You are on page 1of 19

8

Filipino
Unang Markahan -Modyul 7:
Ang Sanaysay
Subject Area – Baitang Walo
Self-Learning Module (SLM)
Unang Markahan 1 – Modyul 7: Ang Sanaysay
Unang Edisyon, 2020

Isinasaad sa Batas Republika 8293, Seksiyon 176 na: Hindi maaaring magkaroon ng
karapatang-sipi sa anomang akda ang Pamahalaan ng Pilipinas. Gayonpaman, kailangan
muna ang pahintulot ng ahensiya o tanggapan ng pamahalaan na naghanda ng akda kung ito
ay pagkakakitaan. Kabilang sa mga maaaring gawin ng nasabing ahensiya o tanggapan ay
ang pagtakda ng kaukulang bayad.

Ang mga akda (kuwento, seleksiyon, tula, awit, larawan, ngalan ng produkto o brand
name, tatak o trademark, palabas sa telebisiyon, pelikula, atbp.) na ginamit sa modyul na ito
ay nagtataglay ng karapatang-ari ng mga iyon. Pinagsumikapang matunton ang mga ito upang
makuha ang pahintulot sa paggamit ng materyales. Hindi inaangkin ng mga tagapaglathala at
mga may-akda ang karapatang-aring iyon. Ang anomang gamit maliban sa modyul na ito ay
kinakailangan ng pahintulot mula sa mga orihinal na may-akda ng mga ito.

Bumuo sa Pagsusulat ng Modyul

Manunulat: James P. Casa


Editor: Glenda D. Bustamante
Tagasuri: Vivian A. Fontanilla
Tagaguhit: Salvador D. Bacaoco, Jr.
Tagalapat: Rosemarie M. Andol
Cover Art Designer: Reggie D. Galindez
Tagapamahala: Allan G. Farnazo, CESO IV – Regional Director
Fiel Y. Almendra, CESO V – Assistant Regional Director
Leonardo M. Balala, CESE – Schools Division Superintendent
Gilbert B. Barrera – Chief, CLMD
Arturo D. Tingson Jr. – REPS, LRMS
Peter Van C. Ang-ug – REPS, ADM
Leonardo Mission – REPS, Filipino
Ismael M. Ambalgan – CID Chief
Sheryl L. Osano – EPS, LRMS
Josevic F. Hurtada – EPS,Filipino, ADM

Inilimbag sa Pilipinas ng Kagawaran ng Edukasyon – SOCCSKSARGEN Region

Office Address: Regional Center, Brgy. Carpenter Hill, City of Koronadal


Telefax: (083) 2288825/ (083) 2281893
E-mail Address: region12@deped.gov.ph
Paunang Salita
Ang Self-Learning Module o SLM na ito ay maingat na inihanda para
sa ating mag-aaral sa kanilang pag-aaral sa tahanan. Binubuo ito ng iba’t
ibang bahagi na gagabay sa kanila upang maunawaan ang bawat aralin at
malinang ang mga kasanayang itinakda ng kurikulum.
Ang modyul na ito ay may inilaang Gabay sa Guro/Tagapagdaloy na
naglalaman ng mga paalala, pantulong o estratehiyang magagamit ng mga
magulang o kung sinumang gagabay at tutulong sa pag-aaral ng mga mag-
aaral sa kani-kanilang tahanan.
Ito ay may kalakip na paunang pagsusulit upang masukat ang
nalalaman ng mag-aaral na may kinalaman sa inihandang aralin. Ito ang
magsasabi kung kailangan niya ng ibayong tulong mula sa tagapagdaloy o sa
guro. Mayroon ding pagsusulit sa bawat pagtatapos ng aralin upang masukat
naman ang natutuhan. May susi ng pagwawasto upang makita kung tama o
mali ang mga sagot sa bawat gawain at pagsusulit. Inaasahan namin na
magiging matapat ang bawat isa sa paggamit nito.
Pinapaalalahanan din ang mga mag-aaral na ingatan ang SLM na ito
upang magamit pa ng ibang mangangailangan. Huwag susulatan o
mamarkahan ang anomang bahagi ng modyul. Gumamit lamang ng hiwalay
na papel sa pagsagot sa mga pagsasanay.
Hinihikayat ang mga mag-aaral na makipag-ugnayan agad sa kanilang
guro kung sila ay makararanas ng suliranin sa pag-unawa sa mga aralin at
paggamit ng SLM na ito.
Sa pamamagitan ng modyul na ito at sa tulong ng ating mga
tagapagdaloy, umaasa kami na matututo ang ating mag-aaral kahit wala sila
sa paaralan.

ii
Alamin

Kumusta na? Handa ka na ba sa panibagong aralin na ating


lalakbayin sa modyul na ito? Sa nakaraang aralin, natutunan mo
ang iba’t ibang salitang naghuhudyat ng sanhi at bunga. Ang inyong natutunan ay
maaaring isang pangunahing pangangailangan upang makabuo ka ng isang sulating
tinatawag na Sanaysay.
Naranasan mo na bang ipagtanggol ang iyong panig sa isang pinagtatalunang
paksa? Paano mo naman nakumbinsi ang iyong kaklase sa ginawang proyekto?
Naipahayag mo ba ang iyong saloobin hinggil sa isang sitwasyon?
Sa araling ito, tatalakayin ang isang uri ng panitikang tuluyan, ang Sanaysay.
Matatalakay natin ang sanaysay, bahagi ng sanaysay, uri ng sanaysay, at
makabubuo ng isang sanaysay na ang paksa ay batay sa pambansang isyu.
Tatalakayin din ang gramatika na kung saan ay magpopokus sa mga ekspresyon o
hudyat na mga salita para sa pagbabahagi ng opinyon o pananaw hinggil sa isang
pambansang isyu.
Kaya sasamahan kita kayo sa iyong paglalakbay sa mundo at hiwaga ng sanaysay.

Mga Layunin
1. Nakikilala ang kaligirang impormasyon hinggil sa sanaysay
2. Natutukoy ang pagkakaiba ng katotohanan at opinyon
3. Nagagamit ang angkop na mga ekspresyon sa pagbabahagi ng opinyon o
pananaw hinggil sa napapanahong isyu.

Kasanayang Pampagkatuto
Naibabahagi mo na ang iyong opinyon o pananaw batay sa napakinggang paguulat
(F8PN-Ii-j-23)

1
Subukin
Bago natin tuklasin ang misteryo ng sanaysay, susubukin natin ang
iyong kaalaman sa araling ito.
I. Isulat ang titik ng tamang sagot sa iyong sagutang papel.
1. Ito ay ang akdang tuluyang naglalahad ng opinyon, pananaw, palagay, kuro-kuro
tungkol sa isang paksa.
a. maikling kuwento b. sanaysay c. tula d. dula
2. Tinatawag ding impersonal ang ganitong uri ng sanaysay. Siksik sa mga
mahahalagang impormasyon sa lohikal na pagkakaayos ng kaisipan tungo sa
ikalilinaw ng paksa.
a. pormal b. di-pormal c. tuluyan d. patula
3. Sa pagbuo/pagsulat ng sanaysay, ano ang katangiang dapat taglayin ng isang
mananalaysay?
a. maalam sa paksang kaniyang isinusulat
b. maraming kakilalang tanyag na manunulat
c. may sariling kakayahan sa pagbuo ng isang maanyo at palagayan ng sulatin
d. may kaalaman sa mga matalinghaga at matayutay na pananalita
4. Masasabing katotohanan ang isang pahayag kung ______________.
a. sinusuportahan ng pinagkunan c. nagbabago at maaaring mapasubalian
b. saloobin o damdamin d. batay sa obserbasyon
5. Lahat ay katangian ng pantulong na kaisipan maliban sa isa.
a. mga detalye na gagabay sa mga mambabasa upang maunawaan ang nilalaman
ng talata
b. ito ang bumubuhay sa esensya ng pangunahing ideya
c. tumutulong upang mas mapalitaw ang pangunahing kaisipan
d. diwa ng buong talata
6. Uri ito ng sanaysay na may layuning sanaysay ay libangin ang mambabasa, ang
pananalita ay parang usapan lamang ng magkakaibigan at pumapanig sa damdamin
ng mambabasa.
a. pormal b. di-pormal c. tuluyan d. patula
7. Bahagi ng sanaysay na ipinaliliwanag o pinatutunayan ang paksa.
a. simula b. gitna c. wakas d. tunggalian
8. Alin ang hindi kabilang sa halimbawa ng sanaysay?
a. talumpati b. debate c. alamat d. editoryal
9. Dito inilalahad ang paglalagom o kongklusyon na madalas ay naglalaman ng
pagbubuod ng paksa o maaaring mag-iwan ng mapanghamong tanong sa
bumabasa.
a. simula b. gitna c. wakas d. tunggalian
10. Ang bahagi ng sanaysay na humihikayat sa mambabasa na ituloy ang pagbabasa
ng akda.
a. simula b. gitna c. wakas d. tunggalian
II. Tukuyin ang mga pangungusap kung Katotohanan o Opinyon. Isulat sa inyong
sagutang papel.
11. Ang sobrang lapit na panonood sa telebisyon ay nakasisira ng mata.
12. Mas maganda laruin ang Mobile Legends kaysa DOTA.
13. Gusto ko ang tinapay na binebenta sa tindahan.
14. Isa sa kailangan ng ating katawan para panlaban sa COVID-19 ay bitamina C.

2
15. Wala pa ring makatatalo sa sarap ng softdrinks.

Aralin

7 Ang Sanaysay

Balikan

Sa nakaraang aralin, tinalakay ang tungkol sa paggamit ng mga hudyat na


salita sa pagbuo ng sanhi at bunga. Bago ka pumalaot sa susunod na aralin, sagutin
mo muna ang gawain sa ibaba.

Konsepto Kahulugan

Maikling Kuwento

Sanhi

Bunga

Tuklasin

Gawain I. Upang mabuo ang kahulugan ng sanaysay, ayusin ang mga nakakahong
salita o parirala. Isulat sa sagutang papel.

3
opinyon isang panitikang tuluyan na

tungkol sa Sanaysay nagpapahayag ng


kuro-kuro

isang isyu o pananaw

Gawain II. Suriin ang mga larawan. Sumulat sa sagutang papel ng tatlong reaksiyon
na may kaugnayan sa mga larawan sa ibaba.

1. 2.

Gawain III-A. Basahin at unawain ang sanaysay.

Ang Pag-Ibig
ni Emilio Jacinto
Ika-6 na paksa sa mahabang sanaysay na Liwanag at Dilim

Sa lahat ng damdamin ng puso ng tao ay wala ngang mahal at dakila na gaya


ng pag-ibig.
Ang katwiran, ang katotohanan, ang kabutihan, ang kagandahan, ang
Maykapal, ang kapwa tao ay siya lamang na mangyayaring maging sanhi ng pagibig,
siya lamang ang makapagpapabukal sa loob ng tunay at banal na pag-ibig. Kung
ang masama at di matwid ay ninasa rin ng loob ay hindi ang pag-ibig ang may udyok
kundi ang kapalaluan at ang kayamuan.
Kung ang pag-ibig ay wala, ang mga Bayan ay dili magtatagal, at
kapagkarakang mapapawi sa balat ng lupa ang lahat ng pagkakapisan at
pagkakaisa, at ang kabuhayan ay matutulad sa isang dahon ng kahoy na niluoy ng
init at tinangay ng hanging mabilis.
Ang pag-ibig, wala na kundi ang pag-ibig, ang makaaakay sa tao sa mga
darakilang gawa sukdang ikawala ng buhay sampung kaginhawahan.
Ngunit ang kadayaan at katampalasanan ay nag-aanyong pag-ibig din kung
minsan, at kung magkagayon na ay libo-libong mararawal na pakikinabang ang
nakakapalit ng kapatak na pagkakawanggawa, na nagiging tabing pa mandin ng
kalupitan at masakim na pag-iimbot. Sa aba ng mga bulag na isip na nararahuyo sa
ganitong pag-ibig!

4
Ang pag-ibig, wala na kundi ang pag-ibig, ang tanging binabalungan ng
matatamis na alaala ng nagdaan na at ng pag-asa naman sa darating. Sa malawak
na dagat ng ating kahirapan at kadustaan, ang pag-ibig ay siyang nagiging dahil
lamang kung kaya natin minamahal pa ang buhay.
Kung ang magulang ay walang pag-ibig sa anak, sino ang magbabatang
magiiwi ng kasanggulan? At mabubuhay kaya naman ang mga anak sa sarili nila
lamang? Kung ang mga anak kaya naman ay walang pag-ibig sa magulang, sino ang
magiging alalay at tungkod ng katandaan? Ang kamatayan ay lalong matamis pa sa
buhay ng matanda na nangangatal ang tuhod at nanlalabo ang mga pagod na mata
ay walang malingapang makapag-aakay at makaaaliw sa kanyang kahinaan.
Ang pagkaawa sa ating mga kapwa na inilugmok ng sawing kapalaran
hanggang sa tayo’y mahikayat na sila’y bahaginan ng ating kamuntik na kaluwagan;
ang pagtatangkakal sa naaapi hanggang sa damayan ng panganib at buhay; ang
pagkakawanggawa na lahat kung tunay na umusbong sa puso – alin ang
pinagbuhatan kundi ang pag-ibig?
Ang tunay na pag-ibig ay walang ibinubunga kundi ang tunay na ligaya at
kaginhawahan. Kailan pa ma’t sapin-sapin ang dagan ng pinapasan ng Bayang lipos
sa kadukhaan at lungkot ay dahil ang tunay na pag-ibig ay di siyang naghahari
kundi ang taksil na pita sa yama’t bulaang karangalan.
Sa aba ng mga Bayang hindi pinamamahayan ng wagas at matinding pagibig!
Sa pag-ibig nunukal ang kinakailangang pagdadamayan at pagkakaisang
nagbibigay ng di-maulatang lakas, maging sa pag-aabuluyan at pagtutulungan ng
isa’t isa, maging sa pagsasanggalang ng mga banal na matwid ng kalahatan.
Sa aba ng mga Bayang hindi pinamamahayan ng pag-ibig at binubulag ng
hamak na pagsasarili! Ang masasama ay walang ibang ninanasa kundi ang ganitong
kalagayan, at inuululan pa’t pinapasukan ng mga pagkakait, kaguluhan,
pagtataniman, at pagpapatayan, sapagkat kinakailangan ng kanilang kasamaan na
ang Anak ng Bayan ay magkabukod-bukod upang kung mahina na’t dukha sa mga
pag-iiringan ay makapagpasasa sila sa kanyang kahinaan at kadukhaan.
O, sino ang makapagsasaysay ng mga himalang gawa ng pag-ibig?
Ang pagkakaisa na siya niyang kauna-unahang nagiging bunga ay siyang
lakas at kabuhayan; at kung nagkakaisa na’t nag-iibigan, ang lalong malalaking
hirap ay magaang pasanin at ang munting ligaya’y nilalasap na malaki. Kung bakit
nangyayari ang ganito ay di matatalos ng mga pusong hindi nagdadamdam ng tunay
na pag-ibig sa kapwa.
At upang mapagkilalang magaling na ang pag-ibig ay siya ngang susi at mutya
ng kapayapaan at ligaya, ikaw na bumabasa nitong magugulong talata:
Mapagnanakawan mo kaya, mapagdadayaan o matatampalasan ang iyong ina’t mga
kapatid? Hindi nga, sapagkat sila’y iyong iniibig, at bagkus pang dadamayan ng dugo
at sampu ng buhay kung sila’y makikitang inaapi ng iba.
Gayon din naman kung ang lahat ng mag-iibigan at magpapalagayang tunay
na magkakapatid. Mawawala ang mga pag-aapihan, ang lahat ng nagbibigay ng
madlang pasakit at di-mabatang mga kapaitan.
Kung ang pag-ibig sa kapwa ay wala, nilulunod ng malabis na pagsasarili ang
magagandang akala. Ang mga tapat na nais at ang tinatawag na marunong ay ang
mabuting magparaan upang magtamasa sa dagta ng iba; at ang tinatawag na hangal
ay ang marunong dumamay sa kapighatian at pagkaapi ng kanyang mga kapatid.

5
Maling mga isip at ligaw na loob ang nananambitan hinggil sa mga hirap ng
tao na inaakalang walang katapusan! Sukat ang mamahay at manariwang muli sa
mga puso ang wagas na pag-ibig sa kapwa at ang tinatawag na bayan ng hinagpis
ay matutulad sa tunay na paraiso.
(Kinuha mula https://akdaniemiliojacinto.blogspot.com/2008)

Gawain III-B. Paglinang ng Talasalitaan. Gamitin ang sumusunod na mga parirala


sa mabisang pangungusap. Isulat sa inyong sagutang papel

1. makapagpapabukal sa loob
2. kapagkarakang mapapawi
3. sukdang ikawala ng buhay
4. bulag na isip
5. kahirapan at kadustaan

Gawain III-C. Pag-unawa sa Binasa. Sagutin sa sanayang papel ang mga


sumusunod na mga katanungan.

1. Tungkol saan ang binasang sanaysay?


2. Ano ang tunay na pag-ibig ayon kay Emilio Jacinto?
3. Ayon sa kanya, bakit ang mga bayan ay di magtatagal kung walang pag-ibig?
4. Anong hiwaga ang dinudulot ng pag-ibig sa ating buhay?
5. Bilang isang mag-aaral o kabataan, paano mo ipakita ang pag-ibig sa bayan?
6. Sa iyong palagay, naipakita ba ng mga kabataan ang pag-ibig sa bayan?
Pangatwiranan.

Suriin

Ang sanaysay ay isang maanyong uri ng paglalahad (pagpapakita) na pasulat


na pagpapahayag ng mga kuro-kuro at palagay ng isang tao tungkol sa isang paksa.
Kahit ito’y maiksi o mahaba, kailangang ito’y ilahad nang maliwanag at kawili-wili.
(Mercene et al., 2009)
Ayon kay Alejandro G. Abadilla, ang salitang sanaysay ay nagmula sa mga
salitang “sanay” at “salaysay” sa madaling salita, tinutukoy nito ang “pagsasalaysay ng
isang sanay” o “sanay sa pagsasalaysay”.

6
Uri ng Sanaysay

1. Pormal na Sanaysay
➢ Sa paraang ito, kailangan ang maingat, maayos at mabisa ang
paglalahad. Pinakapipiling mabuti ang pangungusap at ang paksa ay
di-pangkaraniwan.

Isang dalub -isip ang nagsasabing ang tanging kasalanang maaaring


magawa ng tao sa ibabaw ng daigdig ay ang huwag matutong tumanaw ng utang
na loob. Aniya pa’y maaaring ipagpatawad o makatagpo ng pagpapaubaya sa
puso ng tao ang lahat ng mga kasalanan ay hindi dapat ipagpatawad. Sa
tinurang iyon ng palaisip ay mahihinuha na natin kung gaano ang kahalagahan
ng pag-aangkin ng katangiang matutong tumanaw ng utang na loob.

Bahagi ng Pagtanaw ng Utang na loob ni


Manuel Principe Bautista

Ating mapapansin sa sipi ng isang sanaysay sa itaas, gumagamit ng isang


karaniwang salita na siyang madaling intindihin ng mambabasa.

…ang nagsasabing ang tanging kasalanang maaaring magawa ng tao sa

ibabaw ng daigdig ay ang huwag matutong tumanaw ng utang na loob.

Ang bahaging ito, seryoso ang mananalaysay (tawag sa manunulat ng sanaysay) sa


paglalahad ng kaniyang paksa na hindi gumagamit ng paraang pabiro at ang
kaniyang paraan ng pagtalakay ay nasa pangatlong panauhan. Obhektibo at hindi
kumikiling sa damdamin ng may-akda ang ganitong uri ng sanaysay. Nagpapakita
rin ito ng siksik o maraming impormasyon. Kung kaya ang tono nito ay pang-
intelektuwal.

2. Di-pormal na Sanaysay
➢ Ang di-pormal na sanaysay ay may paksang kawili-wili. Ito’y
ipinahahayag sa paraang nakikipag-usap, masigla, mapagpatawa
ngunit kakikitaan ng magandang kalooban kaya’t napapalapit sa
mambabasa. Malayang pamamaraan ang ginagamit dito.

Tingnan mo naman ang mga namimili sa Rustan’s “A Miss… may I see


that one? Ah, English speakin, Pilipino iyan. “Is this imported?” tatak ni Pierre
Cardin, Christian Dior, Gucci at YSL na ang ibig daw sabihin ay “yari sa Laguna” . Sa
mga pabango ang type ay Nina Ricci, Faberge, Jean Patou at iba’t iba pa. Sa mga
cosmetics Max Factor, Revlon, Pias, at kung ano -ano pa. Samantalang mayroon
din tayong mga katulad ng mga ito.

(Sipi mula sa Filipino Raw ni Juanito E. Nazareno)

7
Ang paraan ng paglalahad ng mananalaysay sa kaniyang paksa ay gumagamit
ng isang paraan ng dayalogo o pakikipag-usap ng mga karakter na siyang dahilan
kung bakit ang isang sanaysay ay buhay. Gumagamit ng paguusap na Tagalog-Ingles
bilang kumbensiyon ng pakikipagkomunikasyon. May bahagi rin na upang
mahikayat ang mambabasa ay nagpapatawa ito. (Pansinin ang may salungguhit sa
loob ng teksto.)

Sa puntong ito, masasabi na ang isang di-pormal na sanaysay ay may


kalayaan sa paraan ng pagtalakay ng paksa, maaaring pabiro na siyang kasalungat
ng pormal na sanaysay. Subhektibo ang pananaw ng mananalaysay dahil mas
nangingibabaw ang sariling damdamin nito sa paglalahad.

Bahagi ng Sanaysay

Simula. Ito ay tinatawag din na introduksyon. Sa bahaging ito, ipinapakita ang


pambungad at ang paksa ng sanaysay. Dito inilalagay ang tesis na pahayag na
siyang balangkas ng kabuuang paksa. Makikita rin dito kung ano ang panig na
pinagtatanggol ng mananalaysay. Mahalagang bahagi ito ng sanaysay dahil dito
nakasalalay ang pagpapatuloy ng pagbabasa. Ilan din sa paraan ng mabisang
panimula ay sa pamamagitan ng pagkukuwento, paghahambing, isang
makatawagpansing pangungusap o salita na siyang makahikayat sa mambabasa.

Gitna.Ito ay tinatawag na katawan ng sanaysay. Binubuo ng mga talatang


tumatalakay sa impormasyon ng paksa. Kinapapalooban ng pangunahin at
pantulong na mga detalyeng maayos na inilatag. Kinakailangang organisado, maayos,
at may tamang pagkasunod-sunod upang malinaw na maipaliwanag ang paksa.

Wakas. Ito ay tinatawag din kongklusyon. Dito nakapaloob ang pangkalahatang


palagay o pasya tungkol sa paksa base sa mga katibayan at katuwirang inisa-isa sa
bahaging gitna. Ito ay dapat kasing-epektibo ng inyong panimula. Ilan sa paraan ng
pagwawakas nito ay maaaring patanong, pagbubuod, panghihikayat at paghahamon
sa mambabasa.

Ang nilalaman ng sanaysay ay kapapalooban ng katotohanan at opinyon. Ngayon


ay ibabahagi natin ang pagkakaiba ng katotohanan at opinyon.

Katotohanan Opinyon
paktuwal na kaisipan pahayag ng tao hinggil sa paksang
pinag-uusapan
pahayag na napatunayan na batay sa kaniyang paniniwala at
prinsipyo
totoong naganap (pangyayari) haka-haka lamang
may dokumentong nagpapatibay sariling pananaw

8
napatunayan nang totoo ng mga maaaring sumang-ayon o tumutol
dalubhasa
tanggap ng lahat na totoo at hindi hindi pa ganap na napapatunayan
mapapasubalian
sinusuportahan ng pinagkunan o may hindi kailangang paniwalaan agad
reperensiya
Halimbawa
1. Ang ating pambansang bayani ay si 1. Hindi kagandahan ang suot na
Jose Rizal. damit ni Sarah.
2. Ang paninigarilyo ay nagdudulot ng 2. Pinakamagandang libangan ay ang
maraming sakit. maglaro ng computer games.
3. Masama sa kalusugan ng tao ang 3. Pinakamasarap na prutas ang ubas.
pag-inom ng coke.
Mga Espresyong ginagamit

ayon sa … sa paniniwala ko …
batay sa … sa aking pananaw…
sang-ayon sa … sa tingin ko/ ni/ ng/ ng mga …
alinsunod sa … pinaniniwalaan ko/ niya/ ng …
ayon kay … palagay ko …
mula sa mga datos … sa ganang akin, sa tingin, akala,
palagay ko …
ang mga patunay na aking nakalap inaakala, iniisip …
napatunayang mabisa …

Bakit mahalagang malaman ang pagkakaiba ng opinyon at katotohanan? Una ay


higit na mauunawaan ang teksto. Pangalawa ay maiiwasan ang hindi
pagkakaunawaan. At panghuli, maiiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon.

9
Pagyamanin

Natapos na natin ang talakayan tungkol sa sanaysay. Sa bahaging ito,


kinakailangan nating mahasa pa ang kaalaman upang lubos na maintindihan at
mas mananatili sa isipan ang araling tinalakay.

Gawain I-A. Basahin at unawain ang sanaysay.

Filipino Raw
ni Juanito E. Nazareno
(Mula sa Sining ng Pakikipagtalastasan Pangkolehiyo – Bagong Edisyon, 2009)

Pilipino ka nga ba o banyagang naligaw sa lupaing ito? Nakapagtataka at


nakaiinis ngunit totoo na tayong Pilipino ay ayaw ng tatak Pilipino. Bakya raw,
walang class, pang mahirap daw ang yaring Pilipino. Lahat ng bagay na yari o gawa
dito ayaw natin. At ano ang gusto natin, magmukhang estranghero sa lupaing ito?
at iyan nga ang totoo, hindi mo ba napapansin?
Tingnan mo na lamang ang karamihan ng mga taong gumagala sa Makati
Commercial Center, Iba't ibang mga kulay ng buhok, may maputi, may mapula, may
kape, at kung anu-ano pa. Mga Pilipino ba iyan? Huwag mo nang itanong Tingnan
mo naman ang mga namimili sa Rustan's "A Miss... may I see that one? Ah, English
speaking, Pilipino iyan. "is this imported?” Ganyan ang Pilipino, laging tinatanong
kung imported. Nais niya ang tatak ni Pierre Cardin, Christian Dior, Gucci at YSL na
ang ibig daw sabihin ay "yari sa Laguna". Sa mga pabango ang type ay Nina Ricci,
Faberge, Jean Patou at iba't iba pa. Sa mga cosmetics Max Factor, Revlon, Pias, at
kung ano-ano pa. Samantalang mayroon din tayong mga katulad ng mga ito.
Naalala ko tuloy ang isang pangyayaring naganap sa isang hotel sa Makati.
May mga bisitang banyaga ang isang negosyanteng Pilipino at sila'y kumakain sa
restawran ng nasabing Hotel. Tinawag ng Pilipino ang waiter at ang sabi, "Waiter
give me a pack of cigarettes", What brand sir?", "Any brand as long as it is imported".
Nang tinanong ang bisitang banyaga kung ano ang gusto niyang sigarilyo, ang tugon
nito. "I want your local Alhambra cigar, it's the best I ever had." Mabuti pa ang
banyaga, nagugustuhan ang sariling atin. Pero tayong mga Pilipino, anong masasabi
mo? Huwag mo nang sagutin.
Pati sa pagkain hindi mo ba napapansin ayaw na natin ngayon ng goto, puto't
dinuguan, bibingka at ano ang mga gusto natin ngayon? Hindi ba pizza pie,
hamburger, spaghetti at ice cream? Puro banyaga ano? Ganyan tayong mga Pilipino.
Banyaga sa sariling bayan. Paano tayong uunlad at paano natin matutulungan ang
mga industriyang Pilipino kung hindi natin tatangkilikin at itataguyod ang sariling
atin? Siguro oras na para magbago tayo. "Ah, wait", heto na palang snack ko,
spaghetti, pizza pie and coke".

10
Gawain I-B. Suriin ang bahagi ng sanaysay na Filipino Raw ni Juanito E. Nazareno,
kopyahin at gamitin ang graphic organizer sa ibaba. Gawin ito sa sagutang papel.

Bahagi ng Sanaysay na “Filipino Raw”

Pamagat

Simula

Katawan

Wakas

Gawain II. Sagutin ang sumusunod. Isulat sa sagutang papel.

1. Tungkol saan ang binasang sanaysay?


2. Ano ang dahilan ng pagkahilig ng mga kabataan sa mga bagay na imported?
3. Sino ang dapat sisihin sa pagkakaroon ng ganitong pag-uugali?
4. Sa iyong palagay, paano malulutas ito?
5. Anong uri ng sanaysay ang binasang teksto? Pangatuwiranan.

Gawain III. Mula sa binasang teksto sa “Filipino Raw”, tukuyin ang mga pahayag
na nagpapakita ng katotohanan at opinyon. Kopyahin at ilagay sa speech bubble.

“Filipino Raw”
Katotohanan Opinyon

11
Isaisip

Upang hindi mo makalimutan ang ating naging aralin, punan mo


ang patlang ng tamang salita para mabuo ang pangungusap na nasa
talata. Isulat sa inyong sagutang papel.
Ang ___(1)___ ay isang uri ng sulatin na nagbibigay-reaksiyon o opinyon hinggil sa
isang napapanahong paksa. Karaniwang halimbawa nito ay editoryal na nababasa
sa diyaryo, mga talumpati at debate. May tatlong bahagi ito, ang simula, gitna at
wakas. Sa ___(2)___, makikita ang pagpapakilala sa paksa o di-kaya’y hihikayatin
ang mambabasa. Tinatawag din itong introduksiyon. Ang bahagi naman kung saan
nagbibigay-impormasyon tungkol sa paksa ay ____(3)____. At ang ____(4)____ naman
ay nagbibigay ng kongklusyon mula sa binigay na impormasyon. Ang nilalaman ng
sanaysay ay dapat magtataglay ng datos. Ang ___(5)___ na kung saan ito ay pahayag
ng isang tao batay sa kaniyang pinaniniwalaan at ito ay haka-haka lamang.
Samantala, ang ___(6)___ ay nakabatay sa paktuwal na kaisipan at napatunayan sa
pamamagitan ng mga dokumentong may ebidensiya at ang pahayag ay nagmula sa
isang dalubhasa o eksperto.

Isagawa

Pagsulat ng sanaysay. Bumuo ng isang maikling sanaysay na mayroong


tatlong talata na may tiglilimang pangungusap. Isaalang-alang ang tatlong bahagi
ng sanaysay. Isulat ito sa short bond paper. Narito ang pagpipiliang paksa.

1. Kabataang Pilipino sa ika-21 siglo 3. Kabataan sa gitna ng pandemiya


2. Ang turismo sa lugar. 4. Media at teknolohiya sa edukasyon

12
Rubric sa Pagsulat ng Sanaysay

Nangangailangan pa
Magaling (10 Katamtaman ng higit na
puntos) (8 puntos) pagsasanay
(6 puntos)
Pamagat May higit na Makatawag pansing Hindi gaanong
makatawag-pansing pamagat. makatawag-pansing
pamagat. pamagat.

Nilalaman Naipapakita ang higit Naipakikita ang Hindi gaanong


na kakayahan sa kakayahan sa naipakikita ang
pagsulat sa pagsulat sa kakayahan sa
pamamagitan ng pamamagitan ng pagsulat.
napakamakabuluhang may kabuluhang
ideyang nakapaloob ideyang nakapaloob
sa sanaysay. sa sanaysay.

Opinyon at Higit na Isinaalang-alang ang Hindi


Katotohanan isinaalangalang ang paggamit ng isinaalangalang ang
paggamit mga hudyat na paggamit
ng mga hudyat na salita sa ng mga hudyat na
salita sa pagbibigayreaksiyon. salita sa
pagbibigayreaksiyon. pagbibigayreaksiyon.

Gramatika Higit na Naipamamalas ang Hindi gaanong


naipamamalas ang kasanayan sa naipamamalas ang
kasanayan sa paggamit ng angkop kasanayan sa
paggamit ng angkop na salita, bantas at paggamit ng angkop
na salita, bantas at pagbubuklod ng na salita, bantas at
pagbubuklod ng mga mga ideya. pagbubuklod ng mga
ideya. ideya.

Tayahin

I. Basahin at unawain nang mabuti ang mga tanong. Piliin at isulat ang titik ng
tamang sagot sa inyong sagutang papel.
1. Ito ay akdang tuluyan na naglalahad ng opinyon, pananaw, palagay, kurokuro
tungkol sa isang paksa.
a. maikling kuwento b. sanaysay c. tula d. dula
2. Ang mga sumusunod ay katangian ng pantulong na kaisipan maliban sa ___.
a. mga detalye na gagabay sa mga mambabasa upang maunawaan ang
nilalaman ng talata
b. ito ang bumubuhay sa esensya ng pangunahing ideya

13
c. tumutulong upang mas mapalitaw ang pangunahing kaisipan
d. diwa ng buong talata
3. Sa pagbuo/pagsulat ng sanaysay, ano ang katangiang dapat taglayin ng isang
mananalaysay.
a. maraming kakilalang tanyag na manunulat
b. maalam sa paksang kaniyang isinusulat
c. may sariling kakayahan sa pagbuo ng isang maanyo at palagayan ng sulatin
d. May kaalaman sa mga matalinghaga at matayutay na pananalita
4. Tinatawag na impersonal ang ganitong uri ng sanaysay at ito ay may siksik
ding mahahalagang impormasyon sa lohikal na pagkakaayos ng kaisipan tungo
sa ikalilinaw ng paksa.
a. pormal b. di-pormal c. tuluyan d. patula
5. Masasabing makatotohanan ang isang pahayag kung ___________.
a. sinusuportahan ng pinagkunan c. nagbabago at maaaring mapasubalian
b. saloobin o damdamin d. batay sa obserbasyon
6. Ang layunin ng sanaysay na ito ay libangin ang mambabasa, ang pananalita
ay parang usapan lamang ng magkakaibigan at pumapanig sa damdamin ng
mambabasa.
a. pormal b. patula c. tuluyan d. di-pormal
7. Ang bahagi ng sanaysay na mahihikayat ang mambabasa. Maaaring sa
pamamagitan ng pagtatanong o pagsasalaysay. Karaniwang tinatawag na
introduksiyon.
a. simula b. gitna c. wakas d. tunggalian
8. Sa bahaging ito ng sanaysay, ipinaliliwanag o pinatutunayan ang paksa.
a. simula b. gitna c. wakas d. tunggalian
9. Isa sa mga halimbawa ng sanaysay ay _____________.
a. tula b. maikling kuwento c. dula d. talumpati
10. Dito inilalahad ang paglalagom o kongklusyon na madalas ay naglalaman ng
pagbubuod ng paksa o maaaring mag-iwan ng mapanghamong tanong sa
mababasa.
a. simula b. gitna c. wakas d. tunggalian

II. Tukuyin kung ang sumusunod ay katotohanan o opinyon. Ilagay sa sagutang


papel ang K kung katotohanan at O kung opinyon.

11. Mas masarap ang mga prutas kaysa gulay.


12. Ang sobrang pag-inom ng softdrinks ay masama sa kalusugan
13. Ang mga taong naninigarilyo ay masasama.
14. Napakaganda ng kaniyang kapatid na babae.
15. Nakakahawa ang COVID-19 sa pamamagitan ng pagtalsik ng laway sa mukha
o ilong ng tao.

14
Susi sa Pagwawasto

Sanggunian
Principe-Mercene, Felisa, Zenaida Sunga-de Leon, William Gonzales Cabaysa. Sining
ng Pangkolehiyo. Mandaluyong City: National Book Store, 2009.

Liwanag at Dilim, 2008, www.akdaniemiliojacinto.blogspot.com

15
PAHATID-LIHAM
Ang Sariling Pagkatutong Modyul na ito ay nilinang ng Kagawaran ng
Edukasyon, Rehiyong SOCCSKSARGEN na may pangunahing layunin na
ihanda at tugunan ang pangangailangan sa bagong normal. Ang nilalaman
ng modyul na ito ay batay sa Most Essential Learning Competencies (MELC)
ng Kagawaran ng Edukasyon. Ito ay pantulong na kagamitan na gagamitin
ng bawat mag-aaral sa pampublikong paaralan ng Rehiyon XII simula sa
taong panuruan 2020-2021. Ang proseso ng paglinang ay sinunod sa
paglimbag ng modyul na ito. Ito ay Bersyong 1.0. Malugod naming hinihikayat
ang pagbibigay ng puna, komento at rekomendasyon.

Para sa mga katanungan o puna, sumulat o tumawag sa:

Department of Education – SOCCSKSARGEN


Learning Resource Management System (LRMS)

Regional Center, Brgy. Carpenter Hill, City of Koronadal

Telefax No.: (083) 2288825/ (083) 2281893

Email Address: region12@deped.gov.ph

You might also like