You are on page 1of 1

EDITORYAL - Bullying sa school

facebook sharing buttonmessenger sharing buttontwitter sharing button

(Pilipino Star Ngayon ) - December 25, 2018 - 12:00am

MARAMING nangyayaring bullying sa mga school at hindi na ito nalalaman ng mga magulang ng mga
bata. Marami sa mga bata ang nananahimik na lamang kaya lalo namang nagpapatuloy ang bullying.
May mga bullying na humahantong sa pananakit gaya nang ginawa ng Ateneo Junior High School
student sa kanyang classmate na nakunan ng video at pinagmulan ng outrage. Kung hindi nakunan ng
video ang pangyayari, maaaring manahimik na lamang ang estudyanteng binully at magpapatuloy ang
pambubully sa kanya ng kaklase na isa umanong blackbelter Taekwondo champion.

Ang school ang nararapat na manguna sa pagsugpo ng bullying sa kanilang nasasakupan. Dapat
nalalaman nila kung may nangyayaring pambu-bully at umaksiyon agad bago pa lubusang lumala ang
ginagawa ng “sangganong estudyante’’.

Kung hindi pa naging viral sa social media ang pananakit ng estudyante sa kanyang kaklase, hindi pa
kikilos ang pamunuan ng Ateneo. Napilitan lamang kumilos at sinabing patatalsikin ang “sangganong
estudyante’’ makaraang magalit ang netizens sa inakto nito. Dahil sa galit, may mga martial arts expert
na humamon sa mismong ama ng “sangganong estudyante” para maturuan ito ng leksiyon. Sabi ng mga
humamon, hindi raw pinalaki nang maayos ng ama ang anak nito kaya nambu-bully. Isa pang martial
expert ang humamon sa “sangganong estudyante”. Matapang lamang daw sa hindi lumalaban ang
estudyante kaya hinahamon niya ito. Ang pagiging marunong daw sa Taekwondo ay hindi dapat
ipinagyayabang at ginagamit lamang ito sa self defense.

Mga school ang nararapat maging listo sa mga estudyanteng may sintomas ng pambu-bully. Mahigpit na
ipatupad ang Anti-Bullying Act para maiwasan ang bullying at madebelop ang psychosocial interventions
sa biktima at sa nambubully. Kung nangyayari ang pambu-bully sa mga sikat na pribadong school, mas
lalong nangyayari ito sa mga pampublikong eskuwelahan na mas marami ang “sangganong estudyante’’.
Maging mapagmatyag at alerto naman ang mga magulang sa kanilang mga anak at baka nabu-bully ito o
nambu-bully.

You might also like