You are on page 1of 3

Ang Guro

Paksa : Katangian ng Guro


Pagmamarka sa pakitang- turo

Tagapag-ulat : Floraly D. Diocton


Programa at Taon : BSED- FILIPINO SF 2-2
Kurso : FIL 113 - Ang Filipino sa Batayang Edukasyon
Guro : Dr. Alvin R. De Mesa

H. Ang Guro

Malaking pananagutan ang nakaatang sa balikat ng isang guro. Maselang tungkulin ang
kanyang ginagampanan sa paghubog hindi lamang ng kaisipan at mga katangiang pisikal ng mag-
aaral kundi ng buo nitong katauhan. Ang madalas na mabasa o marinig na pahayag na ang “pagtuturo
ay isa sa pinakadakilang gawain ay hindi pagmamalabis na pahayag. Katulad ng abang manggagawa
na naghuhukay ng lupa para sa itatayong magarang katedral, na nang tinanong kung ano ang kanyang
ginagawa ay sumagot ng “ako’y katulong sa pagtatayo ng isang malaki at magarang katedral,” ang
isang guro naman ay hindi lamang nagtuturo sa mga paslit ng kanilang abakada, ng kanilang 1+1,”
kundi katulong din sa pagtatayo ng magarang katedral at higit pa roon. Ang isang guro ay
humuhubog sa katauhan at kaisipan ng mga mamamayang siyang bubuo ng isang bansa, kayat siya’y
nagtatatag ng isang bansa. Siya’y katulong sa pagtatatag ng isang bansang binubuo ng mga
mamamayang mulat, matalino, kapaki-pakinabang, makabuluhan, may mataas na pagpapahalagang
moral at angkop manirahan sa lipunang kanyang kinaaaniban. Dahil sa pananagutang ito, ang guro ay
nararapat magtaglay ng isang libo’t isang mabubuting katangian at mag-angkin ng pupong libong
mga kakayahan. Una sa lahat ang isang guro ay dapat magtaglay ng kahandaang propesyunal. Siya
ay dapat magtaglay ng katibayan ng pagtatapos ng kurso sa pagtuturo o di kaya’y nakakuha siya ng
mga asignatura sa Edukasyon na nagdudulot ng kaalaman sa “simulain ng Edukasyon, mga simulain
sa pagtuturo, sikolohiyang edukasyunal at iba pang kaugnay na aralin.”

1. Katangian ng Mabuting Guro

Bukod sa katibayan ng pagtatapos ng Kurso sa Edukasyon, naririto pa ang ilan sa mga


katangiang dapat angkinin ng isang guro:

• May Malawak na Kaalaman sa Paksang Itinuturo. May kabatiran siya sa mga aralin at sa iba
pang araling kaugnay ng kanyang itinuturo. May kabatiran siya sa mga bagay-bagay sa kanyang
pamayanan at kapaligiran, sa mga suliraning pangkabuhayan, panlipunan o pampulitika sa loob o
labas man ng bansa. Ang mga araling itinuturo sa loob ng paaralan ay hindi maaaring mapahiwalay
sa sitwasyon sa buhay sa labas ng paaralan.
• May Kakayahan sa Pagtuturo at mga Kasanayang Propesyunal. Ang isang guro ay dapat
makaalam ng iba’t ibang mga pamaraan sa pagtuturo. Batid din niya ang paghahanda ng banghay ng
pagtuturo, ang pagpili ng mabubuting paksang araling makatutulong sa pagsasakatuparan ng layunin
ng edukasyon at ng mabuting kaasalan ng kanyang mga tinuturuan.

• May Kasanayan sa Pakikipagtalastasan. Nararapat na mahusay siya sa paggamit ng wikang


panturo upang madali siyang maunawaan ng kanyang mga mag-aaral at siya naman ay gayundin sa
kanyang mga mag-aaral.

• May Wastong saloobin hinggil sa Propesyon. Ang guro ay dapat magkaroon ng mataas na
pagpapahalaga sa propesyung pagtuturo. Kung ang isang guro ay napipilitan lamang magturo at wala
naman pala siyang hilig dito siya’y walang gaanong pagpapahalaga sa kanyang tungkulin bilang
isang guro, hindi siya magiging mabuting guro.

• May Kaaya-ayang Katauhan. Kabilang sa kaaya-ayang katauhan ng isang guro ang mga
sumusunod:

a. Malusog. Ang isang gurong may sakit o isang gurong masakitin ay hindi makapagtuturong
mabuti

b. Matiyaga. Mawawalan siya ng tiyaga sa pakikitungo sa kanyang mga tinuturuan. Wala


siyang sigla sa pagtuturo kung siya ay may dinaramdam. Marahil siya ay bugnutin o sabi nga
ng mag-aaral ay “sumpungin”. Samantalang ang isang gurong may sapat na kalusugang
pangkatawan ay may sapat na lakas at sigla upang gampanan ang kanyang tungkulin. Hindi
lamang kalusugang pangkatawan ang dapat taglayin ng guro kundi maging ang kalusugang
mental. Ano ang mangyayari kung ang isang nagtuturo ay walang kalusugang mental?
Marahil mabagal siyang mag- isip at mahina sa paggawa ng tumpak na desisyon at ang
malubha nitong kaso ay baka kailangan niyang magpagamot sa pagamutang mental.

c. Malinis. Sa pagiging malinis na guro ang tinutukoy ay hindi lamang nauukol sa


pangkatawang kalinisan kundi pati ang kanyang malinis na pamumuhay. Dapat siyang
maging huwaran sa kalinisan ng pamumuhay, sa kabutihang-asal at sa mga pagpapahalagang
moral at ispiritwal.

d. Maayos at Angkop ang Kanyang Pananamit.

e. May katamtamang Lakas ng Tinig.

f. May masayang disposisyon o may diwa ng paluwag-tawa (sense of humor).

g. May bukas na isipan sa Pagbabago.

• Maunlad at Mapanaliksik. Kinakailangan ng isang guro ang patuloy na pagtuklas sa bago at


bagong kalakaran sa pagtuturo na makatutulong sa pagpapabuti ng pag-aaral.

• Malikhain at may pagkukusa. Ang isang malikhaing guro ay hindi masisiyahan sa pagtahak sa
doon at doon ding landas ng pagtuturo. Ang pagkamalikhain ay mangangahulugan ng panibagong
pagtugon udyok ng pansariling kakusaan at buong sikhay na pagpupunyagi kalakip ang kalayaan sa
pagsasagawa. Ang isang gurong mahina ang loob, walang pagkukusa at hindi makapagpupukol ng
pananaw nang malayu-layo sa kanyang kinaroroonan ay hindi makababago sa landasing nakagawian
nang tahakin.
• Maka-Diyos, Makabayan at Makatao. Ang gurong makatao sa kanyang pakikitungo sa kanyang
mag-aaral, mga kasamahan at mga pinuno, at sa pamayanang kanyang pinagtuturuan ay isang gurong
mapamamahal sa kanyang tinuturuan at mga kasamahan at madaling makakukuha ng kooperasyon o
pakikipagtulungan sa pamayanan. Kailangang angkinin ng isang guro ang diwang makabayan upang
makatulong siya sa pagkintal ng diwang makabayan sa kanyang mga mag-aaral. Maihahawa ng isang
guro sa kanyang mga mag-aaral ang kanyang mataas na pagpapahalaga sa kulturang Pilipino, sa
pamanang kalinangan ng ating lahi at sa mga bagay na Pilipino.

2. Pagmamarka sa Pakitang-turo
• Banghay Aralin (Lesson Planning o L.P)
• Kagamitang Pampagtuturo (Visual Aids o V.A)
• Aktwal na Pagtuturo (Actual Teaching o A.T)
• Pamamahala ng Silid-aralan (Classroom Management o C.M)
• Sining ng Pagtatanong (Art of Questioning o A.Q)
• Sapat na Kaalaman sa Paksa (Mastery of the Subject Matter o M.S)
• Kakayahang Komunikatibo (Communicative Skills o C.S)
• Kakayahang Pagtataya (Evaluation Skills o E.S)
• Kabuuan ng Personalidad sa Pagtuturo (Personal Appearanceo P.A)

You might also like