You are on page 1of 1

Nationwide Tree Planting, Yes na Yes sa YES-O ng SCMES!

Disyembre 06, 2024- Agarang tumugon ang mga mag-aaral at mga kaguruan ng
Mababang Paaralan ng Sta. Catalina Matanda sa paanyaya ng Deped na makilahok sa
proyektong “236,000 Trees- A Christmas Gift for the Children”. Isa ang Sta. Catalina
Matanda Elementary School sa 47,678 pampublikong paaralan sa buong bansa na
nakilahok sa nasabing proyekto.
Inilaan ng mga guro at mag-aaral ang kanilang buong araw upang makapagtanim sa
bakuran ng kanilang paaralan at sa ilang mga lugar malapit dito. Ito ay pinangunahan ng
mga YES-O Club Officers at kanilang gurong tagapayo. Ang mga punong itinanim ay
handog ng bawat isang mag-aaral upang mapunuan ang bilang ng dami ng puno na
kanilang itatanim. Nakapangalap sila ng mga punong namumunga tulad ng mangga,
papaya, duhat, santol, guyabano, avocado at marami pang iba. Nakapagdala rin ang ilan ng
mga punong halaman at punong kahoy tulad ng Mahogany at Narra.
Layunin ng proyektong ito ng Deped na maitaguyod ang pagtatanim at
pangangalaga sa kapaligiran para sa mga batang Pilipino sa mga susunod pang taon. Nais
ng kagawaran na maisapuso at maisagawa ng mga kabataan ang pagpapahalaga sa
kapaligiran upang mapanatili ang kalinisan at angking ganda nito. Mababasa sa DepEd
Memorandum No. 069, s.2023 na mahigit sa 236,000 na puno ang sabay sabay na itatanim
sa bawat bahagi ng bansa. Ang hakbang na ito na ginawa ng Deped ay nagsisilbi ring
regalo para sa lahat upang matiyak ang maayos at magandang kapaligiran para sa mga
susunod pang henerasyon ng mga kabataan.
Naniniwala ang mga bata at mga gurong nagtanim na pagkalipas ng maraming taon,
ang mga punong kanilang itinanim ay kanilang aanihin at mapakikinabangan.

You might also like