Professional Documents
Culture Documents
Sa tuwing tinatanong ako kung bakit ako nagsusulat, lagi akong nauumid at
napapatunganga. Wala akong nakahandang maikling sagot para sa mga ganitong maiikling
tanong. Sa huli, nilulunok ko na lamang ang mga salita at nakokontentong magmukhang
tanga. Kaysa magmukhang hambog na nagpapaliwanag ng sariling akda.
Sa lahat ng ito, kaagad kong napagtanto na mahirap magsulat nang may mabigat na
bagahe ng kritikal na mga teorya. Naghahamon pa lang ng suntukan, bumabanat ka na.
Natutukan ka pa lang ng baril, sumasalag ka na ng bala. Kahit anong isulat kong tula, para
lagi akong nakikidigma.
Noong makalaunan, natagpuan ko, kahit paano, ang landas ng aking pag-aaral, sa
parehong kritisismo at malikhaing pagsulat. Napapadalas ang mga papel-pagsusuri ko ukol
sa paghuhugpong ng ideya ng rebolusyon at pagnanasa/pag-ibig. Sa bahagi naman ng
aking tula, napansin kong dumarami ang aking tulang napapatungkol sa pag-ibig, at ang
partikular na lunan nito sa katawan. Mula rito, ninais kong lumikha ng kartograpiya ng
pandamdam at salita sa masalimuot na lunduyan ng katawan. Nais kong pag-aralan ang
katawan, bilang materyal at konseptuwal na lunan ng diskurso ng pag-ibig at pakikibaka.
Nagbunga ang proyektong ito ng aking kilometro zero ng aking diskurso at poetika: ang
aking unang corpus, ang labinlimang tulang nagnais makarating hindi lamang sa rotonda ng
teorya at tula, kundi sa mas masalimuot na sangandaan ng pag-ibig/pagnanasa at
pakikibaka. Ang sumunod na koleksyon ay mas ambisyoso, sapagkat pinilit kong umakda
ng dalawang tinig, nagsasalimbayan at nangungusap ngunit nagmumula sa magkabilang-
panig ng digmaan: guerra cantos o ang mga awit-pag-ibig sa gitna ng digma. Dito’y hindi
lamang ang katawan ang aking pinagsabong, kundi ang iba’t ibang uri ng pag-ibig at
pananalig ng isang pari at isang gerilya. Hinayaan kong mamulaklak ang kontradiksyon sa
pagitan ng dalawa, magliwanag at matupok ang mga salita, hanggang umuwi sila sa kani-
kanilang silid o lungga, katawan sa katawan sa kani-kanilang teritoryo at pakikibaka.
Ang unang dalawang koleksyon na ito ang bumuo sa aking unang aklat, na pinangalanan
ko ring corpus, sapagkat sa maraming kadahilanan, ang kalipunan ng mga tulang naririto ay
nagtatagpo sa iisang lunan: sa iisang katawan sa interseksyon ng iba’t ibang giyera: wika
laban sa wika; katawan versus katawan; sa maraming digmang ibinubunsod ng iba’t iba’t uri
ng pag-ibig, pakikibaka, at pananampalataya. Ang mga tula sa koleksyong ito ay ang aking
paraan upang subuking hulmahin ang materyalidad at korporealidad sa mga tunggaliang
ito.
Sa aking susunod na proyekto, iinisip kong palabasin na ang tinig labas sa bunganga (na
madalas kong metapora), at malayo sa sentro-de-grabedad ng aking sariling pagtula: ang
katawan. Subukang paglakarin sa lansangan, iligaw sa kiwal ng mga kalye at dilim ng
eskinita. Iniisip kong subukin ang tindi ng pusok, tibay ng pananalig at talim ng pag-ibig ng
aking tinig sa harap ng kamatayan at panganib.
Katulad ng una kong mga koleksyon, tungkol pa rin ito sa katawan at nasa, ngunit kaiba sa
mga ito, gustong tulaan ang mga kasalanan ng pananalig: ang mga bagay na kayang
bitawan para sa kinapitang pananampalataya, ang hangganang kayang itulak ng pusok at
ligalig, ang mga kabayaran ng ating mga kapusukan at ang araw-araw na pag-absuwelto sa
sarili, gabi-gabi sa loob ng silid, sa ating mga karuwagan. Iniisip kong tulaan at ang mga
krimen ng pusok (crimes of passion) at buksan ito sa marami nitong pagpapakahulugan sa
pang-araw-araw na danas sa siyudad:
Ang sala ng pusok, sinala sa init, sinala sa lamig, krimen na binawal ngunit nagawa sa lungsod,
krimen ng pakikibaka at pakikitunggali, krimen ng sikretong nabunyag ng dugo ngunit naibaon muli
sa libing, krimeng kayang patawarin, krimen walang kapatawaran, krimeng tinimbang ng awa,
krimeng tinimbang ngunit kulang, krimen ng dahilan, krimen ng puso at krimen ng katawan.
—
Binabalik ko ang alaalang ito sa pagsusulat ng naiisip kong mga susunod na akda. Iniisip
ko, higit na mas malapit na sa akin ang panganib at kamatayan. Pinatay ang isa sa mga
matatalik kong kaibigan, sinakal sa loob ng kanyang sasakyan. Sinasagasaan ang isa ko
pang kaibigan habang tumatawid sa Ortigas at kahawak-kamay ang sinisikreto nyang
kasintahan. Ang isa ko naming gerilyang kaibigan, nakatakas nga sa engkuwentro laban sa
kalaban, ay naglangib ang sugat mula sa bala sa paa habang tumatawid sa di-alam na
bahagi ng kabundukan. Wala sa kanila ang minasaker. Wala rin sa kanila ang biktima ng
crime of passion. Ngunit inisip ko, biktima sila ng kani-kanilang bersyon ng pag-ibig.
Maraming uri ng krimen na kayang gawin sa ngalan ng kung anu-anong uri ng pusok. At sa
lahat ng krimen, ang krimen ng passion o ang pusok ang naglalaro sa hangganan ng
kastigo sa absuwelto, ng kasalanan sa awa, ng pusok sa puso. Sa pasion ni Kristo,
kastigasyon ang hinarap para maabsuwelto ang mundo. Sa dinami-rami ng mga
nagpakamatay at pumapatay sa iba’t ibang uri ng digmaan sa kasaysayan, inaabsuwelto
sila ng kanilang pag-ibig at paniniwala. At sa dinami-rami ng mga pinagbabawal, lahat tayo
ay kriminal ng ating puso, umuumit tayo ng sandali at madalas magkasala, umaasa sa awa
ng langit, ng Lungsod, ng Lahat.
Maraming kasalanan ang kayang gawin para sa pananampalataya. Maraming buhay ang
ibinubuwis araw-araw, tumatayo sa bingit at sa mga pinagmumuntik-muntikan, para sa iba’t
ibang ngalan at anyo ng pag-ibig, araw-araw, gabi-gabi sa mga lansangan, sa mga
kabundukan, sa madidilim na eskinita, kahit sa loob ng katahimikan ng silid. Araw-araw
maraming inaalay na buhay, maraming pinapatay, sa lungsod.
Walang ligtas sa panganib at walang ring alibi. Sapagkat lahat tayo ay nasa sangandaan ng
dito-at-ngayon, kunsaan araw-araw ay ginaganap ang krimen sa siyudad. Lahat ay saksi,
araw-araw, sa ating mga nagawa, sa ating mga nakita, sa ating mga narinig. At lahat tayo
ay maysala’t inaabsuwelto ang sarili gabi-gabi, habang nakahiga, nakayakap sa unan o sa
katabi at nanonood ng panggabing-balita.
Ito ang pangatlo kong koleksyon ng tula, Kung ang Siyudad ay Pag-ibig, at ang aking unang
pagkastigo sa sarili bilang makata. Kung ang Siyudad ay Pag-ibig, bukod sa aking akda,
anong krimen kaya ang kaya kong magawa?