You are on page 1of 2

Wika at Henerasyon: Ang Pagsasalin Bilang Pandayan ng Isip

Sa pagdalumat ng mga akdang pang-akademiko, mahalaga ang pagsasalin upang higit na maging bukas
ang diskusyon. Sa mga iskolar na patuloy nananalaytay ang pagiging Pilipino, mahalaga ang wika upang
bigkisin ang kaalaman at ukitin ang masa sa mga akdang binabasa. Sa salin nina Coroza at A ñonuevo,
pilit na inuungkat ang kalahagahan ng pagsasalin at kung papaano sinasalamin ng mga tagapagsalin ang
mga akdang kanilang isinusulat. Sa papel na ito, maipakikita rin ang tunay na pagpapakahulugan sa
larangan ng pagsasalin. Bilang isang iskolar na pilit sinisiil ang sarili sa pagtuklas ng mga bagong
kaalaman, mahalaga ang pagsasalin upang mas dumaloy ang espiritu ng akda at lumutang ang kaalaman
ng malinaw. Ang pagsasalin ay isang responsibilidad na dapat atangin ng may kakayahan; ito ang
magiging kabsat ng kaalaman sa mga Pamantasan upang maibaba sa masa ang kaalaman na dapat nilang
malaman.

Bilang pagpapalalim, magandang ungkatin ang tungkulin ng mga tagasalin. Sinasabi sa salin ni Coroza
mula sa akda ni Benjamin na para sa mambabasang hindi kayang umunawa ng orihinal na teksto ang
salin. Ito ang maikakatwiran sa patuloy na pagsasabi ng iyon at iyon din (Coroza, p.37). Ayon sa kanya,
ang akmang dahilan kung bakit isinasagawa ang pagsasalin ay pagpapahayag ng pinakamalapit na
relasyon ng wika (Coroza, p.40). Ang wika ang nagsisilbing susi upang mas maging bukas ang isinasalin
sa masa. Sa pagtanaw, ang pagsasalin ay isang kritikal na gawain dahil ito ang magsisilbing pandayan ng
isip upang mas maging intelektwalisado ang mga mambabasa. Ang pagsasalin ay isang transpormasyon
na laging sangkot sa kaalaman ng mga mambabasa. Ang patuloy na pagsasalin ay maaaring magbunga ng
panibagiong oportunidad upang mas maging intelektwalisado ang mga Pilipino at mas maging maalam sa
konsepto ng pandaigdigang kaalaman. Dinidiin din ng manunulat na ang pagsasalin ay isang kolektibong
proseso na dumaraan sa isang kritikal na pagsusuri. Sinasabing mas mahalaga ang kasaysayan kaysa
kalikasan at mas kagiliw-giliw na tanggapin na ang simulain ng pagsasalin ay umuugat sa katanyagan.
Kung ito ay umabot sa punto ng katanyagan, ang ibig sabihin nito ay may nilalaman nitong dapat na
malaman ng ibang mga tao na may ibang kultura, lahi, o pananaw.

Sa salin naman ni Añonuevo mula sa akda ni Schliermacher, mas malawak ang diskusyong itinaas ukol sa
pagsasalin. Ang pagsasalin ay para sa mga indibidwal na rasyon, komunikasyon pangdiplomatiko sa gitna
ng mga indipendiyenteng gobyerno, at iba pang may nakasanayang wika (Añonuevo, p.20). Malinaw ding
diniinan ang pagkakaiba ng interpreter at isang tagapagsalin. Ayon sa kanya, ang isang interpreter ay
tumutulay sa usaping negosyo at ang tagapagsalin ay nag-aalay ng oras upang giitin ang usaping
iskolarship at sining. May dalawang kondisyon ang pagsasalin: Ang pagkaunawa sa mga kolonyal na
akda ay upang maging tanyag at kaasam-asam at kung anong fleksibilidad ay dapat iungkat sa katutubong
wika (Añonuevo, p.26). Sa larangan ng pagsasalin, humuhugot lamang ng kung ano ang mayroon at pilit
na binabagtas ang sariling henerasyon. Ang wika ang may pinakamalaking gampanin sa usaping
pagsasalin. Ito ang nagsisilbing baybayin ng kaalaman upang mas tuligsain at buksan ang isip ng mga
Pilipino sa mga mensaheng nakalimbag sa orihinal na akda. Isa sa malalim na pinaghuhugutan ng
pagsasalin ang oras, paksa, wika, at ang henerasyonal na kultura. Ang mabisang pagsasalin ay dumaraan
sa kritikal na proseso at dinidis-arma ang pansariling interes. Mas pokus ng pagsasalin ang mga
mambabasa upang higit na maidikit ang layunin ng tagapagsalin na maging bukas ang mensahe para sa
lahat. Tunay at totoo ang nais iparating ng dalawang manunulat na isinalin sa wikang Filipino. Tulad ng
kanilang ginawa, hindi man nagkaroon ng pantay na hustisya ng nilalaman ang mga sanaysay, madali pa
ring naintindihan at nabasag ang impormasyong nais ihatid ng mga manunulat.

Bilang paglalagom, maganda ang layunin ng pagsasalin sa bansa. Ang hindi lang naiungkat sa mga
sanaysay ay ang patuloy na pagiging kolonyal ng mga Pilipino. Ang pagiging kolonyal ay may malaking
epekto sa paraan ng pagsasalin. Tama si Coroza na dapat isaalang-alang ang kalagayan ng wika.
Halimbawa, sa henerasyon ng mga Pilipino ngayon, mas naiintindihan ang pinaghalong Tagalog at
English. Samantalang marami pa namang wikang katutubo ang maaaring gamitin sa dagat ng mga salita
sa wikang Filipino. Magandang paghusayin ang pagtimtimbang ng pagsasalin, at isaalang-alang ang
kapasidad ng karamihan na maintindihan ang mensahe ng akda. Kung ang tunay na layunin ng pagsasalin
ay para sa masa, ito ay dapat maging bukas para sa lahat at hindi para lamang sa mga iskolar na kayang
magpalalim ng mga salita.

You might also like