You are on page 1of 3

PAKSA: Sexual harassment at Victim Blaming sa mga kababaihan

Kaninong Kasalanan Ang Aking Pagdurusa?


Isinulat ni Isah Memoracion

Paalala: Ang sanaysay na ito ay nagtataglay ng isang sensitibong paksa tungkol sa sexual
harassment na maaaring ikabahala ng mga makababasa nito.

“Psst, miss!”, “Hi ganda ano number mo?”, “Ngiti kanaman, miss”, “Uy! Sexy naten a!”
Pamilyar ba sa iyo ang mga katagang ito? Ilan lamang iyan sa mga katagang laging naririnig ng
mga kababaihan, kasabay ng mga malalagkit na titig, mga sipol, mga seskwal na komento sa
kanilang katawan, at iba pa. Sinasabi ng iba na hindi naman raw ito nakapapahamak kaya’t
hindi na lang dapat ito pansinin. Mayroon rin mga nagsabing wala namang masama rito’t isa
lamang itong simpleng papuri. Madalas sabihan ng mga nakatatanda ang mga kababaihan na
huwag maglalakad sa gabi ng mag-isa, at ayusin ang kanilang pananamit. Dapat raw silang
mag-ingat dahil baka sila’y maharass, masutsot, mahipo, mabastos o magahasa dahil sa
kanilang mga kilos o pananamit. Maaaring mabuti nga ang kanilang intensyon sa mga
paalalang ganito ngunit, bakit kung sino pa nga’ng biktima’y parang siya pa ang may
kasalanan? Sino nga ba ang dapat sisihin? Ang mga nabastos, o ang mga nambabastos?

Sexual harassment. Isang malawak na terminong lagi nating naririnig, ngunit, ano nga
ba talaga ang kahulugan nito? Ang sexual harassment ay mga kilos o pananalitang
nakahaharass sa isang tao sa sekswal na paraan. Lahat ng tao ay maaaring maging biktima
nito ngunit partikular paring pinaka naaapektuhan rito ang mga kababaihan. Ayon kay Rachel
Thompson (2021), isang pag-aaral mula sa U.N. Women ang nagpapakitang 97% ng mga
kababaihan ay naging biktima na ng sexual harassment.

Marami itong uri at maraming bagay ang maituturing na sexual harassment. Maari itong
maging sa paraang berbal, pisikal, o digital. Sa isang online survey na naisagawa noong Enero
2018, tinatayang 77% ng mga kababihan ay nakarananas na ng berbal na sexual harrasment
gaya na lamang ng cat-calling o panunutsot, paninipol, at mga sekswal na komento o biro
tungkol sa kanilang katawan, itsura, o pananamit. 51% naman ng mga kababaihan ang naging
biktima ng pisikal na sexual harassment gaya ng panghihipo, pag-dikit ng sekswal sa biktima, at
pag-hawak sa kanila nang walang pahintulot. 41% ang nakaranas na ng online harassment
gaya na lamang ng pagpapakalat ng mga sekswal na imahe o bidyo ng isang biktima nang
walang pahintulot, at sextortion o ang pag-pilit sa biktimang gawin ang isang sekwal na bagay
kapalit ng pera o kaya naman sa pang-bablack mail. May iba pang mga napapaloob sa sexual
harassment na nararanasan ng mga kababihan gaya na lamang ng pagpapakita ng salarin ng
maseselang bahagi ng kanilang katawan, pag-sunod sa isang biktima, at sexual assault o
pangmomolestiya. Ipinapakita rin ng survey na ito ang lugar kung saan naranasan ng mga
kababaihan ang sexual harassment at 66% dito ay sa mga pampublikong lugar. Mga lugar kung
saan dapat sila’y ligtas ngunit, bakit hindi parin makatakas sa panganib na dala na baka sila’y
mabiktima?
Saan lupalop ka man maghanap ng kasaguta’y wala pa ‘ring katanggap tanggap na
rason upang mabigyang-katuwiran ang pambabastos, panggagahasa, pang-momolestiya, o
anumang uri ng sexual harassment. Ngunit upang maintindihan kung bakit nangyayari ito,
kailangang nating makita ang mga ugat na nakabaon sa ating kultura mula pa man noon.
Noong unang panahon, ang trato sa mga kababaiha’y premyo at simbolo ng kalakasan at
kayamanan ng mga kalalakihan. Ang mga kababihan ay tinuturing na isang bagay lamang at
pag-aari ng mga kalalakihan kaya sila’y itinuturing na mas nakabababa. Ang sexual harassment
ay isang manipestasyon ng kapangyarihan, kaya nama’y kadalasan ay mga kababihan ang
biktima nito. Ito ay tinatawag na gender-based sexual harassment, at isa itong halimbawa ng
kawalan ng pagkakapantay-pantay. Itinuturing ng ating lipunan na mas nakabababa ang mga
kababaihan sa anumang aspekto o sektor nito kaya’t sila’y hinubog upang maging submissive o
sunod-sunuran. Inukit sa kanilang mga isip na wala silang magagawa dahil “ganoon talaga
maging babae”. Hanggang ngayon, makikita parin na ang sexual harassment ay mayroong
kinalaman sa kapangyarihan sapagkat minsan ay itinuturing pa nga ito ng mga salarin na isang
simbolo ng kakisigan. “Uy tol! Naka iskor ka ng chiks ah!” “Pare tara dito maraming babae”
“Tignan mo si miss, ganda ng legs!”

Paano pa nga ba makararanas ng kaligtasan ang mga kababaihan kung kahit saan man
sila mag-punta’y may panganib na nakakabit sa kanilang kasarian? “Babae ka, kaya’t
mag-iingat ka.” ngunit ang ibig sabihin naman nila ng pag-iingat ay “Ayusin mo ang iyong sarili
dahil baka may mangyari pa sayo.” na para bang kaniya pang kasalanan kung siya’y
mababastos. Dahil sa mga ganitong komento, nauukit sa isipan ng mga kababaihan na sila
dapat ang mag-ayos sa kanilang sarili upang maiwasang maging biktima ng sexual
harassment. Kanilang naiiisip na sila ang sanhi kung bakit sila’y nababastos. “Baka naman kase
ang suot mo’y kabastos bastos?” “Paanong hindi ka mahihipuan, eh kay ikli naman ng iyong
bistida?” “Eh bakit ka kasi lumalabas ng mag-isa sa gabi, ayan tuloy nasundan ka, nasutsot ka,
nagahasa ka” “Ginusto mo’yan” Bakit? Bakit nasa biktima ang sisi at wala sa nambiktima? Siya
nga ba’y bastos dahil babae siya? Dahil maikli ang suot niya? Dahil naglakad siya ng mag-isa
sa gabi? O dahil mayroong nambastos sakaniya? Kanino nga bang kasalanan ang kanilang
pagdurusa?

Dahil sa victim blaming, maraming mga kababaihan ang nawawalan ng boses o


natatakot sa mga panghuhugsa, komento, at paninisi na matatanggap nila mula sa iba. Ang
mga sumusubok na magsalita’y pinatatahimik at hindi pinakikinggan. Marami ang pinipiling hindi
na lamang lumapit sa mga awtoridad sapagkat alam naman nilang kahit pa sila’y magsalita
tungkol dito’y wala namang magbabago. Hindi naman sila pakikinggan. Hindi naman ito
aaksiyonan. Mayroong mga batas sa ating bansa na nagpapataw ng parusa sa mga sexual
harassers gaya na lamang ng RA 7877 o ang Anti-Sexual Harassment Act at RA 11313 o Safe
Spaces Act. Kahit pa mayroon mga batas ukol sa sexual harassment, isa lamang itong aspekto
ng paglaban upang mawakasan ang sa sexual harassment. Upang magkaroon ng tunay na
pagbabago, kailangan nating baguhin ang mga kulturang nagpapahirap sa mga biktima nito.
Kailangan nating ilagay ang sisi kung saan ito nararapat. Hindi matitigil ang sexual harassment
kung hindi natin pakikinggan ang mga biktimang nagdurusa at kung patuloy nating hahayaan
ang mga nambibiktima.
Kahit pa ang mga kababaihan ang pinaka naaapektuhan ng problemang ito, hindi
lamang iisa ang mukha ng sexual harassment, at kahit sino’y maaaring maging biktima nito.
Kaya’y kung mayroon kang makikitang mga ganitong sitwasyon, bigyan mo ito ng pansin,
umaksiyon ka. Hindi dapat tayo maging tagapamasid lamang sa pagdurusa ng iba, at mas
lalong hindi dapat tayo naninisi ng biktima. Pakinggan natin sila at buksan ang ating mga mata
upang makita ang kanilang pagdurusa, buksan ang tainga at makinig sa kanilang mga
karanasan, buksan ang ating mga bibig upang mabigyan sila ng hustisya, at buksan ang ating
mga isipan upang mabago ang kultura, sitema, at pag-uugaling nagpapaigting sa sexual
harassment. Ilagay natin ang sisi kung saan ito nararapat. Walang may gusto na sila’y
mabastos. Walang damit ang nagpapaanyaya. Walang may gustong makarinig ng mga sipol at
mga “papuri” sa kanilang katawan, at walang ibang may kasalanan kundi ang nambastos.

STOP SEXUAL HARASSMENT.


STOP VICTIM BLAMING.

Sanggunian:

- https://sea.mashable.com/social-good/14873/97-of-young-women-have-been-sexually-h
arassed-study-finds
- https://www.npr.org/sections/thetwo-way/2018/02/21/587671849/a-new-survey-finds-eigh
ty-percent-of-women-have-experienced-sexual-harassment
- https://www.newamerica.org/better-life-lab/reports/sexual-harassment-severe-and-perva
sive-problem/summary-of-findings/
- https://www.un.org/womenwatch/osagi/pdf/whatissh.pdf

You might also like