You are on page 1of 3

Sa lahat ng narito ngayon - mga guro, magulang, mga ginagalang panauhin, mga manunuod

at lalo na sa ating mga matagumpay na mga mag-aaral - isang magandang buhay sa ating lahat!

Ang tema natin ngayon ay, "Gradweyt ng K-12: Hinubog ng matatag na edukasyon". Noong
una talaga nagtataka ako kung bakit ako ang kinuha bilang panauhing tagapagsalita( guest speaker)
rito ngayon sapagkat noong nakaraang taon pa lang ako nagtapos sa kolehiyo. Nagtanong at
kinompirma ko talaga ito kay ma'am Elainne kung karapat-dapat ba ako para dito. Subalit nang
mabasa ko ang tema, nasabi ko na lang na 'kaya pala'.

'Kaya pala'

Dalawang salita na nagsisilbing indikasyon ng ating pang-unawa sa mga bagay-bagay at pangyayari.

'Kaya pala'

Ang kasunod nito ay 'kasi ganito/ganiyan' - na indikasyon naman ng pagkakaroon ng sapat na rason
kung bakit nangyari ang isang bagay.

Ngayon, upang makapagbigay ng inspirasyon, hayaan ninyong sabihin ko ang aking mga 'kaya
pala…kasi ganito/ganiyan' dahil sa ganitong paraan ko ipahahayag ang mga aral na natututuhan ko.

Pero bago 'yan, balikan muna natin ang tema natin ngayon. 'Gradweyt ng K-12: Hinubog ng Matatag
na Edukasyon". Totoo po ito. Pero para sa akin, bilang kasama sa pioneering batch, kami ay
'Gradweyt ng K-12: Matatag dahil sa Edukasyon'. Ayan, nilinaw ko lamang po kung paano kami
hinubog bilang unang batch na sumagupa sa napakadaming pagbabago dulot ng K-12. Mga
pagbabago na nakaranas ng parehong "pangbabash" at suporta galing mismo sa mga mag-aaral at
mga magulang. Pero sa kabila nito, ay sumunod pa rin sa agos ang lahat. Nagsumikap ang bawat
pangkat - ang mga nasa administrasyon, mga guro, magulang at lalong-lalo na ang mga mag-aaral -
na sumabay sa pagbabago. Kaya isang malakas na palakpakan naman para sa ating mga sarili dahil
walang duda na napagtagumpayan natin ito.

Limang batch na ang grumadweyt ng K-12 sa ngayon at nananatili pa rin itong matatag. Kaya ang
una kong 'kaya pala' ay ito: Kaya pala matatag ang edukasyon kasi tayo mismo na bumubuo rito ay
matatag at nagpapakatatag.

(Tigil ng kaunting Segundo)

Noong nakaraang buwan, may nakita akong natrap na ibon sa loob ng isang bahay. Ang bahay na ito
ay mataas ang bubong at walang kisame kaya nandun siya sa mga kahoy sa taas at nagpupumilit
lumipad pataas kahit na may nakaharang na bubong. Nakaramdam ako ng awa kasi hindi niya
mahanap yung mga bintana sa baba kung saan siya pwedeng lumabas. Sinubukan kong i-atrak siya
ng makakain at ng huni ng ibon galing sa Internet para bumaba siya at makalabas. Pero walang
epekto. Pinagmasdan ko siya at nakita kong nanghihina na siya kabubunggo sa bubong. Doon ko
napagtanto na, “kaya pala, hindi siya nakakalabas kasi ang tingin niya palagi ay nasa taas.” Ano
'yung aral na nakuha ko? Kahit gaano pa tayo katagumpay o kataas, lagi tayong magpapakumbaba.
Sabi nga ng dating principal ng NHS na si sir Manrique, "Be Humble".

Kaya sa mga mag-aaral natin dito, ‘wag po palaging sa taas ang tingin, kasi baka matalisod at
maligaw tayo habang naglalakad. Sa madaling salita, ang tingin ay huwag palaging nasa
patutunguhan dahil ang makikita palang natin ngayon ay ang iba’t ibang landas o direksyon. Oo,
dapat lamang na pinagpaplanohan natin ang lahat at magkaroon ng vision pero 'wag mag-ooverthink
kasi iba na yan, baka iba ang patunguhan natin niyan. Ang nais kong sabihin dito ay, lasapin natin
ang proseso at ang paglalakbay natin patungo sa pagkamit ng ating mga pangarap. Ang mahalaga
ay mayroon tayong direksyon. At kapag sinabing direksyon, magkakaiba po tayo. Ang pare-pareho
nating gagawin ay siguraduhin na nasa tamang landas tayo saan man tayo mapunta. Dahil sa totoo
lang, hindi lahat ng balak nating patutunguhan ay siyang ating mapupuntahan.

Ngayong nakompleto niyo na ang JHS, sa SHS ay panibagong mga pagsubok na naman ang inyong
kahaharapin. I-enjoy niyo lang at siguraduhin na may natututuhan kayo sa bawat araw. Huwag
kayong panghinaan ng loob kapag nabigo kayo, hindi po iyan makikita sa academic records at
walang maidudulot na maganda sa ating pag-iisip. Paalala rin po ito sa ating mga magulang na
huwag po natin gaanong i-presyor ang ating mga anak, bagkus ay bigyan natin sila ng sapat na
tiwala at suporta dahil may kaniya-kaniya po tayong potensyal, at hindi ito sabay-sabay o agad-agad
na lumalabas at makikita. Huwag po natin silang ikompara sa anak ng ating kapitbahay.

Bago ako magpatuloy, mga mag-aaral, mga magulang at pati na rin mga guro, maaari niyo bang
tapikin sa balikat ang inyong katabi at sabihan ng “Congratulations! Payt sana!”.

Ang sarap sa pakiramdam, ‘di ba? Ang suporta at tagumpay ay maaaring malaki o maliit pero lahat
‘yan ay mahalaga kaya “celebrate your small wins” ika nga. Ang tagumpay tulad nang ipinagdiriwang
natin sa araw na ito ay magiging bahagi at daan patungo sa mas malaki at pangmatagalang
tagumpay ninyo. Kaya lasapin ninyo ang araw na ito, at magpasalamat sa mga dapat pasalamatan.
Sabi nga “malayo pa pero malayo pa talaga”, kaya huwag kayong mauubusan ng baon na lakas ng
loob, pasensya, at higit sa lahat pananampalataya.

Ang tatlong ito ang palaging baon ko sa kahit anong sitwasyon. Hindi naman ako katalinuhan,
matiyaga lang talaga akong mag-aral. Hindi rin ako palaimik noon kung hindi tatawagin ng guro,
madalas ay bumabawi lang sa exams. Hindi ko rin alam noon kung ano ang kursong pinakagusto ko
dahil lahat ay galing sa opinyon ng iba. Ang dami kong pagkalito sa personal na buhay habang nag-
aaral ako, pero nilalakasan ko lang lagi ang loob ko, nandyan yung pasensya ko na gawin lang ang
mga dapat gawin kahit minsan ay nakakasawa na, at pananampalataya na siyang nagbibigay sa akin
ng lakas at gabay.

Hindi ko na iisa-isahin ang mga hirap na dinanas ko dahil sa ngayon pasasalamat na lang ang
palaging nararamdaman ko. Doon na lang tayo sa positibo.

Pasalamat ako na sumunod ako sa mga bilin ng magulang ko kahit minsan ay kami mismo ang
nagtatalo-talo.

Pasalamat ako na hindi ako nagpaapekto kapag may problema kami sa bahay kahit madalas ay
gustong-gusto ko na lang umalis.

Pasalamat ako na sinanay ko ang sarili ko na maging matiisin at hindi maarte dahil napagkakasya ko
kung ano lang ang mayroon ako.

Pasalamat ako sa mga taong nanakit sa’kin dahil natuto akong magpatawad at kumilala.

Pasalamat ako sa mga kaibigan at kaklaseng naging katuwang ko mula noon hanggang ngayon dahil
natuto akong magpakumbaba at makisama.

Pasalamat ako na narasanasan kong iyakan ‘yung mga pagkatalo ko dahil lahat ng iyon ay ginawa
kong motibasyon para mas pag-igihan pa at magpokus sa sarili kong pag-unlad.
Pasalamat ako na hindi ako sumuko kahit minsan ay hindi ko na alam kung paano magpapatuloy at
lumaban dahil sarili ko na mismo ang kalaban ko. ( Tao laban sa sarili ika nga)

Pero pasalamat pa rin ako sarili ko na palaging bukas sa kahit na anong posibilidad dahil dito ay
nagkakaroon ako ng pag-asa.

Pasalamat ako na natuto akong mag-adjust sa mundo kahit sabi ng iba, ‘wag daw mag-adjust para
sa iba, hayaan mong sila ang mag-adjust sa’yo. Para sa akin, marapat lamang na marunong tayong
mag-adjust ng sarili natin lalo kung para ito sa ating ikabubuti at ikauunlad. Kung may isang bagay
man na hindi ko iaadjust, ito ay ang aking moralidad bilang tao.

Pasalamat ako sa mga malulungkot at masasayang araw ng buhay ko. Dahil kung sino at ano ako
ngayon ‘yun ay dahil sa aking mga karanasan. Higit sa lahat, pasalamat ako kay Lord na laging
nandyan para gumabay at magbigay.

Bakit ko ibinabahagi ang lahat ng ito sainyo? Dahil gusto kong tumatak sa isip ninyo na lahat ng
bagay at pangyayari ay may dahilan. Kaya kung may mga pangyayari at bagay na hindi natin
malaman at maunawaan ngayon, tiwala lang at darating din ang lahat ng kasagutan balang-araw
basta’t hindi tayo nagkukulang sa paggawa, sa puntong ‘yan wala tayong ibang mararamdaman
kundi pasasalamat sa lahat. Madalas napapasabi na lamang ako na “kaya pala nangyari ang mga
bagay na ‘yun, kasi mapupunta ako dito”.

Kaya maraming salamat sa lahat ng taong naging bahagi ng mga pagtatagumpay ko, maliit man o
malaki, dahil sainyo ay narito ako ngayon sa harap ninyo, nagsusumikap na makapagbigay ng
inspirasyon. Dati pangarap ko lang ‘to ngayon ay andito na ako. Maraming salamat sa mga guro ng
NHS sa pag-imbita sa akin, at sa mga magulang at mga mag-aaral sa pakikinig. Sa muli,
congratulations at isang matimyas na umaga/ hapon sa ating lahat.

You might also like