PANGKOMUNIKASYON Panimula Napakaraming kahulugan ng salitang komunikasyon. Isa itong akto ng pagpapahayag ng ideya o kaisipan sa pamamagitan ng pasalita o pasulat na paraan. Isa itong proseso ng pagpapadala at pagtanggap ng mga mensahe sa pamamagitan ng mga simbolikong cues na maaaring berbal o di-berbal. Layunin 1. Mailarawan ang mga gawaing pangkomunikasyon ng mga Pilipino sa iba’t ibang antas at larangan;
2. Magamit ang Filipino sa iba’t ibang tiyak na sitwasyong
pangkomunikasyon sa lipunan Pilipino; at
3. Mapalalim ang pagpapahalaga sa sariling paraan ng
pagpapahayag ng mga Pilipino sa iba’t ibang antas at larangan. Lunsaran Mga Uri ng Komunikasyon Sa pag-aaral ni Albert Mehrabian, propesor sa Clarl Univeristy, na lumabas sa kaniyang aklat na Silent Messages: Implicit Communication of Emotions and Attitudes, isang aklat hinggil sa komunikasyong di-berbal, 7% raw ng komunikasyon ay nang gagaling sa mga salitang ating binibigkas, 38% ay nanggaling sa tono ng ating pagsasalita, at 55% ay nanggaling sa galaw ng ating katawan. Sa madaling salita, 7% lang ng nais nating iparating ang nanggaling sa ating mga salita. Ang resulta ng kaniyang pag-aaral ay ginagamit at itinuturo rin sa ilang judicial institutes sa Amerika, bagama’t marami ang hindi sumasang-ayon sa kaniyang natuklasan. Ayon sa ilang eksperto, kadalasan ang pag-aaral ni Mehrabian ay hindi nauunawaan. May katotohanan man o hindi, isang aral ang iniiwan nito sa atin na kung anuman ang mensahing nais nating ipahatid ay hindi masasabi lahat ng salita. Ang ilang maseselang bagay, kung minsan, na maaaring magkaroon ng ibang interpretasyon ay mas mabuting sabihin nang personal. Nagbigay naman sina Canary at Cody (2000) ng anim na pamantayan sa pagtataya ng kakayahang pangkomunikatibo: (1) Pakikibagay o adaptability. Ang isang tao ay may kakayahang mabago ang pag-uugali at layunin upang maisakatuparan ang pakikipag- ugnayan. (2) Paglahok sa pag-uusap o conversational involvement. May kakayahan ang isang taong gamitin ang kaalaman tungkol sa anumang paksa sa pakikisalamuha sa iba.; (3) Pamamahala sa pag-uusap o conversational management. Tumutukoy naman ang kakayahang ito na mapamahalaan ng isang tao ang pag-uusap. Nakokontrol nito ang daloy ng usapan at kung paanong ang mga paksa ay nagpapatuloy at naiiba; (4) Pagkapukaw-damdamin o empathy. Pagpapakita ito ng kakayahang mailagay ang damdamin sa katauhan ng ibang tao at pag-iisip ng posibleng mangyari o maranasan kung ikaw ay nasa kalagayan ng isang tao o samahan; (5) Bisa o effectiveness. Tumutukoy ito sa isa o dalawang mahahalagang pamantayan upang mataya ang kakayahang pagkomunikatibo - ang pagtiyak kung epektibo ang pakikipag-usap. Ang taong may kakayahang pangkomunikatibo ay may kakayahang mag-isip kung ang kaniyang pakikipag- usap ay epektibo at nauunawaan; at (6) Kaangkupan o appropriateness. Maliban sa bisa, isa pang mahalagang pamantayan upang mataya ang kakayahang pangkomunikatibo ay ang kaangkupan ng paggamit ng wika. Kung ang isang tao ay may kakayahang pangkomunikatibo, naiaangkop niya ang kaniyang wika sa sitwasyon, sa lugar ng pinangyayarihan ng pag-uusap, o sa taong kausap. Komunikasyon Bilang Panghubog ng Opinyon ng Madla Noong 2013, nilagdaan ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang Batas Pambansa Bilang 10361 o mas kilala sa tawag na Kasamahay Law, na naglalayong bigyang-proteksyon ang mga kasambahay. Kapansin- pansin na habang dinidinig ang dating mungkahing batas sa Kongreso at Senado, malimit na laman ng balita sa radyo at telebisyon ang mga pang-aabuso sa mga kasambahay. Isa pang halimbawa ng paggamit ng komunikasyon upang hubugin ang opinyon ng madla ang patuloy na pagpapakalat ng misinformation hinggil sa Martial Law, na ipinataw noong panahon ng diktadurya ni Pangulong Marcos. Kapansin-pansin na upang mabura ang mga negatibong epekto ng Martial Law gaya ng patong-patong na pangungutang at pandarambong ng dating pangulo na ayon sa Ibon Foundation ay patuloy na pagbabayaran ng mga Pilipino hanggang 2025, kabi-kabila ang pagpapakalat ng fake news at iba pang mapanlinlang na dokumentaryo at komentaryo sa radyo, telebisyon at sa social media. Ang lahat ng ito ay upang mailuklok si Bongbong Marcos sa pagkabise-presidente noong halalang 2016. Bagama’t hindi nag wagi sa puwesto, malaking porsyento pa rin ng boto ang nakamal ng dating senador - patunay na malaki ang tungkulin na ginampanan ng mga dokumentaryo at propagandang nabanggit. Komunikasyon Bilang Panlinang Ugnayan Sa mas malaking konteksto, pinagtitibay ng komunikasyon ang ugnayan ng mga bansa gaya ng patuloy na nagaganap sa pagitan ng mga miyembro ng ASEAN Community. Dahil sa tuloy-tuloy na diyalogo sa pagitan ng mga lider ng bansa, naging posible ang mas mabilis na pagpapalitan ng mga produkto at serbisyo. Naging mas madali na rin ang paglilipat-lipat ng kapital at puhunan sa pagitan ng mga bansang bahagi nito. Isa pa sa mga naging epekto ng ASEAN Integration ay ang mas maluwag na foreign policy na nag-alis sa ilang restriksyon sa pagbisita at pagtatrabaho sa mga miyembrong bansa. Komunikasyon Bilang Paghahatid ng Impormasyon at Pagpapalaganap ng Kultura Marahil isa sa pinakamahalagang tungkulin ng komunikasyon ay ang gamit nito sa pagpapalaganap ng impormasyon. Maraming buhay ang naililigtas dahil sa maaga at maagap na pagpapakilala ng interbensyon at gamot sa isang pasyenteng isang duktor. Nagiging posible rin ang pagpapasa ng karunungan at kaalaman upang mas maraming tao ang makisangkot sa pagbabagong panlipunan dahil sa pakikipag-ugnayan. Maaari ding aksidente sa daan ang naiiwasan dahil sa mga warning signs at iba pang babala. Ngunit iba naman ang naging kaso noong 2013 nang tamaan ng napakalakas na bagyo na pinangalanang Yolanda ang tacloban City, Leyte. Umabot sa 6,000 katao ang tinatayang namatay, halos 2,000 ang patuloy na nawawala, at mahigit 28,000 ang sugatan sa pananalasa ng nasabing bagyo (NOAH- UP). Bagama’t maagang nagpalabas ng mga babala ang lokal na gobyerno at maging ang national government, hindi masyadong naging matagumpay ang mga tao dahil umano sa hindi malinaw na pagpapaliwanag ng kahulugan ng terminong storm surge. Sa madaling salita, hindi sapat ang komunikasyon; mahalaga rin na isaalang-alang ang paraan kung paano ipinahahatid ang mensahe. Malaki rin ang ginampanang tungkulin ng komunikasyon bilang tagapaghasik ng binhi ng kultura. Bilang halimbawa ng komunikasyon, pinagtibay ng mga komersyal ang pag-iisip ng mga Pilipino na mas maganda ang maputi kaysa tangkilikin ang pagkakayumanggi. At dahil na rin sa lumalawig na access ng mga tao sa social media, na mabisang platform ng komunikasyon, naging mas mabilis nang maipalaganap ang iba’t ibang kultura. Sa katunayan, maraming kabataang Pilipino ngayon ang nahuhumaling sa KPop at iba pang aspekto ng kulturang Koreano dahil sa kanilang matinding exposure dito. Mga Antas ng Komunikasyon Bukod sa layunin ng komunikasyon, mayroon ding iba’t ibang antas ng komunikasyon na nagbabago-bago ayon sa kontekstong tagapagdala at tumatanggap ng mensahe. Naiimpluwensiyahan din ito ng ginagamit na daluyan o channel ng tagapaghatid ng mensahe, malay man o hindi. Gaya ng kilalang pangungusap na “the medium is the language” ni Mcluhan (1967), maaaring baguhin - pagbutihin o hulawin - ng daluyan ang mensaheng nais iparating. Halimbawa, mas sinsero ang paghingi ng tawad kung ito ay personal na ipararating kaysa ipadadala sa pamamagitan ng text o email. Mahalagang isa-isahin ang mga uri ng komunikasyon at himayin ang mga kalakasan at kahinaan nito sa pamamagitan din ng pagbibigay ng mga halimbawa, upang mapahusay ang pakikipag-ugnay sa kapuwa. Intrapersonal na Komunikasyon Bagama’t madalas na bigyang-kahulugan ang komunikasyon bilang pagpapalitan ng mensahe sa pagitan ng dalawang tao, itinuturing ding halimbawa ng komunikasyon ang intrapersonal na komunikasyon o pakikipag-ugnayan sa sarili sa pamamagitan ng replektibong pag-iisip o internal vocalization (Dance & Larson, 1972). Ito’y isang kognitibong proseso sa loob ng ating sarili. Interpersonal na Komunikasyon Nagaganap naman ang interpersonal na komunikasyon sa pagitan ng dalawa o higit pang tao o pangkat. Ginagamit ang ganitong uri ng komunikasyon upang bumuo, magpanatili, at maging tumapos ng ng ugnayan. Upang matamo ang mataas na kalidad sa pagtatrabaho at pagtatagumpay sa operasyon ng isang tanggapan, ang interpersonal na komunikasyon ay isang napakahalagang kasangkapan. Madalas makikita ang ganitong uri ng komunikasyon sa pagitan ng mag-asawa, dalawang miyembro ng pamilya, magkaibigan, amo at empleyado, at iba pa. Pangkatang Komunikasyon Itinuturing namang pangkatang komunikasyon ang ugnayan sa pagitan tatlo o mahigit pang tao na nagkakatipon-tipon sa isang layunin. Maaaring maganap ang ganitong uri ng komunikasyon sa personal at maging sa iba pang platform (gaya ng group chat sa social media at video conferencing) katulad din ng iba pang uri ng komunikasyon. Madalas na nagaganap ang pangkatang komunikasyon sa mga mag-aaral bilang bahagi ng pagtupad sa mga kahingian ng asignatura gaya ng kolaboratibong pananaliksik na nangangailangan ng pagtalakay at pagpapasiya. Kabilang din dito ang pagpupulong sa barangay o sa munisipyo na naglalayong lutasin ang isang suliranin (gaya ng trapiko), na sinisimulan sa pagbibigay ng mungkahi at pagtatalaga ng mga taong gaganap sa mga tiyak na gawain. Pampublikong Komunikasyon Pinakakinatatakutang uri naman ang pampublikong komunikasyon. Mas nakapokus ito sa mensahero o sa tagapagdala ng mensahe kaysa tagatanggap (na malilit at mahigit sa apat). Ito rin ang pinakamalayunin sa lahat ng.uri ng komunikasyon at madalas itong pormal. Sapagkat ginagamit ito sa akademiya, sa trabaho, maging sa sibika, mahirap iwasan ang paraang ito ng pakikipag- ugnay. Pangmadlang Komunikasyon Tinatawag namang pangmadlang komunikasyon ang paghahatid ng mensahe sa mas malawak na awdyens sa lalong madaling pamamaran at gumagamit ng mass media (telebisyon, radyo, magasin, limbagan, rekording, pelikula, adbertaysing, public relations, at iba pang teknolohiya. Dito, ang publiko ay may pagkakataong maglimi sa mga napakikinggang balita, komentaryo, pananaw ng nagbabalita o brodkaster. Kinukuro ng tagapakinig kung may katotohanan ang binanggit o ibinalita ng tagapagpahayag. Nalalantad at nabubuksan ang mga bagay na maaaring makonsumo, mapakinabangan o mabatid ito may ay sabjek ng batikos, puna, kritisismo ng tagapakinig o publiko na maaaring tanggapin o hindi ng tagapakinig. Multikultural na Komunikasyon Nakasentro ito sa pag-aaral ng dibersidad at kultura na nakaiimpluwensiya sa komunikasyon gayundin sa mga isyung pangkomunikasyon na may relasyon sa iba’t ibang kultura, ethnisidad, lahi, kasarian, relihiyon, edad, socia class, at disabilidad (kapansanan). May mga kosiderasyong dapat isaalang-alang sa isang multikultural na komunikasyon - ang globalisasyon, kultural na adaptasyon, lokalisasyon, marketing research (sa bisnes), at iba pang bagay na kailangang tingnan (gamit ng wika, pagpili at kahulugan ng salita, mga idyoma, jargon, balbal na salitang gagamitin, grapiks at icon na isasama halimbawa, sa komersyal, balita, propaganda, report/ulat o anumang komunikasyo. Kapag maingat na nagamit ang komunikasyon sa iba’t ibang kultura, ang tagumpay ng komunikasyon ay iaasahang mangyayari. Maari nang magkaroon ng gulo kahit sa pagpili pa lang ng ibibigay na nagalan sa produkto at maaari na ang isang salita na piniling gamitin ay may iba o masamang kahulugan. Mga Tiyak na Halimbawa ng Sitwasyong Pangkomunikasyon Pangkatang Komunikasyon Roundtable at Small Group Discussion Ang talakayang roundtable ay maliit na grupo, madalas na sarado, mga pamamaraang sinadya kung saan ang mga kalahok ay may pantay na pagpapalitan ng mga ideya tungkol sa isang ibinigay na paksa. Ang mga talakayang roundtable ay mga maliit na talakayan ng grupo kung saan ang lahat ay may pantay na karapatang lumahok. Ang pamamaraang ito ay maaaring sa katotohanan ay sumasaklaw sa dami ng iba't ibang mga pormat; isa itong porma ng talakayang pang-akademiko, na ginagamit bilang isang pamamaraan para sa pakikipag-ugnayan sa pamayanan at pampubliko at maging sa mga organisasyon at negosyo. Ang mga roundtable ay karaniwang hindi bukas sa mas malawak na publiko, ngunit nagsasangkot ng medyo maliit na bilang ng mga kalahok na tumatalakay sa isang paksa na karaniwang kinilala nang una. Ang pangunahing prinsipyo na sumasailalim sa isang roundtable ay ang lahat ng mga kalahok ay nasa pantay na kalagayan. Ang mga talakayan ng roundtableay naiiba mula sa Magic Roundtable, na isang tiyak na pamamaraan ng sinasadya. Ang entry na ito ay tumutukoy sa mga roundtable sa isang pangkalahatang kahulugan, ang pagpapatupad na kung saan ay magkakaiba sa kasanayan. Ang pangkalahatang layunin ng isang roundtable ay upang magsagawa ng isang malapitang talakayan at paggalugad sa isang tukoy na paksa. Ang isang roundtable, na humahawak sa lahat ng mga kalahok sa pantay na kalagayan, ay naglalayong harapin ang mga isyu sa halip na ang mga tao. Ang indibidwal na layunin ng isang talakayang bilog ay magkakaiba sa kasanayan. Ang mga roundtable ay ginagamit bilang isang off-event, bilang serye, bilang isang kagamitan sa loob ng mas malawak na mga proseso ng pakikiisa, at bilang itinatag na tuloy-tuloy na mga pagpupulong. Habang ang termino ay pinahusay mula sa maalamat na mesa ni Round Arthur kung saan nagtipon ang mga kabalyero, ang roundtable bilang isang pakikipag-ugnay ay medyo kamakailan lamang, na nagmula noong 1980 at lumitaw "sa isang pangangailangan para sa pagbuo ng kasunduan upang makilala ang mga problema at maghanap ng mga solusyon sa relasyon sa pagitan ng pormal na gumagawa ng desisyon (tulad ng mga pamahalaan at hudikatura) at iba pang mga sektor ng lipunan (tulad ng mga pangkat sa kapaligiran, grupo ng komunidad at iba pang mga grupo ng interes)." Gayunpaman, ang mga maalamat na pinagmulan ng roundtable ay may kaugnayan pa rin, dahil ang bilog na hugis ng mesa ay nangangahulugang walang sinuman ang nakatataas, at ang lahat ay nakaupo nang may pantay na katayuan. Ang mga kalahok na demograpiko ay magkakaiba ayon sa layunin at pangangailangan ng pag-aayos. Ang mga roundtable ay madalas na nagsasangkot ng mga stakeholder at mga stakeholder ng organisasyon na inanyayahan ng tagapag-ayos. Hindi sila karaniwang bukas sa publiko (bilang mga tagamasid), bagaman ang mga miyembro ng publiko ay maaaring makilahok. Ang mga kalahok ay karaniwang iniimbitahan ng tagapag-ayos ng ilang linggong mas maaga kaysa sa kaganapan nito. Bigay na ang saklaw ng mga konteksto kung saan ginagamit ang mga roundtable, maaaring isama ng mga kalahok ang stakeholder o mga organisasyon ng komunidad, mga negosyante, empleyado at employer, propesyonal na asosasyon at iba pa. Sa ilang mga kaso, ang mga kalahok ay maaaring ma-recruit sa pamamagitan ng pagsulong at adbertaysing ng kaganapan. Mas malamang dapat na ang mga target na kalahok ay mga miyembro ng publiko, o para sa isang talakayang akademiko. Ang isang paksa para sa isang roundtable ay karaniwang natutukoy nang maaga. Ang pagpili ng paksa at saklaw ay maaaring nakalilito kaya dapat itong matukoy nang malinaw, subalit pahintulutan ang pagkakataon para sa bukas at likas na talakayan - kung hindi man ang pag-uusap ay maaaring matuyo sa panahon ng talakayan. Iminumungkahi ng ilang mga alituntunin ang maagang pagbuo ng isang agenda, ang paghahati ng paksa sa mas maliit na mga lugar para sa isang mas istrukturadong talakayan, o nakatuon sa mga tiyak na layunin tulad ng sa San Francisco Urban-Rural Roundtable. Ang roundtable na talakayan ay isang mahusay na paraan upang mapagsama ang mga tao sa network, makipagtulungan, at lumikha ng mga makabuluhang koneksyon sa pagitan ng mga propesyonal. Ngunit ang pag-host ng isang kaganapang roundtable ay maaaring parang isang napakalaking gawain. Bilang tagaplano ng kaganapan, dapat mong tiyaking ang iyong mga dadalo ay may mga kapaki-pakinabang na pakikipag-uusapt. Ang pag-alam kung paano mapadali ang isang roundtable na talakayan ay susi sa paglikha ng isang nakaaaliw at matagumpay na sesyon. Upang maging maayos ang pangangasiwa ng nasabing gawain, iminumungkahi ang mga sumusunod na mga padron: (1) paglalahad ng layunin ng talakayan; (2) pagpapakilala ng mga kalahok (pangalan at organisasyon); (3) pagtalakay sa paksa; (4) pagbibigay ng opinyon, puna, at mungkahi ng mga kalahok; (5) paglalagom ng mga napag-usapan at napagkasunduan; at (6) pagtukoy ng mga susunod na hakbang. Dapat ding gabayan ng paggalang at respeto sa ideya ng mga kasama ang pagsasagawa ng ganitong mga uri ng pagpupulong, upang maging mas epektibo ang pagdaos nito. Mahalagang maunawaan na sa gawaing ito, pantay-pantay ang pagpapahalaga sa input ng mga kalahok. Upang mapanindigan ang mga napag-usapan ng grupo, mahalagang magtakda rin ng isang tagadokumento na magtatala ng lahat ng napagkasunduan. Maaaring sundin ang pormat sa ibaba para sa pagsulat ng dokumentasyon o katitikan ng pagpupulong: (1) paksa ng pagpupulong; (2) oras at lugar kung saan ginanap ang pagpupulong; (3) mga kalahok; (4) mga mungkahi at komento ng mga kalahok; (5) mga napagkasunduan; at (6) mga susunod na hakbang ng grupo. Maaari ding gamiting istratehiya sa pagdaos ng roundtable at small group discussion ang brainstorming. Nilalayon ng istratehiyang ito na mangalap ng iba’t ibang tugon at mungkahi sa mga kalahok, na malimit ay may iba’t ibang perspektibo hinggil sa paksang pinag-uusapan. Epektibong istratehiya rin ang pagpaskil ng mga katanungan na isa-isang sasagutin ng mga kalahok, gaya ng ginagawa sa isang Focus Group Discussion (FGD). Pampublikong Komunikasyon Lektyur at Seminar Ang lektyur at seminar ay dalawa sa pinakagamit na termino ng mga tagapag-ayos ng pagsasanay. Nakatuon ang mga ito sa maliliit na pagtitipon ng mga kalahok, kadalasang 20 hanggang 70, na naglalayong masinsinang matutuhan ang isang tiyak na paksa. Malimit itong inoorganisa upang pagtibayin ang propesyonalismo ng mga nakikibahagi, at nagtatagal mula isang buong maghapon hanggang pitong araw, depende sa layunin ng pagsasanay. Sa aklat ni Maranan (2018) magkahiwalay na tinalakay ang lektyur at seminar. Ayon sa aklat, ang lektyur ay oral na presentasyon ng mga impormasyon o karunungan na kailangan ng tao para sa isang partikular na paksa o asignatura. Kasama rito ang pagbabahagi ng mga kritikal na impormasyon, kasaysayan, mga teorya, at iba pa. Naniniwala si Bligh (1972) na ang lektyur ay isang paraan ng pagtalakay na ginagawa sa pamamagitan ng walang tigil na pagsasalita ng dalubguro. Higit naman naging detalyado ang depinisyong ibinigay nina Percival at Ellington (1988) sa pagsasabing isa itong pamamaraan ng pagtuturo (didactic instructional method) na kinasasangkutan ng linyar na komunikasyon mula sa aktibong tagapagsalita tungo sa mga pasibong tagatanggap ng impormasyon. May mga adbentahe ang pagsasagawa ng lektyur: (1) madaling pagkakalantad sa mga bagong kagamitan; (2) mataas na antas ng kontrol ng dalubguro sa klase; (3) kahali-halinang pormat na tugma upang pangasiwaan ang isang napakalaking pangkat ng mga tagapakinig o manunuod. Ngunit maaari din namang magdulot ng hindi magandang bentahe katulad ng: (1) paglalagay nito sa mga mag-aaral sa sitwasyon na pasibo ang pamamaraan ng kanilang magiging partisipasyon sa proseso ng komunikasyon; (2) isa lamang ang daluyan ng komunikasyon; at (3) ang pagtalakay ay nakasalalay sa kasanayan o kahusayan ng tagapanayam sa kaniyang isasagawang pagtalakay. Worksyap Ang worksyap ay kinabibilangan ng mga elementong taglay ng isang pantas-aral o seminar, bagama’t ang malaking bahagi nito ay nakapokus sa “hand-on-practice.” Idinisenyo ito upang aktwal na magabayan ng mga tagapagsalita o tagapangasiwa ang mga kalahok sa pagbuo ng inaasahang awput na bahagi ng pagtalakay. Isa itong uri ng interaktibong pagsasanay na kung saan ang mga kalahok ay sumasailalim sa mga gawaing huhubog sa kanilang kasanayan sa halip na ang maging pasibong tagapakinig lamang. Ayon kay Jolles (2005) ang training workshop ay may dalawang anyo: (1) general workshop na kung saan ang gawain ay ibinibigay sa magkaibang kalahok; at ang (2) closed workshop na kung saan ang training ay inihanda batay sa pangangailangan ng ispesipikong pangkat ng tao. Kadalasang nagtatagal ng anim hanggang walong oras sa maghapon o hanggang pitong araw, inoorganisa ang worksyap o palihan nang may tiyak na produkto o awtput na inaasahan mula sa mga kalahok. Iminumungkahi na upang maging produktibo ang worksyap, kailangang limitahan ang dami ng mga kalahok upang humukin ang kolaboratibong paggawa, ngunit kung malaki ang bilang, maaari din namang magkaroon ng mga concurrent break- out sessions upang mas mapadali ang pamamahala sa mga kalahok. Ang pagtuturo ng paggawa ng handicrafts sa isang komunidad upang pasiglahin ang turismo, pagsulat ng ortograpiya ng isang wikang rehiyonal, pagbuo ng manwal sa pagtugon sa mga suliraning kaugnay ng Gender and Development, o maging ng Disater Risk Reduction and Management, at iba pa ay ilan sa mga halimbawa nito. Mayroong tatlong hakbang sa pagbuo ng worksyap at ito ay kinabibilangan ng pagpaplano, paghahanda, at pagpapatupad. Inilalarawan sa bahagi ng pagpaplano ang layuning nais mapagtagumpayan ng magsasagawa ng worksyap katulad ng pagtukoy sa mga dapat na gawin upang magabayan ang mga kalahok sa gawain at ano-ano ang mga inaasahang matutunan nila buhat dito. Maaring isaalang-alang sa pagbuo ng plano ang paksa ng pagtalakay; kalahok; bilang ng kalahok para sa worksyap; oras na laan; mga gawaing nakahanda; mga kagamitan; at presentasyon. Kumbensyon, Kongreso, at Kumperensya Kumbensyon ang pinakamalaking uri ng pagtitipon sa lahat. Ang mga kalahok na inaasahang dadalo sa ganitong uri ng pagtitipon ay may humigit-kumulang 2,000. Malimit na organisasyonal o dili kaya’y politikal ang layon ng isang kumbensyon at inaasahan itong maisagawa sa loob ng dalawa hanggang apat na araw. Ilan sa mga tunguhin nito ang pagtatalaga ng mga miyembro sa isang komite, pagluklok ng kinatawan, pagrenbisa ng konstitusyon ng samahan, o pagdedesisyon sa isang malaking usapin. May mga kumbensyong natatapos sa oath taking o di nama’y pagpapanibago ng pagkakasapi. Malaking pagtitipon naman ang isang kongreso na dinadaluhan ng 300 hanggang 2,000 kalahok at madalas na isinasagawa sa loob ng dalawa hanggang apat na araw. Binubuo ito ng mga plenaryong sesyon at magkakasabay na pulong (concurrent sessions). Gaya ng kumbensyon, may tiyak na grupo ng mga kalahok na tinutudla ang isang kongreso. Layong talakayin at pag-aralan sa kongreso ang isang malaking paksa sa mga plenaryong sesyon na siyang hinihimay sa mga magkakasabay na pulong. Ang pagpaplano sa pagkakaroon ng ng kumperensya ay isang gawaing hindi madaling isakatuparan kung isasaalang-alang ang lawak ng sakop ng pagtalakay sa mga usaping nakapaloob dito bagama’t maaaring pagbatayan ang mga sumusunod sa pagbuo nito: (1) pagpapasya sa tema; (2) pagpapasya sa maaaring makasama sa pangkata; (3) ihanda ang plano para sa badyet at mga gugulin nito; (4) paghahanap ng isponsor na makatutulong sa mga gastusin ng gawain; (5) pagpapasya para sa araw at lugar na pagdarausan, kailangang tiyaking malayo ito sa ingay at sapat ang bentilasyon upang masigurado ang atensyon ng mga makikibahagi; (6) pagpapasya para sa mangangasiwa ng pagkain, mainam na tukuyin ang preperensya ng magsisipagdalo gaya ng sa pagkain at panalangin kung may kalahok na bahagi ng isang tiyak na grupo o relihiyon ; (7) pagpili ng tagapagsalita; (8) pagpapatala o promosyon; at (9) mahalagang isaalang-alang din ang kalusugan at seguridad ng mga kalahok, tiyaking may nakaantabay na medical team na sasaklolo kung sakali mang may mangyari na medical emergency. Sa pagbuo ng kumperensya kakailanganin ang mga makakatulong mula sa pagbuo ng konsepto, logistics, at aktwal na implementasyon ng plano. Kailangan ang mga makakasamang may puso na maisasakatuparan ang mga ispesipikong gawain na nakalaan para sa kaniya. Maaring hatiin ang mga gawain sa mga sumusunod na komite: Komite para sa pagpaplano - sila ang mamamahala sa pagbuo ng konsepto ng kumperensya, pagtukoy ng tema, sa mga tagapagsalita, daloy ng programa, lugar at oras ng gawain; Komite para sa administrasyon - nakaatang sa kanila ang badyet para sa gawain, rehistrasyon, pagbebenta ng tiket, pagtanggap ng mga katanungang may kaugnayan sa gawaing ito; Komite para sa promosyon ng gawain - sa kanila nakasalalay ang pagpapakilala sa publiko ng napakahalagang gawaing ito. Maaaring isaalang-alang ang paggamit ng lahat ng paltaporma ng social media katulad ng facebook, twitter, at iba pa. Maaari ding pag-ibayuhin ang paggamit ng website para dito; Komite para sa mga mamamahala sa isponsor - sila ang mamamahala sa paghahanap ng isponsor na makatutulong upang may mapagkunan ng gagastusin sa mga pangangailangan ng kumperensya; Komite para sa dokumentasyon - sila ang mamamahala sa pagdodokumento ng kumperensya. Kailangang masigurado na ang lahat ng papel o mahahalagang dokumento at mga kaugnay na bagay ay nasa ayos at maaaring balikan kung sakaling may mga isyung lumabas matapos ang implementasyon ng plano. Hindi lamang tumutukoy ang dokumentasyon sa pag-aayos ng mga dokumentong nakalap sa aktwal na araw ng gawain, kasama rin dito ang lahat ng dokumento habang pinaplano ang gawaing ito; Komite para sa ebalwasyon - sila naman ang namamahala sa pagkakaroon ng ebalwasyon pagkatapos ng kumperensya. Mahalaga ang ebalwasyon upang maging pamantayan ng higit na pagpapaunlad para sa susunod pang gawaing kaugnay nito; ang ang Komite para sa seguridad - sila ang mamamahala sa seguridad sa panahon ng kumperensiya. Dahil sa inaasahang dami ng maaaring dumalo, mahalagang isaalang-alang ang seguridad ng bawat isa. Mahalagang magtalaga ng mga security personnel na makatutulong sa pagpapanatili ng seguridad sa lugar na pagdarausan ng kumperensya. Makatutulong din ang karampatang medical personnel na tityak sa kalagayang medikal ng mga dadalo. Napakahalaga ng sistema ng pagbabadyet sa usapin ng pagbubuo ng kumperensya sapagkat dito nakasalalay ang buong implementasyon ng proyekto. Kapag kulang sa badyet, mahihirapan ang komite na isakatuparan ang plano. Maaaring isaalang-alang sa paggawa ng badyet ang lugar na pagdarausan, akomodasyon para sa mga kalahok at mga tagapagsalita, transportasyon, bayad sa tagapagsalita, promosyon, at bayad para sa mga mamamahala. Makatutulong din sa ikapagtatagumpay ng kumperensya ang kakayahan ng pangkat na kumuha ng isponsor para sa nakalaang gawain. Hindi makasasapat sa lahat ng gastusin kung iaasa lamang sa bayad ng mga dadalo ang gagastusin dito. Ang pagpapasya naman sa arawa at lugar na pagdarausan ay mga mahahalagang bagay rin sa larangan ng pagbuo ng gawaing ito. Nararapat lamang isaalang-alang ang (1) pagpili ng petsa na hindi salungat sa iskedyul ng inaasahang mga tagapagsalita at mga posibleng kalahok. Tiyaking walang makasasabay na mahahalagang pagdiriwang sa isang lugar katulad ng festivals. (2) Huwag ilagay sa petsa na kung saan ang mga inaasahang kalahok ay nasa bakasyon. Sa pagpili naman ng lugar, maaaring tingnan ang sukat, lokasyon, kapaligiran, pasilidad, akomodasyon, pagkain, transportasyon, at aspektong teknikal.