You are on page 1of 8

Bisa ng FILIPINO sa Pagtuturo ng Araling Kompiyuter:

Isang Personal na Salaysay


ni
Prop. Elimar Alupay Ravina, PhD (cand.)
UNIBERSIDAD NG SANTO TOMAS, Maynila

PhD Pagpaplanong Pangwika sa Filipino, UP Diliman


BA Siyensiyang Pangkompiyuter, TIP Lungsod Quezon

Introduksiyon

Nais ko lamang itanong sa ating minamahal na mga panauhin para sa sesyong ito,
naririto ba kayo dahil gumagamit na kayo ng Filipino sa inyong pagtuturo ng mga aralin sa
kompiyuter, o nagbabalak gamitin ito; o dili kaya’y naririto kayo dahil ipinadala kayo ng
inyong mga pinuno bilang kinatawan ng inyong mga institusyon?

Ganito ang aking pambungad na katanungan, sapagkat alam kong marami pa rin sa
inyo ang hati ang puso kung pag-uusapan ang paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo sa
araling kompiyuter. Huwag kayong mag-alaala dahil normal lamang ito at hindi nalalayo
ang inyong mga pagdududa at pag-iisip sa mga nararanasan ng mga kapuwa natin guro at
nagtuturo sa larangan ng araling kompiyuter. Marahil ay dulot ito ng ating mga
nakasanayan at talaga namang hindi madali ang pagbabago ng mga nakasanayang ito. Hindi
madali ang paradigm shift ‘ika nga nila.

Para sa akin, isang malaking hakbang ang serye ng mga forum at mga panayam na
isinasagawa ng Komisyon sa Wikang Filipino bilang preparasyon at pagpapalakas ng ating
bansa sa pakikilahok nito sa ASEAN. Nasabi ko ito, sapagkat kailangan ng ating bansang
palakasin ang kaniyang sarili upang hindi malusaw sa puwersa ng mga bansang kasama sa
ASEAN. Ang ibig kong sabihin, kung susuriin, may matatatag na pagkilala sa kanilang
sariling identidad ang mga kasama nating bansa sa organisasyong ito, ngunit tila kulang pa
ang tatag ng ating sariling bansa. Ang palagay na ito ay bunsod ng pagtanaw na ang wika ay
kultura at ito mismo ay instrumento sa pagpapalaganap ng kultura. Sa mga programa ng
Komisyon tungo sa pagpapatatag at pagpapalawak sa paggamit ng Filipino, hindi man
lantad, napalalakas nito ang pagkilala ng mga Filipino sa kanilang sarili bilang isang lahi na
may natatanging pagkakakilanlan. Sa pamamagitan nito, makasasabay tayo sa agos ng mga
pagbabagong dulot ng ating integrasyon sa iba pang mga bansa sa Timog Silangang Asya na
kayang panatilihin ang sariling identidad, bagaman buká s sa mga pagbabago at pag-unlad
na maaaring idulot ng integrasyon.
Maliban sa kultural na pagpapalakas na aking nabanggit, ang hayag na layunin ng
mga inisyatibang isinasagawa ng Komisyon ay ang puspusang isulong ang
intelektuwalisasyon ng Filipino sa mga teknikal na dominyo ng karunungan, kasama ang
larangan ng kompiyuter na siyang ating tuon sa talakayang ito. Sa pinakasimpleng
pagpapakahulugan sa intelektuwalisasyon, ito ay ang paggamit sa Filipino bilang midyum
ng diskurso sa mga larangan at kalauna’y maging dukal ng karunungan ng mismong
larangan.

Sa hangaring intelektuwalisasyong ito, nababatid ng Komisyon na ang bawat isa sa


atin ay magiging kasangga at kabalikat sa pag-abot ng isang intelektuwalisadong Filipino.
Sa kadahilanang ito, nais kong bigyan kayo ng kaunting inspirasyon sa pamamagitan ng
pagbabahagi ng aking karanasan sa paggamit ng Filipino sa pagtuturo ko ng mga aralin sa
kompiyuter. Sa maikling pagbabahaging ito, nais kong (a) tingnan ang ilang basehang
siyentipiko at legal upang marasyonalisa ang ating mga ginagawa, (b) mailahad sa inyo
kung paano ako nagsimula at paano ko hinarap at napagtagumpayan ang mga hamong
aking kinaharap, (c) maipakita sa inyo ang mga naging resulta ng aking inisyatiba upang
magsilbing patotoo sa kahusayan ng Filipino sa pagtuturo ng kompiyuter, at (d) sipatin
natin nang sama-sama ang direksiyong patutunguhan ng ating pakikibahagi sa
intelektuwalisasyon ng Filipino sa larangan ng araling kompiyuter.

Mga Basehang Legal at Siyentipiko


Dapat nating tandaan na ang pagsusulong sa intelektuwalisasyon ng Filipino ay
hindi lamang basta bunsod ng damdaming makabayan o ng personal na interes ng mga
nagmamahal sa wikang ito. Ang mga inisyatibang ginagawa upang ito’y paunlarin at
palawakin ay nakasandig sa mga legal at siyentipikong basehan na siyang nagpapalakas sa
pangangailangang puspusang itampok ang Filipino bilang wika ng intelektuwal na
diskurso. Upang maliwanagan sa rasyonal ng mga pagsulong na ito, ating balikan ang ilang
mahahalagang batas at kautusang may kinalaman sa pagtatadhana sa wikang Filipino
bilang wika ng pagtuturo. Unang-una dito ang tadhana ng 1987 Konstitusyon na makikita
sa Artikulo XIV, Seksiyon 6-9 na nagsasabing:

Sek.6
Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang,
ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa
Pilipinas at sa iba pang mga wika.
Alinsunod sa mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na
maaaring ipasiya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang
pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng
Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wikang
panturo sa sistemang pang-edukasyon.

Sek. 7
Ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga
opisyal na wika ng Pilipinas ay Filipino at hangga’t walang ibang
itinatadhana ang batas, Ingles.
Ang mga wikang panrehiyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa
mga rehiyon at magsisilbing pantulong na mga wikang panturo doon.
Dapat itaguyod nang kusa at opsiyonal ang Kastila at Arabik.

Sek. 8
Ang Konstitusyong ito ay dapat ipahayag sa Filipino at Ingles at dapat
isalin sa mga pangunahing wikang panrehiyon, Arabik, at Kastila.

Sek.9
Dapat magtatag ang Kongreso ng isang komisyon ng wikang
pambansa na binubuo ng mga kinatawan ng iba’t ibang mga rehiyon at mga
disiplina na magsasagawa, mag-uugnay at magtataguyod ng mga
pananaliksik sa Filipino at iba pang mga wika para sa kanilang pagpapaunlad,
pagpapalaganap, at pagpapanatili.

Batay sa mandatong ito ng Konstitusyon, malinaw nitong isinasaad na sa larang ng


pagtuturo, ang Filipino ay wikang opisyal at dapat itong ibunsod at puspusang gamitin sa
sistemang pang-edukasyon. Binibigyan tayo nito ng dahilan na ang ating pagpupursiging
gamitin ang Filipino para sa pagtuturo ng mga asignaturang pangkompiyuter ay legal o de
jure.
Sang-ayon sa atas na ito ng Konstitusyon, ilang mahahalagang kautusan kaugnay sa
Filipino ang inilabas tulad ng DECS Order No.54, s.1987 (Implementing Guidelines for the
1987 Policy on Bilingual Education) na may tunguhin para sa modernisasyon, kultibasyon,
at intelektuwalisasyon ng Filipino; at ng DECS Order 54, s. 1987 na nagsasaad na
pananatilihin ang Ingles bilang di-eksklusibong wika ng siyensiya at teknolohiya (nasa
Kartilya ng Wikang Filipino bilang Wika ng Edukasyon, 2004, p.7).

Ipinakikita ng mga ito na may matitibay na batayan na isulong “natin” ang paggamit
ng Filipino sa ating mga larangan. Ang tunguhing ito ng pamahalaan sa pamamagitan ng
Komisyon ay hindi simpleng adbokasiya ng mga bantay-wika at nagmamahal sa Filipino,
kundi isang pangmalakihang plano ng gobyerno na kailangan nating isulong.
Samantala, pinatutunayan ng mga pag-aaral na nagsuri sa karanasan ng iba’t ibang
mga propesor na gumagamit ng Filipino sa pagtuturo ng kanilang mga kurso na mabisa ang
Filipino upang matuto ang mga estudyante. Sa UP Integrated School, napatunayan na mas
epektibo ang paggamit ng Filipino sa pagtuturo ng Pisika (Eusebio 2007, p. 102). Sa
isinagawang Student’s Assessment and Teaching Effectiveness sa naturang gawain, lumabas
na malinaw ang pagpapahayag at pagpapaliwanag sa mga paksa, gamit ang Filipino.
Napatunayan din ni Sevilla (2011) na mahusay gamitin ang Filipino sa pagtuturo ng
Kemistri sa kanjyang mga klase sa Unibersidad ng Santo Tomas. Gayundin, sa Dela Salle
University, sinubukang ituro ang Matematika ng Pamumuhunan at Pangkolehiyong
Algebra sa Filipino. Lumabas dito na mas naihahayag ng mga mag-aaral ang kanilang mga
kuro-kuro sa wikang Filipino. Naging masigla din ang talakayan sa klase sapagkat naging
malaya ang pagtatanong at pagpapahayag ng mga mag-aaral (Soriano 2010, m.p.237-238).
Nagsagawa rin ng katulad na estratehiya ang Kolehiyo ng Inhenyeriya sa Unibersidad ng
Pilipinas. Ang mga pangunahing asignatura sa inhenyeriya ay itinuro sa Filipino at
lumabas dito na mas naiintindihan at nabibigyang-halaga ng mga mag-aaral ang
pagpapaliwanag sa Filipino (Seva, 2007, p. 247). Lahat ng mga ito ay nagpapakita ng higit
na mabisang pagkatuto ng mga mag-aaral.

Inaasahan, kung gayon, na sa pagkakaalam sa mga batas at kautusang ito, at sa


pagpapatunay ng mga karanasang sinuri sa mga pag-aaral, malilinaw sa ating isipan ang
matibay na rasyonal sa tunguhin para sa intelektuwalisasyon ng Filipino sa iba’t ibang
dominyo kasama ang araling kompiyuter.

Paano ba ako Nagsimula?


Sa totoo lamang, kagaya ng marami sa inyo, ará l din ang inyong lingkod sa Ingles.
Ibig kong sabihin, ito rin ang wikang ginamit sa pagtuturo ng aking mga propesor at pag-
aaral ko ng siyensiyang pangkompiyuter sa aking araling batsilyer. Dahil dito,
awtomatikong ito rin ang aking naging midyum noong unang mga taon ko sa pagtuturo sa
kolehiyo. Subalit sa pagtuturo ko ng mga kurso sa siyensiyang pangkompiyuter gamit ang
Ingles, napansin kong kailangan ko pa ring ipaliwanag sa Filipino ang mga aralin. Madalas
itong mangyari. Napansin ko ring marami ang nakikipagtalakayan kahit pa minsan ay
Filipino na ang aking ginagamit.

Ang totoo, noong mga panahon na nakita kong “tila” magandang gamitin ang
Filipino sa pagtuturo ko, wala akong idea sa mga tadhana ng batas at mga kautusang aking
binanggit kanina. Intuwisyon ko lamang ang nagdikta sa akin na “parang” mas mainam na
gamitin ang Filipino kaysa Ingles. Marahil, pakiwari ko, mas maraming estudyanteng mas
bihasa sa Filipino (na totoo naman). Dahil dito, sinimulan ko na ang pormal na paggamit ng
Filipino sa aking pagtuturo. Ibig kong sabihin, inilalahad ko na ang mga lektura gamit ito at
hanggang maaari ay sinisikap kong Filipino din ang gamit sa mga akademikong diskusyon
ng mga estudyante.

Gayumpaman, napansin kong tila yata hindi rin ako handa sa biglaan kong
pagbabago. Una, hindi ako sanay mag-Filipino nang pormal. Napakakolokyal ng alam kong
paggamit nito. Noong mga panahong iyon, aminado akong kulang ako sa tinatawag na CALP
o cognitive academic language proficiency, sapagkat gamay ko lamang ang Filipino sa
BIC(S)o basic interpersonal communication (skills). Ito ang nagbunsod sa akin na palawakin
at pataasin ang aking propesyonal at akademikong kakayahan sa paggamit ng Filipino.
Nag-enrol ako sa gradwadong aralin na may tuon mismo sa wikang Filipino. Dito rin ako
nasanay sa mga tinatawag na pedagogical idioms na siya kong nagamit sa aking pagtuturo.
Ito ang sagot sa mga nagtatanong kung papaano akong nasa larangan na ng Filipino sa
kasalukuyan.

Noong nag-uumpisa pa lamang ako sa paggmit ng Filipino sa aking mga klase, tulad
nang nabanggit ko na, ginawa ko itong pantulong na wika sa aking pagtuturo. Kapag may
mga konseptong nahihirapang intindihin ng mga estudyante, ipinaliliwanag ko ito sa
Filipino. Hindi naglaon at naging pangunahin ko nang midyum ng instruksiyon ang wikang
ito.

Sa loob ng aking mga klase, ginamit ko ang Filipino sa aking panayam. Ito rin ang
naging midyum ng talastasang intelektuwal at akademiko ng mga estudyante sa aking mga
klase. Hiningi ko rin na gamitin ito ng mga estudyante sa kanilang mga presentasyon sa mga
proyekto sa kursong systems analysis and design at software engineering. May patakaran
noon ang unibersidad na aking pinapasukan na palakasin ang paggamit ng wikang Ingles sa
mga estudyante, subalit dahil ang dalawang kursong aking binanggit ay hindi departmental
ang presentasyon, walang umuupong kinatawan mula sa puno ng kagawaran. Dahil doon,
nagkaroon ako ng layang isulong ang paggamit ng Filipino sa aking mga klase. Nagkaroon
din ako ng inisyatibang isulat ang aking mga eksaminasyon sa Filipino. Ang aking mga
manuskrito at mga computational problem set para sa programming ay sa Filipino
nakasulat.

Eksperimental at personal na inisyatiba lamang ang aking ginawa dala marahil sa


nakita kong pangangailangan para mas episyente kong maituro ang aking mga kurso. At, sa
aking paglago sa larangan ng wika, mas naging matagumpay pa ang aking naging
paglalakbay sa paggamit ng Filipino sa disiplinang ito.

Mga Hamon sa aking Piniling Landas


Nais ko lamang linawin na ang pagsasabi ko na matagumpay ako sa landas na aking
tinahak ay hindi nangangahulugan ng agarang tagumpay o instant success. Ang totoo,
naging mapanghamon at mahirap din ang aking biyahe. Ilan sa mga kinaharap kong
suliranin ang sumusunod:
a. Negatibong pagtanggap ng mga estudyanteng maka-Ingles;
b. Negatibong komento mula sa aking mga kaguro;
c. Kawalan ng mga materyales na nasa Filipino sa pagtuturo ng mga kursong
pangkompyuter;
d. Pagsasa-Filipino ng mga termino sa larangan; at
e. Kakulangan ng aking kakayahan sa CALP sa Filipino (noong umpisa dahil ará l
ako sa Ingles).

Lahat ng mga ito ay mahirap, subalit higit akong nahirapan sa dalawang nauna (a at
b), sapagkat wala akong kontrol dito. Tanging ginawa ko ay ipakita ang kabutihang dulot ng
aking ginagawa. Ang huling tatlo (c, d, at e) naman ay mas naging madali, sapagkat
nakatulong na ang aking araling gradwado upang tugunan ito. Sa aking pag-aaral ng
Filipino na rin naging mas malawak at bukas ang aking isip sa mga usaping may kinalaman
sa wikang Filipino, kasama na ang paggamit dito sa pagtuturo. Di naglaon, unti-unting
naging madali ang aking ginagawa.

Nasiraan ba ako ng Loob?


Mapanghamon ang aking biyahe, ngunit ako’y nagpatuloy. Baon ko ang aking mga
bagong kaalaman na pinaigting ng tibay na aking loob at paninindigan, puspusan pa ang
aking naging pagsulong sa paggamit ng Filipino sa araling kompiyuter. Ito ang dahilan at sa
mga forum at kongresong katulad nito ay nakikilahok at nakikibahagi ang inyong lingkod.
Ipinagpatuloy ko rin ang ang pagpapaunlad sa aking sarili, hindi upang itampok ang
sariling interes, kundi upang itaguyod ang kapakanan nang mas marami at maibahagi sa
mga kaguro at estudyante ang aking nalalaman. At dahil isang malaking suliranin para sa
akin ang pagtutumbas sa Filipino sa mga terminong pangkompiyuter, sinikap kong
magharap ng mga pamantayan sa pagsasa-Filipino sa mga termino bilang aking
kontribusyon sa adbokasiyang ito. Ito ang naging paksa ng aking doctoral dissertation at
inaasahan kong makapag-aambag ito sa intelektuwalisasyon ng Filipino sa araling
kompiyuter.
Sa madaling sabi, nagpatuloy ako. Heto nga at naririto ako para sa tunguhing ito!

Mabubuting Bunga ng Paggamit ko ng Filipino sa Pagtuturo


Sa aking pagtá ya, mula nang gamitin ko ang Filipino, may mga pagbabagong
nangyari sa loob ng aking mga klase. Una, naging aktibo sa pakikilahok sa klase ang aking
mga estudyante. Ikalawa, naging mas analitikal at malikhain sila. Natuto silang magtanong
nang may kabuluhan at mas nailalabas nila ang kanilang mga idea sa kanilang mga gawaing
akademiko. Ikatlo, humusay ang kanilang mga pagganap (performance) sa aking mga
klase. Binase ko ito sa mga kantitatibong pagtá ya tulad na lamang ng kanilang scores sa
mga eksaminasyon at mga grado sa mga proyekto.

Sang-ayon ang mga resultang ito sa literatura kaugnay ng mga propesor na gumamit
ng Filipino sa iba’t ibang larangan tulad ng agham, matematika, at inhenyeriya. Ang
konsistensing ito ay isang malaking patunay na ang bisa ng Filipino sa pagtuturo sa iba’t
ibang larangan, na sa kaso ko’y sa araling kompiyuter, ay hindi haka-haka kundi
katotohanan.

Saan ba Patutungo ang aking Paglalakbay?


Marahil naitatanong ninyo, bagaman pang-ilang beses ko na ring nabanggit, kung
saan ba talaga patungo ang mga gawaing katulad nito. May mangyayari pa ba talaga
pagkatapos ng kongreso? Saan naman tayo dadalhin nito?

Nais kong ibahagi ang destinasyong tinatanaw ng Komisyon, na siya rin naming
pangarap bilang kabalikat sa mga gawaing ito- ang intelektuwalisasyon ng Filipino.

Ano nga ba ang isang intelektuwalisadong wikang Filipino? Ayon kay Yu (2005),
intelektuwalisado ang Filipino kung “ginagamit na ang wikang Filipino ng mga intelektuwal
at dalubhasa sa kanilang diskurso; may sapat nang terminong teknikal na maitatapat sa
mga hiniram sa wikang Ingles o iba pang wikang dayuhan; at may sapat nang
bokabularyong magagamit sa pagpapahayag ng abstraktong kaisipan.”

Ito ang tinatanaw nating destinasyon.

Kongklusyon: Paghahamon, Pagmumuni, at Pagkilos


Ang aking naging karanasan ay patunay lamang na mabisa ang Filipino sa pagtuturo
at pag-aaral ng araling kompyuter- CS, IT, IM, at iba. Pinakikita rin nito na hindi madali sa
unang pagkakataong susubukin, ngunit sa pagkakaroon ng paninindigan at kagustuhang
gawin ito upang maging kaisa ng pamahalaan sa pagtataguyod sa ating wikang Filipino
bilang midyum ng intelektuwal na diskurso sa ating larangan, tiyak na sa di-katagalang
panahon ay makakamtan ang inaasam na intelektuwalisadong Filipino.

Ang mahalaga siguro ay magmuni-muni sa ating mga tungkulin bilang mga Filipino
at sa mga posibleng kontribusyon natin sa mga katulad na pagkilos. Ang marapat na tanong
ay marahil hindi, kaya ko ba (?), bagkus ay nais ko ba?

You might also like