You are on page 1of 23

Karapatang-sipi ©2020 ng DepEd Bohol

Reserbado ang lahat ng karapatan. Ang alinmang bahagi nito ay hindi maaaring ilathala o
ilabas sa anumang anyo, kasama na rito ang mga video, nang walang nakasulat na
pahintulot ang tagapaglathala at mga may-akda. Hindi sakop ng karapatang-sipi ang
sariling-aklat na ilalathala sa mga pahayagan at magasin.

Inilathala at inilimbag sa Pilipinas ng DepEd Bohol na may tanggapan sa 50 Lino Chatto


Drive, Cogon District, Tagbilaran City, Bohol.

May-akda:
Michelle May N. Gullan

Tagasuri:
Wilfreda O. Flor, Ph.D
Josephine D. Eronico, Ph.D
Jocelyn T. Rotersos, R.L.

Bumuo sa Pagsusulat ng Modyul

Manunulat: Michelle May N. Gullan


Tagasuri: Wilfreda O. Flor, Ph.D.
Josephine D. Eronico, Ph.D.
Jocelyn T. Rotersos, R.L.
Tagaguhit: Jaype U. Palma, MatFil
Tagalapat: Jaype U. Palma, MatFil
Tagapamahala: Bianito A. Dagatan, EdD, CESO V
Schools Division Superintendent
Carmela M. Restificar, PhD
OIC- CID Chief
Josephine D. Eronico, PhD
EPS, LRMS
Wilfreda O. Flor, PhD
EPS, Filipino

Inilimbag sa Pilipinas Pansangay ng Bohol


Department of Education – Region VII, Central Visayas

Office Address: 50 Lino Chatto Drive, Cogon District, Tagbilaran City, Bohol
Telephone: (038) 412 – 4938 (038) 411 – 2544 (038) 501 – 7550
Telefax: (038) 501 – 7550
E-mail Address: deped.bohol@deped.gov.ph

Paunang Salita
Para sa tagapagdaloy:

Malugod na pagtanggap sa asignaturang Filipino 8 ng Alternative Delivery Mode (ADM)


Modyul para sa araling “Tula at Balagtasan”.

Ang modyul na ito ay pinagtulungang dinisenyo, nilinang at sinuri ng mga edukador mula sa
pampublikong institusyon upang gabayan ang guro para matulungang makamit ng mag-
aaral ang pamantayang itinakda ng Kurikulum ng K to12 habang kanilang pinagtagumpayan
ang pansarili, pamilya at pamayanang hamon sa pag-aaral.

Ang tulong-aral na ito ay umaasang makauugnay ang mag-aaral sa mapatnubay at


malayang pagkatuto na mga gawain ayon sa kanilang kakayahan, bilis at oras. Naglalayon
din itong matulungan ang mag-aaral upang makamit ang mga kasanayang pan-21 siglo
habang isinasaalang-alang ang kanilang mga pangangailangan at kalagayan.

Bilang karagdagan sa materyal ng pangunahing teksto, makikita ninyo ang kahong ito sa
pinakakatawan ng modyul:

Mga Tala para sa Guro


Ito'y naglalaman ng mga paalala, panulong o estratehiyang
magagamit sa paggabay sa mag-aaral.

Para sa mag-aaral:

Malugod na pagtanggap sa Filipino 8 ng Alternative Delivery Mode (ADM) Modyul ukol sa


“Tula at Balagtasan”.

Ang modyul na ito ay ginawa bilang tugon sa iyong pangangailangan. Layunin nitong
matulungan ka sa iyong pag-aaral habang wala ka sa loob ng silid-aralan. Hangad din nitong
mabigyan ka ng mga makabuluhang oportunidad sa pagkatuto.

Ang modyul na ito ay may mga bahagi at icon na dapat mong maunawaan.
Alamin Sa bahaging ito, malalaman mo ang mga dapat
mong matutuhan sa modyul.

Subukin Sa pagsusulit na ito, makikita natin kung ano na


ang kaalaman mo sa aralin ng modyul. Kung
nakuha mo ang lahat ng tamang sagot (100%),
maaari mong laktawan ang bahaging ito ng
modyul.

Balikan Ito ay maikling pagsasanay o balik-aral upang


matulungan kang maiugnay ang kasalukuyang
aralin sa naunang leksyon.

Tuklasin Sa bahaging ito, ang bagong aralin ay ipakikilala


sa iyo sa maraming paraan tulad ng isang
kuwento, awitin, tula, pambukas na suliranin,
gawain o isang sitwasyon.

Suriin Sa seksyong ito, bibigyan ka ng maikling


pagtalakay sa aralin. Layunin nitong matulungan
kang maunawaan ang bagong konsepto at mga
kasanayan.
Pagyamanin Binubuo ito ng mga gawaing para sa
mapatnubay at malayang pagsasanay upang
mapagtibay ang iyong pang-unawa at mga
kasanayan sa paksa. Maaari mong iwasto ang
mga sagot mo sa pagsasanay gamit ang susi sa
pagwawasto sa huling bahagi ng modyul.

Isaisip Naglalaman ito ng mga katanungan o pupunan


ang patlang ng pangungusap o talata upang
maproseso kung anong natutuhan mo mula sa
aralin.

Isagawa Ito ay naglalaman ng gawaing makatutulong sa


iyo upang maisalin ang bagong kaalaman o
kasanayan sa tunay na sitwasyon o realidad ng
buhay.

Tayahin Ito ay gawain na naglalayong matasa o masukat


ang antas ng pagkatuto sa pagkamit ng
natutuhang kompetensi.

Karagdagang Gawain Sa bahaging ito, may ibibigay sa iyong


panibagong gawain upang pagyamanin ang
iyong kaalaman o kasanayan sa natutuhang
aralin.

Susi sa Pagwawasto Naglalaman ito ng mga tamang sagot sa lahat ng


mga gawain sa modyul.
Sa katapusan ng modyul na ito, makikita mo rin ang:

Sanggunian Ito ang talaan ng lahat ng pinagkuhanan


sa paglikha o paglinang ng modyul na ito.

Ang sumusunod ay mahahalagang paalala sa paggamit ng modyul na ito:

1. Gamitin ang modyul nang may pag-iingat. Huwag lalagyan ng anumang marka o
sulat ang anumang bahagi ng modyul. Gumamit ng hiwalay na papel sa pagsagot sa
mga pagsasanay.
2. Huwag kalimutang sagutin ang Subukin bago lumipat sa iba pang gawaing
napapaloob sa modyul.
3. Basahing mabuti ang mga panuto bago gawin ang bawat pagsasanay.
4. Obserbahan ang katapatan at integridad sa pagsasagawa ng mga gawain at sa
pagwawasto ng mga kasagutan.
5. Tapusin ang kasalukuyang gawain bago pumunta sa iba pang pagsasanay.
6. Pakibalik ang modyul na ito sa iyong guro o tagapagdaloy kung tapos nang sagutin
lahat ng pagsasanay.

Kung sakaling ikaw ay mahirapang sagutin ang mga gawain sa modyul na ito, huwag
mag-aalinlangang konsultahin ang inyong guro o tagapagdaloy. Maaari ka ring humingi
ng tulong kay nanay o tatay, o sa nakatatanda mong kapatid o sinuman sa iyong mga
kasama sa bahay na mas nakatatanda sa iyo. Laging itanim sa iyong isipang hindi ka
nag-iisa.

Umaasa kami na sa pamamagitan ng modyul na ito, makararanas ka ng makahulugang


pagkatuto at makakakuha ka ng malalim na pang-unawa sa kaugnay na mga
kompetensi. Kaya mo ito!
Alamin

Ang modyul na ito ay dinisenyo at sinulat nang may pagpapahalaga sa iyong kakayahan at
interes. Ito ay naglalayong matulungan kang matuto tungkol sa tunay na kahulugan ng konsepto
ng nasyonalismo o damdaming makabayan. Dito ay madidiskubre mo rin kung paano sumibol
ang kaisipang liberal ng mga sinaunang Pilipino at kung paano ito humantong sa pagkagising
ng kanilang damdaming makabansa. Ang mga salitang ginamit dito ay akma sa iyo at sa lebel
ng iyong bokabularyo. Ang daloy ng mga aralin dito ay alinsunod sa wastong pamantayan.

Ang modyul na ito ay may apat na aralin na may ibat-ibang kompetensi para sa unang linggo ng
Ikalawang Markahan. Ito ay ang mga:

Aralin 1: Tula at Balagtasan


 Unang Araw: Pagpili ng mga Pangunahin na Kaisipang Nakasaad sa Binasa
Pagkatapos mong pag-aralan ang aralin, inaasahan sa iyo na:

Napipili ang mga pangunahin at pantulong na kaisipang nakasaad sa binasa


(F8PB-IIa-b-24)
 Ikalawang Araw: Pagpili ng mga Pantulong na Kaisipang Nakasaad sa Binasa
Pagkatapos mong pag-aralan ang aralin, inaasahan sa iyo na:

Napipili ang mga pangunahin at pantulong na kaisipang nakasaad sa binasa


(F8PB-IIa-b-24)
 Ikatlong Araw: Nabubuo ang mga makabuluhang tanong batay sa napakinggang
palitan ng katuwiran.

Pagkatapos mong pag-aralan ang aralin, inaasahan sa iyo na:

Nabubuo ang mga makabuluhang tanong batay sa napakinggang palitan ng katuwiran.


(F8PN-IIc-d-24)
 Ikaapat na Araw: Naibibigay ang opinyon at katuwiran tungkol sa paksa ng
balagtasan
Pagkatapos mong pag-aralan ang aralin, inaasahan sa iyo na:

Naibibigay ang opinyon at katuwiran tungkol sa paksa ng balagtasan (F8PB-IIc-d-25)


Subukin

Panuto: Basahin at unawaing mabuti ang mga tanong. Sagutin ang tanong na
nasa ibaba. Titik lamang ang isulat sa sagutang papel.
1. Ang ____________ ay ang uri ng panitikang karaniwang may sukat at tugma.
a. dula b. sanaysay c. tula
2. Ang ____________ ay sadyang paglayo sa paggamit ng mga pangkaraniwang salita
upang maging kaakit-akit at mabisa ang tula.
a. kariktan b. simbolismo c. talinghaga
3. Ito naman ay tulang binubuo ng labing-apat na taludtod.
a. kopla b. sextet c. soneto
4. Ang ___________ ay ang pinakamahalagang ideya ng teksto.
a. kaisipan b. pangunahing kaisipan c. pantulong na kaisipan
5. Ang ___________ ay mga mahahalagang kaisipan o mga susing pangungusap na may
kaugnayan sa paksang pangungusap.
a. kaisipan b. pangunahing kaisipan c. pantulong na kaisipan
6. Ito laging nasa hagap o isipan ng magsasaka.
a. ang kanyang bukid b. mahihirap na tao c. mamamayang Pilipino
7. Ang __________ ay isang uri ng patulang pagtatalo tungkol sa isang paksa.
a. balagtasan b. maikling kuwento c. tula
8. Sino ang Ama ng Balagtasan?
a. Lope K. Santos b. Francisco Balagtas c. Jose Corazon de Jesus

Ang kaibigan ko ay si Kalakian


Laging nakahanda maging araw-araw
Sa pag-aararo at sa paglilinang
Upang maihanda ang lupang mayaman.

9. Ano ang pangunahing kaisipan ng saknong 2 ng tula?


a. Ang kaibigan ko ay si Kalakian
b. Laging nakahanda maging araw-araw
c. Sa pag-aararo at sa paglilinang
10. Kailan isinilang ang Balagtasan?
a. Abril 2, 1924 b. Abril 6, 1924 c. Marso 28, 1924

Aralin Tula at Balagtasan


1
Unang Linggo

Balikan

Kung ating babalikan ang kalagayan ng Pilipinas noong mga dekada ’60 hanggang ’80
ay ating matatanto na ang Pilipinas ay nangungunang bansa noon sa Asya kung ang pag-
uusapan ay ang larangan ng pagsasaka. Ngunit sa kasalukuyan ay tila kabaliktaran ang
nangyayari sa ating bansa. Sa katunayan isa sa mga suliraning kinakaharap ng ating
ekonomiya sa kasalukuyan ay ang isyu ng kakulangan ng bigas na tutustos sa
pangangailangan ng milyon-milyong Pilipino.
Gumawa ka ng isang masusing paghahambing ng katangian o uri ng pagsasaka noon at
ngayon.

Sa pagsagot sa gawain, kumuha ng isang pirasong papel at


isulat ang iyong tamang sagot.

Tuklasin

Ang Tula
Ang tula ay isang akdang pampanitikang naglalarawan ng buhay, hinango sa guniguni,
pinararating sa ating damdamin, at ipinahahayag sa pananalitang may angking aliw-iw. Ito ay
naiiba sa ibang sangay ng panitikan sapagkat ito ay nangangailangan ng masusing pagpili ng
mga salita, pagbilang ng mga pantig, at paggamit ng magkakatugmang salita upang madama
ang isang damdamin o kaisipang nais ipahayag ng isang manunulat. Ayon nga kay Lord
Macaulay ang tula ay isang “panggagagad.” Katulad daw ito ng panggagagad ng pintor,
manlililok, at ng artista sa dulaan. Para naman kay Iñigo Ed. Regalado, “ang tula ay
kagandahan, diwa, katas, larawan, at kabuoan ng tanang kariktang makikita sa silong ng alin
mang langit.” Si Julian Cruz Balmaseda ay hindi rin nagpahuli sa pagbibigay-katuturan sa tula.
Ayon sa kanya, “ang tula ay isang kaisipang naglalarawan ng kagandahan, ng kariktan, ng
kadakilaan: tatlong bagay na kailangang magkatipon-tipon sa isang kaisipan upang mag-angkin
ng karapatang matatawag na tula.”
Mga Elemento ng Tula
 Sukat—ang bilang ng mga pantig sa bawat taludtod ng saknong. Karaniwang gamitin
ang labindalawa, labing-anim, at ang labingwalong pantig. Tunghayan ang halimbawa
sa ibaba.
i/ pa/ han/ dog/ -han/ dog/ ang/ bu/ ong/ pag/ -i/ big/
1 2 3 4 5 6 / 7 8 9 10 11 12
At/ hang/ gang/ may/ du/ go’y/ u/ bu/ sing/ i/ ti/ gis,/
1 2 3 4 5 6 / 7 8 9 10 11 12
Kung/ sa/ pag/ ta/ tang/ gol/, bu/ hay/ ay/ ma/ pa/ tid,/
1 2 3 4 5 6 / 7 8 9 10 11 12
i/ to’y/ ka/ pa/ la/ ran/ at/ tu/ nay/ na/ la/ ngit.
1 2 3 4 5 6 / 7 8 9 10 11 12
Mapapansing ang bawat taludtod ng halimbawang nasa itaas ay binubuo ng 12
pantig kaya’t ito’y may sukat na lalabindalawahin. Mapapansin ding may saglit na tigil sa
pagbasa o pagbigkas sa kalagitnaan ng bawat taludtod, pagkatapos ng ikaanim na
pantig na nilagyan ng panandang (/). Ang saglit na tigil na ito ay tinatawag na sesura.
 Tugma— isa sa pinakamahalagang elemento o sangkap ng tula ay ang pagkakaroon ng
pare-parehong tunog sa dulo ng mga panghuling salita ng taludtod. Tinatawag itong
tugma. Ang panghuling pantig sa dulo ng taludtod ay maaaring nagtatapos sa patinig o
katinig at binibigkas nang mabilis. Malumanay, o may impit sa lalamunan. Ito ay may
dalawang uri. Ito ang tugmang ganap at di ganap.
a. Ganap ang tugma kapag magkakapareho zng tunog o titik ng huling salita sa bawat
taludtod.
Halimbawa:
Bakit? Alin ito na sakdal ng laki
na hinahandugan ng buong pagkasi,
na sa lalong mahal nakapangyayari
at ginugugulan ng buhay na iwi?
b. Di-ganap ang tugma kapag magkapareho lamang ng tunog ang huling salita sa
bawat taludtod, ngunit magkakaiba ang titik.
Halimbawa:
Walang mahalagang hindi inihandog
ng may pusong mahal sa Bayang nagkupkop,
dugo, yaman, dunong, katiisa’t pagod,
buhay ma’y abuting magkalagot-lagot.
 Talinghaga (Paggamit ng Tayutay)—ito ay sadyang paglayo sa paggamit ng mga
pangkaraniwang salita upang maging kaakit-akit at mabisa ang tula. Ang sumusunod ay
uri ng patalinghagang salita.
a. Pagtutulad (Simile)- paghahambing ng dalawang magkaibang bagay na ginagamitan
ng mga pariralang katulad ng, gaya ng, at iba pa.
b. Pagwawangis (Metaphor) – naghahambing din ito ng tulad n pagtutulad nunit ito ay
tiyakang naghahambing at hindi gumagamit ng pariralang tulad ng, gaya ng, at iba pa.
c. Pagmamalabis (Hyperbole) – lubhang pinalalabis o pinakukulang ang tunay na
kalagayan ng tao, bagay o pangyayari.
d. Pagbibigay-katauhan (Personification) – pagbibigay-katangian ng isang tao sa
isang bagay na walang buhay.
e. Pagpapalit-saklaw (Synechdoche) – ito ay pagpapahayag sa pamamagitan ng
pagbanggit sa bahagi bilang pagtukoy sa kabuoan.
f. Pagtawag (Apostrophe) - ito naman ay ang tila pakikipag-usap sa karaniwang bagay
na malayo o wala naman.
g. Pag-uyam (Irony) – ito ay isang pangungutya sa pamamagitan ng paggamit ng mga
salitang kapuri-puri ngunit kabaligtaran naman ang kahulugan.
 Larawang-diwa—ito ay mga salitang binabanggit sa tula na nag-iiwan ng malinaw at
tiyak na larawan sa isipan ng mambabasa.
 Simbolismo—ito ang mga salita sa tula na may kahulugan sa mapanuring isipan ng
mambabasa.
 Kariktan—pagsasama-sama ng mga katangiang nagpapatingkad sa katangian ng tula
at pumupukaw sa mayamang imahinasyon ng bumabasa.
Mga Uri ng Taludturan—isa sa mga katangian ng tula ay ang pagkakaroon nito ng mga
taludtod. Kapag ang taludtod ng isang tula ay pinangkat-pangkat ayon sa pinagkaugalian nang
ayos, ang bawat pangkat na ito ay tinatawag na taludturan. Ayon sa aklat na Panulaang
Tagalog ni Jose Villa Panganiban, may iba’t ibang tawag sa taludturan depende sa dami ng
taludtod na bumubuo rito.
 Kopla—ito ang tawag kapag ang taludtod ay pinangkat sa dalawahan.
 Triplet—kung ang taludturan ay binubuo ng tatlong taludtod.
 Quatrain—ito ay taludturang may apat na taludtod.
 May mga taludturang binubuo ng limang taludtod.
 Sextet—ito ang tawag sa taludturang may anim na taludtod.
 Soneto—ito naman ay tulang binubuo ng labing-apat na taludtod.

Ang tula naman batay sa kayarian ng taludturan ay maaaring uriin sa tatlo:


 May Sukat at May Tugmaang Taludturan—Ang tugmaan sa hulihan ng taludtod ay
maaaring a-a-a-a, a-b-a-b, at a-a-b-b. Sa mga salitang ang huling pantig ay may patinig,
ang magkakasingtunog ay ang sumusunod:
Ab, ak, ad, ag, ap, as, at
Ib, ik, id, ig, is, it
Ob, ok, od, og, op, os, ot
An, al, am, ar, aw, ay, ang
In, il, im, ir, iw, ing
On, ol, om, or, oy, ong
 Malayang Taludturan—ito ang makabagong kayarian ng mga tulang walang sukat at
tugma.
 Di-tugmaang Taludturan (Blank Version)—ito ay tulang may sukat subalit walang
tugma.

Bayani sa Bukid
(Al Q. Perez)

Ako’y magsasakang bayani ng bukid


Sandata’y araro matapang sa init
Hindi natatakot kahit na sa lamig
Sa buong maghapon gumagawang pilit.

Ang kaibigan ko ay si Kalakian


Laging nakahanda maging araw-araw
Sa pag-aararo at sa paglilinang
Upang maihanda ang lupang mayaman.

Ang haring araw di pa sumisikat


Ako’y pupunta na sa napakalawak
Na aking bukiring laging nasa hagap
At tanging pag-asa ng taong masipag.

Sa aking lupain doon nagmumula


Lahat ng pagkain nitong aking bansa
Ang lahat ng tao, mayaman o dukha
Sila’y umaasa sa pawis ko’t gawa.

Sa aking paggawa ang tangi kong hangad


Ang ani’y dumami na para sa lahat
Kapag ang balana’y may pagkaing tiyak
Umaasa akong puso’y magagalak.

At pagmasadan ninyo ang aking bakuran


Inyong makikita ang mga halaman
Dito nagmumula masarap na gulay
Paunang pampalakas sa ating katawan.

Sa aming paligid mamamalas pa rin


Ang alagang hayop katulad ng kambing
Baboy, manok, pato’t alay ay pagkain
Nagdudulot lakas sa sariling atin.

Ako’y gumagawa sa bawa’t panahon


Nasa aking puso ang taos na layon
Na sa bawat tao, ako’y makatulong
At nang mabawasan ang pagkakagutom.

Ako’y magsasakang, bayani ng bukid


Sandata’y araro na matapang sa init
Hindi natatakot kahit na sa lamig
Sa buong maghapon gumagawang pilit.

“Ang kalakian ay tawag sa isang lalaking kalabaw. Sa kulturang Pilipino ay talagang maraming
naitutulong ang mga kalabaw lalo na sa pagsasaka kaya nga ito ang ating pambansang hayop.”

Suriin

Pangunahing Kaisipan ay tumutukoy sa nais sabihin at ipaunawa ng sumulat tungkol sa


paksa. Ito ay ang pinakamahalagang ideya ng teksto. Isinasaad nito ang sentrong kaisipan
(main idea) o kung tungkol saan ang teksto sa pangkahalatan. Karaniwang matatagpuan sa
simula, gitna, o dulo ng isang talata.
Halimbawa:
Kaming mag-asawa ay nagkakaroon na ng mga problema. Ang aking asawa ay mahilig
gumasta ng pera, samantalang ako ay tipid. Mahilig din siyang lumabas ng gabi kung kailan
naman tulog ako. Gusto rin niya ng mga sport pero ayaw ko naman ng mga iyon.
Sagot:
Kaming mag-asawa ay nagkakaroon na ng mga problema. Ang aking asawa ay mahilig
gumasta ng pera, samantalang ako ay tipid. Mahilig din siyang lumabas ng gabi kung kailan
naman tulog ako. Gusto rin niya ng mga sport pero ayaw ko naman ng mga iyon.
Pantulong na Kaisipan ay supporting details/ information. Mga mahahalagang kaisipan o
mga susing pangungusap na may kaugnayan sa paksang pangungusap.
Halimbawa:
Wag na wag mong ipapasok ang kamay mo sa kahon na yan. Baka sa loob nyan ay may
matatalim at kalawanging bakal. Baka may mousetrap dyan at bigla ka na lang maipit. O baka
makagat ka ng malalaking gagamba dyan.
Sagot:
Wag na wag mong ipapasok ang kamay mo sa kahon na yan. Baka sa loob nyan ay may
matatalim at kalawanging bakal. Baka may mousetrap dyan at bigla ka na lang maipit. O baka
makagat ka ng malalaking gagamba dyan.

Gawain:
Panuto: Tukuyin ang mahahalagang kaisipang isinasaad ng binasang akda sa pamamagitan
ng pagbuo ng balangkas nito na makikita sa ibaba.

Bayani sa Bukid

Pangunahing Kaisipan
Bayani sa Bukid

Mga Pantulong na Kaisipan

Pagyamanin

Kaligirang Pangkasaysayan ng Balagtasan


Ang Balagtasan ay isang pagtatalo sa pamamagitan ng pagtula. Nakilala ito noong
panahon na ang Pilipinas ay nasa ilalim ng Amerika, batay sa mga lumang tradisyon ng
patulang pagtatalo gaya ng Karagatan, Batutian at Duplo. Karaniwang ginaganap sa ibabaw ng
tanghalan. Isinilang ang Balatagsan noong Abril 2, 1924, kaarawan ni Franisco Balagtas na
siyang pinagkunan ng pangalan ng Balagtasan.
Ang nangungunang mga manunulat noong Marso 28, 1924, sa tanggapan ni Rosa Sevilla sa
Instituto de Mujeres (Women's Institute), Tondo, Maynila. Ito ay naganap bilang paghahanda
sa pagdiriwang ng kaarawan ng dakilang makata na si Francisco Balagtas o Araw ni Balagtas
sa darating na Abril 2. Iminungkahi ni G. Jose Sevilla na tawagin itong Balagtas. Hinunlapiang
“an” ang pangalan kaya naging Balagtasan na ang tawag dito. Ang unang Balagtasan ay
nangyari noong Abril 6, 1924. Tatlong pares ng makata ang nagtalo na gumamit ng iskrip. Ang
pinakamagaling sa mga nagbalagtasan ay sina José Corazón de Jesús at Florentino Collantes,
kaya naisipan ng mga bumuo na magkaroon ng isa pang Balagtasan para sa dalawang
kagalang-galang na makatang ito, na walang iskrip. Ginawa ito noong Oktubre 18, 1925 sa
Olympic Stadium sa Maynila. Si Jose Corazon De Jesus ang nagwagi bilang unang Hari ng
Balagtasan.
Nakilala si Jose Corazon de Jesus bilang si "Huseng Batute" dahilan sa kaniyang angking
kahusayan sa Balagtasan noong 1920. Mula noon hanggang ilang taong makalipas ang Ika-2
Digmaang Pandaigdig, naging paboritong aliwan ang Balagtasan. Gumawa pati ang mga
makata sa ibang mga wika sa Pilipinas ng sarili nilang bersyon, gaya ng Bukanegan ng mga
Ilokano (mula sa apelyido ng makatang Ilokanong si Pedro Bukaneg at ng Crisostan ng mga
Pampango (mula sa pangalan ng Pampangong makata na si Juan Crisostomo Soto). Sa
pagdating ng mga Amerikano sa bansa sumulpot ang mga samahang pampanitikang nakabatay
sa paaralan kung hindi magkakaroon ng pagkakatong mapabilang sa mga samahang
pampanitikan. Ang Balagtasan ay karaniwang may mga paksang pinag-uusapan ng tatlo katao.
Ang mga kalahok ay inaasahang magaling sa pag-alala ng mga 231 tulang mahahaba at
pagbigkas nito ng may dating (con todo forma) sa publiko. Ang takbo ng tula ay magiging
labanan ng opinyon ng bawat panig ( Mambabalagtas). May mga hurado na magsisiyasat kung
sino sa kanila ang panalo ang mas may makabuluhang pangangatuwiran.

Balagtasan
Pablo Reyna Libiran

Agham at Teknolohiya ang tugon sa pag-unlad ng bansa.


Paksa: Masama ba o mabuti ang bunga ng pag-unlad ng agham at teknolohiya sa
daigdig?
Masama: Ofelia Angeles, Makata ng Baliwag, Bulacan
Mabuti: Pablo Reyna Libiran, Makata ng Valenzuela, Metro Manila
Lakandiwa: Rudolfo Milan

Lakandiwa: Ang patulang pagtatalo, kung tawagi’y balagtasan,


Ay nag-ugat kay Balagtas na hari ng panitikan
Pingkian ng mga diwa na ang pantig ay may bilang.
Nabubuo sa taludtod na may rima sa hulihan.
Mga pantig at taludtod na sa saknong nakalagay,
At sa lamyos ng indayog, nabubuo ang katwiran.

Ito’y ating kalinangan na sarili nitong bansa,


Dito lang sa Pilipinas narinig na ginagawa.
Ginaganap natin ito sa mataas na adhika,
Ang kultura’y mamalaging nabubuhay at sariwa.
Kaya’t dito’y itatampok, mga subok na makata,
Mga mangunguna sa talaan ng batikang manunula.

Kaya ngayo’y hahayaang sa gitna ay makatindig,


Ang makata ng Bulakang may pukyutan iyang tinig.
Masama raw iyang bunga nitong agham sa daigdig,
Yao’y kanyang babalingan ng pagpuna at hagupit,
Kasama ko kayong lahat kay Ofelia’y maghahatid,
Sa tunog ng palakpakang sa kanya’y pampainit.

Ofelia: Noong ako ay isilang ay hindi ko nalalaman,


Sa paglaki ay mamulat na ito ay daigdigan,
Hinubog ni ama’t ina ang diwa ko at isipan,
Sa magandang simulain at dakilang mga aral.
Hindi sila nanghinawa at matiyagang sumubaybay,
Hanggang ako’y magkaisip, pumasok sa paaralan.

Paaralan ang nagmulat ng aking diwa’t isip,


Ang daigdig ay lagi nang kasinlaki ng daigdig.
Sa nagdaang mga taong tatlong daan na mahigit,
Kalahating bilyon pa lang ang tao sa statistik.
Ikalawang libong taon, kung dumating at sumapit,
Pitong bilyon tayong lahat, dili kaya ay hihigit.
Sa ganitong pangyayari ay dapat mong mapag-alaman,
Yaong dami ng nilikhang sa daigdig ay gagalaw.
Sa pag-unlad nitong siyensiya, tao rin ang mawawalan,
Ng trabahong ang kapalit, makinaryang matuturan.
Papaano yaong ibang bisig lamang ang puhunan,
Di sila ay matitigil at sikmura ay kakalam?...

Lakandiwa: Ang susunod na titindig ay makisig na binata,


Sa lugarin ng Maynila’y isinilang ng Tadhana.
Ang talinong inaangkin, sadyang bagay panagupa,
At ang tinig niyang taglay, naaangkop sa pagtula.
Ang husay niya sa bigkasan ay tampulan ng paghanga,
Walang iba’t si Pablitong laging busog iyang diwa.

Pablo: Bago ako magsisimula, nitong aming papaksain,


Sa katalong binibini, ang hingi ko’y paumanhin.
Sa biro ma’t katotohanan, itong aking sasabihin,
Di ko hangad makasakit, o sumugat ng damdamin.
Pagkat iyang katwiran mo’y hindi dapat pairalin,
Na pag-unlad ng tekniko’y dapat nating sansalain.

Hindi dapat na tiyakin at kaagad na tulusan,


Ang dapat na ibubunga sa pagdating niyong araw.
Kung sa ngayon ay maraming manggagawa ng naturingan,
Na lakas ay nasasandig sa pag-unlad nitong bayan.
Pagkat di mo natatantong kasama sa kaunlaran,
Ang pag-unlad ng teknikong hindi natin maiwasan.

Sapagkat kung maunlad na at sumulong itong bansa,


Mga tao’y mayro’n na ring maluluwag na biyaya.
Ang makinang ipapalit ay tiyak na nakatakda,
Ang maraming sinabi mo ay iisa ang gagawa.
Nakasunod na rin tayo sa tipid na pinithaya,
Sa gugol na pansuweldo lang, umabot sa laksa-laksa.

Ofelia: Nanghinayang ang kuripot na makatang katalo ko


Sa nagawang paglilingkod na katumbas na niyang suweldo,
Alam mo ba yaong bagay na ginawa noong tao,
Ay siyang higit na matibay kaysa yari ng tekniko.
Ang isa pang mahalaga na dapat na malaman mo,
Ang daigdig ay iingay sa pag-unlad ng panig mo.

Pablo: Ngayon ako nagsisisi, bakit ako nakapatol,


Sa makatang si Ofeliang naiiwan ng panahon,
Di ka pala nararapat na lumakad ng pagsulong,
Pagkat habang nagtatagal, tumatanda nang paurong.
Umurong ka hanggang doon sa una pang mga taon,
Na bato ang ginagagawa’t ginagamit na palakol.

Ofelia: Hindi mo ba naiisip, ang panahon kung dumating,


Ang pagdami ng makina ay lalo pang suliranin.
Kung ngayon ay ubod mahal at madalas na kapusin,
Gasolinang ginagamit, inaangkat pa rin natin.
Ang goma at mga bakal at piyesa mong binabanggit,
Sa paglipas ng panahon, tiyakan nang masasaid.

Pablo: Ang araw na hinaharap ang agad mong iniisip,


Ngunit di naalalang baka tayo ay magkalangis.
Pagka’t ngayo’y walang tigil ang puspusang pagsaliksik,
Ng mina ng gasolinang sa bansa ay hindi lingid,
Ang bakal saka goma at piyesa mong binabanggit,
Sa atin din magmumula, sa bukas pa na sasapit.

Ofelia: Kung dumami ang makina’y mapupuno iyang hangin


Ng usok na ibubuga na lason sa buhay natin.
Pati tubig ay maaaring madamay nang hindi pansin,
Nang dahilan sa pabrikang kailangang itayo rin.

Pablo: Kung ayaw mo ay hindi na magagawa ang pumigil,


Pagkat kahit pigilin mo ay patuloy na darating.
Ang lahat ng nakatitik, nakatakdang gaganapin,
Mangyayari’t magaganap, kahit anong ating gawin.

Ofelia: Gawin mo ang iyong gusto na hindi maaangkin,


Tutol ako sa pag-unlad ng agham sa bayan natin.

Pablo: Kung ikaw ay tumutol ay tiyakang mababaliw,


Kung hindi mo matatanggap, ang dapat na tatanggapin.

Lakandiwa: Magsitigil muna kayo para kayong mga bata,


Ang matandang tugtugin na’y lagi ninyong ginagawa.
Bawat isang nakikinig ay dapat na maunawa,
Ang katwirang nagniningning na ngayon ay pinapaksa.
Kayo’y muling pawawalan upang iyong ibandila,
Yaong inyong pinapanig at sandigan sa pagtula.

Ofelia: Pagmasdan mo ang maraming mga buhay ay palakaya,


Karamiha’y nakamotor, ang gamit ay gasolina.
Kung kaunti ang mahuli at inabot ng umaga,
Magigising na lang sila’t magmumukmok sa tuwina;
Noong hindi umuunlad, maliit man yaong kita
Panggastos sa araw-araw sa pamilya’y kasyang-kasya.
Noo’y pawang sagwa’t tikin, gaod lamang ang kasama.
Marami ang mga isda’t hipong dagat nakukuha.

Pablo: Nakukuhang binabanggit na isda at saka hipon,


Malimit na mabilasa, karamiha’y natatapon.
Pagkat walang motor noong sa ilog ay umuugong,
Bago sumapit sa baya’y inaabot nang maghapon.
Sa tikin at mga sagwan, kaya ako’y tumututol,
Lalo’t ang agos ay suba, gabi na kung makaahon.
Ngayong tayo ay umunlad, maging baya’t saka nayon,
Magmasid ka’t makikitang kabuhaya’y sumusulong.
Ofelia: Sumusulong ba ang bayan, magmasid ka sa paligid,
Pag-unlad bang masasabi, ‘pag ang tao’y nakabihis?...
Nang sumulong itong agham, ay dapat mong mapaglirip,
Marami ang naghikahos sa bayan at sa bukid.
Nang dumami ang makina, ang polusyon ay sumapit;
Naagawan ng gawain ang maraming anak-pawis.
Maingay na pambulahaw sa pagtulog ay ligalig,
Mabuti pa noong una, masagana at tahimik.

Pablo: Matahimik ba ang gayong bawat kilos ay mabagal,


Pagkat kulang sa makinang pantulong sa kaunlaran?
Halimbawa’y nag-araro sa gitna ng kabukiran,
Isang linggo na gagawi’y baka di pa maasahan.
Kung sila ay nag-aani, ginigiik yaong palay;
Magdamag mang sampung tao ay limampung kaban lamang.
Ngunit kapag triyadora, ang ginamit na tuwiran;
Kayang-kaya sa magdamag, ang kahit na limang daan.

Ofelia: Limang daang papaurong, alamin mo, Mang Pablito,


Nang dumami’ng kasangkapan, kung tawagin ay moderno.
Iyang bomba atomika,ang tangke at eroplano,
Ay isang kisap-mata, pinupuksa’y milyong tao.
Ma-sibilyan man o hindi, pati bahay na konkreto,
Tiyakan ding masisira’t mawawasak na totoo.
Mabuti pa noong una, tanungin ang kahit sino,
Magkubli lang sa sagingan, ligtas ka na sa piligro.

Pablo: Halimbawa ay sa puso, iyong karamdaman,


Ay agad ding magagamot sa maraming pagamutan.
Pati buwan ay narating nang sumulong itong agham,
May tulay na nayayaring patawid sa karagatan
Radyo, TV, mga bapor na tanda ng kaunlaran,
Ang sasakya’y ubod dami, araw-araw ay naglisaw.
Ngayo’y napakadaling maglakbay sa ibang bayan,
Mag-almusal sa Maynila, sa Cebu ang tanghalian.

Ofelia: Sa Cebu ang tanghalian, kung hindi ka mapahamak,


Dahilan sa eroplano’y dumami ang sawimpalad.
At si Pangulong Magsaysay, ang saksi kong maliwanag,
Sa pagsulong ng agham mo, pati buhay nawakawak.

Pablo: Nawawakawak ang bansa,pag ang agham ay umurong,


Bayan tayong aping-api at malayo sa pagsulong.
At sa lakas nitong agham, pati mina’y natutunton,
Iyang ginto’t mga langis, sa pagdami ay patuloy.

Ofelia: Bilang isang paraluman, nitong bansang Pilipinas,


Na ang tao’y mayro’ng kamay na masinop kung gumanap.
Ang binayong mga palay kung mabayo’y maging bigas,
At mabango at malinis kung kainin ay masarap.
Di katulad ng kiskisan na panig ng kabalagtas,
Na makina kung lumingis, ang sustansiya’y lumilipas.

Ang “babydress” na tahiin na pulido at mahusay,


Sapatos na mamahalin tinahi ng mga kamay.
Mga saksi iyang tao’y may higit na katangian.
Kaysa diyan sa teknikong pinuri mo’t pinanigan,
Kaya ako’y nananalig na dapat ay mahadlangan,
Ang pagdami ng makinang salot sa ‘ting kalusugan.

Pablo: Sa bigay mong halimbawa’y halimbawa rin ang tugon,


Ng makatang si Pablito na nilikha ng panahon.
Iyang taong sinabi mo’y magagawa kaya ngayon,
Ang tungkuling gagampanan ng makinang “aircondition”?
Kung nais mong magpalamig, tiyakin mong tutugon,
Kukunin mo ang pamaypay, magpaypay ka sa maghapon.
“Electronic calculator”, at saka ang “adding machine”,
Magagampanan mo rin kaya ang gawain ng computer?..
Kahit ika’y isang henyo ang tiyak mong mararating,
Matutuyo ang utak mo sa dami ng iisipin.
Kaya’t walang pasubaling kailangang lahat natin,
Ang pag-unlad ng teknikong ipapalit sa tungkulin.

Ofelia: Maglaba ka sa makina at saka mo mawiwika,


Ang damit mo’y marumi rin at kaydaling nasisira,
Samantalang ang nilabhan na kamay ang nagpapala,
Ang may amoy na malinis sa kulahan nagmumula.
Iyang buntal ng Baliwag na masinop na ginawa,
May mataas na halaga na hindi na bumababa.

Pablo: Ngayon akong naniwalang kaya ka lang nagpipilit,


Na pigilan ang pag-unlad ang lagi mong ginigiit,
Pagkat di mo nalalaman, orasan kong nasa bisig,
Ang sanhi at naging dahilan kaya dito’y nakasapit,
Sa araw na lumulubog, doon ka lang tumititig.
Sa takot mong mahuli ka’y dumating ka ng alas tres…

Ofelia: Di katulad mo ng dumating na huli at tumatakbo,


Kung wala ang iyong paa ay wala ka ngayon dito…

Pablo: Sabihin mo’y wala sana, ‘di dumating si Pablito,


Kung dahil sa tulin ng makina ng aking awto…

Ofelia: Ang awto mong kumikilos, gumagalaw lamang ito,


Nang dahil sa isang tao na dito ay nagmamaneho…

Pablo: Darating ‘yan at tiyakang mangyayari ang totoo,


Sa bisa ng “remote control”, ang kotse ko ay tatakbo…

Lakandiwa: Matapos n’yong mapakinggan yaong magkabilang panig,


Ng dalawang nangagtalong gintong lantay ang panitik,
Ako’t saka kayong lahat, malinaw sasaisip,
Sila’y kapwa may katwiran sa kanilang mga tindig,
Si Ofelia’y may batayan at masama’y isinulit,
Sa pag-unlad ng teknikong sa bayan ay mamamasid;
Ngunit itong si Pablito’y totoo ang isinulit,
Ang darating ay di natin mapipigil sa pagsapit.
Gawain:
Panuto: Bumuo ng mga makabuluhang tanong hinggil sa napapanahong isyu o paksang
maaaring pagtalunan o gawing paksa ng balagtasan sa kasalukuyan. Itala ang iyong sagot sa
tsart na makikita sa ibaba.
Tema Isyu/ Paksang Maaaring Pagtalunan
Pag-ibig
Kultura

Ekonomiya

Lipunan

Kalikasan

Politika

Edukasyon

Karaniwang Bagay

Isaisip

Pagpili ng Angkop na Salita sa Pagbuo ng Tula


Sa pagbuo ng tula, mahalagang maging maingat sa pagpili ng mga salitang gagamitin. Sa
Tuklasin ay natalakay ang iba’t ibang elemento at taludturan ng tula na mahalagang basehan sa
pagpili ng salitang gagamitin sa tula. Halimbawa, kung ang tulang bubuoin ay tugmang ganap,
tandaang ang dapat gamiting salita sa bawat hulihan ng taludtod ay may magkakaparehong titik
sa hulihan. O kaya naman ay kung ang gagawing tula ay may sukat, kailangang pipiliing salita
ay sasakto sa sukat ng tulang ginagawa. Mas nagiging limitado ang pagpili ng salitang
gagamitin kung tulang may sukat at tugmang taludturan ang iyong bubuoin.
Gayundin, dapat na isaalang-alang sa pagpili ng salitang gagamitin sa pagbuo ng tula ang
edad ng magbabasa o makikinig ng tulang gagawin. Kung pambata ang tula ay mga salitang
mauunawaan ng bata ang iyong gagamitin. Kung ito’y para sa kabataan o matatanda maaaring
gumamit ng mga salitang ayon sa kanilang mga lengguwahe.
Sa pagbuo ng tula, mahalagang maging malawak ang iyong kaalaman sa kahulugan ng mga
salita. Ito ay nakatutulong upang mapanatili ang kariktan at kasiningan ng tulang bubuoin. Ang
kahulugan ng mga salita ay makikilala ayon sa…
1. Kasingkahulugan o Kasalungat – sa pamamagitan ng kasingkahulugan at kasalungat ay
maipararating ang mensaheng nais sabihin sa tulang gagawin. Ang paggamit ng mga salitang
magkakasingkahulugan o pareho ang ibig sabihin ay makapagpapatibay sa mensahe ng tula.
Ang paggamit naman ng mga salitang magkasalungat o hindi pareho ang ibig sabihin ay
nakatutulong upang maipakita ang ugnayang nais ipahayag sa tula.
2. Idyoma – sa pamamagitan ng idyoma ay nakikilala ang yaman ng isang wika. Narito ang
halimbawa ng mga idyoma at mga kahulugan nito.
 Balat-sibuyas - maramdamin
 Basing sisiw - kaawa-awa; api
 Buto’t balat - payat na payat
 Huling hantungan - libingan
 Ikapitong langit - malaking katuwaan
 Laylay ang balikat - nabigo
 Magbilang ng poste - walang trabaho
 Magdildil ng asin - maghirap
 Mahaba ang pisi - pasensyoso
 Pabalat-bunga - hindi totoo
3. Konotasyon at Denotasyon – ito ang dalawang dimension sa pagpapakahulugan ng mga
salita. Ang denotasyon ay karaniwang kahulugang mula sa diksyunaryo o salitang ginagamit
sa pinakakaraniwan at simpleng pahayag.
Halimbawa:
o Ang ganda ng bulaklak sa kanyang halamanan. (bahagi ng isang halaman na
karaniwang makulay)
o Lumalaki na ang punong itinanim ko sa aming likod-bahay. (halamang lumalaki nang
mataas)
Samantalang ang konotasyon ay may taglay na ibang kahulugan o maaaring pansariling
kahulugan ng isang tao o pangkat na iba kaysa karaniwang pakahulugan.
Halimbawa:
o Maraming magagandang bulaklak sa aming paaralan. (babae)
o Ang kanyang anak ay mabait. Nanggaling kasi sa mabuting puno. (magulang/angkan)
4. Tindi ng Kahulugan o Clining – ito ay pag-aayos ng kahulugan ng salita ayon sa intensidad o
tindi ng kahulugang nais ipahiwatig.
Halimbawa:
Isagawa

Panuto: Basahing muli ang Balagtasan “ Agham at Teknolohiya ang tugon sa Pag-unlad ng
Bansa.” Sa pamamagitan ng pagbuo ng Fishbone Organizer ay ibigay ang iyong opinyon hinggil
sa mga positibo at negatibong epekto ng pagsulong ng agham at teknolohiya sa buhay ng mga
tao. Gayundin ilahad ang iyong katuwiran tungkol sa tanong na kaugnay nito. Isulat ang iyong
kasagutan sa espasyong nakalaan na makikita sa susunod na pahina.

Positibong Epekto

Pagsulong ng
Agham at
Teknolohiya

Negatibong Epekto

Sa iyong palagay, makatutulong nga ba ang pagsusulong ng agham at teknolohiya sa ating


bansa upang makamit ang inaasam na kaunlaran? Bakit?
____________________________________________________________________________________

___________________________________________________________________________________
Tayahin

Panuto: Basahin at unawaing mabuti ang mga tanong. Sagutin ang tanong na
nasa ibaba. Titik lamang ang isulat sa sagutang papel.
1. Ito naman ay tulang binubuo ng labing-apat na taludtod.
a. kopla b. sextet c. soneto
2. Ang ____________ ay sadyang paglayo sa paggamit ng mga pangkaraniwang salita
upang maging kaakit-akit at mabisa ang tula.
a. kariktan b. simbolismo c. talinghaga
3. Ang ___________ ay ang pinakamahalagang ideya ng teksto.
a. kaisipan b. pangunahing kaisipan c. pantulong na kaisipan
4. Ang ____________ ay ang uri ng panitikang karaniwang may sukat at tugma.
a. dula b. sanaysay c. tula
5. Ang ___________ ay mga mahahalagang kaisipan o mga susing pangungusap na may
kaugnayan sa paksang pangungusap.
a. kaisipan b. pangunahing kaisipan c. pantulong na kaisipan
6. Ang __________ ay isang uri ng patulang pagtatalo tungkol sa isang paksa.
a. balagtasan b. maikling kuwento c. tula
7. Sino ang ama ng Balagtasan?
a. Lope K. Santos b. Francisco Balagtas c. Jose Corazon de Jesus

Ang kaibigan ko ay si Kalakian


Laging nakahanda maging araw-araw
Sa pag-aararo at sa paglilinang
Upang maihanda ang lupang mayaman.

8. Ano ang pangunahing kaisipan sa saknong 2 ng tula?


a. Ang kaibigan ko ay si Kalakian
b. Laging nakahanda maging araw-araw
c. Sa pag-aararo at sa paglilinang
9. Kailan isinilang ang Balagtasan?
a. Abril 2, 1924 b. Abril 6, 1924 c. Marso 28, 1924
10. Ito laging nasa hagap o isipan ng magsasaka.
a. ang kanyang bukid b. mahihirap na tao c. mamamayang Pilipino

Karagdagang Gawain

May isang paligsahang inilunsad ang inyong bayan hinggil sa pagsulat ng tulang may
temang tungkol sa pagpapahalaga sa agrikultura o pagiging makatao. Isa ka sa mga napiling
kalahok. Gamitin mo ang lahat ng natutuhan mong aralin at paksa sa mga tulang nabasa mo
upang makabuo ng isang magandang tula. Gamitin ang rubric sa ibaba para magabayan ka ng
mga pamantayan sa iyong bubuoin.

Mga Pamantayan Laang Aking Puntos


Puntos

May orihinalidad at akma sa paksa. 5

Hindi bababa sa dalawang saknong ang tula. 5

Nakagamit ng angkop na salita sa pagbuo ng tula. 5

Kabuoang 15 Puntos

5 – Napakahusay 2 – Di-mahusay
4 – Mahusay 1 – Sadyang Di-mahusay
3 – Katamtaman

Susi sa Pagwawasto

Subukin: Tayahin:
1. c 1. c
2. c 2. c
3. c 3. b
4. b 4. c
5. c 5. c
6. c 6. a
7.a 7. b
8. b 8. a
9. a 9. a
10. a 10. c

You might also like