You are on page 1of 2

Credo, Marie Claire Daniel A.

BS Psy 3B

Ikaw ba ay sumasangayon o hindi sumasangayon sa pahayag ni Dr. Enriquez na “American

psychology is a relatively new discipline for the Filipinos but Philippine psychology is as old

as the Filipino himself” na kanyang tinalakay sa usaping mababa ang pagtingin sa Sikolohista

sa Pilipinas. Bakit?

Pangingibabaw (dominant), makapangyarihan (powerful), siyentipiko, at empirikal. Iilan lamang

ito sa mga katangian na iginigiit at pinanghahawakan ng mga sikolohista sa Kanluranin. Marahil ito ay

dahil sa mga impluwensya ng Kanluraning sikolohiya sa pagtukoy ng mga konsepto, pagpapaliwanag,

at pagbibigay unawa at kamalayan sa mga penomena. Sa simula pa lamang, ang tradisyon, pilosopiya,

relihiyon, kultura, at katutubong gawi ng mga Pilipino, ang nagsilbing yaman at balangkas para sa

sikolohikal na kaalaman at pang-unawa ng bansa. Ngunit dahil sa kakulangan ng instrumento at teoriko

na layong magbigay tibay sa mga ito ay nanatili itong pangunahing impormasyon o raw data kung

ihahalintulad sa isang pananaliksik. Samakatuwid, ang pag-impluwensya ng mga Kanluranin ay ginamit

bilang estratehikong kasangkapan para kolonisahin ang bansa at kaisipan ng mga tao nang sa gayon

ay matabunan ang totoo at sariling pagkakakilanlan ng mga Pilipino. Kung kaya’t ang sikolohiyang

Kanluranin/Amerikano ay bagong disiplina para sa mga Pilipino ngunit ang sikolohiya ng Pilipinas ay

kasingtanda ng Pilipino mismo.

Kabilang ang sikolohiya sa mga itinuturo noon ng mga paaralang Unibersidad ng San Carlos at

Unibersidad ng Santo Tomas. Ayon sa mga nakalap na datos, sinasabi na bias o maka-Kanluranin ang

sikolohiyang itinuturo at itinatanim sa kaisipan ng mga Pilipino. Kung titingnan sa pananaw ng mga

kasalukuyang mag-aaral noong panahon ng kolonisasyon, malamang, ito ay pupukaw sa kuryosidad

ng mga mag-aaral na layong makakaakit sa kanilang atensyon. Bilang pagsasaalang-alang sa maunlad

na ekonomiya, pulitika, at akademiko ng mga Kanluranin, talaga naman magiging kawili-wili na

magkaroon ng kaalaman ukol sa kanilang mga itinuturo. Para sa akin, hindi ko mapagkakaila na ang
pagkakaroon at pagtatanggap sa bagong kaalaman ang siyang maglilinang sa aking kaisipan at

magpaparamdam sa akin na ako ay matalino o intelehente. Gayunpaman, nagkaroon ng realisasyon

ang mga sikolohista na ang Kanluraning konsepto ay hindi naaangkop kapag inilapat sa konteksto ng

bansa. Dito na nagkaroon ng pagbabago sa pagtuturo ng sikolohiya sa bansa kung saan kinumbinsi

ang mga guro na gamitin ang wikang Filipino sa pagtuturo ng Introduksyon sa Sikolohiya. Sa mga

unang taon nito, nakakaranas sila ng problema, kabilang na ang kakulangan ng mga materyales na

nakasulat sa Filipino, kahirapan sa pagpapahayag ng ilang konsepto at teorya ng Kanluranin, at ang

mga negatibong reaksyon ng mga mag-aaral na kung minsan ay nararamdaman na ang kanilang

kasanayan sa pagsasalita at pagsulat sa Filipino ay hindi sapat at hindi matatas o fluent (Aleah, 2013).

Ibinahagi niya ang ilan sa mga benepisyo sa isinagawang pagsasaayos; lumaki ang kumpiyansa ng

mga mag-aaral sa pagpapahayag ng kanilang mga opinion, kaisipan, at aktwal na karanasan; at muling

natuklasan ang mga katutubong konsepto.

Ang mga karanasan, kaisipan at oryentasyong nananalaytay sa pagkatao ng mga Pilipino ay

aking maikukumpara sa subconscious. Kung gagawing basehan ang ibinahagi ni Aleah (2013),

maisasaad na ito ay mga impormasyon na hindi natin aktibong nalalaman sa ngayon, ngunit maaaring

makaimpluwensya sa atin. Nagiging magaan at interactive ang pag-aaral ng sikolohiya dahil sa

pagkakatulad ng ating mga karanasan at paniniwala at dito unti-unting nabubunyag ang tunay na

pagkakakilanlan natin mga Pilipino. Sa pamamagitan nito, nagkakaroon na tayo ng kumpiyansa na

bigyan ng tibay ang ating mga katutubong konsepto.

Sanggunian:

Aleah. (2013). The History of Philippine Psychology. Anything Psych.

https://www.anythingpsych.com/2013/04/the-history-of-philippine-psychology/

You might also like