talaga nakaaabot sa mga konkretong batayan. Lahat ay relatibo pa rin. Ngunit
tama kaya siya? Tama kaya ang lahat ng pagkakaunawa niya ngayon? Hindi

41 Si Nikolay Gogol ay isa sa mga kinikilalang pinakamagaling na manunulat na Ruso, lalo na sa


komedya.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 371

kaya siya nagkakamali? Ano kaya ang malamang na naging desisyon o resulta
ngayon ng imbestigasyon ni Porfiry? Totoo kaya na may inihanda siya kanina? At
ano nga kaya iyon? May hinihintay nga kaya siya kanina o wala? Papaano kaya
sila nagkahiwalay kanina kung hindi lang dumating ang katastropiyang dala ni
Mikolai?
Halos naipakita na lahat ni Porfiry ang kaniyang laro. Oo nga’t
nakipagsapalaran ngunit naipakita pa rin (sa palagay ni Raskolnikov). Kung totoo
mang may mas matindi pang maipakikita si Porfiry ay ipinakita na rin sana. Ano
naman ang sorpresa? Pinagtatawanan lang ba ako? May kahulugan ba iyon o wala?
Maaari kayang nakatago sa likod nito ang isang mukhang matibay na katunayan
man lang at sapat na maging positibong akusasyon? Ang tao kahapon, saan na siya
napunta? Nasaan na siya ngayon? Kung may hawak mang positibo si Porfiry ay
tiyak na may kaugnayan iyon sa tao kahapon.
Nakaupo siya sa sofa, nakalungayngay ang ulo, nakapatong ang mga siko
sa tuhod, at sapo ng mga kamay ang mukha. Ninenerbiyos siya at nanginginig ang
buong katawan. Sa wakas ay tumayo, kinuha ang sumbrero, nag-isip, at tumungo
na sa pinto.
Naramdaman niya na kahit papaano ay maaari niyang ituring na ligtas
siya sa araw na ito. Bigla’y nakaramdam siya ng kahalintulad na sigla ng puso.
Gusto niyang magmadali sa pagpunta kina Katerina Ivanovna. Huli na siya sa
libing ngunit aabot siya sa salusalo. At doo’y makikita niya si Sonya.
Huminto siyang nag-isip at gumitaw sa mga labi ang mabigat na ngiti.
“Ngayon! Ngayon na!” ulit niya sa sarili, “Oo, ngayon din mismo!
Kailangan ...”
Bubuksan na sana niya ang pinto nang ito ay kusang bumukas. Nagulat
siya at napaurong. Marahan at walang-ingay ang pagbukas ng pinto at lumitaw
ang hugis ng ... tao kahapon, ang mula sa ilalim ng lupa.
Nakatayo ang tao sa may pinto, tahimik na nakatingin kay Raskolnikov, at
humakbang papasok sa kuwarto. Ganoon na ganoon siya kahapon, gayundin ang
hugis, gayundin ang kasuotan, ngunit malaki ang pagbabago ng kaniyang mukha
at tingin. Siya ay mukhang nagsisisi. Huminga ang tao nang malalim. Kulang na
lang ay ilagay ang palad sa pisngi at ikiling sa balikat ang ulo, at mapagkakamalan
nang babae.
“Anong kailangan ninyo?” tanong ng tigagal na si Raskolnikov.
Hindi kumibo ang tao. Bigla’y yumuko na yukong-yukong na halos
372 FEODOR DOSTOYEVSKY

hanggang sahig sa harap ni Raskolnikov. Sumayad ang guwantes ng kanang


kamay niya sa sahig.
“Ano ba kayo?” sigaw ni Raskolnikov.
“Ako ay may kasalanan sa inyo,” mahinang bigkas ng tao.
“Saan?”
“Sa pag-iisip nang masama.”
Nagtitigan ang dalawa.
“Masama ang loob ko noon. Nagalit ako nang kayo’y dumating na
marahil ay lasing. Inanyayahan ninyo ang mga bantay sa gusali at nagtanong ukol
sa dugo. Pagkatapos ay pinabayaan kayong umalis na akala’y lasing lang. Sa sama-
ng-loob ay di ako nakatulog. Naalala namin ang adres at kahapon ay pumunta
kami rito at nagtanong-tanong ...”
“Sinong pumunta?” putol ni Raskolnikov na nagsimula nang maalala ang
nangyari.
“Nagkasala ako sa inyo.”
“Tagaroon din ba kayo?”
“Oo, roon nga. Nakatayo kami noon sa may tarangkahan, di ba ninyo
natatandaan? May maliit kaming hanapbuhay roon, matagal na. Nagpapatuyo
kami at gumagawa ng mga kasuotan mula sa balat at balahibo. Dinadala namin sa
bahay ang trabaho ... Hiyang-hiya ako sa inyo.”
Malinaw nang naalala ni Raskolnikov ang eksena sa may tarangkahan
noong kamakatlong araw na nagdaan. Naalala niyang maliban sa mga bantay
ay mayroon pang ilang nakatayo roon, may mga babae rin. Naalala niyang may
isang tinig na nagmungkahing dalhin siya sa presinto. Kahit ngayo’y hindi niya
matandaan ang hitsura ng nagsalita, bagama’t natatandaan pa niyang nilingon niya
ito at may sinabi sa kaniya ...
Kaya’t narito na ang paliwanag sa pangyayari kahapon na labis na
tumakot sa kaniya. Ang mas nakatatakot ay ang katotohanang talagang muntik
na siyang mamatay, muntik na niyang patayin ang sarili sa ganoong walang-
kuwentang sitwasyon. Lumilitaw na liban sa paghahanap niya ng mauupahan at
salitaan tungkol sa dugo ay wala nang alam ang taong ito. Mangyari pa, maging
si Porfiry, ay walang-nalalaman, kundi ang deliryo, walang-batayan kundi ang
kaniyang sikolohiya, na wika niya’y dalawa ang dulo.Wala nang iba pa! At kung
wala nang iba pang patibay ang lilitaw (at hindi na maaari pang lumitaw, hindi
maaari, hindi maaari!) ay ... ay ano pa ang magagawa sa kaniya? Ano ngayon ang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 373

akusasyon laban sa kaniya kahit arestuhin pa siya? At ngayon lang pala nalaman ni
Porfiry ang tungkol sa paupahan.
“Iyan ba ang sinabi ninyo ngayon kay Porfiry ... nang ako ay pumunta
roon?” sigaw niya na lukob ng isang ideya.
“Sinong Porfiry?”
“Ang hepeng imbestigador.”
“Sinabi ko nga. Ang mga bantay ay hindi pumunta ngunit ako ay
tumuloy.”
“Ngayong araw na ito?”
“Nauna lang ako nang sandali sa inyo. At narinig ko ang lahat ng
kaniyang interogasyon sa inyo.”
“Saan? Ano? Kailan?”
“Doon sa harang sa opisina niya. Doon lang ako nakaupo.”
“Ano? Kayo pala ang sorpresa niya? Paano naman nangyari iyon?”
“Nang makita ko,” simula niya, “na hindi pupunta ang mga bantay dahil sa
sinabi ko at gabi na raw. Baka raw magalit pa iyon at ganoong oras kami pumunta.
Hindi ako nakatulog sa pag-iisip. Ipinasya ko na alamin ang lahat. Nang malaman
ko nga kahapon ay nagtuloy na ako kanina sa presinto. Wala siya nang una akong
dumating. Pangalawa, isang oras ang makalipas ay hindi ako pinapasok. Nang
pangatlo’y pinatuloy na ako. Inilahad ko ang lahat sa kaniya kung paano ang lahat
ng pangyayari. Nagsimulang magparoo’t parito siya sa kuwarto at binabayo ang
dibdib, “Anong akala ninyo, mga tulisan, sa inyong ginagawa? Kung nalaman ko
lang agad ang tungkol diyan ay pinaaresto ko na sana siya!” Pagkatapos ay humangos
siya at may ipinatawag. Nag-usap sila sa sulok at pagkatapos ay binalikan niya
ako ulit, nagtatanong at nagmumura. Marami siyang isinisisi sa akin. Ikinuwento
ko naman ang lahat sa kaniya at sinabi ko rin na wala kayong naisagot sa mga
sinabi ko sa inyo kahapon at hindi ninyo ako nakilala. Halos patakbo-takbo siya at
binabayo ang dibdib sa galit. Nang sabihing dumating kayo ay pinapasok niya ako
sa may dibisyon at sinabing, “Maupo ka muna riyan at huwag gagalaw, ano man
ang inyong marinig.” Pinagdala niya ako ng upuan at isinusi. Baka raw tatanungin
pa niya ako. Ngunit nang dalhin si Mikolai ay pinalabas na rin ako pag-alis ninyo.
Ipatatawag daw ulit niya ako at tatanungin.”
“Narinig mo bang tinanong si Mikolai?”
“Pagkaalis ninyo ay pinaalis na rin ako. Sinisimulan na noon ang
interogasyon.”
374 FEODOR DOSTOYEVSKY

Tumigil ang tao at muling yumukong sayad ang guwantes sa sahig.


“Patawarin ninyo sana ako sa paninira at masamang isip ko sa inyo.”
e
Ikalimang
Bahagi
I

KINAUMAGAHAN, MATAPOS ang kabiguan ni Pyotr Petrovich kina Dunya


at Pulheria Aleksandrovna, ay nahimasmasan na ito. Mabigat na mabigat man ang
damdamin ay unti-unti na niyang natatanggap na hindi na maibabalik pa ang mga
nangyari. Kahapon, pakiramdam niya’y imposibleng maganap ang ganoon. Kahit
ito’y nangyari na nga’y parang di pa rin siya makapaniwala. Magdamag na lingkis
at kagat ng maitim na ahas ng pag-ibig sa sarili ang kaniyang puso. Bumangon siya
sa pagkakahiga at humarap sa salamin. Nangamba siya na baka sa magdamag ay
pumutla na siya. Mabuti naman at sa bagay na iyon ay maayos pa naman ang lahat.
Pagkakita sa kaniyang marangal, maputi, at bahagyang nananambok na mukha
ay bahagyang nakahinga pa nang maluwag si Pyotr Petrovich. Buo ang kaniyang
pananalig na makakakita siya ng mapangangasawa sa ibang lugar at baka mas
malinis pa. Ngunit noon din ay natauhan at malakas na “pwe!” na dahilan upang
walang-imik na sarkastikong ngumiti ang kaniyang kaibigan at kasambahay na
si Andrei Semyonovich Lebezyatnikov. Napuna ito ni Pyotr Petrovich at noon
din ay tinandaan niya ang “utang” na ito ng kaniyang nakababatang kaibigan.
Marami na siyang kimkim na sama-ng-loob sa kaniya nitong mga nakaraang
araw. Dumoble ang kaniyang galit nang maisip na hindi na niya dapat pang
ikinuwento kay Andrei Semyonovich ang nangyari kahapon. Iyon ang ikalawang
pagkakamali na nagawa niya kahapon dahil sa galit, labis na pagngitngit, at bugso
378 FEODOR DOSTOYEVSKY

ng dugo. Nang umagang iyon ay nagkasunod-sunod ang kamalasan. Maging


sa Senado ay may naghihintay sa kaniyang kamalasan sa usaping nilakad niya.
Lalo siyang ginalit ng may-ari ng paupahan na inuupahan at ipinakukumpuni ng
sariling pera. Ayaw pumayag ng may-ari na isang mayamang artisanong Aleman
na bawiin ang kapipirma pa lamang na kontrata at hinihingi pa rin ang lahat ng
kabayarang nakasaad sa kontrata, kahit isinauli na sa kaniya ni Pyotr Petrovich
ang paupahan na bagong kumpuni. Gayundin sa tindahan ng muwebles. Walang-
makapagpapayag sa kanilang ibalik ni isang kusing sa kaniyang paunang-bayad sa
mga kagamitan, kahit hindi pa nadadala ang mga ito sa paupahan. “Mag-aasawa ba
ako nang dahil na lang sa muwebles?!” ngingit ni Pyotr Petrovich sa sarili. Kasabay
nito ay kumislap muli ang kaunting pag-asa, “Di yata’t lahat ay bagsak at tapos
na?! Di yata’t hindi na puwedeng sumubok ulit?” Ang alaala ni Dunya ay tuksong
tumitimo sa kaniyang puso. May pagdurusang pinalampas niya ang sandaling iyon
at kung maaari nga lang na sa pamamagitan lamang ng paghahangad ay kayang
patayin si Raskolnikov ay agad nang hahangarin ito ni Pyotr Petrovich.
“Ang isa ko pang pagkakamali, liban doon, ay ni hindi ko sila binigyan ng
pera maski magkano,” sa loob nito habang bumabalik sa kuwarto ni Lebezyatnikov,
“Bakit ba naging ganoon ako kasuwapang? Ni hindi ko iyon natantiya man
lang! Inisip ko kasi na pahirapan sila nang husto at ako’y titingnan pagkatapos
na mistulang tagapagligtas. Pero ngayo’y ... hayun! Pwe! Kung binigyan ko lang
siguro sila ng mga panahong iyon nang kahit isang libo’t limang daang rublo
lamang, halimbawa, bilang dote o kaya’y regalo, iba’t-ibang kahon, mga gamit sa
araw-araw, alahas, at kung ano-ano pang basura mula kay Knopp o sa tindahang
Ingles, mas maganda sana at mas matibay ang aking lagay! Hindi sana nila ako
iniwan nang ganoon kadali! Ganoong klase ang mga taong ito. Tiyak na isasauli
nila ang lahat ng pera’t regalo kung sakali mang umayaw. Ngunit magiging
mabigat at sayang naman kung isasauli! Isa pa’y hindi nila makokonsiyensya.
Papaanong mapapalayas ang isang taong napakagalante at napakabait sa kanila?
Hmm! Kasalanan ko!” muling nagngalit ang kaniyang mga ngipin. Tinawag ni
Pyotr Petrovich ang sariling “gago” ngunit mahina lang, siyempre.
Nang makarating siya sa ganoong konklusyon ay bumalik siya sa bahay
nang doble ang init ng ulo kaysa kaninang lumabas. Nakuha rin ang kaniyang
atensyon ng paghahanda ng salusalo sa kuwarto nina Katerina Ivanovna. Kagabi
ay may narinig na siya tungkol sa paghahandang ito, parang may natatandaan
nga siya na pati siya’y imbitado. Ngunit dahil sa mga sariling usapin ay hindi niya
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 379

ito masyadong nabigyang-pansin. Agad niyang inalam kay Gng. Lippevechsel na


siyang nag-aasikaso habang wala si Katerina Ivanovna (na nasa sementeryo). Sa
tabi ng hapag-kainan ay napag-alaman niyang masagana ang handaan. Kumbidado
ang lahat ng nakatira sa gusali, pati ang hindi kilala ng yumao ay kasama. Si
Andrei Semyonovich Lebezyatnikov, kahit kamakailan lang ay nakipag-away
kay Katerina Ivanovna, ay inanyayahan din. Maging siya, si Pyotr Petrovich, ay
hindi lang basta inanyayahan, kundi buong pananabik na hinihintay, sapagkat
siya ang pinakaimportateng tao sa mga nakatira roon. Si Amalia Ivanovna rin
ay isa sa mga panauhing-pandangal, kahit may mga dating pinag-awayan,
dahilan kung bakit siya’y nag-aasikaso at nagpapakaabala ngayon. Siya’y parang
nasisiyahan, bihis na bihis kahit nakaluksa. Lahat ng suot ay bago, ang damit na
seda ay mamahaling balahibo. Siya’y namamayagpag. Lahat ng kaalamang ito’y
nagpaisip kay Pyotr Petrovich na pumasok na sa kaniyang kuwarto o kuwarto pala
ni Andrei Semyonovich Lebezyatnikov. Nalaman din kasi niya na kasama sa mga
inimbitahan si Raskolnikov.
Buong umagang nasa kuwarto lang si Andrei Semyonovich. Kakaiba
man ay naging natural ang pakikipagkaibigan ni Pyotr Petrovich sa kaniya.
Kinamumuhian at kinaiinisan niya ito sa unang araw pa lang ng kaniyang
paninirahan doon, ngunit kasabay nito ay parang namamag-asa rin siya rito.
Sa kaniya siya tumuloy pagdating niya sa St. Petersburg, hindi lang dahil sa
pagtitipid, bagama’t iyon na siguro ang pinakamahalagang dahilan, ngunit may iba
pa. Nasa probinsya pa siya ay narinig na niya ang ukol kay Andrei Semyonovich,
ang kaniyang dating katulong, na isa sa mga kabataang progresibo na may
ginagampanang mahalagang papel sa ilang interesante at kilalang grupo. Ito ang
labis na nagpamangha kay Pyotr Petrovich. Ito ang malalakas, alam ang lahat,
namumuhi sa lahat, at lahat ay tinutuligsa. Ito ay uri ng samahang matagal nang
kinatatakutan ni Pyotr Petrovich. Takot na hindi niya maipaliwanag. Kung siya
lang, habang nasa probinsya, ay hindi maaaring magkaroon ng sapat na ideya
tungkol sa kanila, kahit bahagya lang ang pagkakahawig. Narinig niya na umiiral
ang mga ito, lalo na sa St. Petersburg—mga nihilista, progresista, mapanuligsa,
at iba pa. Ngunit gaya ng iba ay pinalalaki o binabaluktot ang kahulugan ng mga
katawagang ito, na napakalayo na sa totoo. Higit niyang kinatatakutan, ilang taon
na rin, ang mga panunuligsa at paglalantad. Iyon ang pangunahing batayan ng
kaniyang patuloy at pinalalaking pangamba, lalo na’t pangarap niya ang lumipat sa
St. Petersburg. Sa bagay na ito ay takot siya kung papaanong takot ang maraming
380 FEODOR DOSTOYEVSKY

maliliit na bata. Ilang taon na ang nakalilipas nang nagsisimula pa lang siya ay
nasaksihan niya ang dalawang insidente ng malupit na paglalantad sa kapwa
makapangyarihang tao na pareho niyang kakilala at patron. Ang una ay sadyang
naging malaking eskandalo para sa taong nalantad at ang isa naman ay natapos
nang nagdulot ng maraming sakit ng ulo. Kung kaya’t pagdating ni Pyotr Petrovich
sa St. Petersburg ay nagpasya siyang alamin ang buong sitwasyon at magpati-una
nang alamin ang mga ito mula sa nakababatang bagong salinlahi. Sa bagay na iyon
ay umasa siya kay Andrei Semyonovich. Kaya’t nang dalawin niya si Raskolnikov
ay natuto na siyang magbanggit ng ilang pangkalahatang pangungusap mula sa
bibig ng iba ...
Mabilis din niyang natuklasan na si Andrei Semyonovich ay sadyang
payak at pangkaraniwang tao lang. Ngunit ito ay hindi rin nagpalakas ng loob at
nagpasigla kay Pyotr Petrovich. Kahit pa makita niyang ang lahat ng progresista
ay puro mga tunggak din ay hindi rin siya matatahimik. Ang totoo ay wala siyang
pakialam sa lahat ng mga aral, ideya o sistema (na ibinuhos lahat sa kaniya ni
Andrei Semyonovich). Hangad lang niya na mabilis at walang-pasubaling alamin
ang lahat kung ano at paanong nangyari ang ganoon. May kapangyarihan ba ang
mga taong ito o wala? Mayroon ba siyang dapat katakutan o wala? Ibubulgar ba
siya kung gagawin niya ang isang bagay o hindi? At kung ibubulgar ay ano-ano
ba ang mga inilalantad ngayon? Dagdag pa, puwede kayang makipagkasundo sa
kanila o kaya’y paikutin sila kung makapangyarihan man? Puwede kayang isandal
at palakarin ang kaniyang propesyon sa pamamagitan nila? Sa maikling salita ay
marami siyang mga katanungan.
Si Andrei Semyonovich ay payat, namumutla, at mukhang may
karamdaman, na mababa at nagtrabaho na kung saan. Naiiba ang kaniyang kaanyuan
na puti ang buhok at may makapal na bigoteng sadyang ipinagmamalaki. Liban pa
riyan ay palaging masakit ang kaniyang mga mata. Malambot ang kaniyang puso
ngunit ang mga salita’y laging puno ng tiwala sa sarili, na kung minsa’y lumalabis
at kung ito’y ihahambing sa kaniyang hitsura ay nagiging katawa-tawa. Sa mga
nangungupahan kay Amalia Ivanovna ay isa siya sa mga iginagalang. Ibig sabihin
ay hindi siya naglalasing at laging nagbabayad ng upa sa tamang oras. Gayunman,
sa kabila ng lahat ng katangiang ito, si Andrei Semyonovich ay may kabobohan.
Sumangkot siya sa kilusan dala ng alab ng damdamin para sa progreso at sa ating
mga “nakababatang henerasyon.” Siya ay isa sa napakarami at iba’t ibang liga ng
mga mangmang, walang-pinagkatandaan, at walang-natutuhang ginagago ang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 381

sarili, na sa isang kisapmata’y kumakapit sa pinakausong ideya upang noon din


ay gawing bulgar ito at gawing katawa-tawa, kahit na tapat at marubdob ang
kaniyang pagnanasang maglingkod.
Si Lebezyatnikov man, sa kabila ng kaniyang tunay na kabaitan, ay
nagsimula na ring mainis sa kaniyang kasambahay at dating amo. Nangyari ito sa
dalawang panig nang di-sinasadya. Simple man ang utak ni Andrei Semyonovich
ay unti-unti niyang nakikita na nais siyang paikutin ni Pyotr Petrovich at lihim na
kinamumuhian, “Iba talaga ang taong ito.” Sinubukan niyang ipaliwanag sa kaniya
ang sistema ni Fourier at ang teorya ni Darwin ngunit masyadong sarkastiko ang
pakikinig ni Pyotr Petrovich at magaspang pa ang mga salita nitong mga huling
araw.
Ang totoo ay sinasabi ng instinct ni Pyotr Petrovich na hindi lang simple
at bobo si Lebezyatnikov, kundi marahil ay isa pang sinungaling, na baka wala
naman siyang mahahalagang koneksyon, maging sa sariling grupo at naririnig lang
niya ang lahat mula sa ikatlong bibig. Liban pa riyan, malamang na hindi rin niya
alam masyado ang kaniyang gawaing pampropaganda dahil masyadong maraming
kalituhan. Isa pa’y paano siya magiging tagabatikos! Isa pa’y babanggitin natin
dito sandali na sa loob ng isa’t kalahating linggo ay masayang tinanggap ni Pyotr
Petrovich ang mga kakaibang papuri mula kay Andrei Semyonovich, na hindi raw
siya tumututol, halimbawa, sabihin man ni Andrei Semyonovich ang kaniyang
kahandaan na tumuloy sa kalsadang Meshanski; o kaya’y hindi niya pagtutol
kung sakali mang sa unang buwan pa lamang ng kasal ay maisipan ni Dunya na
makipagkalaguyo; o kaya’y pagpapasyang huwag nang pabinyagan ang magiging
mga anak at maraming iba pa. Si Pyotr Petrovich naman, gaya ng nakagawian,
ay hindi tumutol sa mga katangiang iyon, na patungkol sa kaniya at hinayaang
purihin siya sa ganoong paraan. Anumang papuri ay ikinasisiya niya.
Ngayong umaga, sa kung anong kadahilanan, ay nagpapalit si Pyotr
Petrovich ng limang porsiyentong bonds. Nakaupo siya sa may mesa habang
binibilang ang bungkos ng pera. Si Andrei Semyonovich naman, na palaging
walang-pera, ay palakad-lakad sa kuwarto at nagkukunwang hindi pinapansin
at hindi interesado sa bungkos ng pera. Hindi maniniwala kailanman si Pyotr
Petrovich na talagang hindi interesado sa mga ito si Andrei Semyonovich. Sa panig
naman ni Andrei Semyonovich ay nag-init siya sa ideyang ganoon na nga ang
iniisip sa kaniya ni Pyotr Petrovich at malamang na nasisiyahan pa itong salingin
at tuksuhin ang kaibigang binata sa pamamagitan ng nakakalat na bungkos ng
382 FEODOR DOSTOYEVSKY

perang papel, na nagpapaalala sa kaniyang kababaan at sa malaking agwat nilang


dalawa.
Sa unang pagkakataong ito, nakita ni Andrei Semyonovich si Pyotr
Petrovich na mainit ang ulo at di-namamansin kahit na siya ay nagsimula nang
magtalakay ng kaniyang paboritong tema ukol sa pagtatatag ng isang bago at
natatanging “komyun.” Ang maiikling pagtutol at pagpuna ni Pyotr Petrovich sa
pagitan ng mga pagpapalagutok, paghikab, at pagbibilang ng pera ay malinaw
na nagpapakita ng kawalang-pagpapahalaga at pagkutya. Ngunit inisip ng
makataong si Andrei Semyonovich na ang ganoong kalagayan at kondisyon ni
Pyotr Petrovich ay dala ng pakikipaghiwalay niya kahapon kay Dunya. Matindi ang
kaniyang pagnanais na buksan nito ang nasabing tema. Mayroon siyang masasabi
tungkol dito bilang progresibo at propagandista, na posibleng makapagpaluwag
ng kalooban ng kaniyang iginagalang na kaibigan at walang-dudang magdudulot
ng ikasusulong nito.
“Ano bang salusalo ang inihahanda ng nabiyuda?” tanong ni Pyotr
Petrovich na pinutol si Andrei Semyonovich sa pinakapanapanabik na bahagi.
“Parang hindi ninyo alam. Di ba’t sinabihan ko na kayo tungkol diyan
kahapon? Tinalakay ko rin ang iba pang ideya tungkol sa mga kaugaliang ito ...
Kayo man ay kaniyang inimbitahan, narinig ko. Kayo mismo ang nakipag-usap sa
kaniya kahapon ...”
“Hinding-hindi ko sukat-akalain na gagastusing lahat ng isang
pulubing sira-ulo na gaya niya ang mga perang ibinigay ng isa pang sira-ulong si
Raskolnikov. Nagulat pa siya kaninang dumaan doon. Ang mga inihandang alak!
Ipinatawag pa ang ilang tao! Demonyo lang ang nakaaalam kung bakit!” patuloy
ni Pyotr Petrovich na sinimulan ang temang ito na parang may gustong tunguhin,
“Ano? Sinasabi ba ninyo na ako man ay imbitado?” dugtong niya na iniangat
ang ulo. “Kailan iyon? Hindi ko matandaan at saka hindi ako pupunta. Bakit pa?
Kahapon ay kinausap ko siya sandali tungkol sa posibilidad na makatanggap ng
taunang pensiyon bilang naghihikahos na biyuda ng isang opisyal. Siguro’y iyon
ang dahilan kaya niya ako inimbitahan. He-he-he ...”
“Wala rin akong balak na pumunta,” sabi ni Lebezyatnikov.
“Ano pa nga ba! Pagkatapos ninyo siyang saktan. Siyempre,
makokonsensya kayo! He-he-he!”
“Sinong sinaktan at sinong nanakit?” nagulat si Lebezyatnikov at namula.
“Kayo, di ba? At si Katerina Ivanovna, isang buwan na ang nakalilipas!
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 383

Narinig ko kahapon ... Hayan ang mga konbiksyon! Maging ang tanong ukol sa
kababaihan ay maaapuhap. He-he-he!”
At parang natahimik na muling nagbilang si Pyotr Petrovich.
“Lahat ng iyan ay kalokohan at kasinungalingan!” sambulat ni
Lebezyatnikov na ikinahihiya ang pangyayaring iyon.
“Isa pa’y hindi naman ganoon ang tunay na pangyayari! Iba ang inyong
narinig! Kasinungalingan! Nagtanggol lang ako noon. Siya ang unang umatake
sa akin na nangangalmot ... Nagalusan niya ang aking pisngi ... Bawat tao’y may
karapatan naman sigurong ipagtanggol ang sarili. Isa pa’y hindi ko pahihintulutan
ang sinuman na ako’y daanin sa dahas ... bilang prinsipyo. Dahil iyon ay halos
despotismo. Ano ba ang gagawin ko noon, tatayo na lang sa kaniyang harapan?
Itinulak ko lang siya nang kaunti.”
“He-he-he!” patuloy ang mapangutyang pagtawa ni Luzhin.
“Kaya kayo nang-iinis ay sapagkat kayo man ay galit at napopoot ...
ngunit iyon ay walang anumang kaugnayan sa usapin ng kababaihan! Iba ang
inyong pagkaunawa. Sa tingin ko nga, kung katanggap-tanggap na ang babae’y
kapantay ng lalaki sa lahat, maging sa lakas, na ipinakikita nila, ay lumilitaw na
maging sa bagay na iyon ay pantay na rin. Siyempre, ang pangangatuwiran ko
pagkatapos ay hindi rin puwede ang ganoong katarungan sa kaibuturan dahil sa
darating na panahon ay mawawala na rin ang mga pag-aaway sa lipunan ... Kaya’t
kakatwa yatang maghanap ng kapantayan sa away. Hindi ako ganoon ... kabobo ...
bagama’t mayroon talagang away ... at pagkatapos ay mawawala na ngunit ngayon
nga’y mayroon pa. Pwe! Demonyo! Nakalilito kayo! Hindi ako pupunta sa salusalo
hindi dahil sa nangyaring away na iyon. Hindi ako pupunta dahil sa prinsipyo.
Ayaw kong lumahok sa madilim na superstisyong bahagi ng kalakarang iyon. Iyan
ang dahilan! Kung sabagay ay maaari ring pumunta upang magtawa ... ngunit
sayang din at walang darating na pari, kung hindi’y talagang pupunta ako.”
“Ibig sabihi’y dudulog kayo sa pagkain at kasabay nito ay lalaitin siya, pati
na ang ibang nag-anyaya sa inyo. Ganoon ba?”
“Hindi sa manlalait, kundi magpoprotesta. Ang aking layunin ay may
kapakinabangan. Sa hindi tuwirang paraan ay maisusulong ko ang pag-unlad
at propaganda. Bawat tao’y may tungkuling magpaunlad at magpropaganda at
siguro’y mas mabuti kung mas matalim ang paraan. Maipupunla ko ang ideya na
parang ... binhi. Mula sa binhing iyon ay tutubo ang katibayan. Ano naman ang
masamang maidudulot noon sa kanila? Sa simula’y masasaktan pero pagkatapos
384 FEODOR DOSTOYEVSKY

ay makikitang kabutihan ang dinala ko sa kanila. Dati’y inakusahan si Terebyef


(na ngayo’y nasa komyun). Nang iwan niya ang kaniyang pamilya at sumama sa
komyun ay sumulat siya sa kaniyang ama at ina at nagsabing ayaw na niyang
mabuhay sa pagitan ng mga maling paniniwala at ngayo’y papasok siya sa
malayang pag-aasawa. Ang sabi nila’y masyado raw iyong magaspang at dapat
na kinaaawaan ang mga magulang at isinulat iyon nang mas malambot. Sa tingin
ko’y kalokohan ang lahat ng iyon. Sa kabaligtaran pa nga, dapat ay magprotesta.
Hayun si Varens, pitong taong may asawa. Iniwan ang dalawang anak at sinulatan
ang asawa nang ganito katindi: “Napag-alaman ko na hindi ako liligaya sa inyong
piling. Kailanman ay hindi ko kayo mapatatawad sa inyong panloloko sa akin at
pagtatago na umiiral ang ibang sistemang panlipunan—ang komyun. Kailan ko
lang nalaman ito mula sa isang dakila at butihing tao. Sumama na ako sa kaniya,
magkasama kaming lilikha ng komyun. Ito ang tuwiran kong sinasabi sa inyo
sapagkat kawalang-puri ang kayo’y lokohin. Kayo ang nagpapasya sa inyong sarili.
Huwag kayong aasa na ako’y inyong maibabalik pa. Huling-huli na kayo. Hangad
ko ang inyong kaligayahan.” Ganyan ang pagkakasulat sa nasabing liham!”
“Iyon bang Terebyef na iyon ang sinasabi ninyong tatlong beses nang
nagpapakasal?”
“Dalawa pa lang kung ibabatay sa tunay na kasal! Pero kahit na ikaapat
o ikalabinlima, pareho lang! At kung may oras man na ipinanghihinayang ko
ang kamatayan ng aking ama at ina ay ngayon na iyon. Ilang beses ko na ring
pinangarap, na kung buhay lang sana sila, ay makailang beses ko silang pag-aalabin
ng protesta! Mayroon akong sasadyaing gawin ... Anong suportado ang sarili?
Pwe! Sana’y ipinakita ko sa kanila! Gugulatin ko sila! Sayang nga at wala na sila!”
“Paano ninyo magugulat? He-he-he! Sige, bahala na kayo roon,” putol
ni Pyotr Petrovich, “Pero sabihin nga ninyo, kilala ninyo ang anak na dalaga ng
yumao, di ba? Iyong mukhang mahinhin! Totoo ba ang lahat ng sinabi tungkol sa
kaniya, ha?”
“E, ano? Sa tingin at sa sarili kong opinyon ay iyon ang pinakanormal na
kalagayan ng babae. Bakit hindi? Matutukoy naman. Sa kasalukuyang lipunan ay
hindi nga ito normal dahil nga sa napipilitan, ngunit sa darating na panahon ay
magiging normal na dahil sa malaya. At ngayon ay may karapatan siya dahil siya’y
nagdusa na. Iyon ang kaniyang puhunan, kapital ang tawag, at siya ang may lubos
na karapatang magtakda. Siyempre, sa lipunan ng bukas ay hindi na kakailanganin
ang puhunan, ngunit iba na ang kahulugan at kahalagahan ng kaniyang papel.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 385

Ito ay magkakaroon ng batayang maayos at rasyonal. Tungkol naman kay Sofia


Simyonovna mismo sa kasalukuyan, ang tingin ko sa lahat ng kaniyang pagkilos
ay isa itong anyo ng protesta laban sa kaayusang panlipunan. Dahil doon ay labis
ko siyang iginagalang. Nasisiyahan ako na siya’y makita!”
“Pero ang sabi sa akin ay kayo ang nagpalayas sa kaniya mula rito!”
Naulol sa galit si Lebezyatnikov.
“Iyan ay isa na namang kasinungalingan!” sigaw niya, “Hindi ganoon
ang usapin! Hinding-hindi ganoon! Lahat ay kagagawan at kasinungalingan ni
Katerina Ivanovna dahil wala siyang nauunawaan! At kailanman ay hindi ko
sinipingan si Sofia Simyonovna! Pinasusulong ko lang ang kaniyang personal
na pag-unlad nang walang-personal na hangarin. Binubuhay ko sa kaniya ang
pagprotesta ... Protesta lang ang aking hangad. Hindi na rin mapananatili si Sofia
Simyonovna rito sa mga kuwarto.”
“Tinawag na ba sa komyun?”
“Nagtatawa pa rin kayo pero hindi tumutugma. Ipahintulot ninyong
punahin ko. Wala kayong naiintindihan! Walang ganoong papel sa komyun.
Itinatayo ang mga komyun upang mawala ang mga ganoon. Babaguhin ng
komyun ang lahat ng kalagayan. Ang kabobohan dito ay magiging katalinuhan
doon. Ang hindi natural sa ating kalagayan ngayon ay magiging likas doon. Lahat
ay depende sa kalagayan at kapaligiran ng tao. Lahat ay mula sa kapaligiran at ang
tao ay walang-kabuluhan. Hanggang ngayon ay mabuti ang pagkakakilala namin
ni Sofia Simyonovna sa isa’t isa. Ito ay katunayan sa iyo na kailanman ay hindi niya
ako itinuring na kaaway o gumawa ng masama laban sa kaniya. Oo, niyayakag ko
siya ngayon sa komyun, ngunit ibang-iba ang batayan dito! Ano ang itinatawa
ninyo? Nais naming magtatag ng komyun ngunit mas malawak ang saligan nito
kaysa dati. Tumuloy sa dako pa roon ang aming paniniwala. Mas marami ang
aming iwinawaksi. Kung muling mabubuhay si Dobrolyubov ay makikipagtalo
ako sa kaniya. At aawayin ko si Belinsky! Pansamantala ay pinauunlad ko pa si
Sofia Simyonovna. Napakaganda ng kaniyang kalikasan!”
“Hmm ... at ginagamit ninyo ang magandang kalikasang iyon, ano? He-
he-he!”
“Hinding-hindi! O, hindi! Sa kabaligtaran!”
“Aha! Kabaligtaran pala! He-he-he! Sabi ninyo, ha!”
“Maniwala kayo! Bakit ko naman itatago sa inyo? Ang totoo’y nagtataka
nga ako. Pag kasama ko’y parang pilit na pilit siya, parang natatakot, malinis, at
386 FEODOR DOSTOYEVSKY

mahiyain!”
“At kayo nama’y tiyak na nagpauunlad sa kaniya. He-he-he! Pinatutunayan
ninyo sa kaniya na kalokohan ang lahat ng pagkamahiyaing ito, ha?”
“Hindi! Hinding-hindi! Ipagpaumanhin ninyo, ngunit iyan ay
magaspang at kabobohan. Alam ba ninyo ang ibig sabihin ng pag-unlad? Wala
kayong naiintindihan! O, Panginoon ko, talagang hindi pa kayo handa! Ang
hanap namin ay kalayaan para sa mga babae ngunit isa lang ang nasa isip ninyo!
Itatabi natin ang usapin ukol sa kalinisan at pagkamahiyain ng babae. Ang mga
ito sa kanilang sarili ay di-mahalaga at bahagi lang ng mga haka-haka. Pababayaan
ko ang kahinhinan niya sa aking harapan dahil sa iyon ay kaniyang kagustuhan at
karapatan. Natural kung siya na mismo ang magsasabi sa akin na gusto niya ako at
ituturing kong napakasuwerte ang sarili dahil ang dalaga’y gustong-gusto ko rin.
Ngunit ngayon, lalo na ngayon, ay wala nang sinuman at kailanman ang higit na
magiging magalang at mapitagan sa kaniya kundi ako ... lalo ko siyang iginagalang
sa kaniyang karangalan ... Naghihintay ako at umaasa. Hanggang doon lang!”
“Ang mabuti pa’y regaluhan ninyo siya ng kahit ano. Sa palagay ko’y iyon
ang di pa ninyo naiisip!”
“Wala talaga kayong naiintindihang tulad ng sabi ko! Oo nga’t ganoon ang
kaniyang kalagayan ngunit ibang usapin ito, ibang-iba! Basta kinamumuhian lang
ninyo siya. Nang makita ninyo ang isang bagay na sa pagtingin ay dapat itakwil.
Tumatanggi na kayong ituring ang isang kapwa-tao at tingnan siya sa makataong
pananaw, ni hindi ninyo alam ang kaniyang likas na pagkatao! Ang labis ko lang
ikinalulungkot ay hindi na siya gaanong nagbabasa at kumukuha sa akin ng mga
libro nitong mga nakaraang araw. Dati’y humihiram siya ... Nakalulungkot din na
sa kabila ng lahat ng kaniyang lakas at kakayahang magprotesta, na minsan nang
pinatunayan, ay parang kaunti pa rin ang kaniyang pagsasarili o independensya,
kulang pa rin ang mga pagtanggi upang tuluyan nang humiwalay sa mga maling
paniniwala at katangahan. Gayunman, lubos niyang nauunawaan ang ibang mga
usapin. Halimbawa, kuhang-kuha niya ang usapin ukol sa paghalik ng kamay, na
minamaliit ng lalaki ang babae sa tuwing siya’y hinahagkan sa kamay. Pinagtalunan
namin ang usaping iyon at agad kong ipinasa sa kaniya pagkatapos. Mataman din
niyang pinakinggan ang ukol sa kilusan ng mga manggagawa sa Pransya. Ngayon
ay ipinaliliwanag ko sa kaniya ang ukol sa malayang pagpasok sa mga kuwarto sa
lipunang panghinaharap.”
“At ano naman iyon?”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 387

“Noong nakaraan ay pinagtalunan namin kung may karapatan ba ang


isang kasapi ng komyun na pumasok sa kuwarto ng iba pang kasapi, babae man o
lalaki, sa kahit anong oras. Napagpasyahan na mayroon ...”
“E, paano kung sa mga oras na iyon ay abala siya sa mga di-maisasantabing
pangangailangan? He-he-he!”
Ikinagulat pa ito ni Andrei Semyonovich.
“Iyon na naman! Puro na lang iyon ang inyong tinutukoy! Ang mga
isinumpang pangangailangan!” namumuhi niyang sigaw, “Pwe! Nakaiinis at
nakagagalit talaga! Kung bakit kasi nang ilahad ko sa inyo ang buong sistema ay
nabanggit ko pa nang wala sa oras ang ukol sa mga isinumpang pangangailangang
ito! Demonyo! Iyon ang buong ikinapapatid ng lahat ng gaya ninyo! Hindi
pa naiintindihan ay pinagtatawanan na. Akala mo’y nakatitiyak! Parang may
ipinagmamataas pa! Pwe! Ilang beses ko nang sinabi na ang usaping iyon ay
maaari lang ipaalam sa mga baguhan sa pinakahuli na, kapag matibay na ang
kombinasyon sa sistema, kapag maunlad na, at mayroon na siyang direksyon.
Sige, sabihin ninyo, ano ba ang nakikita ninyong kahiya-hiya at kamuhi-muhi sa
imburnal? Ako ay nakahanda at mauuna pang maglilinis sa alinmang imburnal
na gusto ninyo! Wala ring anumang sakripisyo rito! Simple lang na trabaho,
marangal, at kapaki-pakinabang para sa lipunan. At karapat-dapat ang sinuman
na gumanap. Higit pa itong mahalaga at mataas kaysa mga gawa ng kahit sinong
Raphael o Pushkin dahil sa kapaki-pakinabang!”
“At marangal, mas marangal! He-he-he!”
“Anong mas marangal? Hindi ko naiintindihan ang ganyang ekspresyon
kung iuugnay sa gawain ng tao. Ang mas marangal o mas mabuti ay kalokohan
lang, walang-katuturan, lumang salita, at maling kaisipan na aking itinatakwil!
Lahat ng kapaki-pakinabang sa sangkatauhan ay marangal. Ang naiintindihan ko
lamang ay ‘kapaki-pakinabang!’ Humagikgik kayo hanggang gusto ninyo ngunit
ganoon iyon!”
Tawa nang tawa si Pyotr Petrovich. Tapos na siyang magbilang at itinago
na ang mga pera. Kung bakit ang ilan ay naiwan pa rin sa mesa. Ang usapin ukol
sa “imburnal,” sa kabila ng kawalang-katuturan nito, ay ilang beses nang naging
dahilan ng di-pagkakaunawaan at pagtatalo sa pagitan ni Pyotr Petrovich at ng
kaniyang nakababatang kaibigan. Ang pinakanakatatawa rito ay talagang nagagalit
si Andrei Semyonovich, na pinagtatawanan lang naman ni Pyotr Petrovich. Pero
ngayon ay gusto talaga niyang galitin si Lebezyatnikov.
388 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Dahil lang sa kamalasan ninyo kahapon kung kaya kayo ganyan kawala
sa kondisyon at nang-iinis!” sa wakas ay nasabi ni Lebezyatnikov, na sa kabila
ng kaniyang “pagsasarili” at mga “protesta” ay hindi pa rin nakuhang tuluyang
kalabanin si Pyotr Petrovich. Hanggang ngayon ay kinikilala pa rin niya at
iginagalang ito na gaya ng dati.
“Ang mabuti pa’y sabihin nga ninyo,” may pagmamataas at inis na putol
ni Pyotr Petrovich, “Magagawa ba ninyo na ... o kaya’y mas mabuting ganito, totoo
ba na malapit kayo sa nabanggit na dalaga upang tawagin siya rito sa kuwarto
ngayon din? Nakabalik na yata silang lahat mula sa sementeryo ... Narinig ko
kaninang nagpanhikan sila ... Kailangan ko lang na makita siya ...”
“Bakit?” gulat na tanong ni Lebezyatnikov.
“Ganoon lang, kailangan. Ngayon o bukas siguro ay aalis na ako at nais
ko sanang may sabihin sa kaniya ... At mas mabuti sana kung naririto rin kayo
habang kausap ko siya. At baka kung ano pa ang isipin ninyo, Diyos lang ang
nakaaalam.”
“Hindi. Wala akong anumang iisipin ... Naitanong ko lang at kung may
kailangan kayo sa kaniya ay wala nang mas mabuti pa kundi ang tawagin siya.
Pupuntahan ko siya. At magtiwala kayong hindi ko kayo gagambalain.”
Totoo ngang makaraan lang ang limang minuto ay nagbalik siyang
kasama si Sonya. Siya ay pumasok na labis ang pagtataka at gaya ng dati ay parang
kinakabahan. Palagi siyang kabado sa mga ganitong pagkakataon at takot sa mga
bagong pagkakakilala at kakilala. Noon pa mang bata siya ay takot na siya at lalo
na ngayon ... Sinalubong siya ni Pyotr Petrovich na magalang at mapitagan nang
may halong masayang pamilyaridad. Sa opinyon ni Pyotr Petrovich ay sapat na
ang ganoong pitagan para sa isang kagalang-galang at malaking taong gaya niya
at sa isang bata at nakaeengganyong nilalang na gaya ni Sonya. Nagmamadali
siyang pasiglahin ito at pinaupo sa may mesang katapat niya. Umupo si Sonya
at tumingin sa palibot, kay Lebezyatnikov, sa mga perang nakalapag sa mesa,
pagkatapos ay kay Pyotr Petrovich muli, at hindi na inalis ang parang napakong
pagkakatingin sa kaniya,. Tumungo si Lebezyatnikov sa pinto. Tumayo si Pyotr
Petrovich at sinenyasan lang si Sonya na manatiling nakaupo at pinahinto si
Lebezyatnikov sa pinto.
“Nandoon ba si Raskolnikov? Dumating na ba?” tanong niyang bumulong
sa kaniya.
“Si Raskolnikov? Naroon, bakit? Oo, naroon ... kapapasok lang niya.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 389

Nakita ko nga, bakit?”


“Nais kong pakiusapan kayong mabuti na huwag aalis dito at huwag
akong iwang mag-isa sa ... dalagang ito. Simple lang ang gusto ko ... pero Diyos ang
nakaaalam kung ano ang kalalabasan. Ayaw ko sanang ikuwento ni Raskolnikov
doon ang ... Alam ninyo na ang ibig kong sabihin?”
“Oo, naiintindihan ko!” biglang nahulaan ni Lebezyatnikov, “May
karapatan kayo ... bagama’t sa palagay ko ay labis lang kayong nag-aalala ngunit ...
may karapatan kayo. Sa pahintulot ninyo ay dirito lang ako. Dito lang ako sa may
bintana upang hindi kayo maabala ... Sa palagay ko nga’y may karapatan kayong
...”
Bumalik si Pyotr Petrovich at naupo sa sofa, katapat ni Sonya.
Pinagmasdan niya ang dalaga at biglang naging napakaseryoso ng kaniyang
mukha, na may pagkamabagsik pa nga.
“Huwag sana kayong mag-iisip ng kung ano, binibini.” Tuluyang nalito
si Sonya.
“Una’y ihingi sana ninyo ako ng paumanhin sa inyong kagalang-galang
na ina ... hindi ba’t si Katerina Ivanovna ang itinuturing ninyong ina?” simula
ni Pyotr Petrovich na magalang, malambing, at masasabing ang nais niya’y
pakikipagkaibigan lamang.
“Ganoon na nga, ganoon. Kinikilala kong ina,” nagmamadali at parang
hintakot na sagot ni Sonya.
“Ihingi sana ninyo ako ng paumanhin sa inyong ina dahil sa hindi
maiiwasang dahilan ay mapipilitan akong umalis at di-makadadalo sa inyong
salusalo, bagama’t ako’y buong kabaitang inanyayahan ng inyong Mama.”
“Kung ganoon ay sasabihin ko, ngayon din,” at nagmamadaling tumayo
na si Sonya.
“Hindi pa ako tapos,” pinigil siya ni Pyotr Petrovich na napangiti sa
kaniyang kasimplehan at kawalang-muwang sa tamang-kilos, “Hindi nga ninyo
ako kilala, butihing Sofia Simyonovna, kung sa akala ninyo’y ipatatawag ko pa ang
isang gaya ninyo nang dahil sa di-importanteng dahilang patungkol lamang sa
akin. Mayroon pa akong ibang layunin.”
Mabilis na naupo ulit si Sonya. Ang mga abuhin at makukulay na perang
nasa mesa ay muling nahagip ng kaniyang paningin ngunit agad din niyang binawi
ito at humarap kay Pyotr Petrovich. Pakiramdam niya’y hindi mabuting tumingin
sa pera ng iba, lalo na ang isang gaya niya. Nakatuon ang pansin niya sa gintong
390 FEODOR DOSTOYEVSKY

salamin na hawak ni Pyotr Petrovich sa kaniyang kaliwang kamay at sa malaki,


makapal, at napakagandang singsing, na may dilaw na bato na nasa gitnang daliri
ng kamay ring iyon. Inalis na rin ni Sonya ang tingin sa kaniya at hindi na niya
alam kung saan pa titingin kaya’t napako uli sa mga mata ni Pyotr Petrovich, na
lalo namang naging solido ang anyo.
“Kahapon ay sandaling nakausap ko ang sawimpalad na si Katerina
Ivanovna. Dalawang saglit lang ay sapat na upang malamang siya ay wala sa likas
niyang kalagayan ... kung puwedeng sabihin ang ganoon ...” sabi ni Pyotr Petrovich.
“Oo, wala sa likas na kalagayan,” dagling ayon ni Sonya.
“O sa simple at madaling salita ay ... may karamdaman.”
“Oo, sa madaling salita ay ... may sakit nga.”
“Ganoon nga. At dala ng damdaming makatao at wika nga’y pakikiramay,
nais ko sanang makatulong kahit papaano. Ngayon pa lang ay makikita na ang
naghihintay niyang masaklap na kapalaran. Mukhang ang buong naghihikahos na
pamilya ay sa inyo na lamang nakadepende ngayon.”
“Ipahintulot ninyong maitanong,” tumayo si Sonya, “Kayo ba ang nagsabi
sa kaniya kahapon sa posibilidad ng pagtanggap ng pensiyon? Kahapon din niya
sinabi sa akin na lalakarin ninyo ang kaniyang pensiyon. Totoo ba?”
“Hindi. Kung titingnan ay walang-katuturan iyon. Sinabi ko lang na
may panandaliang tulong na ibinibigay sa biyuda ng mga pumanaw na opisyal,
kung nakasiguro. Ngunit ang inyong sumakabilang buhay na ama ay hindi lang
sa hindi tinapos ang serbisyo, kundi ay tuluyang hindi na naglingkod sa dakong
huli. Sa ibang salita’y kung mayroon man siyang tsansa ay napakaliit dahil wala
talaga siyang karapatang tumanggap ng tulong. Malayo. Sa halip pa nga ay ... pero
pensiyon na pala agad ang nasa isip. He-he-he! Mabilis na Ginang!”
“Oo, nangangarap na ng pensiyon ... dahil sa siya ay mapaniwalain at
mabait. Dahil sa kabaitan ay pinaniniwalaan ang lahat ... at ... at ... ganoon ang
kaniyang pag-iisip. Ipagpaumanhin sana ninyo,” sabi ni Sonya at muli’y aalis na
sana.
“Ngunit kung inyong mararapatin ay ... hindi pa ninyo naririnig ang
lahat.”
“Hindi pa ba?” sabi ni Sonya.
“Maupo muna kayo.”
Di-malaman ni Sonya ang gagawin at naupong muli sa ikatlong
pagkakataon.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 391

“Sa nakikita kong sawing kalagayan, lalo na’t may mga batang kaawa-awa,
ay hangad ko sana, tulad ng nasabi ko na kanina, ang makatulong sa abot ng aking
makakaya. Ibig kong sabihi’y sa abot ng makakaya at di-lalabis. Maaari sanang
mag-organisa na ang halimbawa ay subskripsyon para sa kaniya o kaya’y loteriya
o anumang gaya niyon. Tulad ng ginagawa ng mga kamag-anakan sa ganoong
pagkakataon, maaari ring ibang tao ang gumawa ng gayon basta’t ang nasa ay
tumulong sa kapwa. Iyon sana ang nais kong ipaalam sa inyo. Puwede iyon.”
“Mabuti kung ganoon ... Diyos ang gaganti sa inyo ...” saad ni Sonya na
matamang nakatingin kay Pyotr Petrovich.
“Puwede, ngunit ... ating aayusin pagkatapos na ... pero puwede nang
simulan ngayon. Magkita tayo mamayang gabi, mag-usap, at ayusin natin ang mga
salalayan. Puntahan ninyo ako rito mamayang alas-siyete ng gabi. Umaasa akong
lalahukan tayo ni Andrei Semyonovich ... Ngunit iba ang sitwasyon dito. Kaya’t
ngayon pa lang ay dapat na itong malinawang mabuti. Ito ang dahilan kung bakit
ko kayo inabala pa, Sofia Simyonovna, nang pagtawag ko sa inyo. Hindi maaari
at mapanganib kung ang pera ay ibibigay kay Katerina Ivanovna. Katunayan sa
sinasabi ko ay ang salusalo ngayon, ni wala nang makain o kakainin bukas, walang
sapatos, at iba pa. Pero bumili siya ngayon ng Jamaican Rum at saka Madeira yata,
at kape. Nakita ko kaninang magdaan ako. Pero bukas ay babagsak ang lahat ng
ito sa inyong balikat. Wala na ni kaputol na tinapay. Wala nang katinuan ang lahat
ng iyon! Kung kaya’t ang subskripsyon sa aking palagay ay hindi na niya dapat
malaman. Hindi na rin malalaman ng kawawang biyuda ang ukol sa pera. Kayo na
lang ang makaaalam. Tama ba ang sinasabi ko?”
“Hindi ko alam. Ngayon lang siya nagkaganyan ... minsan lang sa buong
buhay niya ... Gusto lang talaga niyang magpakain sa libing at parangalan ang
alaala ... Pero matalino siya. Pero, sige, kung paano na lang ang gusto ninyo at ako
ay labis na ... sila man sa inyo ay ... sa inyo’y Diyos ang ... pati na ang mga ulilang
bata ...”
Hindi maipagpatuloy ni Sonya ang pagsasalita at umiiyak.
“O, sige, tatandaan ninyo iyan. At ngayon ay tanggapin sana ninyo alang-
alang sa inyong mga kaanak ang halagang ito mula sa akin. Ang mataimtim ko
lamang na hiling ay huwag ninyong mababanggit ang aking pangalan. Heto at
dahil may mga bagay rin na dapat kong harapin ay wala na rin ako sa katayuan
upang ...”
At iniabot ni Pyotr Petrovich ang sampung rublong papel kay Sonya
392 FEODOR DOSTOYEVSKY

na maayos niyang iniladlad. Kinuha ni Sonya ang pera, namula, at napatayo, may
kung anong sinabi at nagmamadaling nagpaalam. Inihatid siya nang maayos ni
Pyotr Petrovich sa pinto. Sa wakas ay nakalabas na siya sa kuwarto, kabang-kaba,
at mabigat ang dibdib. Bumalik siya kay Katerina Ivanovna na gulong-gulo ang
isipan.
Habang nangyayari ang lahat ng ito ay nakatayo lang sa may bintana
si Andrei Semyonovich o kaya’y palakad-lakad lang sa kuwarto na hindi
pumapagitna sa usapan. Paglabas ni Sonya ay lumapit siya agad kay Pyotr Petrovich
at mapitagang iniabot ang kaniyang kamay.
“Narinig ko ang lahat at nakita,” sabi niyang idiniin ang huling salita,
“Iyon ay marangal. Ang ibig kong sabihi’y makatao! Nakita kong iniiwasan ninyo
ang pasasalamat nila! Bagama’t inaamin ko sa inyo na dala ng aking prinsipyo
ay hindi ako sumasang-ayon sa ganoong uri ng pagkakawang-gawa. Ito ay lalo
lamang magsasadlak sa kaniya sa kasalanan. Hindi nito iniaalis ang kasamaan,
kundi lalo pang nagpapalubha. Gayumpaman, hindi ko maitatatwang masaya
kong sinaksihan ang inyong ginawa. Oo, oo, nagustuhan ko ito!”
“E, walang-kuwenta iyon!” bulong ni Pyotr Petrovich na tumititig kay
Lebezyatnikov.
“Hindi. Hindi iyon walang-kuwenta! Hindi ko akalain na ang isang gaya
ninyo na nasaktan at labis na nagdusa sa nangyari kahapon ay makapag-iisip pa
tungkol sa kasawian ng iba. Ibang klaseng tao kayo bagama’t ang inyong ginawa’y
kamalian pa rin sa pananaw-panlipunan. Pero kagalang-galang! Hindi ko akalain
at inasahan ang ganoon mula sa inyo, Pyotr Petrovich, lalo na’t sa inyong tingin ay
magulong-magulo pa ang inyong ideya! Halimbawa’y ang insidente kahapon, labis
kayong nabagabag ng kasawiang iyon!” bulalas ng butihing si Andrei Semyonovich
na muling nakadama ng malakas na pagkagiliw kay Pyotr Petrovich.
“At aanhin ba ninyo ang kasal na iyon, ang legal na pagpapakasal na iyon,
ha? Marangal at kagalang-galang na Pyotr Petrovich? Bakit ba ninyo kailangan
ang legal na kasalan? Kung nais ninyo ay suntukin ninyo ako pero natutuwa
ako, natutuwa ako at hindi natuloy ang kasal! Kayo ay malaya at hindi tuluyang
namatay para sa sangkatauhan ... ‘Kita ninyo, natutuwa ako! Sinabi ko sa inyo ang
aking loob!”
“Dahil sa inyong kasal-sibilyan ay ayaw ko ng mga kabit at magpalaki ng
mga anak ng iba. Hayan kung bakit kailangan ko ng legal na kasal,” sabi ni Luzhin
para lang may maisagot. Mayroon siyang ibang pinagkakaabalahan at iniisip.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 393

“Mga anak! Binanggit ninyo ang tungkol sa mga anak?” umigtad si


Andrei Semyonovich na parang kabayong nakarinig ng tunog ng trumpetang
panggiyera. “Ang mga anak—iyan ay usaping panlipunan at ang kahalagahan ay
pangunahin, sang-ayon ako sa inyo. Ngunit mag-iiba ang pakikitungo sa mga bata.
Ang iba nga ay tuwirang nagwawaksi sa mga bata gaya ng sa pamilya sa kabuuan.
Saka na natin pag-usapan ang mga bata. Ngayon ay ukol sa mga kabit! Inaamin
kong iyan ang pinakakahinaan ko. Ang masama at pangmilitar na ekspresyong
iyan ni Pushkin ay mawawala na sa leksika ng bukas. Ano ba ang mga kabit? O,
anong pagkakamali? Anong kabit? At bakit kabit? Kalokohan! Sa kabaligtaran, sa
kasal-sibilyan ay tuluyang mawawala ang mga ganyan! Ang mga kabit ay likas na
resulta lamang ng legal na kasal, nagtutuwid, at protesta. Sa ganyang kahulugan
ay hindi sila kahiya-hiya ni kaunti man. At kung sakaling ako man (ipagpalagay
natin na isang kalokohan) ay magpapakasal nang legal ay ikatutuwa ko pa ang
inyong matulis na kabit. Sasabihin ko sa aking asawa pag nagkataon: “Kaibigan
ko, dati’y iniibig lang kita ngunit ngayon ay iginagalang na rin kita sapagkat
nagawa mong magprotesta!” Bakit kayo tumatawa? Dahil wala kayong lakas na
humiwalay sa mga haka-haka at maling kaisipan. Kademonyohan! Naiintindihan
ko ang kapaitan kapag nagkakalokohan sa ilalim ng legal na kasal. Ngunit iyon
ay maling resulta ng maling simula kung saan kapwa kayo napahihiya. Kapag ang
mga kabit ay hahayaang nakalantad gaya sa kasal-sibilyan ay hindi na sila iiral at
hindi na maiisip pa sapagkat mawawala na rin ang salitang ‘kabit.’ Sa katunaya’y
lalo lang kayong igagalang ng inyong asawang babae kapag nakita niyang hindi
ninyo kayang hadlangan ang kaniyang kaligayahan at hindi sasaktan dahil sa
pagkakaroon ng bagong asawa. Demonyo! Kung minsan ay pinapangarap ko,
kung ako’y aasawahin ... este, mag-aasawa pala (sibilyan man o sa batas ay pareho
lang) ay ako na mismo ang magdadala ng kalaguyo sa aking asawa kung hindi pa
siya makakita at sasabihin ko sa kaniya: “Kaibigan, minamahal kita ngunit higit pa
riyan ay hangad kong ako rin ay iyong igalang.” Hayan! O, okey ba ang sinasabi
ko?”
Humahagikgik si Pyotr Petrovich habang nakikinig ngunit hindi
gaanong naeengganyo. Ang totoo’y hindi naman siya gaanong nakikinig. Iba ang
kaniyang iniisip. Sa wakas ay napuna rin ito ni Lebezyatnikov. Kinakabahan si
Pyotr Petrovich, pinagkikiskis ang mga palad, at nag-iisip. Pagkatapos ay naisip
ito at naalala si Andrei Semyonovich ...
II

MAHIRAP TUKUYIN ang mga dahilan kung bakit pumasok sa magulong isip ni
Katerina Ivanovna ang mga walang-katuturang marangyang paghahandang ito sa
libing ng asawa. Totoong naubos ang halos sampung rublo sa mahigit dalawampung
rublo na ibinigay ni Raskolnikov para sa pagpapalibing ni Marmeladov. Marahil
ay inako ni Katerina Ivanovna ang tungkulin sa namayapa na bigyang-dangal ang
kaniyang alaala gaya ng nararapat upang malaman ng lahat ng naniniwala roon at
lalo na ni Amalia Ivanovna na ang yumao’y hindi lamang masahol sa kanila, kundi
marahil ay higit pa at walang sinuman sa kanila ang may karapatang magmalaki.
Siguro’y malaki rin ang papel dito ng natatanging dangal ng mga mahihirap.
Kaya’t kapag may mga ganitong seremonyang pampubliko at mga nakagawian
na sa ating pang-araw-araw na pamumuhay ay ganito sinusunod ng bawat isa sa
ating maraming mahihirap. Inuubos ang lahat ng lakas at huling kopek na naiipon
upang hindi maging mas masahol sa iba at upang hindi rin sila mahusgahan ng
iba pa. Pinakamalamang na sa pagkakataong ito ay nais ni Katerina Ivanovna, na
sa mga sandaling ito, kung kailan sa mata ng lahat ay naiwan na siyang mag-isa
sa daigdig, nais niyang ipamukha sa lahat ng mga walang-kuwenta at masasama
ang ugaling nakatira roon na hindi lang siya marunong mamuhay at tumanggap
ng kapwa sa pamamahay, kundi iba rin ang kaniyang pinag-aralan at kinalakihan.
Siya ay lumaki sa isang mabuting pamilya o maaari pa ngang sabihing sa
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 395

aristokratikong pamilya ng Koronel. Hindi talaga siya pinalaki upang magpunas


ng sahig at kung gabi’y maglaba ng mga lumang damit-pambata. Ang ganitong
paroksismo ng pagpapakitang-dangal at kawalang-kabuluhan ay makikita kung
minsan sa mga pinakakawawa at desperadong mga tao. Kung minsan din, ito’y
nagiging pinakamahigpit pang pangangailangan para sa kanila, bagay na labis
nilang pinangangatawanan. Si Katerina Ivanovna pa nama’y hindi isa sa mga
pinakadesperado. Maaari siyang mapatay ng napakahirap niyang kalagayan ngunit
ang siya’y durugin sa moral o pasunurin na lamang siya sa kagustuhan ng iba
ay imposible. Oo nga’t sinabi ni Sonya na wala siya sa sariling katinuan ngunit
ang totoo’y hindi pa masasabi iyon nang patapos. Nitong huling araw, sa buong
nakaraang taon ay labis ang kaniyang paghihirap at sakit ng ulo upang hindi siya
maapektuhan ni bahagya man. Kapag ang tuberkulosis daw ay malala na, ayon sa
mga mediko, ay nagkakaroon din ito ng negatibong epekto sa ulo.
Wala namang iba’t ibang klase ng alak, wala ring Madeira. Iyon ay
kalabisan na lamang ngunit mayroon talagang alak. May vodka, rum, at alak na
Lisbon. Lahat ay di-matataas na uri ngunit mayroon at sapat ang bilang. Ang
handa, liban sa tradisyonal na kanin at pulot, ay mayroon pang tatlo o apat na
pagkain, mayroon ding bibingka. Lahat ay inihanda sa kusina ni Amalia Ivanovna.
Mayroon ding nakahandang samovar para sa tsaa at punch pagkatapos ng kainan.
Si Katerina Ivanovna mismo ang namahala sa pagbili ng mga kailangan sa tulong
ng isang nakatira rin doong taga-Poland. Diyos lang ang may alam kung bakit
siya naroroon, na naatasang tumulong kay Katerina Ivanovna. Magdamag, buong
umaga siyang tumulong, magulo ang kaniyang buhok at lawit ang dila. Ito ay
talagang ipinahalata niya. Sa bawat detalye at bawat sandali ay tumatakbo siya
kay Katerina Ivanovna, maging sa tindahan ay hinanap pa siya at tinatawag siyang
“Pani horuzhina.” Sa wakas ay nagsawa sa kaniya si Katerina Ivanovna bagama’t
noong tinatawag pa siyang matulungin at mabait na tao at kung wala raw siya ay
wala na siyang nagawa. Ugali na ni Katerina Ivanovna ang ilarawan ang sinumang
makilala sa magaganda at matingkad na kulay. Pupurihin niya ito nang gayon na
lamang na magpapakonsiyensya pa sa tao. Bibigyan niya ito ng kung ano-anong
katangian at kalagayan na hindi naman umiiral, buong katapatan, at buong pusong
paniniwalaan niya mismo ang mga ito. Pagkatapos ay agad ding manghihinawa,
kaiinisan, at di na papansinin ang kani-kanina lang ay literal na halos sambahin.
Sa pag-uugali ay likas siyang palatawa, masayahin, at tahimik na tao, ngunit dahil
sa mga sunod-sunod na kamalasan at kabiguan ay may matinding galit na ang
396 FEODOR DOSTOYEVSKY

kaniyang pagnanasa at kahilingan na sana ay mamuhay nang maligaya at mapayapa


ang lahat, at huwag maglakas-loob o magkaroon ng kapal ng mukhang tumanggi.
Kung kaya’t ang pinakamunti mang problema sa buhay, kamalasan ay nagdudulot
ng halos pagwawala niya. At sa isang iglap, ang kaniyang maaliwalas na pag-asa at
pantasya ay magiging pagsumpa sa kapalaran. Pupunitin at ihahagis niya ang lahat
ng masumpungan at iuumpog ang ulo sa pader.
Biglang nagkaroon ng bigat, kahulugan at di-karaniwang paggalang si
Katerina Ivanovna kay Amalia Ivanovna na dahil siguro sa buong puso niyang
pakikilahok at pagtulong sa lamay. Siya ang naghanda sa mesa, kumuha ng mga
pantakip, pinggan, at iba pang kailangan. Ang pagkain ay inihanda pa sa kaniyang
kusina at siya ang namahala sa lahat samantalang si Katerina Ivanovna ay tumuloy
sa sementeryo. Maganda ang pagkakahanda ng lahat. Maayos at malinis ang
mesa, pagkain, plato, tinidor, kutsilyo, tasa, baso, at kopita. Oo nga’t iba’t ibang
uri at klase ang mga kagamitang galing sa mga nakatira sa bahay, ngunit lahat ng
mga ito’y nasa tamang lugar na sa takdang oras. Ramdam ni Amalia Ivanovna na
nagampanan niyang mabuti ang trabaho. Sinalubong niya ang nakabalik nang si
Katerina Ivanovna nang may halong pagmamalaki, bihis na bihis nang itim na
damit, may sumbrero, at laso na kulay itim.
Ang matamis na pagmamalaking iyon, bagama’t karapat-dapat, ay kung
bakit hindi nagustuhan ni Katerina Ivanovna: “Kung hindi talaga kay Amalia
Ivanovna ay hindi makapaghahain sa mesa!” Hindi rin niya nagustuhan ang
sumbrerong may bagong laso: “Hindi kaya dahil sa kayabangan lang kung kaya’t
ang bopol na Alemang ito ay pumayag na tumulong sa kawawang nangungupahan?
Ipinakikita lang na siya ang butihing may-ari at sa kabaitan ay tumutulong.
Dahil sa bait? Maawa kayo! Ang ama ay Koronel at halos gobernador na rin.
Minsan ay naghahanda para sa apatnapung katao. At ang isang gaya ni Amalia
Ivanovna o Ludwigovna pala ay hindi patutuluyin kahit sa kusina ...” Mabuti’t
napagpasyahan ni Katerina Ivanovna sa tamang oras na ipagpaliban muna ang
paglalabas ng laman ng damdamin ngunit mamaya, tanim niya sa puso, ay dapat
sabihin at ipamukha sa kaniya ang nararapat niyang lugar. Kung hindi ay baka
kung ano ang isipin noon sa sarili. Pero sa ngayon, malamig lang ang kaniyang
pagbati. Mayroon pang isang ikinaasiwa si Katerina Ivanovna. Sa lahat ng mga
inanyayahan sa libing ay ang Polano lang ang nakarating sa sementeryo at halos
walang nakipaglibing. Sa handaan naman ay nagpakita ang mga pinakamahirap
at pinakawalang-kabuluhan. Marami sa kanila’y di man lang nakabihis nang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 397

matino at parang lasing. Ang mga may katandaan at may kabuluhan ay wala lahat
na parang nagkasundo. Maging si Pyotr Petrovich, na pinakasolido sa lahat ng
naninirahan, ay hindi rin nagpakita. Samantalang kahapon ay naipaalam na ni
Katerina Ivanovna sa buong mundo. Ibig sabihi’y kay Amalia Ivanovna, Polya,
Sonya, at sa taga-Poland, na ang napakarangal at napakabuting taong ito na may
napakalawak na koneksyon at napakayaman, ay kaibigan ng kaniyang unang asawa.
Tinatanggap noon sa tahanan ng kaniyang ama at nangakong gagawin ang lahat
upang makatanggap siya ng malaking pensiyon. Kung sakali mang nagyabang si
Katerina Ivanovna ukol sa mga koneksyon at yaman ninuman, ito ay hindi sa
sariling interes at walang-paghahangad na anuman. Ito ay dahil lang sa kaniyang
buong pusong pagnanasa at kasiyahan na bigyan ng higit na halaga ang sinumang
pinupuri. Gaya ni Luzhin, hindi rin lumitaw ang walang-hiyang si Lebezyatnikov
na marahil ay sumunod kay Luzhin. “Ano ba ang akala niya sa kaniyang sarili?
Kabutihang asal lang ang dahilan kaya siya inimbitahan. Isa pa’y kakilala niya at
kasambahay si Pyotr Petrovich kaya’t nakahihiya namang di-imbitahan.” Hindi
rin nagpakita ang isang butihing ginang at ang kaniyang tumatandang anak
na dalaga, na bagama’t dalawang linggo pa lang sa mga paupahang kuwarto ni
Amalia Ivanovna, ay ilang ulit nang nagreklamo sa ingay at sigawan mula sa
tirahan ng mga Marmeladov, lalo na sa tuwing umuuwing lasing ang yumao. Ito
ay nalaman ni Katerina Ivanovna kay Amalia Ivanovna nang ito ay nakipag-away
sa kaniya. Binantaan itong palalayasin ang kanilang buong pamilya. Ubod-lakas
niyang sinigawan noon, “Ginagambala nila ang mararangal na nangungupahan na
kahit paa nila’y hindi nila katumbas.” Sadyang inanyayahan ni Katerina Ivanovna
ang ginang na ito at ang kaniyang anak na “paa man ay di nila katumbas.” Lalo
na, pagkatapos ng insidente, mula noon, sa tuwing makasasalubong niya nang di-
sinasadya ay buong pagmamalaking iniisnab siya ng babae. Nang malaman niya na
ang mararangal na tao’y may isip at damdamin at nag-aanyayang di-nagtatanim
ng sama-ng-loob, at upang malaman nila na hindi sanay sa ganitong hirap at
buhay si Katerina Ivanovna, balak sana niyang ipaliwanag sa kanila ang mga ito
sa harap ng hapag-kainan, isalaysay ang ukol sa pagiging gobernador ng yumaong
ama, at kasabay nito ay punahing di-tuwiran na walang-katuturan ang pag-isnab
at ito’y katangahan. Hindi rin dumating ang matabang Tenyente Koronel (ang
totoo’y retiradong kapitan). Napag-alaman na kahapon pa siya wala sa sarili nang
dahil sa kalasingan. Sa madaling salita, ang mga dumating ay ang Polano, isang
kawani na walang-alam sabihin, na nakadamit-basahan at napakabaho, isang halos
398 FEODOR DOSTOYEVSKY

bingi at bulag na matanda, na minsang nagtrabaho sa isang post office na hindi


alam kung sino ang kumupkop at mula noo’y nakatira na kina Amalia Ivanovna.
Dumating din ang isang lasing at retiradong trabahador sa tindahan. Napakagulo
niya’t napakaingay at isiping wala siyang tsaleko! May isa pang tuloy-tuloy sa
upuan na di man lamang bumati kay Katerina Ivanovna. At sa wakas ay may isa
pang dumating na nakapambahay na bata nang dahil sa walang maisuot. Iyon
ay kalabisan na at sa tulong nina Amalia Ivanovna at ng Polano ay nailabas ito.
Nakuha pang magdala ng dalawa pang kababayan ang Polano, na kailanman ay
hindi pa nanirahan kina Amalia Ivanovna. Wala pa ring nakakita sa kanila sa lugar
na iyon. Lahat ng ito’y labis na nakainis kay Katerina Ivanovna. Para saan pa ang
lahat ng kanilang paghahanda? Kahit nga ang mga bata, para lang makadagdag
ng mauupuan para sa mga bisita, ay hindi sa may mesa nakaupo, kundi sa sulok.
Ipinatong na lamang ang pagkain sa itaas ng baul. Si Polya, bilang pinakamalaki sa
lahat, ang umaasikaso sa kanila, nagpapakain, at pinupunasan ang bibig na gaya ng
mga anak ng mabubuting pamilya. Sa madaling salita, dapat sana’y sasalubunging
lahat ni Katerina Ivanovna ang mga bisita nang marangal at may pagmamalaki.
Matalim niyang tinitigan ang iba at mapagmataas na inanyayahan sa hapag. Kung
bakit nasa isip niya na ang may kasalanan sa hindi pagdalo ng mga inanyayahan ay
si Amalia Ivanovna. Naging lalong magaspang ang pakikitungo niya rito na agad
namang napuna ng isa at labis na ikinasama ng loob. Ang ganoong simula ay hindi
nagbabadya ng magandang wakas. At nagsiupo na ang lahat.
Si Raskolnikov ay pumasok pagdating pa lang ng mga nanggaling
sa sementeryo. Ito lang ang tunay na ikinasaya ni Katerina Ivanovna dahil si
Raskolnikov lang ang edukado sa mga bisita at alam ng lahat na dalawang taon
na lang at magiging propesor na siya sa unibersidad. Ikalawa’y agad at magalang
na nagpaumanhin ito, na sa kabila ng pagnanais, ay hindi nakadalo sa libing. Agad
itong dumaluhong sa binata at pinaupo sa kaniyang tabi sa kaliwa. Sa kanan ay
nakaupo si Amalia Ivanovna. Sa kabila ng kaniyang walang-tigil na pag-aalala
na paikuting mabuti ang handa upang lahat ay makatikim at sa kabila ng ubong
nagpapahirap at sumasakal sa kaniya, na lalong tumindi nitong nagdaang dalawang
araw, ay walang-tigil itong kumakausap kay Raskolnikov. Pabulong na ibinuhos
sa kaniya ang lahat ng sama-ng-loob at ang mga puna sa hindi matagumpay
na handaang ito. Ang sama-ng-loob ay sinasalitan ng masaya at di-mapigilang
pagtawa sa mga nagtipong panauhin, lalong-lalo na kay Amalia Ivanovna.
“Ang kuwago ang may kasalanan ng lahat ng ito. Alam ba ninyo kung
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 399

sino ang aking tinutukoy? Siya, siya!” at isinenyas ng ulo ang may-ari. “Tingnan
ninyo, nanlaki ang mga mata, naramdaman siguro na pinag-uusapan natin siya
pero di-maintindihan at namimilog ang mata, tingnan ninyo. Ha-ha-ha! Ubo,
ubo, ubo! At ano? Ipinagpaparangalan ang kaniyang sumbrero? Ubo, ubo, ubo!
Napuna ba ninyo? Nais niyang ipagmalaki na ako ay kaniyang pinangangalagaan
at binibigyang-dangal ng kaniyang pagparito. Nakiusap ako sa kaniya nang
matino na imbitahan ang mga matitinong tao at mga kakilala ng aking yumaong
asawa. Tingnan ninyo kung sino-sino ang mga pinapunta: mga kenkoy, mga
putris! Tingnan ninyo ang isang iyon na marumi ang mukha, parang bulateng
may paa! At itong mga munting Polano ... Ha-ha-ha! Ubo, ubo, ubo! Hindi ko pa
sila kailanman nakita. Bakit sila naririto? Alam ba ninyo? Maligayang nakaupo!
Hoy, Pane!” sigaw niya sa isa sa kanila, “Natikman na ba ninyo ang pancake? Kuha
pa kayo! Serbesa, uminom kayo ng serbesa! Ayaw ba ninyo ng vodka? Sige, kayo
na ang bahala!” at muli’y, “Palagay ko’y gutom na gutom ang mga kawawang
nilalang. Di bale na, hayaan na natin silang kumain. Tutal, hindi naman maiingay
... kaya lang ay ... kinakabahan ako sa mga pilak na kutsara ni Amalia Ivanovna!”
“Amalia Ivanovna,” tawag niya, “Kung may magnanakaw ng inyong mga kutsara
ay wala akong sagutin. Ipinauuna ko na sa inyo.” malakas niyang sabi at sabay
inihit ng tawang nakatingin kay Raskolnikov at ininguso ang may-ari, “Hindi na
naman naintindihan! Nakaupo lang at nakanganga ang bunganga, tingnan ninyo!
Kuwago talaga! Kuwagong may bagong sumbrero! Ha-ha-ha!”
Nang ang kaniyang tawa ay napigil ng ubong nagtagal nang may limang
minuto. Sa panyo ay naiwan ang ilang bahid ng dugo at sa noo’y gumitaw ang mga
butil ng pawis. Tahimik nitong ipinakita kay Raskolnikov ang dugo at di pa man
nakapapahinga ay masigla na naman itong bumubulong sa binata na may mga
pulang pantal sa mukha.
“Tingnan ninyo, binigyan ko siya ng pinakadelikadong gawain:
anyayahan ang isang ginang at ang kaniyang anak. Alam ninyo kung sino ang
tinutukoy ko? Dapat sana’y naging napakapino at napakaingat niya pero ang
nangyari’y hindi sumipot ang mga walang-kuwentang nilalang na galing lang
sa kung saang lupalop! Dahil lang ba sa siya’y biyuda ng kung sinong Medyor
at nilalakad ang kaniyang pensiyon ay nagmamalaki na? Naglalandi lang siya sa
mga tanggapan at kahit mahigit limampung taong gulang na ay tigas pa ring
nagpapaganda’t nagkokolorete! Hindi ko rin maintindihan kung bakit wala rin
si Pyotr Petrovich. At nasaan si Sonya? Saan siya nagpunta? A, heto na pala siya.
400 FEODOR DOSTOYEVSKY

Sonya, saan ka ba nanggaling? Bakit ba kahit sa libing ng ama’y di mo pa ayusin.


Rodion Romanovich, paupuin na ninyo siya sa inyong tabi. Diyan ka na, Sonya.
Kunin mo ang gusto mo. Iyang may jelly na minatamis ay masarap. Tapos ay may
pancake din. Binigyan na ba ang mga bata? Polya, mayroon na ba kayo ng lahat
diyan? Ubo, ubo, ubo! O, sige, magpakabait ka, Lida, at ikaw, Kolya, huwag kang
malikot. Umupo kang parang matinong bata. Ano ‘ka mo, Sonya?”
Agad na ipinaabot ni Sonya ang pagpapaumanhin ni Pyotr Petrovich.
Pilit nitong nilalakasan para sa pandinig ng lahat gamit ang pinakamagagalang na
pangungusap na galing kay Pyotr Petrovich, na sa huli’y pinaganda pa niya. Dagdag
pa niya na inihabilin din ni Pyotr Petrovich na sa oras na siya’y magkapanahon ay
agad siyang sasaglit upang pag-usapan nang sila-sila lang ang ilang bagay, kung
ano ang maaaring gawin ay isaayos ang mga ito, at iba pa.
Alam ni Sonya na ito ang magpapakalma at magpapatahimik kay Katerina
Ivanovna, at isa pa’y bubuhay sa kaniyang tiwala. Umupo siya sa tabi ni Raskolnikov,
na nagpugay at mabilis na tumingin sa kaniya nang may kuryosidad. Pagkatapos
nito ay iniwasan na nitong tumitig o makipag-usap sa kaniya. Parang wala rin
siya sa sarili bagama’t nakatingin kay Katerina Ivanovna upang ito’y masiyahan.
Pareho silang hindi nakaluksa ni Katerina Ivanovna dahil sa kawalan ng damit
na maisusuot. Ang suot ni Sonya’y kulay madilim na kayumanggi samantalang
suot ni Katerina Ivanovna ang kaniyang tanging damit na may guhit-guhit na
itim. Ang balita tungkol kay Pyotr Petrovich ay nakapagpabuti sa pakiramdam
ni Katerina Ivanovna at may pagpapahalaga ang tinig na nagtanong, “Kumusta
na ang kalusugan ni Pyotr Petrovich?” Pagkatapos nito ay agad bumulong kay
Raskolnikov na nakaaasiwa naman talaga para sa isang kagalang-galang at mataas
na taong gaya ni Pyotr Petrovich, na mapasama sa ganitong di-pangkaramiwang
salusalo, kahit pa sabihing lubos ang kaniyang paggalang sa kaniyang pamilya at
sa pakikipagkaibigan nito sa kaniyang Papa.
“Kung kaya’t labis akong nagpapasalamat sa inyo, Rodion Romanovich,
at hindi ninyo winalang-bahala ang aking paanyaya kahit na ganito ang
sitwasyon,” dagdag niyang halos naririnig ng iba. “Naniniwala ako na ang inyong
pakikipagkaibigan sa aking namayapang asawa ang dahilan kaya’t tinupad ninyo
ang inyong salita.”
At muli niyang tiningnan ang kaniyang mga bisita nang may pagmamalaki
at biglang may pag-aalalang tinanong nang malakas ang matandang bingi na
nasa kabila ng mesa: “Gusto ba ninyo ng pampainit? Binigyan ba kayo ng alak
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 401

na Lisbon?” Hindi sumagot ang matanda at matagal na hindi nito naintindihan


ang itinatanong sa kaniya. Para lalong sumaya ay ipinaliwanag sa kaniya ng mga
katabi ngunit tumingin-tingin lang ito sa mga naroroon na nakanganga ang bibig.
Lalong nagtawanan ang mga bisita.
“O, tingnan ninyo, bingi talaga! Bakit iyan napunta rito?”
Nagpatuloy sa pagsasalita si Katerina Ivanovna, “Pero may tiwala ako kay
Pyotr Petrovich. Hindi siya gaya ng ...” Humarap ito kay Amalia Ivanovna, mariin
at malakas ang tinig na nagsabi, nahintakutan pa nga ang may-ari, “Hindi gaya
ninyong bihis na bihis pero sa kasuotan ninyong iyan ay ni hindi kayo papapasukin
sa kusina ng aking Papa. Kung tatanggapin man kayo ng yumao kong asawa ay
dahil lamang sa kaniyang kabutihang-loob!”
“Oo at mahilig ngang uminom! Oo, paborito ang pag-inom!” biglang
sigaw ng retiradong empleyado na nakalabindalawang baso na ng vodka.
“Oo, kahinaan nga ito ng yumao kong asawa, alam iyan ng lahat,” salo
naman ni Katerina Ivanovna, “Ngunit siya’y mabait, marangal, minamahal, at
iginagalang niya ang kaniyang pamilya. Ang kaso nga lang, dahil sa kaniyang
kabaitan, ay nagtiwala sa lahat ng klaseng di-mapagkakatiwalaang tao! Alam ng
Diyos, kung kani-kanino siya nakipag-inuman. Nakipag-inuman siya, maging
sa mga taong ni hindi singhalaga ng kaniyang sakong! Isipin ninyo, Rodion
Romanovich, sa kaniyang bulsa ay may nakitang tinapay. Patay sa kalasingan pero
naiisip ang mga bata.”
“Manok? Ang sabi ba ninyo’y manok?” sigaw ng isa.
Hindi na siya sinagot ni Katerina Ivanovna. Huminga siya nang malalim
at may kung anong iniisip.
“Marahil ay iniisip ninyo na labis akong naging mahigpit sa kaniya,” sabi
niya kay Raskolnikov, “Ngunit hindi naman talaga! Ako ay iginalang niya, tunay
na iginalang! Siya ang taong may mabuting kalooban! Kung minsan ay awang-
awa ako sa kaniya. Nakaupo lang siya at pinagmamasdan ako mula sa sulok. Sa
awa ko’y gusto ko siyang yakapin at lambingin ngunit naisip ko na: “Lambingin
mo’t pagkatapos ay maglalasing na naman. Kahigpitan lang ang maaaring pumigil
sa kaniya.”
“Oo nga! Kaya’t madalas ay nasasabunutan siya! Ilang beses din!”
pagbulahaw ng retirado at muling nagbuhos ng isang basong vodka.
“Hindi lamang sabunot, kundi dapat ay bambuhin talaga ang ilang
mga sira-ulo. Hindi ko na tinutukoy ang yumao!” sabad ni Katerina Ivanovna sa
402 FEODOR DOSTOYEVSKY

retirado.
Ang mga pulang pantal sa kaniyang pisngi ay lalong pumula at ang dibdib
nama’y humihingal. Sandali na lang at gagawa na siya ng eksena. Marami ang
naghahagikgikan at nasisiyahan. May nagtutulak pa sa retirado at bumubulong sa
kaniya. Malinaw na gusto nilang pikunin ito.
“A, ipahintulot ninyong itanong. Ano ang ibig ninyong sabihin? Sino ang
tinutukoy ninyo? A, di na kailangan! Kalokohan! Pinatatawad ko na ang biyuda!
Palalampasin!” at tinungga niya ulit ang vodka.
Nakaupo lang si Raskolnikov, tahimik na nakikinig at naiinis. Kumakain
lang siya bilang pakikisalamuha at tumitikim sa pagkaing inilalagay ni Katerina
Ivanovna sa kaniyang pinggan upang hindi ito maghinanakit sa kaniya. Mataman
niyang tinitingnan si Sonya na lalong nag-alala at nangamba. Naramdaman na
niya kanina pa na hindi matatapos nang tahimik ang salusalong ito. May kabang
pinagmamasdan niya ang tumitinding pagkairita ni Katerina Ivanovna. Alam niya
na ang pangunahing dahilan ng tahasang di-pagdalo ng dalawang babae ay siya,
si Sonya. Narinig niya mula kay Amalia Ivanovna na nagdamdam pa ang ginang
nang sila’y anyayahan at nagtanong: “Papaano niyang naisip na puwede niyang
paupuin ang anak kong katabi ng kaniyang anak?” Dama ni Sonya na alam na rin
ito ni Katerina Ivanovna. At ang insulto kay Sonya, sa mga bata, at sa ama ay higit
na insulto kay Katerina Ivanovna, matinding insulto at alam ni Sonya na siya’y
hindi matatahimik hanggang hindi naipamumukha sa dalawang haliparot na ...
Parang sinasadya ay may nagpapasa ng pinggan kay Sonya na may hinugis pusong
dalawang pirasong tinapay na tuhog ng palaso. Napikon si Katerina Ivanovna at
malakas na sinabing ang nagpadala ay isang lasing na kambing. Naramdaman
din ni Amalia Ivanovna na may nangyayaring hindi tama, na labis na nagpasakit
sa kaibuturan ng puso ni Katerina Ivanovna. Upang mapalitan ang masamang
lagay ng mga nagkatipon-tipon at pagandahin din ang kaniyang reputasyon ay
ikinuwento ang walang-kaugnayang istorya tungkol kay Karl na tagabotika sa
mali-maling Ruso:
“Si Karl tagabotika isa gabi sakay kalesa. Gusto siya patay kutsero. At
nagmakaawa husto Karl huwag siya patay. Siya iyak, tiklop kamay, takot. Sa takot
puso saksak!”
Bagama’t ngumiti si Katerina Ivanovna ay agad niyang pinuna na hindi
na dapat nagkukuwento ng mga nakatatawa sa wikang Ruso si Amalia Ivanovna,
na lalo namang ikinasama ng loob ng isa at bilang pagsagip sa kahihiyan ay nagsabi
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 403

na ang kaniyang vater aus Berlin ay napakahalaga talagang tao.


“Lahat kamay suot sa mga bulsa pag lakad!”
Hindi na nakapagpigil si Katerina Ivanovna at bumulalas ng tawa.
Nauubos na ang pasensya ni Amalia Ivanovna at halos di na rin mapigilan ang
sarili.
“Tingnan mo ang kuwago!” bulong ng tuluyang sumayang Katerina
Ivanovna kay Raskolnikov, “Nais niyang sabihing nasa mga bulsa niya ang
kaniyang mga kamay pero ang lumitaw ay sumusuot ang mga kamay niya sa
bulsa ng iba. Ubo, ubo, ubo! At napupuna ba ninyo, Rodion Romanovich, na lahat
ng mga dayuhan dito sa St. Petersburg, lalo na ang mga Aleman, na basta na
lang nagpuntahan dito ay mas bobo kaysa atin! Sumang-ayon kayo, maaari bang
magkuwento tungkol sa isang Karl na tagabotika sa takot sa puso sinaksak. At sa
halip na labanan ang kutsero ay tiklop-kamay na umiyak at nagmakaawa? A, sira
talaga! Pero akala niya’y maramdamin ang kuwentong iyon at di-nahuhulaan na
isang kabobohan! Sa palagay ko ba’y mas matalino pa sa kaniya ang lasenggong
retirado. Masyado na lang kasing maraming nainom. Nainom na niya pati ang
huling katinuan ng isip. Ito namang isa’y masyadong seryoso at opisyoso. Tingnan
mo’t nakaupo at nanlalaki ang mga mata, nagagalit. Oo nga, nagagalit! Ha-ha-ha!
Ubo, ubo, ubo!”
Sa tuwa ni Katerina Ivanovna ay nakapagkuwento siya ng iba’t ibang
detalye at nabanggit na sa tulong ng makukuhang pensiyon ay magtatayo siya
sa kaniyang pinagmulang bayan ng eskuwelahan para sa mga dalagang anak ng
matitinong pamilya. Ang tungkol dito ay hindi pa naikukuwento ni Katerina
Ivanovna mismo kay Raskolnikov. Siyang-siya si Katerina Ivanovna sa paglalahad
ng mga detalye. Sa kung paanong paraan ay lumitaw sa kamay niya ang plake
na katunayang binanggit kay Raskolnikov ng yumaong Marmeladov nang
ikuwentong pagkatapos mag-aral sa Instituto ay sumayaw nang ubod-galing si
Katerina Ivanovna sa harap ng gobernador at iba pang mahahalagang tao. Ang
plakeng-katunayan na ito’y magsisilbing katibayan na may karapatan si Katerina
Ivanovna na magtayo ng eskuwelahan. At ang pinakamahalaga sana ay tuluyang
ipamukha ito sa dalawang haliparot. Kung dumating lang sana ang mga ito ay
patutunayan ni Katerina Ivanovna na siya ay galing sa pinakamarangal o maaari
pa ngang sabihing aristokratikong pamilya, anak ng Koronel at nakahihigit
sa maraming tao na ang hanap lang ay kasiyahan. Agad na nagpalipat-lipat
sa kamay ng mga lasing na bisita ang katunayan na hindi naman pinigilan ni
404 FEODOR DOSTOYEVSKY

Katerina Ivanovna. Dahil nakasulat talaga roon, en toutes lettres42, na siya ay anak
ng Tagapayo ng palasyo at kabalyero, na talaga ngang anak ng Koronel. Sa bugso
ng dugo ay agad ding ipinaalam ni Katerina Ivanovna ang detalye ng masaya at
tahimik na magiging buhay nila sa kanilang bayan; ang tungkol sa mga guro sa
kaniyang eskuwela; at ang kagalang-galang na matandang si Francoise Mangot,
na siya mismong nagturo ng Pranses kay Katerina Ivanovna sa Instituto at
ngayo’y naninirahan pa rin sa kanilang bayan at malamang na sasama sa kaniya sa
eskuwela kahit di-kalakihan ang sahod. Sa wakas ay nasabi rin niyang isasama niya
si Sonya sa kanilang bayan at tutulong sa lahat ng gawain. Nang ito ay malakas na
humikab sa kabilang dulo ng mesa, tinangka ni Katerina Ivanovna na huwag na
itong pansinin, maging ang tawanan. Inilakas at itinaas niya ang kaniyang boses
at nagsimulang maalab na magsalita ukol sa di-mapagdududahang kakayahan ni
Sofia Simyonovna na tulungan siya. Ang kaniyang sipag, tiyaga, tapang, dangal,
at talino, sabay haplos sa pisngi ni Sonya at tumayo, dalawang beses niya itong
hinalikan nang buong pagmamahal. Namula si Sonya, bigla namang umiyak si
Katerina Ivanovna at napuna ang sarili na siya’y baliw na, masyado nang mahina
ang dibdib, at labis na naguguluhan, na dapat nang tapusin ito. Tutal, ubos na ang
pagkain ay magdala na ng tsaa. Nang mga sandaling ito, si Amalia Ivanovna, ay
masamang-masama ang loob at ni hindi siya pinakikinggan. Nagbakasakali siya
sa huling pagkakataon at sa masusing anyo ay kaniyang ipinaalam kay Katerina
Ivanovna ang isang matalinong pagsusuri na sa itatayong paaralan ay dapat mag-
ukol ng natatanging pansin sa malinis na kumot ng mga dalaga at dapat na isang
magaling na babae ang mag-aasikaso upang matiyak ang kalinisan ng mga ito.
Pangalawa, hindi dapat magbasa ng mga nobela sa gabi ang mga estudyante.
Pagod na pagod si Katerina Ivanovna at gulong-gulo. Nagsawa na siya sa
salusalong ito. Pinutol niya si Amalia Ivanovna at sinabihang walang-kuwenta ang
kaniyang mga sinasabi at wala siyang naiintindihan. Ang mga kumot ay problema
ng labandera at hindi ng direktor. Tungkol naman sa nobela, ito ay hindi na pinag-
uusapan. Pinakiusapan niya itong manahimik na lamang. Nag-init si Amalia
Ivanovna at galit na nagsabing ang hangad lang niya ay kabutihan at matagal na
raw siyang hindi binabayaran ng upa. Agad siyang inatake ni Katerina Ivanovna
na siya’y nagsisinungaling nang sabihing hangad ang kabutihan dahil kahapon
nang nakaratay pa ang yumao ay ginugulo siya tungkol sa bayad sa kuwarto.

42 Wikang Pranses na nangangahulugang “malalaking titik.”


PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 405

Sinagot siya ni Amalia Ivanovna na inimbitahan niya ang mga babae, ngunit
hindi sila pumunta dahil sila’y malilinis na babae. Ang malilinis na babae ay hindi
pumupunta sa di-malilinis na babae! Idiniin naman sa kaniya ni Katerina Ivanovna
na siya’y isang babaeng kaladkarin kaya’t kailanman ay hindi maiintindihan ang
tunay na karangalan. Noon din ay inihayag ni Amalia Ivanovna na ang kaniyang
vater aus Berlin43 ay isang napakahalagang tao at ang kamay nito ay sumusuot
sa mga bulsa tuwing naglalakad. At upang imustra ang ama, tumayo si Amalia
Ivanovna, ipinasok ang mga kamay sa magkabilang bulsa, pinalaki ang mga pisngi,
at lumikha ng di-matiyak na ingay na parang puf-puf. Nagtawanan ang lahat at
pinalalakas pa ang loob ni Amalia Ivanovna. Nakikinita na nila ang away.
Napuno na nang husto si Katerina Ivanovna at sa pandinig ng lahat
ay sinabing baka nga ang totoo’y hindi kailanman nagkaroon ng ama si Amalia
Ivanovna, na siya’y isa lamang lasenggang napadpad sa St. Petersburg at malamang
na nakitira lamang sa kung saang kusina o mas masahol pa. Namula si Amalia
Ivanovna na parang talangka at isinigaw nang ubod-lakas na baka si Katerina
Ivanovna ang walang vater. Siya raw ay may vater aus Berlin na laging nakasuot
ng mahabang amerikana at nagsasabing puf, puf, puf ! Nagngingitngit na tinukoy
ni Katerina Ivanovna na alam na ng lahat ang kaniyang pinagmulan. Malinaw
na nakalimbag sa Katibayan ng Parangal na ang kaniyang ama ay isang Koronel.
Ngunit ang ama ni Amalia Ivanovna, kung mayroon man, ay malamang na salta
sa Petersburg at nagtitinda lang ng gatas. Pero mas malamang na wala siyang
ama dahil hanggang ngayon ay di-malaman kung ano ang itatawag sa kaniya,
Ivanovna ba o Ludwigovna? Nagwala si Amalia Ivanovna at sumuntok sa mesa.
Ipinagsigawan niya na siya’y Ivanovna at hindi Ludwigovna, na ang pangalan ng
kaniyang ama ay Johann na isa ring Burgomeister44. Tumayo si Katerina Ivanovna
at mariin ang kaniyang malumanay na tinig, bagama’t namumutla at hirap sa
paghinga ay nagsabing minsan pang maglakas-loob siya na paghambingin ang
kaniyang pumanaw na ama sa kaniyang sariling ama ay hahablutin niya ang
kaniyang sumbrero at yuyurakan ng paa. Pagkarinig nito ay napatakbo sa loob ng
kuwarto si Amalia Ivanovna at ubod-lakas na nagsisigaw na siya ang may-ari ng
bahay at ngayon din ay pinalalayas na sila. Pagkatapos nito ay bigla na lang niyang
kinuha ang mga kutsarang pilak sa lamesa. Nagkagulo, nagkaingay, at nag-iyakan

43 Wikang Aleman na nangangahulugang “ama mula sa Berlin.”


44 Ang Burgomeister sa wikang Aleman ay nangangahulugang “pinuno ng mamamayan.” Ito rin ay
nagsisilbing tagapangulo ng konseho ng isang bayan o lungsod.
406 FEODOR DOSTOYEVSKY

ang mga bata. Pinipigilan ni Sonya si Katerina Ivanovna ngunit nang sumigaw si
Amalia Ivanovna tungkol sa “dilaw na tiket” ay itinulak ni Katerina Ivanovna si
Sonya at dumaluhong kay Amalia Ivanovna upang isagawa ang kaniyang banta
kanina.
Nang bigla’y bumukas ang pinto. Nakatayo si Pyotr Petrovich Luzhin na
mahigpit at matamang inililibot ang paningin sa buong kuwarto. Tumakbo agad
sa kaniya si Katerina Ivanovna.
III

“PYOTR PETROVICH!” sigaw niya, “Ipagtanggol ninyo kami! Ipaalam ninyo


sa bobong hayop na ito na huwag niyang gagawin ang ganitong pakikitungo sa
marangal na babaeng nagluluksa. Mayroong hukuman na dirinig. Pupuntahan ko
ang mismong Gobernador-Heneral. Mananagot siya. Kung natatandaan ninyo
ang kabutihan ng aking ama ay ipagtatanggol ninyo ang mga ulila!”
“Ipahintulot ninyo, Ginang ... Ipahintulot sana ninyo ...” at tinabig nito
ang babae, “Ang inyong ama, tulad ng alam ninyo, ay di ko kailanman nakadaupang-
palad. Ipahintulot ninyo, Ginang!”
Narinig ang malakas na pagtawa.
“At wala akong balak na pumagitna sa walang-katapusang pakikipag-
away ninyo kay Amalia Ivanovna ... Mayroon akong sadya ... Nais ko sanang
magkaliwanagan kami ng inyong anak ... ni Sofia ... Ivanovna, tama ba? Ipahintulot
ninyo na ako’y pumasok ...”
Nilampasan ni Pyotr Petrovich si Katerina Ivanovna at tumuloy sa kabila
ng mesa kung saan naroroon si Sonya. Hindi na nakakilos sa kinaroroonan si
Katerina Ivanovna na mistulang tinamaan ng kidlat. Hindi niya maunawaan kung
papaanong nagawang itanggi ni Pyotr Petrovich ang kabutihan ng kaniyang ama.
Bagama’t inimbento lang niya ay taimtim nang pinaniwalaan ni Katerina Ivanovna
ang bagay na ito. Para rin siyang nadagukan ng opisyoso, tuyo, at punong-puno
408 FEODOR DOSTOYEVSKY

ng pagbabantang tono ni Pyotr Petrovich. Sa kaniyang paglitaw ay tumahimik


ang lahat. Isa pa’y masyadong hindi nababagay ang seryoso at abalang taong ito sa
nariritong grupo. Halata na may importante siyang sadya, may di-pangkaraniwang
dahilan na nagtulak sa kaniya upang pumunta sa ganitong kasiyahan. Malamang
na may mangyayaring kakaiba. Si Raskolnikov, na nakatayo sa tabi ni Sonya, ay
tumabi upang paraanin siya. Mukha namang hindi nito napansin si Raskolnikov.
Makaraan ang sandali ay lumitaw si Lebezyatnikov ngunit hindi siya pumasok
at tumayo lang sa may pinto. Naroon siya’t matindi ang kuryosidad na halos
nagtataka; nakikinig ngunit parang may bagay na hindi maintindihan.
“Ipagpaumanhin ninyo kung ako man ay nakaaabala ngunit mahalaga
ang aking sadya,” sabi ni Pyotr Petrovich na walang sinumang konkretong
kinakausap, “Siguro’y mas mabuti kung maraming tao. Amalia Ivanovna, ako’y
buong pusong nakikiusap na bilang may-ari ng bahay ay pakinggan ninyong
mabuti ang magiging pag-uusap namin ni Sofia Ivanovna.”
“Sofia Ivanovna,” pagpapatuloy niya na tuwirang kumakausap sa gulat
na gulat at kanina pa hintakot na si Sonya, “Mula sa mesa ko sa kuwarto ng aking
kaibigang si Andrei Semyonovich Lebezyatnikov, pagkatapos ng inyong pagbisita
ay nawala ang pag-aari kong pera na nagkakahalaga ng isang daang rublong buo.
At kung sa papaanong paraan ay alam ninyo at maituturo ngayon kung nasaan na
iyon ay ipinapangako ko sa inyo nang buong katapatan, saksi ang lahat ng naririto,
na matatapos na ang usapin dito, ganoon lang. Ngunit kung hindi ay mapipilitan
akong gumamit ng mahigpit na paraan, kung magkaganoon ay ... bahala na kayo
sa inyong sarili!”
Naghari ang katahimikan sa buong kuwarto. Huminto maging ang mga
batang umiiyak. Putlang-putla si Sonya na nakatayo at nakatitig kay Luzhin na
hindi makasagot. Parang wala pa rin siyang naiintindihan. Lumipas ang ilang
saglit.
“O, papaano?” tanong ni Luzhin na matamang nakatingin sa kaniya.
“Hindi ko alam ... wala akong anumang nalalaman,” mahina ang boses
na naibulong ni Sonya.
“Hindi? Hindi ninyo alam?” muling tanong ni Luzhin at ilang sandaling
tumahimik. “Mag-isip kayo, Mademoiselle,” mahigpit niyang simula na parang
nagbabanta, “Pag-isipan ninyo. Ako ay pumapayag na bigyan kayo ng panahon
para mag isip. Ngunit dapat ay makita ninyo na kung hindi lang ako talagang
nakatitiyak ay hindi ako makikipagsapalaran na kayo ay tuwirang akusahan nang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 409

ganito, lalo’t isinaaalang-alang ang aking karanasan. Dahil ang ganitong tuwirang
akusasyon, sa harap ng mga saksi, kung kasinungalingan o kahit kamalian lamang,
ay pananagutan ko. Alam ko iyon. Kaninang umaga ay nagpapalit ako ng ilang
tiglilimang porsiyentong securities para sa aking pangangailangan sa halagang
tatlong libong rublo. Ang suma ay nakasulat sa papel. Pagdating ko sa bahay,
saksi si Andrei Semyonovich, ay binilang ko ang mga pera. Nang makabilang
ako ng dalawang libo’t tatlong daang rublo ay itinago ko ang mga ito sa aking
pitaka. Ang pitaka naman ay inilagay ko sa bulsa sa gilid ng aking amerikana. Sa
mesa ay may natirang limang daang rublo, kabilang ang tatlong papel na tig-isang
daang rublo. Pagkatapos nito ay dumating kayo (sa tawag ko) at sa buong panahon
na inilagi ninyo ay di kayo mapakali. Habang nag-uusap pa tayo ay tatlong ulit
kayong tumayo at kung bakit laging nagmamadaling umalis samantalang hindi
pa tayo tapos. Lahat ng ito ay maaaring patunayan ni Andrei Semyonovich.
Siguro nama’y hindi kayo tatanggi, Mademoiselle, na totoong pinatawag ko kayo sa
pamamagitan ni Andrei Semyonovich sa tanging kadahilanan na pag-usapan ang
kawawa at ulilang kalagayan ng inyong kaanak na si Katerina Ivanovna (na hindi
ko napuntahan para makiramay) at tungkol sa posibilidad na ihingi siya ng tulong
o kaya’y magpaloteriya o anumang gaya nito. Pinasalamatan ninyo ako at napaluha
pa nga kayo. Ikinuwento ko kung ano talaga ang nangyari upang una’y maipaalala
sa inyo at pangalawa ay upang ipakita sa inyo na wala akong nakalimutang detalye.
Pagkatapos nito ay kumuha ako ng sampung rublong papel at ibinigay sa inyo para
sa kapakanan ng inyong kaanak bilang paunang-tulong. Lahat ng iyon ay nakita
ni Andrei Semyonovich. Pagkatapos nito ay inihatid ko kayo sa may pinto, di pa
rin kayo mapakali noon. Naiwan akong mag-isa kasama si Andrei Semyonovich
at nag-usap kami nang ilang sandali. Nang lumabas na si Andrei Semyonovich
ay muli akong naupo sa mesa kung saan nakalagay ang mga pera upang bilangin
muli at ihiwalay gaya ng balak ko. Laking-gulat ko nang mahinuhang kulang
na ng isang daang rublo. Ipahintulot ninyong ako’y mangatuwiran. Si Andrei
Semyonovich ay di ko maaaring paghinalaan. Kahit ipagpalagay lang ay nahihiya
ako sa sarili. Hindi rin ako maaaring magkamali sa pagbilang dahil bago pa kayo
dumating ay nabilang ko na lahat ng pera at tama ito. Kahit kayo ay sasang-ayon
sa akin, na kung iisipin ang inyong kabalisahan, ang pagmamadaling umalis, at
ilang sandali ring nasa mesa ang inyong mga kamay, at idagdag pa ang inyong
hirap na kalagayan at ang nakaugaliang may kaugnayan dito, ay nasusulak man
ang aking kalooban at labag man sa kagustuhan ay napilitan akong maghinala.
410 FEODOR DOSTOYEVSKY

Oo nga’t malupit ngunit makatarungan! Idinurugtong ko at inuulit na sa kabila


ng aking malinaw na katiyakan ay naiintindihan ko pa rin na kahit papaano’y may
peligro rin sa akusasyon kong ito. Ngunit tulad ng nakikita ninyo ay hindi ko ito
pinalampas. Humakbang at sasabihin ko sa inyo kung bakit. Dahil, binibini, sa
maitim na kawalan ninyo ng utang-na-loob! Paano ninyong nagawa? Inimbitahan
ko kayo alang-alang sa kaawa-awa ninyong kapamilya! Binigyan ko na kayo ng
tulong na sampung rublo at gagantihan ninyo ako nang ganito? Oo, kayo! Hindi
na maganda iyan! Kailangan ninyong maturuan ng leksyon. Mag-isip kayo.
Bilang inyong tunay na kaibigan, nakikiusap ako (sapagkat wala kayong mabuting
kaibigan sa mga oras na ito). Naalala na ba ninyo? Kung hindi ay hindi na ninyo
ako matitinag! O, ano?”
“Wala akong kinuha sa inyo,” hintakot na bulong ni Sonya, “Binigyan
ninyo ako ng sampung rublo. Heto, kunin ninyo,” hinugot ni Sonya mula sa bulsa
ang panyo, hinanap ang buhol, kinuha ang sampung rublong papel, at iniabot kay
Luzhin.
“E, ang isang daang rublo? Hindi ba ninyo inaamin?” mapanumbat at
mapilit ang bigkas ni Pyotr Petrovich na hindi tinanggap ang pera.
Luminga-linga sa paligid si Sonya. Lahat ay nakatitig sa kaniya, gulilat,
matalim, nangungutya, at namumuhi ang mga mukha. Sinulyapan niya si
Raskolnikov na nakatayo sa may dingding. Naghalukipkip ito at nag-aapoy ang
titig sa kaniya.
“O, Panginoon ko!” naibulalas ni Sonya.
“Amalia Ivanovna, ito ay dapat ipaalam sa pulisya kaya’t buong
pagpapakumbabang nakikiusap ako sa inyo na ipatawag muna ninyo ang bantay,”
marahan at may lambing pang sinabi ni Luzhin sa may-ari.
“Gott der Barmherzige!45 Sabi ko na nga ba’t nagnanakaw siya!” itinaas ni
Amalia Ivanovna ang mga kamay.
“Alam pala ninyo?” salo ni Luzhin, “Ibig sabihin ay dati na kayong may
batayan upang magbigay ng ganyang konklusyon. Pakiusap ko sa kagalang-galang
na Amalia Ivanovna na tandaan ang mga binitiwang salita na narinig ng mga
saksi.”
Sa bawat sulok ay narinig ang malakas na usap-usapan. Lahat ay
nagkislutan.

45 Wikang Aleman na nangangahulugan o katumbas ng “Diyos na mahabagin!”


PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 411

“A-a-a-no!” biglang bulalas ng natauhang si Katerina Ivanovna at parang


bombang dumaluhong ito kay Luzhin, “Ano, pinaghihinalaan ninyo siyang
nagnakaw? Si Sonya? A, walang-hiya! Walang-hiya!” at sumugod ito kay Sonya at
niyakap nang mahigpit ng kaniyang tuyot na mga kamay.
“Sonya! Bakit mo tinanggap ang sampung rublo mula sa kaniya! Bobo!
Nasaan na? Ibigay mo sa akin! Ibigay mo sa akin ngayon din ang sampung rublo!
Hayan!” sabay hablot sa pera, nilamukos ito ni Katerina Ivanovna, at itinapon sa
pagmumukha ni Luzhin. Tumama ito sa mata ni Luzhin at gumulong sa sahig.
Agad pinulot ni Amalia Ivanovna ang pera. Galit na galit naman si Pyotr Petrovich.
“Pigilan ninyo ang baliw na ito!” sigaw niya.
Nang mga sandaling iyon, sa may pinto sa tabi ni Lebezyatnikov, ay
lumitaw ang ilan pang tao. Naroon na rin ang dalawang nangungupahang mag-
ina.
“Ano? Baliw? Ako pa ngayon ang baliw? Sira-ulo!” palahaw ni Katerina
Ivanovna. “Ikaw ang sira-ulo, abugago, walang-kuwentang tao! Si Sonya pa ang
kukuha ng pera niya? Si Sonya, magnanakaw? Bibigyan ka pa niya, gago!” at inihit
nang tawa si Katerina Ivanovna. “Nakakita na ba kayo ng sira-ulo?” tanong niya sa
lahat ng naroroon at itinuturo si Luzhin.
“Ikaw rin, isa ka pa!” pagkakita niya sa may-ari, “Pati ikaw na longganisa
ka ay nagpapatunay na siya ang nagnakaw! Walang-hiya kang hita ka ng manok
sa mantika! A, ni hindi pa siya lumalabas ng kuwarto. Pagkagaling niya sa iyo na
walang-hiya ka ay agad na siyang naupo rito sa akin, sa tabi ni Rodion Romanovich.
Kitang-kita ng lahat. Kapkapan ninyo siya! Hindi pa siya lumalabas at kung
magkaganoon ay nasa kaniya pa ang pera! Sige, maghanap ka! Ngunit kung wala
kang makikita ay patawarin mo ako, pero mananagot ka sa akin, hijo! Sa mismong
haring tsar, sa tsar mismo ako tatakbo, sa maawaing tsar! Maninikluhod ako sa
kaniya, ngayon din, ngayon ding araw na ito! Ako ay balo at kanilang patutuluyin!
Sa akala mo ba’y hindi ako papapasukin? Nagkakamali ka dahil makapapasok ako!
Dahil siguro sa akala mong mahina ang loob niya kaya ganoon? Iyon ang iyong
kalkulasyon? Pero ako, hoy, ay di sumusuko! Mapasusubo ka! Sige, maghanap ka!
Maghanap ka! Maghanap ka!”
At sa kabiglaanan ni Katerina Ivanovna ay niyugyog nito si Luzhin at
hinila papunta kay Sonya.
“Nakahanda ako at nananagot ... pero ... huminahon kayo, Ginang.
Hu-huminahon kayo! Malinaw sa akin na kayo ay palaban! Pero ... paano ba ito
412 FEODOR DOSTOYEVSKY

... dapat ay may pulis ... sabagay, ang daming saksi ... Nakahanda ako, ngunit ...
mahirap para sa lalaki ... dahil sa kasarian ... Sa tulong sana ni Amalia Ivanovna ...
pero ... hindi ginagawa ... ang ... ganoon ... Paano ... kaya ... ito?”
“Kahit sinong gusto ninyo! Kung sinong gusto ay bayaang siya ang
kumapkap!” sigaw ni Katerina Ivanovna, “Sonya, sige, baligtarin mo ang iyong
mga bulsa. Ipakita mo sa kanila! O, hayan! Tingnan mo, malinaw, o, wala! Panyo
lang ang narito! Walang-laman ang bulsa, nakikita mo! O, heto pa ang kabilang
bulsa. Hayan, nakikita mo?”
Hindi lang ibinaligtad ni Katerina Ivanovna ang mga bulsa, kundi
hinablot pa ng dalawang kamay pabaligtad. Ngunit sa ikalawang bulsa sa kanan ay
tumalsik ang isang papel na lumikha ng parabola sa hangin at lumapag sa paanan
ni Luzhin. Nakita ito ng lahat at sila’y napaanas. Yumuko si Pyotr Petrovich at
kinuha ang papel nang dalawang daliri mula sa sahig. Itinaas sa paningin ng lahat
at iniladlad. Ito ay isang daang rublo na itinupi nang walong ulit. Iniikot ni Pyotr
Petrovich ang kamay na ipinakikita ang pera sa lahat.
“Magnanakaw! Umalis kayo sa paupahan!” palahaw ni Amalia Ivanovna,
“Dapat ay itapon sila sa Siberia! Layas!”
Lahat ay nag-anasan. Walang-imik si Raskolnikov na halos hindi
hinihiwalayan ng tingin si Sonya at paminsan-minsa’y mabilis na sumusulyap kay
Luzhin. Si Sonya ay nakatayo pa rin sa dating kinalalagyan na wala sa sarili, na
parang hindi naman nagulat. Bigla’y namula ang kaniyang buong mukha. Siya ay
sumigaw at nagtakip ng mukha.
“Hindi, hindi ako! Hindi ako ang kumuha! Hindi ko alam!” makadurog-
puso ang kaniyang sigaw at humangos ito kay Katerina Ivanovna, na yumakap
naman sa kaniya nang buong higpit. Para bang nais niyang ipagsanggalang si
Sonya sa pamamagitan ng dibdib.
“Sonya! Sonya! Hindi ako naniniwala! Nakikita mo ba? Hindi ako
naniniwala!” sigaw ni Katerina Ivanovna na idinuruyan sa yakap si Sonya at
pinaghahalikan na parang bata. Hinawakan nito ang kamay niya at hinalikan.
“Kumuha ka raw! Anong klaseng mga tao ito! Mga mangmang! O, Diyos ko,
katatangang mga tao!” sigaw niya sa lahat, “Hindi lang ninyo alam, wala kayong
alam kung anong klaseng puso mayroon siya! Hindi ninyo alam kung anong
klaseng babae siya! Siya, magnanakaw? Ibibigay niya sa inyo ang kaniyang kahuli-
hulihang damit, ibebenta kaya, sukdulang wala na siyang gamitin! Ganyan siya
kabait! Nabigyan siya ng “dilaw na tiket” dahil mamamatay na sa gutom ang aking
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 413

mga anak! Ipinagbili niya ang kaniyang sarili para sa amin! O, yumao kong asawa!
O, tingnan mo ang nangyari sa iyong lamay. Diyos ko! Rodion Romanovich!
Ipagtanggol ninyo siya! Ano ang itinatayo ninyo riyan? Bakit hindi ninyo siya
ipinagsasanggalang? Naniniwala rin ba kayo? Ni hindi kayo katumbas ng kaniyang
daliring hinliliit ... Kayong lahat! Panginoon, ipagtanggol mo kami!”
Ang iyak at palahaw ng kaawa-awa, maysakit, at nabalong Katerina
Ivanovna ay malakas na tuminag sa mga naroroon. Punong-puno ng hinagpis at
pagdurusa ang kaniyang hapis, tuyot na mukhang nakangiwi sa sakit, ang kaniyang
mga labing duguan, ang kaniyang paos, at sumisigaw na tinig na mistulang iyak ng
paslit, kasabay ang tila pagtitiwala ng bata at ang kawalan ng pag-asang paghibik
ng tulong at sanggalang. Lahat ay nakadama ng awa sa kalunos-lunos na biyuda.
Kahit papaano ay naawa rin si Pyotr Petrovich.
“Ginang, ginang!” saad sa malumanay na tinig, “Ang bagay na ito ay
hindi nagsasangkot sa inyo! Walang-magtatangkang paghinalaan kayo na siyang
may pakana o kaya’y kasamahan sa paggawa, lalo na’t kayo mismo ang nakakita
nang ibinaligtad ninyo ang bulsa. Ibig lang sabihin ay wala kayong kinalaman.
Handang-handa ako na magpatawad, lalo na’t kung kahirapan ang nagtulak
kay Sofia Ivanovna na gumawa ng ganoon. Ngunit bakit ba, Mademoiselle, ayaw
ninyong umamin? Natatakot ba kayong mapahiya? Unang pagkakataon? Baka di
ninyo alam ang dapat gawin? Madaling maintindihan kung bakit ... Gayunman,
bakit kailangang gumawa ng ganoon? Mga ginoo! ...” hinarap niya ang lahat
ng naroroon, “Mga Ginoo, dahil sa awa at pakikiramay ay nais kong sabihin na
handa akong magpatawad kahit ngayon din at kahit na ako’y nakatanggap din ng
personal na insulto. Sana, Mademoiselle, ay magsilbing aral sa inyo ang kahihiyang
ito sa darating pang mga araw,” pangungusap niya kay Sonya, “At ang kasong ito
ay hindi ko na ipagpapatuloy. Tama na, tinatapos ko na ang lahat!”
Panakaw na sumulyap si Pyotr Petrovich kay Raskolnikov at nagtagpo
ang kanilang mga mata. Handa siyang tupukin ng naglalagablab na tingin ni
Raskolnikov. Para namang wala nang narinig si Katerina Ivanovna. Pinagyayakap
niya at pinaghahalikan si Sonya na animo’y wala sa sarili. Gayundin ang mga
bata, kabi-kabila ang yakap nila kay Sonya. Samantalang si Polya, na kahit walang
naunawaan sa nangyayari, ay halos malunod din sa luha, sumisigok siya sa paghikbi,
at itinatago ang magandang mukhang namamaga sa pag-iyak sa balikat ni Sonya.
“Napakasama nito!” biglang umalingawngaw ang malakas na tinig mula
sa may pinto.
414 FEODOR DOSTOYEVSKY

Mabilis na napalingon si Pyotr Petrovich.


“Anong kabuktutan ito?” ulit ni Lebezyatnikov na matamang tumitig sa
mga mata ni Pyotr Petrovich.
Parang nanginig si Pyotr Petrovich na napuna ng lahat. (Ito ay
matatandaan nila pagkatapos). Pumasok si Lebezyatnikov sa kuwarto.
“At naglakas-loob pa kayo na gawin akong saksi?” sabi niya habang
papalapit kay Pyotr Petrovich.
“Anong ibig sabihin nito, Andrei Semyonovich? Ano ba ang sinasabi
ninyo?” nasabi ni Luzhin.
“Ang ibig sabihin ay kayo ... kayo ay isang sinungaling! Iyan ang ibig
sabihin!” mainit ang salita ni Lebezyatnikov at mahigpit na nakatitig ang kaniyang
halos nanlilisik na paningin. Galit na galit siya. Natutok sa kaniya ang buong
atensyon ni Raskolnikov na parang hinuhuli at tinitimbang ang bawat salita.
Muling naghari ang katahimikan. Sandaling walang-maapuhap sabihin si Pyotr
Petrovich.
“Kung a-ako ang in-inyong ...” simula niyang paputol-putol, “Ano ba ang
nangyayari sa inyo? Kayo ba ay nasa sariling katinuan?”
“Ako? Matino? Kayo ay ... manloloko! A, anong kababaan! Pinakinggan
ko lahat at sadyang naghintay na maunawaan dahil inaamin ko na walang-lohika
... Ngunit kung bakit ninyo ginawa ito ... ay di ko maintindihan!”
“Bakit? Ano bang ginawa ko? Magtigil nga kayo sa pinagsasabi ninyong
walang-kuwentang hula-hula! O, baka naman kayo’y nakainom?”
“Baka kayo, mababaw na tao, ang umiinom, ngunit hindi ako! Kahit
vodka, kailanman ay hindi ko iniinom dahil sa aking paniniwala! Isipin ninyo,
siya mismo, mga sariling kamay niya ang nagbigay ng isang daang rublo kay Sofia
Simyonovna. Nakita ko. Ako ang saksi at handa akong sumumpa! Siya! Siya!” ulit
niya sa lahat at bawat isang naroroon.
“Nasisiraan ba kayo ng ulo?” piyok ni Luzhin, “Siya mismo ang nagsabi
rito sa harapan ninyong lahat na liban sa sampung rublo ay wala na siyang
natanggap mula sa akin. Papaano ko pa siya mabibigyan pagkatapos noon?”
“Nakita ko! Nakita ko!” sigaw at pagpapatibay ni Lebezyatnikov, “At
labag man sa paniniwala ko ay handa akong magpatotoo at sumumpa saanmang
hukuman dahil nakita ko kung papaano ninyong inilagay sa kaniya ang pera nang
walang kakila-kilatis. Isa nga lamang akong gago na nag-akalang inilagay ninyo
iyon dahil sa kabutihang-loob! Habang nagpapaalaman kayo sa pinto nang akma
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 415

na siyang tatalikod at hawak ng isang kamay ninyo ang kaniyang kamay, ang isa
naman, ang inyong kaliwang kamay, ay maingat na naglagay sa kaniyang bulsa ng
isang daang rublo. Nakita ko! Nakita ko!”
Namula si Luzhin.
“Anong kasinungalingan ang pinagsasabi ninyo?” matigas na sigaw niya,
“At papaanong mula sa tabi ng bintana ay nakita ninyo ang pera? Namalikmata
lang kayo! Malabo ang inyong mga mata! Nangangarap lang kayo!”
“Hindi. Hindi ako namalikmata! At kahit malayo-layo man ang aking
kinatatayuan ay nakita ko ang lahat, ang lahat! At kahit na mahirap talagang
makita ang pera mula sa bintana, ngunit dahil sa natatanging sitwasyon, ay alam
ko na isang daang rublo nga iyon. Dahil nang binigyan ninyo si Sofia Simyonovna
ng sampung rublo ay nakita ko na kumuha rin kayo ng isang daang rublo mula
sa mesa. Nakita kong malinaw iyon dahil malapit lang ang kinatatayuan ko noon.
Nang oras na iyon ay may pumasok sa isip ko ang isang bagay kaya di ko nalimutan
na may pera kayo sa kamay. Ito ay inyong itinupi at hinawakan. Matagal itong
nasa inyong palad. Pagkatapos ay nalimutan ko na ang tungkol doon. Pero nang
kayo ay tumayo, at mula sa kanan ay inilagay ninyo ang pera sa kaliwang kamay
na muntik pa ninyong mapunit, ay muli kong naalala ang ideyang iyon, na nais
ninyong gawan siya ng kabutihan nang lingid sa aking kaalaman. Ngayon ay alam
na ninyo kung paano ang pagmamasid na ginawa ko dahil doon. At nakita ko nga
kung papaanong naisuksok ninyo ang pera sa kaniyang bulsa. Nakita ko, nakita ko,
at handa akong tumestigo!”
Halos maubusan ng paghinga si Raskolnikov. Sa lahat ng sulok ay
maririnig ang iba’t ibang reaksyon. Sila’y pawang nangabigla ngunit narinig
din ang malakas at nagbabantang tinig. Pinaikutan ng lahat si Pyotr Petrovich.
Tumakbo si Katerina Ivanovna kay Lebezyatnikov.
“Andrei Semyonovich! Nagkamali ako tungkol sa inyo! Ipagtanggol
ninyo siya! Kayo lang ang panig sa kaniya! Siya’y ulila na! Kayo ay hulog ng langit!
Andrei Semyonovich! O, butihing ginoo!”
At halos di na alam ni Katerina Ivanovna ang gagawin. Siya’y lumuhod
sa harapan ni Lebezyatnikov.
“Kabulaanan!” galit na sigaw ni Luzhin, “Lahat ay nilubid na buhangin!
Nakalimutan, natandaan, nakalimutan, natandaan. Ano ba iyan? Ibig ninyong
sabihin ay sadyang isinuksok ko? Para saan? Sa anong layunin? Ano bang pakialam
ko sa babaeng iyan ...”
416 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Para saan? Iyan nga ang di ko maintindihan. Ngunit totoong pangyayari


at katibayan ang lahat ng sinasabi ko! Nagkamali man ako nang una ay natatandaan
ko. O, masamang tao at maitim ang budhi! Nang mismong kamayan kayo
upang pasalamatan ay natatandaan kong biglang pumasok sa isip ko ang isang
katanungan. Bakit nga ba palihim pa ninyong isinuksok ito sa kaniyang bulsa?
Bakit kailangang palihim? Alangan naman na dahil lang sa nais ninyo itong itago
sa akin. Alam ninyong labag sa akin ang ganoong paniniwala at itinatatwa ko ang
pribadong pagkakawang-gawa dahil hindi talaga makapagpapagaling sa radikal
na paraan. Inakala ko na marahil nga ay mabigat sa loob ninyo ang magbigay
nang ganoong kalaki sa aking harapan. Isa pa’y inakala ko na nais lang ninyong
sorpresahin at gulatin si Sonya sa oras na makita ang isang daang rublo sa bulsa.
Dahil alam ko na may ilang mapagkawang-gawa na hindi ipinangangalandakan
ang ginagawa. Pagkatapos nito ay naisip ko rin na baka gusto lang ninyo siyang
subukan kung babalik siya upang magpasalamat! Saka, baka gusto rin ninyong
iwasan ang pasasalamat upang ... ano bang kasabihan iyon? Huwag nang alamin
pa ng kanang kamay ang ginagawa ng kaliwa ... Ganoon na nga sa isang salita
... Hindi kakaunti ang pumasok sa isip ko nang mga sandaling iyon kaya’t
ipinangakong saka na timbangin ang lahat ngunit ipinagpalagay kong hindi
naman mabuting ipakita pa na alam ko ang inyong sekreto. Ngunit agad ding
pumasok sa isip ko ang isa pang bagay. Malamang na bago pa matuklasan ni
Sofia Simyonovna ang kabutihang ginawa ninyo ay mawawala lang ang pera. Iyan
ang dahilan kung bakit ako pumunta rito upang tawagin siya at ipaalam na may
nakasuksok na isang daang rublo sa kaniyang bulsa. Pero sumaglit ako sandali kina
Gng. Kabilyatnikova upang idaan ang Pangkalahatang Pagtataya sa Positibong
Pamamaraan at irekomenda ang isinulat nina Piderit at Wagner. Pagkatapos nito
ay pumunta ako rito at heto na nga ang nangyari! Masasabi ko ba ang lahat ng
ito kung hindi ko lang talaga nakita na isinuksok ninyo ang isang daang rublo sa
kaniyang bulsa?”
Nang matapos ni Andrei Semyonovich ang kaniyang mahabang
pangangatuwiran at lohikal na konklusyon ay tumagaktak ang pawis sa kaniyang
noo at pagod na pagod. Hindi siya makapagpaliwanag nang matino sa Ruso pero
wala namang alam na ibang wika kaya’t parang naubos ang lahat ng kaniyang lakas.
Mukha pa ngang namayat matapos ang kaniyang pag-aabogado. Gayumpaman,
malakas ang epekto ng kaniyang pananalita. Maramdamin ang kaniyang talumpati
at punong-puno ng konbiksyon. Tila pinaniwalaan siya ng lahat. Naramdaman ni
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 417

Pyotr Petrovich na masama ang kaniyang lagay.


“Anong pakialam ko kung pumasok sa kukote ninyo ang kung ano-
anong kabulastugang katanungan!” sigaw niya, “Hindi iyon katibayan! Baka
napanaginipan lang ninyo ang lahat! Pero ang masasabi ko lang ay isa kayong
sinungaling! Nagsisinungaling kayo at naninira dahil sa may sama kayo ng loob sa
akin! Galit kayo dahil di ako sumasang-ayon sa inyong liberal at walang-diyos na
pananaw-panlipunan! Hayan, kung bakit!”
Ngunit hindi nakatulong kay Pyotr Petrovich ang kaniyang reaksyon.
Lahat ay naringgan ng ungol ng pagtutol.
“O, tingnan mo kung saan ka pumupunta!” singhal ni Lebezyatnikov,
“Sinungaling! Tumawag ka ng pulis at ako’y susumpa! Isa lang ang di ko
maintindihan. Bakit siya nagpakababa at nakipagsapalaran nang ganito?! Kawawa
naman ang walang-hiyang taong ito!”
“Maipaliliwanag ko kung bakit siya gumawa ng ganoong bagay at kung
kailangan ay handa akong magbigay ng pahayag!” matigas ang boses na sinabi ni
Raskolnikov sa wakas at pumunta sa harapan.
Sa mata ng lahat ay matigas siya at malumana. Sa tingin pa lang ay
malinaw na alam talaga niya kung ano ang nagaganap at oras na nang pagbubunyag.
“Ngayon ay nalinawan ko na ang lahat,” patuloy ni Raskolnikov na
nakaharap kay Lebezyatnikov, “Sa simula pa lang ay nagduda na akong may
katusuhang nagtatago sa likod ng lahat ng ito. Nagduda na ako agad dahil sa
ilang natatanging kalagayan na ako lang ang nakaaalam. Maipaliliwanag ko ang
lahat at makikita ninyo kung bakit! At Andrei Semyonovich, kayo ang tuluyang
nagpalinaw sa akin sa lahat dahil sa inyong napakahalagang pagpapatotoo.
Pakinggan ninyo itong mabuti. Ang taong ito,” itinuro niya si Luzhin, “ay
magpapakasal sana sa isang dalaga, na walang-iba kundi ang aking kapatid na
si Avdotia Romanovna Raskolnikova. Ngunit kamakalawa, pagdating niya sa
Petersburg, sa unang pagkikita pa lang namin ay nag-away na kami. Dalawa ang
saksi nang siya’y aking palayasin mula sa aking pamamahay. Napakasama ng
taong iyan ... Hindi ko pa alam noon na rito pala siya nakatira sa inyo, Andrei
Semyonovich. Noong araw ring iyon ay nakita niya kung papaano kong iniabot
sa nabiyuda ng yumaong Marmeladov, na si Katerina Ivanovna, ang ilang pera
upang gamitin sa pagpapalibing. Noon din ay isinulat niya sa aking ina, ipinaalam
na ibinigay ko ang lahat kong pera kay Sofia Simyonovna, at may ipinahiwatig
tungkol sa kaugnayan namin ni Sofia Simyonovna. Ang layunin niya’y siraan ako
418 FEODOR DOSTOYEVSKY

sa sariling ina at kapatid. Para niyang sinabi na nagwawaldas ako sa masamang


layunin ng perang buong hirap na ipinadala sa akin. Kagabi, sa harapan ng ina
ko’t kapatid, naroroon din siya at ipinaliwanag ko ang buong katotohanan at
pinatunayan na ang mga pera’y ibinigay ko kay Katerina Ivanovna at hindi kay
Sofia Simyonovna, na si Sofia Simyonovna ay di ko pa kakilala, ni nakita man lang
kamakalawa. Idinagdag ko pa na siya, si Pyotr Petrovich, sa kabila ng lahat niyang
katangian, ay hindi katumbas ni daliring hinliliit ni Sofia Simyonovna, na ganoon
na lang kung dustain. Sa tanong niya, kung itatabi ko raw ba si Sofia Simyonovna
sa aking kapatid. Isinagot ko na ginawa ko na iyon sa araw ring iyon. At sa tindi ng
kaniyang galit, dahil sa ang ina ko’t kapatid ay ayaw makipagkasira sa akin bilang
pagsunod sa kaniya, ay nagsimula siyang magsalita nang labis at di-mapatatawad
sa kanila. Tuluyan nang nagkagalit at siya’y pinalayas sa bahay. Lahat ng iyan ay
nangyari kagabi. Ngayon ay pakinggan ninyo itong mabuti. Kung nagawa niya
na maipakitang si Sonya nga ay isang magnanakaw ay mapatutunayan niya sa
aking kapatid at ina na siya’y tama at di-nagkamali sa kaniyang sapantaha, na
tama siyang magalit nang ipagsama ko ang aking kapatid at si Sofia Simyonovna,
na ang pag-atake niya sa akin ay pagsanggalang sa karangalan ng aking kapatid at
ng kaniyang kasintahan. Sa ibang salita, dahil dito ay maaari niyang muling siraan
ang relasyon naming mag-anak at siyempre, ay umaasa siya na muling mapalalapit
sa kanila. Hindi na dapat pang sabihin na sa gayong paraan ay nakapaghiganti rin
siya sa akin nang personal dahil mayroon siyang batayan upang ipagpalagay na ang
puri at kaligayahan ni Sofia Simyonovna ay sadyang mahalaga sa akin. Hayan ang
kaniyang kalkulasyon! Ganyan ang pagkaunawa ko sa bagay na ito! Iyan ang lahat
ng dahilan at wala ng iba pa!”
Ganyan na ganyan halos tinapos ni Raskolnikov ang kaniyang talumpating
madalas na pinuputol ng anas ng mga nakikinig na matiim na matiim ang
pakikinig. Ngunit sa kabila ng mga paghinto ay matalim, malumanay, nakatitiyak,
malinaw, at matigas ang kaniyang pananalita. Ang kaniyang mataginting na tinig
at tonong puno ng paniniwala ay nagdulot ng matinding epekto sa mga nakikinig.
“Ganyan, ganyan na nga!” mainit na patunay ni Lebezyatnikov, “Ganyan
na nga iyon dahil tinanong niya ako kung narito nga kayo pagpasok na pagpasok
pa lang ni Sofia Simyonovna. Nakita ko raw ba kayo sa mga panauhin ni Katerina
Ivanovna. Tinawag pa niya ako sa may bintana para lang pasimpleng itanong ang
bagay na iyon. Kaya’t talagang kailangan niya na kayo nga’y naririto! Ganyan nga!
Ganyang-ganyan!”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 419

Hindi makakibo si Luzhin. Maanghang ang kaniyang pagkakangiti


ngunit putlang-putla. Iniisip niya kung paano malulusutan ang sitwasyon. Siguro,
kung maaari lang ay iiwanan na lang niya ang usaping ito at bibirahan na lang ng
alis ngunit sa sandaling ito ay imposible ang ganoon. Iyon ay mangangahulugan
ng tuwirang pag-amin sa ibinibintang sa kaniya na totoong siniraan niya si Sofia
Simyonovna. Isa pa’y lasing na ang ibang mga manonood at hindi papayagang
magkaganoon. Bagama’t hindi lubos na naintindihan ng namamasukan sa
tindahan ang lahat ng nangyari ay pinakamaingay ito at may iminumungkahing
hindi maganda para kay Luzhin. Ngunit mayroon ding hindi lasing na galing sa
iba’t ibang kuwarto na nagtipon. Galit na galit ang tatlong Polano at walang-tigil
sa kasisigaw ng Pani laidak! May iba pang pagbabantang sinasabi ang mga ito sa
wikang Polano. Kabang-kaba sa pakikinig si Sonya ngunit parang hindi pa rin
niya maintindihan ang lahat, para siyang nahimasmasan mula sa pagkahimatay.
Hindi niya hiniwalayan ng tingin si Raskolnikov at nararamdaman niyang siya
ang kaniyang sanggalang. Hirap at masikip ang paghinga ni Katerina Ivanovna.
Siya ay mukhang pagod na pagod. Si Amalia Ivanovna naman ay mukhang
pinakatanga sa lahat ng nakatayo’t nakanganga na walang-nauunawaan. Nakita
lang niya na parang nasukol si Pyotr Petrovich. Muli sanang magsasalita si
Raskolnikov ngunit hindi na siya hinayaan pa. Lahat ay sumisigaw at pinaiikutan
si Luzhin. Pinagmumura nila ito at pinagbabantaan. Ngunit hindi pa tuluyang
nawalan ng loob si Pyotr Petrovich. Nang makita niyang talo na ang pagbibintang
niya kay Sonya ay nagmatigas pa rin ito.
“Mga Ginoo, huwag kayong magsiksikan. Paraanin ninyo ako, pakiusap!”
sabi nitong nagpilit daanan ang mga tao, “At kung maaari ay huwag kayong
magbabanta. Sinasabi ko sa inyo na wala kayong mahihita at magagawa. Mananagot
pa kayo sa pagtatakip ninyo sa isang krimen. Nailantad na ang magnanakaw at
siya’y pananagutin ko. Ang ating hukuman ay hindi bulag at lalong di-lasing.
Hindi nila paniniwalaan ang dalawang lantad na ateista, mapanggulo, at liberal
na mapaghiganti, bagay na inaamin nila mismo dala ng kabobohan ... Paraanin
ninyo ako!”
“Lumayas kayo at huwag iiwanan ni bakas ninyo sa aking kuwarto.
Lumayas na kayo! Tapos na ang lahat sa atin! At isipin lang, dalawang linggo
akong nagpakahirap na ipaliwanag ang lahat sa kaniya!”
“Andrei Semyonovich, di ba’t sinabi ko na sa inyo na talagang aalis na
ako. Kanina pa iyon nang ako ay inyo pang pinipigilan. Ang masasabi ko lang
420 FEODOR DOSTOYEVSKY

ay isa kayong baliw. At sana’y gumaling ang inyong isip at matang halos bulag.
Ginoo, paraanin ninyo ako!”
Nakaraan naman siya ngunit ayaw siyang palampasin nang ganoon kadali
ng trabahador sa tindahan. Kulang ang mga sigaw at mura. Dumampot siya ng
isang baso sa mesa at ibinato ito kay Pyotr Petrovich ngunit ang baso ay tumama
kay Amalia Ivanovna. Siya ay napahiyaw, samantalang nawalan ng panimbang
ang bumato at malakas na lumagabog sa ibabaw ng mesa. Tumuloy sa kanilang
kuwarto si Pyotr Petrovich at makaraan ang kalahating oras ay wala na siya sa
bahay. Alam ni Sonya, na likas na matatakutin higit kaninuman, ay madali siyang
pahirapan. Kahit sino ay masasaktan siya nang walang-ganti. Gayumpaman,
hanggang sa mga sandaling ito ay may pakiramdam siyang maiiwasan ang higit
pang kasawian sa pamamagitan ng pag-iingat, kabaitan, at pagpapakumbaba sa
lahat at bawat isa. Masamang-masama ang kaniyang loob. Ito’y matitiis niyang
lahat nang walang-kibo ngunit sa simula pa lang ay masyado nang mabigat. Sa
kabila ng kaniyang tagumpay at pagkawalang-sala, nang makalipas ang unang
takot at kabiglaanan at nang maunawaan na at malinawan sa mga nangyari, ay tila
nanikip ang kaniyang puso sa sama-ng-loob at kawalang-magagawa. Nagsimula
siyang maging histerikal. At nang di na makapagpigil ay tumakbo siyang palabas
ng kuwarto pauwi. Halos kasabay ito nang paglabas ni Luzhin. Nang tamaan si
Amalia Ivanovna ng baso at pinagtawanan ng lahat ay di na rin ito nakapagpigil!
Wala sa sariling sinugod niya si Katerina Ivanovna na itinuturing niyang may
kasalanan ng lahat.
“Lumayas ka sa paupahan! Ngayon din, sulong!” Sa mga salitang ito
ay pinagbabalibag niya sa sahig ang lahat nang madampot na gamit ni Katerina
Ivanovna. Ang maputlang si Katerina Ivanovna, na hirap na hirap sa paghinga
at halos panawan na ng ulirat, ay bumangon sa binagsakan at dumaluhong kay
Amalia Ivanovna. Ngunit masyadong hindi pantay ang labanan. Siya’y itinulak
lang na parang bulak.
“Ano, kulang pa ba ang walang-awang paninira sa amin? Pati ang hayop
na ito! Sa mismong araw ng libing ng aking asawa! Matapos ang pakain ay
itataboy kami sa daan? Kasama ng mga ulila? Saan ako pupunta?!” iyak at palahaw
ng di-makahingang kawawang babae. “Panginoon!” bigla niyang sigaw na itinaas
ang mga mata, “Wala nga ba talagang katarungan? Sino pa ang ipagtatanggol mo
kung hindi kaming mga ulila! Pero makikita natin! Sa mundo ay may hukuman
at katuwiran, mayroon! Hahanapin ko! Maghintay ka lang, hayop na walang-
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 421

Diyos! Polya, maiwan ka lang sa mga bata at magbabalik ako. Hintayin ninyo
ako kahit sa kalye! Makikita natin kung sa mundo ay mayroon pang katotohanan
at katarungan!” At itinalukbong niya sa ulo ang luntiang bandana na binanggit
ni Marmeladov sa kaniyang kuwento at nakipaggitgitan siya sa mga magulo at
lasing na nangungupahan na nagsisiksikan sa kuwarto. Luhaan at humahagulhol
itong humangos sa kalsada. Wala siyang tiyak na patutunguhan ngunit kailangan
niyang matagpuan agad kung nasaan man ang katarungan. Takot na sumiksik si
Polya kasama ng mga bata sa may bayong sa sulok at nangangatal na naghintay
sa pagbabalik ng ina. Paikot-ikot si Amalia Ivanovna sa kuwarto, humihiyaw,
nagtatatalak, at itinataob sa sahig ang alinmang mahagip. Kung ano-ano rin ang
pinagsasabi ng mga nangungupahan doon. Ang iba’y nagbibidahan tungkol sa
nangyari, nag-aaway, at nagmumurahan. Ang iba naman ay bumunghalit ng awit.
“Ngayo’y kailangan ko na ring umalis,” sa loob ni Raskolnikov.
“Tingnan nga natin, Sofia Simyonovna, kung ano ang masasabi ninyo
ngayon!” At tumuloy siya sa tinitirhan ni Sonya.
IV

SI RASKOLNIKOV AY NAGING MABISA at magaling na tagapagtanggol ni


Sonya laban kay Luzhin, bagama’t siya man ay may mabigat na dalahin at matinding
paghihirap ng kalooban. Ngunit sa dami ng kaniyang pinagtiis kaninang umaga
ay ikinagalak pa niya ang magkaroon ng ibang impresyon, lalo’t di na niya halos
madala ang paghihirap na ito. Kanina’y maramdamin at personal na ang ginawa
niyang pagdepensa kay Sonya. Liban pa rito ay labis niyang ipinangamba ang
muling pakikipagkita kay Sonya dahil dapat na niyang sabihin sa kaniya kung sino
ang pumatay kay Lizaveta. Dama niya ang labis na pagdurusang halos magpasuko
sa kaniya. Kaya’t kaninang iwan niya si Katerina Ivanovna at nagsabing, “Tingnan
natin, Sofia Simyonovna, kung ano ang masasabi ninyo ngayon!” ay mahihinuhang
may panlabas pa siyang sigla na dulot ng tagumpay niya kanina laban kay Luzhin.
Ngunit nakapagtatakang nang makarating na siya sa bahay ng mga Kapernaumov
ay bigla siyang nakadama ng panghihina at takot. Sa harap ng pinto ay matagal
siyang nakatayo, nag-iisip, at nagtanong: “Kailangan ko bang sabihin kung sino
ang pumatay kay Lizaveta?” Kakaiba ang tanong na ito sapagkat nang mga oras
na iyon ay naramdaman niya na hindi lamang sa hindi maaaring sabihin, kundi
hindi rin maaaring alisin kahit sandali lamang sa isip ang bagay na ito. Hindi
pa niya alam kung bakit imposible, nararamdaman lang niya. At ang masaklap
na kaalaman ng kaniyang kawalang-lakas sa harap ng pangangailangan ay halos
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 423

dumurog sa kaniya. Upang hindi na mangatuwiran pa at magdusa ay mabilis


niyang binuksan ang pinto at tumambad sa harapan niya si Sonya. Nakaupo siya,
nakabaluktot sa bangko, at nakatakip ang mga kamay sa mukha. Pagkakita kay
Raskolnikov ay mabilis itong tumayo at sumalubong na parang naghihintay sa
kaniya.
“Hindi ko alam kung ano na ang nangyari sa akin kung wala kayo!”
Malinaw na iyon lang ang gusto niyang sabihin.
Tumungo si Raskolnikov sa mesa at naupo sa kinaupuan ni Sonya kanina.
Si Sonya’y tumayo sa kaniyang harapan, mga dalawang hakbang lang ang layo, na
gayang-gaya kahapon.
“O, ano, Sonya?” sabi niya at naramdamang bigla ang panginginig ng
boses, “Lahat ng usapin ay nakaugnay sa kalagayang panlipunan at kaagapay
nitong masamang gawain. Naiintindihan ba ninyo ito?”
Gumuhit ang pagdurusa sa mukha ni Sonya.
“Huwag lang kayong magsasalitang gaya kahapon!” putol niya sa binata,
“Pakiusap, huwag na kayong magsisimula pa. Sapat na ang paghihirap ...” agad din
siyang ngumiti. Nangamba na baka hindi magustuhan ni Raskolnikov ang tinig
ng pagsisisi.
“Hindi ako dapat umalis. Ano na ang nangyayari roon? Gusto ko nang
bumalik. Kanina ko pa iniisip na ... at heto nga kayo.”
Ikinuwento ni Raskolnikov sa kaniya na pinalalayas na sila ni Amalia
Ivanovna at si Katerina Ivanovna naman ay humangos sa labas upang maghanap
ng katuwiran.
“Diyos ko!” napaigtad si Sonya, “Tayo na, bilis!”
At hinablot nito ang bandana.
“Ganyan na lang palagi!” galit na sigaw ni Raskolnikov. “Lagi na lang sila
ang laman ng inyong isip! Dumito muna kayong kasama ko!”
“Paano si ... Katerina Ivanovna?”
“A, hindi kayo makalilimutan ni Katerina Ivanovna. Kusang pupunta rito
iyon, lalo na’t lumabas na,” mabilis niyang saad, “Kung hindi niya kayo madaratnan
ay kasalanan ninyo ...”
Hirap at di-makapagpasyang naupo si Sonya sa bangko. Hindi kumikibo
si Raskolnikov, nakayuko at nag-iisip.
“Ipagpalagay na hindi na itutuloy ni Luzhin,” simula niya na hindi
tumitingin kay Sonya, “Pero paano kung nasunod ang kaniyang balak?
424 FEODOR DOSTOYEVSKY

Maipakukulong ka niya kung di lang nagkataon na naroon ako at si Lebezyatnikov,


di ba?”
“Oo,” mahinang sagot niya, “Oo,” ulit niyang nakatulala at kinakabahan.
“Dahil posible talaga na wala ako roon! Si Lebezyatnikov naman ay
lumitaw talaga nang di-sinasadya.”
Walang-imik si Sonya.
“Paano kung makukulong nga kayo? Paano na? Natatandaan ba ninyo
kung ano ang sinabi ko sa inyo kahapon?”
Muli ay hindi siya sumagot. Naghintay ang binata.
“Akala ko’y muli kayong sisigaw ng, “Tama na, tumigil na kayo!” Pilit na
humalakhak si Raskolnikov. “Bakit kayo nananahimik?” tanong niya makaraan
ang ilang sandali. “Kailangan namang mayroon tayong pinag-uusapan, di ba?
Interesado akong malaman, halimbawa, paano ninyo sasagutin ang tanong tulad
ng sabi ni Lebezyatnikov (parang nagsimula siyang mataranta). Hindi. Pero
seryoso ako. Halimbawa lang, Sonya, na alam na ninyo ang plano ni Luzhin una
pa man. At alam ninyo na ito ay ikamamatay ni Katerina Ivanovna at ng mga bata
... at susunod na rin kayo (tutal, hindi ninyo pinahahalagahan ang inyong sarili).
Gayundin si Polya dahil doon na rin siya papunta. Kung sakali na mapasa-inyong
kamay ang desisyon kung sino ang mabubuhay, bubuhayin ba ninyo si Luzhin
upang gumawa ng kasamaan o hahayaan ninyong mamatay si Katerina Ivanovna?
Ano ang magiging desisyon ninyo? Sino ang hahayaan ninyong mamatay?
Sumagot kayo.”
May agam-agam ang tingin ni Sonya sa kaniya. Para siyang may
naramdaman sa di-matigas at parang malayo sa katotohanang katanungang iyon.
“Nakinita ko na kayo’y magbibigay ng katanungang ganyan,” sabi niyang
matuong nakatitig sa binata.
“Oo, sige, ngunit paano ninyo iyon sasagutin?”
“Bakit kayo nagtatanong ng ganyan na imposibleng mangyari?” paiwas
na sabi ni Sonya.
“Kung ganoon ay mas mabuting hayaan nang mabuhay si Luzhin at
gumawa ng mga kabalbalan! Hindi rin kayo magkalakas-loob na ipasya ang
ganoon?”
“Hindi ko maaaring malaman ang kapasyahan ng Diyos ... at bakit ninyo
itinatanong ang bagay na di-dapat itanong? Para saan ang ganoong hungkag na
tanong? Paanong magkakaganoon na magiging depende sa akin ang kapasyahang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 425

iyon? At sino ang humirang sa akin bilang hukom? Paano ko ipapasya kung sino
ang mabubuhay at hindi?”
“Kung ano ang itinakda ng Diyos ay siyang mangyayari at wala ka nang
magagawa pa,” malungkot na sabi ni Raskolnikov.
“Ang mabuti pa’y sabihin ninyo nang tuwiran kung ano ang inyong
gusto?” mabigat ang damdaming sigaw ni Sonya, “Mayroon na naman kayong
tinutumbok ... Dumating ba kayo upang ako’y pahirapan lang?”
Hindi na siya nakapagpigil at mapait na humagulhol. Madilim ang
mukhang tumingin siya sa dalaga. Lumipas ang limang minuto.
“Pero tama ka, Sonya,” sa wakas ay mahina niyang sabi. Bigla siyang
nagbago. Nawala ang magaspang na gawa-gawang tono, maging ang pilit na
naghahamong tinig. Maging ang boses niya ay nanghina. “Sinabi ko mismo sa
iyo kahapon na darating ako hindi upang humingi ng tawad. Pero nagsimula ako
na parang humihingi pa rin ng tawad ... ‘Yong sinabi ko tungkol kay Luzhin at sa
kalooban ng Diyos ... humihingi ako ng tawad, Sonya ...”
Nais sana niyang ngumiti ngunit walang-lakas, pilit, at di-lubos ang
ngiting gumuhit sa kaniyang mga labi. Yumuko siya at tinakpan ng mga palad
ang mukha.
Nang bigla’y nakadama siya sa dibdib ng kakaiba at di-inaasahang mapait
na pagkamuhi kay Sonya. Siya mismo ay nagtaka at natakot sa pakiramdam na
iyon. Bigla niyang itinaas ang mukha at matamang tumitig kay Sonya. Ngunit
nakita niya ang alalang-alala at labis na naghihirap niyang titig. Bakas dito ang
pag-ibig. Ang kaniyang pagkamuhi ay agad na naglahong parang malikmata. Iba
ang naramdaman niya kanina, pinagkamalan niya ang isang damdamin sa iba.
Nangangahulugan lamang na lumipas na ang sandaling iyon.
Muli niyang tinakpan ng mga kamay ang mukha at yumuko. Pagkatapos
ay namutla siya, tumayo sa pagkakaupo, tumitig kay Sonya, at walang-kakibo-
kibong lumipat sa kaniyang higaan.
Ang sandaling iyon sa kaniyang pandama ay nakatatakot, na kamukha
ng sandaling nasa harapan na siya ng pinatay na matanda, naialis na niya sa
pagkakasabit ang palakol, at wala nang dapat pang sayanging sandali.
“Anong nangyayari sa inyo?” tanong ni Sonya na labis na nahintakutan.
Wala siyang masabi. Hinding-hindi ganoon ang nasa isip niyang
magpahayag at hindi niya maintindihan kung ano ang nangyayari sa kaniya.
Tahimik na lumapit sa kaniya si Sonya, naupo sa kaniyang tabi, at naghintay.
426 FEODOR DOSTOYEVSKY

Hindi niya iniaalis ang pagkakatitig sa kaniya. Nanlalamig at malakas ang tibok ng
kaniyang puso. Nang hindi na niya makayanan ay humarap sa babae ang maputla’t
halos walang-buhay na mukha ni Raskolnikov. Walang-lakas na kumikibot ang
kaniyang mga labi na nagpipilit at may nais banggitin. Gumapang ang takot sa
puso ni Sonya.
“Anong nangyayari sa inyo?” ulit niya na marahang umatras.
“Wala ito, Sonya, huwag kang matakot. Walang anuman ito! Oo, kung
titingnan, wala ito,” bulong niya na mukhang hindi alam ang sinasabi. “Bakit ba
ako pumarito? Upang pahirapan ka?” dagdag niya na nakatitig sa kaniya. “Oo,
bakit nga ba? Tinatanong ko ang aking sarili, Sonya ...”
Marahil ay tinanong na niya sa sarili ang bagay na iyon, kinse minutos na
ang nakararaan ngunit ngayo’y binigkas niya ito nang halos walang-lakas, halos di
niya alam ang sarili, at dama ang walang-tigil na panginginig ng buong katawan.
“Hirap na hirap kayo!” may pagdurusang bigkas ni Sonya na nakatitig sa
kaniya.
“Wala ito, Sonya (basta na lang siya ngumiti nang ilang sandali sa
kung anong kadahilanan nang walang-lakas at maputla pa rin ang mga labi),
“Natatandaan mo ba na may gusto akong sabihin sa iyo kahapon?”
Nababahalang naghintay si Sonya.
“Nang papalabas na ako ay sinabi ko sa iyo na ako’y magpapaalam na
nang tuluyan ngunit kung babalik pa ako’y sasabihin ko sa iyo ... kung sino ang
pumatay kay Lizaveta.”
Biglang nanginig ang buong katawan ni Sonya.
“Heto, bumalik ako upang sabihin.”
“Talaga bang seryoso kayo kahapon?” hirap na bulong ni Sonya, “Paano
ninyo nalaman?” mabilis niyang tanong na parang natauhan.
Hirap nang huminga si Sonya. Lalong namutla ang kaniyang mukha.
“Alam ko.”
Sandaling walang-imik si Sonya.
“Nahuli na ba siya?” alanganin niyang tanong.
“Hindi. Hindi pa nakikita.”
“Paano ninyo nalaman kung sino?” halos di-marinig ang tanong niya. At
muli ay katahimikan.
Humarap si Raskolnikov sa kaniya at matamang-matamang tumitig.
“Hulaan mo,” nasabi niyang nakangiwi at walang-lakas ang pagkakangiti.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 427

Lalong nanginig ang katawan ni Sonya.


“Ka ... kayo ... bakit kayo ... nananakot nang ganyan?” sagot niyang
alanganin at nakangiting parang bata.
“Malamang na kaibigan ko siyang matalik kaya ko alam,” patuloy ni
Raskolnikov na hindi binabawi ang pagkatitig at mistulang wala nang lakas upang
bawiin pa, “Hindi niya ginustong patayin ... si Lizaveta ... Siya’y ... napatay niya
... nang di-sinasadya … Ang nais niyang patayin ay ang matanda ... nang ito’y
naiwang mag-isa ... ngunit dumating si Lizaveta ... kaya’t napatay rin siya.”
Lumipas pa ang sandali. Kapwa sila tumitingin sa isa’t-isa.
“Hindi mo ba kayang hulaan?” tanong niya habang ang kaniyang
pakiramdam ay parang nagpatihulog sa kampanaryo.
“Hindi,” halos di-marinig na bulong ni Sonya.
“Tumingin ka ngang mabuti.”
Pagkasabi nito ay muli niyang naramdaman ang dati nang damdaming
nagpalamig at nagpayelo sa kaniyang kaluluwa. Tumingin siya sa kaniya nang
bigla’y parang mukha ni Lizaveta ang nakita. Malinaw niyang natandaan ang
ekspresyon ng mukha ni Lizaveta nang siya’y papalapit sa kaniyang hawak ang
palakol. Umatras siya sa dingding na nakaunat ang kamay at takot na takot na
mistulang bata. Ganoon na ganoon ang batang maliliit kapag may kinatatakutan.
Hindi makakilos na nakatingin sa kinatatakutang bagay, umaatras, umang ang
kamay, at handang magpalahaw ng iyak. Halos ganoon din ang nangyayari ngayon
kay Sonya. Gayundin ang kawalang-lakas at takot. Tumitig siya sa kaniya nang
ilang sandali, iniunat ang kaliwang kamay, dinama ng mga daliri ang kaniyang
dibdib, at marahang tumayo. Humakbang siya paatras, papalayo sa kaniya, at
nakapako ang pagkakatitig sa binata. Naramdaman din ng binata ang hilakbot ni
Sonya. Gumuhit ang magkahalintulad na takot sa kaniyang mukha at gayundin
ang pagkatitig niya sa dalaga. Naroon din ang ngiting bata.
“Nahulaan mo na?” bulong niya sa wakas.
“Diyos ko!” umalpas ang nakapangingilabot na impit sa dibdib ni Sonya.
Walang-lakas na bumagsak ito sa higaan, una ang mukha sa unan. Ngunit sandali
lang at agad itong bumangon, lumapit sa kaniya, at hinawakan ang dalawang
kamay. Pisil-pisil nang mahigpit ng kaniyang mga munting kamay. At muli,
walang-kurap na tumitig sa kaniyang mga mata. Sa huli, sa desperadong titig na
ito, ay nais sana ni Sonya na makakita at makabakas ng kahit anong pag-asa.
Ngunit walang-pag-asa. Walang anumang duda na ganoon na nga ang nangyari!
428 FEODOR DOSTOYEVSKY

Pagkatapos, sa tuwing maaalala niya ang mga sandaling ito ay magtataka siya at
mahihiwagaan. Bakit niya nakita agad na walang-duda na nga? Hindi naman niya
masabi na may nakinita na siyang ganoon. Ngunit pagkasabi pa lang sa kaniya ay
parang alam na niya at naramdaman iyon.
“Tama na, Sonya, tama na! Huwag mo na akong pahirapan pa!” hirap na
pakiusap ni Raskolnikov.
Hindi niya nais na ipagtapat ang bagay na ito sa kaniya sa ganitong
paraan ngunit ganito ang lumabas.
Parang wala sa sariling tumayo si Sonya, gulong-gulong naglakad
hanggang sa gitna ng kuwarto, kapagdaka’y bumalik, at naupo sa kaniyang tabi na
halos magkiskisan ang mga balikat. At bigla, parang sinibat na napaigtad si Sonya,
sumigaw, at di-kaginsa’y lumuhod sa kaniyang harapan.
“Ano ito? Ano itong ginawa ninyo sa sarili?” desperado ang kaniyang
tinig. Mula sa pagkaluhod ay dumaluhong siya sa leeg at mahigpit na mahigpit
na yumakap.
Napaurong si Raskolnikov at malungkot ang ngiting tumitig sa kaniya.
“Naiiba ka rin, Sonya. Niyayakap at hinahagkan mo ako pagkasabi ko sa
iyo noon. Wala ka ba sa iyong sarili?”
“Wala. Wala nang hihigit pa sa kalungkutan mo ngayon sa buong
daigdig!” bulalas niya. Sa kaguluhan ng isip ay di niya narinig ang puna ng binata.
Pagkatapos nito ay bigla siyang humagulhol at halos naghisterikal.
Ang matagal nang damdaming hindi niya nararamdaman ay biglang
lumukob sa kaniyang kaluluwa na dagling nagpalambot dito. Hindi niya ito
pinigilan at dalawang patak ng luha ang sumungaw sa kaniyang mga mata.
“Hindi. Hindi kailanman, hindi saanman!” bunghalit ni Sonya, “Sasama
ako sa iyo saanman! O, Panginoon ko! Napakasawimpalad ko! Bakit? Bakit hindi
kita nakilala noon? Bakit hindi ka dumating noon? Diyos ko!”
“Dumating na ako.”
“Ngayon pa! Ano pa ang magagawa natin ngayon? Magkasama,
magkasama tayo!” ulit niyang halos nakalilimot sa sarili na muling yumakap sa
binata. “Sasama ako sa iyo hanggang sa kulungan!”
Parang nagbago ang hangin at ang kaninang ngiti na may pagkamuhi at
mapagmataas ay muling sumilay sa kaniyang mga labi.
“Sonya, baka naman ayaw ko pang mapunta sa bilangguan?” sabi niya.
Mabilis na tumingin sa kaniya si Sonya. Matapos ang unang maramdamin
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 429

at mabigat na pakikiramay sa sawimpalad ay muling nanghilakbot siya sa ideya ng


pagpatay. Narinig niyang nagbago ang tono ng boses ng mamamatay-tao. Siya’y
takot na tumingin sa kaniya. Ngayo’y maraming tanong ang lumitaw sa kaniyang
isipan. Muli’y hindi siya makapaniwala. “Siya ba, siya nga ba ang pumatay? Posible
ba iyon?”
“Ano ba ito? Saan ako naroroon?” nasabi ni Sonya na di pa rin halos
matauhan, “Papaanong kayo ... makagagawa ba kayo ng ganoon? Ano iyon? Bakit?”
“Ano pa? Para pagnakawan! Tama na, Sonya!” pagod at parang
nagsasawang sagot niya.
Nakatayo lang si Sonya habang gulong-gulo ang isipan.
“Nagugutom ka! At upang tulungan ang iyong ina ay ... tama ba?” sigaw
ni Sonya.
“Hindi, Sonya, hindi,” bulong niyang tumalikod at inilaglag ang ulo,
“Hindi naman ako ganoon kagutom ... Oo nga’t gusto kong tulungan ang ina
ngunit ... hindi rin talaga dahil doon … Huwag mo na akong pahirapan, Sonya!”
Iwinasiwas na lang ni Sonya ang mga kamay.
“Totoo ba ang lahat ng ito?! Diyos ko, anong katotohanan ito? Sino ang
maniniwala rito? Papaanong kayo, na ibinibigay ang huling kusing, ay papatay
upang magnakaw? Paano?” bigla’y napasigaw siya, “Ang pera na ibinigay ninyo kay
Katerina Ivanovna ... ang mga perang iyon ... Diyos ko, di yata ...”
“Hindi, Sonya,” nagmamadaling putol ni Raskolnikov, “Hindi doon
galing ang mga perang iyon, huminahon ka! Ipinadala sa akin ng ina ang mga
perang iyon sa tulong ng isang mangangalakal. Maysakit ako noon at nang araw
ring iyon ay aking ibinigay ... Nakita ni Razumikhin ... siya ang pumirma para sa
akin ... Akin ang mga perang iyon ... Talagang akin ...”
Pilit na pinakikinggan at inuunawa ni Sonya ang kaniyang sinasabi.
“Ang mga pera roon ... hindi ko nga alam kung may pera roon,” malinaw
niyang sabi na parang nag-iisip. “Kinuha ko ang pitakang yari sa balat mula sa
kaniyang leeg ... Punong-puno at mabigat na pitaka ... Hindi ko na tiningnan,
wala nang oras ... May ilan pang mga gamit, alahas, at kuwintas ... Inilagay ko ang
lahat ng iyon, pati ang pitaka, sa isang bakuran sa may Avenue. Doon ko inilagak
sa ilalim ng bato kinaumagahan ... Naroroon pa rin ang mga iyon hanggang
ngayon ...”
Nakikinig nang pilit si Sonya.
“Bakit ba? Sabi ninyo ay para nakawan pero wala naman kayong kinuha
430 FEODOR DOSTOYEVSKY

para sa inyo?” agad niyang tanong na nag-aapuhap.


“Hindi ko alam ... Hindi pa ako nakapagpapasya kung kukunin ko o
hindi ang mga pera,” dagdag niyang tila nag-iisip nang bigla’y matauhan at mabilis
na bahagyang napangiti. “A, ano bang kalokohan ang pinagsasabi ko?”
Pumasok sa isip ni Sonya na baka nasisiraan na ng ulo ang kaharap
ngunit siya na rin ang nagsabing, “Hindi, iba ito! A, hindi ko maintindihan!”
“Alam mo ba, Sonya,” sabi niyang may kung anong sigla, “Ang masasabi
ko sa iyo ay ganito, kung pumatay lang ako dahil sa gutom,” pagpapatuloy niyang
may riin sa bawat salita at matapat na nakatitig sa kaniya, “ay masaya na ako
ngayon! Unawain mo ito!”
“E, ano ba ang kinalaman mo rito?” desperado at malakas niyang sabi
pagkatapos, “Ano ba sa iyo kung ipinagtapat ko man na masama ang ginawa ko?
Ano ang mapapala mo sa walang-katuturan kong pagkatalo? A, Sonya, ito ba ang
ipinunta ko rito?”
Mayroon sanang gustong sabihin si Sonya ngunit di siya umimik.
“Kaya nga tinawag kita kahapon upang sumama sa akin dahil ikaw na
lang ang tanging natitira sa akin.”
“Saan mo ako isasama?” nag-aalangang tanong ni Sonya.
“Hindi upang magnakaw o pumatay. Hindi dahil doon kaya’t huwag
kang mag-alala,” pilit ang kaniyang ngiti, “Magkaiba tayo ... at alam mo ba,
Sonya, ngayong-ngayon ko lang nalaman kung saan kita gustong isama kahapon.
Kahapon nang yayain kita ay hindi ko rin alam kung saan kita niyayaya. Iisa ang
dahilan kung bakit kita tinawag at kung bakit ako pumunta rito: ang huwag mo
akong iwanan. Hindi mo ba ako iiwan, Sonya?”
Mahigpit na pinisil ni Sonya ang kaniyang kamay.
“Bakit? Bakit ko sinabi sa kaniya? Bakit ko ipinagtapat?” mapait niyang
nasambit makaraan ang sandali at walang-hanggan ang pagdurusa niyang tumitig
kay Sonya. “Hinihintay mo ngayon ang aking paliwanag. Nakikita ko, nakaupo ka
lang at naghihintay. Ano ang masasabi ko sa iyo? Hindi mo rin ako mauunawaan
at magdurusa ka lang ... nang dahil sa akin! Umiiyak ka na naman, hayan, at
yumayakap sa akin. Bakit mo ako niyayakap? Dahil ba sa hindi ko nakayanang
mag-isa at ipinapapasan sa iba? Magdusa ka rin nang gumaan ang aking dalahin!
Mamahalin mo ba ang ganyan kasama?”
“Bakit? Hindi ka rin ba nagdurusa?” sigaw ni Sonya.
Muling lumukob sa kaniyang kaluluwa ang damdaming iyon na agad
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 431

nagpalambot sa kaniyang puso.


“Sonya, masama ang aking puso, alamin mo ito. Maipaliliwanag ito sa
maraming paraan. Pumunta ako rito dahil nga sa sama ko. Ang iba siguro ay hindi
na magpapakita ngunit ako ay duwag at ... walang-hiya! Pero kahit na ... hindi
dapat ganito! Kailangan kong magpaliwanag ngayon ngunit di ko alam kung
paano sisimulan.”
Napatigil siya at nag-isip.
“A, magkaiba tayo!” muli niyang sigaw, “Di tayo magkabagay. At bakit pa
ba ako pumunta rito! Hinding-hindi ko mapatatawad ang aking sarili.”
“Hindi. Hindi. Mabuti nga at dumating ka,” bulalas ni Sonya, “Mas
mabuti nang nalaman ko! Higit na mabuti!”
Nasasaktang tumingin siya kay Sonya.
“Ano ba talaga ang nangyari?” sabi niyang parang nakapag-isip-isip, “Oo
nga, ganoon ang nangyari! Nais kong maging tulad ni Napoleon kaya ako pumatay
... Naiintindihan mo na ba ngayon?”
“Hindi,” ang walang-muwang at mahinang bulong ni Sonya, “Ngunit ...
magsalita ka lang nang magsalita at mauunawaan ko ... Uunawain ko!” pakiusap
niya.
“Mauunawaan mo? Sige, tingnan natin!”
Tumahimik si Raskolnikov at matagal na nag-isip.
“Binigyan ko ang sarili ng isang tanong. Kung halimbawang ang nasa
lugar ko ay si Napoleon at wala siyang anumang mapagsisimulan, walang Toulon,
walang Ehipto, at wala ring Mont Blanc na tatawirin, at sa halip na magaganda
at monumental na mga bagay na ito, ay isa lamang katawa-tawang hukluban,
isang timawa na dapat patayin upang kunin ang kaniyang mga pera sa baul alang-
alang sa mga layunin sa buhay. Ngayon, tutuluyan ba niya ang matanda o hindi?
Lalo na’t wala na siyang mapagpipilian pa. Hindi kaya siya mag-aalinlangan na
ang gawang iyon ay hindi monumental ... kundi makasalanan? Masasabi ko sa
iyo na matagal kong pinaghirapan at pinag-isipan ang katanungang iyon. Kaya’t
labis ang hiya ko sa sarili nang mahulaan na hindi lang siya di-mag-aalinlangan,
kundi hindi rin niya iisipin minsan man na ang ginagawa ay di-monumental ...
ni hindi papasok sa utak niya ang mag-alinlangan. At kung wala talaga siyang
mapagpipilian ay sasakalin niya ito at di na hahayaang tumili man lamang nang
walang-pagdadalawang-loob! Kaya’t ako rin ... inalis ko ang pag-aalinlangan ...
pinatay ... gaya ni Napoleon ... At ganoong-ganoon ang nangyari! Nakatatawa ba?
432 FEODOR DOSTOYEVSKY

Oo, Sonya, at ang mas nakatatawa pa ay ganoon talaga ang tunay na nangyari ...”
Hinding-hindi natatawa si Sonya.
“Mas mabuti pang sabihin na lang ninyo sa akin nang tuwiran ... Wala
nang mga halimbawa,” mas mahina at malambot niyang pahinuhod.
Humarap si Raskolnikov sa kaniya, malungkot siyang tinitigan, at
hinawakan ang mga kamay.
“Tama ka ulit, Sonya. Walang-kawawaan ang lahat ng ito. Puro dakdak
lamang. Di ba, alam mo na walang-wala ang aking ina. Sinuwerte lamang kung
kaya’t nakapag-aral ang aking kapatid at nagtiis na mamasukan bilang yaya.
Ako lang ang kanilang pag-asa. Nag-aral ako ngunit di-matustusan ang sarili
kaya’t napilitan munang huminto. Kung magtatagal man ang aking pag-aaral,
pero pagkatapos siguro ng sampu o labindalawang taon, ay may pag asa pa rin
akong maging guro o opisyal ng gobyerno, na may suweldong isang libong rublo
... (parang kinabisa lang niya ang mga linyang ito). Pero bago mangyari iyon ay
natuyo na siguro sa pag-aalala at hirap ang aking ina. Sa kapatid ko nama’y ...
baka mas malala pa ang mangyari! At ano naman ang ganda kung habambuhay
na lalampasan mo lang at tatalikuran ang lahat. Kalimutan ang ina at taas-noong
hayaang alipustain ng iba ang kapatid? Bakit? Upang pagkalibing sa kanila ay
bumuhay ng iba, ng asawa, at mga anak? Upang pagkatapos ay iwanan din nang
walang-bubong na masisilungan o pagkain sa araw-araw? Kaya ... nagpasya akong
kunin ang mga pera ng matanda at gamiting pantustos sa aking pag-aaral, na
hindi na pinahihirapan ang ina at panimula na rin pagkatapos ko sa unibersidad.
Gagawin ko ito sa malawak at radikal na paraan. Lilikha ako ng bagong karir
at magkakaroon ng natatangi at independiyenteng daan ... Iyan ang buong
katotohanan ... Ako nga ang pumatay sa matanda. Oo, masama ang aking ginawa
... Tama na!”
Halos masaid ang kaniyang lakas bago matapos ang kaniyang kuwento at
pagkaraan nito ay yumuko ang kaniyang ulo.
“O, hindi! Hindi totoo iyan!” sigaw ni Sonya, “Maaari ba iyon? Hindi.
Hindi iyan totoo!”
“Alam mong hindi ganyan! Tapat kong sinasabi sa iyo ang totoo!”
“O, anong klaseng katotohanan iyan? Diyos ko!”
“Sonya, pumatay lang ako ng kutong walang-kuwenta, nakaririmarim,
at masama.”
“Ang tao ba ay kuto?”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 433

“Oo, alam ko naman na hindi kuto,” sagot niyang kakaiba ang


pagkakatingin kay Sonya. “Isa pa’y nagsasabi-sabi lang ako, Sonya,” dagdag niya,
“Matagal na akong nagsasabi-sabi ... Iba nga ito. Tama ang iyong sinasabi. Iba
nga, may mga ibang dahilan! Matagal na akong walang-kinakausap, Sonya ... at
ngayo’y masakit na masakit ang aking ulo ...”
Nag-aapoy sa init at lagnat ang kaniyang mga mata, halos magdeliryo.
Walang-katiwasayang ngiti ang gumuguhit sa kaniyang labi. Sa likod ng nag-
aalab niyang damdamin ay maaaninag ang nakatatakot na kawalang-lakas.
Naramdaman din ni Sonya ang kaniyang pagdurusa. Halos umikot na rin ang
kaniyang paningin. “At bakit ganoon siya kung magsalita na parang malinaw
naman ... Pero bakit nagkaganoon? Paano? O, Diyos na mahabagin!” inihahampas
niya ang kamay sa desperasyon.
“Sonya, hindi. Hindi ganoon!” biglang itinaas ni Raskolnikov ang ulo na
parang may bagong ideyang nagpasigla sa kaniya. “Hindi ganoon! Mabuti pa’y
ganito ang ating ipagpalagay (Oo! Mas mabuti ngang ganito!). Ipagpalagay mo
na ako’y makasarili, mainggitin, masama, malupit, mapaghiganti ... at isa pa’y ...
posibleng baliw. Tukuyin na natin nang deretsahan! Napuna ko na may nagsabi
tungkol sa pagkasira ng ulo! Sinabi ko sa iyo kanina na hindi ko matustusan ang
sariling pag-aaral. Pero alam mo ba na baka makakaya ko? Nagpapadala nang
makakayanan ang ina pero makakayanan ko na ang ibang tustusin sa damit, sapatos,
pagkain, at iba pa. Kikitain ko na iyon. May mga tutorial ako at binabayaran ako
ng limampung kopek. Ganoon ang trabaho ni Razumikhin! Pero umayaw ako na
parang nagtampo. Oo nga, nagtampo ako. Mas nababagay ang salitang iyon. Para
akong gagamba na nagtago sa kaniyang sulok. Di ba’t galing ka na sa lugar ko?
Nakita mo na ... At alam mo ba, Sonya, na ang mababaw na kisame at maliliit
na kuwarto ay nagpapakitid din sa kaluluwa at isip? Kinamumuhian ko ang
lugar na iyon! Pero ayaw ko ring lumabas mula roon! Sinasadya kong magkulong
nang ilang araw, ayaw magtrabaho, ayaw ring kumain, at nakahilata lang. Kakain
lang ako kung dadalhan ni Nastasya, kung hindi naman ay lilipas na lang ang
maghapon. Sinasadya kong hindi humingi sa pagbabatog! Sa gabi’y wala ring ilaw
at nakahiga lang ako sa dilim. Ayaw kong magtrabaho para may pambili man lang
ng kandila. Kailangan kong mag-aral ngunit ibinenta ko ang aking mga aklat. Sa
aking lamesa, ang mga papel at kuwaderno ay puno na ng alikabok ngayon. Mas
gusto kong humiga at mag-isip. Matagal na mag-isip. Nagkaroon ako ng mga
panaginip, iba’t ibang panaginip ... Hindi ko na sasabihin kung ano-ano! At noon
434 FEODOR DOSTOYEVSKY

lang nagsimulang pumasok sa isip ko na ... Hindi! Hindi ganoon! Iba na naman
ang sinasabi ko! Alam mo kasi, tinatanong ko noon ang aking sarili kung bakit ako
bobo. Pero kung alam ko na ang iba ay bobo, hindi ko ba gugustuhin na maging
mas matalino? Pero napag-alaman ko, Sonya, na kung hihintayin mong tumalino
ang lahat ay napakatagal bago mangyari iyon. Pagkatapos nito ay napagtanto ko
na hindi kailanman mangyayari iyon. Hindi magbabago ang mga tao at walang-
makapagpapabago sa kanila. Hindi na kailangang magpakahirap pa! Oo, ganoon
nga! Iyan ang kanilang batas ... Batas, Sonya! Ganoon iyon! Ngayon ay alam ko na,
Sonya, na ang matigas at malakas sa isip at kalooban ang magpapasunod sa kanila!
Ang maglalakas-loob ay magiging tama. Ang walang-pakundangan at walang-
pakialam sa lahat ang gagawa ng batas! At kung sino ang pinakamapangahas ay
siyang mas tama! Hanggang ngayon ay ganoon ang ginagawa at sa panghinaharap
ay ganoon na lang palagi! Bulag lang ang di-makakakita!”
Nakatingin si Raskolnikov kay Sonya habang sinasabi ang mga bagay na
ito ngunit hindi na nag-abala pa kung maintindihan man siya o hindi. Nasa ilalim
na siya ng lagnat. Matindi ang kaniyang kalungkutang nagpapaalab ng damdamin.
Totoong masyado nang matagal na wala siyang kinakausap na sinuman. Naunawaan
ni Sonya na ang madilim na katekismong ito ang naging paniniwala at batas ni
Raskolnikov.
“Ang sapantaha ko noon, Sonya,” mainit na pagpapatuloy niya, “Ang
kapangyarihan ay napasasakamay lamang ng sinumang maglalakas-loob na yumuko
at kumuha nito. Kaya’t kailangan lamang na mangahas! Iyan ang pumasok sa isip
ko noon, bagay na hindi naisip sa tanang buhay ninuman at kailanman! Wala!
Malinaw kong nakita noon, gaya ng araw. Bakit ba wala ni isang magkalakas-loob
sa gitna ng lahat ng kawalang-katuturang ito na pagyuyugyugin ang lahat at itapon
sa impiyerno! Ako, ginusto kong maglakas-loob at pumatay ... Ninais ko lamang na
maglakas-loob, Sonya. Iyan ang lahat ng dahilan!”
“Tama na! Tumahimik na kayo!” palahaw ni Sonya na sapupo ang mga
kamay, “Tinalikuran ninyo ang Diyos kaya’t pinarusahan niya kayo at ibinigay niya
sa diyablo!”
“Totoo ba, Sonya, habang nakahiga ako at kung ano-ano ang naiisip ay
pinahihirapan ako ng diyablo, ganoon ba?”
“Tumahimik na lang kayo! Huwag kayong mangahas na pati Diyos ay
lapastanganin! Wala kayong naiintindihan! O, Diyos ko, paano niya mauunawaan?”
“Tumahimik ka, Sonya, hindi ako nangangahas. Alam ko mismo na
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 435

ako’y natangay ng diyablo. Tumahimik ka na lang, Sonya, tumahimik!” malungkot


at mariin niyang ulit, “Alam ko ang lahat. Lahat ng ito ay aking pinag-isipan
at ibinulong sa sarili nang ako’y nakahiga sa dilim ... sa bawat detalye nito ay
nakipagtalo ako ... sa mismong sarili at alam ko ang lahat! Sawang-sawa na ako
noon sa kadadakdak! Sonya, gusto ko nang kalimutan ang lahat, huminto sa
kadadakdak, at magsimulang muli! Sa palagay mo ba’y baliw akong iuumpog
ang sariling ulo? Tumuloy ako bilang matalino at iyon ang tumangay sa akin! Sa
palagay mo ba’y hindi ko alam kung halimbawa mang tanungin ko ang sarili kung
may karapatan ba akong magkakapangyarihan? Lilitaw na wala akong ganoong
karapatan. O kaya’y ang tao ba ay kuto? Lilitaw na hindi. Para sa akin ay tao pa rin
ngunit kuto para roon sa hindi na itinatanong iyon, na wala nang tanong-tanong na
nagpapatuloy ... Ngayon, dahil sa ilang araw na akong nagdurusa, naging Napoleon
ba ako o hindi? Malinaw kong nadama na ako ay hindi isang Napoleon ... Ang lahat
ng pagdurusang dulot ng daldal ay nakayanan ko, Sonya, at ang lahat ng ito’y ninais
kong alisin sa aking balikat. Ninais kong pumatay nang walang-dahilan, pumatay
para sa sarili, at sa sarili lamang! Ayaw kong maging sa sarili ay magsinungaling
ako ukol dito! Pumatay ako hindi upang tulungan ang aking ina! Walang-kuwenta!
Pumatay ako hindi upang yumaman, hindi upang maging makapangyarihan, at
hindi upang maging bayani ng sangkatauhan! Walang-kuwenta! Pumatay ako para
sa sarili at sa sarili lamang. At kung ako’y nakatulong man doon o naging parang
gagamba na sumisipsip sa katas ng sinumang mapulupot sa agiw ay wala na akong
pakialam. Nang mga oras na iyon ay pareho lang sa akin. At alam mo ba, Sonya,
na hindi pera ang pinakamahalaga sa akin nang ako’y pumatay ... iba ... alam ko
na ngayon ... Unawain mo ako. Marahil ay iyon din ang daan na aking tatahakin
ngunit hindi ko na uulitin ang pumatay. Iba ang nais kong malaman noon. Iba ang
nagtulak sa akin upang gumawa nang ganoon. Kinailangan kong malaman agad
kung ako ba ay kuto lang na gaya ng maraming tao. Malalampasan ko ba o hindi?
Mangangahas ba akong yumuko at kunin o hindi? Ako ba’y hayop na nanginginig
sa takot o mayroong karapatang ...”
“Pumatay? May karapatan ba kayong pumatay?” magkadaop ang mga
palad ni Sonya.
“A, Sonya!” naiinis niyang sabi. May nais sana siyang itutol ngunit
nakadududang tumahimik na lang siya. “Huwag kang sumabad, Sonya! Isa lang ang
nais kong patunayan sa iyo. Demonyo lang ang humila sa akin doon at pagkatapos
ng pangyayaring iyon ay pinalinaw sa akin na wala akong karapatan na pumaroon
436 FEODOR DOSTOYEVSKY

sapagkat ako ay isa ring kuto na gaya ng lahat! Nilibak niya ako kaya’t pinuntahan
kita ngayon! Kaya’t harapin mo ang iyong panauhin! Kung ako ba ay hindi isang
kuto, pupuntahan ba kita? Makinig ka. Nang pumunta ako noon sa matanda ay
nanunubok lang ako ... Iyan ang alamin mo!”
“At pinatay ninyo! Pinatay!”
“Paanong pinatay? Ganoon ba kung pumatay?! Ganoon ba ang ginagawa
ng mga pumapatay na gaya ng ginawa ko noon? Ikukuwento ko rin sa iyo balang-
araw kung paano ako pumunta sa ... Pinatay ko ba ang matanda? Sarili ko ang
aking pinatay at hindi ang matanda! Sinira ko na ang aking sarili nang tuluyan! At
ang pumatay sa matanda ay ang demonyo. Hindi ako ... Tama na, Sonya, tama na!
Tantanan mo na ako!” bigla niyang sigaw na nanginginig, “Iwan mo ako!”
Bumagsak siyang paluhod at bumaluktot na sapupo ng mga kamay ang
ulo.
“O, napakahirap,” umalpas ang nagdurusang puso ni Sonya.
“Ano ngayon ang gagawin ko?” tanong niyang itinaas ang ulo. Ang
desperado niyang mukha’y nakangiwi at nakatuon sa malayo.
“Anong gagawin?” palatak niyang tumayo sa kinaroroonan. Kumikislap
ngayon ang mga matang niyang kanina’y luhaan. “Tumayo ka!” hinawakan niya
ito sa balikat at inalalayang tumayo. Si Raskolnikov ay nakatingin sa kaniya nang
naguguluhan. “Humayo ka ngayon din at tumungo sa sangang-daan, yumuko,
halikan mo ang lupa na iyong dinungisan, magbigay-galang ka sa buong mundo, at
sa apat na sulok ng daigdig ay malakas mong isigaw sa lahat, “Ako ang pumatay!”
At muli kang bibigyang-buhay ng Diyos. Gagawin mo? Gagawin mo ba?” tanong
niyang nanginginig ang buong katawan, nag-aapoy ang kaniyang mga matang
hinawakan, at mahigpit na pinipisil ang dalawang kamay ni Raskolnikov.
Nagulat ang binata sa kaniyang biglang kasiglahan.
“Ang kulungan ba ang tinutukoy mo, Sonya? Kailangan ko bang sumuko?”
malungkot niyang tanong.
“Tanggapin mo ang hirap at iyon ang tutubos sa iyo. Iyon ang kailangan
mo.”
“Hindi! Hindi ako susuko sa kanila, Sonya.”
“At papaano ka pa mabubuhay? Ano ang magiging dahilan mo sa buhay?”
palahaw ni Sonya, “Magkakaroon ka pa ba ng katiwasayan niyan? Papaano mong
haharapin ang iyong ina ngayon? Ano na ang mangyayari sa kanila? Ano ang
magagawa ko? Nilayasan mo na ang iyong ina at kapatid. Iniwan mo na, iniwan!
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 437

Diyos ko!” palahaw ni Sonya, “Alam niya ito! Paano? Paanong mabubuhay nang
walang-kaagapay man lang? Ano na ang mangyayari sa iyo ngayon?!”
“Huwag kang parang bata, Sonya,” mahinang sabi niya, “Ano ang kasalanan
ko sa kanila? Bakit ako susuko? Ano ang sasabihin ko? Lahat ng ito ay ilusyon
lamang ... Sila mismo’y nangwawasak ng milyon-milyong buhay at iginagalang pa
na parang bayani. Mga walang-hiya sila at manloloko, Sonya ... Hindi ako susuko!
At ano ang sasabihin ko? Na pumatay ako at di-naglakas-loob na kunin ang pera
na itinago ko sa ilalim ng bato?” dugtong niyang mapait ang ngiti, “Pagtatawanan
lang nila ako at sasabihang sira-ulo. Bakit di pa kinuha? Duwag at sira-ulo! Hindi,
hindi nila maiintindihan, Sonya, at di-karapat-dapat maintindihan. Bakit pa ako
susuko? Hindi ako pupunta. Huwag kang parang bata, Sonya ...”
“Mahihirapan ka, mahihirapan ka lang,” ulit ni Sonya. Desperado ang
kaniyang pagsamo habang hinahagod ng kamay si Raskolnikov.
“Baka masyado ko lang pinahihirapan ang sarili,” puna niyang madilim
ang mukha at nagninilay, “Baka tao pa ako hindi kuto. Agad ko lang hinusgahan
ang sarili ... lalaban pa ako,” mapangmata ang kaniyang ngiti.
“Habambuhay na dalahin iyan ng konsiyensya!”
“Masasanay ako ...” bulong niyang malungkot at nag-iisip, “Makinig
ka,” simula niya makaraan ang ilang sandali, “Tama na ang pag-iyak, oras na
para kumilos. Pumarito ako upang sabihin sa iyo na ngayo’y pinaghahanap ako ...
huhulihin ...”
“O!” takot na napasigaw si Sonya.
“O, bakit ka nagugulat! Ikaw mismo ang may gusto na makulong ako.
Ngayon ay natatakot ka? Heto lang ang kaso, hindi ako susuko. Lalaban pa rin ako
sa kanila at wala silang magagawa. Wala silang matibay na ebidensya. Kahapon
ay malaki ang panganib, muntik na akong madala ngunit ngayon ay mas mabuti
na. Walang-katiyakan ang kanilang mga bintang at magagamit ko pa ang mga
ito upang makatulong sa akin. Naiintindihan mo? Magagawa ko iyon, natuto na
ako. Siguro’y aarestuhin din ako. Kundi lang sa isang insidente ay baka ikinulong
na ako. Sabagay, puwede pa ring arestuhin nila ako ngayong araw na ito ... Pero
wala iyon, Sonya. Ikukulong lang sandali at pakawawalan din ... dahil wala sila ni
isang matibay na katibayan at di-magkakaroon, ipinapangako ko. Kung anuman
ang hawak nila ngayon ay di-makahuhuli ng tao. O, tama na! Sinabi ko ito para
malaman mo ... sisikapin ko namang papaniwalain ang aking ina at kapatid na
wala akong kinalaman upang di sila matakot ... Ngayon ay may pera na ang aking
438 FEODOR DOSTOYEVSKY

kapatid ... at siyempre, ang ina ... Ayos na. Pero ikaw ay maging maingat sana ...
Dadalawin mo ba ako sa kulungan?”
“Oo, oo!”
Magkatabi silang nakaupo, malungkot, at lulugo-lugo, parang ipinadpad
sa ulilang dalampasigan matapos ang malakas na sigwa. Tumitig siya kay Sonya at
naramdaman ang labis na pag-ibig ng dalaga sa kaniya. Kung bakit ay masakit at
mabigat sa kaniyang kalooban ngayon ang nakikitang matinding pagmamahal sa
kaniya ni Sonya. Nakapagtataka at nakapangangamba ang ganoong damdamin!
Nang papunta siya kanina kay Sonya ay dama niyang nasa kaniya ang buo niyang
pag-asa at kaligtasan. Inisip niya na bawasan ang kaniyang mabigat na pasanin
ngunit ngayong ibinuhos ni Sonya ang buong puso sa kaniya ay nakaramdaman si
Raskolnikov ng higit pa at labis na kalungkutan.
“Sonya,” sabi niya, “Mas mabuti pa sigurong huwag mo na lang akong
dalawin sa kulungan.”
Hindi sumagot si Sonya at umiyak. Lumipas ang ilang sandali.
“May krus ka ba?” hindi inaasahang tanong niya na biglang nakaalala.
Una’y hindi naintindihan ng binata ang tanong.
“Wala ka, di ba? Kunin mo ito, yari sa kahoy na kiparis. Mayroon pa
akong isa na yari sa tanso, bigay ni Lizaveta. Nagpalitan kami ng krus ni Lizaveta.
Ibinigay niya sa akin ang kaniya, ang akin naman ay ibinigay ko sa kaniya. Ngayon
ay isusuot ko ang kay Lizaveta. Ito namang isa ay sa iyo na. Kunin mo ... akin ito!
Akin!” pahinuhod niya. “Magkasama tayong magdurusa at magkasamang papasan
ng krus!”
“Akin na,” sabi ni Raskolnikov. Ayaw niya itong ipahiya. Ngunit agad din
niyang binawi ang nakaunat nang kamay sa krus.
“Huwag muna ngayon, Sonya, saka na lang,” dagdag niya upang kalmahin
ang babae.
“Oo, oo, mabuti pa nga,” sambot niya agad, “Kapag nagpasya ka nang
magbata ng dusa ay saka mo na isuot. Puntahan mo ako, isusuot ko sa iyo. Sabay
tayong mananalangin at yayao.”
Nang mga sandaling iyon ay may kumatok nang tatlong ulit sa pinto.
“Sofia Simyonovna, maaari bang tumuloy?” narinig ang isang magalang
na tinig.
Takot na humangos sa pinto si Sonya. Sumilip ang maputing anyo ni
Lebezyatnikov sa kuwarto.
V

MAY PAG-AALALA ANG MUKHA ni Lebezyatnikov.


“Kayo ang sadya ko, Sofia Simyonovna. Ipagpaumanhin ninyo ... Naisip
ko nga na maaabutan ko kayo rito,” kinausap niya si Raskolnikov, “Wala akong
iniisip na anumang ... tulad ng ganoon ... naisip ko lang ... Si Katerina Ivanovna
ay parang nababaliw na,” bigla niyang nasabi kay Sonya at tinalikuran na si
Raskolnikov.
Napapahaw si Sonya.
“Ibig sabihin, e, mukhang ganoon na nga ... Hindi nga namin alam ang
gagawin doon! Nang bumalik siya, hindi namin alam kung mula saan, mukhang
pinalayas at sinaktan ... sa ano’t anuman ay tipong ganoon ... Pumunta siya sa amo
ni Simeon Sakharovich ngunit di niya naabutan sa bahay at nasa isang Heneral
... Akalain ninyong tumakbo rin siya sa bahay ng Heneral na iyon kung saan may
salusalo ... Isipin ninyo, mapilit na pinatawag ang amo ni Simeon Sakharovich
mula sa hapag-kainan pa yata. Mahuhulaan na ninyo kung ano ang nangyari
roon. Siyempre pa, pinalayas lang siya pero kinukuwento niya na pinagmumura
niya ito at binato ng kung ano. Maaari ngang ipagpalagay iyon ... Hindi ko lang
maintindihan kung bakit hindi siya hinuli! Ikinukuwento niya ngayon sa lahat,
pati kay Amalia Ivanovna, pero mahirap lang intindihin, sigaw siya nang sigaw
at nananakit ... Oo, nagsasalita at sumisigaw. Dahil tinalikuran na raw siya ng
440 FEODOR DOSTOYEVSKY

lahat ay dadalhin niya ang mga bata at mamamalimos na lang sa kalsada. Ang
mga bata raw ay kakanta at sasayaw na kasama niya. Tatanggap ng pera at araw-
araw na tatapatan ang bintana ng Heneral ... “Hayaan ninyong makita nila kung
papaanong ang mga anak ng isang kagalang-galang na opisyal ay namamalimos
sa daan!” Iyan ang sinasabi niya. Sinasaktan niya ang mga bata na nag-iiyakan.
Tinuturuan niyang kumanta ng Doon po sa Amin si Lida. Pinasasayaw ang batang
lalaki at si Polya. Sinira ang mga damit at gumagawa ng sumbrerong panteatro.
Gusto niyang dalhin ang timba at gagawing tambol ... Wala siyang pinakikinggan
... Isipin ninyo kung papaano? Hindi maaari!”
Magpapatuloy pa sana si Lebezyatnikov ngunit hinablot na ni Sonya, na
halos di-humihinga sa pakikinig, ang kaniyang balabal at sumbrero at tumakbo
nang papalabas ng kuwarto habang isinusuot ang mga ito. Sinundan siya ni
Raskolnikov at Lebezyatnikov.
“Talagang nabaliw na!” sabi niya kay Raskolnikov nang papalabas na sila
sa daan. “Ayaw ko lang takutin si Sofia Simyonovna kaya ko sinabing ‘parang’ pero
ang totoo’y walang-duda. Ang sabi nila’y nagkakaroon din ng tama sa utak ang
mga may tuberkulosis. Sayang at di ako nakaiintindi ng medisina. Sinubukan ko
siyang pakiusapan ngunit wala siyang pinakikinggan.”
“Sinabi mo ba sa kaniya ang tungkol sa tama sa ulo?”
“Hindi naman mismong tungkol doon at saka di rin niya maiintindihan.
Sinabi ko lang na kung maipaliliwanag mo sa tao, sa lohikal na paraan na wala
naman siyang dapat iiyak, ay hihinto ito sa kaiiyak. Malinaw. Naniniwala ba kayo
na hindi hihinto?”
“Napakadali sanang mabuhay kung ganoon,” sagot ni Raskolnikov.
“Mahihirapan talagang makaunawa si Katerina Ivanovna, ngunit
ipahintulot ninyong matanong, alam ba ninyo na sa Paris ay may mga isinagawang
seryosong eksperimento ukol sa posibilidad na gamutin ang mga baliw sa
pamamagitan lamang ng lohikal na pagpapaliwanag? May isang propesor doon,
kamamatay lamang, isang seryosong siyentipiko, ang nakaisip na puwedeng
gumamot sa ganoong paraan. Ang buod ng kaniyang ideya ay ganito: wala naman
talagang sira sa organismo ng nababaliw at ang kabaliwan ay isa lamang lohikal
na kamalian sa isip, kamalian sa paghusga, at maling pananaw sa mga bagay.
Dahan-dahan niyang pinatunayan ang kamalian ng pasyente at sabi nila’y naging
matagumpay siya! Ngunit dahil sa gumagamit din siya ng shower ay kaduda-duda
ang resulta ng kaniyang panggagamot ... Kahit papaano ... sa palagay ko.”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 441

Kanina pa hindi nakikinig si Raskolnikov. Nang matapat sa kanilang


bahay ay sinenyasan niya si Lebezyatnikov at lumiko na sa may tarangkahan.
Nahimasmasan si Lebezyatnikov, luminga-linga, at nagmadali. Pumasok si
Raskolnikov sa kaniyang kuwarto at tumayo sa gitna (Bakit siya bumalik dito?).
Tiningnan niya ang manilaw-nilaw at lumang wallpaper, ang alikabok, at ang
kaniyang higaan ... Mula sa bakuran ay maririnig ang maririing pukpok at walang-
tigil na ingay na parang may ipinapakong kung ano sa kung saan ... Lumapit
siya sa bintana, tumingkayad, matagal, at matamang-matamang tumingin-
tingin sa bakuran. Walang-laman ang bakuran at di niya makita kung sino ang
pumupukpok. Sa kaliwa ay may makikitang mga bukas na bintana; sa pasamano ay
may mga pasong may naninilaw na geranium; at maaaninag din ang mga sampay
sa likod ng mga bintana ... Alam na niya ang tanawing ito. Tumalikod siya at
naupo sa sofa.
Kailanman ay hindi pa siya nakadama ng ganito katinding pangungulila!
Oo at muli niyang nadama na marahil nga ay kinamumuhian niya si
Sonya, lalo na ngayon na higit niya itong pinalungkot. Bakit pa niya ito pinuntahan,
upang hingin ang kaniyang luha? Bakit kailangan niyang siraing lalo ang buhay ni
Sonya? O, kawalang-hiyaan!
“Mag-iisa ako!” bigla at desidido niyang sabi, “Hindi na siya daralaw sa
kulungan!”
Makaraan ang mga limang minuto ay itinaas niya ang ulo. Kakaiba ang
kaniyang pagkakangiti. Kakaiba ang ideyang pumasok sa isip niya: “Baka nga mas
mabuti pa sa kulungan.”
Hindi niya maalala kung gaano siya katagal sa kaniyang kuwarto sa dami
ng iba’t iba at di-maturol na kaisipang pumapasok sa kaniyang ulo. Nang bigla’y
bumukas ang pinto at pumasok si Avdotia Romanovna. Una’y huminto siya sa
may pinto at tumingin sa kaniya, gaya ng pagkakatingin niya kanina kay Sonya.
Pagkatapos nito ay tumuloy na at umupo sa kaniyang harapan sa dating lugar niya
kahapon. Walang-imik si Raskolnikov at parang walang sasabihin na nakatingin
sa kapatid.
“Huwag ka sanang magagalit, Rodya, sandali lang ako,” sabi ni Dunya.
Seryoso ang anyo niya ngunit di-matigas. Maaliwalas at panatag ang kaniyang
titig. Nakita ni Raskolnikov na ang dumating ay ang kapatid na nagmamahal sa
kaniya.
“Rodya, ngayon ay alam ko na ang lahat-lahat. Ipinaliwanag at isinalaysay
442 FEODOR DOSTOYEVSKY

lahat sa akin ni Dmitri Prokofich. Ikaw ay tinutugis dahil sa mga walang-kawawaan


at masamang akusasyon ... Sinabi ni Dmitri Prokofich na walang anumang
panganib at hindi ka sana labis na nag-alala tungkol doon. Ngunit hindi ganoon
ang pananaw ko at naiintindihan ko kung gaano ito nakagagambala sa iyo. Ang
galit mong ito ay maaaring mag-iwan sa iyong kalooban ng bakas na mananatili sa
mahabang panahon. Iyon ang ikinatatakot ko. Hindi kita hinuhusgahan at hindi
huhusgahan sa pag-iwan mo sa amin at patawarin mo ako kung sinisi kita noong
una. Ako man, kung sakaling may ganyan kabigat na dalahin, ay iiwan ko rin
ang lahat. Wala akong sasabihing anuman sa inay ukol sa bagay na iyon. Ngunit
sasabihin ko nang walang-humpay sa iyong pangalan na babalik ka sa lalong
madaling panahon. Huwag ka nang mag-alala tungkol sa kaniya. Aaliwin ko siya.
Ngunit huwag mo na rin siyang pahirapan. Puntahan mo kami kahit minsan lang.
Tandaan mong siya’y isang ina ...” tumayo na sa kinauupuan si Dunya, “Kung
sakali mang kailangan mo ako o kailanganin sa anuman ... buong buhay ko man ...
tawagan mo ako at ako’y darating. Paalam!” mabilis siyang tumalikod at tumungo
na sa pinto.
“Dunya!” pinigil siya ni Raskolnikov, tumayo, at lumapit sa kaniya, “Si
Razumikhin, si Dmitri Prokofich, ay napakabuting tao.”
Bahagyang namula si Dunya.
“O?” patanong at naghintay sandali.
“Siya’y mabuting tao, masipag, matapat, at marunong magmahal nang
lubos ... Paalam, Dunya.”
Lalong namula si Dunya at pagkatapos ay agad na kinabahan.
“Ano ka ba, Rodya? Talaga bang maghihiwalay na tayo nang tuluyan?
Bakit ka naghahabilin nang ganyan?”
“Basta ... sige na ... paalam!”
Tumalikod na siya at lumayo patungo sa bintana. Sandaling nakatayo lang
at nag-aalalang nakatingin sa kaniya si Dunya at saka na lumabas na kinakabahan.
Hindi, hindi naging malamig si Raskolnikov sa kaniya. May isang
saglit (pinakahuli) na gustong-gusto niyang yakapin nang mahigpit ang kapatid
at humingi ng tawad sa kaniya. Nais na niyang ipagtapat ngunit ni hindi niya
hinawakan ang kaniyang mga kamay.
“Pagkatapos ay mangingilabot lang siya kung maaalalang siya’y niyakap
ko at sasabihing hinalikan nang panakaw.”
“At makakayanan ba niya ang ganoon?” dagdag niyang tila kausap
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 443

ang sarili, ”Hindi makakayanan. Hindi nila kaya ang mga ganoon! Hindi nila
kailanman makakayanan!”
At naisip niya si Sonya.
Mula sa bintana ay umihip ang sariwang hangin. Hindi na ganoon
kaliwanag sa bakuran. Kinuha niya ang kaniyang sumbrero at lumabas na.
Ayaw niya at wala siyang panahon upang alalahanin pa ang kaniyang
karamdaman. Ngunit ang lahat ng walang-tigil niyang pangamba, takot, at
hirap ng kalooban ay hindi lalampas nang ganoon lamang. Kung bakit hindi pa
niya inihiga ang kasalukuyan niyang lagnat. Marahil ay dahil na rin sa patuloy
niyang pangamba na nagbibigay-lakas sa kaniyang mga paa at kamalayan, kahit
pansamantala lamang at artipisyal.
Naglakad siya nang walang-patutunguhan. Lumubog na ang araw. Hindi
pangkaraniwang lumbay ang sumisikil sa kaniya nitong huling araw. Hindi naman
ganoon kahigpit o katindi ngunit nalalasap ang parang pagkapermanente at
pangmatagalang lamig ng walang-buhay na lumbay. Karaniwan nang tumitining
ito tuwing sasapit ang dilim na nagsisimulang nang magpahirap sa kaniya.
“Mga walang-katinuan at puro pisikal na kahinaang nakaugnay sa
paglubog ng araw. Ito ba ang pumipigil sa iyo upang gumawa ng kabulastugan?
Hindi si Sonya ang iyong pupuntahan, si Dunya!” namumuhi niyang bulong sa
sarili.
May tumawag sa kaniya. Nang lingunin niya ito ay nakita niya ang
humahangos na si Lebezyatnikov.
“Hinahanap ko kayo, kagagaling ko lang sa inyo, at isipin ninyo, isipin
ninyo! Isinagawa niya ang kaniyang balak at dinala nga ang mga bata! Hinanap
namin sila ni Sofia Simyonovna. Pinipilit niyang pakantahin at pasayawin ang
mga bata habang tinatambol ang kawali. Nag-iiyakan ang mga bata. Humihinto
at tumatapat sa mga kanto at tindahan samantalang sumusunod ang mga walang-
magawang tao. Tayo na!”
“Si Sonya?” nag-aalalang tanong ni Raskolnikov na nagmadaling
sumunod kay Lebezyatnikov.
“Hindi alam ang ginagawa. Hindi si Sofia Simyonovna ang natataranta,
kundi si Katerina Ivanovna. Sabagay, hindi rin malaman ni Sofia Simyonovna ang
gagawin. Pero talagang wala na sa katinuan si Katerina Ivanovna. Sinasabi ko sa
inyo na talagang nabaliw na siya. Dadalhin sila niyan sa pulisya at mahihinuha
na ninyo kung ano ang magiging epekto niyon ... Ngayon ay nasa pampang sila,
444 FEODOR DOSTOYEVSKY

malapit sa may tulay, di-kalayuan kay Sofia Simyonovna. Malapit lang dito.”
Sa pampang, na hindi nga kalayuan sa tulay, dalawang bahay na lang
ang layo mula sa tinitirhan ni Sonya, ay nag-uumpukan ang mga tao. May
nagtatakbuhang mga batang lalaki at babae. Sa tulay pa lang ay maririnig na
ang paos at basag na boses ni Katerina Ivanovna. Tunay ngang ito’y kakaibang
tanawin na sadyang aagaw sa interes ng publiko sa kalsada. Nagwawala si Katerina
Ivanovna. Suot niya ang lumang damit, berdeng balabal, at gulanit na sumbrerong
yari sa buli, na napakapangit ng punit sa gilid. Pagod na pagod siya at di-halos
makahinga. Higit kailanman ay hirap na hirap ang kaniyang hapis at maysakit na
mukha. Lalo na’t sa daan ay mukhang mas maysakit at pangit ang may tuberkulosis
kaysa kung nasa bahay lang. Ngunit ang kaniyang init ay di-tumitigil at habang
nagtatagal ay lalo siyang nanggagalaiti. Sinugod niya ang mga bata, sinisigawan,
pinapakiusapan, at doon din sa harapan ng mga tao ay tinuturuang sumayaw
at kumanta. Ipinaliliwanag din sa kanila kung bakit kailangan nilang gawin
iyon. Nagiging desperado sila dahil hindi nila maintindihan at sila’y sinasaktan
... at sa kalagitnaan ay haharap sa mga tao. Kapag may nakitang napahinto at
napatinging taong bahagyang maayos ang pananamit ay agad na magpaliliwanag
at sasabihing, “Tingnan ninyo ang kinahinatnan ng mga batang galing sa mabuti
at aristokratikong pamilya.” Kapag nakarinig ng tawanan o mapang-uyam na
salita ay agad susugod sa mga mapangahas at makikipag-away. Nagtawanan ang
iba at ang iba nama’y napaiiling na lamang. Ngunit ang lahat ay tila natutuwang
manood sa isang nababaliw at sa hintakot na mga bata. Wala ang sinabing kawali
ni Lebezyatnikov. Hindi ito nakita ni Raskolnikov. Sa halip na pagtambol sa
kawali ay ipinapalakpak ni Katerina Ivanovna ang mga tuyong palad habang
pinipilit na pakantahin si Polya at pasayawin sina Lida at Kolya. Siya mismo ay
kumakanta ngunit lagi nang pumipiyok sa ikalawang nota dahil sa pesteng ubo,
bagay na nagpapadesperadong lalo sa kaniya. Isinusumpa niya ang kaniyang ubo
at umiiyak. Lalong nagpapaulol sa galit ni Katerina Ivanovna ang palahaw at takot
nina Kolya at Lida. Inayos niya ang kasuotan ng mga bata kanina, gaya ng mga
umaawit na nagpapalimos sa daan. Nakaturban ang batang lalaki na kulay pula at
puti upang magmukhang Turko. Walang kostyum si Lida. Siya’y nakasuot lang
ng pulang sumbrerong ginantsilyo. Ang totoo’y pantulog na pambalot sa ulo ito
ng namayapang si Simeon Sakharovich. Sa sumbrero’y nakatusok ang kaputol
na puting balahibo ng ostrich na pag-aari pa ng lola ni Katerina Ivanovna at
matagal nang nakatago sa baul bilang alaalang pangmag-anak. Suot ni Polya ang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 445

kaniyang karaniwang damit. Naguguluhan at hintakot siyang nakatingin sa ina


pero hindi lumalayo mula sa kaniya. Ikinukubli ang mga luha, nahuhulaan na niya
ang kalagayan ng ina, at kinakabahang tumitingin sa paligid. Tinatakot siya nang
labis ng kalsada at kulumpon ng mga tao. Walang-tigil sa pagsunod si Sonya kay
Katerina Ivanovna, umiiyak, at pinakikiusapan siyang bumalik na sa bahay, ngunit
hindi mapahinuhod si Katerina Ivanovna.
“Tumigil ka, Sonya, tigil!” mabilis ang kaniyang pagsigaw, nagmamadali,
at di-makahinga sa kauubo. “Hindi mo alam ang sinasabi mo, para ka talagang bata!
Sinasabi ko na sa iyo na di na ako babalik sa lasenggang Aleman na iyon! Hayaan
mong makita ng lahat, lahat ng taga-Petersburg kung papaanong mamalimos ang
mga anak ng isang butihing ama na buong katapatan at katotohanang naglingkod
habambuhay at namatay na naglilingkod. (Nalikha na ni Katerina Ivanovna ang
pantasyang ito at bulag na pinaniniwalaan). Hayaan ninyong makita ng walang-
hiyang Heneral na iyon. Isa kang mangmang, Sonya! Ano ngayon ang kakainin
natin? Sabihin mo! Tama na ang mga pagpapahirap namin sa iyo, ayoko na! A,
Rodion Romanovich, kayo ba ‘yan?” sigaw niya nang makita si Raskolnikov at
agad na humangos sa kaniya, “Pakipaliwanag sana ninyo sa baliw na ito na wala
nang mas matalino pang magagawa kaysa rito! Kumikita rin ang mga organistang
tumutugtog sa daan. Agad kaming makikita at malalamang kami’y mag-anak
na ulila, dukha pero galing sa mabuting pamilya, naghikahos, at nasadlak sa
kahirapan, at makikita ninyong maaalis sa puwesto ang Heneral na iyon! Araw-
araw naming tatapatan ang kaniyang bintana at kapag dumaan ang Tsar ay luluhod
ako sa kaniyang harapan, papupuntahin ko sa harapan ang mga bata, at sasabihing,
“Ipagtanggol ninyo sila, ama!” Siya ang ama ng mga ulila at siya ay maawain.
Makikita ninyo na ipagtatanggol niya kami at ang Heneral na iyon ay ... Lida,
tenez-vous droite! Ikaw, Kolya, sasayaw ka ulit. Anong inuungol mo? Umuungol
ka na naman! Ano ba? Ano ba ang ikinatatakot mong, gago ka? Panginoon ko!
Ano ang gagawin ko sa kanila? Rodion Romanovich, kung alam ninyo lang kung
gaano sila kabobobo! Di-malaman kung ano ang gagawin mo sa kanila!”
Muntik na rin siyang humagulhol (pero hindi napigilan ang kaniyang
mabilis at walang-tigil na kasasalita) habang itinuturo ang mga ngumunguyngoy
na bata. Sinubukan ni Raskolnikov na himukin siyang magbalik sa bahay at sinabi
pa, sakaling umepekto ang pagpapahalaga sa sarili, na hindi bagay sa kaniya ang
maglakad sa daang gaya ng mga namamalimos dahil siya’y magiging tagapamahala
ng eskuwela para sa mga batang babaeng galing sa mabuting pamilya ...
446 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Eskuwela? Ha-ha-ha! Mga diyamante sa kabila ng mga bundok!”


palahaw ni Katerina Ivanovna na pagkatapos ng tawa’y inihit ng ubo. “Hindi,
Rodion Romanovich, lumipas na ang mga pangarap! Iniwan na kami ng lahat!
At alam ba ninyo, Rodion Romanovich, na ang Heneral na iyon ... tinapunan
ko ng tinta. Nakalagay ito sa kaniyang mesa, sa tabi ng mga papel kung saan
lumalagda, pumirma ako at pagkatapos ay ibinuhos ko sa kaniya, at tumakbo
na ako. Mga walang-hiya, mga walang-hiya! Mga walang-kuwenta! Ngayon ay
akong mag-isa ang magpapakain sa kanila. Hindi na ako yuyuko kahit kanino!
Tama na ang pagpapahirap namin sa kaniya! (Itinuro niya si Sonya). Polya,
nakamagkano na ba tayo? Ipakita mo nga. Magkano? Dadalawang kopek lang!
Mga buwisit! Ayaw magbigay, sumusunod lang sa amin na lawit ang dila, kay
Kolya na hindi makaintindi. Pabigat! Polya, anong gusto mo? Kausapin mo ako
sa Pranses, Parlez-moi français. Hindi ba’t tinuruan kita? May alam kang ilang
salita! Paano nila malalaman na kayo’y galing sa mabuting pamilya, mga batang
edukado, at di-gaya ng ibang namamalimos? At hindi patakbuhin ang ipalalabas
natin sa kalsada, aawit tayo ng isang maganda’t matinong awitin ... Oo nga pala!
Ano ang kakantahin natin? Iniistorbo ninyo ako. Huminto kami rito ... Rodion
Romanovich, upang pumili ng aawitin. Iyong maisasayaw ni Kolya. Dahil alam
ninyo na wala kaming preparasyon. Kailangang magkasundo na magsasanay
kaming mabuti rito at pagkatapos ay tutuloy na sa Nevski, kung saan maraming
makapupuna. Alam ni Lida ang Doon po sa Amin ... Puro na lang Doon po sa Amin!
E, kinakanta iyon ng lahat! Kailangang mas maganda ang kantahin namin ... O,
may naisip ka na ba, Polya? Tulungan mo man lang ang ina mo! Wala akong
maisip. Dapat ay may naalala na sana ako! Hindi naman siguro Ang Hussar na
may Sable ang aming kakantahin, ano! A, kumanta tayo ng Pranses, Cinq Sous!
Itinuro ko na sa inyo iyon! Ang mahalaga’y awiting Pranses para makita agad
na kayo’y mga maharlika. Mas makabagbag damdamin ang ganoon ... Puwede
rin ang Malborough s’en va-t-en guerre! Tamang-tama, iyan ay awiting pambata
at kinakanta sa lahat ng aristokratikong pamamahay kapag nagpapatulog ng mga
bata.
Malborough s’en va-t-en guerre
Ne sait quand reviendra ...
Sinimulan niyang umawit ... “Hindi, mas maganda ang Cinq Sous! O,
Kolya, ilagay mo ang mga kamay sa baywang, bilis. Lida, ikaw naman ay umikot sa
kabilang direksyon. Kami naman ni Polya ay aawit at papalakpak!”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 447

Cinq sous, cing sous


Pour monter notre ménage ...
“Ubo, ubo, ubo! Polya, ayusin mo ang iyong damit, bumababa na sa iyong
balikat,” puna niya sa pagitan ng mga ubo, “Ngayon, ayusin ninyong mabuti ang
pagdadala ng sarili at tingnan ang bawat hakbang upang makita ng lahat na kayo’y
mga batang maharlika. Sabi ko na kasi noon na dapat ay mas mahaba ang kamison
at dalawang beses ang tupi. Ikaw kasi, Sonya, sabi nang sabi na ‘mas maiksi, mas
maiksi.’ Kaya hayan, ang pangit sa bata ... O, nag-iiyakan na naman kayo! Bakit
ba? Mga bobong ito! Kolya, sige na, bilisan mo, bilisan mo! Kahirap kausap ng
batang ito!”
“Sundalo na naman! Ano bang kailangan mo?” totoo ngang sa pagitan ng
mga tao ay makikitang gumigitgit ang isang pulis. Kasabay nito ang isang ginoo
na suot-sibilyan at naka-amerikana. Matikas na opisyal ang lalaking may edad
limampu, may medalyang nakasabit sa leeg, at lumapit kay Katerina Ivanovna.
(Ang huli’y nagustuhan agad ni Katerina Ivanovna at umepekto naman sa pulis).
Walang-kibong inabutan siya ng lalaki ng tatlong rublong kulay berde. Sa mukha
niya’y bakas ang tapat na pakikiramay. Tinanggap ni Katerina Ivanovna ang pera
at magalang na nagpugay.
“Salamat sa inyo, butihing Ginoo,” simula niyang may pagmamalaki ang
taginting ng boses, “Ang mga dahilan na siyang nagtulak sa amin ... Polya, kunin
mo ang pera. Kita ninyo, may mabubuti at mararangal na tao na handang tumulong
sa kawawang (Dvoryanka) maharlikang nagigipit. Nakikita ba ninyo, butihing
Ginoo, ang mga ulilang bata na mula sa mabuti at aristokratikong pamilya ... Pero
ang buwisit na Heneral na ‘yon at kumakain ng manok ... Ibinagsak ang mga paa
at inistorbo ko raw ... “Inyong Kamahalan,” sabi kong ipagtanggol ninyo ang mga
ulilang bata. Kilala ninyo ang sumakabilang-buhay na si Simeon Sakharovich. Sa
mismong araw ng kaniyang libing ay minamaltrato at sinisiraan ng mga walang-
hiya pa sa mga walang-hiya ang sarili naming anak ...”
“Heto na naman ang sundalo! Ipagtanggol ninyo kami!” samo’t sigaw
niya sa opisyal, “Bakit ba tinutugis ako ng sundalong ito? Tinakbuhan na nga
namin ang isa mula Meshauska, hanggang dito ba naman ... Ano ba ang kailangan
mo, gago?”
“Dahil bawal sa daan. Huwag sana kayong mag-eskandalo.”
“Ikaw ang eskandaloso! Para tumutugtog lang at humihingi ng limos.
Ano ba ang pakialam mo?”
448 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Kung tumutugtog, dapat ay may permiso. Pero ginugulo ninyo ang mga
tao sa inyong ginagawa. Saan ho ba kayo nakatira?”
“Anong permiso?” palahaw ni Katerina Ivanovna, “Kalilibing lang ngayon
ng aking asawa. Ano pang permiso ang kailangan?”
“Butihing Ginang, huminahon po kayo,” simula ng opisyal, “Tayo na at
ihahatid ko kayo ... Dito sa kumpol ng mga tao ay di kayo nararapat ... May
karamdaman kayo ...”
“Butihing Ginoo, butihing Ginoo, hindi ninyo naiintindihan!” sigaw
ni Katerina Ivanovna, “Pupunta kami sa Nevski. Sonya, Sonya! Nasaan na ba
siya? Umiiyak din! Ano ba ang nangyayari sa inyong lahat? Kolya, Lida, saan
kayo pupunta?” takot niyang sigaw, “Mga bobong bata! Kolya, Lida, saan ba sila
pumunta?”
Ganito ang nangyari. Natakot nang husto ang mga bata, si Kolya at
Lida, sa dami ng nagkakaipong tao at sa ginagawa ng inang wala-sa-sarili. Nang
makitang gusto silang kunin ng pulis at dalhin kung saan ay parang nagkasundo
at magkahawak-kamay na tumakbo patalilis. Umiiyak at humihiyaw na humangos
ang kawawang Katerina Ivanovna upang sila’y habulin. Mabigat at kalunos-lunos
tingnan si Katerina Ivanovna habang humahagulhol at tumatakbong di-halos
makahinga. Sumunod sa kaniya si Sonya at Polya.
“Sonya, ibalik mo sila, ibalik mo! Mga bata, mga walang-pasalamat na
bata! Polya, hulihin mo sila ... Para sa inyo lahat ...”
Napatid siya sa pagtakbo at sumubsob.
“Nasugatan siya at nagdurugo! Diyos ko!” sigaw ni Sonya na dagling
umalalay kay Katerina Ivanovna.
Nagtakbuhan ang lahat at siksikang pinaikutan sila. Unang nakatakbo
palapit sina Raskolnikov at Lebezyatnikov. Nagmadali rin ang opisyal. Sumunod
ang pulis na napabulong ng, “Naku!” Iwinasiwas ang kamay at naramdamang
gugulo pa ang usaping ito.
“Tumabi kayo, tabi!” sigaw niya sa mga nagsiksikang tao.
May sumigaw ng, “Mamamatay na!”
“Nabaliw!” sabi ng isa.
“Iligtas mo, Panginoon!” bulong ng isang babaeng nag-antanda.
“Nakuha na ba ang mga batang babae at lalaki? Hayun, nakuha na ng
nakatatanda ... ‘Kita ninyo, ang mga salbahe!”
Nang tingnang mabuti si Katerina Ivanovna ay hindi naman siya
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 449

naumpog sa bato o nasugatang gaya ng akala ni Sonya. Ang dugong nasa daan ay
galing sa kaniyang bibig.
“Alam ko ito, nakakita na ako ng ganito,” sabi ng opisyal kay Raskolnikov
at Lebezyatnikov, “Iyan ay tuberkulosis. Lalabas ang dugo at di na siya makahihinga.
Ganyan ang nangyari sa isa kong kamag-anak, nasaksihan ko kung papaano. Mga
isa’t kalahating baso siguro ng dugo ... at bigla’y ... Pero ano ang gagawin natin
ngayon? Mamamatay siya.”
“Dito, dito sa aking tirahan,” pakiusap ni Sonya, “Dito lang ako nakatira!
Ang bahay na iyon, pangalawa mula rito ... Bilis, dalhin ninyo sa akin, bilis!”
pahinuhod niya sa lahat, “Magpatawag kayo ng doktor ... O, Diyos ko!”
Sa tulong ng opisyal ay naisaayos ang bagay na iyon. Maging ang pulis ay
nakibuhat kay Katerina Ivanovna. Halos wala na itong buhay na dinala sa kuwarto
ni Sonya at inihiga sa kama. Patuloy pa rin ang pagdugo kahit siya’y parang
nahimasmasan na. Tuloy-tuloy sila sa kuwarto, liban kina Sonya, Raskolnikov, at
Lebezyatnikov. Pinaalis muna ng opisyal at pulis ang kulumpol ng mga tao, na
ang iba’y sumunod pa hanggang sa mismong pinto. Hawak sa kamay ni Polya sina
Kolya at Lida na nanginginig at umiiyak. May mga dumating din mula sa mga
kuwarto ng mga Kapernaumov. Iba si Kapernaumov, bulag ang isang mata, pilay,
may bigote, at buhok na nakatayo. Ang asawa naman niya’y mukhang palaging
takot. Ang mga anak naman ay namimilog ang mga mata at nakangangang bahagya
ang mga bibig sa madalas na pagkagulat. Sa gitna ng mga taong ito ay biglang
lumitaw na lang at sukat si Svidrigailov. Gulat na tiningnan siya ni Raskolnikov.
Hindi niya malaman kung saan siya nanggaling. Hindi niya matandaan kung isa
siya sa mga nanonood kanina.
Nang mabanggit ang doktor at pari, bagama’t binulungan ng opisyal na
mukhang di na kailangan ang doktor, ay iniutos pa rin niyang tumawag ng isa. Si
Kapernaumov mismo ang tumalima.
Samantala’y nagising na si Katerina Ivanovna at sandaling huminto ang
pagdugo. Masaklap ngunit mataman at tuwid ang pagkakatitig niya sa namumutla
at nanginginig na si Sonya. Pinupunasan niya ng panyo ang mga butil ng pawis sa
noo ng maysakit. Hiniling ni Katerina Ivanovna na siya ay ibangon. Pinaupo siya
sa higaan habang inaalalayan sa magkabila.
“Nasaan ang mga bata?” tanong niya sa mahinang tinig, “Isinama mo ba
sila, Polya? O, mga bobo! Bakit ba kayo nagtakbuhan, o!”
May dugo pa ang kaniyang natuyong mga labi. Iniikot niya ang kaniyang
450 FEODOR DOSTOYEVSKY

mga mata sa paligid, nagmamasid.


“Dito ka pala nakatira, Sonya! Ni minsan ay hindi pa ako naparito ...
Ngayon lang ako dinala rito ...” nagdurusa ang kaniyang mga matang nakatingin
kay Sonya.
“Kami ang dahilan ng iyong kasawian, Sonya ... Polya, Lida, Kolya,
halikayo rito ... Heto sila, Sonya, kunin mo sila ... Ipinauubaya ko sila sa iyong mga
kamay ... Hindi ko na kaya! Tapos na ang sayawan! A, bitiwan ninyo ako! Hayaan
man lang ninyo akong mamatay nang payapa ...”
Muli siyang inilagay sa unan.
“Ano? Pari? Hindi na kailangan ... Nasaan ang inyong labis na pera?
Wala akong kasalanan! Kahit walang-basbas ay magpapatawad ang Diyos ... Alam
Niya ang lahat kong pagdurusa! Pero kung di Siya magpapatawad ... e, di huwag!”
Papailalim siya nang papailalim sa walang-kapanatagang deliryo.
Minsang napakislot, tiningnan, at agad na nakilalang lahat ang mga nakapalibot
sa kaniya. Ngunit noon din ay natakpan ng deliryo ang kaniyang kamalayan. Ipit
at hirap ang kaniyang paghinga, may parang tumutunog sa kaniyang lalamunan.
“Ang sabi ko sa kaniya, “Inyong Kamahalan,” pilit niyang isinisigaw,
humihinto, at pagkatapos ng bawat salita, “Si Amalia Ludwigovna ... a! Lida!
Kolya! Mga kamay sa baywang! Bilis, bilis, Glissez, glissez, pas de basque! Patunugin
ang paa! Hayan, mabuting bata!”
Du hast Diamanten und Perlen ...
Ano na kasi ang kasunod? Kantahin natin …
Du hast di schönsten Augen.
Mädchen, was willst du mehr?
Parang di-ganoon! “was willst du mehr,” nag-iimbento, sira! A, heto pa
(sa wikang Ruso):

Sa init ng katanghalian
Sa lambak ng Dagestan ...

“O, gustong-gusto ko ... gustong-gusto ko talaga ang awit na ito.


Polya, alam mo ba na magkasintahan pa lang kami ng ama mo ay ... iyan ay
kinakanta na namin! Iyon ang araw! Sige nga, kantahin natin! Paano na kasi ...
hayan, nakalimutan ko na ... Ipaalala nga ninyo, paano na kasi?” napakatindi ng
kaniyang pag-aalala at nagpilit na bumangon. Sa wakas, sa nakapangingilabot,
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 451

paos, at paputol-putol na boses ay nagsimula siyang umawit, napaiimpit, at parang


nauubusan ng hininga sa bawat salita, bakas sa mukha ang papatinding takot:

Sa init ng katanghalian,
Sa lambak ng Dagestan
Sa dibdib-tingga ang dagan!

“Inyong Kamahalan!” biglang palahaw niya sa makabagbag damdaming


sigaw habang tumatagaktak ang luha, “Ipagtanggol ninyo ang mga bata! Alam
ninyo ang kabutihan ng pumanaw na Simeon Sakharovich! Maaaring ituring
na aristokratiko!” napakislot siya na parang nahimasmasan, takot na nakatingin
sa lahat, at agad na nakilala si Sonya. “Sonya, Sonya!” bulong niyang mahina at
malambing na parang nagtaka at nakita siya sa kaniyang harapan, “Sonya, mahal,
narito ka rin?”
Muli siyang ibinangon.
“Husto na! Oras na! Paalam na, kawawang nilalang! Tapos na ako! Wakas
na!” namumuhi at desperado niyang sigaw at bumagsak ang ulo sa unan.
Muli siyang nawalan ng malay-tao ngunit ang huling ito’y di-nagtagal.
Ang kaniyang maputla, manilaw-nilaw, at tuyot na mukha ay biglang tumingala,
buka ang bibig, liyad na nanginig ang mga paa, at kapagdaka’y humugot ng
napakalalim na hininga bago tuluyang pinanawan ng buhay.
Sumubsob si Sonya sa kaniyang bangkay, niyakap ng dalawang kamay, at
di na gumalaw, ang ulo niya’y nasa tuyot na dibdib ng yumao. Si Polya’y lumuhod
sa paanan ng ina at hinagkan ang kaniyang mga paa habang impit na umiiyak.
Hindi pa naintindihan nina Kolya at Lida ang nangyari ngunit naramdamang
ito’y isang bagay na nakatatakot. Dalawang kamay na hawak ang balikat ng bawat
isa, nagtinginan, at sabay na bumunghalit ng iyak. Pareho pa silang nakakostyum:
ang isa’y nakaturban at ang isa nama’y nakasumbrero na may pakpak ng ostrich.
Sa kung papaanong paraan ay nakalagay rin sa higaan ang Katunayan ng
Pagpuri sa tabi ni Katerina Ivanovna. Ito ay nandoon lang sa may unan. Nakita ito
ni Raskolnikov. Tumungo ang binata sa bintana at sinundan siya ni Lebezyatnikov.
“Patay na!” sabi ni Lebezyatnikov.
“Rodion Romanovich, mayroon lang akong dalawang bagay na dapat
ipaabot sa inyo,” lumapit si Svidrigailov. Agad na nagbigay-daan si Lebezyatnikov
at mapinong lumayo. Inilayo pa ni Svidrigailov ang nagtatakang si Raskolnikov
452 FEODOR DOSTOYEVSKY

patungo sa sulok.
“Ang lahat ng gastusin dito, gaya ng pagpapalibing at iba pa, ay sasagutin
ko. May pera ako, di ba’t sinabi ko sa inyo na mayroon. Ang dalawang paslit na
ito at si Polechka ay ilalagay ko sa isang mabuting bahay-ampunan. Bawat isa
ay babahaginan ko ng tig-isang libo’t limangdaang rublo na mapapasakanila
pagdating nila sa hustong gulang upang maging lubos ang kapayapaan ni Sofia
Simyonovna. At siya’y iaalis ko sa kinalalagyang putik dahil siya’y mabuting babae,
tama ba? Kaya’t ipaalam sana ninyo kang Avdotia Romanovna na sa ganoong
paraan ko ginamit ang kaniyang sampung libong rublo.”
“Ano ang inyong layunin sa paggawa ng ganitong labis na kabutihang-
loob?” tanong ni Raskolnikov.
“Aha! Di-nagtitiwala!” tumawa si Svidrigailov, “Di ba’t sinabi ko
nang sobra lang ang mga perang ito. Dahil lang sa pagkamakatao, di ba ninyo
pinaniniwalaan? Hindi siya isang kuto (itinuro niya ng daliri kung nasaan ang
pumanaw) na gaya ng kung sinong matandang nagpapatubo. Sumang-ayon kayo
sa akin, “Dapat bang mabuhay si Luzhin at gumawa ng mga katarantaduhan o siya
ang mamatay?” At kung hindi ako tutulong, si Polya, halimbawa, ay iyon na rin
ang landas na tatahakin ...”
Sinabi niya ang mga salitang ito na parang kumikindat, masayang
nagbibiro, at di-hinihiwalayan ng tingin si Raskolnikov. Namutla at nanlamig si
Raskolnikov nang marinig ang sariling mga pangungusap na binitiwan kay Sonya.
Napaurong siya at tigagal na tumingin kay Svidrigailov.
“Ba ... bakit ninyo alam?” bulong niyang di-halos humihinga.
“E, nariyan lang ako sa likod ng dingding, nakatayo, kina Madam Reslich.
Dito ang mga Kapernaumov at sa kabila naman ay kina Madam Reslich, isang
matapat at matandang kaibigan. Ako’y kapitbahay.”
“Kayo?”
“Ako nga,” patuloy ni Svidrigailov na tawa nang tawa, “At taya ang dangal
kong sinasabi sa inyo, butihing Rodion Romanovich, na labis akong interesado sa
inyo. Di ba’t sinabi ko na magkakasundo tayo, hinulaan ko iyon! Heto, narito na
tayo. At makikita ninyo kung gaano ako kadaling pakisamahan. Makikita ninyo na
maaaring mamuhay na kasama ako ...”
e
Ikaanim na
Bahagi
I

MISTULANG NAGBAGO ANG IHIP ng hangin para kay Raskolnikov. Balumbon


ng makapal na ulap ang ngayo’y nasa kaniyang harapan. Wala siyang ibang
masulingan. Siya’y nakakulong at malungkot na nag-iisa. Tuwing maalala niya ito
ay nakikita na niyang magkaminsan ay lumalabo talaga ang kaniyang kamalayan
hanggang sa maganap na nga ang malaking kasawiang-palad. Kumbinsido
siya na marami siyang kamalian noon, halimbawa na lang, sa tiyempo at tagal
ng ilang pangyayari. Gayumpaman, tuwing pagsasama-samahin niya ang mga
natatandaan ay marami siyang natutuhan tungkol sa mismong sarili sa tulong ng
mga kaalamang napulot sa iba. Minsan ay naipagkamali niya ang isang pangyayari
mula sa isa. Ang iba nama’y inakala niyang bunga ng isang pangyayaring sa
isip lang niya naganap. Kung minsan ay saklot siya ng matinding pangamba na
nagpapahirap at nagdudulot sa kaniya ng matinding takot. Ngunit natatandaan
din niya na may mga sandali, oras o kahit buong araw, na walang-wala siyang
pakialam na kabaligtaran ng takot. Apathy o sukdulang kawalang-pakialam na
nararamdaman ng ilang malapit nang mamatay. Sa katunayan, nitong mga huling
araw, siya mismo ang nagtatangkang huwag malinawan at lubusang maintindihan
ang kaniyang kalagayan. Labis siyang nabibigatan sa mga mahalagang detalyeng
nangangailangan ng kagyat na paglilinaw. Ngunit ikinatutuwa niyang makalaya
at matakasan ang iba pa niyang alalahanin, kahit na ang paglimot sa mga ito ang
456 FEODOR DOSTOYEVSKY

tiyak na magdudulot sa kaniya ng lubos at di-mapipigilang pagkawasak.


Lalo na si Svidrigailov, labis niya itong pinangangambahan. Ang totoo
nga’y kay Svidrigailov siya napako sa kinalalagyan. Magmula nang malinaw na
sabihan siya ni Svidrigailov ng mga napakamapanganib na salita sa bahay ni
Sonya, nang mga sandaling hinuhugot na ni Katerina Ivanovna ang kaniyang
huling hininga, ay tila naputol na rin ang karaniwang takbo ng kaniyang kaisipan.
Ngunit labis man siyang pinakaba ng bagong kaalamang ito ay kung bakit hindi
siya nagmamadaling malinawan ang usapin. Namalayan na lang niya ang sarili
na nasa dulo at ilang bahagi ng bayan, sa isang abang karinderya, nag-iisang
nakaupo at nagmumuni-muni, nang bigla niyang maalala si Svidrigailov. Bigla
ring kumislap sa kaniyang isip at nangangambang umamin sa sarili na kailangang
makausap ang taong ito sa lalong madaling panahon at tuluyan nang lutasin ang
suliraning ito. Nang minsang makarating siya sa hangganan ng bayan ay naisip
niyang baka may usapan silang magkita ni Svidrigailov dito. Minsan nama’y
nagising siya nang madaling araw sa damuhan at halamanan, at di-malaman
kung paano siyang nakarating doon. Halos tatlong araw na mula nang mamatay
si Katerina Ivanovna at dalawang beses na silang nagkikita ni Svidrigailov,
palaging sa may tirahan ni Sonya, kung saan ay pumupunta siya nang walang-
dahilan at sandali lamang. Nagpapalitan sila ng maikling salita ngunit minsan
man ay di-binubuksan ang pinakamahalagang usapin na para bang pinag-usapan
nilang huwag munang babanggitin ang tungkol doon. Nakaburol pa si Katerina
Ivanovna. Si Svidrigailov ang umasikaso sa libing. Abala rin si Sonya. Nang huli
silang magkita ay ipinaliwanag ni Svidrigailov kay Raskolnikov na mapalad na
niyang naayos ang usapin ukol sa mga anak ni Katerina Ivanovna. Sa tulong
ng kaniyang mga kakilala ay agad na nailagak ang tatlong ulilang bata sa isang
mabuting bahay-ampunan, na malaki ang naitulong ng perang laan sa bawat
bata dahil sa mas madaling ihanap ng bahay-ampunan ang mga may pera kaysa
mga walang-wala. Mayroon din siyang sinabi tungkol kay Sonya at nangakong sa
lalong madaling panahon ay dadalawin si Raskolnikov upang humingi ng payo at
kailangang magkausap silang dalawa tungkol sa ilang bagay na ... Nangyari ang
usapang iyon sa may daanan sa may hagdan. Matamang tinitigan ni Svidrigailov
ang mga mata ni Raskolnikov, sandaling tumahimik at sa mababang tinig ay
nagsabing, “Rodion Romanovich, ano ba kayo? Para kayong wala-sa-sarili. Oo
nga’t nakikinig kayo pero tumitingin na parang walang-naunawaan. Magpakasigla
kayo. Sana’y magkausap tayo pero sayang at maraming gawain. Gawain ko at ng
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 457

ibang mga tao ... ang hangin ... hangin ... hangin una sa lahat!”
At tumabi ito upang paraanin sa hagdan ang dumating na pari at
sakristan. Dumating sila para sa misa at requiem. Sa habilin ni Svidrigailov ay
dalawang beses sa isang araw na inaawit ang requiem at ito’y tinutupad sa oras.
Tumulong na si Svidrigailov sa patutunguhan. Naiwang nakatayo at nag-iisip si
Raskolnikov bago sumunod na rin sa paring pumasok sa paupahan ni Sonya.
Tumayo siya malapit sa may pinto. Nagsimula ang awit; mahina,
maramdamin, at malungkot. Mula pagkabata, ang kamalayan niya tungkol sa
kamatayan ay isang bagay na mabigat, nakatatakot, at di-malirip ng isip. Matagal na
siyang di-nakaririnig ng requiem. Mayroon pang ibang labis na nakapangingilabot
at nakagagambała. Tiningnan niya ang mga bata. Sila’y nangakaluhod sa may
kabaong. Umiiyak si Polya. Sa kanilang likuran ay tahimik at may pangambang
lumuluha si Sonya. “Sa mga araw na nagdaan ay hindi niya ako tinapunan ng
tingin, ni isang salita ay walang sinabi sa akin,” naisip ni Raskolnikov. Maliwanag
na naiilawan ng araw ang buong kuwarto. Kumpol-kumpol ang usok ng insenso.
Binasa ng pari ang panalanging Panginoong Diyos, Payapain Ninyo ...” Pinakinggan
ni Raskolnikov ang buong misa. Habang nagbabasbas at namamaalam ay tila
nagtatakang tumingin-tingin si Raskolnikov kay Sonya, na matulin namang
humawak sa dalawa niyang kamay at inihilig ang ulo sa kaniyang balikat. Labis na
ikinagulat pa ni Raskolnikov ang maikling ikinilos na ito ni Sonya. Nakapagtataka
naman! Wala ni katiting man na pandidiri o kaunti mang poot sa kaniya, o bahagya
mang panginginig ng daliri! Ito ay gaya ng walang-hanggang pagpapakumbaba sa
sarili! Kahit papaano’y iyon ang pagkaunawa ni Raskolnikov. Walang anumang
sinabi si Sonya. Pinisil ni Raskolnikov ang kaniyang kamay at saka na lumabas.
Mabigat na mabigat ang kaniyang pakiramdam. Kung maaari nga lamang na sa
mga sandaling ito’y tumakas sa kung saan at manatili na roon habambuhay ay
ituturing na niyang maligaya ang sarili. Ang kaso nga lamang, nitong mga huling
araw, nag-iisa man siya ay hinding-hindi niya maramdamang nag-iisa nga siya.
Nagawa na niyang lumabas ng bayan, pumunta sa highway, at minsan pa nga’y
nakarating siya sa isang gubat. Ngunit habang nagiging ilang ang lugar ay lalong
lumalakas ang kaniyang nakababahalang pandamang may iba pang naroroon at
nagmamasid sa kaniya. Hindi naman sa nakatatakot, kundi nakaiinis, kung kaya’t
agad siyang bumabalik sa bayan upang makihalo sa mga tao, sa mga kainan,
inuman, at sa palengke sa Sennaya. Dito ay parang mas magaan ang kaniyang
pakiramdam at nag-iisa. Nag-iisa sa gitna ng maraming taong nagkakantahan sa
458 FEODOR DOSTOYEVSKY

isang restawran bago dumilim. Isang oras din siyang nakinig at naalala pa kung
gaano niya ito nagustuhan. Ngunit sa dakong huli ay muli siyang di-mapalagay.
Pinahihirapan na siya ng sariling konsensya: “Nakaupo ako rito at nakikinig ng
musika. Ito ba ang dapat kong gawin?!” parang naisip niya. Naisip pa niya na hindi
lang iyon ang dapat niyang alalahanin. May isang bagay na nangangailangan ng
kagyat na kalutasan. Ngunit matay man niyang isipin ay di niya kayang ihayag
iyon sa salita. Parang lahat ay nagkabuhol-buhol. “Mas mabuti pa ang away! Mas
mabuti pa kung narito uli si Porfiry ... o kaya’y si Svidrigailov ... Sana’y may hamon
na lang laban sa akin o kaya’y pag-atake ... Oo, oo nga!” isip niya. Lumabas siya
sa kainan na nagmamadali at halos tumatakbo. Kung bakit alalang-alala at halos
magpanik nang maisip si Dunya at ang ina. Sa gabing ito ay nakatulog siya sa
damuhan at nagising bago mag-umaga, sa may isla ng Krestofski, na nanginginig
at nilalagnat. Umuwi siya at umaga na nang makarating sa bahay. Makaraan ang
ilang oras na tulog siya ay lumipas na rin ang lagnat niya ngunit nang magising
siya’y hapon na, alas-dos na ng hapon.
Naalala niya na sa araw na iyon ililibing si Katerina Ivanovna at natuwa
pa siya na hindi siya nakarating. Dinalhan siya ng makakain ni Nastasya. Kumain
siya at uminom nang magana, halos may katakawan pa nga. Mas presko na ang
kaniyang isip at siya mismo’y panatag ngayon kaysa nitong nagdaang tatlong araw.
Ipinagtaka pa niya ang sandaling buhos ng takot at panik na tumangay sa kaniya.
Bumukas ang pinto at pumasok si Razumikhin.
“A, kumakain! Ang ibig sabihin ay walang-karamdaman!” ang sabi ni
Razumikhin na kinuha ang upuan at naupo sa harapan ni Raskolnikov sa may
mesa. Nag-aalala ito at di niya tinangkang ikubli. May inis ang kaniyang himig
ngunit hindi nagmamadali at di-gaanong nilalakasan ang boses. Maaaring
ipalagay na mayroon siyang tiyak at natatanging plano. “Makinig ka!” sabi niyang
may determinasyon, “Wala akong pakialam sa inyong lahat. At di lang dahil sa
kung ano ang nakikita ko ngayon, pero di talaga kita maintindihan. Huwag mo
lang sanang isipin na naparito ako upang imbestigahan ka. Wala akong pakialam!
Ako mismo ay ayaw nang gayon! Kaya’t magsalita ka. Sige, sabihin mo ngayon
ang lahat ng sekreto mo at baka nga ni hindi ko pakinggan iyan. Magkikibit-
balikat lang ako at saka ka iiwan. Pumarito lang ako upang personal at alamin
sa wakas kung nababaliw ka nga ba? Alam mo kasi, may mga palagay tungkol sa
iyo na ikaw nga ay nababaliw o may tendensiyang mabaliw. Inaamin ko, ako man
ay mas naniniwalang nababaliw ka nga. Una, batay sa iyong di-maipaliwanag at
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 459

kalokohang iginagawi. Pangalawa, sa iyong ikinikilos sa harap ng iyong ina at


kapatid. Halimaw lamang at walang-hiya o kaya’y baliw ang makagagawa nang
ganoon sa kanila, gaya ng iyong ginawa. Samakatuwid, isa kang baliw ...”
“Kailan mo sila huling nakita, matagal na?”
“Ngayon lang. Ikaw, hanggang ngayon ba’y hindi mo pa sila pinupuntahan?
Saan ka ba nagpupunta? Maaari mo bang sabihin sa akin at ako’y tatlong beses
nang pumarito? Kahapon pa matindi ang karamdaman ng iyong ina. Nais niyang
pumunta rito pero pinigilan siya ni Avdotia Romanovna ngunit ayaw niyang
makinig. “Kung maysakit siya, kung nababaliw man siya, sino ang tutulong sa
kaniya kung hindi ang kaniyang ina?” Iyan ang sabi niya. Lahat kami ay pumunta
rito noon dahil di namin siya mapababayaang mag-isa. Hanggang dito sa iyong
pinto ay pinakikiusapan namin na huminahon siya. Pero wala ka. Heto, rito siya
naupo. Naghintay kami ng sampung minuto at di-nagkikibuan. Tumayo siya at
nagsabi, “Kung umalis ng bahay, ang ibig sabihin ay malakas at nalimutan na ang
ina. Hindi maganda at kahiya-hiya para sa isang ina ang maghintay at parang
pulubing humihingi ng habag.” Umuwi ang ina mo at nahiga. Ngayon ay nilalagnat
at nagsabing, “Para sa babae niya’y may oras siya.” Ipinagpapalagay niya na si Sofia
Simyonovna ay kasintahan mo o kalaguyo, hindi ko alam. Noon din ay pinuntahan
ko si Sofia Simyonovna dahil nais kong malaman ang lahat. Pagdating ko ay
nakita ko ang kabaong at ang mga batang umiiyak. Sinusukatan sila ng damit-
panluksa ni Sofia Simyonovna. Wala ka. Pagkatingin ko ay nagpaumanhin na ako
at umalis. Ganoon ang ibinalita ko kay Avdotia Romanovna. Luminaw ang lahat.
Wala ka namang babae. Mas malamang na nababaliw ka. Pero, heto ka, nakaupo
at lumalamon ng nilagang baka, mistulang tatlong araw nang di-kumakain.
Ipagpalagay na nating kumakain din ang mga baliw at kahit wala ka pang sinasabi
sa akin, ni isa mang salita ay alam kong ... di ka nababaliw! Makasusumpa ako!
Hindi ka baliw! Demonyo! Bahala ka sa buhay mo! May sekreto rito! May kung
anong lihim! At ayaw kong magpakahirap tungkol sa sekreto mo! Pumunta lang
ako rito para makipagmurahan,” pagtatapos nito at tumayo na, “Alam ko na ang
gagawin ko ngayon para makahinga nang maluwag!”
“Ano ang gagawin mo?”
“At ano ang pakialam mo, anuman ang gusto kong gawin?”
“Tiyak, iinom ka!”
“At bakit mo alam?”
“Ano pa nga ba?”
460 FEODOR DOSTOYEVSKY

Sandaling tumahimik si Razumikhin.


“Ikaw ang taong lagi nang marunong mangatuwiran at kailanman
ay hindi naging baliw,” mainit niyang puna, “Oo, iinom ako. Diyan ka na!” at
humakbang na siya paalis.
“May sinabi ako tungkol sa iyo sa aking kapatid, tatlong araw na yata ang
nakalilipas, Razumikhin.”
“Tungkol sa akin? Saan mo naman siya maaaring makita noon?”
napahinto si Razumikhin at bahagyang namutla. Mahuhulaang bumagal at
lumakas ang sikdo ng kaniyang dibdib.
“Pumunta siya rito, nag-iisa, umupo siya rito, at nakipag-usap sa akin.”
“Siya?”
“Oo, siya.”
“Ano ang sinabi ... ibig kong sabihin ... ay ano ang sinabi mo tungkol sa
akin?”
“Sinabi ko sa kaniya na ikaw ay isang napakabuting tao, matapat, at
masipag. Hindi ko na sinabi na may pag-ibig ka sa kaniya dahil alam na niya iyon.”
“Alam niya?”
“Isa pa’y saanman ako pumunta o anuman ang mangyari sa akin ay ikaw
na sana ang mangalaga sa kanila. Ibig kong sabihin ay inihahabilin ko sila sa
iyo, Razumikhin. Sinasabi ko ito sapagkat nakatitiyak ako na mahal mo siya at
naniniwala rin ako sa kalinisan ng iyong puso. Alam ko rin na maaari ka rin niyang
mahalin, marahil nga ay minamahal na. Ngayon ay magpasya ka, maglalasing ka
ba o hindi?”
“Alam mo, Rodya, ha ... Demonyo! At saan mo naman balak pumunta?
Alam mo, kung sekreto man ang lahat ng ito ay matutuklasan ko rin ... at
nakatitiyak akong ito’y walang anuman at nakagugulat sa kawalang-kuwenta, na
ikaw lang ang nagpahirap sa lahat! Pero ... napakabuti mong tao! Napakabuting
tao ...”
“Mayroon pa sana akong nais idagdag. Naputol mo lamang. Maganda ang
pangangatuwiran mo kanina na huwag nang alamin ang mga lihim at sekretong
ito. Hayaan mo lang sandali at huwag kang mag-alala. Lahat ay malalaman
mo sa takdang oras. Malalaman mo kung kailan kailangan mo nang malaman.
Kahapon ay may nagsabi sa akin na ang kailangan ng tao ay hangin ... hangin para
makahinga! Nais ko siyang puntahan ngayon at alamin kung ano ang ibig niyang
sabihin.”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 461

Nakatayo lang at nag-iisip si Razumikhin at kinakabahan sa naiisip.


“Isa itong rebeldeng politikal, malamang! Marahil nasa bungad na ng
mahalagang pagkilos. Iyon siguro ang dahilan, wala nang iba pa ... at alam ni
Dunya ...” naisip niya.
“Kung gayon ay pinuntahan ka ni Avdotia Romanovna,” nasabi niyang
tinitimbang ang bawat salita, “Nais mo namang makipagkita sa isang taong
nagsabi sa iyo na kailangan mo ng hangin ... mas sariwang hangin ... at siguro, ang
sulat na iyon ay galing din sa kaniya,” konklusyon niya na tila kausap ang sarili.
“Anong sulat?”
“May natanggap siyang sulat kanina na pinag-alala niya. Labis siyang
nag-alala, labis! Nang banggitin kita ay nakiusap na tumahimik. Pagkatapos ...
pagkatapos ay nagsabi na marahil sa lalong madaling panahon ay maghihiwalay na
kami at mainit niya akong pinasalamatan sa kung ano at nagkulong na sa kaniyang
kuwarto.”
“Nakatanggap siya ng sulat?” tanong ni Raskolnikov na malalim ang
iniisip.
“Oo, sulat. Hindi mo ba alam? Hmm.”
Kapwa sila walang-imik.
“Paalam, Rodion, ‘tol ... minsan ay ... a, alam mo ... minsan ay ... paalam
na! Kailangan ko na ring umalis. Hindi ako iinom. Hindi na kailangan ... lahat ng
iyon!”
Mabilis siyang lumabas ng pinto. Ngunit nang halos maipinid na ang
pinto ay muli itong binuksan at nagsabi na nakatingin sa gilid.
“Oo nga pala, naaalala mo ba ang tungkol sa pagpatay? Si Porfiry? Ang
matanda? Dapat mong malaman na nahuli na nila ang pumatay, kusang umamin
at ipinakita ang mga katibayan. Siya ay isa sa mga trabahador, pintor, biro mo,
idinepensa ko pa sila noong una, natatandaan mo? Maniniwala ka ba na ang lahat
ng eksena sa hagdan, ang away, at tawanan nilang magkaibigan, nang makita sila
ng porter at dalawang saksi, ay sinadya niya para makapagdahilan talaga. Tuso
talaga at matalas ang isip ng tutang iyon! Mahirap paniwalaan kung di lang
kusang umamin at nagpaliwanag! Ako naman itong tanga! Sa tingin ko’y isa
siyang henyo ng pagkukunwari at pagdadahilan, at sa pag-aalis ng duda ng mga
abogado. Pero wala namang dapat na ikamangha. Imposible ba ang ganoon? At
kung hindi na niya makayanan at umamin ay lalo ko siyang paniniwalaan. Malapit
sa katotohanan ... pero naloko talaga ako! Grabe ang pagdepensa ko sa kanila!”
462 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Pakisabi mo nga, kanino mo nalaman iyan? At bakit ka interesado


riyan?” halatang kabadong nagtanong si Raskolnikov.
“Itinanong pa kung bakit ako interesado! Nalaman ko mula kay Porfiry
at sa iba pa. Pero sa kaniya ko nalaman ang halos lahat.”
“Mula kay Porfiry?”
“Oo, kay Porfiry.”
“O ... ano raw?” may takot na tanong ni Raskolnikov.
“Siya ang nagpaliwanag nang mabuti sa akin sa aspektong sikolohikal.”
“Siya mismo ang nagpaliwanag sa iyo?”
“Siya mismo. Sige, aalis na ako! May ikukuwento pa ako sa ‘yo pagkatapos,
mayroon lang akong aasikasuhin pa. Akala ko dati’y ... hindi bale, saka na! At hindi
na rin ako maglalasing. Nalasing mo na ako, kahit walang alak! Lasing ako, Rodya!
Lasing na ako kahit walang alak! Paalam. Babalikan kita agad,” at siya’y umalis na.
“Siya ay rebelde. Malamang!” patapos na konklusyon ni Razumikhin
na mabagal ang pagbaba sa hagdan. “Nahila pati kapatid. Posibleng-posible
iyon sa karakter ni Avdotia Romanovna. May pagpupulong silang naganap ...
ipinahiwatig din niya sa akin, sa kaniyang mga salita, mga pahiwatig ... Ganoon
na nga ang lumilitaw! Paano pa ba maipaliliwanag ang lahat ng kaguluhang ito?
Hmm ... nag-isip pa ako na ... Panginoon, ano ba ang naisip kong iyon? Pagdirilim
lang ng isip iyon. Nagkasala ako sa kaniya! Siya ang nagpalabo sa isip ko noon
sa koridor sa may ilaw. Pwe! Anong sama, pangit, at magaspang na pag-aakala!
Mabuti naman, Mikolai, at umamin ka na ... Ngayon ay maliwanag na ang lahat!
Ang kaniyang karamdaman noon, ang kaniyang mga kakaibang kilos noon pa
man sa unibersidad ... Lagi siyang malungkot ... madilim ... At ano naman ang ibig
sabihin ng sulat na iyon? Nagdududa ako na ... Hmm ... Malalaman ko ang lahat.”
Naalala niya at naisip si Dunya. Agad na nanlamig ang kaniyang puso.
Humangos na ito at nagmadali.
Pagkaalis ni Razumikhin ay tumayo si Raskolnikov at tumungo sa
bintana. Nabangga sa kanto at sa isa pa, mistulang nalimutan ang kipot ng tirahan.
Muling naupo sa kaniyang sofa. Para siyang napreskuhan. Laban na naman. Ibig
sabihin ay nakakita na naman ng lusot.
Oo nga, may lusot! Masyado nang nakasasakal, di na makahinga, at
mabigat, nakahihilo na. Mula pa noong lumikha ng eksena si Mikolai kay Porfiry
ay para na siyang di-makahinga’t walang-masulingan sa makipot na kinalalagyan.
Pagkatapos ni Mikolai, noong araw ring iyon, ay ang eksena naman kina Sonya,
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 463

na ginawa niya’t tinapos sa paraang hindi niya inakala o pinaghandaan ... Ibig
sabihin ay saglit siyang nanghina, nanghina nang lubos. Hindi ba’t sumang-ayon
siya noon kay Sonya nang kusa at buong puso na hindi niya makakayanang mag-
isa ang mabuhay nang may ganoong pabigat sa kalooban. At si Svidrigailov?
Siya ay isang palaisipan na totoong nagpapagulo sa kaniya, bagama’t sa ibang
kadahilanan. Malamang na makikipagbuno pa rin siya kay Svidrigailov. Baka nga
kay Svidrigailov ay may lusot pero iba si Porfiry.
“Hmm ... Si Porfiry pa ang mismong nagpaliwanag kay Razumikhin
sa aspektong sikolohikal! Sinimulan na naman ang isinumpang sikolohiya! Si
Porfiry pa? Papaanong paniniwalaan ni Porfiry kahit sandali na si Mikolai ang
may kasalanan pagkatapos nang nangyari sa kanila? Matapos silang magkaharap
nang mata sa mata bago dumating si Mikolai? Isa lamang ang maaaring maging
kahulugan noon.”
Ilang ulit nang naaalala ni Raskolnikov ang ilang eksena nila ni Porfiry.
Ang buong pangyayari ay di niya marahil makakayanan. Nang mga oras na iyon
ay nagpalitan sila nang ganoong mga salita. Naganap ang ilang aktwasyon at
pagkilos. Nagpalitan sila ng ganoong mga titig. Nag-usap sila sa ganoong tono
at nakaabot sa ganoong punto, na hindi si Mikolai (agad nang nasukat ni Porfiry
sa unang tingin pa lang) ang makatitinag sa pundasyon ng kaniyang paniniwala.
“Maging si Razumikhin ay nagsimulang magduda! Ang eksena sa
koridor, sa may ilaw, ay hindi lumampas nang ganoon na lamang. Humangos siya
kay Porfiry ... Pero bakit siya pinaiikot ni Porfiry? Ano ang layunin niya at di na
niya pinaalis ang tingin ni Razumikhin kay Mikolai? Tiyak na may plano siya, may
binabalak siya, ngunit ano? Totoong maraming oras na ang nakalipas magmula
noon, napakarami na. Ngunit walang anumang balita at di-nagpapakita si Porfiry.
Mas masama ito ...” Kinuha ni Raskolnikov ang kaniyang sumbrero at lumabas
na sa kuwartong malalim ang iniisip. Sa lahat ng panahong ito ay ngayon lang
siya nakadama ng kalinawan ng isip kahit papaano. “Kailangang tapusin na ang
tungkol kay Svidrigailov,” sa loob-loob niya, “agad kahit ano ang mangyari. Palagay
ko’y hinihintay niyang kusa ko siyang puntahan.” Sa iglap na iyon ay nakadama
siya ng matinding pagkamuhi sa pagal niyang puso. Sa pakiwari niya’y baka kaya
niyang patayin ang sinuman sa dalawa: si Svidrigailov o si Porfiry. Naramdaman
niya na magagawa niya ang gayon, kung hindi man ngayon ay sa mga susunod na
araw. “Tingnan natin, tingnan natin!” ulit niya sa sarili.
Ngunit kabubukas pa lang niya ng pinto ay nabungaran na niya si Porfiry
464 FEODOR DOSTOYEVSKY

sa kaniyang daraanan na papunta sa kaniya. Natigilan si Raskolnikov ngunit


sandaling-sandali lang. Nakapagtatakang ni hindi siya kinabahan o natakot na
makita si Porfiry. Nagulat lang siya sandali at agad nang naihanda ang sarili.
“Malamang na magkakatapusan na rito! Ngunit papaano siyang nakalapit, tahimik
na parang pusa, ni hindi ko namalayan? Nanunubok kaya?”
“Hindi ninyo inaasahan ang inyong panauhin?” malakas na sabi ng
tumatawang si Porfíry Petrovich. “Matagal ko nang gustong pumunta rito. Sa
aking pagdaan ay naisipan kong sumilip, kahit limang minuto lang, mangumusta
lang. Saan ba kayo papunta? Hindi ko kayo aabalahin ngunit kung mararapatin
ninyo’y kahit makaisang sigarilyo lang ...”
“Siyempre, maupo kayo, Porfiry Petrovich, maupo kayo,” masayang
inanyayahan ni Raskolnikov ang bisitang gaya ng isang mabuting kaibigan.
Marahil ay magtataka mismo siya kung makikita lang ang sarili. Huling
pagkakataon na ito, huling pagtutuos! Kung minsan ay di-halos matagalan ng tao
na makasama ang isang kriminal sa loob ng kahit kalahating oras, ngunit paglapat
ng patalim sa kaniyang lalamunan ay lilipas na ang takot. Naupo siya sa mismong
harapan ni Porfiry at di-kumukurap na tumitig sa kaniya. Kumunot-noo si Porfiry
at nanigarilyo.
“O, ano? Magsalita ka, magsalita!” parang gustong ibulalas ni Raskolnikov,
“Bakit? Bakit di ka makapagsalita ngayon?”
II

“A, ANG SIGARILYONG ITO!” sa wakas ay naibulalas ni Porfiry matapos


humithit at mapahinga nang kaunti, “Masama, masama talaga! Pero di ko maialis!
Nagsimula nang mangati ang aking lalamunan at manikip ang paghinga. Alam
kasi ninyo, duwag ako, e. Minsan ay pumunta ako kay Dr. B---n. Bawat pasyente
ay tinitingnan niya nang tatlumpung minuto. Nagtawa pa siya nang tingnan ako,
pinukpok, at pinakiramdaman. Ang sabi niya, “Hindi na puwede sa inyo ang
sigarilyo. Apektado na ang inyong baga.” Pero paano ko ito maitatapon? Ano
ang ipampapalit ko? Hindi ako umiinom. Iyan ang problema! Lahat ay relatibo,
Rodion Romanovich, lahat ay relatibo!”
“Ano bang ginagawa nito? Ginagamit na naman ba ang kaniyang mga
taktika!” naiinis na naisip ni Raskolnikov. Muling bumalik sa kaniyang alaala
ang huling pagkikita nila ni Porfiry. Agad na lumukob sa kaniyang puso ang
naramdaman niya noon.
“Hindi ba ninyo alam? Pinuntahan ko na kayo rito noong makalawa
ng gabi!” pagpapatuloy ni Porfiry habang sinusuri ang kuwarto. “Galing na ako
sa mismong kuwartong ito. Gaya rin ngayon nang magdaan ako ay naisip kong
pasyalan kayo sandali. Pagdating ko’y nakita kong bukas ang kuwarto, tumingin-
tingin ako, at naghintay. Hindi ko na nasabi sa katulong at umalis na ako. Hindi
ba kayo nagsususi?”
466 FEODOR DOSTOYEVSKY

Lalong nagdilim ang mukha ni Raskolnikov. Nahulaan ni Porfiry kung


ano ang nasa isip niya.
“Pumunta ako upang magpaliwanag, mahal kong Rodion Romanovich,
upang magpaliwanag! Nararapat lang na ako’y magpaliwanag sa iyo,” pagpapatuloy
niyang may ngiti at marahan pang tinapik ng palad ang tuhod ni Raskolnikov.
Ngunit kasabay nito ay naging seryoso at may pag-aalala ang kaniyang anyo,
halos may bahid pa ng lungkot sa pagtataka ni Raskolnikov. Hindi pa niya ito
nakita kailanman sa ganoong anyo. “Kakaiba ang eksena nating dalawa nitong
huli, Rodion Romanovich. Sabagay, maging ang una nating pagkikita noon ay
kakaiba rin ... Pero ngayon ay malinaw na ang lahat. At ang lumalabas ay parang
malaki ang kasalanan ko sa inyo, nararamdaman ko. Natatandaan ba ninyo kung
paano tayo naghiwalay noon? Napagalit ko kayo nang husto at nanginginig ang
inyong mga tuhod. Ako man ay nangangatal at nanginginig din ang tuhod. At
alam ninyo na parang hindi maayos at maginoo ang nangyari sa atin noon. Pero
tayo naman ay mga maginoo, una sa lahat ay maginoo. Kailangang malinaw iyon.
Dahil naaalala ninyo kung saan tayo nakarating noon ... Nakahihiya na nga.”
“Bakit ba ganito ‘to? Ano ba ang akala nito sa akin?” may pagtatakang
tanong ni Raskolnikov sa sarili na iniangat ang ulo at tuwid na tumitig kay Porfiry.
“Naisip ko na mas mabuting maging matapat na tayo sa isa’t isa,” patuloy
ni Porfiry Petrovich na marahang ibinaling ang ulo at ibinaba ang tingin, mistulang
ayaw nang muli pang pahirapan sa pagtitig ang dating biktima at parang inialis
na ang dating mga taktika at bitag. Isa pa’y hindi maaaring magtagal ang ganoong
mga hinala at mga eksena. “Si Mikolai lang ang nagtapos sa ating paghaharap
noon, kung hindi ay di ko na alam kung saan tayo nakarating. Ang buwisit na
obrerong iyon ay nasa kabilang silid ko lang noon. Akalain mo ba iyon? Malamang
na alam ninyo iyon. At alam ko rin na pinuntahan niya kayo pagkatapos. Pero
hindi totoo ang inakala ninyo noon. Wala akong ipinadalang tao at wala ring
ipinag-utos. Alam ba ninyo kung bakit wala akong ipinag-utos? Itanong ninyo.
Paano ko ba ipaliliwanag sa inyo? Basta na lang pumasok sa isip ko. Kahit nga
ang mga bantay at dyanitor ay di ko na ipinatawag. Napuna rin ninyo sila nang
kayo’y papalabas. May bigla akong naisip noon, mabilis, parang kidlat. Alam ninyo
kasi, Rodion Romanovich, matibay ang paniniwala ko noon, hindi ba? Naisip ko,
pakawalan ko man pansamantala ang isa, e, mahuhuli ko naman sa buntot ang isa,
at kahit anong mangyari ay di ko na pakawawalan. Masyado kayong nerbiyoso,
Rodion Romanovich, labis-labis para sa ibang katangian ng inyong puso at pag-
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 467

uugali, na pag-asa ko’t di naman sa pagyayabang ay nauunawaan ko na kahit


papaano. Siyempre, noon pa man ay naisip ko na di-palaging nangyayari na basta
na lang tatayo ang isang tao at isisiwalat na ang lahat. Nangyayari lang iyon kapag
naubos mo na ang lahat ng pasensiya nito ngunit madalang lang itong mangyari.
Matatanggap ko ang ganoong katuwiran. Ngunit ang gusto ko’y kahit maliit
lang na bagay! Kahit isang maliit lang na bagay na mapanghahawakan at kayang
damhin ng kamay. Hindi lang basta sikolohiya. Dahil nasa isip ko, kung ang tao
ay maysala, tiyak na may makukuhang substansyal mula sa kaniya. Puwede ring
maghintay sa di-pinakaaasahang resulta. Ako ay umasa noon sa inyong karakter,
Rodion Romanovich, unang-una na sa inyong karakter! Malaki ang pag-asa ko
noon sa inyo.”
“Ano ba kayo ... bakit ganyan ang sinasabi ninyo ngayon?” sa wakas ay
bulong ni Raskolnikov na di na gaanong nalilimi ang tanong, “Anong sinasabi
nito?” naguguluhan sa sariling, “Ako ba’y walang kasalanan sa tingin nito?”
“Ano ang sinasabi ko? Naparito ako upang magpaliwanag. Ito ay
itinuturing ko bilang katungkulan. Nais kong ilahad sa inyo ang lahat mula sa
simula, ang buong kasaysayan, ang buong pangyayari, at kalituhan. Pinagdusa ko
kayo nang labis, Rodion Romanovich. Hindi naman ako halimaw. Alam ko kung
gaano kabigat ang ganoong akusasyon laban sa isang taong labis ang paghihirap
ngunit mapagmalaki pa rin, may kakayahan, at walang-pasensiya, higit sa lahat
ay walang-pasensiya! Sa anupaman, itinuturing ko kayong marangal na tao. Sa
katunayan pa nga’y isang may mabuting kalooban bagama’t hindi ako sang-ayon
sa lahat ng inyong paniniwala. Katungkulan ko ring itinuturing na ito’y sabihin
sa inyo nang harapan, matuwid, at nang buong katapatan dahil una sa lahat ay
wala akong balak na manloko. Nang makilala ko kayo’y nakadama rin ako ng
pagkagiliw sa inyo. Marahil ay pagtatawanan ninyo ang aking mga salita. Iyon ay
inyong karapatan. Alam ko na sa unang pagkikita pa lang natin ay di na ninyo ako
nagustuhan dahil sa totoo lang ay wala namang dapat magustuhan sa akin. Bahala
kayo kung ano ang gusto ninyong isipin ngunit sa ganang-akin naman ay nais
kong muling balikan ang nalikhang impresyong iyon at patunayan sa inyo na ako
man ay taong may puso at konsiyensya. Matapat ko itong sinasabi sa inyo.”
Huminto si Porfiry Petrovich nang nakataas ang noo. Nakadama ng
panibagong silakbo ng takot si Raskolnikov. Ang kaisipang itinuturing siyang
walang-sala ni Porfiry Petrovich ay bigla na lang nagpakaba sa kaniya.
“Kung ikukuwento ko pa, nang ayon sa pagkasunod-sunod ng lahat ng
468 FEODOR DOSTOYEVSKY

pangyayari, ay wala nang kabuluhan pa,” patuloy ni Porfiry Petrovich, “Sa tingin
ko nga’y kalabisan na at palagay ko’y di ko rin makakaya. Kaya, paano ko ito
ilalahad nang mas mabuti? Una sa lahat ay ang mga usap-usapin. Kung ano ang
mga balitang ito, mula kanino, kailan, at kung anong dahilan, ay nakaabot na rin
sa inyo. Sa tingin ko’y di na rin ito kailangan. Sa ganang-akin, lahat ay nagsimula
nang di-sinasadya, isang di-sinasadyang aksidente na may malaking tsansang di-
mangyari o mangyayari. Ano? Hmm ... wala na ring masasabi ukol doon. Lahat
ay tsismis at di-sinasadyang lumikha ng kaisipan. Ito ay ipinagtatapat ko. Kung
magtatapat na rin lang ay ipagtatapat ko na ang lahat. Ganoon ako unang umatake
sa inyo. Ang lahat ng tatak na inilagay ng matanda sa mga gamit at iba pa, lahat
ay walang-kuwenta. Mahigit pa sa sandaan ang ganyang mga detalye. Nalaman ko
rin noon ang detalye ng mga kaganapan sa bakuran, di rin sinasadya. Hindi lang
pahapyaw, kundi mula sa isang nagkuwentong saksi na lingid sa kaniya’y kapani-
paniwala ang pagkakalahad sa eksena. Ngunit lahat ng ito’y pare-pareho lang,
mahal kong Rodion Romanovich. Paano ka namang di-hahanap sa maliwanag na
panig? Mula sa isang daang kuneho ay di ka pa rin makalilikha ng isang kabayo.
Ang isang daang sapantaha ay di-maaaring maging isang katibayan. Ganyan ang
sabi ng isang kasabihang Ingles at iyan ay makatuwiran lamang. Ngunit wala
tayong magagawa sa silakbo ng damdamin, tao lang ang imbestigador. Maalala
ko nga pala ang inyong sinulat na artikulo sa isang dyornal. Natatandaan ba
ninyo? Napag-usapan din iyon nang una ninyong pagbisita. Tinuya ko kayo noon
upang pasunurin. Inuulit ko na masyado kayong walang-pasensiya dahil siguro sa
masama ang inyong pakiramdam, Rodion Romanovich. Matagal ko nang alam na
kayo’y matapang, matigas, seryoso, at maramdamin ... masyadong maramdamin.
Ang damdaming iyon ay alam ko rin kung kaya’t binasa ko ang inyong artikulo
na parang alam ko na ang laman. Ito’y isinulat nang mga gabing di-makatulog,
mainit, at malakas ang pintig ng pusong punong-puno ng pigil na pananalig. A,
mapanganib ang gayong sakal at mapagmataas na sigasig ng kabataan! Nanuya ako
noon ngunit ngayon ay sinasabi ko na gustong-gusto ko, bilang opisyonado, ang
una, nag-aalab na pagsubok ng kabataan ng kaniyang pluma. Mausok at mahamog
ngunit tumutunog pa rin ang kuwerdas sa dilim! Ang inyong artikulo ay walang-
katuturan at pantastiko ngunit dito’y mababanaag ang katapatan. Naroroon ang
pagmamalaki ng kabataang di-matatawaran at madarama rin ang katapangan sa
kabila ng kabiguan. Malungkot ang sanaysay at iyon ay mabuti! Binasa ko noon
ang inyong isinulat at saka inilapag. Pagkalapag ay naisip ko, “A, hindi uubrang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 469

basta na lang ganoon sa taong ito!” Sabihin ninyo ngayon, papaanong pagkatapos
ng gayong pangyayari ay di ako magiging interesado sa mga susunod pa? A, Diyos
ko! Mayroon ba akong tinutumbok? Mayroon ba akong ipinahahayag? Mayroon
lang akong napuna noon. Ano naman, tanong ko sa sarili. Wala, wala talaga, at
marahil sa higit na kalamangan ay wala. At hindi na maganda pang labis pa akong
maging interesado tungkol doon. Heto na, nasa kamay na si Mikolai. Naririto na
ang mga datos. Ano man ang nais ninyo’y heto na ang mga katibayan. Nalilito
ang sariling sikolohiya pero dapat din itong harapin dahil ito’y usapin ng buhay
at kamatayan. Para saan nga ba at ipinaliliwanag ko ang lahat ng ito sa inyo?
Upang malaman ninyo at huwag akong paratangan nang buong puso at kaisipan
nang masamang iginawi noon. Sinasabi ko, hindi naman ako masama. He-he-he!
Marahil ay iniisip ninyo na hindi kayo siniyasat? Mayroong pagsisiyasat. Mayroon.
He-he-he! Maysakit kayo noon at nakahiga sa higaan. Hindi opisyal at di-bilang
imbestigador pero pinuntahan kita. Nasiyasat hanggang sa kahuli-hulihang hibla
ng buhok na makikita ngunit ... umsonst. Inisip ko na kusang darating ang taong ito
sa lalong madaling panahon. Ang iba ay hindi ngunit ito ay darating, kung maysala
ay tiyak na darating. Natatandaan ba ninyo kung papaano kayong kinuwentuhan
nang kinuwentuhan ni G. Razumikhin tungkol doon? Sinadya namin ang
tsismis upang may maikuwento siya sa inyo. Si G. Razumikhin pa naman ang
taong di-makapagpipigil na di-sabihin ang sama-ng-loob. Unang nasumpungan
ni G. Zamyotov ang inyong galit at lantad na katapangan. Hindi bigla na lang
na bumulalas sa inuman, “Ako ang pumatay!” Masyadong matapang, masyadong
malakas ang loob at kung inaakala kong siya’y maysala, ito ay matinding kalaban!
Ganoon ang naisip ko noon. Naghintay ako! Labis ko kayong hinintay! Inipit
lang ninyo si Zamyotov ... at iyon nga ang kaso, e. Ang lahat ng sikolohiyang
ito ay dalawa ang maaaring kapuntahan! Kaya hinihintay ko nga kayo at sa awa
ng Diyos ay heto na kayo! Kaya nga kinabahan ako, a! Bakit kinailangan mong
pumunta? At ang inyong pagtawa, ang inyong pagtawa nang pumasok kayo ay
parang nagdaan sa salamin, napuna ko kaagad. Kung hindi ko lang kayo talagang
hinihintay ay wala akong anumang mapupuna sa inyong pagtawa. Hayan ang
halaga ng nakakondisyon! At si G. Razumikhin noon, a! Ang bato, ang bato kung
saan inilagay sa ilalim ang mga bagay? O, kitang-kita ko, nandoon sa may bakod.
Di ba, sinabi ninyo kay Zamyotov at pagkatapos ay sinabi rin ninyo sa akin sa
pangalawang pagkakataon? At papaano ba natin inunawa ang inyong artikulo?
Papaano ninyo ito ipinaliwanag? Bawat salita ay may dobleng kahulugan, may iba
470 FEODOR DOSTOYEVSKY

pa itong ibig sabihin! Hayan, Rodion Romanovich, ganyan akong nakarating sa


dulo, nauntog, at nagising. Hindi, ang sinasabi ko’y ako lang ito! Di ba’t sabi ko,
kung nanaisin ay puwede ring ipaliwanag ang lahat sa kaniyang kabaligtaran. Mas
natural pang lalabas. Ako mismo ang umaamin na lilitaw pang mas natural. Ang
hirap! Mas mabuti sana kung mayroon man lang akong katiting na katibayan!
Kaya’t nang marinig ko ang mga kampanilya ay nanlamig ako at nangatal pa ang
buong katawan. Naisip ko, heto na ang aking katibayan! At ito na nga! Hindi na
ako nangatuwiran pa. Basta ayaw ko na. Kahit isang libong rublo na sarili kong
pag-aari ay ibibigay ko para lang makita ko nang deretso ang inyong mga mata sa
di-kalayuan nang tuwiran kayong sabihan ng isang obrero ng ‘mamamatay-tao!’ At
ni hindi kayo naglakas-loob na komprontahin siya! Isang daang talampakan lang
ang layo! E, ang lamig sa gulugod? Ang mga kampanilya habang naghihingalo’t
maysakit? Kaya’t ano ang ikagugulat ninyo, Rodion Romanovich, kung pagkatapos
ay biruin ko kayo nang ganoon? Bakit sa mismong sandaling iyon kayo dumating?
Parang may kung sinong nagtulak sa inyo, o, Panginoon! Kung di lang tayo pinutol
ni Mikolai ... Si Mikolai, natatandaan ba ninyo? Natandaan ba ninyong mabuti?
Dahil isa iyong kulog! Kulog na galing sa ulap. Kulog at kidlat! At papaano ko siya
tinanggap?! Ni katiting ay di ko siya pinaniwalaan. Nakita ninyo mismo! Pasasaan
ba! Dahil pagkatapos noong wala na kayo at magsimula siyang sumagot nang
malinaw sa ibang mga tanong ay nagulat pa ako. Hindi ko siya pinaniwalaan kahit
kaunti! Ganyan ang maging sintigas ng bato. Hindi, sa tingin ko’y Morgen früh.
Anong kinalaman dito ni Mikolai?!”
“Sinabi na sa akin ni Razumikhin na ngayon ay inaakusahan n’yo na rin si
Mikolai at pinaniniwala ninyo siya tungkol doon?” naubusan siya ng hangin at di
na tinapos ang sinasabi. Nakinig si Raskolnikov na di-mailarawan ang nadaramang
pangamba. Buko na at tagos ang pagkaalam sa kaniya at kusang umaatras. Natakot
siyang maniwala at di nga naniniwala. Pilit pa ring naghahanap ng mas tiyak at
patapos na mga salitang walang-iisang kahulugan.
“Oo, si G. Razumikhin!” malakas na sabi ni Porfiry Petrovich. Halatang
nasiyahan siya sa tanong ng wala pa ring kaimik-imik na si Raskolnikov. “He-he-
he! Oo, dapat talagang idespatsa si G. Razumikhin. Ayos lang pag dalawa, pag-
tatlo’y kalabisan na. Labas dito si Razumikhin. Pinuntahan niya akong putlang-
putla ... A, bahala na ang Diyos sa kaniya. Anong pakialam niya rito? Tungkol
kay Mikolai, gusto ba ninyong malaman ang bahaging iyon kung paano ko ito
naunawaan? Una sa lahat, siya ay batang wala pa sa hustong gulang. Hindi naman
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 471

sa siya’y duwag, kundi parang isang uri ng artista. Totoo, huwag kayong magtawa
kung ganoon ko siyang ilarawan. Inosente at madaling impluwensyahan. May
puso at maimahinasyon. Siya’y umaawit, sumasayaw, at nagkukuwento. Sabi nila’y
dumarayo pa ang ilan upang siya’y pakinggan. Pumapasok din sa eskuwela. Halos
mamatay sa pagtawa dahil lang sa pagpapakita ng daliri. Naglalasing hanggang sa
matumba, hindi dahil sa bisyo, kundi paminsan-minsan pag pinaiinom na parang
bata. Nakapagnakaw na rin nang hindi niya alam mismo. Bakit, sabi niya’y pinulot
lang niya, papaanong ninakaw? Alam ba ninyo na kasapi siya sa grupo ng mga
Raskolnik. Hindi sa mismong mga Raskolnik, kundi sa isang sekta nila. May
mga kamag-anak siyang nasa sekta ng mga Palaboy. Siya rin, kamakailan lang,
ay dalawang taong singkad na nasa pangangalaga ng isang matanda sa baryo na
kaniyang itinuturing bilang espiritwal na guro. Lahat ng iyan ay nalaman ko mula
kay Mikolai at sa mga tagabaryo. E, ano pa nga ba? Ang nais lang ay magpunta
sa disyerto! Masigasig. Tuwing gabi’y nagdarasal sa Diyos, binabasa, at inaaral
ang matatandang ‘Tunay’ na aklat. Malakas ang naging impluwensya sa kaniya ng
Petersburg, lalo na ng mga babae at alak. Madali ngang matuto kaya’t nakalimutan
na ang lahat, pati na ang matandang guro. Alam ko rin na may isang pintor na
nagkainteres sa kaniya. Pinupuntahan siya at nangyari nga ang insidenteng ito!
Natakot siya at nagtangkang magbigti! Tumakas! Ano ba ang magagawa natin
kung ganoon ang naging pagkaunawa ng ating mga kababayan ukol sa ating
hustisya? Ang iba’y takot na sa salitang ‘paglilitis.’ Sino ang maysala? Mga bagong
hukom ang magsasabi. A, ipahintulot nawa ng Diyos! Ngayon, sa pagdurusa’y
naalala na niya ang butihing matandang guro. Muli ring lumitaw ang bibliya. Alam
ba ninyo, Rodion Romanovich, ang ibig sabihin ng ‘magdusa’ sa ilan sa kanila?
Hindi iyon ang pagpapakasakit para sa iba, kundi ang pangangailangang dumanas
mismo ng dusa. Kung ito’y pagdurusa, lalo na’t mula sa maykapangyarihan, ay
lalong mabuti. Minsan ay may isang napakabait na bilanggo na isang taon nang
nakakulong. Gabi-gabi’y nagbabasa ng bibliya, magdamag hanggang sa talagang
natuto. Alam ba ninyo kung papaano? Minsan, basta na lang at walang-kaabog-
abog na dumampot ng bato at binato ang hepe na wala namang ginawang masama
sa kaniya. Pero ito ay binato niya at sinadyang di-patamaan, mga isang yarda ang
layo upang di-makapanakit. Alam mo na kung ano ang mangyayari sa isang
bilanggong umaatake nang may sandata sa hepe. Tinanggap na niya ang pagdurusa.
Kung kaya’t sa palagay ko’y nais ding tumanggap ng pagdurusa ni Mikolai o kaya’y
parang ganoon. Iyan ay malamang na alam ko at may batayan. Hindi lang niya
472 FEODOR DOSTOYEVSKY

alam na alam ko. O, bakit? Hindi ba ninyo matanggap na may ganoong di-kapani-
paniwalang tao sa ating bayan? Marami sila! Muling kumilos ang matandang
guro, lalo na’t pagkatapos ng tangkang pagbibigti. Pagkatapos niyan ay kusa siyang
darating at ilalahad ang lahat. Sa palagay ba ninyo’y makatitiis siya? Maghintay lang
kayo at nagpapainit pa! Hinihintay ko ang bawat oras na iatras niya ang kaniyang
testimonya. Nagustuhan ko itong si Mikolai at siya’y pinag-aralan kong mabuti.
Kayo, ano sa palagay ninyo? He-he-he! Malinaw ang mga sagot niya sa akin sa
ilang mga punto. Halatang nag-ipon ng ilang kailangang ebidensya at naghandang
mabuti. Pero sa ilang mga punto, e, parang nasa tubig na kumakawag. Walang-
nalalaman! At ni hindi niya nahihinuha na wala siyang alam! Hindi, kaibigang
Rodion Romanovich, hindi si Mikolai! Hindi kapani- paniwala ang usaping ito.
Malungkot, madilim, at makabagong pangyayari sa ating panahon, kung kailan
puno ng bagabag ang puso ng tao. Sinasabing sumasariwa ang dugo kung kailan
ipinapangaral ang kariwasaan bilang layunin ng buhay. Sa isa’y pangarap na ayon
sa aklat, sa kabila nama’y teoretikal na pusong nagngangalit. Sa unang hakbang
pa lang ay determinado na. Kaya lang, ibang klaseng determinasyon: nagpasyang
lumundag sa bangin o sa kampanaryo at wala-sa-sariling inamin ang krimen.”
“Nalimutan daw na isara ang pinto pero pumatay, dalawa pa. Ngunit
di-nakayang kunin ang pera. Ang mga nakayang saklutin ay inilagay sa ilalim ng
bato. Kulang pa sa kaniya ang dusang dinanas habang nasa likod ng pinto at halos
wasakin naman ng mga nasa labas sa pagkatok at pagkalembang ng kampanilya.
Pagkatapos ay halos wala sa sariling bumalik pa sa walang-lamang paupahan
upang sariwain ang tunog ng kampanilya. Sinubukan muli ang lamig ng gulugod
sa takot ... Ipagpalagay na nating iyon ay dahil sa kaniyang karamdaman. Pero
heto pa, pumatay na nga’y kinikilala pang matuwid ang sarili at namumuhi sa
ibang tao! Nagmimistula tuloy maputlang anghel. O, anong klaseng Mikolai iyan?
Hindi, mahal kong Rodion Romanovich, hindi si Mikolai!”
Ang mga huling salitang ito pagkatapos ng naunang mga sinabi ay
parang rekantasyon at sadyang di-inaasahan. Nangatal ang buong katawan ni
Raskolnikov na parang sinaksak.
“Kung gayon ... sino ... ang ... pumatay?” tanong niyang di-nakapagpigil
na parang nasasakal ang boses. Napasandal pa sa upuan si Porfíry Petrovich na
para bang di-inaasahan at pinagtatakhan ang tanong.
“Anong sino ang pumatay?” ulit nitong parang di-makapaniwala sa
narinig, “Sino pa, Rodion Romanovich, kundi kayo! Kayo ang pumatay sa kaniya
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 473

...” dagdag niyang halos pabulong at lubos na nakatitiyak ang tono ng boses.
Napatayo si Raskolnikov sa sofa. Ilang saglit siyang nakatayo at muling
naupo. Wala ni isang salitang nasabi. Marahang panginginig ang gumapang sa
buo niyang mukha.
“Nanginginig na naman ang inyong mga labi na gaya ng dati,” pabulong
na tila pagsalo ni Porfiry Petrovich. “Mukhang di ninyo ako lubos na naunawaan,
Rodion Romanovich,” dagdag niya at sandaling tumahimik, “Pumarito ako upang
sabihin na ang lahat at tapusin na ang usaping ito.”
“Hindi ako ang pumatay,” naibulong ni Raskolnikov na natigalgal na
parang maliit na batang nahuli sa aktong gumagawa ng kasalanan.
“Hindi. Kayo, Rodion Romanovich, at wala nang iba pa,” matigas at may
katiyakang bulong ni Porfiry.
Kapwa sila tumahimik. Ang katahimikan ay tumagal nang di-
pangkaraniwan, mga sampung minuto. Napasuntok sa mesa si Raskolnikov at
walang-imik na hinagod ng mga daliri ang buhok. Tahimik na naghintay si Porfiry
Petrovich. Bigla’y matalim at namumuhing tumingin sa kaniya si Raskolnikov.
“Hayan na naman kayo, Porfiry Petrovich! Kayo at ang luma ninyong
estilo. Hindi ba talaga kayo nagsasawa!”
“A, tama na! Para saan pa ngayon ang mga estilong ito? Ibang usapan na
kung may ibang mga saksi rito. Pero nagsasarilinan lang tayo at nagbubulungan.
Nakikita ninyo rin na pumarito ako hindi upang habulin kayo at siluing parang
kuneho. Umamin man kayo o hindi sa mga sandaling ito’y pareho lang sa akin.
Kumbinsido na ako sa aking sarili kahit wala kayong sabihin.”
“Ganoon pala, e, bakit pa kayo pumarito?” inis na tanong ni Raskolnikov,
“Itatanong ko ulit sa inyo, kung sa palagay ninyo’y maysala ako, bakit di n’yo ako
ikinukulong?”
“Hayan ang tanong! Sasagutin ko kayo punto-por-punto. Una, hindi
makabubuti sa akin na basta ko na lang kayo arestuhin nang ganyan.”
“Ba’t di mabuti? E, kung kumbinsido kayo, dapat lang na ...”
“E, ano ba kung kumbinsido ako? Sa ngayo’y parang panaginip ko lang
‘yon at bakit ko naman kayo bibigyan ng katahimikan sa kulungan? Alam ninyo,
dahil kayo mismo ang humihiling. Halimbawa’y dadalhin ko kayo upang kilalanin
ng obrero. Sasabihin naman ninyo sa kaniya, “Lasing ba kayo noon o hindi? Sino
pang kasama mo ang nakakita sa akin? Lasing lang ang akala ko sa iyo noon.
Talagang lasing.”
474 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Ano pagkatapos n’on ang sasabihin ko sa inyo, lalo na’t mas kapani-
paniwala kayo kaysa kaniya dahil ang patunay niya ay puro sikolohikal. Ang
bibig lang niya’y di na maganda samantalang kayo’y eksakto sa marka. Lasenggo
kasi at alam ito ng lahat. At ipinagtapat ko na sa inyo nang ilang beses na ito’y
sikolohiyang dalawa ang kalalabasan. Ang pangalawang posibleng kalabasan ay
higit na kapani-paniwala. Isa pa’y wala pa akong ebidensya laban sa inyo. At kahit
na ipakukulong ko kayo ay naparito ako mismo (nang di-ayon sa nakaugalian) at
ngayon pa lang ay ipinaaalam ko na sa inyo at tuwirang sinasabi (kahit di rin ayon
sa nakaugalian) na di ito mabuti para sa akin. At pangalawa, naparito ako upang
...”
“Pangalawa’y?” pigil-hininga si Raskolnikov.
“Dahil tulad ng nabanggit ko kanina, itinuturing kong tungkulin na
ipaliwanag ito sa inyo. Hindi ko nais na ituring ninyo akong halimaw, lalo na’t
totoong malapit ang loob ko sa inyo, sa maniwala man kayo o hindi. At kaugnay
nito ang pangatlo. Naparito ako upang tapat at tuwirang magpanukala: sumuko
kayo at umamin. Ang gayon ay higit na mabuti para sa inyo at mabuti rin sa akin
dahil maiibsan ang bigat sa balikat. Matapat ang aking panukala, di ba?”
Sandaling nag-isip si Raskolnikov.
“Makinig kayo, Porfiry Petrovich, di ba’t kayo mismo ang nagsasabi na
sikolohiya lang iyan pero ngayo’y nakarating kayo sa matematika. Paano kung
kayo mismo ngayon ang nagkakamali?”
“Hindi, Rodion Romanovich, di ako nagkakamali. Mayroon na akong
katibayan. Nakita ko ito noon, ipinadala marahil ng Panginoon!”
“Anong katibayan?”
“Hindi ko sasabihin kung ano, Rodion Romanovich. Ngayo’y wala na
rin akong karapatang masyado pang patagalin. Ikukulong ko rin kayo. Kaya’t pag-
isipan ninyo. Sa ngayon ay pareho lang sa akin kaya ito’y ginagawa ko para lang sa
inyo. Alam ng Diyos, mas mabuti, Rodion Romanovich!”
Maanghang ang tawa ni Raskolnikov.
“Hindi lang iyan nakatatawa, nakahihiya pa. Kung ako man ay maysala
na hinding-hindi ko naman sinasabi, bakit naman at sa kung anong kadahilanan
ako susuko at aamin sa kasalanan? At di ba, sinabi ninyo rin na magkakaroon ako
ng katahimikan sa kulungan?”
“O, Rodion Romanovich, huwag ninyong labis na paniwalaan ang mga
salita. Hindi naman siguro tunay na katahimikan! Teorya lang iyon at teorya ko
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 475

pa! Ano bang awtoridad mayroon ako sa inyo? Posible na mayroon pa akong
inililihim mula sa inyo. Hindi ko naman siguro kukunin at basta na lang ihahapag
sa inyo maski papaano. He-he-he! Ikalawa, bakit may bentahe? Alam ba ninyo
kung gaano nito mapagagaan ang sentensya? Pag-isipan ninyo. Aamin kayo sa
pagkakataong mayroon nang ibang umako sa pagkakasala at ginulo ang buong
kaso. At ipinapangako ko sa inyo, sa ngalan ng mismong Diyos, ay gagawin ko
at aayusin ang lahat upang lumitaw ang inyong pag-amin na parang di talaga
inaasahan. Aalisin natin ang lahat ng sikolohiyang ito upang mawala ang anumang
hinala laban sa inyo at lilitaw na isang pagdirilim lamang ng kaisipan ang inyong
krimen. Sa totoo lang ay talaga namang pagdirilim lang iyon ng kaisipan. Ako ay
taong matapat, Rodion Romanovich, at tinutupad ko ang aking salita.”
Tumahimik si Raskolnikov, malungkot na tumungo ang ulo, at matagal
na nag-isip. Sa huli’y muling napangiti ngunit ang ngiting iyon ay maikli
at malumbay. “A, di na kailangan!” bulong niyang parang wala nang anumang
itinatago kay Porfiry, “Wala nang halaga pa! Hindi ko kailangan ang paggaan ng
parusa!”
“Iyan na nga ang ikinatatakot ko!” mainit at parang wala-sa-loob na
bulalas ni Porfiry, “Iyon na nga ang ikinatatakot ko na hindi ninyo kailangan ang
paggaan ng sentensya!”
Malungkot at makahulugang tinapunan siya ng tingin ni Raskolnikov.
“A, huwag ninyong ipagwalang-bahala ang buhay!” patuloy ni Porfiry,
“Marami pa ang naghihintay sa inyo. Anong di-kailangan ng paggaan ng parusa?!
A, di nga kayo matiisin!”
“Anong marami pang naghihintay?”
“Sa buhay na ito! Anong propeta ba kayo? Marami ba kayong nalalaman?
Hanapin mo at iyong makikita. Marahil ay roon kayo hinihintay ng Diyos. Ang
pagpasan ng dusa’y di naman sa habampanahon ...”
“Gagaan daw ...” Nagtawa si Raskolnikov.
“Bakit? Natatakot ba kayo sa kahihiyang burgis? Malamang nga na takot
kayo at di lang ninyo nalalaman dahil bata pa kayo! Gayumpaman, di kayo roon
dapat matakot o ikahiya kaya ang pag-amin sa kasalanan.”
“A, wala akong pakialam!” galit at namumuhing bulong ni Raskolnikov
na parang ayaw magsalita. Muli siyang napatayo at parang gustong lumabas ngunit
muling umupo na naguguluhan.
“Bahala ka kung anong gusto mo! Nawalan kayo ng pananampalataya at
476 FEODOR DOSTOYEVSKY

akala ninyo’y binibilog ko ang inyong ulo. Gaano katagal na kayong nabubuhay?
Marami na ba kayong napag-alaman? Lumikha kayo ng teorya na pumalpak at
lumitaw na di pala orihinal! Masama ang kinalabasan, totoo iyon! Pero kayo nama’y
hindi pusakal na wala-nang-pag-asa. Hindi kayo ganoon kasama! Kahit papaano’y
di na kayo masyado pang nagpatumpik-tumpik at umabot na sa sukdulan. Dahil
ano ba ang tingin ko sa inyo? Isa kayo sa mga taong kapag nasumpungan na ang
Diyos, kahit laslasin man ang bituka, ay titingin lang na nakangiti sa berdugo.
Kaya hanapin lang ninyo at magpapatuloy ang buhay. Una sa lahat, matagal na
ninyong kailangan ng ibang hangin. Bakit? Ang paghihirap ay mabuti rin naman.
Magdusa kayo. Baka tama si Mikolai na gustuhin ang pagdurusa. Alam kong di
kayo naniniwala ngunit huwag kayong pakasiguro. Sumabay lang kayo sa agos
ng buhay. Huwag nang mangatuwiran at mag-alala at aabot kayo sa pampang,
at matatag na makatatayo. Kung anong pampang ay di ko alam. Ngunit ako’y
naniniwalang matagal pa ninyong lalasapin ang buhay. Alam kong ang mga
sinasabi ko ngayo’y dinirinig ninyong parang litanyang kinabisa. Sinasabi ko
ito dahil balang-araw ay baka maalala ninyo at magamit. Mabuti na rin marahil
na nakapatay lang kayo ng matanda. Papaano kung nakaisip kayo ng iba at
nakagawa ng isang bagay na pangit nang milyong ulit kaysa roon? Malay ninyo,
baka dapat pang pasalamatan ang Diyos at kahit papaano’y iningatan kayo mula
sa ganoong bagay. Alam kong mayroon kayong marangal na puso kaya’t huwag
kayong gaanong matakot. Natatakot ba kayo sa inyong kahihinatnan? Huwag.
Ang matakot ngayon ay isang kahihiyan. Gumawa kayo ng ganoong hakbang
kaya’t magpakatatag kayo. Iyan ang katarungan. Tuparin ninyo ang hinihingi ng
katarungan. Alam kong di kayo naniniwala, ngunit alam ng Diyos, dadalhin kayo
ng agos ng buhay. Makaraan ang panaho’y makasasanayan rin ninyo. Sa ngayo’y
kailangan lang ninyo ng hangin, hangin, at hangin pa.”
Napakislot si Raskolnikov.
“Teka, sino ba kayo?” bunghalit nito, “Anong klase kayong propeta? Mula
ba sa rurok ng kung anong sagradong kataimtiman ay sinasambitan ninyo ako ng
mga pinakamatatalinong orakulo?”
“Sino? Ako? Ako ay wala na, tapos na. Marahil ay isa akong taong
nakadarama at nakikidalamhati sa damdamin ng iba. Marahil din ay may ilang
kaalaman sa buhay ngunit lipas na ang lahat sa akin. Ngunit kayo? Ibang usapan
iyan. May inihandang buhay para sa inyo ang Panginoong Diyos. O kaya’y sino
ang nakaaalam? Baka sa inyo man ang buhay ay parang usok na daraan at basta
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 477

na lang mawawala. Paano ba? Nais lang ninyong mapabilang sa ibang uri ng tao?
Ang taong may pusong gaya ninyo ay hindi ginhawa ang panghihinayangan. Ano
kung sakali mang kayo’y di-makikita nang matagal ninuman? Ang usapan ay wala
sa haba ng panahon, kundi nasa inyong sarili. Magiging araw kayo at makikita
kayo ng lahat. Una sa lahat, ang araw ay dapat maging araw. Bakit ngumingiti
na naman kayo? Na ako ay parang si Schiller? Tinutukoy ko ang prenda at akala
ninyo’y pinupuri ko kayo’t binubuhat ang bangko! Sabagay, baka nga pinupuri ko
kayo. He-he-he! Rodion Romanovich, sana’y huwag ninyong seseryosohin ang
aking salita. Kailanman ay huwag ninyong lubos na seseryosohin. Ganito talaga
ang natura ko, sang-ayon sa inyo. At ito ang maidaragdag ko, kung gaano ako
kababa at katapat na tao, sa wari ko’y matatantiya na ninyo mismo!”
“Kailan ninyo ako balak arestuhin?”
“Siguro’y mabibigyan ko at makapapasyal pa kayo ng isa’t kalahati o
dalawang araw kaya. Mag-isip kayo, kaibigan, at manalangin sa Diyos. Oo, iyon
ay higit na mabuti.”
“Paano kung tumakas ako?” tanong ni Raskolnikov na may kakatwang
ngiti.
“Hindi. Hindi kayo tatakas. Kung ibang tao siguro’y tatakas o kaya’y
ang panatiko na alipin ng ibang kaisipan. Ipakita lang sa kaniya ang dulo ng
daliri o kaya’y lungga ay handa na siyang maniwala habambuhay sa kahit anong
gusto ninyo! Pero kayo’y ni hindi na naniniwala sa sariling teorya. Paano kayo
makatatakas? At anong mapapala ninyo sa pagtakas? Mahirap at mabigat ang
takas. Ang kailangan ninyo ay buhay at katiyakan na nababagay sa simoy ng hangin.
Para sa inyo ba ang hangin ng pagtakas? Tumakas man kayo ay babalik din kayo.
Hindi na kayo makatatagal nang wala kami. Pagkatapos ay ikukulong ko muna
kayo, isa o dalawang buwan kaya. Doon ay maaalala ninyo ang aking mga sinabi
at marahil ay kusa na ninyong aaminin ang lahat nang di-inaasahan. Naniniwala
ako na papasanin ninyo ang pagdurusa. Maaaring di ninyo basta paniniwalaan
ang mga salita ko ngayon at nagdadalawang-loob. Rodion Romanovich, ang
pagdurusa ay dakilang bagay. Iyon ay alam ko. Huwag ninyong pansinin kung
mas kampante man ako ngayon. Di naman kailangan ngunit alam ko. Huwag
ninyo itong pagtawanan ngunit sa pagdurusa ay may mahalagang kaisipan. Tama
si Mikolai, di ba? At kayo, Rodion Romanovich, ay hindi tatakas.”
Tumayo na si Raskolnikov at kinuha ang sumbrero. Tumayo na rin si
Porfiry Petrovich.
478 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Mamamasyal ba kayo? Magiging magaan ang gabi, huwag lang sanang


bumagyo. Kung sabagay, sasariwa naman ang hangin kung sakali ...” At kinuha na
rin ang kaniyang sumbrero.
“Porfiry Petrovich, sana’y huwag ninyong akalain na ako’y umamin sa
inyo ngayong araw na ito,” mabigat at mariing bigkas ni Raskolnikov, “Kayo ay
kakatwa at pinakinggan ko kayo dahil lamang sa kuryosidad. Ngunit tandaan
ninyo na wala akong anumang inaamin sa inyo.”
“Oo, alam ko naman. Tatandaan ko. O, nanginginig na naman kayo.
Huwag kang mag-alala, kaibigan, masusunod ang kagustuhan ninyo. Mamasyal
muna kayo ngunit huwag masyado. Hindi mabuti ang masyadong maraming
pasyal.” At kaniyang idinagdag, “Kung saka-sakali man ay mayroon sana akong
munting pakiusap sa inyo,” hininaan nito ang boses, “Munting bagay lang ito pero
mahalaga, kung ano’t anuman ang mangyari, na hindi ko naman pinaniniwalaan
at sa tingin ko’y di naman ninyo magagawa. Ngunit kung sakali lang naman
na sa loob ng apatnapu’t siyam o limampung oras ay pumasok sa isipan ninyo
na tapusin na ang lahat ng ito sa iba at di-kapani-paniwalang paraan at saktan
ninyo ang sarili, ipagpaumanhin ninyo ang walang-kuwentang palagay. Ngunit
mag-iwan sana kayo ng maikli at maliwanag na sulat. Ano lang, kahit dalawang
linya, dalawang linya lang at banggitin ninyo ang tungkol sa bato. Iyon ay gawang
marangal. Paano, hanggang sa muling pagkikita ... Hangad ko ang kabutihan ng
inyong isip at gawa!”
Lumabas si Porfiry na nakatungo at tila umiiwas ang tingin kay
Raskolnikov. Lumapit si Raskolnikov sa bintana, nginig, at inip na naghintay na
tuluyang makaalis at makalayo na ang isa. Pagkatapos ay lumabas na rin siya mula
sa silid.
III

NAGMADALI SIYANG TUMUNGO kay Svidrigailov. Kung ano ang nais niya
sa taong ito ay di rin niya alam. Ngunit may kung anong kapangyarihan ang taong
ito sa kaniya. Hindi na siya mapakali mula nang maramdaman ang bagay na iyon
at ngayon, ngayo’y dumating na ang oras para rito.
May mahalagang tanong na gumugulo sa kaniya: “Pumunta ba si
Svidrigailov kay Porfiry?”
Anumang tantiya niya, sumumpa man siya, ay alam niyang hindi! Pilit
pa rin niyang iniisip at inaalala ang pagdalaw ni Porfiry. “Hindi. Hindi talaga siya
pumunta!”
Ngunit kung hindi pa, pupunta kaya ito o hindi kay Porfiry?
Sa ngayon ay mukhang hindi ito pupunta. Bakit? Hindi niya ito
masasagot. Kung alam lang niya ay di na nito pahihirapan pa ang sarili. Lahat ng
ito’y gumugulo sa kaniya at kasabay nito ay parang wala naman siyang pakialam.
Kakatwang kalagayan. Siguro’y walang maniniwala ngunit kaunti lang kung
mayroon man siyang pinag-aalala ngayon sa kaniyang kasalukuyang kapalaran.
Iba ang gumugulo sa kaniya, higit na mahalaga. Tungkol mismo sa sarili at hindi
sa anupaman o sinuman. Mahalaga ang tungkol sa kaniya. Isa pa’y dama niya ang
walang-hanggang pagkapagod ng puso’t kalooban. Samantalang ang isip niya’y
malinaw na kaninang umaga kumpara sa mga huling nagdaang araw.
480 FEODOR DOSTOYEVSKY

Ngayon, mahalaga pa ba, pagkatapos ng lahat ng nangyari, na piliting


malampasan ang lahat ng mumunting paghihirap na ito? Kailangan pa ba,
halimbawa, na intrigahin pa si Svidrigailov na huwag magpunta kay Porfiry?
Kailangan pa bang alamin, pag-aralan o magsayang ng anumang oras kay
Svidrigailov?
Sawang-sawa na siya! Ngunit patuloy pa rin ang pagmamadali niya kay
Svidrigailov. Sa akala ba niya’y may mapupulot siyang bago, direksyon o lusot? Di
ba’t kahit sa maliit na hibla’y kumakapit? Baka pagod lang ito o dala ng kawalang-
pag-asa. Baka hindi si Svidrigailov ang kaniyang kailangan, kundi ibang tao at si
Svidrigailov lang ang naisip. Baka si Sonya? At bakit naman si Sonya ang kaniyang
pupuntahan? Upang muli itong paiyakin? Isa pa’y takot siya ngayon kay Sonya.
Si Sonya’y kumakatawan sa isang hatol, isang desisyong hindi na mababago.
Mamimili siya: ang sariling daan o ang kay Sonya? Lalo na sa mga sandaling ito,
wala siya sa kondisyong makipagkita sa kaniya. Mas mabuti nga kayang subukan
si Svidrigailov? Ano ba ito? Sa loob-loob niya’y di siya makatanggi na matagal na
siyang may dapat gawin.
Ngunit ano ba ang pagkakatulad nila ni Svidrigailov. Hindi rin puwedeng
magkatulad sila sa kasamaan. Ang taong iyon, bukod sa di-kanais-nais, ay malinaw
na lulong sa bisyo, tuso, manloloko, at malamang na napakasama. May mga tsismis
tungkol sa kaniya. Totoo na may inayos siya para sa mga anak ni Katerina Ivanovna
ngunit sino ang nakaaalam kung bakit at ano ang ibig sabihin noon? Laging may
ibang motibo at gusto ang taong iyon.
Mayroon ding isang kaisipan ang gumitaw at bumabagabag kay
Raskolnikov nitong mga araw na ito. Bagama’t iwinawaksi niya itong pilit ay
nagpapabigat pa rin sa kaniya. Minsa’y naiisip niya na lagi siyang iniikutan ni
Svidrigailov hanggang ngayon. Nalaman ni Svidrigailov ang kaniyang lihim. May
masama siyang balak laban kay Dunya noon. Paano kung mayroon pa rin ngayon?
Mas malamang na mayroon pa rin. Paano kung alam nga niya ang kaniyang
sekreto at magkaroon ito ng kapangyarihan sa kaniya? Maari niya itong gamiting
sandata laban kay Dunya.
Ang kaisipang ito’y nagpapahirap sa kaniya, maging sa pagtulog. Ngunit
ngayon lang niya ito napagtanto nang malinaw habang papunta kay Svidrigailov.
Ang kaisipang ito’y nagpadilim sa kaniyang isip, sa poot at galit. Una’y magbabago
ang lahat, pati ang kaniyang personal na kalagayan kung ipaaalam ang lihim kay
Dunya. Marahil ay kailangang kalimutan ang sarili upang maiwasang gumawa
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 481

ng maling hakbang si Dunya. Sulat? Kaninang umaga’y may natanggap na sulat


si Dunya! Sino sa St. Petersburg ang susulat sa kaniya? Si Luzhin kaya? Oo nga’t
nagbabantay si Razumikhin pero wala siyang alam. Baka kailangan na ring ipaalam
kay Razumikhin? Nanlalamig si Raskolnikov habang iniisip ang mga bagay na ito.
Sa ano’t anupaman, patapos niyang desisyon, kailangang makita niya
agad si Svidrigailov. Salamat sa Diyos at dito’y di na kailangan pa ang mga detalye,
kundi ang buod lamang ng usapin. Ngunit kung magsimulang lumikha ng intriga
si Svidrigailov tungkol kay Dunya ay ...
Pagod na pagod na si Raskolnikov sa panahong iyon at wala na siyang ibang
maisip na kasagutan sa ganoong tanong kundi, “Pag nagkaganoon ay papatayin ko
siya!” naisaloob niya sa kawalang-pag-asa. Mabigat na damdamin ang nakadagan
sa kaniyang puso. Tumigil siya sa gitna ng kalye at tumingin-tingin. Saan ba siya
nakarating at anong kalye ito? Nasa Boulevard siya at tatlumpu o apatnapung
hakbang mula sa Sennaya na pinanggalingan. Ang buong pangalawang palapag
ng gusali ay okupado ng kainan. Lahat ng bintana ay nakabukas. Batay sa mga
nakikita sa bintana ay puno ng tao ang kainan. Sa bulwagan ay pumaiilanlang
ang mga awitin, tumutunog ang klarinet at violin, at dumadagundong ang mga
tambol. Naririnig din ang tilian ng mga babae. Nais na sana niyang umurong at
di niya malaman kung bakit siya lumiko sa Boulevard nang makita si Svidrigailov
sa isa sa mga nakabukas na bintana. Siya’y nakaupo sa isang mesa at may tabako
sa labi. Gulat na gulat siya at halos matakot sa nakita. Napuna siya ni Svidrigailov
at nakatingin sa kaniya. Wala itong imik. Ang isa pang ipinagtaka ni Raskolnikov
ay parang gusto nitong tumayo at patalilis na umalis. Agad nagkunwari si
Raskolnikov na hindi niya ito napuna at tila may iniisip na tumingin sa iba habang
sa gilid ng mata’y nakatuon kay Svidrigailov. Malakas ang kaba ng dibdib. Tama
siya. Halatang ayaw ni Svidrigailov na may makakita sa kaniya. Inalis nito sa bibig
ang tabako at gusto na sanang magtago ngunit pagtayo niya at pagtulak sa upuan
ay napuna marahil na nakita na siya at pinagmamasdan ni Raskolnikov. Nangyari
sa kanila ang eksenang gaya ng una silang magkita sa lugar ni Raskolnikov habang
siya’y nakahiga. Napangisi si Svidrigailov, papaluwang pa ang pagkangisi nito.
Alam nila na kapwa na nakikita at pinagmamasdan ng isa ang bawat isa. Sa wakas
ay malakas na tumawa si Svidrigailov.
“O, ano? Halikayo, pasok kayo kung gusto ninyo! Narito ako!” sigaw niya
mula sa bintana.
Umakyat si Raskolnikov sa restawran. Natagpuan niya ito sa isang maliit
482 FEODOR DOSTOYEVSKY

na cubicle sa sulok, malapit sa malaking bulwagan na may mga dalawampung


lamesa kung saan bumubunghalit ng awit ang isang grupo ng mga musikero.
Umiinom ng tsaa ang mga komersyante, empleyado, at iba’t ibang tao. Maririnig
ang kalatok ng mga bola ng bilyar sa di-kalayuan. Sa harap ng mesa ni Svidrigailov
ay may isang bukas na bote ng champagne at isang kalahating baso ng alak.
Naroon din sa loob ang isang batang musikero na may maliit na organo. Mayroon
ding batang babaeng mang-aawit, mga labingwalong taong gulang, mapupula ang
pisngi, nakapaldang guhitan, at sumbrerong gawa sa trol na may laso. At kahit na
may kantahan sa kabilang kuwarto ay umaawit siya ng awiting kalye sa saliw ng
organo sa mababang kontra-alto.
“Sige, tama na!” putol ni Svidrigailov sa kaniya pagpasok ni Raskolnikov.
Agad na tumigil ang dalaga at buong galang na naghintay. Inawit din
niya ang kaniyang kantang pangkalsada nang may seryoso at magalang na anyo.
“Philip, baso nga!” sigaw ni Svidrigailov.
“Hindi ako iinom ng alak,” sabi ni Raskolnikov.
“Kung anong gusto ninyo ... ito nama’y di para sa inyo. Inom ka, Katya.
Wala na akong kailangan pa ngayon. Makaaalis ka na.” Pinuno niya ng alak ang
baso at nagbigay ng dilaw na perang papel. Minsanang ininom ni Katya ang alak,
gaya ng pag-inom ng mga babae, tuloy-tuloy, di-ibinaba ang baso at lumagok nang
dalawampung beses. Kinuha niya ang pera at hinalikan ang kamay ni Svidrigailov.
Seryoso ang mukhang pinahalik naman ito ni Svidrigailov. Lumabas na ang babae
na sinundan naman ng batang may organo. Kapwa sila kinuha mula sa kalsada.
Isang linggo pa lang sa St. Petersburg si Svidrigailov pero ngayo’y lahat ng nasa
paligid niya’y may pagkilala na sa kaniya. Ang katulong sa restawran ay isa nang
mabuting kakilala at kabarkada. Sumara ang pinto sa bulwagan. Parang nasa
sariling bahay na si Svidrigailov sa kuwartong iyon at nagpapalipas siya roon nang
buong araw. Ang restawran ay marumi, pangit, at ni hindi pangsegunda-klase.
“Kayo talaga ang hinahanap ko,” pagsisimula ni Raskolnikov, “Ngunit
di ko alam kung bakit ako lumiko rito sa Boulevard mula sa palengke. Hindi ako
sadyang lumiliko at pumupunta rito. Kumanan ako mula sa palengke kahit hindi
rito ang papunta sa inyo. Pagliko ko pa lang ay heto na kayo! Nakapagtataka!”
“Bakit di pa ninyo sabihin nang tuwiran na himala!”
“Nagkataon lang siguro.”
“Tingnan mo nga naman ang klase ng mga taong ito!” humalakhak si
Svidrigailov. “Ayaw pa ring tanggapin, kahit sa loob, na naniniwala sa himala!
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 483

Hindi ba’t kayo na rin ang nagsabi na baka nagkataon lang. Kung sino-sino ang
mga duwag dito pagdating sa sariling pananaw. Huwag ninyong aakalain, Rodion
Romanovich, at hindi kayo ang tinutukoy ko. Kayo’y may sariling pananaw at hindi
naduwag na magkaroon nito. Kung kaya nga nakuha ninyo ang aking kuryosidad.”
“Wala nang iba?”
“Oo. At iyon ay sapat na.”
Halatang may tama na si Svidrigailov ngunit kaunti lang. Kalahating
baso pa lang ang kaniyang naiinom.
“Parang mas nauna pa ninyong nalaman kaysa akin na mayroon akong
gaya ng sinasabi ninyo na sariling pananaw,” puna ni Raskolnikov.
“May ibang dahilan doon. Kahit sino’y may sariling mga hakbang. Pero
tungkol sa milagro ay ito ang masasabi ko: parang nagtulog kayo nitong dalawa o
tatlong araw. Ako mismo ang nagsabi sa inyo tungkol sa restawran na ito at walang
anumang hiwaga kung bakit dito kayo tumuloy. Ako mismo ang nagpaliwanag
kung paano ang pagpunta rito, kung saan ito matatagpuan at kung anong oras ako
madaratnan. Natatandaan na ba ninyo?”
“Nalimutan ko na,” nagtatakang sagot ni Raskolnikov.
“Naniniwala ako. Dalawang beses ko pang sinabi sa inyo. Kaya’t kusa
at mekanikal na naalala ninyo ang adres at sinundan nang di-namamalayan.
Noong sinasabi ko sa inyo ay di ako umasang naintindihan ninyo. Masyado
kayong nagpapahalata, Rodion Romanovich. Isa pa, kumbinsido ako na rito sa
St. Petersburg ay maraming taong kumakausap sa sarili habang naglalakad. Ito
ay lungsod ng mga baliw nang kaunti. Kung mayroon lang tayong siyensya rito,
ang mga mediko, abogado, at pilosopo ay makapagsasagawa ng mahahalagang
pananaliksik sa St. Petersburg ayon sa kanilang espesyalisasyon. Iyan ay epekto
ng klima pa lamang! Dagdag pa, ito ay sentrong pang-administrasyon ng buong
Rasya at ang katangiang ito ay tiyak na taglay ng lahat. Ngunit hindi na iyan ang
mahalaga ngayon kundi ito: ilang beses ko na kayong tiningnan mula sa gilid ng
aking mga mata—lumalabas kayo sa bahay na taas-noo pero nakadadalawampung
hakbang pa lang ay yumuyuko na at inilalagay ang mga kamay sa likod. Nakamulat
kayo ngunit di-tumitingin sa harapan o sa likuran, wala na kayong tinitingnan. Sa
wakas ay kikibot na ang mga labi at magsisimula nang makipag-usap sa sarili.
Minsan ay pinakawawalan ang mga kamay at kumukumpas. Pagkatapos nito ay
hihinto sa gitna ng daan, matagal. Iyon ay talagang di-maganda. Baka mayroon
pang iba na nakapupuna sa inyo liban sa akin at iyon ay lalong hindi mabuti. Kung
484 FEODOR DOSTOYEVSKY

sa akin lang ay wala iyon at di ko kayo magagamot. Pero siyempre, nauunawaan


ninyo ako.”
“Alam ba ninyo na may sumusubaybay sa akin?” tanong ni Raskolnikov
na matamang nakatingin sa kaniya.
“Hindi. Wala akong alam diyan,” may pagtatakang sagot ni Svidrigailov.
“Kung ganoon ay hayaan ninyo akong manahimik,” kunot-noong bulong
ni Raskolnikov.
“Okey, hahayaan kitang manahimik.”
“Ang mabuti pa’y sabihin ninyo kung bakit kayo nagpupunta rito para
uminom at dalawang beses ninyo akong sinabihang puntahan kayo rito. Bakit
kaninang nakatingin ako sa bintana ay nagtago kayo at parang gustong umalis?
Punang-puna ko iyon.”
“He-he-he! E, bakit kayo, nang ako’y nakatayo sa inyong pinto, nakahiga
kayo’t nakapikit ang mga mata, ay nagkukunwang natutulog sa sofa samantalang
di naman kayo tulog? Alam na alam ko iyon.”
“Marahil ay may mga ... dahilan ako ... na alam na ninyo.”
“Ako man ay may mga dahilan siguro kahit di ninyo nalalaman.”
Ipinatong ni Raskolnikov ang siko sa mesa, inilagay ang mga daliri ng
kamay sa baba, at nakapangalumbabang matamang tumitig kay Svidrigailov.
Isang minutong pinagmasdan ang mukha nito na laging nagdudulot sa kaniya
ng pagtataka. Kakaiba ang mukhang ito na parang maskara: maputi, mapulang
pisngi, mapulang mga labi, maputi’t manilaw-nilaw ang balbas, at makapal-kapal
pa ang maputi’t manilaw-nilaw ring buhok. Ang mga mata niya’y parang masyado
ang pagkaasul na masyado ring mabigat at di-tumitinag. May kung anong labis
na di-kanais-nais sa kaniyang makisig at bata kaysa edad na mukha. Marangya
ang pananamit ni Svidrigailov, lalo na ang uri ng telang ginamit, pantag-araw at
magaan. Sa daliri niya ay may malaking singsing na may mamahaling bato.
“Pati ba naman kayo ay magiging dalahin ko pa sa balikat?” biglang sabi
ni Raskolnikov na mula sa mahigpit na pagpipigil at inip ay lantad at tuwirang
nagsalita, “Kahit kayo ang pinakamapanganib na tao, kung nanaisin mang
mangwasak, ay di ko na gustong sirain pa ang sarili. Ipakikita ko sa inyo ngayon na
hindi gayon na lamang ang pagpapahalaga ko sa sarili tulad ng posibleng inaakala
ninyo. Dapat ninyong malaman na pumarito ako upang deretsahang sabihin na
kung hanggang ngayon ay mayroon pa kayong hangarin sa aking kapatid gaya ng
dati at may nais kayong gamitin sa mga nadiskubre ninyo para sa ikatatagumpay
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 485

ng inyong hangarin ay papatayin ko na muna kayo bago ninyo ako maitapon sa


kulungan. Totoo ang aking sinasabi. At alam ninyo na kaya kong tuparin ang
aking salita. Pangalawa, kung kayo ay may nais sabihin sa akin, dahil nitong huli
ay parang may nais kayong sabihin, ay ilahad na ninyo agad sapagkat ang oras ay
mahalaga at baka sandali pa’y maging huli na ang lahat.”
“At saan naman kayo nagmamadali nang ganyan?” tanong ni Svidrigailov
na kuryosong tumingin sa kaniya.
“May mga hakbang ang bawat isa,” malungkot at di-nagmamadaling sabi
ni Raskolnikov.
“Kayo mismo ang nagpasyang magtapatan tayo ngayon ngunit sa unang
tanong pa lang ay umiiwas na kayong sumagot,” nakangiting puna ni Svidrigailov.
“Inaakala pa rin ninyo na mayroon akong ibang balak kung kaya’t pinaghihinalaan
ninyo ako. Sabagay, sa kalagayan ninyo ngayon ay madaling maunawaan iyon.
Ngunit kahit gaano pa ang aking pagnanais na makapalagayang-loob kayo ay
hindi na ako magpapakahirap pang kumbinsihin kayo. Diyos ko, hindi sulit ang
kandila sa larong ito! At upang malaman ninyo ay wala naman akong gaanong
kailangan sa inyo.”
“Kung ganoon, ano ang kinailangan ninyo sa akin? Di ba’t kayo ang
nagsadya sa akin?”
“Ano lang, bilang kasiya-siyang subheto ng pagsusuri. Interesado ako sa
kakaiba ninyong kalagayan. Iyon ang dahilan! Maliban pa riyan ay kapatid kayo
ng babaeng napupusuan ko. At sa huli’y, mula rin sa babaeng ito, ay napakarami
kong narinig ukol sa inyo. Kaya’t itinuring ko na malaki ang inyong impluwensya
sa kaniya. Kulang pa ba iyon? He-he-he! Magkagayon man ay inaamin ko na
masalimuot ang inyong katanungan para sa akin at mahihirapan ko kayong sagutin.
Halimbawa, tingnan ninyo, kayo ngayon ang nagsadya sa akin na mukhang may
bagong balita, di ba? Ganoon di ba?” pilit ni Svidrigailov na tusong nakangiti, “At
pagkatapos ng pag-uusap nating ito ay isipin lang ninyo na nang ako’y nasa tren
pa at papunta rito ay umasa ako na mayroon kayong bagong sasabihin sa akin at
ako’y may mapapala sa inyo. Ganyan kaming mayayaman!”
“Paanong may mapapala?”
“Paano ko ba sasabihin sa inyo? Kung alam ko lang kung papaano?
Nakikita ba ninyo kung saang restawran ako naglalagi at masaya na rin ako rito.
Ibig kong sabihin ay di naman sa masaya talaga, kaya lang, dapat lang na may
pinagpapahingahan din. O, si Katya, halimbawa, nakita ba ninyo? Kung sanang
486 FEODOR DOSTOYEVSKY

masiba talaga ako sa piling ng mga pagkain, pero tingnan ninyo ang kinakain ko!”
saka niya sinundot ng daliri ang natirang tila pinagtampuhang beefsteak na may
patatas na nasa isang latang pinggan sa sulok ng mesita. “Siya nga pala,
kayo ba’y kumain na? Sumubo na ako at ayoko na. Kung alak naman ay di talaga
ako umiinom. Champagne lang at wala nang iba. Kahit nga champagne ay isang
baso lang sa buong gabi. Sumasakit pa nga ang ulo ko. Inorder ko lang ito ngayon
para mag-relax nang kaunti dahil may pupuntahan pa ako at aabutan ninyo akong
nasa natatanging kondisyon. Kaya’t kanina ay nagtago akong parang bata dahil
baka gambalain lang ninyo ako. Pero sa palagay ko’y (hinugot nito ang relo) ay
puwede ko pa kayong makasama nang isang oras. Ngayon ay alas-kuwatro y medya
na. Kung sana’y naging panginoong maylupa man lang o kaya’y pari, o opisyal
kaya, potograpo o peryodista kaya, ang kaso’y wala akong anumang propesyon!
Kung minsan nga’y nakababagot. Sa totoo lang, akala ko’y may sasabihin kayong
bago sa akin.”
“Sino nga ba kayo at bakit kayo naparito?”
“Sino ako? Alam na ninyo. Ako’y maharlikang Dvoryanin, dalawang
taong nagsilbi sa Hukbo. Pagkatapos ay naglagalag dito sa St. Petersburg at
pagkatapos ay nagpakasal kay Martha Petrovna, at nanirahan sa probinsya. Hayan
ang aking talambuhay!”
“At sugarol din yata?”
“Hindi. Anong klase akong sugarol? Mandaraya at di-sugаrol.”
“Naging mandaraya kayo?”
“Oo, naging mandaraya.”
“E, di nabubugbog kayo?”
“Noong minsan. E, ano?”
“Aba’y puwedeng magkahamunan ng duwelo ... Mainit ang ganoon.”
“Hindi ko kayo kokontrahin. Isa pa’y di ako mahilig mamilosopo.
Inaamin ko sa inyo, higit sa lahat, naparito ako dahil sa mga babae.”
“Kahit kalilibing lang ni Martha Petrovna?”
“Oo,” pagtatapat ni Svidrigailov na may ngiti ng tagumpay, “E, ano ba?
Mukhang masama ang tingin ninyo sa pagsasalita ko nang ganoon tungkol sa mga
babae.”
“Kung masama o hindi ang tingin ko sa bisyo?”
“Sa bisyo? Iyan pala ang tinutumbok ninyo! Pero sige, sasagutin ko kayo
nang maayos tungkol sa mga babae sa kabuuan. Alam ninyo kasi, e, madaldal ako.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 487

Bakit ko naman pipigilin ang aking sarili, di ba? Bakit ko naman iiwasan ang mga
babae kung sila nga ang hanap ko? Kahit papaano’y may pinagkakaabalahan ako.”
“Ganoon? Narito lang kayo’t umaasa sa kabisyuhan?”
“Ganoon na nga, sa bisyo rin! Kung ipinipilit ninyo na bisyo. Magkaganoon
man ay gusto ko pa rin ng deretsong tanong. Kahit papaano, sa bisyong sinasabi
ninyo, ay may permanente at nakasalalay sa kalikasan, hindi sa likhang-isip
lamang. Isang bagay na nasa dugong gaya ng isang piraso ng namumulang baga
na patuloy na nagbibigay-init. Ito ay nananatili sa paglipas ng mga taon at di-agad
mapupugnaw. Kayo mismo ay sang-ayon. Di ba’t maaaring pagkaabalahan ang
ganyan?”
“Anong dapat itatwa riyan? Iyan ay isang sakit na mapanganib.”
“Hayan na naman kayo! Sang-ayon ako na iyan ay isang sakit, gaya ng
anumang lumalabis sa tamang sukat. Pero rito’y talagang lalampas ka sa guhit.
Pero una sa lahat, iba-iba, depende sa tao. Pangalawa, siyempre, kailangang
naninimbang sa lahat ng gawain, kahit mali, dahil ano ang ating magagawa? Kung
walang ganyan ay puwede na sigurong magpakamatay. Sang-ayon ako na ang
isang matinong tao ay tama lang na mainip pero ... kung minsan ...”
“Kaya ba ninyong magbaril sa sarili?”
“O, ano ba ‘yan?” may halong inis ang reaksyon ni Svidrigailov, “Pakiusap
lang, huwag kayong magsalita tungkol diyan,” mabilis niyang idinugtong nang
walang-bahid ng kahambugan tulad ng mga una niyang pananalita. Nagbago
maging ang kaniyang anyo. “Inaamin ko ang isang di-mapatatawad na kahinaan.
Ngunit anong magagawa ko? Takot ako sa kamatayan at ayaw kong ito ang pinag-
uusapan. Alam ba ninyo na may pagkamistiko ako?”
“A, ang mga pagpapakita ni Martha Petrovna! Patuloy bang dumaralaw?”
“Huwag na ninyong ipaalala! Wala pa rito sa St. Petersburg. Mga buwisit
sila!” sigaw niyang naiinis, “Mabuti pa ang mga bagay na iyan ang ... hmmp! Ay,
wala nang oras. Hindi na ako maaari pang magtagal. Sayang! May sasabihin sana
ako.”
“Bakit? May babae ba sa inyo?”
“Oo, babae. Nagkataon lang ... pero hindi tungkol doon.”
“Paano ang karumihan? Ang kapangitan ng lahat ng nasa paligid na ito?
Wala na bang epekto sa inyo? Wala na ba kayong lakas na pigilin ang sarili?”
“Sa palagay ba ninyo’y may lakas kayo? He-he-he! Ginulat ninyo
ako, Rodion Romanovich, bagama’t alam ko, una pa man, na magkakaganito.
488 FEODOR DOSTOYEVSKY

Nagdidiskurso kayo sa akin ukol sa kamunduhan at estetika! Isa kayong Schiller,


isang idealista! Lahat ng iyan ay tama lang at mas nakapagtataka kung hindi,
ngunit kung bakit kakaiba pa rin ang katotohanan ... A, sayang at wala nang
oras. Kayo’y tunay na nakagaganyak na subheto! Siya nga pala, gusto ba ninyo si
Schiller? Gustong-gusto ko siya.”
“Ganoon ma’y talagang hambog kayo!” may inis na bigkas ni Raskolnikov.
“‘Sus, hindi naman!” tumatawang sagot ni Svidrigailov, “Pero hindi na ako
makikipagtalo. Hambog na kung hambog pero bakit naman hindi ka magyayabang
kung di naman nakasasakit. Pitong taon akong nanirahan sa probinsya, kina
Martha Petrovna. Kaya ngayong makaharap ko ang isang matalinong tao, na gaya
ninyo, magaling, at talagang nakagaganyak, ay nasisiyahan akong magdadakdak.
Isa pa’y nakainom na ako ng kalahating basong alak at medyo may tama na.
Ngunit may isang bagay na nagpahimasmas nang husto sa akin ngunit tungkol
dito ay ... mananahimik ako.”
“Saan kayo tutuloy?” biglang tanong ni Svidrigailov na may himig ng
pangamba.
Akmang tatayo na si Raskolnikov. Bumigat at umalinsangan ang
kaniyang pakiramdam kung bakit siya pumarito. Kumbinsido siya ngayon na si
Svidrigailov ay isa lang hungkag at walang-kakuwenta-kuwentang taong walang-
magawang matino sa mundo.
“O, sandali lang, maupo muna kayo,” pakiusap ni Svidrigailov, “Hayaan
ninyong dalhan kayo kahit tsaa man lang. Maupo muna kayo sandali, di na ako
magdadakdak nang walang-kuwenta tungkol sa sarili. Mayroon akong ikukuwento
sa inyo. Kung nais ninyo ay may ikukuwento ako tungkol sa isang babae, na kung
gagamitin ang inyong salita, ay nagligtas sa akin. Ito rin ay bilang kasagutan sa
inyong unang tanong na may kaugnayan sa inyong kapatid. Puwedeng ikuwento?
Pampatay lang natin ng oras.”
“Sige, magkuwento kayo ngunit umaasa ako na ...”
“Huwag kayong mag-alala dahil si Avdotia Romanovna, maging sa isang
masama at hungkag na taong tulad ko, ay nakapagbibigay lamang ng pinakamataas
na paggalang.”
IV

“ALAM BA NINYO ... kahit siguro’y naikuwento ko na,” simula ni Svidrigailov,


“Ako’y nakulong dito dahil sa malaking pagkakautang at wala ako ni kaunting
pera upang ito’y mabayaran. Hindi ko na idedetalye kung paano ako tinubos
ni Martha Petrovna. Alam ba ninyo kung hanggang saan maaaring mabaliw sa
pag-ibig ang isang babae? Siya’y babaeng matapat at hindi mangmang, kahit
hindi talaga nakapag-aral. Isipin ninyo na ang selosa at matapat na babaeng ito,
makaraan ang maraming pagwawala at babala, ay nakipagkontrata sa akin, na
kaniyang tinupad sa buong panahon ng aming pagiging mag-asawa. Ang kaso
kasi’y malaki ang katandaan niya sa akin. Isa pa’y laging matalim ang bunganga.
Ako nama’y may sapat na kapal ng mukha at isang uri ng katapatan na tuwirang
nagsabi sa kaniyang di ako maaaring maging lubos na tapat. Nagwala siya nang
husto sa pagtatapat kong iyon. Sa kabilang dako’y nagustuhan din niya ang
magaspang na pagsasabi ko ng totoo dahil ang kahulugan noon ay ayaw ko rin
siyang lokohin, na dahilan kung kaya’t ipinaaalam na agad. Para sa selosang
babae’y pinakamahalaga iyon. Pagkatapos ng maraming luha ay nagkaroon
kami ng berbal na kasunduan. Una, di ko kailanman iiwan si Martha Petrovna
at mananatili akong asawa niya. Pangalawa, hindi ako aalis nang walang-paalam
sa kaniya. Pangatlo, di ako magkakaroon kailanman ng permanenteng kalaguyo.
Pang-apat, dahil doon ay papayagan ako ni Martha Petrovna na makipaglandian
490 FEODOR DOSTOYEVSKY

sa mga katulong paminsan-minsan, basta alam niya nang lihim. Ikalima, huwag
nawang ipahintulot ng Diyos na umibig ako sa babaeng kauri namin. Ikaanim,
kung sakali naman, huwag ding ipahintulot ng Diyos, na ako’y magkaroon ng
malaki at seryosong pagkagusto sa ibang babae na kailangan ko ring ipagtapat kay
Martha Petrovna. Tungkol sa huling punto ay panatag palagi si Martha Petrovna.
Siya’y isang matalinong babae kaya’t di niya ako maaaring di-ituring bilang taong
gumon sa bisyo’t kamunduhan na walang-kakayahang umibig nang tapat. Ngunit
iba ang maging matalinong babae sa selosang babae at iyan ang mahirap. Upang
humusga nang walang-pinapanigan sa tao, kailangang iwaksi ang mga walang-
batayang paniniwala at nakagawian ukol sa mga tao at bagay sa paligid. Sa inyong
mapanimbang na isipan, higit sa anuman, ay umaasa ako. Marahil ay marami na
kayong narinig na katawa-tawa at kalokohan tungkol kay Martha Petrovna. Totoo
na marami siyang nakatatawang pag-uugali ngunit tapat kong sinasabi sa inyo na
tunay kong ikinalungkot ang pagdudulot ko sa kaniya ng maraming sama-ng-loob.
O, tama na marahil ang ganyang maramdaming oraison funèbre ng isang malugod
na asawa para sa mahal na kabiyak. Sa tuwing kami’y nag-aaway, kadalasa’y wala
akong imik at di-nagagalit. Ang ganoong pagmamaginoo’y laging nagtatagumpay.
Ito’y umeepekto sa kaniya at nagugustuhan pa nga niya. Maraming pagkakataon
ang ipinagmalaki pa niya ang gayon. Ngunit pagdating sa kapatid ninyo’y di niya
ito nakayanan. Pero bakit siya naglakas-loob na kunin ang ganoon kagandang
babae bilang katiwala? Dahil si Martha Petrovna’y babaeng marubdob at sensitibo
at agad din siyang nagkagusto, literal na nagkagusto rin sa inyong kapatid. Kay
Avdotia Romanovna pa! Sa unang tingin pa lang ay alam na alam ko nang masama
ang lagay at ano sa palagay ninyo? Ipinasya ko na ni hindi ko na siya titingnan.
Ngunit si Avdotia Romanovna ang gumawa ng unang hakbang, sa maniwala kayo’t
sa hindi. Maniniwala rin ba kayo na umabot pa sa sitwasyong nagalit si Martha
Petrovna sa akin dahil sa una kong pananahimik tungkol sa inyong kapatid na
wala akong pakialam sa kaniyang walang-patumanggang papuri’t paghanga kay
Avdotia Romanovna? Hindi ko nga alam kung anong gusto niya! Siyempre,
ikinuwento lahat ni Martha Petrovna kay Avdotia Romanovna ang ukol sa akin
mula ulo hanggang paa. Mayroon siyang masamang ugali na ibulgar sa lahat ang
ukol sa mga sekreto ng pamilya at walang-tigil ang pagrereklamo tungkol sa akin.
At paano mo naman palalampasin na di-gawin ang gayon sa isang mabuting
bagong kaibigan? Sa palagay ko’y wala silang ibang pinag-uusapan kundi tungkol
sa akin at walang-dudang nalaman din ni Avdotia Romanovna ang maiitim at
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 491

lihim na kuwentong ipinararatang sa akin ... Makapupusta ako na kayo man ay


may narinig nang ganoong kuwento.”
“May narinig na. Pinararatangan kayo ni Luzhin na kayo raw ang naging
dahilan ng kamatayan ng isang bata. Totoo ba iyon?”
“Pakiusap lang, kalimutan ninyo ang mga kalokohang iyon,” bigla at may
pagkainis na bulong ni Svidrigailov. “Kung talagang gusto ninyong malaman ang
lahat ng walang-katuturang bagay na iyan ay ikukuwento ko sa inyo balang-araw
pero ngayon ay ...”
“May sinabi rin tungkol sa isa ninyong tauhan na kayo rin ang dahilan
ng kung ano.”
“Pakiusap, tama na!” putol ni Svidrigailov na halatang di-nakapagpigil.
“Hindi ba’t iyon din ang tauhan ninyo na patay na’y dumarating pa upang
lamnan ang inyong tabako? Kayo mismo ang nagkuwento sa akin,” lalong nag-init
si Raskolnikov.
Matamang tinitigan ni Svidrigailov si Raskolnikov, na nakapuna naman
sa pagkatitig na iyon. Agad gumuhit na parang kidlat ang galit at pang-uuyam
ngunit nagpigil pa rin si Svidrigailov at magalang na sumagot:
“Siya nga iyon. Nakikita kong kayo man ay may malaking interes tungkol
doon at katungkulan kong sa unang pagkakataon ay ibahagi sa inyo ang lahat
ng punto upang kayo’y masiyahan. Demonyong buhay ito! Mukhang totoo na
puwede akong tingnan ng ilan bilang romantiko. Kayo mismo ang humusga
kung gaano kalaki ang pasasalamat ko kay Martha Petrovna sa pagdadaldal niya
sa inyong kapatid ng kung ano-anong mahiwaga at nakapupukaw-interes na
mga bagay. Hindi ko maaaring tawaran ang impresyon ngunit kahit papaano ay
sadyang nakabuti iyon sa akin.”
“Bagama’t likas ang pagkaasar sa akin ni Avdotia Romanovna, liban pa sa
aking laging madilim at antipatikong anyo, sa wakas ay nagsimula siyang maawa
sa akin bilang taong naliligaw ng landas. At kapag nagsimulang maawa ang puso
ng isang dalaga ay lalong mapanganib para sa kaniya. Dahil tiyak na pipilitin ka
nitong sagipin, turuan, buhaying muli, ituro ang wastong daan, at bibigyan ka ulit
ng lakas at gawain. At alam na natin kung ano pa ang maaaring pangarapin na
may kaugnayan diyan. Nabanggit ko kanina na ibon na mismo ang pumasok sa
bitag na pinaghandaan ko naman. Bakit parang napangungunot-noo kayo, Rodion
Romanovich? Pero tulad ng alam ninyo’y puro walang-kuwenta ang kinalabasan.
Demonyong buhay ito! Ang dami ko nang nainom na alak! Alam ba ninyo, na
492 FEODOR DOSTOYEVSKY

ikinalulungkot ko kung bakit hindi itinulot ng kapalaran na isilang ang inyong


kapatid noong ikalawa o ikatlong siglo ng ating panahon, na anak ng isang
makapangyarihang duke o kaya’y panginoon, o kaya’y anak ng proconsul sa Asya
Menor. Walang-duda na siya’y isa sa mga nagpakamartir. At nakangiti lamang
nang sunugin ang dibdib ng nag-aalab na baga. Kusa pa siyang gagawa nang
ganoon. Kung sa ikaapat na siglo naman ay pupunta siya sa disyerto ng Ehipto at
doon maninirahan nang tatlumpung taon, mabubuhay sa ugat ng halaman, sa mga
inspirasyon at pangitain. Uhaw siya sa ganoon at nais na magpakahirap para kung
kanino man. Kung hindi makakamit ang ganoong pagdurusa ay malamang na
lulundag na lang sa bintana. May narinig ako tungkol sa isang ginoong Razumikhin.
Sabi’y magaling daw at makatuwiran. Sa apelyido pa lang ay seminarista siguro.
Hayaan nating siya na ang bahala sa inyong kapatid. Sa madaling salita’y
naintindihan ko siya at iyon ay karangalan ko. Ngunit sa una, nang bago pa lang
kaming magkakilala, madalas ay padalos-dalos ako’t tatanga-tanga, nagkakamali,
at iba ang nakikita. Demonyo talaga! Bakit kasi siya ganoon kaganda? Hindi ko
kasalanan! Sa madaling salita’y nagsimula kong maramdaman ang di-mapigil at
labis na pagnanasa. Sobra ang pagiging busilak na puso ni Avdotia Romanovna,
bagay na di pa siguro naririnig o nakikita. Punahin ninyo ang pagsasabi ko nang
ganito tungkol sa inyong kapatid bilang katotohanan. Siya’y malinis, kalinisang
halos isang karamdaman. Kahit malawak ang kaniyang pag-iisip ay maaari iyong
makasama sa kaniya. Noon dumating ang isang dalaga, si Parasha, itim ang
kaniyang mga mata, kagagaling lang niya sa ibang baryo. Siya’y katulong na noon
ko lamang nakita. Napakaganda niya ngunit di-kapani-paniwala ang katangahan.
Minsa’y ineskandalo niya ang buong kabahayan sa kaniyang pag-iyak at
pagpapalahaw. Minsan, pagkakain ay sinadya akong mag-isa ni Avdotia
Romanovna sa hardin. Kumikislap ang mga matang hiningi niya na bigyan ko
sana ng katahimikan ang kawawang Parasha. Iyon yata ang una naming pag-uusap
na kaming dalawa lang. Ako naman, natural lang na sa pagkakataong iyon, ay agad
nagpasyang tuparin ang kaniyang kahilingan. Nagkunwa talaga ako na labis na
nagdurusa at naguguluhan. Sa madaling salita’y di-masama ang pagkakaganap ko
ng ganoong papel. Nagsimula ang aming ugnayan, mga lihim na pag-uusap,
pangangaral, pagtuturo, pagsusumamo, mga pakiusap, at maging pagluha.
Maniniwala ba kayo? Oo, mga luha! Hayan ang kapangyarihan ng propaganda
para sa ilang mga babae! At siyempre, lahat ay iniasa ko sa aking kapalaran.
Nagkunwa akong nangangailangan at nauuhaw sa liwanag. At sa wakas ay
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 493

pinakawalan ko ang pinakamalakas at di-matatalong paraan sa pagsilo ng puso ng


dalaga, ang paraang kailanman ay di-magpapahiya kaninuman at sadyang mabisa
para sa lahat, walang-sala. Ang paraang ito ay ang pambobola. Sa daigdig ay wala
nang pinakamadali sa pambobola. Kung sa pagsasabi ng tapat ay mayroong mali,
kahit sa ikasandaang bahagi lamang ay magkakaroon na ng dissonans at susundan
agad ng eskandalo. Sa pambobola naman, kahit na mali hanggang sa kahuli-
hulihang hibla, ay matamis pa rin at di-puwedeng pakinggan nang walang-
kasiyahan. Kahit pa gaano kagaspang ang boladas ay parang totoo pa rin, kahit
kalahati man lang nito. At iyan ay para sa lahat ng antas at uri sa lipunan. Maging
matimtimang birhen ay maaaring tuksuhin sa pamamagitan ng pambobola. Mga
pangkaraniwang tao pa kaya? Natatawa ako sa tuwing maaalala kung papaano
kong tinukso ang isang ginang, na tapat sa kaniyang asawa’t mga anak at tunay na
may mabuting kalooban. Napakasaya talaga noon at walang-kahirap-hirap!
Mabait talaga ang ginang na iyon sa sarili niyang pamamaraan. Madali lang ang
taktika ko. Basta sa bawat sandali ay gaping-gapi ako’t nagpatitirapa sa kaniyang
harapan at kalinisan ng budhi. Nambola ako nang sukdol-langit at kung mangyari
man na mapisil ko ang kaniyang kamay o magtama man lang ang aming tingin ay
pagagalitan ko ang sarili at sasabihing dinaan ko ito sa dahas sa kabila ng kaniyang
pagtutol. Kailanman ay walang anumang magaganap kung di dahil sa aking
pagiging makasalanan, na siya sa kaniyang pagiging wagas at kawalang-kasalanan,
ay di nakinita ang ganoong karuwagan at nagbigay-daan nang di-namamalayan,
nang walang-muwang at kung ano-ano pa. Sa madaling salita ay nakuha ko ang
lahat pero ang ginang ay nanatili sa matibay na paniniwalang siya’y walang-sala at
malinis, gumaganap sa lahat ng gawain at katungkulan, ngunit bumagsak na
talagang di-sinasadya. Laking-galit niya sa akin nang sa dakong huli’y ipahayag ko
sa kaniya na gaya ko’y naghahanap din siya ng ligaya. Gayundin ang kawawang si
Martha Petrovna. Napakadali niyang matangay sa pambobola. Kung ginusto ko
lamang marahil ay inilipat na niya sa akin ang lahat ng kaniyang ari-arian, kahit
nang siya’y nabubuhay pa. (Pero grabe talaga akong uminom at dumaldal). Sana’y
huwag kayong magagalit kung ngayo’y mababanggit ko na ang ganoon ding
paraan ay nagsimula ring umubra, maging kay Avdotia Romanovna. Masyado
lang akong tanga at walang-timpi kaya nabulilyaso ang lahat. Maniniwala ba kayo,
na minsan tulad ng maraming pagkakataon, ay labis na di-nagustuhan ni Avdotia
Romanovna ang ekspresyon ng aking mga mata? Sa madaling salita, masisilayan
sa aking mga mata ang papatindi at walang-ingat na silakbo ng apoy na tumakot
494 FEODOR DOSTOYEVSKY

at sa huli’y kinamuhian niya. Hindi na kailangan pang idetalye subalit kami’y


tuluyan nang naghiwalay ng landas. Dito’y nakagawa ulit ako ng kagaguhan.
Kinutya ko sa pinakamagaspang na paraan ang lahat ng propaganda at
pagsusumamo. Muling pumasok sa eksena si Parasha at hindi lang siya. Sa payak
na salita ay lumikha na naman ng matinding ingay. O, kung nakita ninyo lang,
Rodion Romanovich, kahit minsan lang sa buhay ninyo, ang mga mata ng inyong
kapatid, kung gaano sila manlisik. Totoo ang sinasabi ko kahit ako ay lasing na’t
nakaubos na ng isang basong alak. Maniwala kayo’t napapanaginipan ko ang
gayong mga tingin. Sa huli’y di ko na matagalang marinig kahit kaluskos lang ng
kaniyang damit. Akala ko nga’y mabubuwal na lang ako’t magkikikisay. Kailanma’y
di ko naisip na maaari akong kabahan nang ganoon ... Kailangan na talagang
makipagbati ngunit imposible na noong mangyari iyon. Alam ba ninyo kung ano
ang ginawa ko? Tingnan ninyo kung hanggang anong antas ng kabobohan
maaaring dalhin ng pagkalito ang isang tao. Kaya, Rodion Romanovich, huwag
kayong gagawa ng anuman kung labis ang kalituhan. Dahil talos ko na, si Avdotia
Romanovna ay hirap na hirap sa buhay. O, ipagpaumanhin ninyo, hindi ko nais na
... Pero pareho lang naman kung ganoon din ang kahulugan ng ibang salitang
gagamitin, di ba? Sa ibang salita, siya’y nabubuhay sa pamamagitan ng gawa ng
sariling kamay at binubuhay ang ina at saka kayo. O, hayan, nakakunot-noo na
naman kayo ... Kaya ipinasya ko na ialok sa kaniya ang lahat ng pera ko. Noon ay
kaya kong magpalitaw ng mga tatlumpung libong rublo. Basta sumama lang siya
sa akin, kahit dito sa St. Petersburg. Siyempre, nangako pa ako ng walang-
hanggang pag-ibig, kaligayahan, at kung ano-ano pa. Maniniwala ba kayo na
gayon na lamang noon ang pagkahumaling ko sa kaniya, na kahit sabihin niyang,
“Saksakin mo o laslasin muna si Martha Petrovna at saka ako pakasalan,” e,
gagawin ko agad! Ngunit ang lahat ay nagtapos sa katastropiya na alam na ninyo.
Matatantiya rin ninyo kung paano ang pagwawala ko nang dalhin ni Martha
Petrovna itong walang-hiya’t sunod-sunurang si Luzhin, at muntik pang
magpakasal na ang buod ay katulad lang ng inialok ko. Ganoon, di ba? Ganoon na
nga iyon, di ba? Tingnan ninyo at naging bukas agad ang tainga ninyo ... kasiya-
siyang kabataan ...”
Hindi na nakapagtimpi si Svidrigailov at isinuntok ang kamao sa mesa,
kasabay ng pamumula. Malinaw kay Raskolnikov na ang isa o isa’t kalahating
baso ng champagne na ininom ng kausap ay tumama na rito nang husto. Kaya’t
sinamantala ni Raskolnikov ang pagkakataon. Para sa kaniya’y kahina-hinala ang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 495

taong ito.
“Ngayon ay lubos na akong kumbinsido na pumunta kayo rito na nasa
isipan ang aking kapatid,” tuwiran at lantarang sabi niya kay Svidrigailov upang
lalo itong pikunin.
“A, tama na!” biglang gagap ni Svidrigailov, “Di ba’t sinabi ko na sa inyo
... isa pa’y kinamumuhian na ako ng inyong kapatid ngayon.”
“Tungkol sa huli’y wala akong duda ngunit hindi iyon ang punto rito.”
“Kumbinsido kayo na galit siya sa akin?” kunot-noo at natatawang
napangiti si Svidrigailov, “Tama kayo na hindi niya ako iniibig ngunit hindi kayo
kailanman makatitiyak sa mga usapin sa pagitan ng mag-asawa o kaya’y dating
magkalaguyo. Dito ay laging may isang dako na kailanman ay di na maibubunyag
sa buong daigdig at tanging silang dalawa lamang ang makaaalam. Nakatitiyak ba
kayo na kinamumuhian ako ni Avdotia Romanovna?”
“Batay sa inyong mga salita at sinabi sa inyong salaysay ay nakikita kong
hanggang ngayon ay mayroon pa kayong mahalagang intensyon kay Dunya,
siyempre pa, masamang intensyon!”
“Ano?! Mayroon akong salita o sinabing ganyan?” di-makapaniwala at
parang natakot si Svidrigailov, at di-binigyang-pansin, kahit kaunti man, ang
paglalarawan sa kaniyang intensyon.
“Kahit ngayon ay lumalabas iyon. Halimbawa, bakit ganoon na lang ang
takot ninyo? Bakit bigla na lang kayong natakot ngayon?”
“Ako, takot at gulat? Sa inyo? Baka kayo ang dapat matakot sa akin, cher
ami. A, walang-katuturan! Pero lasing na ako, alam ko. Madulas na ang dila ko.
Buwisit na alak! Hoy, tubig nga rito!”
Dinampot nito ang bote at walangkaabog-abog na ibinalibag ang bote sa
bintana. Dinalhan siya ng tubig ni Philip.
“Kalokohan ang lahat ng ito,” sabi ni Svidrigailov na binasa ang tuwalya
at inilagay sa kaniyang ulo. “Ngunit sa isang salita ko lamang ay mapapanatag kayo
at mawawala ang lahat ng inyong hinala. Alam ba ninyo na ako’y magpapakasal
na?”
“Nasabi na ninyo iyan sa akin.”
“Nasabi ko na ba? Nakalimutan ko. Kung ganon ay di ako makapagsasalita
nang talagang kapani-paniwala dahil ako mismo’y di pa nakakakita sa babaeng
pakakasalan. Plano ko pa lang. Ngunit ngayon ay talagang may kasintahan na
ako at kung hindi lang sa mahalagang gawain ay dinala ko na kayo agad sa kanila
496 FEODOR DOSTOYEVSKY

ngayon din. Dahil nais ko sanang hingin ang inyong payo. A, demonyo! Sampung
minuto na lamang ang natitira. Tingnan ninyo ang relo. Pero ikukuwento ko pa
rin sa inyo sapagkat mahalagang bagay ito—ang kasal ko. O, saan kayo pupunta,
aalis na?”
“Hindi. Hindi muna ako aalis.”
“Talagang di kayo aalis? Tingnan natin! Dadalhin ko talaga kayo roon sa
aking kasintahan pero hindi ngayon. Mamaya ay kailangan na nating maghiwalay.
Ako ay kakaliwa at kayo nama’y kakanan. Kilala ba ninyo si Resslich? Iyong
Resslich na tinutuluyan ko ngayon, ha? Alam ninyo? Sino bang iniisip ninyo? Iyon
mismong pinag-uusapan ... iyong may anak na babae na noong tagyelo ay ... ano
... sa tubig ... narinig ba ninyo ang tungkol doon? Kilala na ninyo? Oo, siya lahat
ang nagpakana para sa akin. Sabi niya sa akin ay malungkot daw ako at dapat ay
maglibang. Ako nama’y taong sadyang malungkutin at bagot na bagot. Sa akala
ba ninyo’y masayahin ako? Hindi. Wala akong saya. Walang ginagawa’t nakaupo
lang sa isang sulok. Kung minsan nga’y tatlong araw akong walang-kibo’t kausap.
Pero tuso ang Resslich na iyon. Sasabihin ko sa inyo kung ano talaga ang nasa isip
noon. Magsasawa ako, lalayas, at iiwanan ang magiging asawa. Maiiwan ang asawa
ko at pagkakakitaan naman niya. Ganyan ang mga tao sa aming uri at kahit sa mas
mataas pa. Sabi niya’y imbalido na ang ama na isang retiradong opisyal. Tatlong
taon nang nasa silya at hindi naigagalaw ang mga paa. Ang ina naman daw ay isang
babaeng matalino. May anak na nakadestino sa probinsya pero di-tumutulong.
Nag-asawa na ang anak na babae, na hindi naman nakadadalaw. Nasa poder pa
nila ang dalawang pamangkin. Akala mo’y kulang pa ang responsibilidad. At
kinuha pa mula sa eskuwela ang huling anak na babae na hindi pa nakapagtatapos.
Maglalabing-anim na taon na siya, kaya’t pagkalipas ng isang buwan ay puwede
na siyang ipakasal. At sa akin nga ipakakasal. Nakatatawa nga nang puntahan
namin. Nagpakilala ako bilang isang panginoong maylupa, biyudo, may pangalan,
maraming koneksyon, at may kapital. E, ano kung ako’y limampung taong gulang
na at siya’y ni wala pang labing-anim? Sino ba ang nag-aalala tungkol doon? Pero
nakatatawa, di ba? Nakatatawa talaga. He-he-he! Kung nakita ninyo lang kung
paano akong nagbida sa kaniyang Papa at Mama! Puwede kayong magbayad para
lang makita ako nang mga oras na iyon! Nang lumabas siya at paupuin ay para na
rin ninyong nakinita. Maikli ang kaniyang damit, mistulang isang buko ng bulaklak
na di pa bumubukadkad, at namumula ang pisnging gaya ng bukang-liwayway.
Sinabi ko iyon sa kaniya, siyempre. Hindi ko alam kung paano ang tingin ninyo sa
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 497

mga mukha ng babae ngunit para sa akin, itong labing-anim na taong gulang na
ito, na may mga matang gaya pa ng sa mga bata. Ang kanilang pagkamahiyain at
luha ng kalambutan ay higit pa sa kagandahan. Lalo na’t maganda rin talaga siya.
Maganda ang buhok niyang nakalugay, kulot-kulot na gaya ng tupa, nakaumbok
ang magaganda’t namumulang mga labi, at ang mumunting mga paa. A, Lahat ay
kaaya-aya! Pagkatapos ng pagpapakilala ay sinabi kong ako’y nagmamadali dahil sa
ilang usaping pampamilya. Sa ikatlong araw ay magkasintahan na kami. Pagdating
ko ay agad ko siyang pinaupo sa aking kandungan at hinayaan na lang doon.
Pulang-pula siyang parang bukang-liwayway at sa bawat sandali’y hinahalik-
halikan ko pa. Ipinaliliwanag naman ng nanay, na natural, na ganoon talaga, dahil
ako ay kaniyang magiging asawa. Sa madaling salita’y sinsarap ng sinigwelas! At
ang ganoong sitwasyon, ang pagiging magkasintahan, ay mas mainam pa kaysa
mag-asawa. Iyon ang tinatawag na la nature et la vérité. Ha-ha-ha! Dalawang ulit
na kaming nag-usap at hindi tanga ang bata. Minsan ay panakaw siyang tumitingin
sa akin na talagang nakapapaso. Alam ba ninyo na kamukha siya ng Madonna
ni Rafael? Kahanga-hanga ang mukha ng Madonna sa Sistine Chapel, punong-
puno ng lumbay at lalim, may marubdob na pagsamba sa Diyos, napuna ba ninyo?
Ganoon, parang iyon ang kamukha. Pagkabasbas sa amin, kinabukasan din ay
nagdala ako ng regalong nagkakahalaga ng isa’t kalahating libong rublo. Isang set
ng palamuting hiyas na yari sa brilyante, isa pang yari sa perlas, at kahong pang-
alahas na pilak. Ganito kalaki na napakaraming palamuti dahilan upang maging
ang mukha ng aking Madonna ay kumislap. Kahapon ay pinaupo ko ulit siya sa
aking kandungan na wala nang marami pang seremonyas. Ayaw niyang ipahalata
pero namumula siya at maluha-luhang nais umiyak. Makaraan ang isang sandali,
nang kami’y magkasarilinan, ay niyakap niya ako ng kaniyang maliliit na kamay
sa leeg, hinagkan, at nangako na siya’y magiging masunurin, tapat, at mabuting
asawa, na paliligayahin ako, at iaalay niya ang buong buhay. Bawat sandali ng
kaniyang buhay ay isasakripisyo at sa lahat ng ito ay isa lamang ang kaniyang
hiling na kapalit: ang aking paggalang sa kaniya at sinabi niyang, “Wala nang iba
pa at walang anumang regalo!” Sang-ayon ba kayo na ang makarinig ng ganoong
pag-amin mula sa isang labing-anim na taong gulang na babae, na nakadamit
na muslin, kinulot nang maliliit ang buhok, at namumula ang pisnging gaya ng
batang mahiyain, na may luha ng pagkaganyak sa mga mata, ay tunay palang
kasiya-siya? Siyempre, may katumbas, di ba? Kaya ... makinig kayo ... Pupunta
tayo sa aking kasintahan ... Huwag lang ngayon!”
498 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Sa madaling salita ay lalo lamang kayong nag-iinit sa napakalaking


agwat ng inyong edad! Talaga bang magpapakasal kayo nang ganoon?”
“Bakit naman hindi? Siyempre! Kahit sino’y pinag-iisipan ang para sa
ganang-sarili. Pinakamasaya sa lahat ang sinumang higit na makapanlilinlang sa
sarili! At bakit ba ganyan na lang ang pagdiin ninyo sa birtud? Kaawaan ninyo ako,
Ginoo, ako’y taong makasalanan! He-he-he!”
“Ngunit ... tinulungan ninyo ang mga anak ni Katerina Ivanovna ... Kung
sabagay ... mayroon din kayong pakay ... Ngayon ay alam ko na.”
“Mahal ko ang mga bata. Mahal na mahal ko,” at nagtawa si
Svidrigailov, “Tungkol sa bagay na iyan ay mayroon akong ikukuwento sa inyong
napakainteresanteng kabanata ng buhay na nagpapatuloy pa rin. Sa unang araw
pa lang ng aking pagdating ay marami akong pinuntahang maruruming lugar.
Pagkatapos ng pitong taon ay ngayon lang ako nagwala. Marahil ay napuna ninyo
na hindi ako nagmamadaling puntahan ang dating mga kasamahan, kaibigan,
at kakilala. At pahahabain ko ang ganito hangga’t maaari. Kung nalalaman lang
ninyo kung papaano ako pinahirapan sa probinsya ni Martha Petrovna, hanggang
sa kaniyang kamatayan, sa paulit-ulit na pagpapaalala sa mga sekretong lugar na
kung alam ninyo’y marami kayong makikita. Demonyo! Ang bayan ay naglalasing.
Ang mga edukadong kabataan, na walang-magawa sa buhay, ay nagsulputan mula
kung saan. Ang mga Hudyong di-malaman kung paano itago ang mga pera at
lahat ng iba pa’y nagpapakasasa sa kasalanan. Iyan ang amoy ng siyudad na kilala
ko na. Nakarating ako sa isang tinatawag na sayawan, napakagulo ng lugar, kung
sabagay, gusto ko nang marumi. Pero noong kapanahunan ko’y walang ganitong
lugar. Oo, rito sa bagay na ito’y may progresong masasabi. Nang makita ko ang
isang batang babae, mga labintatlong taong gulang, maganda ang kasuotan at
nakikipagsayawan sa isang virtuoso, at isa pa sa kaniyang harapan vis-à-vis. Sa
may dingding naman ay nakaupo sa silya ang kaniyang ina. Marahil ay nakikinita
ninyo kung anong klaseng cancan. Di-malaman ng bata ang gagawin. Namumula
at sa wakas ay naiyak sa hiya. Kinuha siya ng mananayaw, inikot-ikot, at nagsayaw-
sayaw sa kaniyang harapan. Lahat ay nagtawanan. Sa mga ganoong sandali’y
gustong-gusto ko ang ating publiko, kahit nga ba publikong cancan, tawanan at
sigawan. “Hayan, ganyan! Huwag magdadala ng bata!” Wala akong pakialam kung
lohikal man o hindi na inaaliw nila ang mga sarili sa ganoong paraan!”
“Agad akong umupo sa tabi ng ina at sinimulan ang usapan, na ako’y
bagong-salta rin, na lahat dito’y di-marunong kumilala ng marangal na tao at
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 499

hindi marunong ng tamang paggalang. Ipinaalam ko na ako’y mapera. Nag-alok


ako na ihatid sila sa kanila sa aking kareta. Inihatid ko nga at kami’y nagkakilala.
Kararating lang nila at nakatira sa isang maliit na paupahan. Kanilang ipinahayag
na itinuturing niya at ng kaniyang anak na karangalan ang aming pagkakilala.
Nalaman ko na walang-wala sila at naparito dahil may kailangang lakarin at
kausapin, na nagkamali sila sa pagpunta sa sayawang iyon dahil ang akala nila’y
talagang nagtuturo roon ng sayaw. Inialok ko na pag-aralin ang bata ng wikang
Pranses at sining ng pagsayaw. Masayang-masaya nilang tinanggap ang alok.
Itinuring iyon na karangalan at hanggang ngayon ay nagkikita pa kami ... Kung
gusto ninyo ay pasyalan natin pero huwag lang ngayon.”
“Tama na! Tama na ang inyong masasagwa at mabababang kuwento! Isa
kayong mabisyo, mababa, at mahilig na tao!”
“O, Schiller! Ikaw nga ang aming Schiller! Où va-t-elle la vertu se nicher?46
Alam ba ninyong sinasadya kong magkuwento sa inyo ng ganoong mga bagay
upang marinig ang inyong mga sigaw? Sarap!”
“Ganoon? Bakit, sa akala ba ninyo’y di rin ako natatawa?” galit na bulong
ni Raskolnikov.
Buong lakas na humalakhak si Svidrigailov. Pagkatapos nito ay tinawag
na si Philip, nagbayad, at tumayo na.
“Sige, lasing na ako, assez causé!” sabi nito, “Sarap!”
“Kayo pa ba ang di-makalalasa ng sarap?” tumayo na rin si Raskolnikov,
“Hindi ba kasiya-siya sa isang katulad ninyong nagsawa na sa pagpapakasarap
ang magkuwento ng mga karanasan at iba pang malahalimaw na balakin sa isang
katulad ko at sa ganitong pagkakataon? Nakapagpapainit.”
“Kung ganoon ...” may pagkagulat pang sagot ni Svidrigailov na sinusuri
si Raskolnikov, “Kung ganoon ... ay isa rin kayong karaniwang siniko. Malaki ang
tsansa ninyong magkaganyan. Marami pa kayong maaaring tanggapin ... Marami
at marami rin kayong maaaring gawin. Pinanghihinayangan ko nang tapat na
maikli lang ang ating pag-uusap pero hindi kayo makalalayo sa akin ... Maghintay
lang kayo ...”
Umalis na sa restawran si Svidrigailov na sinundan ni Raskolnikov.
Hindi naman gaanong lasing si Svidrigailov. Saglit lang siyang tinamaan ng

46 Wikang Pranses na ang ibig sabihin ay “saan ka magtatago upang ikubli


ang magagandang katangian?”
500 FEODOR DOSTOYEVSKY

ininom ngunit agad namang naalis ang epekto ng alak. Mayroon talaga siyang
inaalalang mahalagang bagay at di-mapakali. Halata, mayroon siyang hinihintay,
pinag-aalala o pinangangambahan. Habang kasama niya si Raskolnikov nitong
mga huling sandali ay lalo siyang nagiging magaspang at mapang-uyam. Napuna
rin ito ni Raskolnikov at di rin siya mapakali. Lalong naging kahina-hinala si
Svidrigailov sa kaniya at nagpasya na itong di ito hihiwalayan.
Nakarating sila sa may rampa.
“Kumanan na kayo at ako nama’y kakaliwa. Ano pala, baligtad, okey lang,
adieu, mon plaisir, hanggang sa muling masayang pagkikita!”
At kumanan na ito patungo sa palengke.
V

SINUNDAN SIYA NI RASKOLNIKOV.


“Anong ibig sabihin nito?!” sigaw ni Svidrigailov na lumingon, “Hindi
ba’t sinabi ko ...”
“Ang ibig sabihin nito’y hindi ko na kayo tatantanan.”
“Ano-o-o-o?”
Tumigil ang dalawa at tumingin sa bawat isa nang ilang sandali na
parang nanunukat.
“Sa inyong mga kuwentong medyo lasing,” matalim na putol ni
Raskolnikov, “ay natiyak kong hindi lang sa hindi pa ninyo kinalimutan ang ubod-
samang hangarin sa aking kapatid, kundi lalo pa ninyong pinagkakaabalahan
ngayon. Alam ko na kaninang umaga ay may natanggap na sulat ang aking kapatid.
Hindi talaga kayo mapakali sa inyong kinalalagyan ... Ipagpalagay na natin na
mayroon kayong natagpuang asawa sa kalsada pero wala pa rin itong tuwirang
kinalaman sa ating usapin. Gusto kong personal na makatiyak ...”
Hindi rin nakatitiyak si Raskolnikov kung ano ang kaniyang gusto at ano
ang nais na matiyak.
“A, ganoon! Gusto ba ninyong tumawag ako ng pulis?”
“Sige, tawag!”
Muli ay huminto ang dalawa at nagtinginan hanggang magbago ang anyo
502 FEODOR DOSTOYEVSKY

ni Svidrigailov. Nang makitang hindi natakot sa kaniyang banta si Raskolnikov ay


bigla itong sumaya at naging palakaibigan.
“Iba ka talaga! Sinadya kong walang anumang banggitin tungkol sa
inyong usapin bagama’t labis-labis ang aking kuryosidad. Hindi kapani-paniwala.
Ipagpapaliban ko na sana sa susunod ngunit kahit pala patay ay kaya ninyong
inisin ... Tara, kung ganoon, ngunit ipinauuna ko lang, sasaglit lang ako sa bahay
upang kumuha ng pera. Pagkatapos ay ikakandado ang bahay, isasama ko ang
kutsero, at magpapalipas na nang magdamag sa isla. O, sasama ba kayo?”
“Tutuloy rin ako sa bahay na iyon. Pero di sa inyo, kundi kina Sofia
Simyonovna upang humingi ng paumanhin sa hindi ko pagpunta sa libing.”
“Bahala kayo. Ngunit wala sa bahay si Sofia Simyonovna. Dinala niya
ang mga bata sa isang babae, isang kilalang matandang babae, dati kong kakilala
at tagapamahala ng isang bahay-ampunan. Natuwa sa akin ang babaeng iyon nang
bigyan ko ng pera para sa tatlong anak ni Katerina Ivanovna at nag-abuloy pa
ako ng pera sa bahay-ampunan. Ikinuwento ko rin sa kaniya ang buong istorya ni
Sofia Simyonovna, lahat ng detalye, wala akong itinago. Hindi mailalarawan ang
naging epekto noon. Kung kaya’t itinakda ngayong araw na ito ang pagparoon ni
Sofia Simyonovna, sa otel kung saan pansamantalang nakatira ang aking kaibigan.
“Kahit na. Tutuloy pa rin ako.”
“Bahala kayo. Basta di ako kasama at wala akong kailangan doon. O,
narito na tayo. Naniniwala ako na ako’y inyong pinaghihinalaan dahil sa aking
pag-iingat at hanggang ngayo’y hindi ko kayo tinatanong. Nauunawaan ba ninyo?
Alam ko na ganoon na nga iyon. Kaya’t pagkatapos nito ay maging mas maingat
naman tayo.”
“At makinig na lang sa pinto!”
“A, tungkol doon?” humalakhak si Svidrigailov, “Ipagtataka ko nga kung
pagkatapos ng lahat ay palalampasin ninyo iyon nang walang anumang puna. He-
he-he! Bagama’t mayroon akong ilang naintindihan sa mga ... kalokohang sinabi
ninyo kay Sofia Simyonovna ... Pero ano ba ang mga iyon? Baka nga masyado
na akong napag-iiwanan at wala na akong maintindihan. Sa ngalan ng Diyos,
ipaliwanag mo, kaibigan. Paliwanagan ninyo ako ukol sa simula ng lahat.”
“Nagsisinungaling lang kayo! Wala kayong anumang narinig!”
“A, hindi iyon ang tinutukoy ko (bagama’t mayroon akong kaunting
narinig). Ang sinasabi ko’y tungkol sa lagi ninyong pagbuntong-hininga. Oo,
panay ang habol ninyo sa sariling hininga. Bawat sandali’y pinahihirapan kayo
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 503

ng inyong pagiging Schiller. Ngayon ay sinasabi ninyong huwag makinig sa likod


ng mga pinto! Kung ganoon, e, bakit di kayo magsumbong sa pulisya at sabihin
na may ganito o ganoong nangyari sa inyo. At may lumitaw na mali sa teorya.
Kung kayo’y kumbinsido na hindi puwedeng makinig sa may pinto pero ubrang
pumatay ng matanda sa anumang oras at paraang naisin ninyo ... aba’y pumunta
na kayo agad sa Amerika! Tumakas na kayo, binata! Habang may oras pa. Matapat
kong sinasabi, kung walang pera ay bibigyan ko kayo.”
“Wala akong iniisip na ganyan!” putol ni Raskolnikov na naiinis.
“Nauunawaan ko. Isa pa’y huwag na ninyong pahirapan ang inyong sarili.
Kung gusto ninyo’y huwag na kayong gaanong magsalita. Alam ko kung anong
katanungan ang nasa isipan ninyo, moral ba? Mga tanong ng isang mamamayan
at tao? Isantabi ninyo muna ang mga ito. Makatutulong ba sila ngayon? He-he-he.
At para saan ba ang pagiging mamamayan at tao? Iyon lang ba ang dahilan kung
bakit kayo pumasok sa ganyang gusot? Hindi dapat na pinasok ang di-kayang
lusutan. Magbaril na lang kayo ng sarili o ayaw ninyo?”
“Parang gusto ninyo talaga akong mainis para iwan kayo ...”
“Ano ba kayo? Heto na tayo. Magtuloy na kayo. Hayun, nakikita ba
ninyo ang pinto nina Sofia Simyonovna? Tingnan ninyo, walang tao! Hindi kayo
naniniwala? Itanong ninyo sa mga Kapernaumov. Iniiwan niya sa kanila ang susi.
Hayun pala si Gng. Kapernaumov! Mahina ang kaniyang pandinig.”
“O, ano? Umalis ba? Saan?” bumaling kay Raskolnikov, “O, siguro ay
narinig ninyo. Wala pa siya. Siguro’y gagabihin na iyon. Ngayon, tara sa akin. Di
ba’t gusto rin ninyong tumuloy sa aking tirahan? Heto na ang aking lugar. Wala sa
bahay si Gng. Resslich. Laging may pinagkakaabalahan ang babaeng iyon ngunit
mabuti siyang babae, sinasabi ko sa inyo ... Baka nga makatulong pa siya sa inyo
kung magiging mas makatuwiran lang kayo. O, hayan, nakikita ninyo ang pagkuha
ko ng limang porsiyentong bond (marami pang natitira). Ipagpapalit ko ito sa cash
ngayon. Ano, nakita na ninyo? Wala akong dapat sayanging panahon. Isasara ko
na ito at ang paupahan. Heto na uli tayo sa hagdan. Gusto ba ninyong kumuha ng
kalesa? Papunta ako sa isla. Heto na, sasakay ako sa kalesang papunta sa Elagin.
Ano, ayaw ninyo? Hindi kayo nakatagal? Tara na, sakay tayo sandali. Hmm, parang
uulan. Di bale, ibaba lang natin ang trapal.”
Umupo na si Svidrigailov sa kalesa. Napag-isip ni Raskolnikov na ang
mga pagdududa niya kay Svidrigailov sa ngayon ay di-makatuwiran. Walang-
sagot-sagot na lumiko ito pabalik sa palengke. Kung lumingon lang siya habang
504 FEODOR DOSTOYEVSKY

nasa daan ay nakita sana niyang hindi pa nakaiisang daang dipa ang layo ay
nagbayad na si Svidrigailov, bumaba mula sa kalesa, at naglakad. Hindi na niya ito
makikita pa dahil nasa kanto na siya. Matinding pagkainis ang nagpaalis sa kaniya
palayo kay Svidrigailov.
“Biruin mong naghintay akong baka may mapulot sa magaspang na
buhong na iyon, na mahilig sa laman at walang-hiya!” naisigaw niya.
Ang totoo’y nabigkas ni Raskolnikov ang hatol na iyon nang di-gaanong
napag-iisipan at may pagmamadali. Sa katunayan, si Svidrigailov ay mahihinuhang
may pagka-orihinal, kung hindi man misteryoso. Tungkol naman sa kapatid
ay mananatili sa paniniwala si Raskolnikov na di ito tatantanan at bibigyan ng
katahimikan ni Svidrigailov. Ngunit ngayo’y masyado nang naging mabigat at di
niya makayanan pang pag-isipan ito.
Tulad ng nakasanayan, kapag nag-iisa na, di pa man nakadadalawang
hakbang ay nahulog na siya sa malalim na pag-iisip. Pagdating sa tulay ay huminto
siya sa may harang at dumungaw sa tubig. Sa oras na ito’y nasa itaas lang ng tulay
si Avdotia Romanovna.
Pagdating sa tulay ay makasasalubong sana niya ang kapatid ngunit
lumampas si Raskolnikov nang hindi siya nakikita. Kailanman ay hindi pa nakita
ni Dunya ang kapatid sa ganoong anyo at ito’y labis na nagtaka, pagtatakang
halos may halong takot na rin. Huminto siya at di-malaman kung tatawagin ito
o hindi nang mapuna niya ang paparating at nagmamadaling si Svidrigailov mula
sa palengke.
Ngunit mukhang may pinagtataguan at maingat si Svidrigailov.
Pagdating sa tulay ay sa gilid lang ito at ingat na ingat upang di-mapuna ni
Raskolnikov. Nakita niya si Dunya at kanina pa sinesenyasan. Pakiramdam ni
Dunya ay sinesenyasan siyang lumapit, huwag tawagin ang kapatid, at huwag
itong gambalain.
Ganoon nga ang ginawa ni Dunya. Tahimik na pinalampas na lang ang
kapatid at lumapit kay Svidrigailov.
“Halika, bilis,” bulong ni Svidrigailov, “Ayaw ko sanang malaman
ni Rodion Romanovich ang ukol sa ating pagkikita. Ipinaaalam ko sa inyo na
magkasama kami kanina sa restawran, sa malapit kung saan niya ako natagpuan,
at nahirapan pa akong humiwalay sa kaniya. Alam niya ang tungkol sa sulat ko
sa inyo at naghihinala. Siyempre, hindi kayo ang nagpabatid sa kaniya. Pero kung
hindi ay sino?”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 505

“Lumiko na tayo sa kanto,” putol ni Dunya, “Ngayon ay di na tayo


makikita ng aking kapatid. At hanggang dito na lang ako. Sabihin na ninyo rito
ang lahat sa akin. Lahat naman ng iyan ay puwedeng sabihin dito sa kalsada.”
“Una, ito ay talagang di-puwedeng sabihin sa kalsada. Pangalawa,
kailangan din ninyong marinig si Sofia Simyonovna. Pangatlo’y may ipakikita ako
sa inyong ilang dokumento ... Ngunit kung hindi talaga kayo papayag na sumama
sa akin ay tumatalikod na rin ako sa lahat ng paglalahad at ngayon din ay aalis na
ako. Pakiusap lang na huwag kalilimutang nasa aking mga kamay ang natatanging
lihim ng inyong pinakamamahal na kapatid.”
Nagdadalawang-isip na napatigil si Dunya at matalim na tumingin kay
Svidrigailov.
“Anong ikinatatakot ninyo?” sabi naman nitong malumanay, “Ang
lungsod ay di probinsya. E, kung sa probinsya ay mas malaking pinsala ang nagawa
ninyo sa akin, dito pa kaya ...”
“Alam na ba ni Sofia Simyonovna?”
“Hindi. Wala akong anumang sinabi sa kaniya, ni hindi ako nakatitiyak
kung siya’y nasa bahay. Malamang na nasa bahay. Kalilibing lang ngayon ng
kaniyang malapit na kamag-anak. Hindi ito ang araw upang mamasyal. Sa ngayon
ay ayaw ko pang sabihin kahit kanino. Sa katunayan, may kaunti rin akong pagsisisi
kung bakit ko iyon naikuwento sa inyo. Kaunting pagkakamali ay katumbas na
ng pag-ulat. Heto na ang bahay ko. Dito ako nakatira. Papalapit na tayo. Hayun
ang bantay sa bahay. Kilalang-kilala niya ako. Binati na tayo. Nakita niya na may
kasama akong babae at tiyak na namukhaan kayo. At iyon ay mabuti para sa inyo
kung kayo’y natatakot at naghihinala ng masama sa akin. Ipagpaumanhin sana
ninyo kung ganyan kaderetsa ang pagkakasabi ko. Nangungupahan lang ako.
Lahat ng nasa palapag ay nangungupahan. Kaya’t wala kayong dapat ikatakot na
parang bata. O, talaga bang nakatatakot ako?”
Ngumiwi si Svidrigailov at ngumiti na parang nagpapakumbaba. Ang
totoo’y halos di na siya makangiti. Kumakabog ang kaniyang dibdib at bumibilis
ang paghinga. Sinadya niyang magsalita nang malakas upang itago ang lumalakas
ding pangamba. Ngunit di na napansin ni Dunya ang pangambang iyon. Nainis
siya sa puna nito na takot siyang parang bata, na para sa kaniya’y nakatatakot ito.
“Kahit alam kong kayo’y isang taong walang ... walang-dangal ay di ko
kayo kinatatakutan. Sige, mauna kayo,” sabi nitong kalmado ngunit namumutla.
Huminto si Svidrigailov sa tapat ng tirahan ni Sonya.
506 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Titingnan ko lang kung nasa bahay. Wala pa. Malas! Ngunit darating
na iyon, alam ko. Kung lumabas iyon ay upang magtungo lang sa isang ginang
para ayusin ang tungkol sa mga naulilang bata. Namatay ang kanilang ina. Agad
ko nga silang hinarap at inasikaso. Kung sa loob ng sampung minuto ay di pa
siya bumabalik ay siya na mismo ang papupuntahin ko sa inyo, kung gusto ninyo
ay sa araw ring ito. Heto na ang tirahan ko. Heto ang aking dalawang kuwarto.
Nasa likod ang may-ari, si Gng. Resslich. Ngayon ay tingnan ninyo ang aking
mahahalagang dokumento na nasa silid-tulugan. Ang katabi ng silid ko’y dalawang
kuwartong walang-nakatira at pinauupahan. Heto na ... tingnan ninyong mabuti
ang mga ito.”
Inupahan ni Svidrigailov ang dalawang malaking kuwartong may mga
kagamitan. May pagdududang pinag-aralan ni Dunya ang lugar ngunit wala
namang napupunang kakaiba sa pagkakaayos. Bagama’t mapupuna na ang tirahan
ni Svidrigailov ay nakapagitna sa dalawang butas na di-halos natitirhan. Sa may
pinto, pagpasok sa mismong koridor, ay may madaraanan pang dalawang basyong
kuwarto ng may-ari. Sa silid-tulugan ay itinulak ni Svidrigailov ang isa pang
sinususiang pinto at ipinakita kay Dunya ang isang walang-lamang paupahan.
Huminto si Dunya sa may pinto at di-maintindihan kung ano ang ipinakikita sa
kaniya. Nagpaliwanag si Svidrigailov.
“Tingnan ninyo ang pangalawang malaking kuwartong ito. Nakikita ba
ninyo ang pintong ito na nakasusi? Sa tabi ng pinto ay may isang upuan. Isang
upuan lamang para sa dalawang kuwarto. Ito ay dinala ko mula sa aking paupahan
upang makapakinig nang maayos. Sa likod ng pintong ito ay naroon ang upuan ni
Sofia Simyonovna. Doon siya nakaupo at nakikipag-usap kay Rodion Romanovich.
Ako naman ay narito, nakikinig, at nakaupo sa dalawang magkasunod na gabi,
mga dalawang oras. Siyempre, may malalaman ka, di ba?”
“Nakinig kayo?”
“Oo, nakinig ako. Halikayo, wala tayong mauupuan dito.”
Dinala nito si Avdotia Romanovna pabalik sa unang kuwarto na pinaka-
sala na rin at pinaupo. Siya nama’y umupo sa kabila ng mesa na ilang dipa
rin ang haba. Kumikislap ang mata nito na siyang ikinatakot ni Dunya noon.
Napakislot siya at tumingin-tingin sa paligid, di-sinasadya ang ikinilos niyang
iyon. Ayaw niyang magpakita ng di-pagtitiwala. Ngunit kinakabahan na rin siya
sa nakahiwalay na kalagayan ng tirahan ni Svidrigailov. Nais niyang itanong kung
nasa bahay ang may-ari ngunit di na itinanong dala ng pagpigil sa sarili. Isa pa’y
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 507

mas nababagabag siya nang labis, higit kaysa takot para sa sarili. Halos di niya
matagalan ang bigat ng dibdib.
“Heto ang inyong sulat,” simula niya at inilapag ang sulat sa mesa, “Bakit
kayo nakasusulat nang ganito? Nagpahihiwatig kayo na parang gumawa ng krimen
ang aking kapatid. Napakalinaw ng inyong pagtukoy at di na kayo makapagkakaila
ngayon. Para malaman ninyo ay narinig ko na ang walang-kawawaang kuwentong
iyan bago pa kayo. At wala akong anumang pinaniniwalaan ni isang salita. Iyan
ay napakasama at nakatatawang paratang. Alam ko ang istorya at kung papaano
itong lumitaw at inimbento. Hindi maaaring wala kayong kahit anong katibayan.
Nangako kayong may patutunayan. Magsalita kayo! Ngunit alamin na ninyo agad
na hindi ko kayo pinaniniwalaan! Hindi ako naniniwala!” mabilis ang pananalita
ni Dunya, nagmamadali, at sa iglap ay namula ang kaniyang mukha.
“Kung hindi kayo naniniwala ay posible ba na maglakas-loob kayong
pumunta rito nang nag-iisa? Bakit kayo pumarito? Kuryosidad lamang?”
“Huwag ninyo akong pahirapan. Magsalita na kayo!”
“Wala talagang dapat pang sabihin. Kayo’y isang matapang na dalaga.
Akala ko’y magpapasama kayo kay Ginoong Razumikhin dito. Ngunit di ninyo
siya kasama, wala siya kahit saan. Sa tingin ko’y katapangan talaga. Ibig sabihin
ay nais ninyong bigyan ng pagkakataon si Rodion Romanovich. Tunay kayong
kahanga-hanga! Tungkol naman sa inyong kapatid, ang masasabi ko’y nakita na
ninyo.”
“Iyon lang ba ang inyong batayan?”
“Hindi. Hindi iyon, kundi mga salita niya mismo. Dalawang magkasunod
na gabi siyang pumarito kay Sofia Simyonovna. Ipinakita ko sa inyo kung saan
sila nakaupo. Ipinagtapat niya ang lahat sa kaniya na siya ang pumatay. Pinatay
niya ang matandang tumatanggap ng sangla. Ako man ay nagsangla sa kaniya.
Pinatay rin niya ang kaniyang kapatid na tindera, na nagngangalang Lizaveta,
nang di-sinasadyang pumasok ito sa oras ng pagpatay. Pinatay niya ang dalawa
sa pamamagitan ng palakol na dala-dala niya. Pinatay niya upang magnakaw at
ninakawan nga. Kinuha ang pera at ilang mga bagay. Siya mismo ang naglahad
ng lahat, bawat salita, kay Sofia Simyonovna, na tanging nakaaalam ng lihim
ngunit walang-kinalaman sa pagpatay, sa salita man o sa gawa. Sa halip nga ay
gimbal na gimbal na gaya ninyo ngayon. Huwag kayong mag-alala, di niya ito
maipagkakanulo.”
“Hindi maaaring mangyari iyan!” bulong ni Dunya na maputla ang
508 FEODOR DOSTOYEVSKY

halos walang-buhay na labing halos di-humihinga, “Imposible. Wala ni anumang


dahilan para gawin niya ang gayon. Kasinungalingan, kasinungalingan!”
“Ninakawan niya. Iyan ang lahat ng dahilan. Kinuha niya ang pera at
ilang mga bagay. Oo nga’t sa sarili niyang pagtatapat ay di niya ginamit ang pera
o mga bagay na nakuha. Itinago lang niya sa ilalim ng bato na magpahanggang
ngayon ay naroroon pa rin. Dahil hindi siya naglakas-loob na gamitin ito.”
“Bakit? Posible ba siyang makapagnakaw? Paano niyang maiisip ang
gayon?” sigaw ni Dunya sabay tayo sa pagkakaupo, “Kilala ninyo siya, nakita ninyo,
di ba? Maaari ba siyang maging magnanakaw?”
Halos nagsusumamo siya kay Svidrigailov at nalimutan ang lahat niyang
pangamba.
“Avdotia Romanovna, napakaraming bagay, kombinasyon at mga sanhi.
Ang magnanakaw ay nagnanakaw at alam niyang siya’y gumagawa ng kawalang-
hiyaan. Pero may narinig ako ukol sa isang mabuting tao na ninakawan ang Post
Office. Sino ang nakaaalam? Baka sa isip niya’y gumawa pa siya ng kabutihan!
Natural, ako man ay hindi maniniwala kung nalaman ko lang mula sa ibang tao.
Ngunit paniniwalaan ko kung ako mismo ang nakarinig. Ipinaliwanag niya rin ang
dahilan kay Sofia Simyonovna, na di naman makapaniwala sa mismong naririnig,
kahit nakikita na ng sariling mga mata at siya na mismo ang nagsasalaysay sa
kaniya.”
“Ano nga ba ang dahilan?”
“Mahabang usapin, Avdotia Romanovna. Paano ko ba ihahayag sa inyo?
Para itong isang teorya. Ang usapin ay nakikita sa ganito. Halimbawa, ang isang
masamang gawain ay maaaring pahintulutan kung may mabuting layunin. Isang
kasamaan kapalit ay isang daang kabutihan! Ngunit nakalulungkot din para sa
isang kabataang marangal at may pagmamahal sa sarili na malamang sa tatlong
libong rublo lamang ay magbabago na ang buong kinabukasan, karir, at mga
pangarap niya sa buhay. At wala rin ang tatlong libong ito. Dagdag pa ang hirap na
dala ng gutom, makipot na tirahan, mga basahan, at ang malinaw na pagkaunawa
sa magandang kalagayang panlipunan. Kasabay nito ay ang kalagayan ng kapatid
at ina. Higit sa lahat, ang kawalang-saysay ng lahat, pagmamalaki, at kawalang-
kabuluhan. Diyos lang ang nakaaalam. Baka nga may magaganda siyang katangian
... ngunit di ko siya sinisisi. Huwag sana ninyong akalain iyon. Wala akong
kinalaman doon. Mayroon ding ganitong teorya kung saan nahahati ang mga tao.
May mga karaniwan at natatanging tao. Ibig sabihin, may mga taong dahil sa
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 509

mataas na kalagayan ay di-nasasakop ng batas. Sa halip, sila ang lumilikha ng


batas para sa lahat ng tao, sa mga karaniwan. Ganoon lang, isang teorya: une théorie
comme une autre47. Hangang-hanga siya kay Napoleon. Pinagtuunan niya ng pansin
ang bagay na maraming natatangi, magagaling na tao, henyo, ang di-umalintana sa
ilang masamang gawain, at nilampasan ang mga ito nang di-nagdadalawang-isip.
Marahil ay inakala niyang siya’y isa sa magagaling na taong ito. Ilang panahon
niya itong pinaniwalaan. Nagdusa siya at ngayo’y nagdurusa sa kaisipang nagawa
niyang lumikha ng teorya ngunit di niya magawa at malampasan ang balakid nang
di-nagdadalawang-isip. Lumilitaw na hindi siya henyo. At para sa isang kabataang
mataas ang tingin sa sarili, ito’y nakahihiya, lalo na sa ating panahon …”
“Paano ang budhi? Iniaalis ba ninyo ang lahat ng moralidad at damdamin?
Ganoon ba siya?”
“O, Avdotia Romanovna, ngayon ay lumabo na ang lahat. Hindi pa
naman talaga naisasaayos ang usaping ito. Sa kabuuan, ang mga Ruso ay taong
malalawak ang pananaw. Malawak na gaya ng kanilang lupa at labis na may
pagkahilig sa pantasya at kawalang-kaayusan. Mahirap ang maging malawak at
wala namang natatanging galing. Natatandaan ba ninyo, marami tayong napag-
usapang dalawa ukol sa bagay na ito? Kung gabi’y nakaupo tayo sa balkon,
pagkatapos ng hapunan? Kayo mismo’y nagagalit sa akin ukol sa kalawakang ito.
Sino ang makapagsasabi? Baka habang nag-uusap tayo ay pinaplano naman niya
rito ang gagawin habang nakahiga. Sa ating aral na lipunan ay walang-sagradong
tipan. Mayroon, marahil, kukuha ng mga batayan mula sa aklat o kaya’y mula sa
mga kasulatan. Pero iyon ay mga dalubhasa at alam na ninyo ang aking opinyon.
Talagang wala akong sinisising sinuman. Ako mismo ay marumi at nananatiling
ganoon. Hindi miminsang pinag-usapan na natin iyon. At ako’y natutuwa na
kahit papaano’y naganyak ko kayo ng aking mga pananaw ... Napakaputla ninyo,
Avdotia Romanovna.”
“Alam ko ang teorya niyang ito. Nabasa ko ang kaniyang sanaysay sa
isang dyornal tungkol sa mga taong pinahihintulutang gawin ang anuman ...
Dinala sa akin ni Razumikhin ...”
“Si G. Razumikhin? May isinulat ang inyong kapatid sa dyornal? Hindi
ko alam na may ganoong sanaysay. Marahil ay kasiya-siya! Saan kayo pupunta,
Avdotia Romanovna?”

47 Sa Pranses, ito ay nangangahulugang ang isang teorya ay katulad lang ng isa pa.
510 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Kailangang makita ko si Sofia Simyonovna,” mahinang sabi ni Dunya,


“Saan ba rito ang tirahan niya? Baka sakaling dumating na siya. Kailangang makita
ko siya ngayon. Hayaang siya ang ...”
Hindi naipagpatuloy ni Avdotia Romanovna ang sasabihin at halos
panawan ito ng hininga.
“Hindi pa babalik hanggang mamayang gabi si Sofia Simyonovna. Sa
palagay ko, dapat kanina pa, kundi ay gabing-gabi na …”
“A, nagsisinungaling ka! Alam ko ... nagsisinungaling ka ... puro
kasinungalingan. Hindi ako naniniwala sa iyo! Hindi! Hindi!” sigaw ni Dunya na
halos mawala sa sarili sa labis na galit.
Halos mawalan ng ulirat at bumagsak siya sa upuang mabilis na inilagay
ni Svidrigailov.
“Avdotia Romanovna, anong nangyayari sa inyo? Huminahon kayo.
Uminom kayo.”
Winisikan niya ito ng tubig. Napakislot si Dunya at nahimasmasan.
“Malakas ang epekto!” bulong sa sarili ni Svidrigailov na napakunot-noo,
“Huminahon kayo, Avdotia Romanovna. May mga kaibigan siya. Tutulungan
natin siya at aalalayan. Kung gusto ninyo’y dadalhin ko siya sa ibang bansa.
Mayroon akong pera, sa loob ng tatlong araw ay makakakuha ako ng tiket. Ang
pagkakapatay naman niya ay mapapalitan ng maraming kabutihan. Kaya ang lahat
ay maaayos. Huminahon kayo. Maaari pa siyang maging dakilang tao. Kumusta na
kayo? Ano na ang inyong pakiramdam?”
“Masama kayong tao! Nagagawa pa ninyong mangutya. Bitiwan ninyo
ako!”
“Saan kayo pupunta? Saan?”
“Sa kaniya, nasaan ba siya? Alam ba ninyo? Bakit nakasusi ang pinto?
Dito tayo pumasok sa pintong ito. Bakit ngayo’y nakasusi na? Kailan ninyo ito
isinusi?”
“Hindi puwedeng ipagsigawan sa lahat ang mga pinag-usapan natin dito.
At hindi ako nangungutya. Sawa na akong magsalita nang ganito. Pero saan kayo
pupunta sa ganyang ayos? Gusto ba ninyo siyang ipagkanulo? Guguluhin lang
ninyo nang labis ang kaniyang loob at kusa na niyang ipagkakanulo ang sarili
pag nagkataon. Alam ba ninyong siya’y sinusubaybayan na? Sa gagawin ninyo’y
ipahahamak lang ninyo siya. Maghintay lang kayo. Nakausap ko siya kanina
lamang at puwede pa siyang iligtas. Maghintay lang kayo, maupo, at pag-usapan
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 511

natin. Kaya ko kayo tinawagan ay upang mapag-usapan at mapag-isipan natin


itong mabuti. Maupo muna kayo.”
“Papaano ninyo siya maililigtas? Maaari pa ba siyang iligtas?”
Naupo si Dunya. Umupo rin si Svidrigailov sa kaniyang tabi.
“Lahat ay nakasalalay sa inyo, sa inyo, at sa inyo lamang,” halos pabulong
at kumikislap ang mga matang sagot nito, paputol-putol, at di-tinapos ang ilang
salita dahil sa pangamba.
Sa gulat ay umigtad si Dunya papalayo. Siya man ay nanginginig.
“Kayo ... isang salita lang ninyo at siya’y ligtas na. Ako ... ako ang
magliligtas sa kaniya. May mga pera ako at mga kaibigan. Ngayon din ay ilalayo
ko siya. Ako mismo ang kukuha ng pasaporte. Isa sa kaniya at isa sa akin. May
mga kaibigan ako ... mga kaibigang alam ang gagawin. Kung gusto ninyo ay
ikukuha ko rin kayo ng pasaporte ... at para rin sa inyong ina. Kung gaano niya
pinahahalagahan si Raskolnikov ay ganoon ko rin kayo kamahal ... Iniibig ko kayo
nang walang-hanggan. Hayaan ninyong mahagkan ko kahit laylayan ng inyong
damit! Ipahintulot ninyo! Hindi ko na matagalan pang marinig ang likha niyang
kaluskos. Sabihin ninyo kung ano ang gagawin ko at ito’y tutuparin ko! Gagawin
ko ang lahat. Gagawin ko ang imposible. Kung ano ang inyong pinaniniwalaan ay
siya ko ring paniniwalaan. Lahat, lahat ay aking gagawin! Huwag, huwag ninyo
akong tingnan nang ganyan. Alam ba ninyong pinapatay ninyo ako ...”
Halos wala ito sa sarili. Parang may biglang nangyari sa kaniya at hilong
tinamaan sa ulo. Umigtad si Dunya at humangos sa pinto.
“Buksan ninyo ito! Buksan ninyo!” sigaw niya sa pinto na nagpapasaklolo
kahit kanino habang niyuyugyog ito, “Buksan ninyo ito! Wala bang kahit sino
riyan?!”
Tumayo si Svidrigailov na natauhan. Galit at mapang-uyam ang ngiting
unti-unting sumungaw sa nanginginig pa nitong labi.
“Wa-lang-ta-o ri-yan,” mabilis at mahina nitong sabing paputol-putol,
“Umalis ang may-ari at sayang lang ang inyong pagsigaw. Lalo lang ninyong
pinangangamba ang sarili.”
“Nasaan ang susi? Buksan mo ngayon din ang pintong ito, walang-hiya
ka!”
“Naiwala ko ang susi at di na makita pa.”
“Ano? May masama kang balak!” sigaw ni Dunya na putlang-putla at
mistulang bangkay. Tumakbo siya sa sulok at agad na nagkubli sa likod ng upuang
512 FEODOR DOSTOYEVSKY

nasa tabi. Hindi na siya sumisigaw ngunit titig na titig ito sa kaniyang berdugo
at matamang minamanmanan ang bawat galaw nito. Hindi na rin gumagalaw
sa kinalalagyan si Svidrigailov at nakatayo lang sa kabilang dulo ng kuwartong
kaharap niya. Sa tingin ay parang kontrolado pa nito ang sarili, maputla pa rin ang
mukhang gaya kanina. Hindi pa rin nawawala ang mapang-uyam na ngiti.
“Sinabi ninyong masamang balak, Avdotia Romanovna. Kung kasamaan
ay kayo na mismo ang makakakita na ito’y pinaghandaan ko. Wala sa bahay si Sofia
Simyonovna. Mula sa mga Kapernaumov ay napakalayo, limang saradong kuwarto.
Isa pa’y doble ang lakas ko sa inyo. Ngunit maliban pa riyan ay wala kayong dapat
ikatakot sa akin. Pagkatapos nito ay wala kayong anumang pagsisisihan. Hindi
siguro ninyo gugustuhing ipagkanulo ang inyong kapatid? At walang maniniwala
sa inyo. Bakit naman pupuntahang mag-isa ng isang dalaga ang ulilang lalaki sa
kaniyang tirahan? Kaya’t kahit pa isakripisyo ninyo ang inyong kapatid ay wala
pa rin kayong mapatutunayan. Mahirap patunayan na pinilit ko kayo, Avdotia
Romanovna.”
“Walang-hiya!” galit na bulong ni Dunya.
“Kayo ang bahala, ngunit punahin ninyo na ang sinasabi ko’y ilan lang sa
maaaring mangyari. Sa ganang-akin ay tumpak ang inyong tinuran: sapilitan at
kawalang-hiyaan. Sinabi ko ito upang walang anumang maging pabigat sa inyong
konsiyensya kung sakaling ... kung sakali mang ipasya ninyo na kusang-loob na
iligtas ang inyong kapatid, gaya ng aking mungkahi. Nangangahulugan lamang
na tumupad kayo sa hinihingi ng kalagayan o kaya’y napilitan lamang kung di-
maiiwasang banggitin ang bagay na ito. Pag-isipan ninyo. Nasa inyong mga kamay
ang kapalaran ng inyong kapatid at ina. Ako nama’y magiging alipin ninyo ...
habambuhay ... Nandito lang ako at naghihintay ...”
Umupo si Svidrigailov sa sofa, mga walong hakbang mula kay Dunya, na
wala nang anumang duda sa determinasyon ng kaharap. Isa pa’y kilala na niya ito.
Bigla’y binunot ni Dunya ang rebolber sa kaniyang bulsa, ikinasa, at
ipinatong ang kamay na hawak ang rebolber sa upuan. Napatayo sa kinaroroonan
si Svidrigailov.
“Aha! Ganoon, ha!” gulat nitong sigaw ngunit may galit man ay tumawa
rin, “Babaguhin niyan nang lubos ang ating usapan! Lalo ninyong pinadali ang
lahat para sa akin, Avdotia Romanovna! Saan ninyo nakuha ang baril na iyan?
Huwag ninyong sabihin na si G. Razumikhin? Teka, sa akin ang baril na iyan.
Hindi rin nasayang ang ating mga pag-aaral sa paggamit ng baril noon sa baryo!
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 513

Karangalan ko na kayo’y naturuan.”


“Hindi mo baril, kundi ni Martha Petrovna, na iyong pinatay! Ulupong!
Wala kang anumang pag-aari sa pamamahay niya. Kinuha ko ito nang mahinuha
ko na ang maaari mong gawin. Huwag kang maglakas-loob na humakbang kahit
isa lang at isinusumpa kong papatayin kita!”
Kinakabahan si Dunya. Hawak niya ang kasadong rebolber.
“Paano ang inyong kapatid? Gusto ko lang malaman,” tanong ni
Svidrigailov na nakatayo pa rin sa kinaroroonan.
“Mag-ulat ka kung gusto mo! Huwag kang gagalaw! Huwag kang
lalapit! Babarilin kita! Nilason mo ang iyong asawa! Alam kong ikaw ang pumatay
sa kaniya!”
“A, sigurado ba kayong nilason ko si Martha Petrovna?”
“Ikaw! Ikaw mismo ang nagpahiwatig sa akin. May binanggit ka sa akin
tungkol sa lason ... Alam ko na kumuha ka nito ... inihanda mo ... Ikaw ... ikaw na
nga, walang-hiya!”
“Kung totoo man ang gayon, ito ay dahil sa iyo ... Ikaw pa rin kung
ganoon ang dahilan ...”
“Sinungaling! Kinamumuhian kita ... noon pa man ...”
“O, Avdotia Romanovna, mukhang nalimutan na ninyo kung papaanong
sa kainitan ng propaganda ay napalapit at lumambot kayo sa akin ... Nakita ko sa
inyong mga mata. Natatandaan pa ba ninyo ang mga gabi sa ilalim ng liwanag ng
buwan at huni ng mga ibong panggabi?”
“Sinungaling!” kumikislap sa galit ang mga mata ni Dunya, “Sinungaling,
mapanirang-puri!”
“Nagsisinungaling ako? Sige, sinungaling na ako. Nagsinungaling ako.
Hindi dapat ipaalala sa mga babae ang gayong mga bagay. Alam kong babaril ka,
maamong hayop. Sige, iputok mo!”
Itinaas niya ang rebolber, putlang-putla ang kaniyang nanginginig na
pang-ibabang labi, nag-aapoy ang kaniyang mga bilog at itim na matang nakatitig
sa kaniya, desidido, sinusukat, at hinihintay ang unang kilos ni Svidrigailov.
Kailanman ay di pa nito nakitang ganoon kaganda si Dunya. Ang
apoy na kumikislap sa mga mata nito nang kaniyang iangat ang baril ay tila
sumunog sa lalaki at may pait na sumakmal sa kaniyang puso. Humakbang siya at
umalingawngaw ang putok. Ang bala ay humaging sa kaniyang buhok at tumama
sa dingding sa likod. Tumigil siya at mahinang humalakhak.
514 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Nangagat ang putakti! Ulo agad ang putirya ... Teka, ano ito, dugo!”
Kinuha nito ang panyo upang punasan ang dugo. May kaunting agos ng dugo
sa kanang sentido. Marahil ay bahagyang nagalusan ang balat sa ulo. Ibinaba ni
Dunya ang rebolber at nakatitig kay Svidrigailov, hindi dahil sa takot, kundi dahil
sa hindi pa rin makapaniwala na magagawa niya ang gayon at nangyayari na nga!
“O, paano? Mintis! Bumaril pa kayo at ako’y naghihintay,” mahinang sabi
ni Svidrigailov na tumatawa pa rin kahit parang may lungkot. “Kung ganyan ay
aabutan ko na kayo bago pa man ninyo maikasa ang baril!”
Umigtad si Dunya, mabilis na ikinasa ang baril, at muling itinutok.
“Umalis kayo!” desperado niyang sabi, “Muli ko kayong babarilin, sinasabi
ko ... papatayin ko kayo!”
“Ano pa nga ba? Tatlong hakbang na lang at di-maaaring di ninyo ako
mapatay. Kung di ninyo mapapatay ay ...” Kumislap ang mga mata ni Svidrigailov
at humakbang pa ito nang dalawa.
Kinalabit ni Dunya ang gatilyo. Di ito pumutok!
“Hindi tama ang pagkarga ninyo. Di bale, may bala pa kayo riyan. Ayusin
lang ninyo at maghihintay ako.”
Nakatayo lang siya sa kaniyang harapan, dalawang hakbang lang ang layo,
naghihintay at nakatingin sa kaniyang puno ng determinasyon, at nag-aalab ang
kaniyang mabibigat na sulyap. Napagtanto ni Dunya na mas pipiliin pa nito ang
mamatay kaysa pakawalan siya. Tiyak na mapapatay niya ito sa lapit na dalawang
hakbang.
Nang bigla’y itinapon nito ang rebolber.
“Itinapon mo!” gulat na sabi ni Svidrigailov na biglang nabuhayan ng
loob. May agad na naalis sa kaniyang puso, na marahil ay di lamang ang bigat ng
pagkatakot sa kamatayan, bagay na di na niya marahil naramdaman sa sandaling
iyon. Ito ay ang pagkaalis ng mas masakit at mas mabigat na damdamin na kung
tutuusin ay di rin niya maipaliliwanag nang mag-isa.
Lumapit siya kay Dunya at marahang yumakap sa may baywang nito.
Hindi siya pumalag ngunit mistulang dahon na nanginginig at nakatingin na
nagmamakaawa ang mga mata. May nais sanang sabihin si Svidrigailov ngunit
kumibot lamang ang mga labi at di-nakapagsalita.
“Bitiwan mo ako!” pakiusap ni Dunya.
Napakislot si Svidrigailov, “Hindi ka na yata ganyan kani-kanina lamang.”
“Talaga bang hindi mo ako gusto?” mahinang tanong nito.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 515

Umiiling si Dunya.
“At ... di mo magagawa? ... Kahit kailan?” bulong niyang walang-pag-asa.
Isang sandali ng matindi at piping pakikibaka sa sarili ang naganap sa
kalooban ni Svidrigailov. Tinitigan nito si Dunya, titig na di-maipaliwanag ang
kahulugan. Bigla’y inalis nito ang mga kamay sa pagkakayakap, tumalikod, at
mabilis na tumungo sa may bintana at tumayo roon.
Lumipas pa ang ilang saglit.
“Heto ang susi!” Kinuha niya ito mula sa kaliwang bulsa ng kaniyang
amerikana at ipinatong sa may pinto sa likuran nang di-tumitingin at lumilingon
kay Dunya. “Kunin ninyo at umalis na kayo agad!”
Matiim itong nakatitig sa bintana.
Lumapit si Dunya sa mesa at kinuha ang susi.
“Bilisan mo! Bilisan mo!” ulit ni Svidrigailov na di pa rin kumikilos at
lumilingon. Sa salitang “bilisan mo” ay may nakatatakot na himig.
Naunawaan ito ni Dunya. Pagkadampot sa susi ay mabilis siyang
nagtungo sa pinto, agad binuksan, at tumalilis na mula sa kuwarto.
Makalipas ang isang sandali’y halos wala sa sariling tumatakbo na ito sa
gilid ng kanal patungo sa tulay.
Si Svidrigailov nama’y tumayo pa nang mga tatlong minuto sa may
bintana. Sa wakas ay marahang bumaling, tumingin-tingin sa paligid, at walang-
imik na hinagod ng palad ang noo. Isang kakaibang ngiti ang gumuhit sa mukha,
nakaaawa, malungkot, at mahina. Ito’y ngiti ng kawalang-pag-asa. Nabahiran ang
kaniyang palad ng halos tuyo nang dugo. May galit na tiningnan nito ang dugo
at pagkatapos ay binasa ang bimpo at nagpunas. Nang matamaan ng tingin ang
rebolber na itinapon ni Dunya sa may pinto ay pinulot niya ito at sinuri. Ito ay
isang maliit, pambulsa, at lumang tipo na pangtatlong putok. May dalawa pa itong
karga at isang kapsula. Puwede pa itong paputukin. Nag-isip siya, ibinulsa ang
baril, kinuha ang sumbrero, at lumabas.
VI

HANGGANG ALAS-DIYES ng gabing iyon ay palipat-lipat siya sa mga bar


at inuman. Nasumpungan din niya si Katya na muling kumanta ng awiting
pangkalsada tungkol sa isang:

“Walang-hiyang tirano,
Pinaghahagkan ako.”

Pinainom ni Svidrigailov si Katya, ang tumutugtog, ang iba pang


umaawit, at ang dalawang kawani. Nakipag-inuman siya sa dalawang kawani
dahil siguro sa parehong tabingi ang mga ilong nila. Ang ilong ng isa’y tabingi
sa kanan at ang isa nama’y sa kaliwa. Ikinamangha ito ni Svidrigailov. Sa wakas
ay naganyak nila ito na pumasok sa isang masayang hardin. Siya na ang nagbayad
para sa kanilang pagpasok. Sa hardin ay may isang payat at tatlong-taong puno ng
Pino na may tatlong sanga. Mayroon ding bar kung saan ay puwedeng uminom
ng alak at maging tsaa. May ilang mesa rin at upuang kulay berde. Ang pangit na
koro ng mga mang-aawit at isang lasing na payasong Aleman mula sa Munich na
pulang-pula ang ilong ngunit sobrang lungkot ng mukha. Sa kung anong dahilan,
ito ang nagpapasaya sa mga tao. Ang mga kawani ay nakipagtalo sa iba pang
kawani at nagsimula ang away. Pinili ni Svidrigailov ang mamagitan. Labinlimang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 517

m-nuto na nitong inaayos ang usapin ngunit di-magkarinigan sa sigawan at di-


magkaunawaan. Lumilitaw na isa sa kanila’y nagnakaw ng isang bagay at agad na
naipagbili sa nasumpungang Hudyo. Ngunit ayaw nitong partihan ang kasama sa
napagbilhan. Luminaw sa wakas na isang kutsara lamang ang ipinagbili na galing
sa bar. Pinaghahanap nga ito at muntik na talagang magkagulo. Binayaran na lang
ni Svidrigailov ang kutsara at lumabas na sa hardin. Mag-aalas-diyes na ng gabi.
Wala siyang ininom ni gapatak na alak sa mga oras na ito at puro tsaa lamang
ang inorder para lang makibagay. Ang gabi ay maalinsangan at mabigat. Sa oras
na iyon ay nagbabanta ang makapal na ulap sa kapaligiran. Dumagundong ang
kulog at bumuhos ang malakas na ulan. Hindi mga patak lamang ng tubig, kundi
parang mga agos ng sapang patungo sa lupa ang bagsak ng ulan. Bawat sandali
ay gumuguhit ang kidlat. Sa bilang na lima, nagliliwanag ang langit sa talim ng
kidlat. Basang-basa si Svidrigailov nang makarating sa bahay. Pagkasara ng pinto’y
inilabas niya ang lahat ng pera. Pumili ng dalawa o tatlong papel at pagkatapos
ay ibinulsa ang mga pera. Nais sana niyang magpalit ng damit ngunit tumingin
sa bintana, pinakinggan ang kulog at ulan, sabay wasiwas ng kamay, kinuha ang
sumbrero, at lumabas nang hindi ikinakandado ang tirahan. Nagtuloy siya kay
Sonya na nasa bahay na noon.
Hindi siya nag-iisa. Nasa paligid niya ang apat na maliliit na anak ni
Kapernaumov. Pinaiinom sila ni Sofia Simyonovna ng tsaa. Tahimik at magalang
nitong sinalubong si Svidrigailov. Nagtaka man si Sonya sa basang kasuotan ng
dumating na bisita ay hindi ito nagsabi ni isang salita. Ang mga bata nama’y agad
na nagpulasan sa di-maipaliwanag na takot. Umupo si Svidrigailov at pinakiusapan
si Sonya na maupo rin, na maamo namang sumunod at humandang makinig.
“Sofia Simyonovna, malamang na ako’y tutungo sa Amerika,” sabi ni
Svidrigailov, “At dahil sa ito na marahil ang huli nating pagkikita ay naparito ako
upang mag-iwan ng ilang habilin. Nagkita ba kayo ng ginang na sinabi ko? Alam
ko na kung ano ang sinabi niya sa inyo at di na ninyo kailangang ikuwento (kumilos
si Sonya at namula ang pisngi). Alam natin ang tipo ng mga taong iyon. Tungkol
sa mga kapatid ninyo ay mailalagay na sila sa ayos at ang perang laan sa kanila ay
ibinigay ko na sa mapagkakatiwalaang kamay at tinanggap ko na ang resibo. At
ang mga resibong ito ay itabi na ninyo para kung ano man ang mangyari. Heto,
kunin ninyo. Hayan, ayos na iyan. Heto rin ang tatlong tiglimang porsiyentong
bond na nagkakahalaga ng tatlong libong rublo. Ito ay para sa inyong pansariling-
gamit. Sana’y manatili itong lihim nating dalawa at anuman ang inyong marinig
518 FEODOR DOSTOYEVSKY

ay di ninyo ipaaalam kahit kanino. Magagamit ninyo ito, Sofia Simyonovna, dahil
ang mabuhay na gaya ng dati ay napakasama at ngayo’y wala na ring dahilan
upang gawin ulit iyon.”
“Ang dami na ninyong ginawang kabutihan sa akin, sa mga naulila, at sa
pumanaw,” gagad ni Sonya, “At kung sakali mang hanggang ngayo’y kulang ang
aking pasasalamat na ginawa ... sana’y mabutihin ninyo na ...”
“Tama na, tama na.”
“At, Arkady Ivanovich, sa mga perang ito ay labis ang aking pasasalamat
ngunit hindi ko kailangan ang mga ito. Kung ako na lang mag-isa ay mapakakain
ko na ang sarili. Sana’y huwag ninyong ituring na kawalang-pasasalamat, ngunit
kung kayo’y talagang gumagawa ng kabutihan ay mabuti pang ang mga perang ito
ay ibigay sa ...”
“Sa inyo iyan, sa inyo, Sofia Simyonovna, at pakiusap na wala nang pagtatalo
pa dahil wala na ring panahon. Kakailanganin ninyo iyan. Dalawa ang maaaring
puntahan ni Rodion Romanovich: bala sa noo o kaya’y kulungan sa Vladimirka
(gulat na gulat na tinitigan siya ni Sonya na nanginginig). Huwag kayong mag-
alala, alam ko na ang lahat mula sa kaniya mismo at hindi ako madaldal. Hindi ko
sasabihin kaninuman. Tama ang itinuro ninyo sa kaniya na sumuko at ipagtapat
ang lahat. Iyon ay higit na makabubuti sa kaniya. Kung ano ang mangyayari sa
Vladimirka ay malalaman natin. Doon siya pupunta at susundan ninyo. Hindi ba
susunod kayo sa kaniya? Ganoon, di ba? Kaya’t kakailanganin ninyo ng pera. Kung
saan gagamitin ay alam na ninyo, di ba? Sa pagbibigay ko ng perang ito sa inyo ay
para ko na rin siyang binigyan. Isa pa’y narinig ko na pinangakuan ninyong bayaran
si Amalia Ivanovna ng utang. Bakit ninyo inaako, Sofia Simyonovna, ang ganoong
resposibilidad? Si Katerina Ivanovna ang may utang sa Alemang iyon at hindi kayo.
Dapat ay huwag ninyong pansinin ang Alemang iyon. Hindi kayo magtatagal sa
daigdig kung ganyan kayo nang ganyan. At kung sakaling may magtanong sa inyo
bukas o sa susunod na mga araw tungkol sa akin ay huwag ninyong ipaaalam na
naparito ako at huwag rin ninyong sasabihin o ipakikita ang mga pera na ibinigay
ko sa inyo. Sige, ako’y magpapaalam na (tumayo na siya). Ikumusta na lang ninyo
ako kay Rodion Romanovich. Isa pa, maaari ninyong ipahawak pansamantala kay
G. Razumikhin ang pera. Kilala ninyo si G. Razumikhin? Siyempre, kilala ninyo.
Hindi siya mapagmataas. Maaari ninyo iyang dalhin sa kaniya bukas o kaya’y sa
tamang panahon. Hangga’t di dumarating iyon ay itago ninyong mabuti.”
Tumayo na rin si Sonya at takot na nakatitig sa kaniya. Mayroon siyang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 519

gustong-gustong sabihin at itanong ngunit hindi siya nagkalakas-loob, at di rin


alam kung paano iyon sisimulan.
“Paano kayo ... paano kayong aalis sa ganyang sama-ng-panahon?”
“Pupunta ng Amerika, e, matatakot sa ulan? He-he-he! Paalam na
butihing, Sofia Simyonovna. Mabuhay kayo nang mahaba at marami kayong
matutulungan. Pakisabi na rin kay G. Razumikhin na pinakukumusta ko siya.
Ipaabot ninyo nang ganoon na pinakukumusta siya ni Arkady Ivanovich
Svidrigailov. Ganoon, ha!”
Lumabas na siya at naiwan si Sonya na naguguluhan, may pangamba, at
may kung anong malabo at mabigat na pagdududa.
Luminaw pagkatapos ng gabing iyon na dumalaw rin si Svidrigailov
sa pakakasalan sa di-inaasahan at kakatwang ayos. Patuloy pa rin ang ulan.
Habang basang-basa ay pumunta siya nang alas-onse-bente ng gabi sa tirahan
ng bibiyenanin sa Isla ng Basilevsky, ikatlong linya sa Maliy Avenue. Malakas
na kumatok na nang una’y gumambala sa mga tao dahil sa si Arkady Ivanovich
naman ay mapinong kumilos kung nanaisin. Hinulaan na lamang ng matatalinong
magulang ng kasintahan na baka kung saan napadaan at lasing lamang si
Svidrigailov at wala-sa-sarili. Dinala ng ina ang panatag na ring ama sa sala
kay Arkady Ivanovich. At gaya ng nakagawian ay agad sinimulan ang usapan sa
malalayong tanong. Hindi kailanman nagtatanong ng tuwiran ang babaeng ito.
Lagi niyang sinisimulan ang pakikipagharap sa pamamagitan ng ngiti at paghaplos
sa mga kamay na tila naglilinis. Pagkatapos lang nito, kung may dapat pang alamin,
ay saka itatanong, gaya ng kung kailan gustong itakda ni Arkady Ivanovich ang
kasal. Nagsimula muna siya ng pinakakuryosong tanong ukol sa Paris at buhay
ng mga maharlika roon bago makarating sa ikatlong linya ng isla Vasilyevsky. Sa
ibang pagkakataon ay kumukuha ito ng paggalang ngunit sa pagkakataong ito’y
walang-tiyaga si Arkady Ivanovich at wala sa tiyempong hiniling na makita ang
kasintahan, bagama’t sa simula pa lang ay ipinaalam na sa kaniyang ito’y natutulog
na. Siyempre pa ay lumitaw na kailangan niyang umalis sa St. Petersburg dahil
sa isang napakahalagang usapin. Kung kaya’t dinala niya ang labinlimang libong
rublong pilak at iba’t ibang salaping papel, bilang regalo na matagal na niyang
gustong iregalo bago ang kasal. Walang-tunay na lohika ang regalo, ang madaliang
paglisan, at ang pagdating nang hatinggabi sa kabila ng malakas na ulan. Ang
mga paliwanag na ito ay di talaga tumutugma subalit maayos ang naging takbo ng
usapan. Maging ang di-maiiwasang “oho!” at “aha!” ay dahan-dahang humina at
520 FEODOR DOSTOYEVSKY

pigil na pigil din ang pagtatanong at pagkagulat. Ganoon man ay naging maalab
at maramdamin ang pagpapasalamat, na sinabayan pa ng luha ng butihing ina.
Tumayo si Arkady Ivanovich, humalakhak, hinagkan ang kasintahan, hinaplos ang
pisngi, at nangakong agad magbabalik. Napuna niya sa kaniyang mga mata na
bagama’t naroon ang kuryosidad ng isang bata ay mayroon ding pipi at seryosong
katanungan. Naisip niyang hagkan siyang muli. Kasabay nito ay nakadama siya ng
matapat na pagdaramdam nang maalalang ang perang iniregalo’y agad na itatago
sa baul ng pinakamautak na ina. Umalis siyang iniwan ang lahat na puspos ng
pangamba. Ngunit agad silang pinayapa ng maunawaing ina nang pabulong na
lumutas sa pinakamahahalagang katanungan. Si Arkady Ivanovich ay malaking
tao, may mga koneksyon, at mayaman. Diyos lang ang nakaaalam kung ano ang
nasa utak niya. Naisipang umalis at naisipan ding ibigay ang pera. Wala nang
dapat pang ipagtaka. Nakapagtataka nga lang kung bakit basang-basa pero ang
mga Ingles, halimbawa, ay mas eksentrik at wala nang sere-seremonya pa. Lahat
ay matataas ang tono at di-pansin ang sasabihin ng iba. Baka nga sinasadya pa
ang ganoong paglakad upang ipakita na wala siyang anumang kinatatakutan. Ang
mahalaga ay huwag itong ipagsabi kaninuman dahil Diyos lang ang may alam
kung ano ang kalalabasan ng lahat ng ito. Ang pera nama’y agad na ipininid sa
baul. Ang pinakamapalad sa lahat ay ang pagkakataong nasa kusina si Feodoria
sa buong panahon kaya’t wala nang dapat pang ipaalam sa huklubang si Resslich.
Nag-usap-usap ang mag-asawa hanggang alas-dos ng umaga. Samantala’y
maagang nagpahinga ang kasintahang nagulat at nalulungkot din sa nangyari.
Halos alas-dose na nang bagtasin ni Svidrigailov ang tulay patungo sa
Petersburg. Wala nang ulan ngunit umiihip pa rin ang hangin. Sandali siyang
nanlamig at may kakaibang kuryosidad at katanungang tiningnan ang maitim na
tubig ng ilog Malaya Nieva. Ngunit masyado nang lumalamig sa ibabaw ng tubig.
Tumuloy na siya’t lumiko sa Avenue. Matagal siyang naglakad sa halos walang-
katapusang Avenue, mga kalahating oras na di-iilang beses siyang sa dilim ay
natapilok sa mga kahoy na nakahambalang sa daan, ngunit patuloy pa rin siya na
parang may hinahanap sa kanang bahagi ng daan. Sa bandang dulo ng daan ay may
napansin siya nang minsang magdaan dito—isang otel na yari sa kahoy, malaki, at
sa tanda niya’y Adrionopol ang pangalan. Sa ilang na lugar ay kitang-kita iyon at
di-maaaring di-mapansin kahit nasa gitna ng dilim. Ito ay isang mahaba, yari sa
kahoy, at nangingitim na gusali. Bagama’t gabi na ay may ilaw pa at may pagkilos
sa loob. Tumuloy siya rito at humingi ng kuwarto sa gusgusing nakasalubong sa
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 521

koridor. Tumingin ito kay Svidrigailov, inayos ang sarili, at agad na dinala siya sa
malayong kuwarto, masikip, at walang-hangin, na nasa pinakadulo ng koridor, sa
sulok, sa ilalim ng hagdan. Wala nang iba, lahat ay okupado na. May pagtatanong
ang titig nito kay Svidrigailov.
“May tsaa ba?” tanong ni Svidrigailov.
“Puwede rin.”
“Ano pa ba ang meron?”
“May karne, vodka, at makakain.”
“Dalhan mo ako ng karne at tsaa.”
“Wala nang iba pang kailangan?” tanong na halos naguguluhan ang
taong gusgusin.
“Wala na, wala na!”
“Mukhang ayos ang lugar na ito,” naisip ni Svidrigailov. “Ba’t ba di
ko nalaman noon. Siguro’y mukha akong galing sa kung saang bahay-inuman
at may pinagdaanang kasayahan. A, kagaganyak malaman kung sino ang mga
nagpapalipas ng gabi rito!”
Sinindihan niya ang ilaw at sinuri ang kuwarto. Ito’y isang munting silid
na sa kaliitan at kababaan ay di-halos sintaas ni Svidrigailov. May iisang bintana.
Napakarumi ng higaan, simpleng mesa, at upuan na sakop na halos ang buong
kuwarto. Ang dingding ay parang tagpi-tagping tabla na pinatungan ng wallpaper,
na sa karumihan at dungis ay wala nang makikilalang dekorasyon, bagama’t
mahuhulaan pang ito’y kulay dilaw. Ang isang bahagi ng dingding at kisame ay
may hating pahilig, gaya ng karaniwang atik, ngunit ito’y dahil sa hagdan. Inayos
ni Svidrigailov ang kandila, naupo sa kama, at nag-iisip. Ngunit maririnig ang
kakaiba at walang-tigil na anasan, na kung minsa’y lumalakas mula sa katabing
silid. Ang anasang iyon ay di na tumigil magmula pa kaninang pagpasok niya.
Nakinig siya. May nagmumura at halos maiyak sa galit at paninisi sa isa pa. Isang
boses lang ang maririnig. Tumayo si Svidrigailov, tinakpan ng kamay ang kandila,
at agad na lumitaw ang isang butas sa dingding. Lumapit siya at sumilip. Ang
kuwarto ay malaki nang kaunti kaysa kaniyang silid. May dalawang naroroon. Ang
isa sa kanila’y wala nang suot pangginaw, kulot na kulot ang buhok, pulang-pula
ang mukha, nakatayong akala mo’y orador, at magkahiwalay ang mga paa upang
ibalanse ang tayo. Binabayo nito ang sariling dibdib at patetikong ipinamumukha
sa isa na ito’y yagit at walang anumang dangal, na siya ang humila sa kaniya mula
sa putik at maaaring palayasin kung kailan nanaisin. Daliri lamang ng Diyos
522 FEODOR DOSTOYEVSKY

ang nakaaalam ukol doon. Ang kaibigang sinesermunan naman ay tila kanina
pa gustong bumahing na di-matuloy-tuloy. Paminsan-minsan ay sumusulyap na
parang tupa ang nanlalabong paningin sa nagsasalita ngunit halatang walang-
nauunawaang anuman sa pinagsasasabi at malamang na di-talaga nakikinig. Sa
mesa ay nauupos na ang kandila, may halos ubos na bote ng vodka, mga kopita,
baso, pipino, at lalagyan ng kanina pa naubos na tsaa. Pagkatanaw sa larawang ito
ay walang-pakialam nang iniwan ni Svidrigailov ang siwang at muling naupo sa
kama.
Bumalik na ang gusgusing mama na may dalang murang karne at tsaa. Di
ito nakapagpigil at muling nagtanong kung talagang wala nang iba pang gusto ang
panauhin. Nang muling marinig ang negatibong sagot ay tuluyan na itong umalis.
Agad na ininom ni Svidrigailov ang tsaa upang mainitan, inubos nito ang isang
baso, ngunit ang karne ay di nito nagalaw dahil nawalan na ng gana. Para itong
lalagnatin. Hinubad ang pangginaw, amerikana, nagkumot na’t nahiga sa kama.
May pagkainis na, “Sa pagkakataong ito man lang, sana’y maging malusog ako,”
naisip niya at napangisi. Walang-hangin sa kuwarto at malamlam ang kandila. Sa
labas ay maririnig ang ihip ng hangin. Sa sulok ay umiingit ang daga. Sa buong
kuwarto ay tila nangangamoy daga at kung ano pang balat. Nakahiga siya at parang
nananaginip nang kung ano-ano ang naiisip. Parang gusto niyang magtuon sa
kahit anong isang pangitain. “Siguro’y may halamanan sa labas ng bintana. Ayaw
na ayaw ko ang kaluskos ng mga puno sa gabi, sa kadiliman habang bumibinit ang
bagyo. Napakasamang pakiramdam!” At naalala niya kung papaanong nainis siya
nang minsang maraanan ang Petrovsky Garden. Naalala rin niya ang tulay, ang
Munting Nieva, at parang muli siyang nanlamig tulad kaninang nasa itaas siya
ng ilog. “Sa buong buhay ko’y di ko nagustuhan ang tubig, kahit sa mga tanawin,”
naisip niya at muli’y napangisi sa kakaibang kaisipan. “Pero sa palagay ko, sa ngayon
ay pareho na lang ang lahat ukol sa ganda at kaginhawahan. Naging mapili ako,
parang hayop na namili ng kaniyang lugar ... sa ganitong pagkakataon. Lumiko na
sana ako kanina sa Petrovsky Park! Madilim doon at malamig. He-he-he! Parang
kailangan ng mas maginhawang pakiramdam! O, bakit ba di ko pinapatay ang
kandila? (Hinipan niya ito). “Tahimik na sa katabi,” naisip niya nang wala nang
makitang ilaw sa siwang, “Kung ngayon ka sana magpakita, Martha Petrovna.
Madilim, tamang-tama ang lugar at sandali. Pero di ka nga darating ngayon ...”
Bigla niyang naalala kung papaanong kanina, isang oras bago sana
isagawa ang balak kay Dunya, ay inihabilin pa niya kay Raskolnikov na ipaubaya
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 523

ang kaligtasan ng kapatid kay Razumikhin. “Ang totoo’y para ko lang niloloko
ang sarili nang sabihin iyon gaya ng nahulaan ni Raskolnikov. Pero luko-luko
rin ang Raskolnikov na iyon. Marami nang pinagdaanan. Mas magiging loko ito
pagdating ng araw, lalo na pag nalampasan na niya ang bigat ng dinadala. Pero sa
ngayon ay malaki pa ang kaniyang pagnanasang mabuhay! Pagdating sa puntong
iyon ay sira-ulo ang mga tao! A, bahala siya sa buhay niya, wala akong pakialam
sa kaniya!”
Hindi rin siya makatulog. Unti-unti’y naalala niya ang anyo ni Dunya.
“Huwag. Ngayon ay dapat kalimutan ang tungkol doon,” naalimpungatang
naisip niya, “Kailangang mag-isip ng ibang bagay. Nakapagtataka at nakatatawa.
Kailanman ay di ako nagkaroon ng pagkamuhi kahit kanino. Kailanman ay hindi
ako nagnais maghiganti. Masamang senyales ito! Masamang senyales! Hindi ko
rin gusto ang makipagtalo at di-nag-iinit. Masamang senyales din! At kung ano-
ano ang ipinangako ko sa kaniya kanina, pwe! Buwisit! Pero siguro’y mapagbabago
niya ako kahit papaano ...” muli’y tumahimik siya at nagtiim-bagang. Muli ay
lumitaw ang anyo ni Dunya sa kaniyang harapan na kamukha ng kanina nang
bumaril siya sa unang pagkakataon at takot na takot, ibinaba ang baril na
natigagal, at nakatitig sa kaniya. Dalawang beses sana niya itong nakubabawan at
di nito itataas ang kamay upang magtanggol kung di lang niya kusang ipinaalala.
Natandaan niya kung papaanong ng mga sandaling iyon ay naawa siya sa kaniya
na parang may dumagan sa kaniyang puso ... “A, buwisit! Ang mga kaisipang ito
na naman! Dapat itong alisin! Alisin!”
Unti-unti na siyang nakalilimot at humuhupa na ang panginginig dahil
sa lagnat nang parang may tumakbo sa loob ng kumot sa kaniyang kamay at paa.
Napakislot siya, “Demonyo! Ano ba ito, daga?” At naisip niyang mag-alis ng
kumot, tumayo, ngunit malamig, nang muli’y may gumapang sa kaniyang paa.
Inalis niya ang kumot at sinindihan ang kandila. Nanginginig sa lagnat at lamig
na bumangon at sinuri ang higaan—wala! Hinila niya ang kumot at bigla’y may
lumundag na daga sa higaan. Tinangka niya itong hulihin dahil hindi umalis
sa higaan, mabilis itong tumakbo sa bawat sulok nang pa-zigzag, madulas na
nakapuslit sa mga kamay, at biglang sumiksik sa ilalim ng unan. Inihagis niya
ang unan nang sa iglap ay maramdamang may lumundag sa kaniyang dibdib,
gumapang sa katawan, at sa likod at loob ng damit. Hintakot siyang nanginig at
saka nagising. Madilim sa kuwarto, nakahiga siya’t nakakumot gaya kanina. Sa
bintana’y bumibinit ang hangin. “A, kabuwisitan!” galit niyang naisip.
524 FEODOR DOSTOYEVSKY

Bumangon siya at naupo sa dulo ng kama nang nakatalikod sa bintana.


“Mabuti pang huwag na ngang matulog,” pagpapasya niya. Sa bintana ay malamig
at basa. Hindi tumatayo sa kinaroroonang hinila niya ang kumot at nagtalukbong.
Hindi niya sinindihan ang kandila. Wala siyang anumang iniisip at ayaw mag-isip.
Ngunit nagsasalimbayan ang mga gunita, kumikislap ang mga bahagi ng kaisipang
walang-simula at katapusan, at wala ring kaugnayan. Para siyang natutulog nang
gising. Di-malaman kung ang lamig, ang dilim, ang tubig o hanging tumatama
sa bintana, at nagpagagalaw sa mga puno ang naghahatid ng walang-puknat na
pangangarap at pagnanais sa kaniya. Para siyang nakakakita ng magandang tanawin
at mga bulaklak. Maliwanag, mainit, halos maalinsangang araw, kapistahan ng
Santa Trinidad. Isang maganda at mayamang bahay na yari sa kahoy, ayon sa
panlasang Ingles, na napaiikutan at natatamnan ng mababangong kumpol ng mga
bulaklak. Ang balkon na punong-puno ng nagsasayawang halaman ay umaapaw
rin sa mga bulaklak na rosas. Ang maputi at magandang hagdan ay nalalatagan
ng mamahaling karpet na napalalamutian ng mga di-pangkaraniwang bulaklak na
nasa plorerang mula sa Tsina. Napansin niyang mabuti ang mga plorerang may
tubig sa mga bintana. Bouquet ng mapuputi at malalantik na Narcissus, na tila
yumuyuko sa kanilang luntian, makislap, mahahaba, at matatabang tangkay. Ang
mga ito’y nagdudulot ng malakas na aroma, ni ayaw na niyang iwan ang mga
ito ngunit umakyat pa rin ito sa hagdan at tumuloy sa isang malaki at mataas
na bulwagan. Dito man sa buong paligid, sa mga bintana at pinto sa terasa, at
sa mismong terasa, ay may mga bulaklak din. Sa sahig ay may sariwa at bagong
tabas na mabangong damo. Nakabukas ang mga bintana. Ang sariwa, magaan,
at malamig-lamig na hangin ay pumapasok sa kuwarto. Naghuhunihan ang mga
ibon sa may bintana. Ngunit sa gitna ng bulwagan, sa itaas ng isang mesang
natatakpan ng puting tela, ay nakapatong ang isang kabaong. Ang kabaong ay puno
ng mapuputing bulaklak at ang telang puti’y may makapal na burda sa laylayan.
Sa paligid nito’y may makapal na kumpol ng mga bulaklak. Sa mga bulaklak ay
nakahiga ang isang batang babaeng may suot na puti at lilang damit. Ang kaniyang
mga kamay ay nakapatong sa dibdib na akala mo’y inukit sa marmol. Ngunit ang
nakalugay niyang buhok na blonde ay basa. May korona ng rosas sa kaniyang ulo.
Ang mahigpit at matigas nitong mukha ay para ring inukit sa marmol ngunit ang
ngiti sa kaniyang maputlang labi ay puno ng di na pambata, walang-hanggang
pagdurusa, at labis na lumbay. Kilala ni Svidrigailov ang batang babae. Sa kabaong
ay walang kandilang nakasindi, wala ring imahen, at wala ring maririnig na
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 525

panalangin. Ang bata’y nagpakamatay, nagpakalunod. Labing-apat na taong


gulang lamang siya ngunit wasak na ang puso na nagwakas sa kaniyang buhay.
Dinusta ng hirap at sama-ng-loob at gumulat at tumakot sa kaniyang mura at
batang kamalayan, na binuhusan ng di-karapat-dapat na kahihiyan. Ang kaniyang
mala-anghel at wagas na kaluluwa’y bumigay sa huling hibik ng kasawian, na di-
narinig, di-binigyang-pansin sa dilim ng gabi, sa karimlan, sa lamig, at hanging
nagdadala ng ulan ...
Nagising si Svidrigailov, tumayo, at lumapit sa bintana. Kinapa niya ang
kandado at binuksan ang bintana. Malakas na pumasok ang hangin sa kaniyang
masikip na silid at parang hangin ng tagyelo ang umihip sa kaniyang mukha
at dibdib na natatakpan lamang ng kamiseta. Sa labas ng bintana ay mayroon
ngang hardin na mukhang para rin sa pagsasaya. Siguro’y may umaawit din dito
sa araw at nagpapainom ng tsaa sa mga mesita. Sa ngayon, mula sa mga sanga ng
halaman, ay ramdam ang hangin at ulan, madilim na gaya ng sa ilalim ng bahay
kaya’t naaninaw lamang ang maiitim na anino na kumakatawan sa ilang bagay.
Dumungaw si Svidrigailov, ang kaniyang mga kuko ay nakakapit sa barandilyas,
limang minuto siyang nakatingin, at di-inaalis ang tingin sa dilim na ito. Sa
gitna ng dilim at gabi ay umalingawngaw ang putok ng kanyon na sinundan ng
pangalawa pa.
“A, signal! Parating ang tubig,” naisip niya, “Aapaw sa umaga roon sa
mababang lugar, sa mga kalsada, aapaw sa mga basement at cellar. Magmula
roon ay maglalabasan ang mga daga. Sa gitna ng ulan at hangin ay basa at
magmumurang iaakyat ng mga tao ang kanilang basura sa mataas na palapag ...
Anong oras na kaya?” katatanong pa lang niya nang mula kung saan sa malapit
ay tumiktik at tila nagmamadaling humataw nang ubod-lakas nang tatlong
ulit ang orasang pandingding. “Hmm, isang oras na lang at magliliwanag na!
Bakit pa maghihintay? Lalabas na ako ngayon at tutuloy sa Petrovsky. Doon ay
pipili ako ng malalagong halaman na basang-basa sa ulan. Kaunting masagi sa
balikat ay milyong patak ng tubig ang babagsak sa ulunan ...” Lumayo na siya sa
bintana, isinara ito, sinindihan ang kandila, isinuot ang pangginaw at panlamig na
sumbrero, at lumabas sa koridor dala ang kandila upang hanapin ang gusgusing
mama na natulog marahil sa kung saang sulok, sa pagitan ng mga kaguluhan at
kislap ng kandila upang magbayad at lumabas na sa otel.
“Ito na ang pinakamagandang sandali at di na makapipili pa nang mas
maganda!”
526 FEODOR DOSTOYEVSKY

Matagal siyang naglakad sa mahaba at makitid na koridor. Nang walang


makita at nais na sanang sumigaw nang malakas ay bigla siyang nakakita sa madilim
na sulok ng parang buhay na bagay sa pagitan ng kabinet at pinto. Nilapitan
niya ito dala ang kandila at nakita niya ang isang batang babae, mga limang
taong gulang at di-hihigit. Basang-basa ang malabasahang damit, nanginginig
ito, at umiiyak. Parang hindi ito nagulat kay Svidrigailov ngunit nakatitig ang
gulat, malalaki, at itim na mga mata. Paminsan-minsan ay sumisigok gaya ng
mga batang matagal nang di-tumitigil sa pag-iyak. Humihinahon na ito, sisigok,
hihinto, at sisigok na naman. Maputla at pagod ang mukha ng bata. Alumpihit
siya sa lamig ngunit, “Papaano siyang napunta rito? Ibig sabihin ay magdamag
siyang nagtatago rito at di-natulog.” Tinanong niya ito. Biglang sumigla ang bata
at mabilis siyang sinagot ng salitang pambata. Tungkol daw sa kaniyang nanay
na “syasyaktan siya ng nanay” at “tasha.” Nakabasak daw siya ng tasha. Tuloy-
tuloy ang pagsasalita ng bata. Sa kaniyang kuwento ay nahuhulaan na siya’y
isang batang di-mahal ng magulang. Marahil ang nanay ay isang lasenggera na
nandito rin sa otel. Nananakit at nananakot sa kaniya, na nabasag niya ang tasa
ng ina, natakot at kagabi pa lumayas. Siguro’y matagal na nagtago sa bakuran, sa
ilalim ng ulan, hanggang tumakbo na rito, sumiksik sa kabinet at magdamag na
nakaupo sa sulok, umiiyak, nanginginig sa basa, sa dilim, at sa takot na dahil sa
lahat ng ito ay masasaktan siya nang husto. Kinuha niya ang kamay ng bata at
dinala sa kuwarto, pinaupo sa kama, at hinubaran. Ang kaniyang butas-butas na
sapatos ay basang-basa, parang magdamag na nakababad sa putik. Pagkahubad
sa kaniya ay inihiga niya ito at tinakpan ng kumot mula ulo hanggang paa. Agad
na nahimbing ang bata. Pagkatapos nito ay muli na namang lumungkot at nag-
alala si Svidrigailov.
“Kumuha pa ako ng isa pang alalahanin!” naisip niyang mabigat at galit
ang naramdaman.
“Buwisit!” Sa inis ay kinuha niya ang kandila upang lumabas at harapin
ang gusgusing lalaki at pagkatapos ay lalayas na.
“E, ang bata?” naisip niyang nagmumura. Nang bubuksan na sana niya
ang pinto ay binalikan niya ulit ang bata upang tingnan kung tulog na nga.
Marahan niyang itinaas ang kumot. Mahimbing at masarap ang tulog ng bata.
Sa pagkakakumot ay nainitan na ito at namumula na ang kanina’y maputla
nitong pisngi. Ngunit nakapagtatakang mas matingkad at malakas ang kulay na
iyon kaysa karaniwang pisngi ng bata. “Ang pagkapulang ito’y dala ng lagnat,”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 527

naisip ni Svidrigailov. Ngunit ang pulang pisngi’y para talagang dahil sa alak,
para bang siya’y pinainom ng isang basong alak. Nag-aalab ang mapupulang labi,
nag-iinit, ngunit ano nga ba ito? Nang parang naramdaman niyang ang kaniyang
mahahaba at itim na pilikmata’y gumalaw at kumurap, parang tumataas. Sa ilalim
ay sumisilip ang mga tuso, malantik, at kumikindat na mga matang di na gaya
ng sa isang bata. Hindi natutulog ang bata at nagkukunwari lamang. Ganoon
na nga. Gumalaw at ngumiti ang kaniyang mga labi. Gumalaw ang mga dulo
ng labi na parang nagpipigil, hanggang sa di na nga makapagpigil at tumawa na,
malinaw na tawa. May kakapalan na at nag-aanyaya ang mukhang di na gaya ng
isang bata. Ito’y kamunduhan, mukha ng pakakak, makapal na mukhang gaya ng
isang Pranses na nagbebenta ng aliw. At hindi na nagtatagong binuksan nito ang
dalawang mata. Nakita niya na nag-aapoy ang titig ng mga ito, hindi nahihiya,
nag-aanyaya, at tumatawa ... Walang-hanggang kapangitan at nakasusulasok ang
tawang iyon. Ang mga mata ay kawalang-hiyaan sa mukha ng isang bata! “Ano?!
Limang taong gulang na bata!” bulong ng nasisindak na si Svidrigailov. “A ... ano
ba ito?” At humarap na ang bata sa kaniya na nang-aakit ang mukha at iniaabot
ang mga kamay ... “A, isinumpa ka!” nasisindak na bunghalit ni Svidrigailov at
iniumang ang mga kamay upang paluin ang bata ... Nang siya’y magising sa mga
sandaling iyon.
Nasa higaan pa rin si Svidrigailov at balot pa rin ng kumot. Walang-sindi
ang kandila at maliwanag na sa labas.
“Bangungot sa buong magdamag!” Mabigat ang loob niyang tumayo.
Pakiramdam niya’y bugbog ang buo niyang katawan at masakit ang mga buto.
Sa kabuuan ay makapal ang hamog at walang anumang maaaninag. “Mag-aalas-
singko na! Nakatulog ako!” Tumayo siya at isinuot ang sweater at pangginaw
na basa pa. Nang maapuhap sa bulsa ang rebolber ay kinuha niya ito at inayos
ang bala. Pagkatapos ay naupo siya. Kinuha niya ang kuwaderno sa bulsa at sa
pinakahalatain at malinaw na papel ay nagsulat siya ng ilang salita sa malalaking
titik. Muli niya itong binasa habang nag-iisip na nakapatong ang mga siko sa mesa.
Nasa may siko rin ang papel at baril. Ang mga nagising na langaw ay nakadikit
pa rin sa di pa nagagalaw na karneng nasa mesa rin. Matagal niyang pinagmasdan
ang mga ito at sa huli’y nagsimulang hulihin ng malayang kanang kamay ang
isa sa mga langaw. Matagal niya itong pinilit dakpin ngunit di niya mahuli-huli.
Sa wakas ay natauhan ito sa ginagawa, pumilig, at tumayo na upang lumabas sa
kuwarto. Makaraan ang isang sandali ay nasa kalye na siya.
528 FEODOR DOSTOYEVSKY

Ang makapal at malagatas na hamog ay lumukob sa bayan. Sinundan ni


Svidrigailov ang madulas, maputik, at kahoy na daang patungo sa Munting Nieva.
Parang nakinita niya kung papaanong sa magdamag ay tumaas ang tubig ng
Munting Nieva ng Isla Petrovsky. Mga basang daan, basang damo, basang puno
at halaman, at sa wakas, ang mismong halamanan ... Mabigat ang damdaming
tiningnan niya ang mga bagay na ito upang makapag-isip. Sa Avenue ay walang
makasasalubong na naglalakad o kutsero. Mukhang napabayaan ang maruruming
bahay na yari sa kahoy at kulay matingkad na dilaw. Sarado ang pinto ng mga ito.
Nadaig na ng lamig at basa ang buo niyang katawan at nagsimula siyang manginig.
Paminsan-minsan ay may nadaraanan siyang mga tindahan at gulayan. Bawat
isa’y binibilang niya hanggang sa matapos na ang daang yari sa kahoy. Nasa tapat
na siya ng malaking bahay na bato nang isang marumi at nanginginig na asong
bahag ang buntot ang patakbong kumurus sa kaniyang landas. May halos patay
na sa kalasingan at nakasuot ng panlamig ang nakabalagbag sa daan nang padapa.
Sinulyapan niya ito at nagpatuloy na sa paglakad. Sa dakong kaliwa ay nakita niya
ang isang mataas na tore. “Aba, heto na ang lugar! Bakit sa Petrovsky pa? Kahit
papaano’y may opisyal na saksi ...” Muntik na siyang matawa sa bagong naisip at
lumiko na sa kalye. Naroon ang isang malaking bahay na may tore. Sa saradong
malaking gate ng bahay ay may nakatayo at nakasandal na maliit na tao, balot
ng kulay abong damit ng sundalo at may tansong helmet ni Achilles. Inaantok
pa ring sinalubong niya ng malamig na tingin ang papalapit na si Svidrigailov.
Nakabakas sa kaniyang anyo ang walang-hanggang kapighatian na buong asim
na nakatatak sa mukha ng lahat ng lahing Hudyo nang walang-pagtatangi. Ang
dalawa, si Svidrigailov at Achilles, ay kapwa nagtinginan nang ilang sandali, wala
silang imik. Sa wakas ay nahinuha ni Achilles na kakaiba yata na mayroong taong
hindi lasing ang nakatayo sa kaniyang harapan, mga tatlong hakbang lamang ang
layo, titig na titig at walang anumang sinasabi.
“Ano ba ang inyong kailangan dito?” mabilis nitong sabi nang di-
gumagalaw at di-binabago ang puwesto.
“Wala naman, utol. Magandang umaga!” sagot ni Svidrigailov.
“Hindi ito ang tamang lugar.”
“Papunta ako, utol, sa malayong lugar.”
“Sa malayong lugar?”
“Sa Amerika.”
“Sa Amerika?”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 529

Hinugot ni Svidrigailov ang rebolber at ikinasa. Tumaas ang kilay ni


Achilles.
“A-ano ba? Hi-hindi ito ang tamang lugar para magbiro!”
“At bakit hindi ito ang tamang lugar?”
“Dahil hindi nga ito ang tamang lugar!”
“Pero, utol, pareho lang. Magandang lugar ito. Kung tatanungin ka nila
ay ganito ang isagot mo: Pumunta ‘ka mo sa Amerika.”
Itinapat niya ang rebolber sa kaniyang sentido.
“Huwag dito sa lugar na ito! Hindi puwede rito!” kinabahan si Achilles.
Papalaki nang papalaki ang itim ng kaniyang mga mata.
At kinalabit ni Svidrigailov ang gatilyo.
VII

SA ARAW DING IYON, ngunit sa gabi, mag-aalas-siyete, papunta si Raskolnikov


sa tirahan ng kaniyang ina at kapatid, sa mismong bahay ni Bakaleyef, kung saan sila
dinala ni Razumikhin. Ang daan paakyat sa hagdan ay nasa may kalsada. Lumapit
si Raskolnikov na pigil pa rin ang hakbang at parang nag-aatubili kung tutuloy
o hindi. Ngunit hindi na sana siya babalik anuman ang mangyari sapagkat siya’y
nakapagpasya na. “Pareho lang, tutal, wala pa silang anumang nalalaman. Isa pa’y
sanay na sila sa aking mga kakaibang kilos,” naisip niya. Ang kaniyang kasuotan
ay terible, napakarumi, magdamag na basa ng ulan, gulanit, at mukhang basahan.
Ang kaniyang mukha’y pinapangit ng kapaguran, sama ng pakiramdam, pisikal na
panghihina, at halos araw-araw na pakikibaka sa sarili. Buong magdamag siyang
nag-iisa at Diyos lamang ang nakaaalam kung saan. Gayumpaman, nakapagpasya
na siya.
Kumatok siya sa pinto. Pinagbuksan siya ng ina. Wala sa bahay si
Dunechka. Maging ang katulong ay wala nang mga oras na iyon. Una’y di-
nakakilos ang ina sa labis na tuwa at kabiglaanan. Pagkatapos nito ay hinila siya sa
kamay papasok sa kuwarto.
“Hayan ka lang pala!” simula niyang di-magkandatuto sa tuwa. “Huwag
ka sanang magagalit sa akin, anak, kung para akong baliw na sumasalubong sa
iyo na lumuluha. Ako ay tuwang-tuwa at di-umiiyak. Baka akala mo’y umiiyak
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 531

ako. Hindi, maligayang-maligaya lang ako. Ganyan lang talaga ako, basta na lang
tumutulo ang luha. Nagkaganito ako mula nang mamatay ang iyong ama. Lahat
iniiyakan ko. Maupo ka muna, mahal, siguro’y pagod ka, nakikita ko. Mukhang
nabasa ka, a!”
“Nabasa ako ng ulan, kahapon, mama ...” bukas ni Raskolnikov.
“Hindi, hindi na kailangan ...” bulalas ni Pulheria Aleksandrovna na
pumutol sa kaniya. “Akala mo siguro ay uusisain na kita ngayon gaya ng ugali ng
matatanda? Huwag kang mag-alala at nauunawaan ko, nauunawaan ko na ang
lahat. Naiintindihan ko na ngayon kung papaano ang buhay rito. Ang totoo’y
nakita ko na mas matalino ang mga tao rito. Sa wakas ay napagtanto ko na hindi
ko talaga maintindihan ang laman ng iyong isip at hindi rin makapaggigiit ng
paliwanag sa iyo. Marahil ang Diyos lamang ang nakaaalam ng iyong mga gawa
at mga planong nabubuo sa isip o mga ideyang lumilitaw. Kaya’t papaano kong
hihinging malaman pa kung ano ang iyong iniisip? Ako itong ... O, Panginoon!
Bakit ba ako paroo’t parito na parang nasunugan ... Rodya, heto at binabasa ko
ang iyong artikulo sa dyornal, pangatlong beses na. Dinala sa akin ni Dmitri
Prokofich. Nahimasmasan ako nang aking makita. Sabi ko nga’y sira ako dahil
ito lang pala ang kasagutan sa mga bagay! Ganyan talaga ang mga palaisip. Kung
minsan ay maraming bagong iniisip. Pinag-iisipan niya ang mga ito. Ako nama’y
heto at nagpapahirap ng loob at nanggugulo. Oo, binabasa ko at marami akong
di-naiintindihan. Siyempre pa, paano pa nga ba?”
“Patingin nga, mama.”
Kinuha ni Raskolnikov ang dyornal at mabilis na tiningnan ang kaniyang
artikulo. Kabaligtaran man ng kaniyang kondisyon at kalagayan ay naramdaman
niya ang kakaiba, makamandag, at matamis na pakiramdam ng isang awtor
na unang nakatunghay sa sariling isinulat. Nagpatuloy iyon nang isang saglit.
Pagkabasa ng ilang linya ay kumunot-noo siya at matinding kalungkutan ang
sumakmal sa kaniyang puso. Agad niyang naalala ang lahat ng espiritwal at
panloob niyang pakikibaka nitong mga nagdaang buwan. May inis at galit niyang
ibinagsak ang artikulo sa mesa.
“Gayunman, Rodya, kahit na ako’y mangmang ay masasabi ko na sa
lalong madaling panahon, ikaw ang magiging isa, kundi man unang dalubhasa sa
atin. At akalain mong maglakas-loob silang isipin na ikaw ay nasisiraan ng bait!
Ha-ha-ha! Di mo alam pero inisip nila iyon! A, mga mababang uod! Ano ang alam
nila tungkol sa katalinuhan! Kahit si Dunechka, kaunti man, ay di-naniniwala!
532 FEODOR DOSTOYEVSKY

Ano ba naman iyon?! Ang namayapa mong ama’y dalawang beses na nagpadala ng
mga sulatin sa dyornal. Una’y mga tula. Nasa akin pa ang kuwaderno. Minsan ay
ipakikita ko sa iyo. Pagkatapos ay isang buong kuwento. Ako mismo ang nakiusap
upang kopyahin ko. Ganoon na lang ang aming panalangin na sana’y matanggap.
Ngunit hindi tinanggap! Rodya, ako’y nagpapakahirap nitong anim o pitong araw
na nagdaan sa pag-aalala nang makita ang iyong damit, ang iyong kinakain, at
isinusuot na panlakad. Ngunit ngayo’y nakikita ko na maaabot mo ang lahat ng
iyong naisin sa pamamagitan ng talino at kakayahan. Sa ngayon ay di mo pa gusto
iyon at abala sa mas mahahalagang bagay.”
“Wala ba si Dunya, Mama?”
“Wala siya, Rodya. Madalas siyang wala sa bahay at iniiwan akong
mag-isa. Salamat na lamang kay Dmitri Prokofich at pinupuntahan niya ako rito
at nag-uusap kami at pinag-uusapan ka namin. Mahal ka niya at iginagalang.
Hindi ko sinasabi na di na ako masyadong inaalala ng iyong kapatid. Hindi ako
nagrereklamo dahil siya’y malakas din at may sariling pag-uugaling gaya ko. May
mga lihim din siyang itinatago. Pero ako’y walang kahit anong lihim na itinatago
mula sa inyo. Pero ang isa pa’y malakas ang paniniwala ko na napakatalino niya at
mahal niya ako, at mahal ka niya ... Ang di ko lang alam ay kung saan patungo ang
lahat ng ito. Pinaligaya mo ako ngayong dumating ka, Rodya, ngunit siya’y wala pa
rin. Pagdating niya ay sasabihin kong dumating ang kaniyang kapatid nang siya’y
wala at saan ba siya nanggaling? Rodya, huwag mo akong masyadong sasanayin,
kung may oras ka ay pumarito ka, kung hindi naman ay makapaghihintay ako.
Dahil alam ko naman na ako’y mahal mo at iyon ay sapat na sa akin. Ganito na
lang ang gagawin ko. Babasahin ko ang mga sanaysay mo at maririnig ko ang
ukol sa iyo mula sa lahat, kung hindi naman ay darating ka naman mismo upang
mangumusta. Ano pa ang igaganda roon? Tingnan mo nga’t dumating ka ngayon
upang pagaanin ang loob ng iyong ina. Alam ko naman ...”
Dito’y biglang umiyak si Pulheria Aleksandrovna.
“Heto na naman ako! Huwag kang tumingin sa akin. Naloloka na yata
ako! A, Diyos ko! Bakit ba ako nakaupo?” bulalas niya at biglang tumayo sa
kinaroroonan. “May kape, a, ipagtitimpla kita! Hayan, puro sarili ang iniisip ng
matatanda. Sandali lang.”
“‘Nay, huwag na po, lalakad na rin ako. Hindi iyon ang ipinunta ko rito.
Pakiusap, pakinggan ninyo ako.”
Walang-imik na lumapit sa kaniya si Pulheria Aleksandrovna.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 533

“Mama, kung anuman ang mangyari, kung anuman ang maririnig ninyo
tungkol sa akin, kung anuman ang masasabi nila sa inyo ukol sa akin, mamahalin
pa kaya ninyo akong gaya ngayon?” bigla niyang tanong mula sa kaibuturan ng
puso. Hindi na niya pinag-isipan o tinimbang ang mga salita.
“Rodya, Rodya, ano ba ang nangyayari sa iyo? Bakit mo naitatanong ang
ganyang bagay? Sino naman ang may masasabing anumang masama tungkol sa
iyo? Wala akong sinumang paniniwalaan, kahit sino pa ay itataboy ko lamang!”
“Pumarito ako upang ipaalam sa inyo na minamahal at palagi ko kayong
mamahalin. At ako’y natutuwa na magkasarilinan tayo. Natutuwa rin ako na wala si
Dunya,” pagpapatuloy niyang ganoon pa rin katigib ng damdamin, “Pumarito ako
upang harapang sabihin sa inyo na bagama’t maghihirap ang inyong kalooban ay
dapat ninyong malaman na minamahal kayo ng inyong anak nang higit pa sa sarili.
At ang lahat ng inisip ninyo tungkol sa akin, na ako’y malupit at di kayo mahal, ay
pawang walang-katotohanan. Kailanman ay di ako titigil sa pagmamahal sa inyo
... Iyan lang. Ito ang dapat kong gawin at sa ganito simulan ...”
Walang-imik siyang niyakap ni Pulheria Aleksandrovna, mahigpit, at
tahimik na lumuha.
“Ano ba ang nangyayari sa iyo, Rodya? Hindi ko alam,” sa wakas ay
nasabi niya, “Ang buong akala ko ay nagsawa ka na sa amin ngunit ang nakikita ko
ngayon ay naghahanda ka sa isang malaking kasawian kaya ganyan ka kalungkot.
Matagal ko nang nakinita ito, Rodya. Ipagpatawad mo sana kung nasabi ko ito.
Naisip ko iyan at di-nakatutulog sa gabi. Kagabi rin ay magdamag na nagsasalita si
Dunya ukol sa iyo sa kaniyang pagtulog. May narinig ako pero di ko maintindihan.
Buong umaga akong parang bibitayin ang pakiramdam, may hinihintay, may
nararamdaman at heto, dumating na nga! Rodya, Rodya, saan ka pupunta? May
pupuntahan ka ba?”
“Aalis ako.”
“Tama ang iniisip ko! Maaari akong sumama sa iyo kung kailangan mo
ako. Ganoon din si Dunya. Mahal ka niya, mahal na mahal ka niya. At si Sofia
Simyonovna, puwede rin siyang sumama sa atin kung kailangan. Tingnan mo,
masaya ko siyang tatanggapin bilang anak. Tutulungan tayo ni Dmitri Prokofich
na maghanda ... ngunit ... saan ... saan mo ba balak pumunta?”
“Paalam, Inay.”
“Ano? Ngayon din?” bulalas niya na parang tuluyan nang mawawala ang
anak.
534 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Hindi ako puwedeng magtagal. Oras na, kailangan ko nang ...”


“At hindi ba ako puwedeng sumama sa iyo?”
“Hindi. Lumuhod na lang kayo at ipanalangin ninyo ako sa Diyos. Baka
sakaling makaabot ang inyong panalangin.”
“Hayaan mong krusan at basbasan kita. Hayan, ganyan. O, Diyos ko!
Ano ba itong ginagawa natin?!”
Oo, masaya siya. Masayang-masaya at nagkasarilinan silang mag-ina.
Para bang biglang gumaan ang bigat ng puso niya pagkatapos ng mahaba at
kakila-kilabot na panahon. Nagpatirapa siya sa harapan ng ina, hinagkan ang
kaniyang mga paa, nagyakap, at pareho silang umiyak. Sa pagkakataong ito’y hindi
na nagtaka at nagtanong ang ina. Matagal na niyang nahulaan na may kakila-
kilabot na naganap sa anak at ngayon nga’y sumapit na ang kinatatakutang sandali.
“Rodya, mahal kong anak, aking panganay,” garalgal niyang sabi, “Ganyan
din noong ika’y maliit pa, pupunta sa akin, yayakapin, at hahalikan nang ganyan.
Kahit noong nabubuhay pa ang iyong ama, bagama’t naghihirap ay pinagagaan ito
ng bagay na ikaw ay kasama namin. Nang mailibing na ang iyong ama ay ilang ulit
tayong umiyak at nagyakap nang ganito sa kaniyang puntod. Kung bakit matagal
na akong umiiyak, marahil ay nahulaan na ng pusong-ina ang kasawiang ito.
Nang una pa lamang kitang makita nang gabing kadarating pa lang namin dito, sa
tingin mo pa lamang ay nahulaan ko na. Noon ay kumaba na ang aking dibdib. At
ngayon nang pagbuksan kita ng pinto at makita ka ay alam ko nang dumating na
ang masaklap na sandali. Rodya, Rodya, hindi naman ngayon ang alis mo, di ba?”
“Hindi.”
“Babalik ka pa?”
“Oo ... babalik.”
“Rodya, huwag kang magagalit. Hindi ako maglalakas-loob na mag-
usisa. Alam kong di ko magagawa. Ngunit sabihin mo lang sa akin kung malayo
ang iyong paroroonan. Saan ka tutungo?”
“Malayong-malayo.”
“Ano bang meron doon? Serbisyo ba o trabaho?”
“Kung ano ang ibibigay ng Diyos. Ipanalangin na lang ninyo ako.”
Tumungo si Raskolnikov sa pinto ngunit hinabol siya ng ina at ubod ng
pait na tumingin sa kaniyang mga mata, ngiwi ang mukha nito sa panghihilakbot.
“Tama na, Mama,” sabi ni Raskolnikov na lubos na nagsisisi at naisipan
pang pumunta sa ina.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 535

“Hindi pangmatagalan? Hindi naman sa habampanahon? Hindi ba


darating ka bukas? Bukas?”
“Oo, darating ako. Paalam.”
Sa wakas ay nakahulagpos siya.
Ang gabi ay sariwa, mainit, at maliwanag. Kanina pang umaga maaliwalas
ang panahon. Nagmamadaling dumating si Raskolnikov sa kaniyang tirahan.
Gusto niyang tapusin ang lahat bago lumubog ang araw. Ayaw muna niyang may
makitang kahit sino. Nang papanhik na siya sa bahay ay napuna niyang sinusundan
siya ng tingin ni Nastasya na iniwan ang samovar. Naisip niya, “May tao kaya sa
aking kuwarto?” May pagkainis na naalala niya si Porfiry. Ngunit nang makarating
na ito sa kaniyang kuwarto at buksan ang pinto ay nakita niya si Dunechka. Mag-
isa itong tahimik na nakaupo, malalim ang iniisip, at parang matagal na siyang
hinihintay. Huminto siya sa pinto. Nagulat at tuwid na tumayo ang kapatid sa
kaniyang harapan. Ang kaniyang walang-kurap na pagkakatitig ay nagbabadya ng
takot at walang-kapantay na lungkot. Sa pagkakatitig pa lang niya ay agad nang
nahinuha ni Raskolnikov na alam na ng kapatid ang lahat.
“Tutuloy ba ako o aalis na?” tanong niyang nag-aatubili.
“Buong araw akong na kina Sofia Simyonovna. Kapwa ka namin
hinihintay. Akala namin ay tiyak kang pupunta roon.”
Tumuloy si Raskolnikov sa kuwarto at nanghihinang umupo sa sofa.
“Para akong nanghihina, Dunya. Pagod na pagod ngunit gusto ko
sanang lubos na mahawakan ang sarili sa mga sandaling ito.” May pagdududang
tinapunan ng tingin ang kapatid.
“Saan ka nanggaling nitong magdamag?” tanong ni Dunya.
“Di ko lubos na matandaan. Alam mo, aking kapatid, nais ko sanang
tuluyang magpasya at maraming beses na lumapit sa Ilog Nieva. Gusto kong
tapusin ang lahat doon ngunit ... di ko nagawa ...” bulong niya at muling tumingin
kay Dunya nang may pag-aalinlangan.
“Salamat sa Diyos! Iyon mismo ang kinatatakutan naming dalawa ni
Sofia Simyonovna! Ibig sabihin ay may pananampalataya ka pa sa buhay! Purihin
ang Diyos! Purihin ang Diyos!”
Mapait na tumawa si Raskolnikov.
“Hindi ako naniniwala. Kanina ay magkayakap kaming umiyak ng
Nanay. Hindi ako nananampalataya ngunit nakiusap ako na ipanalangin niya.
Diyos ang nakaaalam sa bagay na iyon, Dunechka, at ako ay walang-naiintindihan
536 FEODOR DOSTOYEVSKY

ukol doon.”
“Galing ka kay Nanay? Sinabi mo rin sa kaniya?” sindak na bulalas ni
Dunya, “Di nga ba’t nagpasya kang sabihin?”
“Hindi. Hindi ko sinabi ... sa pamamagitan ng mga salita ... ngunit
marami siyang naunawaan. Narinig niya kagabi ang iyong pagsasalita sa pagtulog.
Tiyak kong alam na niya ang kalahati. Siguro’y kabaliwan ang pagpunta ko roon.
Hindi ko nga alam kung bakit pa ako pumaroon. Mababa akong tao, Dunya!”
“Mababa? Samantalang handa kang magdusa?! Hindi ba, handa ka?
Papunta ka roon?”
“Oo, papunta ngayon. Ngunit upang iwasan ang kahihiyan ay nais kong
magpakalunod, Dunya. Nasa ibabaw na ako ng tubig nang aking maisip na kung
may lakas pa ang aking sarili hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi ako dapat
matakot sa kahihiyan,” sabi niya at agad idinugtong, “Marangal ba iyon, Dunya?”
“Marangal, Rodya.”
Parang may apoy na kumislap sa kaniyang mga malamlam na mata.
Natutuwa siyang isipin na mayroon pa siyang maipagmamalaki.
“Hindi mo ba iniisip, aking kapatid, na natakot lang ako sa tubig?” tanong
niyang may maanghang na panunuya at tumingin sa kapatid.
“O, Rodya, tama na!” mapait na bulalas ni Dunya. Dalawang minuto ring
nanatili ang katahimikan. Natigil si Rodya at nakayukong nakatingin sa ibaba.
Nakatayo si Dunya sa kabilang dulo ng mesa at hirap ang loob na nakatingin sa
kaniya.
Biglyang tumayo si Raskolnikov.
“Dis-oras na. Dumating na ang sandali. Lalakad na ako upang isuko ang
sarili. Ngunit hindi ko alam kung para saan at isusuko ko ang sarili?”
Masaganang luha ang umaagos sa pisngi ni Dunya.
“Umiiyak ka, kapatid ko, maaari mo bang iabot ang kamay mo sa akin?”
“Nag-alinlangan ka ba sa bagay na iyan?” at mahigpit itong yumakap sa
kaniya.
“Hindi ba sa pagharap mo sa pagpapakasakit ay kalahati ng iyong
kasalanan ang nahuhugasan?” palahaw ni Dunya na mahigpit na yumakap at
panay ang halik sa kaniya.
“Kasalanan? Anong kasalanan?” biglang naisigaw niya na tila wala sa sarili,
“Na pinatay ko ang nakadidiri at masamang matandang hidhid? Siya’y walang-
kuwenta. Patayin man siya nang apatnapung ulit ay maaari pang patawarin!
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 537

Siya na humuhuthot sa katas ng mga mahihirap! Iyon ba ay krimen? Hindi iyon


ang iniisip ko at wala akong balak maghugas ng sala! Iyan ang sutsot sa buong
paligid: “Krimen, krimen!” Ngayon ko lang nakikita ang kawalang-saysay ng aking
kahinaan ng loob. Kung bakit kailangan kong maramdaman ang di-nararapat na
hiya! Dahil lang sa kababaan at kawalang-kakayahan kaya nagpasya o dahil lang
sa pagkakakitaan tulad ng palagay ng ... Porfiry ... na iyon ...”
“Rodya, anong sinasabi mo? Ngunit nagbubo ka ng dugo!” malungkot na
sigaw ni Dunya.
“Dugong binububo ng lahat!” sambot niyang halos pagalit, “Na laging
umaagos at pinaagos sa daigdig gaya ng tubig sa talon. Binubuhos at ipinagdiriwang
sa kabisera at pagkatapos ay itatanghal pa silang bayani ng sangkatauhan.
Magmasid ka lang at magmanman nang mas mataman. Ako man ay nagnais
gumawa ng kabutihan sa mga tao at gumawa sana ng maraming mabubuting gawa
sa halip na ang isang katangahang iyon! Hindi naman talaga masama ang ideyang
iyon, tulad ng nakikita ngayon, malas lamang ... (Kapag minalas ay parang masama
ang lahat). Nais ko lang sanang makatindig sa sariling paa sa pamamagitan ng
katangahang iyon. Unang hakbang ay magkaroon ng kapital at pagkatapos ay
maaayos na ang lahat at magbubunga ng di-mapapantayang kapakinabangan ...
Ngunit di ko nakayanan ang unang hakbang dahil ako ay ... walang-hiya! Ganyan
ang lahat ng usapin! Ngunit iba pa rin ang pagtingin ko sa bagay na iyon. Kung
nagtagumpay lang ako ay pararangalan pa, ngunit ngayon ay kulungan ang aking
bagsak!”
“Ngunit iba, ibang-iba ang sinasabi mo! Rodya, ano ang sinasabi mo?”
“A, iba ang pagkakasabi. Hindi ganoon kaganda ang pagkakasabi! Ngunit
hindi ko talaga maintindihan kung bakit itinuturing na tumpak at maganda ang
mga paglusob at pagpapasabog sa mga tao? Ang takot sa kaanyuan ay unang tanda
ng kahinaan! Kailanman ay hindi ko ito napagtanto nang ganito kalinaw at higit
kailanman ay di ko maintindihan ang aking krimen! Kailanman ay di ako naging
ganito kalakas at nakatitiyak na gaya ngayon!”
Namula pa ang kaniyang maputla at hapong mukha. Ngunit habang
binabanggit niya ang huli niyang pahayag ay nagtagpo ang tingin nila ni Dunya at
naramdaman niya ang napakatinding pagdurusang dinaranas ng kapatid alang-
alang sa kaniya. Dahil dito ay para siyang natauhan. Naramdaman din niya na
pinahirapan niya nang labis ang kalooban ng dalawang babaeng mahal sa kaniya.
Siya ang dahilan ...
538 FEODOR DOSTOYEVSKY

“Dunya, mahal kong kapatid, kung ako ma’y nagkasala, patawarin mo ako
(bagama’t hindi ako puwedeng patawarin kung talagang nagkasala). Paalam! Hindi
na tayo magtatalo pa! Oras na, dumating na! Ako’y nagsusumamo, huwag kang
sumunod sa akin. Kailangan ko pang tumuloy sa ... Puntahan mo na lang ngayon
din at samahan ang inay. Nakikiusap ako sa iyo! Ito na ang huli, ang pinakamahalaga
kong pakiusap sa iyo. Huwag mo siyang iwan anumang oras. Iniwan ko siyang
may pangambang baka di niya makayanan. Maaari niyang ikamatay o ikasira ng
isipan. Samahan mo sana siya! Sasamahan kayo ni Razumikhin. Sinabihan ko
na siya ... Huwag mo akong iyakan. Pipilitin kong maging matapang at matapat
habambuhay, kahit ako ay mamamatay-tao. Marahil ay maririnig mo pa rin ang
aking pangalan balang-araw. Hindi ko kayo ipahihiya, makikita mo. Patutunayan
ko pa rin ... Sa ngayon ay paalam na muna, pansamantala,” nagmamadali niyang
pagtatapos at muli ay may napuna siyang kakaibang ekspresyon sa mga mata ni
Dunya habang binibitiwan ang mga huli niyang salita at pangako. “Bakit ka ba
umiiyak? Huwag, huwag kang umiyak. Hindi naman tayo maghihiwalay nang
panghabampanahon! A, oo nga pala, sandali lang ... Mayroon akong nalimutan!”
Lumapit siya sa mesa, kinuha ang isang makapal at maalikabok na aklat,
binuksan, at kinuha ang isang maliit na larawang gawa sa watercolor at ivory.
Iyon ang larawan ng anak ng kasera, ang dati niyang kasintahan na namatay nang
nilalagnat. Ang kakaibang dalaga na nais sanang pumasok sa kumbento. Sandali
niyang tinitigan ang maramdamin, malungkot, at hapis na mukha. Hinalikan niya
ang larawan at iniabot kay Dunya.
“Marami akong sinabi sa kaniya tungkol sa bagay na iyon, sa kaniya
lamang,” sambit niyang nag-iisip. “Marami akong ipinaalam sa puso niya ukol sa
mga bagay at pangit na naganap pagkatapos. Huwag kang mag-alala,” sabi niya
kay Dunya, “Hindi rin siya sang-ayon na gaya mo. Nagpapasalamat ako’t wala na
siya. Ang mahalaga ... ang mahalaga’y magbabago na ngayon ang lahat. Makailang
ulit na mapapalitan!” malakas at biglang sabi niya na muling nalungkot, “Lahat-
lahat! Ngunit nakahanda ba ako sa ganoon? Ako ba mismo ang may gusto ng
gayon? Sabi nila’y kailangan iyon bilang pagsubok sa akin! Para saan ang lahat
ng walang-kuwentang pagsubok na ito?! Para saan? Mas maiintindihan ko kaya
ito pagkatapos ng lahat ng mga paghihirap at katangahan sa aking pagtandang
mahina na at uugod-ugod sa loob ng dalawampung taong pagkakakulong? Para
saan pa ang buhay pagkatapos ng lahat ng iyon? Bakit ako papayag na mabuhay pa
nang ganoon? O, alam kong ako’y walang-hiya, naisip ko kaninang magbubukang-
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 539

liwayway habang nakatayo sa ibabaw ng Nieva.”


Sa wakas ay lumabas ang dalawa. Mabigat para kay Dunya ngunit mahal
niya ang kapatid. Tumuloy na ito ngunit nang makalayo na nang mga limampung
hakbang ay muli itong lumingon. Nakita pa niya si Raskolnikov at nang makaabot
sa kanto ay lumingon din ito at sa huling pagkakataon ay nagtagpo ang kanilang
paningin. At nang mapuna ni Raskolnikov na tumitingin pa ang kapatid sa kaniya
ay inip at may halo pang inis na iwinasiwas nito ang kaniyang kamay upang siya
ay paalisin. Siya man ay agad nang lumiko sa kanto.
“Alam kong ako’y masama,” naiisip niya at sandaling napahiya kay
Dunya kanina. “Ngunit bakit gayon na lang ang pagmamahal nila sa akin kung di
ako karapat-dapat! O, kung nag-iisa lang sana ako at walang nagmamahal sa akin,
at wala rin akong minahal kailanman! Di sana’y walang nangyaring ganito! Pero
kakatwa ring malaman. Talaga nga kayang sa loob ng labinlima o dalawampung
taon ay lalambot ang puso ko, maamong yuyuko sa mga tao, at tatawagin ang
sariling tulisan? Oo nga, iyon na nga marahil! Kaya nila ako pinaaalis ngayon. Iyon
ang gusto nila! Heto sila, paroo’t parito sa daan samantalang bawat isa sa kanila’y
walang-hiya at likas na tulisan! Masahol pa riyan ang mga tanga! Pero subukan
mong ipatapon lang ako at lahat sila’y maeeskandalong akala mo’y may matutuwid
na puso’t kalooban! A, kinamumuhian ko silang lahat!”
Malalim ang kaniyang pag-iisip, “Anong proseso ang maaaring mangyari
upang siya’y makumbinsing makipagkasundo sa mga taong ito nang buong puso?
At bakit nga ba hindi? Ganoon naman talaga ang dapat. Hindi pa ba mangyayari
iyon sa dalawampung taong walang-tigil na pagpapahirap? Napatatalim ng tubig
ang bato. At bakit? Bakit pa ako mabubuhay at magpapatuloy kung alam ko nang
lahat ang mangyayari, gaya ng nakasulat sa aklat at wala nang iba?!”
Siguro’y isang daang beses na niyang itinanong sa sarili ang bagay na ito
mula kahapon ngunit lumakad pa rin siya.
VIII

TAKIPSILIM NA NANG TUMULOY siya kina Sonya. Maghapon siyang


hinihintay ni Sonya na abot ang kaba ng dibdib. Kasama niyang naghintay si
Dunya, na kanina pang umaga dumating sapagkat naalala niya ang sinabi ni
Svidrigailov na “Alam ni Sonya.” Hindi na natin ilalarawan ang detalye ng pag-
uusap ng dalawang babae, ang kanilang pagluha, at kung gaano ang kanilang
naging pagkakaunawaan. Kahit papaano, sa pagkikitang iyon ay may pampalubag-
loob si Dunya sa kaalamang hindi mag-iisa ang kapatid.
Unang pinuntahan ni Raskolnikov si Sonya upang magtapat. Siya ang
pinuntahan niya nang kailanganin niya ng taong pagsasabihan. Kaya sasama rin
si Sonya kay Raskolnikov kung hanggang saan ipahintulot ng tadhana. Hindi
nagtanong si Dunya ngunit alam niyang ganoon na nga ang mangyayari. May
lubos na paggalang ang pagkakatitig niya kay Sonya na nang una’y halos magtaka
siya sa ganoong pagkilala. Halos maiyak na si Sonya. Sa kabaligtaran ay ni hindi
niya itinuturing ang sarili na karapat-dapat man lamang na tumingin kay Dunya.
Nananatili sa kaniyang kaluluwa’t isipan ang magandang anyo ni Dunya, na buong
galang at atensyong yumuko’t bumati sa kaniya noon kina Raskolnikov nang
una silang magkita. Para sa kaniya, ito ay isa sa pinakamaganda at mahiwagang
pangyayari sa kaniyang buhay.
Sa wakas ay di na nakatiis si Dunya at iniwan na si Sonya upang hintayin
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 541

ang kapatid sa tirahan nito. Palagay niya’y roon muna ito tutuloy. Nang maiwang
mag-isa ay agad nang natakot si Sonya sa pag-aalalang baka magpakamatay si
Raskolnikov. Ito rin ang kinatatakutan ni Dunya. Bagama’t kapwa nila ipinakikita
maghapon sa isa’t-isa na hindi puwedeng mangyari ang gayon. Mas tahimik ang
kalooban nila habang magkasama. Ngunit ngayong naghiwalay na sila ay iyon
na lamang ang iniisip ng dalawa. Naalala ni Sonya ang sinabi sa kaniya kahapon
ni Svidrigailov, na dalawa lamang ang kapupuntahan ni Raskolnikov: kulungan
sa Vladimirka o kaya’y ... Alam din niya ang kaniyang pagnanais, pagmamalaki,
pagmamahal sa sarili, at kawalan ng pananampalataya. Karunungan at takot
lamang ba sa kamatayan ang pipilit sa kaniyang mabuhay? Nababagabag niyang
naiisip. Papalubog na ang araw. Malungkot siyang nakatitig at nakatayo sa may
bintana, na tanging ang di-pinturadong pader ng katabing gusali ang makikita.
Nang sa wakas ay halos maniwalang patay na nga marahil ang sawimpalad ay
pumasok na ito sa kaniyang kuwarto.
Sigaw ng tuwa ang kumawala sa dibdib ni Sonya ngunit namutla ito
makaraang makitang mataman ang mukha ni Raskolnikov.
“Tama!” sabing natatawa ni Raskolnikov, “Dumating ako para sa iyong
mga krus, Sonya. Ikaw ang nagpapunta sa akin sa krus na daan. Bakit ngayong
narito na ay natatakot ka?”
Naguguluhang nakatitig sa kaniya si Sonya. Nagtataka siya sa kakaibang
tono nito. Malamig na pangangatal ang nadama niya sa buong katawan ngunit
makaraan ang isang sandali ay nahulaan niyang ang tono at mga salitang iyon ay
balatkayo. Nakatingin si Raskolnikov sa sulok habang nagsasalita at umiiwas sa
kaniyang mga mata.
“Alam mo, Sonya, sa pagsusuri ko nga’y makabubuti na ang ganito.
Hinihingi ng kalagayan ... mahabang kuwento. Di na bale. Pero alam mo ba
kung ano ang ikinagagalit ko? Ang mga gunggong at buwisit na kukulit sa
akin. Deretsong itatapon sa akin ang kanilang mga kagaguhang katanungan na
kailangan kong sagutin. Ipinagdiriinan pa ako ... Pwe! Hindi ko pupuntahan si
Porfiry. Mabuti pang doon na lang sa kaibigan kong Pulbura para magulat siya.
Iba pa ang dating! Pero dapat sana’y mas naging malamig ang ulo ko. Masyado
akong naging magagalitin nitong mga nagdaang araw. Maniniwala ka bang halos
umangan ko ng kamao ang aking kapatid dahil lang sa lumingon siya sa akin sa
huling pagkakataon. Malaking kabastusan! A, anong pinaggagawa ko! O, nasaan
ba ang mga krus?”
542 FEODOR DOSTOYEVSKY

Parang wala siya sa sarili. Di nga siya makatagal ni isang saglit sa


kinaroroonang lugar, ni hindi rin mapagtuunan ng pansin ang kahit isang bagay.
Nagsasalimbayan ang kaniyang naiisip. Nagsasabi-sabi. Marahang nanginginig
ang kaniyang kamay.
Walang-imik na kinuha ni Sonya mula sa kahon ang dalawang krus. Isa
na yari sa kahoy na kiparis at isa pa sa tanso. Nagkrus at pagkatapos ay kinurusan
din siya, at isinuot kay Raskolnikov ang krus na kiparis.
“Ang ibig sabihin nito ay dadalhin ko ang aking krus. He-he-he. Oo nga,
hanggang ngayon ay di pa sapat ang aking pinagdusa! Kiparis na krus. Ibig sabihin
ay para sa pangkaraniwang tao. Ang tanso namang krus ni Lizaveta ang kukunin
mo? Patingin nga. Nasa dibdib niya ... ng sandaling iyon? May alam din akong
dalawang krus na kaparis niyan, yari sa pilak at isang ikona. Itinapon ko noon sa
dibdib ng hukluban. Oo nga pala, tama siguro na iyon ang isuot ko ... Pero hindi,
nagsisinungaling lang ako. Makalilimutan ko rin ito. Para akong lumulutang ...
Pumarito ako upang ipaalam na sa iyo ... Iyon lang ... Iyon lang ang dahilan kaya
ako pumarito. (Akala ko’y mas marami akong sasabihin). Hindi ba’t ikaw mismo
ang may gusto na ako’y sumuko kaya’t heto, makukulong ako at mangyayari ang
iyong gusto. O, anong iniiyak mo? Ikaw rin ba? Tama na, tama na! Napakabigat
ng lahat ng ito!”
Gayunman ay natinag ang puso niya habang nakatingin kay Sonya, “Ano
ang kahulugan ng lahat ng ito? Ano ba ako sa kaniya? Bakit siya umiiyak na gaya
ng aking ina at ni Dunya? Aalagaan niya ako!” naisip niya.
“Magkrus ka at manalangin kahit minsan lang,” nanginginig ang
nagsusumamong tinig ni Sonya.
“O, kahit ilan pang ulit! Mula sa puso, Sonya, mula sa kaibuturan ng puso
...”
Iba sana ang gusto niyang sabihin.
Nag-antanda siya nang makailang ulit. Kinuha ni Sonya ang panyo at
itinalukbong ito sa ulo ni Raskolnikov. Ito ang kulay berdeng drap de dames na
talukbong na binanggit noon ni Marmeladov bilang pampamilya. Naalala niya
iyon ngunit di niya itinanong. Totoong nararamdaman na niya na labis ang
kaniyang pagkabahala at pangamba. Natakot siya. Hindi siya makapaniwala na
parang gustong sumama sa kaniya ni Sonya.
“Ano ka ba? Saan ka pupunta? Maiwan ka rito, maiwan ka! Ako’y mag-
iisa!” sigaw niyang pinanghihinaan ng loob at halos pagalit na tumungo sa pinto.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 543

“Para saan ang lahat ng prusisyong ito?” bulong niya papalabas.


Naiwan sa kuwarto si Sonya nang hindi nagpaalam si Raskolnikov sa
kaniya. Nalimutan na niya ito. Isang nakalalason at nakagagalit na pag-aatubili
ang namamayani sa kaniya.
“Ganoon ba? Ganoon ba ang lahat ng ito?” naisip niya nang nasa hagdan
na. “Hindi na nga kaya maaaring tumigil at muling ituwid ang lahat ... na hindi na
kailangang pumaroon?”
Ngunit nagpatuloy rin siya. Bigla niyang naramdaman na hindi na dapat
pang tanungin ang sarili. Paglabas sa kalsada ay biglang naalala niya na hindi man
lamang siya nagpaalam kay Sonya at ito’y naiwang mag-isa sa kuwarto, kasama ng
kaniyang balabal na kulay berde. Hindi ito naglakas-loob na gumalaw kaninang
siya’y sumigaw. Napahinto siya saglit. Sa saglit ding iyon ay malinaw niyang
naliwanagan ang isang saloobin na parang naghintay lang na siya’y tuluyang
pasukuin.
“O, para saan, para saan at pinuntahan ko siya? Sinabi ko sa kaniyang
dahil sa gawain. Anong gawain? Wala naman talagang gawain! Upang ipahayag
na ako’y patungo na roon, ganoon ba? Bakit kailangan? Iniibig ko ba siya o hindi?
Hindi ba? Hindi ba? Pero ngayo’y itinaboy ko siyang parang aso. Mga krus nga
ba ang talagang kailangan ko sa kaniya? A, ang lalim ng binagsakan ko! Hindi!
Kailangan ko lang makita ang kaniyang mga luha, ang kaniyang takot, makita
kung paanong kirot ng kaniyang puso, kung paano itong madurog! Kinailangan
ko ng makakapitan, kinailangan ko ng taong pipigil sa akin! At naglakas-loob ako
na umasa nang ganoon sa sarili, na mangarap ng ganoon! Ako’y mababa! Walang-
silbi! Ako’y walang-hiya! Walang-hiya!”
Naglalakad siya sa gilid ng kanal at di pa gaanong malayo ang naabot.
Nang makarating sa tulay ay huminto siya at biglang lumiko sa direksyon ng
palengke.
Uhaw niyang tinitingnan nang mataman ang bawat bagay sa kaliwa’t
kanan at di siya makatuon sa kahit alin. Lahat ay lumilipad. “Makalipas ang
isang linggo o isang buwan ay dadalhin na ako sa kung saan sakay ng karetang
pambilanggo at magdaraan sa tulay na ito. Paano kaya ako titingin sa ilog na ito?
Matatandaan ko kaya ito?” Sumagi rin sa isip niya, “Halimbawa, ang karatulang
iyon, paano ko kaya babasahin ang mga letra ring iyon? Nakasulat doon ang
“Corporation.” Tatandaan ko ang ‘a,’ ang letrang ‘a’ na iyon. At titingnan ko ulit
ang ‘a’ na iyon makalipas ang isang buwan. Paano ko kaya ito titingnan? Ano kaya
544 FEODOR DOSTOYEVSKY

ang mararamdaman at maiisip ko noon? Diyos ko! Napakababa talaga ng lahat


ng aking ... mga alalahanin ngayon! Pero siyempre ... kakatawa ring malaman ang
mga iyon ... kahit papaano ... (Ha-ha-ha! A, mga iniisip ko!) Para akong bata!
Pinatatawa ko ang aking sarili! Ano naman ang ikahihiya ko sa sarili? Ay, tingnan
mo nga ito kung makatulak! Alam kaya ng matabang mukhang Aleman na iyon
kung sino ang itinulak niya? Ang babaeng may kalong na bata at humihingi ng
limos. Kakatwang isipin niya na mas mapalad ako kaysa kaniya. Malimusan nga
para malaman. Aba, may limang kopek ako sa bulsa. Saan galing ito? Heto, inang
... kunin ninyo!”
“Pagpalain ka nawa ng Diyos!” narinig ang makabagbag na tinig ng
pulubi.
Pumasok siya sa palengke. Hindi niya gusto. Ayaw na ayaw niyang
nakikihalubilo sa mga tao ngunit doon siya mismo pumunta kung saan maraming
tao. Ibibigay niya ang lahat sa daigdig upang mapag-isa lamang ngunit dama
niyang hindi siya mag-iisa kahit isang sandali. Sa kulumpol ng mga tao ay may
isang nanggugulong lasing. Gusto niyang sumayaw ngunit pasuray-suray siya at
iniiwasan ng mga tao. Nakipagsiksikan si Raskolnikov sa mga tao. Ilang sandaling
tiningnan ang lasing at di kaginsan-ginsa’y humalakhak nang maikli at paputol-
putol. Sandali lang at nalimutan na niya ito, ni hindi na niya ito nakikita bagama’t
nakatingin sa kaniya. Sa wakas ay lumayo na siya, ni hindi alam kung saan na siya
naroroon ngunit nang makarating na siya sa may gitna ng plaza ay gumalaw siya
at may sumaklot sa kaniyang matinding damdamin na lumukob sa buo niyang
katawan at isipan.
Bigla niyang naalala ang mga salita ni Sonya: “Pumunta ka sa sangang-
daan, magpatirapa sa harap ng mga tao, at halikan mo ang lupa sapagkat ikaw
ay nagkasala sa kaniya. At sabihin mo sa buong daigdig nang malakas: “Ako ay
mamamatay-tao!” Nanginig ang buo niyang katawan nang ito’y maalala. Bago pa
man ito ay dagan na siya ng hindi maiwasang dalamhati at pangamba, lalo na
nitong nakaraang ilang oras kaya’t hangos na naghanap sa posibilidad ng buo’t
naiibang damdaming ito. Parang sumpong na ito nga’y dumating at nag-init sa
dibdib ang munting ningas hanggang sa maging apoy na kumain sa kabuuan.
Agad na lumambot ang kaniyang kalooban at umagos ang masaganang luha. Sa
kaniyang pagkakatayo’y nalugmok siyang parang tinibag sa lupa ...
Lumuhod siya sa gitna ng plaza at nagpakayuko-yuko upang hagkan ang
maruming lupa nang buong tuwa at ligaya. Tumayo siya at muling lumuhod.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 545

“O, lakas ng tama nito!” puna ng isang binatang katabi niya.


Umalingawngaw ang tawanan.
“Papunta iyan sa Jerusalem, mga kapatid, kasama ang mga anak kaya’t
yumuyuko sa buong daigdig at hinahagkan ang kapitolyo ng St. Petersburg at ang
kaniyang semento,” dagdag ng isang naroroong lasing.
“Bata pa!” dugtong ng pangatlo.
“Isa sa mga maginoo!” puna ng isang kapani-paniwala ang boses.
“Pero di mo naman malalaman kung sino ang maginoo at hindi sa kanila.”
Lahat ng mga usapan at reaksyong ito ang pumigil kay Raskolnikov at
sa sasabihin sanang “Pumatay ako!” Na nasa dulo na ng dila ngunit nanlamig na
roon. Tahimik niyang tinanggap ang lahat ng sigawan at walang-lingon-lingong
binagtas ang sangang-daan patungo sa presinto. Habang naglalakad ay may
nakinita siyang pangitain ngunit di na siya namangha pa. Naramdaman na niya na
ganoon na nga ang dapat mangyari. Nang siya ay nasa plaza at muling lumuhod ay
napatingin siya sa bandang kaliwa, mga limampung hakbang ang layo. Namataan
niya si Sonya na nagkukubli sa mga tablang tindahang nasa plaza. Ibig sabihin ay
sinamahan siya nito sa kaniyang paglalakad na puno ng pagdurusa. Sa sandaling
ito’y naramdaman at alam na ni Raskolnikov nang may katiyakan na magmula
ngayon, magpakailanman, ay daramayan siya ni Sonya, maging sa dulo man ng
daigdig, kung saan siya ipadpad ng tadhana. Nabagabag nang husto ang kaniyang
puso’t kalooban ... ngunit heto na at nakarating na siya sa takdang lugar ...
Masigla pa rin siyang pumasok sa bakuran at papanhik pa siya sa ikatlong
palapag. “Aakyat pa ako,” naisip niya na para bang malayo pa ang takdang panahon
at marami pang oras na natitira. Marami pa ang puwedeng baguhin o magbagong-
isip kaya.
Ganoon pa rin ang ingay, ang mga balat ng itlog na nagkalat sa palibot
ng hagdan, ang pinto ng mga paupahan na nakabukas, at ang singaw at amoy na
nanggagaling sa kusina. Hindi pa muling pumaparito si Raskolnikov mula noon.
Tila pata at nangangatog ang kaniyang tuhod pero tuloy pa rin. Saglit lang siyang
huminto upang tibayan ang loob, magpatuloy, at pumasok na gaya ng tao. “Para
saan? Para ano pa?” bigla niyang naisip nang mahinuha ang ginagawa. “Kung
kailangang lagukin ang kopita at danasin ang hirap na ito, e, di pareho na lang?
Habang pumapangit, mas mabuti.” Sa isang kisapmata ay gumuhit sa kaniyang
balintataw ang larawan ni Ilya Petrovich Porokh, “Sa kaniya nga ba talaga ang
punta niya? Hindi ba puwedeng sa iba na lang? Kay Nikodim Fomich, halimbawa.
546 FEODOR DOSTOYEVSKY

Bumalik na lang kaya at tumuloy sa bahay mismo ni inspektor? Kahit papaano’y


magiging pribado roon ... Hindi, hindi! Kay Porokh, kay Porokh na! Kung iinom
din lang ay isang tunggaan na lang!”
Nanlalamig at halos wala sa sariling binuksan niya ang pinto ng presinto.
Sa pagkakataong ito’y kakaunti ang mga tao roon. May nakatayong bantay at isang
mama. Hindi lumilingon ang nakatoka sa kaniyang lugar. “Puwede pang hindi
magsalita siguro,” naisaloob niya. May isang kawani ang nagsusulat ng kung ano
sa opisina. Isa pang empleyado ang nakaupo sa sulok. Wala si Zamyotov at wala
rin siyempre si Nikodim Fomich.
“Wala silang lahat?” tanong ni Raskolnikov sa isa sa nasa opisina.
“Sino bang kailangan ninyo?”
“A-a-a! Hindi na naririnig, hindi na nakikita, ngunit ang kaloobang Ruso
ay ... Paano na kasi iyon sa mga kuwento ... Nalimutan ko na! Pinagpipitagang
ginoo!” malakas na sabi ng kilalang boses.
Napaigtad si Raskolnikov. Nasa harapan niya si Porokh. Lumabas siya
mula sa ikatlong kuwarto. “Kapalaran na ito,” naisip ni Raskolnikov, “Bakit ba ito
narito?”
“May kailangan kayo sa amin? Ano iyon?” bulalas ni Ilya Petrovich.
(Mukhang napakaganda ng kaniyang kondisyon at may katindihan ang bugso ng
damdamin). Kung tungkol sa opisyal na bagay ay napaaga kayo nang dating. Ako
man ay sumaglit lang dito ... Ngunit ano ba ang maipaglilingkod ko? Inaamin ko
sa inyo ... Ano na kasi? Ano kasing ... ninyo? Ipagpaumanhin ...”
“Raskolnikov.”
“Oo, Raskolnikov! Ipinagpapalagay ba naman ninyo na nalimutan ko!
Huwag naman sana ninyo akong ituring na ganoon ... Rodion Ro ... Rodionich,
ganoon nga ba?”
“Rodion Romanovich.”
“A, oo nga pala! Rodion Romanovich, Rodion Romanovich! Iyon ang
inaalala ko. Inulit- ulit ko pa nga. Inaamin ko sa inyo na noon pa ako tunay
na nagsisisi na tayo noon ay ... Pero ipinaliwanag na sa akin at nalaman ko na
kayo’y batang manunulat at magaling na palaisip ... Ibig sabihin ay nagsisimula
... Diyos ko! Sino ba ang may mga orihinal na hakbang? Ako at ang aking asawa
ay mahilig sa panitikan. Lalo na ang aking asawa ... pagdating sa panulat at
sining! Mahalaga’y marangal na angkan at lahat ay matatamo sa pamamagitan
ng talento, katalinuhan, kaalaman, at talas ng isipan! Kung sumbrero naman, e,
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 547

ano ang ibig sabihin ng sumbrero? Ang sumbrero ay parang bibingka, mabibili
ko kay Zimmerman. Ngunit kung ano ang iniingatan at tinatakpan ng sumbrero,
iyon ang di ko mabibili! Inaamin ko na nais ko nga sanang puntahan kayo upang
magpaliwanag. Naisip ko lang na baka kayo ay ... Pero di ko pa pala naitatanong.
May kailangan ba kayo? Sabi nila’y dumating daw ang inyong mga kamag-anak?”
“Oo, ang aking ina at kapatid.”
“Karangalan ko ngang makaharap ang inyong matalino at magandang
kapatid. Inaamin ko na ikinalulungkot ko ang mainit na pagtatalo natin noon.
At kung pinaghinalaan ko man ang inyong pagkahilo ay malinaw naman itong
naipaliwanag pagkatapos. Kakitiran ng pananaw at panatismo! Nauunawaan
ko ang inyong galit. Oo nga pala, baka naparito kayo dahil kailangan ninyong
humanap ng ibang matitirhan para sa mga kaanak?”
“Hindi. Ano lang ... itatanong ko lang ... Akala ko’y makikita ko rito si
Zamyotov.”
“O, oo nga! Naging magkaibigan nga pala kayo, narinig ko rin. Kaya
lang, wala si Zamyotov, di ninyo naabutan. Oo, wala na si Alexander Grigorievich.
Kahapon pa umalis pero bago iyon ay nakipag-away muna sa lahat ... Di nga
maganda, e. Walang-alam kundi kahanginan. Parang may pag-asa pero ganoon
talaga ang magagaling nating kabataan. Ipapasa raw ang eksamen pero puro salita
lang at pagyayabang matapos ang pagsusulit. Pero hindi ninyo siya gaya o ng inyong
kaibigang si G. Razumikhin! Pagpapakadalubhasa ang inyong karir at hindi na
kayo aabutan ng disgrasya! Puwedeng sabihin na para sa inyo ay nihil est—ang
lahat ng kagandahan sa buhay. Kayo ay isang asketiko, monghe, at ermitanyo!
Libro ang para sa inyo, panulat sa likod ng tainga, at pagpapakadalubhasa.
Doon mamamayagpag ang inyong galing. Binasa ba ninyo ang mga isinulat ni
Livingstone?”
“Hindi.”
“Nabasa ko. Sa ngayon ay napakaraming nihilista ang nagkalat. Kung
sabagay ay malinaw kung bakit. Tingnan lang natin kung ano ang panahon
ngayon, di ba? Kaisa ninyo ako ... pero di naman kayo nihilista?! Sumagot lang
kayo nang tapat!”
“H-hindi ...”
“Alam ninyo, puwede kayong maging tapat sa akin. Wala kayong dapat
alalahanin. Iba ang trabaho at iba rin ang ... siguro’y iniisip ninyo na pagkakaibigan
ang gusto kong sabihin? Hindi, hindi ganoon. Hindi pagkakaibigan, kundi
548 FEODOR DOSTOYEVSKY

damdamin ng isang mamamayan, ng isang tao, damdaming makatao at pag-


ibig sa Maylikha. Oo nga’t opisyal ako at may katungkulan ngunit lagi rin akong
may tungkuling damhin ang aking pagiging tao at mamamayan ... Halimbawa,
nabanggit ninyo si Zamyotov. Si Zamyotov ay maaaring mag-eskandalo gaya
ng isang Pranses sa isang di-matinong lugar dahil sa isang basong champagne o
alak. Ganyan ang inyong si Zamyotov. Maaari namang sabihin, sa isang banda, na
ako’y nag-aapoy sa marubdob na damdamin at katapatan, higit pa riyan ay may
katuturan, may ranggo at tungkulin! Ako ay may asawa at mga anak. Tinutupad
ko ang tungkulin ng isang mamamayan at isang tao. E, siya, sino ba siya? Hayaan
ninyong itanong ko. Itinuturing ko kayong isang taong pinabuti ng edukasyon.
Pero masyado rin dumarami itong mga komadrona.”
Naguguluhang itinaas ni Raskolnikov ang mga kilay. Ang mga salita ni
Ilya Petrovich, na halatang kagagaling pa lamang sa binabasa, ay parang ingay
lamang na walang-katuturan ang karamihan. Gayunma’y may ilan din siyang
nauunawaan. Patanong siyang nakatingin at di alam kung saan magtatapos ang
lahat ng ito.
“Ang sinasabi ko’y itong mga gupit na babae,” pagpapatuloy ng madakdak
na si Ilya Petrovich. “Ang tawag ko mismo sa kanila’y mga komadrona at sa tingin
ko’y nababagay na katawagan iyon. He-he-he! Nakikihalo sa akademya at nag-
aaral ng anatomiya! Pero sa palagay ninyo ba, kung halimbawang magkasakit ako,
ay tatawag ako ng dalaga upang gamutin ako? He-he-he!”
Humalakhak si Ilya Petrovich na natutuwa sa kaniyang kagalingan.
“Sabihin na nating uhaw sa kaalaman na di-matighaw pero pagkanatuto
na, e, tama na. Bakit pa aabusuhin? Bakit kailangang insultuhin ang isang marangal
na tao gaya ng ginagawa ng walang-hiyang si Zamyotov? Bakit niya ako ininsulto?
Tanong ko sa inyo ... Tingnan ninyo ang dami ng mga nagpapakamatay ... Hindi
ninyo mahuhulaan. Uubusin ang lahat ng pera at pagkatapos ay magpapakamatay,
babae man, bata o matanda ... Kaninang umaga lang ay ibinalita ang ukol sa isang
kararating lang na ginoo. Nil Pavlich yata, oo, Nil Pavlich! Oo, kanina nga ay
ibinalita ang ginoo na sa Petersburg pa nagbaril sa sarili, ano kasing pangalan?”
“Svidrigailov,” matamlay at walang-ganang sabi ng isang mula sa kabilang
kuwarto.
“Si Svidrigailov, nagpakamatay?!” bulalas ni Raskolnikov.
“Kilala ninyo si Svidrigailov?”
“Oo ... alam ko ... Kailan lang siya dumating ...”
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 549

“Oo nga, kailan lang dumating, nawalan ng asawa, walang-ingat, at bigla


na lang nagpakamatay sa kakatwang kondisyon, hindi mo aakalain ... May iniwan
siyang sulat, na namatay siyang nasa malinaw na pag-iisip at nakikiusap na huwag
sisihin ang sinuman sa kaniyang kamatayan. Sabi nila’y mayaman daw. Paano pala
ninyo nalaman?”
“Kilala ko ... Tumira ang kapatid ko sa kanila bilang katiwala ...”
“Ba, ba, ba ... Maaari pala kayong nag-ulat ukol sa kaniya. Hindi ba ninyo
nahalata?”
“Nakita ko siya kahapon ... Uminom ... siya ng alak ... Hindi ko alam ...”
Naramdaman ni Raskolnikov na parang nabagsakan siya ng kung anong
umiipit sa kaniya ngayon.
“Parang namutla na naman kayo. Mayroon kaming pampalakas-loob
dito ...”
“Kailangan ko nang umalis,” bulong ni Raskolnikov, “Ipagpaumanhin
ninyo ang aking pang-aabala.”
“O, walang anuman, anumang oras! Kasiyahan namin at kami’y natutuwa
na ...”
Iniabot pa ni Ilya Petrovich ang kaniyang kamay.
“Nais ko lang sanang ... puntahan si Zamyotov ...”
“Naiintidihan ko at ikinatutuwa namin.”
“Sa akin ... ang kasiyahan ... Hanggang sa muli ...” Ngumiti si Raskolnikov.
Lumabas siyang sumusuray. Umiikot ang kaniyang paningin. Di nga
maramdaman kung nakatayo pa siya. Bumaba na siya sa hagdan habang ang kanang
kamay ay nakahawak sa pader. Sa pakiramdam niya’y parang may bantay na may
dalang papel papunta sa presinto ang bumunggo sa kaniya nang makasalubong,
may asong tumatahol sa ibaba, at may babaeng napasigaw at nambato ng patpat.
Nakababa si Raskolnikov at nakarating sa bakuran. At sa bakuran, di-kalayuan sa
labasan, ay nakatayo ang putlang-putla at halos bangkay na si Sonya, at tigalgal na
tigalgal itong nakatingin sa kaniya. Huminto si Raskolnikov sa kaniyang harapan.
Sa anyo ni Sonya’y nakaguhit ang sama-ng-loob at pagdurusa, parang nawalan na
nang pag-asang sapupo ang mga kamay. Mapait at walang-kawawaang ngumiti
si Raskolnikov. Sandali siyang tumayo, tumawa, at bumalik sa itaas pabalik sa
presinto.
“A-a-a! Kayo muli! May naiwan ba kayo? Anong nangyayari sa inyo?”
Namumutla ang mga labi, nakapako ang tinging walang-imik na lumapit
550 FEODOR DOSTOYEVSKY

sa kaniya si Raskolnikov, lumapit sa mesa, at humawak sa kaniya. Nais niyang


magsalita ngunit di niya nagawa. Maririnig lamang ang mga walang-kawawaang
tinig.
“Masama ang inyong pakiramdam. Upuan nga rito! Heto, maupo kayo!
Tubig!”
Naupo sa upuan si Raskolnikov ngunit di-hinihiwalayan ng tingin ang
di-nasisiyahan at gulat na si Ilya Petrovich. Kapwa sila tumingin sa isa’t isa, sandali,
at naghintay. May nagdala na ng tubig.
“Ako ang ...” pagsisimula ni Raskolnikov.
“Uminom kayo ng tubig.”
Hinawi ng kamay ni Raskolnikov ang tubig at mahina, paputol-putol,
ngunit malinaw na sinabing:
“Ako ang sadyang pumatay sa matandang babae at sa kaniyang kapatid
na si Lizaveta gamit ang palakol. Ako rin ang nagnakaw.”
Napanganga si Ilya Petrovich at nagsikilos ang lahat sa paligid.
Inulit ni Raskolnikov ang kaniyang testimonya.
Epilogo
I

SIBERIA. Sa pampang ng malawak at nag-iisang ilog ay matatagpuan ang isang


bayang isa sa sentrong pampamahalaan ng Rasya. Sa bayang ito ay may tanggulan
at sa tanggulan ay may kulungan. Siyam na buwan nang nakapiit sa kulungan ang
bilanggong nasa ikalawang antas—si Rodion Romanovich. Halos isang taon at
kalahati na ang nakalilipas mula nang maganap ang krimen.
Ang pagdinig sa kaniyang kaso ay di-gaanong naging mahirap. Matibay,
eksakto, at malinaw niyang sinuportahan ang kaniyang testimonya. Hindi niya
ginulo ang mga pangyayari, hindi pinaganda para sa sariling kapakanan, hindi
binaluktot ang mga naganap, at hindi kinalimutan maging ang maliliit na detalye.
Isinalaysay niya ang lahat-lahat tungkol sa pagpatay. Ipinaliwanag niya ang lihim
ng isinanla (isang pirasong kahoy na may pabalat na metal) na natagpuan sa
kamay ng pinatay na matanda. Isinalaysay rin niya nang detalyado kung paanong
kinuha sa pinaslang ang mga susi. Inilarawan niya ang mga susi, ang baul, at kung
ano ang mga laman nito. Inisa-isa pa niya ang ilang bagay na naroon. Nilinaw ang
misteryo ng pagkamatay ni Lizaveta. Ikinuwento niya ang pagdating at pagkatok
ni Koch na sinundan ng isang estudyante at kung paano sila nag-usap. Pagkatapos
ay humangos siya sa hagdan. Narinig niya ang ingay nina Nikolka at Mitka, ang
kaniyang pagtatago sa walang taong paupahan, kung papaano siyang umuwi sa
bahay, at bilang pagtatapos ay itinuro niya ang kinalalagyan ng bato sa looban
554 FEODOR DOSTOYEVSKY

sa likod ng bakod sa may Voznesenski Avenue, kung saan natagpuan ang mga
bagay, kasama ang pitaka. Sa madaling salita ay malinaw ang lahat sa kaso. Gulat
na gulat ang mga imbestigador at hukom kung bakit itinago lang niya ang mga
bagay na ito at ang pitaka sa ilalim ng bato at hindi ginamit. Nagtaka rin sila
dahil hindi niya matandaang lahat kung ano-ano ang mga inilagay niyang nakaw
roon at nagkamali rin siya sa bilang ng mga ito. Hindi naging kapani-paniwala
na ni minsan ay di niya binuksan ang pitaka at ni hindi inalam kung magkano
ang laman niyon (Lumitaw na ang laman nito ay tatlong daan at labimpitong
rublong pilak at tatlong tig-benteng kopek. Dahil sa tagal ng pagkakalagay sa
ilalim ng bato ay ilang malalaking halagang papel na nasa itaas ang halos malusaw
na). Matagal nilang inusisa kung bakit nagsisinungaling sa bagay na iyon ang
nasasakdal samantalang sa lahat ng iba pa ay kusang umaamin nang tapat. Sa
wakas ay tinanggap na ng ilang sikologo na posibleng di niya tiningnan ang pitaka
kaya’t di alam kung ano ang laman nito at itinago na sa ilalim ng bato. Mula rin
dito ay nagbigay-konklusyon na ang krimen ay hindi maaaring maganap nang
di-nasasabayan ng pansamantalang kawalan ng katinuan, gaya ng karamdamang
monomania, na sinabayan ng pagpatay at pagnanakaw. Pagpatay lang at
pagnanakaw. Wala nang pangmatagalang layunin at pakinabang. Sa gayong paraan
ay lumaganap ang pinakabagong usong teorya ng pansamantalang pagkabaliw,
na sa ating panahon ay napakadalas gamitin patungkol sa iba pang kriminal.
Inilarawan din sa maraming paraan ng ilang saksi ang dating hypochondria ni
Raskolnikov, gaya nina Dr. Zosimov, mga dating kaibigan, kasera, at katulong.
Lahat ng ito ay malakas na nagpatibay sa konklusyon na si Raskolnikov ay di-
gaya ng karaniwang mamamatay-tao, tulisan, at magnanakaw. Iba siya. Labis
na nalungkot ang mga pumapanig sa ganitong opinyon sapagkat ang mismong
kriminal ay di-nagtangkang ipagsanggalang ang sarili. Sa tanong na kung ano
ang nagtulak sa kaniyang pumatay at magnakaw ay napakalinaw at masaklap na
isinagot niya na ang dahilan ng lahat ay ang kaniyang napakahirap na kalagayan,
ang kaniyang kaabahan, kawalan ng matatakbuhan, at ang pagnanasang padaliin
ang unang hakbang sa pagpapaunlad sa buhay, sa tulong man lamang ng tatlong
libong rublo, na sa tantiya niya’y makukuha sa biktima. Nagpasya siyang pumatay
dala ng pabigla-bigla at maruwag na kalooban, isang sawimpalad na mainitin ang
ulo. Sa tanong naman na kung ano ang nagtulak sa kaniya upang umamin ay
tuwirang sumagot siya na ito’y bunga ng taos-pusong pagsisisi. Lahat ng ito ay
halos may kagaspangan ...
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 555

Gayumpaman, naging mas magaan ang kaparusahan kaysa maaaring


asahan at kumpara sa ginawang krimen. Ito marahil ay dala ng pagtanggi ng
kriminal na mangatuwiran. Sa halip ay hangad pang idiin lalo ang sarili. Lahat ng
mga kakaiba at natatanging aspekto ng kaso ay isinaalang-alang. Ang karamdaman
at hikahos na kalagayan ng kriminal, bago gawin ang katampalasan, ay hindi
pinag-alinlanganan kahit kaunti, na hindi niya ginamit ang ninakaw ay tinanggap
na bahagi ng kaniyang pagsisisi at ang kawalan ng katinuan ng isip nang isagawa
ang krimen. Ang di-sinasadyang pagpatay kay Lizaveta ay nagpapatibay sa huli.
Nagsagawa ang tao ng makalawang ulit na pagpatay at nakalimutang bukas ang
pinto! Sa wakas, ang kaniyang kusang pag-amin habang pinagulo na ang kaso ng
maling pahayag ng panatikong si Mikolai. Maliban pa riyan ay mayroon nang
malinaw na lusot ang kriminal at ni hindi na siya pinaghihinalaan (Tinupad ni
Porfiry Petrovich ang kaniyang salita). Lahat ng ito ay nagpagaan sa ginawa ng
nasasakdal.
Maliban pa riyan ay may nangyari ring di-inaasahan na nagpabago sa
kalagayan at nakabuti sa nasasakdal. Nahukay kung saan ng dating estudyanteng
si Razumikhin ang ilang katibayan na nagpapatotoong si Raskolnikov ang
tumulong at kumupkop sa loob ng halos kalahating taon sa isang naghihirap at
maysakit na kaibigan nang sila’y nag-aaral pa sa unibersidad. Nang mamatay ang
kaibigang ito ay tinulungan din ni Raskolnikov ang naiwang ama ng namatay
(Labintatlong taon pa lang ang kaibigan ay nag-alaga na sa ama). Dinala niya
ang ama ng kaibigan sa ospital at nang mamatay ay ipinalibing din. Lahat ng
mga testimonyang ito ay nakabuti sa tadhana ni Raskolnikov. Ang dati rin niyang
kasera, ina ng namatay niyang kasintahan, na biyuda ni Zarnitsin, ay nagbigay
ng pahayag na noong nakatira pa sila sa ibang bahay sa may Limang Sangang-
daan ay nagkasunog. At iniligtas ni Raskolnikov mula sa nagliliyab na bahay ang
dalawang maliliit na bata. Doon ay nagtamo rin siya ng sunog. Ang bagay na iyon
ay sinaliksik at pinatunayan ng iba pang saksi. Sa madaling salita, ang nasasakdal
ay pinatawan ng parusang sapilitang pagkakulong at pagtatrabaho nang walong
taon lamang bilang bilanggong ikalawang antas. Ito ay dahil sa pagsasaalang-alang
sa kaniyang kusang-loob na pag-amin at sa ilan pang sitwasyong nakapagpagaan
sa kaniyang kasalanan.
Nagsisimula pa lamang ang pagdinig sa kaso ay nagkasakit na ang ina
ni Raskolnikov. Nakakita naman ng pagkakataon si Dunya at Razumikhin na
ilayo muna siya sa Petersburg habang dinirinig ang kaso. Pumili si Razumikhin
556 FEODOR DOSTOYEVSKY

ng lungsod na di-kalayuan sa Petersburg at may daanan ng tren upang regular na


masundan ang progreso ng kaso, at madalas na makita si Avdotia Romanovna.
Ang karamdaman ni Pulheria Aleksandrovna ay di-karaniwan, may halong
nerbiyos at bahagyang apektado ang katinuan, kundi man lubos. Nang umuwi
siya pagkatapos ng huling pakikipag-usap sa kapatid ay inabutan niya ang inang
masamang-masama ang pakiramdam, inaapoy ng lagnat, at nagdedeliryo. Nang
gabi ring iyon ay kinausap ni Dunya si Razumikhin at nagkasundong maghabi
ng kuwento tungkol sa kapatid, na kunwa’y umalis upang tumupad ng tungkulin
sa malayo, sa dulo ng Rasya, na magpapayaman at magpapasikat sa kaniya. Lahat
ng ito ay siyang isasagot sa ina kung sakaling magtanong. Ipinagtaka nila noon na
di na nag-usisa pa si Pulheria Aleksandrovna tungkol dito at maging pagkatapos
niyon. Sa halip ay mayroon din siyang buong istorya ukol sa biglang pag-alis
ng anak. Lumuluhang ikinuwento niya ang pagdating niya upang magpaalam.
Ipinahiwatig nitong tanging siya lamang ang nakaaalam sa ilang mahahalaga at
sekretong bagay, na maraming malalakas na kalaban si Rodya at kailangan niyang
magtago. Kung tungkol naman sa kaniyang kinabukasan ay paniwala rin siyang
ito’y magiging maganda matapos lang ang mahirap na sitwasyong kinahaharap
ngayon. Pinaniniwala pa niya si Razumikhin na balang-araw ay maaari pang
maging opisyal ng gobyerno ang anak. Ito ay pinatutunayan ng kaniyang artikulo
sa dyornal at galing sa pagsulat. Walang-tigil niyang binabasa ang sanaysay na ito,
minsan ay malakas pa, halos matulog na kasama ito, ngunit halos di-itanong kung
saan nga ba talaga naroon si Rodya, bagay na iniiwasan naman ng kasambahay na
pag-usapan dahil lalo lang itong mag-aalala. Sa dakong huli’y ikinatakot na nila
ang pananahimik ni Pulheria Aleksandrovna ukol sa ilang bagay. Halimbawa’y
ni hindi siya nagrereklamo sa hindi niya pagtanggap ng kahit isang sulat mula
sa pinakamamahal na Rodya. Samantalang noon ay nabubuhay lamang siya sa
pag-asang makatatanggap sa malaot madali mula sa kaniya ng sulat. Ang di-
maipaliwanag na bagay na ito ang lalong nagpakaba kay Dunya. Naisip niya na baka
may pakiramdam na ang ina sa masamang kapalarang darating sa anak at takot
nang magtanong upang di na makarinig pa nang mas masama. Isa pa’y malinaw
na kay Dunya na ang ina’y wala na sa katinuan ng isip. Halimbawa’y dalawang
ulit nang siya mismo ang nagsimula ng usapan kung saan hindi maaaring hindi
sabihin ang kinaroroonan ni Rodya kung sasagutin ang tanong. Dahil sa hindi
maiwasang hindi magiging kasiya-siya at kapani-paniwala ang sagot ay bigla siyang
labis na nalungkot, nahapis, at nagsawalang-kibo sa loob ng mahabang panahon.
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 557

Sa huli’y natiyak ni Dunya na mahirap ang magsinungaling at mag-imbento


kaya’t ipinasya niyang mas mabuti pa ang lubusan nang manahimik tungkol sa
ilang bagay. Ngunit naging walang-sinlinaw na may napakasamang kutob ang
kawawang ina. Naalala pa ni Dunya ang sinabi ng kapatid na habang natutulog
siya noon ay nagsasalita at naririnig ng ina. Iyon ay noong bisperas ng malungkot
na araw, pagkatapos nilang mag-usap ni Svidrigailov. Baka noon niya narinig?
Kung minsan, makaraan ang ilang araw o linggong kalungkutan, katahimikan, at
walang-imik na pag-iyak, ay bigla na lang halos histerikal na sisigla ang maysakit
at malakas na magsasalita nang walang-patumangga tungkol sa anak, sa kaniyang
pag-asa, at sa bukas ... Minsa’y masyadong kakatwa ang kaniyang pantasya. Siya ay
inaalo, inaayunan (marahil ay malinaw niyang nakikita na siya’y inaayunan lamang
at inaaliw) ngunit patuloy pa rin siya ...
Limang buwan ang lumipas mula nang umamin ang kriminal nang
lumabas na ang desisyon. Dinaralaw siya ni Razumikhin sa kulungan tuwing may
pagkakataon, ganoon din si Sonya, hanggang dumating ang oras ng paghihiwalay.
Nangako si Dunya na ang paghihiwalay ay hindi panghabampanahon, ganoon
din si Razumikhin. Sa mura at mainit na isip ni Razumikhin ay nabuo ang plano
na maglaan ng tatlo o apat na taon hangga’t maaari upang magsimula ng bagong
kabuhayan, mag-ipon ng pera, at lumipat na sa Siberia kung saan mayaman sa lahat
ng aspekto, liban na lamang sa mga manggagawa, tao, at kapital. Maninirahan sa
bayan kung saan naroon din si Rodya ... at lahat ay sama-samang magsisimula
ng panibagong buhay. Lahat ay lumuluhang nagpaalaman. Nitong mga huling
araw ay laging malalim ang iniisip ni Raskolnikov at panay ang tanong ukol sa
ina at nag-aalala. Naghihirap siya para sa ina na ikinabahala rin ni Dunya. Nang
malaman ang ukol sa karamdaman ng ina ay lalo itong nalungkot. Sa panahong
ito, sa kung anong dahilan, ay hindi siya umiimik kay Sonya. Sa tulong naman ng
perang ibinigay ni Svidrigailov ay matagal nang nakahanda si Sonya na sumunod
sa pagdadalhan ng mga bilanggo, kasama si Raskolnikov. Ni minsan ay hindi nila
ito binanggit ngunit alam na ng dalawa na ganoon na nga ang mangyayari. Sa
huling pamamaalam ay kakaibang ngiti ang tugon ni Raskolnikov sa marubdob
na paniniyak ng kapatid at ni Razumikhin, na magiging maaliwalas ang kanilang
bukas paglabas niya ng kulungan. Hinulaan pa ni Raskolnikov na ang karamdaman
ng ina’y magtatapos sa higit na kasawian. Umalis na rin silang dalawa ni Sonya.
Makalipas ang dalawang buwan ay nagpakasal si Dunya kay Razumikhin.
Malungkot at tahimik ang kasalan. Kasama sa mga inimbitahan sina Porfiry
558 FEODOR DOSTOYEVSKY

Petrovich at Zosimov. Mababakas sa mukha ni Razumikhin ang malakas na


determinasyon. Lubos ang paniniwala ni Dunya na tutuparin niya ang lahat ng
kaniyang balakin at di siya maaaring di-maniwala. Matibay na gaya ng bakal
ang kalooban ng asawa. Bumalik muli siya sa unibersidad upang tapusin na ang
kurso. Minsan ay pinagpaplanuhan ng dalawa ang bukas. Kapwa sila matibay na
umaasam na sa loob ng limang taon ay makalilipat sila sa Siberia. Pansamantala ay
inaasahan nila roon si Sonya ...
Masayang binasbasan ni Pulheria Aleksandrovna ang kasal ng anak kay
Razumikhin ngunit matapos ang kasal ay para itong naging mas malungkot at
nag-aalala. Upang siya’y paligayahin, ipinaalam sa kaniya ni Razumikhin ang
totoong pangyayari ukol sa natulungan ni Rodya na estudyante at sakiting ama
nito at sa dalawang batang iniligtas niya sa sunog mula sa kamatayan. Doon
ay nasunog din at nasaktan pa si Rodya. Ang dalawang balitang ito’y lalong
nagpaigting sa damdamin ng nawawala na sa sariling Pulheria Aleksandrovna.
Walang-tigil niyang ikinuwento ang tungkol dito, maging sa daan ay nakikipag-
usap siya sa mga tao. Lagi naman siyang sinasamahan ni Dunya. Kahit sa mga
sasakyan, sa mga tindahan, basta’t may mahuli siyang kausap ay ikinukuwento
ang anak, ang kaniyang artikulo, kung papaano niyang tinulungan ang isang
estudyante, kung papaanong nasunog sa apoy, at iba pa. Hindi malaman ni
Dunechka kung papaano siyang pipigilan. Liban pa sa paglala ng karamdaman, na
laging nagbabanta ng panganib, ay baka may makaalala sa apelyidong Raskolnikov
at sa usapin sa korte at mabanggit pa iyon. Nalaman pa ni Pulheria Aleksandrovna
ang tirahan ng ina ng dalawang batang iniligtas sa sunog at nais niya itong agad
puntahan. Sa huli ay umabot na sa hangganan ang kaniyang pag-aalala. Minsan
ay bigla na lang siyang hahagulhol. Madalas ay nagkakasakit at inaapoy ng lagnat.
Isang umaga ay tuwiran niyang inilahad na ayon sa kaniyang tantiya ay malapit
nang dumating si Rodya. Naalala raw niya nang magpaalam sa kaniya ang anak
ay sinabi nitong pagkaraan ng siyam na buwan ay hintayin na siya. Nilinis niya
ang kabahayan at naghanda upang salubungin ang anak. Inihanda rin niya ang
kuwarto ng anak, nilinis ang mga upuan, naglaba, at naglagay ng bagong kurtina,
at iba pa. Kinabahan si Dunya ngunit di na kumibo at tinulungan na lamang ang
inang ayusin ang kuwarto para sa kapatid. Pagkatapos ng maramdaming araw
na pinalipas nang walang-patumanggang pantasya at maliligayang pangarap at
pagluha ay lumala siya kinagabihan. Kinaumagahan ay nagdedeliryo na siya sa
lagnat. Nagsimula ang lagnat sa utak. Makaraan ang dalawang linggo ay binawian
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 559

na siya ng buhay. Sa kaniyang pagdedeliryo ay mayroon siyang binanggit na mga


salitang nagsasabi na ang kaniyang nalalaman sa sinapit ng anak ay higit pa sa
kanilang akala.
Matagal na hindi nalaman ni Raskolnikov ang kamatayan ng ina bagama’t
mula pa nang mapatapon siya sa Siberia ay may koneksyon na siya sa Petersburg.
Ito ay sa pamamagitan ni Sonya na regular na sumusulat kay Razumikhin sa
Petersburg kada buwan at regular ding nakatatanggap ng sagot buwan-buwan
mula sa Petersburg. Nang una’y tuyo at di-kasiya-siya sa pakiwari nina Dunya
at Razumikhin ang mga sulat ni Sonya. Sa dakong huli’y napagtanto nilang
hindi makasusulat nang mas maganda kaysa rito dahil sa tulong ng mga sulat
na ito ay nagkaroon sila ng pinakamakatotohanan at kumpletong kaalaman ukol
sa kapalaran ng sawimpalad na kapatid. Punong-puno ang mga sulat ni Sonya
ng pinakapayak na katotohanan sa pinakasimple at malinaw na paglalarawan ng
kalagayan sa buhay ni Raskolnikov bilang isang bilanggo. Sa mga sulat niya’y wala
ang personal niyang pag-asam at wala ring mga hula ukol sa hinaharap, maging mga
personal na damdamin. Sa halip na mga pagtatangkang ipaliwanag ang espiritwal
na kalagayan ni Raskolnikov at kaniyang kalooban sa kabuuan ay pawang mga
tunay na pangyayari lamang. Halimbawa’y ang mga sinabi niya, detalyadong balita
ukol sa kaniyang kalusugan, ano ang ninais niya nang huli silang magkita, ano ang
hiningi niya, ano ang inihabilin, at iba pa. Ang mga balitang ito’y detalyado niyang
ipinaabot. Kaya’t sa huli’y nakapagbigay si Sonya kay Dunya ng kumpletong
larawan ng kawawang kapatid. Para itong iginuhit nang eksakto at maliwanag.
Hindi maaaring magkamali sapagkat ang lahat ay tunay na pangyayari.
Ngunit hindi gaanong napasasaya ng mga sulat na ito sina Dunya at ang
kaniyang asawa, lalo na sa simula. Patuloy ang balita ni Sonya na laging malungkot
si Rodya, walang-imik, at halos hindi interesado sa mga balita na ipinaaalam niya
mula sa mga natatanggap na sulat, na kung minsan ay nagtatanong ito ukol sa
ina. At nang ibalita na niya ang ukol sa kamatayan nito dahil nakikita niyang
nahuhulaan na rin niya ang katotohanan ay namangha pa si Sonya dahil hindi na
rin gaanong tumalab ang balita ukol sa kamatayan ng ina. Ganoon ang palagay ni
Sonya batay sa panlabas na anyo ni Raskolnikov. Ibinalita rin niya, bagama’t sa wari
ay nagmumukmok ito sa sarili at parang humihiwalay sa lahat, ay tuwid at payak
ang pagharap niya sa kaniyang bagong buhay. Malinaw niyang nauunawaan ang
kaniyang kalagayan. Hindi naghahangad sa lalong madaling panahon ng anumang
mabuti at walang-mabababaw na pag-asa (bagay na normal sa kaniyang kalagayan)
560 FEODOR DOSTOYEVSKY

at walang anumang ikinamamangha sa bago niyang kapaligiran na malayong-


malayo sa pinagdaanan. Ibinalita rin niyang maayos ang kaniyang kalusugan. Si
Raskolnikov ay tumutupad sa gawain at di-nagrereklamo. Halos wala siyang gana
sa pagkain ngunit ang pagkain ay napakasama, liban na lang kung Linggo at pista-
opisyal, kung kaya’t masayang kinukuha ang padala ni Sonya. May kaunting pera
si Sonya upang bigyan siya ng tsaa araw-araw at ukol naman sa iba pang bagay
ay nakiusap ito na huwag nang mag-abala pa dahil lahat ng mga pag-aalalang ito
ukol sa kaniya ay nagpapahirap lamang sa kaniyang kalooban. Ipinaalam din ni
Sonya na kasama ni Raskolnikov ang lahat sa kulungan. Hindi niya nakita ang
loob ng kulungan ngunit alam niyang roon ay masikip, pangit, at di-maganda sa
kalusugan. Natutulog si Raskolnikov sa tablang higaan na sinapinan lamang ng
basahan at wala na siyang iba pang gusto. Ang ganoon kagaspang at kahirap na
buhay ay hindi sa plano o kagustuhan ninuman, kundi dahil lang sa pagwawalang-
bahala at kawalan ng interes sa sariling kapalaran. Tuwirang isinulat ni Sonya
na noong una’y hindi lamang hindi interesado ang binata sa kaniyang pagdalaw,
kundi halos kainisan pa siya. Hindi siya nagsasalitang gaano at may kagaspangan
ang pakikitungo ngunit nang kalaunan ay nakasanayan na niya ang mga dalaw at
hinahanap-hanap na. Naiinip ito nang labis kapag si Sonya’y nagkakasakit at ilang
araw na di-nakadaralaw sa kaniya. Tuwing pista-opisyal ay nagkikita sila sa bakod
ng kulungan o kaya’y sa kuwarto ng guwardiya kung saan tinatawagan ang binata
upang makipagkita sa kaniya nang ilang sandali. Kung karaniwang araw naman ay
pinupuntahan niya ito sa trabaho, sa talyer, o kaya’y sa pagawaan ng tisa, o kaya’y
sa bodega sa pampang ng Irtish. Ukol sa sarili ay ikinuwento ni Sonya na mayroon
na siyang ilang kakilala at naging patron. Siya ngayo’y nananahi at dahil sa walang
modista sa bayan ay marami siyang naging suki. Hindi na niya ipinaalam na sa
pamamagitan niya ay natulungan din ng pamunuan si Raskolnikov, pinagaan ang
trabaho nito, at iba pa.
Pagkatapos nito ay dumating ang balita (sa kaniyang huling liham
ay nakadama ng pag-aalala at pangamba si Dunya) na humihiwalay sa lahat si
Raskolnikov. Hindi siya gusto ng mga bilanggo sa kulungan, na siya’y maghapong
walang-imik at namumutla. Nitong huli ay isinulat ni Sonya na malubha ang
karamdaman ni Raskolnikov at nasa ospital ito ng bilangguan ...
II

MATAGAL NA SIYANG MAYSAKIT ngunit hindi dahil sa hirap ng buhay sa


bilangguan. Hindi ang trabaho, hindi ang pagkain, hindi rin ang kinalbong ulo,
at hindi rin ang damit-preso ang nagpahina sa kaniya. A, ano para sa kaniya ang
kabuluhan ng lahat ng pagdurusa at paghihirap na ito! Sa katunaya’y ikinasisiya
niya ang trabaho. Kahit papaano, pagkatapos ng mabigat na gawaing pisikal, ay
nakatutulog siya nang mahimbing kahit ilang oras lang. Ano naman ang kuwenta
ng pagkain? Sopas na shi48 na walang-laman at may mga ipis? Noong estudyante
pa siya sa dating tirahan ay ni wala siyang kinakain kadalasan. Ang suot niya’y
mainit naman at nababagay sa uri ng kaniyang buhay, ni hindi niya nararamdaman
ang pabigat. Ikinahihiya ba niya ang kaniyang kalbong ulo at guhitang damit?
Kanino? Kay Sonya? Si Sonya ay takot sa kaniya. Papaano siyang mahihiya rito?
Ngunit nahihiya siya kay Sonya na pinahihirapan niya ng kaniyang galit
at magaspang na pakikitungo. Ngunit hindi ang pagiging kalbo at hilang pabigat
ang kaniyang ikinahihiya. Nasugatan ang kaniyang karangalan. Nagkasakit siya
dahil sa sugatang dangal. A, magiging maligaya siyang lubos kung kaya niyang
idiin ang sarili. Makakayanan niya ang lahat kung gayon, maging kahihiyan at
pag-alipusta. Ngunit mabigat ang sentensya niya sa sarili at ang kaniyang matigas

48 Ang shi ay pagkaing Ruso. Ito ay sabaw na ang pangunahing sangkap ay repolyo. Nilalagyan din
ng ito ng smetana o sour cream.
562 FEODOR DOSTOYEVSKY

na budhi ay di-talagang lubos na nakakita ng sala sa kaniyang ginawa, liban sa


kaniyang kabiguan na maaaring mangyari kaninuman. Ikinahihiya niya na siya,
si Raskolnikov, ay namatay nang bulag, walang-pag-asa, bingi, at tanga, ayon sa
itinakda ng bulag na tadhana. At kung nais niyang kahit papaano’y kalamayin ang
sarili ay kailangan niyang tanggapin ang kawalang-katuturan ng isang sentensya.
Ang pangambang walang-kabuluhan at walang-patutunguhan ang
kasalukuyan at ang bukas nama’y isang nagpapatuloy na pagpapakasakit na wala
namang maidudulot—iyon ang naghihintay sa kaniya sa daigdig. Ano ngayon
kung pagkatapos ng walong taon ay tatlumpu’t dalawang taong gulang pa lang
siya at maaari pang magpanibagong buhay? Ano pa ang gagawin? Ano pa ang
papangarapin? Ang mabuhay upang magpatuloy lamang sa pag-iral? Ngunit noon
pa man ay handa na niyang ibigay ang pag-iral alang-alang sa ideya, sa pag-asa,
at maging sa pantasya. Noon pa man ay hindi na sapat ang basta pag-iral lamang.
Higit pa rito ang nais niya noon pa man. Marahil nang dahil lamang sa tayog
ng kaniyang pangarap ay itinuring niya ang sarili noon na isang taong higit ang
karapatan kaysa iba.
Bagama’t itinakda ng tadhana ang kaniyang pagsisisi, matinding pagsisisi
na dumudurog sa puso, nagtataboy sa pagtulog, isang uri ng pagsisisi na higit pa
sa hirap at pagpapasakit! A, tatanggapin pa niya ito nang buong tuwa! Ang luha’t
pagdurusa ay buhay rin. Ngunit hindi niya pinagsisisihan ang kaniyang ginawang
krimen.
Kahit papaano’y maaari niyang ikagalit ang kaniyang katangahan kung
papaanong nainis siya sa kaniyang walang-kawawaan at kabuluhang ginawa na
naghatid sa kaniya sa kulungan. Ngunit ngayong nasa kulungan na siya, nais niya
ay kalayaan. Muli niyang tinimbang at pinag-isipan ang kaniyang mga ginawa at
para sa kaniya’y hindi na iyon ganoon kapangit at kabobong gaya ng mapait na
sandaling iyon.
“Sa papaanong paraan na ang aking ideya ay mas hunghang kaysa ibang
ideya at teoryang nagsasalimbayan at nagtatalo magmula pa nang malikha ang
mundo?” tanong niya. “Kailangan lamang na tingnan ang bagay na ito nang lubos
ng nagsasariling isipan, malawak, at malaya sa impluwensya ng pangkaraniwang
pananaw, at ang ideya ko’y di na magiging masyadong ... kakaiba. O, mga tagatutol
at mga paham sa salaping pilak! Bakit kayo humihinto sa kalagitnaan ng daan?”
“O, ano ang ikinapangit para sa kanila ng aking ginawa?” sabi niya
sa sarili. “Dahil ba ito’y masamang gawa? Ano ba ang ibig sabihin ng salitang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 563

kasamaan? Malinis ang aking budhi! Oo nga’t isinagawa ang isang krimen, nalabag
ang batas, at dumanak ang dugo. E, di kunin ang ulo ko kapalit ng titik ng batas
at ... sapat na! At sa ganoon ding dahilan ay pinatay na sana sa una pa lamang
ang lahat ng gumawa ng kabutihan para sa sangkatauhan, na hindi nagmana ng
kapangyarihan, kundi umagaw nito. Ngunit nakayanang dalhin ng mga taong ito
ang kanilang ginawa kung kaya’t sila’y tama at matuwid! Ngunit ako … dahil hindi
ko nakayanan ay wala akong karapatan na pahintulutan ang sariling isagawa iyon.”
Iyon ang inaamin niyang kasalanan ... na hindi lamang niya nakayang
dalhin ang lahat at sa huli’y umamin.
Nagdurusa rin siya sa ideyang, “Bakit hindi pa niya pinatay ang sarili
noon? Bakit siya tumapat sa ilog at minabuti pa rin ang sumuko? Ganoon ba
kalakas ang kaniyang pagnanais na mabuhay at mahirap itong labanan? Bakit?
Nalabanan ito ni Svidrigailov na takot mamatay.”
Mabigat niyang itinatanong ang bagay na ito sa sarili. Hindi niya
maintindihan. Marahil nang nasa tapat na siya ng ilog ay naramdaman niya sa
kaibuturan ng puso ang isang kasinungalingan. Hindi niya naunawaan na marahil
ang pakiramdam na iyon ang tagahatid ng pagdurusa ng buhay sa hinaharap, ng
muling pagkabuhay, at ng bagong pananaw sa buhay.
Ipinagpalagay na lamang niya na ito’y mabigat na pasanin ng instinct,
na hindi niya kayang iwaksi at di rin niya kayang suwayin (dahil sa kahinaan at
kawalang-kabuluhan). Tiningnan niya ang mga kasamang bilanggo at nagulat.
Mahal na mahal din nila ang buhay at ganoon na lamang ang pagpapahalaga nila
rito! Sa tingin niya’y higit na gusto, pinahahalagahan, at minamahal ang buhay
rito kaysa laya. Maraming hirap at pasakit ang dinaanan ng ilan sa kanila, tulad
ng mga palaboy. Ganoon na lamang ang halaga ng sinag ng araw, halimbawa,
ng tahimik na gubat, ng malamig na batis sa ilang na lugar, na tatlong taon na
niyang tinatandaan, ang pakikipagtagpo sa minamahal na pangarap din ng lagalag,
napapanaginipan niya ang luntiang damo sa paligid, at ang humuhuning ibon sa
halamanan. Habang tumitingin ay mas marami siyang naiisip na halimbawang
di-maipaliwanag.
Sa kulungan at kaniyang kapaligiran ay marami rin siyang di-
napapansin at ayaw nang pansinin. Nabuhay siyang parang nakayuko ang tingin.
Nakapanghihina at di niya matagalan ang tumingin. Ngunit sa huli’y nagsimula
siyang magtaka sa maraming bagay. Parang di-sinasadya’y napuna niya ang mga
bagay na di-napapansin. Lalo niyang pinagtakhan ang napakalawak at di-mabagtas
564 FEODOR DOSTOYEVSKY

na agwat niya mula sa iba pang tao roon. Para siyang dayuhan sa kanila. Hindi
niya pinagkakatiwalaan at kinagigiliwan ang mga ito at ganoon din sila sa kaniya.
Alam niya at nauunawaan ang pangkalahatang dahilan ng ganitong kalayuan
ngunit hindi niya ipinagpalagay noong una na ganoon iyon kalakas at kalalim. Sa
kulungan ay mayroon ding itinapong Polano at mga bilanggong politikal, na ang
tingin sa ibang mga preso’y mangmang, busabos, at kanilang minamata. Ngunit
hindi magagawa ni Raskolnikov ang gayon. Malinaw sa kaniya na marami sa
mga mangmang na ito ang higit na matalino kaysa mga Polanong ito. Mayroon
ding mga Ruso na namumuhi sa mga bilanggo, isang dating opisyal at dalawang
seminarista. Malinaw ring nakikita ni Raskolnikov ang kanilang pagkakamali.
Hindi siya gusto at iniiwasan ng lahat. Sa dakong huli nga’y kinamuhian
pa siya. Bakit? Hindi niya alam kung bakit kinamumuhian siya at pinagtatawanan.
Pinagtatawanan ng mga higit pang kriminal ang krimen sa kaniyang ginawa.
“Ikaw ay isang ginoo!” sabi sa kaniya, “Bakit ka naglalakad nang may
palakol? Hindi iyon maginoong gawa!”
Sa ikalawang linggo ng Dakilang Pangilin ay nagsimba siyang kasama ang
mga bilanggo. Pumunta siya sa simbahang kasama ng iba pa upang manalangin.
Hindi niya mismo alam kung bakit nagkaroon ng kaguluhan. Galit na galit na
sumugod sa kaniya ang lahat.
“Ikaw ay walang-Diyos! Hindi ka naniniwala sa Diyos!” sigaw sa kaniya,
“Dapat kang patayin!”
Hindi siya kailanman nakipag-usap sa kanila ukol sa Diyos at
pananampalataya. Ngayon ay nais siyang patayin bilang taong walang-Diyos.
Tahimik lang siya at di-nakipagtalo. Isang bilanggo ang galit na galit na lumapit sa
kaniya. Tahimik at walang-imik siyang hinintay ni Raskolnikov, ni hindi gumalaw
ang kaniyang kilay at walang-bahagi ng kaniyang mukha ang kumibot. Tamang-
tama lang ang pag-awat ng mga bantay, kung hindi ay dumanak sana ang dugo.
Hindi rin niya masagot ang isa pang tanong: Bakit lahat sila ay gayon na lang
ang pagkagiliw kay Sonya? Hindi naman ito hinihintay ni Sonya. Madalang lang
nila itong makita. Minsan-minsan lang sa trabaho kapag saglit nitong dinaralaw
si Raskolnikov. Kilala na siya ng lahat, alam kung sino ang sinundan, kung paano
ang buhay, at kung saan nakatira. Hindi naman sila binibigyan ng pera ni Sonya
at wala ring ibinibigay na espesyal na paglilingkod. Minsan lamang, noong pasko,
ay binigyan niya ng regalong bibingka at kalamay ang buong bilangguan. Unti-
unti ay nabuo ang mas malapit na relasyon ng mga ito kay Sonya. Si Sonya
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 565

ang nagsusulat ng liham para sa kanilang mga mahal sa buhay at siya rin ang
naghuhulog sa karterya. Pinaiiwan nila sa mga kamag-anakang dumarating sa
bayan ang mga padala, maging pera, kay Sonya. Kilala si Sonya ng kanilang mga
asawa at kasintahan at pumupunta sa kaniya. Kapag pinupuntahan niya sa trabaho
si Raskolnikov at nakasasalubong siya, lahat ay nag-aalis ng sumbrero at bumabati
sa kaniya: “Nanay, Sofia Simyonovna, mabait at mapagmahal naming Nanay!” sabi
ng magagaspang at halang ang kaluluwang bilanggo sa maliit at payat na nilalang.
Ngumingiti siya at bumabati rin. Lahat ay natutuwa sa kaniyang ngiti. Natutuwa
rin sila maging sa kaniyang paglalakad. Nililingon siya upang pagmasdan ang
kaniyang paghakbang. Pinupuri siya. Pinupuri rin maging ang kaniyang kaliitan.
Hindi na nila alam kung saan pa siya pupurihin. Pinupuntahan din siya upang
magpagamot.
Nagpahinga si Raskolnikov sa ospital sa buong panahon ng Pangilin
at Mahal na Araw. Nang papagaling na siya ay naalala niya ang panaginip niya
habang nilalagnat siya at nagdedeliryo. Nang siya’y maysakit ay napanaginipan
niyang lumaganap daw sa buong mundo ang isang nakatatakot, di pa naririnig,
at di pa nakikitang salot, na nagmula sa kalangitan ng Asya at ngayo’y patungo
sa Europa. Lahat ay kailangang mamatay, liban na lamang sa iilan at kakaunting
pinili. May lumitaw na bagong virus, mga nilikhang mikroskopiko na sumasanib
sa katawan ng tao. Ang mga nilikhang ito’y mga espiritu na may talino at
kalooban. Ang mga taong nasaniban ay agad na nawawala sa sarili at nababaliw
yata sa katalinuhan. Ngunit hindi kailanman itinuring ng mga tao ang sarili na
ganoon katalino at nakatitiyak sa katotohanang gaya ng mga nasanibang ito.
Kailanman ay hindi sila naging ganito katiyak sa kanilang mga itinakda, mga
konklusyon sa agham, moral na kombinasyon, at pananampalataya. Buong
baryo, lungsod, at bayan ang nangahawa at nangabaliw. Ang lahat ay natakot
at di-maunawaan ang bawat isa. Bawat isa’y nag-akalang tanging siya lamang
ang nakaaalam sa katotohanan. Nagpupuyos ang kalooban na tumitingin sa iba,
kinakabog ang dibdib, umiiyak, at sinasaktan ang sarili. Hindi magkaunawaan
at di-malaman kung ano ang ituturing na tama at mali. Hindi alam kung sino
ang uusigin at kung sino ang ipawawalang-sala. Pinapatay ng mga tao ang isa’t
isa dahil lamang sa walang-kuwentang pagtatalo. Bumuo ng mga sandatahang
lakas laban sa isa’t isa ngunit sa pagmartsa pa lang ay naglaban-laban na mismo
ang mga sundalo, nagulo ang hanay, at nag-away ang mga sundalo, nagpatayan,
at naggilitan ng leeg, nagkagatan, at nagkainan ang bawat isa. Sa mga bayan-
566 FEODOR DOSTOYEVSKY

bayan ay maghapong pinatutunog ang mga kampana ng babala. Tinatawag ang


lahat ngunit kung sino at para saan ay walang-nakaaalam. Lahat ay nangangamba.
Iniwanan na ang pinakapangkaraniwang gawain sapagkat bawat isa’y nag-aalok
ng kaniyang mga ideya, pagtutuwid, at hindi magkaintindihan. Huminto ang
pagsasaka. Nagsama-sama sa mga organisasyon ang ilang tao, nagkasundo sa ilang
bagay, at sumumpang di-maghihiwalay. Ngunit agad ay iba ang sinisimulan sa
pinagkasunduan, magsisisihan, mag-aaway, at magpapatayan. Nagkaroon ng mga
sunog at taggutom. Nagkamatayan ang marami. Lalong lumaganap ang salot at
lumawak ang sakop nito. Iilan lamang sa buong daigdig ang maaaring magligtas.
Sila ang mga halal at malilinis ang puso na nakatakdang magsimula ng bagong
lahi ng tao at bagong buhay sa mundo. Pag-iibayuhin at lilinisin nila ang daigdig
ngunit wala pang nakakakita sa kanila, saanmang lupalop, ni nakaririnig ng
kanilang mga salita at tinig.
Naghihirap ang kalooban ni Raskolnikov dahil sa ang walang-katuturang
panaginip na iyon ay buong pait at pahirap na laging bumabalik sa kaniyang alaala.
Matagal na di-lumilipas ang impresyong dulot ng naturang panaginip.
Dalawang linggo na ang nakararaan matapos ang Mahal na Araw.
Mainit at maaliwalas ang mga araw ng tagsibol. Sa kulungan ay binuksan ang
mga bintanang rehas na binabantayan. Sa panahon ng kaniyang pagkakasakit
ay makalawang ulit lang siyang nadalaw ni Sonya. Tuwing daralaw ay kailangan
niyang humingi ng permiso at iyon ay mahirap gawin. Ngunit madalas siyang
pumupunta sa bakuran ng ospital sa hapon. Doon siya sa tapat ng bintana o kung
minsan ay sasaglit man lamang sa bakuran, at kahit mula sa malayo ay tatanawin
man lamang ang bintana ng kaniyang kuwarto. Isang hapon, halos magaling
na si Raskolnikov, naidlip siya at nang magising ay wala sa loob na tumungo
sa bintana at nakita niya mula sa may di-kalayuan, sa tarangkahan ng ospital, si
Sonya. Nakatayo siya na parang may hinihintay. Noon nadama ni Raskolnikov na
parang may sumundot sa kaniyang puso. Napaudlot siya at mabilis na lumayo sa
bintana. Kinabukasan ay hindi dumating si Sonya at gayundin sa ikatlong araw.
Napuna niyang naghihintay siya sa kaniya nang may buong pag-aalala. Sa wakas
ay lumabas na siya sa ospital. Pagdating sa kulungan ay nalaman niya mula sa mga
bilanggo na nagkasakit din si Sonya, nasa bahay, at di-lumalabas.
Alalang-alala si Raskolnikov at pinakumusta niya ito. Agad niyang
nalaman na di naman mapanganib ang kaniyang karamdaman. Nang malaman ni
Sonya na ganoon na lamang ang pag-aalala at paglingap sa kaniya ay nagpadala
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 567

siya ng kalatas na nakasulat sa lapis. Ipinaalam niya na mas magaan na ang


kaniyang pakiramdam, na simpleng sipon lamang at sa lalong madaling panahon
ay pupuntahan na niya ang binata sa trabaho. Nang basahin niya ang sulat na ito’y
nagsikip at lumakas ang tibok ng kaniyang puso.
Muli ay umaliwalas at uminit ang panahon. Nang ikaanim ng umaga
ay pumunta na si Raskolnikov sa trabaho sa pampang ng ilog. Dito sa isang
kamalig ay may pugon kung saan nila niluluto at itinutulak ang alebastra. Doon
ay nagtungo ang tatlong trabahador. Isa sa mga bilanggo ang sinamahan ng
guwardiya upang kunin ang isang gamit sa tanggulan. Sinimulang ayusin ng isa
ang mga kahoy sa pugon. Lumabas si Raskolnikov mula sa kamalig tungo sa
pampang, naupo sa mga patong-patong na troso, at pinagmasdan ang malawak at
tila disyertong ilog. Mula sa mataas na pampang ay nakabungad ang napakalawak
na tanawin. Mula sa malayong kabilang pampang ay mahinang maririnig ang
awit. Doon sa nasisinagan ng araw, na kapatagang di-halos abot-tanaw, ay tila
mga tuldok na itim na mababanaag ang tirahang kubol ng mga tribong lagalag.
Doon ay may kalayaan at doon ay nakatira ang mga taong di-gaya ng mga naririto.
Doon ay parang huminto na ang pag-inog ng panahon at parang di na lumipas
ang panahon ni Abraham at ng kaniyang kawan. Nakaupo si Raskolnikov, di
tumitinag, at di-iniaalis ang pagkakatingin sa tanawing iyon. Ang pag-iisip niya’y
naging pangangarap, pangangarap nang gising na naging pagninilay. Wala na
siyang iniisip ngunit may inip sa pusong naghahatid sa kaniya ng pangamba at
paghihirap.
Walang ano-ano’y naramdaman niya si Sonya sa kaniyang tabi. Tahimik
siyang lumapit at umupo sa kaniyang tabi. Napakaaga pa, hindi pa naaalis ang
lamig ng umaga. Suot niya ang kaniyang luma at gamit nang mahabang talukbong
na mula ulo hanggang paa, at ang luntiang balabal. Bakas pa sa kaniyang mukha
ang pagkakasakit, hapis, maputla, at tuyot. Magiliw at masaya siyang ngumiti at
gaya ng nakagawian ay kiming iniabot ang kaniyang kamay.
Lagi niyang iniaabot ang kamay nang may kakimian. Kung minsan
nga ay hindi na sa pangambang baka itulak ng binata. Lagi namang inaabot ito
ni Raskolnikov na parang may pagkamuhi. Madalas ay naiinis siya sa kanilang
pagkikita at kung minsa’y walang kakibo-kibo sa buong oras ng dalaw. Kung
minsan ay natatakot pa si Sonya at umuuwing masamang-masama ang loob.
Ngunit ngayon ay hindi naghiwalay ang kanilang mga kamay. Mabilis siyang
sinulyapan ng binata, walang anumang sinabi, at tumingin sa lupa. Dadalawa
568 FEODOR DOSTOYEVSKY

lamang sila at walang-ibang nakakakita sa kanila. Umalis ang bantay ng mga


sandaling iyon.
Kung papaanong nangyari ay di rin niya alam ngunit parang may kung
anong sumukob sa kaniya at siya’y sumubsob sa paanan ni Sonya. Umiyak si
Raskolnikov habang yakap ang tuhod ng dalaga. Una ay takot na takot si Sonya
at natigalgal ang kaniyang mukha. Napaigtad siya sa kinaroroonan at nangangatal
na tumitig sa kaniya. Ngunit noon din, sa isang kisapmata, ay naunawaan niya ang
lahat. Sa kaniyang mga mata’y sumilay ang walang-hanggang kaligayahan. Nakita
niya at nawala ang lahat ng pag-aalinlangan na mahal siya ng binata, pagmamahal
na walang-katapusan. Sa wakas ay dumating ang sandaling ito ...
Nais nilang magsalita ngunit kapwa di-nakayanan. Puno ng luha ang
kanilang mga mata. Kapwa sila maputla at mapayat ngunit sa kanilang maysakit at
hapis na mga mukha ay sumisilay ang bukang-liwayway ng bagong bukas, ganap
na muling pagkabuhay … bagong buhay. Muli silang binuhay ng pag-ibig. Ang
dibdib ng bawat isa’y naging walang-katapusang bukal ng buhay na nagpapatibok
sa kanilang mga puso.
Laan silang maghintay at magtiis. Pitong taon pa ang ipaghihintay. Bago
iyon ay pagdaraanan nila ang matinding hirap at ganoon din ang matinding ligaya!
Ngunit siya’y nabuhay na muli at iyon ay alam ni Raskolnikov, dama ng kaniyang
buong puso’t kaluluwa ang pagbabago. At siya, si Sonya, siya’y nabubuhay sa
pamamagitan ng kaniyang buhay.
Nang gabi ring iyon, nang sarado na ang kulungan, ay nakahiga si
Raskolnikov sa kaniyang tablang higaan at iniisip niya si Sonya. Pakiramdam niya,
nang araw na iyon, maging ang lahat ng bilanggo na dati niyang kaaway, ay nag-
iba na rin ng tingin sa kaniya. Siya mismo ang nakipag-usap sa kanila at sinagot
naman siya nang magiliw. Sa loob-loob niya’y ganoon na nga ang nararapat dahil
lahat ay magbabago na.
Iniisip niya si Sonya. Naalala niya kung papaano niya ito pinahirapan at
winasak ang puso. Naalala niya ang kaniyang maputla at hapis na mukha. Ngayon
ay di na siya nasasaktan sa mga alaalang ito. Alam niyang magagantihan na niya
ang lahat ng pagdurusang ito ng walang-hanggang pagmamahal.
At ano ba ang halaga ngayon ng lahat ng ito? Lahat ng pagdurusa ng
kahapon! Lahat, maging ang kaniyang krimen, ang hatol at pagpapatapon, ay
parang panlabas at kakatwa, parang bagay na di-naganap sa kaniya. Sa totoo’y di
siya makapag-isip nang matagal tungkol sa anupaman at di-mapagtuunan ang
PAGKAKASALA AT KAPARUSAHAN 569

kahit anong kaisipan. Sa gabing ito’y wala siyang malulutas sa pamamagitan ng isip
sapagkat puro siya pandama at damdamin. Sa halip na diyalektika ay pumaibabaw
ang buhay at sa kamalayan ay may ibang-ibang nagaganap.
Sa ilalim ng kaniyang unan ay naroon ang bibliya. Wala sa loob niya
itong kinuha. Ang aklat na ito ay kay Sonya. Dito niya binasa noon ang ukol sa
muling pagkabuhay ni Lazarus. Nang makulong siya, noong simula, akala niya’y
pepestehin siya ni Sonya ukol sa relihiyon, at tatalakayin ang ebanghelyo at pipilitin
siyang magbasa. Sa malaking pagtataka niya, kailanman, ay wala siyang binanggit
ukol doon, ni minsan ay di siya inalok na basahin ang ebanghelyo. Si Raskolnikov
mismo ang nakiusap sa kaniya, bago siya magkasakit, at walang-kibong dinala
naman niya ang libro. Minsan man ay di pa niya ito binuksan magmula noon.
Kahit ngayon ay hindi ito binuksan ng binata ngunit mayroon siyang
naisip, “Hindi kaya ang mga paniniwala niya’y magiging paniniwala ko na rin
ngayon? Ang kaniyang damdamin, ang kaniyang mga pagsusumikap, kahit
papaano’y ...”
Si Sonya man ay maghapong kinakabahan. Kinagabihan ay nagkasakit.
Ngunit siya’y maligayang-maligaya, kaligayahang di-inaasahan na halos tumakot
sa kaniya. Pitong taon, pitong taon na lamang! Sa kaligayahang ito, sa isang iglap
at sandali, ay kapwa nila handang tingnan ang pitong taon na parang pitong araw
lamang.
Ni hindi alintana ni Raskolnikov na hindi niya makakamit ang bagong
buhay na ito nang ganoon lamang. Ito ay bibilhin pa nang mahal at pagbabayaran
pa nang matinding pagpapakasakit sa hinaharap ... Ngunit ito ay simula na ng
bagong kasaysayan, kasaysayan ng unti-unting pagbabago ng tao, kasaysayan ng
dahan-dahang muling pagsilang, ng dahan-dahang pagtungo mula sa isang daigdig
tungo sa iba, ng pakikipagdaupang-palad sa isang bago at hindi pa nakikilalang
katotohanan. Maaari itong maging paksa ng isang bagong salaysay ngunit ang
ating salaysay ngayon ay rito na nagwawakas.

e Wakas
Tungkol sa Tagasalin

Si HERMAN MANALO BOGNOT ay Katuwang na Propesor sa Departamento


ng mga Wikang Europeo sa UP Diliman at nagtuturo ng wikang Ruso.
Matibay ang kaniyang paniniwala na ang pagtuturo at pag-aaral ng mga
wikang dayuhan ay maaaring gabayan patungo sa layuning pagyamanin at
paunlarin pa ang wikang tinubuan. Ang pagsasalin ng mga dakilang Obra
Maestra gaya ng Pagkakasala at Kaparusahan ni Feodor Dostoyevsky ay
isang magandang halimbawa. Naniniwala si Bognot na maaaring sakupin
ang walang-hanggang mundo ng panitikan sa pamamagitan ng pagsasalin.
I
to ang paglalarawan sa mapait na kalagayan sa daigdig. Mukhang walang pag-asa
at walang masusulingan ang mga tao. Kahit sa pelikula sa kasalukuyang panahon
ay hindi pa naipakikita ang ganitong eksena, kung saan ang mga tao, na tila
mga zombie na sinasaniban o nahawa ng napakabagsik na virus o espiritu, ay
naging labis na matalino at matindi ang yakap sa mga prinsipyo, doktrina, at
ideolohiyang sumanib sa kanila. Sila lamang ang tama at wala nang iba pa.
Handa silang gawin ang kahit ano, magbaka ng hirap at pasakit, lumaban, pumatay,
kumain ng buhay na kapwa-tao upang isulong ang mga layuning makatuwiran at
makatarungan sa kanilang pananaw. Gayunpaman, hindi naman lubusang magiging
impiyerno ang daigdig at hindi malulunod, masusunog, at malulusaw nang dahan-
dahan sa kumukulong lawa sa impiyerno ang mga tao habang naririto pa sa lupa.
Hindi ganoon kawalang-pag-asa ang lahat. May kasagutan at solusyon sa suliranin.
May binabanggit si Dostoyevsky na iilang maaaring makapagligtas sa sangkatauhan.
Makikita nila ang tamang landas at maituturo sa mga nagkaligaw-ligaw at wala nang
masulingang hindi na malaman ang patutunguhan. Sila ang mga hinirang at malilinis
ang puso, na magsisimula ng bagong uri ng tao at bagong buhay sa mundo. Pag-
iibayuhin at lilinisin nila ang buong daigdig.

—mula sa panimula ng tagasalin

ISBN 9786218196032

SENTRO NG WIKANG FILIPINO


UNIBERSIDAD NG PILIPINAS
DILIMAN, LUNGSOD QUEZON
9 786218 196032

You might also like