You are on page 1of 2

Sa Pagpapatuloy ng Aking Buhay sa Gitna ng Pandemya

Marami ang di nag-akala na darating tayo sa ganitong sitwasyon


kung saan ang bawat isa ay puno ng takot at pangamba, limitado ang kilos
at galaw, at kakailanganing mabuhay sa bagong ngayon. Marami sa atin
ang nawalan. Nawalan ng hanap-buhay, nawalan ng minamahal sa buhay,
nawalan ng kalayaan, at ang iba ay unti-unti na ring nawawalan ng pagasa.
Ang nagdaang taon ay tila ba isang bangungot sa karamihan at
oportunidad sa iilan. Marami ang nagsabi na ang pandemyang ito ay
naging daan upang lalong magkalapit ang bawat miyembro ng kanilang
pamilya na siya ring nangyari sa aming pamilya, ngunit hindi dahil sa
pandemya bagkus dahil sa pagkawala ng aking ama na siyang mas
pinahirap pa ng pandemya.
Hindi ko lubos akalain na ang aking pag-aaral sa kolehiyo ay
mauuwi sa “online class” na lamang. Bago ako magsimula ng pag-aaral
sa kolehiyo, di ko maiwasang isipin ang tipikal na buhay ng isang
kolehiyo. Para sa akin ito ay ang yugto ng buhay kung saan magkakaroon
ng kaunting kaluwagan o kalayaan ang isang indibidwal, kalayaan sa
pagdedesisyon para sa sarili at pagiging responsable sa mga desisyong ito.
Ito ang panahon upang siyasatin at kilalanin ko nang mabuti ang aking
sarili na siyang tila ba ipinagkait sa akin ng pandemyang ito. Alam ko na
ang kaisipang ito ay maaaring nagpapakita ng kababawan ng aking
kaisipan ngunit ika nga nila, ang buhay ay maikli lamang, walang
nakakaalam ng kinabukasan at hindi mo sigurado kung magigising ka pa
sa araw ng bukas.
Marami ng kinuha at tinanggal ang pandemyang ito sa ating buhay
ngunit hindi ito ang panahon ng pagsuko, ito ang panahon ng paglaban at
pagbabago. Maaaring hindi na maibabalik ang mga bagay-bagay na
nakasanayan natin noon at hindi na mangyayari ang mga bagay na ating
inaasahan. Ngunit ang pag-asang baka sa araw ng bukas lahat ng ito ay
tapos na, ang siyang nagpapanatili sa akin upang magpatuloy sa buhay.
Mahirap at masakit kung babalik-balikan ang mga nangyari ngunit may
awa ang Diyos at umaasa akong matatapos din ang labang ito at
magwawagi tayo.

You might also like