You are on page 1of 2

AM+DG

Ang Kagandahan sa Pamamaalam

Kapita-pitagang Padre Jose Ramon T. Villarin ng Kapisanan ni Hesus, Pangulo ng Pamantasang


Ateneo de Manila; Dra. Carmela C. Oracion, Punong-guro ng Nakatatandang Mataas na Paaralang Ateneo de
Manila; Gng. Maria Jennifer A. Concepcion, Katuwang na Punong-guro para sa mga Gawaing Pang-
akademiko; G. Noel P. Miranda, Katuwang na Punong-guro para sa mga Gawaing Pang-mag-aaral at
Paghubog; mga minamahal na guro, mga magulang, kaibigan, at kapwa ko magsisipagtapos, magandang hapon
sa inyong lahat! Purihin si Hesus at si Maria!
        Bago ang lahat, nais ko munang itanong sa inyo, bakit nga ba sa tuwing nababanggit ang mga salitang
“pamamaalam”, o kaya “pagtatapos”, mayroon kaagad itong negatibong konotasyon? Bakit dala ng mga
salitang ito ay kalungkutan, o kaya isang mabigat na pakiramdam?
        Kung ating titingnan, mayroong kakaibang kagandahang buhat ang pamamaalam. Kung tutuusin,
mayroong kapanatagang dala ang pagtatapos. Hindi ba’t kung walang dulo, kailanma’y hindi natin matatamasa
ang tamis ng mga bagong simula? Ito ang mga bagay na nais kong bigyang diin sa mga susunod kong
sasabihin.
        Hindi natin maitatanggi na kapag una nating narinig ang salitang “kagandahan”, ang mga unang
pumapasok sa ating isipan ay ang mga bagay sa mundo na nilikha naman talaga bilang pagsasakatawan sa
salitang ito.
        Siguro naiisip natin si crush. Ang nakakabighani niyang ngiti, ang mga mata niyang tila humuli sa
kislap ng mga bituin. Siguro, unang pumapasok sa isipan ang paborito nating libro, ang paborito nating kanta,
o kung anu-ano pa mang mga paborito. Marahil naiisip natin ang pagtatagumpay, ang pagsasakatuparan sa
mga bagay na ating minimithi. O kaya, baka naiisip natin ang mga nagbibigay kaginhawaan sa ating buhay.
Naiisip natin ang mga pagkakataong wala tayong nararanasang anumang hirap o pagsubok. Itong mga bagay
na ito ang nagbibigay kahulugan sa kagandahan para sa atin, marahil dahil madaling mabighani sa mga bagay
na nagbibigay ng saglit na kasiyahan.
        Ngunit, kahit minsan ba’y nakita natin ang kagandahan sa pamamaalam? Atin bang napagtanto kahit
isang beses na sa pamamaalam lang natin mabibigyang halaga ang mga panahon at alaalang nagdaan? Lalo na
ngayon, sa ayaw natin o sa gusto’y kailangan na nating bitawan ang buhay na ating nakasanayan sa mataas na
paaralan. Mahirap isipin na pagkatapos ng araw na ito, kailangan na nating pakawalan ang mga kaibigan, mga
kaklase, at mga gurong naging parte na ng ating araw-araw. Masakit, pero sa sakit na ito natin makikita na
nagakaroon ng timbang at kabuluhan ang mga tao at alaalang kay hirap pakawalan.
        Mayroon ding kagandahan sa pagbagsak at pagkabigo. Oo, maging sa mga bagsak na markang ating
nakuha sa mga mahahabang pagsusulit sa calc, sa stat, sa physics, sa chem, o sa bio. Dito, ating matututunang
muling bumangon. Matututo tayong mas lalong magsumikap, mas lalong magpursige. Sa ating pagkabigo ay
mas lalo nating mananamnam ang tamis ng ating mga tagumpay. Nabigo kang makapasok sa inaasam mong
AM+DG

kolehiyo? Bakit hindi mo iyan tingnan bilang isang senyales mula sa Diyos na mayroong ibang mga bagay na
nakatakda para sa iyo? Bumagsak ka sa isang asignatura? Marahil mas marami ka pang maaaring matutunan
kaya ito nangyari. Hindi masamang mabigo, at ito ang isang bagay na mainam nating pakatandaan sa ating
pagtahak sa mga susunod na kabanata ng ating buhay. Lalo na’t tutungtong na tayo sa kolehiyo, kung saan
napakaraming mga bagay ang hindi natin alam at hindi natin sigurado. Nasabi sa akin ng aking mga magulang
na darating at darating ang araw na makakatikim ako ng pagkabigo, maging sa mga gawaing pang-akademiko
man o sa pang-araw-araw na galaw ng aking buhay. Madaling sumuko, madaling sabihing “ayoko na”. Ngunit
sa anim na taon natin sa hayskul, sa tingin ko natutunan na natin ang halaga ng pagpapatuloy sa mukha ng
kabiguan. Hiling ko lamang na manatiling buhay sa ating mga puso ang katotohanang ito, lalo’t higit sa mga
panahong nais na nating sumuko.
        Mayroong kagandahan sa pagkakamali. Sa mga napakawalang pagkakataon, sa sakit, sa dalamhati, sa
hirap. Mayroong kagandahang masisilayan sa mga luhang pumapatak mula sa ating mga mata, sa mga galos na
ating makukuha sa pakikibaka sa laban ng buhay. Mayroong kagandahan sa paglubog ng araw, sa pagbaba
natin mula sa bundok, sa pagsasara ng mga pintuang ayaw nating lisanin. Mayroong kagandahang sasalubong
sa atin sa paglabas ng binubungang palaruan na ito. Hindi rito nagtatapos ang ating paglalakbay. Lahat ng ito’y
parte lamang ng buhay, parte ng realidad na kailangan nating harapin. Sana makita natin ang mga bagay na ito
bilang isang daan upang mahubog sa ating pagkatao, at isang daan patungo sa kinabukasang naghihintay para
sa atin.
        Aking mga kamag-aral, huwag tayong matakot na sumugal sa mga ‘di -tiyak na bagay sa ating buhay.
Huwang nating hayaang pigilan tayo ng ating takot na magkamali upang makatuklas ng mga bagay na
magbibigay sa atin ng mga bagong karanasan. Sabi nga nila, ibang mundo na ang ating makikita pagkatapos ng
hayskul. Sana’y yakapin natin ng buong puso ang bagong mundong ito, sapagkat dito natin mas lalong
makikilala ang ating mga sarili. Dito natin maisasakatuparan ang mga pangarap na laman ng ating puso, at dito
natin matutuklasan ang mga bagay na tunay na magbibigay ng kagandahan at kabuluhan sa ating buhay.
        Sa lahat ng ito, huwag sana nating kalimutan na mag-alay ng pasasalamat sa mga taong patuloy na
sumusuporta sa atin. Sa ating mga magulang na laging nariyan upang tulungan tayong bumangon sa ating
pagkakabagsak, sa ating mga gurong patuloy na gumagabay sa atin, at sa mga kaibigang hindi tayo iniwan
kailanman. Marapat lang din na ialay natin ang lahat ng ating tagumpay sa Maykapal na siyang nagbigay
kahulugan sa lahat ng ito. Ad Majorem Dei Gloriam! For the gretaer glory of God, sa lahat ng ating gagawin.
        Muli, bumabati ako ng magandang hapon sa inyong lahat. Tunay akong nagagalak na nakasama ko
kayo sa nakalipas na dalawang taon ng aking buhay. Maligayang pagtatapos sa ating lahat, at nawa’y mapuno
ng kagandahan ang simula ng bagong kabanata ng ating buhay. Maraming salamat at pagpalain nawa tayo ng
Diyos.

You might also like