You are on page 1of 5

Filipino Bilang Wika sa Iba’t ibang Disipilina at Asignatura

Matematika
Mariing sinabi ni Acelajado (1993) na mas makabubuting gamitin ang wikang

Filipino sa pagtuturo ng asignaturang teknikal gaya ng matematika o kahit anong

asignatura sapagkat malapit ito sa mga Pilipino. Kung iisipin, kapag naiintindihan ng

mag-aaral ang wikang panturong ginagamit, tanging ang konsepto at paksang

tinatalakay na lamang ang kanilang iintndihin at iisipin nang mabuti. Dagdag pa rito,

nagiging mabisang kaparaanan ito upang mas lalong mapalaganap ang wikang Filipino

kung parati itong gagamitin sa pang-araw-araw na buhay sa loob ng akademya o

iskolarling pamamaraan. Ayon nga kay Renato Constatino sa kanyang diskursong

Intelektwalisasyon at Wika na inilathala sa aklat nina Constatino M. at Atienza (1996),

na ang banyagang wika tulad ng Ingles na gagamiting wika ng pagtuturo ay magiging

balakid lamang sa pagkatuto ng mga mag-aaral sa kadahilanang kinakailangan pa nito

matutuhan ang mga simulain, estruktura at gramar ng banyagang wika. Pinapababa rin

nito ang kumpyansa ng mag-aaral na makapagpahayag ng kanilang damdamin at

emosyon. Gayundin, nagiging mababa rin ang kakakayahan ng mga mag-aaral na mag-

isip nang malalim at pagiging mapanuri dahil hindi lubos nakaiintindi o nakagagamit ng

banyagang wika partikular na ang wikang Ingles.

Sa katunayan, nabanggit sa papel nina Zamora. N at Broadway, M. (2018) na

maraming mga bansa ang hindi gumagamit ng wikang Ingles sa pagtuturo ng

asignaturang matematika, isang halimbawa rito ang bansang Malaysia na kung saan

unang wika nila ang kanilang ginagamit sa pagtuturo ng matematika mula nang sila ay

mapalaya sa pananakop ng Britanya noong 1957.


Dito sa Pilipinas napatunayan sa isinagawang pananaliksik ni Aldaba J. (1996),

na pwedeng gamitin ang wikang Filipino bilang midyum ng instruksiyon sa asignaturang

matematika. Nagtangkang magsulat ng aklat sa Pangkolehiyong Aljebra at Matematiks

ng Investment, ang pinakatinutukang hakbang ay ang pagsasalin ng mga teknikal na

termino at konsepto na siyang pinakamahalaga sa asignatura. Natuklasan sa

pananaliksik na ang mga termino ay buong hiniram mula sa wikang Ingles ngunit

binaybay sa Filipino, hiniram mula sa wikang Kastila at may iilang tinumbasan sa

wikang Filipino batay sa kaakman nito sa kahulugan at paggamit.

Agham at Teknolohiya

Ayon kay Fortunato (2003) sa kanyang artikulong Pagsasalin: Instrumento sa

Pagpapayaman ng Bokabularyong Filipino, napakalawak at malalalim ang sakop na

kaalamang dala ng agham, teknolohiya at penomenong pantao kaya magiging kahina-

hinayang lamang ito kung hindi maipaaabot sa mga Pilipinong mambabasa o ‘di kaya’y

gustong matuto. Dito na pumapasok ang kahalagahan ng papel ng pagsasalin sa

pagtutulay ng wikang banyaga tungo sa wikang Filipino. Naniniwala rin siyang

yumayaman ang leksikon ng Filipino gayundin ang kultura nito sapagkat binubuksan

nito ang kultura ng agham ng bansa at iba pang mga asignatura.

Sa artikulo ni Salazar, C. (1996), inilahad niya ang sariling karanasan bilang

propesor sa Kolehiyo ng Inhinyerya sa Pamantasang De La Salle ng Manila, ginamit

niya ang Filipino sa pagtuturo ng mga asignaturang inhinyera sa kanyang klase at dito

napatunayang mainam na gamitin ang Filipino sa pagtuturo ng mga sabjek sapagkat

napadadali nitong maipaintindi sa mga mag-aaral ang mga konseptong tinatalakay.

Binigyang-diin na ang mga termino bahagi ng pag-aaral ay marapat lamang hiramin sa


Ingles upang hindi lubos na mahirapan ang mga estudyante. Sa katunayan, sa huling

bahagi ng semester nagsagawa ng sarbey upang malaman ang pulso ng mga mag-

aaral ukol sa paggamit ng Filipino sa kanilang mga sabjek na kinukuha at positibo ang

tugon nito mataas na bahagdan na umabot sa 60-70 bahagdan ang sumang-ayon sa

paggamit ng Filipino sa talakayan at mga diskusiyon.

Pinagdiinan na man ni Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa

Panitikan sa isang panayam ng TomasinoWeb noong 2019 na kinakailangan ng

gumamit ng wikang Filipino sa larangan ng agham kahit na sa mga pinakamahihirap na

paksa dahil pwede talaga ito. Dagdag pa rito, nilalayon rin makalikom ng mga salitang

teknikal mula sa Tagalog at mga wika sa Filipinas upang may pantumbas sa mga

salitang teknikal sa Ingles (TomasinoWeb.org, 2019).

Sinang-ayunan na man ito ni Dr. Sevilla sa kanyang pakikibahagi sa panayam,

aniya hindi sanay sa paggamit ng mga termino teknikal na nasa wikang Filipino.

Hinimok niya na kung palagiang gagamitin ay matatanggap rin ito. Pinuna rin nito ang

masyadong kritikal na pagsasalin sa Filipino ng mga terminong pang-agham kung kaya

nahihirapang tanggapin ito (TomasinoWeb.org, 2019).

Isang pag-aaral sa agham at teknolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas- Diliman na

isinagawa nina De Laza, C.at Dungo, C. (2017) na may pamagat na Leksikal na

Elaborasyon ng Wikang Filipino sa Panayam Pang-agham ng Unibersidad ng Santo

Tomas. Kinatatampukan ito ng abstrak ng mga pag-aaral ng mga guro, propesor at

mananaliksik na nalikom mula sa mga panayam ni Dr. Fortunato Sevilla. Binubuo ito ng

labimpitong abstrak ng pananaliksik na pumapaksa ng iba’t ibang larangan ng agham at

teknolohiya. Isinalin ang mga abstrak mula sa wikang Ingles tungong Filipino, sinuri
ang leksikal na elaborasyon ng mga panayam pang-agham at natuklasang ang mga

terminong agham ay hiniram sa Ingles, hiram sa Espanyol, tatlong maugnaying

pamamaraan, at paggamit ng terminong Tagalog.

Sanggunian

Acelajado M. (1993). Ang Pagtuturo ng Matematika sa Filipino. Malay Volume 12 no. 1.

Sa https://ejournals.ph/article.php?id=7801.

Atienza, M., Constantino, P. (2016). Mga Piling Diskurso sa Wika at Lipunan.

Intelektwalismo at Wika (Renato Constantino). University of the Philippines Press

Aldaba, J.(1996). Matematiks Sa Filipino. Malay Volume 13 no. 1 Sa

https://ejournals.ph/article.php?id=7824

Badayos, P. (2008). Metodolohiya sa Pagtuturo at Pagkakatuto ng/sa Filipino. Mga

Teorya, Simulain, at Istratehiya. Mutya Publishing House.

Broadway, M. at Zamora. N (2018). Ang Filipino Bilang Wika sa Matematika: Isang

Palarawang Pagsusuri sa Kaso ng isang Pribadong Paaralan. Sa

https://po.pnuresearchportal.org/ejournal/index.php/normallights/article/view/761

De Laza, C.at Dungo, C. (2017). Leksikal na Elaborasyon ng Wikang Filipino sa

Panayam Pang-agham ng Unibersidad ng Santo Tomas. Sa https://hasaan.ust.edu.ph.

Fortunato, T. (2003). Pagsasalin: Instrumento sa pagpapayaman ng Bokabularyong

Filipino.” Sa Buhay at Lipunan: Filipino para sa mga Agham Pantao. Manila: De La

Salle University Press, 2003).


Salazar, C. (1996). Ang Filipino sa Inhinyerya. Malay Volume 13 no.1. Sa

https://ejournals.ph/article.php?id=7831

TomasinoWeb.org (2019). Pagtuturo ng agham sa Filipino, Isinulong. Sa

https://tomasinoweb.org/reports/news/pagtuturo-ng-agham-sa-filipino-isinulong/

You might also like