You are on page 1of 4

SAINT MICHAEL’S COLLEGE OF LAGUNA

BASIC EDUCATION DIVISION


JUNIOR HIGH SCHOOL

Filipino para sa Ika-10 Baitang

Unang Markahan: Mga Akdang Panitikan ng Rehiyong Mediterranean

PAKSA 1: Mitolohiya at Pandiwa

INAASAHANG KASANAYAN
Pagkatapos ng araling ito, ikaw ay inaasahang:
1. maiugnay ang kahulugan ng salita batay sa kayarian nito.
2. maipahayag ang mahalagang kaisipan sa nabasa.
3. maipahayag nang malinaw ang sariling opinyon sa paksang tinalakay.
4. matukoy ang mensahe at layunin ng napanood na cartoon ng isang mitolohiya.
5. magamit ang angkop na pandiwa bilang aksyon, pangyayari at karanasan
6. maiugnay ang kaisipang nakapaloob sa akda sa nangyari sa sarili, pamilya,
kaibigan, pamayanan at daigdig.

PAGTALAKAY
Ang mitolohiya ay hinango mula sa dalawang salitang Griyegong mythos at logos.
Mythos, mito sa Filipino na nangangahulugang “talumpati” at sa kalaunan ay
nangahulugang “pabula” o “alamat” at ang logos naman ay nangangahulugang pag-
aaral. Kung gayon, ang mitolohiya ay nakatuon sa pag-aaral ng pabula o alamat.
Ngunit sa kasalukuyan ay may magkabukod ng pagpapakahulugan ang talumpati,
pabula, at alamat na dating pagpapakahulugan sa mito. Ang mitolohiya ay mga
sinaunang kuwentong may kinalaman sa paniniwala o pananampalataya at
nagtataglay ng tauhang diyos o diyosa na may kapangyarihang hindi taglay ng
pangkaraniwang mortal.

Ano ang layunin ng mitolohiya?


Ito ay naglalayong magbigay-paliwanag sa mga bagay na mahirap ipaliwanag dahil
ito’y hindi pangkaraniwang nangyayari sa mundo. Mababakas sa ganitong uri ng
panitikan ang pagiging likhang-isip lamang ng mga kababalaghang tinataglay nito
subalit marami pa ring naniniwalang tunay itong nangyari lalo na sa mga lugar na
pinagmulan nito tulad ng mitolohiyang Griyego na naging tanyag sa buong mundo.

Ang ating bansa ay mayroon ding mitolohiyang may diyos at diyosa tulad ng ibang
lahi. Tulad ni Bathala, ang pinakapangyarihang diyos; si Idionale, diyos ng mabuting
pagsasaka; si Apolaki, diyos ng digmaan, paglalakbay, at pangangalakal; si Mayari,
ang diyosa ng buwan; si Agawe, ang diyos ng tubig; si Hanan, ang diyos ng
mabuting pag-aani at; si Tala, ang diyos ng pang-umagang bituin.
Sa inyong, palagay, sino pa ang mga tauhan ang tinataglay ng mitolohiyang
Pilipino?

FILIPINO 10 1
Taglay ng mitolohiyang Pilipino ang mga tauhang mitikal at mahiwaga tulad ng
tiyanak, diwata, aswang, duwende, engkanto, mambabarang, mangkukulam, nuno,
kapre, tikbalang, engkanto, titik at iba pa.

Ang mitolohiya ay nilikha nang dahil sa iba’t ibang kadahilan subalit ilan sa
pinakamagandang dahilan ng pagbabasa sa pagbabasa nito ay upang tayo’y
maaliw.

Sa aklat na Thematic Guide to World Mythology (2004), tinalakay ni Lorena Stookey


ang mga pangunahing tema ng mga mitong pandaigdig. Ayon sa kanya, ilan sa
mga tema ng nasabing panitikan ang mga sumusunod:

a. Kabilang Buhay.

Tinatalakay ng ganitong mito ang kapalaran ng tao matapos ang


kamatayan. Sa maraming kultura, ang kabilang buhay ay inilalarawan
bilang isang lugar na gaya rin ng mundo. May iba naman na ipinakikita ito
bilang isang madilim ma lugar kung saan nagpapagala-gala ang mga
kaluluwa , gaya ng daigdig ng mga patay ni Hades sa mitolohiyang Griyego.
At sa mitolohiyang ito rin ay binibigyan ng bukod na lugar ang mga namatay
na bayani o mandirigma.

b. Mga Hayop sa Mitolohiya.

Malaki ang ginagampanan ng mga hayop sa mitolohiya sapagkat


pinayayaman ng mga ito ang kuwento ng gayong panitikan. Gumaganap
ang mga hayop bilang mga tagalikha o iba pang uri ng Diyos samantalang
sa iba, ginagampanan nila ang pagiging bayani o tusong kalaban. Sa ibang
mito naman, gumaganap ang mga hayop bilang katuwang o kakampi ng
tao. Maaari ring ang tauhan ay bahaging-hayop, bahaging-tao gaya ng
centaur sa mitolohiyang Griyego o ni Medusa na mga has ang buhok.
Gumaganap ang mga hayop bilang mensahero, tagabantay o
tagapangalaga. Maari rin naming mabilasik na kaaway gaya ng hydra na
isang ahas na may siyam na ulo at mga ibong Stymphalian na kumakain ng
tao.

c. Apocalypse

Kung may mga mitong pumapaksa sa paglikha, may mga mito ring
nagtatampok ng gunaw o ng wakas ng panahon. Ang mga mitong
pumapaksa sa apocalypse ay nagbibigay ng propesiya kung paano
magwawakas ang mundo; inilalarawan nito ang mga kagimbal-gimbal na
pangyayaring magaganap kapag pisikal nang nawasak ang sansinukob.
Maaaring ang mitong ito ay naglalarawan ng pagkawasak ng mundo pabalik
sa panahong walang kaayusan o ng pagkawasak upang bigyang-daan ang
buhay na walang hanggan.

FILIPINO 10 2
I-click ang link. Panoorin ang bidyo-lektyur tungkol sa pandiwa.
https://web.microsoftstream.com/video/0588fc96-15fa-4e0f-b7ba-
bf166989fe3a

Transcript
Sa pagsulat ng anumang akdang pampanitikan, mahalagang may kaalaman
tayo sa bahagi ng pananalita. Ngayon ay matama mong pakinggan ang bidyo-
lekyur hinggil sa isa sa mga bahagi ng pananalita, ang pandiwa.

Ano nga ba ang pandiwa?


Ang pandiwa ay bahagi ng pananalitang nagsasaad ng kilos o galaw at
nagbibigay-buhay sa lipon ng mga salita. Ito’y binubuo ng mga salitang-ugat at
ng isa o higit pang panlapi.

Halimbawa:
tumakbo (mula sa salitang-ugat na takbo at gitlaping -um)
mag-aral (mula sa salitang-ugat na aral at unlaping mag)

Ang pandiwa ay maaaring mauri sa dalawa: ang palipat at ang katawanin.


Palipat ang pandiwa kung may tuwirang layong tumatanggap sa kilos. Ang
layon ay karaniwang kasunod ng pandiwa at pinangungunahan ng mga
katagang ng, ng mga, sa, sa mga, kay, o kina.
Halimbawa:
Si Pgymalion ay lumilok ng estatwa.

Ang pandiwa sa pangungusap ay lumilok at ang tuwirang layon ay ang ng


estatwa.

Balikan natin ang halimbawa.

Si Pgymalion ay lumilok ng estatwa.

Kung aalisin natin ang tuwirang layon, magkukulang ang ideya ng


pangungusap, magiging “Si Pgymalion ay lumilok”. Ngunit ano ang nililok ni
Pgymalion? Kaya kinakailangan ng tuwirang layon para may tagatanggap ng
kilos o mabuo ang ideya.

Katawanin naman ang pandiwa kapag hindi ito nangangailangan ng tuwirang


layong tatanggap ng kilos at nakatatayo na itong mag-isa.
Halimbawa:
Nabuhay si Galatea.

Ang pandiwa sa pangungusap ay nabuhay. Mula sa pangungusap,


masasabing hindi na kailangan pa ng tuwirang layon o tatanggap ng kilos para
mabuo ang ideya ng pangungusap.

Halimbawa
Umuulan!

Ito ay pandiwang walang simuno ngunit mauunawan na agad ang ideyang nais
iparating nito.

FILIPINO 10 3
Bukod sa uri ng pandiwa ay mayroon din itong aspekto. Ang tatlong aspekto ng
pandiwa ay nagpapakita kung kailan naganap, nagaganap, o magaganap ang
isang kilos.
1. Aspektong Naganap o Perpektibo – Ito ay nagsasaad na tapos na o
nangyari na ang kilos.
Halimbawa:
Pinaghandaan ko ang aking aralin sa Filipino.

Ang pandiwa sa pangungusap ay pinaghandaan na masasabi nating tapos


na niyang gawin ang kilos dahil na rin sa unlaping ginamit na pinag na
idinikit sa salitang-ugat na handa at hulaping an.

2. Aspektong Nagaganap o Imperpektibo – Ito ay nagsasaad na ang kilos ay


kasalukuyang nagaganap o ginagawa o kaya ay patuloy na nangyayari ang
kilos.
Halimbawa:
Hinahanda ko na ang aking sarili sa mga pwedeng mangyari sa susunod
pang araw.

Ang pandiwa sa pangungusap ay hinahanda. Ang pandiwang ito ay


nagpapakita na kilos ay patuloy pa ring nangyayari.

3. Aspektong Magaganap o Kontemplatibo – Ito’y nagsasaad na ang kilos ay


hindi pa isinasagawa o gagawin pa lang.
Halimbawa:
Pag-aaralan ko ang paksang-aralin sa susunod na araw.

Ang pandiwa sa pangungusap ay pag-aaralan na nagpapakitang ang kilos


ay gagawin pa lang sa susunod na araw.

Sanggunian:
Del Rosario, M.G.G. & Marasigan, E.M. (2018). Pinagyamang Pluma 10 Lite
Edition. Phoenix Publishing House, Inc.
Reyes, A.R.C. & Setubal, J.S. (2016). Pinagyamang Wika at Panitikan 10. Diwa
Learning Systems, Inc.
Stookey, L.L. (n.d). Thematic guide to the world mythology.
https://books.google.com.ph/books/about/Thematic_Guide_to_World_Mytholo
gy.html?id=WL_eONflrKgC&redir_esc=y

FILIPINO 10 4

You might also like