You are on page 1of 1

“Si Stella At Ang Mga Kaibigan Niya Sa Araw ng Pasko”

Anak-mayaman si Stella subalit hindi siya katulad ng ibang lumaki sa karangyaan


na walang ginawa kung hindi ay mamasyal sa kung saan-saan at magpakasarap sa buhay.
Kahit ang ama niya, na si Don Manuel, at ang ina niya, si Señora Faustina, ay lubos ang
pasasalamat sa mabuting loob ng kanilang nag-iisang anak. Kakaiba ang kabutihan na
ipinapakita nito lalong-lalo na sa mga mahirap na tao.
Tuwing Pasko, niyayaya ni Stella ang mga kaibigan niya na pumunta sa bahay-ampunan
sa Marga Hera. Namimigay sila ng mga laruan, pagkain, at iba pang mga regalo sa mga
bata doon.
“Stella, matanong ko lang, bakit dito tayo pumupunta tuwing Pasko?” tanong ni Fey, isa
sa mga matalik na kaibigan ng dalagita
“Malapit kasi ang puso ko sa mga bata sa bahay-ampunan. Gusto ko na kahit isang
beses lang sa isang taon ay mapasaya ko sila,” paglalahad ng dalagita.
“Hindi isang beses sa isang taon bes, isang beses sa dalawang linggo. Swerte nila sa’yo
friend,” sabi ni Bea sa kaibigan
Masayang-masaya ang mga bata sa ampunan noong araw na iyon. Dinalhan sila nina
Stella ng piniritong manok, spaghetti, sandwich, hotdog, at salad. Marami rin silang
bagong laruan at may mga hindi pa nabubuksan na mga regalo. Habang sumasakay sa
auto ang tatlong magkakaibigan, biglang ikinuwento ni Stella ang tunay na dahilan kung
bakit malapit ang loob niya sa bahay-ampunan sa Marga Hera.
“Alam niyo, nais ko silang mapasaya dahil talagang ibang-iba ang buhay natin sa kanila.
Maswerte tayo at lumaki tayo kasama ang pamilya natin. E, sila, doon na sila bumuo ng
pamilya dahil marami sa kanila ay wala nang ama at ina. Sa tuwing tinititigan ko nga
ang iba sa kanila, ramdan ko ang pangungulila nila sa mga magulang
nila,” pagpapaliwanag ni Stella.
Hindi naka-imik sina Bea at Fey sa narinig nila. Nagpatuloy si Stella sa pagsasalita at doon
nila lubusang naintindihan ang kanilang kaibigan.
“Laking-ampunan si Mommy pero marami ang hindi alam iyon. Noong bata pa ako,
palagi niyang kinukwento ang mga naging karanasan niya.
Mahirap raw ang lumaki na walang mga magulang pero nagpapasalamat siya at may
mga mabubuting tao na nag-aalaga sa kanila roon,” sabi ni Stella.
Simula noong narinig nila ang mga sinabi ni Stella, ni minsan ay hindi na uli
nagtaka sina Bea at Fey sa kabutihang ipinapakita ng kaibigan nila sa mga bata. Lubos
nilang naunawaan na labis ang natutunan niya sa karanasan ng kanyang ina.

You might also like