You are on page 1of 3

ANG PAGTUTURO AY ISANG BIYAYA

Ni MA. TERESA PADOLINA BARCELO

Kung mayroon man akong isa sa mga ipinagpapasalamat na biyayang dumating sa aking
buhay, iyon ay ang biyayang maging isang guro HIGIT SA PAARALANG NASYONAL NG
ANTIPOLO.  Ito ay sa kadahilanang marami akong karanasang hindi malilimutan dito na
nagbigay-kasiyahan at aral sa akin. 

Ang bawat kuwento, bawat aklat, bawat mag-aaral at kapwa guro ay nagpapaalala sa
akin ng isang maganda at makabuluhang karanasan ko rito. Sa aking karanasan bilang guro ng
dalawampu’t limang taon mahigit (25+ years), ang labinlimang taon rito ay inilaan sa
ANTIPOLO NATIONAL HIGH SCHOOL sa pamumuno o punongguro na si Bb. Melinda D.
Gedang. (Nagsimula ang paglilingkod sa pampublikong paaralan noong ika-1 ng Hulyo, 1994 na
isang aksidente sa dahilang sa simula pa lamang ay ayaw maging lingkuran o pag-ayaw sa mga
sistema, umalis sa pribadong paaralan – Cainta Catholic School/College.)

Isa sa mga biyaya ng pagtuturo ay kung papaano nakakapag-ambag ang aking mga
estudyante sa aking karunungan bilang isang akademiko at kaalaman bilang tao. Kada taon ay
napapansin ko na sa pamamagitan ng mga talakayan sa silid-aralan at sa pakikipagpalitan ko ng
mga kuro-kuro sa kanila sa loob ng klase, maging sa labas ay nabanaagan ko na may mga
mahuhusay sa kanilang mag-isip, magmuni-muni at magpuna—at may mga matalinong ideya
sila na hindi ko napag-isipan.

Hindi ko malilimutan ang pagkatuwa habang narinig ko ang mag-aaral, na unang


nakaranas na makapagsalita o sumagot sa klase ko… bibigkas ng salita, parirala’t, at
pangungusap ng aking mga mag-aaral.  Nararamdaman ko rin ang kaligayahang nababanaag sa
kanilang mga mukha tuwing ipinakikita nila sa akin ang kanilang mga kuwaderno, pagsasanay,
at pagsusulit na kung saan nakasulat ang mga katagang “Magaling!”, “Mahusay!”, “Very Good!”
at “Ikaw na!” katabi ang isang masayang mukha o isang bituin na simbolo ng kanilang
ipinagmamalaking tagumpay. 
Ang husay ni Bb. Gedang na unang nakakita ng aking galing bilang isang lider o
tagapangulo ng Kagawaran ng Filipino sa Antipolo NHS noong taong 1998 ay ipinagpatuloy ni
Gng. Corazon Laserna, na nagpakita rin ng husay bilang isang punongguro. Lalong napanday
ang aking kasanayan hindi lamang maging isang guro kundi isang mahusay na tagapamahala sa
kanyang opisina upang maunawaan ang mundo ng isang pagiging punongguro.
Ngunit walang makakapantay ang mga pagkakataon sa loob ng klasrum na mas
kinakailangan ng pagsisikap dahil sa madalas na pagliban sa klase dahil sa pagdalo ng katakot-
takot na seminar, workshop at maging training ng kurikulum SEDP, NSEC, BEC na naging
RBEC, K TO 12 at ngayon MELC, nasisiyahan pa rin ako na makitang handa pa rin silang
makinig at makipagtulungan.
Hindi nila nalilimot ang madalas kong sabihin, “Hindi sa lahat ng pagkakataon ay
makakukuha tayo ng perpektong puntos. (sa tuwing magbibigay ako ng pagsusulit)  Ang
mahalaga ay malaman natin kung saan tayo nagkamali at handa tayong itama ito.”
Bagaman ako ay isang guro, ako man ay natuto rin sa kanila sa pamamagitan ng kanilang
mga sanaysay/maikling kuwento/tula at iba na sinulat at sa kanilang pag-uulat sa mga iba’t ibang
akdang pampanitikang binabasa at sinusuri.

Bilang isang guro Filipino, maraming bagay ang maituturing kong tumatak na sa aking
puso – mga bagay na siya ring dahilan kung bakit pinahahalagahan at minamahal ko ang mga
gawaing mayroon kami rito.  Isang halimbawa nito ang pagkakataon na makapagbahagi ng
kaalaman at magsilbing gabay sa mga mag-aaral namin na karamihan na rin ay guro na ngayon
at higit sa lahat may mataas na posisyon na rin sa Kagawaran ng Edukasyon …G. ROWEL
PADERNAL, Senior Education Specialists Bureau of Curriculum Instruction and Development
at ang pinakalatest Bb. GIRLIE NOMBRES, Education Program Specialist sa Matematika…at
marami pang guro sa SANGAY NG LUNGSOD NG ANTIPOLO.  
Masarap sa pakiramdam na masaksihan kung paano nahubog ang isang mag-aaral tungo
sa ikauunlad niya at kung paanong sa bawat pagkakamali niya’y may daan ng kawastuhan at sa
bawat pagsubok ay may lugar ng tagumpay. 
Hindi lamang naging bahagi ako ng pag-unlad sa mag-aaral kung saan may isang
estudyanteng inaatasang mag-ulat ng isang tekstong sinulat. Pagkatapos ng ulat ay bigyan ng
estudyante ng praktikal na aplikasyon tungkol sa kung ano mismo ang nangyari sa lipunan na
kanyang ginagalawan at paghahanap ng praktis (pagsasabuhay) para sa kanyang buhay.
Pagkatapos ng ulat ng estudyante ay saka pa lamang ako papasok sa talakayan at bubuohin
(synthesize) ko at bigyang linaw ang mga puntong maaaring nakaligtaan ng estudyante. Ang
pag-uulat ng mga estudyante na inaatang ko sa kanila ay talaga namang napakalaking ambag sa
paglago ng aking kakayanang mag-isip, magbigay-puna, at magmuni-muni pa ng malalim sa
mga puntong akademiko.
Sa pamamagitan ng pakikinig sa aking mga estudyante sa kanilang mga ulat, kuro-kuro,
hinuha at pakikipagpalitang-talakay sa akin ay lalo pang umusbong ang aking pagkakaunawa sa
mga iba’t ibang akdang pampanitikan. Totoo talaga ang kasabihan na sinambit ng isang Sufi-
Sunni na Turkong paham na si Mevlana Jalaluddin Rumi: “The teacher makes the students, but
the students make the teacher just as well”.
Ako ay nagiging estudyante ng aking mg estudyante at tinuruan nila ako ng mga
kaalaman na hindi ko napagtanto noong una. Ang totoong pagtuturo ay hindi lamang nakasalalay
sa pagsisikap ng guro ang pagpapaunawa, kundi nakasalalay din ito sa ambag, kontribusyon at
pakikipagtulungan ng mga estudyante sa guro. Ang pag-uunawa ay isang rasyonal na pangyayari
na kung saan ang guro at mag-aaral ay may sariling bahagi upang makamit o' mangyari ang pag-
uunawa at mapalago pa ito ng lubusan.

Ang rasyonal na galaw ng isang mapagpalayang edukasyon, ang pakikipag-isang loob ng


guro at mag-aaral, at ang pakikipag-talakayang pang-akademiko sa silid at labas ng paaralan ay
nagsisilibing mga malalaking pagkakataon at mahusay na pribilehiyo upang sila na aking mga
mag-aaral at ako na kanilang guro ay pawang umusbong at lumawak ang abot-malay (horizon).

Sa pagbabahaginan (sharing) ng aking mga estudyante sa silid-aralan, ang kanilang mga


malayang talakayan at mga katanungan ay nag-iwan sa akin ng malalim na bakas sa aking
kamalayan (consciousness), alaala (memory), at pagkakilanlan (identity) bilang guro.
Patuloy kong ipagpapasalamat na nabigyan ako ng pagkakataon na magbahagi, matututo,
at sabay na tumuklas sa ganda at yaman ng panitikan at mga kaalamang mayroon tayo.  Hangad
ko na patuloy pang mapuno ang bawat isa ng mas marami pang inspirasyon upang pahalagahan
at tangkilikin ang kagustuhang matuto at pagyamanin ang sariling kaalaman upang yumabong
bilang mahusay na tao.
Ako ay mananatiling guro at nagsusumikap na maging mahusay sa larangan ng buhay ng
guro, kung kaya kahit man lamang sa pagbabahagi kong ito dito sa ANTIPOLO NATIONAL
HIGH SCHOOL nais kong pasalamatan ang aking mga estudyante ngayon at maging mga
estudyante ko sa nakaraan. Maraming maraming salamat sa inyong lahat!

(Isinulat/ibinahagi GNG. MA. TERESA PADOLINA BARCELO/Marso 29, 2021)

You might also like