You are on page 1of 2

Ang Malikhaing Kamalayan at

Walong Dulang Panradyo


Villanueva, Rene O. (2006) Ang Malikhaing Kamalayan at Walong Dulang
Panradyo. Masters thesis, University of the Philippines, Diliman.

Full text not available from this repository.

Abstract
Sa ngayon, marami nang bukal ng libangan at impormasyon ang karaniwang
mamamayan. Kabilang dito ang telebisyon, sine, magasin, kompyuter, at iba pa.
Sa kabila nito, nananatiling mahalagang tagapasa ng kultura ang radyo, lalo ang
mga dulang panradyo. Mabisa ang radyo sa paglinang sa pagkamalikhain ng
tagapakinig. Totoong marami ang nagtuturing sa radio bilang midyum sa
pakikinig pero ang dulang panradyo ay hindi lamang midyum na pang-tainga.
May kapangyarihan ito na pakilusin ang iba pang pandama, lalo ang biswal na
pandama ng nakikinig. May kapangyarihan ang dulang panradyo na ipakita —
ipalasa, ipaamoy, at ipadamdam — ang mga pangyayari, damdamin at kaisipan
sa tagasubaybay. Radyo ang humubog at nagpaunlad sa malikhaing kamalayan
(creative consciousness) ng mag-aaral kaya siya naging isang mandudula. Sa
unang bahagi ng tesis, isasalaysay ng mag-aaral kung paanong nahubog ng
radyo ang kanyang malikhaing kamalayan. Ang malikhaing kamalayan ang
mahalagang salik sa pagkamalikhain ng isang manunulat. Hindi lamang dito
mauugat kung anong anyo o form ang pipiliin niya (kung siya ba ay magiging
makata, mandudula, kuwentista o mananaysay). Malaki rin ang papel nito sa
pang-araw-araw na pagsusulat ng isang awtor. Saklaw nito ang halos lahat ng
aspekto sa pagsusulat: mula sa pagpili ng paksa sa paraan ng pagtalakay
pagpapasya sa mga gagamiting pampanitikang sangkap at pamamaraan at sa
paggamit ng wika upang maging epektibo ang katha. Igigiit din sa tesis na ang
malikhaing kamalayan ay hindi lamang usaping pansining. Sa pamamagitan ng
pag-unawa sa aspektong panlipunan nito, magiging mas makabuluhan at
epektibo ang pagsusulat kung mapag-uugnay ng manunulat ang mga salik na
pansining at panlipunan ng kanyang tula, kuwento, dula o sanaysay. Ang
ikalawang bahagi ng tesis ay koleksyon ng mga dulang pangradyo na inihaharap
ng mag-aaral bilang kasanayan sa malikhaing pagsulat. Ang walong tig-
kalahating oras na dulang panradyo ay sinulat niya sa pagitan ng 2003 at 2005
para sa programang "PSR Pag-ibig Sexualidad at Relasyon." Ang PSR ay
produksiyon ng Creative Collective Center Inc. (CCCI), isang non-government
organization. Naglingkod siya sa programa bilang head writer. Sa loob ng tatlong
taon (2003-2005), may 38 iskrip ang sinubaybayan niya. Unang
sumahimpapawid ang PSR noong Oktubre 2003 tuwing Biyernes ng gabi, mula
ikawalo hanggang ikasiyam sa DZME 1639 khz. Hanggang sa kasalukuyan ay
napapakinggan pa rin ito.

You might also like