You are on page 1of 34

YUNIT 5

MGA TIYAK NA SITWASYONG


PANGKOMUNIKASYON
Layunin
1. Mailarawan ang mga gawaing pangkomunikasyon ng mga
Pilipino sa iba’t ibang antas at larangan;

2. Magamit ang Filipino sa iba’t ibang tiyak na sitwasyong


pangkomunikasyon sa lipunan Pilipino; at

3. Mapalalim ang pagpapahalaga sa sariling paraan ng


pagpapahayag ng mga Pilipino sa iba’t ibang antas at larangan.
Lunsaran
Mga Uri ng Komunikasyon
Sa pag-aaral ni Albert Mehrabian, propesor sa Clarl Univeristy, na lumabas sa kaniyang
aklat na Silent Messages: Implicit Communication of Emotions and Attitudes, isang aklat
hinggil sa komunikasyong di-berbal, 7% raw ng komunikasyon ay nang gagaling sa
mga salitang ating binibigkas, 38% ay nanggaling sa tono ng ating pagsasalita, at
55% ay nanggaling sa galaw ng ating katawan. Sa madaling salita, 7% lang ng
nais nating iparating ang nanggaling sa ating mga salita. Ang resulta ng kaniyang
pag-aaral ay ginagamit at itinuturo rin sa ilang judicial institutes sa Amerika,
bagama’t marami ang hindi sumasang-ayon sa kaniyang natuklasan. Ayon sa
ilang eksperto, kadalasan ang pag-aaral ni Mehrabian ay hindi nauunawaan. May
katotohanan man o hindi, isang aral ang iniiwan nito sa atin na kung anuman ang
mensahing nais nating ipahatid ay hindi masasabi lahat ng salita. Ang ilang
maseselang bagay, kung minsan, na maaaring magkaroon ng ibang interpretasyon
ay mas mabuting sabihin nang personal.
Nagbigay naman sina Canary at Cody (2000) ng anim na pamantayan sa pagtataya ng
kakayahang pangkomunikatibo: (1) Pakikibagay o adaptability. Ang isang tao ay may
kakayahang mabago ang pag-uugali at layunin upang maisakatuparan ang pakikipag-
ugnayan. (2) Paglahok sa pag-uusap o conversational involvement. May kakayahan ang
isang taong gamitin ang kaalaman tungkol sa anumang paksa sa pakikisalamuha sa iba.; (3)
Pamamahala sa pag-uusap o conversational management. Tumutukoy naman ang
kakayahang ito na mapamahalaan ng isang tao ang pag-uusap. Nakokontrol nito
ang daloy ng usapan at kung paanong ang mga paksa ay nagpapatuloy at naiiba;
(4) Pagkapukaw-damdamin o empathy. Pagpapakita ito ng kakayahang mailagay
ang damdamin sa katauhan ng ibang tao at pag-iisip ng posibleng mangyari o
maranasan kung ikaw ay nasa kalagayan ng isang tao o samahan; (5) Bisa o
effectiveness. Tumutukoy ito sa isa o dalawang mahahalagang pamantayan upang mataya
ang kakayahang pagkomunikatibo - ang pagtiyak kung epektibo ang pakikipag-usap. Ang
taong may kakayahang pangkomunikatibo ay may kakayahang mag-isip kung ang kaniyang
pakikipag-usap ay epektibo at nauunawaan; at (6) Kaangkupan o appropriateness. Maliban
sa bisa, isa pang mahalagang pamantayan upang mataya ang kakayahang
pangkomunikatibo ay ang kaangkupan ng paggamit ng wika. Kung ang isang tao ay
may kakayahang pangkomunikatibo, naiaangkop niya ang kaniyang wika sa
sitwasyon, sa lugar ng pinangyayarihan ng pag-uusap, o sa taong kausap.
Komunikasyon Bilang Panghubog ng
Opinyon ng Madla
Noong 2013, nilagdaan ni dating Pangulong Benigno
Aquino III ang Batas Pambansa Bilang 10361 o mas
kilala sa tawag na Kasamahay Law, na naglalayong
bigyang-proteksyon ang mga kasambahay. Kapansin-
pansin na habang dinidinig ang dating mungkahing
batas sa Kongreso at Senado, malimit na laman ng
balita sa radyo at telebisyon ang mga pang-aabuso sa
mga kasambahay.
Isa pang halimbawa ng paggamit ng komunikasyon upang hubugin
ang opinyon ng madla ang patuloy na pagpapakalat ng
misinformation hinggil sa Martial Law, na ipinataw noong panahon ng
diktadurya ni Pangulong Marcos. Kapansin-pansin na upang mabura
ang mga negatibong epekto ng Martial Law gaya ng patong-patong na
pangungutang at pandarambong ng dating pangulo na ayon sa Ibon
Foundation ay patuloy na pagbabayaran ng mga Pilipino hanggang
2025, kabi-kabila ang pagpapakalat ng fake news at iba pang
mapanlinlang na dokumentaryo at komentaryo sa radyo, telebisyon at sa
social media. Ang lahat ng ito ay upang mailuklok si Bongbong Marcos
sa pagkabise-presidente noong halalang 2016. Bagama’t hindi nag wagi
sa puwesto, malaking porsyento pa rin ng boto ang nakamal ng
dating senador - patunay na malaki ang tungkulin na
ginampanan ng mga dokumentaryo at propagandang nabanggit.
Komunikasyon Bilang Panlinang
Ugnayan
Sa mas malaking konteksto, pinagtitibay ng komunikasyon ang ugnayan ng
mga bansa gaya ng patuloy na nagaganap sa pagitan ng mga miyembro
ng ASEAN Community. Dahil sa tuloy-tuloy na diyalogo sa pagitan ng
mga lider ng bansa, naging posible ang mas mabilis na pagpapalitan ng
mga produkto at serbisyo. Naging mas madali na rin ang paglilipat-lipat
ng kapital at puhunan sa pagitan ng mga bansang bahagi nito. Isa pa sa
mga naging epekto ng ASEAN Integration ay ang mas maluwag na
foreign policy na nag-alis sa ilang restriksyon sa pagbisita at pagtatrabaho sa
mga miyembrong bansa.
Komunikasyon Bilang Paghahatid ng
Impormasyon at Pagpapalaganap ng Kultura
Marahil isa sa pinakamahalagang tungkulin ng komunikasyon ay ang gamit
nito sa pagpapalaganap ng impormasyon. Maraming buhay ang naililigtas
dahil sa maaga at maagap na pagpapakilala ng interbensyon at gamot sa
isang pasyenteng isang duktor. Nagiging posible rin ang pagpapasa ng
karunungan at kaalaman upang mas maraming tao ang makisangkot sa
pagbabagong panlipunan dahil sa pakikipag-ugnayan. Maaari ding
aksidente sa daan ang naiiwasan dahil sa mga warning signs at iba pang
babala.
Ngunit iba naman ang naging kaso noong 2013 nang tamaan ng napakalakas na
bagyo na pinangalanang Yolanda ang tacloban City, Leyte. Umabot sa 6,000
katao ang tinatayang namatay, halos 2,000 ang patuloy na nawawala, at
mahigit 28,000 ang sugatan sa pananalasa ng nasabing bagyo (NOAH-UP).
Bagama’t maagang nagpalabas ng mga babala ang lokal na gobyerno at
maging ang national government, hindi masyadong naging matagumpay ang mga
tao dahil umano sa hindi malinaw na pagpapaliwanag ng kahulugan ng terminong
storm surge. Sa madaling salita, hindi sapat ang komunikasyon; mahalaga rin na
isaalang-alang ang paraan kung paano ipinahahatid ang mensahe.
Malaki rin ang ginampanang tungkulin ng komunikasyon bilang
tagapaghasik ng binhi ng kultura. Bilang halimbawa ng
komunikasyon, pinagtibay ng mga komersyal ang pag-iisip ng
mga Pilipino na mas maganda ang maputi kaysa tangkilikin ang
pagkakayumanggi. At dahil na rin sa lumalawig na access ng mga
tao sa social media, na mabisang platform ng komunikasyon, naging mas
mabilis nang maipalaganap ang iba’t ibang kultura. Sa katunayan,
maraming kabataang Pilipino ngayon ang nahuhumaling sa KPop at iba
pang aspekto ng kulturang Koreano dahil sa kanilang matinding
exposure dito.
Mga Antas ng Komunikasyon
Bukod sa layunin ng komunikasyon, mayroon ding iba’t ibang antas
ng komunikasyon na nagbabago-bago ayon sa kontekstong
tagapagdala at tumatanggap ng mensahe. Naiimpluwensiyahan
din ito ng ginagamit na daluyan o channel ng tagapaghatid ng
mensahe, malay man o hindi. Gaya ng kilalang pangungusap na “the
medium is the language” ni Mcluhan (1967), maaaring baguhin -
pagbutihin o hulawin - ng daluyan ang mensaheng nais iparating.
Halimbawa, mas sinsero ang paghingi ng tawad kung ito ay
personal na ipararating kaysa ipadadala sa pamamagitan ng text o
email. Mahalagang isa-isahin ang mga uri ng komunikasyon at himayin
ang mga kalakasan at kahinaan nito sa pamamagitan din ng pagbibigay
ng mga halimbawa, upang mapahusay ang pakikipag-ugnay sa kapuwa.
Intrapersonal na Komunikasyon
Bagama’t madalas na bigyang-kahulugan ang komunikasyon bilang
pagpapalitan ng mensahe sa pagitan ng dalawang tao, itinuturing
ding halimbawa ng komunikasyon ang intrapersonal na
komunikasyon o pakikipag-ugnayan sa sarili sa pamamagitan ng
replektibong pag-iisip o internal vocalization (Dance & Larson,
1972). Ito’y isang kognitibong proseso sa loob ng ating sarili.
Interpersonal na Komunikasyon
Nagaganap naman ang interpersonal na komunikasyon sa pagitan ng
dalawa o higit pang tao o pangkat. Ginagamit ang ganitong uri ng
komunikasyon upang bumuo, magpanatili, at maging tumapos
ng ng ugnayan. Upang matamo ang mataas na kalidad sa
pagtatrabaho at pagtatagumpay sa operasyon ng isang
tanggapan, ang interpersonal na komunikasyon ay isang
napakahalagang kasangkapan. Madalas makikita ang ganitong
uri ng komunikasyon sa pagitan ng mag-asawa, dalawang
miyembro ng pamilya, magkaibigan, amo at empleyado, at iba pa.
Pangkatang Komunikasyon
Itinuturing namang pangkatang komunikasyon ang ugnayan sa
pagitan tatlo o mahigit pang tao na nagkakatipon-tipon sa isang
layunin. Maaaring maganap ang ganitong uri ng komunikasyon
sa personal at maging sa iba pang platform (gaya ng group chat sa
social media at video conferencing) katulad din ng iba pang uri ng
komunikasyon. Madalas na nagaganap ang pangkatang komunikasyon
sa mga mag-aaral bilang bahagi ng pagtupad sa mga kahingian ng
asignatura gaya ng kolaboratibong pananaliksik na nangangailangan ng
pagtalakay at pagpapasiya. Kabilang din dito ang pagpupulong sa
barangay o sa munisipyo na naglalayong lutasin ang isang suliranin
(gaya ng trapiko), na sinisimulan sa pagbibigay ng mungkahi at
pagtatalaga ng mga taong gaganap sa mga tiyak na gawain.
Pampublikong Komunikasyon
Pinakakinatatakutang uri naman ang pampublikong komunikasyon.
Mas nakapokus ito sa mensahero o sa tagapagdala ng mensahe
kaysa tagatanggap (na malilit at mahigit sa apat). Ito rin ang
pinakamalayunin sa lahat ng.uri ng komunikasyon at madalas
itong pormal. Sapagkat ginagamit ito sa akademiya, sa trabaho,
maging sa sibika, mahirap iwasan ang paraang ito ng pakikipag-
ugnay.
Pangmadlang Komunikasyon
Tinatawag namang pangmadlang komunikasyon ang paghahatid ng
mensahe sa mas malawak na awdyens sa lalong madaling
pamamaran at gumagamit ng mass media (telebisyon, radyo,
magasin, limbagan, rekording, pelikula, adbertaysing, public relations, at
iba pang teknolohiya. Dito, ang publiko ay may pagkakataong maglimi sa
mga napakikinggang balita, komentaryo, pananaw ng nagbabalita o
brodkaster. Kinukuro ng tagapakinig kung may katotohanan ang
binanggit o ibinalita ng tagapagpahayag. Nalalantad at nabubuksan ang
mga bagay na maaaring makonsumo, mapakinabangan o mabatid ito
may ay sabjek ng batikos, puna, kritisismo ng tagapakinig o publiko na
maaaring tanggapin o hindi ng tagapakinig.
Multikultural na Komunikasyon
Nakasentro ito sa pag-aaral ng dibersidad at kultura na
nakaiimpluwensiya sa komunikasyon gayundin sa mga isyung
pangkomunikasyon na may relasyon sa iba’t ibang kultura,
ethnisidad, lahi, kasarian, relihiyon, edad, socia class, at disabilidad
(kapansanan). May mga kosiderasyong dapat isaalang-alang sa isang
multikultural na komunikasyon - ang globalisasyon, kultural na
adaptasyon, lokalisasyon, marketing research (sa bisnes), at iba pang
bagay na kailangang tingnan (gamit ng wika, pagpili at kahulugan ng
salita, mga idyoma, jargon, balbal na salitang gagamitin, grapiks at icon
na isasama halimbawa, sa komersyal, balita, propaganda, report/ulat o
anumang komunikasyo. Kapag maingat na nagamit ang komunikasyon
sa iba’t ibang kultura, ang tagumpay ng komunikasyon ay iaasahang
mangyayari. Maari nang magkaroon ng gulo kahit sa pagpili pa lang ng
ibibigay na nagalan sa produkto at maaari na ang isang salita na
piniling gamitin ay may iba o masamang kahulugan.
Mga Tiyak na Halimbawa ng Sitwasyong
Pangkomunikasyon
Pangkatang Komunikasyon
Roundtable at Small Group Discussion
Ang talakayang roundtable ay maliit na grupo, madalas na sarado, mga
pamamaraang sinadya kung saan ang mga kalahok ay may pantay na
pagpapalitan ng mga ideya tungkol sa isang ibinigay na paksa. Ang mga
talakayang roundtable ay mga maliit na talakayan ng grupo kung saan ang
lahat ay may pantay na karapatang lumahok. Ang pamamaraang ito ay
maaaring sa katotohanan ay sumasaklaw sa dami ng iba't ibang mga
pormat; isa itong porma ng talakayang pang-akademiko, na ginagamit
bilang isang pamamaraan para sa pakikipag-ugnayan sa pamayanan at
pampubliko at maging sa mga organisasyon at negosyo. Ang mga
roundtable ay karaniwang hindi bukas sa mas malawak na publiko, ngunit
nagsasangkot ng medyo maliit na bilang ng mga kalahok na tumatalakay sa
isang paksa na karaniwang kinilala nang una. Ang pangunahing prinsipyo
na sumasailalim sa isang roundtable ay ang lahat ng mga kalahok ay nasa
pantay na kalagayan.
Ang mga talakayan ng roundtableay naiiba mula sa Magic Roundtable, na
isang tiyak na pamamaraan ng sinasadya. Ang entry na ito ay
tumutukoy sa mga roundtable sa isang pangkalahatang kahulugan, ang
pagpapatupad na kung saan ay magkakaiba sa kasanayan. Ang
pangkalahatang layunin ng isang roundtable ay upang magsagawa ng
isang malapitang talakayan at paggalugad sa isang tukoy na paksa. Ang
isang roundtable, na humahawak sa lahat ng mga kalahok sa pantay na
kalagayan, ay naglalayong harapin ang mga isyu sa halip na ang mga
tao. Ang indibidwal na layunin ng isang talakayang bilog ay magkakaiba
sa kasanayan. Ang mga roundtable ay ginagamit bilang isang off-event,
bilang serye, bilang isang kagamitan sa loob ng mas malawak na mga
proseso ng pakikiisa, at bilang itinatag na tuloy-tuloy na mga
pagpupulong.
Ang mga kalahok na demograpiko ay magkakaiba ayon sa layunin at
pangangailangan ng pag-aayos. Ang mga roundtable ay madalas na
nagsasangkot ng mga stakeholder at mga stakeholder ng organisasyon na
inanyayahan ng tagapag-ayos. Hindi sila karaniwang bukas sa publiko
(bilang mga tagamasid), bagaman ang mga miyembro ng publiko ay
maaaring makilahok. Ang mga kalahok ay karaniwang iniimbitahan ng
tagapag-ayos ng ilang linggong mas maaga kaysa sa kaganapan nito.
Bigay na ang saklaw ng mga konteksto kung saan ginagamit ang mga
roundtable, maaaring isama ng mga kalahok ang stakeholder o mga
organisasyon ng komunidad, mga negosyante, empleyado at employer,
propesyonal na asosasyon at iba pa. Sa ilang mga kaso, ang mga kalahok
ay maaaring ma-recruit sa pamamagitan ng pagsulong at adbertaysing
ng kaganapan. Mas malamang dapat na ang mga target na kalahok ay
mga miyembro ng publiko, o para sa isang talakayang akademiko.
Ang isang paksa para sa isang roundtable ay karaniwang natutukoy nang
maaga. Ang pagpili ng paksa at saklaw ay maaaring nakalilito kaya
dapat itong matukoy nang malinaw, subalit pahintulutan ang
pagkakataon para sa bukas at likas na talakayan - kung hindi man ang
pag-uusap ay maaaring matuyo sa panahon ng talakayan.
Iminumungkahi ng ilang mga alituntunin ang maagang pagbuo ng
isang agenda, ang paghahati ng paksa sa mas maliit na mga lugar para
sa isang mas istrukturadong talakayan, o nakatuon sa mga tiyak na
layunin tulad ng sa San Francisco Urban-Rural Roundtable.
Upang maging maayos ang pangangasiwa ng nasabing gawain,
iminumungkahi ang mga sumusunod na mga padron: (1)
paglalahad ng layunin ng talakayan; (2) pagpapakilala ng mga
kalahok (pangalan at organisasyon); (3) pagtalakay sa paksa; (4)
pagbibigay ng opinyon, puna, at mungkahi ng mga kalahok; (5)
paglalagom ng mga napag-usapan at napagkasunduan; at (6)
pagtukoy ng mga susunod na hakbang.
Upang mapanindigan ang mga napag-usapan ng grupo, mahalagang
magtakda rin ng isang tagadokumento na magtatala ng lahat ng
napagkasunduan. Maaaring sundin ang pormat sa ibaba para sa
pagsulat ng dokumentasyon o katitikan ng pagpupulong: (1)
paksa ng pagpupulong; (2) oras at lugar kung saan ginanap ang
pagpupulong; (3) mga kalahok; (4) mga mungkahi at komento ng
mga kalahok; (5) mga napagkasunduan; at (6) mga susunod na
hakbang ng grupo.
Maaari ding gamiting istratehiya sa pagdaos ng roundtable at small
group discussion ang brainstorming. Nilalayon ng istratehiyang ito na
mangalap ng iba’t ibang tugon at mungkahi sa mga kalahok, na malimit
ay may iba’t ibang perspektibo hinggil sa paksang pinag-uusapan.
Epektibong istratehiya rin ang pagpaskil ng mga katanungan na isa-
isang sasagutin ng mga kalahok, gaya ng ginagawa sa isang Focus
Group Discussion (FGD).
Pampublikong Komunikasyon
Lektyur at Seminar
Ang lektyur at seminar ay dalawa sa pinakagamit na termino ng mga
tagapag-ayos ng pagsasanay. Nakatuon ang mga ito sa maliliit na
pagtitipon ng mga kalahok, kadalasang 20 hanggang 70, na
naglalayong masinsinang matutuhan ang isang tiyak na paksa.
Malimit itong inoorganisa upang pagtibayin ang
propesyonalismo ng mga nakikibahagi, at nagtatagal mula isang
buong maghapon hanggang pitong araw, depende sa layunin ng
pagsasanay.
Sa aklat ni Maranan (2018) magkahiwalay na tinalakay ang lektyur at
seminar. Ayon sa aklat, ang lektyur ay oral na presentasyon ng
mga impormasyon o karunungan na kailangan ng tao para sa
isang partikular na paksa o asignatura. Kasama rito ang
pagbabahagi ng mga kritikal na impormasyon, kasaysayan, mga
teorya, at iba pa. Naniniwala si Bligh (1972) na ang lektyur ay
isang paraan ng pagtalakay na ginagawa sa pamamagitan ng
walang tigil na pagsasalita ng dalubguro. Higit naman naging
detalyado ang depinisyong ibinigay nina Percival at Ellington
(1988) sa pagsasabing isa itong pamamaraan ng pagtuturo
(didactic instructional method) na kinasasangkutan ng linyar na
komunikasyon mula sa aktibong tagapagsalita tungo sa mga pasibong
tagatanggap ng impormasyon.
May mga adbentahe ang pagsasagawa ng lektyur: (1) madaling
pagkakalantad sa mga bagong kagamitan; (2) mataas na antas ng kontrol
ng dalubguro sa klase; (3) kahali-halinang pormat na tugma upang
pangasiwaan ang isang napakalaking pangkat ng mga tagapakinig o
manunuod. Ngunit maaari din namang magdulot ng hindi magandang
bentahe katulad ng: (1) paglalagay nito sa mga mag-aaral sa sitwasyon na
pasibo ang pamamaraan ng kanilang magiging partisipasyon sa proseso
ng komunikasyon; (2) isa lamang ang daluyan ng komunikasyon; at (3)
ang pagtalakay ay nakasalalay sa kasanayan o kahusayan ng
tagapanayam sa kaniyang isasagawang pagtalakay.
Worksyap
Ang worksyap ay kinabibilangan ng mga elementong taglay ng isang
pantas-aral o seminar, bagama’t ang malaking bahagi nito ay
nakapokus sa “hand-on-practice.” Idinisenyo ito upang aktwal na
magabayan ng mga tagapagsalita o tagapangasiwa ang mga
kalahok sa pagbuo ng inaasahang awput na bahagi ng
pagtalakay. Isa itong uri ng interaktibong pagsasanay na kung
saan ang mga kalahok ay sumasailalim sa mga gawaing huhubog
sa kanilang kasanayan sa halip na ang maging pasibong
tagapakinig lamang. Ayon kay Jolles (2005) ang training workshop
ay may dalawang anyo: (1) general workshop na kung saan ang gawain
ay ibinibigay sa magkaibang kalahok; at ang (2) closed workshop na kung
saan ang training ay inihanda batay sa pangangailangan ng
ispesipikong pangkat ng tao.
Kadalasang nagtatagal ng anim hanggang walong oras sa maghapon
o hanggang pitong araw, inoorganisa ang worksyap o palihan
nang may tiyak na produkto o awtput na inaasahan mula sa mga
kalahok. Iminumungkahi na upang maging produktibo ang
worksyap, kailangang limitahan ang dami ng mga kalahok upang
humukin ang kolaboratibong paggawa, ngunit kung malaki ang
bilang, maaari din namang magkaroon ng mga concurrent break-
out sessions upang mas mapadali ang pamamahala sa mga kalahok. Ang
pagtuturo ng paggawa ng handicrafts sa isang komunidad upang
pasiglahin ang turismo, pagsulat ng ortograpiya ng isang wikang
rehiyonal, pagbuo ng manwal sa pagtugon sa mga suliraning kaugnay
ng Gender and Development, o maging ng Disater Risk Reduction and
Management, at iba pa ay ilan sa mga halimbawa nito.
Mayroong tatlong hakbang sa pagbuo ng worksyap at ito ay
kinabibilangan ng pagpaplano, paghahanda, at pagpapatupad.
Inilalarawan sa bahagi ng pagpaplano ang layuning nais
mapagtagumpayan ng magsasagawa ng worksyap katulad ng
pagtukoy sa mga dapat na gawin upang magabayan ang mga
kalahok sa gawain at ano-ano ang mga inaasahang matutunan
nila buhat dito. Maaring isaalang-alang sa pagbuo ng plano ang
paksa ng pagtalakay; kalahok; bilang ng kalahok para sa
worksyap; oras na laan; mga gawaing nakahanda; mga
kagamitan; at presentasyon.
Kumbensyon, Kongreso, at Kumperensya
Kumbensyon ang pinakamalaking uri ng pagtitipon sa lahat. Ang
mga kalahok na inaasahang dadalo sa ganitong uri ng
pagtitipon ay may humigit-kumulang 2,000. Malimit na
organisasyonal o dili kaya’y politikal ang layon ng isang
kumbensyon at inaasahan itong maisagawa sa loob ng dalawa
hanggang apat na araw. Ilan sa mga tunguhin nito ang
pagtatalaga ng mga miyembro sa isang komite, pagluklok ng
kinatawan, pagrenbisa ng konstitusyon ng samahan, o
pagdedesisyon sa isang malaking usapin. May mga
kumbensyong natatapos sa oath taking o di nama’y
pagpapanibago ng pagkakasapi.
Malaking pagtitipon naman ang isang kongreso na dinadaluhan ng
300 hanggang 2,000 kalahok at madalas na isinasagawa sa loob
ng dalawa hanggang apat na araw. Binubuo ito ng mga
plenaryong sesyon at magkakasabay na pulong (concurrent
sessions). Gaya ng kumbensyon, may tiyak na grupo ng mga
kalahok na tinutudla ang isang kongreso. Layong talakayin at
pag-aralan sa kongreso ang isang malaking paksa sa mga
plenaryong sesyon na siyang hinihimay sa mga magkakasabay
na pulong.
Ang pagpaplano sa pagkakaroon ng ng kumperensya ay isang gawaing
hindi madaling isakatuparan kung isasaalang-alang ang lawak ng
sakop ng pagtalakay sa mga usaping nakapaloob dito bagama’t
maaaring pagbatayan ang mga sumusunod sa pagbuo nito: (1)
pagpapasya sa tema; (2) pagpapasya sa maaaring makasama sa
pangkata; (3) ihanda ang plano para sa badyet at mga gugulin nito; (4)
paghahanap ng isponsor na makatutulong sa mga gastusin ng gawain;
(5) pagpapasya para sa araw at lugar na pagdarausan, kailangang
tiyaking malayo ito sa ingay at sapat ang bentilasyon upang
masigurado ang atensyon ng mga makikibahagi; (6) pagpapasya para
sa mangangasiwa ng pagkain, mainam na tukuyin ang preperensya ng
magsisipagdalo gaya ng sa pagkain at panalangin kung may kalahok na
bahagi ng isang tiyak na grupo o relihiyon ; (7) pagpili ng tagapagsalita;
(8) pagpapatala o promosyon; at (9) mahalagang isaalang-alang din ang
kalusugan at seguridad ng mga kalahok, tiyaking may nakaantabay na
medical team na sasaklolo kung sakali mang may mangyari na medical
emergency.
Sa pagbuo ng kumperensya kakailanganin ang mga makakatulong
mula sa pagbuo ng konsepto, logistics, at aktwal na
implementasyon ng plano. Kailangan ang mga makakasamang
may puso na maisasakatuparan ang mga ispesipikong gawain na
nakalaan para sa kaniya. Maaring hatiin ang mga gawain sa mga
sumusunod na komite: Komite para sa pagpaplano ;Komite para sa
promosyon ng Gawain.
Maaaring isaalang-alang ang paggamit ng lahat
ng paltaporma ng social media katulad ng
facebook, twitter, at iba pa. Maaari ding pag-
ibayuhin ang paggamit ng website para dito; Komite
para sa mga mamamahala sa isponsor; Komite para
sa dokumentasyon; Komite para sa ebalwasyon; ang
ang Komite para sa seguridad.

You might also like