You are on page 1of 18

SI JUAN SA LIPUNANG PILIPINO NOON AT NGAYON:

ISANG PAGBABAGONG-ANYO

May Ann P. Bretaňa


mentorbritain@yahoo.com
Mountain View College, College Heights,
Mt. Nebo Valencia City, Bukidnon

ABSTRAK

Layunin ng pag-aaral na ito na malaman kung sino si Juan noon at ngayon sa lipunang
Pilipino. Sinagot ang katanungan kung sino si Juan noon sa pamamagitan ng pagsusuri sa
nakalap na 68 mga kuwentong bayang nakasulat sa mga wikang Filipino at Ingles ng mga
manunulat na Pilipino. Kinilala si Juan sa kasalukuyan sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga
anyo ng midya, larangang pangkabuhayan, at mga programang pangkawanggawa, atbp. na
gumagamit ng kanyang pangalan.
Kwalitatibo ang disenyo ng pananaliksik at paraang palarawan ang ginamit sa pagsusuri
sa mga datos. Ginamit ang DECS Values Education for the Filipino sa pagpapangkat ng mga
ugaling ipinakita ni Juan noon sa mga kuwentong bayan.
Natuklasan sa pag-aaral ang mga sumusunod: (1) Bilang kasapi ng pamilya at bilang
isang mamamayan, kapwa taglay ni Juan ang kanais-nais at hindi kanais-nais na mga ugali dahil
sa impluwensiyang hatid ng iba’t ibang institusyon sa lipunan; (2) Higit na maraming kanais-nais
na ugali ang ipinapakita ni Juan sa mga teleserye at pelikula; (3) Walang hindi kanais-nais na
mga katangian ang ipinakita sa mga website, radyo, patalastas, iba’t ibang larangan ng
pamumuhay, atbp.
Kongklusyon ng pag-aaral na ito ang sumusunod: (1) Karaniwang tao lamang si Juan na
nagtataglay ng kanais-nais at hindi kanais-nais na ugali sa mga kuwentong bayan dahil sa
impluwensiya ng kanyang kapaligiran; (2) Higit na positibong Juan ang inilalarawan sa mga
teleserye at pelikula; at (3) Isang Juan na nagbabagong-anyo ang makikita sa kasalukuyan sa
iba’t ibang uri ng midya, larangan ng pamumuhay, atbp.

Susing Salita: Juan, Lipunan, Noon, Ngayon, at Pagbabagong-anyo


2

1. Introduksyon
Karaniwan nang naririnig ang pangalan ni Juan sa mga kuwentong bayan sa Pilipinas.
Pinaniniwalaang bawat pangkat o tribo sa bansa ay may isang Juan. Juan Tamad siya sa mga
Tagalog, Juan Usong sa mga Bikolano at Juan Pusong sa mga Bisaya (Rabuco, 2006). Nilalaman
ng mga kuwentong bayan ni Juan ang mga hindi kanais-nais niyang ugali. Ayon kina Pineda, P.,
Pineda, G. at Ongoco, T. (1979), ito ang mga kuwentong ipinalaganap ng mga Kastila upang
maitanim sa isip ng mga katutubong Pilipino ang mababa nilang kalagayan at mawalan sila ng
lakas ng loob na umalsa sa pamahalaan. Sa pag-aaral din ni Aguilar (2005) ipinahayag niyang,

“He was thought illiterate, stupid, and slow because his society was
not on the same level as theirs when they found him… he played their game
making them what they wanted to believe – …the better to trick them into
granting him whatever little favors he could curry for his survival” (p. 95).

Hinayaan ni Juan ang ganoong pagkakilala sa kanya upang pabayaan siya at hindi na
pakikialaman ng mga mananakop. Naniwala sila na tanga at mahina siya dahil ito ang kanyang
ipinakita sa kanila. Ito ang naging depensa niya. Lingid sa kaalaman ng mga Kastila ay hindi
naman natulog nang mahimbing ang mga katutubo noon dahil kahit sa malupit nilang kalagayan
sa kamay ng mga ito ay masisilip sa mga kuwentong bayan ang kanilang hinaing at hangaring
makawala sa estadong kanilang kinalalagyan. Nasasalamin ito sa mga kuwentong katatawanan
tungkol kay Juan, “natutunan ng mga Pilipino ang pagtawa sa sariling kamalian at sa kamalian
ng iba; gayundin sa kasawian ng sarili at ng kapwa” (Pineda, P., Pineda, G. at Ongoco, T.,
1979, p. 115). Makikita sa mga kuwentong bayan ang paraan ni Juan upang maipakita ang
pagtutol sa pamamagitan ng pagpapanggap.
Subalit sa paglipas ng panahon, kasaysayan at kapaligiran ay nagkaroon din ng mga
pagbabago kay Juan. Malaya na siya nang lumaya ang Pilipinas sa pananakop ng mga dayuhan.
Ayaw niyang mananatiling negatibo ang pagkakilala sa kanya kaya sa masinsinang pag-aaral sa
mga kuwentong bayan ay matuklasang hindi lahat ng mga kuwentong ito ay nagpakita ng
kanyang mga hindi kanais-nais na ugali. Sa kasalukuyan, ipinapakita sa mga palabas sa
telebisyon, iba’t ibang anyo ng midya, iba’t ibang larangan ng pamumuhay, mga programa sa
bansa ng mga pribadong institusyon, atbp. ang isang matinding pagnanais na baguhin ang
imahen ni Juan mula sa pagiging negatibo tungo sa positibo. Kaya, si Juan sa kasalukuyan ay
masasabing nagbabagong-anyo.

1.1 Layunin ng Pag-aaral


Nilayon ng pag-aaral na ito na malaman kung sino si Juan noon at ngayon sa lipunang
Pilipino. Sinagot ang tiyak na katanungang, “Sino si Juan noon at ngayon sa lipunang Pilipino?”

1.2 Saklaw ng Pag-aaral at Limitasyon ng Pag-aaral


Sinaklaw ng pag-aaral na ito ang ilan sa mga naipalimbag na kuwentong bayan sa
Pilipinas na may tauhang si Juan mula sa mga sumusunod na aklat at manunulat: (1)
Kuwentong-bayan ni Juan Laya; (2) Stories of Juan Tamad nina Manuel Estabillo at Lyd
Arguilla; (3) Themes in Philippine Folktales ni Francisco R. Demetrio SJ; (4) Philippine Folk
3

Literatures: The Folktales ni Damiana L. Eugenio; (5) Mindanao Folktales nina Rolando C.
Esteban, Arthur P. Casanova at Ivie C. Esteban; (6) Mga Alamat, Pabula, Epiko at Kuwentong
Bayan ni Zynna Gonzaga; (7) Hiligaynon Mythological Stories and Folktales: Analysis and
Translation ni Amorita C. Rabuco; (8) More Tales from the Land of Salt: Continuing the
Saga of the Salt People ni Emmanuel S. Sison; (9) Mga Alamat at Kuwentong Bayan ni
Dionisio S. Salazar; (10) Folktales from Northern Samar ni Lydia P. De la Rosa; (11) English
for a Better World: an Interactive, Collaborative, and Integrative Work text for High
School nina Pilar R. Yu et al.; at (12) Glimpses of Bicolano Tales ni Santos M. Orobia.
Sakop din ng pag-aaral na ito ang iba’t ibang anyo ng midya tulad ng radyo, telebisyon,
pelikula, internet (website), patalastas, at iba’t ibang mga larangang gumagamit ng pangalang
Juan tulad ng kalakalan o negosyong pagkain, pabahay, organisasyong pangkawanggawa, at pati
na ang adhikaing pangwika.

1.3 Terminolohiya
Juan. Kumakatawan sa karaniwang Pilipino. Nilikhang palayaw o bansag sa mga
Pilipino ni Robert McCulloch Dick, isang Scottish court reporter na nagtrabaho noong 1902 sa
Manila Times. Batay sa kanyang obserbasyon ang pangalang ito ang pinakakaraniwang naka-
blotter sa pulisya (http://www.allphilippines.com). Sa pag-aaral na ito si Juan ay ang bida o isa
sa mga tauhan ng bawat kuwentong bayan na sinuri.
Lipunan. Sa pangkalahatan ay tumutukoy sa mga taong magkasamang naninirahan sa
isang organisado o nabuong komunidad na nakibahagi sa mga batas, tradisyon, at mga
pagpapahalaga nito (http://www.merriam-webster.com/dictionary/society). Tinutukoy sa pag-
aaral na ito ang lipunan na lugar o ganapan ng mga pangyayari tungkol kay Juan sa mga
kuwentong bayan at sa kasalukuyan.
Noon. Nakaraan o mas maagang panahon
(http://dictionary.reference.com/browse/before). Tinutukoy nito ang mga nailimbag nang
kuwentong bayan tungkol kay Juan na pinagbatayan ng pagsusuri kung sino siya noon.
Ngayon. Sa kasalukuyang panahon (http://www.merriam-webster.com/dictionary/now).
Ito ay tumutukoy sa kasalukuyang panahon kung saan kinilala ang imaheng ipinapakita ni Juan
sa iba’t ibang uri ng midya, at iba pang gumagamit ng kanyang pangalan sa ngayon.
Pagbabagong-anyo. Isang ganap na pagbabago ng anyo o kalikasan ng isang bagay o tao
sa pamamagitan ng likas o kahima-himalang paraan
(http://www.oxforddictionaries.com/us/definition/american_english/metamorphosis). Inalam sa
pag-aaral na ito kung may nangyaring pagpapalit o pagbabago sa imahen ni Juan mula sa
kuwentong bayan noon at ngayon sa mga iba’t ibang uri ng midya, at mga programang
gumagamit ng kanyang pangalan.

1.4 Kahalagahan ng Pag-aaral


Mahalaga ang pag-aaral na ito para sa bawat Pilipino upang tunay nilang makikilala ang
pangalang Juan na ikinakabit palagi sa isang Pilipino sa gayon ay magkakaroon sila ng
pagpapahalaga at pagmamalaki sa sariling lahi.
4

1.5 Kaugnay na Literatura


Pinag-aralan ni Aguilar (2005) ang pagkakatulad at pagkakaiba ng mga tuso sa ibang bansa
sa tusong Pilipino. Sinuri niya ang mga kuwento ng katusuhan mula sa mga bansa sa Asya tulad
ng China, Thailand, at Korea at inihambing ito sa mga kuwento ng panloloko nina Suan Eket
ng mga Tagalog, Juan Osong ng mga Bikolano, Juan Suan ng Kapampangan, Guatchinango ng
mga Ilokano, Juan Pusong ng Visayas, Pilandok ng mga Maranao at Tausug.
Natuklasan sa pag-aaral na bihirang lokohin ng tusong Tsino ang kanilang hari, hindi
katulad ng tusong Pilipino. Pinapalabas naman ng tusong Pilipino na siya ay tanga subalit ang
Tsinong tuso ay maaaring matalo subalit bihirang nagiging tanga. Ang pinakamalaking
pagkakaiba sa pagitan ng tusong Pilipino at ang kapareho niyang mga tuso sa Asya ay hindi na
hinahangad ng mga ito na agawin ang trono ng hari at ang kanyang mga superyor. May
dalawang dahilan kung bakit namumukod-tangi ang kuwentong bayan ni Juan kung ihambing sa
ibang bansa sa buong mundo. Una, tao ang bida nito at hindi hayop tulad ng kuwentong bayan
ng ibang bansa. Pangalawa, ang hinahangad niyang maangkin ay ang trono mismo ng hari at
hindi lamang ang mabusog o makakuha ng ari-arian ng iba. Ito ay sapagkat nais ni Juan na
makawala sa malupit na hari kaya siya gumagawa ng mga estratehiya na mapangasawa ang anak
ng hari sa gayon ay mapapalitan nito ang una sa kapangyarihan nito (Aguilar, 2005).
Layunin naman ng pag-aaral ni Tiongson (1998) tungkol kay Pusong (Juan) na matukoy
ang aktwal na tauhan sa komedya at ang naging transpormasyon niya sa sinakulo, drama, sainete,
sarswela, bodabil at kontemporaryong dula; at matukoy ang pamumusong o diwa ng
mapaglarong panunuligsa o espiritu ng karnibalisasyon na matatagpuan hindi lamang sa iisang
tauhan sa dula kundi pati na rin sa maraming karakter nito. Sinuri ang pag-unlad ng pusong mula
sa mga pinakamatandang anyo ng dula hanggang sa kontemporaryong dula. Natuklasang malaki
ang pag-unlad ng karakter na pusong na paningit at pampatawa lamang sa mga dula.
Kumakatawan siya sa mga katutubo o mahihirap na mamamayan, mahina at magaspang, at
angkin niya ang pananaw ng mga taong kung ituring ay nasa mababang bahagdan ng lipunan.
Naging tagasunod lamang siya ng mga nasa kapangyarihan subalit ang mga katulad niya ang
bumubuo sa nakararaming bilang ng mga tao sa kasaysayan ng bansa. Sa mga karakter na
ginampanan ng isang pusong ay nakita ang pagpapatama at paglalantad niya sa mga puwersa,
uri, institusyon, bansa o tao na nakasisira o nakasisikil sa maayos na pamumuhay ng mga
itinuturing na mahihirap, magagaspang at mahihina. Layon niyang tuyain o tuksuhin ang mga
piling tao na may hawak sa pamahalaan sa pang-aabuso at baluktot na pamamahala sa bayan pati
na ang mga kalahing nakikipagkaisa sa mga dayuhan. Tinutukso niya rin ang mga mamamayang
may kaisipang kolonyal kaya minamaliit ang sariling kalahi. Ang mga hindi kanais-nais na
katangiang ipinakita ng isang pusong na laban sa tinatanggap at kinikilalang pamantayan ng mga
nasa kapangyarihan ay isang anyo ng paghihimagsik sa lahat ng namumuno sa bayan.
Layunin naman ng pag-aaral ni Demetrio (1972) na matukoy ang mga tema ng apat na
kuwentong bayan na nakalap niya mula sa apat na pangkat sa Pilipinas: Camiguin, Bukidnon,
Sulu at mula sa Hilagang bahagi ng Pilipinas. Dalawa sa apat na kuwentong nakalap ay tungkol
kay Juan Pikas na galing sa Bukidnon at Juan Pusong and the Hermit na galing sa
Camiguin.Natuklasan sa kuwentong Juan Pusong and the Hermit ang mga temang: (1) Hindi
dapat ikalugod ng isang tao ang pagkakaalam sa katangahan ng ibang tao dahil maaari niyang
5

matuklasan ang malapit niyang pagkakaugnay sa kanilang katangahan; at (2) Dapat turuan ng
magulang ng mabuting asal ang kanyang anak.
Sa kuwentong Juan Pikas naman ay natuklasan ang mga paksang may kinalaman sa
pagkakaroon ng mabuti at malinis na isipan dahil ito ang basehan ng kaligtasan. Sa mga hayop,
ang mabuting pag-iisip ay makikita sa kalusugan ng katawan at para naman sa tao ay sa
pamamagitan ng hindi paghuhusga sa kapwa dahil ang Diyos lang ang maaaring humusga sa tao.

1.6 Batayang Teoritikal


Ginamit ang mga sumusunod na teorya sa pag-unawa at pagsusuri sa mga kuwentong
bayan tungkol kay Juan.
Sosyolohikal. Pinaniniwalaang magkakaugnay ang akda at ang mga pangyayari sa
lipunan. Ang isang akda ay bunga ng mga pangyayari sa lipunan ng manunulat (Abrams, 1999).
Hindi maihihiwalay ang lipunan sa mga pangyayari sa kuwentong bayan ni Juan dahil ito ang
arena ng mga kaganapan sa akda. Ang mga ikinilos niya ay may impluwensiya ng lipunang
kanyang ginagalawan.
Historikal. Sinasabing ang kasaysayan at panitikan ay hindi maaaring paghiwalayin.
Pinaniniwalaan ng teoryang ito na ang mga nakasulat na tekstong pampanitikan ay produkto ng
mga puwersang panlipunan, pangkultura at pampolitika. Hindi lamang likha ng indibidwal na
awtor ang isang teksto dahil sumasalamin at nakikipag-ugnayan mismo ang isang teksto sa mga
umiiral na pagpapahalaga at ideolohiya sa panahon ng pagkakasulat nito (Brannigan, 2001). Sa
pag-aaral na ito pinagtuunan ang kalagayan ng tauhang si Juan sa panahon ng pagkalikha ng
kanyang mga kuwento.
Karnibalismo. Ayon sa teoryang ito ang ibang anyo ng akdang katatawanan ay nakaugat
sa kaalamang-bayan na nanunuligsa sa mga namununo sa simbahan at iba pang nasa
kapangyarihan (Drabble, 2000). Ayon din kay Wolfrey (2001), ito ay kumakatawan sa uri ng
kaalaman ng mga katutubo na pinapahalagahan ang katawan at tinututulan naman ang lahat ng
anyo ng kapangyarihan. Ginamit din sa pagsusuri ang teoryang ito dahil sa ang mga kuwento ni
Juan ay laging nagsasalaysay ng kanyang katusuhan kung saan nalilinlang niya ang kanyang mga
kaaway na karaniwan ay mga hari.
Arketipal. Pinaniniwalaan sa pagdulog na ito na ang mga simbolo ay nakakapukaw ng
malalim at kung minsan ay hindi namamalayang pagtugon mula sa isang mambabasa. Ang mga
tauhan, imahe, tema ay naglalangkap o nagsasama ng kahulugang panlahat sa mahahalagang
mga karanasang pantao saanman at kailanman sila namuhay. Marami sa mga kuwentong bayan
tungkol kay Juan ay gumagamit ng mga simbolo o tema kaya ginamit din ang teoryang arketipal
sa pagsusuri sa mga ito.
Nabuo rin ng mananaliksik ang sumusunod na mga teorya:
Pagtutol. May pagtutol din ang mga taong walang kakayahang labanan ang mga
makapangyarihan. Maliit o mababa lamang sila kung ituring ng mga makapangyarihan kaya sila
nag-isip ng paraan upang ipakita ang pagtutol sa mga ito sa paraang hindi lantad. Marami sa mga
kuwentong bayan ni Juan ang nagpapakita ng hayagang pagtutol sa mga nasa kapangyarihan at
ang iba ay nagpakita ng palihim na pagtutol.
Pagpapanggap. May mga tao sa lipunan na namumuhay nang walang kalaban-laban.
Hindi sila maaaring sumuko at kailangan nilang magpatuloy sa buhay sa pag-asang malalagpasan
6

ang anumang kahirapang kanilang kinakaharap. Ang naging paraan nila upang harapin ang mga
pagsubok sa buhay ay sa pamamagitan ng pagpapanggap. Nagpanggap si Juan sa ilang mga
kuwentong bayan upang siya ay makawala sa makapangyarihang mananakop nang sa gayon ay
hahayaan siyang mamuhay nang tahimik at dahil dito lumalabas ang ilan sa kanyang mga kanais-
nais na ugali at gayundin ang mga hindi kanais-nais na ugali na hinayaan niyang paniwalaan ng
mga ito.
Pagbabagong-anyo. Pinalaganap at pinaniwalaan ng mga dayuhang mananakop ang hindi
magagandang ugali na nakita sa mga katutubo na lingid sa kanilang kaalaman ay isa lamang
pagtutol at pagpapanggap. Noon pa man ay may mga kuwentong bayan si Juan na sumasalungat
sa mga pinasikat na mga mananakop na masasama niyang katangian. Kaya, nagkaroon ng
matinding pagnanais na baguhin ang pagkakilala sa kanya. Ito ang dahilan kung bakit
nangingibabaw ang mga kanais-nais na ugali ng kasalukuyang si Juan na makikita sa mga iba’t
ibang uri ng midya at mga larangan ng pamumuhay ng mga Pilipino. Ipinakita ang positibong
pananaw kay Juan at pinagsisikapang ipakita ang mga kanais-nais niyang ugali sa kasalukuyan.

1.7 Konseptwal na Balangkas ng Pag-aaral


Hindi maipagkakailang masasalamin sa panitikan ang mga pangyayari tungkol sa buhay
ng alinmang lahi sa buong mundo daan-daang taon na ang nakalipas. Isa sa mga akdang
pampanitikang ito ay ang mga kuwentong bayan.
Noong unang panahon ang pagkukuwento ay maituturing na isang pagtatangka at paraan
ng mga sinaunang tao na makapagpahayag ng kanilang sarili. Nagpapatuloy ang paraang ito ng
pagpapahayag hanggang sa kasalukuyan dahil walang araw na hindi nagkukuwento ang mga tao.
Maituturing na makulay na bahagi ng kultura ng lahat ng lahi sa buong mundo ang
pagkukuwento.
Masayahing lahi ang mga Pilipino. Masasalamin mismo sa mga kuwentong bayan
tungkol kay Juan ang katangiang ito. Masisinag din sa kanyang mga kuwento ang kalagayan ng
lipunan na kanyang kinalalagyan. Sa mga kuwento ring ito makikita ang mga katangian ni Juan
noon at hanggang ngayon at kung paano siya bumangon mula sa mga negatibong ugali na
nakaukit na sa isipan ng mga ninuno pabalik sa positibo niyang ugali bago pa man sinakop ang
bansang Pilipinas ng mga dayuhang Kastila at Amerikano at maging sa kasalukuyan.
Ang pagkilala kay Juan sa kasalukuyang panahon ay ginawa sa pamamagitan ng
pagsusuri sa iba’t ibang anyo ng midya at pati na rin sa iba pang mga larangan ng pamumuhay na
kung saan ginagamit o binabanggit ang kanyang pangalan.
Mula sa mga teoryang tinalakay ay nabuo ang konseptuwal na balangkas ng pag-aaral na
makikita sa susunod na pahina.
7

Si Juan sa
Lipunang Pilipino

Kuwentong
Bayan Iba’t Ibang Anyo
ng Midya,
Lutang na mga
Iba’t Ibang
Ugali o Katangian
Larangan ng
Pamumuhay, mga
Organisasyon,
Dahilan ng Ugali atbp.
o Katangian

Noon Ngayon

Figyur 1. Iskema ng Paradaym ng Pananaliksik


8

Makikita sa iskema sa kabilang pahina na ang nasa unang kahon sa itaas at gitnang
bahagi na nakasulat ang Si Juan sa Lipunang Pilipino. Ipinapakahulugan dito na nakatuon kay
Juan na representasyon ng mga Pilipino ang pag-aaral na ito. Mula sa unang kahon ay may
palasong nakatutok sa kaliwang kahong kinasusulatan ng Kuwentong Bayan at guhit patungo sa
ikalawa at ikatlong kahong kinasusulatan ng Lutang na Ugali o Katangian at Mga Dahilan ng
Pag-uugali at may palaso sa pinakahuling kahon na kinasusulatan ng Noon. Nangangahulugan
ito na sa pagsusuri ng mga kuwentong bayan tungkol kay Juan ay makikita o masasalamin ang
mga lutang niyang ugali bilang tauhan at dito rin malalaman ang mga dahilan kung bakit ganoon
ang kanyang mga ugali o katangiang ipinakita sa mga kuwentong bayan. Ang palasong
nakatutok sa pinakahuling kahon sa kaliwa na kinasusulatan ng Noon ay nangangahulugang ang
mga kuwentong bayang sinuri kung saan nakuha ang lutang na ugali ni Juan at mga dahilan nito
ay nagpapakilala kung sino si Juan noon sa lipunang Pilipino batay sa pananaw ng mga ninuno at
pati na rin ng mga dayuhan.
Samantala, mula pa rin sa kahong kinasusulatan ng Si Juan sa Lipunang Pilipino ay
may palasong nakatutok sa kanang kahon na Iba’t Ibang Anyo ng Midya at Iba’t Ibang
Larangan ng Pamumuhay at mula rito ay may palasong nakatutok sa huling kahon sa kanan na
kinasusulatan ng Ngayon. Nangangahulugan ito na masasalamin kung sino si Juan sa
kasalukuyan sa pamamagitan ng iba’t ibang anyo ng midya at iba’t ibang larangan ng
pamumuhay, oraganisasyon, atbp. na gumagamit ng pangalang ito.

2. Metodolohiya
Ang metodolohiya ay binubuo ng mga sumusunod na bahagi: (1) Disenyo ng Pag-aaral
(2) Paraan ng Pag-aaral at (3) Pag-aanalisa ng mga Datos.

2.1 Disenyo ng Pag-aaral


Kwalitatibo ang disenyo ng pananaliksik at paraang palarawan ang ginamit sa pagsusuri
sa mga kuwentong-bayan na may tauhang si Juan at sa iba’t ibang anyo ng midya at iba’t ibang
mga larangang gumagamit ng pangalang Juan tulad ng kalakalan o negosyong pagkain, pabahay,
organisasyong pangkawanggawa, at pati na ang mga adhikaing pangwika.

2.2 Paraan ng Pag-aaral


2.2.1 Pangangalap ng mga Kuwentong-bayan
Kinalap ang mga kuwentong bayan mula sa mga aklat sa aklatan ng MSU-IIT, UP
Diliman, Far Eastern University-Manila, at National Library of the Philippines. Manunulat
na Pilipino ang mga may-akda ng mga kuwentong bayang tungkol kay Juan na nakasulat sa
Filipino at Ingles.

2.2.2 Pag-aayos ng mga Datos


Ginamitan ng mga talahanayan ang mga impormasyong nakuha upang malinaw na
mailalahad ang kasagutan sa tanong. Batay sa DECS Order No. 6, ng 1988 na DECS Values
Education for the Filipino (VEF), isinagawa ang pagpapangkat o klasipikasyon ng mga kanais-
nais at hindi kanais-nais na ugali ni Juan sa mga kuwentong bayan.
9

2.2.3 Pag-aanalisa ng mga Datos


Isa-isang binasa ang mga kuwentong bayan tungkol kay Juan at sinagot ang suliraning
inilahad sa layunin. Sinuri kung sino si Juan noon batay sa sumusunod: pananaw ng manunulat
sa kanya, pananaw ng iba pang karakter sa kanya, at sa pananaw niya sa sarili. Ginamit ang mga
talahanayan upang malinaw na mailalahad ang sagot sa tanong.

3. Resulta ng Pag-aaral
Binuod sa bahaging ito kung sino si Juan sa lipunang Pilipino sa mga kuwentong bayan
at kung sino siya sa kasalukuyang panahon ayon sa pagpapakilala sa kanya ng iba’t ibang anyo
ng midya, iba’t ibang larangan ng pamumuhay, atbp.

3.1 Si Juan Noon sa mga Kuwentong Bayan


Pinangkat sa dalawa ang tauhang si Juan batay sa ginampanan niya sa mga kuwentong
sinuri. Ang mga ito ay bilang kasapi o miyembro ng pamilya at bilang kasapi ng lipunan.
Natuklasan ang mga sumusunod: (1) Bilang kasapi ng pamilya ay ginampanan ni Juan ang mga
karakter ng pagiging ama, anak, kapatid, at asawa. Sa mga karakter niyang ito ay natuklasang
kapwa taglay niya ang mga kanais-nais at hindi kanais-nais na mga ugali. Ang ilan sa mga ito ay
makikita sa sumusunod na kuwento:
Bilang isang ama sa kuwentong The Mountain Man and Queen Letecia, si Juan ay
mapagmahal. Inaalala niya ang makabubuti para sa kanyang anak na si Leyte na mula pagkabata
ay hinding-hindi tumatawa o ngumingiti man lang. Nagpaanunsiyo siya na, “who ever could
make his daughter, Leyte, laugh he would let that man marry his daughter and he would
shoulder all the expenses” (Rabuco, 2006, p. 282). Ang ginawang ito ng Haring Juan ay taliwas
sa tradisyon ng mga Pilipino kung saan sinasagot ng pamilya ng lalaki ang lahat ng gastusin sa
kasal. Pinatunayan lamang ng ugaling ito ni Juan sa kuwento na mahal niya ang kanyang anak at
gagawin niya ang lahat para sa ikaliligaya nito.
Bilang isang anak, masunurin din si Juan sa kuwentong, The Three Wisest Pieces of
Advice. Walang pag-alinlangang hinanap niya ang sinabi ng kanyang ama na matanda o pantas
na makapagbibigay ng matalinong payo. Naniniwala kasi ito na, “there is nothing happier than
a wise man and to listen to the advice of wisest men…” (Eugenio, 2001, p. 296). Dahil
sinunod niya ito ay natagpuan niya ang pantas at binigyan siya nito ng tatlong pinakamatalinong
payo. Ang mga payong kanyang sinunod ang dahilan ng pagkakaroon niya ng magandang buhay
at mapangasawa ang anak ng hari.
Masipag ding anak si Juan. Ipinakita niya ang pagiging maaasahan bilang miyembro ng
pamilya. Sa kuwentong Juan Tamad and the Rice Harvest, araw-araw siyang pumupunta sa
lupang sinasaka hanggang sa panahon ng pag-aani (Estabillo at Arguilla, 1965). Masipag din
siya sa pagtulong sa kanyang ina sa kanilang taniman ng mga prutas at gulay sa kuwentong The
Magical Ring of Juan. Hindi niya pinabayaan ang kanyang ina lalo na at silang dalawa na lang
ang namumuhay (Rabuco, 2006). Ang mga kuwentong ito ay sumasalungat naman sa ibang mga
kuwento kung saan katamaran ni Juan ang inilalarawan. Nangangahulugang mas pinalaganap
ang mga kuwento ng katamaran kaysa kanyang kasipagan kaya ang mga iyon ang naging
bukambibig na ugali ni Juan.
10

Bilang kapatid ay naging matiisin siya sa kuwentong Juan Bahag. Ulila na sila sa
magulang ng nakatatandang niyang kapatid na si Pedro. “Since childhood, Pedro abused Juan.
Juan did all the tasks: he plowed the fields, cooked, washed clothes, and cleaned house. He
even bathed Pedro” (Esteban, R. Casanova, A. at Esteban, I, 2002, p. 62). Tiniis niya ang
pagtratong ito sa kanya ng nakatatandang kapatid dahil umaasa siya rito. Ito ay dahil tumatayong
pangalawang magulang ang panganay sa magkakapatid kapag wala ang mga magulang sa
pamilyang Pilipino. Ayon kay Licuanan (1994), “Filipinos have a need for a strong authority
figure and feel safer and more secure in the presence of such authority. One is generally
submissive to those in authority, and is not likely to raise issues or to question decisions” (p.
39). Nagiging dahilan ito kung bakit naaapi at napagsamantalahan ang ibang mga Pilipino
kagaya rin ng nangyari kay Juan sa kuwento na nakaramdam na mas ligtas siya sa piling ng
kanyang mapang-abusong nakatatandang kapatid.
Samantala, sa kuwentong Juan Supot ay tamad na asawa si Juan. Napangasawa niya si
Prinsesa Eliza nang maisagawa niya ang mga hamon ng hari sa tulong ng makapangyarihang
lawin, isda, at mga nasasakupan ni Eliza na langaw at daga. Pagkatapos ng kasal ay dinala na
niya si Eliza dahil ayaw silang patirahin ng hari sa palasyo. Tumira sila sa isang kubo na malayo
sa siyudad. Nagbunga ng dalawang anak ang kanilang pagsasama. “Juan supported his family
by catching at least six fishes daily, three to be eaten and the rest to be sold in order that
they can buy rice” (Eugenio, 2001, p. 291). Tamad si Juan bilang asawa kaya kontento na siya
sa pamimingwit ng hindi bababa sa anim na isda. Wala siyang pangarap na umasenso dahil ito na
ang nakasanayan niyang buhay. Maihahalintulad din ang ugaling ito sa ibang mga Pilipino sa
kasalukuyan na nasisiyahan nang makakain ng tatlong beses sa isang araw at hindi
nagpupursigeng umasenso pa.
(2) Sa pagiging kasapi ng lipunan si Juan ay naging kaibigan, manliligaw, kapitbahay,
lider o pinuno, manggagawa, at karaniwang mamamayan. Naipakita rin sa mga kuwentong
bayan na kapwa taglay niya ang mga kanais-nais at hindi kanais-nais na ugali sa mga karakter
niyang ito sa kuwento. Ilan sa mga ito ang sumusunod:
Isang matapat na kaibigan si Juan sa kuwentong, Juan Pusong Stories (Kuwento 12).
Tatlong beses siyang niloko ng kanyang kaibigan subalit hinding-hindi siya nakaisip na may
ginawa itong hindi mabuti sa kanya (Rabuco, 2006). Ang labis na pagtitiwala sa kanyang
kaibigan ang dahilan kung bakit siya niloko nito.
Masipag na manliligaw naman si Juan sa kuwentong “Juan the Fool. He serves the
girl’s parents, and becomes their cook” (Estabillo at Arguilla, 1965, w. p.). Kabaligtaran
naman ang kasipagan niya sa kuwentong ito sa katamaran niya sa kuwentong Juan Tamad
Goes A-courting sapagkat pinalayas pa siya ng ina ni Mayang dahil sa hindi niya pagtulong sa
bahay ng dalaga.
Bilang isang pinuno o hari ay matapat si Juan sa kuwentong The Mountain Man and
Queen Letecia. Tapat siya sa kanyang pangakong, “who ever could make his daughter, Leyte,
laugh he would let that man marry his daughter and he would shoulder all the expenses”
(Rabuco, 2006, p. 282). Tinupad niya ang pangakong ito kahit pa isang taong bundok ang
aksidenteng nakapagpatawa sa kanyang anak na si Leyte.
Isang matiising kapitbahay naman si Juan sa kuwentong Juan Tamad and the Rice
Harvest. Kilala siya sa kanilang nayon na isang taong batugan subalit isang araw ay bigla siyang
11

nagbago. Ayaw maniwala ng kanyang mga kapitbahay nang ibalita ito ng kanyang ina sa kanila.
Kinutya at pinagtawanan lang siya ng mga ito pati ang kanyang ina. Kaya sa araw ng pag-aani ay
sinabi nila sa kanya ang, “Lead us to your field, Juan, for we shall help with the harvest”
(Estabillo at Arguilla, 1965, w. p.). Hindi makapaniwala ang mga kapitbahay ni Juan subalit
kitang-kita ng dalawa nilang mga mata ang nagyuyukuang tangkay ng mga palay na handa nang
anihin (Estabillo at Arguilla, 1965). Napatunayan din ni Juan sa wakas na maaaring magbago
ang isang tao kung nanaisin nito.
Sa kuwentong Industrious Juan (Version 1) ay isang maparaang manggagawa si Juan.
Noong matuklasan niya na may nagnanakaw ng kanyang mga kamote ay nakaisip siya ng paraan
kung paano ito mahuhuli. “Immediately, he found a way to stop whoever did it. He formed a
scarecrow made of the sticky sap of trees and placed it in the middle of the farm” (Rabuco,
2006, p. 271). Maparaan at matalino rin si Juan dahil sa naisip niyang paraan ay nahuli niya sa
wakas ang nagnanakaw ng kanyang mga pananim.
Pilyong kapitbahay naman si Juan sa kuwentong Juan Gathers Guavas dahil nang
dinalaw sila ng kanilang mga kapitbahay ay inutusan siya ng kanyang ama na kumuha ng mga
bayabas upang ihahain sa mga bisita. Subalit bumalik siyang walang dalang bayabas kundi
pugad ng putakti. Inabot niya ang pinagsidlan nito sa kanyang ama. Samantalang, “All the
neighbors were inside waiting for the feast of the guavas, and soon as the basket was
opened they began to fight to get out of the windows” (Eugenio, 2001, p. 331). Nais ni Juan
na makalikha ng bagay na maaari niyang pagtawanan at hindi naiisip ang maaaring ibubunga
nito sa kanyang kapwa at pati na sa sariling mga magulang.
Malibog na manggagawa si Juan kuwentong The Cowherd. Sa pagkakataong ito ay ang
anak ng kanyang amo ang kanyang biniktima. Nangyari ito nang utusan siya ng hari na kumuha
sa palasyo ng panghukay sa mga bakang pinaniwalaan niyang lumungga. Sa halip na sundin ang
utos ng hari ay nagtuloy-tuloy si Juan sa kuwarto ng prinsesa at sinabing, “Quick, the king told
me to use you!” Juan announced unceremoniously… So Juan’s deed was done” (de la Rosa,
2006, p. 13-14). Parang galit na galit si Juan sa hari at idinaan niya lang ito sa kapilyuhan.
Mahusay ang pagkakabuo niya ng kanyang plano at nagtagumpay naman siya. Malinaw ang
pagtutol niya sa pamunuan ng hari sa kuwentong ito na sa simula ay isa munang pagpapanggap
ang kanyang ginawang pagsunod sa utos nito. Ayon kay Aguilar (2005), “To the powerless
poor, the only revenge, when they cannot kill the king himself, is on the King’s family, And
revenge seems to be sweetest when it comes with illicit sex” (p. 91). Nakapaghiganti si Juan.
Naiparamdam niya sa hari ang pagtutol niya rito sa pinakamasakit na paraan dahil sa nabiktima
niya ang anak nito.

3.2 Si Juan sa Kasalukuyan sa mga Midyang Pangmasa


Samantala, natuklasan sa pagsusuri ng mga midyang pangmasa tulad ng telebisyon at
pelikula na higit na marami ang kanais-nais kaysa hindi kanais-nais na mga ugali ni Juan.
Natuklasan ding pawang mga positibong ugali lamang ni Juan ang makikita sa iba pang anyo ng
midya na kinabibilangan ng mga website, radyo, patalastas, iba’t ibang larangan ng pamumuhay,
programang pangkawanggawa, at adhikaing pangwika.
Ang ilan sa mga ipinakitang imahen ni Juan sa kasalukuyan ay matatagpuan sa
sumusunod: May isang programa sa telebisyon na kapwa nakapagtuturo at nakaaaliw na
12

gumagamit ng pangalang Juan. Ito ay ang IJuander ng GMA7. Ayon sa pagsusuri ni Hatol
(2013) ang programang ito sa telebisyon ay agresibo o mapangahas na naghahatid sa mga
manonood ng matatawag na tunay na matalinong panonood dahil ang mga ipinapalabas dito ay
kombinasyon ng mga impormasyon at isyung bukod sa maingat na pinag-aralan ay kawili-wili
rin sa mga manonood na Pilipino. Tinatalakay sa programang ito ang iba’t ibang kuwento
tungkol sa kultura at tradisyon ng mga Pilipino. Samakatwid, masasabing ang programang ito ay
nagpapakita ng pagiging mausisa ni Juan kaya nagpapakita na matalino siya. Nais niyang
malaman at matuklasan ang tungkol sa kanyang sariling kultura at ito ay isang paraan upang lalo
pa niyang makikilala ang sariling lahi.
Sa teleseryeng Juan de la Cruz ipinakita ang pagtatalo ng kabutihan at kasamaan sa
katauhan ni Juan. Kailangan niyang dumaan sa mga pagsubok at pakikipagsapalaran upang
magamit ang mahiwagang krus na may kakayahang magbagong anyo sa Espada ng Katapangan,
Pana ng Karunungan, Latigo ng Katarungan at Sibat ng Kagitingan sa pagtuntong niya sa edad
na 21 (Olea, 2013). Si Juan sa teleseryeng ito ay inilarawang isang tagapagtanggol ng mga tao sa
kasamaan subalit siya rin ay may kahinaan dahil isa rin siyang kalahating tagabantay at
kalahating aswang. Subalit dahil pinalaki siya ni Padre Cito sa kabutihan, pagmamahal sa kapwa,
at paniniwala at pananampalataya sa Diyos na gaya ng gustong mangyari ng kanyang ina ay
napagtagumpayan niya ang kanyang mga kahinaan at nanaig sa kanya ang kabutihan sa kahuli-
hulihan. Higit na marami rin ang kanyang mga kanais-nais na ugali kaysa hindi kanais-nais na
ipinakita sa palabas.
Sa pagsusuring ginawa sa limang episode ng Juan Tamad ng GMA7 ay natuklasan ang
mga sumusunod na kanais-nais na ugali ni Juan: mapagmahal, responsable, mapagpasalamat,
maparaan, maalalahanin, mapagkumbaba, mabait, tapat, at matalino. Nakita rin ang hindi kanais-
nais na ugali ni Juan at ito ay ang sumusunod: tamad, tanga, tuso, at pilosopo (GMA News and
Public Affairs, 2015). Tunay na mas marami ang kanais-nais na ugali ni Juan kaysa hindi kanais-
nais sa mga palabas na ito sa telebisyon.
Pinasok na rin ni Juan ang estasyon ng radyo. Isa na rito ang Radyo ni Juan network.
Ayon sa balita ni Lagon (2014) sa pagbubukas ng Radyo ni Juan News FM 100.7 sa Lungsod
ng Tagum noong Marso 15, 2014 ay ipinahayag ng station manager na si Zea Correa ang
ganito: “We aim to contribute in providing the common people Juans and Juanas with
quality entertainment and relevant information. An informed Juan and Juana is an asset
to their community.” Ipinapahiwatig lamang ng pahayag na ito na malaki ang maitutulong ng
mga radyo upang maging mulat si Juan at Juana sa mga pangyayari sa kanyang paligid. Bukod sa
mga balita at impormasyong kanilang matututunan ay maaaliw pa sila sa mga programang de-
kalidad na mga programa ng estasyon. Ang Juan sa radyo ay isang mulat at may alam na
Pilipino na nais makatulong sa mga kapwa Juan at Juana. Hindi na siya ang tanga sa mga
kuwentong bayan ipinakalat ng mga prayleng Kastila (Pineda, P., Pineda, G. at Ongoco, T.,
1979).
Sumasabay rin si Juan sa mabilis na pag-unlad ng modernong teknolohiya na
kinabibilangan ng teknolohiyang digital o internet. Ginagamit na rin ang kanyang pangalan para
sa iba’t ibang mga layunin. Sinakop na niya ang mga website gaya ng www.juanphilippines.com
kung saan matatagpuan ang makabagong paraan ng pagpapatalastas ng mga produkto ng isang
korporasyong binubuo ng grupo ng kabataang may angking talento at mga bagong ideya. Ang
13

website na ito ay nagsisilbing gabay sa paglalakbay ng mga taong nais maglibot sa Pilipinas.
Ayon sa website, ang paggamit ng pangalang Juan ay isang paglalaro sa pangalan ng tradisyonal
na Pilipinong karakter na Juan Tamad. Nais ng korporasyong Juan Philippines na patunayan sa
lahat na hindi tamad si Juan bagkus layunin nitong pakilusin si Juan upang magalugad nito ang
buong bansa na may mahigit 7,107 mga isla. At higit sa lahat pangarap ng kabataang ito na
ipagmalaki ng bawat Pilipino ang kanilang mga sarili sa halip na ikahiya ang kanilang lahi. May
pagtangkilik sa sariling yaman ng bansa ang website na ito at ipinagmamalaki ang sariling lahi.
Taliwas naman ito sa nais mangyari ng mga prayle sa panahon ng Kastila na ninais na bumaba
ang pagtingin sa sarili ng mga katutubong Pilipino.
Ang isa pang website na may pangalang Juan ay ang www.juanmanilaexpress.com. Sa
impormasyong nakuha kay Enzo Luna na publisher ng website na ito, napili o ginamit niya ang
pangalang Juan sa website na ito upang kumatawan sa kulturang Pilipino. Alam niya na kadikit
na ang “tamad” sa pangalan ni Juan subalit nais niyang ipakita na hindi tamad si Juan sapagkat
may kakayahan siyang kumatawan ng maraming positibong mga gawi at pagpapahalagang
Pilipino. Samantala, ang “Juan Manila” ay dahil sa Maynila nakatira si Juan na siyang punong
lungsod ng Pilipinas (personal na komunikasyon, Pebrero 11, 2015).
Ginagamit din ang pangalang Juan sa pagpapaanunsiyo ng mga produkto kagaya na
lamang ng Cebu Pacific Air na may misyong “Why everyone flies.” Sa kanilang promo na
kung tawagin ay LiteFare ay napag-alamang sila ang kauna-unahang nag-alok ng
pinakamababang pamasahe sa bawat Juan o everyone (every Juan). Tinutukoy ng pahayag na
ito ang karaniwang Pilipino na si Juan. Maraming karaniwang Pilipino o Juan ang nabigyan ng
pagkakataong lumipad sa nais nilang puntahan at sa murang halaga
(https://www.cebupacificair.com/pages/lite-fares.aspx). Sunod-sunod pang paggamit ng
pangalang Juan bilang promosyon pa rin ng kanilang produkto ang ginamit ng Cebu Pacific
tulad ng: Takes 1 to FLY JUAN! Piso Fare From Cebu Pacific at dinugtungan pa ito ng
“EveryJuan can now fly with this seat sale” (http://pacificcebupromos.com/). Naging totoo
ang Cebu Pacific sa kanilang adhikaing makasakay ang karaniwang Juan o mga Pilipino dahil sa
mga promosyong ito. Si Juan sa patalastas na ito ay hindi makasarili sapagkat iniisip niya ang
pagkakapantay-pantay ng lahat ng mga Pilipino.
Pinasok na rin ni Juan ang pagnenegosyo ng pagkain. Kung dati sa mga kuwentong
bayan ay nagtinda siya ng bibingka, balat ng kalabaw, atbp. naging organisado na sa
kasalukuyan ang kanyang pagnenegosyo ng pagkain. May sarili nang korporasyon si Juan, ang
Mang Juan Franchising Corporation. Nakasaad sa patalastas nito ang, “Quality business for
every Juan!” Isinusulong at itinataguyod ng kompanyang ito ang iba’t ibang konsepto tungkol
sa pagkain na patok o may malakas na hatak sa merkado. Kung kaya mapapansin ding malakas
ang dating ng mga produkto nilang nakakabit ang pangalang Juan tulad ng Buko Juan, Juan
Chow, Juan Silog, Mang Juan Maisan, Lugaw Juan, Juan Samalamig, Mang Juan Hamburger,
Mang Juan Pinoy Hot Cake at deribatibo ng pangalang Juan na Juanito’s Scramble
(http://www.juanfoodcart.com/corporate/about-us). Ipinagmamalaki sa negosyong ito ang
kakayahan ni Juan sa pagbebenta ng mga pagkaing may kalidad. Kung sa kuwentong The
King’s Decisions ay pinapabayad siya sa pagkaing hindi naman sinadyang malanghap ay siya na
ngayon ang nagnenegosyo ng pagkain (Eugenio, 2001). Sigurado ring hindi na siya nalilipasan
14

ng gutom dahil may-ari na siya ng negosyong pagkain. Nangangahulugan ito na bukod sa


masipag na si Juan, madiskarte pa.
Pabahay. Ang Lumina ay isang pangmasang pabahay na pagmamay-ari ng Vista Land,
ang nangungunang tagapagpagawa ng pabahay sa bansa. Nagsimula ito noong 2012, at hanggang
sa kasalukuyan ay patuloy sa pagbibigay ng malawak at abot-kayang presyo ng bahay para sa
mga mamimili na karamihan ay kinabibilangan ng mga may pinakamababang sahod o suweldo
(http://www.lumina.com.ph/). Mapapansing nakasaad sa patalastas ng Lumina ang “Every
Juan’s home”. Talagang ang pinupuntirya ng negosyong pabahay na ito ay ang karaniwang
mamamayang Pilipino na kung saan ang isa sa pangunahing pangangailangan ay ang
masisilungan. Kaya, naisip nilang magnegosyo ng pabahay na kayang mabayaran kahit ng mga
may mababang sahod.
Masasabing ang problema noon ni Juan ay problema pa rin niya sa kasalukuyan. Sa mga
kuwentong The Magic Ring, Juan the Fool, at Juan Garces, Freeloader ay inilarawan ang
kawalan ng matitirhan o maayos na tahanan ni Juan. Nagpapatunay ito na siya ay napakahirap.
Nakatira lang sa mga sanga ng puno si Juan (Eugenio, 2001). Dahil pangunahing
pangangailangan ng tao ang may masisilungan o maging ligtas sa init at ulan kapuri-puri ang
mga murang programa o negosyong pabahay na makayang bayaran ng isang karaniwang Juan.
Ang Juan sa negosyong pabahay na ito ay matulungin din sa kapwa.
Kapuna-puna na ginagamit din ng dalawang nangungunang tsanel ng telebisyon sa bansa
sa kani-kanilang mga programa ang pangalang Juan. Una rito ay ang ABS-CBN. Taong 2007
nang ilunsad ang BayaniJuan. Bisyon ng proyektong ito ang mithiing mapukaw ang puso ng
bawat Pilipino na magiging mapagbigay at hikayatin ang bawat isa na tumulong sa kapwa upang
magkaroon ng katuparan ang mga pangarap ng mga kapwa mamamayang higit na
nangangailangan. Pinamumunuan ng proyektong ito ang mga sektor sa gobyerno man o pribado
at mga Non-Government Organization (NGO’s) na magtulong-tulong sa diwa ng Bayanihan
upang muling mapasigla at mapalakas ang Pilipinas (http://www.abs-
cbnfoundation.com/bnj/about.html). May malasakit sa kapwa ang Juan sa programang
pangkawanggawa. Siya mismo ang nangunguna sa paghihikayat sa mga kapwa Pilipino na
maglaan ng tulong sa mga nangangailangan. Hindi siya maramot, mainggitin, atbp. mga hindi
kanais-nais na ugaling taglay ni Juan sa kuwentong Two Friends (Eugenio, 2001).
Ang programang pantanghaling Eat Bulaga (EB) na isang variety show ay gumagamit
din ng pangalang Juan. Ito ay sa segment na Juan For All, All For Juan, Bayanihan of d’
Pipol. Hindi lamang tulong ang naibibigay ng mga prodyuser ng nasabing programa kundi
pagkakaisa ng mga tao at naging kampanya din ang palabas tungo sa kalinisan ng mga barangay
na kanilang pinupuntahan. Isa sa mga kailangang dalhin ay ang mga boteng plastik na
pinareresiklo ng EB upang gawing mga upuan at ipinapamahagi rin sa mga napiling paaralan
(Ancheta, 2013). Tunay na masasabing nagtatanghal at nagtataguyod ng bayanihan ang nasabing
programa.
Sa mga programang ito na pangkawanggawa masisinag ang mithiin ng mga Pilipino na
makatulong sa kapwa na higit na nangangailangan. Hindi lamang sarili ang iniisip kundi sa
pamamagitan ng mga nakaisip ng ganitong paraan ng pagpapaabot ng tulong napatutunayan ang
pakikipagkapwa-tao na isa sa mga kalakasan ng ugaling Pilipino. Ayon kay Licuanan (1994)
naipapakita ang pakikipagkapwa-tao ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagpapakita ng
15

pagmakamakatarungan at pagmamalasakit sa iba. Nakikita ito sa kakayahan ng mga mamamayan


na tumulong, makiramay, magbigay, magbayanihan at ang mabuting pakikitungo sa kapwa o
kagandahang-loob.
Samantala, sa Pambansang Komperensiya sa Filipino na ginanap sa MSU-IIT noong
Pebreo 2015, ay nabasa ng mananaliksik ang slogang, “Wikang Filipino itong nagpapakislot ng
puso, inaantig pati damdaming Pilipino. Nagpapakilos sa bawat Juan, Lagusan ng Pilipinong
Kaisipan”. Naka-imprinta ito sa likurang bahagi ng t-shirt ng mga propesor sa Filipino sa MSU-
IIT General Santos City. Malinaw na nakasaad sa sawikaing ito na ang wikang pambansa na
Filipino ay susi upang maabot ang nasa kaibuturan ng puso ng bawat Pilipino. Gayundin, ito ang
nagpapagalaw sa lahat ng Juan at naging daan upang maipahayag ang kaisipan ng mga Pilipino.
Samakatwid, si Juan ay makabayan. Hindi niya pinahahalagahan ang wikang banyaga kundi ang
sariling wika ang pinaniniwalaan niyang higit na mahalagang gamitin.

4. Kongklusyon
Nilayon ng pag-aaral na ito na kilalanin kung sino si Juan noon at ngayon sa lipunang
Pilipino. Sinagot nito ang tiyak na katanungan: “Sino si Juan noon at ngayon sa lipunang
Pilipino?”
Sinuri ng mananaliksik ang 68 na mga kuwentong bayan nang makilala kung sino si Juan
noon. Sa pagkilala kay Juan sa kasalukuyan ay sinuri din ang iba’t ibang anyo ng midya at mga
larangan ng pamumuhay pati ang adhikaing pangwika na gumagamit ng pangalang Juan.
Ginamit ang DECS Values Education for the Filipino para sa pagpapangkat sa mga katangian
o ugali ni Juan sa mga kuwentong bayan. Narito ang mga natuklasan sa pag-aaral:
1. Bilang isang miyembro o kasapi ng pamilya at bilang isang karaniwang mamamayan
ay kapwa taglay ni Juan ang mga kanais-nais at hindi kanais-nais na ugali dahil sa impluwensiya
ng iba’t ibang institusyon sa lipunang kanyang ginagalawan.
2. Si Juan ng kasalukuyang panahon batay sa mga anyong pangmidya na telebisyon at
pelikula ay nagtataglay ng higit na maraming kanais-nais na ugali kaysa hindi kanais-nais na
ugali.
3. Sa iba pang anyo ng midya tulad ng website, radyo, at patalastas ay pawang kanais-
nais ang imaheng ipinapakita ni Juan. Ganoon din sa iba pang larangan ng pamumuhay at mga
programang pangkawanggawa at pangwika.
Dahil sa mga natuklasang ito ay nabuo ng mananaliksik ang sumusunod na kongklusyon:
1. Si Juan ay isang karaniwang tao na may taglay na kanais-nais at hindi kanais-nais na
mga ugali na sanhi ng mga institusyon sa lipunang kanyang ginagalawan.
2. Higit na pinalulutang ang kanais-nais na ugali ni Juan sa kasalukuyan sa mga teleserye
at pelikula kaysa mga hindi kanais-nais niyang ugali.
3. Isang Juan na nagbabagong-anyo ang makikita sa kasalukuyan sa iba’t ibang anyo ng
midya, programang pangkawanggawa at pangwika.
16

Mga Reperensiya:

Abrams, M. H. (1999). A glossary of literary terms (7th ed.). USA: Harcourt Brace College

Publishers.

Ancheta, J. R. (2013). Ang Pagbasa ng Juan For All, All For Juan ng Eat Bulaga at ang Mito

ng ‘Bayanihan of d’ Pipol’. Dalumat eJournal, 4 (1&2). http://ejournals.ph/index.php?

journal=DALUMAT&page=article&op=vie w&path%5B%5D=7559&path%5B%5D=7876.

Aguilar, M. D. (2005). Fighting the Panopticon: Filipino Trickster Tales as Active Agency

against Oppressive Structures. Philippine Humanities Review: Rebyu ng Arte at

Literatura, 8, 84-109.

Brannigan, J. (2001). History, power and politics in the literary artifact: New historicism. Julian

Wolfreys (ed.), Introducing literary theories: A guide and glossary. Great Britain:

Edinburgh University Press.

De la Rosa, Lydia P. (2006). Folktales from Northern Samar. Samar City: University of Eastern

Philippines.

Demetrio, Francisco R. SJ. (1972). Themes in Philippine Folktales. http://www.asj.upd.ph/

mediabox/archive/ASJ-10-01-1972/demetrio themes%20philippine%20folk%20tales.pdf

Drabble, M. (2000). The Oxford companion to English literature (6th ed.) New York: Oxford

University Press.

Eugenio, Damiana L. (2001). Philippine folk literatures: The Folktales. Quezon City: University

of the Philippines.
17

Escudero, M. (2010, August 25). Mga usisero ikukulong. Kinuha sa

http://www.philstar.com/bansa/605488/mga-usisero-ikukulong.=

Estabillo, M. & Arguilla, L. (1965). Stories of Juan Tamad. Manila: Alberto S. Florentino.

Esteban, R. C.; Casanova, A. P.; at Esteban, I. C. (2002). Mindanao folktales. Mandaluyong

City: National Book Store.

GMA News and Public Affairs. (2015). Juan Tamad. Quezon City: GMA Network.

Gonzaga, Z. (2005). Mga Alamat, Pabula, Epiko at Kuwentong Bayan. Manila: Booklore

Publishing Corporation.

Hatol, M. C. (2013). Manila Bulletin reviews GMA NewsTV’s IJuander. MediaNewser.com,

Kinuha sa http://www.medianewser.com/2013/08/manila-bulletin-reviews-ijuander.html

Lagon, JR. (2014, March 14). Radyo ni Juan NewsFM formally launches in Tagum City. Kinuha

sa http://davaotoday.com/main/inbox/radyo-ni-juan-newsfm-formally-launches-tagum-

city/ Kinuha noong Pebrero 26, 2015.

Laya, J. (1946). Kuwentong-bayan. Manila: Inang Wika Publishing Co.

Licuanan, P. (1994). A moral recovery program: Building a people-building a nation.

Nasa Dy, M. B. Jr. (ed.). (p. 35-54). Values in Philippine Culture and Education:

Philippine Philososophical Studies, I. Washington, D. C.: The Council for Research

and Values Philosophy.

Olea, J. (2013, Enero 14). Coco, anak ng aswang sa ‘Juan de la Cruz’. Kinuha sa

http://www.abante-tonite.com

Orobia, S. M. (2012). Glimpses of Bicolano tales. National Library of the Philippines.


18

Pineda, P. B. P., Pineda, G. K. D, at Ongoco, T. C. (1979). Ang panitikang Pilipino sa

kaunlarang bansa: Pandalubhasaan: Caloocan City: National Book Store, Inc.

Rabuco, A. C. (2006). Hiligaynon mythological stories and folktales: analysis and

translation. Iloilo City: University of San Agustin Publishing House.

Salazar, Dionisio S. (2006). Mga alamat at kuwentong bayan. Mandaluyong City:

National Book Store.

Santiago, L. Q. (2012). Ang Pinagmulan ng Kilusang Feminista sa Pilipinas. Review of Women’s

Studies. Kinuha sa http://journals.upd.edu.ph/index. php/rws/article/viewFile/3111/2928.

Sison, E. S. (2006). More tales from the land of salt: Continuing the saga of the salt people.

Makati City: Elmyrs Publishing House.

Wolfreys, J. (2001). Introducing literary theories: A guide and glossary. Edinburgh, Great

Britain: Edinburgh University Press.

Tungkol sa Awtor: Si May Ann P. Bretaňa ay kandidato para sa digring Doktor ng


Pilosopiya sa Filipino ng DFIW, MSU-IIT. Kasalukuyan siyang nagtuturo ng mga
asignaturang Filipino sa Mountain View College, College Heights, Mt. Nebo
Valencia City, Bukidnon. Nagtapos siya ng kanyang Master of Arts in Teaching
Filipino sa Central Mindanao University taong 2005.

You might also like