You are on page 1of 8

MGA KAMALIAN NA BUNGA NG DI-MAKABULUHANG KATIBAYAN

ni: Severo L. Brillantes

1. Halimbawa

Noong nakaraang halalan, inyong binoto si Mr. Santos, dahil alam ninyong masigasig niyang
nilabanan at sinalungat ang mga katiwalian ng inyong Alkalde. Ngunit ngayong siya na ang nasa
pwesto, wala naman siyang ginawa kundi gamitin ang kanyang kapangyarihan upang
magpayaman lang. Nalinlang kayo niya. Nabatid ninyo batay sa karanasang iyan, na ang
pagsalungat sa kasalukuyang pamahalaan ay di sapat na batayan na siya ay may dalisay na
layuning maglingkod sa bayan. Kayo ay nabiktima ng isang kamalian (fallacy) o
pangangatwirang mapanlinlang.

2. Kahulugan ng pangangatwirang mapanlinlang

Nalilinlang tayo ng ilang pangangatwiran dahil ang katibayan nila ay mukhang totoo, ngunit sa
katunayan ay hindi naman totoo o kaya ang pangangatwiran nila ay mukhang wasto ngunit sa
katunayan ay hindi talaga wasto.

Ang tawag sa gayong mga pangangatwiran ay kamalian (fallacies): mga pangangatwirang


mapanlinlang. Maaring tayo mismo ay gumamit din ng isang kamalian bagaman marahil hindi
natin iyon namamalayan. Ang mga ganoong pangangatwiran na hindi naman natin intensyong
makapanlinlang ay tinatawag na paralohismo. Ngunit may ilang mga tao sa ating lipunan na
sadyang gumamit ng ganoong mga pangangatwiran. Malinaw na ang nais nila ay makapanloko.
Ang mga mapanlinlang na pangangatwiran na ginagamit nang sadya ay tinatawag na sopismo,
hango sa mga Sopista ng Sinaunang Gresya.

Ang mga Sopista ay mga guro ng sining ng pakikipagtalo. Ngunit di tulad ng mga Pilosopo na
ang layunin ay ang matamo ang katotohanan, ang kanilang layunin ay tagumpay sa pagtatalo.
Kaya, kahit ang kanilang paninindigan sa isang usapin ay kabulaanan, ipagpipilitan pa rin nila
iyong pangatwiranan. Malinaw na iyon ay magagawa lamang nila sa pamamagitan ng mga
pangangatwirang mapanlinlang. Sino ang mga Sopista ng ating kapanahunan, na malisyosong
pinagsasamantalahan ang damdamin ng mga mamamayan, na di man lang nababagabag ng
kanilang mga budhi sa kanilang walang tigil na pagkakalat ng kasinungalingan at mga pekeng
balita sa ating lipunan?

3. halaga sa pag-aaral

Araw-araw ay binobomba tayo ng mga pangangatwirang mapanlinlang sa ating mga


napapanood, naririnig o nababasa. Kung nais nating maiwasang malinlang, kailangang alam
natin ang kanilang mga kaparaanan. Kailangang mailantad natin ang kanilang mga taktika sa

1
panloloko nang di tayo mabilang sa kanilang mga biktima. Hangad ng mga manggagamot ang
kalusugan, kaya patuloy nilang pinag-aaralan ang mga karamdaman. Hangad naman natin ang
katotohanan, kaya dapat patuloy din nating pag-aralan ang mga pangangatwirang mapanlinlang.

Tinatawag natin na ang ating pamahalaan ay isang demokrasya. Ngunit ang sambayanan nga ba
talaga ang nagpapasya? Maaari kaya na ang tunay na nananaig ay ang pasya ng iilan lamang?
Kung ang bayan ang nagpapasya, bakit nananatili silang mahirap? Kung sila ang tunay na
humuhubog ng kanilang kinabukasan, bakit di nagbabago ang kanilang kalagayan? Maaari
kayang naalipin ang kanilang isipan, na sila ay nalinlang? Panghawakan natin ang ating buhay.
Tayo mismo ang sumulat ng ating kasaysayan. Ibunyag nating ang mga panloloko ng iilan, nang
ang tunay nating mga adhikain ay magkaroon ng kaganapan.

4. Mga kamaliang bunga ng di-makabuluhang katibayan (Fallacies of Irrelevant


Evidence)

Bilang pagtatanggol sa nasasakdal, ang isang abogado ay nangatwiran ng ganito: paano


magiging mamamatay-tao si Juana, gayong alam naman ng nakararami na siya ay isang babaeng
madasalin at maawain sa kapwa? Kung siya ay mabilanggo, sino ang magpapakain sa kaawa-
awa niyang mga anak? Ito ay isang halimbawa ng isang kamaliang bunga ng di-
makabuluhang katibayan: pangangatwirang gumagamit ng mga katibayang walang
kaugnayan sa pinag-uusapan. Sa halip na patunayan ang dapat patunayan, na sa ating
halimbawa ay ang kawalan ng kasalanan ni Juana, ang pinatunayan dito ay mga bagay na malayo
o walang kaugnayan sa pinag-uusapan. Hindi naman pinag-uusapan dito kung si Juana ay
madasalin o hindi, kundi kung siya nga ba ay pumatay o hindi.

a. Dahilan bakit gumagamit ng ganitong kamalian

Ang taong walang maikatwiran o dahop sa katibayan, iniiba ang usapan o lumilihis sa paksang
pinagtatalunan. Inililigaw ang ating atensyon palayo sa tunay na pinagtatalunan tungo sa mga
bagay na walang kinalaman o kaugnayan dito. Walang pinag-iba ito sa mga kriminal tulad ng
mga myembro ng Kalansing Gang, na maghuhulog ng barya para mabaling doon ang ating
pansin, habang tayo naman ay kanilang ninanakawan. Tulad sila ng mga pusit na magbubuga ng
kanilang itim na tinta upang maging malabo na ang pinag-uusapan habang kanilang isinasagawa
ang pagtakas sa tunay na pinagtatalunan.

Tulad sila ng mga tagapagtanggol ng pamahalaan na sadyang iniiba ang usapan upang ilayo ang
atensyon ng ating mga mamamayan sa mga kapalpakan, kapabayaan at pagmamalabis ng mga
nasa katungkulan at sa kanilang malinaw na pananagutan sa lumalalang mga suliranin ng ating
bayan tulad na lamang ng kriminalidad sa ating mga lansangan, katiwalian sa pamahalaan,
pagnanakaw sa kaban ng bayan at tumitinding kahirapan ng ating mga mamamayan.

b. Kailan tayo malilinlang

Tayo ay malilinlang kung di natin mapapansin na iba na pala ang ating pinagtatalunan at malayo
na sa talagang pinag-uusapan. Kaya dapat malinaw sa atin ang tunay na pinagtatalunan at huwag
mawawaglit ang ating atensyon dito. Pag iniba ang usapan, huwag patulan, kasi pag pinatulan

2
natin, doon tayo malilinlang. Sa halip, ipamukha natin sa kanya na bistado na natin ang tunay
niyang hangarin dahil ang kanyang sinabi ay walang kaugnayan sa inyong pinagtatalunan, kaya
huwag niya dapat ibahin ang usapan.

Simple lang ang dapat nating itugon: Huwag ninyong ibahin ang usapan. Hindi naman pinag-
uusapan dito kung ________, kundi kung ________________”.

1) Argumentum ad hominem

Bilang sagot sa bintang ng oposisyon na may mga paglabag sa mga karapatang pantao sa ilalim
ng kasalukuyang administrasyon, ang isang opisyal ng pamahalaan ay nagbigay ng ganitong
katugunan: ang mga bintang nila ay may amoy politika. Walang duda na sila ay naghahanda
lamang para sa susunod na halalan. Noong sila ang nasa kapangyarihan, narinig ba natin ang
kanilang pagtutol sa malaganap na paglabag sa karapatan ng mga tao noon?

Ang pagtatanggol na ginawa ng opisyal ng pamahalaan na iyon ay lumihis sa usaping


pinagtatalunan. Hindi pinagtatalunan rito kung ang oposisyon ba ay naghahanda sa susunod na
halalan o kung sila ay hindi tumutol sa mga paglabag ng mga karapatan ng tao noong sila pa ang
nasa kapangyarihan kundi kung sa ilalim ng kasalukuyang pamahalaan ay magroong mga
paglabag sa karapatan o wala. Ito ay isang halimbawa ng argumentum ad hominem: ang pag-
atake sa pagkatao ng katunggali sa isang pagtatalo sa halip na atakihin ang kanyang sinabi upang
ipakita na kabulaanan ang kanyang sinabi. Layon ng ganitong pangangatwiran na sirain ang
kredibilidad ng katunggali, upang bigyang alinlangan ang katotohahan ng kanyang sinabi. Kahit
ipagpalagay nating totoo ang mga pagtuligsa sa pagkatao ng katunggali, hindi nangangahulugang
kabulaanan na ang kanyang sinabi sa kadahilanang wala namang kinalaman ang kanyang
pagkatao sa kanilang pinagtatalunan. Sa isang pagtatalo, ang dapat atakihin ay ang ipinahayag ng
kausap at hindi kung sino o ano siya.

Ang pag-atake sa pagkatao ng katunggali ay makatwiran datapuwat kung ang pagkatao mismo
ng katunggali ang paksa ng pagtatalo. Halimbawa, maaari nating pag-alinlangangn ang
katotohanan ng sinabi ng isang tao kung pinagtatalunan kung siya ba ay nagsisinungaling o kaya
kung siya nga ba ay may kakayahang alamin ang kanyang ipinahayag. Magagawa lamang natin
iyon kung may sapat na batayan tayo na nagpapahiwatig na siya nga ay nagsisinungaling o kaya
ay may depekto ang kakayahan niyang umalam sa kanyang ipinahayag.

2) Argumentum ad baculum

“Kung hindi kayo papayag na makipag-usap sa amin sa Jeddah, sisiumulan na namin ang
digmaan”. Ito ang minsang ikinatwiran na kinatawan ng isang rebeldeng pangkatin sa
pamahalaan. Ito ay halimbawa na argumentum ad baculum. Sa halip na mangatwiran, iniiba ang
usapan at nananakot na lamang. Hindi naman pinag-uusapan dito kung takot nga ba ang
pamahalaan sa digmaan, kundi kung dapat nga bang ang pag-uusap hinggil sa isang katutubong
suliranin ay ganapin sa ibang bansa. Bilang pagtatanggol sa digma ng pamahalaan laban sa ilegal
na droga, ito ang winika ng isang tao, “Sana di ma rape o mapatay ang anak mo ng drug addict”.
Ang kaya lang nilang gawin ay ibahin ang usapan, pukawin ang takot sa ating puso. Kapag

3
napukaw na ang takot sa ating puso, di na tayo makapag-iisip ng matuwid. Doon tayo
malilinlang.

3) Argumentum ad misericordiam

Ayon naman sa isang mag-aaral na nanganganib na lumagpak, “Sir, kung hindi ninyo ako
ipapasa, hindi na ako paaaralin ng aking mga magulang.” Ito ay isang halimbawa ng
argumentum ad misericordiam, ang pagmamakaawa sa halip na pagbibigay ng katwiran,
upang mapasang-ayon ang isang kausap. Dahil wala talagang maikatwiran ang mag-aaral na ito
upang ipakitang karapat-dapat siyang pumasa, ang tangi niyang ginagawa ay pukawin ang awa
ng kanyang guro upang ito ay pumayag na sa kanyang sinasabi o hinihiling. Bagaman siya nga
ay nakakaawa, di naman pinag-uusapan dito kung siya ay nakakaawa o hindi, kundi kung
karapat-dapat nga ba siyang pumasa o hindi.

4) Argumentum ad populum

Malamang na maakit ang isang babae sa patalastas na ito, “ang sabong ito ay magbibigay sa inyo
ng bangong kaakit-akit at magpapakinis sa inyong balat.” Walang katibayan ang ibinigay upang
suportahan ang di-umanong mga katangian ng naturang sabon. Datapuwat, ang ilang mga babae
ay maaakit na bumili ng nasabing sabo, sa kadahilanang napukaw ng patalastas ang isang
popular nilang damdamin: ang pagnanais nilang gumanda.

Argumentum ad populum ang tawag sa mapanlinlang na pangangatwirang ito. Sa ganitong


pangangatwiran, sa halip na magharap ng katibayan, upang mapasang-ayon ang kausap,
pinupukaw na lamang ang kanyang damdaming popular o kanyang mga pagkiling at paunang
hatol (biases and prejudices). Dahil ang ilang pahayag ay umayon sa kanilang nais marinig,
handa na ang kanilang isipan at puso upang tanggapin ang isang pahayag bagaman wala talagang
katibayan ang ibinigay bilang suporta rito.

5) argumentum ad verecundiam

May isang Katoliko na nangatwiran ng ganito, “Huwag kang gumamit ng pildoras bilang paraan
ng pagpaplano ng pamilya. Iyan ay masama sa iyong kalusugan, ayon sa aming Obispo.” Ang
ganitong pangangatwiran ay tinatawag na argumentum ad verecundiam: ang pagbanggit sa
pahayag ng isang diumanong dalubhasa tungkol sa isang usaping labas naman sa kanyang
kadalubhasaan bilang patunay na totoo ang isang paninindigan. Dahil sa ating paghanga at
paggalang sa isang tao, nakakalimutan na nating suriin kung totoo nga ang kanyang sinabi o
hindi.

6) Argumentum ad ignorantiam

Totoo bang ang saksi ay pinatay? ‘Patunayan ninyo na siya ay patay na’, ang sabi ng
manananggol ng nasasakdal. Dahil hindi ninyo mapatunayan ang inyong paratang, ginoong taga-
usig, ang saksi ay buhay pa at maaaring nagtatago lamang. Kung gayon, walang batayang
sabihin na siya ay pinatay upang pagtakpan ang pagkakasala ng nasasakdal. Isang argumentum
ad ignorantiam ang kamalian sa pangangatwirang ito. Ito ay ang paghatol na ang isang pahayag

4
ay totoo dahil hindi ito napatunayang kabulaanan o na ang pahayag ay kabulaanan dahil hindi ito
napatunayang totoo.

BASAHIN (buksan din ang FB na nandyan):


https://abogado.com.ph/wala-sa-followers-yan-litigation-abogado-slams-mocha-uson/
PAGSASANAY: Sabihin kung anong kamalian mayroon sa mga sumusunod na
pangangatwiran. Ibigay ang kahulugan nila at ipaliwanag kung bakit ang kanilang
pangangatwiran ay mapanlinlang.

1. Kapag ako ay nahalal, mawawala ang kriminalidad sa bayang ito. Ang mga bata
ay di na magpapalaboylaboy sa mga lansangan, dahil tutustusan ko ang kanilang pag-aaral: ang
mga nasa gulang na naman ay bibigyan ko ng hanap-buhay.

2. Anong halaga ng iyong mga kritisismo ng aking mga patakaran, ikaw ba ay may
karanasan na na maging isang administrador ng isang paaralan?

3. Magplano ng pamilya, gumamit ng pildoras, condom at iba pang mga


pamamaraang ipinapayo ni Senador Joseph Estrada.

4. Di ako ang kumuha ng iyong bag. Wala namang nakakita na ginawa ko iyon.

5. Kung ayaw mong sumunod sa aking ipinaguutos, lumayas ka na at magbitiw sa


iyong tungkulin bilang sekreterya ko.

6. Huwag mo ba akong isumbong sa ginawa kong pandaraya sa mga bumibili sa


aking tinda. Kailangang-kailangan ko lang ngayon talaga ng pera.

7. Sinisiraan lang tayo ng manunulat na iyan, dahil hindi natin inilimbag sa ating
pahayagan ang kanyang artikulo.

8. Kung gusto mong ikaw ay aking pautangin, bilhin mo muna ang aking mga
paninda.

PAGMUMUNI-MUNI:

Paulit ulit ko pong sasabihin na maling akalain na si Duterte ay baliw at ang kailangan niya ay
isang manggagamot sa kanyang karamdaman. Malinaw ang kanyang masamang hangarin sa
walang tigil niyang pag-atake sa ating mga Katoliko: ang ibahin ang usapan at ilayo ang
atensyon ng ating mga mamamayan sa mga kapalpakan, kapabayaan at pagmamalabis ng
kanyang pamahalaan at kung gayon ang kanyang malinaw na pananagutan sa lumalala pa ring
kriminalidad sa ating mga lansangan, katiwalian sa pamahalaan, pagnanakaw sa kaban ng bayan
at tumitinding kaharapan ng ating mga mamamayan. Walang pinag-iba ang kanyang ginagawa sa
mga kriminal na naghuhulog ng kaunting barya, para mabaling doon ang ating pansin, habang
tayo naman ay kanilang ninanakawan. Huwag tayo paloloko at ipabatid sa kanya na bistado na
natin siya sa tunay niyang adyenda at ang isang mulat at naninindigang sambayanan ay handa
nang pananagutin siya sa kanyang mga kasalanan sa bayan (November 30, 2018).

5
6
7
8

You might also like