You are on page 1of 1

Batay sa deskripsyon ng kurso na Paraan at Pamaraan sa Pagtuturo ng Filipino, inaasahan ko

bilang mag-aaral na mas lalo pang mapalawak, mapalalim, at mapaghusay ang aking kaalaman
sa iba’t ibang konsepto ng pagtuturo ng Filipino sa magkakaiba-ibang konteksto at larang na
paglalapatan nito. Mayroon ng mga paunawang kaalaman hinggil sa mga kasanayan na
instrumento sa pagkatuto at pagtuturo ngunit hinahangad kong mas lalo pang mapagtibay ang
pundasyon nito na umaakma sa pangangailangan ng asignaturang Filipino sa ikadalawampu’t
isang siglo at kung ano ang kahaharapin ng Filipino sa hinaharap dahil na rin sa dinamikong
aspeto nito sa lipunan. Ninanais ko rin na magkaroon ng mga alternatibong paraan at pamaraan
sa pagtuturo ng Filipino kasabay ng unti-unting paghina o pagkawala ng asignaturang Filipino sa
iba’t ibang antas ng edukasyon. Higit sa lahat, magkaroon ako ng malinaw nap ag-unawa sa
iba’t- ibang konsepto ng mga paksa nang sa ganoon ay maiaplay ko ito sa hinaharap.

Isang komplikadong hakbangin ang paggamit sa Blackboard LMS sa ngayon. Hindi dahil sa hindi
natin kayang makipagsabayan sa mga bagong teknolohiya ngunit ang kawalan ng parehong
prebilihiyo sa mga kagamitang ito. Maraming salik na kinakailangan isaalang-alang upang
makamit nang lubusan ang layon ng ganitong paraan ng pagkatuto at pagtransmit ng kaalaman
sa mga mag-aaral. Para sa akin, ito itong eksperimental na hakbangin ng sistema ng pagkatuto
at pagtuturo. Magkaganoon pa man, tinitingan ko rin itong oportunidad nang sa ganoon ay
maingat at mapalawak natin ang ating pagkatuto at pagtuturo sa makabangong paraan at
pamaraan ng pagtuturo ng Filipino na sumasabay sa modernisasyon tungo sa makabagong
intelektuwalisasyong Filipino.

Malawak ang konsepto ng salitang pananagutan. Pananagutan sa sarili, pananagutan sa kapwa,


pananagutan sa Diyos, pananagutan sa bayan, at lahat ng pananagutang nangangailangan ng
karampatang responsibilidad. Sa usaping, pagkatuto gamit Blackboard LMS, kaakibat nito ang
gampanin ko na maging masinop sa oras lalo’t may mga partikular na mga pangangailangan na
may kaukulang deadline. Maging responsible sa paggamit ng bagong teknolohiya upang maabot
at matamo ang layunin ng kursong ito.

Sa huli, ang pagtamo sa layunin ng kursong ito ay nangangailangan din ng pagkilala sa sarili. Ang
pagtalima sa kahinaan at kalakasan ay isang instrumento upang mapabuti ng isang tao ang
kanyang sarili. Kaya, ako si MUBARAK M. TAHIR. Nakapagtapos ng kursong Batsilyer ng sining sa
Filipino sa Mindanao State University, Lungsod ng Marawi. Kasalukuyang nagtuturo ng
asignaturang Filipino sa Mindanao State University, Lungsod ng Heneral Santos. Kinahiligan
kong magsulat ng piksyon at sanaysay. Nakapaglathala na rin ng mga akda sa mga pahayagan,
magasin, dyornal, online dyornal, antolohiya, at mga aklat. Noong 2017 ay nagwagi ako sa
timpalak Carlos Palanca Awards for Philippine Literature sa kategorya ng sanaysay sa Filipino.

You might also like