You are on page 1of 1

Pres. Carlos P.

Garcia Technical-Vocational School of Fisheries and Arts


Puerto San Pedro, Bien Unido, Bohol

EDUKASYON SA PAGPAPAKATAO 9
IKALAWANG MARKAHAN
Quarter 2 Week 6 Day 2 Activity No. 6
Competency : Napatutunayan na sa pamamagitan ng paggawa, nakapagpapamalas ang tao
ng mga pagpapahalaga na makatutulong upang patuloy na maiangat, bunga ng
kanyang paglilingkod, ang antas kultural at moral ng lipunan at makamit niya
ang kaganapan ng kanyang pagkatao.
Objective : Napatutunayan ang nilalaman ng batayang konsepto.
Topic : Paggawa
Materials :
Reference :

Concept Notes
Ang Subheto at Obheto ng Paggawa
Ang obheto ng paggawa ay ang kalipunan ng mga gawain, resources, instrumento, at teknolohiya na
ginagamit ng tao upang makalikha ng mga produkto. Ang nakaginan ng tao na uri ng paggawang
ginagamitan ng kamay, pagod, at pawis ay unti-unti nang nagbabago dahil sa pagtulong ng mga makabagong
makinarya, na tao rin naman ang nagdisenyo at gumawa. Hindi maipagkakait na ito ang nagdulot ng
malaking pagbabago sa sibilisasyon. Hindi rin natin maipagkakait ang Ang pagbibigay ng iyong lahat ng
panahon at pagod sa paggawa ay hindi dapat nagwawaglit sa pag-aalay nito para sa kapurihan ng Diyos. Ang
teknolohiya ay kakampi ng tao. Ngunit dahil din sa mga pangyayaring ito, unti-unti ng nagiging “kaaway” ng
tao ang teknolohiya, nawawalan na ng malawak na kontribusyon ang tao sa paggawa, hindi na niya
nararamdaman ang kasiyahan at hindi na nahahasa ang kaniyang pagiging malikhain. Dahil inaako na ng
makina ang bahagi ng tao, hindi na nakikilala ang kaniyang pakamalikhain at malalim na pananagutan.
Mahalaga ito upang patuloy na maramdaman ng tao ang kaniyang halaga sa proseso ng paggawa. Ang
pagdami ng mga teknolohiya sa paggawa ang siyang umaagaw sa tao sa kaniyang trabaho. Lumalabas na ang
tao na ang nagiging alipin ng teknolohiya.
Ang tao ay nabubuhay sa mundo upang gumawa, ngunit binibigyang-diin na ang paggawa ay para sa
tao at hindi ang tao para sa paggawa. Hindi maaaring ituring ang tao bilang isang kasangkapan na
kinakailangan para mapagyaman ang paggawa; bagkus, kailangan niya ang paggawa upang makamit niya
ang kaniyang kaganapan. Ang sinumang magtuturing sa tao bilang kasangkapan sa paggawa o kumikilala sa
kaniya bilang isang simpleng manggagawa na maihahalintulad lamang ang halaga sa materyal na bagay ay
sumisira sa tunay na esensya ng paggawa at naglalayo sa landas patungo sa tunay na hantungan ng tao…
ang kaniyang kaganapan. Ang paggawa ay para sa tao at hindi ang tao para sa paggawa. Ang halaga ng
paggawa ay hindi nakikita sa proseso ng paggawa o sa produktong bunga nito kundi ang katotohanan na ang
gumagawa nito ay tao. Nagiging malalim na pagpapahalaga sa bunga ng paggawa ng tao hindi lamang dahil
sa gamit at ganda nito kundi dahil nakikita rito ang kaligayahan at pagmamahal na inilaan ng tao habang ito
ay nililikha. Ang dignidad na dumadaloy sa paggawa ay nakikita sa taong gumagawa nito.
Ang Panlipunang Dimensyon ng Paggawa
Ang paggawa ay mayroon ding panlipunang dimensyon. Ang gawain ng tao ay likas na nakaugnay sa
gawain ng kaniyang kapwa. Higit na nararapat na maging paniniwala ng lahat na “ang paggawa ay paggawa
para sa kapwa at kasama ang kapwa”. Ito ay paggawa ng isang bagay para sa iba. Hindi ba’t alam naman
natin na ang bunga ng ating ginagawa ay para sa kapakinabangan ng mas marami? Ang bunga ng paggawa
ng tao ang nagbubukas para sa pagpapalitan, ugnayan at pakikisangkot sa ating kapwa. Ang panlipunang
kalikasan ng paggawa ang tunay na tataya sa paggawa. Ito ay dahil hindi magbubunga ang pagsisikap ng tao
kung wala ang kaniyang kapwa, kung walang mga pamantayang pangkaayusan ng lipunan na naglalagay ng
limitasyon sa paggawa at sa manggagawa, kung hindi magkaugnay ang mga hanapbuhay, na umaasa sa isa’t
isa (interdependent) at hindi nagtutulungan ang lahat upang gawing ganap ang bawat isa at ang
pinakamahalaga, hangga’t hindi magkakaisa ang isip, materyal na bagay at paggawa upang sila ay maging
buo. Mahalagang parang iisang taong kumikilos ang lahat. Mahalagang naibabahagi ang pag-asa, paghihirap,
pangarap at kaligayahan at napagbubuklod ang loob, isip at puso ng lahat ng tao habang gumagawa. Sa
pagkakataong ganito makakamit ang tunay na pagkakapatiran – ang tunay na panlipunang layunin ng
paggawa.
Ang paggawa ay lagpas sa pagkita lamang ng salapi; tunay na pinakamataas na layunin ng paggawa ay ang
pagkamit ng kaganapan bilang tao.

You might also like