You are on page 1of 10

Nathanielle John Y.

Torre

Prop. Pauline Mari Hernando, Ph.D.

PanPil 269

10 ng Mayo, 2020

Posisyon ni Axel Pinpin sa Produksyong Pampanitikan ng Uring Anak-Pawis Bilang Manunulat ng Mga

Tulang Pag-ibig

Sa kasagsagan ng krisis pangkalusugan sa bansa, na maaari ring isang sitwasyong politikal

(maraming bilang ng mamamayan ang mas nagiging bulnerable sa gutom kaysa sa bantang kalusugan,

dagdagan pa ng mga panukala ng pamahalaan sa pamamagitan ng militarisasyon, at kakulangan ng suporta

sa mga frontliners at manggagawang nakikipagsapalaran para mawaksi na ang pandemya), binabasa ko

itong Lover’s Lane (2012) na katipunan ng mga tula mismo ni Axel Pinpin , na noong Disyembre ng 2018,

huli ko siyang nakamayan sa isang pagtitipon sa isang kabundukan sa katimugan ng Luzon. Binasa ko ang

produksyong ito ng mga tulang pag-ibig sa kasagsagan ng politikal na sitwasyon ng social distancing;

ikinintal ng produksyong ito na hindi overnight ang kamulatan at konsepto ng pagmamahal sa mas malawak

na bilang ng mamamayan at “pag-ibig sa Bayan” (bilang paksa ni Pinpin) habang tuwirang pinaglalayo-

layo ang mga mamamayan, na matagal naman nang sitwasyon sa pamamagitan ng mga tunggalian ng mga

uri sa ating lipunan. Pagkatapos itong mabasa, ito ang ilan sa mga katanungan ko: Nasaan ang pagiging

rebolusyonaryo sa pag-ibig? Politikal rin ba ang pag-ibig? Ano ang kalakasan at kahinaan nitong

koleksyon ni Pinpin bilang produksyong pampantikang ng uring anak-pawis?

Layunin ng papel na ito na suriin ang posisyon ng manunulat sa produksyong pampanitikan ng

uring anak-pawis: ang kanyang kamalayang politikal sa pamamagitan ng kanyang produksyong

pampanitikan mula sa pagiging uring peti-burgis hanggang sa pagiging pultaym na paglilingkod sa uring

anakpawis at paglahok sa demokratikong rebolusyong bayan. Pipili ako ng ilan sa mga tula sa bawat
seksyon ng kalipunang ito habang sinasagot ang mga katanungan at layon – bilang ang mga seksyong ito

ay isa ring transisyon sa pagsusulat, transisyon ng kamalayang politikal ni Pinpin.

Sinimulan ni Axel Pinpin, ang kanyang koleksyon sa sariling paunang salita. Narito ang kanyang

tesis sa pag-ibig bilang katwiran ng ngitngit ng mga aktibista na pabagsakin, baguhin, o palitan ang

gobyerno (i) at ang pagsangguni sa pahayag ni Marne Kilates na “walang makata na hindi nagsulat tungkol

sa pag-ibig” at gaya niya, iba-iba ang interpretasyon sa pag-ibig ng mga manunulat, bilang siya ay pag-ibig

sa [B]ayan (i). Sa tesis na ito ni Pinpin, maaaring may paghalaw siya ng katwiran sa produksyong

pampanitikan ng noong bago mag-ika-20 siglo, ang tulang Pag-ibig sa Tinubuang Lupa ni Andres

Bonifacio. Kasabay nito ang pagiging anti-tesis ng posisyon ni Pinpin sa eksternal na kondisyong

panlipunan sa kultura, ideolohiya o kamalayan sa “pag-ibig” ng lipunang Pilipino, na burges-pyudal.

Dekadente, liberal, sekswal, indibidwalista: ito ang mga maaaring konsepto natin ng pag-ibig sa ating

lipunan, dahil kolonyal at pyudal ang katangian ng ating kultura at ideolohiya bilang ideological state

apparatus na makikita at maipupukol ng/sa iba’t ibang institusyong panlipunan tulad ng pamilya, relihiyon,

midya, edukasyon at iba pa (Althusser 14-18).

Malinaw ang posisyon ni Pinpin bilang makata. Layunin niyang magsulat ng mga “tulang pag-ibig

para sa Bayan”. Ngunit hindi pa natin ito makikita sa unang seksyong ng koleksyong Lover’s Lane. Butbut

pa ito ng mga konseptong “anarcho-romantic” batay sa pagsangguni niya kay Gelacio Guillermo at Alex

Remolino (Pinpin ii) at “eroticism at… free love” (Pinpin ii) sa pagtula hinggil sa pag-ibig. Ang seksyong

ito, na nakapaloob sa buong koleksyong ito, ay ang pagtuklas ni Pinpin sa kanyang pagsulat ng “love poem

na malupit” at impluwensya ng kanyang amang “tunay-na-romantikong-guro” niya sa pagtula (Pinpin, ii).

Dagdag pa rito, tuwiran niyang sinabi na isinama niya sa koleksyon ang mga una niyang love poem para

maidokumento ang pagtanda ng kanyang amateur poetry (Pinpin ii). Kung gayon, nabuo ang posisyon ni

Pinpin bilang makata ng mga tulang pag-ibig sa Bayan, mula sa burgis niyang kamalayan.

Tayong mga peti-burgis lamang ba ang may kakayanan sa pagtula? Hindi. Tayong mga peti-

burgis ang may panahong mag-abala para tumula sa pag-ibig na burgis, sa romantisismong konsepto ng
pag-ibig, sawi man o masaya, o sekswal. Kung gayon, kaya rin nating mag-abalang sumulat ng tula para sa

pagkasawi at pag-ibig sa namatay na mga anak o asawa ng mga uring anak-pawis dahil sa pagpapahirap ng

lipunang mala-kolonyal at mala-pyudal. Layunin at responsibilidad nating mga peti-burgis na alamin ang

mga pagkasawi at paghihirap na ito ng mga anak-pawis, sapagkat sa relasyon sa produksyon ay mas tali

tayo sa produksyon ng kaalaman at kamalayan, kasunod nito ay ang pagkakaroon ng tindig sa mga

pagsusuring panlipunang ating napag-aralan.

Batay sa manwal na May Silbi Pa Ba ang Tula? (2011), ipinaliwanag ni Raquel Juan kung ano ang

dapat isulat, maliban sa formalistang tanaw sa pagsulat ng tula na bilang “artifact” at “may sariling

mundong malayo sa mundong ginagalawan ng lumikha nito” (Juan, 7). Pagdidiin niya:

Sumusulat ang makata hindi para makaraos lamang, hindi para ilabas

ang sama ng loob, lungkot, o kilig na nararamdaman. “Magsalsal ka na

lang!” ang sasabihin ng guro kung ikaw ay magsusulat para lamang

mailabas ang personal na sentimyento, kung ikaw lamang ang

makikinabang sa iyong tula, kung hindi naman ito makakatulong para

maunawaan ng masa ang tunay na kalagayan ng lipunan, para malaman

nila kung bakit “mayaman ang Pilipinas pero naghihirap ang naghihirap

ang sambayanang Pilipino.” Bakit hindi makipagtalik? Hindi ba’t sa

pakikipagtalik? Hindi ba’t sa pakikipagtalik ay dalawa kayong liligaya?

Ang paglikha ng tula ay pakikipagtalik sa mambabasa. Dahil sa

pakikipagtalik, ay maaaring makabuo ng panibagong buhay na iluluwal

sa pamamagitan ng madugong panganganak – rebolusyon. (8-9)

Maaari ring isang pagpapakita ng kontradiksyon ng isang uring peti-burgis ang mga kasawian niya

na hindi pa matukoy bilang politikal na kontradiksyon sa uri dahil sa pagkakupot sa kamalayang burgis ang

pagdodokyumentong ito ni Pinpin ng kanyang mga unang tula ng pag-ibig. Tignan natin ang isang tula

mula sa unang seksyong Lover’s Lane:


Napili ko ang tulang ito, dahil ang ars poetica ni Pinpin sa unang seksyon ay imahe ng naunsyaming

pag-ibig at pamamaalam sa nakarelasyon – sekswal man, o mas malalim, o pareho. Nostalgia, dahil

nagpaalaman sa kontradiksyon marahil sa unstable na sitwasyon ng parehong peti-burgis sa ekonomikal na

krisis ng bansa at nagiging dahil ng pamamaalam. Ngunit suri ito bilang peti-burgis mula sa panulaan ng

isang peti-burgis. Ano ang kaugnayan ng tulang ito sa uring anak-pawis? Maaaring kung sila ang

makakabasa nito, ay maaaring hindi nila maunawaan ang kalagayan ng naunsyaming pag-ibig batay sa
kanilang uri at kontradiksyon. Sa ganitong uri ng lipunan, mas peti-burgis ang may puhunang magkaroon

ng problemang kasawian sa burgis na konsepto ng pag-ibig. Ngunit, hindi rin natin maisasantabi ang ilan

sa mga agam-agam ng ekonomikal na problema kasabay ng pamomroblema sa usaping pagkasawi sa pag-

ibig.

Kung babasahin ang ilan pa sa mga tulang ito, mas naglalaman ito ng mga burgis na kamalayan ni

Pinpin tulad ng Di Mo Na Ba Ako Lab?, Ay Mali!, Lover’s Lane, at Bulalakaw. Makikitang wala pang

tuwirang pakikilubog si Pinpin sa masa at kung paanong magiging sosyo-pulitikal ang pag-ibig at ang

pagtula sa pag-ibig sa kanyang kamalayan.

Ang ikalawang seksyon ng kanyang koleksyon na Nang Salakayin Mo ang Aking Pananahimik ay

ang “transisyon ng panulaan niya bago siya maging aktibista hanggang buong panahong paglalaan ng buhay

sa kilusan” (Pinpin vii). Mapapansin dito ang tulang Nang Salakayin Mo Ang Aking Pananahimik, erotiko

ang mga linyang binitawan ni Pinpin sa tulang ito at mistulang tula ito patungkol sa isang tortyur. Ngunit

sino ang tinortyur? Sa mambabasang masa, ito ang sentral na larawan na maaaring makita, at maaaring ang

mga pamilya ng isang aktibistang tinortyur ay maaaring magkaroon ng “pananariwa ng kawalan” sa

kanilang nawawala, winala, at napabalitaang tinortyur na kaanak na aktibista. Maaaring ng mga kaanak ng

lider magsasaka na walang-pasubaling dinukot ng militar at pinagbintangang NPA, saka pinapatay.

Ngunit kung babasahin ito muli’t muli, hindi isang aktibista, lider magsasaka, o sibilyang masa na

napaghinalaang rebelde ang “tinortyur” sa tulang ito. Ipinakita ng tulang ito ang romansahan ng

magkarelasyon at romantisistang nagpaubaya ang persona. Ipinaliwanag ito mismo ni Pinpin sa kanyang

paunang salita. Ngunit kung ang pagbasa ng tinatawag nating organikong intelektwal (Gramsci) na masa at

uring anak-pawis ay maihalintulad o imahe ito ng walang habas na tortyur, hindi na lamang sariling

pakahulugan ni Pinpin ang mababasa sa tulang ito.

Maipapakita niyang ang mga tula sa ikalawang seksyon ay pagkakaroon ng pagbabago ng posisyon

niya bilang manunulat sa pag-ibig tulad ng tula sa ibaba:


Naalala ko ang saknong ng tulang To The Man I Married ni Angela Manalang-Gloria na “I cannot

love you with a love that outcompares a boundless sea, for that were false, as no such love and no such can

ocean can never be” dito sa tula ni Pinpin na nag-aalok siya ng pag-ibig na konkreto at realidad – laging

nagbabago ang mga bagay-bagay at may limitasyon. Ngunit ang kinaibahan ni Pinpin, ay nag-aalok siya

ng rebolusyon maliban sa pag-ibig para sa isang tao. Nag-alok siya ng pag-ibig habang sabay na

nagrerebolusyon, sabay na nasa estado ng digma at naglilingkod sa malawak na hanay ng masang api.

Makikitaan pa rin ng bahid ng peti-burgis na kamalayan ngunit may pagtatangkang umalpas tungo sa

kamalayang rebolusyonaryo. Kabilang sa ganitong tula ay ang tulang Huling Habilin ni Ka Uden Kay

Matthew na tula para sa isang hukbong namatay sa engkwentro ng NPA at pasistang pulis at CAFGU sa

Indang, Cavite (Pinpin 17). May tula ng tributo para sa isang hukbo na namatay at hindi na nasilayan ang

apo.
Sa pagbasa ng mga organikong intelektwal, ito rin ay pagbasang kasawian sa namatay na hukbong

kamag-anak at pangungulila na hindi rin natin maikakaila. Sa madaling sabi, pag-aalala o pagpaparangal

para sa mga nagbuwis ng buhay sa rebolusyon (Araling Aktibista). At hindi nawala ang linyang

nanghihikayat ang persona sa kinakausap na sumunod sa yapak niya, lumahok sa rebolusyon. Pahiwatig ng

pamagat nitong seksyon, ang “pananahimik na sinalakay” kay Pinpin ay pagwawangis sa pananahimik at

pagkakupot sa burgis na pagtula.

Ang panghuling seksyong Carino Revolucionario ang kakikitaan ng mga tulang umiibig sa mas

malawak na pag-aalay nito, na ang pag-ibig sa rebolusyon ay hindi laging nauuwi sa pag-alis ng sinisinta,

ang mga tulang ito ay nangingibig sa magkabilaang pangangatwiran ng isa sa isa, may kontradiksyon

habang isinusulong ang pag-ibig na ito, at hindi malulugmok at mapagmukmok. Pagdidiin ni Pinpin,

“narito rin ang pagmamahal ng isang lolo sa kanyang apo. Ng mga kaibigan sa kasamang namatay sa

Gyerang Magsasaka sa kanayunan. Ng asawang martir sa kanyang balo. Ng camp commander sa mga tao

sa kampuhang-magsasaka. Ng bawat tao sa mga bagay-bagay sa kanyang paligid.”

Ito ang seksyong tinatangka nang iwaksi ni Pinpin ang kanyang pre-LRP days na kamalayan sa

kanyang panulaan. Kung gayon, pumili na si Pinpin, di man lubusang makiktia sa kanyang mga tula dito

sa koleksyong ito, ang pagpili sa tanong na ano ang politika ng tulang pag-ibig, para saan, para kanino.

Basahin natin ang tulang May Markang Iiwan Ang Sineguelas Ngayong Tag-Araw:
Hindi panahon ng siesta ang panahon ng tag-araw, hindi rin panahon ng pagbabakasyon. May tamis

at pakla ang dahong nalalagas ng Sineguelas, o pagwawangis sa mga kasamang martir sa matagalang

digmang bayan. Ginamit ang tag-araw para sa imahe ng paglalagas ng puno ng Sineguelas, sa panahon ng

kabiguan at tagumpay, may pag-alala sa mga hukbong namatay sa pakikidigma. At hindi natapos ang tula

sa pag-aalala tuwing tag-araw kundi pahiwatig ito na malapit na ang panahon ng tag-ulan. Na ang

kanayunan ay liligaligin ng bagyo at unos, ang metapora ng pakikibaka sa pagsusulong ng demokratikong

rebolusyong bayan – na magbubunga ng pagbabalik ng mga nalagas na dahon sa pagtatapos ng tag-ulan.

Narito rin ang tulang Carino Revolucionario hinggil sa pagtula ng persona para sa inuuwiang asawa

habang nasa pakat ng pagiging hukbo. Isang matalas na dalawang linya ang pinanghiwa ni Pinpin sa

kamalayan ng mambabasa na “Oo, hindi ikaw ang una sa buhay ko| Sana ako’y hindi rin sa ‘yo.” (Pinpin

41) Ikinikintal nito na ang mag-asawang may kamalayang rebolusyonaryo ay hindi lamang para sa isa’t isa,

bagkus ay para sila sa pinaglilingkurang sambayanan. Napakalayo ng tulang ito ni Pinpin sa mga tulang

nasa unang seksyon. Kung gayon, nagtagumpay sa Pinpin na ipakita ang transisyon ng kanyang panulaan

mula sa panahon ng kanyang kamalayang burgis hanggang sa kamalayang rebolusyonaryo. Mabisa rin ang

mga linya ng tulang Gayuma, “Nguni’t bigong makabili ng gayumang layon| para sa Bayang nagpapakipot

sa rebolusyon!” (Pinpin 40). Walang anumang mistisismo o mahika ang makapagpapabilis ng


demokratikong rebolusyong bayan kundi ang puspusang pakikibaka ng mga mamamayang nagsusulong

nito at mas malawak na paghamig sa mamamayang pinaglilingkuran na makilahok sa matagalang digmang

bayan. Maaaring over-reading koi to sa mga linyang iyon pero hindi maikakaila na nananawagan si Pinpin,

sa makakabasa ng tulang ito na lumahok na sa rebolusyon. Alusyon ito ng walang gayumang

makapagtatagumpay sa panliligaw, isang pakikibaka rin ang panunuyo sa taong minamahal (Pinpin iv).

Ang katwiran ng pagrerebolusyon sa mga tulang naisulat ni Pinpin ay ang pagmamahal at

paglilingkod sa maraming bilang ng uring inaapi. Maaaring magkakaiba ng pananaw sa kanilang paglahok

ang mga nagsusulong ng rebolusyon. Pagmamahal sa Bayan, pagmamahal sa mga anak at asawa,

pagmamahal sa kalikasan, pagmamahal sa susunod na henerasyon. Kumbaga, ang pag-ibig ay

pakikisangkot, ang pag-ibig ay pagpili. Politikal ang umibig. Para saan, para kanino.

Naging kalakasan ng koleksyong ito ni Axel Pinpin ang transisyon mismo ng kanyang panulaan –

at ang transisyong ito ay ang kanyang pagpili kung para kanino ang mga tula niya ng pag-ibig. Umunlad sa

kamalayan si Pinpin mula sa kamalayan niya sa pagiging uring peti-burgis, hanggang sa kasalukuyan na

tuwirang nagsusulong ng rebolusyon. Pinaunlad ng rebolusyon ang kanyang kamalayan sa pagtula. Ang

kahinaan naman nitong koleksyon ay paano ito magiging produksyong pampanitikan sa uring anak-pawis

gayong may mga tulang nakapaloob na panulaang tumatangkilik ng kulturang burges-pyudal. Maaari

sigurong ang mga susunod na magiging koleksyon ni Pinpin, kung magkakaroon pa man, ay mga tulang

nagmula mismo sa mga magsasakang nakasalamuha niya na may sariling pagtula sa pag-ibig. Nang mas

maitumbok ang pagtatasa sa posisyon ng uring anak-pawis sa panulaang pag-ibig, na maaaring mas

makapagpaunlad sa pagsusuri ng kulisan kung paano madadaragdagan, mapapaunlad, mapapabilis ang

pagsusulong ng kultura at panitikang makabayan, siyentipiko at maka-masa.

Ayon sa konklusyon sa The Summer of Our Discontent, “ We wait for revolution, whether be it in

society or in literature, in terms of great, earth-shaking events, such as massive insurrections or sudden

transformations, only if we do not realize that revolution is not an event but a process that begins slowly

and modestly. One needs only to open one’s eyes to see that the process began a long time ago and is
everywhere around us. The rest is self-deception.” (Teodoro, 316). Hamon rin sa ating mga intelligentia,

na huwag matakot lumahok sa pagnanais na baguhin ang lipunan.

Ang posisyon rin natin, sa kasalukuyang sitwasyong politikal na social distancing, ay ituloy ang

pagtindig sa ating demokratikong karapatan. Matagal nang mapanghati ang mga uring mapagsamantala, at

matagal na rin nating nasusupil ang panghahating ito, ibigin ang karapatan ng mamamayan tulad rin ng

pag-ibig mo sa personal na karapatan, ibigin natin ang sambayan para sa mapagbagong bukas.

TALASANGGUNIAN:

Althusser, Louis. Ideology and Ideological State Apparatus. 2013. Louis Althusser Archive (Marxists

Internet Archive). Web. 5 Apr. 2020.

Juan, Raquel. May Silbi Pa Ba Ang Tula. 2011. Andang Juan Papers (Academia.edu). Web. 6 Apr. 2020

Manalang-Gloria. Angela. “To the Man I Married by Angela Manalang-Gloria”. Readlittlepoetry.

-wordpress.com. Read A Little Poetry, 2005. Web. 9 May 2020

Pinpin, Axel. Lover’s Lane. Philippines: 2012. Aklatang Bayan (Wordpress). Web. 10 Sept. 2019.

Teodoro, Luis V. “The Summer of Our Discontent.” Nationalist Literature: A Centennial Forum.

Ed. Elmer Ordonez. Philippines: U.P. Press, 1995. Print

You might also like