You are on page 1of 10

HULWARAN AT ORGANISASYON NG TEKSTONG EKSPOSITORI

Ang anumang tekstong binabasa o sinusulat ay lalong nagkakaroon ng kahulugan dahil sa paggamit
ng iba’t ibang hulwarang organisasyon ng teksto. Ang hulwarang ito ay maaaring nagbibigay ng
depinisyon o katuturan ng isang salita, isyu o tema. Gayundin, maaari naming gamitin ang pag-iisa-isa
o enumerasyon batay sa pangangailangan ng teksto.

A. PAGBIBIGAY-KAHULUGAN O DEPINISYON

Ito ay paraang eksposisyon na tumatalakay o nagbibigay-kahulugan sa isang salita. Ito rinay paglilinaw
sa kahulugan ng isang salita upang tiyak na maunawaan. Bawat disiplina o larangan ay may tiyak na
mga salitang ginagamit kaya’t kailangang ipaliwanag ito sa pamamagitan ng depinisyon.

Mga Uri ng Depinisyon

May dalawang uri ng depinisyon: (1) maanyong depinisyon, at (2) depinisyong pasanaysay.

Maanyong Depinisyon

Ito ay tumutukoy sa isang makatuwirang pagpapahayag ng mga salita na nagbibigay ng malaking


kaalaman. Ito ay tumutugon sa mga patakaran ng anyong nasa diksyunaryo at ensayklopedya.

Tatlong Bahagi ng Maanyong Depinisyon

Katawagan (form) – ang salitang ipinaliliwanag o binibigyang-depinisyon

Halimbawa: Ang Parabula

Klase o Uri (genus) – ang kategoryang kinabibilangan o pangkat na binubuo ng mga katulad na bagay

Halimbawa: Ang Parabula ay isang maikling kuwento

Mga katangiang ikinaiiba ng salita (difference) – mga paglalarawan na ikinaiiba ng salitang


binibigyang-depinisyon s iba pang salita o katawagan.

Halimbawa: Ang parabula ay isang maikling kuwento na naglalayong mailarawan ang isang
katotohanang moral o espirituwal sa isang matalinghagang paraan.

Iba pang halimbawa ng Maanyong Depinisyon

Ang lirikoay isang uri ng tula na may kaayusan at katangian ng isang awit na nagpapahayag ng
matinding damdamin ng makata.

Ang astrolohiyaay sangay ng meteorolohiya na nag-iimbestiga sa kondisyon sa himpapawid at


atmospera ng daigdig.

PAGBASA AT PAGSULAT TUNGO SA PANANALIKSIK


Ang ekolohiya ay isang sangay ng siyensya na pag-aaral sa pag-uugnayan ng mga organism at sa
kanilang kapaligiran, maging hayop man o halaman.

Depinisyong Pasanaysay

Ito ay isang uri ng depinisyon na nagbibigay ng karagdagang pagpapaliwanag sa salita. Ito ay kawili-
wili, makapangyarihan at makapagpapasigla kaya higit itong binabasa ng mga mambabasa. Walang
tiyak nah aba ito basta’t makapagpapaliwanag lamang sa salitang binibigyang kahulugan.

Halimbawa:

Ang kalayaan ay hindi iba kundi kapangyarihang sumunod o sumuway sa sariling kalooban. Ang
tinatawag nating malaya ay yaong panginoon ng kanilang kalooban.

Ang kalayaan ay isa sa mahalagang biyaya ng diyos sa tao; dahil sa kalayaan ay nakaiilag tayo sa
masama at makagagawa ng inaakala nating magaling……

-Ang Kalayaan ni Marcelo H. del Pilar


Gayundin naman may dalawang dimension ang pagbibigay ng depinisyon, ang DENOTASYON at ang
KONOTASYON.
Ang DENOTASYON ay kahulugan mula sa diksyunaryo o dili naman kaya ay salitang ginagamit sa
pinakasimpleng paraan.
Halimbawa: Malapad ang papel na ginamit niya sa ilustrayon na iyan.
Sa kabilang dako, ang KONOTASYON naman ay nagbibigay ng di-tuwirang kahulugan sa isang salita.
Ito ay maaaring pansariling kahulugan ng isang tao kung kaya’t nagkakaroon ng pangalawang
kahulugan ang salita.
Halimbawa: Malapad ang papel niya sa may-ari ng kompanya.

B. PAG-IISA-ISA O ENUMERASYON

Ang paglilista o enumerasyon ay tumutukoy sa talaan o listahan ng mga ideya, katotohanan o detalye
tungkol sa pangunahing ideya. Ang ayos ng mga detalye o ideya ay maaaring magkapalitan na hindi
mababago ang kahulugan.

Ito ay pinakapangkaraniwang hulwaran sa pag-oorganisa ng teksto. Ang mga impormasyon ay isa-


isang itatala at tatalakayin. Madalas na nakaayos ito nang ayon sa tamang pagkakasunod-sunod. May
mga pagkakataon din na ang isang malawak na paksa ay hinahati-hati sa mas maliit na paksa at isa-
isa itong binibigyan ng pamagat. Madalas ding gamitin ang pag-iisa-isa o enumerasyon sa mga
pagsusulit na obhekatibo kapag ang proseso o mga hakbang ang hinihingi sa mga aytem.

UNANG GABAY o DIMENSYON: Pagbibigay ng pag-unawang literal sa mga tekstong binasa.


IKALAWANG GABAY o DIMENSYON: Ganap na pag-unawa sa kaisipang nais ipadama ng may-
akda.
IKATLONG GABAY o DIMENSYON: Pagkilatis sa kahalagahan ng kaisipan.
IKAAPAT NA GABAY o DIMENSYON: Pagsasanib ng kaisipang nabasa at karanasan upang
magbunga ng bagong pananaw at pag-unawa.

PAGBASA AT PAGSULAT TUNGO SA PANANALIKSIK


IKALIMANG GABAY o DIMENSYON: Paglikha ng sariling kaisipan ayon sa kasanayan na ibig bigyan
ng diin sa binasang seleksyon.

Mga Halimbawang Teksto


Ang Tuberkulosis
Ang tuberculosis ay sakit dulot ng mikrobyong Mycobacterium tuberculosis.

May karaniwang sintomas ang TB:

● Lagnat na kadalasang nararamdaman kung tanghali o panahon na


● Pag-ubo na tumatagal ng dalawang (2) linggo o higit pa
● Pambihirang pagpapawis lalo na kung gabi
● Minsan may pag-ubo na may kasamang dugo
● Walang ganang kumain o pangangayayat

Tama ba ang mga paniniwala mo ukol sa Tuberkulosis?

● Ang tuberkulosis ay hindi namamana. Ang karamdamang ito ay maaaring makuha sa paglanghap
ng hangin na may mikrobyo na mula sa isang pasyenteng may TB. Matagal na eksposyur ang
kinakailangan.`
● Ikaw ay agad na mahahawa ng TB kapag gumamit ng mga bagay tulad ng kubyertos na ginamit ng
mga taong may TB.

Hindi nakakahawa ng TB ang paggamit ng mga bagay tulad ng kubyertos na pagmamay-ari ng taong
may TB. Ang di mainam na nutrisyon ang isa sa mga sanhi ng mas mabilis na pagkapit ng tuberkulosis.

● Ang TB ay napakahirap gamutin o di kaya’y wala nang lunas.

Ang TB ay maaaring gamutin at mabigyang lunas. Matagal nang may mga gamot laban sa TB. Ang
gamutan ay maaaring tumagal ng 6 – 9 na buwan. Kailangang tuloy-tuloy inumin ang gamot at
makumpleto upang mapuksa ang TB.

C. PAGSUSUNOD-SUNOD
Madalas tayong nagkukuwento ng mga pangyayaring nasaksihan o naranasan subalit kung minsan
hindi malinaw ang paghahatid natin ng mensahe dahil na rin sa kakulangan ng mga detalye o kaya
naman ay napaghahalo-halo natin kaya’t maging ang kausap natin ay nalilito kung nababago ang mga
pangyayari. Ang bawat kuwento ay binubuo ng mga sunod-sunod na pangyayari: simula, gitna, at
wakas. Bawat manunulat ay may kanya-kanya ring estilo ng pagkukuwento minsan ay pabalik na
nagsisimula sa gitna, patungo sa simula o tinatawag na “flashback.”

Ang pagsusunod-sunod ay naglalayon ding ipabatid sa mga mambabasa ang isang paksa sa
pamamagitan ng paglalahad ng mga impormasyon sa pamamaraang (a) sekwensyal, (b) kronolohikal
at (c) prosidyural. Sinasagot nito ang mga tanong na papaano, gaya halimbawa ng: paano nagsimula,
nadebelop at nagtapos ang mga pangyayari? Paano isinagawa ang proseso ng paggawa? Papaano
ang pagkakabalangkas? Malinaw na naipapakita sa mga tekstong ito ang mga pangyayari,
kaparaanan, kasaysayan mula sa simula hanggang sa wakas.

PAGBASA AT PAGSULAT TUNGO SA PANANALIKSIK


Mga panandang ginagamit sa hulwarang pagsusunod-sunod: una, sa simula, noon, samantala, saka,
maya-maya, hanggang, huli, nang magkaganon, pagkatapos.

SEKWENSYAL

Pagsusunod-sunod ng mga pangyayari sa isang salaysay na ginagamitan ng salitang una, pangalawa,


pangatlo, susunod at iba pa.

Halimbawang Teksto

Isang araw, habang naglalakad akong papunta sa eskuwelahan, may narinig akong nagsisigaw ng
“Snatcher! Snatcher!” At bigla na lamang na may bumangga sa akin. Isang batang lalaki, mga 13-taong
gulang at mahigpit ang hawak sa tangan-tangang bag. Hinawakan ko siya sa dalawang balikat habang
nagpupumiglas. Bigla akong napatitig sa kanyang mga mata, natigilan ako, dahil bigla kong naalaala
ang batang si Nicolas.

Noong una kong nakilala ang batang si Nicolas ay 10 taon lamang siya. Nag-aaral, masunurin at
masayahin. Subalit nang huli ko siyang makita ay nalaman kong may tatlong taon na palang patay ang
kanyang ama. Huminto siya sa pag-aaral dahil hindi raw kaya ng kanyang ina na pag-aralin pa silang
magkakapatid. Noon niya naisipan ang magtinda ng diyaryo. Nagbarkada at naging laman ng kalye sa
buong maghapon si Nicolas. At ngayon sa murang gulang na 13 ay marunong nang manigarilyo at
uminom ng alak. Natuto na rin siyang mandukot.

Isa lang si Nicolas sa maraming batang lansangan na inyong nakikita. Minsan lahat silay ay puno ng
pangarap sa buhay. Ngunit ngayon, wala na silang pakialam kung ano man ang kanilang maging
kahinatnan. Para sa kanila, wala na ring halaga ang buhay.

Hindi likas na masasama ang mga batang ito; mga biktima lamang ng masamang kapalaran. May
karapatan din silang mabuhay sa ating lipunan upang matupad ang kanilang pangarap at harapin ang
isang magandang kinabukasan.

Halaw sa Makipagtalastasan Tayo 1 nina Milambiling, et al. (1986)

KRONOLOHIKAL
Pagsusunod-sunod ng mga impormasyon at mahahalagang detalye ayon sa pagkakaganap nito.
Karaniwang gumagamit ng mga tiyak na araw o petsa upang ipabatid kung kailan naganap ang mga
naturang pangyayari. Malimit gamitin ang mga ito sa paggawa ng talaarawan o diary.

Halimbawang Teksto
Singapore
Matatagpuan ang Republika ng Singapore sa kipot ng Malacca, isang maliit ngunit maunlad na bansa
sa timog-silangang Asya. Ito ay nakakawing sa Malaysia sa pamamagitan ng lansangang likha ng tao
sa ibabaw ng tubig.

PAGBASA AT PAGSULAT TUNGO SA PANANALIKSIK


Batay sa mga ulat ng Malay, noong 1160 A.D. matapos ang isang bagyo, si Utama (isang pinunong
Malay) ay napagawi sa isang bayan na kung tawagin ay Temasek. Dito ay nakakita siya ng isang hayop
na korteng-leon kaya’t naisipan niyang binyagan ang lugar bilang Singa-pura o “Lunsod ng Leon”.

Noong 1819, itinatag ni Sir Thomas Stamford Raffles ang makabagong Singapore. Dahil sa
magandang lokasyon ng bansa, hinimok niya ang Britain na bilhin at sakupin ang teritoryo. Naging
bahagi ang Singapore ng Straits Settlements, na noong 1867 ay napaloob bilang kolonya ng Britain.
Sa panahong ito, umunlad ang Singapore bilang isang pangunahing sentro ng kalakalan at
internasyonal na malayang daungan sa pagbubukas ng Suez Canal.

Subalit hindi rin nakaligtas sa pananakop ng mga Hapon ang Singapore. Ang isla ay nasakop mula
1942 hanggang sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ika – 3 ng Hunyo, 1959 nang magsarili ang Singapore. Apat na taon ang lumipas nang sumali ang
bansa sa Pederasyon ng Malaysia. Subalit nang magkaroon ng mga alitan ng pederasyong Malay at
minoryang Tsino, ang Singapore ay tumiwalag at naging malayang bansa noong ika – 9 ng Agosto,
1965.
Kilala ngayon ang Singapore hindi lamang sa pagiging isang industriyalisadong bansa kundi sa
pagkakaroon din nito ng pinakamalinis na lunsod sa buong mundo.

PROSIDYURAL

Pagsusunod-sunod ng mga hakbang o prosesong isasagawa. Katulad nito ay mga resipe sa pagluluto,
proseso sa pagkukumpuni ng mga kagamitang elektrikal at iba pa.

Halimbawa:
Paano Bumoto sa Automated Election System?

1. Tiyakin na ang pangalan mo ay nasa listahan ng botante sa presinto. Sa araw ng eleksyon,


magpakilala sa presinto. Bibigyan kayo ng balota na may mga pangalan ng mga kandidato at marker
(pangmarka)

2. Gamit ang marker, itiman o i-shade nang buo ang oval na nasa tabi ng pangalan ng inyong napiling
kandidato.
3. Pagkatapos bumuto i-feed ang nasagutang balota sa Precint Count Optimal Scan (PCOS) Machine.
4. Bumalik sa Board of Election Inspector (BEI) para lagyan ng indelible ink ang inyong daliri.

D. PAGHAHAMBING AT PAGKOKONTRAST

Ang tekstong ito ay nagbibigay-diin sa pagkakatulad at pagkakaiba ng mga kaalaman, konsepto,


pangyayari, tao at iba pa. Karaniwang ginagamitan ito ng paglalarawan ukol sa katangian o kalikasan
ng mga pinaghahambing at pagkokontrast upang malinaw na maipakita ang pagkakatulad at
pagkakaiba ng mga ito.

Ang hulwarang paghahambing at pagkokontrast ay madalas gumagamit ng mga panandang: kasing,


tulad ng, gaya ng, sa ganoon, ganito, pero, ngunit, subalit, sa halip, datapwat, sa kabilang dako o
banda, habang, samantala, atbp.

PAGBASA AT PAGSULAT TUNGO SA PANANALIKSIK


Halimbawang Teksto
Ang Buhangin at ang Tao
Ni Demeterio N. Espino

May pagkakatulad ang buhangin at ang tao. Alamin natin kung ano ang pagkakatulad nito. Sinasang-
ayunan mo ba ang paghahambing na ito?

Sa unang malas, katawa-tawa kundi man kataka-takang paghambingin ang buhangin at ang tao.

Hindi maaaring magawa o matangka ang paghambingin ang iyon, masasabi natin. At maidaragdag pa,
ang buhangin ay walang iwing buhay gaya ng tao. Ang buhangin ay walang isip; ang tao ay mayroon.

At kaugnay nito’y pataka nating maitatanong: makalilikha baga ng explorer at sputnik ang buhangin?

Saka susundan ng ganito: Ang buhangin ba’y maaaring maging lapastangan sa kanilang magulang,
tulad ng ilang sibol na kabataan ngayon?

Pagkunwa’y wawakasan nang paganito: Ang buhangin ba’y iniluluwal ng isang ina gaya ng pagluwal
sa isang sanggol?

Marami pa tayong maidaragdag na mga patibay na pader na haharang sa anumang pagtatangkang


paghambingin ang buhangin at ang tao.
Walang butas na maaaring daanan sa pagtatangkang yaon. Marahil ay wala ngang butas, ngunit sa
unang malas lamang.

Sapagkat kung pakasusuriin ang tinutungkol sa daigdig na ito ng buhangin at ng tao ay hahanga tayo
sa isang kongklusyon o katuusang ang mga iyon ay may pagkakatulad sa mga ginagampanang papel.

Halos araw-araw, tayo’y nakakakita ng mga gusaling mababa at mataas – mga gusaling konkreto.
Ngunit hindi natin gaanong pansin ang mga ito. Ano ang sukat mapansin sa mga iyon, maitatanong
natin?

Wala, maliban kung sinaisip natin ang katanungang: Paano nabuo ang gusaling iyon?

At sa isip natin ay magkakaanyo ang larawan ng isang gusaling minsang naparoonan natin. Pawing
nasasangkapan iyon ng semento: sahig, tabiki, kisame.

Ngunit ano-ano ang bumubuo sa sementong iyan?


Saka lamang natin magugunita: Buhangin.
Maliwanag na ngayon ang naging bahagi ng buhangin – ng mumunting buhangin – sa pagtatayo ng
mga gusali, ng nagtatayugang gusali. At hindi lamang mga gusali. Maiisip din natin ang nangatayong
mga moog, bantayog, palasyo. Naging bahagi rin ang buhangin sa pagtatayo ng mga iyon.

At ganyan, humigit-kumulang ang tao sa kanyang pagtatayo o pagbubuo ng isang bansa.

Sapat nang magunita natin ang mga Rizal, Bonifacio, Quezon, Roxas at iba pa; upang magkaanyo sa
ating isip – tulad ng pagkakaanyo ng mga gusali sa ating isip sa pagkagunita natin sa buhangin – ang
pagkakatindig ng isang Republika sa dakong ito ng daigdig – ang Pilipinas.

PAGBASA AT PAGSULAT TUNGO SA PANANALIKSIK


Ang mga nilikhang ito ay mahahalagang butyl “buhanging” naging makabuluhang sangkap sa
pagtatayo ng isang bansa.

Nakagawa na tayo ng paghahambing, nang walang pag-aalinlangan. At may ilang paghahambing pang
magagawa.

Kung minsan, may buhanging tikis na hindi napapasangkap sa sementong ginagamit sa pagtatayo ng
gusali; gaya rin ng di-iilang nilikha, sa pagtatayo ng isang bansa.

Ang buhanging iyo’y nasa ialng hindi abot-tanaw ng nangangailangan; tulad din ng mga nilikhang
nagkakasya na lamang sa pagiging walang halaga.

Ang buhanging pumupuwing sa atin at nagdudulot sa atin ng pagkainis at pagkapoot ay maitutulad sa


mga taong hindi na nakatutulong sa mga mamamayan ay nakukuha pang magsamantala sa mga ito.
Ang mga yao’y ang ilang pinunong-bayang nagsasamantala sa kanilang katungkulan; mga Pilipinong
may isipang-alipin tungkol sa sariling kalinangan, sa sariling wika, sa pagka-Pilipino. Sila’y matatawag
na buhanging “puwing” ng sambayanan sa lumang kalakaran n gating lipunan.

Marahil, sa ilang mahahalagang katibayang sinasabi ay matatanggap natin ang buhangin (walang
buhay at isip at ina) at ang tao (may buhay at isip at ina) ay maaaring paghambingin, bagaman at sa
ilan lamang kabagayan.

Ngayon ay maitatanong natin sa sarili:

Ako kaya’y “buhanging” napasangkap o napapasangkap na sa pagbuo ng aking bayan, o ako’y isang
“puwing”?

Mula sa Tinig II nia Batnag, et al. (1986)

Sa hulwarang ito ng organisasyon ng teksto, kailangan ang maingat na pagbasa sa teksto upang
mabatid ang nilalaman nito at lubusang maunawaan ang layunin nito. Pang-uri at pang-abay ang
karaniwang ginagamit na salita upang higit na mapalutang ang gagawing paghahambing at
pagkokontrast.

E. SANHI AT BUNGA
May mga pangyayaring nagaganap sa buhay natin na lagi nating itinatanong kung bakit ito nagaganap?
Dito mariin nating sinusuri ang dahilan ng mga pangyayaring ito

Ang sanhi ay isang ideya o pangyayari na maaaring humantong sa isang bunga. Halimbawa, nakuha
mo ang pinakamataas na grado sa pagsusulit dahil nag-aral kang mabuti. Unang binanggit ang bunga
at sumunod naman sanhi. Tandaan na hindi lahat ng pagkakatao’y nauuna ang sanhi sa bunga. Isiping
lagi ang ganito: Anong ideya o pangyayari ang naunang naganap (sanhi)? Ano ang kinalabasan
(bunga)?

Sa komunikasyon, madalas tayong nagbibigay o naglalahad ng sanhi at bunga. Layunin nitong ipakita
na kaya naganap ang isang pangyayari ay may dahilang nauna pa kaysa rito. Sa gawaing ito, kailangan

PAGBASA AT PAGSULAT TUNGO SA PANANALIKSIK


nating pag-aralan at tingnang mabuti ang isang pangyayari. Dito’y kailangan ang likas na pagkukuro at
matalinong paninindigan sa pagpapasya at pagpapakahulugan sa mga bagay na nakikita at nababasa
natin.

Mga panandang ginagamit sa hulwarang sanhi at bunga: dahil sa, sapagkat, nang, kasi, buhat,
mangyari, palibhasa, kaya, resulta, sanhi, epekto, bunga nito, tuloy, atbp.

Halimbawang Teksto

Walang patumanggang pagputol ng kahoy sa mga bundok at kagubatan. Pagwawalang-bahala ng


pamahalaan sa iligal na pagkakahoy. Ang hindi pag-uukol ng atensyon sa muling pagpapasibol at
pagtatanim ng mga punungkahoy. Ang ating mga kabundukan ay kalbo na. Nararanasan na natin ang
bunga ng mga gawaing iyon. Ang pagkakaroon ng tagtuyo’t kung katag-arawan at ang malalaking baha
kung tag-ulan.

Kung dumarating ang malalaking baha, lahat ay napipinsala. Ang mga pananim ay nasisira. Ang mga
kalye ay lalong nasisira. Maraming bahay, kasama ang mga kasangkapang nababad, ay baha ang
nagiging sanhi ng pagkabulok at pagkasira. Paralisado ang mga sasakyan, tanggapan, at mga
eskuwelahan. Malungkot isipin at sa palagay ko, dalawang uri lamang ng mamamayan ang natutuwa
kapag may baha. Ang mga estudyante pagkat walang pasok sa eskuwelahan, at ang mga nagtutulak
ng kotse at dyip na nasisiraan sa gitna ng baha.

F. PROBLEMA AT SOLUSYON
Binibigyang pansin sa hulwarang ito ang pagtalakay sa ilang problema o suliranin at paglalapat ng
solusyon o kalutasan. Ang mga problema at solusyon sa teksto ay maaaring lantad o ipinahihiwatig
lamang. Inihahayag ditto ang kaisipang dapat malutas at sa dahan-dahang eskalasyon ng mga
pangyayari o sitwasyon ay makikita ang paraan upang ito’y matugunan o matumabsan ng aksyon.

Sa mga akdang pampanitikan tulad ng kuwento, matutukoy ang problema sa dinaranas na suliranin ng
pangunahing tauhan. Ito ay lalong magpapatibay sa pagkakahawak ng manunulat sa atensyon ng
kanyang mambabasa na maaasahang hindi titigil hangga’t hindi niya nakikita kung ano ang nagging
kalutasan ng suliranin. Ito rin ang nagbibigay-daan sa madudulang tagpo upang lalong maging kawili-
wili at kapana-panabik ang mga pangyayari kayat sinasabing ito ang sanligan ng akda.

Sa larangan naman ng pananaliksik, siyentipik at teknikal, ang problema ay mga tanong na


hinahanapan ng kasagutan at ang solusyon ay ang mga bagay na natutuklasan at ang nabuong
kongklusyon

Tunghayan ang halimbawa ng tekstong naglalahad ng mga bahagi ng maikling kuwento at bigyang-
pansin kung papaano nabigyang solusyon ang problema o suliranin nito.

Mga Halimbawang Teksto:

PANITIKAN
Impeng Negro
Ni Rogelio R. Sicat
Panimula

● Sinimulan ng awtor ang kuwento sa paggamit ng usapan sa pagitan ni Impen at ng kanyang ina
nang bilinan nito ang anak na iwasan ang pakikipagbasag-ulo.
PAGBASA AT PAGSULAT TUNGO SA PANANALIKSIK
Tunggalian

● Matutunghayan ang tunggalian sa kuwento sa bahaging malapit na sa igiban ng tubig si Impen at


natatanaw na niya si Ogor.

● Nalilikha ang tunggalian ng suliranin sa kuwento. Ang tunggalian ang batayang buhay ng kuwento.
Dito naipapakita ng awtor ang isang realidad sa tunay na buhay ng tao – na ang buhay ay puno ng
suliranin.

Suliranin / Problema

● Naging suliranin ni Impen kung tutuloy ba siya sa paglapit sa gripo o hindi sapagkat alam na alam
na ni Impen kung ano ang dadanasin niya kay Ogor.

Kasukdulan

● Ang kasukdulan ay nasa bahaging ipinasya ni Impen na tumuloy na rin sa kinaroroonan ng gripo
upang sumalok ng tubig hanggang sa patirin siya ni Ogor at saktang muli. Sa pagdilim ng utak ay
lumaban siya kay Ogor.

● Ang kasukdulang ang pinakamakulay at pinakamakintal na bahagi ng kuwento sapagkat dito


makikita ang kalutasan sa suliranin ng pangunahing tauhan.

Kakalasan (Resolusyon)

Ang pagwagi ni Impen laban kay Ogor ang nagging resolusyon ng kuwento.

Sa pagwawakas ng kuwento ay gumamit ang awtor ng matinding aksyon ng pagbubuno ng lakas nina
Impen at Ogor.

Ang wakas ay dapat isunod kaagad sa sandaling marating ang kasukdulan ng kuwento. Kung minsan
ang kasukdulan at ang wakas ay pinag-iisa na lamang ng awtor. Ang kasukdulan na rin ang ginagamit
na wakas ng kuwento.

PANANALIKSIK / SIYENTIPIK

Dengue Fever

Ang dengue fever ay isang uri ng sakit na dala ng lamok na carrier ng arbovirus. Naging alarming ang
dengue, hindi lamang dito sa Pilipinas magin sa ibang panig ng mundo, lalo na sa parting Middle East,
Far East Africa at dito sa Asya. Kung minsan ang kapabayaan at ang kakulangan sa kaalaman ang
nagiging sanhi ng kamatayan ng isang may sakit na dengue.

Paano makaiiwas sa sakit na dengue? Una sa lahat, huwag kang pakagat sa lamok. Maging maingat
sa paligid at mga bagay na maaaring pamahayan ng lamok.

PAGBASA AT PAGSULAT TUNGO SA PANANALIKSIK


Ano-ano ang mga paraan para di pamahayan ng lamok? Narito ang ilang paraan:

● Linisin o butasan ang mga gulong para di ipunan ng tubig.


● Linisin at palitan ang tubig sa plorera minsan sa isang lingo.
● Linisin ang alulod at gutter.
● Linisin o itapon ang mga tumbang puno o halaman.
● Itapon o linisin ang tambak na tarpaulin o plastik.
● Linisin at ugaliing may takip ang mga containers, drums at mga ipunan ng tubig.
● Palagiing may isda ang loob ng aquarium.
● Regular na bisitahin at linisin ang kapaligiran. Siguraduhing walang maaaring maipunan ng tubig.
● Tabunan ang hinukay na lupa.

PAGBASA AT PAGSULAT TUNGO SA PANANALIKSIK

You might also like