You are on page 1of 5

Pamagat: "Paniniwalang tunay, Diyos ang Gagabay"

Pasakit, kalungkutan, pighati at kahirapan ang dinulot ng taong 2020 sa aming pamilya.
Sa panahong ito, naranasan namin ang manghingi ng pagkain at pera sa ibang tao
upang makatawid lamang ang aming pamilya sa buong araw. Ang aking ama ay nawalan
ng pagkakakitaan at dahil dito ako ay napilitan akong tumigil sa pag-aaral dahil na rin sa
kawalan ng pagkukunan ng pera na ipangbabayad sa aking pag- aaral. Kasabay rin nito
ang dahilan na ako ay hindi makasunod sa makabagong sistema ng pag-aaral sapagkat
ako ay nakikisagap lamang ng koneksyon o WI-FI sa aming kapitbahay at iisang gadget
lamang ang aking gamit sa pagsagap. Kung kaya't dahil dito napagdesyunan ng aming
pamilya na ako ay tumigil muna.

Sa mga malulungkot na pangyayaring aking naranasan, nabuo ang iba't-ibang emosyon


at kawalan ng pag-asa sa aking sistema. Unti-Unti akong nilamon ng kalungkutan at
depresyong hindi ko mawari kung ano ang dahilan. Unti- unting nawala ang kasiglahan at
katatagan sa aking puso, na humantong sa sitwasyon na hindi ko na makilala ang aking
sarili. Gabi-gabi ay palihim akong umiiyak at tumititig sa kawalan, lumayo sa mga tao at
palagiang nakakulong sa kuwarto. At dahil dito, lubos na nangamba ang aking pamilya.
Sila ay nalungkot sa sitwasyong aking kinahantungan at wari hindi alam kung ano ang
kanilang gagawin upang ako ay maging maayos muli. Wari sa sitwasyong iyon, para ba
akong nakakulong sa hawlang walang susi. Sa pangyayaring ito sa akin, para bang
pakiramdam ko'y ako ay isang pabigat sa aming pamilya na nakadaragdag sa mga
problemang kinakaharap ng aming pamilya. At sa sitwasyong ito, naalala ko bigla ang
payo ng aking magulang, sinabi nila sa akin habang ako ay umiiyak na ako ay kumapit,
manampalataya at maniwala sa Diyos, dahil siya ang magbibigay liwanag at pag-asa sa
iyo. Sa tulong ng mga payo sa akin ng aking magulang, napagtanto ko na tama nga't
walang imposible sa Diyos. Kasabay nito, napagtanto ko rin na kaya pala hindi ko
nakikitaan ang aking mga magulang ng pagsuko sa kabila ng mabibigat na pagsubok ay
dahil sila ay tunay na naniniwala, nanampalataya at kumakapit sa Diyos. Naniniwala sila
na ang lahat ay pagsubok lamang at sila ay patuloy na nananalig at nanininiwalang may
pag-asa kung ikaw ay kakapit sa Diyos at susundan ang kaniyang liwanag. Sa kabilang
dako, matapos ang mga pangyayaring ito sunod namang dumaan muli ang bagong
pagsubok. Dinala ang aking lola sa hospital sapagkat ang kaniyang gamot ay hindi na
tumatalab sa sistema ng kaniyang katawan kung kaya't kinakailangan na siyang dalhin
sa ospital upang doon ay masaksakan siya ng IV. Matapos ang ilang araw, sa awa ng
Diyos si lola ay nakauwi na at muling bumalik ang kaniyang lakas. Ngunit, hindi pa
natatapos ang pagsubok na ibinigay sa amin ng Diyos at muli kami ay kaniyang
sinubukan. Sa pagkakataong ito, alam naman ng nakararami na ang ang COVID-19
ngayon ay sadiyang napakabagsik dahil sa mga naglapanang mga bagong "variants" na
siyang nagpapabilis ng paghawa ng sakit ngayon. kamakailan lamang, ang aking pinsan
ay nagpaswab test at noong lumabas ang resulta ng swab test niya ito ay nagpositibo.
Lubos kaming nangamba at nabahala, sapagkat nasa iisang "compound" lamang ang
aming tirahan kung kaya't may posibilidad na kami ay mahawa. Sa pagkakataong iyon,
hindi na lumabas ang aking tiyahin at ang aking mga pinsan sa kadahilanang ayaw nila
kaming mahawaan lalo na at may kasama kaming matanda sa bahay at siya pa ay may
sakit. Sila ay naka home quarantine at patuloy na nagpapagaling. Sa ngayon, kami muna
ng aking ina ang nag-aalaga sa aking lola.

Sa mga pangyayaring aming naranasan ng aking pamilya, natutunan kong magiging


matatag at huwag mawalan ng pag-asa. Natutunan ko rin na hindi palaging maaraw ang
madadatnan mo sa iyong buhay, may pagkakataong ikaw ay susuong din sa ulan na
kung saan ang tanging magbibigay proteksyon sa iyo sa ulan ay ang Diyos at ang iyong
pamilya. Tunay ngang kapag ikaw ay naniniwala sa pagmamahal at pagmamalasakit ng
Diyos, at ikaw ay hindi nawawalan ng pag-asa, dadalhin ka ng Diyos sa tamanag landas,
ikaw ay kaniyang gagabayan at tutulungang makabangon muli. Kasabay nito, napagtanto
ko rin na tama ang palaging sinasabi sa akin ng aking mga magulang na ang lahat ng
bagay na nangyayari sa buhay ay may dahilan at lahat ng ito ay malalagpasan kapag
ikaw ay nanalig sa Diyos at naniwala sa iyong sarili. Walang imposible sa ating Diyos na
bukal ang pagmamahal at paggabay sa atin.
Paksa: Walang hanggang Katapusan ECQ, GCQ at iba pa

Pamagat: "Kadenang walang Susi: Sistemang walang Kaayusan"

Nagsimulang magbago ang pamumuhay ng mga tao noong taong 2020 nang
lumaganap ang sakit na COVID-19 sa bansa. At dahil dito, nagsimulang
magpalaganap ng mga batas at panuntunan ang gobyerno at dito nabuo ang mga
katagang ECQ, GCQ at iba pa, na nagbigay kontrol sa bawat galaw o kilos ng mga
tao. Sunod-sunod na nagsara ang iba't-ibang establisyimento. Marami ang nawalan ng
trabaho at lumobo ang bilang ng mga pamilyang nagugutom at mga estudyanteng
napilitang tumigil sa pag-aaral. Sa panahong ito, marami ang pinagbawal at ang
kalayaan ng bawat tao ay tuluyang naagaw. Ngunit, alam ko naman na ang
pagsasabatas ng mga terminong ito ay ginawa upang tayo ay mapangalagaan, maging
ligtas at makaiwas sa sakit na COVID-19.

Isang taon na ang nakalipas noong ang buong bansa ay ilagay sa ECQ. Sa
kasalukuyang taon, unang buwan ng taon, ay tuluyan ng unti-unting binuksan ang
ekonomiya ng bansa. Marami-rami na rin ang nakabalik sa trabaho at paunti-unti ay
bumabangon. Ngunit, nang taong ring ito ay may nadiskubrihang bagong "variant" na
kung saan ito ay nagpapabilis sa virus na makapanghawa sa ibang tao. Sa
pagkakataong ito, mahigpit na binantayan ng ating gobyerno lalo na ang Kagawaran
ng Kalusugan ang "variant" na ito, upang hindi ito makapasok sa ating bansa.
Pansamantalang ipinatigil ang mga internasyonal "flights" o paglipad patungo sa ating
bansa upang maiwasan nitong makapasok ang bagong "variant" sa ating bansa.
Kasabay nito ang pagtamlay muli ng ating ekonomiya. Ngunit sa huli, ang gobyerno
ay hindi nagtagumpay. Nakapasok ang bagong "variant" sa ating bansa na siyang
nagpabilis ng bilang ng mga bagong kaso. Kasabay nito, ang pagbilis rin ng bilang ng
mga taong namamatay. Sa kabila ng pag-usad ng programa ng pagbabakuna ng
COVID-19 na siyang ating nakuha sa tulong ng donasyon ng China at pagbili natin sa
iba pang bansa. At dahil, hindi na makontrol ang paglobo ng bilang ng mga
nagpopositibo sa COVID-19 noong nakaraang Marso 22, 2021 nagpatupad muli ang
gobyerno ng ECQ sa mga karatig bansa at tinawag itong "NCR+Bubble" na kung
saan ang mga lugar na kabilang dito ay ang Metro- Manila, Bulacan, Cavite, Laguna
at Rizal, at ito ay matatapos ng ika-04 ng Abril, 2021. Ang pagpapalaganap muli ng
ECQ ay dahil na rin sa mga mungkahi ng mga alkade ng bawat siyudad at ng mga
eksperto. Sa pagbalik ng ECQ sa bansa, muling bumalik ang ibang mga Pilipino sa
lugmok at kahirapan. Marami ang nawalan muli ng trabaho at nawalan ng
kasiguraduhan, paniniwala at kalituhan patungkol sa mga impormasyong ibinibigay
ng pamahalaan sa tao. Wari bang sa isip ng ibang tao ay para bang niloloko na lang
tayo ng pamahalaan. Walang kaayusang sistema at plano ang nagbibigay sa mga tao
ng ideya na ang lahat ng ito ay hindi na talaga matatapos. Urong-sulong na mga
desisyon at panuntunan na nagpapahiwatig sa tao na hindi ganoon katatag ang sistema
ng gobyerno at hindi ito gaanong maaasahan. Lumipas ang isang linggong ECQ nang
hindi man lang nabawasan o lumiit ang bilang ng mga kaso ng mga nagpopositibo sa
COVID-19 kung kaya't nagkaroon muli ng karagdagang isang linggong ekstensyon
ng ECQ sa mga nasabing lugar. Sa kasalukuyan, ibinaba na ng gobyerno ang ECQ at
ginawa na itong MECQ sa kadahilanang patuloy na bumababa ang ekonomiya ng
bansa. Sa mga panahong ito, napagtanto ko na ang ating gobyerno ay walang
kaayusan patungkol sa pagpaplano. Na kung saan, kung ako ang tatanungin imbis na
magpaECQ inilaan na lamang sana ang mga natitirang pondo para sa pagbili ng
karagdagan pang mga bakuna. Sapagkat, kung ating babalikan ang mga panuntunan,
sa pagpapatupad ng ECQ kasabay nito ang pagbibigay ayuda sa mga taong nawalan
ng hanapbuhay at trabaho, kung kaya't mas lalong nahihirapan ang ating bansang
makabangon mula sa krisis at pandemyang ito. Malaki ang naidulot ng
pagpapalaganap ng ECQ, GCQ at iba pa sa pamumuhay ng mga tao at patuloy itong
mangyayari kung hindi aayusin ng ating gobyerno ang kanilang mga plano. Marami
ang bumabatikos ngayon at naghihinala sa mga nadaragdagdagang kaso ng COVID-
19 sa bansa. Sapagkat, marami sa mga hospital ang nahahaluan na ng politika sa
pagdedeklara ng diyagnosis sa pasyente. Marami ang nabubulag sa pera, kung kaya't
marami rin ang nagugutom dahil sa kakulangan ng pera. Marami ang natatakot at
marami ang nadidismaya sa pamamalakad ng gobyerno.

Sa mga ganitong panahon, nararapat lamang na ang bawat isa ay magkapit-bisig


upang pugsain ang mga maling sitwasyon. Kung walang kikilos at aaksyon patuloy
lamang tayong mabubulag at magpapaikot sa mga maling kamay ng nga namamahala
sa gobyerno. Patuloy na lamang ba tayong magpapalinlang? Ang mga plano nilang
mas bulok pa sa mga basurang ating nakikita sa ating kapaligiran. Patuloy tayong
iikutin ng mga maling sitwasyon na kung saan ang mga buhay na natin ang
nakasalang at ang kinabukasan ay wala ng kasiguraduhan. Hahayaan ba natin na tayo
ay patuloy na ikadena sa sistemang wala naman talagang patutunguhan. Nararapat
lamang na harapin natin ang katotohanan at hanapin ang susi upang tayo ay makawala
sa kadenang patuloy tayong iginagapos.
Paksa: Virus kayo dyan, Virus kayo dito, Virus kung saan- saan, sana tapos kana

Pamagat: "Sakit na lumaganap sa Lipunan, Pagdurusa ang kinahinatnan"

Saan nga ba patutungo ang buhay nating ito habang patuloy na lumalaganap ang pandemyang ito?
ito ang isa sa mga tanong na palaging umiikot sa aking isipan, na tila hanggang ngayon ay waring
naghahanap pa rin ng kasagutan. Isang napakalungkot na pangyayari ang naidulot ng taong 2020
sa buong mundo sapagkat sa taong ito lumaganap ang isang napakalaking trahedya na siyang
nagpabago sa daloy ng pamumuhay ng buong sangkatauhan. Maliban dito, nagdulot din ito ng
pagbaha ng mga luha sa mga mata ng bawat isa, marami ang nagdusa at naghirap sa kamay ng
sakit na tila tayo rin ang may gawa. Sa pangyayaring ito, tila ang kinabukasan at pangarap ng
bawat bata at mga kabataan ay biglang nagbago at nawala ng parang bula. Pag-asa ay tuluyang
bumaba kasabay ng pagbagsak ng ekonomiya ng bawat bansa.

Sa pagkakataong ito, wari ang bawat isa ay naghahanap ng masasandalan at makakapitan na tila
ang bawat isa ay naghahanap ng masisilungan. Sa patuloy na paglaganap ng pandemyang ito, ang
mga tao ay tuluyan ng nagbago. Marami ang napariwara dulot ng kawalan ng pag-asa sa kanilang
mga buhay. Marami din ang sumuko at tuluyan ng winakasan ang kanilang mga buhay. Marami
din ang tuluyan ng nawala sa katinuan dulot ng pagkahaba-habang pagkakakulong sa ating mga
tahanan. Kinabukasan ng mga kabataan ay napariwara sapagkat kinailangan ng iba ang
magsakripisyo para mabuhay ang kanilang pamilya. Ang mga ngiti at bungisngis ng bawat isa ay
napalitan ng mga luha at pighati sa kanilang mga damdamin. Tila napaka saklap ng pangyayaring
ating nasadlakan, para bang tayong lahat ay pinaparusahan na ng Diyos sa ating mga kasalanang
nagawa sa kaniya. Tila, pinapaalala niya sa atin na tayo ay nakakalimot na sa kaniya at waring
lumilihis na ng landas na tinatahak. Sa pagkakataong ito, patuloy pa rin tayong kumapit at isipin
na ang lahat ng ito ay isa lamang pagsubok na ibinigay sa atin ng Diyos upang tayo ay maging
matatag at matibay sa buhay. Upang tayo ay patuloy na tumayo at sundan ang kaniyang mga
pangaral. Sa kabilang banda, sa pangyayaring ito marami rin ang umusbong na magaganda at
mabubuting epekto. Marami sa atin ang mas napalapit sa ating mga pamilya at sa Diyos at dito
mas naging matatag at matibay ang ating pagmamahahalan at pagsaasmahan. Sa pangyayaring din
ito, namutawi ang pagiging makabayan ng bawat isa sa pamamagitan pagtutulungan at
pagdadamayan ng bawat Pilipino. Naging mas malawak ang kaisipan ng bawat isa at dito marami
tayong napagtanto at natutunan sa buhay na siyang magbibigkis at magpapatibay sa ating bansa.
Tunay na malaki ang naging epekto ng pandemyang ito hindi lamang sa pamumuhay nating lahat,
bagkus pati na rin sa persepsyon at personalidad ng bawat isa negatibo man ito o positibo. Sa
pangyayaring ito, napatunayan natin na walang sinuman ang kayang makaalam sa mga
pangyayaring ating kasasadlakan. Walang sinuman miski mahirap o mayaman ang maaaring
makaiwas sa mga pagsubok na ito. Lahat ay pantay-pantay at higit sa lahat lagi nating isipin na
tayo ay patas na mahal ng Diyos.

Sa kabuuan, sa kabila ng pagdurusang ating kinahaharap ngayon huwag pa rin nating hayaan na
tayo ay wasakin o durugin ng mga ito. Bagkus, sa mga pagdurusang ito mas lalo nating ipakita
ang ating pagiging makabayan at makatao. Huwag nating hayaan na tayo ay kainin ng sarili nating
kasakiman dahil ang mga ito ay makakapagdulot lamang ng mas malalang epekto sa atin at mas
lalo lang magiging komplikado ang lahat. Normal lamang ang lumuha, malungkot at paminsan-
minsan na pagkwestyon sa lahat ngunit huwag nating hayaan na tayo ay magpalugmok na lamang
sa ganoong sitwasyon, huwag nating hayaan na tayo ay sumuko sa kasadlakang ating kinahaharap.
Tunay na napakahirap ng buhay ngunit sa kabila ng mga kahirapan at pagsubok na ito, lagi nating
isipin na kaakibat natin sa ating paglalakbay ang liwanag, na palaging nandyan ang Diyos para
tayo ay gabayan, tulungan, mahalin at tanggapin ng bukal sa kaniyang puso.

You might also like