You are on page 1of 1

Inclusivity sa Isports, dama sa LCAA

Upang ipakita ang determinasyon at katapangan na malampasan ang pisikal at mental na mga hadlang,
hindi inalintana nina Jousef Benedict Pereyra at Angeline Rosario parehong nasa ikalawang baitang ng
Agripino Palting Santos Elementary School (APSES) ang nakapapasong init ng araw upang dumalo sa
parada bago ang pagbubukas ng Laoag City Athletic Association Meet, Laoag City, Marso 3.

Sina Pereyra, tubong Caoacan, Laoag City at Rosario tubong Cavit, Laoag City ay ilan lamang sa mga mag-
aaral na kabilang sa tinatawag na children with special needs na nagpursigeng mapabilang sa kani-
kanilang piling laro.

Sa panayam kay G. Eufrencio R. Factores, punongguro ng APSES, ang pagsali ng mga mag-aaral sa mga
ganitong gawain ay napakalaking tulong upang maramdaman nila na sila ay hindi iba sa mga normal na
mag-aaral.

“Ang mapabilang at isama sila sa mga ganitong gawain ay nakakatulong sa kanilang sosyal at mental na
aspekto nang sa ganoon ay maramdaman din nila ang sense of belongingness”, ani Factores.

Ilan sa mga mag-aaral ng Special Education ng naturang paaralan ay didiretso na sa Region 1 Athletic
Association at magiging kinatawan ng dibisyon para sa Para-Athletic at Track and Field events.

“Ang mangyayari sa ating mga mag-aaral sa ngayon ay exhibition games lamang sapagkat sila ay
didiretso na sa mas mataas na antas ng paligsahan”, paliwanag pa ng punongguro.

Nang matanong tungkol sa paghahanda ng mga bata sa kani-kanilang isports, ibinahagi ng punongguro
na ang training ay katulad din sa mga normal na bata subalit nangangailangan lamang ito ng mas
malalim na pang-unawa at mahabang pasensya.

“Sobra-sobra ngang respeto ang ibinibigay ko sa mga guro at coach ng mga bata sapagkat hindi
matatawaran ang kanilang sakripisyo upang gabayan at turuan ang mga bata sa kani-kanilang isports,”
dagdag pa ni Factores.

“Ang isports naman ay para sa lahat. Kaya ang paglunsad ng mga ganitong gawain ay napakainam upang
mahikayat ang iba pang magulang na may mga anak na may ispesyal na pangangailangan na huwag
ipagdamot ang karapatan ng kanilang mga anak na maranasan, mapabilang at maisama sa mga ganitong
pagtitipon.” panapos ni G. Factores.

Samantala, sa pakikipanayam naman sa isa sa mga magulang ng mga bata aniya ang laban ng kanyang
anak ay laban na rin niya bilang magulang.

“Hindi hadlang ang gulong na sinasakyan ng aking anak upang ipadama ko sa kanya at ipakita ang
suporta bilang ina. Ang kanyang laban ay laban ko rin”, ani Gng. Grazela Azcueta-Pereyra, magulang ni
Jousef Benedict.

“Hindi ako magsasawang gabayan, suportahan at samahan ang aking anak sa hilig niyang ito sa larangan
ng isports. Ang kapansanan ay hindi mabigat na pasanin sa taong may disiplina at pagpupursige.”
panapos nito.

You might also like