You are on page 1of 8

Kagawaran ng Edukasyon

Rehiyon III
SANGAY NG LALAWIGAN NG TARLAC

Pangalan: Baitang at Pangkat:


Paaralan: Petsa:

GAWAING PAMPAGKATUTO
Homeroom Guidance Program 5
Ikatlong Markahan – Ikaapat na Linggo
Iba’t Ibang Kasanayan, Maraming Dulot na Kabutihan!

I. Panimula
Biniyayaan ang bawat isa sa atin ng mga iba’t ibang kasanayan. Ang
mga ito ay hindi nasusukat sa dami ng ating mga nalalaman, kundi kung
paano natin ginagamit ang mga kasanayang mayroon tayo upang ilaan ang
ating sarili sa pagpapaunlad ng ating pagkatao, sa paglilingkod sa ating
kapuwa, at sa aktibong pakikibahagi sa pamayanan na ating kinabibilangan.
Tandaan na tungkulin nating sanayin at paunlarin ang ating mga
kasanayan upang maging ganap ang ating isip at puso na tumulong at
gumawa ng maraming kabutihan sa ating kapuwa.

II. Kasanayang Pampagkatuto


Natutukoy ang iba’t ibang kasanayang maaaring makatulong sa
kapuwa.
Koda: HGIPS-IIId-8

III. Mga Layunin


Pagkatapos ng gawaing pampagkatuto na ito, ikaw ay inaasahang:
1. maiisa-isa ang iba’t ibang kasanayan maging ang mga kabutihang dulot
nito, at
2. makapagsasagawa ng pagtulong sa kapuwa gamit ang iba’t ibang
kasanayan.
IV. Pagtatalakay
Bawat isa sa atin ay nagtataglay ng iba’t iba at maraming kasanayan.
Ang kasanayan ay tumutukoy sa ating kapasidad o abilidad na gawin ang
mga bagay-bagay o aktibidad nang may kahusayan sapagkat sapat ang
kaalaman at karanasan na mayroon tayo ukol dito.
Ang kasanayan ay natututuhan, itinuturo o ibinabahagi sa iba, higit pang
pinauunlad o pinagbubuti, at ginagamit na instrumento para sa kabutihan ng
sarili at ng kapuwa.
Ang kasanayan ay natututuhan.
Mayroong iba’t ibang kasanayan at lahat tayo ay mayroong
pagkakataong matutuhan ito at magkaroon nito. Mayroong kasanayan sa
pakikinig, pagsasalita, pagbabasa, pagsusulat, at pag-unawa sa mga
numero. Mayroon ding kasanayan sa pamumuno at pamamahala ng isang
grupo. Kasanayan ding maituturing ang pagsusuri at paglutas ng mga
problema maging ang paggawa ng tamang desisyon. Karagdagan pa,
mayroon ding mga kasanayang naipamamalas sa pamamagitan ng
paggawa ng mga likhang-sining at ng iba’t ibang mga kagamitan.
Ang mga kasanayang ito ay bunga ng sapat na pagkatuto natin mula
sa ating determinadong pag-aaral, palagiang pag-eensayo o pagsasanay,
at makabuluhang mga karanasan sa araw-araw.
Ang kasanayan ay itinuturo o ibinabahagi sa iba.
Bilang mga miyembro ng pamilya, eskuwelahan, at komunidad, nagiging
mas makabuluhan ang ating tinataglay na kasanayan kung itinuturo o
ibinabahagi natin ito sa iba.
Halimbawa ay kung tayo ay mahusay sa pakikinig, pagsasalita,
pagbabasa, pagsusulat, at pagbibilang, pwede natin itong ibahagi sa ating
mga kapatid, kaibigan, o kamag-aral upang mapaunlad din nila ang
kanilang kasanayan.
Itinuturing ding kasanayan ang mahusay na pagkilala at pag-unawa sa
sarili. Dito nagsisimula ang ating pagpapahalaga at pag-iingat na nararapat
din nating ibahagi sa ating kapuwa.
Karagdagan pa ay ang kasanayan natin sa pagguhit, pagbuo ng mga
proyekto at pagkukumpuni ng mga kasangkapan. Ang ating malikhaing pag-
iisip at malikhaing kamay ay nakagagawa ng mga kaaya-ayang produkto.
Ang mga bagay na ito, kung ating ituturo o ibabahagi sa iba, ay magiging
kapaki-pakinabang hindi lamang sa atin kundi maging sa mga taong
makaaabot nito.
Ang kasanayan ay higit pang pinauunlad o marapat na pinagbubuti.
Tungkulin nating paunlarin ang kasanayang natutuhan at tinataglay
natin. Maaari nating gawin ito sa pamamagitan nang pag-eenrol sa isang

2
klase, pagsali sa mga paligsahan, pagpapaturo sa isang kaibigan, o
pagbabasa ng mga aklat. Makatutulong din ang masusi at matamang
pagsasanay araw-araw maging ang pagbabahagi nito sa kapuwa upang
higit pa itong mapagyaman.
Halimbawa ng kasanayan na marapat nating higit na paunlarin at
pagbutihin ay ang kasanayan sa komunikasyon dahil nagsisilbing daan ito
upang magkaunawaan at tumutulong na rin upang mas tumibay pa ang
ating ugnayan sa ating kapuwa lalo na sa loob ng pamilya.
Mahalagang kasanayan din na dapat nating mas linangin ay ang
kasanayan sa epektibong paglutas sa mga suliranin. Dahil sa abilidad na ito,
nakikilala o natutukoy natin ang ugat ng problema at naisasagawa rin natin
ang wastong solusyon at tamang pagdedesisyon.
Ang kasanayan ay ginagamit na instrumento para sa kabutihan ng sarili
at ng kapuwa.
Bilang miyembro ng pamilya, paaralan at komunidad, nararapat lamang
na gamitin natin ang ating mga kasanayan hindi lamang para sa ating sarili
kundi para na rin sa ating kapuwa. Tandaan na hindi sapat ang pagiging
magaling o bihasa sa mga kasanayan kung hindi naman ito makapagdudulot
ng kabutihan sa iba.
Lagi nating samahan ng malasakit at pagmamahal sa kapuwa ang
mga kasanayang mayroon tayo bilang pasasalamat na rin sa ating Diyos na
nagbigay sa atin ng pagkatataong matutuhan at taglayin ang mga ito.

V. Mga Gawain
Gawain 1. Pasulat na Gawain
A. 1. Panuto: Tukuyin ang angkop na kasanayang inilalarawan sa bawat
pahayag. Piliin ang titik ng tamang sagot sa loob ng kahon at isulat ito sa
patlang.
a. komunikasyon
b. pagbuo ng mga proyekto
c. paggawa ng desisyon
d. pagkilala at pag-unawa sa sarili
e. paglutas ng suliranin
f. pag-unawa sa mga numero

1. Sa kasanayang ito nagsisimula ang ating pagpapahalaga at


pag-iingat na nararapat din nating ibahagi sa ating kapuwa.
2. Tumutukoy sa kapasidad nating bumuo at gumawa ng
pagpapasiya na hindi lamang para sa sarili kundi para na rin sa kabutihan ng
nakararami.

3
3. Nagsisilbing daan upang magkaunawaan at tumutulong na rin
upang mas tumibay pa ang ating ugnayan sa ating kapuwa lalo na sa loob
ng pamilya.
4. Dahil sa abilidad na ito, nakikilala o natutukoy natin ang ugat ng
problema at naisasagawa rin natin ang wastong solusyon at tamang
pagdedesisyon.
5. Ang kasanayang ito ay kinasasangkutan ng ating malikhaing
pag-iisip at malikhaing kamay kaya naman bilang resulta ay nakagagawa
tayo ng mga kaaya-ayang produkto.

A. 2. Panuto: Isulat sa patlang ang TAMA kung ang mga sitwasyon ay


nagpapahayag ng kabutihang dulot ng pagkakaroon ng iba’t ibang
kasanayan at MALI naman kung hindi.

1. Ang kasanayan sa pangangalaga ng gulayan ay ibinabahagi ni


Philipp sa mga kabarangay para makatulong na maragdagan ang kanilang
kita.
2. Ginamit ng Pamilya Pasag ang kanilang kasanayan sa pananahi
para makatulong na makapamahagi ng face masks ngayong panahon ng
pandemya.
3. Ginamit ni Kuya Joreb at ng kaniyang mga kaibigan ang kanilang
kasanayan sa pagguhit upang makalikom ng donasyon para sa mga
nasalanta ng bagyo.
4. Ibinabahagi ni Jealyn ang kaniyang kagalingan sa pakikinig,
pagsasalita, pagbabasa, pagsusulat, at pag-unawa sa mga numero para sa
ikauunlad din ng kaniyang kapuwa.
5. Ginamit ni Qinno ang kaniyang kasanayan sa komunikasyon
upang magpahayag ng kaniyang mga opinyon o saloobin nang walang
pagsasaalang-alang sa magiging damdamin ng kaniyang kapuwa.

Gawain 2. Gawaing Pagganap


B. 1. Panuto: Sagutin ang sumusunod na katanungan gamit ang kumpletong
pangungusap.
1. Ano-ano ang mga halimbawa ng iba’t ibang mga
kasanayan?

4
2. Sa paanong pamamaraan higit na mapauunlad o mapagbubuti ang
mga kasanayang natutuhan o tinataglay?

3. Paano nagiging higit na makabuluhan ang pagkakaroon ng iba’t ibang


mga kasanayan?

RUBRIK SA PAGGAWA NG GAWAIN


Pamantayan Indikador Puntos Natamong Puntos
NILALAMAN Nakapagbigay nang wasto kumpleto, at 4
akmang sagot sa mga tanong.

BALARILA Walang pagkakamali sa mga bantas, 4


kapitalisasyon at pagbabaybay.
KALINISAN Malinis at maayos ang pagkakasulat ng mga 2
sagot sa bawat katanungan.

Kabuoang Puntos=
*Paalala: HUWAG SAGUTAN ANG RUBRIK. (Ito ay batayan lamang ng guro sa pagbibigay ng puntos para sa gawain.)

B. 2. Panuto: Humanap o kumuha ng tatlong (3) larawan na nagpapakita ng


iba’t ibang kasanayang mayroon ka at idikit ito sa kahon. Pagkatapos ay isulat
sa patlang kung paano magagamit ang bawat kasanayan upang
makatulong sa iyong kapuwa.

Halimbawa:

Kasanayan sa Pagtuturo

Ang galing at husay ko sa asignatura sa


paaralan ay aking ibinabahagi sa aking mga
kaibigan at kaklase. Upang matulungan sila ay
tinuturo ko sa kanila ang aking mga nalalaman.
Pinapaunawa ko sa kanila ang konsepto.
Pinaliliwanag ito nang mabuti. Sinasamahan ko
rin sila sa pag-aaral upang sabay-sabay kaming
matuto at walang maiwanan.

5
6
RUBRIK SA PAGGAWA NG GAWAIN
Pamantayan Indikador Puntos Natamong
Puntos
LARAWAN Ang larawan ay nagpapakita ng iba’t ibang 3
kasanayang natutuhan o taglay-taglay.

NILALAMAN Malinaw na naipakita kung paano magagamit 4


ang bawat kasanayan sa larawan upang
makatulong sa iyong kapuwa.
KABUOANG Malinis at maayos ang kabuoang presentasyon 3
PRESENTASYON ng larawan at nilalaman.

Kabuoang Puntos=
*Paalala: HUWAG SAGUTAN ANG RUBRIK. (Ito ay batayan lamang ng guro sa pagbibigay ng puntos para sa gawain.)

VI. Pagsusulit
Panuto: Gumuhit ng masayang mukha (☺) kung ang sitwasyon ay
nagpapakita ng kasanayang nakapagpapakita ng pagtulong sa kapuwa at
gumuhit naman ng malungkot na mukha () kung hindi.
1. Si Henna ay mahusay sa pagluluto ngunit ayaw niyang tulungan
ang kaniyang nakababatang kapatid na si Lenna sa paghahanda ng
kanilang hapunan.

2. Si Yannie ay mahusay magkumpuni ng mga sirang kasangkapan.


Tuwing Sabado at Linggo ay nagboboluntaryo siyang nagbabahagi ng
kaniyang kasanayan at taos-puso niyang tinutulungan ang kaniyang mga
kabarangay.

3. Si Brielle ay mayroong kasanayan at kaalaman sa wastong


pagtatanim, pag-aalaga, at pagpapalaki ng mga halaman. Kaya naman,
nang sumangguni sa kaniya ang kaibigang si Weng, malugod niya itong
ginabayan at tinuruan ng mga tamang hakbang.
4. Si Macky ay mayroong kasanayan sa pagsusulat ng iba’t ibang
uri ng balita na nailalathala sa kanilang school paper. Tuwing Sabado at
Linggo ay pinamumunuan niya ang isang writing workshop upang
makapagsanay rin ang kaniyang mga nakababatang kapatid at mga pinsan
sa larangang ito.
5. Ito ang unang pagkakataon ni Taner na mamuno sa isang grupo
para sa pagpaplano at pagsasakatuparan ng joint school-barangay project
kaya naman humingi siya ng payo sa matalik na kaibigang si Noelis na
aminadong marami ng karanasan sa pagiging pinuno. Hindi naman
nagdalawang-isip si Noelis at masayang ibinahagi niya kay Taner ang
kaniyang mga nalalaman sa pagiging isang mahusay na lider.

7
VII. Pangwakas
Panuto: Magbigay ng sariling kasabihan na may kaugnayan sa iyong
natutuhan mula sa paksang “Iba’t ibang Kasanayan, Maraming Dulot na
Kabutihan.”

Halimbawa:
“Kung lahat ng makakaya mo ay iyong ibinibigay, tiyak na mga kasanayan
mo ay iyong malilinang at mapauunlad, na siyang hahantong sa walang
kapantay mong pagtatagumpay.”

RUBRIK SA PAGGAWA NG GAWAIN


Pamantayan Indikador Puntos Natamong
Puntos
KAWASTOHAN AT Wasto, naaayon, at makatotohanan 5
PAGKAMAKATOTOHANAN ang kasabihang ibinigay ukol sa
paksang “Iba’t ibang Kasanayan,
Maraming Dulot na Kabutihan.”
KAPUPULUTAN NG ARAL Ang kasabihang ibinigay ukol sa 5
paksang “Iba’t ibang Kasanayan,
Maraming Dulot na Kabutihan” ay
kapupulutan ng aral
Kabuuang Puntos=
*Paalala: HUWAG SAGUTAN ANG RUBRIK. (Ito ay batayan lamang ng guro sa pagbibigay ng puntos para sa gawain.)

VIII. Sanggunian
Gacias, Czarina S. (2021). Script- LAS - APR 13PM - HGP 5. Retrieved from
https://drive.google.com/drive/u/0/folders/1vk7B6nz5YZB5K8CBs3PC0jJ
mptR8hqI6?fbclid=IwAR2HBJHGyf1SMBGPcGt2hefwpAdD1ZoI26P2xC1Zk
y8_fs0zNOpQHMA_SW8

You might also like