You are on page 1of 1

Natatanging Ina sa Bagong Normal na Sistema ng Edukasyon

Walang hirap ang hindi kayang suongin ng isang ina para sa kapakanan ng
kaniyang mahal na anak. Kaya sa panahon ng pandemya, isang napakalaking hamon
para sa isang magulang ang bagong normal na sistema ng edukasyon mula face to
face na naging modular instruction.
Isa si Ginang Vivian D. Quirante, 59, nakatira sa Purok 1, Macopa, Monkayo,
Davao de Oro sa mga inang hindi alintana ang pagod maihatid lamang sa anak ang
edukasyong ipinagkait sa kaniya. Baitang apat lamang ang kaniyang natapos at ayaw
niyang maranasan ng anak ang hirap na nararanasan niya sa buhay kaya matiyaga
niyang binabagtas ang 3 kilometrong layo mula bahay patungong Babag National High
School sa ilalim ng init at ulan upang kumuha ng mga modyul para sa kanyang bunso
sa walong mga anak na si Jessamie D. Quirante, 19 taong gulang at nasa ika-12
baitang ng Senior High School na kumukuha ng TVL Track, Organic Agriculture Strand.
Ayon kay Gng. Quirante, kahit nasa hustong gulang na ang anak ay siya pa rin
ang gumagawa ng mga ito dahil kung ang kaniyang anak pa ang pupunta ng paaralan
ay mag-aalala lamang siya dahil gagala na naman ito kasama ng mga kaibigan at
matagal na namang uuwi. Isang oras lang kasi kung bagtasin niya ito dahil mabilis
siyang maglakad. Para sa kaniya ang oras ay ginto kaya pagkatapos kumuha ng mga
modyul tuwing biyernes ay mag-aalay muna siya ng libreng serbisyo para sa
paghahanda sa paaralan para sa handang pasukan bago umuwi.
Talagang natatanging ina itong Gng. Quirante dahil pagkatapos ng kaniyang
serbisyo sa paaralan ay hinaharap na naman niya ang hamon ng buhay kasama ang
kaniyang kabiyak na si Ginoong Wilfredo A. Quirante sa paghihiwa nang manipis at
pabilog sa mga saging para maibenta sa pagawaan ng pagkain ng baboy. Ito kasi ang
bumubuhay sa kanilang pamilya.
Ayon sa kaniya, walang pandemya ang makapipigil sa kaniyang pagiging isang
ina. # (Marivic Ann L. Mampo, Babag NHS, Monkayo East District)

You might also like