You are on page 1of 4

Dynamics- MUSIC

WEEK 1
Ang dynamics ay isa sa mga el22emento o sangkap ng musika. Ito ay ang pamamaraan ng madamdaming pagpapahayag sa
pamamagitan ng mga simbolo. Ito ay tumutukoy sa masining na paglakas at paghina ng awit at tugtugin. Maihahalintulad ito sa
perspective at tindi ng kulay sa sining. Ang mahina at magaang tunog ay nagpapahayag ng kapayapaan o pagiging malayo
samantalang ang malakas na tunog ay nagbibigay ng pakiramdam ng kasiglahan, buhay at kabataan. Ang hina at lakas ng tunog na
naririnig ay tinatawag na tindi o intensity.
Ang tindi sa musika ay nababago batay sa nais ipahayag na damdamin ng sumulat ng musika gayundin ng mga bagay na nais
niyang bigyang diin.
Ang iba’t ibang antas ng dynamics sa musika ay maipahihiwatig sa pamamagitan ng mga simbolo na nagsisilbing gabay sa mga
mang-aawit o manunugtog upang lalong mabigyang buhay ang komposisyong musikal.
Ang salitang mahina o malakas ay karaniwang ginagamit upang ilarawan ang dynamics. May mga salitang maaring gamitin
upang ipahayag nang wasto ang tamang antas ng lakas o hina ng isang tunog.

ANTAS NG DYNAMICS
Antas ng Dynamics Simbolo Kahulugan
Pianissimo pp higit na mahina
Piano p mahina
Mezzo Piano mp hindi gaanong mahina
Forte f malakas
Mezzo Forte mf hindi gaanong malakas
Fortissimo ff higit na malakas
Crescendo dahan- dahang paglakas
decrescendo dahan- dahang paghina

Sagutin ang sumusunod na mga katanungan sa iyong kwaderno


1. Ano ang dynamics?
2. Anu-ano ang iba’t ibang antas ng dynamics at mga simbolo ng mga ito?
3. Kapag nakita mo sa isang piyesa ng awitin ang simbolong f, paano mo ito aawitin?
4. Anong simbolo ang gagamitin kung ang isang awit ay inaawit ng mahina?
5. Paano nakatutulong ang dynamics sa pagpapahayag ng damdamin ng isang awitin?

ARTS Mga Kagamitan sa Paggawa ng 3-Dimensyonal Craft (Mobile,Papier Mache, Paper bead
Sa paanong paraan ka makakatulong sa ating kalikasan? Maraming mga gawain ang malaki ang maiaambag sa pagpapabuti at
pagpapanatili ng kalinisan at kagandahan ng ating kalikasan.
Sa araling ito, inaasahan na ang mga bata ay matutukoy at maiisa-isa ang mga kagamitan sa paglikha ng 3-dimensional craft
na mobile, papier mâché at paper beads bilang isang gawain na malaki ang maitutulong sa ating kaliakasan.
Ang mga uri ng sining na katulad nito ay nabibilang sa 3D o three-dimensional art. Ito ay maaaring malaya ng makatayo, may
taas at lapad, may anyong pangharap, tagiliran at likuran. Kinakailangan ang sapat na balanse sa isang 3D art . Ang mga kagamitan
sa paggawa nito ay maaring luwad, kahoy, hibla ng halaman, lumang papel, at iba pa. Ang mga kasanayan at kaalaman sa paggawa
ng mga likhang- sining tulad ng mobile, papier mâché at paper beads at ang pagiging mapamaraan sa paglikha ng mga obra ay
maaring mapakinabangan bilang palamuti sa katawan at kapaligiran. Ito ay maaari ding mapagkakakitaan sa pamamagitan ng
pagbenta dito na lubos na makatutulong sa atin at maging sa pamilya.
Ang paper beads ay isang gawang sining na nagmula sa bansang Inglatera na ginagawang libangan ng mga kababaihan kung
saan ang mga paper beads ay tinutuhog upang gawing palamuti o kurtina na inilalagay sa mga bintana. Sa Pilipinas, nagkaroon na
rin ng industriya ng paggawa ng paper beads. Karaniwan itong ginagamit na pandekorasyon o kaya naman ay kwintas o pulseras .
Ang Papier maché ay salitang Pranses na ang ibig sabihin ay nginuyang papel na gawa mula sa piraso ng mga papel o durog na papel na
binuo sa pamamagitan ng glue, starch o pandikit. Ang bayan ng Paete ay kilala sa taka o papier maché na siyang pangunahing
pinagkakakitaan ng mga mamamayan dito, pangalawa sa pag-uukit.
Ang mobile art ay isang uri ng kenetikong eskultura na kung saan ang mga bagay ay isinasabit sa mga tali, kawad at kabilya upang
malayang makagalaw at makaikot. Ginagamit itong pandekorasyon sa mga tahanan at maging sa paaralan. Halimbawa nito ay parol
at lampara.

Ang pagkamalikhain ng mga Pilipino ay masasalamin sa iba’t - ibang gawang sining na likha na matatagpuan sa ibat-ibang lugar
sa bansa. Ang mga Pilipino ay likas na mahusay sa sining tulad ng paggamit ng kulay, hugis at espasyo. Ang mga disenyong nalilikha
ay nagpapakita ng iba’t-ibang katangian ng mga Pilipino at sumasalamin din ito sa kultura ng lipunang ginagalawan.
Ang paggawa ng paper beads, papier mache at mobile arts ay isang gawaing nakakalibang na maaring pagkakitaan kung gagamitan ng
kaalaman sa paglikha ng mga palamuti.

Mga kagamitan sa paggawa ng paper beads


1. Papel- Magasin, art paper, coloured paper ay maaaring gamitin
2. Lapis- Para sa pagguhit sa korte ng papel
3. Ruler-Para sa pagsususkat
4. Gunting- Para sa paggupit ng mga papel
5. Manipis na kahoy na Dowel- para sa pagrorolyo ng papel
6. Malambot na Brush- para sa pag-aaply ng glue sa papel
7. Glue/Pandikit- para sa pagdidikit –dikit ng mga paper beads
8. Patpat na kahoy-Para sa pagpaptuyo ng beads pagkatapos barnisan
9. Soft Paint Brush- para sa pagpapahid ng barnis
10. Barnis- para magkakulay at hindi kapitan ng dumi
11. Oasis Florist Block- para sa seguridad ng beads

Mga kagamitan sa paggagawa ng papier mache


1. Molde o hulmahan- basehan ng hugis o disenyo ng mabubuong papier mache
2. Glue o harina- ito ang gingamit na pandikit ng mga papel o lumang dyaryo sa molde o hulmahan
3. Dyaryo/Lumang papel- ginagamit na pantapal sa molde o hulmahan upang mabuo ng papier mache
4. Pintura- gingamit sa pangkulay matapos mabuo ang disenyo ng natapos na papier mache

Mga kagamitan sa paggagawa ng mobile arts


1. Rattan hoop, sanga o alambre - dito isinasabit ang mga bagay sa pagbuo ng mobile art
2. Tali o yarn – ito ang ginagamit na pantali sa mga bagay na isasabit upang mabuo ang mobile art
3. Butones, sigay at makukulay na papel- ito ang mga bagay na ikinakabit sa pagbuo ng mobile art

Gawain sa Pagkatuto Bilang 3: Tayo na Gumuhit


Gumuhit ng limang (5) larawan ng mga kagamitan sa pabuo o paggagawa ng paper beads, papier mâché at mobile.
Isulat sa tapat nito kung paano ginagamit. Gawin ito sa iyong kwaderno.

A. Paglalapat (Mungkahing Oras: 10 minuto)


Gawain sa Pagkatuto Bilang 4: Tukuyin natin
Punan ng tamang salita ang patlang upang mabuo ang mga pangungusap sa ibaba. Isulat ang iyong sagot sa kwaderno.
Ang pagkamalikhain ng mga (1) ____________ ay masasalamin sa ibat-ibang gawang sining na likha na
matatagpuan sa ibat-ibang lugar sa bansa. Ang mga Pilipino ay likas na (2)___________ sa sining tulad ng paggamit
ng kulay, (3)_________ at espasyo. Ang mga disenyong nalilikha ay nagpapakita ng ibat-ibang katangian ng mga Pilipino at
sumasalamin din ito sa kultura ng lipunang ginagalawan.
Ang paggawa ng (4)_____________ ay isang gawaing nakakalibang na maaring (5)____________ kung
gagamitan ng kaalaman sa paglikha ng mga palamuti.

PE Philippine Physical Activity Pyramid


Ang mga naunang kwarter ay humihikayat na gamitin ang Philippine Physical Activity Pyramid bilang gabay sa kalusugan at
kaangkupang pisikal. Kung ito ay naisakatuparan ay maaaring makaramdam ng kabutihang dulot sa ating kalusugan. Isa rin sa
mabuting dulot nito ay nalinang ang kagandahang asal at pakikipagkapwa na natutunan sa pamamagitan ng paglahok sa mga
pisikal na aktibidad.
Ang Philippine Physical Activity Pyramid ay nagsisilibing gabay upang makapili ng aktibidad na makatutulong upang makamit ang
iyong layuning pangkalusugan. Kung titingnan ang pyramid, madaling makikita kung aling aktibidad ang kailangang gawin nang
madalas, at aling aktibidad ang kailangang bawasan ng oras.
Ano anong gawain sa Philippine Physical Activity Pyramid ang iyong palaging ginagawa?
Alin ang hindi mo ginagawa?
Ilang beses mo itong ginagawa sa isang linggo?
Bakit mahalagang sundin at gawing gabay sa pang araw-araw na gawin ang PPAP?

Ang mga pang araw-araw na gawain gaya ng paglalakad, pagtulong sa gawaing bahay, at pag-akyat baba sa hagdan ay
nakatutulong sa iyong kalusugan at kakayahang pangkatawan , Lalo na kung sasabayan pa ng mga aktibidad gaya ng biking at
paglahok sa mga isport. Nakatutulong na malinang ng mga health-related at skill-related component ang mga ito. Ang mga
gawaing ito ay nagiging daan upang mas mapaunlad pa ang resistensya ng katawan sa paggawa, mapalakas ang iba’t ibang bahagi
ng katawan, mas mapabuti ang koordinasyon at balanse ng katawan. Ang pagdaloy ng oxygen ang iyong katawan ay magiging mas
maayos, ang iyong postura ay bubuti, ang posibilidad na magkaroon ng sakit sa puso ay mababawasan, at ang iyong timbang ay
magiging tama.
Ito ang dahilan kung bakit mahalagang lumahok sa mga fitness test upang makita at mabantayan ang iyong progreso at
mapabilis ang pagkamit ng iyong layuning pangkalusugan.
Ang balanse ay ang kakayahan ng katawan na panatilihing nasa wastong tikas at kapanatagan habang nakatayo sa isa o
dalawang paa (static balance), kumikilos sa sariling espasyo at patag na lugar (dynamic balance) o sa pag-ikot sa ere (in flight).
Ang mga mananayaw ng ballet o ballerina ay kabilang sa mga nagtataglay ng husay sa pagbalanse. Kagaya ng gymnast na
tumutulay para mapaunlad ang kakayahan ng katawan at makagawa ng mga bagay nang may kahusayan.

Narito pa ang iba’t ibang kasanayan o gawain para maipakita ang pagbabalanse ng katawan.
Dalawang braso, isang hita Isang braso, dalawang hita

Pagtayo sa isang paa na nakataas ang


dalawang braso pantay ang balikat

Ang koordinasyon ay ang kakayahan ng iba’t ibang bahagi ng katawan na kumilos ng sabay-sabay na parang iisa nang walang
kalituhan.
Ang mga sumusunod ay mga iba’t ibang gawaing pisikal na nalilinang na maaaring makuha sa isports, paglalaro, sa mga
gawaing bahay, pagsasayaw at iba pa upang mapanatili ang kalusugan ng bawat isa.
Cardiovascular Endurance (Katatagan ng puso at baga) – kakayahang makagawa ng pangmatagalang gawain na gumagamit ng
malakihang mga galaw sa katamtaman hanggang mataas na antas ng paggawa
Ang isang halimbawa nito ay ang Three-minute Step Test. Ang normal o karaniwang heart rate ng mga batang anim hanggang
12 taong gulang ay 70 hanggang 129 na tibok kada minuto.
Bakit mahalaga na malaman ang katatagan ng ating puso?
Muscular Endurance (Katatagan ng kalamnan) – kakayahan ng mga kalamnan (muscles) na matagalan ang paulit-ulit at
mahabang paggawa.
Ang partial curl-up test ay mainam sa paglinang nito. Mas maraming beses nagagawa ito sa loob ng isang minuto, mas mataas
ang muscular endurance.
Muscular Strength (Lakas ng kalamnan) – kakayahan ng kalamnan (muscles) na makapagpalabas ng puwersa sa isang beses na
buhos ng lakas
Ang isang halimbawa nito ay ang pagsasagawa ng basic plank test. Bagama’t pangunahing pinalalakas nito ang mga abdominal
muscle nakatutulong din itong palakasin ang mga muscle sa itaas at iba pang bahagi ng katawan.
Ano ang kahalagahan ng pagsasagawa ng ganitong gawain?
Flexibility (Kahutukan) – kakayahang makaabot ng isang bagay nang malaya sa pamamagitan ng pag-unat ng kalamnan at
kasu-kasuan
Maliban sa sit and reach, isa pang pagsubok na maaaring gamitin dito ay ang Shoulder Stretch o Zipper Test.
Dito sinusukat ang flexibility ng mga balikat habang inaabot ang likod.
Ano ang layunin ng gawaing ito at paano ito makatutulong sa ating kalusugan?
Body Composition – dami ng taba at parte na walang taba (kalamnan, buto, at tubig) sa katawan. Ito ay nasusubok sa
pamamagitan ng pagkuha ng Body Mass Index (BMI). Ang formula dito ay:

Weight (Timbang sa kilo) = Body Mass Index (BMI)


Height² (Tangkad sa Metro²)

Philippine Physical Activity Pyramid

Ang Philippine Activity Pyramid ay isang representasyon ng mga pang araw-araw na gawin. Nagsisilbi itong gabay sa pagpili ng
mga aktibidad na naaayon sa iyong pangangailangan. Mahalagang matukoy ang mga aktibidad na makatutulong upang makamit ang
iyong layuning pangkalusugan. Mahalagang makita at mabantayan ang iyong progreso. Nakatutulong ang fitness test sa pagtukoy ng
iyong kalakasan at kahinaan.
Gawain sa Pagkatuto Bilang 1
Panuto: Isulat ang T kung totoo at H kung hindi ang bawat pangungusap. Isulat ito sa isang malinis na papel.
_____1. Nalilinang ang cardiovascular endurance kung ikaw ay tatakbo.
_____2. Mas maraming oras ang dapat gugulin sa panonood ng tv at paglalaro ng computer games.
_____3. Ang mga aktibidad sa ibabang bahagi ng pyramid ay kailangang gawin nang madalas.
_____4. Makikita natin ang progreso ng ating pagkamit sa layuning pangkalusugan sa pamamagitan ng
paglahok sa mga fitness test.
_____5. Ang mga aktibidad gaya ng paglilinis ng bahay ay kailangang gawin isang beses sa isang lingo.

HEALTH- Layunin ng pangunang lunas

Ang pangunang lunas ay may mahalagang papel na ginagampanan sa kaligtasan ng isang tao likha ng aksidente o anupamang di
magandang sirkumstansya. Ito ay ang pagbibigay ng pangunahing tulong at panganaglaga sa taong napinsala ng sakuna at
karamdaman habang hinihintay ang pagdating ng doctor. Ito ay isa ring malaking tulong na pampakalma at pampabawas sa kirot na
nararamdaman sa pinsalang tinamo ng isang tao. Ang pangunang lunas ay napakahalaga upang mapatagal ang buhay ng isang tao.
Sa pagbibigay ng pangunang lunas sa mga nasugatan, nakagat ng hayop o insekto, napaso, nagtamo ng sunog sa katawan, o
nalason ng kinaing pagkain, naiibsan ang kirot o sakit na nararamdaman habang hinihintay ang pagkalinga ng propesyonal . Ang
mga may malay na mga tao ay makapagpapanatili ng pagkabukas ng sarili nilang daanan ng hininga subalit ang mga walang malay
ay walang kakayahang panatilihin ito, at nararapat lamang na walang balakid o hadlang sa dadaanan ng hangin sa pamamagitan ng
ilong at bibig. Maiiwasan ang dagdag pinsala kung ang taong tutulong o maglalapat ng pangunang lunas o first aid ay may sapat na
kaalaman at sumailalim sa isang aralin.
Ang sakuna ay di inaasahang pangyayari. Hindi natin kayang masabi kung saan o kailan ito mangyayari, gayundin ang biglaang
karamdaman. Napakahalaga ng may kaalaman sa pangunang lunas upang handa sa anumang uri ng pangyayari.
Ang tatlong pangunahing mga layunin ng paunang tulong-panlunas, na mas kilala bilang 3P (tatlong P)
ay ang mga sumusunod:
1. Pagpapanatili ng buhay (Ingles: Preserve life)
2. Pag-iwas mula sa pagkakaroon ng mga dagdag na pinsala o pag-iwas sa paglala ng kapinsalaan o karamdaman
(Ingles: Prevent further injury or illness)
3. Pagtataguyod sa paggaling (Ingles: Promote recovery)

Gawain sa Pagkatuto Bilang 1:


Isulat ang tama kung wasto ang isinasaad na paliwanag ng bawat pangungusap at mali kung hindi.
_______ 1. Ang pangunang lunas ay napakahalaga sapagkat nakakapagpanatili o nakapagpapatagal ito ng buhay ng isang tao.
_______2. Naiiwasan ng pangunang lunas ang paglala o paglubha ng mga pinsalang natamo o
naramdaman.
_______ 3. Ang pangunang lunas ang dahilan kung bakit nadaragdagan ang kirot o sakit na nararamdaman
ng taong napinsala.
_______ 4. Ang pangunang lunas ay hindi nakapagpapatagal ng buhay ng isang tao.
_______ 5. Ang mga taong magbibigay ng pangunang lunas ay may sapat na kaalaman at kasanayan.

You might also like