You are on page 1of 2

TALUMPATI

Ni: Roleen Jen A. Vagilidad

Magandang umaga sa aking mga kababayan!

Tumingin tayo sa ating paligid, pakinggan natin ang bayan nating sumisigaw ng
kapayapaan at katiwasayan. Matagal na nating gustong magkaroon ng isang lider na tutostos
sa ating pangangailangan, lider na makakatanggal ng ugat ng mga masasamang damong
kumakalat sa bayan. Marami na tayong naiboto at napiling pinunong maglilingkod sa nakalipas
na panahon ngunit iilan lang ang nakapagbigay ng tapat nilang serbisyo. Ang mali pa,
pansariling interes ang mas nauuna kesa sa interes ng bayan. Napakalungkot na ang politika ay
nagiging pangkaraniwang hanapbuhay na lamang.

Ako ay nakatayo sa inyong harapan ngayon upang ipabatid sa inyo na kayo ang
pagbabago, tayo ang pagbabago. Ang paglilingkod sa bayan ay katulad ng pamilyang nasa
isang hapagkainan, magulo ang mga bata kapag walang matandang uupo at mangangaral at
magdidisiplina sa mga batang nag-aagawan ng ulam, naglalaro habang kumakain, o di kaya’y
mga pagkain na tumitilapon sa sahig. Ganito dapat ang takbo sa politika katulad ng isang
magulang na may kamay na bakal ngunit mapagmahal sa pamilya hindi yung taong nakuha
man ang posisyon pero hindi kayang panindigan ang tungkulin. Paano na ang mga bata kapag
naiwang mag-isa sa hapagkainan dahil lang may ibang pinagkakaabalahan ang mga magulang
nila. Magulo, sobrang gulo. Kailangan natin ng isang pinunong kayang maging isang magulang
sa bayan, na hindi mabubulag sa pansiriling interes, sa karangyaan o sa pera kundi ang
magulang na mas mamahalin ang tungkulin kaysa ano pa mang bagay. Kapag ako ang uupo sa
posisyon ang pinakaunang bagay na ipapatupad ko ay ang disiplina. Sabihin na nating
napakasimpleng bagay lamang ito ngunit kapag nakalimutang gamitin ay malaking sakit sa ulo.
Isa itong maliit na hakbang para sa kalinisan ng kapaligirang ating ginagalawan. Kung
marunong tayo ng simpleng waste segregation, o ang paghihiwalay ng mga basurang
nabubulok, hindi nabubulok at ang pwede pang mairesiklo. Puro tayo reklamo sa maruming
paligid, sa mabahong kanal, sa mabilis na pagtaas ng baha sa konting ulan, pero sino nga ba
ang nagkulang? Tayo mismo kaya wala tayong dapat ituro kundi ang ating mga sarili. Mahalin
natin ang kalikasan nang sa gayo’y alagaan rin tayo pabalik. Makakatulong ang malinis na
kapaligiran sa pag-unlad n gating turismo na mas makakapagbigay pa ng karagdagang
hanapbuhay sa ating mga kababayan. Bibigyan ko rin ng pokus ang kalusugan ng ating mga
kababayan at ang kapayapaan sa ating lugar lalo na sa gabi. Hindi ko maipapangako ang lahat
ng kabutihan ngunit sa bawat proyektong aking ipatutupad kayo ang aking isaalng alang.

Ayokong maging isang taong puro salita sapagkat ako ay may pangrap para sa ating
bayan na hindi lamang magtatapos sa mga salitang aking bibitawan. Hindi ako uupo sa pwesto
para sa pera o anumang karangyaan. Uupo ako dahil kailangan ako ng aking bayan. Lalagyan
ko na ng tuldok ang aking talumpati, ngunit hindi dito nagtatapos ang aking pangarap para sa
bayan ko. Mga kababayan, nasa inyong mga kamay ang pagbabago kaya huwag sana nating
hayaang dungisan yan ng mga taong korap na nais bilhin ang inyong boto!

You might also like